Tanging ang Nagawang Perpekto ang Makakapamuhay ng Makahulugang Buhay

Ang totoo, ang gawaing ginagawa ngayon ay upang maghimagsik ang mga tao laban kay Satanas at sa kanilang sinaunang ninuno. Ang lahat ng paghatol sa pamamagitan ng salita ay naglalayong ilantad ang mga tiwaling disposisyon ng mga tao at bigyang-kakayahan sila na maunawaan ang diwa ng buhay. Ang paulit-ulit na mga paghatol na ito ay tumatagos sa puso ng mga tao. Ang bawat paghatol ay may tuwirang kaugnayan sa kanilang kapalaran at naglalayong sugatan ang kanilang puso para kanilang mapakawalan ang lahat ng bagay na iyon at nang sa gayon ay makilala nila ang buhay, makilala ang maruming mundong ito, makilala ang karunungan at pagkamakapangyarihan-sa-lahat ng Diyos, at makilala rin ang sangkatauhan, na ginawang tiwali ni Satanas. Habang lalong ganito ang pagkastigo at paghatol, mas masusugatan ang puso ng tao at mas magigising ang kanyang espiritu. Ang layon ng ganitong paghatol ay ang gisingin ang espiritu ng mga taong ito na napakatiwali at pinakalubhang nalinlang. Ang tao ay walang espiritu, na ibig sabihin, ang kanyang espiritu ay matagal nang namatay at hindi niya alam na may Langit, hindi niya alam na mayroong Diyos, at tiyak na hindi niya nalalamang siya ay nagpupumiglas sa abismo ng kamatayan; paano niya malalaman na siya ay namumuhay sa loob ng masamang impiyerno sa lupa? Paano niya malalaman na ang nabubulok na bangkay niyang ito ay nahulog na sa Hades ng kamatayan matapos itong gawing tiwali ni Satanas? Paano niya malalaman na ang lahat ng bagay sa lupa ay matagal nang nawasak ng sangkatauhan na hindi na maaayos? At paano niya malalaman na ang Lumikha ay pumarito sa lupa ngayon at naghahanap ng isang pangkat ng mga taong natiwali na maaari Niyang iligtas? Bagama’t naranasan na ng tao ang bawat posibleng pagpipino at paghatol, ang kanyang manhid na kamalayan ay nananatili pa ring ganap na hindi natitinag at halos hindi tumutugon. Napakatiwali ng tao! At bagama’t ang ganitong uri ng paghatol ay tulad ng mabagsik na yelong ulan na nahuhulog mula sa papawirin, mayroon itong napakalaking pakinabang sa tao. Kung hindi hahatulan nang ganito ang mga tao, hindi matatamo ang bunga, at magiging ganap na imposible na iligtas ang mga tao mula sa kailaliman ng paghihirap. Kung hindi gagawa nang ganito, magiging napakahirap para sa mga tao na lumabas mula sa Hades, dahil ang kanilang mga puso ay matagal nang namatay at ang kanilang mga espiritu ay matagal nang niyurakan ni Satanas. Ang pagliligtas sa inyo na nalubog na sa pinakamalalim na kalaliman ng pagkabulok ay nangangailangan ng pagtawag sa inyo nang buong lakas, paghatol sa inyo nang buong lakas; saka lamang maaaring magising ang mga nanlalamig ninyong puso.

Ang inyong laman, ang inyong maluluhong pagnanais, ang inyong pagkagahaman, at ang inyong pagnanasa ay malalim na nakaugat sa inyo. Ang mga bagay na ito ay patuloy na kumokontrol sa inyong puso kaya kayo ay walang kapangyarihang iwaksi ang tanikala ng piyudal at mga napakatiwaling kaisipan na iyon. Hindi kayo naghahangad na baguhin ang inyong kasalukuyang sitwasyon, ni takasan ang impluwensiya ng kadiliman. Kayo ay nagagapos lamang ng mga bagay na iyon. Kahit alam ninyong lahat na ang buhay na ito ay napakasakit at ang mundong ito ng tao ay napakadilim, wala pa rin ni isa man lang sa inyo ang may tapang na baguhin ang inyong buhay. Nananabik lamang kayong takasan ang mga realidad ng buhay na ito, makamit ang transendensiya ng kaluluwa, at mamuhay sa isang mapayapa, napakaganda, at mala-langit na kapaligiran. Hindi kayo handang magtiis ng mga paghihirap upang baguhin ang inyong kasalukuyang buhay; hindi rin kayo handang magsaliksik sa loob ng paghatol at pagkastigo na ito para sa buhay na dapat ninyong pasukin. Sa halip, nangangarap kayo ng lubos na di-makatotohanang mga pangarap tungkol sa magandang mundong iyon na hiwalay sa laman. Ang buhay na inyong pinananabikan ay iyong maaari ninyong makamit nang walang kahirap-hirap, nang hindi nagdurusa ng anumang pasakit. Iyan ay ganap na di-makatotohanan! Ito ay dahil ang inyong inaasam ay hindi ang mamuhay ng isang makabuluhang buhay sa laman at makamit ang katotohanan sa buong buhay, na ibig sabihin, ang mabuhay para sa katotohanan at manindigan para sa katarungan. Hindi ito ang itinuturing ninyo na isang maningning at nakasisilaw na buhay. Nadarama ninyong ito ay hindi magiging isang kaakit-akit o makabuluhang buhay. Sa pananaw ninyo, ang mamuhay ng gayong buhay ay magiging parang kawalan ng katarungan! Kahit na tinatanggap ninyo ang pagkastigong ito ngayon, ang inyong hinahangad ay hindi ang makamit ang katotohanan o maisabuhay ang katotohanan sa kasalukuyan, bagkus ay ang makapasok sa isang masayang buhay nang hiwalay sa laman kalaunan. Hindi kayo naghahanap sa katotohanan, ni naninindigan para sa katotohanan, at lalo nang hindi kayo nabubuhay para sa katotohanan. Hindi kayo naghahangad alang-alang sa pagpasok ngayon; sa halip, puno ang inyong mga iniisip ng kung ano ang maaaring mangyari balang araw: Nakatingin kayo sa asul na papawirin at umiiyak ng mapapait na luha habang pinananabikan ninyo ang araw na madadala kayo sa langit. Hindi ba ninyo alam na ang pag-iisip nang ganito ay malayo na sa realidad? Lagi mong iniisip na ang Tagapagligtas na may walang-hanggang kabaitan at habag ay walang dudang darating balang araw upang isama ka, ikaw na nagtiis ng paghihirap at pagdurusa sa mundong ito, at na bibigyan Niya ng katarungan ang iyong mga hinaing at ipaghihiganti ka Niya, ikaw na nabiktima at naapi. Hindi ba’t puno ka ng kasalanan? Ikaw lamang ba ang nagdusa sa mundong ito? Ikaw mismo ay nahulog sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas at nagdusa—kailangan pa rin ba talagang bigyang-katarungan ng Diyos ang iyong mga hinaing? Iyong mga hindi kayang tugunan ang mga hinihingi ng Diyos—hindi ba’t kaaway silang lahat ng Diyos? Iyong mga hindi nananampalataya sa Diyos na nagkatawang-tao—hindi ba’t lahat sila ay mga anticristo? Ano ang kabuluhan ng iyong mabuting pag-uugali? Mapapalitan ba nito ang isang pusong sumasamba sa Diyos? Hindi ka makakatanggap ng mga pagpapala ng Diyos sa pamamagitan lamang ng paggawa ng ilang mabuting bagay, at hindi bibigyang-katarungan ng Diyos ang iyong mga hinaing at hindi Niya ipaghihiganti ang mga kamaliang nagawa laban sa iyo dahil lamang sa ikaw ay nabiktima at naapi. Iyong mga nananampalataya sa Diyos subalit hindi kilala ang Diyos, ngunit gumagawa ng kabutihan—hindi ba’t kinakastigo rin sila? Nananampalataya ka lamang sa Diyos, gusto mo lamang na itama at ipaghiganti ng Diyos ang mga kamalian laban sa iyo, at nais mo na ipagkaloob sa iyo ng Diyos ang araw mo, ang araw kung kailan maitataas mo na sa wakas ang iyong noo. Ngunit hindi mo pinapansin ang katotohanan, at hindi ka nauuhaw na maisabuhay ang katotohanan. Lalo nang hindi mo kayang takasan ang mahirap at hungkag na buhay na ito. Sa halip, habang ipinamumuhay mo ang iyong buhay sa laman at sa gitna ng kasalanan, umaasa ka sa Diyos na bigyang-katarungan ang iyong mga hinaing at alisin ang kalabuan ng iyong pag-iral. Ngunit posible ba ito? Kung taglay mo ang katotohanan, makakasunod ka sa Diyos. Kung mayroon kang pagsasabuhay, maaari kang maging isang pagpapamalas ng salita ng Diyos. Kung mayroon kang buhay, maaari kang magtamasa ng pagpapala ng Diyos. Iyong mga nagtataglay ng katotohanan ay maaaring magtamasa ng pagpapala ng Diyos. Tinitiyak ng Diyos ang pagbibigay-katarungan para sa mga taong nagmamahal sa Kanya nang taos-puso at nagtitiis ng mga paghihirap at mga pagdurusa, ngunit hindi para sa mga taong nagmamahal lamang sa kanilang mga sarili at nabihag ng mga panlilinlang ni Satanas. Paano magkakaroon ng kabutihan sa mga hindi umiibig sa katotohanan? Paano magkakaroon ng katuwiran sa mga umiibig lamang sa laman? Hindi ba’t ang katuwiran at kabutihan ay parehong binabanggit lamang kaugnay ng katotohanan? Hindi ba’t nakalaan ang mga iyon para sa mga buong-pusong nagmamahal sa Diyos? Iyong mga hindi umiibig sa katotohanan at mga nabubulok na bangkay lamang—hindi ba’t ang lahat ng taong ito ay nagkikimkim ng kasamaan? Iyong mga walang kakayahang isabuhay ang katotohanan—hindi ba’t lahat sila ay kaaway ng katotohanan? At ano naman kayo?

Kung matatakasan mo ang mga impluwensiyang ito ng kadiliman at maihihiwalay mo ang iyong sarili mula sa maruruming bagay na iyon, kung kaya mong maging pinabanal, kung gayon ay magtatamo ka ng katotohanan. Hindi naman sa nagbago ang kalikasan mo, kundi nakakaya mo lamang isagawa ang katotohanan at nakakaya mong maghimagsik laban sa laman. Ito ang taglay ng mga nalinis na. Ang pangunahing layon ng gawain ng paglupig ay ang linisin ang mga tao upang matamo nila ang katotohanan, dahil kakatiting ang katotohanang nauunawaan ng mga tao! Ang paggawa ng gawain ng paglupig sa mga taong tulad nito ay may pinakamalalim na kabuluhan. Kayong lahat ay nahulog sa ilalim ng impluwensiya ng kadiliman at labis na napinsala. Ang layon ng gawaing ito, kung gayon, ay ang bigyang-kakayahan kayo na makilala ang kalikasan ng tao at sa pamamagitan niyon ay maisabuhay ang katotohanan. Ang magawang perpekto ay isang bagay na dapat tanggapin ng lahat ng nilikha. Kung ang gawain ng yugtong ito ay kinapapalooban lamang ng pagpeperpekto sa mga tao, kung gayon ay maaari itong magawa sa UK, o sa America, o sa Israel; maaari itong magawa sa mga tao ng anumang bansa. Ngunit ang gawain ng paglupig ay namimili. Ang unang hakbang ng gawain ng paglupig ay panandalian lamang; higit pa rito, ito ay gagamitin upang hiyain si Satanas at lupigin ang buong sansinukob. Ito ang panimulang gawain ng paglupig. Maaaring sabihin na ang sinumang nilikha na nananampalataya sa Diyos ay magagawang perpekto dahil ang magawang perpekto ay isang bagay na makakamit lamang pagkatapos ng mahabang-panahong pagbabago. Ngunit ang malupig ay iba. Ang uliran at huwaran para sa paglupig ay dapat ang mga taong pinakapaurong, na namumuhay sa pinakamalalim na kadiliman; sila dapat ang pinakahamak na tao, iyong mga pinakahindi kumikilala sa Diyos, at iyong mga pinakamapaghimagsik sa Diyos. Ito mismo ang uri ng tao na makakapagpatotoo tungkol sa pagkalupig. Ang pangunahing layon ng gawain ng paglupig ay ang talunin si Satanas, habang ang layon ng pagpeperpekto sa mga tao ay ang makamit ang mga tao. Isinagawa rito ang gawain ng paglupig, sa mga taong katulad ninyo, upang bigyang-kakayahan ang mga tao na magkaroon ng patotoo pagkatapos na malupig. Ang layunin ay ang magpatotoo ang mga tao pagkatapos na malupig. Ang nalupig na mga taong ito ay gagamitin upang makamit ang layon na maipahiya si Satanas. Kaya, ano ang pangunahing paraan ng paglupig? Ang pagkastigo, paghatol, pagsumpa, at pagbubunyag—ang paggamit ng isang matuwid na disposisyon upang lupigin ang mga tao nang sa gayon ay lubusan silang makukumbinsi dahil sa matuwid na disposisyon ng Diyos. Ang gamitin ang realidad at awtoridad ng salita upang lupigin ang mga tao, upang lubusan silang makumbinsi—ito ang ibig sabihin ng malupig. Iyong mga nagawa nang perpekto ay hindi lamang kayang makamit ang pagpapasakop pagkatapos na malupig, kundi nakakaya rin nilang magkaroon ng kaalaman sa gawain ng paghatol, baguhin ang kanilang disposisyon, at makilala ang Diyos. Nararanasan nila ang landas ng pagmamahal sa Diyos, at napupuspos sila ng katotohanan. Nagagawa nilang maranasan ang gawain ng Diyos, nagagawa nilang magdusa para sa Diyos, at mayroon silang sarili nilang determinasyon. Ang mga nagawa nang perpekto ay iyong mga mayroong praktikal na pagkaunawa sa katotohanan dahil naranasan na nila ang salita ng Diyos. Ang mga nalupig ay iyong mga nakakaalam ng katotohanan ngunit hindi pa naarok ang tunay na kahulugan ng katotohanan. Pagkatapos malupig, sila ay nagpapasakop, ngunit ang lahat ng kanilang pagpapasakop ay bunga ng paghatol na kanilang tinanggap. Sila ay lubos na walang pagkaunawa sa tunay na kahulugan ng maraming katotohanan. Kinikilala nila ang katotohanan sa kanilang pagsasalita, ngunit wala silang pagpasok sa katotohanan; nauunawaan nila ang katotohanan, ngunit hindi pa nila nararanasan ang katotohanan. Ang gawaing isinasagawa sa mga pineperpekto ay kinapapalooban ng mga pagkastigo at mga paghatol, pati na rin ng pagkakaloob ng buhay. Ang isang tao na nakatuon sa pagpasok sa katotohanan ay isang tao na gagawing perpekto. Ang pagkakaiba sa pagitan ng mga nagawang perpekto at ng mga nalupig ay nakasalalay sa kung mayroon ba silang pagpasok sa katotohanan. Iyong mga nagawang perpekto ay iyong mga nakakaunawa sa katotohanan, pumapasok sa katotohanan, at isinasabuhay ang katotohanan; ang mga taong hindi magagawang perpekto ay iyong mga hindi nakakaunawa sa katotohanan at hindi pumapasok sa katotohanan, na ibig sabihin, iyong mga hindi isinasabuhay ang katotohanan. Kung nakakaya na ngayon ng mga taong tulad nito na ganap na magpasakop, kung gayon sila ay nalupig. Kung ang mga nalupig ay hindi naghahanap sa katotohanan—kung sumusunod sila ngunit hindi nila isinasabuhay ang katotohanan, kung nakikita at naririnig nila ang katotohanan ngunit hindi nila pinagtutuunan ang pagsasabuhay sa katotohanan—kung gayon ay hindi sila magagawang perpekto. Ang mga taong gagawing perpekto ay nagsasagawa ng katotohanan ayon sa mga hinihingi ng Diyos sa landas ng pagpeperpekto. Sa pamamagitan nito, tinutugunan nila ang mga layunin ng Diyos, at sila ay nagagawang perpekto. Sinumang sumusunod hanggang sa wakas bago matapos ang gawain ng paglupig ay isang nalupig, ngunit hindi masasabing siya ay nagawang perpekto. “Ang mga nagawang perpekto” ay tumutukoy sa mga taong kayang hangarin ang katotohanan at na kakamtin ng Diyos pagkatapos ng gawain ng paglupig. Tumutukoy ito sa mga taong tumatayong matatag sa kapighatian at isinasabuhay ang katotohanan makalipas ang pagtatapos ng gawain ng paglupig. Ang pagkakaiba ng pagkalupig mula sa pagiging nagawang perpekto ay mga kaibahan sa mga hakbang ng paggawa at mga pagkakaiba sa antas ng pagkaunawa at pagpasok ng mga tao sa katotohanan. Ang lahat ng hindi tumahak sa landas ng pagpeperpekto, na ibig sabihin ay iyong mga hindi nagtataglay ng katotohanan, ay ititiwalag pa rin sa kahuli-hulihan. Iyon lamang mga nagtataglay ng katotohanan at nagsasabuhay ng katotohanan ang maaaring ganap na makamit ng Diyos. Ibig sabihin, iyong mga nagsasabuhay ng wangis ni Pedro ang mga nagawang perpekto, samantalang ang lahat ng iba pa ay mga nalupig. Ang gawaing isinasagawa sa lahat ng nilulupig ay binubuo ng pagsumpa, pagkastigo, at poot, at ang sumasapit sa kanila ay katuwiran at mga sumpa. Ang paggawa sa gayong tao ay ang maglantad nang wala ni katiting na kaluwagan—ang ilantad ang mga tiwaling disposisyon sa kalooban nila nang sa gayon ay makilala nila mismo ang mga ito at lubusan silang makumbinsi. Sa sandaling ang tao ay maging ganap na mapagpasakop, ang gawain ng paglupig ay nagtatapos. Kahit pa ang karamihan sa mga tao ay hindi pa rin naghahangad na maunawaan ang katotohanan, ang gawain ng paglupig ay natapos na.

Mayroong mga pamantayang kailangang maabot kung ikaw ay gagawing perpekto. Sa pamamagitan ng iyong determinasyon, ng iyong pagtitiyaga, at ng iyong konsensiya, at ng iyong paghahangad, dapat ay mayroon kang karanasan pagdating sa buhay, at dapat mong matugunan ang mga layunin ng Diyos. Ito ang iyong pagpasok, at ito ang mga kinakailangan sa landas ng pagpeperpekto. Ang gawain ng pagpeperpekto ay maaaring magawa sa lahat ng tao. Ang sinumang naghahangad sa Diyos ay maaaring maperpekto at mayroong pagkakataon at mga kalipikasyon na maperpekto. Hindi ito isang bagay na paunang itinakda. Ang pangunahing batayan kung mapeperpekto ba ang isang tao ay kung ano ang kanyang hinahangad. Ang mga taong nagmamahal sa katotohanan at kayang isabuhay ang katotohanan ay tiyak na may kakayahang maperpekto. Ang mga taong hindi nagmamahal sa katotohanan ay hindi sinasang-ayunan ng Diyos; sila ay hindi nagtataglay ng buhay na hinihingi ng Diyos, at hindi sila mapeperpekto. Ang gawain ng pagpeperpekto ay para lamang sa pagkakamit ng mga tao. Hindi ito bahagi ng gawain ng pakikipaglaban kay Satanas; ang gawain ng paglupig ay para lamang sa pakikipaglaban kay Satanas, na nangangahulugang paggamit ng paglupig sa tao upang talunin si Satanas. Ang gawain ng paglupig ang pangunahing gawain, ang pinakabagong gawain na hindi pa kailanman nagawa sa lahat ng kapanahunan. Maaaring sabihin na ang pangunahing layon ng yugtong ito ng gawain ay ang lupigin ang lahat ng tao nang sa gayon ay magapi si Satanas. Ang gawain ng pagpeperpekto sa mga tao—ito ay hindi bagong gawain. Ang pangunahing layon ng lahat ng gawain na ginagawa ng Diyos sa panahon na gumagawa Siya sa katawang-tao ay ang paglupig ng mga tao. Ito ay gaya ng sa Kapanahunan ng Biyaya kung kailan ang pagtubos sa buong sangkatauhan sa pamamagitan ng pagpapapako sa krus ang pangunahing gawain. Ang “pagkamit sa mga tao” ay karagdagan sa gawain habang nasa katawang-tao at ginawa lamang pagkatapos ng pagpapapako sa krus. Nang pumarito si Jesus at ginawa ang Kanyang gawain, ang Kanyang pangunahing layon ay ang gamitin ang Kanyang pagkakapako sa krus upang daigin ang pagkaalipin sa kamatayan at Hades, upang daigin ang impluwensiya ni Satanas—na ibig sabihin ay talunin si Satanas. Pagkatapos lamang ng pagkapako ni Jesus sa krus na lumakad si Pedro, nang paisa-isang hakbang, sa landas ng pagpeperpekto. Siyempre kasama si Pedro sa mga sumunod kay Jesus habang gumagawa si Jesus, ngunit hindi siya ginawang perpekto sa panahong iyon. Bagkus, noong natapos na ni Jesus ang Kanyang gawain saka unti-unting naunawaan ni Pedro ang katotohanan at pagkatapos ay nagawang perpekto. Ang Diyos na nagkatawang-tao ay pumaparito sa lupa para lamang tapusin ang isang pangunahin at mahalagang yugto ng gawain sa loob ng maikling panahon, hindi upang mamuhay nang matagal kasama ng mga tao sa lupa na may layunin na gawin silang perpekto. Hindi Niya ginagawa ang gawaing iyan. Hindi Siya naghihintay sa sandali kung kailan ang tao ay ganap nang naperpekto para tapusin ang Kanyang gawain. Hindi iyan ang layon at kabuluhan ng Kanyang pagkakatawang-tao. Pumaparito lamang Siya para gawin ang panandaliang gawain ng pagliligtas sa sangkatauhan, hindi para gawin ang labis na pangmatagalang gawain ng pagpeperpekto sa sangkatauhan. Ang gawain ng pagliligtas sa sangkatauhan ay kumakatawan, may kakayahang magpasimula ng isang bagong kapanahunan. Maaari itong matapos sa loob ng maikling panahon. Ngunit ang pagpeperpekto sa sangkatauhan ay nangangailangan na gawaan ang tao sa isang tiyak na antas; ang gayong gawain ay nangangailangan ng mahabang panahon. Ito ay gawaing kailangang gawin ng Espiritu ng Diyos, ngunit ginagawa ito sa saligan ng katotohanan na sinabi sa panahon ng gawain ng Diyos habang nasa katawang-tao, o kung hindi naman ay ginagawa ito sa pamamagitan ng pagtataas Niya ng mga apostol upang gumawa ng pangmatagalang gawain ng pagpapastol—sa ganitong paraan nakakamit ang Kanyang layon na gawing perpekto ang sangkatauhan. Hindi ginagawa ng Diyos na nagkatawang-tao ang gawaing ito. Nagsasalita lamang Siya tungkol sa daan ng buhay upang makaunawa ang mga tao, at tinutustusan lamang Niya ang sangkatauhan ng katotohanan, sa halip na patuloy na samahan ang tao sa pagsasagawa ng katotohanan, dahil iyan ay hindi kasama sa Kanyang ministeryo. Samakatwid, hindi Niya sasamahan ang tao hanggang sa araw na ang tao ay ganap nang nauunawaan ang katotohanan at ganap nang nakakamit ang katotohanan. Ang Kanyang gawain habang nasa katawang-tao ay natatapos kapag ang tao ay pormal nang pumapasok sa tamang landas ng pananampalataya sa Diyos, kapag ang tao ay tumatahak na sa tamang landas ng pagiging naperpekto. Siyempre, ito rin ang panahon kung kailan lubusan na Niyang natalo si Satanas at nadaig ang mundo. Hindi Niya pinakikialaman kung ang tao ay nakapasok na ba sa wakas sa katotohanan sa sandaling iyon, at hindi rin Niya pinakikialaman kung ang buhay ng tao ay mataas o mababa. Walang anuman diyan ang dapat Niyang alalahanin habang nasa katawang-tao Siya; walang anuman diyan ang kasama sa ministeryo ng Diyos na nagkatawang-tao. Sa sandaling matapos Niya ang gawaing dapat Niyang gawin, tatapusin Niya ang Kanyang gawain sa katawang-tao. Kaya, ang gawain na ginagawa ng Diyos na nagkatawang-tao ay ang gawain lamang na hindi kayang gawin nang tuwiran ng Espiritu ng Diyos. Higit pa rito, ito ang maikling panahong gawain ng pagliligtas, hindi isang pangmatagalang gawain na isasakatuparan Niya sa lupa.

Ang pagpapataas sa inyong kakayahan ay wala sa saklaw ng Aking gawain. Hinihingi Ko lamang sa inyo na gawin ito dahil ang inyong kakayahan ay napakababa. Ang totoo, hindi ito bahagi ng gawain ng pagpeperpekto; bagkus, ito ay dagdag na gawaing ginagawa sa inyo. Ang gawaing ginagawa sa inyo ngayon ay ginagawa ayon sa kung ano ang inyong kailangan. Ito ay batay sa indibidwal at hindi isang landas na dapat pasukin ng bawat isa na pineperpekto. Dahil ang inyong kakayahan ay mas mababa kaysa sa sinuman na pinerpekto noon, at may napakaraming hadlang ang gawaing ito kapag ginagawa sa inyo, at dahil ang mga target ng pagpeperpekto ay magkakaibang lahat, kung kaya’t dapat Akong gumawa ng karagdagang gawain sa gitna ninyo. Noong simula, nang pumarito sa lupa ang Diyos, nanatili Siya sa saklaw ng Kanyang responsabilidad at isinakatuparan Niya ang Kanyang gawain, nang hindi nag-aabala sa iba pang hindi kaugnay na mga bagay. Hindi Siya nakialam sa mga usaping pampamilya o nakibahagi sa buhay ng mga tao. Siya ay lubos na walang pakialam sa maliliit na bagay na tulad nito; hindi bahagi ng Kanyang ministeryo ang mga ito. Ngunit ang inyong kakayahan ay lubhang higit na mababa kaysa sa Aking hiningi—tunay ngang lubos na magkaiba ang mga ito—kaya nagdudulot ito ng matitinding balakid sa gawain. Higit pa rito, ang gawaing ito ay dapat na magawa sa mga tao sa lupaing ito ng Tsina, at kayo ay lubhang kulang sa pinag-aralan—kaya napilitan Akong magsalita at hingin na kayo ay mag-aral. Nasabi Ko na sa inyo na ito ay dagdag na gawain, ngunit isang bagay rin ito na dapat ninyong matamo, isang bagay na tutulong sa inyo na magawang perpekto. Sa katunayan, ang edukasyon, pundamental na kaalaman tungkol sa sariling asal, at pundamental na kaalaman tungkol sa buhay ay lahat mga bagay na dapat ay likas na taglay ninyo; hindi Ko na dapat kayong kausapin pa tungkol sa mga bagay na ito. Ngunit dahil wala kayo ng mga bagay na ito, wala Akong magagawa kundi ang gawin ang gawain ng pagkintal ng mga bagay na ito sa inyo. Kahit na nagkikimkim kayo ng maraming kuru-kuro tungkol sa Akin, hinihingi Ko pa rin ito sa inyo—hinihingi Ko pa rin na iangat ninyo ang inyong kakayahan. Hindi Ko layunin na pumarito at gawin ang gawaing ito, dahil ang Aking gawain ay ang lupigin lamang kayo, ang matamo lamang ang inyong ganap na pagkakumbinsi sa pamamagitan ng paghatol sa inyo, nang sa gayon ay maituro ang daan ng buhay na dapat ninyong pasukin. Sa ibang pananalita, kung gaano kataas ang pinag-aralan ninyo at kung marami ba kayong alam tungkol sa buhay ay walang-pasubaling walang kinalaman sa Akin, kung hindi lamang sa katunayan na kailangan Ko kayong lupigin sa pamamagitan ng Aking salita. Ang lahat ng ito ay idinaragdag upang tiyakin na ang mga bunga mula sa gawain ng paglupig ay matatamo at para sa pagpeperpekto sa inyo kalaunan. Hindi ito bahagi ng gawain ng paglupig. Dahil kayo ay may mabababang kakayahan, at kayo ay tamad at batugan, hangal at mabagal ang pag-iisip, manhid at walang utak—dahil kayo ay masyadong hindi normal—Aking hinihingi na inyo munang iangat ang inyong kakayahan. Ang sinumang nagnanais na magawang perpekto ay dapat na makatugon sa ilang pamantayan. Upang magawang perpekto, dapat ay mayroong malinaw at mahinahong isipan ang isang tao at handa siyang mamuhay ng isang makabuluhang buhay. Kung ikaw ay isang tao na hindi nagnanais mamuhay ng isang hungkag na buhay, isang tao na hinahangad ang katotohanan, isang tao na masigasig sa lahat ng kanyang ginagawa, at isang tao na may katangi-tanging normal na pagkatao, kung gayon ay naaabot mo ang mga kondisyon para maperpekto.

Ang gawaing ito na isinasakatuparan sa gitna ninyo ay isinasagawa sa inyo ayon sa mga kinakailangan ng gawain. Matapos ang paglupig sa mga taong ito, isang pangkat ng mga tao ang gagawing perpekto. Samakatwid, karamihan sa gawain sa kasalukuyan ay bilang paghahanda rin para sa layon na gawin kayong perpekto, dahil maraming tao na nagugutom para sa katotohanan ang magagawang maperpekto. Kung ang gawain ng paglupig ang tanging hakbang na isasakatuparan sa inyo at pagkatapos ay wala nang karagdagan pang gawain ang isasagawa, hindi ba’t ang ilang nananabik sa katotohanan ay hindi ito makakamit? Ang kasalukuyang gawain ay naglalayong magbukas ng isang landas para sa pagpeperpekto sa mga tao kalaunan. Bagama’t ang Aking gawain ay ang gawain ng paglupig lamang, ang daan ng buhay na Aking sinasabi ay bilang paghahanda pa rin para sa pagpeperpekto sa mga tao kalaunan. Ang gawain pagkatapos ng paglupig ay nakasentro sa pagpeperpekto sa mga tao, at ang paglupig ay ginagawa upang maglatag ng pundasyon para sa gawain ng pagpeperpekto. Ang tao ay maaari lamang maperpekto matapos na malupig. Sa ngayon, ang pangunahing gawain ay ang manlupig; kalaunan, iyong mga naghahanap at nananabik sa katotohanan ay gagawing perpekto. Ang pagpeperpekto ay kinapapalooban ng mga positibong aspekto ng pagpasok ng mga tao: kung mayroon ka bang mapagmahal-sa-Diyos na puso, kung gaano na karami ang iyong karanasan sa paglakad sa landas na ito, kung gaano kadalisay ang iyong pagmamahal sa Diyos, at kung gaano katumpak ang iyong pagsasagawa sa katotohanan. Upang maperpekto, ang isang tao ay dapat mayroong pundamental na kaalaman tungkol sa lahat ng aspekto ng pagkatao. Ito ay batayang kinakailangan. Ang lahat ng hindi mapeperpekto matapos na malupig ay nagiging gamit-panserbisyo at sa kahuli-hulihan ay itatapon pa rin sa lawa ng apoy at asupre at mahuhulog pa rin sa walang hanggang hukay, dahil ang iyong disposisyon ay hindi nabago at ikaw ay kay Satanas pa rin. Kung ang isang tao ay hindi natugunan ang mga kondisyon para sa pagpeperpekto, siya ay walang silbi—siya ay basura, isang kagamitan, isang bagay na hindi makakatagal sa pagsubok ng apoy! Gaano kalaki ang iyong mapagmahal-sa-Diyos na puso sa ngayon? Gaano kalaki ang pusong namumuhi sa iyong sarili? Gaano kalalim mo talaga kilala si Satanas? Napagtibay na ba ninyo ang inyong determinasyon? Mayroon bang kaayusan sa paraan ninyo ng pamumuhay sa loob ng inyong pagkatao? Nagbago na ba ang inyong buhay? Namumuhay ba kayo ng isang bagong buhay? Nagbago na ba ang pananaw ninyo sa buhay? Kung hindi nagbago ang mga bagay na ito, hindi ka mapeperpekto kahit pa hindi ka umatras; bagkus, ikaw ay nalupig lamang. Kapag panahon na para subukin ka, hindi mo tataglayin ang katotohanan, hindi magiging normal ang iyong pagkatao, at magiging kasingbaba ka ng isang hayop. Ang tanging nakamit mo ay ang maging nalupig lamang—ikaw ay magiging isa lamang target na nalupig Ko. Gaya ng isang asno na sa sandaling makaranas ng palo ng amo nito ay nagiging matatakutin at natatakot na magwala sa tuwing nakikita ang amo nito, ikaw ay magiging isang nalupig na asno lamang. Kung ang isang tao ay wala ng mga positibong aspektong iyon at sa halip ay negatibo at takot, mahiyain at may alinlangan sa lahat ng bagay, hindi kayang malinaw na makita ang anuman, hindi kayang arukin ang katotohanan, wala pa ring landas para sa pagsasagawa, at higit pa roon ay walang mapagmahal-sa-Diyos na puso—kung ang isang tao ay walang pagkaunawa kung paano mahalin ang Diyos, kung paano mamuhay ng makabuluhang buhay, o kung paano maging isang tunay na tao—paano makapagpapatotoo sa Diyos ang taong tulad nito? Ipapakita nito na ang iyong buhay ay maliit ang halaga at ikaw ay isa lamang nalupig na asno. Ikaw ay malulupig, ngunit mangangahulugan lamang iyon na ikaw ay naghimagsik laban sa malaking pulang dragon at tumangging magpasakop sa kapangyarihan nito; mangangahulugan ito na naniniwala ka na mayroong Diyos, nais mong magpasakop sa lahat ng mga pagsasaayos ng Diyos, at wala kang mga hinaing. Ngunit pagdating sa mga positibong aspekto, kaya mo bang isabuhay ang salita ng Diyos at ipamalas ang Diyos? Kung wala ka ng anuman sa mga aspektong ito, nangangahulugan ito na ikaw ay hindi nakamit ng Diyos, at ikaw ay isang nalupig na asno lamang. Walang anumang kanais-nais sa iyo, at ang Banal na Espiritu ay hindi gumagawa sa kalooban mo. Ang iyong pagkatao ay kulang na kulang; imposible para sa Diyos na gamitin ka. Kailangan kang maituring na karapat-dapat ng Diyos at maging isandaang beses na mas mabuti kaysa sa mga di-nananampalatayang hayop at naglalakad na patay—ang mga nakakaabot lamang sa antas na ito ang marapat na maperpekto. Tanging sa pagkakaroon lamang ng pagkatao at konsensiya magiging angkop na gamitin ng Diyos ang isang tao. Maituturing lamang kayo na isang tao kung kayo ay naperpekto na. Tanging ang mga taong naperpekto na ang namumuhay ng makabuluhang mga buhay. Tanging ang mga taong tulad nito ang mas matunog na makapagpapatotoo sa Diyos.

Sinundan:  Tungkol sa mga Katawagan at sa Pagkakakilanlan

Sumunod:  Dapat Mong Isantabi ang mga Pagpapala ng Katayuan at Unawain ang Layunin ng Diyos na Maghatid ng Kaligtasan sa Tao

Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos Ukol sa Pagkakilala sa Diyos Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw Paglalantad sa mga Anticristo Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ang Paghatol ay Nagsisimula sa Tahanan ng Diyos Mahahalagang Salita Mula sa Makapangyarihang Diyos, ang Cristo ng mga Huling Araw Araw-araw na mga Salita ng Diyos Ang Mga Katotohanang Realidad na Dapat Pasukin ng mga Mananampalataya sa Diyos Sundan ang Kordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin Mga Gabay para sa Pagpapalaganap ng Ebanghelyo ng Kaharian Naririnig ng mga Tupa ng Diyos ang Tinig ng Diyos Makinig sa Tinig ng Diyos  Masdan ang Pagpapakita ng Diyos Mahahalagang Tanong at Sagot tungkol sa Ebanghelyo ng Kaharian Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume I) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume II) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume III) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IV) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume V) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VI) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VIII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IX) Paano Ako Bumalik sa Makapangyarihang Diyos

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito

Connect with us on Messenger