4. Paano harapin ang mga huwad na lider
Mga Salita ng Makapangyarihang Diyos ng mga Huling Araw
Ano ang saloobing dapat taglayin ng mga tao pagdating sa kung paano tratuhin ang isang lider o manggagawa? Kung tama at alinsunod sa katotohanan ang ginagawa ng isang lider o manggagawa, maaari mo siyang sundin; kung mali at hindi alinsunod sa katotohanan ang ginagawa niya, hindi mo siya dapat sundin at maaari mo siyang ilantad, salungatin at maaari kang maghayag ng ibang opinyon. Kung hindi siya nakakagawa ng aktuwal na gawain o gumagawa siya ng masasamang gawa na nagsasanhi ng kaguluhan sa gawain ng iglesia, at nabunyag na isang huwad na lider, isang huwad na manggagawa o isang anticristo, maaari mo siyang kilatisin, ilantad at iulat. Gayunman, hindi nauunawaan ng ilang taong hinirang ng Diyos ang katotohanan at lalo nang napakaduwag; natatakot silang masupil at mapahirapan ng mga huwad na lider at anticristo, kaya hindi sila nangangahas na itaguyod ang mga prinsipyo. Sinasabi nila, “Kung patatalsikin ako ng lider, tapos na ako; kung hihikayatin niyang ilantad o talikuran ako ng lahat, hindi ko na magagawang manampalataya sa Diyos. Kung patatalsikin ako sa iglesia, hindi ako gugustuhin at hindi ako ililigtas ng Diyos. At hindi ba’t mawawalan ng saysay ang aking pananalig?” Hindi ba katawa-tawa ang gayong pag-iisip? May tunay bang pananalig sa Diyos ang gayong mga tao? Kakatawanin ba ng isang huwad na lider o anticristo ang Diyos kapag pinatalsik ka niya? Kapag pinahirapan at pinatalsik ka ng isang huwad na lider o anticristo, kagagawan ito ni Satanas, at wala itong kinalaman sa Diyos; kapag inaalis o pinatatalsik ang mga tao mula sa iglesia, alinsunod lamang ito sa mga layunin ng Diyos kapag magkasamang nagdesisyon ang iglesia at ang lahat ng taong hinirang ng Diyos, at kapag ang pag-aalis o pagpapatalsik ay lubos na nakaayon sa mga pagsasaayos ng gawain ng sambahayan ng Diyos at sa mga katotohanang prinsipyo ng mga salita ng Diyos. Paanong ang mapatalsik ng isang huwad na lider o anticristo ay mangangahulugan na hindi ka maliligtas? Pang-uusig ito ni Satanas at ng anticristo, at hindi nangangahulugan na hindi ka maililigtas ng Diyos. Maliligtas ka man o hindi ay depende na sa Diyos. Walang taong kalipikadong magdesisyon kung maaari ka bang iligtas ng Diyos. Dapat malinaw ito sa iyo. At ang pagtrato sa pagpapatalsik sa iyo ng isang huwad na lider o anticristo bilang pagpapatalsik ng Diyos—hindi ba ito maling pag-unawa sa Diyos? Maling pag-unawa ito. At hindi lamang ito maling pag-unawa sa Diyos, kundi paghihimagsik din laban sa Diyos. Medyo paglapastangan din ito sa Diyos. At hindi ba’t kamangmangan at kahangalan ang maling pagkaunawa sa Diyos sa ganitong paraan? Kapag pinatalsik ka ng isang huwad na lider o anticristo, bakit hindi mo hanapin ang katotohanan? Bakit hindi ka maghanap ng isang taong nakauunawa sa katotohanan upang magkamit ka ng kaunting pagkakilala? At bakit hindi mo ito ipinaaalam sa mga nakatataas? Pinatutunayan nito na hindi ka naniniwalang naghahari ang katotohanan sa sambahayan ng Diyos, ipinapakita nito na wala kang tunay na pananalig sa Diyos, na hindi ka isang taong tunay na nananampalataya sa Diyos. Kung nagtitiwala ka sa pagkamakapangyarihan-sa-lahat ng Diyos, bakit ka natatakot sa pagganti ng isang huwad na lider o anticristo? Mapagpapasyahan ba niya ang iyong kapalaran? Kung may kakayahan kang makakilatis, at natukoy mong hindi naaayon ang kanilang mga ikinikilos sa katotohanan, bakit hindi ka makipagbahaginan sa mga taong hinirang ng Diyos na nakauunawa sa katotohanan? May bibig ka naman, kaya bakit hindi ka naglalakas-loob na magsalita? Bakit takot na takot ka sa isang huwad na lider o anticristo? Pinatutunayan nitong duwag ka, walang silbi, isang kampon ni Satanas. Kung hindi ka maglalakas-loob na ipaalam sa mga nakatataas kapag ikaw ay pinagbantaan ng isang huwad na lider o anticristo, ipinapakita nito na naigapos ka na ni Satanas at kaisa ka na nila; hindi ba’t pagsunod ito kay Satanas? Paano nabibilang ang ganitong tao sa mga taong hinirang ng Diyos? Siya ay patapon, ganoon lang kasimple. Lahat ng taong kaisa ng mga huwad na lider at mga anticristo ay hindi maaaring maging mabuti kailanman; sila ay mga taong gumagawa ng masama. Ang mga ganoong tao ay ipinanganak upang maging tauhan ng diyablo—sila ay mga kampon ni Satanas, at hindi na sila matutubos pa. … Narinig Ko na sa nakaraang dalawang taon, ang mga taong hinirang ng Diyos sa ilang pastoral na nasasakupan sa kalupaang Tsina ay nagkaisa na tanggalin sa puwesto ang mga huwad na lider at mga anticristo; ang ilang huwad na lider at anticristo ay pinuno pa nga ng mga grupo ng mga tagapagpasya, pero sa kabila nito, nagawa pa rin silang tanggalin ng mga taong hinirang ng Diyos. Ang mga taong hinirang ng Diyos ay hindi kinailangang maghintay ng pagsang-ayon mula sa ang Itaas; batay sa mga katotohanang prinsipyo, natukoy nila ang mga huwad na lider at mga anticristong ito—na hindi gumagawa ng tunay na gawain, at laging pinapahirapan ang mga kapatid, na umaakto nang walang pakundangan, at inaabala ang gawain ng sambahayan ng Diyos—at maagap na hinarap nila ang mga ito. Ang iba ay tinanggal mula sa mga grupo ng mga tagapagpasya, at ang ilan ay pinaalis sa iglesia—na napakabuti! Ipinapakita nito na ang mga taong hinirang ng Diyos ay nasa tamang landas na ng pananampalataya sa Diyos. May mga taong hinirang ng Diyos na nakakaunawa na sa katotohanan at ngayon ay nagtataglay na ng kaunting tayog, hindi na sila kinokontrol at niloloko ni Satanas, naglalakas-loob na silang tumindig at lumaban sa masasamang puwersa ni Satanas. Ipinapakita rin nito na hindi na nakakalamang ang mga puwersa ng mga huwad na lider at anticristo sa iglesia. Kaya hindi na sila naglalakas-loob na maging garapal sa kanilang mga salita at kilos. Sa oras na magpahalata sila, may taong mangangasiwa, kikilatis, at magtatakwil sa kanila. Sa madaling salita, ang katayuan, reputasyon, at kapangyarihan ng tao ay walang dominanteng katayuan sa puso ng mga taong tunay na nakakaunawa sa katotohanan. Ang mga ganoong tao ay hindi nagpapahalaga sa mga bagay na iyon. Kapag ang isang tao ay maagap na nakakapaghanap ng katotohanan at nakakapagbahaginan tungkol dito, at kapag nagsimula na siyang magtaya muli at magnilay sa landas na dapat lakaran ng mga taong nananampalataya sa Diyos at sa kung paano niya dapat tratuhin ang mga lider at manggagawa, at nagsimula na siyang mag-isip kung sino ang dapat sundin ng mga tao, kung aling mga pag-uugali ang taglay ng mga sumusunod sa tao at alin ang taglay ng mga sumusunod sa Diyos, at pagkatapos, sa pangangapa sa mga katotohanang ito at pagdanas ng mga ito sa loob ng ilang taon, kapag nagawa na niyang maunawaan ang ilang katotohanan at maging mapagkilatis, nang hindi niya ito namamalayan—nakapagkamit na siya ng kaunting tayog. Ang kakayahang mahanap ang katotohanan sa lahat ng bagay ay ang makapasok sa tamang landas ng pananampalataya sa Diyos.
—Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikatlong Aytem: Inihihiwalay at Binabatikos Nila ang mga Naghahangad sa Katotohanan
Matatakaw at mga tamad ang ilang huwad na lider, mas gusto nila ng kaginhawahan kaysa sa mabigat na gawain. Ayaw nilang gumawa o mag-alala, iniiwasan nila ang pagsisikap at responsabilidad, at gusto lang nilang magpakasasa sa kaginhawahan. Mahilig silang kumain at maglaro, at lubha silang tamad. May isang huwad na lider noon na babangon lang sa umaga kapag nakakain na ang lahat, at sa gabi, nanonood pa rin siya ng mga teleserye sa TV habang nagpapahinga na ang iba. Isang brother na responsable sa pagluluto ang hindi na nakatiis at pinuna siya. Sa palagay ba ninyo ay makikinig siya sa isang kusinero? (Hindi.) Ipagpalagay nating pinagsabihan siya ng isang lider o manggagawa, sinasabi, “Kailangan mong maging mas masipag; ang gawaing kailangang gawin ay dapat na gawin. Bilang lider, dapat mong tuparin ang mga responsabilidad mo anuman ang gawain; dapat mong tiyaking walang mga problema rito. Ngayong may nakita nang problema, at wala ka para lutasin ito, nakakaapekto ito sa gawain. Kung palagi kang gumagawa sa ganitong paraan, hindi ba’t pag-aantala ito sa gawain ng iglesia? Kaya mo bang pasanin ang pananagutang ito?” Makikinig ba siya rito? Hindi sigurado. Para sa mga gayong huwad na lider, dapat agad silang tanggalin ng grupo ng mga tagapagpasya at dapat magsaayos ito ng ibang gawain para sa kanila, hayaan silang gawin ang anumang kaya nilang gawin. Kung wala silang silbi, gustong maging palamunin kahit saan sila magpunta, kung wala silang kayang gawin, paalisin na sila at huwag nang bigyan ng anumang tungkulin. Hindi sila karapat-dapat na gumawa ng tungkulin; hindi sila tao, wala silang konsensiya at katwiran ng normal na pagkatao, wala silang kahihiyan. Para sa mga gayong huwad na lider, na maituturing na mga tamad, kapag nakilatis na sila, dapat tanggalin na sila agad; hindi na kailangan pang subukang hikayatin sila, at hindi na sila dapat bigyan ng anumang pagkakataon para sumailalim sa obserbasyon, ni hindi na kailangang makipagbahaginan sa kanila tungkol sa katotohanan. Hindi ba’t sapat na ang narinig nilang mga katotohanan? Kung pinungusan sila, magagawa ba nilang magbago? Hindi. Kung ang isang tao ay may mahinang kakayahan, may mga katawa-tawang pananaw minsan, o hindi nauunawaan ang buong sitwasyon dahil sa pagiging ignorante, pero siya ay masipag, nagdadala ng pasanin, at hindi tamad, kung ganoon, ang gayong tao, sa kabila ng mga paglihis sa paggawa ng tungkulin niya, ay puwedeng magsisi kapag naharap siya sa pagpupungos. Sa pinakamababa, alam niya ang mga responsabilidad ng isang lider at alam niya kung ano ang dapat niyang gawin, may konsensiya siya at pagpapahalaga sa responsabilidad, at may puso siya. Gayumpaman, iyong mga tamad, pumipili sa kaginhawahan kaysa sa mabigat na gawain, at walang pasanin, ay hindi kayang magbago. Walang pasanin sa puso nila; sinuman ang pumungos sa kanila, wala itong silbi.
—Ang Salita, Vol. V. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa (4)
Kung tinutulutan ang mga anticristo na maging sutil at arbitraryo sa isang iglesia, na sumigaw ng anumang islogan at argumentong nais nila para kontrolin at pagbantaan, o ilihis at iligaw ang mga kapatid, at binabalewala ito ng mga lider at manggagawa at hindi sila kumikilos, at hindi sila naglalakas-loob na ilantad o pigilan ang mga anticristo sa takot na mapasama ang loob ng mga ito, at dahil dito, arbitraryong pinaglalaruan at ginugulo ng mga anticristo ang mga kapatid sa iglesiang iyon, kung gayon, mapagpalugod ng mga tao ang mga lider ng iglesiang iyon, mga basura sila na dapat itiwalag. Kung mayroong pagkilatis sa mga anticristo at masasamang tao ang mga lider ng isang iglesia, at binibigyang-kakayahan nila ang hinirang na mga tao ng Diyos na tumindig at ilantad ang mga ito, at paalisin ang mga diyablo para maprotektahan ang gawain ng sambahayan ng Diyos, kung gayon, maipapahiya nito ang mga diyablo at si Satanas, at matutugunan din nito ang layunin ng Diyos. Ang mga lider ng iglesiang ito ay mga lider na pasok sa pamantayan at nagtataglay ng katotohanang realidad. Kung nagdurusa ang isang iglesia dahil sa panggugulo ng isang anticristo, at pagkatapos na matukoy at maitakwil ng mga kapatid, baliw na ginagantihan, inaapi, at kinokondena ng anticristo ang mga kapatid, at kung walang ginagawa ang mga lider ng iglesia, kung nagbubulag-bulagan sila, at sinusubukang hindi mapasama ang loob ng sinuman, kung gayon, mga huwad na lider ang mga lider na iyon. Mga basura sila at dapat itiwalag. Bilang isang lider ng iglesia, kung hindi magagamit ng isang tao ang katotohanan para lutasin ang mga problema, kung hindi niya kayang tukuyin, limitahan, at pakitunguhan ang mga anticristo, kung hahayaan niya ang mga anticristo na malayang gawin ang anumang nais ng mga ito sa loob ng iglesia, kumilos nang walang pakundangan, at kung hindi niya maprotektahan ang hinirang na mga tao ng Diyos mula sa panlilihis, kung hindi niya maprotektahan ang hinirang na mga tao ng Diyos para magawa nila nang normal ang tungkulin nila—at, dagdag pa rito, kung hindi niya kayang panatilihin ang normal na pag-usad ng gawain ng iglesia—kung gayon, basura ang lider na iyon at dapat na itiwalag. Kung ang mga lider ng iglesia ay takot na ilantad, pungusan, limitahan, at aksiyonan ang isang anticristo dahil malupit at mabagsik ang anticristo, at kaya tinutulutan nila itong magwala sa iglesia, maging tirano, gawin ang anumang nais nito, at iparalisa ang karamihan sa gawain ng iglesia, pinatitigil ang gawain, kung gayon, ang mga lider ng iglesiang ito ay mga basura rin at dapat na itiwalag. Kung, dahil sa takot sa paghihiganti ay hindi kailanman nagkakaroon ng lakas ng loob ang mga lider ng iglesia na ilantad ang isang anticristo, at hindi nila kailanman sinusubukang pigilan ang masasamang gawa ng anticristo, na humantong sa malaking hadlang, kaguluhan, at pinsala sa buhay iglesia at sa buhay pagpasok ng mga kapatid, kung gayon, basura din ang mga lider ng iglesiang ito at dapat itiwalag. I-eendorso ba ninyo na patuloy na mamuno ang mga gayong tao? (Hindi.) Kung gayon, ano ang dapat ninyong gawin kapag nakatagpo kayo ng mga ganitong lider? Dapat mo silang tanungin, “Gumagawa ng napakalaking kasamaan ang mga anticristo, sa iglesia ay kumikilos sila nang walang pakundangan at humahawak ng kapangyarihan tulad ng mga hari—nagagawa mo bang pigilan sila? May lakas ka ba ng loob na ilantad sila? Kung hindi ka maglalakas-loob na umaksiyon laban sa kanila, dapat kang magbitiw. Magbitiw ka na agad. Kung pinoprotektahan mo lang ang sariling mga interes ng laman mo at ibinibigay mo ang mga kapatid sa mga anticristo at masasamang tao dahil natatakot ka sa mga anticristo, kung gayon, dapat kang isumpa. Hindi ka angkop na maging lider—isa kang basura, isang patay na tao!” Dapat ilantad at tanggalin ang mga gayong huwad na lider. Hindi sila gumagawa ng tunay na gawain; kapag nahaharap sa masasamang tao, hindi nila pinoprotektahan ang mga kapatid, bagkus ay lumuluhod sila sa harap ng masasamang tao, nagpapahinuhod sa mga ito, at nagmamakaawa, namumuhay ng isang walang dangal na pag-iral. Basura ang mga gayong lider. Mga taksil sila, at dapat silang itakwil.
—Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasiyam na Aytem (Ikawalong Bahagi)
Sabihin nating magsusulat ka ng isang liham para iulat ang problema ng isang huwad na lider, at sinabi ng huwad na lider, “Kung mangangahas kang iulat ako, may kapangyarihan akong patalsikin ka!” Kapag pinagbantaan ka niya, makakaramdam ka ba ng takot? May kapangyarihan siya, at isa ka lang ordinaryong mananampalataya, kaya magagawa ka niyang pahirapan. Wala siyang anumang prinsipyo, ni anumang pinakamababang pamantayan para sa kanyang sariling asal, at ginagamit niya sa iyo ang mga pamamaraan ni Satanas sa pagpapahirap ng mga tao. Hindi ba’t pagpapahirap ito sa mga tao? Kung mangyari ito sa iyo, susuko ka ba sa kanya o itataguyod mo ang mga prinsipyo? (Itataguyod ang mga prinsipyo.) Sa teorya, dapat mong itaguyod ang mga prinsipyo at huwag matakot sa huwad na lider na ito. Kung talagang patatalsikin ka niya, maninigas ka ba sa takot? (Oo.) Kung hindi ka mangangahas na itaguyod ang mga prinsipyo dahil kaya ka niyang patalsikin, ano ang problema rito? (Ang hindi paniniwala na ang sambahayan ng Diyos ay pinamumunuan ng katotohanan.) Isang aspekto iyan nito. Kailangan mong maniwala na ang sambahayan ng Diyos ay pinamumunuan ng katotohanan, ng Diyos, at na walang tao ang nasusunod dito. Bagama’t ang mga huwad na lider, mga anticristo, at masasamang tao ay paminsan-minsang ginugulo ang gawain ng iglesia at pinahihirapan ang mga tao, sa malao’t madali ay makikilatis at matatalos sila ng hinirang na mga tao ng Diyos, at pagkatapos ay mabubunyag at matitiwalag sila. Kapag nalantad ang masasamang gawa nila, iyon ang oras na haharapin nila ang kanilang kaparusahan. Mayroon ka bang ganitong pananalig? (Mayroon.) Kung gayon, bakit hindi ito masabi ng ilan sa inyo? Ipinapahiwatig nito na wala kang tunay na pananalig. Manganganib ka kung makakatagpo ka ng masasamang tao. Dahil hindi mo nauunawaan ang katotohanan at hindi mo matalos ang mga usapin, wala kang lakas ng loob o tunay na pananalig. Kung mayroon talagang masasamang tao at mga anticristo na nakakakita sa iyo na nagsasagawa ng katotohanan at pagkatapos ay sumusubok ng lahat ng paraan para pahirapan ka, at ang mga pamamaraan nila ng pagpapahirap sa mga tao ay kasinglupit ng mga pamamaraan ng malaking pulang dragon, magsisimula kang umiyak, sasabihin mo, “Naku po, palagi akong duwag at takot sa gulo, takot pa nga ako sa nahuhulog na dahon na tatama sa ulo ko, at takot akong maapi ng masasamang tao.” Hindi matalos ng ilang tao na ito ay si Satanas na nagpapahirap sa mga tao, at hindi nila alam kung anong mga pamamaraan ang gagamitin para harapin si Satanas. Kaya lang nilang tingnan ang mga bagay mula sa perspektiba ng tao, iniisip nila, “Naku po, napakasama ng mga taong ito, talagang hindi ko sila dapat galitin. Kung aapihin nila ako, kailangan ko lang itong tiisin.” Hindi nila matalos ang katunayan na hindi ito pang-aapi, kundi sa halip ay si Satanas na nagpapahirap, nanloloko, naggagawang tiwali, at yumuyurak sa mga tao. Paano mo dapat harapin ang mga pagkilos na ito mula kay Satanas? Dapat ka bang matakot? (Hindi, hindi ako dapat matakot; dapat ko silang iulat at ilantad.) Ang takot ay nagmumula sa hindi pagkaunawa sa katotohanan. Ang mga mayroong katotohanan ay hindi matatakot; magagawa nilang kilatisin ang mga tao at matalos ang kanilang diwa, at magkakaroon sila ng mga paraan para harapin ang masasamang tao. Kung malaki ang kapangyarihan ng masasamang taong ito at masyadong maliit ang iyong indibidwal na lakas, dapat kang makipagkaisa sa mga taong nakakaunawa sa katotohanan at sama-samang tumindig para iulat at ilantad ang masasamang taong iyon. Kung may mga lider o manggagawa na gumagawa ng lahat ng uri ng palusot para ipagtanggol ang masasamang taong iyon, dapat mo itong iulat sa mga nakatataas at hilingin sa mga nakatataas na lider na tanggalin sila. Hindi ba’t matalino ito? (Oo.) Sa isang banda, dapat mong maunawaan ang katotohanan at magkaroon ka ng tunay na pananalig, at saka ka lamang magkakaroon ng lakas ng loob sa iyong puso at hindi matatakot sa masasamang tao, mga anticristo, o kay Satanas. Sa kabilang banda, dapat mayroon kang pagkilatis sa masasamang tao at mga anticristo, at magawang matalos na ang kanilang kalikasang diwa ay sa masasamang tao at kay Satanas. Sa ganoong paraan, hindi mo ituturing ang pagpapahirap ng masasamang tao at ni Satanas sa mga tao bilang isang akto ng pang-aapi, kundi malinaw mong makikita na ang diwa nito ay si Satanas na nagpapahirap at bumibitag sa mga tao. Pagkatapos, dapat kang gumamit ng matatalinong estratehiya ayon sa mga katotohanang prinsipyo para ilantad at iulat ang masasamang tao, at pangalagaan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos at ang gawain ng iglesia. Ito ang patotoo kung saan dapat kang manindigan, at ito ang obligasyon at tungkulin na dapat mong tuparin bilang isang tao.
—Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Hangarin ang Katotohanan (14)
Kung tinanggal man ang mga taong ito dahil hindi nila kayang gumawa ng tunay na gawain at inuri sila bilang mga huwad na lider, o dahil sinunod nila ang landas ng mga anticristo at inuri bilang klase ng mga tao na anticristo, kinakailangan na makatwirang italaga sa ibang gawain ang mga taong ito, at gumawa ng mga makatwirang pagsasaayos para sa kanila. Kung sila ay mga anticristo na nakagawa ng maraming masasamang bagay, siyempre, dapat silang patalsikin; kung hindi sila nakagawa ng maraming masasamang bagay, pero may diwa sila ng isang anticristo at nailarawan bilang isang anticristo, hangga’t kaya pa rin nilang magserbisyo sa maliit na paraan nang hindi nakakapanggambala o nakakapanggulo, hindi sila kailangang patalsikin—hayaan silang patuloy na magserbisyo at bigyan sila ng pagkakataon na magsisi. Sa kaso ng mga huwad na lider na natanggal, isaayos na gumampan sila ng ibang gawain batay sa kanilang mga kalakasan at sa mga tungkuling nababagay sa kanilang gawin, pero hindi na sila pinahihintulutang magserbisyo bilang mga lider ng iglesia; sa kaso naman ng mga lider at manggagawa na natanggal dahil sa masyadong mahina ang kanilang kakayahan at wala silang kakayahang gumawa ng anumang gawain, isaayos rin na gumampan sila ng ibang gawain batay sa kanilang mga kalakasan at sa mga tungkuling nababagay sa kanilang gawin, pero hindi na sila puwedeng iangat bilang lider o manggagawa. Bakit hindi puwede? Nasubukan na sila. Nabunyag sila, at malinaw nang nakikita na hindi angkop ang gayong mga tao na maging lider dahil sa kanilang kakayahan at kapabilidad sa gawain. Kung hindi sila angkop na maging lider, wala ba silang kakayahang gawin ang ibang mga tungkulin? Hindi naman sa ganoon. Hindi sila bagay na maging lider dahil sa kanilang mahinang kakayahan, pero kaya nilang gumawa ng ibang mga tungkulin. Matapos tanggalin ang gayong mga tao, puwede nilang gawin ang anumang nababagay nilang gawin. Hindi sila dapat tanggalan ng karapatan na gumawa ng tungkulin; puwede pa rin silang gamiting muli kapag lumago na ang kanilang tayog sa hinaharap. Ang ilan ay tinanggal dahil bata pa sila at walang anumang karanasan sa buhay, at wala ring karanasan sa gawain, kaya, wala silang kakayahang pasanin ang gawain at sa huli ay tinanggal sila. Sa pagtanggal sa ganitong uri ng mga tao, mayroong kaunting kaluwagan. Kung pasok sa pamantayan ang kanilang pagkatao at sapat ang kanilang kakayahan, maaari silang gamitin pagkatapos maibaba ng ranggo, o maaari silang ilagay sa ibang gawain na nababagay sa kanila. Kapag malinaw na ang pagkakaunawa nila tungkol sa katotohanan, at medyo nakita at naranasan na nila ang gawain ng iglesia, maaari pa ring iangat at linanging muli ang gayong mga tao batay sa kanilang kakayahan. Kung pasok sa pamantayan ang kanilang pagkatao pero lubhang mahina ang kanilang kakayahan, walang anumang halaga ang paglilinang sa kanila, at tiyak na hindi sila maaaring linangin at panatilihin.
Sa mga natanggal na, may dalawang uri ng mga tao na talagang hindi puwedeng muling iangat at linangin. Ang isa ay ang mga anticristo, at ang isa pa ay ang mga may masyadong mahinang kakayahan. Mayroon ding ilang tao na hindi itinuturing na mga anticristo, pero mayroon lang silang mababang pagkatao, makasarili at mapanlinlang sila at ang ilan sa mga taong ito ay tamad, nag-iimbot ng kaginhawahan ng laman at hindi kayang magtiis ng hirap. Kahit na napakagaling ng kakayahan ng gayong mga tao, hindi sila puwedeng muling iangat. Kung may kaunti silang kakayahan, hayaan silang gawin ang anumang bagay na kaya nilang gawin, hangga’t nagagawa ang mga angkop na pagsasaayos para doon; sa madaling salita, huwag silang iangat sa pagiging lider o manggagawa. Bukod sa pagkakaroon ng kakayahan at kapabilidad sa gawain, ang mga lider at manggagawa ay kailangang maunawaan ang katotohanan, mayroong pasanin para sa iglesia, kayang magsikap nang husto at magtiis ng pagdurusa, at dapat sila ay masipag at hindi tamad. Bukod dito, dapat ay medyo matapat at matuwid sila. Hindi mo talaga puwedeng piliin ang mga taong mapanlinlang. Iyong mga masyadong baliko at mapanlinlang ay palaging nagpapakana laban sa mga kapatid, sa mga nakakataas sa kanila, at sa sambahayan ng Diyos. Ginugugol nila ang mga araw nila sa pag-iisip lang ng mga tusong kaisipan. Kapag nakikitungo sa ganitong uri ng tao, palagi mong kailangang hulaan kung ano ang totoong iniisip niya, kailangang palagi mong tanungin kung ano mismo ang ginagawa niya kamakailan, at kailangan mo siyang palaging bantayan. Ang paggamit sa kanya ay masyadong nakakapagod at nakakapag-alala. Kung iaangat ang ganitong uri ng tao para gumawa ng mga tungkulin, kahit na nauunawaan niya ang kaunting doktrina, hindi niya ito isasagawa, at aasahan niyang may mga benepisyo at pakinabang ang bawat maliit na gawaing ginagawa niya. Ang paggamit sa gayong mga tao ay masyadong nakakapag-alala at masyadong nakakaabala, kaya hindi puwedeng iangat ang gayong mga tao. Samakatwid, pagdating sa mga anticristo, sa mga may napakahinang kakayahan, sa mga may masamang pagkatao, sa mga tamad, nag-iimbot ng kaginhawahan ng laman at hindi kayang magtiis ng hirap, at sa mga sobrang baliko at mapanlinlang—kapag ang ganitong mga uri ng tao ay nabunyag at natanggal matapos na gamitin, huwag na silang iangat sa pangalawang pagkakataon; huwag na silang muling gamitin nang mali pagkatapos silang makilatis.
—Ang Salita, Vol. V. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa (6)
Kaugnay na mga Patotoong Batay sa Karanasan
Pag-ulat sa Isang Huwad na Lider: Isang Personal na Pakikibaka