10. Paano makilatis ang kalikasang diwa ni Pablo
Mga Salita ng Makapangyarihang Diyos ng mga Huling Araw
Sa pagbanggit kay Pablo, iisipin ninyo ang kanyang kasaysayan, at ang ilan sa mga kuwento tungkol sa kanya na hindi tumpak at hindi umaayon sa realidad. Tinuruan siya ng kanyang mga magulang mula sa murang edad, at natanggap ang Aking buhay, at bilang resulta ng Aking paunang pagtatadhana ay nagtaglay siya ng kakayahang Aking kinakailangan. Sa edad na 19, inaral niya ang iba’t ibang libro tungkol sa buhay; kaya hindi Ko na kailangang idetalye kung paano, dahil sa kanyang kakayahan, at dahil sa Aking kaliwanagan at pagtanglaw, hindi lamang siya nakapagsalita ng ilang kabatiran tungkol sa espirituwal na mga bagay, kundi nagawa niya ring arukin ang Aking mga layunin. Siyempre, hindi nito isinasantabi ang kombinasyon ng mga panloob at panlabas na kadahilanan. Gayumpaman, ang kanyang isang kapintasan ay, dahil sa kanyang mga talento, madalas siyang nagsasalita nang malabis. Bilang resulta, dahil sa kanyang paghihimagsik, na bahagyang direktang kumatawan sa arkanghel, nang Ako ay nagkatawang-tao sa unang pagkakataon, ginawa niya ang lahat ng makakaya niya upang tutulan Ako. Siya ang uri ng taong hindi kilala ang Aking mga salita, at naglaho na ang Aking lugar sa kanyang puso. Direktang tumututol ang gayong mga tao sa Aking pagka-Diyos, at sila ay hinahampas Ko, at yumuyuko lamang at nagkukumpisal ng kanilang mga kasalanan sa katapus-katapusan. Kaya, pagkatapos Kong magamit ang kanyang mga kalakasan—na ang ibig sabihin, matapos siyang makapaglingkod sa Akin nang kaunting panahon—bumalik siyang muli sa kanyang mga lumang gawi, at kahit na hindi siya direktang naghimagsik laban sa Aking mga salita, naghimagsik siya laban sa Aking panloob na gabay at kaliwanagan, at sa gayon ang lahat ng kanyang nagawa nang nakaraan ay walang-saysay; sa madaling salita, ang korona ng kaluwalhatian na sinabi niya ay naging hungkag na mga salita, isang produkto ng kanyang sariling imahinasyon, dahil kahit sa ngayon ay sumasailalim pa rin siya sa Aking paghatol sa loob ng pagkakabihag ng Aking mga gapos.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Salita ng Diyos Para sa Buong Sansinukob, Kabanata 4
Sa mga naghahangad ng buhay, si Pablo ay isang taong hindi kilala ang sarili niyang diwa. Hindi siya mapagpakumbaba o mapagpasakop sa anumang paraan, at wala siyang anumang pagkakilala sa kanyang diwa, na salungat sa Diyos. Kaya nga, siya ay isang taong hindi pa sumailalim sa mga detalyadong karanasan, at isang taong hindi nagsagawa ng katotohanan. … Hindi kilala ni Pablo ang sarili niyang diwa o katiwalian, lalong hindi niya alam ang sarili niyang paghihimagsik. Hindi niya binanggit kailanman ang kanyang kasuklam-suklam na pagsalungat kay Cristo, ni hindi siya labis-labis na nagsisi. Nag-alok lamang siya ng maikling paliwanag at, sa kaibuturan ng kanyang puso, hindi siya lubusang sumuko sa Diyos. Bagama’t bumagsak siya sa lupa sa daan patungong Damasco, hindi niya sinuri ang kanyang sarili mula sa kaibuturan ng kanyang puso. Kontento na siyang patuloy lamang na gumawa, at hindi niya itinuring na pinakamahalaga sa mga usapin ang kilalanin ang kanyang sarili at baguhin ang kanyang dating disposisyon. Kontento na siya sa pagsasabi lamang ng mga katotohanan, sa pagtustos sa iba bilang pampalubag sa sarili niyang konsensiya, at sa pagtigil sa pag-usig sa mga disipulo ni Jesus upang aliwin ang kanyang sarili at patawarin ang sarili para sa kanyang nakaraang mga kasalanan. Ang layong kanyang hinangad ay walang iba kundi isang korona sa hinaharap at pansamantalang gawain, ang layong kanyang hinangad ay saganang biyaya. Hindi siya naghangad ng sapat na katotohanan, ni hindi niya hinangad na sumulong nang mas malalim sa katotohanang hindi niya naunawaan noon. Samakatwid ay masasabi na ang kanyang pagkakilala sa kanyang sarili ay peke, at hindi siya tumanggap ng pagkastigo o paghatol. Hindi komo nakaya niyang gumawa ay may taglay na siyang pagkakilala sa kanyang sariling kalikasan o diwa; ang kanyang tuon ay nasa panlabas na mga pagsasagawa lamang. Ang kanyang pinagsumikapan, bukod pa riyan, ay hindi pagbabago, kundi kaalaman. Ang kanyang gawain ay ang lubos na resulta ng pagpapakita ni Jesus sa daan patungong Damasco. Hindi iyon isang bagay na orihinal niyang naipasyang gawin, ni hindi siya gumampan ng gawain pagkatapos tanggapin ang pagpupungos ng kanyang dating disposisyon. Paano man siya gumawa, hindi nagbago ang kanyang dating disposisyon, kaya nga ang kanyang gawain ay hindi nagbayad-sala para sa dati niyang mga kasalanan kundi gumanap lamang ng isang tiyak na papel sa mga iglesia noong panahong iyon. Para sa isang taong tulad nito, na ang dating disposisyon ay hindi nagbago—ibig sabihin, hindi nakatanggap ng biyayang nagliligtas, at lalo pang walang taglay na katotohanan—talagang wala siyang kakayahang maging isa sa mga tinatanggap ng Panginoong Jesus. Hindi siya isang taong puno ng pagmamahal at takot kay Jesucristo, ni hindi siya isang taong bihasa sa paghahanap sa katotohanan, lalong hindi siya isang taong naghanap sa hiwaga ng pagkakatawang-tao. Isa lamang siyang taong sanay sa huwad na pangangatwiran, at hindi sumusuko sa sinumang nakatataas sa kanya o sa sinumang nagtataglay ng katotohanan. Kinainggitan niya ang mga tao o ang mga katotohanang taliwas sa kanya, o laban sa kanya, mas gusto niya ang mga taong maalam na nagpakita ng engrandeng imahe at nagtataglay ng malalim na kaalaman. Ayaw niyang makihalubilo sa mga taong maralita na naghahanap sa tunay na daan at walang ibang minamahal kundi ang katotohanan, sa halip ay mas gusto niya ang mga nakatataas na tao mula sa mga relihiyosong organisasyon na nagsasalita lamang tungkol sa mga doktrina, at may saganang kaalaman. Wala siyang pagmamahal sa bagong gawain ng Banal na Espiritu at hindi siya tumuon sa paggalaw ng bagong gawain ng Banal na Espiritu. Sa halip, pinaburan niya iyong mga regulasyon at doktrina na mas nakatataas kaysa mga pangkalahatang katotohanan. Sa kanyang likas na diwa at sa kabuuan ng kanyang hinangad, hindi siya karapat-dapat na matawag na isang Kristiyano na naghangad sa katotohanan, lalong hindi siya isang tapat na lingkod sa sambahayan ng Diyos, sapagkat masyado siyang mapagpaimbabaw, at napakatindi ng kanyang paghihimagsik. Bagama’t kilala siya bilang isang lingkod ng Panginoong Jesus, hinding-hindi siya akmang pumasok sa tarangkahan ng kaharian ng langit, sapagkat ang kanyang mga kilos mula simula hanggang katapusan ay hindi matatawag na matuwid. Maaari lamang siyang ituring na mapagpaimbabaw, at gumawa ng pagiging di-matuwid, subalit gumawa rin para kay Cristo. Bagama’t hindi siya matatawag na masama, maaari siyang angkop na tawagin na isang taong gumawa ng pagiging di-matuwid. Marami siyang ginawang gawain, subalit hindi siya dapat suriin batay sa dami ng gawaing kanyang ginawa, kundi sa kalidad at diwa lamang nito. Sa paraang ito lamang posibleng malaman ang pinag-ugatan ng bagay na ito. Naniwala siya noon pa man, “Kaya kong gumawa, mas mahusay ako kaysa sa karamihan ng mga tao; mapagsaalang-alang ako sa pasanin ng panginoon nang higit kaninuman, at walang sinumang nagsisisi nang kasinglalim ng pagsisisi ko, sapagkat nasinagan ako ng dakilang liwanag, at nakita ko na ang dakilang liwanag, kaya nga mas malalim ang aking pagsisisi kaysa kaninuman.” Sa panahong iyon, ito ang nasasaloob ng kanyang puso. Sa katapusan ng kanyang gawain, sinabi ni Pablo, “Nakipagbaka ako ng pakikipagbaka. Natapos ko na ang takbuhin, at may nakalaan para sa akin na isang korona ng katuwiran.” Ang kanyang laban, gawain, at takbuhin ay lubos na para sa kapakanan ng korona ng katuwiran, at hindi siya aktibong sumulong. Bagama’t hindi siya pabaya sa kanyang gawain, masasabi na ang kanyang gawain ay ginawa para lamang makabawi sa kanyang mga pagkakamali, punan ang mga panunumbat ng kanyang konsensiya. Inasam lamang niyang kompletuhin ang kanyang gawain, tapusin ang kanyang takbuhin, at tapusin ang kanyang paglaban sa lalong madaling panahon, upang matamo niya ang kanyang inaasam na korona ng katuwiran nang mas maaga. Ang kanyang inasam ay hindi upang makatagpo ang Panginoong Jesus nang mayroong kanyang mga karanasan at tunay na pagkakilala, kundi upang tapusin ang kanyang gawain sa lalong madaling panahon, upang matanggap niya ang mga gantimpalang marapat sa kanya dahil sa kanyang gawain nang makatagpo siya ng Panginoong Jesus. Ginamit niya ang kanyang gawain upang aliwin ang kanyang sarili, at bilang isang uri ng pakikipagtransaksyon, umaasang maipagpapalit ito para sa isang korona sa hinaharap. Ang kanyang hinangad ay hindi ang katotohanan o ang Diyos, kundi ang korona lamang. Paano magiging pasok sa pamantayan ang gayong paghahangad? Ang kanyang pangganyak, kanyang gawain, ang halagang kanyang ibinayad, at lahat ng kanyang isinakripisyo—lumaganap sa lahat ng iyon ang kanyang kamangha-manghang mga pantasya, at ganap siyang gumawa ayon sa kanyang sariling mga pagnanais. Sa kabuuan ng kanyang gawain, wala ni katiting na pagkukusa sa halagang kanyang ibinayad; ginagawa lang niya ito sa transaksyonal na paraan. Ang kanyang mga pagsakripisyo ay hindi kusang ginawa alang-alang sa kanyang tungkulin, kundi kusang ginawa upang makamit ang pakay niya na makipagtransaksyon. May anumang halaga ba ang gayong mga pagsasakripisyo? Sino ang sasang-ayon sa kanyang maruruming pagsasakripisyo? Sino ang may interes sa gayong mga pagsasakripisyo? Ang kanyang gawain ay puno ng mga pangarap para sa hinaharap, puno ng kamangha-manghang mga plano, at walang anumang landas para mabago ang disposisyon ng tao. Nag-uumapaw siya sa huwad na kabutihan; ang kanyang gawain ay hindi tumustos ng buhay, kundi isang pakunwaring pagka-elegante; transaksyonal ito. Paano maaakay ng gawaing gaya nito ang tao tungo sa landas ng pagbabalik sa kanyang orihinal na tungkulin?
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Tagumpay o Kabiguan ay Nakadepende sa Landas na Tinatahak ng Tao
Kapag tiningnan ninyo ang lahat ng pagpapamalas ni Pablo, dapat ay makita ninyo ang kanyang kalikasang diwa, at ganap na makapagbuod na mali ang direksyon, mga layon, ang pinagmulan, at motibasyon ng kanyang mga paghahangad, at na ang mga bagay na ito ay naghihimagsik at lumalaban sa Diyos, hindi nakalulugod sa Kanya, at kinasusuklaman ng Diyos. Ano ang una sa mga pangunahing pagpapamalas ni Pablo? (Nagpakapagod at gumawa siya kapalit ng isang putong.) Sa pamamagitan ng ano naiparating sa inyo ang pagpapamalas at kalagayan niyang ito? (Sa pamamagitan ng kanyang mga salita.) Sa pamamagitan ng kanyang “matatalinong kasabihan.” Kadalasan, ang matatalinong kasabihan ay positibo, at nakakatulong at kapaki-pakinabang sa mga may determinasyon, pag-aasam, at adhikain; kaya ng mga ito na palakasin ang loob ng gayong mga tao at bigyan sila ng motibasyon, pero ano ang naging silbi ng matatalinong kasabihan ni Pablo? Marami siya nito. Ano ang isa sa mga mas sikat niyang kasabihan? (“Nakipagbaka na ako ng mabuting pakikipagbaka, natapos ko na ang aking takbo, napanatili ko ang pananalig: Buhat ngayon ay natataan sa akin ang putong ng katuwiran” (2 Timoteo 4:7–8).) Anong aspekto ng kanyang kalikasang diwa ang inirerepresenta ng mga salitang ito? Paano natin ito dapat ilarawan ayon sa katotohanan? (Siya ay mapagmataas, nag-aakalang mas matuwid kaysa sa iba, at naghahangad na makipagtransaksyon sa Diyos.) Ang mapagmataas niyang kalikasan ang siyang naggiya sa kanya na sabihin ang mga salitang ito—hindi siya magpaparoo’t parito, hindi siya gagawa, o mananampalataya pa nga sa Diyos kung walang putong sa huli. Pagkatapos makinig sa napakaraming sermon, dapat magawa na ng mga tao ngayon na maunawaan ang pagpapamalas na ito at ang kalagayang ito na ipinakita ni Pablo, pero kaya ba ninyo itong ilarawan? Kapag sinabi natin na “ibuod,” layon nating ilarawan ang isang bagay; ang mga salitang ginagamit ninyo para ilarawan ang isang bagay ay tunay na pagkaunawa. Kapag tumpak mong nailalarawan ang isang bagay, pinapatunayan nito na malinaw mong nakikita ang naturang bagay; kapag hindi mo kayang ilarawan ang isang bagay at kinokopya mo lang ang mga paglalarawan ng ibang tao, pinatutunayan nito na hindi mo ito tunay na nauunawaan. Anong uri ng pag-iisip o kalagayan ang nagtulak kay Pablo na sabihin ang mga salitang iyon sa pagkakataong iyon? Anong intensyon ang nagtulak sa kanya para gawin ito? Ano ang diwa ng kanyang mga paghahangad na makikita mo sa mga salitang ito? (Para magkamit ng mga pagpapala.) Nagparoo’t parito siya, ginugol ang kanyang sarili, at nagbayad ng gayong halaga dahil kontrolado siya ng intensyon niya na magkamit ng mga pagpapala. Iyon ang kalikasang diwa niya, at iyon ang nanahan sa kaibuturan ng kanyang puso. … Itinuring ni Pablo ang bawat isa sa mga ito—pakikipaglaban ng mabuting laban, pagpaparoo’t parito, paggawa, paggugol ng sarili, at maging ang pagdidilig sa mga iglesia—bilang mga puhunan na magagamit niya kapalit ng putong ng katuwiran, at bilang ang landas patungo rito. Kaya, kahit pa nagdusa siya, gumugol ng kanyang sarili, o nagparoo’t parito, gaano man siya nagdusa o gaano man kalaki ang halagang ibinayad niya, ang tanging layon sa kanyang isip ay ang makuha ang putong ng katuwiran. Itinuring niyang isang lehitimong layon sa pananampalataya sa Diyos ang paghahangad sa putong ng katuwiran at ang paghahangad ng mga pagpapala, at ang pagdurusa, paggugol ng kanyang sarili, paggawa, at pagparoo’t parito bilang ang landas patungo rito. Ang lahat ng mabuting pag-uugali na ipinapakita niya sa panlabas ay pakitang-tao lamang; sinubukan niyang makipagtransaksyon sa Diyos para ipagpalit ito sa mga pagpapala sa huli. Ito ang una sa malalaking kasalanan ni Pablo.
Kung titingnan ang mga bagay na sinabi, ginawa, at ibinunyag ni Pablo, pati na rin ang kanyang intensyon, layon, at saloobin sa pagpaparoo’t parito at paggawa, mayroon bang anuman sa loob ng mga ito na umaayon sa katotohanan? (Wala.) Walang anuman sa kanya ang umaayon sa katotohanan, at hindi siya kailanman kumilos ayon sa mga turo ng Panginoong Jesus. Nagnilay ba siya sa kanyang sarili, kung gayon? (Hindi.) Hindi niya kailanman pinagnilayan ang kanyang sarili kahit kaunti, ni hindi niya hinanap ang katotohanan, kaya ano ang batayan niya para ipagpalagay na tama ang iniisip niya? (Ang kanyang mga kuru-kuro at imahinasyon.) May isyu sa bagay na ito; paano niya ginawang layon na hahangarin niya sa kanyang buong buhay ang isang bagay na naisip niya? Hindi ba siya kailanman nagbulay-bulay at nagtanong sa sarili niya, “Tama ba ang iniisip ko? Hindi ganito mag-isip ang ibang tao, ako lang: Isyu ba iyon?” Bukod sa wala siyang ganitong mga pagdududa, isinulat niya ang kanyang mga kaisipan sa mga liham at ipinadala ang mga ito sa lahat ng iglesia, para mabasa ng lahat ang mga ito. Ano ang kalikasan ng pag-uugaling ito? May problema sa bagay na ito; bakit hindi niya kailanman kinuwestiyon kung ang iniisip ba niyang tama ay alinsunod sa katotohanan, bakit hindi niya kailanman hinanap ang katotohanan, o tiningnan ito batay sa kung ano ang sinabi ng Panginoong Jesus, sa halip ay itinuring niya bilang mga layon na dapat niyang hangarin ang mga naisip niya at ang mga bagay na inakala niyang tama sa kanyang mga kuru-kuro? Ano ang problema rito? Itinuring niya bilang katotohanan at layong dapat niyang hangarin ang mga naisip niya at ang mga bagay na inakala niyang tama. Hindi ba’t ito ay labis na mapagmataas at mapagmagaling? May puwang pa ba ang Diyos sa puso niya? Nagawa pa ba niyang ituring bilang katotohanan ang mga salita ng Diyos? Kung hindi niya nagawang ituring ang mga salita ng Diyos bilang katotohanan, ano ang kanyang saloobin sa Diyos? Hindi ba’t gusto niyang maging diyos? Kung hindi, hindi sana niya itinuring ang mga inisip niya sa sarili niyang mga kuru-kuro bilang mga layon na dapat niyang hangarin, ni hindi sana niya hinangad ang kanyang mga kuru-kuro at imahinasyon na para bang ang mga ito ay ang katotohanan. Naniwala siya na ang iniisip niya ay ang katotohanan, at na alinsunod ito sa mga layunin ng Diyos. Ipinangaral din niya kung ano ang inakala niyang tama sa mga kapatid sa mga iglesia, at sinubukan itong itanim sa isip nila, pinasusunod ang lahat sa mga balighong bagay na sinabi niya; pinalitan niya ang mga salita ng Panginoong Jesus ng sarili niyang mga balighong salita, at ginamit ang mga ito para patotohanan na para sa kanya ang mabuhay ay si cristo. Hindi ba’t ito ang ikalawa sa mga pangunahing kasalanan ni Pablo? Ang problemang ito ay napakalubha!
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Paano Makilatis ang Kalikasang Diwa ni Pablo
May isa pang naging malubhang kasalanan si Pablo, iyon ay na ginawa niya ang kanyang gawain nang ganap na nakabatay sa kanyang katalinuhan, sa akademikong kaalaman, kakayahan, teolohikal na kaalaman at teorya. Isa itong bagay na nauugnay sa kanyang kalikasang diwa. Dapat ninyong ibuod ito, at pagkatapos ay suriin kung ano ang kanyang saloobin tungkol sa mga bagay na ito. Napakahalaga nito at kritikal din ito, at isa itong bagay na dapat maunawaan ng mga tao. … Ano ang taglay-taglay ni Pablo mula pagkasilang? (Ang kanyang likas na mga abilidad.) Si Pablo ay likas na matalino, mahusay magsalita, mahusay magpahayag ng kanyang sarili, at hindi siya kinakabahan sa entablado. Pagtuunan natin ngayon ang pag-uusap tungkol sa kanyang mga likas na abilidad, kaloob, talas ng isip, katalinuhan pati na sa kaalamang natutunan niya. Ano ang ibig sabihin ng katunayang mahusay siyang magsalita? Anong mga pagbubunyag at pagpapamalas ang mayroon siya? Mahilig siyang maglitanya ng matatayog na ideya; patuloy niyang ipinangalandakan ang malalalim na espirituwal na doktrina, teorya at kaalaman, at ang mga tanyag na teksto at kasabihan na madalas banggitin ng mga tao. Anong iisang salita ang maaaring gamitin para ibuod ang kalikasan ng mga bagay na ito na tinalakay ni Pablo? (Hungkag.) Nakapagpapatibay ba sa mga tao ang mga hungkag na salita? Pagkatapos na pagkatapos marinig ng mga tao ang mga ito, napakaganda at napakasigla ng pakiramdam nila, pero pagkaraan ng ilang sandali, nawawalan na naman sila ng sigla. Tingnan mo, ang mga bagay na ito na sinabi ni Pablo ay malabo at ilusyon lang—masyadong walang-sustansya ang mga ito para maarok. Sa mga teoryang ito na sinabi niya, hindi mo makita ang isang tamang direksyon o layon na hahangarin, hindi ka makahanap ng isang tumpak na landas ng pagsasagawa, at hindi ka rin makahanap ng anuman para lutasin ang mga paghihirap na kinakaharap ng mga tao sa kanilang karanasan ng pananampalataya sa Diyos—maging ito man ay isang teorya o isang batayan, wala ang alinman sa mga bagay na ito. Iyon ang dahilan kung bakit sinasabi Ko na mga hungkag at impraktikal na salita ang mga sinabi niyang mga teoryang panrelihiyon at espirituwal na doktrina. Ano ba ang layon ni Pablo sa pagsasalita tungkol sa mga bagay na ito? Sinasabi ng ilang tao na, “Palagi niyang pinag-uusapan ang mga bagay na ito dahil gusto niyang makuha ang loob ng mas maraming tao, at himukin ang mga ito na tingalain at idolohin siya. Ginusto niyang palitan ang Panginoong Jesus at magkamit ng mas maraming tao. Kung magkakamit siya ng maraming tao, hindi ba’t pagpapalain siya?” Ito ba ang paksang gusto nating pag-usapan ngayon? (Hindi, hindi ito.) Si Pablo ay isang tao na hindi napungusan, nahatulan, o nakastigo, o naipasailalim sa mga pagsubok o pagpipino, at taglay niya ang mga kaloob na ito, at ang kalikasang diwa ng isang anticristo, kaya natural na nagpasikat siya nang ganito. Ang katunayan na mayroon siyang ganitong uri ng pag-uugali at mga pagpapamalas ay lubhang normal, at hindi na natin tatalakayin nang malalim ang usaping ito. Ano ang tatalakayin natin nang malalim? Ang diwa ng problema ng pangangaral ni Pablo ng mga hungkag na teorya, ang ugat na sanhi at motibasyon sa likod ng paggawa niya nito, at kung ano ang nag-udyok sa kanya na kumilos nang ganito. Pagdating sa lahat ng bagay na tinalakay niya—maging ito man ay mga doktrina, argumento, teolohikal na kaalaman, mga bagay na nagmula sa kanyang likas na mga kaloob, o ang sarili niyang interpretasyon sa mga bagay-bagay—sa pangkalahatan, ang pinakamalaking problema ni Pablo ay itinuring niya ang lahat ng bagay na ito na nagmula sa kalooban ng tao bilang ang katotohanan. Iyon ang dahilan kung bakit naglakas-loob siyang hayagan at mapangahas na gamitin ang mga teolohikal na teoryang ito para kunin ang loob ng mga tao at turuan sila. Ito ang diwa ng problema. Isa ba itong malubhang problema? (Oo.) Anong mga bagay ang itinuring niya bilang katotohanan? Ang mga kaloob na taglay niya mula pagkasilang, pati na rin ang kaalaman at mga teolohikal na teorya na natutunan niya. Ang kanyang mga teolohikal na teorya ay natutunan mula sa mga guro, nabasa mula sa mga Kasulatan, at nagmula rin sa sarili niyang pagkaunawa at mga imahinasyon. Itinuring niya ang mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao tungkol sa Diyos bilang mga tamang bagay at pinakapit niya ang mga tao sa mga ito; itinuring pa nga niya ang sarili niyang mga salita at ang kanyang kaalaman at pagkaunawa sa Diyos bilang ang katotohanan, at pinabasa at pinatanggap sa mga tao ang mga bagay na ito—ito ang pinakamalubhang problema. Hindi ba’t itinuring niya ang mga bagay gaya ng mga liham na isinulat niya, ang kanyang mga pananaw, at ang kanyang mga kaisipan, pati na ang kanyang mga kuru-kuro at imahinasyon, bilang pawang katotohanan? Kung hindi, hindi sana niya sinabing, “Sapagkat sa akin ang mabuhay ay si cristo, at ang mamatay ay pakinabang” (Filipos 1:21). Kung naniwala siya noong panahong iyon na ang lahat ng salitang isinulat niya ay ang katotohanan, mayroon ba siya ng anumang kaalaman sa katotohanan? (Hindi.) Pinatutunayan nito na wala siyang kaalaman sa mga salita ng Diyos; hindi niya alam kung ano ang katotohanan. Kung itinuring niya ang lahat ng bagay na ito na sinabi niya bilang ang katotohanan, kung gayon ay masyado siyang mapagmataas at masyadong wala sa katwiran! Pinabasa niya sa mga mananampalataya sa Panginoon ang mga liham na isinulat niya, at bilang resulta ay binabasa na ng mga tao ang mga ito sa loob ng dalawang libong taon. Ano ang kinahinatnan nito? Ang lahat ng tao ay lumihis mula sa Diyos at sa halip ay lumapit kay Pablo. Inisip niya na ang kadakilaan ng buhay ng isang tao ay natutukoy sa kung gaano karaming sermon ang kaya niyang ipangaral, at kung gaano katayog ang mga sermon na iyon. Itinuring niyang buhay ang mga bagay na iyon. Seryosong bagay ba ito? (Oo, seryoso ito.) Ano ang naging epekto nito? (Nagkaroon ito ng epekto sa landas na sinunod niya sa kanyang pananalig.) Ito ay isang aspekto nito. Ano pa? (Inakala niya na ang pagtatamo ng mga bagay na ito ay makapaghahatid sa kanya ng kaligtasan at makapagpapasok sa kanya sa kaharian ng langit.) May kinalaman pa rin ito sa pagtatamo ng mga pagpapala; inakala niya na kapag mas malaki ang buhay niya, mas malaki ang tsansa niyang makapasok sa kaharian ng langit at makapunta sa langit. Ano pa ang ibang paraan ng pagkakasabi sa “pagpunta sa langit”? (Ang gumamit ng kapangyarihan bilang hari kasama ang Diyos.) Ang intensiyon niya sa pagpasok sa kaharian ng langit ay para gumamit ng kapangyarihan bilang hari kasama ang Diyos, pero hindi pa ito ang pinakalayon niya, may isa pa. Ano ang sabi ng isang linyang iyon sa kanyang mga liham? (“Sapagkat sa akin ang mabuhay ay si cristo, at ang mamatay ay pakinabang.”) Ano ba ang ibig sabihin nito? Maaari ba siyang maging diyos pagkamatay niya? Walang hangganan ang kanyang ambisyon! Napakalala ng problemang ito! Kaya, mali bang himayin natin ang kaso ni Pablo? Hinding-hindi. Hindi niya dapat itinuring kailanman ang kanyang mga kaloob at ang kaalamang natutunan niya bilang buhay. Ito ang kanyang pangatlong malaking kasalanan.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Paano Makilatis ang Kalikasang Diwa ni Pablo
“Si Pablo, na tinawag na maging apostol ni Jesucristo sa pamamagitan ng kalooban ng Diyos.” Madalas gamitin ni Pablo ang pariralang ito, at punung-puno ito ng impormasyon. Una, alam natin na si Pablo ay isang apostol ng Panginoong Jesucristo. Kaya, mula sa perspektiba ni Pablo, sino ang Panginoong Jesucristo? Siya ang anak ng tao, at pumapangalawa sa Diyos na nasa langit. Tinawag man niyang Maestro ang Panginoong Jesucristo o tinawag niya Siyang Panginoon, mula sa perspektiba ni Pablo, hindi Diyos ang Cristo na nasa lupa, kundi sa halip ay isang tao na kayang magturo sa mga tao at magpasunod sa mga ito sa Kanya. Ano ang naging gampanin ni Pablo bilang apostol ng isang tao na kagaya nito? Ang ipangaral ang ebanghelyo, bisitahin ang mga iglesia, mangaral ng mga sermon, at sumulat ng mga liham. Naniwala siya na ginagawa niya ang mga bagay na ito bilang kinatawan ng Panginoong Jesucristo. Sa puso niya, inisip niya na, “Tutulungan kita sa pamamagitan ng pagpunta sa kung saan hindi ka makakapunta, at titingnan ko para sa iyo ang mga lugar na ayaw mong puntahan.” Ito ang konsepto ni Pablo ng isang apostol. Ang pagkakaranggo, sa isipan niya, ay na kapwa siya at ang Panginoong Jesus ay parehong karaniwang mga tao. Itinuring niya ang kanyang sarili at ang Panginoong Jesucristo bilang magkapantay, bilang mga tao. Sa isip niya, wala namang pagkakaiba sa diwa sa pagitan ng kanilang mga katayuan, ni pagkakaiba sa kanilang mga pagkakakilanlan, lalo na sa kanilang mga ministeryo. Tanging ang mga pangalan, edad, mga sitwasyon ng pamilya, at mga pinagmulan nila ang magkakaiba, at mayroon sila ng magkakaibang panlabas na mga kaloob at kaalaman. Sa isip ni Pablo, maliban sa mga bagay na iyon, magkapareho sila ng Panginoong Jesucristo, at maaari din siyang tawaging anak ng tao. Ang tanging dahilan kung bakit pumangalawa lang siya sa Panginoong Jesucristo ay dahil siya ang apostol ng Panginoong Jesus; ginamit niya ang kapangyarihan ng Panginoong Jesucristo, at isinugo siya ng Panginoong Jesucristo para bisitahin ang mga iglesia at gawin ang gawain ng iglesia. Ito ang pinaniwalaan ni Pablo na kanyang katayuan at pagkakakilanlan bilang apostol—ganito ang kanyang interpretasyon. Dagdag pa rito, pansinin ang salitang “tinawag” sa parirala na, “Si Pablo, na tinawag na maging apostol ni Jesucristo.” Mula sa salitang ito, makikita natin ang pag-iisip ni Pablo. Bakit niya ginamit ang pitong salitang “tinawag … sa pamamagitan ng kalooban ng Diyos”? Hindi nito inisip na tinawag ito ng Panginoong Jesucristo para maging apostol Niya; inisip nito na “Walang kapangyarihan ang panginoong Jesucristo para utusan akong gumawa ng anumang bagay. Hindi ko ginagawa ang inuutos niya; wala akong ginagawang kahit ano para sa kanya. Sa halip, ginagawa ko ang mga bagay na ito sa pamamagitan ng kalooban ng diyos sa langit. Ang aking pagkakakilanlan at katayuan ay pareho ng sa panginoong Jesucristo.” Nagpapahiwatig ito ng isa pang mensahe—inisip ni Pablo na siya ang anak ng tao, katulad ng Panginoong Jesucristo. Ibinubunyag ng pitong salita na “tinawag … sa pamamagitan ng kalooban ng Diyos” kung paano itinatwa at pinagdudahan ni Pablo ang pagkakakilanlan ng Panginoong Jesucristo sa kaibuturan ng kanyang puso. Sinabi ni Pablo na isa siyang apostol ng Panginoong Jesucristo sa pamamagitan ng kalooban ng Diyos, na sinabihan siya ng Diyos na maging apostol, na siya ay paunang inorden at itinalaga ng Diyos, at na naging apostol siya ng Panginoong Jesucristo dahil tinawag siya ng Diyos at ito ang kalooban ng Diyos. Sa isipan ni Pablo, iyon ang ugnayan sa pagitan niya at ng Panginoong Jesucristo. Gayumpaman, hindi pa nga ito ang pinakamasamang parte nito. Ano ang pinakamasamang parte? Na inisip ni Pablo na siya ang apostol ng Panginoong Jesucristo sa pamamagitan ng kalooban ng Diyos, hindi ng Panginoong Jesucristo, na hindi ang Panginoong Jesus ang tumawag sa kanya, kundi ang Diyos sa langit ang siyang nag-utos sa kanya na gawin ito. Inisip niya na walang sinuman ang may kapangyarihan o mga kalipikasyon para gawin siyang apostol ng Panginoong Jesucristo, na tanging ang Diyos sa langit ang may ganoong kapangyarihan, at na siya ay direktang ginagabayan ng Diyos sa langit. Kaya, ano ang ipinapahiwatig nito? Ipinapahiwatig nito na sa kaibuturan ng puso ni Pablo, naniwala siya na ang Diyos sa langit ang numero uno, at siya mismo ang pangalawa. Kung gayon, saang posisyon niya inilagay ang Panginoong Jesus? (Sa parehong posisyon niya.) Ito ang problema. Sa kanyang mga labi, tinawag niya ang Panginoong Jesus na “Cristo,” pero hindi niya kinilala na ang diwa ni Cristo ay ang Diyos; hindi niya naunawaan ang ugnayan sa pagitan ni Cristo at ng Diyos. Ang kawalan ng pagkaunawang ito ay isang napakalubhang problema. Sa anong paraan ito naging malubha? (Hindi niya inamin na ang Panginoong Jesus ang Diyos na nagkatawang-tao. Itinatwa niya ang Panginoong Jesus.) Oo, malubha nga iyon. Itinatwa niya na ang Panginoong Jesucristo ay ang nagkatawang-taong laman ng Diyos, na ang Panginoong Jesucristo ang laman ng Diyos nang bumaba Siya mula sa langit patungo sa lupa, at na ang Panginoong Jesus ang Diyos na naging laman. Hindi ba’t ipinapahiwatig nito na itinatwa ni Pablo ang pag-iral ng Diyos sa lupa? (Oo, ganoon nga.) Kung itinatwa niya ang pag-iral ng Diyos sa lupa, magagawa ba niyang kilalanin ang mga salita ng Panginoong Jesus? (Hindi, hindi niya magagawa.) Kung hindi niya kinilala ang mga salita ng Panginoong Jesus, kaya ba niyang tanggapin ang mga ito? (Hindi, hindi niya kaya.) Hindi niya tinanggap ang mga salita, pagtuturo, o ang pagkakakilanlan ng Panginoong Jesucristo, kaya, magagawa ba niyang tanggapin ang gawain ng Panginoong Jesucristo? (Hindi, hindi niya magagawa.) Hindi niya tinanggap ang gawaing ginawa ng Panginoong Jesucristo, o ang katunayan na ang Panginoong Jesucristo ay Diyos, pero hindi pa ito ang pinakamasamang parte. Ano ang pinakamasamang parte? Dalawang libong taon na ang nakararaan, pumarito ang Panginoong Jesus sa lupa para gawin ang pinakadakilang gawain sa lahat—ang gawain ng pagtubos sa Kapanahunan ng Biyaya, kung saan nagkatawang-tao Siya at naging wangis ng makasalanang laman, at ipinako Siya sa krus bilang handog para sa kasalanan para sa buong sangkatauhan. Dakila ba ang gawain na ito? (Oo.) Gawain ito ng pagtubos sa buong sangkatauhan, at ang Diyos Mismo ang may gawa nito, pero mapagmatigas na itinatwa ito ni Pablo. Itinatwa niya na ang Diyos Mismo ang may gawa ng gawain ng pagtubos na ginawa ng Panginoong Jesus, na pagtatatwa sa katunayan na naisakatuparan na ng Diyos ang gawain ng pagtubos. Malubhang problema ba ito? Napakalubha nito! Bukod sa hindi hinangad ni Pablo na maunawaan ang katunayan ng pagkakapako sa krus ng Panginoong Jesucristo, hindi rin niya inamin ito, at ang hindi pag-amin dito ay katumbas ng pagtatatwa rito. Hindi niya inamin na ang Diyos ang siyang napako sa krus at tumubos sa buong sangkatauhan, hindi rin niya inamin na nagsilbi bilang handog para sa kasalanan ang Diyos para sa buong sangkatauhan. Ipinapahiwatig nito na hindi niya inamin na natubos ang buong sangkatauhan pagkatapos gawin ng Diyos ang Kanyang gawain, o na napatawad ang kanilang mga kasalanan. Gayundin, inisip niyang hindi napatawad ang kanyang mga kasalanan. Hindi niya inamin ang katunayan na tinubos ng Panginoong Jesus ang sangkatauhan. Sa kanyang pananaw, nabura na ang lahat ng iyon. Ito ang pinakamalubhang isyu. Ngayon lang, nabanggit Ko na si Pablo ang pinakamatinding anticristo sa nakalipas na dalawang libong taon; naibunyag na ang katunayang ito. Kung hindi naitala ang mga katunayang ito sa Bibliya, at sinabi ng Diyos na nilabanan ni Pablo ang Diyos at isa itong anticristo, paniniwalaan ba ito ng mga tao? Talagang hindi nila ito paniniwalaan. Buti na lang at nakatala sa Bibliya ang mga sulat ni Pablo, at mayroon ditong patunay na batay sa katunayan sa mga sulat na iyon; dahil kung hindi, walang magpapatunay sa mga sinasabi Ko, at maaaring hindi kayo makumbinsi. Kung titingnan ang mga salita ni Pablo ngayon, paano niya itinuring ang maraming salitang sinabi ng Panginoong Jesus? Inisip niya na hindi kapantay ang mga bagay na sinabi ng Panginoong Jesus sa kahit isa sa kanyang mga sariling doktrinang panrelihiyon. Kaya, matapos lisanin ng Panginoong Jesus ang mundong ito, bagama’t nag-ebanghelyo si Pablo, gumawa, nangaral, at nagpastol ng mga iglesia, hindi niya kailanman ipinangaral ang mga salita ng Panginoong Jesus, lalo namang hindi niya isinagawa o naranasan ang mga ito. Sa halip, ipinangaral niya ang sarili niyang pagkaunawa tungkol sa Lumang Tipan, na hindi na napapanahon at mga hungkag na salita. Sa nakalipas na dalawang libong taon, iyong mga nananampalataya sa Panginoon ay nananampalataya ayon sa Bibliya, at ang tinatanggap nila, sa pangunahin, ay mga hungkag na teorya ni Pablo. Bilang resulta, ang mga tao ay nailihis at nabulag niya sa loob ng dalawang libong taon. Kung sasabihin mo sa isang grupo ng mga relihiyosong tao ngayon na mali si Pablo, magpoprotesta sila at magiging tutol, dahil silang lahat ay labis na humahanga kay Pablo. Si Pablo ang kanilang idolo at amang nagtatag, at sila naman ang mga debotong inapo ni Pablo. Gaano kalubha silang nailihis? Nasa parehong panig na sila ni Pablo sa pagkontra sa Diyos; pareho ng kay Pablo ang kanilang mga pananaw, pareho ng kay Pablo ang kanilang kalikasang diwa, at pareho ng kay Pablo ang kanilang pamamaraan ng paghahangad. Tuluyan na silang naasimila ni Pablo. Ito ang ikaapat na malaking kasalanan ni Pablo. Itinatwa niya ang pagkakakilanlan ng Panginoong Jesucristo, at itinatwa niya ang gawaing ginawa ng Diyos sa Kapanahunan ng Biyaya pagkatapos ng Kapanahunan ng Kautusan. Ito ang pinakamalubhang isyu. Ang isa pang malubhang isyu ay na pinaniwalaan niya na siya ay nagtataglay ng pagkakakilanlan at katayuan na kapareho ng sa Panginoong Jesucristo. Namuhay si Pablo sa kapanahunang iyon, at nakilala niya ang Panginoong Jesucristo pero hindi niya itinuring na Diyos ang Panginoong Jesucristo. Sa halip, itinuring niya ang Panginoong Jesucristo bilang isang karaniwang tao, ibig sabihin, itinuring niya lang ang Panginoon bilang isa pang miyembro ng sangkatauhan—tulad ng isang tao na may parehong kalikasang diwa ng mga tiwaling tao. Hindi kailanman itinuring ni Pablo ang Panginoong Jesus bilang Cristo, lalo na bilang Diyos. Napakalubhang bagay nito. Kaya, bakit kumilos si Pablo sa ganitong paraan? (Hindi niya nakilala na taglay ng Diyos na nagkatawang-tao ang diwa ng Diyos, kaya hindi niya itinuring ang Panginoong Jesucristo bilang Diyos.) (Hindi niya itinuring bilang katotohanan ang mga salita ng Panginoong Jesus, ni itinuring na ang Panginoong Jesucristo ang pagsasakatawan ng katotohanan.) (Tila nanampalataya si Pablo sa Panginoong Jesus, pero ang kathang-isip na diyos sa langit ang talagang sinasampalatayanan niya.) (Hindi niya hinanap ang katotohanan, kaya naman hindi niya napagtanto na si Cristo nga ang katotohanan at ang buhay.) Magpatuloy. (Sinabi ni Pablo na para sa kanya ang mabuhay ay si cristo. Ginusto niyang maging diyos at palitan ang Panginoong Jesus.) Ang lahat ng sinabi ninyo ay umaayon sa mga katunayan. Ang bawat isa sa mga paraan ng pagpapamalas ni Pablo sa kanyang sarili, at ang bawat isa sa mga kasalanan niya, ay mas malala pa kaysa sa nauna.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Paano Makilatis ang Kalikasang Diwa ni Pablo
Suriin natin ang pariralang ito na sinabi ni Pablo: “Natataan sa akin ang putong ng katuwiran.” Mabigat ang ipinapahiwatig ng mga salitang ito. Tingnan ninyo ang mga salitang ginamit niya: “ang putong ng katuwiran.” Kadalasan, medyo sapat nang gamitin ang salitang “putong” mismo, pero sino ba ang mangangahas na gamitin ang salitang “katuwiran” bilang isang ekspresyong naglalarawan sa isang putong? Tanging si Pablo ang mangangahas na gumamit ng salitang ito. Bakit niya ito ginamit? May pinagmulan ang salitang ito, at maingat itong pinili; may malalalim na pahiwatig ang mga salita niyang ito! Ano ang mga pahiwatig nito? (Sinusubukan niyang gamitin ang salitang ito para puwersahin ang Diyos na magkaloob ng putong sa kanya.) Ang kagustuhang puwersahin ang kamay ng Diyos ay isang aspekto nito. Siguradong may intensyon na gawin itong isang transaksiyon, at may katangian din ito ng pagtatangkang magtakda ng mga kondisyon sa Diyos. Bukod dito, may layon ba sa likod ng kung bakit palagi niyang ipinangaral ang tungkol sa putong na ito ng katuwiran? (Gusto niyang iligaw ang mga tao, para isipin nila na kung hindi siya nakakuha ng putong, hindi matuwid ang Diyos.) May elemento ng pang-uudyok at panlilihis sa pangangaral niya tungkol dito, at may kaugnayan ito sa mga pagnanais at ambisyon ni Pablo. Para matupad at matugunan ang pagnanais niya na magtamo ng putong ng katuwiran sa huli, gumamit siya ng isang taktika—ang taktika ng pangangaral tungkol dito sa lahat ng dako. Sa isang parte, ang layon niya sa pangangaral ng mga salitang ito ay para udyukan at ilihis ang mga tao; ito ay para ikintal ang isang partikular na kaisipan sa mga nakikinig, iyon ay, “Ang isang taong katulad ko na gumugugol nang husto ng kanyang sarili, palaging naglalakbay, at naghahangad tulad ng ginagawa ko ay makakatanggap ng putong ng katuwiran.” Pagkatapos makinig dito, naramdaman ng mga tao na ganap na may katwiran na ang isang taong kagaya ni Pablo ay makatanggap ng putong, at na ito lang ang katuwiran ng Diyos. Pakiramdam nila ay dapat silang magsikap na maglakbay at gumugol ng kanilang sarili gaya ng ginawa ni Pablo, na hindi sila dapat makinig sa Panginoong Jesus, at na si Pablo ang pamantayan, na siya ang panginoon, at siya ang direksyon at ang layon na dapat tahakin ng mga tao. Inakala rin nila na kung gagawin nila ang mga bagay-bagay gaya ng paraan ng paggawa ni Pablo, matatamo nila ang ganoon ding putong, kalalabasan, at hantungan gaya ni Pablo. Sa isang banda, inuudyukan at nililihis ni Pablo ang mga tao. Sa kabilang banda naman, mayroon siyang pinakamapaminsalang layon. Sa kaibuturan ng kanyang puso, inisip niya na, “Kung dahil sa hindi inaasahang pangyayari ay hindi ako nakakuha ng putong, kung saan sariling imahinasyon at inaasam ko lang pala ito, mangangahulugan ito na ang lahat ng nananampalataya kay cristo, kasama na ako, ay naligaw sa aming pananalig. Mangangahulugan ito na ang diyos sa lupa ay sadyang hindi umiiral, at itatatwa ko rin ang pag-iral mo, diyos sa langit, at wala kang magagawa tungkol dito!” Ang nais niyang ipahiwatig ay: “Kung hindi ko matatanggap ang putong na ito, wala rin sa mga kapatid ang makakatanggap nito. Dahil dito, itatatwa ng lahat ng nananampalataya sa panginoon ang panginoon, at hindi makakamit ng panginoon ang mga taong ito. Kasabay nito, papatunayan nito na ang diyos sa langit ay hindi matuwid. Kung ako, si Pablo, ay hindi makakatanggap ng putong, wala na ring ibang dapat makatanggap nito!” Ito ang mapaminsalang bahagi ni Pablo. Hindi ba’t ito ang ugali ng isang anticristo? Ito ang pag-uugali ng isang anticristo, isang masamang demonyo: inuudyukan, nililihis, at inaakit ang mga tao, at hayagang nagpoprotesta laban sa Diyos at kinokontra Siya. Sa kaibuturan ng kanyang puso, inisip ni Pablo na, “Kung hindi ako makakakuha ng putong, hindi matuwid ang diyos. Kung makakakuha ako ng putong, iyon lamang ang isang putong ng katuwiran, at saka lamang tunay na pagiging matuwid ang pagiging matuwid ng diyos.” Ito ang pinagmulan ng kanyang “putong ng katuwiran.” Ano ang ginagawa niya sa pamamagitan nito? Hayagan niyang inuudyukan at nililihis ang mga taong sumusunod sa Diyos. Kasabay nito, ginagamit niya ang mga pamamaraang ito para hayagang magprotesta at kumontra sa Diyos. Sa madaling salita, ang kanyang pag-uugali ay pag-uugali ng pagtindig laban sa Diyos. Ano ang kalikasan nito? Sa panlabas, tila pino at wasto naman ang mga salitang ginamit ni Pablo, at tila wala namang mali sa mga ito—sino ba ang hindi nananampalataya sa Diyos para makakuha ng putong ng katuwiran at pagpalain? Kahit ang mga taong walang kakayahan ay nananampalataya sa Diyos kahit papaano para makapasok sa langit. Magiging masaya na sila kahit pagwalisin pa sila ng mga kalsada o pagbantayin ng pintuan doon. Ang pagkakaroon ng ganitong intensiyon at layon sa pananampalataya ng isang tao sa Diyos ay maituturing na wasto at kauna-unawa. Gayumpaman, ang pagtatamo ng mga pagpapala at putong ay hindi ang tanging layon ni Pablo. Nagsikap siya nang husto, nagbayad ng malaking halaga, at gumamit ng maraming estratehiya pagdating dito. Inilantad ng mga bagay na sinabi ni Pablo ang kanyang mapaminsalang kalikasan, pati na ang mga nakatago, at madidilim na bahaging nasa kaibuturan niya. Noong panahong iyon, sikat na sikat si Pablo at maraming tao ang umidolo sa kanya. Nagpunta siya kung saan-saan na ipinapangaral ang kanyang mga teolohikal na teorya, ang kanyang mga kuru-kuro at imahinasyon, pati na ang mga kaalamang nakuha niya mula sa Bibliya, at ang mga bagay na kanyang nahinuha gamit ang kanyang isipan. Nang ipangaral ni Pablo ang mga bagay na ito sa iba’t ibang dako, napakalaki siguro ng naging epekto nito sa mga tao noon, at napakatindi siguro ng naging pinsala at lason nito sa kaibuturan ng kanilang puso! At napakalaki siguro ng naging epekto nito sa mga susunod na henerasyon ng mga taong natuto ng mga walang-katotohanang ideya at argumentong ito mula sa kanyang mga liham! Hindi na maaalis sa kanilang puso ng mga taong nakabasa ng mga salita niyang ito ang mga bagay na ito kahit gaano pa katagal nilang subukan—masyado nang malalim ang pagkakalason sa kanila! Gaano kalalim? Isang penomenon ang lumitaw sa relihiyon, na tinatawag na “Epektong Pablo.” Ano ba ang Epektong Pablo? Ito ay kung paanong ang mga tao ay pawang naiimpluwensiyahan ng mga kaisipan, pananaw, argumento ni Pablo, at ng mga tiwaling disposisyong ibinunyag niya. Partikular na naaapektuhan nito ang mga tao na may mga pamilyang nanampalataya sa Diyos sa loob ng ilang henerasyon—mga pamilyang sumunod kay Cristo sa loob ng maraming dekada. Sinasabi nila, “Nananampalataya ang aming pamilya sa panginoon sa loob ng maraming henerasyon, at hindi kami sumusunod sa mga makamundong kalakaran. Idinistansiya namin ang aming sarili mula sa sekular na mundo, at isinuko namin ang aming mga pamilya at trabaho para gugulin ang aming sarili para sa diyos. Ang lahat ng ginagawa namin ay katulad ng ginawa ni Pablo. Kung hindi kami makakatanggap ng mga putong o makakapasok sa langit, makikipagtuos kami sa diyos pagdating niya.” Hindi ba’t may ganitong argumento ang mga tao? (Oo.) At hindi biro ang impluwensiya ng kalakarang ito. Saan galing ang kalakarang ito? (Nanggaling ito sa mga ipinangaral ni Pablo.) Ito ang lubhang mapaminsalang bunga ng tumor na itinanim ni Pablo. Kung hindi inudyukan ni Pablo nang ganito ang mga tao, at kung hindi niya palaging sinabi na, “Natataan sa akin ang putong ng katuwiran” at “Sa akin ang mabuhay ay si cristo,” kung gayon, kung wala ang konteksto ng panahong iyon sa kasaysayan, hindi magkakaroon ng anumang kaalaman tungkol sa mga bagay na iyon ang mga tao ngayon. Kahit pa naisip nila ito, hindi sila magkakaroon ng ganoong lakas ng loob. Ang dahilan kung bakit humihingi ng mga pagpapala at putong itong mga tao ng relihiyon mula sa Diyos nang may gayong mapangahas na kumpiyansa sa sarili ay ganap na epekto ng panunulsol at pang-uudyok ni Pablo. Kung darating ang isang araw na hindi sila pagpalain, magiging malakas ang loob ng mga taong ito na hayagang hamunin ang Panginoong Jesus, at gugustuhin pa nga nilang magmartsa patungo sa ikatlong langit at makipagharap sa Panginoon sa korte. Hindi ba’t ito ang pag-aalsa ng mundo ng relihiyon laban sa Panginoong Jesus? Malinaw na labis na naapektuhan ni Pablo ang mundo ng relihiyon! Yamang nakapagsalita na tayo hanggang sa puntong ito, mabubuod natin kung ano ang ikalimang kasalanan ni Pablo, hindi ba? Pagdating sa pagbubuod tungkol sa pinagmulan ng “putong ng katuwiran” na sinalita ni Pablo, ang kanyang mga estratehiya ay nasa salitang “katuwiran.” Bakit niya binanggit ang “katuwiran”? Sa lupa, ito ay dahil gusto niyang udyukan at ilihis ang mga hinirang ng Diyos, para mag-isip sila sa paraang katulad niya. Sa langit—pagdating sa Diyos—gusto niyang pilitin ang Diyos gamit ang salitang ito, at magprotesta laban sa Kanya. Ito ang layon ni Pablo. Bagama’t hindi niya ito kailanman sinabi, ganap nang ibinunyag ng salitang “katuwiran” ang kanyang pakay ng pagpoprotesta laban sa Diyos, at ang kasigasigan niya sa paggawa niyon—hayag na hayag na ito. Mga katunayan ang lahat ng ito. Batay sa mga katunayang ito, maibubuod lang ba na mapagmataas, mapagmagaling, mapanlinlang, at hindi nagmamahal sa katotohanan ang kalikasang diwa ni Pablo? (Hindi.) Hindi ito maibubuod ng mga terminong ito. Ngayong nabanggit Ko na ang mga katunayang ito at nahimay, nasuri, at nailarawan na ang mga ito, magagawa na ninyong makita nang mas malinaw at lubusan ang kalikasang diwa ni Pablo. Ito ang epektong nakakamit ng pagsusuri sa isang diwa batay sa mga katunayan. Nang magprotesta si Pablo laban sa Diyos, hindi lang siya naging medyo emosyonal nang mga sandaling iyon, hindi lang iyon kaunting mapaghimagsik na disposisyon, o hindi lang kawalan ng kakayahang magpasakop, nang pribado. Hindi ito isang pangkaraniwang problema ng pagbubunyag ng isang tiwaling disposisyon; bagkus, lumala pa ito hanggang sa punto ng hayagang paggamit ng iba’t ibang pamamaraan para udyukan at ilihis ang mga tao sa pamamagitan ng mga liham at sa mga sitwasyong may ibang mga tao, nang sa gayon ay sama-samang tumindig sa galit ang mga tao para kumontra at magprotesta laban sa Diyos. Hindi lamang nagprotesta si Pablo mismo laban sa Diyos, kundi inudyukan niya ang lahat na magprotesta laban sa Diyos—hindi lang siya mayabang, isa rin siyang masamang diyablo!
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Paano Makilatis ang Kalikasang Diwa ni Pablo
May isa pang “matalinong kasabihan” si Pablo—ano ito? (“Sapagkat sa akin ang mabuhay ay si cristo, at ang mamatay ay pakinabang” (Filipos 1:21).) Hindi niya kinilala na ang Panginoong Jesucristo ay ang Diyos Mismo, hindi niya kinilala na ang mga salitang ipinahayag ng Panginoong Jesucristo ay pawang ang katotohanan, hindi niya kinilala ang katunayan ng pagpapakita ng Salita sa katawang-tao, at hindi niya kinilala na ang Panginoong Jesucristo ay ang mismong pagsasakatawan at pagpapakita ng Diyos. Sa kabaligtaran, siya ay mapagmataas at palalo at itinalaga ang kanyang sarili bilang cristo. Hindi ba’t kasuklam-suklam ang taong ito? (Siya ay kasuklam-suklam.) Ang diwa ng problemang ito ay napakalubha. Sa isip ni Pablo, sino ba talaga si cristo? Ano ang kanyang pagkakakilanlan? Bakit ginusto ni Pablo na maging cristo? Kung, sa isip ni Pablo, si cristo ay isang ordinaryong tiwaling tao, o isang hamak na tao na gumagampan ng papel na hindi kapansin-pansin, walang marangal na pagkakakilanlan, at walang mga abilidad o kasanayan na higit pa sa mga ordinaryong tao, gugustuhin pa rin ba ni Pablo na maging cristo? (Hindi, hindi niya gugustuhin.) Tiyak na hindi niya gugustuhin. Ang tingin niya sa kanyang sarili ay may-pinag-aralan siya, at hindi niya magawang matanggap na maging isang ordinaryong tao, gusto niyang maging isang taong higit sa karaniwan at isang dakilang tao, at maging nakatataas sa iba—paanong nanaisin niyang maging cristo na itinuring ng iba na hamak? Dahil dito, ano nga ba ang katayuan at papel ng cristo na nasa puso ni Pablo? Anong pagkakakilanlan at katayuan ang dapat mayroon ang isang tao, at anong awtoridad, kapangyarihan, at presensiya ang dapat niyang ipakita upang maging cristo? Ganap nitong inilalantad kung ano ang cristong inilalarawan sa isip ni Pablo, at kung ano ang alam niya tungkol kay cristo, ibig sabihin, kung paano niya tinukoy si cristo. Ito ang dahilan kung bakit may ambisyon at pagnanais si Pablo na maging cristo. Ang ilang bagay ay nabubunyag sa kanyang mga liham—suriin natin ang ilang usapin. Noong ginagampanan ng Panginoong Jesus ang gawain, may mga ginawa Siya na kumatawan sa Kanyang pagkakakilanlan bilang Cristo. Mga simbolo at konsepto ang mga bagay na ito na nakita ni Pablo na taglay-taglay ng pagkakakilanlan ni cristo. Anong mga bagay ito? (Ang paggawa ng mga tanda at kababalaghan.) Tumpak. Ang mga bagay na iyon ay ang pagpapagaling ni Cristo sa mga karamdaman ng mga tao, pagpapalayas ng mga demonyo, at paggawa ng mga tanda, kababalaghan, at himala. Bagama’t inamin ni Pablo na ang Panginoong Jesus ay cristo, dahil lamang ito sa mga tanda at kababalaghang ginawa ng Panginoong Jesus. Samakatwid, nang ipinangaral ni Pablo ang ebanghelyo ng Panginoong Jesus, hindi niya kailanman tinalakay ang mga salitang sinabi ng Panginoong Jesus, o ang mga ipinangaral ng Panginoong Jesus. Sa mga mata ni Pablo, na isang hindi mananampalataya, ang katunayang nakapagsasalita si Cristo ng napakaraming bagay, nakapangangaral nang napakarami, nakagagawa ng napakaraming gawain, at na napapasunod ni Cristo ang maraming tao sa Kanya, ay nakapagbigay ng dangal sa pagkakakilanlan at katayuan ng Panginoong Jesus—binibigyan ito ng walang-hanggang karangalan at pagiging kagalang-galang—at ginawang partikular na dakila at katangi-tangi ang katayuan ng Panginoong Jesus sa gitna ng mga tao. Ito ang nakita ni Pablo. Mula sa ipinamalas at ibinunyag ng Panginoong Jesucristo habang gumagampan ng gawain, pati na sa Kanyang pagkakakilanlan at diwa, ang nakita ni Pablo ay hindi ang diwa ng Diyos, katotohanan, daan, o buhay, hindi rin ang pagiging kaibig-ibig o ang karunungan ng Diyos. Ano ang nakita ni Pablo? Kung gagamit tayo ng modernong parirala, ang nakita niya ay ang maningning na presensya ng isang sikat na tao, isang dakilang tao, o isang taong higit sa karaniwan, at inasam niyang maging isang tagahanga ng Panginoong Jesus. Nang magsalita at gumawa ang Panginoong Jesus, napakaraming tao ang nakinig—tiyak na napakamaluwalhati niyon! Isa itong bagay na matagal nang pinag-iimbutan ni Pablo sa puso niya. Kinasabikan niya ang araw kung kailan makapangangaral siya nang walang katapusan kagaya ng Panginoong Jesus, na may napakaraming taong nakatuon sa Kanya, may paghanga at pananabik sa kanilang mga mata, gustong sumunod sa Kanya. Namangha si Pablo sa presensyang ito na taglay ng Panginoong Jesus. Ang totoo, hindi siya talagang napahanga; bagkus, kinaiinggitan niya ang pagkakaroon ng pagkakakilanlan at tindig na tinitingala ng mga tao, pinag-uukulan ng pansin, iniidolo at hinahangaan. Ito ang kinaiinggitan niya. Kung gayon, paano niya naisip na nakakamit ang mga bagay na ito? Hindi siya naniwala na nakamit ng Panginoong Jesucristo ang mga bagay na ito sa pamamagitan ng diwa at pagkakakilanlan ng Panginoong Jesucristo, kundi naniwala siya na dahil ito sa titulo ng Panginoong Jesucristo. Samakatwid, labis na inasam ni Pablo na maging isang personalidad—na gumampan ng isang papel—na mayroong titulo ng cristo. Nagsikap nang husto si Pablo na makakuha ng ganoong papel, hindi ba? (Oo.) Anong mga pagsisikap ang ginawa niya? Nangaral siya sa iba’t ibang dako, at gumawa pa nga ng mga himala. Sa bandang huli, gumamit siya ng isang parirala para ilarawan ang kanyang sarili, na tumugon sa kanyang mga panloob na pagnanais at ambisyon. Anong parirala ang ginamit niya para ilarawan ang kanyang sarili? (“Sapagkat sa akin ang mabuhay ay si cristo, at ang mamatay ay pakinabang.”) Ang mabuhay ay si cristo. Ito ang pangunahing bagay na gusto niyang isakatuparan; ang kanyang pangunahing pagnanais ay ang maging cristo. Ano ang koneksiyon ng pagnanais na ito sa kanyang mga personal na paghahangad at sa landas na kanyang tinahak? (Sinamba niya ang kapangyarihan, at hinangad niyang tingalain siya ng mga tao.) Isa itong teorya; dapat kayong magsalita ng ilang katunayan. Ipinamalas ni Pablo ang kanyang pagnanais na maging cristo sa mga praktikal na paraan; ang paglalarawan Ko sa kanya ay hindi lamang nakabatay sa iisang pariralang sinabi niya. Batay sa estilo, mga pamamaraan, at mga prinsipyo ng kanyang mga kilos, makikita natin na ang lahat ng ginawa niya ay umiikot sa kanyang layon na maging cristo. Ito ang ugat at diwa ng kung bakit nagsalita at gumawa si Pablo ng napakaraming bagay. Ginusto ni Pablo na maging cristo, at naimpluwensiyahan nito ang kanyang mga paghahangad, ang kanyang landas sa buhay, at ang kanyang pananampalataya. Sa anong mga paraan naipamalas ang impluwensiyang ito? (Nagpakitang-gilas si Pablo at nagpatotoo sa kanyang sarili sa lahat ng pagkakataon sa kanyang gawain at pangangaral.) Isang paraan ito; nagpakitang-gilas si Pablo sa lahat ng pagkakataon. Nilinaw niya sa mga tao kung paano siya nagdusa, kung paano niya ginawa ang mga bagay-bagay, at kung ano ang kanyang mga intensyon, nang sa gayon ay kapag narinig ito ng mga tao, aakalain nila na kahalintulad na kahalintulad siya ni cristo, at tunay na gusto nilang tawagin siyang cristo. Iyon ang layon niya. Kung tunay ngang tinawag siyang cristo ng mga tao, ikakaila kaya niya ito? Tatanggihan kaya niya ito? (Hindi, hindi niya ito tatanggihan.) Tiyak na hindi niya ito tatanggihan—siguradong mag-uumapaw siya sa tuwa. Isang paraan ito kung paanong naipamalas ang impluwensiya nito sa kanyang mga paghahangad. Ano pa ang mga ibang paraan na naroon? (Nagsulat siya ng mga liham.) Oo, nagsulat siya ng ilang liham nang sa gayon ay maipasa ang mga ito sa pagdaan ng maraming panahon. Sa kanyang mga liham, at sa buong proseso ng pangangaral ng ebanghelyo, hindi niya kailanman dinakila ang pangalan ng Panginoong Jesucristo, hindi siya kailanman nagpatotoo na ang Panginoong Jesus ay ang katotohanan, ang daan, at ang buhay, at lalong hindi niya ipinalaganap ang mga salita ng Panginoong Jesucristo. Sa halip, palagi niyang itinataas at pinatototohanan ang kanyang sarili at palagi siyang nagpapakitang-gilas. Ano ang naging kahihinatnan ng pagkilos niya nang ganito? Paano ito nakaimpluwensiya sa mga sumunod sa Panginoong Jesus? Dahil dito, itinatwa ng mga tao ang Panginoong Jesucristo, at si Pablo ang pumalit sa puwesto ng Panginoong Jesucristo. Inasam niyang sabihin ng mga tao, “Sino ba ang panginoong Jesucristo? Hindi ko pa narinig ang tungkol sa kanya. Nananampalataya kami kay Pablo na cristo.” Magagalak siya kapag ganoon. Ito ang layon niya, at ang isa sa mga pakay na hinangad niya. Isang paraan kung paano naipamalas ang impluwensiyang iyon ay ang paraan ng paggawa niya; naglitanya siya ng matatayog na ideya at mga teoryang engrandeng pakinggan para makita ng mga tao kung gaano siya kahusay at kapani-paniwala sa kanyang gawain, kung gaano niya tinulungan ang mga tao, at na may partikular siyang presensya, na para bang muling nagpakita ang Panginoong Jesucristo. Ang isa pang paraan kung paano naipamalas ang impluwensiyang iyon ay na hindi niya kailanman dinakila ang Panginoong Jesucristo, lalong hindi niya dinakila ang Kanyang pangalan, hindi rin siya nagpatotoo tungkol sa mga salita at sa gawain ng Panginoong Jesucristo, o kung paano nakinabang ang mga tao sa mga ito. Nangaral ba si Pablo ng mga sermon tungkol sa daan ng pagsisisi? Lalong hindi niya ginawa iyon. Hindi kailanman nangaral si Pablo tungkol sa gawaing ginawa, mga salitang sinabi, o sa lahat ng katotohanang itinuro ng Panginoong Jesucristo sa mga tao—itinatwa ni Pablo ang mga bagay na ito sa kanyang puso. Bukod sa itinatwa ni Pablo ang mga salitang sinabi ng Panginoong Jesucristo at ang mga katotohanang itinuro ng Panginoong Jesucristo sa mga tao, itinuring din ni Pablo bilang katotohanan ang sarili niyang mga salita, gawain, at mga turo. Ginamit ni Pablo ang mga bagay na ito para palitan ang mga salita ng Panginoong Jesus, at nagsanhing isagawa at sundin ng mga tao ang kanyang mga salita na para bang katotohanan ang mga ito. Ano ang pag-uudyok sa likod ng mga pagpapamalas at pagbubunyag na ito? (Ang pagnanais niya na maging cristo.) Ang pag-uudyok ay ang kanyang intensyon, pagnanais, at ambisyon na maging cristo. Iniuugnay na ito ngayon sa kanyang pagsasagawa at mga paghahangad. Ito ang ikaanim na kasalanan ni Pablo. Malubhang bagay ba ito? (Oo, malubha ito.) Ang totoo, lahat ng kasalanan niya ay malubha. Ang lahat ng ito ay humahantong sa kamatayan.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Paano Makilatis ang Kalikasang Diwa ni Pablo
Mula nang hampasin si Pablo, naniwala siya na ang Panginoong Jesucristo ay totoo, na Siya ang tunay na Diyos na nagtataglay ng dakilang kapangyarihan. Mula sa araw na iyon, lumipat siya mula sa pananampalataya sa Diyos na si Jehova sa langit tungo sa pananampalataya sa Panginoong Jesucristo sa lupa. Noong panahong iyon, wala siyang pagpipilian kundi ang tanggapin ang atas ng Panginoong Jesus at di-natitinag na magserbisyo para sa Diyos na nagkatawang-tao—ang Panginoong Jesus. Siyempre, ang layon ng kanyang pagseserbisyo ay, sa isang banda, para makatiyak ng kapatawaran sa kanyang mga kasalanan, pero sa kabilang banda, ito rin ay para tugunan ang kanyang pagnanais na mapagpala, at para matamo ang hantungang gusto niya. Nang sabihin ni Pablo na “sa pamamagitan ng kalooban ng Diyos,” tumutukoy ba ang salitang “Diyos” kay Jehova o kay Jesus? Nagsimula siyang malito, at naisip na, “Sumasampalataya naman ako kay Jehova, kaya bakit ako hinampas ni Jesus? Bakit hindi pinigilan ni Jehova si Jesus nang hampasin niya ako? Sino nga ba talaga sa kanila ang diyos?” Hindi niya malaman kung sino. Alinman dito, hindi niya kailanman maituturing ang Panginoong Jesus bilang kanyang Diyos. Kahit pasalita niyang kinilala na Siya ang Diyos, mayroon pa ring pagdududa sa kanyang puso. Sa paglipas ng panahon, unti-unti siyang bumalik sa paniniwala na “tanging si Jehova ang Diyos,” kaya, sa lahat ng liham ni Pablo pagkatapos niyon, nang isulat niya ang “sa pamamagitan ng kalooban ng Diyos,” malamang na ang “Diyos” na pangunahing tinutukoy rito ay ang Diyos na si Jehova. Hindi kailanman malinaw na isinaad ni Pablo na ang Panginoong Jesus ay si Jehova, palagi niyang itinuring ang Panginoong Jesus bilang Anak ng Diyos, tinawag Siya bilang Anak, at wala siyang sinabi kailanman na “ang Anak at ang Ama ay iisa,” na nagpapatunay na hindi kailanman nakilala ni Pablo ang Panginoong Jesus bilang ang nag-iisang tunay na Diyos; nag-aalinlangan siya at hindi niya ito sinampalatayanan nang buo. Kung huhusgahan batay sa pananaw na ito na pinanghawakan ni Pablo tungkol sa Panginoong Jesucristo, at sa kanyang intensyon at layon ng paghahangad ng mga pagpapala, si Pablo ay hindi isang tao na naghangad ng katotohanan. Hindi niya kailanman naunawaan ang misteryo ng pagkakatawang-tao, at hindi niya kailanman nalaman na ang Panginoong Jesus ay ang nag-iisang tunay na Diyos. Bunga lang ng paghampas sa kanya ng Panginoong Jesus kaya siya nagserbisyo para kay Jesus upang matakasan ang pananagutan sa kanyang mga kasalanan at tugunan ang kanyang pagnanais na magkamit ng mga pagpapala. Mula rito, madaling makita na si Pablo ay isang tuso at mapanlinlang na tao na sumamba sa kapangyarihan. Ano ang ipinapakita sa atin ng katunayang sinasamba ni Pablo ang kabuktutan, kapangyarihan, at katayuan patungkol sa kung ano ang kanyang pananampalataya? May tunay ba siyang pananampalataya? (Wala.) Wala siyang tunay na pananampalataya, kaya umiiral ba talaga ang diyos na tinukoy niya sa puso niya? (Hindi.) Kung gayon, bakit naglibot-libot pa rin siya, gumugol ng kanyang sarili, at gumawa para sa Panginoong Jesucristo? (Nakontrol siya ng intensyon niyang pagpalain.) (Natakot siyang maparusahan.) Sa huli, lahat ay muling bumabalik sa puntong ito. Dahil natakot siyang maparusahan, at dahil mayroon siyang tinik sa kanyang laman na hindi niya maalis, kinailangan niyang palaging maglibot-libot at gumawa; kung hindi, mas lalo siyang sasaktan ng tinik sa kanyang laman, at hindi niya ito makakayanan. Mula sa mga pagpapamalas niyang ito, mula sa kanyang mga salita, sa reaksiyon niya sa mga nangyari sa daan patungong Damasco, at ang epekto sa kanya ng pagkakahampas sa daan patungong Damasco pagkatapos ng nangyari, makikita natin na wala siyang pananampalataya sa kanyang puso; halos matitiyak natin na si Pablo ay isang hindi mananampalataya at isang ateista. Ang perspektiba niya ay, “Kung sinuman ang may kapangyarihan, sa kanya ako mananampalataya. Kung sinuman ang may kapangyarihan at kayang magsupil sa akin, maglilingkod at magpapaalipin ako sa kanya. Kung sinuman ang makapagbibigay sa akin ng hantungan, ng putong, at makatutugon sa aking pagnanais na pagpalain, siya ang susundin ko. Susunod ako sa kanya hanggang sa wakas.” Sino ang diyos sa puso niya? Kahit sino ay maaaring maging diyos niya, hangga’t mas makapangyarihan ito sa kanya at kaya siyang masupil nito. Hindi ba’t ito ang kalikasang diwa ni Pablo? (Oo.) Kung gayon, sino ba ang entidad na sinampalatayanan niya kalaunan na may kakayahang hampasin siya sa daan patungong Damasco? (Ang Panginoong Jesucristo.) “Ang Panginoong Jesucristo” ang pangalang ginamit niya, pero ang entidad na talagang sinampalatayanan niya ay ang diyos sa puso niya. Nasaan ang diyos niya? Kung tatanungin mo siya, “Nasaan ang Diyos mo? Nasa kalangitan ba Siya? Nasa gitna ba Siya ng lahat ng bagay? Siya ba ang may kataas-taasang kapangyarihan sa buong sangkatauhan?” sasabihin ni Pablo, “Hindi, ang diyos ko ay nasa daan patungong Damasco.” Iyon talaga ang diyos niya. Ang dahilan ba kung bakit nagawa ni Pablo na magbago mula sa pang-uusig niya sa Panginoong Jesucristo tungo sa paggawa, paggugol ng kanyang sarili, at pagsasakripisyo pa nga ng kanyang buhay para sa Panginoong Jesucristo—ang dahilan kung bakit nagkaroon siya ng napakalaking pagbabago—ay dahil may pagbabago sa kanyang pananampalataya? Ito ba ay dahil nagising ang kanyang konsensiya? (Hindi.) Kung gayon, ano ang nagsanhi nito? Ano ang mismong nagbago? Nagbago ang pinagmumulan ng kanyang espirituwal na suporta. Dati, ang pinagmumulan ng kanyang espirituwal na suporta ay nasa mga kalangitan; isa itong hungkag at malabong bagay. Kung napalitan ito ni Jesucristo, iisipin ni Pablo na masyadong hamak si Jesucristo—isang karaniwang tao lamang si Jesus, at hindi Siya maaaring maging isang pinagmumulan ng espirituwal na suporta—at lalo namang mababa ang tingin ni Pablo sa mga personalidad ng relihiyon. Gusto lang ni Pablo na makahanap ng isang taong masasandalan, na may kakayahang masupil siya at pagpalain siya. Inisip niya na ang entidad na nakaharap niya sa daan patungong Damasco ay ang pinakamalakas, at na iyon ang dapat niyang sampalatayanan. Nagbago rin ang pinagmumulan ng kanyang espirituwal na suporta nang magbago ang kanyang pananampalataya. Batay rito, tunay nga bang sumampalataya si Pablo sa Diyos o hindi? (Hindi.) Ibuod natin ngayon sa isang pangungusap kung ano ang nakaimpluwensiya sa mga paghahangad ni Pablo at sa daang tinatahak niya. (Ang pinagmumulan ng kanyang espirituwal na suporta.) Kung gayon, paano natin dapat ilarawan ang ikapitong kasalanan ni Pablo? Ang pananampalataya ni Pablo ay ganap na pinagmumulan ng espirituwal na suporta; hungkag at malabo ito. Isa talaga siyang hindi mananampalataya at isang ateista. Bakit hindi iniwan ng isang ateista at ng isang hindi mananampalatayang kagaya niya ang mundo ng relihiyon? Sa isang banda, sa kanyang malabong imahinasyon, naroon ang isyu tungkol sa hantungan. At sa isa pang banda, naroon ang isyu tungkol sa pagkakaroon niya ng kabuhayan sa buhay na ito. Kasikatan, pakinabang, katayuan, at kabuhayan ang mga bagay na hinahangad niya sa buhay na ito, at ang ideya ng pagkakaroon ng hantungan sa mundong darating ay kanyang espirituwal na panustos. Ang mga bagay na ito ang bumubuo sa bawat ugat at bawat pinagmumulan ng suporta sa likod ng mga hinahangad ng mga taong kagaya nito, ang ibinubunyag nila, at ang landas na tinatahak nila. Mula sa perspektibang ito, ano si Pablo? (Isang hindi mananampalataya. Sumampalataya siya sa isang kathang-isip na diyos.) Tumpak na sabihing isa siyang ateista, at na isa siyang hindi mananampalataya at oportunistang nagtatago sa Kristiyanismo. Kung tatawagin mo lang siyang isang Pariseo, hindi ba’t isang pagmamaliit iyon? Kung titingnan mo ang mga liham na isinulat ni Pablo, at makikita mo sa panlabas na sinasabi ng mga ito na “sa pamamagitan ng kalooban ng Diyos,” baka ipagpalagay mo na itinuturing ni Pablo ang Diyos sa langit bilang ang pinakamataas, at na dahil lamang ito sa kanyang mga kuru-kuro, o dahil siya ay mangmang at hindi niya nauunawaan ang Diyos, kaya hinati niya ang Diyos sa tatlong antas: ang Ama, ang Anak, at ang Banal na Espiritu, at na kahangalan lang iyon ng tao, at hindi ito isang napakaseryosong problema, dahil ganoon din mag-isip ang buong mundo ng relihiyon. Pero ngayon, matapos suriin ito, ganito nga ba ang kaso? (Hindi, hindi ganito.) Ni hindi kinilala ni Pablo ang pag-iral ng Diyos. Isa itong ateista at hindi mananampalataya, at dapat siyang ibilang sa mga walang pananampalataya.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Paano Makilatis ang Kalikasang Diwa ni Pablo
Ano ang kalikasang diwa ni Pablo? Sa pinakamababa ay may aytem na kabuktutan. May pagkahumaling siyang naghangad ng kaalaman at katayuan, hinangad niya ang mga gantimpala at isang korona, at nagpakaabala, gumawa, at nagbayad siya ng halaga para sa koronang iyon, nang hindi man lamang hinahangad ang katotohanan. Higit pa rito, sa kanyang paggawa, hindi siya kailanman nagpatotoo tungkol sa mga salita ng Panginoong Jesus, ni nagpatotoo na ang Panginoong Jesus ay ang Cristo, ang Diyos, o ang nagkatawang-taong Diyos, na kinakatawan ng Panginoong Jesus ang Diyos, at na ang lahat ng salitang sinasabi Niya ay mga salitang sinabi ng Diyos. Hindi maunawaan ni Pablo ang mga ito. Kaya, ano ang landas na tinahak ni Pablo? May pagkasutil niyang hinangad ang kaalaman at teolohiya, nilabanan ang katotohanan, tinanggihang tanggapin ang katotohanan, at ginamit ang kanyang mga kaloob at kanyang kaalaman na gawin ang gawain para pamahalaan, panatilihin, at patatagin ang katayuan niya. Ano ang huling kinalabasan niya? Siguro ay hindi mo makita mula sa labas kung anong kaparusahan ang tinanggap niya bago siya mamatay, o kung mayroon ba siyang abnormal na pagpapamalas, pero ang huling kinalabasan niya ay naiiba kay Pedro. Saan nakadepende ang “pagkakaibang” ito? Ang isa ay sa kalikasang diwa ng isang tao, at ang isa pa ay sa landas na tinatahak niya. Pagdating sa saloobin ni Pablo at pananaw sa Panginoong Jesus, paano naiiba ang paglaban niya sa paglaban ng mga normal na tao? Gayundin, ano ang pagkakaiba sa pagitan ng pagtatwa at pagtanggi ni Pablo sa Panginoon, at pagtatwa ni Pedro sa pangalan ng Diyos at tatlong beses nitong hindi pagkilala sa Panginoon dahil sa kahinaan at takot? Ginamit ni Pablo ang kaalaman, pagkatuto, at ang mga kaloob niya para gawin ang kanyang gawain. Hindi niya man lang isinagawa ang katotohanan, ni sinundan ang daan ng Diyos. Samakatwid, makikita mo ba ang kahinaan niya sa panahong iginugol niya sa pagpapakaabala at paggawa, o sa mga sulat niya? Hindi mo makikita, hindi ba? Paulit-ulit niyang tinuruan ang mga tao kung ano ang gagawin at hinikayat ang mga tao na hangarin na magkamit ng mga gantimpala, korona, at magandang destinasyon. Wala siyang kaalamang batay sa karanasan o karanasan sa pagsasagawa sa katotohanan. Sa kabaligtaran, hindi magarbo ang mga kilos ni Pedro. Wala siyang malalalim na teorya o mga sulat na masyadong sikat. Mayroon siyang ilang praktikal na pagkaunawa at pagsasagawa sa katotohanan. Bagama’t nakaranas siya ng kahinaan at katiwalian sa buhay niya, pagkatapos ng maraming pagsubok, ang ugnayang nabuo niya sa Diyos ay ugnayan sa pagitan ng tao at Diyos, na ganap na naiiba sa kaso ni Pablo. Bagama’t gumawa si Pablo, walang kahit ano sa ginawa niya ang may kinalaman sa Diyos. Hindi siya nagpatotoo sa mga salita ng Diyos, sa Kanyang gawain, sa Kanyang pagmamahal, o Kanyang pagliligtas sa tao, at lalong hindi sa mga layunin ng Diyos sa tao o sa mga hinihingi Niya. Madalas pa ngang sabihin ni Pablo sa mga tao na ang Panginoong Jesus ang Anak ng Diyos, na sa huli ay nagdulot sa sangkatauhan na tingnan ang Diyos bilang isang Trinidad. Ang terminong “Trinidad” ay galing kay Pablo. Kung walang bagay gaya ng “Ama at Anak,” magkakaroon ba ng “Trinidad”? Hindi. Masyado lang “malawak” ang mga imahinasyon ng tao. Kung hindi mo maunawaan ang pagkakatawang-tao ng Diyos, huwag kang pikit-matang humusga o gumawa ng mga pikit-matang paghusga. Makinig ka lang sa mga salita ng Panginoong Jesus at tratuhin mo Siya bilang Diyos, bilang Diyos na nagpapakita sa katawang-tao at nagiging isang tao. Mas obhetibo na tratuhin ito nang ganito.
—Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikapitong Aytem: Sila ay Buktot, Lihim na Mapanira, at Mapanlinlang (Ikatlong Bahagi)
Matapos niyang maranasan ang gawain ng Banal na Espiritu sa loob ng maraming taon, halos walang ipinagbago si Pablo. Nanatili pa rin siya halos sa kalagayan ng kanyang likas na pagkatao, at siya pa rin ang dating Pablo. Kaya lamang, matapos magtiis ng paghihirap sa maraming taon ng paggawa, natuto siyang “gumawa,” at natutong magtiis, ngunit ang kanyang dating kalikasan—ang likas niyang hilig na makipagpaligsahan at makinabang—ay nanatili pa rin. Matapos gumawa sa loob ng napakaraming taon, hindi niya nakilala ang kanyang tiwaling disposisyon, ni hindi niya naiwaksi ang kanyang dating disposisyon, na malinaw pa rin iyong nakikita sa kanyang gawain. Mayroon lamang siyang mas maraming karanasan sa paggawa, ngunit hindi siya kayang baguhin ng gayon katiting na karanasan at hindi kayang baguhin ang kanyang pananaw sa pag-iral o sa kabuluhan ng kanyang paghahangad. Bagama’t gumawa siya sa loob ng maraming taon para kay Cristo, at hindi na muling inusig ang Panginoong Jesus kailanman, sa kanyang puso ay walang pagbabago sa kanyang pagkakilala sa Diyos. Nangangahulugan ito na hindi siya gumawa upang ilaan ang kanyang sarili sa Diyos, kundi sa halip ay napilitan siyang gumawa para sa kapakanan ng kanyang hantungan sa hinaharap. Sapagkat, sa simula, inusig niya si Cristo, at hindi siya nagpasakop kay Cristo; siya ay likas na isang rebelde na sadyang lumaban kay Cristo, at isang taong walang pagkakilala sa gawain ng Banal na Espiritu. Nang halos patapos na ang kanyang gawain, hindi pa rin niya kilala ang gawain ng Banal na Espiritu, at kumilos lamang sa sarili niyang kusa batay sa kanyang sariling karakter, nang hindi nagbibigay ni kaunting pansin sa mga layunin ng Banal na Espiritu. Kaya nga ang kanyang kalikasan ay kaaway ni Cristo at hindi nagpapasakop sa katotohanan. Ang isang taong kagaya nito, na tinalikdan na ng gawain ng Banal na Espiritu, na hindi kilala ang gawain ng Banal na Espiritu, at lumaban din kay Cristo—paano kaya maililigtas ang gayong tao? Maaari mang mailigtas ang tao o hindi ay hindi nakasalalay sa kung gaano karaming gawain ang kanyang ginagawa, o kung gaano karami ang kanyang inilalaan, kundi sa halip ay napagpapasyahan sa kung kilala ba niya o hindi ang gawain ng Banal na Espiritu, kung kaya ba niya o hindi na isagawa ang katotohanan, at kung alinsunod ba sa katotohanan o hindi ang perspektiba sa likod ng kanyang paghahangad.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Tagumpay o Kabiguan ay Nakadepende sa Landas na Tinatahak ng Tao
Kaugnay na mga Eksena ng Pelikula
Talaga bang Nauunawaan Mo si Pablo?