31. Paano isagawa ang pagiging isang matapat na tao

Mga Salita ng Makapangyarihang Diyos ng mga Huling Araw

Ang pagkamatapat ay nangangahulugang pagbibigay ng puso ninyo sa Diyos, hindi pagiging huwad sa Diyos sa anumang bagay, pagiging bukas sa Kanya sa lahat ng bagay, hindi pagtatago kailanman ng mga katunayan, hindi pagtatangkang manlinlang sa mga nasa itaas ninyo at maglihim sa mga nasa ibaba ninyo, at hindi paggawa ng mga bagay na pagtatangka lamang upang makuha ang pabor ng Diyos. Sa madaling salita, ang pagiging matapat ay pagiging hindi nahaluan ng kabulaanan sa inyong mga kilos at salita, at hindi panlilinlang sa Diyos o sa tao. Napakapayak ng sinasabi Ko, ngunit doble para sa inyo ang hirap nito. Maraming tao ang mas nanaisin pang maitapon sa impiyerno kaysa magsalita at kumilos nang matapat. Hindi kataka-takang iba ang magiging pagtrato Ko sa mga hindi matapat. Siyempre pa, alam na alam Ko kung gaano kahirap sa inyo na maging matatapat na tao. Sapagkat “napakamautak” ninyong lahat, napakahusay sa pagsukat sa puso ng mga marangal na tao batay sa sarili ninyong mababang uri na pag-iisip, ginagawa nitong mas simple ang gawain Ko. At yamang mahigpit na itinatago ng bawat isa sa inyo ang mga lihim ninyo, kung gayon, isa-isa Ko kayong ilalagay sa sakuna upang “mabigyang-leksyon” ng apoy, nang sa gayon pagkatapos nito ay maging determinado kayong maniwala sa mga salita Ko. Sa huli, hihilahin Ko mula sa mga bibig ninyo ang mga salitang “Ang Diyos ay tapat na Diyos,” pagkatapos ay hahampasin ninyo ang mga dibdib ninyo at mananaghoy na, “Masyadong mapanlinlang ang puso ng tao!” Ano ang magiging kalagayan ng isip ninyo sa oras na ito? Tiyak na hindi kayo madadala ng pagmamalaki tulad ngayon! At lalong hindi kayo magiging “kasinglalim at kasinghirap unawain” na tulad ninyo ngayon. Sa presensiya ng Diyos, maayos at wastong kumikilos ang ilang tao, at labis na “maayos ang asal,” subalit inilalabas nila ang mga pangil nila at iwinawasiwas ang mga kuko nila sa presensiya ng Espiritu. Ibibilang ba ninyo ang gayong mga tao sa hanay ng mga matapat? Kung isa kang mapagpaimbabaw, isang taong bihasa sa “pakikipagkapwa,” sinasabi Kong tiyak na isa kang taong nagtatangkang paglaruan ang Diyos. Kung puno ng mga palusot at mga walang halagang pangangatwiran ang mga salita mo, sinasabi Kong isa kang taong ayaw na ayaw isagawa ang katotohanan. Kung marami kang pribadong usapin na nahihiya kang talakayin, kung tutol na tutol kang magtapat tungkol sa mga lihim mo—ang mga suliranin mo—sa harap ng iba upang hanapin ang daan ng liwanag, sinasabi Kong isa kang taong labis na mahihirapan na matamo ang kaligtasan, at mahihirapan na makaahon mula sa kadiliman. Kung talagang kinalulugdan mo ang paghahanap sa daan ng katotohanan, isa kang taong palaging nananahan sa liwanag. Kung lubha kang nagagalak na maging isang tagapagserbisyo sa sambahayan ng Diyos, gumagawa nang masipag at maingat kahit hindi napapansin, palaging nagbibigay at hindi kailanman kumukuha, sinasabi Kong isa kang tapat na banal, sapagkat hindi ka naghahanap ng bayad at isa ka lamang matapat na tao. Kung handa kang maging prangka, kung handa kang gugulin ang lahat-lahat mo, kung magagawa mong isakripisyo ang buhay mo para sa Diyos at manindigan sa patotoo mo, kung ikaw ay matapat hanggang sa puntong ang alam mo lamang ay bigyang-kasiyahan ang Diyos at hindi isaalang-alang ang iyong sarili o kumuha para sa sarili, sinasabi Ko na ang mga taong tulad mo ay ang mga inaaruga sa liwanag at siyang mabubuhay magpakailanman sa kaharian.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tatlong Paalaala

Sa panahong ito, karamihan sa mga tao ay takot na dalhin ang kanilang mga kilos sa harap ng Diyos; bagama’t maaari mong linlangin ang Kanyang katawang-tao, hindi mo malilinlang ang Kanyang Espiritu. Ang anumang bagay na hindi makatiis sa pagsisiyasat ng Diyos ay hindi alinsunod sa katotohanan, at nararapat na isantabi; kung hindi ay pagsalungat iyon sa Diyos. Kaya, nagdarasal, nagsasalita at nagbabahagi ka man sa iyong mga kapatid, o gumagawa ng iyong tungkulin at tinatapos ang mga bagay-bagay, dapat mong ilahad ang iyong puso sa harap ng Diyos. Kapag ginagampanan mo ang iyong gampanin, sumasaiyo ang Diyos, at hangga’t tama ang iyong intensyon at iyon ay para sa gawain ng sambahayan ng Diyos, tatanggapin Niya ang lahat ng ginagawa mo; dapat mong buong sinserong tuparin ang iyong papel. Kapag nagdarasal ka, dapat mayroon kang mapagmahal-sa-Diyos na puso at hanapin mo ang pangangalaga, proteksiyon, at pagsisiyasat ng Diyos. Kung ang mga ito ang mga intensiyon mo, magiging epektibo ang iyong mga dalangin. Halimbawa, kapag nagdarasal ka sa mga pagtitipon, kung bubuksan mo ang iyong puso at magdarasal ka sa Diyos at sasabihin mo sa Kanya kung ano ang nasa puso mo nang hindi ka nagsisinungaling, siguradong magiging epektibo ang iyong mga dalangin. …

Bilang isang mananampalataya sa Diyos, dapat ay magawa mong dalhin sa Kanyang harapan ang lahat ng iyong gawa at kilos at tanggapin ang Kanyang pagsisiyasat. Kung maihaharap ang iyong ginagawa sa Espiritu ng Diyos ngunit hindi sa katawang-tao ng Diyos, nagpapakita ito na hindi mo pa tinanggap ang pagsisiyasat ng Kanyang Espiritu. Sino ang Espiritu ng Diyos? Sino ang taong pinatototohanan ng Diyos? Hindi ba Sila iisa at pareho? Ang tingin sa Kanila ng karamihan ay dalawang magkahiwalay na nilalang, naniniwalang ang Espiritu ng Diyos ay Espiritu ng Diyos, at ang taong pinatototohanan ng Diyos ay isang tao lamang. Ngunit hindi ka ba nagkakamali? Sa ngalan nino gumagawa ang taong ito? Yaong mga hindi nakakakilala sa Diyos na nagkatawang-tao ay walang espirituwal na pang-unawa. Ang Espiritu ng Diyos at ang Kanyang nagkatawang-taong laman ay iisa, dahil ang Espiritu ng Diyos ay nagkaroon ng materyal na anyo sa katawang-tao. Kung ang taong ito ay hindi mabait sa iyo, magiging mabait ba ang Espiritu ng Diyos? Hindi ka ba nalilito? Ngayon, lahat ng hindi makatanggap ng pagsisiyasat ng Diyos ay hindi matatanggap ang Kanyang pagsang-ayon, at yaong mga hindi nakakakilala sa Diyos na nagkatawang-tao ay hindi mapeperpekto. Tingnan mo ang lahat ng ginagawa mo, at tingnan mo kung maaari ba itong dalhin sa harap ng Diyos. Kung hindi mo madadala ang lahat ng iyong ginagawa sa harap ng Diyos, ipinapakita nito na isa kang taong gumagawa ng masama. Mapeperpekto ba ang mga taong gumagawa ng masama? Lahat ng iyong ginagawa, bawat kilos, bawat intensiyon, at bawat tugon ay dapat dalhin sa harap ng Diyos. Nangangahulugan ito na lahat ng bagay mula sa iyong pang-araw-araw na espirituwal na buhay—pagdarasal, paglapit sa Diyos, pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos, pakikipagbahaginan sa iyong mga kapatid, at pamumuhay ng buhay iglesia—hanggang sa iyong paglilingkod sa pamamagitan ng pakikipagtulungan sa iba, ay dapat dalhin sa harap ng Diyos para sa Kanyang pagsisiyasat. Ang gayong pagsasagawa ang tutulong sa iyo na lumago sa buhay. Ang proseso ng pagtanggap sa pagsisiyasat ng Diyos ang proseso ng pagdadalisay. Kapag mas nagagawa mong tanggapin ang pagsisiyasat ng Diyos, mas napapadalisay at mas naaayon ka sa mga layunin ng Diyos, nang sa gayon ay hindi ka masasadlak sa pagpapalayaw, at makapamumuhay ang puso mo sa Kanyang presensiya. Kapag mas tinatanggap mo ang Kanyang pagsisiyasat, mas napapahiya si Satanas at mas tumataas ang kakayahan mong maghimagsik laban sa laman. Kaya, ang pagtanggap sa pagsisiyasat ng Diyos ay isang landas ng pagsasagawa na dapat sundan ng mga tao. Anuman ang ginagawa mo, kahit kapag nakikipagbahaginan ka sa iyong mga kapatid, dapat mong dalhin ang iyong mga kilos sa harap ng Diyos at hanapin ang Kanyang pagsisiyasat, at dapat kang sadyang magpasakop sa Diyos Mismo; gagawin nitong mas tumpak ang iyong pagsasagawa. Kung dadalhin mo ang lahat ng iyong ginagawa sa harap ng Diyos at tatanggapin ang pagsisiyasat ng Diyos, saka ka lamang magiging isang tao na namumuhay sa presensya ng Diyos.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Pineperpekto ng Diyos ang mga Nakaaayon sa Kanyang mga Layunin

Para hangarin ang maging isang matapat na tao, kailangan mong umasal nang ayon sa mga hinihingi ng Diyos; kailangan mong sumailalim sa paghatol, pagkastigo, at pagpupungos. Kapag nalinis na ang iyong tiwaling disposisyon at nagagawa mong isagawa ang katotohanan at mamuhay ayon sa mga salita ng Diyos, saka ka lamang magiging isang matapat na tao. Ang mga taong mangmang, hangal, at mga indibidwal na taong totoo ay hinding-hindi matatapat na tao. Sa paghingi na maging matapat ang mga tao, hinihiling sa kanila ng Diyos na magkaroon sila ng normal na pagkatao, na iwaksi nila ang kanilang pagiging mapanlinlang at ang kanilang mga pagbabalatkayo, na maging malaya mula sa mga kasinungalingan at panlilinlang, na gawin ang kanilang tungkulin nang may debosyon, at na magawang mahalin Siya at magpasakop sa Kanya nang tunay. Ang mga ito lamang ang mga tao ng kaharian ng Diyos. Hinihingi ng Diyos na maging mabubuting sundalo ni Cristo ang mga tao. Ano ang mabubuting sundalo ni Cristo? Kailangan ay taglay nila ang katotohanang realidad at kaisa sila ni Cristo sa puso at isipan. Sa anumang oras at lugar, kailangan ay kaya nilang dakilain at patotohanan ang Diyos, at kaya nilang gamitin ang katotohanan upang makipagdigma laban kay Satanas. Sa lahat ng bagay, kailangan na sila ay nasa panig ng Diyos, at magkaroon ng patotoo ng pagsasabuhay sa katotohanang realidad. Kailangan ay kaya nilang ipahiya si Satanas at magwagi ng mga kahanga-hangang tagumpay para sa Diyos. Iyon ang ibig sabihin ng maging mabuting sundalo ni Cristo. Ang mabubuting sundalo ni Cristo ay mga mananagumpay, sila ang mga nagtatagumpay laban kay Satanas. Sa paghingi na maging matapat at hindi maging mapanlinlang ang mga tao, hindi hinihingi sa kanila ng Diyos na maging hangal sila, bagkus ay magwaksi ng kanilang mapanlinlang na mga disposisyon, magtamo ng pagpapasakop sa Kanya at magdala ng kaluwalhatian sa Kanya. Ito ang makakamit sa pagsasagawa sa katotohanan. Hindi ito pagbabago sa kilos ng isang tao, hindi ito usapin ng pagsasalita nang mas marami o mas kaunti, hindi rin ito tungkol sa kung paano kumilos ang isang tao. Sa halip, ito ay pagbabago sa intensiyong nasa likod ng pananalita at mga kilos ng isang tao, ng mga kaisipan at ideya ng isang tao, ng mga ambisyon at pagnanais ng isang tao. Ang lahat ng nabibilang sa mga pagbubunyag ng mga tiwaling disposisyon at sa mga maling negatibong bagay ay kailangang mabago sa pinakaugat nito, upang umayon ito sa katotohanan. Para magtamo ang isang tao ng pagbabago sa disposisyon, kailangan ay makilatis niya ang diwa ng disposisyon ni Satanas. Kung kaya mong makilatis ang diwa ng isang mapanlinlang na disposisyon, na ito ay disposisyon ni Satanas at ang mukha ng mga diyablo, kung kaya mong kamuhian si Satanas at talikdan ang mga diyablo, magiging madali para sa iyo na iwaksi ang tiwali mong disposisyon. Kung hindi mo alam na may mapanlinlang na kalagayan sa kalooban mo, kung hindi mo nakikilala ang mga pagbubunyag ng isang mapanlinlang na disposisyon, hindi mo malalaman kung paano hanapin ang katotohanan upang malutas ito, at magiging mahirap para sa iyo na baguhin ang iyong mapanlinlang na disposisyon. Kailangan mo munang makilala kung ano ang nabubunyag sa iyo, at kung anong uri ng tiwaling disposisyon ito. Kung ang ibinubunyag mo ay isang mapanlinlang na disposisyon, kamumuhian mo ba ito sa iyong puso? At kung oo, paano ka dapat magbago? Kailangan mong pungusan ang iyong mga mapanlinlang na intensiyon at itama ang iyong mga maling pananaw. Kailangan mo munang hanapin ang katotohanan tungkol sa usaping ito para malutas ang iyong mga problema, unti-unting pasukin ang katotohanang realidad ng pagiging isang matapat na tao, sikaping matamo ang hinihingi ng Diyos at mapalugod Siya, at maging isang taong hindi sinusubukang lansihin ang Diyos o ang ibang tao, maging iyong mga medyo hangal o mangmang. Ang tangkaing lansihin ang isang taong hangal o mangmang ay napakaimoral—ginagawa ka nitong isang diyablo. Para maging isang matapat na tao, hindi ka dapat manlansi ng sinuman o magsinungaling sa sinuman. Subalit, para sa mga diyablo at mga Satanas, kailangan mong gumamit ng karunungan; kung hindi, malamang ay maloko ka ng mga ito at makapagbigay ka ng kahihiyan sa Diyos. Sa paggamit ng karunungan at pagsasagawa ng katotohanan, saka mo lamang magagawang mapagtagumpayan at maipahiya si Satanas. Ang mga taong mangmang, hangal, estupido, at matigas ang ulo ay hindi kailanman magagawang maunawaan ang katotohanan; maaari lamang silang mailihis, mapaglaruan, at mayurakan ni Satanas, at sa huli, sila ay malamon.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Tanging ang Pagkaalam sa Anim na Uri ng Tiwaling Disposisyon ang Nangangahulugan ng Tunay na Pagkakilala sa Sarili

Ano ang pinakamahalagang pagsasagawa para sa pagiging isang matapat na tao? Dapat mong buksan ang puso mo sa Diyos. Pero ano ang ibig sabihin ng pagbubukas? Ang ibig sabihin nito ay na dapat mong sabihin sa Diyos kung ano ang iniisip mo, kung ano ang mga intensiyon mo, at kung ano ang kumokontrol sa iyo, at pagkatapos ay hanapin ang katotohanan mula sa Kanya. Anuman ang sinasabi mo, ang totoo ay nakikita ng Diyos ang lahat ng bagay nang may lubos na kalinawan. Kung kaya mong kausapin ang Diyos nang mula sa puso, magtapat sa Kanya at malinaw na ipahayag sa Kanya maging ang tungkol sa mga bagay-bagay na itinatago mo sa iba, nang walang itinatagong anumang bagay, at ipahayag ang mga kaisipan mo kung ano ang mga ito, nang walang anumang intensiyon, kung gayon ito ay pagbubukas. Kung minsan ay nasasaktan o napapasama mo ang loob ng iba sa pamamagitan ng pagsasalita nang tapat, masasabi ba ng sinuman na, “Masyado kang matapat magsalita, masyado itong nakakasakit—hindi ko matanggap ang pagkamatapat mo”? Hindi, hindi nila iyon sasabihin. Kahit na paminsan-minsan kang makakapagsabi ng isang bagay na nakakasakit sa iba, kung magagawa mong magtapat at humingi ng tawad sa kanila, inaamin na walang karunungan ang mga salita mo at na wala kang simpatiya sa mga kahinaan nila, at makikita nila na wala kang masamang intensiyon, na isa kang matapat na tao na nakikipag-usap lang sa isang prangka at direktang paraan, hindi nila ito isusumbat sa iyo, at sa mga puso nila, magugustuhan ka nila. Kapag nagkagayon, hindi ba’t mawawalan na ng mga hadlang sa pagitan ninyo? Kung walang mga hadlang, hindi lilitaw ang mga alitan, at mabilis na malulutas ang problema, at ang pamumuhay sa ganitong paraan ay napakagaan at napakalaya. Ito ang kahulugan ng “tanging sa pagiging matapat na tao ka magiging masaya.” Ang pinakamahalagang parte ng pagiging matapat na tao ay na dapat mo munang buksan ang puso mo sa Diyos at matutong magbukas sa iba. Magsalita ka nang matapat, sinsero, at mula sa puso. Maging isang taong may dignidad, integridad, at karakter; huwag magsalita ng walang kabuluhang retorika o ng mga kasinungalingan, at huwag magsalita nang mapagbalat-kayo o mapanlinlang. Dagdag pa rito, may isa pang aspekto ng pagsasagawa sa pagiging isang matapat na tao, iyon ay na dapat kang magkaroon ng matapat na saloobin sa paggawa ng tungkulin mo, at gawin mo ito nang may matapat na puso. Kahit papaano, dapat kang kumilos batay sa iyong konsensiya; dapat mong pagsumikapan ang mga katotohanang prinsipyo, at pagsumikapan ang mga hinihingi ng Diyos. Hindi maaaring magsabi ka lang ng isang bagay at iyon na iyon, at ang simpleng pagkakaroon ng isang partikular na saloobin ay hindi nangangahulugan na isinasagawa mo ang katotohanan. Nasaan ang realidad ng pagiging matapat na tao sa ganyan? Sadyang hindi puwede ang hindi pagkakaroon ng realidad at pagbibigkas lang ng mga islogan. Sinisiyasat ng Diyos ang mga tao, inoobserbahan Niya hindi lamang ang puso nila, kundi pati na ang kanilang mga pag-uugali, mga pagpapamalas, at mga pagsasagawa. Kung sinasabi mo na ikaw ay magiging isang matapat na tao pero kapag may nangyayari, nagagawa mo pa ring magsinungaling at manlinlang, ito ba ang pagpapamalas ng isang matapat na tao? Hindi; ito ay pagsasabi ng isang bagay pero iba ang iniisip. Nagsasabi ka ng isang bagay pero iba ang aktuwal na ginagawa mo, palagi kang nagsasalita nang hindi sinsero para lokohin ang iba at nagbabanal-banalan ka. Tulad ka lang ng mga Pariseo, na kayang bumigkas ng mga Kasulatan nang walang anumang pagkakamali habang ipinapaliwanag ang mga ito sa mga tao, pero hindi sila nagsagawa ayon sa mga Kasulatan nang may nangyari—palagi silang nagpapasasa sa mga pakinabang ng katayuan, at sadyang ayaw nilang talikuran ang kanilang kasikatan, pakinabang, at katayuan. Ang mga Pariseo ay mga mapagpaimbabaw sa ganitong paraan. Hindi tama ang landas na tinahak nila, hindi ito ang tamang landas, at kinasusuklaman ng Diyos ang ganoong uri ng tao.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Pamamagitan Lang ng Pagiging Isang Matapat na Tao Makapagsasabuhay ng Tunay na Wangis ng Tao ang Isang Tao

Para isagawa ang pagiging matapat na tao, kailangan mo munang matutunang buksan ang puso mo sa Diyos at magsabi ng mga taos-pusong salita sa Kanya sa panalangin araw-araw. Halimbawa, nagsinungaling ka ngayon at walang nakapansin, pero wala kang lakas ng loob na ipagtapat ito sa lahat—kahit papaano, dapat mong agad na dalhin sa harap ng Diyos ang mga kamalian, kasinungalingan, at kabulaanang nasuri at natuklasan mo para mapagnilayan, at sabihin mo, “O Diyos, muli akong nagsinungaling para protektahan ang sarili kong mga interes. Mali ito. Pakiusap, disiplinahin Mo ako kung muli akong magsinungaling.” Tinatanggap ng Diyos ang ganitong saloobin at tatandaan Niya ito. Maaaring mangailangan ng matinding pagsisikap para malutas mo ang mapanlinlang na tiwaling disposisyong ito na pagsasabi ng mga kasinungalingan, pero huwag kang mag-alala. Dahil kasama mo ang Diyos, gagabayan ka Niya at tutulungan kang malampasan ang sunod-sunod na mga hadlang, binibigyan ka ng lakas ng loob na magbago mula sa hindi pag-amin sa iyong mga kasinungalingan tungo sa pag-amin sa iyong mga kasinungalingan at pagkakaroon ng kakayahan na magbukas at ilantad ang iyong sarili, hindi lamang inaamin ang iyong mga kasinungalingan, kundi nagagawa ring magbukas at ilantad ang mga dahilan kung bakit ka nagsisinungaling, at kung ano ang iyong mga intensiyon at layon sa pagsisinungaling. Kapag mayroon kang lakas ng loob na lampasan ang hadlang na ito, kumawala sa kulungan na pinaglagyan sa iyo ni Satanas at sa kontrol nito sa iyo, at hakbang-hakbang na umabot sa punto kung saan hindi ka na nagsisinungaling, unti-unti ka nang mamumuhay sa liwanag, nang may paggabay at pagpapala ng Diyos. Kapag nalampasan mo ang hadlang ng mga paglilimita ng laman, at hindi ka na nagagapos ng mga damdamin, pride, katayuan, o mga personal na interes, at kaya mong magpasakop sa katotohanan, magbukas, maglantad ng iyong sarili, gumawa ng hayagang pag-amin, at maging malaya sa mga pag-aalinlangan, ikaw ay makakahulagpos at magiging malaya. Kapag namumuhay ka sa ganitong paraan, hindi ka lamang magugustuhan ng mga tao, kundi magugustuhan ka rin ng Diyos. Bagama’t nakakagawa ka pa rin ng mga kamalian o lumalabag sa mga prinsipyo paminsan-minsan, paminsan-minsan ay nakakapagsabi pa rin ng mga kasinungalingan o nagpapanggap, at paminsan-minsan ay nagsasalita at kumikilos nang may mga personal na intensiyon, mga makasariling pagnanais, o mga makasarili at kasuklam-suklam na kaisipan at pag-uugali, magagawa mong tanggapin ang pagsisiyasat ng Diyos, ilantad ang iyong mga intensiyon, aktuwal na kalagayan, at mga tiwaling disposisyon sa harap Niya, at hanapin ang katotohanan mula sa Kanya. Kapag naunawaan mo na ang katotohanan, magkakaroon ka ng landas ng pagsasagawa. Kapag tama ang landas mo ng pagsasagawa, at kumikilos ka sa tamang direksiyon, magiging maganda at maliwanag ang kinabukasan mo. Sa ganitong paraan, mamumuhay ka nang may kapayapaan sa puso mo, madidiligan ang espiritu mo, at makakaramdam ka ng kasiyahan at makararanas ka ng kaligayahan. Kung hindi ka makalaya sa mga limitasyon ng laman, kung palagi kang nalilimitahan ng mga damdamin, mga pansariling interes, at mga pilosopiya ni Satanas, palaging nagsasalita at kumikilos sa malihim na paraan, at palagi kang nagtatago sa mga anino, kung gayon namumuhay ka sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas. Gayumpaman, kung nauunawaan mo ang katotohanan, nagagawang makalaya sa mga limitasyon ng laman, at nagsasagawa ka ng katotohanan, unti-unti kang magtataglay ng wangis ng tao. Magiging bukas at deretsahan ka sa mga salita at gawa mo, at magagawa mong ilantad ang iyong mga opinyon, ideya, at ang mga kamaliang nagawa mo, tinutulutan ang lahat ng tao na makita nang malinaw ang mga ito. Sa huli, makikilala ka ng mga tao bilang isang taong walang itinatago. Ano ang isang taong walang itinatago? Ito ay isang taong nagsasalita nang may lubos na pagkamatapat, pinaniniwalaan ng lahat ng tao na ang mga salita niya ay totoo. Kahit na di-sinasadyang nagsisinungaling o nagsasabi siya ng maling bagay, kaya siyang patawarin ng mga tao, dahil alam nilang hindi ito sinasadya. Kung napagtatanto niya na nagsinungaling siya o nakapagsabi ng mali, humihingi siya ng tawad at itinatama niya ang kanyang sarili. Ito ay isang taong walang itinatago. Ang ganitong tao ay nagugustuhan at pinagkakatiwalaan ng lahat. Kailangan mong umabot sa antas na ito para makamit ang tiwala ng Diyos at tiwala ng iba. Hindi ito simpleng gampanin—ito ang pinakamataas na antas ng dignidad na maaaring taglayin ng isang tao. Ang ganitong tao ay may respeto sa sarili. Kung hindi mo makamit ang tiwala ng ibang tao, paano ka aasang makukuha mo ang tiwala ng Diyos? May mga indibidwal na namumuhay nang hindi marangal, palaging nagsasabi ng mga kasinungalingan at ginagawa ang mga bagay nang pabasta-basta at nang walang ni katiting na pagpapahalaga sa responsabilidad. Hindi sila tumatanggap ng pagpupungos, lagi silang gumagamit ng mga nakalilinlang na katwiran. Nakakaramdam ng pagkasuklam sa kanila ang sinumang nakakasalamuha nila; namumuhay sila nang lubhang walang-kahihiyan. Matatawag bang tao ang gayong mga tao? Ganap nang nawala ang pagkatao ng mga taong pumupukaw sa pagkasuklam ng iba at itinuturing na hindi maaasahan. Kung hindi sila mapagkatiwalaan ng iba, mapagkakatiwalaan ba sila ng Diyos? Kung hindi sila gusto ng ibang tao, magugustuhan ba sila ng Diyos? Hindi gusto ng Diyos ang mga ganitong tao, at tutol ang Diyos sa kanila; tiyak na matitiwalag sila. Sa pag-asal, dapat kang maging matapat at tumupad sa mga pangako mo. Gumagawa ka man ng isang bagay para sa iba o para sa Diyos, dapat mong tuparin ang sinabi mo, nagagawang makuha ang tiwala ng mga tao at mapalugod at mapanatag ang Diyos. Dahil dito ay magiging medyo matapat na tao ka. Kung ikaw ay mapagkakatiwalaan sa mga kilos mo, hindi ka lang magugustuhan ng iba, kundi tiyak na magugustuhan ka rin ng Diyos. Sa pagiging matapat na indibidwal, magugustuhan ka ng Diyos at makapamumuhay ka nang may dignidad. Samakatwid, ang pagiging matapat na tao ay dapat na maging panimulang punto ng sariling asal ng isang tao.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Pamamagitan Lang ng Pagiging Isang Matapat na Tao Makapagsasabuhay ng Tunay na Wangis ng Tao ang Isang Tao

Upang maging isang matapat na tao, dapat mo munang ilantad ang iyong puso upang matingnan ito ng lahat, makita ang lahat ng iniisip mo, at masilayan ang iyong tunay na mukha. Kailangan ay hindi mo subukang magpanggap, o pagtakpan ang iyong sarili. Saka lamang magtitiwala ang iba sa iyo at ituturing kang isang matapat na tao. Ito ay ang pinakasaligang pagsasagawa, at isang pang-unang kailangan sa pagiging isang matapat na tao. Kung palagi kang nagkukunwari, palaging nagpapanggap na banal, marangal, dakila, at may mataas na karakter, itinatago ang iyong katiwalian at mga kapintasan sa iba, nagpepresenta ng isang huwad na imahe sa kanila, at ipinapaniwala sa kanila na ikaw ay matuwid, dakila, mapagsakripisyo ng sarili, makatarungan, at hindi makasarili—hindi ba’t may panlilinlang at pandaraya rito? Hindi ka ba nila mahahalata sa paglipas ng panahon? Kaya, huwag maging mapagpaimbabaw o magsuot ng maskara. Sa halip, maging simple at bukas, at matutong ilantad ang iyong sarili—ilantad ang iyong puso para makita ng iba. Kung mailalantad mo ang lahat ng iyong iniisip at lahat ng bagay na nais mong gawin—positibo o negatibo man ang mga ito—para makita ng iba, hindi ba’t nagiging matapat ka kung gayon? Kapag inilalantad mo ang iyong sarili para makita ng iba, pinapanood ka ng Diyos. Sasabihin Niya, “Dahil inilantad mo na ang iyong sarili para makita ng iba, tiyak na matapat ka rin sa Aking harapan.” Pero kung sa Diyos mo lang inilalantad ang iyong sarili nang lihim, subalit palagi kang nagpapanggap na dakila, marangal, at hindi makasarili sa harap ng iba, ano ang iisipin ng Diyos sa iyo? Ano ang sasabihin Niya? Sasabihin Niya, “Isa kang taong lubusang mapanlinlang. Isa kang ganap na mapagpaimbabaw at tampalasan, at hindi ka isang matapat na tao.” Kokondenahin ka ng Diyos sa ganitong paraan. Ang pagiging isang matapat na tao ay nangangahulugang, nasa harap ka man ng Diyos o ng ibang tao, kaya mong magbukas sa dalisay at simpleng paraan tungkol sa iyong panloob na kalagayan at sa mga salita sa iyong puso. Madali ba itong gawin? Nangangailangan ito ng isang panahon ng pagsasanay, pati na rin ng madalas na pananalangin at pagsalig sa Diyos. Dapat mong sanayin ang iyong sarili na sabihin ang mga salita sa iyong puso nang simple at hayagan sa lahat ng bagay. Sa ganitong uri ng pagsasanay, magkakaroon ka ng pag-usad. Kung makaranas ka ng isang malaking paghihirap, dapat kang manalangin sa Diyos at hanapin mo ang katotohanan; kailangan mong makipagtunggali sa iyong kalooban at magtagumpay laban sa laman, hanggang sa maisagawa mo ang katotohanan. Sa pamamagitan ng unti-unting pagsasanay sa iyong sarili sa ganitong paraan, unti-unting magbubukas ang iyong puso. Ikaw ay magiging lalong dalisay at simple, at magkakaroon ng ibang epekto ang iyong mga salita at kilos kaysa dati. Mababawasan nang mababawasan ang iyong pagsisinungaling at panlilinlang, at magagawa mong mamuhay sa harap ng Diyos. Kung gayon, sa diwa, ikaw ay magiging isang matapat na tao.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Pinakasaligang Pagsasagawa ng Pagiging Isang Taong Matapat

Ang pagsasanay sa sarili na maging isang matapat na tao ay pangunahing isang usapin ng paglutas sa problema ng pagsisinungaling, pati na ng paglutas sa mga tiwaling disposisyon ng isang tao. Ang isang susing pagsasagawa rito ay na kapag napagtanto mong nagsinungaling ka sa isang tao at nilinlang mo siya, dapat kang magbukas sa kanya, maglantad ng iyong sarili, at manghingi ng tawad. Malaki ang pakinabang ng pagsasagawang ito sa paglutas ng problema ng pagsisinungaling. Halimbawa, kung nilinlang mo ang isang tao o kung may karumihan o personal na intensiyon sa mga salitang iyong sinabi sa kanya, dapat mo siyang lapitan at magbukas ka sa kanya, maglantad ng iyong sarili, at himayin ang iyong sarili. Dapat mong sabihin sa kanya, “Ang sinabi ko sa iyo ay isang kasinungalingan, layon nitong protektahan ang sarili kong pride. Hindi ako mapakali matapos ko itong sabihin, kaya nanghihingi ako sa iyo ng tawad ngayon. Pakiusap, patawarin mo ako.” Mararamdaman ng taong iyon na ito ay medyo bago. Mapapaisip siya kung paanong mayroong isang tao na, matapos magsinungaling, ay manghihingi ng tawad dahil dito. Ang gayong lakas ng loob ay isang bagay na talagang hahangaan niya. At anong pakinabang ang nakakamit ng isang tao mula sa pagsasagawa sa ganitong paraan? Ang layon ng paggawa nito ay hindi para makamit ang paghanga ng iba, kundi para mas epektibong mapigilan at malutas ang pagsisinungaling ng isang tao. Kaya, pagkatapos magsinungaling, dapat mong isagawa ang paghingi ng tawad sa paggawa niyon. Habang mas sinasanay mo ang iyong sarili na isagawa ang paghihimay sa iyong sarili at paglalantad sa iyong sarili, at paghingi ng tawad sa mga tao sa ganitong paraan, lalong gaganda ang mga resulta—at mas mababawasan ang pagsisinungaling mo. Ang pagsasagawa ng paghihimay sa iyong sarili at paglalantad sa iyong sarili upang maging isang matapat na tao at mapigilan ang iyong pagsisinungaling ay nangangailangan ng lakas ng loob; ang paghingi ng tawad ay mas lalo pang nangangailangan nito. Kung magsasanay kayo nang ganito sa loob ng isa o dalawang taon—o marahil sa loob ng tatlo hanggang limang taon—garantisadong makakakita kayo ng malilinaw na resulta, at pagkatapos ay hindi na magiging mahirap na iwaksi ang pagsisinungaling sa inyong sarili. Ang pagwawaksi ng pagsisinungaling mula sa sarili ang unang hakbang tungo sa pagiging matapat na tao, at hindi ito magagawa nang walang tatlo o limang taon ng pagsisikap. Matapos malutas ang problema ng pagsisinungaling, ang ikalawang hakbang ay lutasin ang problema ng panlilinlang at panlalansi. Minsan, hindi kinakailangan ng isang taong magsinungaling para manlansi at manlinlang—maisasakatuparan ang mga bagay na ito sa pamamagitan lamang ng pagkilos. Maaaring hindi nagsisinungaling ang isang tao sa panlabas, ngunit nagkikimkim pa rin siya ng panlilinlang at panlalansi sa kanyang puso. Pinakamalinaw ang mga tao tungkol dito sa kanilang puso, dahil napag-isipan na nila ito nang malalim at naisaalang-alang nang mabuti, kaya magiging madali para sa kanila na makilala ito matapos magnilay-nilay kalaunan. Sa sandaling malutas na ang problema ng pagsisinungaling, ang paglutas sa mga problema ng panlilinlang at panlalansi ay magiging medyo mas madali, ngunit mahalagang magtaglay ng may-takot-sa-Diyos na puso. Dahil ang mga tao ay pinamamahalaan ng isang partikular na intensiyon kapag nanlilinlang at nanlalansi sila, at dahil hindi ito mahihiwatigan o makikilatis ng iba mula sa labas, at tanging ang Diyos ang nagsisiyasat at nakaaalam ng gayong mga bagay, samakatwid ay malulutas lamang ng isang tao ang mga problema ng panlilinlang at panlalansi sa pamamagitan ng pag-asa sa pagdarasal sa Diyos at pagtanggap sa pagsisiyasat ng Diyos. Kung hindi mo minamahal ang katotohanan sa puso mo o wala kang may-takot-sa-Diyos na puso, hindi malulutas ang iyong panlilinlang at panlalansi. Maaaring magdasal ka sa harap ng Diyos, umamin sa iyong mga pagkakamali, magtapat at magsisi, o maghimay ng iyong mga tiwaling disposisyon—sabihin nang totoo kung ano ang iniisip mo noong panahong iyon, kung ano ang sinabi mo, kung ano ang intensiyon mo, at kung paano ka nanlinlang—na pawang medyo madaling gawin. Ngunit kung hihingin sa iyo na ilantad ang iyong sarili sa isa pang tao, maaaring wala kang lakas ng loob o determinasyon, dahil hindi mo malunok ang iyong pride. Kung gayon ay magiging napakahirap para sa iyo na isagawa ang pagbubukas at paglalantad sa iyong sarili. Marahil ay kaya mong aminin, sa pangkalahatang paraan, na minsan ay mayroon kang mga partikular na intensiyon at pakay sa likod ng mga bagay na sinasabi at ginagawa mo, na mayroong karumihan at panlilinlang, pagsisinungaling at panlalansi. Ngunit pagkatapos, kapag may nangyari at hiningi sa iyo na himayin ang iyong sarili, na ipaalam kung paano nangyari ang mga bagay-bagay mula sa umpisa hanggang sa huli, kung alin sa mga salitang sinabi mo ang mapanlinlang, kung ano ang intensiyon mo, kung ano ang iniisip mo sa loob, at kung naging mapaminsala o lihim na mapanira ka man o hindi, hindi ka magiging handang ibunyag ang mga bagay nang ganoon kapartikular o magsalita nang may ganoong karaming detalye. Papasadahan nga lang ng ilang tao ang mga bagay-bagay, sinasabing, “Iyon lang iyon. Napakamapanlinlang, lihim na mapanira, at hindi maaasahang tao lang talaga ako.” Ipinapakita nito na hindi nila kayang harapin nang tama ang kanilang tiwaling diwa, o kung gaano sila kamapanlinlang at lihim na mapanira; palagi silang nasa isang kondisyon ng pag-iwas, isang kalagayan ng pag-iwas, palaging pinapatawad ang kanilang sarili at pinagbibigyan ang kanilang sarili, hindi magawang magdusa o magbayad ng halaga sa pagsasagawa ng katotohanan ng pagiging isang matapat na tao. Maraming tao na ilang taon nang nangangaral ng mga salita at doktrina, palaging sinasabi nila, “Masyado akong mapanlinlang at lihim na mapanira, palaging may panlalansi sa aking mga kilos, at hindi ko talaga tinatrato nang may sinseridad ang mga tao.” Ngunit matapos iyong isigaw sa loob ng napakaraming taon, nananatili silang kasing mapanlinlang ng dati, dahil kailanman ay hindi sila mariringgan ng tunay na paghihimay o pagsisisi kapag ibinubunyag nila ang mapanlinlang na kalagayang ito. Hindi nila kailanman inilantad ang kanilang sarili sa iba o hindi sila kailanman humingi ng tawad matapos magsinungaling o manlansi, lalong hindi sila nagbahagi ng anumang patotoong batay sa karanasan tungkol sa paghihimay at pagkakilala sa kanilang sarili sa mga pagtitipon, at hindi rin nila kailanman sinabi kung paano sila nagsisi at nagbago tungkol sa mga usaping ito. Hindi nila ginawa ang mga pagsasagawang gaya nito, na nagpapatunay na hindi nila kilala ang kanilang sarili at hindi sila tunay na nagsisi, at na kapag sinasabi nilang sila ay mapanlinlang at gusto nilang maging isang matapat na tao, sumisigaw lang sila ng mga islogan at nangangaral ng mga doktrina, at wala nang iba. Maaaring ginagawa nila ang mga bagay na ito dahil sinusubukan nilang sumabay sa agos at sumunod sa nakararami. O maaaring dahil pinipilit nila ang kanilang sarili na iraos lang ang mga bagay-bagay at magpakitang-tao sa kapaligiran ng buhay iglesia. Ano’t anuman, ang gayong mga sumisigaw ng islogan at nangangaral ng doktrina ay hinding-hindi magsisisi nang tunay, hindi kailanman magbabago ang kanilang buhay disposisyon, at talagang hindi nila matatamo ang pagliligtas ng Diyos.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Pinakasaligang Pagsasagawa ng Pagiging Isang Taong Matapat

Para isagawa ang pagiging isang matapat na tao, dapat magkaroon ka ng isang landas, at dapat magkaroon ka ng isang layon. Una, lutasin mo ang ugat ng pagsisinungaling. Kailangan mong malaman ang diwa sa likod ng pagsasabi mo ng mga kasinungalingang ito. Kailangan mo ring himayin kung ano ang mga intensiyon at motibong nag-uudyok sa iyo na sabihin ang mga kasinungalingang ito, kung bakit taglay mo ang gayong mga intensiyon, at kung ano ang kalikasan ng mga iyon. Kapag nalinaw mo na ang lahat ng isyung ito, lubusan mo nang makikilatis ang problema sa pagsisinungaling, at kapag naunawaan mo na ang katotohanan, kapag may nangyayari sa iyo, magkakaroon ka ng mga prinsipyo ng pagsasagawa. Kung magsasagawa at daranas ka sa ganitong paraan, tiyak na makakikita ka ng mga resulta. Balang araw ay sasabihin mong, “Madaling maging isang matapat na tao. Nakakapagod masyado ang pagiging mapanlinlang! Ayaw ko nang maging mapanlinlang na tao, na laging kailangang isipin kung ano ang mga kasinungalingang sasabihin at kung paano pagtatakpan ang aking mga kasinungalingan. Tulad ito ng pagiging isang taong may sakit sa pag-iisip, may mga kontradiksyon ang sinasabi—isang taong hindi karapat-dapat na tawaging ‘tao’! Nakapapagod ang ganoong uri ng buhay, at ayaw ko nang mamuhay nang ganoon!” Sa pagkakataong ito, magkakaroon ka ng pag-asang maging isang tunay na matapat na tao, at mapatutunayan nito na nagsimula ka nang umusad tungo sa pagiging matapat na tao. Malaking tagumpay ito. Siyempre pa, kapag nagsimula nang magsabi ng katotohanan ang ilan sa inyo, mamumula ang mukha ninyo, mahihiya kayo, at matatakot na pagtawanan ng iba. Ano ang dapat ninyong gawin, kung gayon? Kailangan pa rin ninyong manalangin sa Diyos at hilingin na bigyan Niya kayo ng lakas. Sabihin mo na, “Diyos ko, gusto kong maging isang matapat na tao, ngunit natatakot akong pagtawanan ako ng mga tao kapag sinabi ko ang totoo. Hinihiling ko na iligtas Mo ako mula sa gapos ng aking satanikong disposisyon; hayaan Mo akong mamuhay sa Iyong mga salita, at maging malaya at napalaya.” Kapag nagdasal ka nang ganito, magkakaroon ng higit na liwanag sa puso mo, at sasabihin mo sa sarili mo, “Mabuting isagawa ito. Ngayon, naisagawa ko na ang katotohanan. Sa wakas, naging isang matapat na tao rin ako sa pagkakataong ito.” Habang nagdarasal ka nang ganito, bibigyang-liwanag ka ng Diyos. Gagawa ang Diyos sa puso mo, at aantigin ka Niya, tinutulutan kang unawain kung ano ang pakiramdam ng maging isang matapat na tao. Ganito dapat isagawa ang katotohanan. Sa pinakasimula ay wala kang landas, ngunit sa pamamagitan ng paghahanap sa katotohanan ay makahahanap ka ng landas. Kapag nagsisimula ang mga tao na hanapin ang katotohanan, hindi tiyak na may pananalig sila. Masakit para sa mga tao ang hindi magkaroon ng landas, pero kapag naunawaan na nila ang katotohanan at nagkaroon na sila ng landas ng pagsasagawa, nasisiyahan ang kanilang puso. Kung nagagawa nilang isagawa ang katotohanan at kumilos ayon sa mga prinsipyo, makasusumpong ng kaginhawahan ang kanilang puso, at magtatamo sila ng kalayaan at paglaya.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Pinakasaligang Pagsasagawa ng Pagiging Isang Taong Matapat

Ang pagsasagawa ng pagiging matapat na tao ay kinabibilangan ng maraming aspekto. Sa madaling salita, ang pamantayan para sa pagiging isang matapat na tao ay hindi nakakamit sa pamamagitan ng pagtuon sa iisang aspekto; dapat pasok ka sa pamantayan sa maraming aspekto bago ka maging matapat. Iniisip lagi ng ilang tao na kailangan lang nilang huwag magsinungaling upang maging matapat. Tama ba ang pananaw na ito? Ang pagiging matapat ba ay kinabibilangan lang ng isyu ng hindi pagsisinungaling? Hindi—may kaugnayan din ito sa ilan pang aspekto. Una, anuman ang kinakaharap mo, isang bagay man ito na nakita mismo ng sarili mong mga mata o isang bagay na sinabi sa iyo ng ibang tao, pakikisalamuha man ito sa mga tao o pag-aayos ng problema, tungkulin man ito na nararapat mong gawin o isang bagay na direktang ipinagkatiwala sa iyo ng Diyos, dapat mong tratuhin ito palagi nang may matapat na puso. Paano ba dapat isagawa ng isang tao ang pagtrato sa mga bagay-bagay nang may matapat na puso? Sabihin mo kung ano ang iniisip mo at magsalita nang matapat; huwag mangusap ng hungkag, mala-retorika, o masarap pakinggang mga salita, huwag mambola o magsalita ng mga bagay na mapagpaimbabaw at huwad, bagkus sabihin ang mga salitang nasa iyong puso. Ito ang pagiging isang taong matapat. Ang pagpapahayag ng tunay na mga saloobin at pananaw na nasa iyong puso—ito ang dapat gawin ng mga taong matapat. Kung hindi mo kailanman sinasabi ang iniisip mo, at nananatiling nakabaon sa puso mo ang mga salita, at laging salungat ang sinasabi mo sa iniisip mo, hindi iyan ang ginagawa ng isang matapat na tao. Halimbawa, ipagpalagay na hindi mo ginagawa nang maayos ang tungkulin mo, at kapag nagtatanong ang mga tao kung ano ang nangyayari, sinasabi mong, “Gusto kong gawin nang maayos ang tungkulin ko, pero sa iba’t ibang kadahilanan, hindi ko nagagawa iyon.” Sa totoo lang, alam mo sa puso mo na pabasta-basta ka at hindi mo isinapuso ang tungkulin mo, subalit hindi mo sinasabi ang totoo. Sa halip ay nakakahanap ka ng maraming dahilan, pangangatwiran, at palusot para pagtakpan ang mga katunayan at iwasan ang responsabilidad. Iyan ba ang pag-uugali ng isang matapat na tao? (Hindi.) Niloloko mo ang mga tao at iniraraos lang ang mga bagay-bagay sa pagsasabi ng mga bagay na ito. Ngunit ang diwa ng mga intensyong nasa iyong kalooban at ng kung ano ang nasa loob mo ay isang tiwaling disposisyon. Kung hindi mo mabubunyag at mahihimay ang mga ito, hindi madadalisay ang mga ito—at hindi iyan maliit na bagay! Dapat kang magsalita nang tapat, “Medyo nagmamabagal ako sa paggawa ng aking tungkulin. Naging pabasta-basta ako at mapagwalang-bahala. Kapag maganda ang timpla ko, nakakaya kong magsikap nang kaunti. Kapag masama ang timpla ko, tinatamad ako at ayaw kong magsikap, at nagpapasasa ako sa mga kaginhawahan ng laman. Kaya, wala pang masyadong ibinunga ang paggampan ng tungkulin ko. Aktibo kong binabago ang mga bagay-bagay nitong nakaraang ilang araw, at sinisikap kong ibigay ang lahat ko, pagbutihin ang aking kahusayan, at gawin nang maayos ang aking tungkulin.” Pagsasalita ito nang taos-puso. Ang isa pang paraan ng pagsasalita ay hindi taos-puso. Dahil sa takot mong mapungusan, na matuklasan ng mga tao ang mga problema mo, at na panagutin ka nila, nakahanap ka ng maraming dahilan, pangangatwiran, at palusot para pagtakpan ang mga katunayan, na pinatitigil muna ang ibang mga tao sa pag-uusap tungkol sa sitwasyon, pagkatapos ay umiiwas ka sa responsabilidad, upang hindi ka mapungusan. Ito ang pinagmumulan ng iyong mga kasinungalingan. Gaano man magsalita ang mga sinungaling, ang ilan sa sinasabi nila ay siguradong makatotohanan at tunay na nangyari. Ngunit ang ilang mahalagang bagay na sinasabi nila ay maglalaman ng kaunting kasinungalingan at kaunting motibo nila. Kaya, napakahalagang makilatis kung ano ang totoo at ang hindi totoo. Gayunman, hindi ito madaling gawin. Ang ilan sa sinasabi nila ay magkakaroon ng dungis at magiging hindi dalisay, ang ilan sa sinasabi nila ay aayon sa mga katunayan, at ang ilan sa sinasabi nila ay magiging taliwas sa mga katunayan; sa gayon na nagkagulo-gulo ang tunay at hindi tunay, mahirap matukoy ang totoo sa hindi totoo. Ito ang pinakamapanlinlang na klase ng tao, at ang pinakamahirap na matukoy. Kung hindi nila matanggap ang katotohanan at hindi nila maisagawa ang pagiging isang matapat na tao, talagang ititiwalag sila. Alin kung gayon ang landas na dapat piliin ng mga tao? Alin ang daang isasagawa ng isang matapat na tao? Dapat kayong matutong magsabi ng totoo at makapagbahagi nang hayagan tungkol sa tunay ninyong mga kalagayan at mga problema. Ganyan magsagawa ang matatapat na tao, at tama ang gayong pagsasagawa. Iyong mga nagtataglay ng konsensiya at katwiran ay handang lahat na maghangad na maging matatapat na tao. Sa pamamagitan lang ng pagiging matapat makadarama ang isang tao ng tunay na kagalakan at kapayapaan, at sa pamamagitan lamang ng pagsasagawa ng katotohanan para makamit ang pagpapasakop sa Diyos matatamasa ng isang tao ang tunay na kaligayahan.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Pamamagitan Lang ng Pagiging Isang Matapat na Tao Makapagsasabuhay ng Tunay na Wangis ng Tao ang Isang Tao

Kapag nakikipag-ugnayan ka sa iba, kailangan mo munang iparamdam sa kanila ang iyong tunay na puso at ang iyong sinseridad. Kung, habang nagsasalita at nakikipagtulungan at nakikipag-ugnayan sa iba, ang mga salita ng isang tao ay pabasta-basta, may pormula, kaaya-ayang pakinggan, mapambola, iresponsable, at batay sa mga imahinasyon, o kung nagsasalita lamang siya upang makuha ang pabor ng iba, ang kanyang mga salita ay walang lamang totoo, at hindi siya taos ni bahagya. Ito ang paraan niya ng pakikipag-ugnayan sa ibang tao, maging sinuman ang mga ibang taong iyon. Ang gayong tao ay walang matapat na puso. Hindi ito isang matapat na tao. Sabihin nating nasa isang negatibong kalagayan ang isang tao, at taos-puso niyang sinasabi sa iyo: “Sabihin mo sa akin kung bakit ako napakanegatibo. Hindi ko talaga ito maunawaan!” At ipagpalagay nang sa katunayan, nauunawaan mo sa iyong puso ang kanyang problema, pero hindi mo sinabi sa kanya, sa halip ay sinabi mong: “Wala iyan. Hindi ka naman negatibo; ganyan din ako.” Ang mga salitang ito ay malaking pampalubag-loob sa taong iyon, ngunit hindi sinsero ang iyong saloobin. Nagiging pabasta-basta ka sa kanya; kaya para maging komportable at maalo siya, umiwas ka sa pagsasalita nang matapat sa kanya. Hindi ka taos na tumutulong sa kanya at hindi mo diretsahang inihahayag ang kanyang problema, para maalis niya ang pagiging negatibo. Hindi mo nagawa ang nararapat gawin ng isang matapat na tao. Para lamang maalo siya at para matiyak na walang pagkakalayo o hindi pagkakasundo sa pagitan ninyo, naging pabasta-basta ka na lang sa kanya—at hindi ito ang pagiging isang matapat na tao. Kaya, kapag nakakaharap ka ng ganitong uri ng sitwasyon, paano ka dapat magsagawa para maging isang matapat na tao? Kailangan mong sabihin sa kanya ang problemang nakita at malinaw mong natukoy, “Nagkaroon na ako ng mga katulad na karanasan. Tingnan mo kung tama o mali ang sinasabi ko. Kung ito ay mali, hindi mo ito kailangang tanggapin. Kung ito ay tama, sana ay tanggapin mo ito. Kung nasasaktan ka sa mga salita ko, sana ay kaya mong tanggapin ang mga ito mula sa Diyos. Ang intensyon at hangarin ko ay ang tulungan ka. Malinaw kong nakikita ang suliranin: Pakiramdam mo ay napahiya ka at walang nagpapadama sa iyo na importante ka, sa tingin mo ay mababa ang tingin ng lahat sa iyo, at nadarama mong nakaranas ka ng dagok at kailanman ay hindi ka pa naagrabyado nang ganito, kaya hindi mo ito matanggap at nagiging negatibo ka. Ano sa tingin mo—ito ba talaga ang nangyayari?” At pagkarinig nito, madarama niya na ito nga talaga ang nangyayari. Ito talaga ang nasa puso mo, pero kung pipiliin mong maging hindi isang matapat na tao, hindi mo ito sasabihin. Ang sasabihin mo, “Madalas din akong maging negatibo,” at kapag narinig ng taong ito na ang lahat ay nagiging negatibo, iisipin niya na normal lang para sa kanya na maging negatibo at kaya hindi niya hahanapin ang katotohanan para lutasin ito. Sa huli, hindi niya iniiwan ang kanyang pagiging negatibo. Kung pipiliin mong maging isang matapat na tao at tulungan siya nang may matapat na saloobin at matapat na puso, matutulungan mo siyang maunawaan ang katotohanan at maisantabi ang kanyang pagiging negatibo.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Pamamagitan Lang ng Pagiging Isang Matapat na Tao Makapagsasabuhay ng Tunay na Wangis ng Tao ang Isang Tao

Ang pagiging matapat na tao ay hinihingi ng Diyos sa tao. Ito ay isang katotohanan na kailangang isagawa ng tao. Ano, kung gayon, ang mga prinsipyong dapat sundin ng tao sa mga pakikitungo niya sa Diyos? Maging sinsero: Ito ang prinsipyo na dapat sundin kapag nakikipag-ugnayan sa Diyos. Huwag gayahin ang pagsasagawa ng mga walang pananampalataya na paninipsip o pambobola; hindi kailangan ng Diyos ang paninipsip at pambobola ng tao. Sapat na ang maging sinsero. At ano ba ang ibig sabihin ng maging sinsero? Paano ba ito dapat isagawa? (Buksan lamang ang iyong puso sa Diyos, nang walang halong pagpapanggap o walang ikinukubling anuman o itinatagong anumang sikreto, makipag-ugnayan sa Diyos nang may matapat na puso, at magsalita nang deretsahan, nang walang anumang masamang layunin o panloloko.) Tama iyan. Upang maging sinsero, dapat mo munang isantabi ang iyong mga pansariling pagnanais. Sa halip na magtuon ng pansin sa kung paano ka itinuturing ng Diyos, dapat mong ipagtapat ang iyong sarili sa Diyos at sabihin ang anumang nasa puso mo. Huwag pagbulay-bulayan o isaalang-alang kung ano ang mga magiging kahihinatnan ng mga salita mo; sabihin kung anuman ang iniisip mo, isantabi ang mga motibasyon mo, at huwag magsalita ng mga bagay upang makamtan lamang ang ilang layunin. Mayroon kang masyadong maraming mga personal na intensiyon at adulterasyon; palagi kang nagtatantiya sa paraan ng iyong pagsasalita, isinasaalang-alang ang, “Dapat ko itong sabihin, at hindi iyon, dapat akong mag-ingat tungkol sa aking sasabihin. Gagawin ko ito sa paraang makikinabang ako, at matatakpan ang aking mga pagkukulang, at mag-iiwan ng magandang impresyon sa diyos.” Hindi ba’t ito ay pagkikimkim ng mga motibo? Bago mo ibuka ang iyong bibig, puno ang isip mo ng mga tusong kaisipan, makailang beses mong binabago ang gusto mong sabihin, kaya nang lumabas na ang mga salita mula sa iyong bibig hindi na napakadalisay ng mga ito, at hindi na tunay kahit bahagya man lamang, at naglalaman na ng sarili mong mga motibo at mga pakana ni Satanas. Hindi ito ang pagiging sinsero; ito ay ang pagkakaroon ng masasamang motibo at layunin. Dagdag pa rito, kapag nagsasalita ka, lagi mong pinakikiramdaman ang mga ekspresyon ng mukha ng mga tao at ang tingin ng kanilang mga mata: Kung may positibo silang ekspresyon sa kanilang mukha, tuloy ka sa pagsasalita; kung wala naman, sinasarili mo ito at wala kang sinasabi; kung hindi maganda ang tingin ng mga mata nila, at tila hindi nila nagugustuhan ang kanilang naririnig, pinag-iisipan mo itong mabuti at sinasabi mo sa iyong sarili, “Sige, may sasabihin akong isang bagay na magiging interesado ka, na makapagpapasaya sa iyo, na magugustuhan mo, at kung saan kagigiliwan mo ako.” Ganito ba ang pagiging sinsero? Hindi. May ilang tao na hindi nag-uulat kapag nakakakita sila ng isang tao na gumagawa ng kasamaan at nagdudulot ng kaguluhan sa iglesia. Iniisip nila, “Kung ako ang unang mag-uulat nito, maaaring mapasama ko ang loob ng taong iyon, at kung sakaling nagkamali ako, kailangan kong mapungusan. Hihintayin ko na lang ang iba na mag-ulat nito, at makikisali na lang ako sa kanila. Kahit na magkamali kami, hindi naman ito malaking usapin—hindi mo naman puwedeng hatulan ang maraming tao. Gaya ng kasabihan, ‘Ang ibong nag-uunat ng kanyang leeg ang siyang nababaril.’ Hindi ako magiging ganoong ibon; isa kang hangal kung igigiit mong iunat ang iyong leeg.” Ito ba ay pagiging sinsero? Siguradong hindi. Ang gayong tao ay tuso talaga; kung siya ay magiging isang lider ng iglesia, o isang superbisor, hindi ba’t magdudulot siya ng kawalan sa gawain ng iglesia? Sigurado ito. Ang gayong tao ay hindi dapat gamitin. Kaya ba ninyong kilatisin ang gayong uri ng tao? Sabihin na natin, na may isang lider na gumawa ng ilang masamang bagay at ginulo niya ang gawain ng iglesia, pero walang nakakaalam kung ano talaga ang nangyayari sa taong ito, ni hindi rin alam ng ang Itaas kung ano talaga ang pagkatao niya—ikaw lang ang nakakaalam kung ano talaga ang nangyayari sa kanya. Matapat mo bang sasabihin ang isyu sa ang Itaas sa gayong mga kalagayan? Ang isyung ito ang pinakanagbubunyag sa tao. Kung itinago mo ang usaping ito at wala kang sinabi kaninuman, kahit sa Diyos, at naghintay ka hanggang dumating ang araw na ang lider na iyon ay nakagawa na ng napakaraming kasamaan na nagdulot ng kaguluhan sa gawain ng iglesia, at nailantad at napangasiwaan na siya ng lahat, saka ka pa lang tatayo at magsasabing, “Alam ko na noon pa na hindi siya isang mabuting tao. Kaso iniisip ng iba na mabuti siya; kung nagsalita ako, walang maniniwala sa akin. Kaya, hindi ako nagsalita. Ngayong gumawa na siya ng ilang masamang bagay at alam na ng lahat kung sino talaga siya, puwede na akong magsalita tungkol sa tunay na nangyayari sa kanya,” iyon ba ay pagiging sinsero? (Hindi.) Kung sa tuwing may nalalantad na problema ng isang tao, o may inuulat na problema, lagi kang sumusunod sa karamihan at huli ka nang tumatayo at naglalantad sa kanila o nag-uulat ng problema, ikaw ba ay sinsero? Wala sa mga ito ang pagiging sinsero. Kung hindi mo gusto ang isang tao, o may nagpasama ng loob mo, at alam mong hindi siya isang masamang tao, ngunit dahil makitid ang isip mo, namumuhi ka sa kanya at gusto mo siyang paghigantihan, na gawin siyang katawa-tawa, maaari kang mag-isip ng mga paraan at maghanap ng mga pagkakataon na magsabi ng ilang masamang bagay tungkol sa kanya sa ang Itaas. Maaaring nagpapahayag ka lang ng mga katunayan, hindi mo naman kinokondena ang taong iyon, pero kapag isinasalaysay mo ang mga katunayang iyon, nabubunyag ang iyong intensiyon: Gusto mong gamitin ang kamay ng ang Itaas o na may sabihin ang Diyos upang pakitunguhan siya. Sa pamamagitan ng pag-uulat sa ang Itaas ng tungkol sa mga problema, sinusubukan mong makamit ang iyong layon. Maliwanag na may halo itong mga personal na intensiyon, at tiyak na hindi ito pagiging sinsero. Kung siya ay isang masamang tao na nanggugulo sa gawain ng iglesia, at iniulat mo ito sa ang Itaas upang maprotektahan ang gawaing iyon, at higit pa roon, ang mga problemang inuulat mo ay ganap na totoo, iba iyon sa pangangasiwa ng mga bagay sa pamamagitan ng mga pilosopiya ni Satanas. Ito ay bunga ng pagpapahalaga sa katarungan at responsabilidad, at ito ang pagsasakatuparan ng iyong katapatan; ganito naipamamalas ang pagiging sinsero.

—Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasampung Aytem (Ikalawang Bahagi)

Kung ang isang tao ay bukas at matuwid, siya ay isang matapat na tao. Ganap na niyang binuksan ang kanyang puso at espiritu sa Diyos, at wala siyang itinatago, at walang pinagtataguan. Naibigay na niya nang lubusan sa Diyos ang kanyang puso, at naipakita na niya ito sa Diyos. Ibig sabihin, naibigay na niya ang buong pagkatao niya sa Diyos. Kaya, maaari pa bang may pumagitna sa pagitan niya at ng Diyos? Wala na, at samakatwid, madali na para sa kanya ang magpasakop sa Diyos. Kung sinasabi ng Diyos na mapanlinlang siya, aaminin niya iyon. Kung sinasabi ng Diyos na mayabang siya at mapagmagaling, aaminin din niya iyon. Hindi lang niya basta inaamin ang mga bagay na ito at titigil na lang doon—nagagawa niyang magsisi, magpunyagi para sa mga katotohanang prinsipyo, at ayusin iyon kapag napagtatanto niyang siya ay nagkamali, at ituwid ang kanyang mga pagkakamali. Bago pa niya malaman, naitama na niya ang marami sa kanyang mga maling gawi, at paunti-unti nang paunti ang kanyang mga pagpapamalas ng pagiging mapanlinlang, panlilinlang, at pagiging pabasta-basta. Namumuhay siya nang lalong bukas at tapat, papalapit nang papalapit sa kanyang layon na maging isang matapat na tao, at lalong nababawasan ang pagbubunyag ng katiwalian. Namumuhay siya sa liwanag. Kapag namumuhay ang mga tao sa liwanag, ito ay gawa ng Diyos; ang lahat ng kaluwalhatiang ito ay sa Diyos. Hindi sila dapat purihin para dito. Kapag namumuhay sa liwanag ang mga tao, nauunawaan nila ang iba’t ibang katotohanan, mayroon silang may-takot-sa-Diyos na puso, alam nila kung paano hanapin at isagawa ang katotohanan sa bawat suliraning makaharap nila, at namumuhay sila nang may konsensiya at katwiran. Bagama’t hindi sila matatawag na matutuwid na tao, sa mga mata ng Diyos ay mayroon silang kaunting wangis ng tao, at kahit paano, sa kanilang sinasabi at ginagawa, hindi na sila kasalungat ng Diyos, kaya nilang hanapin ang katotohanan kapag nangyayari sa kanila ang mga bagay-bagay, at may puso silang nagpapasakop sa Diyos. Samakatwid, medyo ligtas at nakasisiguro sila, at hindi posibleng ipagkanulo nila ang Diyos. Bagaman wala silang napakalalim na pagkaunawa sa katotohanan, nagagawa nilang sumunod at magpasakop, mayroon silang may-takot-sa-Diyos na puso, at kaya nilang umiwas sa kasamaan. Kapag binigyan sila ng gawain o tungkulin, nagagawa nila itong gawin nang buong puso at isip, at sa abot ng kanilang makakaya. Ang ganitong klase ng tao ay mapagkakatiwalaan, at maaaring mapanatag ang Diyos pagdating sa kanila—ang mga taong tulad nito ay namumuhay sa liwanag. Ang mga namumuhay ba sa liwanag ay nagagawang tanggapin ang pagsisiyasat ng Diyos? Maitatago pa rin ba nila ang kanilang mga puso sa Diyos? Mayroon pa ba silang mga lihim na hindi nila masabi sa Diyos? Mayroon pa ba silang anumang itinatagong kahina-hinalang mga pagpapakana? Wala na. Lubos na nilang binuksan ang kanilang puso sa Diyos, at wala na silang anumang inililihim o itinatago. Kaya nilang kausapin ang Diyos nang taos-puso, makipagbahaginan sa Kanya tungkol sa anumang bagay, at ipaalam sa Kanya ang lahat ng bagay. Wala silang hindi sasabihin sa Diyos at wala silang hindi ipapakita sa Kanya. Kapag naaabot ng mga tao ang pamantayang ito, nagiging magaan, malaya at nakaalpas ang kanilang pamumuhay.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi

Maaari ka bang maging matapat na tao kung sasabihin mo lamang ito? (Hindi, kailangang mayroon kaming mga pagpapamalas ng isang matapat na tao.) Ano ang mga pagpapamalas ng isang matapat na tao? Una, ang hindi pagkakaroon ng pagdududa sa mga salita ng Diyos. Isa iyon sa mga pagpapamalas ng isang matapat na tao. Bukod dito, ang pinakamahalagang pagpapamalas ay ang paghahanap at pagsasagawa ng katotohanan sa lahat ng bagay—ito ang pinakamahalaga. Sinasabi mong ikaw ay matapat, pero palagi mong iniiwasang isipin ang mga salita ng Diyos at ginagawa lang ang anumang gusto mo. Pagpapamalas ba iyon ng isang matapat na tao? Sinasabi mo, “Bagama’t mababa ang kakayahan ko, mayroon akong matapat na puso.” Gayumpaman, kapag may tungkulin na itinalaga sa iyo, natatakot kang magdusa at magpasan ng responsabilidad kung hindi mo ito magagawa nang maayos, kaya nagpapalusot ka para iwasan ang tungkulin mo o nagmumungkahi ka na iba na lang ang gumawa nito. Pagpapamalas ba ito ng isang matapat na tao? Malinaw na hindi. Kung gayon, paano dapat umasal ang isang matapat na tao? Dapat siyang magpasakop sa mga pagsasaayos ng Diyos, maging deboto sa tungkulin na dapat niyang gampanan, at magsikap na matugunan ang mga layunin ng Diyos. Naipapamalas ito sa iba’t ibang paraan: Ang isa ay ang pagtanggap sa iyong tungkulin nang may matapat na puso, hindi isinasaalang-alang ang mga interes ng iyong laman, hindi kulang sa dedikasyon dito, at hindi nagpapakana para sa sarili mong pakinabang. Iyon ang mga pagpapamalas ng pagkamatapat. Ang isa pa ay ang paggampan nang maayos sa iyong tungkulin nang buong puso at buong lakas mo, paggawa nang maayos sa mga gampaning ipinagkatiwala sa iyo ng sambahayan ng Diyos, at pagbubuhos ng iyong puso at pagmamahal sa iyong tungkulin para bigyang-kasiyahan ang Diyos. Ito ang mga pagpapamalas na dapat mayroon ang isang matapat na tao habang ginagampanan ang kanyang tungkulin. Kung nakakaunawa ka at alam mo kung ano ang gagawin, pero hindi mo ito ginagawa, kung gayon ay hindi mo ibinibigay sa tungkulin mo ang buong puso at lakas mo, sa halip, nagiging tuso at pabaya ka. Matatapat ba ang mga taong gumagampan sa kanilang mga tungkulin sa ganitong paraan? Hinding-hindi. Hindi ginagamit ng Diyos ang gayong mga tuso at mapanlinlang na tao; dapat silang itiwalag. Matatapat na tao lamang ang ginagamit ng Diyos para gumampan ng mga tungkulin. Kahit ang mga tapat na trabahador ay kailangang maging matapat. Ang mga taong palaging pabasta-basta at tuso at nagpapakatamad ay pawang mapanlinlang, at lahat sila ay mga demonyo. Wala sa kanila ang tunay na nananampalataya sa Diyos, at ititiwalag silang lahat. Iniisip ng ibang tao, “Ang totoo, madali lang maging matapat na tao. Tungkol lang ito sa pagsasabi ng totoo at hindi pagsisinungaling.” Ano ang palagay mo sa saloobing ito? Napakalimitado nga ba ng saklaw ng pagiging matapat na tao? Hinding-hindi. Dapat mong ilantad ang iyong puso at ibigay ito sa Diyos; ito ang saloobin na dapat mayroon ang isang matapat na tao. Iyon ang dahilan kung bakit napakahalaga ng isang matapat na puso. Ano ang implikasyon nito? Ito ay na kaya ng isang pusong matapat na pamahalaan ang iyong pag-uugali at baguhin ang kalagayan mo. Magagabayan ka nitong gumawa ng mga tamang desisyon, at magpasakop sa Diyos at makamit ang Kanyang pagsang-ayon. Ang ganitong puso ay tunay na mahalaga. Kung mayroon kang matapat na pusong gaya nito, dapat kang mamuhay sa ganoong kalagayan, ganoon ka dapat umasal, at ganoon mo dapat igugol ang iyong sarili.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi

Dapat kang maging matapat na tao, dapat magkaroon ka ng pagpapahalaga sa responsabilidad kapag humaharap ka sa mga problema, at dapat mong subukan ang lahat ng paraan at hanapin ang katotohanan upang malutas ang mga ito. Hinding-hindi ka dapat maging tusong tao. Kung ang iniisip mo lang ay ang pag-iwas sa pananagutan at paghuhugas-kamay rito kapag lumilitaw ang mga problema, makokondena ka dahil sa pag-uugaling ito kahit sa gitna ng mga walang pananampalataya, bukod pa sa sambahayan ng Diyos! Ang pag-uugaling ito ay tiyak na kinokondena at isinusumpa ng Diyos, at ito ay kinasusuklaman at tinatanggihan ng hinirang na mga tao ng Diyos. Gusto ng Diyos ang mga taong matapat, at nasusuklam Siya sa mga taong mapanlinlang at tuso. Kung isa kang tusong tao at kumikilos nang madaya, hindi ka ba kasusuklaman ng Diyos? Hahayaan ka lang ba ng sambahayan ng Diyos na makalusot? Sa malao’t madali, pananagutin ka. Gusto ng Diyos ang mga taong matapat at ayaw Niya sa mga taong tuso. Dapat malinaw itong maunawaan ng lahat, at huwag nang maguluhan at gumawa ng mga kahangalan. Ang pansamantalang kamangmangan ay maaaring pangatwiranan, pero kung talagang hindi tinatanggap ng isang tao ang katotohanan, masyadong matigas ang ulo niya. Marunong humawak ng responsabilidad ang mga taong matapat. Hindi nila isinasaalang-alang ang sarili nilang mga pakinabang at kawalan; iniingatan lamang nila ang gawain at mga interes ng sambahayan ng Diyos. Mayroon silang mabubuti at matatapat na puso na gaya ng mga mangkok ng malinaw na tubig kung saan makikita mo ang ilalim sa isang sulyap. Wala rin silang itinatago sa kanilang mga kilos. Ang isang taong mapanlinlang ay laging nandadaya, laging nagpapanggap, pinagtatakpan at ikinukubli ang mga bagay-bagay, at binabalot nang husto ang sarili niya. Walang makakilatis sa ganitong uri ng tao. Hindi makilatis ng mga tao ang iyong mga saloobin, pero kaya ng Diyos na masiyasat ang mga bagay sa kaibuturan ng iyong puso. Kapag nakikita ng Diyos na hindi ka isang matapat na tao, na tuso ka, na hindi mo kailanman tinatanggap ang katotohanan, palaging nililinlang ang Diyos, at hindi kailanman ibinibigay ang puso mo sa Kanya—ayaw ka ng Diyos, at kinasusuklaman at inaabandona ka ng Diyos. Anong klase ng mga tao ang umuunlad sa gitna ng mga walang pananampalataya, at ang mga mahusay mambola at mabilis mag-isip? Malinaw ba ito sa inyo? Ano ang diwa nila? Masasabi na lahat sila ay napakahirap na makilatis, sobrang mapanlinlang at tuso nilang lahat, sila ang tunay na mga diyablo at mga Satanas. Maaari bang iligtas ng Diyos ang ganitong mga tao? Wala nang higit pang kinasusuklaman ang Diyos kundi ang mga diyablo—mga taong mapanlinlang at tuso—at hinding-hindi ililigtas ng Diyos ang gayong mga tao. Hinding-hindi kayo dapat maging ganitong uri ng tao. Yaong mga palaging nagmamasid at alerto kapag nagsasalita sila, na mabulaklak ang dila at mapanlinlang at gumaganap ng isang papel para bumagay sa sitwasyon kapag pinapangasiwaan nila ang mga usapin—sinasabi Ko sa iyo, pinakakinasusuklaman ng Diyos ang gayong mga tao, hindi na maililigtas pa ang mga taong gaya nito. Tungkol sa lahat ng nabibilang sa kategorya ng mga mapanlinlang at tusong tao, kahit gaano pa kagandang pakinggan ang mga salita nila, lahat ng ito ay mapanlinlang, maladiyablong salita. Kapag mas magandang pakinggan ang kanilang mga salita, mas lalong mga diyablo at mga Satanas ang mga taong ito. Sila mismo ang klase ng mga tao na pinakakinasusuklaman ng Diyos. Talagang ito ay tama. Ano ang masasabi ninyo: Makakamit ba ng mga taong mapanlinlang, madalas magsinungaling, at mahusay mambola, ang gawain ng Banal na Espiritu? Kaya ba nilang makamit ang kaliwanagan at pagtanglaw ng Banal na Espiritu? Hinding-hindi. Ano ang saloobin ng Diyos ukol sa mga taong mapanlinlang at tuso? Itinataboy Niya ang mga ito, isinasantabi Niya ang mga ito at hindi pinapansin, itinuturing Niya sila bilang kauri ng mga hayop. Sa paningin ng Diyos, ang gayong mga tao ay nakabihis lamang ng balat ng tao at sa diwa, sila ay mga diyablo at mga Satanas, sila ay mga naglalakad na bangkay, at hinding-hindi sila ililigtas ng Diyos.

—Ang Salita, Vol. V. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa (8)

Kapag ginagawa ng mga tao ang kanilang tungkulin o anumang gawain sa harap ng Diyos, dapat maging dalisay ang kanilang puso, tulad ng isang mangkok ng sariwang tubig—napakalinaw, walang dumi. Kaya anong uri ng pag-iisip ang tama? Iyon ay kung saan, anuman ang ginagawa mo, kaya mong makipagbahaginan sa lahat tungkol sa anumang iniisip mo at anumang mga ideya na mayroon ka. At kung may magsabi na ang iyong paraan ng pag-iisip ay hindi uubra, at mag-alok sila ng ibang ideya, na pakiramdam mo ay medyo maganda, kung gayon ay itinatatwa mo ang iyong sarili, at nagsasagawa ka ayon sa sinabi nila. Sa pagsasagawa nang ganito, nakikita ng lahat na ikaw ay isang tao na kayang tumanggap ng mga suhestiyon ng iba at pumili ng tamang landas, at na ang iyong mga kilos ay may prinsipyo, lantad, at ganap na malinaw at hindi itinatago. Walang kadiliman sa iyong puso, at sa iyong mga kilos at pananalita ay kumakapit ka sa sinseridad at sa isang saloobin ng pagiging matapat. Diretso kang magsalita—ang oo ay nangangahulugang oo, at ang hindi ay nangangahulugang hindi. Hindi ka gumagamit ng mga panlalansi at wala kang itinatagong anuman, sadyang lantad ka. Hindi ba’t iyon ay isang saloobin ng pagiging matapat? Ito ang saloobin na dapat taglayin ng isang tao sa mga tao, pangyayari at bagay, at kinakatawan nito ang disposisyon ng gayong tao. Sa kabilang banda, ang isang tao ay maaaring hindi kailanman maging bukas at magsabi sa iba ng kung ano ang kanyang iniisip. Hindi niya tinatalakay sa iba ang anumang ginagawa niya; palaging sarado ang kanyang puso sa kanila, at tila parati siyang nakabantay laban sa iba sa bawat pagkakataon, mahigpit na ikinukubli ang kanyang sarili. Hindi ba’t ang taong tulad nito ay lubhang mapanlinlang? Halimbawa, may ideya siya na sa tingin niya ay napakahusay, at iniisip niya, “Hindi ko maaaring sabihin kaninuman ang tungkol sa napakahusay na ideyang ito. Kung ibabahagi ko ito, baka gamitin ito ng iba at sa gayon ay nakawin ang karangalang para sa akin. Magpipigil muna ako sa ngayon.” O kung mayroong isang bagay na hindi niya lubos na maunawaan, iniisip niya, “Hindi ako magsasalita sa ngayon. Paano kung magsalita ako, at may ibang taong magsabi ng isang mas magandang bagay—hindi ba’t magmumukha akong hangal? Makikita ng lahat kung anong uri talaga ako ng tao, at makikita ang mga kahinaan ko sa aspektong ito. Kaya hindi ako dapat magsabi ng anuman.” Anuman ang kanyang mga pagsasaalang-alang at mga intensiyon, natatakot siyang makilatis ng iba. Palagi niyang tinatrato ang kanyang tungkulin at ang mga tao, pangyayari, at bagay nang may ganitong uri ng pananaw at saloobin. Anong uri ng disposisyon ito? Isang baliko, mapanlinlang, at buktot na disposisyon. Sa panlabas, sinabi na niya sa iba ang lahat ng akala niya ay kaya niyang sabihin, subalit sa likod nito, itinatago niya ang ilang bagay. Ano ang itinatago niya? Ang may kinalaman sa kanyang pride at kanyang mga interes—iniisip niyang pribado ang mga bagay na ito at hindi niya kailanman dapat banggitin ang tungkol sa mga ito, kahit pa kanino—kahit pa sa kanyang mga magulang. Pakiramdam niya ay hinding-hindi niya dapat sabihin ang mga bagay na ito. Problematiko ito! Sa palagay mo ba, kung hindi mo sasabihin ang mga bagay na ito, hindi malalaman ng Diyos ang tungkol sa mga ito? Sinasabi ng mga tao na alam ng Diyos, subalit makatitiyak ba sila sa puso nila na ganito nga? Hindi kailanman natatanto ng mga tao na: “Alam ng Diyos ang lahat ng ito. Anuman ang iniisip ko sa loob—kahit na hindi ko pa ito ibinubunyag—palihim itong sinisiyasat ng Diyos. Alam na alam Niya iyon. Hindi ako makapagtatago ng mga bagay mula sa Diyos. Samakatwid, dapat akong magsalita tungkol sa usaping ito, dapat akong hayagang makipagbahaginan tungkol dito sa mga kapatid. Maganda man o hindi ang aking mga kaisipan at ideya, dapat kong sabihin ang mga ito nang tapat. Hindi ako maaaring maging baliko, mapanlinlang, makasarili, o kasuklam-suklam—dapat akong maging isang matapat na tao.” Kung kaya ng mga tao na mag-isip nang ganito, ito ang tamang mentalidad. Sa halip na hanapin ang katotohanan, gumagamit ang karamihan ng mga tao ng maliliit na panlalansi. Nagbibigay sila ng malaking kahalagahan sa sarili nilang mga interes, pride, at sa kanilang lugar o katayuan sa isipan ng ibang tao. Ito lang ang mga bagay na pinahahalagahan nila. Mahigpit silang kumakapit sa mga bagay na ito at itinuturing ang mga ito bilang kanilang pinakabuhay—para naman sa kung paano tinitingnan at tinatrato ng Diyos ang mga ito, binabalewala nila ito; una nilang isinasaalang-alang kung sila ba ang amo ng grupo, kung makakakuha ba sila ng isang posisyon kung saan mataas ang tingin sa kanila ng iba, at kung may sinuman ba na nakikinig sa sinasabi nila. Una nilang sinisikap na sakupin ang posisyong iyon. Halos lahat ng tao, kapag nasa isang grupo, ay naghahanap ng ganitong uri ng posisyon, ng ganitong uri ng oportunidad. Kung mataas ang kakayahan nila, siyempre sinusubukan nilang sakupin ang pinakamataas na puwesto. Kung pangkaraniwan lang sila, sinusubukan pa rin nilang magkaroon ng prominenteng posisyon sa grupo. At kung bahagi sila ng mas mabababang ranggo sa grupo, na karaniwan lang ang kakayahan at abilidad, sinusubukan din nilang gawing mataas ang tingin ng iba sa kanila; hindi nila hahayaang maliitin sila ng iba. Nasa kanilang pride at dignidad ang kanilang hangganan; iniisip nilang dapat nilang panghawakan ang mga bagay na ito. Kahit pa mawala ang kanilang integridad, o hindi nalulugod sa kanila ang Diyos at hindi Niya sila kinikilala, kailangan pa rin nilang magsikap para sa kanilang pride at katayuan; dapat nilang iwasan ang kahihiyan kahit anong mangyari. Isa itong satanikong disposisyon. Ngunit hindi nila ito napagtatanto. Iniisip nilang hindi sila puwedeng mawalan ng kaunting pride na natitira sa kanila. Hindi nila alam na kapag ganap nang binitiwan at tinalikuran ang mga paimbabaw na bagay na ito, saka lamang sila magiging mga tunay na tao, at na kung babantayan nila na parang sariling buhay ang mga bagay na ito na dapat itapon, mawawala ang kanilang buhay. Hindi lang talaga nila alam kung ano ang nakataya. Samakatwid, sa anumang ginagawa nila, palagi silang may reserbasyon, palagi silang kumikilos alang-alang sa pagprotekta sa sarili nilang pride at katayuan, at inuuna nila ang mga bagay na ito. Nagsasalita at gumagawa sila ng mga walang-katotohanang argumento para lamang sa kanilang sariling kapakanan—gagawin nila ang anumang bagay para sa kanilang sarili. Nagmamadali sila upang makilahok sa anumang bagay na magmumukha silang magaling, nais na malaman ng iba ang tungkol sa kanilang bahagi rito. Maaaring wala naman talaga itong kinalaman sa kanila, subalit ayaw na ayaw nilang mapag-iwanan, lagi silang natatakot na hamakin sila ng iba, lagi silang nangangamba na sasabihin ng ibang tao na wala silang kuwenta, na wala silang anumang kayang gawin, na wala silang mga kasanayan. Hindi ba’t ang lahat ng ito ay udyok ng isang satanikong disposisyon? Kapag nagagawa mong bitiwan ang mga bagay na gaya ng pride at katayuan, higit na mas magiging panatag at malaya ka; matatahak mo ang landas ng pagiging isang matapat na tao. Ngunit para sa marami, hindi ito madaling makamit. Halimbawa, kapag nakatagpo ang mga tao ng isang bagay na magpapahintulot sa kanila na mapunta sa sentro ng atensyon, nag-uunahan silang lahat sa harapan; gusto nilang sila ang sentro ng atensyon, kapag mas madalas na sila ang sentro ng atensyon, mas mabuti; takot silang hindi sapat ang oras na sila ang sentro ng atensyon, at magbabayad sila ng kahit anong halaga para sa pagkakataong mapunta roon. At hindi ba’t udyok ito lahat ng isang satanikong disposisyon? Ito ay isang satanikong disposisyon. Kaya, ikaw ang sentro ng atensyon—ano na? Mataas ang tingin sa iyo ng mga tao—ano naman? Iniidolo ka nila—tapos? Mapatutunayan ba nito na mayroon kang katotohanang realidad? Walang anumang halaga rito. Kapag kaya mong mapangibabawan ang pride, banidad, katayuan, at ang mataas na pagtingin ng ibang tao—kapag wala ka nang pakialam sa mga bagay na ito, at hindi mo na iniisip na napakahalaga ng mga ito, at hindi na naiimpluwensiyahan ng mga bagay na ito ang iyong mga kaisipan at pag-uugali, lalo na kung paano mo ginagampanan ang iyong tungkulin—kung gayon, ang mga resulta na nakukuha mo sa iyong tungkulin ay patuloy na bubuti, at papaunti nang papaunti ang karumihan sa iyong paggampan nito.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi

Kung isa kang taong nagmamahal sa katotohanan, at nagagawa mong tanggapin ang katotohanan, hindi masyadong magiging mahirap ang pagiging matapat na tao. Madarama mo na lubhang mas madali ito. Alam na alam ng mga mayroong karanasan na ang pinakamalalaking balakid sa pagiging matapat na tao ay ang pagiging lihim na mapanira ng mga tao, ang kanilang panlilinlang, kanilang pagiging mapaminsala, at kanilang mga kasuklam-suklam na intensiyon. Hangga’t nananatili ang mga tiwaling disposisyong ito, magiging napakahirap ang pagiging matapat na tao. Kayong lahat ay nagsasanay na maging matatapat na tao; mayroon kayong ilang karanasan dito. Paano ninyo ito nararanasan? (Araw-araw ay isinusulat ko ang lahat ng walang saysay na bagay na sinabi ko at ang mga kasinungalingang sinabi ko, at pagkatapos ay sinusuri at hinihimay ito. Natuklasan kong may intensiyon sa likod ng karamihan dito—ang lahat ng ito ay alang-alang sa banidad at pride. Kahit na alam kong hindi naaayon sa katotohanan ang sinasabi ko, hindi ko pa rin mapigilang magsinungaling at magpanggap.) Narito mismo ang hirap sa pagiging isang matapat na tao. Hindi mahalaga kung may kamalayan man ang mga tao rito o wala; ang mahalaga ay upang maprotektahan ang sarili nilang banidad at pride, at ang sarili nilang mga interes, nagmamatigas ang lahat ng tao na magsinungaling—silang lahat ay sadyang gumagawa ng mali. Kung ang isang tao ay nagsisinungaling at sinasabing wala siyang kamalayan dito, siya ay nagsisinungaling. Ang susi sa pagiging isang matapat na tao ay ang paglutas sa mga intensiyon, motibo, at tiwaling disposisyon ng isang tao. Sa ganitong paraan lamang malulutas ng isang tao ang problema ng pagsisinungaling sa ugat nito. Nagsisinungaling ang tao upang makamit ang personal niyang mga pakay, ibig sabihin, upang makinabang nang personal, magkamit ng kalamangan, magdala ng karangalan sa kanyang sarili, o makamit ang pagsang-ayon ng iba—ang mga ito ang mga intensiyon at pakay ng tao kapag nagsisinungaling siya. Kapag nagsisinungaling ang tao, ang ibinubunyag niya ay isang tiwaling disposisyon, at ganito mo dapat kilatisin ang pagsisinungaling. Kaya, paano dapat lutasin ang tiwaling disposisyong ito? Nakasalalay iyon sa kung minamahal mo ang katotohanan o hindi. Kung kaya mong tanggapin ang katotohanan, hindi maudyukan ng sarili mong mga intensiyon at pakay kapag nagsasalita ka, at isaalang-alang lang ang mga interes ng hinirang na mga tao ng Diyos, at ang gawain ng iglesia, at ang mga layunin ng Diyos, kung gayon ay hindi ka magsisinungaling, at magagawa mong magsalita nang totoo. Kung hindi mo pa rin magawang magsalita nang totoo, pinatutunayan niyon na masyadong mababa ang tayog mo at na hindi mo pa rin kayang isagawa ang katotohanan. Kung kaya, ang pagiging matapat na tao ay nangangailangan ng isang proseso ng pag-unawa sa katotohanan, isang proseso ng paglago ng tayog. Kapag tiningnan natin ito nang ganito, imposibleng maging matapat na tao nang walang walo hanggang sampung taon ng karanasan. Ang panahong ito ay ang proseso ng paglago sa buhay ng isang tao, ang proseso ng pag-unawa at pagtatamo sa katotohanan. Maaaring itanong ng ilang tao, “Talaga bang ganoon kahirap ang paglutas sa problema ng pagsisinungaling at ang pagiging matapat na tao?” Sa totoo lang, nakasalalay iyon sa kung sino ang tinutukoy mo. Kung isa itong taong nagmamahal sa katotohanan, magagawa niyang bitiwan ang mga mali niyang intensiyon at ang mga interes ng kanyang laman, at magiging madali para sa kanya na isuko ang pagsisinungaling. Para naman sa mga hindi nagmamahal sa katotohanan—minamahal lamang nila ang kasikatan, pakinabang, at katayuan, at banidad at pride, at hindi nila tinatanggap ang katotohanan kahit kaunti, kaya ang pagtalikod sa pagsisinungaling ay magiging napakahirap para sa kanila.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Pinakasaligang Pagsasagawa ng Pagiging Isang Taong Matapat

Hinihingi ng Diyos sa mga tao na maging matapat, at lubhang mahalaga ito. Ano ang dapat mong gawin kung makakaranas ka ng maraming kabiguan habang isinasagawa mo ang pagiging matapat na tao at nahihirapan ka nang husto rito? Dapat ka bang maging negatibo at umatras, at talikuran ang iyong pagsasagawa ng katotohanan? Ito ang pinakamapagbunyag na indikasyon kung mahal ba ng isang tao ang katotohanan o hindi. Pagkatapos magsagawa ng pagiging matapat na tao sa loob ng ilang panahon, iniisip ng ilang indibidwal, “Ang pagiging matapat na tao ay masyadong mahirap. Pinipinsala nito ang aking banidad, pride, at reputasyon—talagang hindi ko ito matiis!” Bilang resulta, ayaw na nilang maging matapat. Sa realidad, naririto ang suliranin sa pagiging matapat na tao, at karamihan ng indibidwal ay nabibigo at naiipit sa puntong ito. Kaya, ano ang kailangan para maisagawa ang pagiging matapat na tao? Anong uri ng tao ang kayang isagawa ang katotohanan? Una, dapat mahal ng isang tao ang katotohanan. Siya ay dapat na maging isang taong nagmamahal sa katotohanan—iyan ay tiyak. May ilang taong tunay na nagtatamo ng mga resulta pagkatapos ng ilang taon ng pagsasagawa ng pagiging matapat na tao. Unti-unting nawawala ang kanilang mga kasinungalingan at panlilinlang, at talagang sila ay nagiging matatapat na tao sa pangkalahatan. Maaari kaya na habang dumaranas sila ng pagsasagawa ng pagiging matapat na tao, hindi sila naharap sa mga paghihirap o nagdusa sa proseso? Tiyak na tiniis nila ang labis na pagdurusa. Pero dahil mahal nila ang katotohanan, nagagawa nilang magdusa para isagawa ito, nagagawang maghimagsik laban sa laman at magpatuloy sa pagsasabi ng totoo at paggawa ng mga totoong bagay, kayang maging matatapat na tao, at sa huli ay nakamit ang pagpapala ng Diyos. Para maging isang matapat na tao, dapat mahal ng isang tao ang katotohanan at magtaglay siya ng pusong nagpapasakop sa Diyos. Ang dalawang bagay na ito ay napakahalaga. Ang lahat ng taong nagmamahal sa katotohanan ay may mapagmahal-sa-Diyos na puso. At lalong madali para sa mga taong nagmamahal sa Diyos na isagawa ang katotohanan, at kaya nilang tiisin ang anumang uri ng pagdurusa para mapalugod ang Diyos. Kung may mapagmahal-sa-Diyos na puso ang isang tao, kapag ang kanyang pagsasagawa ng katotohanan ay naharap sa kahihiyan o mga dagok at pagkabigo, makakaya niyang tiisin ang kahihiyan at pagdurusa para mapalugod ang Diyos, basta’t nasisiyahan ang Diyos. Samakatwid, may kakayahan siyang isagawa ang katotohanan. Siyempre, ang pagsasagawa ng anumang aspekto ng katotohanan ay may kasamang partikular na antas ng hirap, partikular na sa pagiging isang matapat na tao, na lalong mas mahirap. Ang pinakamalaking suliranin ay ang hadlang ng mga tiwaling disposisyon ng tao. Lahat ng tao ay may mga tiwaling disposisyon at namumuhay ayon sa mga pilosopiya ni Satanas. Halimbawa, ang mga kasabihang “Ang bawat tao para sa kanyang sarili at bahala na ang iba,” o “Hindi magagawang kamtin ang malalaking tagumpay nang hindi nagsasabi ng mga kasinungalingan.” Ang mga ito ay mga pilosopiya ni Satanas at mga pagbubunyag ng mga tiwaling disposisyon. Kailangang magsinungaling ang mga tao para matagumpay na magawa ang mga bagay-bagay, magkamit ng mga pansariling pakinabang, at maisakatuparan ang mga layon nila. Hindi talaga madaling maging matapat na tao kapag taglay ng isang tao ang ganitong uri ng tiwaling disposisyon. Dapat manalangin ang isang tao sa Diyos at umasa sa Kanya, at laging pagnilayan ang sarili, at kilalanin ang sarili, saka lang unti-unting makakapaghimagsik ang isang tao laban sa laman, makabibitiw sa mga pansariling interes, at makabibitiw sa kanyang banidad at pride. Higit pa rito, dapat magawang tiisin ng isang tao ang iba’t ibang uri ng paninirang-puri at panghuhusga bago siya maging isang matapat na tao, magsabi ng totoo, at umiwas sa pagsisinungaling. Sa loob ng panahon kung saan isinasagawa mo ang pagiging matapat na tao, hindi maiiwasan na mabibigo ka nang maraming beses, at na may mga pagkakataon na magbubunyag ka ng katiwalian, mga pagkakataon na hindi mo sasabihin kung ano talaga ang iniisip mo, o mga pagkakataon na magkukunwari at manlilinlang ka. Gayunman, ano pa man ang mangyari sa iyo, kung nais mong sabihin ang totoo at maging isang matapat na tao, dapat ay kaya mong bitiwan ang iyong pride at banidad. Kapag hindi mo nauunawaan ang isang bagay, sabihin mong hindi mo nauunawaan; kapag hindi malinaw sa iyo ang isang bagay, sabihin mong hindi ito malinaw. Huwag kang matakot na hamakin ka ng iba o na maliitin ka ng iba. Sa pamamagitan ng palagiang pagsasalita mula sa puso at pagsasalita nang matapat sa ganitong paraan, matatagpuan mo ang kagalakan, kapayapaan, at ang pakiramdam ng paglaya at liberasyon sa puso mo, at hindi ka na malilimitahan ng banidad at pride. Kanino ka man nakikipag-ugnayan, kung kaya mong magbukas sa isang paraang totoo tungkol sa kung ano talaga ang iniisip mo at ibahagi ang puso mo sa iba, at huwag na huwag magpanggap na alam mo ang mga bagay na hindi mo naman alam, iyan ay isang matapat na saloobin. Minsan, maaaring hamakin ka ng mga tao at tawagin kang hangal dahil palagi mong sinasabi ang totoo. Ano ang dapat mong gawin sa gayong sitwasyon? Dapat mong sabihin, “Kahit na tawagin akong hangal ng lahat, pipiliin ko pa ring maging isang matapat na tao, at hindi isang mapanlinlang na tao. Magsasalita ako nang tapat at alinsunod sa mga katunayan. Bagama’t ako ay marumi, tiwali, at walang halaga sa harapan ng Diyos, sasabihin ko pa rin ang totoo nang walang pagkukunwari o pagbabalatkayo.” Kung magsasalita ka sa ganitong paraan, magiging panatag at payapa ang puso mo. Upang maging isang matapat na tao, dapat mong bitiwan ang iyong banidad at pride, at upang masabi mo ang totoo at magsalita ka nang mula sa puso, hindi mo dapat katakutan ang matuya at mahamak ng iba. Kahit na ituring ka ng iba bilang isang hangal, hindi ka dapat makipagtalo o hindi mo dapat ipagtanggol ang sarili mo. Kung maisasagawa mo ang katotohanan sa ganitong paraan, ikaw ay magiging isang matapat na tao. Kung hindi mo kayang bitiwan ang mga kagustuhan ng laman, banidad, at pride, kung lagi mong hinahanap ang pagsang-ayon ng iba, nagkukunwaring alam mo ang hindi mo alam, at palaging namumuhay alang-alang sa banidad at pride, kung gayon, hindi ka magiging matapat na tao—ito ay totoong suliranin. Kung ang puso mo ay palaging nalilimitahan ng banidad at pride, malamang magsisinungaling ka at magpapanggap. Dagdag pa rito, kapag minaliit ka ng iba o inilantad ang totoo tungkol sa iyo, mahihirapan kang tanggapin ito, at mararamdaman mo na nagdusa ka ng malaking kahihiyan—mamumula ang mukha mo, bibilis ang tibok ng puso mo, at mababalisa ka at hindi mapapakali. Para malutas ang problemang ito, kakailanganin mong magtiis ng kaunti pang pasakit at dumaan sa ilan pang pagpipino. Kakailanganin mong maunawaan kung saan nakasalalay ang ugat ng problema, at sa sandaling maunawaan mo nang malinaw ang mga usaping ito, magagawa mong bawasan nang kaunti ang pasakit mo. Kapag lubos mong naunawaan ang mga tiwaling disposisyong ito at kaya mong talikuran ang banidad at pride mo, magiging mas madali para sa iyo na maging isang matapat na tao. Hindi mo na iindahin kung kukutyain ka ng ibang tao kapag nagsasabi ka ng totoo at nagpapahayag ng iyong saloobin, at paano ka man husgahan o tratuhin ng iba, makakaya mong pasanin ito at tumugon nang tama. Pagkatapos, magiging malaya ka sa pagdurusa, at palaging magiging panatag at masaya ang puso mo, at makakamit mo ang kalayaan at liberasyon. Sa paraang ito, maiwawaksi mo ang katiwalian at maisasabuhay mo ang wangis ng tao.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Pamamagitan Lang ng Pagiging Isang Matapat na Tao Makapagsasabuhay ng Tunay na Wangis ng Tao ang Isang Tao

Kaugnay na mga Eksena ng Pelikula

Paano Lulutasin ang Problema sa Pagsisinungaling at Pandaraya?

Kaugnay na mga Patotoong Batay sa Karanasan

Dapat Kang Maging Matapat Upang Maligtas

Kung Paano Ko Nilutas ang Aking Katusuhan at Panlilinlang

Kaugnay na mga Himno

Pinagpapala ng Diyos Yaong mga Matapat

Dapat Tanggapin ng mga Tao ang Pagsisiyasat ng Diyos sa Lahat ng Ginagawa Nila

Napakagalak na Maging Taong Tapat

Sinundan:  30. Bakit kailangang maging matapat na tao upang matamo ang kaligtasan

Sumunod:  32. Paano tanggapin ang pagsisiyasat ng Diyos

Kaugnay na Nilalaman

Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos Ukol sa Pagkakilala sa Diyos Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw Paglalantad sa mga Anticristo Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ang Paghatol ay Nagsisimula sa Tahanan ng Diyos Mahahalagang Salita Mula sa Makapangyarihang Diyos, ang Cristo ng mga Huling Araw Araw-araw na mga Salita ng Diyos Ang mga Katotohanang Realidad na Dapat Pasukin ng mga Mananampalataya sa Diyos Sundan ang Kordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin Mga Gabay para sa Pagpapalaganap ng Ebanghelyo ng Kaharian Naririnig ng mga Tupa ng Diyos ang Tinig ng Diyos Makinig sa Tinig ng Diyos  Masdan ang Pagpapakita ng Diyos Mahahalagang Tanong at Sagot tungkol sa Ebanghelyo ng Kaharian Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume I) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume II) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume III) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IV) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume V) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VI) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VIII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IX) Paano Ako Bumalik sa Makapangyarihang Diyos

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito

Connect with us on Messenger