27. Ang pagkakaiba sa pagitan ng mabuting pag-uugali at pagbabago sa disposisyon
Mga Salita ng Makapangyarihang Diyos ng mga Huling Araw
Ang pagbabago sa disposisyon ay pangunahing tumutukoy sa pagbabago sa kalikasan ng isang tao. Ang mga bagay na likas sa kalikasan ng isang tao ay hindi makikita mula sa kanyang panlabas na mga pag-uugali. Ang mga ito ay tuwirang may kinalaman sa halaga at kabuluhan ng pag-iral ng indibidwal na iyon, at sa kanyang pananaw sa buhay at sa kanyang mga pinahahalagahan; may kaugnayan ang mga ito sa mga bagay na nasa kaibuturan ng kanyang kaluluwa, at ng kanyang diwa. Kung ang isang tao ay hindi kayang tumanggap ng katotohanan, hindi siya sasailalim sa pagbabago sa mga aspektong ito. Sa pamamagitan ng pagdanas sa paghatol at pagkastigo ng mga salita ng Diyos at pagkakaroon ng pagkakilala sa Diyos, saka lamang tunay na mauunawaan ng mga tao ang katotohanan. Nagsisimulang magbago ang kanilang mga perspektiba sa mga bagay-bagay, at ang kanilang mga pananaw sa pag-iral at mga pinahahalagahan. Ang kanilang mga pananaw sa mga bagay-bagay ay umaayon sa katotohanan at nagiging tugma sa salita ng Diyos, at nagkakaroon sila ng kakayahang tunay na magpasakop sa Diyos at maging tapat sa Kanya sa paggampan ng kanilang tungkulin. Tanging ito ang pagbabago sa disposisyon. Sa kasalukuyan, kung hindi makakamit ng mga tao ang pag-unawa sa katotohanan, bagama’t sa panlabas ay maaaring nagsisikap sila nang kaunti at dumaranas ng kaunting paghihirap sa paggampan ng kanilang tungkulin, at maaaring nagagawa nilang isakatuparan ang mga pagsasaayos ng gawain mula sa ang Itaas, at gumawa ng ilang simpleng gampanin, at maaaring mukhang mayroon silang kaunting pagpapasakop, kapag nakatagpo sila ng isang bagay na hindi kaayon sa kanilang mga kuru-kuro, muling lilitaw ang kanilang paghihimagsik. Halimbawa, kapag pinungusan ka, makikipagtalo ka at susubukan mong ipagtanggol ang iyong sarili, at kapag may dumating na natural o gawa-ng-tao na sakuna, magrereklamo at dadaing ka tungkol sa Diyos. Ibinubunyag nito na hindi ka isang tao na tunay na nagpapasakop sa Diyos. Samakatwid, ang kaunting panlabas na pagpapasakop at pagbabagong iyon ay isa lamang pagbabago sa pag-uugali; hindi ito umaabot sa pagbabago sa disposisyon. Maaaring nagagawa mong magparoo’t parito, magdusa ng maraming paghihirap, at magtiis ng matinding kahihiyan; maaaring pakiramdam mo ay napakalapit mo sa Diyos, at maaaring gumawa ng ilang gawain sa iyo ang Banal na Espiritu. Gayumpaman, kapag hinihingi ng Diyos sa iyo na gumawa ng isang bagay na hindi umaayon sa iyong mga kuru-kuro, nagagawa mong tumangging magpasakop, magpalusot, maghimagsik at lumaban sa Diyos, at sa malulubhang kaso ay kuwestiyunin at kalabanin pa nga Siya. Isa itong mabigat na problema! Ipinapakita nito na mayroon ka pa ring kalikasan na lumalaban sa Diyos, na hindi mo tunay na nauunawaan ang katotohanan, at na wala ka man lang pinagdaanang pagbabago sa iyong buhay disposisyon. Matapos silang matanggal o mapaalis, umaabot pa nga ang ilang tao sa puntong hinuhusgahan nila ang Diyos at sinasabing hindi matuwid ang Diyos. Nakikipagtalo pa nga sila sa Diyos at lumalaban, saanman sila magpunta ay ipinagkakalat nila ang kanilang mga kuru-kuro tungkol sa Diyos at kawalang-kasiyahan sa Diyos. Ang ganitong mga tao ay tunay na masasamang diyablo na lumalaban sa Diyos. Ang mga taong may kalikasan ng isang masamang diyablo ay hinding-hindi magbabago at dapat silang abandonahin. Tanging ang mga kayang hanapin ang katotohanan sa lahat ng sitwasyon, tanggapin ang katotohanan, at magpasakop sa gawain ng Diyos, ang may pag-asang makamit ang katotohanan at matamo ang pagbabago sa disposisyon. Sa mga karanasan mo, dapat kang matutong kumilatis ng mga kalagayan na sa panlabas ay mukhang normal. Maaari kang mapahikbi at mapaiyak habang nagdarasal, o pakiramdam mo ay mahal na mahal ng puso mo ang Diyos, at napakalapit nito sa Diyos, subalit gawain lamang ng Banal na Espiritu ang mga kalagayang ito at hindi nangangahulugan na isa kang taong nagmamahal sa Diyos. Kung nagagawa mo pa ring mahalin ang Diyos at magpasakop sa Kanya kahit hindi gumagawa ang Banal na Espiritu, o kapag gumagawa ang Diyos ng mga bagay na hindi umaayon sa sarili mong mga kuru-kuro, saka ka lamang isang taong tunay na nagmamahal sa Diyos, isang taong nagtataglay ng katotohanang realidad, at isang tao na nagbago na ang buhay disposisyon.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Dapat Malaman Tungkol sa Pagbabago ng Disposisyon
Ano ba ang tinutukoy ng pagbabago sa disposisyon? Ito ay kapag tinatanggap ng isang taong nagmamahal sa katotohanan ang paghatol at pagkastigo ng mga salita ng Diyos at sumasailalim sa lahat ng uri ng pagdurusa at pagpipino habang dinaranas ang gawain ng Diyos, at nalilinis ang mga lason ni Satanas sa loob niya, lubusang naiwawaksi ang kanyang mga tiwaling disposisyon, at nagagawang magpasakop sa mga salita ng Diyos at sa lahat ng mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos, at hindi na kailanman naghihimagsik o lumalaban muli. Ito ay isang pagbabago sa disposisyon. … Ang isang pagbabago sa disposisyon ay nangangahulugan na ang isang tao, sapagkat minamahal niya at kaya niyang tanggapin ang katotohanan, ay nakikilala ang kanyang kalikasan sa wakas, na mapaghimagsik sa Diyos at salungat sa Diyos. Nauunawaan niya na napakalalim ng pagkakatiwali sa kanya, nauunawaan niya ang pagiging baligho at pagiging mapanlinlang niya, at ang kanyang salat at kahabag-habag na kalagayan, at sa wakas ay nauunawaan na niya ang kanyang kalikasang diwa. Sa pagkaalam sa lahat ng ito, nagagawa niyang ganap na tanggihan at maghimagsik laban sa kanyang sarili, makapamuhay ayon sa salita ng Diyos, at maisagawa ang katotohanan sa lahat ng bagay. Ito ay isa na nakakakilala sa Diyos, at ito ay isang tao na nabago na ang disposisyon.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Paano Malalaman ang Kalikasan ng Tao
Ang mga pagbabago sa disposisyon ay iba, sa diwa, sa mga pagbabago sa pag-uugali, at iba rin ang mga ito sa mga pagbabago sa pagsasagawa—ang lahat ng ito ay magkakaiba sa diwa. Talagang binibigyang-diin ng karamihan sa mga tao ang pag-uugali sa kanilang pananampalataya sa Diyos, at bilang resulta, nagkakaroon ng ilang pagbabago sa kanilang pag-uugali. Pagkatapos nilang manampalataya sa Diyos, humihinto sila sa paninigarilyo at pag-iinom, at hindi na sila nakikipagtunggali sa iba, mas pinipiling magtiis kahit pa nangangahulugan ito ng pagdurusa ng kawalan. Sumasailalim sila sa ilang pagbabago sa pag-uugali. Ang ilang tao, pagkatapos manampalataya sa Diyos, ay tumutuon sa pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos, nakauunawa ng ilang katotohanan, nakakaranas sa gawain ng Banal na Espiritu, at nakakaramdam ng matinding kasiyahan sa puso nila, at kaya, handa silang igugol ang kanilang sarili para sa Diyos, at kaya pa nga nilang talikuran ang anumang bagay at magdusa ng anumang paghihirap. Ngunit kung, matapos manampalataya sa Diyos sa loob ng ilang taon, ang mga tao ay palaging nabibigong hangarin ang katotohanan, kung gayon, dahil walang naging pagbabago sa kanilang buhay disposisyon, hindi maiiwasang patuloy silang gagawa ng parehong mga dating pagkakamali. Hindi lang sila nabibigong iwaksi ang kanilang satanikong disposisyon, kundi nagiging malala lang ito. Umaasa sila sa kanilang tagal sa pananampalataya para makipag-agawan para sa kapangyarihan at pakinabang, nag-iimbot sila sa pera ng iglesia, at naiinggit sila sa tuwing nakikita nilang may ibang nananamantala sa sambahayan ng Diyos, umaasa lang na makakuha ng mas malalaking benepisyo para sa kanilang sarili—nagiging mga linta at salot sila sa loob ng sambahayan ng Diyos. Bilang resulta, ang ilan ay nagiging mga huwad na lider at mga anticristo, at nabubunyag at natitiwalag. At ano ang pinatutunayan ng mga katunayang ito? Ang mga pagbabago lang sa pag-uugali ay hindi napapanatili; kung walang pagbabago sa buhay disposisyon ng mga tao, sa malao’t madali, ipapakita nila ang mga tunay nilang kulay. Ito ay dahil ang pinagmumulan ng mga pagbabago sa pag-uugali ay ang kasigasigan, at bukod pa rito, gumagawa ang Banal na Espiritu ng ilang gawain sa panahong ito, kaya nagiging napakadali para sa mga tao na maging masigasig o magpakita ng kaunting kabaitan sa loob ng maikling panahon. Katulad ng sinasabi ng mga walang pananampalataya, “Madali ang paggawa ng isang mabuting bagay; ang mahirap ay ang habambuhay na paggawa ng mabubuting bagay.” Bakit walang kakayahan ang mga tao na gumawa ng mabubuting bagay sa buong buhay nila? Sapagkat sa kalikasan, ang mga tao ay buktot, makasarili, at tiwali. Ang pag-uugali ng isang tao ay dinidikta ng kanyang kalikasan; anuman ang kalikasan ng taong iyon, gayundin ang mga likas na pagbubunyag niya, at iyon lamang likas na ibinubunyag niya ang kumakatawan sa kanyang kalikasan. Hindi magtatagal ang mga pagkukunwari. Kapag gumagawa ang Diyos upang iligtas ang tao, hindi ito upang palamutian ang tao ng mabuting pag-uugali—ang layon ng gawain ng Diyos ay ang baguhin ang disposisyon ng mga tao, baguhin sila hanggang sa kaibuturan at gawin silang mga bagong tao. Ang paghatol, pagkastigo, mga pagsubok, at pagpipino ng Diyos sa tao ay pawang nagsisilbi upang baguhin ang kanyang disposisyon upang makamit niya ang pagpapasakop at katapatan sa Diyos, at tunay siyang sumamba sa Diyos. Ito ang resulta na nais makamit ng Diyos sa Kanyang gawain, at ito rin ang pakay ng gawain ng Diyos. Ang pagpapakabait ay hindi katulad ng pagpapasakop sa Diyos, lalong hindi ito katumbas ng pagiging kaayon kay Cristo. Ang mga pagbabago sa pag-uugali ay batay sa doktrina at bunga ng sigasig; hindi batay ang mga ito sa tunay na pagkakilala sa Diyos o sa katotohanan, lalong hindi batay sa paggabay ng Banal na Espiritu. Bagama’t may mga pagkakataon na ang mga tao ay medyo nabibigyang-liwanag o nagagabayan ng Banal na Espiritu, hindi ito isang pagbubunyag ng buhay nila. Hindi pa sila nakapasok sa mga katotohanang realidad, at ang kanilang buhay disposisyon ay hindi talaga nagbago. Gaano man kabuti ang pag-uugali ng isang tao, hindi ito nagpapatunay na nagpapasakop siya sa Diyos o na isinasagawa niya ang katotohanan. Ang mga pagbabago sa pag-uugali ay hindi kumakatawan sa mga pagbabago sa buhay disposisyon at hindi maaaring ituring ang mga ito bilang mga pagbubunyag ng buhay.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi
Ang iniisip ng tao na disposisyonal na pagbabago ay isang pagbabago lamang sa pag-uugali, at iyon ay isang naiibang bagay at landas mula sa disposisyonal na pagbabago na sinasabi ng Diyos. Masisiguro ba ng inaakala ng tao na disposisyonal na pagbabago na hindi maghihimagsik, lalaban, o magkakanulo ang mga tao sa Diyos? Magagawa ba nitong manindigan sila sa kanilang patotoo at matugunan ang mga layunin ng Diyos sa huli? Ang disposisyonal na pagbabago na sinasabi ng Diyos ay nangangahulugang sa pamamagitan ng pagsasagawa sa katotohanan, sa pamamagitan ng pagdanas sa Kanyang paghatol at pagkastigo, at sa pamamagitan ng Kanyang pagpupungos, pagsubok, at pagpipino, ang mga tao ay nagtatamo ng pagkaunawa tungkol sa mga layunin ng Diyos at sa mga katotohanang prinsipyo, at pagkatapos ay nagsasagawa sila ayon sa mga katotohanang prinsipyo, nagkakaroon ng pagpapasakop at ng isang may-takot-sa-Diyos na puso, nang walang anumang maling pagkaunawa sa Diyos, at nagtataglay ng tunay na kaalaman at tunay na pagsamba sa Diyos. Ang sinasabi ng Diyos ay isang pagbabago sa disposisyon ng isang tao, ngunit ano nga ba ang tinutukoy ng disposisyonal na pagbabago na sinasabi ng tao? Tumutukoy ito sa pagbuti ng pag-uugali, sa pagmumukhang may magandang asal at kalmado, at hindi pagiging hambog; nangangahulugan ito ng pagsasalita sa isang pino at disiplinadong paraan, hindi pagiging sutil at magulo, at pagtataglay ng konsensiya, katwiran, at mga moral na pamantayan sa pananalita at pag-uugali ng isang tao. Mayroon bang anumang pagkakaiba sa pagitan ng pagbabago ng disposisyong sinasabi ng tao at ng pagbabago ng disposisyong hinihingi ng Diyos? Ano ang pagkakaiba? Ang pagbabago ng disposisyong sinasabi ng tao ay isang pagbabago sa panlabas na pag-uugali, isang pagbabagong umaayon sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao. Ang pagbabago ng disposisyong hinihingi ng Diyos ay ang pagwawaksi sa tiwaling disposisyon ng isang tao, ito ay isang pagbabago sa buhay disposisyon na dulot ng pagkaunawa sa katotohanan, isang pagbabago sa pananaw ng isang tao sa mga bagay-bagay, isang pagbabago sa pananaw sa buhay at mga pagpapahalaga ng isang tao. Mayroong pagkakaiba. Mga tao o bagay man ang hinaharap mo, ang iyong panimulang punto, ang mga prinsipyo ng iyong kilos, at ang iyong pamantayan ng pagsukat ay kailangang alinsunod lahat sa katotohanan, at kailangan mong hanapin ang mga katotohanang prinsipyo; ito ang tanging paraan upang magtamo ng pagbabago ng disposisyon. Kung lagi mong sinusukat ang iyong sarili batay sa mga pamantayan ng pag-uugali, kung lagi kang tumutuon sa mga pagbabago sa iyong panlabas na pag-uugali, at iniisip mong nagsasabuhay ka ng wangis ng tao at mayroong pagsang-ayon ng Diyos dahil lamang nagtataglay ka ng kaunting mabuting pag-uugali, maling-mali iyon. Ito ay dahil mayroon kang mga tiwaling disposisyon, kaya mo pa ring labanan ang Diyos, at nanganganib ka pa ring magkanulo sa Diyos; at kung hindi mo hahanapin ang katotohanan upang lutasin ang iyong mga tiwaling disposisyon, kahit pa pinakamabuti na ang panlabas mong pag-uugali, hindi ka pa rin makakapagkamit ng tunay na pagpapasakop sa Diyos, ni hindi mo magagawang matakot sa Diyos at umiwas sa kasamaan. Makapagbubunga ba ng may-takot-sa-Diyos na puso ang pagkakaroon lang ng mabuting pag-uugali sa panlabas? Magagawa ba nito na katakutan ng tao ang Diyos at umiwas ang tao sa kasamaan? Kung hindi kaya ng mga taong matakot sa Diyos at umiwas sa kasamaan, wala sa dami ng mabuting pag-uugali ang magpapahiwatig na mayroon silang tunay na pagpapasakop sa Diyos. Samakatwid, walang dami ng mabuting pag-uugali ang nagpapahiwatig ng pagbabago sa disposisyon.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Mabuting Pag-uugali ay Hindi Nangangahulugan na Nagbago Na ang Disposisyon ng Isang Tao
Kahit gaano karaming mabubuting pag-uugali mayroon ang isang tao, hindi iyon nangangahulugan na taglay niya ang mga katotohanang realidad. Ang pagsasagawa sa katotohanan at pagkilos ayon sa mga prinsipyo ang nangangahulugan ng pagtataglay ng mga katotohanang realidad. Ang matakot sa Diyos at umiwas sa kasamaan ang nangangahulugan ng pagtataglay ng mga katotohanang realidad. May mga tao na masigasig, kayang magsalita ng doktrina, sumunod sa mga regulasyon, at gumawa ng maraming mabubuting bagay, pero ang masasabi lang tungkol sa kanila ay may taglay lamang silang kaunting pagkatao. Ang mga kayang magsalita ng doktrina at palaging sumunod sa mga regulasyon ay hindi tiyak na kayang magsagawa ng katotohanan. Kahit tama ang sinasabi nila at parang walang mga problema ang mga iyon, wala silang masabi sa mga bagay na may kinalaman sa diwa ng katotohanan. Samakatwid, gaano man karaming doktrina ang kayang sabihin ng isang tao, hindi iyon nangangahulugan na nauunawaan niya ang katotohanan, at gaano man karaming doktrina ang nauunawaan niya, hindi niya malulutas ang anumang mga problema. Maipaliliwanag ng lahat ng teorista tungkol sa relihiyon ang Bibliya, pero sa huli, bumabagsak silang lahat, dahil hindi nila tinatanggap ang anumang katotohanang ipinahayag ng Diyos. Ang mga taong nakaranas ng pagbabago sa kanilang disposisyon ay naiiba; naunawaan na nila ang katotohanan, nakikilatis nila ang lahat ng usapin, alam nila kung paano kumilos alinsunod sa mga layunin ng Diyos, kung paano kumilos alinsunod sa katotohanang prinsipyo, at kung paano kumilos upang mapalugod ang Diyos, at nauunawaan nila ang kalikasan ng katiwalian na kanilang ibinubunyag. Kapag ang kanilang sariling mga ideya at mga kuru-kuro ay naibubunyag, nagagawa nilang kumilatis at maghimagsik laban sa laman. Ganito naipapamalas ang isang pagbabago sa disposisyon. Ang pangunahing pagpapamalas ng mga taong dumaan sa pagbabago ng disposisyon ay nagagawa nilang maunawaan nang malinaw ang katotohanan, at kapag ipinatutupad ang mga bagay, isinasagawa nila ang katotohanan nang may relatibong katumpakan at hindi sila kasingdalas na nagbubunyag ng katiwalian. Karaniwan, ang mga nagbago na ang disposisyon ay mukhang partikular na makatwiran at nakakakilatis, at dahil sa kanilang pagkaunawa sa katotohanan, hindi sila gaanong nagbubunyag ng pagmamagaling o kayabangan. Nauunawaan nila nang malinaw at nakikilatis ang marami sa katiwaliang nabunyag sa kanila, kaya hindi sila nagiging mayabang. Nagagawa nilang magkaroon ng isang maingat na pagkaarok sa kung anong posisyon ang dapat nilang kunin, kung ano ang dapat nilang gawin para maituring na isang tao na may katwiran, kung paano manatiling tapat sa tungkulin, kung ano ang sasabihin at kung ano ang hindi sasabihin, at kung ano ang sasabihin at kung ano ang gagawin sa aling partikular na mga tao. Kaya, ang mga taong nagbago ang mga disposisyon ay medyo makatwiran, at ang ganoong mga tao lamang ang tunay na nagsasabuhay ng wangis ng tao. Dahil nauunawaan nila ang katotohanan, nagagawa nilang magsalita at tingnan ang mga usapin alinsunod sa katotohanan, at sa lahat ng ginagawa nila, may prinsipyo sila, hindi sila nasasailalim sa impluwensiya ng sinumang tao, anumang pangyayari o bagay, at may sarili silang mga pananaw, at kaya nilang itaguyod ang mga katotohanang prinsipyo. Ang kanilang disposisyon ay medyo matatag, hindi sila sala sa init at sala sa lamig, at anuman ang kanilang sitwasyon, alam nila kung paano gawin nang maayos ang kanilang mga tungkulin at kung paano kumilos sa paraang nakalulugod sa Diyos. Iyong mga nagbago ang mga disposisyon ay hindi nagtutuon ng pansin sa kung ano ang gagawin sa panlabas upang maging maganda ang tingin sa kanila ng iba; malinaw sa puso nila kung ano ang gagawin para mapalugod ang Diyos. Kung gayon, sa panlabas maaaring tila hindi sila gaanong masigasig o hindi nakagawa ng maraming dakilang bagay, ngunit ang lahat ng kanilang ginagawa ay makahulugan, mahalaga, at nagbubunga ng mga tunay na resulta. Iyong mga nagbago ang mga disposisyon ay tiyak na nagtataglay ng napakaraming katotohanang realidad, at ito ay mapapatunayan sa pamamagitan ng kanilang mga pananaw sa mga bagay at sa kanilang mga prinsipyo ng pagkilos. Ang mga hindi nagkamit ng katotohanan ay talagang hindi nagkamit ng anumang pagbabago sa buhay disposisyon. Paano ba talaga nakakamit ang pagbabago sa disposisyon? Lubhang nagawang tiwali ni Satanas ang mga tao, lahat sila ay lumalaban sa Diyos, at lahat sila ay may kalikasang lumalaban sa Diyos. Inililigtas ng Diyos ang tao sa pamamagitan ng pagbabago sa tao—isang taong may kalikasang lumalaban sa Diyos at kayang lumaban sa Diyos—tungo sa isang taong kayang magpasakop at matakot sa Diyos; ito ang ibig sabihin ng maging isang tao na may disposisyong nagbago na. Gaano man katiwali ang tao o gaano man karaming tiwaling disposisyon ang mayroon siya, basta’t kaya niyang tanggapin ang katotohanan, tanggapin ang paghatol at pagkastigo ng Diyos, at tanggapin ang iba’t ibang pagsubok at pagpipino, magkakaroon siya ng tunay na pagkaunawa sa Diyos, at kasabay nito ay malinaw niyang makikita ang sarili niyang kalikasang diwa. Kapag tunay niyang nakikilala ang kanyang sarili, magagawa niyang kamuhian ang kanyang sarili at si Satanas, at magiging handa siyang maghimagsik laban kay Satanas at ganap na magpasakop sa Diyos. Sa sandaling may ganitong determinasyon ang isang tao, hahangarin niya ang katotohanan. Kapag may tunay na pagkakilala sa Diyos ang isang tao, kapag nalinis na ang kanyang satanikong disposisyon, at nag-ugat na ang mga salita ng Diyos sa loob niya, at naging buhay na niya at batayan ng kanyang pag-iral, kapag kaya na niyang mamuhay ayon sa mga salita ng Diyos, at lubusan nang nagbago at naging isang bagong tao, saka lamang siya nakaranas na ng pagbabago sa buhay disposisyon. Ang pagbabago sa disposisyon ay hindi nangangahulugan ng pagkakaroon ng hinog at bihasang pagkatao o na nagmumukhang mas maamo ang disposisyon ng tao kaysa dati—mula sa pagiging mayabang noon tungo sa pagiging may kakayahang magsalita nang may katwiran ngayon, o na dati ay wala silang pinakikinggan ngunit ngayon ay kaya na nilang makinig sa iba nang kaunti. Hindi masasabi na ang mga panlabas na pagbabagong ito ay mga pagbabago sa disposisyon. Siyempre pa, ang mga pagbabago sa disposisyon ay kinapapalooban ng mga ganoong pagpapamalas, ngunit ang pinakakritikal na sangkap ay na nagbago na ang panloob na buhay ng tao. Ito ay lubos na dahil nag-ugat na ang mga salita ng Diyos at ang katotohanan sa loob ng tao, naghari na sa loob niya, at naging buhay na niya. Nagbago na rin ang mga pananaw ng tao sa mga bagay-bagay. Malinaw niyang nakikita ang mundo at ang sangkatauhan. Ganap niyang nakikilatis kung paano ginagawang tiwali ni Satanas ang sangkatauhan, kung paano nilalabanan ng malaking pulang dragon ang Diyos, at ang diwa ng malaking pulang dragon. Kaya niyang kamuhian ang malaking pulang dragon at si Satanas sa puso niya, at kaya niyang lubos na bumaling at sumunod sa Diyos. Nangangahulugan ito na nagbago na ang buhay disposisyon ng tao, at nakamit na siya ng Diyos. Ang mga pagbabago sa buhay disposisyon ay mga pundamental na pagbabago, samantalang ang mga pagbabago sa pag-uugali ay mababaw. Ang mga nagkamit lang ng mga pagbabago sa buhay disposisyon ang mga nagkamit ng katotohanan, at sila lang ang nakamit ng Diyos.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi
Inaamin mo lang ngayon na mabuti at tama ang mga salita ng Diyos, at, kung titingnan ang panlabas mong pag-uugali, hindi mo ginagawa ang mga bagay na halata namang sumasalungat sa katotohanan, lalo nang hindi mo ginagawa ang mga bagay na humuhusga sa gawain ng Diyos. Nagagawa mo ring magpasakop sa mga pagsasaayos ng gawain ng sambahayan ng Diyos. Mula sa pagiging isang walang pananampalataya ay nagiging isa kang tagasunod ng Diyos na may asal ng isang banal. Mula sa pagiging isang taong ganap na namumuhay ayon sa mga pilosopiya ni Satanas, at ayon sa mga konsepto, batas at kaalaman ni Satanas, tungo sa isang tao na, pagkarinig sa mga salita ng Diyos, nakakaramdam na ang mga iyon ay katotohanan, tumatanggap sa mga iyon, at hinahangad ang katotohanan, at nagiging isa kang tao na kayang tanggapin ang mga salita ng Diyos bilang iyong buhay. Ganoong uri iyon ng proseso—wala nang iba. Sa panahong ito, ang pag-uugali at mga paraan mo ng paggawa sa mga bagay-bagay ay siguradong daraan sa ilang pagbabago. Para sa Diyos, kahit gaano ka pa magbago, ang naipapamalas mo ay mga pagbabago lang sa iyong pag-uugali at pamamaraan, mga pagbabago sa iyong mga kaloob-loobang pagnanais at determinasyon; ang mga ito ay, sa pinakamataas, mga pagbabago sa iyong mga kaisipan at pananaw—iyon na iyon. Maaaring nagagawa mong ihandog sa Diyos ang buhay mo ngayon kapag humuhugot ka ng lakas at may bugso ka ng damdamin, pero hindi ka ganap na makapagpasakop sa Diyos sa isang bagay na talagang hindi mo nagugustuhan. Ito ang pagkakaiba sa pagitan ng pagbabago sa pag-uugali at ng pagbabago sa disposisyon. Siguro, dahil sa mabuting puso mo ay nagagawa mong ialay sa Diyos ang iyong buhay at lahat-lahat, at sabihing, “Handa ako at gusto kong ibigay ang dugo ng buhay ko para sa Diyos. Sa buhay na ito ay wala akong mga pinanghihinayangan at mga inirereklamo! Tinalikuran ko na ang pag-aasawa, ang mga makamundong kinabukasan, ang lahat ng karangyaan at kayamanan, at tinatanggap ko ang mga sitwasyong ito na inihanda ng Diyos. Kaya kong tiisin ang lahat ng panunuya at paninirang-puri ng mundo.” Pero sa sandaling ihanda ng Diyos ang isang sitwasyon na hindi tugma sa mga kuru-kuro mo, kaya mong tumayo at magprotesta laban sa Kanya at kontrahin Siya. Ito ang pagkakaiba sa pagitan ng pagbabago sa pag-uugali at ng pagbabago sa disposisyon. Posible ring kaya mong ialay ang iyong buhay para sa Diyos at talikuran ang mga taong pinakamamahal mo, o ang bagay na pinakamamahal mo, na pinakahindi kayang mawalay sa puso mo—pero kapag tinawag ka para magsalita sa Diyos mula sa puso, at maging isang matapat na tao, lubha kang nahihirapan at hindi mo ito magawa. Ito ang pagkakaiba sa pagitan ng pagbabago sa pag-uugali at ng pagbabago sa disposisyon. Gayunman, siguro ay hindi ka nagpapasasa sa kaginhawahan ng laman sa buhay na ito, ni kumakain ng masasarap na pagkain ni nagsusuot ng magagarang kasuotan, araw-araw ay nagpapakapagod ka sa gawain at inuubos mo ang lakas mo sa iyong tungkulin. Matitiis mo ang lahat ng klase ng pasakit na idinudulot sa iyo ng laman, pero, kung hindi umaayon sa iyong mga kuru-kuro ang mga pagsasaayos ng Diyos, hindi ka makaunawa, at nagkakaroon ka ng mga hinaing laban sa Diyos at maling pagkaunawa sa Kanya. Lalong nagiging abnormal ang ugnayan mo sa Diyos. Palagi kang lumalaban at naghihimagsik, hindi mo magawang lubos na makapagpasakop sa Diyos. Ito ang pagkakaiba sa pagitan ng pagbabago sa pag-uugali at ng pagbabago sa disposisyon. Handa kang ialay ang buhay mo para sa Diyos, kung gayon bakit hindi ka makapagsabi ng isang matapat na salita sa Kanya? Handa kang isantabi ang lahat ng panlabas na bagay, kung gayon bakit hindi mo magawang maging tapat na tapat sa atas na ibinigay sa iyo ng Diyos? Handa kang ialay ang buhay mo para sa Diyos, kung gayon bakit hindi mo mapagnilayan ang sarili mo kapag umaasa ka sa mga damdamin mo upang gawin ang mga bagay-bagay at itaguyod ang ugnayan mo sa iba? Bakit hindi ka manindigang itaguyod ang gawain ng iglesia at ang mga interes ng sambahayan ng Diyos? Ganito ba ang isang taong namumuhay sa harap ng Diyos? Gumawa ka na ng panata sa harap ng Diyos na gugugulin mo ang sarili mo para sa Kanya nang buong buhay mo at tatanggapin mo ang anumang pagdurusang makaharap mo, kung gayon bakit sa isang beses na pagkatanggal sa iyo sa iyong tungkulin ay nalulugmok ka na nang labis sa pagkanegatibo na hindi ka na makabangon sa loob ng napakaraming araw? Bakit puno ng paglaban, hinaing, maling pagkaunawa, at pagkanegatibo ang puso mo? Ano ang nangyayari? Ipinapakita nito na ang pinakamamahal ng puso mo ay ang katayuan, at may kinalaman ito sa iyong nakamamatay na kahinaan. Kaya, kapag tinanggal ka, bumabagsak ka at hindi ka na makabangon. Sapat na ito para patunayan na bagaman nagbago na ang pag-uugali mo, ang buhay disposisyon mo ay hindi pa nagbabago. Ito ang pagkakaiba sa pagitan ng pagbabago sa pag-uugali at ng pagbabago sa disposisyon.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Paglutas Lamang sa mga Kuru-kuro ng Isang Tao Siya Makakapagsimula sa Tamang Landas ng Pananampalataya sa Diyos (3)
Ang pinakamahirap na bahagi ng pananampalataya sa Diyos ay ang pagkamit ng isang pagbabago sa disposisyon. Maaaring kaya mong habambuhay na manatiling walang-asawa, o kaya ay hindi kailanman kumain ng mamahaling pagkain o magsuot ng magagandang damit; sinasabi pa nga ng ilang tao, “Hindi mahalaga kung magdusa ako buong buhay ko, o kung nag-iisa ako buong buhay ko, kaya kong tiisin ito—kasama ang Diyos sa tabi ko, walang-wala ang mga bagay na ito.” Madaling lampasan at lutasin ang ganitong pisikal na pasakit at paghihirap. Ano ang hindi madaling mapagtagumpayan? Ang mga tiwaling disposisyon ng tao. Hindi malulutas ang mga tiwaling disposisyon sa pamamagitan lamang ng pagpigil sa sarili. Kayang tiisin ng tao ang pisikal na paghihirap para magampanan niya nang maayos ang kanyang mga tungkulin, para matugunan ang mga layunin ng Diyos, at makapasok sa kaharian sa hinaharap—pero ang kakayahan bang magdusa at magbayad ng halaga ay nangangahulugang nagbago na ang kanilang mga disposisyon? Hindi. Para sukatin kung may pagbabago ba sa disposisyon ng isang tao, huwag tingnan kung gaano karaming pagdurusa ang kaya niyang tiisin o kung gaano karaming mabubuting pag-uugali ang ipinapakita niya sa panlabas. Ang tanging paraan para masukat nang tama kung ang disposisyon ng isang tao ay nagbago ay ang tingnan ang panimulang punto, mga intensyon, at mga motibo sa likod ng kanyang mga ikinikilos, ang mga prinsipyo kung paano siya umasal at humarap sa mga usapin, at ang kanyang saloobin sa katotohanan.
Pagkatapos sumampalataya sa Diyos, ang ilan ay hindi na naghahangad ng mga makamundong uso o nagbibigay-pansin sa kanilang mga kasuotan at hitsura. Nagagawa nilang magdusa at magsikap, at supilin at maghimagsik laban sa laman. Ngunit kapag ginagawa nila ang kanilang tungkulin at umaasal sila at nangangasiwa ng mga bagay-bagay, bihira silang magsalita nang totoo. Ayaw nilang maging matapat na mga tao, lagi nilang gustong mamukod-tangi, makita, at ipakita kung ano ang kaya nilang gawin, at may intensyon sa likod ng lahat ng kanilang sinasabi at ginagawa. Gumagawa sila ng mabusisi, metikulosong pagkakalkula upang maipakita sa mga tao kung gaano sila kabuti, makuha ang loob ng mga tao, at mahikayat ang mga tao na purihin at sambahin sila, hanggang sa puntong sa kanila na lalapit at dudulog ang mga tao sa tuwing may mangyayari sa mga ito. Sa paggawa nito, nagpapasikat sila. Ano ang disposisyong kanilang ibinubunyag? Isa itong satanikong disposisyon. Marami bang taong tulad nito? Ganito ang lahat ng tao. Pinanghahawakan nila ang lahat ng panlabas na regulasyon, nagagawa nilang magdusa nang kaunti, at medyo handa silang maggugol ng kanilang sarili. Nagagawa nilang bitiwan ang ilang makamundong bagay, mayroon silang kaunting determinasyon at kagustuhang hangarin ang katotohanan, at halos nakapaglatag na sila ng pundasyon sa landas ng pananampalataya sa Diyos. Gayumpaman, nananatiling buo ang kanilang mga tiwaling disposisyon, at hindi man lang nagbabago. Kahit na nauunawaan nila ang katotohanan, hindi nila ito maisagawa. Iyon ang kahulugan ng walang anumang pagbabago. Ang pagkilos ayon sa sariling kagustuhan sa lahat ng bagay ay ang paraan ng pag-uugali ng mga namumuhay sa loob ng mga satanikong disposisyon. Kapag mali ang intensiyon sa likod ng kanilang mga kilos, hindi sila nagdarasal sa Diyos, o itinatanggi ang sarili nilang kalooban, hindi nila hinahanap ang mga katotohanang prinsipyo, hindi rin sila naghahanap mula sa iba o nakikipagbahaginan sa mga ito. Ginagawa nila ang anumang naisin nila, ang anumang magustuhan nila; kumikilos sila nang walang pagpipigil, hindi binibigyang-pansin ang posibleng mga kahihinatnan. Maaaring hindi sila gumagawa ng kasamaan sa panlabas, ngunit hindi rin nila isinasagawa ang katotohanan. Sinusunod nila ang sarili nilang kalooban sa kanilang mga kilos at namumuhay sila sa loob ng mga satanikong disposisyon. Nangangahulugan ito na wala silang pagmamahal para sa katotohanan o wala silang may-takot-sa-Diyos na puso—hindi sila namumuhay sa harap ng Diyos. Maaaring nauunawaan pa nga ng ilan sa kanila kung ano ang ibig sabihin ng mga salita ng Diyos at kung anong mga katotohanan ang ipinapahayag ng mga ito, ngunit sadyang hindi nila maisagawa ang mga ito. Ito ay dahil hindi nila mapagtagumpayan ang kanilang mga ambisyon at pagnanais ng laman, at dahil mayroon silang mga walang-katotohanang pananaw sa mga bagay-bagay. Malinaw na alam nilang ang paraan ng pagkilos nila ay nakagagambala at nakagugulo, at na kamuhi-muhi ito sa Diyos, subalit paulit-ulit nila itong ginagawa, iniisip na, “Hindi ba’t ang pananampalataya sa Diyos ay tungkol sa pagkamit ng mga pagpapala? Ano ang mali sa paghahangad ko sa mga pagpapala? Medyo marami na rin akong dinanas sa mga taon ng pananampalataya ko sa Diyos; binitiwan ko ang aking trabaho at tinalikuran ang aking mga kinabukasan sa mundo upang matamo ang pagsang-ayon at mga pagpapala ng Diyos. Batay lamang sa lahat ng pagdurusang tiniis ko, dapat akong tandaan ng Diyos. Dapat Niya akong pagpalain at pagkalooban ng magandang kapalaran.” Ang mga salitang ito ay naaangkop sa kagustuhan ng mga tao. Ganito mag-isip ang lahat ng taong sumasampalataya sa Diyos—pakiramdam nila ay hindi ganoon kalaking problema ang pagiging bahagyang kontaminado ng intensiyong magtamo ng mga pagpapala. Ngunit kung pag-iisipan mong mabuti ang mga salitang ito, alinsunod ba sa katotohanan ang alinman sa mga iyon o katumbas ba ang mga iyon sa katotohanang realidad? Ang lahat ng pagtalikod at pagdurusang ito ay nabibilang lang sa mabuting pag-uugali ng tao. Ang mga kilos na ito ay pinamamahalaan ng intensyong magkamit ng mga pagpapala, at ang mga ito ay hindi ang pagsasagawa sa katotohanan kahit kaunti. Ipagpalagay na gagamitin ang mga moral na pamantayan ng tao upang sukatin ang pag-uugali ng ilang tao. Ang mga taong ito ay masipag at matipid, masikap at matatag, hanggang sa puntong hindi na natutulog at nakakalimutan nang kumain kung minsan. Nagagawa pa nga ng ilan sa kanila na magsauli ng mga nawawalang gamit sa mga may-ari nito, na maging masaya sa pagtulong sa iba, na maging mabait at mapagkawanggawa, na tratuhin ang iba nang may pambihirang pagkabukas-palad at pang-unawa, na hindi maging kuripot o maselan, at na ipamigay pa nga ang mga pinakagusto nilang bagay sa iba. Ang lahat ng pag-uugaling ito ay sinasang-ayunan ng tao, at ang gayong mga indibidwal ay malawakang kinikilala bilang mabubuting tao. Mukha silang nakasisilaw at maringal, at karapat-dapat sa pagsang-ayon; sa kanilang mga kilos, maprinsipyo sila sa pagiging moral, patas at makatwiran. Sinusuklian nila ang mga kabaitan ng iba, at labis nilang pinahahalagahan ang kapatiran hanggang sa puntong sasalo sila ng bala para sa sinuman sa kanilang mga kaibigan at magtitiis ng pagdurusa para sa mga pinakamalapit sa kanila—kahit pa mangahulugan ito ng pagsuong sa matinding panganib at paghihirap, hindi sila aatras. Bagama’t maraming tao ang maaaring pumuri sa ganitong uri ng mabuting tao, kaya ba talaga ng gayong tao na tanggapin ang katotohanan at isagawa ito? Talaga bang ibubuwis niya ang kanyang buhay upang dakilain at patotohanan ang Diyos? Hindi tiyak. Kung gayon, matatawag ba siyang isang mabuting tao? Sa paghusga kung ang isang tao ba ay may takot sa Diyos at umiiwas sa kasamaan, o kung taglay ba niya ang katotohanang realidad, magiging tumpak ba na lagi siyang suriin batay sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao, at sa mga kuru-kuro ng tao sa etika at moralidad? Alinsunod ba ito sa katotohanan? Kung ang mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao, at ang mga kuru-kuro ng tao sa etika at moralidad, ay nakaaayon sa katotohanan, hindi na kakailanganin ng Diyos na ipahayag ang katotohanan, ni hindi na Niya kakailanganing gawin ang gawain ng paghatol at pagkastigo upang dalisayin at iligtas ang tao. Kailangan mong makita nang malinaw na ang mundo at ang sangkatauhan ay madilim at masama, na ganap na walang katotohanan ang mga iyon, at na kailangan ng tiwaling sangkatauhan ang pagliligtas ng Diyos. Kailangan mong makita nang malinaw na ang Diyos lamang ang katotohanan, na tanging ang Kanyang mga salita ang makapaglilinis sa tao, na tanging Siya ang makapagliligtas sa tao, at na kahit gaano pa kabuti ang pag-uugali ng isang tao, hindi ito ang katotohanang realidad, at mas lalong malayo sa pagiging pasok sa mismong katotohanan. Bagaman lumaganap at kinikilala na sa mga tao ang mabubuting pag-uugaling ito, ang mga ito ay hindi ang katotohanan, at kailanman ay hindi magiging gayon, at walang anumang mababago ang mga ito. Ang isang tao ba na sasalo ng bala para sa kanyang mga kaibigan at susuong sa matinding panganib at paghihirap para sa mga ito ay mahihikayat mong tanggapin ang Diyos at ang katotohanan? Talagang hindi, dahil ang taong iyon ay isang ateista. Mahihikayat mo ba ang isang taong puno ng mga kuru-kuro at imahinasyon tungkol sa Diyos na magtamo ng tunay na pagpapasakop sa Kanya? Talagang hindi, dahil kapag puno ng mga kuru-kuro ang isang tao, napakahirap para sa kanya na tumanggap at magpasakop sa katotohanan. Gaano man karaming mabuting pag-uugali ang gawin ng isang tao, tunay ba siyang makapagpapasakop sa Diyos? Kaya ba nitong mahalin Siya nang tunay? Magagawa ba nitong dakilain Siya at patotohanan Siya? Talagang hindi niya magagawa iyon. Matitiyak mo bang ang lahat ng nangangaral at gumagawa para sa Panginoon ay tunay na magmamahal sa Diyos? Imposible talaga iyon. Kaya, kahit gaano pa karaming mabuting pag-uugali ang gawin ng isang tao, hindi ito nangangahulugang tunay siyang nagsisi at nagbago, at lalong hindi ito nangangahulugang nagbago na ang kanyang buhay disposisyon.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Mabuting Pag-uugali ay Hindi Nangangahulugan na Nagbago Na ang Disposisyon ng Isang Tao
Nabubuhay ang lahat ng tiwaling tao para sa kanilang sarili. Ang bawat tao para sa kanyang sarili at bahala na ang iba—ito ang nagbubuod sa kalikasan ng tao. Nananampalataya ang tao sa Diyos lahat para sa sarili niyang kapakanan; tinatalikuran niya ang mga bagay-bagay at iginugugol ang kanyang sarili para lang mapagpala, at ang pagdurusang tinitiis niya at ang halagang ibinabayad niya sa paggawa ng kanyang tungkulin ay para lang din magantimpalaan siya. Sa madaling salita, ang lahat ng ito ay para sa layuning mapagpala, magantimpalaan, at makapasok sa kaharian ng langit. Sa mundo, gumagawa ang tao para sa sarili niyang kapakinabangan, at sa sambahayan ng Diyos, gumagawa siya ng tungkulin upang magkamit ng mga pagpapala. Alang-alang sa pagkakamit ng mga pagpapala, tinatalikuran ng tao ang lahat ng bagay at kaya niyang tiisin ang maraming pagdurusa. Ang lahat ng ito ang pinakamalinaw na katibayan na nagtataglay ang tao ng isang satanikong kalikasan. Iba ang mga tao na nagbago na ang mga disposisyon. Iniisip nila na makabuluhan lang para sa tao na mamuhay ayon sa katotohanan, na dapat magpasakop ang tao sa Diyos at matakot sa Diyos at umiwas sa kasamaan, at na ito ay pundamental sa kung paano dapat umasal ang tao. Iniisip nila na ang pagtanggap sa atas ng Diyos ay isang ganap na likas at may katwirang responsabilidad, na tanging ang mga tumutupad nang maayos sa tungkulin ng isang nilikha ang karapat-dapat na tawaging tao, at na kung hindi nila kayang mahalin ang Diyos at suklian ang Kanyang pagmamahal, hindi sila karapat-dapat na tawaging tao. Iniisip nila na ang pamumuhay para sa sarili ay tunay na hungkag at walang kabuluhan, na dapat mamuhay ang tao upang bigyang-kasiyahan ang Diyos at upang gawin nang maayos ang kanyang tungkulin, at isabuhay ang isang makabuluhang buhay, upang kahit pa mamatay siya, makaramdam siya ng pagkakontento, at na wala siyang kahit katiting na pagsisisi at hindi siya namuhay nang walang saysay. Sa pagkukumpara sa dalawang magkaibang kalagayang ito, nakikita na ang huli ay sa mga tao na nagbago na ang mga disposisyon. Kapag nagbago na ang buhay disposisyon ng isang tao, tiyak na nagbago na rin ang kanyang pananaw sa buhay. Ngayong mayroon nang ibang mga pinahahalagahan, hindi na siya muling mamumuhay para sa sarili niya, at hindi na muling mananampalataya sa Diyos para sa layuning magkamit ng mga pagpapala. Masasabi ng taong iyon na, “Napakasulit na makilala ang Diyos. Kahit mamatay ako pagkatapos kong makilala ang Diyos, napakaganda niyon! Dahil nakilala ko ang Diyos, nakapagpasakop sa Diyos, at nakapamuhay nang makabuluhan, hindi ako nakapamuhay nang walang saysay, ni mamamatay nang may anumang panghihinayang. Wala akong magiging reklamo.” Nagbago na ang pananaw sa buhay ng taong ito. Ang pangunahing dahilan na nagbabago ang buhay disposisyon ng tao ay na natataglay niya ang katotohanang realidad, nakakamit niya ang katotohanan, at nakikilala niya ang Diyos; nagbabago ang kanyang pananaw sa buhay, at nagiging iba na ang kanyang mga pinahahalagahan kaysa dati. Ang pagbabago ay nagsisimula sa loob ng kanyang puso, at mula sa loob ng kanyang buhay; tiyak na hindi ito isang panlabas na pagbabago. Ang ilang bagong mananampalataya, pagkatapos nilang magsimulang manampalataya sa Diyos, ay tumatalikod sa sekular na mundo. Kapag nakakatagpo sila kalaunan ng mga walang pananampalataya, walang gaanong masabi ang mga mananampalatayang ito, at bihira silang makipag-ugnayan sa kanilang mga di-nananampalatayang kamag-anak at kaibigan. Sinasabi ng mga walang pananampalatayang ito, “Nagbago na sila.” Pagkatapos ay nararamdaman ng mga mananampalataya na nagbago na ang kanilang buhay disposisyon, na ganap na mali. Kapag sinasabi ng mga walang pananampalataya na nagbago na ang mga mananampalatayang ito, ang ibig nilang sabihin ay nagbago na ang pag-uugali ng mga ito. Kung gayon, nagbago ba ang kanilang buhay disposisyon? Hindi. Ang mga pagbabago sa pag-uugali ay panlabas lamang. Talagang walang naging pagbabago sa kanilang buhay, at ang kanilang satanikong kalikasan ay nananatiling nakaugat sa kanilang puso, ganap na hindi nagagalaw. Kung minsan, masigasig na masigasig ang mga tao dahil sa gawain ng Banal na Espiritu; maaaring magkaroon ng ilang panlabas na pagbabago, at maaari silang gumawa ng ilang mabubuting bagay. Gayunman, hindi ito kapareho ng pagkakamit ng pagbabago ng disposisyon. Kung hindi mo taglay ang katotohanan at mayroon ka pa ring parehong lumang pananaw sa mga bagay-bagay, maging hanggang sa punto na hindi na ito naiiba sa mga walang pananampalataya, at kung hindi rin nagbago ang iyong pananaw sa buhay at ang iyong mga pinahahalagahan, at kung wala ka man lamang may-takot-sa-Diyos na puso—na siyang nararapat mo man lang taglayin—napakalayo mo pa sa pagkakaroon ng pagbabago sa disposisyon. Upang magkaroon ng pagbabago sa disposisyon, ang pinakasusi ay dapat mong hangaring makilala ang Diyos at magkaroon ka ng tunay na pagkakilala sa Kanya. Gawin nating halimbawa si Pedro. Nang nais ng Diyos na ibigay siya kay Satanas, sinabi niya, “Kahit ibigay Mo ako kay Satanas, Ikaw pa rin ang Diyos. Ikaw ang makapangyarihan sa lahat, at ang lahat ng bagay ay nasa mga kamay Mo. Paanong hindi Kita pupurihin para sa mga bagay na ginagawa Mo? Ngunit kung makikilala Kita bago ako mamatay, hindi ba’t mas maganda iyon?” Naramdaman niya na sa buhay ng tao, ang pinakaimportante ay ang makilala ang Diyos; pagkatapos na makilala ang Diyos, anumang uri ng kamatayan ay mabuti, at paano man siya pakitunguhan ng Diyos dito ay ayos lang. Naramdaman niya na ang pinakakritikal na bagay ay ang makilala ang Diyos; kung hindi niya nakamit ang katotohanan, hinding-hindi siya masisiyahan, ngunit hindi rin siya magrereklamo laban sa Diyos. Kapopootan lang niya ang katunayan na hindi niya hinangad ang katotohanan. Dahil sa espiritu ni Pedro, ang marubdob niyang paghahangad upang makilala ang Diyos ay nagpapakita na ang kanyang pananaw ukol sa buhay at mga pinahahalagahan ay nagbago. Ang malalim niyang pananabik na makilala ang Diyos ay nagpapatunay na tunay na nakilala niya ang Diyos. Mula sa pahayag na ito, makikita na nagbago ang kanyang disposisyon; siya ay isang taong nagbago ang disposisyon. Sa pinakadulo ng kanyang karanasan, sinabi ng Diyos na siya ang pinakanakakakilala sa Diyos; siya ang tunay na nagmamahal sa Diyos. Samakatwid, kung walang pagkamit sa katotohanan, ang buhay disposisyon ng isang tao ay hindi kailanman tunay na magbabago. Kung kaya ninyong tunay na hangarin ang katotohanan at pumasok sa katotohanang realidad, saka lamang ninyo makakamit ang pagbabago sa inyong buhay disposisyon.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi