Tanging si Cristo ng mga Huling Araw ang Makapagbibigay sa Tao ng Daan ng Buhay na Walang Hanggan

Ang daan ng buhay ay hindi isang bagay na maaaring taglayin ng sinumang tao, hindi rin ito isang bagay na madaling matamo ng bawat tao. Ito ay sapagkat ang buhay ay maaari lamang magmula sa Diyos, ibig sabihin, tanging ang Diyos Mismo ang nagtataglay ng diwa ng buhay, at tanging ang Diyos Mismo ang may daan ng buhay. Kaya tanging ang Diyos ang pinagmumulan ng buhay, at ang patuloy na umaagos na bukal ng buhay na tubig ng buhay. Magmula noong paglikha ng mundo, marami nang nagawang gawain ang Diyos na nagtataglay ng kasiglahan ng buhay, marami na Siyang nagawang gawain na nagbibigay-buhay sa tao, at nagbayad Siya ng malaking halaga na nagbibigay-kakayahan sa tao na magkamit ng buhay. Ito ay sapagkat ang Diyos Mismo ang buhay na walang hanggan, at ang Diyos Mismo ang daan upang muling mabuhay ang tao. Hindi kailanman nawawala ang Diyos sa puso ng tao, at Siya ay namumuhay sa gitna ng mga tao sa lahat ng oras. Siya ang puwersang nagpapakilos sa pamumuhay ng tao, ang ugat ng pananatiling buhay ng tao, at isa Siyang mayamang mapagkukunan para sa pananatiling buhay ng tao pagkatapos maisilang. Binibigyang-kakayahan Niya ang mga tao na muling maisilang, at binibigyang-kakayahan Niya sila na mamuhay nang matatag sa sarili nilang indibidwal na papel. Sa pamamagitan ng pagsandig sa Kanyang kapangyarihan at sa Kanyang di-mapapawing puwersa ng buhay, nabuhay ang tao sa sunud-sunod na mga salinlahi, habang ang kapangyarihan ng buhay ng Diyos ay palaging nagbibigay ng suporta sa gitna ng mga tao, at nagbayad ang Diyos ng halagang hindi pa kailanman nabayaran ng isang ordinaryong tao. Kayang manaig ang puwersa ng buhay ng Diyos sa anumang kapangyarihan; bukod pa rito, humihigit ito sa alinmang kapangyarihan. Walang hanggan ang Kanyang buhay, pambihira ang Kanyang kapangyarihan, at hindi magagapi ng anumang nilikha o puwersa ng kaaway ang puwersa ng Kanyang buhay. Umiiral at nagniningning ang puwersa ng buhay ng Diyos nang may makinang na liwanag anuman ang oras o lugar. Maaaring sumailalim sa napakalalaking pagbabago ang langit at lupa, ngunit ang buhay ng Diyos ay hindi nagbabago magpakailanman. Maaaring lumipas ang lahat ng bagay, ngunit iiral pa rin ang buhay ng Diyos. Ito ay dahil ang Diyos ang pinagmumulan ng pananatiling buhay ng lahat ng bagay, at ang ugat na sinasandigan ng lahat ng bagay para sa pananatiling buhay. Ang buhay ng tao ay nagmumula sa Diyos, umiiral ang langit dahil sa Diyos, at nag-uugat din sa kapangyarihan ng buhay ng Diyos ang pananatili ng lupa. Walang bagay na may buhay ang makalalampas sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, at walang bagay na may sigla ang makatatakas sa saklaw ng awtoridad ng Diyos. Sa ganitong paraan, maging sino man sila, dapat magpasailalim ang lahat ng tao sa kapamahalaan ng Diyos, dapat mamuhay ang lahat ng tao sa ilalim ng pamamahala ng Diyos, at wala sa kanila ang makatatakas mula sa Kanyang mga kamay.

Marahil ngayon ay ninanais mong magkamit ng buhay, o marahil ninanais mong makamit ang katotohanan. Anuman ang kalagayan, nais mong matagpuan ang Diyos, matagpuan ang Diyos na maaasahan mo, at na Siyang makapagbibigay sa iyo ng buhay na walang hanggan. Kung nais mong makamit ang buhay na walang hanggan, dapat mo munang maintindihan ang pinagmumulan ng buhay na walang hanggan at dapat mo munang malaman kung nasaan ba mismo ang Diyos. Nasabi Ko na na tanging ang Diyos lamang ang buhay na hindi nababago, at tanging ang Diyos lamang ang nagtataglay ng daan ng buhay. Dahil ang Diyos ay ang buhay na hindi nagbabago, Siya kung gayon ang buhay na walang hanggan; dahil tanging ang Diyos lamang ang daan ng buhay, ang Diyos Mismo kung gayon ang daan ng buhay na walang hanggan. Samakatwid, dapat mo munang maintindihan kung nasaan ang Diyos, at kung paano makamit itong daan ng buhay na walang hanggan. Magkahiwalay nating pagbahaginan ngayon ang dalawang usaping ito.

Kung nais mo talagang makamit ang daan ng buhay na walang hanggan, at kung masigasig ka sa paghahanap mo nito, kung gayon ay sagutin mo muna ang tanong na ito: Nasaan ang Diyos ngayon? Marahil sasagot ka, “Siyempre, nakatira ang Diyos sa langit—hindi Siya titira sa tahanan mo, hindi ba?” Marahil masasabi mo na maliwanag na naninirahan ang Diyos sa lahat ng bagay. O maaaring masabi mo na naninirahan sa puso ng bawat tao ang Diyos, o na nasa espirituwal na mundo ang Diyos. Hindi Ko ipinagkakaila ang alinman dito, ngunit dapat Kong linawin ang usapin. Hindi lubos na tamang sabihing naninirahan ang Diyos sa puso ng tao, ngunit hindi rin ito lubos na mali. Ito ay sapagkat, sa mga nananampalataya sa Diyos, mayroong mga totoo ang pananampalataya at mga huwad ang pananampalataya, mayroong mga sinasang-ayunan ng Diyos at mga hindi Niya sinasang-ayunan, mayroong mga kalugod-lugod sa Kanya at mga kinamumuhian Niya, at mayroong mga ginagawa Niyang perpekto at mga itinitiwalag Niya. Kaya naman sinasabi Ko na naninirahan ang Diyos sa puso ng iilang tao lamang, at walang-alinlangang ang mga taong ito ay ang mga tunay na nananampalataya sa Diyos, ang mga sinasang-ayunan ng Diyos, ang mga kalugod-lugod sa Kanya, at ang mga ginagawa Niyang perpekto. Sila ang mga pinamumunuan ng Diyos. Dahil pinamumunuan sila ng Diyos, sila ang mga taong nakarinig at nakakita na ng daan ng buhay na walang hanggan ng Diyos. Ang mga huwad ang pananampalataya sa Diyos, ang mga hindi sinasang-ayunan ng Diyos, ang mga kinamumuhian ng Diyos, ang mga itinitiwalag ng Diyos—tiyak na tatanggihan sila ng Diyos, tiyak na mananatili silang walang daan ng buhay, at tiyak na mananatili silang hindi nakakaalam kung nasaan ang Diyos. Sa kabaligtaran, ang mga taong may puso kung saan nananahan ang Diyos ay alam kung nasaan Siya. Sila ang mga taong pinagkakalooban ng Diyos ng daan ng buhay na walang hanggan, at sila ang mga sumusunod sa Diyos. Alam mo na ba ngayon kung nasaan ang Diyos? Kapwa nasa puso ng tao at nasa tabi ng tao ang Diyos. Hindi lamang Siya nasa espirituwal na mundo, at nangingibabaw sa lahat ng bagay, kundi mas higit na nasa lupa kung saan umiiral ang tao. Kung gayon, dinala ng pagdating ng mga huling araw ang mga hakbang ng gawain ng Diyos sa panibagong antas. Ang Diyos ay nasa gitna ng lahat ng bagay, may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay, at Siya ay nasa loob din ng puso ng tao, nagsisilbing suporta ng tao, at bukod pa rito, umiiral Siya sa gitna ng tao. Sa pamamagitan lamang nito Niya maihahatid ang daan ng buhay sa sangkatauhan, at maihahatid ang tao sa daan ng buhay. Pumarito sa lupa ang Diyos, at namumuhay Siya sa gitna ng mga tao, upang makamtan ng tao ang daan ng buhay, at alang-alang sa pag-iral ng tao. Kasabay nito, Siya ay nasa gitna ng lahat ng bagay, nag-uutos sa lahat ng bagay, upang padaliin ang pamamahala na ginagawa Niya sa gitna ng tao. Kaya naman, kung kinikilala mo lamang ang doktrinang nasa langit at nasa puso ng tao ang Diyos, subalit hindi mo kinikilala ang katotohanan ng pag-iral ng Diyos sa gitna ng mga tao, kung gayon ay hindi mo kailanman makakamit ang buhay, at hindi mo kailanman makakamit ang daan ng katotohanan.

Ang Diyos Mismo ang buhay, at ang katotohanan, at sabay na umiiral ang Kanyang buhay at katotohanan. Ang mga walang kakayahang makamit ang katotohanan ay tiyak na hindi makakamit ang buhay. Kung wala ang gabay, pagsuporta, at pagtustos ng katotohanan, ang tanging makakamit mo ay mga salita lamang, mga doktrina, at, higit pa rito, kamatayan. Laging naririyan ang buhay ng Diyos, at umiiral nang magkasabay ang Kanyang katotohanan at buhay. Kung hindi mo matatagpuan ang pinagmulan ng katotohanan, hindi mo makakamit ang pampalusog ng buhay; kung hindi mo makakamit ang panustos ng buhay, tiyak na hindi ka magkakaroon ng katotohanan, at bukod sa mga imahinasyon at mga kuru-kuro, ang iyong buong pagkatao ay maglalaman ng walang iba kundi ng laman mo—ng umaalingasaw mong laman. Dapat mong malaman na hindi maituturing na buhay ang mga salita lamang ng mga aklat, hindi maaaring idambana bilang ang katotohanan ang mga talaan ng kasaysayan, at ang mga regulasyon sa nakaraan ay hindi maaaring magsilbing isang ulat ng mga kasalukuyang salita ng Diyos, at tanging ang mga salitang ipinapahayag ng Diyos kapag pumaparito Siya sa lupa at namumuhay sa gitna ng tao ang siyang katotohanan, buhay, mga layunin ng Diyos, at Kanyang kasalukuyang paraan ng paggawa. Kung kukuhain mo ang mga talaan ng mga salitang sinabi ng Diyos noong mga nagdaang kapanahunan at kakapit ka sa mga ito ngayon, gagawin ka nitong isang arkeologo, at sa gayong kaso, ang pinakaangkop na paraan para ilarawan ka ay isang dalubhasa sa pananaliksik sa mga labi ng kasaysayan. Palagi kang naniniwala sa mga bakas ng gawaing ginawa ng Diyos noong mga nagdaang panahon, naniniwala ka sa anino lamang ng Diyos na naiwan mula noong dati Siyang gumawa sa gitna ng mga tao, at naniniwala ka sa daan lamang na sinabi ng Diyos sa Kanyang mga tagasunod noong nakalipas na mga panahon, pero hindi ka naniniwala sa oryentasyon ng gawain ng Diyos ngayon, hindi ka naniniwala sa maluwalhating mukha ng Diyos ngayon, at hindi ka naniniwala sa daan ng katotohanan na kasalukuyang ipinapahayag ng Diyos. Samakatwid, hindi maikakailang isa kang nangangarap nang gising na ganap na wala sa realidad. Kung ngayon ay kumakapit ka pa rin sa mga salitang hindi nagbibigay-kakayahan sa mga tao na mabuhay, kung gayon ay isa kang walang pag-asang piraso ng bulok na kahoy, dahil masyado kang konserbatibo, masyadong matigas ang ulo, masyadong hindi tinatablan ng katwiran!

Ang Diyos na nagkatawang-tao ay tinatawag na Cristo, at kaya ang pagtawag na Diyos sa Cristo na kayang magkaloob ng katotohanan sa mga tao ay hindi kalabisan kahit kaunti. Ito ay dahil taglay Niya ang diwa ng Diyos, at taglay Niya ang disposisyon ng Diyos, at ang karunungan ng gawain ng Diyos, na hindi kayang abutin ng tao. Ang mga tumatawag sa sarili nila na cristo, subalit hindi naman kayang gawin ang gawain ng Diyos, ay mga impostor. Hindi lamang pagpapamalas ng Diyos sa lupa si Cristo, kundi ang partikular din na katawang-taong tinataglay ng Diyos habang ginagawa Niya ang Kanyang gawain sa lupa at tinatapos Niya ang Kanyang gawain sa gitna ng tao. Hindi maaaring palitan ang katawang-taong ito ng kahit na sinumang tao, kundi isa itong katawang-tao na kayang pasanin nang husto ang gawain ng Diyos sa lupa, at na kayang maipahayag ang disposisyon ng Diyos, na kayang sapat na katawanin ang Diyos, at na kayang magbigay ng buhay sa tao. Sa malao’t madali, babagsak ang lahat ng nagpapanggap na Cristo, sapagkat bagama’t sinasabi nilang sila si cristo, hindi nila taglay ang diwa ni Cristo. Kaya naman sinasabi Ko na hindi kayang tukuyin ng tao ang pagiging tunay ni Cristo, kundi sinasagot at pinagpapasyahan ito ng Diyos Mismo. Sa ganitong paraan, kung tunay mong ninanais na hanapin ang daan ng buhay, dapat mo munang kilalanin na sa gitna ng mga tao pumaparito ang Diyos para gawin ang gawain ng pagkakaloob ng daan ng buhay sa tao, at dapat mong kilalanin na sa mga huling araw Siya pumaparito sa gitna ng tao upang ipagkaloob ang daan ng buhay sa tao—hindi sa nakalipas, kundi ngayon.

Ang Cristo ng mga huling araw ay naghahatid ng buhay, at naghahatid ng pangmatagalan at walang katapusang daan ng katotohanan. Ang katotohanang ito ang landas kung saan nakakamit ng tao ang buhay, at ito ang tanging landas para makilala ng tao ang Diyos at masang-ayunan siya ng Diyos. Kung hindi mo hinahanap ang daan ng buhay na ibinigay ni Cristo ng mga huling araw, kung gayon ay hindi mo kailanman makakamit ang pagsang-ayon ni Jesus, at hindi ka magiging kalipikado kailanman na pumasok sa pintuan ng kaharian ng langit, sapagkat kapwa ka isang papet at bilanggo ng kasaysayan. Ang mga kinokontrol ng mga regulasyon, ng mga salita, at ng mga gapos ng kasaysayan ay hindi kailanman makakapagkamit ng buhay o ng walang-hanggang daan ng buhay. Ito ay dahil ang tanging nakakamit nila ay maruming tubig na kanilang kinapitan sa loob ng libo-libong taon sa halip na ang tubig ng buhay na dumadaloy mula sa trono. Ang mga hindi natutustusan ng tubig ng buhay ay mananatiling mga bangkay, mga laruan ni Satanas, at mga anak ng impiyerno magpakailanman. Kung gayon, paano nila masisilayan ang Diyos? Naghahangad ka lang na kumapit sa nakaraan, na manatili sa iyong kinalalagyan at panatilihin ang kalagayan ng mga bagay-bagay, at hindi ka naghahangad na baguhin ang kasalukuyang kalagayan at iwaksi ang kasaysayan, kaya hindi ba’t palagi kang magiging kaaway ng Diyos? Hindi mapipigilan at makapangyarihan ang mga hakbang ng gawain ng Diyos, tulad ng rumaragasang mga alon at dumadagundong na mga kulog—subalit pasibo kang nakaupo na naghihintay ng pagkawasak, kumakapit sa luma at naghihintay na dumating na lang sa iyo ang mga bagay-bagay. Sa ganitong paraan, paano ka maituturing na isang taong sumusunod sa mga yapak ng Kordero? Paano nito maipapakita na ang Diyos na kinakapitan mo ay ang Diyos na palaging bago at hindi kailanman luma? At paano ka maihahatid ng mga salita sa mga nanilaw mo nang libro patawid sa panibagong kapanahunan? Paano ka maaakay ng mga ito na hanapin ang mga hakbang ng gawain ng Diyos? At paano ka madadala ng mga ito paakyat sa langit? Ang hawak mo sa mga kamay mo ay mga salita lamang na makapagbibigay ng panandaliang ginhawa, hindi ang mga katotohanang kayang magbigay ng buhay sa iyo. Ang mga salita ng mga kasulatang binabasa mo ay nakapagpapayaman lamang ng dila mo; ang mga ito ay hindi mga salita ng karunungan na makatutulong sa iyo na maunawaan ang buhay ng tao, ang mga ito ay lalong hindi ang landas na kayang maghatid sa iyo sa pagiging perpekto. Hindi ba’t binibigyan ka ng pagkakaibang ito ng dahilan para magnilay? Hindi ba’t binibigyan ka nito ng kabatiran sa mga misteryong nakapaloob dito? May kakayahan ka bang dalhin ang sarili mo sa langit upang makipagtagpo sa Diyos nang ikaw lang? Kung wala ang pagparito ng Diyos, kaya mo bang dalhin ang sarili mo sa langit upang matamasa mo ang kaligayahang pampamilya kasama ang Diyos? Nananaginip ka pa rin ba ngayon? Hinihikayat kita, kung gayon, na tumigil na sa pananaginip at tingnan kung sino ang gumagawa ngayon—tingnan kung sino ang gumagawa ngayon ng gawain ng pagliligtas sa tao sa mga huling araw. Kung hindi mo ito gagawin, hindi mo kailanman makakamit ang katotohanan, at hindi mo kailanman makakamit ang buhay.

Ang mga nagnanais na makamit ang buhay nang hindi umaasa sa katotohanang sinambit ni Cristo ang pinakakatawa-tawang mga tao sa mundo, at ang mga hindi tumatanggap sa daan ng buhay na dinala ni Cristo ay namumuhay sa pantasya. Kaya naman sinasabi Ko na kamumuhian ng Diyos magpakailanman ang mga taong hindi tumatanggap kay Cristo ng mga huling araw. Si Cristo ang pintuan ng tao patungo sa kaharian sa mga huling araw, at walang sinuman ang makararaan kung hindi sa pamamagitan Niya. Walang mapeperpekto ng Diyos kung hindi sa pamamagitan ni Cristo. Nananampalataya ka sa Diyos, kaya dapat mong tanggapin ang Kanyang mga salita at dapat kang magpasakop sa Kanyang Salita. Huwag kang mag-isip lang na magkamit ng mga pagpapala habang hindi mo naman magawang tanggapin ang katotohanan at ang pagtustos ng buhay. Pumaparito si Cristo sa mga huling araw upang mabigyan Niya ng buhay ang lahat ng sinserong nananampalataya sa Kanya. Alang-alang sa pagtatapos ng lumang kapanahunan at pagpasok sa bago kaya umiiral ang gawaing ito, at ang gawaing ito ang landas na dapat tahakin ng lahat ng papasok sa bagong kapanahunan. Kung hindi mo kinikilala si Cristo, at higit pa rito, ay kinokondena, nilalapastangan, o inuusig mo Siya, kung gayon ay tiyak kang masusunog nang walang-hanggan at hindi ka kailanman makapapasok sa kaharian ng Diyos. Ito ay dahil ang Cristong ito ang Mismong pagpapahayag ng Banal na Espiritu, ang pagpapahayag ng Diyos, ang Siyang pinagkatiwalaan ng Diyos na gawin ang Kanyang gawain sa lupa, at kaya naman sinasabi Ko na kung hindi mo magawang tanggapin ang lahat ng ginagawa ni Cristo ng mga huling araw, kung gayon ay nilalapastangan mo ang Banal na Espiritu. Maliwanag sa lahat ang nararapat na ganting-parusa sa mga lumalapastangan sa Banal na Espiritu. Sinasabi Ko rin sa iyo ito: Kung nilalabanan mo si Cristo ng mga huling araw, kung tinatanggihan mo si Cristo ng mga huling araw, wala nang iba pa ang makapagpapasan sa mga kahihinatnan nito para sa iyo. Higit pa rito, mula sa puntong iyon ay hindi ka na kailanman magkakaroon ng pagkakataong makamit ang pagsang-ayon ng Diyos; kahit pa gusto mong makabawi, hindi mo mapagmamasdang muli ang mukha ng Diyos. Ito ay dahil hindi isang tao ang nilalabanan mo, hindi isang di-mahalagang tao ang tinatanggihan mo, kundi si Cristo. Alam mo ba kung ano ang mga kahihinatnan nito? Hindi isang maliit na pagkakamali ang ginagawa mo, kundi isang karumal-dumal na kasalanan. Kaya naman pinapayuhan Ko ang bawat tao na huwag mong ilabas ang iyong mga pangil at iwasiwas ang iyong mga kuko at huwag kang magsabi ng mga walang batayang komento sa harap ng katotohanan, dahil ang katotohanan lamang ang makapagdadala sa iyo ng buhay, at wala nang iba pa kundi ang katotohanan ang magbibigay-kakayahan sa iyo na muling isilang at mapagmasdang muli ang mukha ng Diyos.

Sinundan:  Alam Mo Ba? Gumawa ang Diyos ng Dakilang Bagay sa Gitna ng Tao

Sumunod:  Maghanda ng Sapat na Mabubuting Gawa para sa Iyong Hantungan

Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos Ukol sa Pagkakilala sa Diyos Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw Paglalantad sa mga Anticristo Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ang Paghatol ay Nagsisimula sa Tahanan ng Diyos Mahahalagang Salita Mula sa Makapangyarihang Diyos, ang Cristo ng mga Huling Araw Araw-araw na mga Salita ng Diyos Ang Mga Katotohanang Realidad na Dapat Pasukin ng mga Mananampalataya sa Diyos Sundan ang Kordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin Mga Gabay para sa Pagpapalaganap ng Ebanghelyo ng Kaharian Naririnig ng mga Tupa ng Diyos ang Tinig ng Diyos Makinig sa Tinig ng Diyos  Masdan ang Pagpapakita ng Diyos Mahahalagang Tanong at Sagot tungkol sa Ebanghelyo ng Kaharian Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume I) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume II) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume III) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IV) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume V) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VI) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VIII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IX) Paano Ako Bumalik sa Makapangyarihang Diyos

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito

Connect with us on Messenger