19. Paano harapin ang pag-aasawa
Mga Salita Mula sa Bibliya
“At sinabi ng Diyos na si Jehova, ‘Hindi mabuti na ang lalaki ay mag-isa; maglalalang Ako ng angkop na katuwang niya’” (Genesis 2:18).
“At pinahimbing ng Diyos na si Jehova ang tulog ni Adan, at nakatulog ito: at kinuha Niya ang isa sa mga tadyang nito at pinaghilom ang laman sa dakong yaon: At ang tadyang, na kinuha ng Diyos na si Jehova sa lalaki, ay Kanyang ginawang isang babae, at ito ay dinala Niya sa lalaki. At sinabi ni Adan, ‘Ito nga ay buto ng aking mga buto at laman ng aking laman: siya ay tatawaging Babae, sapagkat sa Lalaki siya kinuha.’ Kaya iiwan ng lalaki ang kanyang ama at ang kanyang ina, at makikipisan sa kanyang asawa: at sila ay magiging iisang laman” (Genesis 2:21–24).
“Sinabi Niya sa babae, ‘Pararamihin Kong lubha ang iyong pighati at ang iyong paglilihi; manganganak kang may kahirapan; at ang iyong pagnanais ay magiging sa iyong asawa, at siya ang mamamahala sa iyo.’ At kay Adan ay sinabi Niya, ‘Sapagkat iyong dininig ang tinig ng iyong asawa, at kumain ka ng bunga ng punong kahoy na Aking iniutos sa iyo na sinabi, Huwag kang kakain niyaon; sumpain ang lupa dahil sa iyo; kakain ka mula rito sa pamamagitan ng iyong pagpapagal sa lahat ng mga araw ng iyong buhay; Ang isisibol niyaon sa iyo ay mga tinik at mga dawag; at kakain ka ng pananim sa parang; Sa pawis ng iyong mukha ay kakain ka ng tinapay, hanggang sa ikaw ay bumalik sa lupa; sapagkat diyan ka kinuha: sapagkat ikaw ay alabok at sa alabok ka uuwi’” (Genesis 3:16–19).
Mga Salita ng Makapangyarihang Diyos ng mga Huling Araw
Ang simula at pinagmulan ng pag-aasawa ay nasa paglikha ng Diyos. Nilikha ng Diyos ang unang tao, na nangailangan ng isang kabiyak na tutulong at sasama sa kanya, mamumuhay kasama niya, kaya nilikha ng Diyos ang isang kabiyak para sa kanya, at kaya, nagkaroon ng pag-aasawa ng tao. Iyon lang. Ganoon ito kasimple. Ito ang pangunahing pagkaunawa sa pag-aasawa na dapat mong taglayin. Ang pag-aasawa ay galing sa Diyos; ito ay isinaayos at inorden Niya. Kahit papaano man lang, masasabi mo na hindi ito isang negatibong bagay, kundi isang positibong bagay. Tumpak ding masasabi na ang pag-aasawa ay wasto, na isa itong wastong yugto sa takbo ng pag-iral ng tao, na hindi ito buktot, kundi wasto at positibo, dahil nagmumula ito sa paglikha ng Diyos, pag-orden ng Diyos, at, siyempre, sa pagsasaayos ng Diyos. Ang pag-aasawa ng tao ay nagmumula sa paglikha ng Diyos, at ito ay isang bagay na Kanyang personal na isinaayos at inorden, kaya kung titingnan ito mula sa anggulong ito, ang tanging perspektiba na dapat mayroon ang tao tungkol sa pag-aasawa ay na ito ay nagmumula sa Diyos, na ito ay isang nararapat at positibong bagay, na ito ay hindi negatibo, buktot, makasarili, o masama. Ito ay hindi galing sa sangkatauhan, o mula kay Satanas, lalong hindi ito natural na nabubuo sa kalikasan; sa halip, nilikha ito ng Diyos gamit ang Kanyang sariling mga kamay, at personal itong isinaayos, at inorden. Ito ay ganap na tiyak. Ito ang pinaka-orihinal, tumpak na depinisyon at konsepto ng pag-aasawa.
—Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Hangarin ang Katotohanan (9)
Ang tunay na kabuluhan ng pag-aasawa ay hindi lang ang pagpapatuloy ng sangkatauhan, kundi ang mas mahalaga, na nagsaayos ang Diyos ng isang kabiyak para sa bawat lalaki at babae para samahan sila sa bawat yugto ng buhay. Maging sa mga panahon ng paghihirap at pasakit, o ng ginhawa, galak, at kaligayahan, mayroon silang isang tao na mapagbabahagian nila ng kanilang mga kaisipan sa kanilang kaloob-looban, isang tao na buong-pusong makikibahagi sa kanilang kalungkutan, pasakit, galak at kaligayahan, para samahan sila sa lahat ng ito. Ito ang kabuluhan sa likod ng pagsasaayos ng Diyos ng pag-aasawa para sa sangkatauhan, at isa rin itong subhetibong pangangailangan sa kalooban ng bawat tao. Nang likhain ng Diyos ang sangkatauhan, ayaw Niyang mapag-isa sila, kaya isinaayos Niya ang pag-aasawa para sa kanila. Sa pag-aasawa, ang mga lalaki at babae ay may kanya-kanyang mga papel, at ang mas mahalaga ay na sinasamahan at sinusuportahan nila ang isa’t isa, namumuhay nang maayos sa bawat araw, maayos na tumatahak sa landas ng buhay. Sa isang banda, maaari nilang samahan ang isa’t isa, at sa kabilang banda, maaari nilang suportahan ang isa’t isa—ito ang kahulugan ng pag-aasawa at kung bakit kinakailangan itong umiral. Siyempre, ito rin ang pagkaunawa at saloobing dapat taglayin ng mga tao tungkol sa pag-aasawa, at ito ang responsabilidad at obligasyong dapat nilang tuparin sa pag-aasawa.
—Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Hangarin ang Katotohanan (9)
Ang pag-aasawa ay isang malaking pangyayari sa buhay ng bawat tao; ito ang panahon kung kailan nagsisimula ang isang tao na tunay na umako ng iba’t ibang responsabilidad at unti-unting tumapos sa iba’t ibang misyon. Nagsasaisip ang mga tao ng maraming pantasya tungkol sa pag-aasawa bago nila mismo ito maranasan, na pawang bumubuo ng isang napakagandang larawan. Nasa imahinasyon ng mga babae na ang kanilang kabiyak ay magiging isang Prince Charming, at nasa imahinasyon ng mga lalaki na makakapangasawa sila ng isang prinsesa sa fairy tale. Ipinapakita ng mga pantasyang ito na ang bawat tao ay may sariling hanay ng mga hinihinging pamantayan pagdating sa pag-aasawa. Bagama’t sa masamang kapanahunang ito, ang lahat ng uri ng impormasyon ay patuloy na nagtatanim sa mga tao ng iba’t ibang baluktot na pananaw tungkol sa pag-aasawa, na nagiging sanhi upang magkaroon ang mga tao ng higit pang mga hinihingi sa pag-aasawa at magkaroon ng lahat ng uri ng pasanin at kakatwang saloobin tungkol sa pag-aasawa, alam ng sinumang nakapag-asawa na paano man unawain ng isang tao ang pag-aasawa, anuman ang kanyang saloobin tungkol dito, ang pag-aasawa ay hindi isang usapin ng personal na pagpili.
Makakatagpo ang isang tao ng maraming tao sa buhay, ngunit walang nakakaalam kung sino talaga ang magiging kabiyak niya sa pag-aasawa sa huli. Bagama’t ang bawat isa ay may sariling mga pananaw at ideya sa usapin ng pag-aasawa, walang sinuman ang makakakita nang patiuna kung sino talaga ang magiging kabiyak niya sa huli, at ang mga tao mismo ay walang kapangyarihang magpasya sa usaping ito. Pagkatapos makatagpo ng isang taong gusto mo, maaari mong ligawan ang taong iyon; ngunit kung interesado man siya sa iyo, at kung magiging kabiyak mo man siya, ay hindi ikaw ang magpapasya. Ang taong gusto mo ay hindi tiyak na ang taong makakasama mo sa buhay. Sa halip, maaaring mangyari na, nang hindi mo man lang napapansin, isang taong hindi mo kailanman inasahan ang papasok sa iyong buhay at magiging kabiyak mo, ang pinakamahalagang bahagi ng iyong kapalaran, ang iyong kabiyak na ang kapalaran ay hindi maihihiwalay na nakatali sa iyo. At kaya, bagama’t may di-mabilang na mga pag-aasawa sa mundo, ang bawat isa ay magkakaiba: Ang ilan ay nakakadismaya, ang ilan ay nakakagalak; ang ilan ay sumasaklaw sa Silangan at Kanluran, ang ilan ay sa Hilaga at Timog; ang ilan ay mga ideyal na magkabiyak, ang ilan ay may pantay na katayuan sa lipunan; ang ilan ay puno ng kaligayahan, ang ilan ay puno ng trahedya; ang ilan ay pumupukaw ng paghanga at inggit ng iba, ang ilan ay nag-iiwan sa mga tao na nalilito at nag-uudyok ng paghamak; ang ilan ay puno ng galak, ang ilan ay nagdudulot ng walang-katapusang luha at kawalan ng pag-asa…. Sa napakaraming uring ito ng pag-aasawa, nagpapakita ang mga tao ng katapatan at isang walang-hanggan, di-natitinag na paninindigan sa pag-aasawa; nagpapakita sila ng matinding pag-aalaga, matatag na pagmamahal, at isang paninindigang manatili sa kanilang kabiyak; nagpapakita sila ng kawalan ng magagawa at hindi pagkaunawa; nagpapakita sila ng pagkakanulo at maging ng pagkamapanlaban. Nagdudulot man ang mismong pag-aasawa ng kaligayahan o pasakit, ang misyon ng bawat isa sa pag-aasawa, na paunang inorden ng Lumikha, ay hindi nagbabago—ang misyong ito ay isang bagay na dapat makompleto ng lahat. At ang kapalaran ng bawat tao na nasa likod ng bawat pag-aasawa ay hindi rin nagbabago; ito ay paunang inorden na noon pa man ng Lumikha.
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi III
Ang pag-aasawa ay isang mahalagang sugpungan sa buhay ng isang tao. Ito ang resulta ng kanyang kapalaran sa buhay, at isa itong mahalagang bahagi ng kapalarang ito. Hindi ito batay sa kalooban o kagustuhan ng sinumang tao, at hindi naiimpluwensiyahan ng anumang panlabas na mga salik, kundi ganap na idinidikta ng mga kapalaran ng dalawang tao, ng mga paunang pag-orden at pagsasaayos ng Lumikha para sa kapalaran ng mag-asawa. Sa panlabas, umiiral ang pag-aasawa upang makapagpakarami ang mga tao, ngunit ang totoo, ang pag-aasawa ay walang iba kundi isang seremonya para sa pagkompleto ng misyon ng isang tao. Sa pag-aasawa, ang papel na ginagampanan ng mga tao ay hindi lamang ang pagpapalaki sa susunod na henerasyon; inaako nila ang lahat ng papel na nagsisilbing magpanatili sa pag-aasawa, gayundin ang mga misyon na dapat nilang tapusin. Yamang nakakaimpluwensiya ang kapanganakan ng isang tao sa mga pagbabagong pinagdadaanan ng mga tao, pangyayari, at bagay sa paligid niya, ang pag-aasawa ng isang tao ay hindi rin maiiwasang makaapekto sa mga bagay na ito, at higit pa riyan ay magdudulot ng lahat ng uri ng pagbabago sa mga ito.
Kapag naging nakapagsasarili ang isang tao, nagsisimula siyang tahakin ang sarili niyang landas sa buhay, na umaakay sa kanya, nang hakbang-hakbang, patungo sa mga tao, pangyayari, at bagay na may kaugnayan sa kanyang pag-aasawa. Kasabay nito, ang kanyang magiging kabiyak sa pag-aasawa ay lumalapit, nang hakbang-hakbang, sa parehong mga tao, pangyayari, at bagay na iyon. Sa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan ng Lumikha, ang dalawang taong walang kaugnayan sa isa’t isa ay unti-unting—dahil sa kanilang magkaugnay na kapalaran—pumapasok sa iisang pag-aasawa, mahimalang nagiging isang pamilya: “dalawang pasahero sa iisang bangka.” Kaya, kapag pumasok ang isang tao sa pag-aasawa, ang kanyang landas sa buhay ay makakaimpluwensiya at magkakaroon ng kaugnayan sa kanyang kabiyak, habang ang landas sa buhay ng kanyang kabiyak ay makakaimpluwensiya at magkakaroon ng kaugnayan sa sarili niyang tadhana sa buhay. Sa madaling salita, ang mga tadhana ng mga tao ay magkakaugnay, at walang sinuman ang makakatapos ng kanyang misyon sa buhay o makagagampan ng kanyang papel nang tunay na hiwalay sa iba. Ang pagsilang ng isang tao ay may kinalaman sa isang malaking sapot ng mga ugnayan; ang paglaki ay may kaugnayan din sa isang komplikadong sapot ng mga ugnayan; at gayundin, ang isang pag-aasawa ay hindi maiiwasang umiiral at napananatili sa loob ng isang malawak at komplikadong sapot ng mga ugnayan, isinasangkot ang bawat miyembro ng sapot na iyon at nakakaimpluwensiya sa kapalaran ng bawat tao na bahagi nito. Ang pag-aasawa ay hindi bunga ng pamilya ng isang tao, ng kalagayan na kinalakhan niya, ng kanyang hitsura, ng kanyang edad, ng kanyang kakayahan, ng kanyang mga talento, o ng anumang iba pang mga salik; sa halip, ito ang bunga ng pinagsasaluhang misyon at ng isang magkaugnay na kapalaran. Ito ang pinagmumulan ng pag-aasawa, ibinunga sa loob ng kapalaran ng tao na pinamatnugutan at isinaayos ng Lumikha.
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi III
Hindi ka dapat magkaroon ng anumang personal o hindi makatotohanang pantasya tungkol sa pag-aasawa, tungkol sa sino ang iyong kabiyak o kung anong klase ng tao ang iyong kabiyak; dapat mayroon kang saloobin ng pagpapasakop sa Diyos, dapat kang magpasakop sa mga pagsasaayos at ordinasyon ng Diyos, at magtiwala na ang Diyos ay maghahanda ng isang taong pinakanaaangkop para sa iyo. Hindi ba’t kinakailangan ang isang mapagpasakop na saloobin? (Oo.) Pangalawa, dapat mong bitiwan ang mga pamantayang iyon para sa pagpili ng kabiyak na itinanim sa iyo ng masasamang kalakaran ng lipunan, at pagkatapos ay magtatag ng mga tamang pamantayan para sa pagpili ng kabiyak. Ibig sabihin, ang kabiyak mo, kahit papaano, ay dapat isang tao na nananampalataya rin sa Diyos at tumatahak sa landas na pareho sa tinatahak mo—ito ang pangkalahatang prinsipyo. Dagdag pa rito, dapat na kaya niyang tuparin ang mga responsabilidad ng isang lalaki o isang babae sa loob ng pag-aasawa; dapat na kaya niyang tuparin ang mga responsabilidad ng isang kabiyak. Paano mo dapat sukatin ang aspektong ito? Dapat mong tingnan ang kanyang karakter, kung mayroon ba siyang pagkaramdam ng responsabilidad, at kung mayroon ba siyang konsensiya. At paano mo huhusgahan kung may konsensiya at pagkatao ang isang tao? Kung hindi ka maglalaan ng oras upang makasama siya, wala kang paraan para malaman kung ano ang kanyang pagkatao. At kahit na maglaan ka ng oras kasama siya, kung sa maikling panahon lang ito, maaaring hindi mo pa rin makita nang malinaw kung anong uri siya ng tao. Kung gayon, paano mo huhusgahan kung mayroon siyang pagkatao? Titingnan mo kung inaako ba niya ang responsabilidad para sa kanyang tungkulin, para sa atas ng Diyos, at para sa gawain ng iglesia, at titingnan mo kung kaya ba niyang pangalagaan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos at kung deboto ba siya sa paggampan ng kanyang tungkulin—ito ang pinakamahusay na paraan para husgahan ang karakter ng isang tao. Kung ang taong ito ay may pagkatao, may matuwid na karakter, at partikular na dedikado at responsable, partikular na seryoso at taimtim, napakametikuloso, at hindi kailanman nagpapabaya pagdating sa gawain ng iglesia, at hinahangad din ang katotohanan, maingat at matamang nakikinig sa lahat ng sinasabi ng Diyos, isinasagawa ang Kanyang mga salita sa sandaling maunawaan niya ang mga ito, kung gayon, bagama’t maaaring walang mataas na kakayahan ang gayong tao, kahit papaano ay isa siyang tao na hindi pabasta-basta sa kanyang tungkulin at sa gawain ng iglesia, at na hinaharap ang mga bagay na ito sa isang maingat at responsableng paraan. Kung hinaharap niya ang kanyang tungkulin sa isang maingat at responsableng paraan, tiyak na buong-puso siyang mamumuhay kasama mo at aakuin ang responsabilidad para sa iyo hanggang sa pinakadulo—ang karakter ng gayong tao ay makakayanan ang mga pagsubok. Kahit na magkasakit ka, tumanda at pumangit, o magkaroon ng anumang mga kakulangan o kapintasan, palagi kang tatratuhin nang tama ng taong ito at magiging mapagparaya sa iyo. Gagawin niya ang lahat ng kanyang makakaya para pangalagaan ang pamilya, at kaya ka rin niyang protektahan at bigyan ka ng isang matatag na buhay, nagdudulot sa iyo na makaramdam ng labis na kapanatagan. Ito ang pinakadakilang kaligayahan na mahahanap ng isang lalaki o isang babae sa buhay may-asawa. Maaaring hindi ka niya mabigyan ng isang buhay na mayaman, marangya, o romantiko, ni hindi ka mabigyan ng anumang naiiba sa iba pagdating sa pagmamahal o iba pang mga aspekto, pero kahit papaano, ang presensya niya sa iyong buhay ay magpapanatag sa iyo, at kung wala siya ay makakaramdam ka ng pagkabalisa. Kapag nakikita mo na mapagkakatiwalaan at maaasahan siya ngayon, para bang nakikita mo na makakaramdam ka ng kapanatagan at makokontento ka sa darating na 30 o 40 taon ng buhay. Ang ganitong tao ang dapat mong maging pamantayan sa pagpili ng kabiyak. Siyempre, medyo mataas ang pamantayang ito sa pagpili ng kabiyak at hindi madaling makakita ng ganitong tao sa gitna ng modernong sangkatauhan, tama ba? Para husgahan kung ano ang katangian ng isang tao at kung magagampanan niya ang kanyang mga responsabilidad sa pag-aasawa, kailangan mong tingnan ang kanyang saloobin sa kanyang tungkulin—ito ang isang aspekto. Ang isa pang aspekto ay kailangan mong tingnan kung siya ay may takot-sa-Diyos na puso. Kung mayroon siya nito, kahit papaano, hindi siya gagawa ng anumang hindi makatao o imoral o hindi etikal, at kaya, tiyak na hindi ka niya tatratuhin nang hindi mabuti. Kung wala siyang may-takot-sa-Diyos na puso, at siya ay mapangahas, sutil, o ang kanyang pagkatao ay malupit, mapanlinlang, at napakayabang; kung wala ang Diyos sa kanyang puso at wala siyang pagsasaalang-alang sa sinuman; kung pinangangasiwaan niya ang gawain, tungkulin, at maging ang atas ng Diyos at anumang malaking usapin ng sambahayan ng Diyos nang walang ingat at nang naaayon sa kanyang sariling kagustuhan, kumikilos nang walang pakundangan, hindi kailanman nag-iingat o hindi hinahanap ang mga prinsipyo, at lalong-lalo na sa pangangasiwa sa mga handog, basta-basta na lang siyang kumukuha at nagdidispalko ng mga ito, wala siyang kinakatakutan, kung gayon ay hinding-hindi ka dapat maghanap ng ganoong klase ng tao. Kung walang may-takot-sa-Diyos na puso, magagawa niya ang anumang bagay. Ang isang taong tulad niyon ay maaaring binobola ka at gumagawa ng matatayog na panata ngayon, pero kapag dumating ang araw na mawalan siya ng interes sa iyo at hindi mo na matugunan ang kanyang mga pangangailangan, sasabihin niyang hindi ka na niya mahal at wala na siyang nararamdaman para sa iyo, isasantabi ka na lang niya, at kahit na hindi ka niya hiwalayan, magloloko siya sa labas ng tahanan—maaaring mangyari ang anuman sa mga ito. Kaya ka niyang abandonahin anumang oras at sa ilalim ng anumang mga sitwasyon, at may kakayahan siyang gawin ang anuman. Napakadelikado ng gayong tao; hindi sulit para sa iyo na ipagkatiwala ang buong buhay mo sa kanya. Kung pipili ka ng isang lalaking tulad nito bilang iyong kabiyak sa pag-aasawa, magkakaproblema ka. Kahit na matangkad, mayaman, at guwapo siya, labis na may kapabilidad, at napakamaalaga at maasikaso sa iyo—na tila, sa panlabas, isang partikular na kalipikadong asawa—kung wala siyang kahit katiting na may-takot-sa-Diyos na puso, hindi siya isang angkop na kabiyak para sa iyo. Kung mahuhumaling ka sa kanya, magsisimulang makipag-date sa kanya, at pagkatapos ay magpapakasal, magiging isa siyang bangungot at isang sakuna para sa iyo sa buong buhay mo. Hindi ito pinaniniwalaan ng ilang tao, at iginigiit nilang pakasalan ang gayong tao, habang iniisip na sila mismo ay isang taong naghahangad ng katotohanan, at na dahil dito ay hindi sila maaapektuhan. Napasakamay ka na ng isang masamang diyablo, at kinamumuhian niya ang Diyos, nilalabanan ang Diyos, at gumagamit ng lahat ng paraan upang guluhin ang iyong pananalig sa Diyos—makakayanan mo ba ito? Hindi makakaya ng iyong maliit na tayog at pananalig ang pagpapahirap niya, at pagkatapos ng ilang araw ay sobrang mahihirapan ka na, kaya magmamakaawa ka at hindi mo na magagawang patuloy na manalig sa Diyos. Nawala na ang iyong pananalig at ang isip mo ay puno ng mga komplikadong halo ng mga emosyonal na gusot na ito. Para kang inilagay sa gilingan ng karne at dinudurog nang pira-piraso, nang walang wangis ng tao, lubos nang nalugmok dito, at sa huli ay mamamatay ka kasama ng diyablong pinakasalan mo, at magiging katapusan na ng iyong buhay.
—Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Hangarin ang Katotohanan (10)
Ang kaligayahan sa pag-aasawa ba ay isang layon sa buhay na dapat hangarin ng mga tao? May kinalaman ba ito sa pag-aasawa na inorden ng Diyos? (Wala.) Ipinagkaloob ng Diyos sa iyo ang pag-aasawa—ipinagkaloob Niya sa iyo ang isang kapaligiran kung saan maaari mong tuparin ang mga responsabilidad at obligasyon ng isang lalaki o babae sa loob ng balangkas ng pag-aasawa. Ipinagkaloob ng Diyos sa iyo ang pag-aasawa, na ibig sabihin ay ipinagkaloob Niya sa iyo ang isang kabiyak. Sasamahan ka ng kabiyak na ito hanggang sa katapusan ng buhay na ito at sasamahan ka sa bawat yugto ng buhay. Ano ang ibig Kong sabihin sa “sasamahan”? Ibig Kong sabihin ay tutulungan at aalagaan ka ng iyong kabiyak, makakasalo mo siya sa lahat ng bagay na iyong makakaharap sa buhay. Ibig sabihin, gaano man karaming bagay ang kakaharapin mo, hindi mo na haharapin ang mga ito nang mag-isa, sa halip, dalawa kayong magkasama na haharap sa mga ito. Nagiging medyo mas madali at magaan ang buhay sa pamamagitan ng pamumuhay sa ganitong paraan, kung saan parehong ginagawa ng bawat isa ang nararapat nilang gawin, pareho nilang ginagamit ang kanilang malalakas na katangian at kalakasan, at sinisimulan ang kanilang buhay. Ganoon lang ito kasimple. Ngunit hindi hinihingi sa iyo ng Diyos na mahalin mo ang iyong kapareha hanggang sa kadulu-duluhan o na patuloy siyang paluguran; hindi Niya ibinigay sa iyo ang misyong ito. Binigyan ka ng Diyos ng isang buhay may-asawa, binigyan ka ng isang kapareha, at binigyan ka ng isang bagong kapaligiran sa pamumuhay. Sa loob ng kapaligirang ito sa pamumuhay at konteksto, nilalayon Niya na makibahagi at humarap ang iyong kapareha sa lahat ng bagay kasama mo, upang makapamuhay ka nang mas madali at mas malaya, habang pinapahintulutan ka ring maranasan ang isang naiibang yugto ng buhay. Gayumpaman, hindi ka ibinenta ng Diyos sa pag-aasawa. Ano ang ibig Kong sabihin dito? Ibig Kong sabihin, hindi kinuha ng Diyos ang iyong buhay, kapalaran, misyon, ang landas na iyong tinatahak sa buhay, ang direksiyon na iyong pinipili sa buhay, at ang uri ng pananalig na mayroon ka at hindi Niya ito ibinigay lahat sa iyong kabiyak upang ang iyong kabiyak ang magtakda nito para sa iyo. Kita mo, nang itatag ng Diyos ang pag-aasawa para sa sangkatauhan sa simula, hindi Niya sinabing, “Ang uri ng kapalaran, paghahangad, pananaw sa buhay, at landas sa buhay na mayroon ang isang babae (o lalaki) ay dapat pagpasyahan ng kanyang asawa.” Hindi ito sinabi ng Diyos, ni hindi Niya ito inorden sa ganitong paraan. Hindi rin sinabi ng Diyos na, “Ang paghahangad ng kaligayahan sa pag-aasawa ay ang habambuhay na misyon ng mga lalaki at babae. Kung mapapanatili mo ang kaligayahan ng iyong buhay may-asawa, saka mo lang makukumpleto ang misyon ng iyong buhay at saka ka lang makakaasal nang tama bilang isang nilikha.” Hindi kailanman sinabi ng Diyos ang anumang gayong bagay. Hindi rin sinabi ng Diyos na, “Dapat mong piliin ang iyong landas sa buhay sa loob ng balangkas ng buhay may-asawa, at kung makakamit mo man ang kaligtasan ay dapat mapagpasyahan ng iyong kapareha.” Kahit minsan ba ay sinabi ng Diyos ang gayong bagay? (Hindi.) Inorden ng Diyos ang pag-aasawa para sa iyo at pinagkalooban ka Niya ng isang kabiyak. Pumapasok ka sa pag-aasawa ngunit hindi nagbabago ang iyong pagkakakilanlan at katayuan sa harap ng Diyos. Ikaw man ay isang lalaki o babae, may isang bagay na pareho sa inyo, at iyon ay, pareho kayong mga nilikha sa harap ng Lumikha. Sa loob ng balangkas ng buhay may-asawa, kayo ay nagpaparaya at nagpapahalaga at nagpoprotekta sa isa’t isa, nagtutulungan at sumusuporta sa isa’t isa, at ito ay pagtupad sa inyong mga responsabilidad. Ngunit sa harap ng Diyos, ang mga responsabilidad na dapat mong tuparin at ang misyon na dapat mong isakatuparan ay hindi maaaring mapalitan ng mga responsabilidad na tinutupad mo para sa iyong kabiyak. Kaya, kapag may salungatan sa iyong mga responsabilidad sa iyong kabiyak at sa tungkulin na dapat gawin ng isang nilikha sa harap ng Diyos, ang dapat mong piliin ay ang gawin ang tungkulin ng isang nilikha sa halip na tuparin ang iyong mga responsabilidad sa iyong kabiyak. Ito ang direksiyon at layunin na dapat mong piliin at, siyempre, ito rin ang misyon na dapat mong isakatuparan. Gayumpaman, may ilang tao na nagkakamaling gawin ang paghahangad ng kaligayahan sa pag-aasawa, o ang pagtupad ng kanilang mga responsabilidad sa kanilang kabiyak, at ang pagmamalasakit, pag-aalaga, at pagpapahalaga at pagprotekta sa kanilang kabiyak, bilang kanilang misyon sa buhay, at itinuturing nila ang kanilang kabiyak bilang kanilang buong mundo, ang kanilang buhay—mali ito. Ang iyong tadhana ay nasa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos at hindi ito pinamamahalaan ng iyong kabiyak. Hindi mababago ng pag-aasawa ang iyong tadhana, ni hindi nito mababago ang katunayan na ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa iyong tadhana. Tungkol sa uri ng pananaw sa buhay na dapat mong taglayin at sa landas na dapat mong sundin, dapat mong hanapin ang mga ito sa mga salitang itinuturo at mga hinihingi ng Diyos, hindi isalalay ang mga ito sa iyong kabiyak at hayaan na ang iyong kabiyak ang magpasya sa mga ito. Bukod sa pagtupad ng kanyang mga responsabilidad sa iyo, hindi siya ang dapat na may kontrol sa iyong tadhana, ni hindi niya dapat hilingin na baguhin mo ang iyong direksiyon sa buhay, ni hindi niya dapat itakda kung anong landas ang susundin mo, ni itakda kung anong pananaw sa buhay ang dapat mayroon ka, lalong hindi ka niya dapat limitahan o hadlangan sa paghahangad sa kaligtasan. Pagdating sa pag-aasawa, ang magagawa lamang ng mga tao ay tanggapin ito mula sa Diyos at sundin ang depinisyon ng pag-aasawa na inorden ng Diyos para sa tao, kung saan ang parehong mag-asawa ay tumutupad sa kanilang mga responsabilidad at obligasyon sa isa’t isa. Ang hindi nila magagawa ay ang itakda ang tadhana, nakaraang buhay, kasalukuyang buhay, o ang kabilang buhay ng kanilang kabiyak, lalo na ang magpasawalang hanggan. Ang iyong hantungan, ang iyong tadhana, at ang landas na iyong susundin ay maaari lamang itakda ng Lumikha. Kaya, bilang isang nilikha, ang iyong papel man ay bilang isang misis o mister, ang kaligayahan na dapat mong hangarin sa buhay na ito ay nagmumula sa paggawa mo ng tungkulin ng isang nilikha at pagsasakatuparan sa misyon ng isang nilikha. Hindi ito nagmumula sa pag-aasawa mismo, lalong hindi sa pagtupad mo ng mga responsabilidad ng isang asawa sa loob ng balangkas ng pag-aasawa. Siyempre, ang landas na iyong pinipiling sundin at ang pananaw sa buhay na iyong ginagamit ay hindi dapat nakabatay sa kaligayahan sa pag-aasawa, lalong hindi ito dapat nakatakda batay sa sinuman sa mag-asawa—ito ay isang bagay na dapat mong maunawaan. Kaya, ang mga taong pumapasok sa pag-aasawa na naghahangad lamang ng kaligayahan sa pag-aasawa at tumitingin lang sa paghahangad na ito bilang kanilang misyon ay dapat na bumitiw sa gayong mga kaisipan at pananaw, dapat nilang baguhin ang paraan ng kanilang pagsasagawa, at baguhin ang direksiyon ng kanilang buhay. Pumapasok ka sa pag-aasawa at namumuhay kasama ang iyong kabiyak sa ilalim ng pag-orden ng Diyos, iyon lamang, at sapat nang tuparin ang mga responsabilidad ng isang misis o mister habang magkasama kayo sa buhay. Tungkol naman sa kung anong landas ang iyong sinusunod at anong pananaw sa buhay ang iyong tinataglay, ang iyong kabiyak ay walang obligasyon at walang karapatan na itakda ang mga bagay na ito. Kahit na kasal ka na at may kapareha, kung ang tinatawag na kaparehang ito ay inorden ng Diyos, ang tanging magagawa niya ay tuparin ang mga responsabilidad ng isang kapareha; lahat ng iba pang bagay na walang kinalaman sa kanya ay nasa sa iyo na para pagpilian at pagpasyahan. Siyempre, ang mas mahalaga pa ay na ang iyong mga pinili at desisyon ay hindi dapat nakabatay sa iyong sariling kagustuhan at pagkaunawa, bagkus ay sa mga salita ng Diyos. Naibahagi ba nang malinaw ang usaping ito? (Oo.) Kaya, kapag ang sinumang kabiyak sa loob ng balangkas ng buhay may-asawa ay ibinibigay ang lahat o gumagawa ng anumang sakripisyo sa paghahangad ng kaligayahan sa buhay may-asawa, hindi iyon tinatandaan ng Diyos. Gaano man kahusay o kaperpekto ang pagtupad mo sa iyong mga obligasyon at responsabilidad sa iyong kabiyak, o gaano mo man tinatrato nang tama ang iyong kabiyak—sa madaling salita, gaano mo man kahusay o kaperpekto na napapanatili ang iyong kaligayahan sa pag-aasawa, o gaano man ito kainggit-inggit—hindi ito nangangahulugan na natupad mo na ang misyon ng isang nilikha, hindi rin ito nagpapatunay na ikaw ay isang nilikha na pasok sa pamantayan. Marahil, ikaw ay isang perpektong asawa, ngunit nasa loob pa rin ito ng balangkas ng pag-aasawa. Sinusukat ng Lumikha kung anong uri ka ng tao batay sa kung paano mo ginagawa ang tungkulin ng isang nilikha sa Kanyang harapan, kung anong uri ng landas ang iyong tinatahak, kung ano ang iyong pananaw sa buhay, kung ano ang iyong hinahangad sa buhay, at kung gaano kahusay mong isinasakatuparan ang misyon ng isang nilikha. Ang mga bagay na ito ang batayan ng Diyos sa pagsukat ng landas na sinusunod mo bilang isang nilikha at ng iyong hantungan sa hinaharap, hindi Niya pinagbabatayan kung gaano kahusay mong tinutupad ang iyong mga responsabilidad at obligasyon bilang asawa, o batay sa kung ang pag-ibig mo sa iyong kabiyak ay nakalulugod sa kanya.
—Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Hangarin ang Katotohanan (11)
Nagbabahaginan tayo tungkol sa “pagbitiw sa paghahangad ng kaligayahan sa pag-aasawa” hindi para himukin kang talikuran ang pag-aasawa o hikayatin kang makipaghiwalay, kundi para maunawaan mo ang katotohanan, magkaroon ng tamang pananaw sa pag-aasawa, at magawa mong isuko ang paghahangad ng kaligayahan sa pag-aasawa. Una, bitiwan ang mga maling pananaw na iyon sa paghahangad ng kaligayahan sa pag-aasawa, at pagkatapos ay bitiwan ang mga maling pagsasagawa ng paghahangad ng kaligayahan sa pag-aasawa, at ilaan ang malaking bahagi ng iyong oras, mga taon, at lakas sa paghahangad ng katotohanan at paggawa sa tungkulin ng isang nilikha. Tungkol naman sa pag-aasawa, hangga’t hindi ito sumasalungat o kumokontra sa iyong paghahangad sa katotohanan, hindi magbabago ang mga obligasyon na dapat mong tuparin, ang misyon na dapat mong isakatuparan, at ang papel na dapat mong gampanan sa loob ng balangkas ng buhay may-asawa. Samakatwid, ang paghiling na bitiwan mo ang paghahangad sa kaligayahan sa buhay may-asawa ay hindi nangangahulugang hinihiling sa iyo na talikuran ang buhay may-asawa o na makipagdiborsyo ka, kundi sa halip ay nangangahulugang hinihiling sa iyo na tratuhin nang tama ang buhay may-asawa, at pagkatapos, sa pundasyong ito, kompletuhin ang iyong misyon bilang isang nilikha at tuparin nang maayos ang tungkuling dapat mong gampanan. Siyempre, kung ang iyong paghahangad sa kaligayahan sa buhay may-asawa ay nakakaapekto o nakakahadlang sa iyong paggampan sa tungkulin ng isang nilikha, o nagiging sanhi pa nga na talikuran mo ang tungkuling ito na dapat mong gawin, kung gayon ay isa kang lubhang mapaghimagsik na tao. Kung hahanapin mo ang katotohanan sa usaping ito, dapat mong malinaw na makita kung ano ang dapat panghawakan ng mga tao at kung ano ang dapat nilang talikuran. Ang dapat mong talikuran ay hindi lamang ang iyong paghahangad sa kaligayahan sa buhay may-asawa; dapat mong talikuran ang iyong buong buhay may-asawa. Sa ganitong paraan, makakamit mo ang ganap na pagkaalinsunod sa mga katotohanang prinsipyo. Ano ang panghuling layunin at kabuluhan ng pagbabahaginan tungkol sa mga isyung ito? Ito ay para sabihin sa iyo: Hindi ka dapat mapigilan, mabulag, magulo, o maging abala pa nga sa kaligayahan sa pag-aasawa, at hindi mo dapat pahintulutan ang paghahangad ng kaligayahan sa pag-aasawa na ganap na sakupin ang iyong landas sa buhay at ang iyong buhay; sa halip, dapat mong tratuhin nang tama ang mga responsabilidad at obligasyon na dapat mong tuparin sa pag-aasawa, at tukuyin nang tama ang mga responsabilidad at obligasyon na dapat mong tuparin. Ang isang mas mahusay na paraan ng pagsasagawa ay ang maglaan ng mas maraming oras at lakas sa iyong tungkulin, gawin ang tungkulin na dapat mong gawin, at kumpletuhin ang misyon na ipinagkatiwala sa iyo ng Diyos. Huwag mong kalimutan kailanman na ikaw ay isang nilikha, na ang Diyos ang nag-akay sa iyo sa buhay patungo sa sandaling ito, na ang Diyos ang nagbigay sa iyo ng buhay may-asawa, ang nagbigay sa iyo ng pamilya, at na ang Diyos ang nagkaloob sa iyo ng mga responsabilidad na dapat mong tuparin sa loob ng balangkas ng buhay may-asawa, at na hindi ikaw ang pumili ng buhay may-asawa, hindi ka nag-asawa nang bigla-bigla na lang, o na kaya mong panatilihin ang iyong kaligayahan sa buhay may-asawa sa pamamagitan ng pag-asa sa sarili mong mga abilidad o lakas. Malinaw Ko na ba itong naipaliwanag ngayon? (Oo.) Naiintindihan mo na ba kung ano ang dapat mong gawin? Malinaw na ba sa iyo ang landas? (Oo.) Kung walang di-pagkakatugma o kontradiksiyon sa pagitan ng mga responsabilidad at obligasyon na dapat mong tuparin sa buhay may-asawa at sa iyong tungkulin at misyon bilang isang nilikha, kung gayon, sa gayong mga sitwasyon, dapat mong tuparin ang iyong mga responsabilidad sa loob ng balangkas ng buhay may-asawa sa paraang dapat tuparin ang mga ito, at dapat mong tuparin nang maayos ang iyong mga responsabilidad, pasanin ang mga responsabilidad na dapat mong pasanin, at huwag subukang iwasan ang mga ito. Dapat kang maging responsable sa iyong kabiyak—sa kanyang buhay, mga damdamin, at sa lahat ng bagay tungkol sa kanya. Gayumpaman, kapag may pagkakasalungat sa pagitan ng mga responsabilidad at obligasyon na iyong pinapasan sa loob ng balangkas ng buhay may-asawa at sa iyong misyon at tungkulin bilang isang nilikha, kung gayon, ang iyong dapat bitiwan ay hindi ang iyong tungkulin o misyon kundi ang iyong mga responsabilidad sa loob ng balangkas ng buhay may-asawa. Ito ang ekspektasyon ng Diyos sa iyo, ito ang atas ng Diyos sa iyo, at siyempre, ito ang hinihingi ng Diyos sa sinumang lalaki o babae. Kapag nagawa mo na ito ay saka ka lamang maghahangad sa katotohanan at susunod sa Diyos. Kung hindi mo kayang gawin ito at hindi mo kayang magsagawa sa ganitong paraan, ikaw ay isang mananampalataya sa pangalan lamang, hindi ka sumusunod sa Diyos nang may tapat na puso, at hindi mo hinahangad ang katotohanan. Ang ilan sa hinirang na mga tao ng Diyos sa mainland China ay sunod-sunod nang nangingibang-bansa ngayon para gumawa ng kanilang mga tungkulin at ipakalat ang ebanghelyo ng kaharian. Sinasabi ng ilang tao, “Kung mangingibang-bansa ako para gawin ang aking tungkulin, kakailanganin kong talikuran ang aking pamilya. Hindi ko na ba kailanman makikitang muli ang aking asawa? Hindi ba’t kakailanganin naming mamuhay nang magkahiwalay sa magkaibang lugar? Masisira ba ang aming buhay may-asawa? Paano ako mabubuhay kung wala ang aking asawa kung gayon?” Dapat mo bang isipin kung ano ang magiging kinabukasan mo? Ano ang bagay na pinakadapat mong isipin? Kung gusto mong maging isang taong naghahangad sa katotohanan, ang pinakadapat mong isipin ay kung paano bibitiwan ang ipinabibitiw sa iyo ng Diyos at kung paano isasakatuparan ang ipinapasakatuparan sa iyo ng Diyos. Kahit wala kang buhay may-asawa at wala ang iyong kapareha sa iyong tabi sa hinaharap, mabubuhay ka pa rin hanggang sa iyong mga huling taon at mamumuhay nang maayos. Gayumpaman, kung tatalikuran mo ang pagkakataong ito na gawin ang iyong tungkulin, katumbas iyon ng pagtalikod mo sa tungkuling dapat mong gawin at sa misyon na ipinagkatiwala sa iyo ng Diyos. Para sa Diyos, hindi ka magiging isang taong naghahangad sa katotohanan, isang taong tunay na nagnanais sa Diyos, o isang taong naghahangad ng kaligtasan. Kung aktibo mong tatalikuran ang iyong pagkakataon at karapatang makamit ang kaligtasan, tatalikuran ang iyong misyon, at sa halip ay pipiliin mo ang buhay may-asawa, pipiliing mamuhay kasama ang iyong asawa, pipiliing samahan at bigyang-kasiyahan siya, at pipiliing panatilihin ang integridad ng iyong buhay may-asawa, sa huli ay tiyak na may mawawala sa iyo habang may nakakamit ka. Nauunawaan mo naman kung ano ang mawawala sa iyo, hindi ba? Ang buhay may-asawa at ang kaligayahan sa buhay may-asawa ay hindi ang lahat-lahat para sa iyo—hindi ito ang magpapasya ng iyong kapalaran, hindi ito ang magpapasya ng iyong hinaharap, at mas lalong hindi ito ang magpapasya ng iyong hantungan. Kaya, kung ano ang dapat na piliin ng mga tao, at kung dapat ba nilang bitiwan ang paghahangad ng kaligayahan sa pag-aasawa at gawin ang tungkulin bilang isang nilikha ay nasa sa kanila na para pagdesisyonan.
—Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Hangarin ang Katotohanan (10)
Inorden ng Diyos ang pag-aasawa sa iyo para lamang matuto kang tuparin ang iyong mga responsabilidad, matutong mamuhay nang payapa kasama ang isa pang tao at mamuhay nang kasama siya, maranasan mo kung ano ang pakiramdam ng mamuhay kasama ang iyong kabiyak, at direktang matutunan kung paano mo dapat pangasiwaan ang lahat ng bagay na nararanasan ninyo bilang isang pangkat, sa gayon ay ginagawang mas masagana at naiiba ang iyong buhay. Gayumpaman, hindi ka Niya ibinenta sa pag-aasawa, at siyempre, hindi ka Niya ibinenta sa iyong kabiyak upang maging alipin nito. Hindi ka alipin ng iyong kabiyak, at hindi rin siya ang amo mo. Magkapantay kayo. May mga responsabilidad ka lang bilang misis (o mister) sa iyong kabiyak, at kapag tinutupad mo ang mga responsabilidad na ito, itinuturing ka ng Diyos na isang misis (o mister) na pasok sa pamantayan. Kung ikaw ay nananampalataya sa Diyos at naghahangad sa katotohanan, kayang gawin ang iyong tungkulin, at madalas na dumadalo sa mga pagtitipon, nagdarasal-nagbabasa ng mga salita ng Diyos, at humaharap sa Diyos, ang mga ito ay mga bagay na tinatanggap ng Diyos; ang mga ito ang dapat gawin ng isang nilikha, at ito ang karaniwang kalagayan kung saan dapat mamuhay ang isang nilikha. Walang anumang kahiya-hiya rito, at hindi mo kailangang maramdaman na may pagkakautang ka sa iyong kabiyak dahil ipinamumuhay mo ang ganitong uri ng buhay—wala kang anumang pagkakautang sa kanya. Kung kinikilala niya na umiiral ang Diyos, may obligasyon kang magpatotoo sa kanya tungkol sa gawain ng Diyos. Gayumpaman, kung hindi siya nananampalataya sa Diyos at hindi kayo magkapareho ng mga pinahahalagahan at landas, kung gayon ay hindi mo kailangan at hindi ka obligadong sabihin sa kanya ang anumang impormasyon tungkol sa iyong pananalig o sa landas na tinatahak mo, at wala rin siyang anumang karapatang malaman ang tungkol sa mga bagay na ito. Nananampalataya ka sa Diyos, at kung sinusuportahan, hinihikayat, at ipinagtatanggol ka niya, kung gayon ay tinutupad niya ang kanyang responsabilidad at obligasyon. Kung hindi niya ito magawa, hindi siya isang taong may pagkatao. Bakit Ko sinasabi ito? Dahil ang landas na tinatahak mo ay ang tamang landas; at, dahil tinatahak mo ang tamang landas, ang iyong pamilya at ang iyong kabiyak ay pinagpapala at nagtatamasa ng biyaya ng Diyos kasama mo. Nararapat lang na magpasalamat siya sa iyo para dito, sa halip na diskriminahin ka o apihin ka, o maniwala na dapat kang gumawa ng mas maraming gawaing-bahay at iba pang bagay o na may pagkakautang ka sa kanya, dahil nananampalataya ka sa Diyos at nagdurusa ng pag-uusig. Wala kang pagkakautang sa kanya sa emosyonal, espirituwal, o sa anumang ibang paraan. Sa kabaligtaran, dahil nananampalataya ka sa Diyos, nagtatamasa siya ng higit pang karagdagang biyaya at mga pagpapala mula sa Diyos—lubha siyang nakinabang. Ano ang ibig Kong sabihin sa pagsasabing “lubha siyang nakinabang”? Ang ibig Kong sabihin ay hindi karapat-dapat ang isang taong tulad niyon na tumanggap ng mga bagay na iyon at hindi niya ito dapat matanggap. Bakit hindi niya ito dapat matanggap? Dahil hindi niya kinikilala ang Diyos at hindi siya sumusunod sa Diyos. Ang dahilan kung bakit natatamasa niya ang lahat ng biyayang ito ay ganap na dahil nananampalataya ka sa Diyos. Nakikisakay siya sa iyong biyaya, tinatamasa ang mga pagpapala kasama mo, at nararapat lang na magpasalamat siya sa iyo. Sa madaling salita, dahil tinatamasa niya ang mga karagdagang pagpapalang ito at ang karagdagang biyayang ito, dapat siyang umako ng mas malaking responsabilidad at mas lalong suportahan ang iyong pananampalataya sa Diyos. Tinatamasa ng ilang tao ang biyaya ng Diyos dahil ang isang tao sa kanilang sambahayan ay nananampalataya sa Diyos—lumalaki nang lumalaki ang negosyo ng pamilya, kumikita sila ng mas maraming pera, nagiging mas mayaman ang kanilang materyal na buhay, at bumubuti ang kalidad ng kanilang buhay. Paano nangyayari ang mga bagay na ito? Sinasabi ng ilang tao, “Inorden ng Diyos na magiging mayaman sila.” Totoo na inorden ito ng Diyos, ngunit kung walang sinuman sa kanilang pamilya ang nanampalataya sa Diyos, hindi sana nakatanggap ang kanilang negosyo ng labis na biyaya at napakaraming pagpapala mula sa Diyos. Ito ay dahil may isang tao sa pamilya ang sinserong nananampalataya sa Diyos, naghahangad sa katotohanan, at kusang-loob na naghahandog at gumugugol ng sarili, kaya’t ang mga di-nananampalatayang miyembro ng pamilya ay di-nararapat na tumatanggap ng biyayang ito at ng mga pagpapalang ito. Para sa Diyos, ang paggawa nito ay napakadali. Ang mga hindi nananampalataya ay hindi pa rin nasisiyahan, at sinusupil at inaapi pa nga nila ang mga nananampalataya sa Diyos. Ang pang-uusig ng bansa at lipunan sa mga mananampalataya ay isa nang trahedya para sa kanila, gayumpaman, mas masahol pa ang ginagawa ng kanilang mga kapamilya at dinagdagan pa ng mga ito ang panggigipit. Kung sa gayong mga sitwasyon ay nararamdaman mo pa rin na may pagkakautang ka sa kanila at handa kang maging alipin sa iyong buhay may-asawa, iyon ay isang bagay na hindi mo talaga dapat na gawin. Kung hindi niya sinusuportahan ang iyong pananampalataya sa Diyos, ayos lang; kung hindi niya ipinagtatanggol ang iyong pananampalataya sa Diyos, ayos lang din. Malaya siya na hindi gawin ang mga bagay na iyon. Gayumpaman, hindi ka niya dapat tratuhin na parang isang alipin dahil nananampalataya ka sa Diyos. Hindi ka isang alipin, ikaw ay isang tao, isang taong may dignidad at matuwid. Sa pinakamababa, ikaw ay isang nilikha sa harap ng Diyos, at hindi alipin ng sinuman. Kung kinakailangan mong maging alipin, maaari ka lamang maging alipin ng katotohanan, alipin ng Diyos, at hindi isang alipin ng sinumang tao, lalong hindi mo dapat gawin na iyong amo ang asawa mo. Sa usapin ng mga makalamang ugnayan, bukod sa iyong mga magulang, ang taong pinakamalapit sa iyo sa mundong ito ay ang iyong asawa. Ngunit dahil lang sa nananampalataya ka sa Diyos, inaatake at inuusig ka niya na para bang ikaw ang kaaway niya. Tinututulan niya ang pagdalo mo sa mga pagtitipon; kapag nakakarinig siya ng anumang tsismis, umuuwi siya at agad kang pinagagalitan at binubugbog. Kahit na nagdarasal o nagbabasa ka ng mga salita ng Diyos sa bahay at hindi ka naman nakakaapekto sa kanyang normal na buhay, papagalitan at tututulan ka niya, at bubugbugin ka pa nga. Sabihin mo sa Akin, anong uri siya ng nilalang? Hindi ba’t isa siyang demonyo? Ito ba ang taong pinakamalapit sa iyo? Karapat-dapat ba ang ganitong tao sa pagtupad mo ng anumang responsabilidad para sa kanya? (Hindi.) Ang ilang taong nasa ganitong uri ng buhay may-asawa ay ginagawa ang anumang sabihin ng kanilang kabiyak, at handa silang isakripisyo ang lahat para sa kanilang kabiyak—isakripisyo ang oras na dapat ay igugol nila sa paggawa ng kanilang tungkulin, ang pagkakataon na gawin ang kanilang tungkulin, at maging ang kanilang pagkakataon na makamit ang kaligtasan. Wala sa mga ito ang wasto, at sa pinakamababa, dapat nilang iwaksi ang gayong mga ideya. Bukod sa pagkakautang sa Diyos, wala nang ibang pinagkakautangan ang mga tao. Wala kang pagkakautang sa iyong mga magulang, sa iyong mister (o misis), sa iyong mga anak, lalo na sa sinumang mga kaibigan mo—wala kang anumang pagkakautang sa kahit na sino. Lahat ng mayroon ang mga tao ay nagmumula sa Diyos, at ang kanilang mga buhay may-asawa ay inorden din ng Diyos. Kung kailangan nating pag-usapan ang pagkakautang, ang Diyos lamang ang pinagkakautangan ng mga tao. Siyempre, hindi hinihingi ng Diyos na suklian mo Siya; hinihiling lamang Niya na tahakin mo ang tamang landas sa buhay. Tungkol sa pag-aasawa, ang pinakamalaking layunin ng Diyos ay para magawa mong tratuhin ito nang tama—lalo na pagdating sa usapin ng pananampalataya sa Diyos, hindi ka dapat malimitahan ng iyong asawa, at hindi ka dapat, bilang resulta ng iyong pag-aasawa, mawalan ng iyong dignidad at integridad, o hindi mo dapat isuko ang iyong tamang pananaw sa buhay at direksiyon sa paghahangad, o isuko pa nga ang paghahangad sa katotohanan, ang iyong pagkakataon sa kaligtasan, o ang anumang atas o misyon na ibinigay sa iyo ng Diyos, sa halip ay maging isang kusang-loob na alipin sa iyong buhay may-asawa. Kung ganito mo pangangasiwaan ang iyong buhay may-asawa, mas mabuti pa kung hindi ka na lang nag-asawa, at mas bagay pa sa iyo ang buhay ng isang taong walang asawa. Kung hindi ka makakaalis sa ganitong uri ng sitwasyon o kaayusan ng pag-aasawa kahit ano ang gawin mo, pinakamainam na ganap mo nang lisanin ang buhay may-asawa, at mas mabuti para sa iyo na mamuhay bilang isang malayang tao. Tulad ng sinabi Ko, ang layon ng Diyos sa pag-orden ng pag-aasawa ay upang magkaroon ka ng kabiyak na haharap sa masasaya at malulungkot na sandali ng buhay at dadaan sa bawat yugto ng buhay kasama ka, upang hindi ka nag-iisa o nalulumbay sa bawat yugto ng buhay, at magkaroon ka ng isang tao sa tabi mo, isang taong mapagsasabihan mo ng iyong mga kaloob-loobang iniisip, at isang taong magbibigay-ginhawa at mag-aalaga sa iyo. Gayumpaman, hindi ginagamit ng Diyos ang pag-aasawa upang igapos ka—Hindi Niya ito ginagamit para igapos ang iyong mga kamay at paa, upang wala kang karapatang pumili ng iyong sariling landas at maging alipin ng pag-aasawa. Inorden ng Diyos ang pag-aasawa para sa iyo at nagsaayos ng isang kabiyak para sa iyo; hindi ka Niya hinanapan ng isang amo ng alipin, ayaw rin Niya na ikaw ay malimitahan sa loob ng iyong buhay may-asawa nang walang sariling mga paghahangad, layon sa buhay, tamang direksiyon para sa iyong mga paghahangad, at walang karapatang maghangad ng kaligtasan. Sa halip, may asawa ka man o wala, ang pinakadakilang karapatan na ipinagkaloob sa iyo ng Diyos ay ang karapatan na hangarin ang sarili mong mga layon sa buhay, itatag ang tamang pananaw sa buhay, at hangarin ang kaligtasan. Walang sinuman ang makapagkakait ng karapatang ito sa iyo, at walang sinumang maaaring makialam dito, kabilang na ang iyong asawa. Kaya, kayong mga gumaganap ng papel ng mga alipin sa inyong buhay may-asawa ay dapat tumalikod sa paraan ng pamumuhay ng isang alipin, isuko ang mga ideya at pagkilos ng pamumuhay para sa inyong buhay may-asawa at para sa inyong mga anak, at iwan ang kalagayang iyon. Huwag magpalimita sa iyong kapareha, at huwag magpaimpluwensiya, magpalimita, o magpagapos sa mga emosyon, pananaw, salita, saloobin, o maging sa mga kilos ng iyong kapareha. Iwan mo ang lahat ng iyon, at umasa ka sa Diyos nang may katapangan at lakas ng loob. Kapag gusto mong magbasa ng mga salita ng Diyos, basahin mo ang mga ito; kapag oras na para magtipon, gawin mo ito. Ang dahilan ay isa kang tao, hindi isang hayop, at hindi mo kailangan ng sinuman para regulahin ang iyong mga kilos o limitahan at kontrolin ang iyong buhay, mayroon kang karapatang pumili kung paano ka mamumuhay at hangarin ang iyong sariling mga layon sa buhay, at ito ay isang karapatang ipinagkaloob sa iyo ng Diyos—sa partikular, dahil tinatahak mo ang tamang landas sa pamamagitan ng pananampalataya sa Diyos, lalo ka pang hindi dapat malimitahan ng sinuman. Ang pinakamahalaga ay, kapag binigyan ka ng sambahayan ng Diyos ng isang tungkulin, dapat mong—itinuturing itong iyong tungkuling hindi matatalikuran, nang hindi isinasaalang-alang ang anumang ibang pagpipilian, at nang walang pag-aalinlangan—isantabi ang lahat at gawin ang tungkuling dapat mong gawin, tinatapos ang misyon na ibinigay sa iyo ng Diyos para maghatid ng kasiyahan sa puso ng Diyos. Ito ang saloobin, determinasyon, at pagnanais na dapat taglayin ng mga naghahangad sa katotohanan. Hindi mahalaga kung kinakailangan ng gawain na umalis ka sa bahay sa loob ng ilang buwan, kalahating taon, isang taon, o mas matagal pa nga, dapat mong ituring bilang iyong tungkuling di-matatalikuran na isuko ang iyong pamilya at talikuran ang lahat ng mayroon ka upang makumpleto ang misyon na ibinigay sa iyo ng Diyos. Ang dahilan nito ay na ngayon ang kritikal na sandali ng paggawa ng Diyos upang iligtas ang tao; ang paglaganap ng ebanghelyo ng kaharian ay nangangailangan ng mas maraming tao na mag-ambag ng kanilang kalakasan—ito ang iyong tungkulin at responsabilidad. Kaya, huwag mong isipin na ang pagiging kasal ay nangangahulugang dapat kang maging isang alipin sa iyong buhay may-asawa, o na ang pagkasira ng isang buhay may-asawa ay isang kahihiyan. Sa katunayan, hindi ito isang kahihiyan; nakasalalay ito sa mga sitwasyon kung saan nagtatapos ang iyong buhay may-asawa at kung ano ang mga pagsasaayos ng Diyos. Kung inoorden ito ng Diyos at may kataas-taasang kapangyarihan Siya rito, at may atas ang Diyos para sa iyo, at isinusuko mo at tinatapos ang iyong buhay may-asawa para sa isang makatarungang gawain, para hangarin na palugurin ang Diyos at kumpletuhin ang iyong misyon bilang isang nilikha, kung gayon, ito ay isang bagay na tinatandaan at tinatanggap ng Diyos. Hindi ito isang kahihiyan; ito ay isang bagay na maluwalhati. Kahit na masira ang iyong buhay may-asawa dahil iniwan ka at pinagtaksilan ng iyong kabiyak—sa kolokyal na pananalita, iniwan ka at sinipa palabas—hindi ito isang bagay na kahiya-hiya. Dapat mong sabihin, “Ito ang aking karangalan, dahil sa pag-orden at kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos kaya umabot sa puntong ito ang aking buhay may-asawa, na nagtatapos sa ganitong paraan. Ang patnubay ng Diyos ang nag-akay sa akin na gawin ang hakbang na ito. Kung hindi ito ginawa ng Diyos at hindi Niya hinayaan na palayasin ako ng aking kabiyak, talagang hindi ako magkakaroon ng pananalig at lakas ng loob na gawin ito. Salamat sa kataas-taasang kapangyarihan at patnubay ng Diyos! Lahat ng kaluwalhatian ay sa Diyos!” Ito ay isang karangalan. Sa lahat ng uri ng pag-aasawa, maaari kang magkaroon ng ganitong uri ng karanasan: Sa ilalim ng paggabay ng Diyos, maaari mong piliin na sundin ang tamang landas at isakatuparan ang misyon na ibinigay Niya sa iyo, at maaari mong iwan ang iyong asawa at tapusin ang iyong buhay may-asawa sa ilalim ng ganitong uri ng panimulang batayan at nang ganitong uri ng motibasyon. Ito ay isang bagay na dapat ipagdiwang. Kahit papaano, may isang bagay na dapat ikagalak, at iyon ay na hindi ka na alipin ng iyong pag-aasawa. Nakatakas ka na sa pang-aalipin ng iyong buhay may-asawa, at hindi mo na kailangang mag-alala, masaktan, at magpumiglas dahil ikaw ay isang alipin sa iyong pag-aasawa at nais mong makalaya ngunit hindi mo magawa. Mula sa sandaling iyon, nakatakas ka na, malaya ka na, at iyan ay isang mabuting bagay. Sa sinabi Kong ito, umaasa Ako na kayong mga may buhay may-asawa na nagwakas sa sakit at nababalot pa rin sa mga anino sa usaping ito ay tunay nang makabibitiw sa inyong buhay may-asawa, makabibitiw sa mga aninong iniwan nito sa iyo, makabibitiw sa pagkamuhi, galit, at maging sa dalamhating idinulot nito sa iyo, at hindi na makakaramdam ng pasakit at galit dahil ang lahat ng sakripisyo at pagsisikap na ginawa mo para sa iyong kabiyak ay sinuklian ng pangangalunya, pagtataksil, at pangungutya. Umaasa Ako na tatalikdan mo na ang lahat ng iyon, na mararamdaman mong mapalad ka na hindi ka na alipin sa iyong pag-aasawa, na mararamdaman mong mapalad ka na hindi ka na gumagawa ng anumang bagay o gumagawa ng mga hindi kinakailangang sakripisyo para sa amo ng alipin sa iyong buhay may-asawa, sa halip, sa ilalim ng gabay at kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, sumusunod ka sa tamang landas sa buhay at ginagawa mo ang tungkuling dapat gawin ng isang nilikha, hindi ka na nababagabag at wala ka nang aalalahanin pa. Siyempre, hindi na rin kailangan pang mag-alala, mabahala, o mabalisa tungkol sa iyong asawa o na abalahin pa ang iyong isipan tungkol sa kanya. Hindi mo na kailangang talakayin pa ang iyong personal na mga usapin sa iyong asawa, hindi mo na kailangang magpalimita pa sa kanya. Kailangan mo lang na hangarin ang katotohanan at hanapin ang mga prinsipyo sa mga salita ng Diyos bilang batayan. Malaya ka na at hindi na alipin ng iyong pag-aasawa. Pakiramdam mo ay mapalad ka na iniwan mo na ang bangungot na iyon ng buhay may-asawa, na tunay ka nang humarap sa Diyos, na hindi ka na napipigilan ng iyong buhay may-asawa, at mayroon ka nang mas maraming oras para basahin ang mga salita ng Diyos, dumalo sa mga pagtitipon, at gumawa ng mga espirituwal na debosyon. Ganap ka nang malaya, hindi mo na kailangang kumilos sa partikular na paraan na nakadepende sa lagay ng loob ng iba, hindi mo na kailangang pakinggan ang pangungutya ng sinuman, hindi mo na kailangang isaalang-alang ang lagay ng loob o damdamin ng sinuman—napakagandang mamuhay nang walang asawa! Hindi ka na isang alipin ng iyong buhay may-asawa; kaya mo nang umalis sa kapaligirang iyon ng pagiging alipin ng iba at pagtupad sa lahat ng uri ng responsabilidad sa kanila, at maging isang tunay na nilikha, isang nilikha sa ilalim ng kapamahalaan ng Lumikha, at gampanan ang tungkulin ng isang nilikha, ginagawa lamang ang isang bagay na ito. Napakaganda nito! Hinding-hindi mo na kailangang muling makipagtalo, mag-alala, magproblema sa mga bagay-bagay, magtiis, magdusa ng mga hinaing, o magalit dahil sa mga usaping may kinalaman sa pag-aasawa; hindi mo na kailangang mamuhay sa napakasamang kapaligirang iyon at sa mga komplikadong sitwasyong iyon. Tingnan mo kung gaano ito kaganda—lahat ito ay mabubuting bagay, at lahat ng iba pa ay naaayos sa sandaling maitama ito. Kapag lumalapit ang isang tao sa Lumikha, nagsasalita at kumikilos siya ayon sa mga salita ng Diyos at nang alinsunod sa mga katotohanang prinsipyo. Wala na ang magugulong pagtatalo at gusot na iyon, at kaya na niyang maging tahimik sa puso. Lahat ito ay mabubuting bagay. Ngunit sa kasamaang-palad, ang ilang tao ay handa pa ring maging mga alipin sa gayong kakila-kilabot na kapaligiran ng pag-aasawa, at hindi pa nakalaya. Sa anumang kaso, umaasa pa rin Ako na, kahit na hindi tapusin ng mga taong ito ang kanilang buhay may-asawa, kahit papaano ay hindi sila magiging mga alipin ng kanilang buhay may-asawa. Sinuman ang iyong asawa, anumang uri ng pagkatao ang taglay niya, gaano man kataas ang kanyang katayuan, o gaano man siya kahusay, hindi pa rin siya ang iyong amo—siya ang iyong kabiyak, ang iyong kapantay. Hindi siya mas marangal kaysa sa iyo, at hindi ka mas hamak kaysa sa kanya. Kung hindi niya kayang tuparin ang kanyang mga responsabilidad sa pag-aasawa, kung gayon ay may karapatan kang sawayin siya, at obligado kang pigilan siya. Huwag mong isipin na masyado siyang nakakatakot o huwag kang matakot na magsasawa siya sa iyo at iiwan ka, at dahil dito ay ibababa mo ang iyong sarili, hahayaan siyang tratuhin kang basahan, at kusang-loob na ikokompromiso ang iyong sarili sa pamamagitan ng pagiging isang alipin sa kanya at sa inyong pagsasama, upang mapanatili ang inyong buhay may-asawa. Hindi ito nararapat. Hindi ganito dapat umasal ang isang tao, ni hindi ito ang mga responsabilidad na dapat tuparin ng isang tao, sa loob ng balangkas ng buhay may-asawa. Hindi hinihingi sa iyo ng Diyos na maging alipin ka, o na ikaw ay maging isang amo. Hinihingi Niya lamang na tuparin mo ang iyong mga responsabilidad, at kaya kailangan mong maunawaan nang tama ang mga responsabilidad na dapat mong gampanan sa buhay may-asawa, at dapat mo ring maunawaan nang tama at makita nang malinaw ang papel na ginagampanan mo sa buhay may-asawa. Kung ang papel na ginagampanan mo ay baluktot at hindi kaayon ng pagkatao o ng kung ano ang inorden ng Diyos, kung gayon ay dapat mong pagnilayan at suriin ang iyong sarili, at hanapin kung paano makaalis sa kalagayang ito. Kung nabigo ang kabiyak mo na tuparin ang kanyang mga responsabilidad bilang asawa at tinatrato ka niya na parang isang alipin, maaari mo siyang sawayin; kung ang pagsaway sa iyong asawa ay hahantong sa mga hindi kanais-nais na kahihinatnan, kung gayon ay dapat kang gumawa ng isang mas matalino at mas nararapat na pagpili.
—Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Hangarin ang Katotohanan (11)
Kapag nag-aasawa ang mga tao, lahat sila ay nakakaramdam ng pagiging mapalad at masaya. Kasabay nito, karamihan sa mga tao ay naniniwala na ang pag-aasawa ay isang simbolo ng kaligayahang idudulot ng kanilang buhay sa hinaharap, at siyempre, itinuturing nila ang pag-aasawa bilang ang destinasyong hinahangad nila sa buhay na ito. Ano ang ibig sabihin nito? Nangangahulugan ito na karamihan sa mga tao, pagkatapos mag-asawa, ay naniniwala na ang kanilang pag-aasawa ang kanilang destinasyon, ang kanilang pahingahan. Iniaasa nila ang kanilang kinabukasan, kanilang hinaharap, at kanilang kaligayahan sa kanilang buhay may-asawa at sa kanilang kabiyak. Kaya, pagkatapos nilang mag-asawa, iniisip nilang wala na silang dapat na hangarin pa at wala nang dapat ipag-alala pa. Ito ay dahil pakiramdam nila ay natagpuan na nila ang kanilang destinasyon, at ang destinasyong ito ay ang kanilang kabiyak at ang tahanang itinatayo nila kasama ang taong iyon. Dahil natagpuan na nila ang kanilang destinasyon, hindi na nila kailangan pang hangarin ang anuman o mag-asam ng anuman. … kapag ang isang tao ay pumasok sa pag-aasawa at itinuring niya ang pag-aasawang iyon bilang kanyang destinasyon, habang itinuturing niya ang pagtatatag ng isang tamang pananaw sa buhay, ang pagtahak sa tamang landas sa buhay, at ang pagtupad sa kanyang tungkulin para tugunan ang mga hinihingi ng Diyos bilang isang bagay na karagdagan at sekundarya lamang, kung gayon ang pananaw na “ang pag-aasawa ang destinasyon ng isang tao” ay hindi namamalayang nagiging isang katitisuran at isang hadlang sa kanyang paghahangad ng kaligtasan, at isang balakid sa kanyang pagtahak sa tamang landas sa buhay. Ito ay dahil kapag itinuturing ng mga tao ang kanilang kabiyak bilang kanilang destinasyon at tadhana sa buhay na ito, naniniwala sila na ang mga kagalakan at kalungkutan ng kanilang kabiyak, ang kapalaran at kasawian ng mga ito, ay may kaugnayan sa kanilang sarili, at itinuturing nila ang kanilang sariling kapalaran at kasawian, ang kanilang sariling mga kagalakan at kalungkutan, bilang nakatali sa kanilang kabiyak, sa gayon ay naniniwala sila na ang kanilang buhay at kamatayan, ang kanilang kaligayahan at kagalakan, ay pawang magkakaugnay. Samakatwid, para sa mga taong ito, ang ideyang pinaniniwalaan nila na “ang pag-aasawa ang destinasyon ng isang tao” ay lubhang nagpapabagal sa kanila at nagiging sanhi ng kanilang pagiging pasibo sa kanilang paghahangad ng tamang landas sa buhay, ng mga positibong bagay, at ng pagkaligtas. Ibig sabihin, bagama’t ang ilang tao ay nanampalataya na at sumusunod sa Diyos, kung hinahangad ng kanilang kabiyak ang mundo, hindi nila maiiwasang maimpluwensiyahan ng kanilang kabiyak, at hindi magiging madali para sa kanila na tahakin ang landas ng paghahangad sa katotohanan. … Ito ay dahil sa kanyang puso, ang mister niya ang kanyang kaluluwa, ang kanyang buhay, at higit pa rito, ang kanyang mister ang kanyang buong mundo, ang lahat-lahat para sa kanya. Ang mister sa kanyang puso ang siyang pinakanagmamahal sa kanya, at siya ang pinakanagmamahal sa kanyang mister. Nag-aalala siya na kokontrahin ng kanyang mister ang kanyang pananampalataya sa Diyos, madalas na nababagabag tungkol dito. Bagama’t nais din niyang gawin ang kanyang tungkulin sa sambahayan ng Diyos, kapag kinakailangan siyang umalis para gawin ang kanyang tungkulin malayo sa bahay, nasasaktan siya sa pag-iisip na magiging malayo siya sa bahay nang matagal. Nag-aalala siya na kung aalis siya, walang mag-aalaga sa kanyang mister, at iisipin niya ito at mangungulila siya rito. Nararamdaman pa nga niya na hindi niya kayang mabuhay nang wala ito sa kanyang tabi, na mawawalan siya ng pag-asa at direksiyon sa buhay, at na hindi niya magagawang buong-pusong gawin ang kanyang tungkulin. Ang pag-iisip pa lang tungkol dito ngayon ay nagpapasakit na sa kanyang puso, lalo na kung talagang nangyari ito. Kaya, hindi siya kailanman nangangahas na imungkahi ang ideya ng pagpunta sa ibang lugar para gawin ang kanyang tungkulin, at hindi siya kailanman nangangahas na sumang-ayon kapag hinihingi ng gawain ng iglesia na maglakbay siya. Ginagawa lamang niya ang mga bagay tulad ng paghahatid ng mga mensahe para sa mga kapatid o paminsan-minsang pagpapatuloy sa kanila sa bahay para sa mga pagtitipon, ngunit hindi siya kailanman nangangahas na mawalay sa kanyang mister kahit na ilang araw lamang. … Palaging nararamdaman ng mga taong ito sa kanilang puso na hangga’t nakikita nila ang kanilang kabiyak, nahahawakan ang kamay ng kanilang kabiyak, at namumuhay kasama nito, mayroon silang masasandalan sa kanilang buong buhay, na para bang uminom sila ng isang tableta na nagpapanatag ng kanilang isipan. Iniisip nilang hindi na nila kailangang mag-alala tungkol sa pagkain o damit, at magiging walang-alalahanin sila sa kanilang buong buhay; nararamdaman nilang ang kanilang kabiyak ang kanilang destinasyon. May kasabihan ang mga walang pananampalataya na, “Kung kasama kita sa buhay na ito, wala na akong kailangan pa.” Ito ang nararamdaman ng mga taong ito tungkol sa kanilang pag-aasawa at sa kanilang kabiyak sa kaibuturan ng kanilang puso; masaya sila kapag masaya ang kanilang kabiyak, malungkot sila kapag malungkot ang kanilang kabiyak, at nagdurusa sila kapag nagdurusa ang kanilang kabiyak. Kung ang kanilang kabiyak ay mamamatay, ayaw na rin nilang mabuhay. At kung ang kanilang kabiyak ay mahuhulog ang loob sa iba, ano ang gagawin nila? (Hindi na nila kayang magpatuloy na mabuhay.) Ang ilan ay nagpapakamatay, at ang ilan ay nasisiraan ng bait—wala sa katinuan. Naniniwala ang ilang babae na ang kanilang mister ang kanilang destinasyon sa buhay na ito, at na sa sandaling makahanap sila ng gayong lalaki, hindi na sila kailanman magmamahal ng iba—“Kung kasama ko siya sa buhay na ito, wala na akong kailangan pa.” Ngunit nagbago ang pagtingin ng kanyang mister at iniwan siya, at pagkatapos ay nagsimula siyang mamuhi sa lahat ng lalaki. Kapag nakakakita siya ng isang lalaki, dinuduraan niya ito, iniinsulto, at gusto pa ngang saktan ito. Nagkakaroon siya ng mga tendensiyang maging marahas, at nagpapakita ng hindi normal na katwiran. At may ilang tao na tulad nito na nasisiraan ng bait. Ito ang mga kahihinatnan kapag hindi nauunawaan ng mga tao nang tama ang pag-aasawa.
—Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Hangarin ang Katotohanan (11)
Paano mo ito dapat harapin kapag ang iyong asawa ay hindi tapat? Hindi ka dapat sumigaw o gumawa ng eksena, ni hindi ka dapat magwala at magpagulong-gulong sa sahig. Dapat mong maunawaan na kapag nangyari ito, hindi ito nangangahulugan na bumagsak na ang langit, ni na nawasak na ang iyong pangarap na makuha ang destinasyong gusto mo, at siyempre, hindi ito nangangahulugan na nabigo na ang iyong buhay may-asawa o na masisira at magwawakas ito. Sadyang dahil sa ang lahat ay may mga tiwaling disposisyon, at dahil naiimpluwensiyahan ang mga tao ng masasamang kalakaran at klima ng lipunan sa mundo at lubos silang walang kakayahang ipagtanggol ang sarili laban sa mga kalakarang ito, hindi maiiwasan ng mga tao na magkamali, magtaksil, at maging hindi tapat sa kanilang buhay may-asawa. Kung titingnan mo ang problema mula sa perspektibang ito, hindi ito ganoon kalaking bagay, dahil ang bawat tahanang may mag-asawa ay naiimpluwensiyahan ng mas malaking kapaligiran ng mundo at ng masasamang kalakaran at klima ng lipunan; mahirap iwasan ang mga problemang tulad nito. Gayundin, dahil ang mga tao ay may mga seksuwal na pagnanasa ng laman—at lalo na dahil sa impluwensiya ng mga pornograpikong kalakaran ng masamang lipunan na nagpapahirap sa kanila na kumapit sa mga prinsipyo at moral na hangganang dapat nilang panindigan—ang kanilang pagpapasasa sa seksuwal na pagnanasa ay hindi nila kontrolado. Ang seksuwal na pagnanasa mismo ay hindi tiwali, ngunit dahil ang mga tao ay may mga tiwaling disposisyon, dagdag pa ang katunayang sila ay tinutukso ng kanilang kapaligiran, madali silang magkamali sa mga usapin sa pagitan ng mga lalaki at babae; ito ay isang bagay na dapat maunawaan nang malinaw ng mga tao. Walang sinumang may tiwaling disposisyon ang makakatagal sa tukso o pang-aakit sa mas malaking kapaligiran ng isang lipunang puno ng kabuktutan at pornograpiya. Ang seksuwal na pagnanasa ng mga tao ay maaaring sumiklab anumang oras at saanman, at ang mga tao ay maaaring gumawa ng kataksilan anumang oras at saanman. Hindi ito dahil may problema sa seksuwal na pagnanasa mismo, kundi dahil, sa pagkakaroon ng mga tiwaling disposisyon, hindi kayang lampasan ng mga tao ang tukso at maaari pa nga nilang gamitin ang kanilang mga seksuwal na pagnanasa para gumawa ng mga bagay na lumalabag sa moralidad at etika at nagiging sanhi ng pagkawala ng kanilang integridad, tulad ng paggawa ng kataksilan, pagkakaroon ng mga relasyon sa labas ng kasal, pagkakaroon ng mga kabit, at iba pang gayong mga kahiya-hiyang bagay. Kaya, bilang isang taong nananampalataya sa Diyos, kung kaya mong ituring nang tama ang mga bagay na ito, kung gayon ay dapat mo itong pangasiwaan nang makatwiran. Ikaw ay isang tiwaling tao, at ang iyong asawa ay isang tiwaling tao rin, kaya hindi mo dapat hingin na dahil lang sa kaya mong manatiling tapat sa iyong buhay may-asawa, dapat din siyang manatiling tapat at hindi kailanman magtataksil. Kapag may nangyaring ganoon, dapat mo itong harapin sa tamang paraan. Bakit? Dahil ang gayong mga sitwasyon at tukso ay maaaring dumating sa lahat. Gaano mo man kahigpit na bantayan ang iyong asawa, hindi mo mapipigilan ang gayong mga bagay na mangyari, dahil ang lahat ng tao ay may mga tiwaling disposisyon, at, sa pamumuhay sa gayong masamang kapaligiran sa lipunan, napakakaunting tao lang ang hindi gumagawa ng mga kahalayan. Kahit na ang ilang tao ay hindi pa nakakagawa nito, ito ay dahil lamang sa hindi ito napahintulutan ng kanilang sitwasyon o mga kondisyon. Ang mga tao ay hindi gaanong mas mabuti kaysa sa mga hayop; ang mga reaksiyon ng mga hayop ay nauuwi lamang sa pisikal na instinto, ngunit ang mga tao ay hindi ganoon—kaya nilang kusang gumawa ng mga kahalayan at mga napakasamang bagay. Kaya, ang tiwaling sangkatauhan ay pinakamadaling gumawa ng mga kahalayan. Kaya, sa mas malaking kapaligiran ng masamang lipunang ito, halos lahat ay may kakayahang gumawa ng mga pangit at mapagsalangsang na bagay. Ito ay isang hindi maikakailang katunayan, at ito ay isang isyu na hindi maiiwasan. Kaya, dahil ang ganitong uri ng bagay ay maaaring mangyari sa sinuman, bakit hindi mo ito hinahayaang mangyari sa iyong asawa? Sa totoo lang, ito ay isang napakanormal na bagay. Dahil lang sa emosyonal kang nakagapos sa kanya kaya, kapag iniwan ka niya, hindi mo ito malampasan at hindi mo ito matiis. Kung may nangyaring ganito sa ibang tao, maaaring iisipin mo na normal lang iyon, at na ganoon lang talaga kasama ang lipunan ngayon. Ano nga ang kasabihang iyon ng mga walang pananampalataya? (Pagpapanatili ng buhay may-asawa habang nakikiapid sa labas.) Ito ay isang tanyag na kasabihan, at isang karaniwang uri ng sitwasyon, na isinilang mula sa masasamang kalakaran ng mundo. Iniisip ng mga tao na ito ay isang bagay na dapat ipagmalaki ng isang lalaki, at na kung ang isang lalaki ay walang kabit sa labas ng bahay, nangangahulugan ito na wala siyang diskarte at walang kakayahan, at mamaliitin siya ng mga tao. Ito ang kasalukuyang kalagayan ng lipunan. Kapag natuklasan ng ilang babae na may relasyon sa labas ang kanilang mister, nagwawala sila, nagpapagulong-gulong sa sahig, umiiyak at gumagawa ng eksena, o sinusubukan pa nga nilang magbigti; ang ilan ay labis na nagagalit kaya nasisiraan sila ng bait. Ito ay nauugnay sa saloobin ng gayong babae sa pag-aasawa, at siyempre, direkta rin itong nakatali sa kanyang pananaw na “ang kanyang asawa ang kanyang destinasyon.” Iniisip niya na ang pagsira ng kanyang mister sa kanilang pagsasama ay katumbas ng pagsira sa kanyang mga pag-asa at magagandang hangarin para sa kanyang destinasyon sa buhay na ito. Dahil iniwan siya nito at sinira ang kanilang mga sumpaan sa kasal, ang kanyang magandang pangarap ay naging isang bangungot, na nagtutulak sa kanya sa mga sobra-sobrang pag-uugaling ito. Kung tatanggapin mo ang tamang pagkaunawa sa pag-aasawa mula sa Diyos, kikilos ka nang medyo mas makatwiran. Ang sinumang tao na nahaharap sa isang bagay na tulad nito ay masasaktan, iiyak, at magdurusa. Gayumpaman, kapag huminahon ka at pinagnilayan mo ang mas malaking kapaligiran ng lipunan, at pagkatapos ay binasa mo ang mga salita ng Diyos at hinanap ang katotohanan, makikita mo na ang lahat ay may mga tiwaling disposisyon at madaling magkamali sa mga usapin sa pagitan ng mga lalaki at babae. Kung gayon, haharapin mo ang usapin nang mahinahon, makatwiran, at tama. Hindi ka kakapit dito nang walang tigil, kundi sa halip ay magagawa mong patahimikin ang iyong puso sa harap ng Diyos, at hindi ka na magiging mapilit pagdating sa iyong buhay may-asawa—magagawa mo itong pakawalan. Ano ang ibig sabihin ng “pakawalan”? Nangangahulugan ito na dahil hindi na siya naging tapat sa inyong pagsasama, dapat mong tanggapin ang katunayang ito; umupo ka kasama niya at makipag-usap, tanungin kung ano ang kanyang mga plano at kung paano kayo mamumuhay sa hinaharap—kung ipagpapatuloy ba ninyo na panatilihing buo ang pagsasama, o wawakasan ito at mamumuhay nang magkahiwalay. Makipag-usap nang mahinahon; hindi na kailangang mag-away o gumawa ng eksena. Kung igigiit ng iyong mister na wakasan ang pagsasama, kung gayon ay hindi iyon isang malaking bagay. Madalas sabihin ng mga walang pananampalataya, “Marami pang isda sa dagat,” at “Mahirap makahanap ng diyamante, ngunit ang mga tao ay napakarami.” At ano ang isa pang kasabihang iyon? “Huwag isuko ang buong kagubatan para sa iisang puno.” Tama ba ang mga kasabihang ito? Ito ang ilan sa mga kasabihang ginagamit ng mga walang pananampalataya para aluin ang kanilang sarili. Mayroon bang anumang kinalaman sa katotohanan ang mga ito? (Wala.) Kung gayon, ano ang mga tamang kaisipan at pananaw tungkol sa usaping ito? Kapag nakatagpo ka ng gayong bagay, una sa lahat, hindi ka dapat maging mainitin ang ulo, at kahit na magalit ka, dapat kang magtiis. Kumalma ka at kausapin siya; tanungin kung ano ang plano niyang gawin. Kung balak niyang magpatuloy sa relasyon ninyo, sabihin mo, “Dahil gusto mong magpatuloy, kung gayon ay wala nang pakikipaglandian; tuparin mo ang iyong mga responsabilidad bilang mister, at dito na natin tatapusin ang usaping ito. Kung hindi mo magagawa iyon, maghiwalay na tayo at magkanya-kanya na. Maaaring inorden ng Diyos na dito na magtatapos ang ating buhay mag-asawa. Kung gayon nga, handa akong magpasakop sa Kanyang pagsasaayos. Maaari mong sundin ang malawak na daan, susundin ko naman ang landas ng pananalig sa Diyos, at hindi tayo makakaapekto sa isa’t isa. Hindi kita pakikialaman, at hindi mo ako dapat limitahan. Hindi ikaw ang magpapasya sa aking kapalaran at hindi ikaw ang aking destinasyon. Ang Diyos ang nagtatakda ng aking kapalaran at destinasyon. Alinmang hantungan ang magiging panghuli ko sa buhay na ito—ang pagdating ng aking destinasyon—alam ng Diyos; lahat ito ay nasa loob ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, at handa akong magpasakop sa Kanyang mga pamamatnugot at pagsasaayos. Sa anumang kaso, kung ayaw mong ipagpatuloy ang pagsasamang ito, kung gayon ay maghiwalay tayo nang payapa. Kaya ko pa ring mamuhay nang wala ka, at mamumuhay ako nang maayos. Ang mga ibon sa himpapawid ay hindi naghahasik ni umaani, ngunit hindi sila hinahayaan ng Diyos na magutom—lalo na ako, isang taong buhay. Mayroon akong dalawang braso at dalawang binti, at kaya kong tustusan ang aking sarili, kaya hindi mo na kailangang mag-alala. Kung inorden ng Diyos na magiging mag-isa ako sa natitirang parte ng buhay ko nang wala ka sa aking tabi, kung gayon ay handa akong magpasakop, at handa akong tanggapin ang katunayang ito nang walang reklamo.” Hindi ba’t magandang gawin ang ganito? (Oo.) Napakaganda nito, hindi ba? Hindi na kailangan pang magtalo at mag-away, lalong hindi na ito dapat palakihin pa para malaman ito ng lahat—hindi na kailangan pa ang anuman sa mga iyon. Ang iyong buhay may-asawa ay sa pagitan lang ninyo ng iyong mister. Kung may alitan na lumitaw sa buhay mag-asawa, kailangan na kayong dalawa ang lumutas nito at magpasan sa mga kahihinatnan. Bilang isang mananampalataya sa Diyos, dapat kang magpasakop sa mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos anuman ang magiging resulta. Siyempre, pagdating sa pag-aasawa, kahit ano pa ang lumitaw na mga lamat o mga kahihinatnan, kung magpapatuloy man o hindi ang pagsasama ng mag-asawa, kung ikaw man ay tatahak sa isang bagong buhay sa loob ng iyong buhay may-asawa, o kung ang iyong buhay may-asawa ay magtatapos na roon, ang iyong pag-aasawa ay hindi ang iyong destinasyon, at ang iyong asawa ay hindi rin ang iyong destinasyon. Inorden lamang siya ng Diyos na lumitaw sa iyong buhay at sa iyong pag-iral upang gumanap ng isang papel ng pagsama sa iyo sa iyong landas sa buhay. Kung masasamahan ka niya hanggang sa dulo ng daan at mararating niya ang pinakadulo nang kasama ka, wala nang mas mainam pa kaysa roon, at dapat mong pasalamatan ang Diyos sa Kanyang biyaya. Kung may problema sa buhay mag-asawa, kung may mga lumilitaw man na lamat o may nangyayari na hindi mo gusto, at sa huli ay nagwawakas ang inyong pagsasama bilang mag-asawa, hindi iyon nangangahulugan na wala ka nang destinasyon, na ang iyong buhay ngayon ay nasa kadiliman na, o na wala nang liwanag, at wala kang kinabukasan. Maaaring ang pagtatapos ng iyong buhay may-asawa ay ang simula ng isang mas magandang buhay. Ang lahat ng ito ay nasa mga kamay ng Diyos, at ang Diyos na ang mamamatnugot at magsasaayos nito. Maaaring ang pagtatapos ng iyong buhay may-asawa ay magbibigay sa iyo ng mas malalim na pagkaarok at pagpapahalaga sa pag-aasawa, at ng mas malalim na pagkaunawa. Siyempre, maaaring para sa iyo, ang pagtatapos ng iyong buhay may-asawa ay isang mahalagang oras ng pagbabago sa iyong mga layon at direksiyon sa buhay at sa landas na iyong tinatahak. Sa halip na iwan ka ng malulungkot na alaala at masasakit na memorya, o mga negatibong karanasan at resulta, maaari itong magdulot sa iyo ng mga positibong karanasan na hindi mo makakamit kung ikaw ay may asawa pa rin. Kung nagpatuloy ang inyong pagsasama bilang mag-asawa, marahil ay palagi kang mamumuhay sa ganitong simple, karaniwan, at walang kulay na buhay hanggang sa katapusan ng iyong buhay. Gayumpaman, kung magtatapos ang iyong buhay may-asawa at kayo ay maghihiwalay, hindi ito palaging isang masamang bagay para sa iyo. Ikaw ay dating nalilimitahan ng kaligayahan at mga responsabilidad ng iyong buhay may-asawa, pati na rin ng iyong pagmamalasakit para sa iyong mister, ng iyong pag-aalaga sa kanya, pag-iisip sa kanya, pag-aaruga sa kanya, at pag-aalala sa kanya, bukod sa iba pang mga emosyon o mga paraan ng pamumuhay. Gayumpaman, simula sa araw na nagtapos ang iyong buhay may-asawa, ang lahat ng kondisyon na umiiral sa iyong buhay, ang iyong mga layon sa pamumuhay at ang iyong mga paghahangad sa buhay ay sumasailalim sa isang masinsinan at ganap na pagbabago, at dapat sabihin na ang pagbabagong ito ay dahil sa pagtatapos ng iyong buhay may-asawa. Maaaring ang resulta, pagbabago, at transisyong ito ang nilalayon ng Diyos na makamit mo mula sa pag-aasawa na inorden Niya para sa iyo, at ang nilalayon ng Diyos na makamit mo sa paggabay sa iyo na wakasan na ang iyong buhay may-asawa. Bagama’t nasaktan ka at nagkaroon ng ilang pagliko ng landas, at bagama’t may mga ginawa kang mga sakripisyo at pakikipagkompromiso na hindi naman kailangan sa loob ng balangkas ng pag-aasawa, ang iyong matatanggap sa huli ay hindi makakamit sa loob ng buhay may-asawa. Samakatwid, anuman ang kaso, ang kaisipan at pananaw na “ang pag-aasawa ang destinasyon ng isang tao” ay isang bagay na dapat bitiwan ng mga tao. Nagpapatuloy man ang iyong buhay may-asawa, o nahaharap sa isang krisis, malapit nang gumuho, o nagwakas na—anuman ang sitwasyon—ang pag-aasawa ay hindi destinasyon ng isang tao. Ito ay isang bagay na dapat maunawaan ng mga tao.
—Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Hangarin ang Katotohanan (11)
Binigyan ka ng Diyos ng isang matatag na buhay at ng isang kabiyak para lamang mamuhay ka nang mas maayos at mayroong mag-aalaga sa iyo, upang mayroon kang kapiling, hindi upang makalimutan mo ang Diyos at ang Kanyang mga salita o talikuran mo ang iyong obligasyon na gawin ang iyong tungkulin at ang iyong layon sa buhay na hangarin ang kaligtasan kapag may asawa ka na, at pagkatapos ay mamuhay ka para sa iyong asawa. Kung talagang kikilos ka nang ganito, kung talagang mamumuhay ka nang ganito, kung gayon ay umaasa Ako na magbabago ka ng landas sa lalong madaling panahon. Gaano man kahalaga sa iyo ang isang tao, o gaano man siya kahalaga sa iyong buhay, sa iyong pamumuhay, o maging sa landas ng iyong buhay, hindi siya ang iyong destinasyon dahil siya ay isa lamang tiwaling tao. Isinaayos ng Diyos ang iyong kasalukuyang asawa para sa iyo, at maaari kang mamuhay kasama siya. Kung isasaayos ng Diyos ang ibang tao para sa iyo, maaari ka pa ring mamuhay nang maayos, kaya naman, ang iyong kasalukuyang kabiyak ay hindi ang iyong natatangi, ni hindi siya ang iyong destinasyon. Tanging sa Diyos lamang maaaring ipagkatiwala ang iyong destinasyon, at tanging sa Diyos lamang maaaring ipagkatiwala ang destinasyon ng sangkatauhan. Maaari ka pa ring mabuhay kung iiwan mo ang iyong mga magulang, at siyempre, maaari ka pa ring mamuhay nang maayos kung iiwan mo ang iyong kabiyak. Ang iyong mga magulang at ang iyong kabiyak ay hindi ang iyong destinasyon. Huwag mong kalimutan ang pinakamahalagang bagay sa buhay, ang usapin ng pag-aatas sa iyo ng Diyos na gawin ang iyong tungkulin, dahil lang sa mayroon kang asawa, isang kapareha: isang lugar na mapagpapahingahan ng iyong puso at ng iyong laman. Kung makakalimutan mo ang Diyos, makakalimutan kung ano ang ipinagkatiwala Niya sa iyo na gawin, makakalimutan ang tungkulin na dapat gawin ng isang nilikha, at makakalimutan kung ano ang iyong pagkakakilanlan, kung gayon ay ganap ka nang walang konsensiya at katwiran. Anuman ang sitwasyon ng iyong buhay ngayon, may asawa ka man o wala, hinding-hindi magbabago ang iyong pagkakakilanlan sa harap ng Lumikha. Walang sinuman ang maaaring maging destinasyon mo, at walang sinuman ang maaari mong pagkatiwalaan ng iyong sarili. Tanging ang Diyos ang makapagbibigay sa iyo ng angkop na destinasyon, tanging sa Diyos lamang ipinagkakatiwala ang pananatiling buhay ng sangkatauhan, at hindi na ito magbabago.
—Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Hangarin ang Katotohanan (11)
Kaugnay na mga Patotoong Batay sa Karanasan
Ang mga Mananampalataya ay Hindi Dapat Iugnay Nang Di-Pantay sa mga Walang Pananampalataya
Isang Pagpiling Ginawa Nang Walang Panghihinayang