1. Ano ang ibig sabihin ng manampalataya sa Diyos, ano ang ibig sabihin ng pagsunod sa Diyos
Mga Salita ng Makapangyarihang Diyos ng mga Huling Araw
Bagama’t maraming tao ang nananampalataya sa Diyos, kakaunti ang nakakaunawa kung ano ang kahulugan ng pananampalataya sa Diyos, at kung paano mismo sila dapat kumilos nang alinsunod sa mga layunin ng Diyos. Kung tutuusin, ang ugat na dahilan ay na, bagamat alam ng tao ang salitang “Diyos” at ang mga pariralang tulad ng “ang gawain ng Diyos,” hindi niya kilala ang Diyos, at lalong hindi niya kilala ang gawain ng Diyos. Hindi nakapagtataka, kung gayon, na ang lahat ng hindi nakakakilala sa Diyos ay naguguluhan sa kanilang pananampalataya sa Kanya. Hindi sineseryoso ng tao ang pananampalataya sa Diyos, at ito ay ganap na dahil masyadong hindi pamilyar at masyadong di-kilala para sa kanya ang pananampalataya sa Diyos. Sa ganitong paraan, malayong-malayo siya sa mga hinihingi ng Diyos. Sa madaling salita, kung hindi kilala ng tao ang Diyos, at hindi niya kilala ang Kanyang gawain, kung gayon, hindi siya magiging angkop na gamitin ng Diyos, at lalong hindi niya matutugunan ang mga layunin ng Diyos. Ang ibig sabihin ng “pananampalataya sa Diyos” ay paniniwala na mayroong Diyos; ito ang pinakasimpleng konsepto ng pananampalataya sa Diyos. Para mapalawak pa ito, ang paniniwala na mayroong Diyos ay hindi kapareho ng tunay na pananampalataya sa Diyos; sa halip, ito ay isang uri ng simpleng pananalig na may matitinding kahulugang panrelihiyon. Ang ibig sabihin ng tunay na pananampalataya sa Diyos ay ang mga sumusunod: Batay sa pananampalataya na ang Diyos ang May Kataas-taasang Kapangyarihan sa lahat ng bagay, dinaranas ng tao ang mga salita ng Diyos at ang gawain ng Diyos, at sa gayon ay iwinawaksi ang kanyang mga tiwaling disposisyon, tinutugunan ang mga layunin ng Diyos, at nakikilala ang Diyos. Ganitong uri lamang ng paglalakbay ang maaaring tawaging “pananampalataya sa Diyos.” Subalit madalas itinuturing ng tao ang pananampalataya sa Diyos bilang isang napakasimple at napakababaw na bagay. Kapag ang tao ay nananampalataya sa Diyos sa ganitong paraan, nawawala sa kanya ang kabuluhan ng pananampalataya sa Diyos, at bagama’t maaaring patuloy siyang manampalataya hanggang sa kahuli-hulihan, hindi niya kailanman makakamit ang pagsang-ayon ng Diyos, dahil tumatahak siya sa maling landas. Ang mga nananampalataya sa Diyos hanggang ngayon sa gitna ng mga salita at mga hungkag na doktrina ay hindi pa rin nakakaalam na wala silang diwa ng pananampalataya sa Diyos, at na hindi nila matatanggap ang pagsang-ayon ng Diyos. Nagdarasal pa rin sila na pagpalain sila ng Diyos ng kapayapaan at sapat na biyaya. Patahimikin natin ang ating puso at mag-isip tayo nang husto: Maaari kaya na ang pananampalataya sa Diyos ang pinakamadaling bagay sa lupa? Maaari kaya na ang pananampalataya sa Diyos ay nangangahulugan lamang ng pagtanggap ng maraming biyaya mula sa Diyos? Talaga bang ang mga taong nananampalataya sa Diyos nang hindi Siya nakikilala o na nananampalataya sa Diyos subalit nilalabanan Siya ay makatutugon sa mga layunin ng Diyos?
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Paunang Salita
Ang pinakasimpleng paraan para mailarawan ang pananalig sa Diyos ay ang manampalataya na may Diyos. At batay sa pundasyong ito, ang sumunod sa Kanya, magpasakop sa Kanya, tanggapin ang Kanyang kataas-taasang kapangyarihan, mga pamamatnugot, at pagsasaayos, sumunod sa Kanyang mga salita, mamuhay ayon sa Kanyang mga salita, gawin ang lahat ayon sa Kanyang mga salita, maging isang totoong nilikha, at matakot sa Kanya at umiwas sa kasamaan—ito lamang ang tunay na pananalig sa Diyos. Ito ang ibig sabihin ng pagsunod sa Diyos. Kung sinasabi mong sumusunod ka sa Diyos, ngunit, sa iyong puso, hindi mo tinatanggap ang mga salita ng Diyos, at pinagdududahan mo pa rin ang mga ito, at hindi mo tinatanggap ang Kanyang kataas-taasang kapangyarihan, mga pamamatnugot, at pagsasaayos, at palagi kang may mga kuru-kuro at maling pagkaunawa tungkol sa mga ginagawa Niya, at nagrereklamo ka tungkol dito, palaging hindi nakokontento; at kung palagi mong sinusukat at tinatrato ang ginagawa Niya gamit ang sarili mong mga kuru-kuro at mga imahinasyon; at kung palagi kang may mga sariling iniisip at pagkakaunawa—magdudulot ito ng problema. Hindi mo dinaranas ang gawain ng Diyos, at hindi posibleng magawa mong tunay na sumunod sa Kanya. Hindi ito pananalig sa Diyos.
Ano ba mismo ang pananalig sa Diyos? Ang paniniwala ba sa relihiyon ay katumbas ng pananalig sa Diyos? Ang paniniwala sa relihiyon ay pagsunod kay Satanas; ang pananampalataya sa Diyos ay pagsunod sa Diyos—at ang mga sumusunod lamang kay Cristo ang tunay na nananampalataya sa Diyos. Ang isang taong hindi tumatanggap sa mga salita ng Diyos ni kaunti bilang kanyang buhay ay hindi isang tunay na mananampalataya sa Diyos. Siya ay hindi mananampalataya, at ilang taon man siyang manampalataya sa Diyos, wala itong saysay. Kung ang isang mananampalataya sa Diyos ay nakikibahagi lamang sa mga panrelihiyong ritwal, ngunit hindi nagsasagawa ng katotohanan, hindi siya isang mananampalataya sa Diyos, at hindi siya kinikilala ng Diyos. Ano ang kailangan mong taglayin upang kilalanin ka ng Diyos bilang Kanyang tagasunod? Alam mo ba ang mga pamantayan ng Diyos sa pagsukat sa isang tao? Sinusuri ng Diyos kung ginagawa mo ba ang lahat ayon sa Kanyang mga salita at Kanyang mga hinihingi, at kung nagsasagawa ka ba ng katotohanan at nagpapasakop dito. Ito ang pamantayan ng Diyos sa pagsukat sa isang tao. Ang pagsukat ng Diyos ay hindi nakabatay sa kung ilang taon ka nang nananampalataya sa Kanya, gaano kalayo na ang iyong nilakbay, gaano karaming mabubuting kilos ang mayroon ka, o ilang salita at doktrina ang nauunawaan mo. Sinusukat ka Niya batay sa kung hinahangad mo ba ang katotohanan at ano ang landas na pinipili mo. Maraming tao ang nananampalataya sa Diyos sa salita at pinupuri Siya, ngunit sa kanilang puso, hindi nila minamahal ang mga salitang sinasabi Niya. Hindi sila interesado sa katotohanan. Palagi silang naniniwala na tanging ang mga namumuhay ayon sa mga pilosopiya ni Satanas o iba’t ibang makamundong teorya ang maaaring ituring na mga normal na tao, ang kayang magprotekta sa kanilang sarili, at kayang maging masagana at gawin ang mga bagay sa mundo. Sila ba ang mga taong nananampalataya sa Diyos at sumusunod sa Kanya? Hindi.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Hindi Maliligtas ang Isang Tao sa Pamamagitan ng Paniniwala sa Relihiyon o Pagsasagawa ng mga Ritwal na Panrelihiyon
Ang tunay na pananampalataya sa Diyos ay hindi nangangahulugan na nananampalataya lamang ang isang tao sa Kanya upang maligtas, lalong hindi para maging isang mabuting tao, o para lamang makamit ang wangis ng tao. Sa katunayan, ang pananaw ng mga tao sa likod ng pananampalataya sa Diyos ay hindi lang dapat paniniwala na may Diyos, at na Siya ang katotohanan, ang daan, at ang buhay, at iyon na iyon. Hindi rin ito tungkol lamang sa pagkilala sa Diyos, at paniniwalang Siya ang May Kataas-taasang Kapangyarihan sa lahat ng bagay, na Siya ay makapangyarihan sa lahat, na nilikha Niya ang mundo at lahat ng naroon, na Siya ay natatangi, at na Siya ang pinakamataas. Hindi lang ito tungkol sa paniniwala sa mga katunayang ito, at iyon na iyon. Ang layunin ng Diyos ay na ang iyong buong pagkatao at puso ay dapat ibigay sa Kanya at magpasakop sa Kanya. Ibig sabihin, dapat kang sumunod sa Diyos, magamit Niya, at maging kontento at maging handa pa ngang magserbisyo para sa Kanya—anuman ang gawin mo para sa Diyos ay nararapat lang. Hindi totoo na iyong mga paunang itinadhana at hinirang lamang ng Diyos ang dapat manampalataya sa Kanya. Sa katunayan, ang buong sangkatauhan ay dapat sumamba sa Diyos, at sumunod at magpasakop sa Kanya, dahil ang sangkatauhan ay nilikha ng Diyos. Kung alam mo na ang layunin ng pananampalataya sa Diyos ay ang makamit ang kaligtasan at buhay na walang hanggan, ngunit hindi mo tinatanggap ang katotohanan kahit kaunti at hindi mo tinatahak ang landas ng paghahangad sa katotohanan, hindi ba’t niloloko mo ang iyong sarili? Kung nauunawaan mo lang ang mga doktrina ngunit hindi mo hinahangad ang katotohanan, makakamit mo ba ang katotohanan? Ang pinakamahalagang bahagi ng pananampalataya sa Diyos ay ang paghahangad sa katotohanan. Sa bawat katotohanan, dapat hanapin, pagbulayan, at tuklasin ng mga tao kung ano ang panloob na kahulugan nito, pati na rin kung paano isagawa at pasukin ang aspektong iyon ng katotohanan. Kailangang maunawaan at taglayin ng mga mananampalataya ang mga bagay na ito.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi
Dahil nananampalataya ka sa Diyos, kailangan mong kainin at inumin ang Kanyang mga salita, danasin ang Kanyang mga salita, at isabuhay ang Kanyang mga salita. Ito lamang ang matatawag na pananampalataya sa Diyos! Kung nananampalataya ka sa Diyos sa salita subalit hindi mo naisasagawa ang anuman sa Kanyang mga salita o naipapamalas ang anumang realidad, hindi ito tinatawag na pananampalataya sa Diyos. Sa halip, ito ay “paghahangad na makinabang hangga’t nais.” Ang pagsasalita lamang ng maliliit na patotoo, walang-silbing mga bagay, at mababaw na mga bagay, nang wala ni katiting na realidad: ang mga ito ay hindi katumbas ng pananampalataya sa Diyos, at sadyang hindi mo naarok ang tamang landas ng pananampalataya sa Diyos. Bakit mo kailangang mas kainin at inumin pa ang mga salita ng Diyos? Kung hindi ka kumakain at umiinom ng Kanyang mga salita kundi naghahangad ka lamang na mapunta sa langit, pananampalataya ba iyon sa Diyos? Ano ang unang hakbang na dapat gawin ng isang nananampalataya sa Diyos? Sa anong pamamaraan ginagawang perpekto ng Diyos ang tao? Maaari ka bang magawang perpekto nang hindi ka kumakain at umiinom ng mga salita ng Diyos? Maituturing ka bang isang tao ng kaharian kung hindi nagsisilbing iyong realidad ang mga salita ng Diyos? Ano nga ba talaga ang pananampalataya sa Diyos? Ang mga nananampalataya sa Diyos ay dapat man lamang kumilos nang maayos sa labas; ang pinakamahalaga sa lahat ay ang magtaglay ng mga salita ng Diyos. Anuman ang mangyari, hindi ka maaaring tumalikod kailanman mula sa Kanyang mga salita. Ang pagkilala sa Diyos at pagtugon sa Kanyang mga layunin ay nakakamit lahat sa pamamagitan ng Kanyang mga salita. Sa hinaharap, bawat bansa, denominasyon, relihiyon, at sektor ay malulupig sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos. Magsasalita nang tuwiran ang Diyos, at lahat ng tao ay hahawakan ang mga salita ng Diyos sa kanilang mga kamay, at sa pamamagitan nito, sila ay magagawang perpekto. Sa loob at sa labas, ang mga salita ng Diyos ay lumalaganap saanman: Ang lahat ay magbibigkas ng mga salita ng Diyos gamit ang kanilang bibig, magsasagawa alinsunod sa mga salita ng Diyos, at magpapanatili ng mga salita ng Diyos sa loob nila, nananatiling nakababad sa mga salita ng Diyos kapwa sa loob at sa labas. Sa ganitong paraan, sila ay magagawang perpekto. Yaong mga tumutugon sa mga layunin ng Diyos at nagagawang magpatotoo para sa Kanya ay ang mga taong nagtataglay ng mga salita ng Diyos bilang kanilang realidad.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Kapanahunan ng Kaharian ay ang Kapanahunan ng Salita
Ang pananaw mo tungkol sa pananampalataya sa Diyos ay dapat maitama, at dapat mong hangaring makamit ang mga salita ng Diyos. Kailangan mong kainin at inumin ang mga salita ng Diyos at magawang isabuhay ang katotohanan, at sa partikular, kailangan mong makita ang Kanyang praktikal na mga gawa, ang Kanyang kamangha-manghang mga gawa sa buong sansinukob, gayundin ang praktikal na gawaing Kanyang ginagawa sa katawang-tao. Sa pamamagitan ng iyong mga aktuwal na karanasan, mauunawaan mo kung paano nga ba gumagawa ang Diyos sa iyo at kung ano ang mga layunin ng Diyos sa iyo. Ang layon ng lahat ng ito ay upang maiwaksi mo ang iyong mga satanikong tiwaling disposisyon. Sa gayon ay iwawaksi mo ang lahat ng karumihan at pagiging hindi matuwid na nasa iyong kalooban, at iwawaksi ang iyong mga maling intensiyon, at magkakaroon ka ng tunay na pananampalataya sa Diyos. Sa pamamagitan lamang ng tunay na pananampalataya mo magagawang tunay na mahalin ang Diyos. Magagawa mo lamang na tunay na mahalin ang Diyos sa pundasyon ng pananampalataya sa Kanya. Makapagtatamo ka ba ng pagmamahal sa Diyos nang hindi ka nananampalataya sa Kanya? Yamang nananampalataya ka sa Diyos, hindi ka maaaring maguluhan tungkol dito. Napupuno ng motibasyon ang ilang tao sa sandaling makita nila na ang pananalig sa Diyos ay maghahatid sa kanila ng mga pagpapala, ngunit nawawala ang lahat ng motibasyon nila sa sandaling makita nila na kailangan nilang dumanas ng mga pagpipino. Iyan ba ang pananampalataya sa Diyos? Sa huli, kailangan mong ganap at lubos na magpasakop sa harap ng Diyos sa iyong pananalig. Nananampalataya ka sa Diyos, ngunit kung mayroon ka pa ring mga hinihingi sa Kanya, marami ka pa ring mga relihiyosong kuru-kuro na hindi mo mabitawan, mga personal na interes na hindi mo mapakawalan, at naghahangad ka pa rin ng mga pagpapala ng laman at gusto mong iligtas ng Diyos ang iyong laman, iligtas ang iyong kaluluwa, kung gayon ay nagpapakita ka ng pag-uugali ng isang taong may maling perspektiba. Kahit may pananalig sa Diyos ang mga taong may mga relihiyosong paniniwala, hindi sila naghahangad na baguhin ang kanilang mga disposisyon at hindi sila naghahangad ng pagkilala sa Diyos, kundi ang tanging hinahangad nila ay ang mga interes ng kanilang laman. Marami sa inyo ang may pananalig na nabibilang sa kategorya ng mga relihiyosong paninindigan; hindi iyan tunay na pananalig sa Diyos. Upang manampalataya sa Diyos, kailangang magkaroon ang mga tao ng isang pusong handang magdusa para sa Kanya at ng determinasyon na isuko ang kanilang sarili. Hangga’t hindi natutugunan ng mga tao ang dalawang kondisyong ito, walang bisa ang kanilang pananalig sa Diyos, at hindi sila makapagtatamo ng pagbabago sa kanilang mga disposisyon. Ang mga tao lamang na tunay na naghahangad sa katotohanan, sa pagkakilala sa Diyos, at sa buhay ang mga tunay na nananampalataya sa Diyos.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Iyong mga Gagawing Perpekto ay Kailangang Sumailalim sa Pagpipino
Sa iyong pananampalataya sa Diyos, kailangan mong magpasakop sa Diyos, isagawa ang katotohanan, at tuparin ang lahat ng iyong tungkulin. Bukod pa rito, kailangan mong maunawaan ang mga bagay na dapat mong maranasan. Kung ang nararanasan mo lamang ay mapungusan, madisiplina, at mahatulan, kung tinatamasa mo lamang ang Diyos ngunit hindi mo nararamdaman kapag dinidisiplina o pinupungusan ka ng Diyos—hindi ito katanggap-tanggap. Marahil sa pagkakataong ito ng pagpipino, naninindigan ka, ngunit hindi pa rin ito sapat; kailangan mo pa ring patuloy na sumulong. Ang aral tungkol sa pagmamahal sa Diyos ay walang katapusan; hindi ito kailanman magtatapos. Ang tingin ng mga tao sa pananampalataya sa Diyos ay isang bagay na napakasimple, ngunit sa sandaling aktuwal nila itong maranasan, napagtatanto nila na ang pananampalataya sa Diyos ay hindi kasingsimple ng iniisip ng mga tao. Kapag ang Diyos ay gumagawa upang pinuhin ang tao, nagdurusa ang tao. Kapag mas matindi ang pagpipino sa tao, mas lalong lumalaki ang kanyang mapagmahal-sa-Diyos na puso, at mas lalong mabubunyag sa kanya ang dakilang kapangyarihan ng Diyos. Sa kabaligtaran, habang mas kakaunti ang nararanasang pagpipino ng isang tao, mas lumiliit ang kanyang mapagmahal-sa-Diyos na puso, at mas kaunti ang nabubunyag na dakilang kapangyarihan ng Diyos sa kanya. Habang mas tumitindi ang pagpipino at pasakit sa isang tao at habang mas nadadagdagan ang pagpapahirap na dinaranas niya, mas lalalim ang kanyang magiging pagmamahal sa Diyos, magiging mas tunay ang kanyang pananalig sa Diyos, at mas lalalim ang kanyang pagkakilala sa Diyos. Sa iyong mga karanasan, makikita mo na iyong mga tao na sumasailalim sa labis na pagpipino at pagdurusa, na pinupungusan at dinidisiplina nang husto, ay may masidhing pagmamahal sa Diyos at mas malalim at lubusang pagkakilala sa Diyos. Ang mga hindi pa nakaranas na mapungusan ay may mababaw lamang na pagkakilala. Ang masasabi lamang nila, “Napakabuti ng Diyos, pinagkakalooban Niya ng biyaya ang mga tao upang matamasa nila Siya.” Kung naranasan nilang mapungusan at madisiplina, nagagawa nilang magsalita tungkol sa tunay na pagkakilala sa Diyos. Kaya habang mas kamangha-mangha ang gawain ng Diyos sa tao, mas mahalaga at makabuluhan ito. Kapag mas hindi mo ito maarok at mas hindi ito tumutugma sa iyong mga kuru-kuro, mas nagagawa kang lupigin, kamtin, at gawing perpekto ng gawain ng Diyos. Napakalaki ng kabuluhan ng gawain ng Diyos! Kung hindi pinino ng Diyos ang tao sa ganitong paraan, kung hindi Siya gumawa ayon sa pamamaraang ito, hindi magiging epektibo at mawawalan ng kabuluhan ang gawain ng Diyos. Naroroon ang ekstraordinaryong kabuluhan ng kung ano ang binanggit noong araw—ang pagpili at pagkakamit ng Diyos sa grupong ito, at paggawang ganap sa kanila sa mga huling araw. Kapag mas malaki ang gawaing isinasagawa Niya sa inyo, mas malalim at mas dalisay ang inyong pagmamahal sa Diyos. Kapag mas dakila ang gawain ng Diyos, mas nagagawa ng tao na maunawaan nang bahagya ang Kanyang karunungan at mas malalim ang pagkakilala ng tao sa Kanya.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Iyong mga Gagawing Perpekto ay Kailangang Sumailalim sa Pagpipino
Ano ang praktikal na pananampalataya sa Diyos ngayon? Ito ay ang pagtanggap sa salita ng Diyos bilang buhay realidad mo, pagkilala sa Diyos mula sa Kanyang salita, at sa gayon ay pagkamit ng tunay na pagmamahal sa Kanya. Upang maging malinaw: Ang pananampalataya sa Diyos ay upang magpasakop ka sa Diyos, mahalin ang Diyos, at tuparin ang tungkulin na dapat tuparin ng isang nilikha. Ito ang layunin ng pananampalataya sa Diyos. Dapat mong makilala ang pagiging kaibig-ibig ng Diyos, kung gaano kakarapat-dapat ang Diyos sa paggalang, at kung paanong ang gawaing ginagawa ng Diyos sa Kanyang mga nilikha ay ang pagliligtas at paggawang perpekto sa kanila—ito ang mga pinakabatayan na dapat mong taglayin sa iyong pananampalataya sa Diyos. Ang pananampalataya sa Diyos ay pangunahing ang paglipat mula sa isang pamumuhay ng laman tungo sa isang pamumuhay ng pagmamahal sa Diyos, at mula sa pamumuhay sa katiwalian tungo sa pamumuhay sa buhay ng mga salita ng Diyos; ito ay paglabas mula sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas at pamumuhay sa ilalim ng pangangalaga at pag-iingat ng Diyos; ito ay upang magawa mong magpasakop sa Diyos sa halip na sa laman, nang sa gayon ay makamit ng Diyos ang iyong buong puso at magawa kang perpekto, at nang sa gayon ay mapalaya ka mula sa mga satanikong tiwaling disposisyon. Ang pananampalataya sa Diyos ay pangunahing upang ang dakilang kapangyarihan at kaluwalhatian ng Diyos ay maipamalas sa iyo, nang sa gayon ay makasunod ka sa kalooban ng Diyos, nang sa gayon ay maisakatuparan ang plano ng Diyos, at nang sa gayon ay magawa mong magpatotoo para sa Diyos sa harap ni Satanas. Ang pananampalataya sa Diyos ay hindi dapat umikot sa pagnanais na makita ang mga tanda at mga kababalaghan, ni hindi ito dapat alang-alang sa iyong sariling laman. Tungkol ito dapat sa paghahangad sa pagkilala sa Diyos, kakayahang magpasakop sa Diyos, at, tulad ni Pedro, pagpapasakop sa Kanya hanggang sa kamatayan. Ang pangunahing layunin ay ang kamtin ito. Ang tao ay kumakain at umiinom din ng salita ng Diyos upang makilala ang Diyos at upang mapalugod Siya. Ang pagkain at pag-inom ng salita ng Diyos ay nagbibigay sa iyo ng higit na pagkakilala sa Diyos, at pagkaraan lamang nito ka makakapagpasakop sa Diyos. Tanging kung may pagkakilala ka sa Diyos mo magagawang ibigin Siya, at ito lang ang layong dapat taglayin ng tao sa kanyang pananampalataya sa Diyos. Kung, sa iyong pananampalataya sa Diyos, palagi mong gustong makakita ng mga tanda at mga kababalaghan, kung gayon ay mali ang pananaw na ito sa pananampalataya sa Diyos. Ang pananampalataya sa Diyos ay pangunahing pagtanggap sa mga salita ng Diyos bilang buhay realidad ng isang tao. Kapag ang mga salitang nagmumula sa bibig ng Diyos ay isinasagawa ng mga tao at naisasakatuparan sa kanila, sa gayon ay nakakamit ang layunin ng Diyos. Sa pananampalataya sa Diyos, dapat hangarin ng tao na magawang perpekto ng Diyos, na makapagpasakop sa Diyos, at makamit ang ganap na pagpapasakop sa Diyos. Kung makakapagpasakop ka sa Diyos nang hindi dumaraing, makapagsasaalang-alang sa mga layunin ng Diyos, makapagkakamit ng tayog ni Pedro, at makapagtataglay ng estilo ni Pedro na sinabi ng Diyos, kung gayon, iyon ang panahon na natamo mo ang tagumpay sa pananampalataya sa Diyos, at ito ang magpapahiwatig na nakamit ka na ng Diyos.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Lahat ay Naisasakatuparan ng Salita ng Diyos
Kaya ano ba talaga ang pananampalataya sa Diyos? Ang pananampalataya sa Diyos ay ang proseso talaga ng pagtatamo ng pagliligtas ng Diyos, gayundin ang proseso ng pagbabago mula sa isang taong ginawang tiwali ni Satanas tungo sa kung ano ang sa paningin ng Diyos ay isang tunay na nilikha. Kung patuloy na namumuhay ang isang tao ayon sa kanyang satanikong disposisyon at kalikasan, sa paningin ng Diyos, pasok ba siya sa pamantayan bilang isang nilikha? (Hindi.) Sinasabi mong nananampalataya ka sa Diyos, kinikilala mo ang Diyos, kinikilala mo ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos at kinikilala na ibinibigay ng Diyos ang lahat sa iyo, ngunit isinasabuhay mo ba ang mga salita ng Diyos? Nagsasagawa ka ba alinsunod sa mga hinihingi ng Diyos? Sumusunod ka ba sa daan ng Diyos? Magagawa ba ng isang nilikha na katulad mo na lumapit sa harap ng Diyos? Magagawa mo bang mamuhay sa piling ng Diyos? Mayroon ka bang may-takot-sa-Diyos na puso? Kaayon ba ng Diyos ang isinasabuhay mo at ang landas na tinatahak mo? (Hindi.) Kaya ano ang kahulugan ng iyong pananampalataya sa Diyos? Nakapasok ka na ba sa tamang landas? Ang iyong pananampalataya sa Diyos ay sa anyo at salita lamang. Nananampalataya ka at kinikilala mo ang pangalan ng Diyos, at kinikilala mo na ang Diyos ang iyong Lumikha at ang May Kataas-taasang Kapangyarihan, subalit hindi mo pa tinatanggap sa diwa ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos o ang mga pamamatnugot ng Diyos, at hindi mo kayang maging lubusang kaayon ng Diyos. Ibig sabihin, ang kahulugan ng iyong pananampalataya sa Diyos ay hindi pa lubos na nagkakatotoo. Bagama’t nananampalataya ka sa Diyos nang ilang taon, hindi ka pa rin nakakapasok sa katotohanang realidad o hindi mo pa rin naiwawaksi ang iyong mga tiwaling disposisyon, mayroon ka lamang ilang mabuting pag-uugali, at hindi mo pa natatamo ang kaligtasan—dito ka nabigo sa iyong pananampalataya sa Diyos. Sa pagtingin dito sa ganitong paraan, ang pananampalataya sa Diyos ay hindi isang simpleng bagay.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi
Sa pananampalataya sa loob ng maraming taon, taglay mo ba ang mga salita ng Diyos bilang iyong buhay? Mayroon na bang pagbabago sa iyong dating tiwaling disposisyon? Nalalaman mo ba, alinsunod sa mga pinakabagong salita ng Diyos, kung ano ang magkaroon ng buhay, at kung ano ang hindi magtaglay ng buhay? Ito ba ay malinaw sa inyo? Ang pinakamahalaga sa pagsunod sa Diyos ay na dapat alinsunod ang lahat sa mga pinakabagong salita ng Diyos: Ikaw man ay naghahangad sa buhay pagpasok o sa katugunan ng mga layunin ng Diyos, ang lahat ay dapat nakasentro sa mga pinakabagong salita ng Diyos. Kung ang iyong ibinabahagi at hinahangad na pasukin ay hindi nakasentro sa mga pinakabagong salita ng Diyos, isa kang tao na nasa labas ng mga salita ng Diyos, at talagang wala kang gawain ng Banal na Espiritu. Ang gusto ng Diyos ay ang mga taong sumusunod sa Kanyang mga yapak. Gaano man kahanga-hanga at kadalisay ang naunawaan mo noon, hindi ito gusto ng Diyos, at kung hindi mo magagawang bitiwan ang gayong mga bagay, ang mga ito ay magiging napakalaking hadlang sa iyong pagpasok sa hinaharap. Lahat niyaong nagagawang sumunod sa liwanag ngayon ng Banal na Espiritu ay mga pinagpala. Sinundan din ng mga tao sa mga kapanahunan at henerasyong lumipas ang mga yapak ng Diyos, ngunit hindi sila patuloy na nakakasunod hanggang sa kasalukuyan; ito ang pagpapala ng mga tao sa mga huling araw. Yaong mga nagagawang sumunod sa kasalukuyang gawain ng Banal na Espiritu, at nagagawang sumunod sa mga yapak ng Diyos, sumusunod sa Diyos saanman Niya sila akayin—ito ang mga tao na pinagpala ng Diyos. Yaong mga hindi sumusunod sa kasalukuyang gawain ng Banal na Espiritu ay hindi pa nakapasok sa gawain ng mga salita ng Diyos, at gaano man sila gumawa, o gaano man katindi ang kanilang pagdurusa, o gaano man sila magparoo’t parito, walang anuman dito ang may kabuluhan sa Diyos, at hindi Niya sila sasang-ayunan. Sa ngayon, lahat ng sumusunod sa pinakabagong mga salita ng Diyos ay nasa daloy ng Banal na Espiritu; yaong mga nasa labas ng mga pinakabagong salita ng Diyos ay nasa labas ng daloy ng Banal na Espiritu, at ang gayong mga tao ay hindi sinasang-ayunan ng Diyos.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Alamin ang Pinakabagong Gawain ng Diyos at Sumunod sa Kanyang mga Yapak
Ang mga sumusunod sa Diyos ay dapat man lang kayang talikuran ang lahat ng mayroon sila. Minsang sinabi ng Diyos sa Bibliya: “Sinuman sa inyo na hindi tumatalikod sa lahat niyang tinatangkilik, ay di maaaring maging alagad Ko” (Lucas 14:33). Ano ang ibig sabihin ng pagtalikod sa lahat ng mayroon ang isang tao? Ang ibig sabihin nito ay talikuran ang pamilya, talikuran ang trabaho, talikuran ang lahat ng makamundong pagkagapos. Madali ba itong gawin? Napakahirap nito. Kung walang determinasyong gawin ito, hinding-hindi ito maisasakatuparan. Kapag ang isang tao ay may determinasyong tumalikod, natural na taglay niya ang determinasyong magtiis ng pagdurusa. Kung hindi kaya ng isang tao na magtiis ng pagdurusa, hindi niya magagawang talikuran ang anuman, kahit na gustuhin pa niya. May ilan naman na, pagkatapos talikuran ang kanilang mga pamilya at iwanan ang kanilang mga mahal sa buhay, ay nangungulila matapos nilang gawin ang kanilang mga tungkulin nang malayo sa kanilang tahanan sa loob ng ilang panahon. Kung talagang hindi nila ito matiis, umuuwi sila upang sumilip, at pagkatapos ay bumabalik para gawin ang kanilang mga tungkulin. Ang ilan na umalis sa kanilang mga tahanan upang gawin ang kanilang mga tungkulin ay hindi maiwasang hanap-hanapin ang kanilang mga mahal sa buhay sa Bagong Taon at iba pang mga kapistahan, at sila ay palihim na umiiyak. Kapag tapos na sila, nagdarasal sila sa Diyos at bumubuti ang kanilang pakiramdam, at pagkatapos ay nagpapatuloy sila sa kanilang mga tungkulin. Bagama’t nagawa ng mga taong ito na talikuran ang kanilang mga pamilya, hindi nila kayang magtiis ng matinding pasakit. Kung hindi man lang nila maiwawaksi ang kanilang pagmamahal para sa kanilang mga kamag-anak sa laman, paano nila magagawang tunay na igugol ang kanilang sarili para sa Diyos? Nagagawa ng ilang tao na talikuran ang lahat ng mayroon sila at sumunod sa Diyos, tinatalikuran ang kanilang mga trabaho at pamilya—ngunit ano ang kanilang layon sa paggawa nito? Ang ilang tao ay ginagawa ito upang magkamit ng biyaya at mga pagpapala, at ang ilan ay tulad ni Pablo, na naghahangad lamang ng korona at gantimpala. Kakaunti lamang sa mga tao ang tumatalikod sa lahat ng mayroon sila upang makamit ang katotohanan at buhay, at matamo ang kaligtasan. Kaya, anong paghahangad ang umaalinsunod sa mga layunin ng Diyos? Siyempre, ang paghahangad sa katotohanan at pagkakamit ng buhay ang ganap na umaalinsunod sa mga layunin ng Diyos, at ito ang pinakamahalagang usapin pagdating sa pananampalataya sa Diyos. … Ikaw ay makakapasok lamang sa kaharian ng Diyos kung magagawa mong talikuran ang pinakapinapahalagahan mo upang sundan ang Diyos at gawin ang iyong tungkulin, at hangarin ang katotohanan at makamit ang buhay. Ano ang ibig sabihin ng makapasok sa kaharian ng Diyos? Nangangahulugan ito na kaya mong talikuran ang lahat ng mayroon ka at sumunod sa Diyos, sundin ang Kanyang mga salita, at magpasakop sa Kanyang mga pagsasaayos, magpasakop sa Kanya sa lahat ng bagay; nangangahulugan ito na Siya ay naging iyong Panginoon at iyong Diyos. Sa Diyos, nangangahulugan ito na nakapasok ka sa Kanyang kaharian, at anumang mga sakuna ang dumating sa iyo, tataglayin mo ang Kanyang proteksyon at mananatili kang buhay, at ikaw ay magiging isa sa mga tao ng Kanyang kaharian. Upang kilalanin ka ng Diyos bilang Kanyang tagasunod, o kaya ay handugan ka ng Kanyang pangako na gawin ka Niyang perpekto, ang unang hakbang mo dapat ay ang sumunod kay Cristo. Sa ganitong paraan ka lamang makakabahagi sa pagsasanay ng kaharian. Kung hindi ka susunod kay Cristo at nasa labas ka ng kaharian ng Diyos, hindi ka kikilalanin ng Diyos. At kung hindi ka kikilalanin ng Diyos, kahit na nais mong maligtas at makamit ang pangako ng Diyos at ang Kanyang pagpeperpekto, makakamit mo ba ang mga bagay na ito? Hindi. Kung nais mong makamit ang pagsang-ayon ng Diyos, dapat ay maging kalipikado ka muna na makapasok sa Kanyang kaharian. Kung kaya mong talikuran ang lahat ng mayroon ka para mahangad mo ang katotohanan, kung kaya mong hanapin ang katotohanan at kumilos nang ayon sa mga prinsipyo sa paggampan mo ng iyong tungkulin, at kung mayroon kang tunay na patotoong batay sa karanasan, kalipikado kang makapasok sa kaharian ng Diyos at manahin ang Kanyang pangako. Kung hindi mo kayang talikuran ang lahat ng mayroon ka para sumunod sa Diyos, hindi ka man lang kalipikadong pumasok sa Kanyang kaharian, at wala kang kinalaman sa Kanyang pagpapala at sa Kanyang pangako. Maraming tao ngayon ang tumalikod sa lahat ng mayroon sila at gumagawa ng mga tungkulin sa sambahayan ng Diyos, ngunit hindi lahat sa kanila ay tiyak na makakamit ang katotohanan. Kailangan nilang mahalin ang katotohanan at magawa nila itong tanggapin bago nila ito makamit. Kung hindi nila hinahangad ang katotohanan, hindi nila ito makakamit. Lalo na ang mga gumagawa ng kanilang tungkulin sa libre nilang mga oras—ang karanasan nila sa gawain ng Diyos ay napakalimitado kung kaya’t magiging mas mahirap para sa kanila na makamit ang katotohanan. Kung hindi ginagawa ng isang tao ang kanyang tungkulin o hindi niya hinahangad ang katotohanan, mawawalan siya ng kahanga-hangang pagkakataon na makamit ang pagliligtas at pagpeperpekto ng Diyos. Sinasabi ng ilang tao na nananampalataya sila sa Diyos, ngunit hindi nila ginagawa ang kanilang mga tungkulin, at hinahangad nila ang mga makamundong bagay. Ito ba ay pagtalikod sa lahat ng mayroon sila? Dahil nananampalataya sila sa Diyos sa ganitong paraan, magagawa ba nilang sundan ang Diyos hanggang sa wakas? Tingnan ninyo ang mga disipulo ng Panginoong Jesus: Kabilang sa kanila ay mga mangingisda, magsasaka, at isang maniningil ng buwis. Noong tinawag sila ng Panginoong Jesus at sinabihan na, “Sumunod kayo sa Akin,” tumigil sila sa kanilang ginagawa at sumunod sila sa Panginoon. Hindi nila inisip ang isyu ng kanilang trabaho, o kung magkakaroon ba sila ng kabuhayan sa mundo pagkatapos, at agad-agad silang sumunod sa Panginoong Jesus. Buong-pusong inilaan ni Pedro ang kanyang sarili, inialay ang kanyang buhay upang tuparin ang atas ng Panginoong Jesus at pinanghawakan ang kanyang tungkulin. Sa buong buhay niya, hinangad niya ang pagmamahal sa Diyos, at sa huli, ginawa siyang perpekto ng Diyos. Mayroong ilang tao ngayon na hindi man lang kayang talikuran ang lahat ng mayroon sila, ngunit nais pa rin nilang makapasok sa kaharian. Hindi ba sila nananaginip?
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi
Alam mo ba kung ano ang ibig sabihin ng pagsunod sa Diyos? Kung walang mga pangitain, anong landas ang iyong lalakaran? Sa gawain sa kasalukuyan, kung wala kang mga pangitain, hinding-hindi ka magagawang ganap. Kanino ka ba nananampalataya? Bakit ka nananampalataya sa Kanya? Bakit ka sumusunod sa Kanya? Tingin mo ba ang iyong pananampalataya ay isang uri ng laro? Tinatrato mo ba ang iyong buhay na parang isang uri ng laruan? Ang Diyos ng kasalukuyan ang pinakadakilang pangitain. Gaano karami ang alam mo tungkol sa Kanya? Gaano karami ang nakita mo na tungkol sa Kanya? Yamang nakita mo na ang Diyos ng kasalukuyan, matibay ba ang pundasyon ng iyong pananampalataya sa Diyos? Sa palagay mo ba ay magtatamo ka ng biyayang nagliligtas basta’t sumusunod nang magulo? Palagay mo ba ay makakahuli ka ng isda sa maputik na tubig? Ganoon ba iyon kasimple? Gaano na ba karaming kuru-kurong may kinalaman sa mga salitang binibigkas ng Diyos ng kasalukuyan ang nabitiwan mo na? May mga pangitain ka ba ng Diyos ng kasalukuyan? Saan nakabatay ang iyong pagkaunawa sa Diyos ng kasalukuyan? Lagi kang naniniwala na matatanggap mo ito sa pamamagitan lang ng pagsunod sa Kanya, o pagkakita lang sa Kanya, at wala nang sinuman ang makapagpapaalis sa iyo. Huwag mong akalain na napakadali lang ng pagsunod sa Diyos. Ang susi ay kailangan mo Siyang makilala, kailangan mong makilala ang gawain Niya, at kailangan mong magkaroon ng determinasyon na magtiis ng paghihirap alang-alang sa Kanya, isakripisyo ang iyong buhay para sa Kanya, at magawa Niyang perpekto. Ito ang pangitain na dapat mong taglayin. Hindi maaari na laging nakatuon lang ang isip mo sa pagtatamasa ng biyaya. Huwag mong ipagpalagay na narito ang Diyos para lang sa kasiyahan ng mga tao, o upang magkaloob lang ng biyaya sa kanila. Mali ka! Kung hindi maitataya ng isang tao ang kanyang buhay upang sumunod sa Diyos, at kung hindi matatalikuran ng isang tao ang lahat ng panlabas na bagay upang sumunod, tiyak na hindi niya makakayang sumunod sa Diyos hanggang sa huli! Dapat mayroon kang mga pangitain bilang iyong pundasyon. Kung isang araw ay dumating sa iyo ang sakuna, ano ang dapat mong gawin? Magagawa mo pa rin bang sumunod sa Kanya? Huwag mong sabihin nang pabasta-basta kung makakasunod ka hanggang sa huli. Mas mabuting imulat mo muna nang maigi ang iyong mga mata upang makita kung ano ang panahon ngayon. Bagaman sa kasalukuyan ay tulad kayo ng mga haligi ng templo, darating ang panahon na lahat ng gayong haligi ay ngangatngatin ng mga uod, na magdudulot ng pagguho ng templo, dahil sa kasalukuyan, napakaraming pangitain ang kulang sa inyo. Pinag-uukulan lang ninyo ng pansin ang sarili ninyong maliliit na mundo, at hindi ninyo alam kung ano ang pinakamaaasahan at pinakaangkop na paraan ng paghahangad. Hindi ninyo pinapansin ang pangitain ng gawain sa kasalukuyan, hindi rin ninyo isinasapuso ang mga bagay na ito. Naisip na ba ninyo na isang araw ilalagay kayo ng inyong Diyos sa isang pinakahindi pamilyar na lugar? Maguguni-guni ba ninyo kung anong mangyayari sa inyo isang araw kung kailan aagawin Ko ang lahat sa inyo? Ang magiging motibasyon ba ninyo sa araw na iyon ay magiging katulad ng sa ngayon? Muli bang lilitaw ang inyong pananalig? Sa pagsunod sa Diyos, kailangan ninyong malaman itong pinakadakilang pangitain na ang “Diyos”: Ito ang pinakamahalagang usapin. Isa pa, huwag ninyong ipagpalagay na sa pagkakatalaga bilang banal mula sa mga makamundong tao, tiyak na nabibilang kayo sa pamilya ng Diyos. Sa panahong ito, ang Diyos Mismo ang gumagawa sa gitna ng mga nilikha; Siya ang naparito sa gitna ng mga tao upang gawin ang Kanyang sariling gawain—hindi ang magsagawa ng mga kampanya. Sa inyo, wala ni isang dakot ang nagagawang malaman na ang gawain sa kasalukuyan ay ang gawain ng Diyos sa langit na nagkatawang-tao. Hindi ito tungkol sa paggawa sa inyo na maging mga pambihirang taong may talento; ito ay upang tulungan kayong malaman ang kabuluhan ng buhay ng tao, malaman ang hantungan ng mga tao, at makilala ang Diyos at ang Kanyang kabuuan. Dapat mong malaman na isa kang nilikha na nasa mga kamay ng Lumikha. Ang dapat mong maunawaan, ang dapat mong gawin, at kung paano ka dapat sumunod sa Diyos—hindi ba’t ang mga ito ang mga katotohanang kailangan mong maunawaan? Hindi ba’t ang mga ito ang mga pangitaing dapat mong makita?
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Kailangan Ninyong Maunawaan ang Gawain—Huwag Kayong Sumunod Nang May Pagkalito!
Sa karamihan ng mga tao, kapag walang nangyayari sa kanila, kapag lahat ay maayos ang takbo sa kanila, nararamdaman nilang dakila ang Diyos, at matuwid, at kaibig-ibig. Kapag sinusubok sila ng Diyos, pinupungusan sila, itinutuwid sila, o dinidisiplina sila, kapag hinihingi Niya sa kanila na isantabi ang kanilang mga pansariling interes at maghimagsik laban sa laman upang isagawa ang katotohanan, kapag gumagawa ang Diyos sa kanila, at may kataas-taasang kapangyarihan at namamatnugot sa kanilang mga kapalaran, at may kataas-taasang kapangyarihan sa kanilang mga buhay, lumilitaw ang paghihimagsik nila, at pagkatapos, sa pagitan nila at ng Diyos, nagkakaroon ng paghihiwalay, nabubuo ang sigalot, at lumilitaw ang isang malaking agwat. Sa ganoong mga pagkakataon, wala ni katiting na katayuan ang Diyos sa kanilang puso; hindi nila maramdaman ang pagiging kaibig-ibig ng Diyos, ni hindi nila iniisip na Siya ay dakila, dahil ang ginagawa Niya ay hindi nakatutupad sa kanilang mga hiling, na nagpapalungkot sa kanila at nagpapasama ng loob nila, nagdudulot ng pasakit sa kanila, at nagpapadama sa kanila ng kawalang-kapanatagan. Kung kaya hindi man lang sila nagpapasakop sa Diyos, sa halip ay naghihimagsik laban sa Kanya at lumalayo sa Kanya. Sa paggawa nito, isinasagawa ba nila ang katotohanan? Sinusunod ba nila ang daan ng Diyos? Sinusunod ba nila ang Diyos? Hindi. Gaano man karami ang iyong mga kuru-kuro at imahinasyon tungkol sa gawain ng Diyos, at paano ka man kumilos dati ayon sa iyong sariling kalooban at naghimagsik laban sa Diyos, kung tunay mong hinahangad ang katotohanan, at tatanggapin ang paghatol at pagkastigo ng mga salita ng Diyos, at ang mapungusan ng mga ito; kung, sa lahat ng pinamamatnugutan Niya ay nagagawa mong sumunod sa daan ng Diyos, sundin ang Kanyang mga salita, matutunang arukin ang Kanyang mga layunin, magsagawa ayon sa Kanyang mga salita at pagnanais, at nagagawa mong magpasakop sa pamamagitan ng paghahanap sa katotohanan; at kung mabibitiwan mo ang lahat ng iyong sariling kagustuhan, pagnanais, plano, intensiyon, at hindi mo kakalabanin ang Diyos, kung gayon, saka ka lang sumusunod sa Diyos. Maaaring sinasabi mong sumusunod ka sa Diyos, ngunit kung lahat ng ginagawa mo ay ayon sa sarili mong kagustuhan, at may sarili kang mga layon at plano, at hindi mo ipinagpapasa-Diyos ang mga ito, ang Diyos pa rin ba ang iyong Diyos? Hindi, hindi Siya. Kung ang Diyos ay hindi mo Diyos, kung gayon, kapag sinasabi mong sumusunod ka sa Diyos, hindi ba ito mga hungkag na salita? Ang mga ganitong salita ba ay hindi pagtatangkang lokohin ang mga tao? Maaaring sinasabi mong sumusunod ka sa Diyos, ngunit kung ang lahat ng iyong mga kilos at gawa, ang iyong pananaw sa buhay at mga pagpapahalaga, at saloobin at mga prinsipyo na ginagamit mo sa pagharap at pagdadala sa mga bagay ay nanggaling lahat kay Satanas—kung pinangangasiwaan mo ang lahat ng ito nang ganap na nakaayon sa mga batas at lohika ni Satanas, isa ka bang tagasunod ng Diyos kung gayon? (Hindi.) … Kung hindi nauunawaan ng isang tao ang katotohanan at hindi pa niya nakakamit ang katotohanan, ang kanyang mga kaisipan at ideya ay maaaring tila tama sa tao, ngunit sa paningin ng Diyos, lahat ng ito ay lumalabag sa katotohanan at hindi naaayon sa Kanyang mga layunin. Ang gayong mga tao ay sumusunod sa Diyos sa panlabas, ngunit dahil wala silang tunay na pagpapasakop, para sa Diyos ay hindi sila mga taong tunay na sumusunod sa Kanya. Ang lahat ng kanilang mga kilos at gawa ay nakabatay sa lohika at mga pilosopiya ni Satanas, at hindi naaayon sa mga katotohanang prinsipyo. Bakit sila nananampalataya sa Diyos kung gayon? Ano nga ba ang tunay na gusto nilang makamit? Napakahirap nitong maunawaan. Sila ba ay tunay na mga mananampalataya sa Diyos? Hindi; sa mas magandang pananalita, sila ay nananampalataya sa relihiyon. Maaaring sinasabi nila na may pananalig sila sa Diyos, ngunit hindi sila kinikilala ng Diyos. Itinuturing sila ng Diyos na taong gumagawa ng masama, at hindi Niya inililigtas ang gayong mga tao.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Hindi Maliligtas ang Isang Tao sa Pamamagitan ng Paniniwala sa Relihiyon o Pagsasagawa ng mga Ritwal na Panrelihiyon
Ngayon, marami ang naniniwala na napakadaling sumunod sa Diyos, ngunit kapag ang gawain ng Diyos ay malapit nang matapos, malalaman mo ang tunay na kahulugan ng “sumunod.” Ang katunayan na kaya mo pang sumunod sa Diyos ngayon matapos kang lupigin ay hindi nagpapatunay na isa ka sa mga gagawing perpekto. Iyong mga hindi kinakayang pagtiisan ang mga pagsubok, silang mga hindi kayang maging matagumpay sa gitna ng kapighatian ay hindi makakayang tumayo nang matatag sa kahuli-hulihan, at hindi nila makakayang sumunod sa Diyos hanggang sa pinakahuli. Ang mga sinserong sumusunod sa Diyos ay kayang matagalan ang pagsubok sa kanilang gawain, samantalang iyong mga hindi sinserong sumusunod sa Diyos ay hindi kayang matagalan ang anumang mga pagsubok ng Diyos. Sa malao’t madali, sila ay mapapalayas, habang ang mga mananagumpay ay mananatili sa kaharian. Kung ang tao ay sinsero bang naghahanap sa Diyos o hindi ay maaari lamang na matukoy sa pamamagitan ng pagsubok sa kanyang gawain, ibig sabihin, sa pamamagitan ng mga pagsubok ng Diyos, at walang kaugnayan sa mismong itinatakda ng tao. Hindi itinatakwil ng Diyos ang sinumang tao nang basta-basta; lahat ng ginagawa Niya ay lubusang makakakumbinsi sa tao. Hindi Siya gumagawa ng anumang bagay na hindi nakikita ng tao, o anumang gawain na hindi makakakumbinsi sa tao. Kung ang pananampalataya ba ng tao ay tunay o hindi ay napapatunayan ng mga katunayan at hindi maitatakda ng tao. Walang duda na ang “trigo ay hindi magiging mapanirang damo, at ang mapanirang damo ay hindi magiging trigo.” Ang lahat ng sinserong nagmamahal sa Diyos ay mananatili sa kaharian sa kahuli-hulihan, at hindi tatratuhin nang masama ng Diyos ang sinumang sinserong nagmamahal sa Kanya.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Gawain ng Diyos at ang Pagsasagawa ng Tao
Kaugnay na mga Eksena ng Pelikula
Ano ba ang Ibig Sabihin ng Tunay na Pananalig sa Diyos?
Katulad ba ng Tunay na Pananampalataya sa Diyos ang Masipag na Paggawa?
Kaugnay na mga Patotoong Batay sa Karanasan
Ang Pagsubok ng Isang Mahirap na Sitwasyon
Kaugnay na mga Himno
Dapat Sambahin ng Buong Sangkatauhan ang Diyos
Dapat Mong Hangaring Magkaroon ng Tunay na Pagmamahal sa Diyos
Mga Alituntuning Pamatnubay Para sa Pananalig sa Diyos