1. Paano lutasin ang problema ng mga kuru-kuro at imahinasyon ng mga tao
Mga Salita ng Makapangyarihang Diyos ng mga Huling Araw
Sapagkat palaging mayroong mga bagong pagsulong sa gawain ng Diyos, may gawaing nagiging lipas na at luma sa pag-usbong ng bagong gawain. Ang magkakaibang uring ito ng gawain, luma at bago, ay hindi magkakasalungat, kundi nagpupunan sa isa’t isa; ang bawat yugto ay sumusunod sa nauna. Sapagkat may bagong gawain, mangyari pa, dapat alisin ang mga lumang bagay. Halimbawa, ang ilan sa mga matatagal nang itinatag na pagsasagawa at nakaugaliang mga kasabihan ng tao, kaakibat ng maraming taong karanasan at mga aral na natutunan ng tao, ay bumuo ng lahat ng uri at anyo ng mga kuru-kuro sa isip ng tao. Na hindi pa lubusang napapakilala ng Diyos ang tunay Niyang mukha at likas na disposisyon sa tao—kasama ng pagkalat, na nagaganap sa loob ng maraming taon, ng mga tradisyonal na teorya na sumasaklaw mula sa nakaraan hanggang sa kasalukuyan—ay naging mas paborable sa pagbuo ng tao ng ganitong mga kuru-kuro. Masasabi na, sa buong panahon ng pananampalataya ng tao sa Diyos, ang impluwensya ng iba’t ibang mga kuru-kuro ay humantong sa patuloy na pagkabuo at ebolusyon ng lahat ng mga uri ng mga kuru-kurong pagkaunawa ng mga tao sa Diyos, na nagdulot sa maraming relihiyosong personalidad na naglilingkod sa Diyos na maging kaaway Niya. Kaya, habang mas lumalakas ang mga relihiyosong kuru-kuro ng mga tao, mas lalo nilang sinasalungat ang Diyos, at mas lalo silang mga kaaway ng Diyos. Palaging bago at hindi kailanman luma ang gawain ng Diyos—hindi ito kailanman bumubuo ng mga regulasyon; sa halip, patuloy itong sumasailalim sa iba’t ibang antas ng pagbabago at pagpapanibago. Ang paggawa ng Diyos sa ganitong paraan ay isang pagpapahayag ng Kanyang likas na disposisyon. Ito rin ang likas na prinsipyo ng gawain ng Diyos, at isa sa mga paraan ng paggawa kung paano naisasakatuparan ng Diyos ang pamamahala Niya. Kung hindi gumawa ang Diyos sa ganitong paraan, hindi magbabago ang tao o magagawang makilala ang Diyos, at hindi matatalo si Satanas. Kaya naman, sa gawain Niya, patuloy na nangyayari ang mga pagbabago na mukhang paiba-iba, ngunit sa aktuwal ay pana-panahon. Subalit, ang paraan kung paano nananampalataya ang tao sa Diyos ay lubos na naiiba. Kumakapit siya sa luma at pamilyar na mga regulasyon at mga sistema, at habang mas luma ang mga ito, mas kasiya-siya ang mga ito sa kanya. Paanong tatanggapin ng hangal na isip ng tao, na isang isip na kasintigas ng bato, ang napakaraming di-maarok na bagong gawain at mga salita ng Diyos? Hindi gusto ng tao ang Diyos na laging bago at hindi kailanman luma; ang gusto niya lamang ay ang lumang Diyos, na matanda na, puti ang buhok, at hindi makalakad. Kaya naman, sapagkat may kanya-kaniyang mga “gusto” ang Diyos at ang tao, naging kaaway ng Diyos ang tao. Umiiral pa rin ang marami sa mga pagkakasalungatang ito kahit ngayon, sa panahong gumagawa na ng bagong gawain ang Diyos sa loob ng halos anim na libong taon. Kung gayon, hindi na malulunasan ang mga ito. Marahil dahil sa katigasan ng ulo ng tao, o marahil dahil sa di-pagkunsinti sa anumang pagkakasala ng sinumang tao sa mga atas administratibo ng Diyos, kumakapit pa rin sa mga inaamag na lumang libro at mga papel yaong mga lalaki at babaeng pastor, habang nagpapatuloy ang Diyos sa hindi pa nakukumpletong gawain Niya ng pamamahala na parang walang nanonood. Bagama’t mayroong gayong mga antagonistikong kontradiksiyon, na imposibleng malutas, hindi binibigyang-pansin ng Diyos ang mga ito, na para bang sabay silang nandoon at wala roon. Gayunman, kumakapit pa rin ang tao sa mga paniniwala at mga kuru-kuro niya, at hindi kailanman binibitawan ang mga ito. Subalit isang bagay ang maliwanag: Bagama’t hindi lumilihis ang tao sa paninindigan niya, palaging gumagalaw ang mga “paa” ng Diyos, at palagi Niyang binabago ang paninindigan Niya ayon sa kapaligiran. Sa huli, ang tao ang siyang matatalo nang walang laban. Ang Diyos, samantala, ay ang “pinakamatinding kaaway” ng lahat ng mga kalabang tinalo Niya, at Siya rin ang “kampeon” ng sangkatauhan, ng parehong natalo at hindi natalo. Sino ang kayang makipagtunggali sa Diyos at maging matagumpay? Tila mula sa Diyos ang mga kuru-kuro ng tao sapagkat nabuo ang marami sa mga ito nang paunti-unti kasunod ng gawain ng Diyos. Gayunman, hindi pinapatawad ng Diyos ang tao dahil dito, at lalong hindi rin Siya nagbubuhos ng papuri sa tao sa pagbuo ng napakaraming produktong “para sa Diyos” kasunod ng gawain Niya, na nasa labas ng gawain Niya. Sa halip, labis Siyang nasusuklam sa mga kuru-kuro at luma, maka-Diyos na pananampalataya ng tao, at hindi man lamang naiisip na bigyang-pansin ang petsa kung kailan unang lumitaw ang mga kuru-kuro na ito. Hindi Niya tinatanggap ni katiting na dulot ng gawain Niya ang mga kuru-kuro na ito, sapagkat ang mga kuru-kuro ng tao ay nagmumula sa paglaganap dahil sa tao; ang pinagmulan ng mga ito ay ang mga pag-iisip at isip ng tao—hindi ng Diyos, kundi ni Satanas. Ang layunin ng Diyos ay palaging para ang gawain Niya ay maging bago at buhay, hindi luma at patay, at kung ano ang pinasusunod Niya sa tao ay nag-iiba alinsunod sa kapanahunan at panahon, at hindi walang-hanggan at di-nagbabago. Ito ay dahil isa Siyang Diyos na nagdudulot sa tao na mabuhay at maging bago, sa halip na isang diyablo na nagdudulot sa tao na mamatay at maluma. Hindi pa rin ba ninyo nauunawaan ito? Na mayroon kang mga kuru-kuro tungkol sa Diyos at wala kang kakayahang bitiwan ang mga ito ay dahil sa kabiguan mo na maarok ang mga bagay-bagay—hindi ito dahil hindi makatwiran ang gawain ng Diyos, ni dahil sa ang Kanyang gawain ay walang pagsasaalang-alang sa mga damdamin ng tao, lalong hindi dahil hindi kailanman inaasikaso ng Diyos ang Kanyang marapat na gawain. Hindi mo mabitawan ang mga kuru-kuro mo dahil masyado kang salat sa pagpapasakop, at sapagkat wala ka ni katiting na wangis ng isang nilikha; hindi ito dahil ginagawang mahirap ng Diyos ang mga bagay para sa iyo. Ikaw ang nagsanhi ng lahat ng ito, at wala itong kaugnayan sa Diyos; nilikha ng tao ang lahat ng pagdurusa at sakuna. Palaging mabuti ang mga saloobin ng Diyos: Hindi Niya nais na magdulot sa iyo na magkaroon ng mga kuru-kuro, kundi nagnanais na maging bago ka at dumaan sa pagbabago sa paglipas ng mga kapanahunan. Subalit hindi mo alam kung ano ang mabuti para sa iyo, at palagi kang masusing nagsisiyasat o nagsusuri. Hindi sa ginagawang mahirap ng Diyos ang mga bagay para sa iyo, kundi wala kang pusong may takot sa Diyos, at napakatindi ng paghihimagsik mo. Isang maliit na nilikha, na nangangahas na kumuha ng maliit na bahagi ng dati nang ibinigay ng Diyos, at bumaligtad at gamitin ito upang atakehin ang Diyos—hindi ba’t ito ang paghihimagsik ng tao? Tamang sabihin na ang mga tao ay lubos na hindi karapat-dapat na magpahayag ng mga pananaw nila sa harap ng Diyos, at lalong hindi sila karapat-dapat na ipangalandakan ang kanilang walang halaga, mabaho, bulok, sinaunang pananalita gaya ng nais nila—bukod pa sa yaong inaamag na mga kuru-kuro. Hindi ba’t mas lalo pang walang halaga ang mga ito?
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tanging Yaong mga Nakakakilala Lamang sa Kasalukuyang Gawain ng Diyos ang Maaaring Maglingkod sa Diyos
Dapat ninyong malaman na nilalabanan ninyo ang gawain ng Diyos, o ginagamit ninyo ang inyong sariling mga kuru-kuro upang sukatin ang gawain ngayon, dahil hindi ninyo alam ang mga prinsipyo ng gawain ng Diyos, at dahil sa inyong padalos-dalos na pagtrato sa gawain ng Banal na Espiritu. Ang inyong paglaban sa Diyos at paghadlang sa gawain ng Banal na Espiritu ay sanhi ng inyong mga kuru-kuro at likas na kayabangan. Hindi ito dahil mali ang gawain ng Diyos, kundi dahil masyado kayong likas na mapaghimagsik. Matapos masumpungan ang kanilang pananampalataya sa Diyos, hindi man lamang masabi ng ilang tao nang may katiyakan kung saan nanggaling ang tao, subalit nangangahas silang magtalumpati sa publiko, hinuhusgahan ang mga tama at mali sa gawain ng Banal na Espiritu. Sinesermunan pa nila ang mga apostol na mayroong bagong gawain ng Banal na Espiritu, nagkokomento at gumagawa ng mga walang galang na pahayag; napakababa ng kanilang pagkatao, at wala ni katiting na katwiran sa kanila. Hindi ba’t darating ang araw na itataboy ng gawain ng Banal na Espiritu ang gayong mga tao, at susunugin ng mga apoy ng impiyerno? Hindi nila alam ang gawain ng Diyos, kundi sa halip ay hinuhusgahan nila ang Kanyang gawain, at sinusubukan din nilang turuan ang Diyos kung paano gumawa. Paanong makikilala ng gayong mga taong walang katwiran ang Diyos? Nakikilala ng tao ang Diyos habang nasa proseso ng paghahanap at pagdanas; ang pagkakilala sa Diyos ay hindi nakakamit sa pamamagitan ng kaliwanagan ng Banal na Espiritu sa panahon ng paghusga ng tao nang pabasta-basta. Kapag mas tumpak ang pagkakilala ng mga tao tungkol sa Diyos, mas nababawasan ang paglaban nila sa Kanya. Sa kabaligtaran, kapag mas kakaunti ang pagkakilala ng mga tao sa Diyos, mas malamang na labanan nila Siya. Ang iyong mga kuru-kuro, ang dati mong kalikasan, at ang iyong pagkatao, karakter, at moral na pananaw ang puhunan ng paglaban mo sa Diyos, at kapag mas tiwali ang iyong moralidad, lalong ubod ng sama ang iyong karakter, at kapag mas mababa ang iyong pagkatao, mas kaaway ka ng Diyos. Yaong mga nagtataglay ng matitinding kuru-kuro at may disposisyong nag-aakalang mas matuwid kaysa sa iba ay mas lalo pang kaaway ng Diyos na nagkatawang-tao; ang gayong mga tao ay mga anticristo. Kung hindi naitatama ang iyong mga kuru-kuro, palaging magiging laban sa Diyos ang mga ito; hindi ka magiging kaayon ng Diyos kailanman, at lagi kang mahihiwalay sa Kanya.
Kapag binitiwan mo ang iyong mga lumang kuru-kuro, saka ka lamang magkakamit ng bagong kaalaman, subalit ang lumang kaalaman ay hindi awtomatikong katumbas ng mga lumang kuru-kuro. Ang “mga kuru-kuro” ay tumutukoy sa mga bagay na nabuo sa imahinasyon ng tao na taliwas sa realidad. Kung ang lumang kaalaman ay naging lipas na kasabay ng paglipas ng lumang kapanahunan at pumigil sa tao sa pagpasok sa bagong gawain, kung gayon, ang gayong kaalaman ay isa ring kuru-kuro. Kung kayang tratuhin ng tao nang tama ang gayong kaalaman at magagawang makilala ang Diyos mula sa ilang magkaibang aspekto, pinagsasama ang luma at ang bago, kung gayon, ang lumang kaalaman ay nagiging isang tulong sa tao, at nagiging batayan upang makapasok ang tao sa bagong kapanahunan. … nananampalataya ang tao sa sarili niyang diyos na nabuo sa kanyang isipan, at hindi niya hinahangad ang Diyos ng realidad. Kung ang isang tao ay may isang uri ng pananampalataya, sa isandaang tao ay may isandaang uri ng pananampalataya. Ang tao ay nagtataglay ng gayong mga pananampalataya dahil hindi pa niya nakita ang praktikal na gawain ng Diyos, dahil narinig lamang ito ng kanyang mga tainga at hindi nakita ng kanyang mga mata. Nakarinig na ang tao ng mga alamat at kuwento—ngunit bihira siyang makarinig ng kaalaman tungkol sa mga katunayan ng gawain ng Diyos. Sa gayon ang mga taong isang taon pa lamang na mga mananampalataya ay nananampalataya sa Diyos sa pamamagitan ng kanilang sariling mga kuru-kuro, at totoo rin ito para sa mga nananampalataya sa Diyos sa loob ng buong buhay nila. Yaong mga hindi nakakakita sa mga katunayan ay hindi makakatakas kailanman mula sa isang pananalig kung saan mayroon silang mga kuru-kuro tungkol sa Diyos. Naniniwala ang tao na napalaya na niya ang kanyang sarili mula sa pagkabihag ng kanyang mga lumang kuru-kuro, at nakapasok na siya sa bagong teritoryo. Hindi ba alam ng tao na ang kaalaman ng mga hindi makakita sa tunay na mukha ng Diyos ay walang-iba kundi mga kuru-kuro at sabi-sabi? Iniisip ng tao na ang kanyang mga kuru-kuro ay tama at walang mali, at iniisip niya na ang mga kuru-kurong ito ay mula sa Diyos. Ngayon, kapag nasasaksihan ng tao ang gawain ng Diyos, pinapakawalan niya ang mga kuru-kuro na nabuo sa loob ng maraming taong nagdaan. Ang mga imahinasyon at ideya ng nakaraan ay naging hadlang sa gawain ng yugtong ito, at naging mahirap para sa tao na bitiwan ang gayong mga kuru-kuro at pabulaanan ang gayong mga ideya. Ang mga kuru-kuro ng marami na sumunod sa Diyos hanggang kasalukuyan sa bawat hakbang ng gawaing ito ay naging lalong mas malubha, at ang mga taong ito ay unti-unting nakabuo ng matigas na pagkamuhi para sa Diyos na nagkatawang-tao. Ang pinagmulan ng pagkamuhing ito ay ang mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao. Hindi pinahihintulutan ng mga katunayan na bigyang-laya ng tao ang kanyang imahinasyon, lalong hindi nagpaparaya ang mga ito sa anumang basta-bastang pagpapabulaan, at hindi matitiis ng mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao ang pag-iral ng mga katunayan; bukod pa riyan, hindi pinag-iisipan ng tao ang pagiging tama at totoo ng mga katunayan, at patuloy lamang na pinakakawalan ang kanyang mga kuru-kuro at bumubuo ng kanyang sariling mga imahinasyon. Dahil mismo rito kaya ang mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao ay naging kaaway ng lahat ng gawain ngayon na taliwas sa mga kuru-kuro ng tao. Masasabi lamang na pagkakamali ito ng mga kuru-kuro ng tao, at hindi masasabing pagkakamali ng gawain ng Diyos. Maaaring ilarawan ng tao sa imahinasyon niya ang anumang nais niya, ngunit hindi niya maaaring malayang pabulaanan ang anumang yugto ng gawain ng Diyos o anumang bahagi nito; ang katunayan ng gawain ng Diyos ay hindi kumukunsinti sa anumang pagkakasala mula sa tao.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Pag-alam sa Tatlong Yugto ng Gawain ng Diyos ang Landas Tungo sa Pagkakilala sa Diyos
Kung ginagamit ninyo ang mga kuru-kuro ninyo upang sukatin at limitahan ang Diyos, na parang ang Diyos ay isang di-nababagong estatuwa na gawa sa luwad, ganap na nililimitahan ang Diyos sa Bibliya at ipinipirmi Siya sa isang limitadong saklaw ng gawain, ito ay nagpapatunay na kinondena na ninyo ang Diyos. Dahil, sa kanilang mga puso, itinuring ng mga Hudyo sa kapanahunan ng Lumang Tipan ang Diyos bilang isang idolo na hindi nagbabago ang anyo, na para bang ang Diyos ay matatawag lamang na Mesiyas, at tanging Siya lamang na tinawag na Mesiyas ang Diyos, at dahil pinaglingkuran at sinamba ng mga tao ang Diyos na para bang Siya ay isang (walang-buhay na) estatuwang gawa sa luwad, ipinako nila ang Jesus ng panahong iyon sa krus, sinesentensiyahan Siya ng kamatayan—ang walang-kasalanang Jesus ay sa gayon hinatulan ng kamatayan. Inosente ang Diyos, ngunit tumanggi ang tao na hayaan Siyang mabuhay, at nagpumilit na sentensiyahan Siya ng kamatayan, at sa gayon, ipinako si Jesus sa krus. Laging naniniwala ang tao na di-nagbabago ang Diyos, at nililimitahan Siya batay lamang sa iisang aklat, ang Bibliya, na tila ba may lubos na pagkaarok ang tao sa pamamahala ng Diyos, na tila ba ang lahat ng mga ginagawa ng Diyos ay nasa mga kamay na ng tao. Ang sangkatauhan ay sukdulan ang pagiging baligho, sukdulan ang pagmamataas, at lahat ng tao ay may likas na talento sa pagyayabang. Gaano man katayog ang pagkakilala mo sa Diyos, sinasabi Ko pa rin na hindi mo kilala ang Diyos, na ikaw ay isang taong pinakalumalaban sa Diyos, at na kinondena mo ang Diyos, dahil lubos kang walang kakayahang magpasakop sa gawain ng Diyos at makalakad sa landas ng paggawang perpekto ng Diyos. Bakit hindi kailanman nasisiyahan ang Diyos sa mga pagkilos ng tao? Ito ay dahil hindi kailanman kilala ng tao ang Diyos, napakarami niyang kuru-kuro, at ang kanyang pagkakilala sa Diyos ay hindi sumasang-ayon sa realidad kahit kaunti, kundi batay sa pormula at paulit-ulit lang, at mekanikal na kinopya at mahigpit na inilapat. Kaya, yamang naparito sa lupa ngayon, ang Diyos ay minsan pang ipinako ng tao sa krus.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Masama ay Tiyak na Parurusahan
Kapag nagkakatawang-tao ang Diyos at pumaparito para gumawa sa gitna ng mga tao, nakikita Siya ng lahat at naririnig ang Kanyang mga salita, at nakikita ang mga gawa ng Diyos sa katawang-tao, kung kailan ang mga kuru-kuro ng lahat ay pumuputok na parang mga bula. Para sa mga nakakakita sa Diyos na nagpapakita sa katawang-tao, hindi sila kokondenahin kung sinasadya nilang magpasakop sa Kanya, samantalang ang mga sadyang lumalaban sa Kanya ay ilalarawan bilang mga taong lumalaban sa Diyos. Ang gayong mga tao ay mga anticristo, mga kaaway na sadyang lumalaban sa Diyos. Ang mga nagkikimkim ng mga kuru-kuro tungkol sa Diyos pero kusa pa ring nagpapasakop sa Kanya ay hindi kokondenahin. Kinokondena ng Diyos ang mga tao batay sa kanilang mga intensiyon at sa mga bagay na ginagawa nila, hindi dahil sa kanilang mga kaisipan at ideya. Kung kokondenahin Niya ang mga tao batay sa kanilang mga kaisipan at ideya, wala ni isang tao ang makakatakas sa galit na mga kamay ng Diyos. Ang mga sadyang lumalaban sa nagkatawang-taong Diyos ay parurusahan dahil sa kanilang pagsuway. Ang paglaban ng mga taong ito ay nagmumula sa mga kuru-kuro na kinikimkim nila tungkol sa Diyos, na nag-uudyok sa kanila na gumawa ng mga bagay na gumugulo sa gawain ng Diyos. Ang lahat ng gayong tao ay sadyang lumalaban at nagtatangkang wasakin ang gawain ng Diyos. Hindi lang sila may mga kuru-kuro tungkol sa Diyos—nakikibahagi rin sila sa mga aktibidad na gumugulo sa Kanyang gawain, at dahil dito ay kinokondena sila. Ang mga hindi sadyang gumugulo sa gawain ng Diyos ay hindi kokondenahin bilang mga makasalanan, dahil kaya nilang sadyang magpasakop at hindi gumawa ng mga bagay na nagdudulot ng mga paggambala at panggugulo. Ang mga taong tulad nito ay hindi kokondenahin. Gayumpaman, kapag naranasan na ng isang tao ang gawain ng Diyos sa loob ng maraming taon habang mayroon pa ring mga kuru-kuro tungkol sa Kanya at walang kakayahang makilala ang gawain ng nagkatawang-taong Diyos, at puno pa rin siya ng mga kuru-kuro tungkol sa Diyos at walang kakayahang makilala ang Diyos kahit ilang taon na niyang naranasan ang gawain ng Diyos, ang kanyang puso ay puno ng mga kuru-kuro tungkol sa Diyos kahit na hindi naman siya nakagawa ng anumang bagay na nagdudulot ng mga panggugulo—at, bagama’t maaaring hindi maging halata ang mga kuru-kurong ito, ang taong ito ay walang anumang naitutulong sa gawain ng Diyos, walang kakayahang ipangaral ang ebanghelyo para sa Diyos o manindigan sa kanyang patotoo para sa Diyos—nangangahulugan iyon na siya ay walang silbi at isang malaking hangal. Dahil hindi niya kilala ang Diyos at bukod pa roon ay ganap na wala siyang kakayahang bitiwan ang kanyang mga kuru-kuro tungkol sa Diyos, siya ay kinokondena. Masasabi ito sa ganitong paraan: Normal lang para sa mga bago pa lang nagsimulang manampalataya sa Diyos na magkaroon ng mga kuru-kuro tungkol sa Kanya o na hindi Siya makilala, pero kung ang isang tao ay maraming taon nang nananampalataya sa Diyos at nakaranas na ng malaking bahagi ng gawain ng Diyos, at gayumpaman ay mayroon pa ring mga kuru-kuro tungkol sa Diyos, hindi iyon normal, at lalo pang hindi normal kung wala siyang anumang pagkakilala sa Diyos. Dahil hindi ito isang normal na kalagayan, siya ay kinokondena. Ang mga hindi normal na taong ito ay pawang walang silbi; sila ang mga pinakalumalaban sa Diyos at ang mga nagtamasa ng biyaya ng Diyos nang walang saysay. Ang lahat ng gayong tao ay ititiwalag sa huli!
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Lahat ng Taong Hindi Nakakakilala sa Diyos ay mga Taong Lumalaban sa Diyos
Dahil sa mga kuru-kuro ng mga tao, madalas silang nagkakamali ng pagkaunawa sa Diyos at madalas silang lumilikha ng iba’t ibang uri ng kahilingan at pagsusuri tungkol sa Diyos at nagkakaroon ng iba’t ibang uri ng batayan para sukatin ang Diyos; dahil sa mga ito, madalas na gumagamit ang mga tao ng partikular na mga maling kaisipan at pananaw para sukatin kung tama o mali ang mga bagay-bagay, kung mabuti o masama ang isang tao, at para sukatin kung tapat sa Diyos at may pananalig sa Diyos ang isang tao. Ano ang ugat ng mga pagkakamaling ito? Ang ugat nito ay ang mga kuru-kuro ng mga tao. Maaaring walang epekto ang mga kuru-kuro ng mga tao sa kanilang pagkain o pagtulog, at maaaring hindi makaapekto ang mga ito sa normal nilang pamumuhay, ngunit umiiral ang mga ito sa isip ng mga tao at sa kanilang mga kaisipan—nakakapit ang mga ito sa mga tao tulad ng isang anino, sumusunod sa kanila sa lahat ng oras. Kung hindi mo agad na malulutas ang mga ito, palaging kokontrolin ng mga ito ang iyong pag-iisip, pagsusuri sa mga bagay-bagay, pag-uugali, kaalaman sa Diyos, at ang relasyon mo sa Diyos. Malinaw mo na ba itong nakikita ngayon? Ang mga kuru-kuro ay isang pangunahing problema. Ang pagkakaroon ng mga tao ng mga kuru-kuro tungkol sa Diyos ay tulad ng pagkakaroon ng isang pader na nakatayo sa pagitan nila at ng Diyos, na pumipigil sa kanila na makita ang totoong mukha ng Diyos, na pumipigil sa kanila na makita ang totoong disposisyon at tunay na diwa ng Diyos. Bakit ganito? Dahil kapag namumuhay ang mga tao sa gitna ng mga kuru-kuro at imahinasyon, sila ang pinakamalamang na gumagamit ng kanilang mga kuru-kuro para tukuyin kung tama ba o mali ang mga salita at gawain ng Diyos, at upang sukatin, suriin, husgahan, at kondenahin ang lahat ng ginagawa ng Diyos. Anong uri ng kalagayan ang madalas na kinasasadlakan ng mga tao dahil sa paggawa nito? Maaari ba talagang magpasakop ang mga tao sa Diyos kapag namumuhay sila sa gitna ng kanilang mga kuru-kuro? Maaari ba silang magkaroon ng tunay na pananalig sa Diyos? (Hindi maaari.) Kahit na nagpapasakop nang kaunti ang mga tao sa Diyos, ginagawa nila ito nang ayon sa kanilang sariling mga kuru-kuro at imahinasyon. Kapag umaasa ang isang tao sa kanyang mga kuru-kuro at imahinasyon, nababahiran ito ng mga personal na bagay na kay Satanas at sa mundo, at ito ay salungat sa katotohanan. Ang problema tungkol sa mga kuru-kuro ng mga tao tungkol sa Diyos ay seryoso; isa itong pangunahing isyu sa pagitan ng tao at ng Diyos na kailangang apurahang malutas. Lahat ng pumupunta sa harapan ng Diyos ay nagdadala ng mga kuru-kuro, at nagdadala sila ng lahat ng uri ng mga hinala tungkol sa Diyos. O, masasabi ring nagdadala sila ng napakaraming maling pagkaunawa tungkol sa Diyos sa harap ng lahat ng ipinagkakaloob sa kanila ng Diyos, sa harap ng Kanyang mga pagsasaayos at pamamatnugot. At ano ang mangyayari sa kanilang relasyon sa Diyos? Patuloy na mali ang pagkaunawa ng mga tao sa Diyos, patuloy silang naghihinala sa Diyos, at patuloy nilang ginagamit ang sarili nilang mga pamantayan para sukatin kung tama ba o mali ang bawat isa sa mga salita ng Diyos at ang bawat pagkakataon ng gawain Niya. Anong uri ng pag-uugali ito? (Ito ay paghihimagsik at pagkontra.) Tama iyan, ito ay paghihimagsik, paglaban, at pagkondena ng mga tao sa Diyos, at panghuhusga ito ng mga tao sa Diyos, paglapastangan sa Diyos, at pakikipagtunggali sa Kanya, at sa malalalang kaso, gusto pa nga ng mga tao na isakdal ang Diyos sa korte at “makipagduwelo” sa Kanya. Ano ang pinakamalalang antas na kayang abutin ng mga kuru-kuro ng mga tao? Ito ay pagtatatwa sa tunay na Diyos Mismo, pagtatatwa na ang Kanyang mga salita ang katotohanan, at pagkokondena sa gawain ng Diyos. Kapag umabot sa ganitong antas ang mga kuru-kuro ng mga tao, natural na itinatatwa nila ang Diyos, kinokondena ang Diyos, nilalapastangan ang Diyos, at ipinagkakanulo ang Diyos. Bukod sa itinatatwa nilang may Diyos, tumatanggi rin silang tanggapin ang katotohanan at sundin ang Diyos—hindi ba’t nakapangingilabot ito? (Oo.) Nakapangingilabot na problema ito.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Paglutas Lamang sa mga Kuru-kuro ng Isang Tao Siya Makakapagsimula sa Tamang Landas ng Pananampalataya sa Diyos (1)
Iniisip ng ilang tao na ang pananampalataya sa Diyos ay dapat magdulot ng kapayapaan at kagalakan, at na kapag nahaharap sila sa mga sitwasyon, kailangan lang nilang magdasal sa Diyos at pakikinggan sila ng Diyos, bibigyan sila ng biyaya at mga pagpapala ng Diyos, at titiyakin ng Diyos na magiging payapa at maayos ang lahat ng bagay para sa kanila. Ang layon nila sa pananampalataya sa Diyos ay ang maghangad ng biyaya, magtamo ng mga pagpapala, at magtamasa ng kapayapaan at kaligayahan. Dahil sa mga ganitong pananaw, tinatalikuran nila ang pamilya nila o nagbibitiw sila sa trabaho para gugulin ang sarili nila para sa Diyos at kaya nilang magtiis ng pagdurusa at magbayad ng halaga. Naniniwala sila na basta’t handa silang talikuran ang mga bagay, gugulin ang sarili nila para sa Diyos, magtiis ng pagdurusa, at magsikap sa paggawa, habang nagpapakita ng kahanga-hangang pag-uugali, makakamit nila ang mga pagpapala at pabor ng Diyos, at na anumang paghihirap ang kakaharapin nila, basta’t nagdarasal sila sa Diyos, lulutasin Niya ang mga ito at magbubukas Siya ng landas para sa kanila sa lahat ng bagay. Ito ang pananaw na pinanghahawakan ng karamihan ng taong nananampalataya sa Diyos. Nadarama ng mga tao na makatwiran at tama ang ganitong pananaw. Ang abilidad ng maraming tao na mapanatili ang pananalig nila sa Diyos sa loob ng maraming taon nang hindi isinusuko ang pananalig nila ay direktang konektado sa pananaw na ito. Iniisip nila, “Napakarami ko nang ginugol para sa Diyos, napakabuti ng naging pag-uugali ko, at wala akong ginawang anumang masasamang gawa; tiyak na pagpapalain ako ng Diyos. Dahil nagdusa ako nang husto at nagbayad ng malaking halaga para sa bawat gampanin, ginagawa ang lahat nang ayon sa mga salita at hinihingi ng Diyos nang walang anumang nagagawang pagkakamali, dapat akong pagpalain ng Diyos; dapat Niyang tiyakin na magiging maayos ang lahat para sa akin, at na madalas akong magkaroon ng kapayapaan at kagalakan sa puso ko, at matamasa ko ang presensiya ng Diyos.” Hindi ba’t isa itong kuru-kuro at imahinasyon ng tao? Mula sa perspektiba ng tao, natatamasa ng mga tao ang biyaya ng Diyos at nakakatanggap sila ng mga pakinabang, kaya may katuturan naman na magdusa sila nang kaunti para dito, at sulit na ipagpalit ang pagdurusang ito para sa mga pagpapala ng Diyos. Isa itong mentalidad ng pakikipagtawaran sa Diyos. Gayumpaman, mula sa perspektiba ng katotohanan at sa perspektiba ng Diyos, hindi talaga ito kaayon sa mga prinsipyo ng gawain ng Diyos ni sa mga pamantayang hinihingi ng Diyos sa mga tao. Ito ay ganap na pangangarap nang gising, pawang isang kuru-kuro at imahinasyon ng tao tungkol sa pananampalataya sa Diyos. Nakapaloob man dito ang pakikipagtawaran o paghingi ng mga bagay mula sa Diyos, o naglalaman man ito ng mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao, ano’t anuman, wala sa mga ito ang naaayon sa mga hinihingi ng Diyos, ni tumutugma sa mga prinsipyo at pamantayan ng Diyos para pagpalain ang mga tao. Sa partikular, ang transaksiyonal na kaisipan at pananaw na ito ay lumalapastangan sa disposisyon ng Diyos, pero hindi ito napagtatanto ng mga tao. Kapag ang ginagawa ng Diyos ay hindi umaayon sa mga kuru-kuro ng mga tao, mabilis silang nagkakaroon sa puso nila ng mga reklamo at maling pagkaunawa tungkol sa Kanya. Nadarama pa nga nila na naagrabyado sila at nagsisimula silang makipagtalo sa Diyos, at maaari pa nga nilang husgahan at kondenahin ang Diyos. Anuman ang mga kuru-kuro at maling pagkaunawa na nabubuo ng mga tao, sa perspektiba ng Diyos, hindi Siya kailanman kumikilos o hindi Niya kailanman tinatrato ang sinuman ayon sa mga kuru-kuro o kahilingan ng tao. Laging ginagawa ng Diyos ang nais Niyang gawin, ayon sa sarili Niyang paraan at batay sa sarili Niyang disposisyong diwa. May mga prinsipyo ang Diyos sa kung paano Niya tinatrato ang bawat tao; at wala Siyang anumang ginagawa sa bawat tao na batay sa mga kuru-kuro, imahinasyon, o kagustuhan ng tao—ito ang aspekto ng gawain ng Diyos na pinakataliwas sa mga kuru-kuro ng tao. Kapag inihahanda ng Diyos ang isang kapaligiran para sa mga tao na ganap na taliwas sa mga kuru-kuro at imahinasyon nila, bumubuo sila sa puso nila ng mga kuru-kuro, panghuhusga, at pagkondena laban sa Diyos, at puwede pa nga nilang itatwa ang Diyos. Maaari bang tugunan ng Diyos ang mga pangangailangan nila? Hinding-hindi. Hindi kailanman babaguhin ng Diyos ang Kanyang paraan ng paggawa at ang Kanyang mga pagnanais ayon sa mga kuru-kuro ng tao. Sino ang kailangang magbago kung gayon? Ang mga tao. Kailangang bitiwan ng mga tao ang mga kuru-kuro nila, kailangan nilang tumanggap, magpasakop, at dumanas sa mga kapaligirang inihanda ng Diyos, at hanapin ang katotohanan para lutasin ang sarili nilang mga kuru-kuro, sa halip na sukatin ang mga ginagawa ng Diyos ayon sa mga kuru-kuro nila para alamin kung tama ito. Kapag iginigiit ng mga tao na kumapit sa mga kuru-kuro nila, nagkakaroon sila ng paglaban sa Diyos—sumasapit ito nang natural. Saan nagmumula ang ugat ng paglaban? Ito ay nasa katunayang ang karaniwang taglay ng mga tao sa puso nila ay walang dudang ang mga kuru-kuro at imahinasyon nila at hindi ang katotohanan. Samakatwid, kapag nahaharap sa gawain ng Diyos na hindi umaayon sa mga kuru-kuro ng tao, maaaring labanan ng mga tao ang Diyos at husgahan Siya. Pinapatunayan nito na ang mga tao ay talagang walang pusong nagpapasakop sa Diyos, ang kanilang mga tiwaling disposisyon ay malayo pa sa pagiging nalinis at sa diwa ay namumuhay sila ayon sa kanilang mga tiwaling disposisyon. Napakalayo pa rin nila sa pagtatamo ng kaligtasan.
—Ang Salita, Vol. V. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa (16)
Ano pang mga kuru-kuro ang nasa loob ng puso ninyo na maaaring makaimpluwensiya sa paggampan sa inyong mga tungkulin? Anong mga kuru-kuro ang madalas na nag-iimpluwensiya at kumokontrol sa inyo sa inyong buhay? Kapag may mga bagay na nangyayari sa iyo na hindi mo gusto, kusang lumilitaw ang iyong mga kuru-kuro—nagsisimula kang magreklamo tungkol sa Diyos, at nakikipagtalo at nakikipagtunggali ka sa Diyos, at mabilis na nagbabago ang iyong ugnayan sa Diyos: Mula sa kung ano ka sa umpisa, pakiramdam mo ay mahal na mahal mo ang Diyos at na napakatapat mo sa Kanya, at gusto mong ilaan ang buong buhay mo para sa Kanya, hanggang sa biglang magbago ang puso mo, na ayaw mo nang gawin ang iyong tungkulin at maging deboto sa Diyos, at pinagsisisihan mo na ang iyong pagsampalataya sa Diyos, pinagsisisihan mo ang pagpili sa landas na ito, at nagrereklamo ka pa nga tungkol sa pagkakahirang sa iyo ng Diyos. Ano pang mga kuru-kuro ang biglaang nakapagpapabago sa iyong ugnayan sa Diyos? (Kapag naghahanda ng sitwasyon ang Diyos para subukin at ibunyag ako, at pakiramdam ko ay hindi ako magkakaroon ng magandang kalalabasan, nakakabuo ako ng mga kuru-kuro tungkol sa Diyos. Pakiramdam ko ay sumasampalataya ako sa Diyos at sumusunod ako sa Kanya, at na palagi kong nagagawa ang aking tungkulin, kaya hangga’t hindi ko tinatalikuran ang Diyos, hindi Niya ako dapat abandonahin.) Isang uri ng kuru-kuro iyan. Madalas ba kayong nagkakaroon ng gayong mga kuru-kuro? Ano ba ang pagkaunawa ninyo kapag sinabing inabandona ng Diyos? Iniisip ba ninyo na kung aabandonahin kayo ng Diyos, ibig sabihin niyon ay ayaw na sa inyo ng Diyos at hindi na Niya kayo ililigtas? Isang uri na naman ito ng kuru-kuro. Kaya, paano ba nagkakaroon ng gayong kuru-kuro? Galing ba ito sa iyong mga imahinasyon, o may batayan ba ito? Paano mo nalalaman na hindi ka bibigyan ng Diyos ng magandang kalalabasan? Sinabi ba sa iyo ng Diyos nang personal? Ang gayong mga kaisipan ay ganap na pagbibigay-hatol mo. Ngayong alam mo na isa itong kuru-kuro; ang mahalagang katanungan ay kung paano ito lulutasin. Ang totoo, maraming kuru-kuro ang mga tao tungkol sa pananalig sa Diyos. Kung mapagtatanto mong mga kuru-kuro ang mga ito, dapat mong malaman na mali ang mga ito. Kaya, paano ba dapat lutasin ang mga kuru-kurong ito? Una, kailangan mong makita nang malinaw kung buhat ba sa kaalaman o sa mga pilosopiya ni Satanas ang mga kuru-kurong ito, kung saan may pagkakamali, kung paano ito nakapipinsala at, sa sandaling makita mo ito nang malinaw, kusa mong mabibitiwan ang mga kuru-kuro. Gayumpaman, hindi ito katulad ng kung lubusan mong lulutasin ang mga ito; dapat mong hanapin ang katotohanan, tingnan kung ano ang mga hinihingi ng Diyos at pagkatapos ay himayin ang mga kuru-kuro nang ayon sa mga salita ng Diyos. Kapag malinaw mo nang nakikilatis na mali ang isang kuru-kuro, na isa itong kahangalan, at na ganap itong hindi naaayon sa katotohanan, ibig sabihin niyon ay halos nalutas mo na ang kuru-kuro. Kung hindi mo hahanapin ang katotohanan, kung hindi mo ikukumpara ang kuru-kuro sa mga salita ng Diyos, hindi mo makikilatis nang malinaw kung paanong naging mali ang kuru-kuro, at kaya hindi mo lubusang mabibitiwan ang kuru-kuro; kahit pa alam mong isa itong kuru-kuro, hindi pa rin ibig sabihin na ganap mo itong mabibitiwan. Sa gayong mga sitwasyon, kapag sumasalungat ang iyong mga kuru-kuro sa mga hinihingi ng Diyos, kahit pa mapagtanto mong mali ang mga kuru-kuro mo, kumakapit pa rin ang puso mo sa iyong mga kuru-kuro. Nakatitiyak ka na hindi naaayon sa katotohanan ang mga kuru-kuro mo, pero sa puso mo ay naniniwala ka pa ring mapaninindigan ang iyong mga kuru-kuro—kung gayon, hindi ka isang taong nakakaunawa sa katotohanan, at ang mga tao na kagaya mo ay walang buhay pagpasok at masyadong kulang sa tayog. Halimbawa, sadyang sensitibo ang mga tao patungkol sa sarili nilang kalalabasan at hantungan, at sa mga pagbabago sa pagkakatalaga ng kanilang tungkulin at sa pagkakatanggal mula sa kanilang tungkulin. Malimit na nagkakaroon ng maling konklusyon ang ilang tao tungkol sa gayong mga bagay, iniisip na sa sandaling matanggal sila at wala na silang katayuan, o kapag sinasabi ng Diyos na ayaw na Niya sa kanila o hindi Niya sila gusto, kung gayon ay katapusan na nila. Ito ang pagbibigay-hatol nila. Naniniwala sila na, “Wala nang kabuluhang sumampalataya sa Diyos, ayaw sa akin ng Diyos, at nakatakda na ang aking kalalabasan, kaya ano pa ang saysay na mabuhay?” Kapag naririnig ng iba na nagsasabi sila ng mga ganoong bagay, iniisip ng mga ito na medyo may katwiran at medyo marangal ang mga taong ito—pero anong uri ba talaga ito ng pag-iisip? Ito ay paghihimagsik laban sa Diyos, at pagsuko sa kawalan ng pag-asa. Bakit sila sumusuko sa kawalan ng pag-asa? Ito ay dahil hindi nila nauunawaan ang mga layunin ng Diyos, hindi nila malinaw na nakikita kung paano inililigtas ng Diyos ang mga tao, at wala silang tunay na pananalig sa Diyos. Alam ba ng Diyos kapag sumusuko ang mga tao sa kawalan ng pag-asa? (Oo.) Alam ng Diyos, kaya naman paano Niya tinatrato ang gayong mga tao? Nagkakaroon ang mga tao ng isang uri ng kuru-kuro tungkol sa isyung ito at sinasabi nila na, “Gumugol ang Diyos sa tao nang labis-labis ng Kanyang dugo ng puso, marami na Siyang ginawa sa bawat tao, at nagsikap Siya nang husto; hindi madali para sa Diyos na pumili at magligtas ng isang tao. Labis na masasaktan ang Diyos kung susuko ang isang tao sa kawalan ng pag-asa, at aasa Siya bawat araw na makakabangon ang taong iyon.” Tila hindi mali ang mga salitang ito, pero sa katunayan, isa rin ang mga ito sa mga kuru-kuro ng tao. Umaasa ang Diyos na may determinasyon ang mga tao na hangarin ang katotohanan, pero mayroon Siyang isang partikular na saloobin sa mga taong sumusuko sa kawalan ng pag-asa: Kung gagawin mo ito, at hindi mo susubukang sumulong, hahayaan ka Niyang pumili para sa sarili mo; hindi ka Niya pipiliting gumawa ng anumang bagay na labag sa kalooban mo. Kung sasabihin mo na, “Nais ko pa ring gawin ang tungkulin ng isang nilikha, na gawin ang lahat ng aking makakaya na magsagawa gaya ng hinihingi ng Diyos, at tugunan ang mga layunin ng Diyos. Gagamitin ko ang lahat ng kaloob at talento ko, at kung wala akong kakayahang gawin ang anumang bagay, matututo akong magpasakop at maging masunurin; hindi ko tatalikuran ang aking tungkulin,” sasabihin ng Diyos, “Kung handa kang mamuhay sa ganitong paraan, magpatuloy ka sa pagsunod, pero dapat mong gawin ang hinihingi ng Diyos; ang mga pamantayang hinihingi ng Diyos at ang Kanyang mga prinsipyo ay hindi nagbabago.” Ano ang ibig sabihin ng mga salitang ito? Ang ibig sabihin ng mga ito ay na ang mga tao lang ang paulit-ulit na magbibigay-hatol sa kanilang sarili at susuko sa kanilang sarili; kung hindi susukuan ng mga tao ang kanilang sarili, hinding-hindi sila susukuan ng Diyos. Para sa sinumang nakakapagkamit ng kaligtasan sa huli at nakakakita sa Diyos nang harap-harapan mula sa loob ng Kanyang mga salita, na nagtatatag ng isang normal na ugnayan sa Diyos, at na kayang lumapit sa harap ng Diyos, hindi ito isang bagay na makakamit pagkatapos mabigo o mapungusan nang isang beses lang, o pagkatapos mahatulan at makastigo nang isang beses lang. Bago naperpekto si Pedro, pinino siya nang daan-daang beses. Kahit sa mga nagtatrabaho hanggang sa pinakadulo at nanatiling buhay, wala ni isa sa kanila ang nakakapagkamit sa katotohanan at nakakasunod sa Diyos hanggang sa katapusan pagkatapos makaranas lang ng mga pagsubok at pagpipino nang walo o sampung beses. Kahit ilang beses pang masubok at mapino ang isang tao, hindi ba’t ito ang pagmamahal ng Diyos? (Oo.) Kapag namamasdan mo ang pagmamahal ng Diyos, mauunawaan mo na ang saloobin ng Diyos para sa tao.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Paglutas Lamang sa mga Kuru-kuro ng Isang Tao Siya Makakapagsimula sa Tamang Landas ng Pananampalataya sa Diyos (1)
Maraming tao ang may mga kuru-kuro at opinyon tungkol sa pagkakapalayas sa mga Hudyo mula sa Judea, at hindi nila nauunawaan ang mga pagnanais ng Diyos, pero isa itong problema na madaling ayusin. Sasabihin Ko sa inyo ang pinakasimpleng paraan para gawin ito. Makinig kayo, at tingnan kung malulutas nito ang mga paghihirap ninyong ito. Ang pinakasimpleng paraan, unang-una na ay ang malaman ng mga tao na sila ay mga nilikha, na ganap na likas at may katwiran na magpasakop ang mga nilikha sa Lumikha sa kanila, at na kung palaging may mga kuru-kuro ang mga nilikha patungkol sa kanilang Lumikha at hindi nila magawang magpasakop sa Kanya, sukdulan silang mapaghimagsik. Dapat maunawaan ng mga tao na may isang pangunahing prinsipyo sa pagtrato sa mga nilikha ang Lumikha, na siya ring pinakamataas na prinsipyo. Kung paano tratuhin ng Lumikha ang mga nilikha ay lubos na nababatay sa Kanyang plano ng pamamahala at sa mga pangangailangan ng Kanyang gawain; hindi Niya kailangang sumangguni kaninuman, ni hindi Niya kailangang matamo ang pagsang-ayon ng sinuman. Anuman ang dapat Niyang gawin at paano man Niya dapat tratuhin ang mga tao, ginagawa Niya, at, anuman ang Kanyang ginagawa o paano man Niya tinatrato ang mga tao, lahat ng ito ay nakaaayon sa mga katotohanang prinsipyo, at sa mga prinsipyo ng pagkilos ng Lumikha. Bilang isang nilikha, ang tanging dapat gawin ay magpasakop sa Lumikha; hindi dapat gumawa ang isang tao ng sarili niyang pagpili. Ito ang katwiran na dapat taglayin ng mga nilikha, at kung hindi ito taglay ng isang tao, hindi siya nararapat tawaging isang tao. Dapat itong maunawaan ng mga tao: Ang Lumikha ay laging magiging ang Lumikha; nasa Kanya ang kapangyarihan at kalipikado Siya na mamatnugot at magkaroon ng kataas-taasang kapangyarihan sa sinumang nilikha ayon sa gusto Niya, at hindi kailangang magkaroon ng dahilan para gawin iyon. Ito ang Kanyang awtoridad. Ang mga nilikha ay walang karapatan at hindi kalipikado na humusga kung tama ba o mali ang anumang bagay na ginagawa ng Lumikha, o kung paano Siya dapat kumilos. Walang nilikha ang may karapatang mamili kung tatanggapin ba niya ang kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Lumikha; at walang nilikha ang may karapatang gumawa ng mga hinihingi sa kung paanong may kataas-taasang kapangyarihan at nagsasaayos ang Lumikha sa kanyang kapalaran. Ito ang pinakamataas na katotohanan. Anuman ang ginawa ng Lumikha sa Kanyang mga nilikha, at paano man Niya ginawa iyon, ang natatanging mga bagay na dapat gawin ng mga nilikhang tao ay: maghanap, magpasakop, kumilala, at tumanggap sa lahat ng bagay na ginawa ng Lumikha. Ang magiging resulta sa huli ay na maisasakatuparan na ng Lumikha ang Kanyang plano ng pamamahala at matatapos na ang Kanyang gawain, at na ang Kanyang plano ng pamamahala ay makakausad na nang walang anumang mga sagabal; samantala, dahil natanggap na ng mga nilikha ang kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Lumikha at nagpasakop na sila sa Kanyang kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos, matatamo na nila ang katotohanan, mauunawaan na ang mga layunin ng Lumikha, at makikilala na ang Kanyang disposisyon. May isa pang prinsipyo na kailangan Kong sabihin sa inyo: Anuman ang ginagawa ng Lumikha, anumang uri ng mga pagpapamalas ang ipinapakita Niya, at malaki man o maliit ang Kanyang ginagawa, Siya pa rin ang Lumikha; samantalang ang buong sangkatauhan, na Kanyang nilikha, anuman ang kanilang nagawa, at gaano man sila katalentado o may kaloob, ay nananatiling mga nilikha. Tungkol naman sa mga taong nilikha, gaano man karaming biyaya at gaano man karaming pagpapala ang natanggap nila mula sa Lumikha, o gaano man kalaking awa, mapagmahal na kabaitan, o mabuting pagtrato, hindi sila dapat maniwala na naiiba sila sa madla, o mag-isip na maaari silang makapantay sa Diyos at na naging mataas ang kanilang ranggo sa gitna ng mga nilikha. Ilang kaloob man ang naigawad sa iyo ng Diyos, o gaano kalaking biyaya ang naibigay Niya sa iyo, o gaano kabait ka man Niya natrato, o kung anong mga espesyal na talento ang ibinigay Niya sa iyo, hindi mo kapital ang mga ito. Ikaw ay isang nilikha, at sa gayon ay magiging isa kang nilikha magpakailanman. Huwag na huwag mong iisipin na, “Isa akong munting bata sa mga kamay ng Diyos. Hinding-hindi ako aabandonahin ng Diyos; ang saloobin ng Diyos sa akin ay lagi nang magiging isang pagmamahal, pagmamalasakit, at magigiliw na paghaplos, na may kasamang malulumanay na bulong ng pagbibigay-ginhawa at panghihikayat.” Bagkus, sa mga mata ng Lumikha, katulad ka ng lahat ng iba pang nilikha; maaari kang gamitin ng Diyos ayon sa Kanyang kagustuhan, at mapamamatnugutan ka rin Niya ayon sa Kanyang kagustuhan, at maaari Niyang isaayos ayon sa Kanyang kagustuhan na gampanan mo ang anumang papel sa lahat ng uri ng tao, pangyayari, at bagay. Ito ang kaalamang dapat mayroon ang mga tao, at ang katwirang dapat nilang taglayin. Kung mauunawaan at matatanggap ng mga tao ang mga salitang ito na sinabi ng Diyos, magiging normal ang kanilang ugnayan sa Diyos, at ang pinakanormal na uri ng ugnayan ay maitatatag sa pagitan nila at ng Diyos; kung mauunawaan at matatanggap ng mga tao ang mga salitang ito na sinabi ng Diyos, natural nilang itutuwid ang kanilang posisyon, tatayo sila sa kanilang tamang lugar, mananatili sa kanilang tungkulin, at magpapasakop sa lahat ng pagsasaayos ng Diyos.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Pag-unawa Lamang sa Katotohanan Malalaman ng Isang Tao ang mga Gawa ng Diyos
Kapag nagkakaroon ng mga maling pagkaunawa at kuru-kuro sa Diyos ang mga tao, dapat muna nilang kilalanin na ang Diyos ang katotohanan at na hindi taglay ng mga tao ang katotohanan, at na siguradong sila ang mali. Isa ba itong uri ng pormalidad? (Hindi.) Kung magkakaroon ka lang ng ganitong pagsasagawa bilang pormalidad, sa panlabas, magagawa mo bang kilalanin ang mga kamalian mo? Hindi kailanman. Nangangailangan ng ilang hakbang para makilala mo ang iyong sarili. Una, dapat mong makita kung ang mga kilos mo ay naaayon sa katotohanan at sa mga prinsipyo—huwag mo munang tingnan ang mga intensiyon mo. May mga pagkakataong tama ang mga intensiyon mo pero mali ang mga prinsipyong isinasagawa mo. Madalas bang nangyayari ang ganitong uri ng sitwasyon? (Oo.) Bakit Ko sinasabing mali ang mga prinsipyo ng pagsasagawa mo? Maaaring naghanap ka, subalit marahil ay wala kang anumang pagkaunawa sa kung ano ba ang mga prinsipyo; marahil ay hindi ka talaga naghanap, at ibinatay mo lamang ang mga aksyon mo sa mabubuting intensiyon at kasigasigan mo, at sa iyong mga imahinasyon at karanasan, at bilang resulta ay nagkamali ka. Nailarawan mo kaya sa isip ang gayong bagay? Hindi mo ito kayang hulaan, at kaya nagawa ang pagkakamali—at hindi ba’t nahayag ka na kung gayon? Pagkatapos mahayag, patuloy kang nakikipagtunggali sa Diyos—nasaan ang mali rito? (Nasa hindi pagkilala na tama ang Diyos, at nasa pagpupumilit na tama ako.) Diyan mismo ang mali. Ang pinakamalaking pagkakamali mo ay hindi dahil sa may nagawa kang mali at nalabag mo ang mga prinsipyo, na nagdulot ng kawalan o iba pang mga kahihinatnan, kundi dahil sa, matapos magkamali, ipinipilit mo pa rin ang pangangatwiran mo, at hindi mo pa rin inaamin ang iyong pagkakamali; patuloy mong sinasalungat ang Diyos batay sa mga kuru-kuro at imahinasyon mo, itinatatwa ang gawain Niya at ang mga katotohanang ipinahayag Niya—ito ang pinakamalaking pagkakamali mo, at ang pinakamalubhang problema. Bakit sinasabing ang ganoong kalagayan ng isang tao ay pagsalungat sa Diyos? (Dahil hindi niya kinikilala na mali ang ginagawa niya.) Una sa lahat, kinikilala man o hindi ng mga tao na ang lahat ng ginagawa ng Diyos at ang Kanyang kataas-taasang kapangyarihan ay tama, at kung ano ang kabuluhan ng mga iyon, kung hindi nila makikilala na sila mismo ay mali, ang kalagayan nila ay pagsalungat sa Diyos. Ano ang dapat gawin para malutas ang kalagayang ito? Una, dapat itatwa ng isang tao ang sarili niya. Ngayon lang, pinag-usapan natin na ang pangangailangang hanapin muna ang mga layunin ng Diyos ay hindi gaanong praktikal para sa mga tao. Sinasabi ng ilan, “Kung hindi ito masyadong praktikal, ibig sabihin ba niyon ay hindi kinakailangan ang paghahanap? Hindi na kailangang hanapin pa ang ilang bagay na puwedeng hanapin at maunawaan—puwede ko nang laktawan ang hakbang na iyon.” Uubra ba ito? (Hindi.) Hindi ba’t hindi na maliligtas ang taong kumikilos sa ganitong paraan? Baluktot ang pagkaunawa ng ganitong mga tao. Dahil medyo mahirap para sa mga tao ang paghahanap sa mga layunin ng Diyos at hindi ito isang bagay na kaagad nilang makakamit, dapat silang gumamit ng medyo mas makatotohanang mabilis na paraan, iyon ay ang bitiwan muna ang sarili, nakikilala na ang mga kilos nila ay mali at hindi naaayon sa katotohanan, at pagkatapos ay hanapin ang mga katotohanang prinsipyo. Ito ang mga hakbang. Maaaring tila simple lang ang mga ito, pero maraming suliranin sa pagsasagawa ng mga ito, dahil ang mga tao ay may mga tiwaling disposisyon, pati na rin ang lahat ng klase ng kuru-kuro at imahinasyon, lahat ng klase ng hindi makatwirang hinihingi, at mayroon din silang lahat ng uri ng pagnanais, na nakahahadlang lahat sa pagkilala ng mga tao sa kanilang sarili at sa pagtalikod sa kanilang sarili. Ang pagkilala sa sarili ay hindi isang madaling bagay na gawin.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Paglutas Lamang sa mga Kuru-kuro ng Isang Tao Siya Makakapagsimula sa Tamang Landas ng Pananampalataya sa Diyos (3)
May kahulugan ang lahat ng ginagawa ng Diyos, at madali man itong tanggapin para sa iyo, o mahirap para sa iyo na tanggapin at malamang na magdudulot ng mga kuru-kuro sa iyo, ano’t anuman, hindi nagbabago ang pagkakakilanlan ng Diyos bilang resulta; palagi Siyang magiging ang Lumikha, at palagi kang magiging isang nilikha. Kung magagawa mong hindi malimitahan ng anumang kuru-kuro, at mapanatili pa rin sa Diyos ang relasyon ng isang nilikha at ng Lumikha, isa kang tunay na nilikha ng Diyos. Kung magagawa mong hindi maimpluwensiyahan o magulo ng anumang kuru-kuro, at may kakayanan ka na tunay na magpasakop sa Diyos mula sa kaibuturan ng iyong puso, at kung nagagawa mong isantabi ang mga kuru-kuro kahit na ang iyong pagkaunawa sa katotohanan ay malalim man o mababaw, at hindi mapigilan ng mga ito, naniniwala lang na ang Diyos ang katotohanan, ang daan, at ang buhay, na ang Diyos ay magiging Diyos magpakailanman, at na hindi kailanman mali ang ginagawa ng Diyos, kung gayon ay maaari kang maligtas. Sa katunayan, limitado ang tayog ng lahat. Gaano karaming bagay ang maaaring maisiksik sa utak ng mga tao? Kaya ba nilang maarok ang Diyos? Pangangarap lang iyon! Huwag kalimutan: Ang mga tao ay palaging magiging musmos sa harap ng Diyos. Kung iniisip mong matalino ka, kung palagi mong sinusubukang maging mautak, at sinusubukan mong alamin ang lahat ng bagay, iniisip mo, “Kung hindi ko ito kayang maunawaan, hindi ko maaaring kilalanin na ikaw ang aking diyos, hindi ko maaaring tanggapin na ikaw ang aking diyos, hindi ko maaaring kilalanin na ikaw ang lumikha. Kung hindi mo lulutasin ang aking mga kuru-kuro, nangangarap ka kung iniisip mo na kikilalanin ko na ikaw ang diyos, na tatanggapin ko ang iyong kataas-taasang kapangyarihan, at na magpapasakop ako sa iyo,” kung gayon ay problema ito. Paano ito naging problema? Hindi nakikipagtalo sa iyo ang Diyos tungkol sa gayong mga bagay. Sa tao Siya ay laging magiging ang sumusunod: Kung hindi mo tatanggapin na ang Diyos ay iyong Diyos, hindi Niya tatanggapin na isa ka sa Kanyang mga nilikha. Kapag hindi tinatanggap ng Diyos na isa ka sa Kanyang mga nilikha, isang pagbabago ang nangyayari sa iyong relasyon sa Diyos bilang resulta ng iyong saloobin sa Kanya. Kung hindi mo magawang magpasakop sa Diyos, at tanggapin ang pagkakakilanlan at diwa ng Diyos, at ang lahat ng ginagawa ng Diyos, magkakaroon ng pagbabago sa iyong pagkakakilanlan. Isa ka pa rin bang nilikha? Hindi ka kinikilala ng Diyos; walang silbi na makipagtalo pa. At kung hindi ka isang nilikha, at hindi ka nais ng Diyos, may pag-asa ka pa rin ba sa kaligtasan? (Wala.) Bakit hindi ka tinuturing ng Diyos bilang isang nilikha? Hindi mo matupad ang mga responsabilidad at tungkulin na dapat gawin ng isang nilikha, at hindi mo tinatrato ang Lumikha mula sa posisyon ng isang nilikha. Kaya, paano ka tatratuhin ng Diyos? Paano ka Niya titingnan? Hindi ka titingnan ng Diyos bilang isang nilikhang pasok sa pamantayan, kundi bilang isang bulok, isang diyablo at isang Satanas. Hindi ba’t iniisip mong matalino ka? Paanong nagawa mo ang iyong sarili na maging isang diyablo at isang Satanas? Hindi ito katalinuhan, kahangalan ito. Ano ang ipinapaunawa ng mga salitang ito sa mga tao? Na dapat manatili sa hanay ang mga tao sa harap ng Diyos. Kahit na may dahilan ka para sa iyong mga kuru-kuro, huwag mong isipin na nagtataglay ka ng katotohanan, at na mayroon kang kapital na magprotesta laban sa Diyos at limitahan Siya. Anuman ang gawin mo, huwag kang maging ganoon. Sa sandaling mawala ang pagkakakilanlan mo bilang isang nilikha, mawawasak ka—hindi ito biro. Ito ay dahil mismo, kapag may mga kuru-kuro ang mga tao, gumagamit sila ng ibang mga pamamaraan, at gumagamit ng ibang mga solusyon, na ang mga kalalabasan ay ganap na magkaiba.
—Ang Salita, Vol. V. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa (16)
Malulutas lamang ang mga kuru-kuro ng mga tao sa pamamagitan ng pakikipagbahaginan tungkol sa katotohanan batay sa mga salita ng Diyos; ang mga ito ay hindi isang bagay na maiwawaksi sa pamamagitan lang ng pangangaral ng mga doktrina at pagbibigay ng mga panghihikayat—hindi iyon ganoon kadali. Halos walang sinuman ang kayang kumapit sa mga positibong bagay; gayumpaman, pagdating sa iba’t ibang kuru-kuro at baluktot na bagay, madaling kumakapit sa mga ito ang karamihan sa mga tao, nahihirapang bitiwan ang mga ito. Ano ang dahilan nito? Ito ay dahil mayroon silang mga tiwaling disposisyon. Malaki o maliit man ang mga kuru-kuro ng mga tao, malubha man o hindi, kung wala silang mga tiwaling disposisyon, madaling lutasin ang mga kuru-kurong ito. Sa huli, ang mga kuru-kuro ay mga kaisipan lamang. Pero dahil sa mga tiwaling disposisyon ng mga tao, gaya ng pagmamataas, pagiging matigas ng kalooban, at maging ang kabuktutan, ang mga kuru-kuro ay nagiging mitsa na nagsasanhi sa mga tao na lumaban sa Diyos, magkamali ng pag-unawa sa Diyos, at husgahan pa nga ang Diyos. Sino ang patuloy na makakapagpasakop at makapupuri sa Diyos kapag nagkikimkim sila ng mga kuru-kuro tungkol sa Kanya? Wala. Sa pagkikimkim ng mga kuru-kuro, lumalaban lang ang mga tao sa Diyos, nagrereklamo sila tungkol sa Kanya, hinuhusgahan nila Siya, at kinokondena pa nga nila Siya. Sapat na ito para ipakita na lumilitaw ang mga kuru-kuro mula sa mga tiwaling disposisyon, ang paglitaw ng mga kuru-kuro ay ang pagbubunyag ng mga tiwaling disposisyon, at ang lahat ng tiwaling disposisyon na nabubunyag ay naghihimagsik at sumasalungat sa Diyos. Sinasabi ng ilang tao na, “May mga kuru-kuro ako, pero hindi ako sumasalungat sa Diyos.” Mapanlinlang na pananalita ito. Kahit wala silang sabihin, sa puso nila, lumalaban pa rin sila, at lumalaban ang kanilang pag-uugali. Maaari pa rin bang magpasakop sa katotohanan ang gayong mga tao kapag ganito sila? Imposible ito. Pinamumunuan ng isang tiwaling disposisyon, kumakapit sila sa kanilang mga kuru-kuro—dulot ito ng kanilang tiwaling disposisyon. Kaya, habang nalulutas ang mga kuru-kuro, nalulutas din ang mga tiwaling disposisyon ng mga tao. Kung nalutas na ang mga tiwaling disposisyon ng mga tao, marami sa mga kaisipan nilang kulang sa gulang, isip-bata, at maging ang mga bagay na naging kuru-kuro na, ay hindi na isyu para sa kanila; mga kaisipan na lamang ang mga ito, at hindi na nakakaapekto sa paggampan mo ng iyong tungkulin, o sa pagpapasakop mo sa Diyos. Magkaugnay ang mga kuru-kuro at tiwaling disposisyon. Nananahan ang mga kuru-kuro sa loob ng puso mo; kapag hindi nasasangkot ang mga kagyat mong interes, nananatiling hindi aktibo ang mga ito, pero hindi ibig sabihin nito na walang mga tiwaling disposisyon sa loob ng mga kuru-kuro mo. Kapag may nangyaring sumasalungat sa mga kuru-kuro mo, kumakapit ka sa mga ito nang may isang partikular na saloobin, isang saloobin na pinangingibabawan ng isa sa mga tiwali mong disposisyon. Ang tiwaling disposisyong ito ay maaaring pagiging matigas ang kalooban, maaaring pagmamataas, at maaaring pagiging malupit; nagiging sanhi ito para magprotesta ka laban sa Diyos, na sinasabing, “Ang pananaw ko ay maraming beses nang napatunayan sa akademya. Pinanghawakan na ito ng mga tao sa loob ng libo-libong taon, kaya bakit hindi puwedeng ako rin? Ang mga bagay na sinasabi Mo na hindi kaayon ng mga kuru-kuro ng tao ay mali, kaya paano pa masasabi ng sinuman na ang mga ito ang katotohanan, na ang mga ito ay higit sa lahat ng iba pa? Ang mga pananaw ko ang pinakanaaayon sa mga kuru-kuro ng mga tao, ang mga ito ang rurok ng kaisipan ng tao!” Ang isang kuru-kuro ay maaaring magsanhi sa iyo na umasal nang ganito, na magprotesta nang ganito. Ano ang nagsasanhi nito? (Mga tiwaling disposisyon.) Tama, sanhi ito ng mga tiwaling disposisyon. May direktang ugnayan sa pagitan ng mga kuru-kuro at ng mga tiwaling disposisyon ng mga tao, at dapat malutas ang mga kuru-kuro nila. Sa sandaling malutas na ang mga kuru-kuro ng mga tao tungkol sa pananalig sa Diyos, nagiging madali para sa kanila na magpasakop sa mga pagsasaayos ng gawain ng sambahayan ng Diyos, at kaya, nagagawa nilang gawin nang mas maayos ang kanilang tungkulin, na hindi tumahak sa mga paligoy-ligoy na landas, na hindi magdulot ng mga pagkagambala o kaguluhan, at na hindi gumawa ng anumang bagay na nagdadala ng kahihiyan sa Diyos. Kung hindi malulutas ang mga kuru-kuro at imahinasyon ng mga tao, nagiging madali para sa kanila na gumawa ng mga bagay na nagdudulot ng mga pagkagambala at kaguluhan. Sa mas malulubhang kaso, ang mga kuru-kuro ng mga tao ay maaaring magbunga sa kanila ng lahat ng uri ng paglaban sa nagkatawang-taong laman ng Diyos. Pagdating sa mga kuru-kuro, siguradong maling pananaw ang mga ito na hindi naaayon sa katotohanan, ganap na kontra sa katotohanan, at maaaring magsanhi ang mga ito na umusbong sa mga tao ang lahat ng uri ng paglaban sa Diyos. Nagiging dahilan ang paglaban na ito para kuwestiyunin mo si Cristo at para hindi mo magawang tanggapin Siya o na magpasakop ka sa Kanya, habang naaapektuhan din nito ang pagtanggap mo sa katotohanan at ang pagpasok mo sa katotohanang realidad. Sa mas malulubha pang kaso, ang iba’t ibang kuru-kuro ng mga tao tungkol sa gawain ng Diyos ay sanhi upang itatwa nila ang gawain ng Diyos, ang mga paraan ng paggawa ng Diyos, at ang kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos—at kung magkagayon ay wala silang anumang pag-asang maligtas. Sa alinmang aspekto ng Diyos may mga kuru-kuro ang mga tao, sa likod ng mga kuru-kurong ito ay nagtatago ang mga tiwali nilang disposisyon, at maaaring magpalala sa mga tiwaling disposisyon na iyon ang mga kuru-kurong ito, na nagbibigay sa mga tao ng mas marami pang dahilan para harapin ang gawain ng Diyos, ang disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo gamit ang kanilang sariling mga tiwaling disposisyon. At hindi ba’t hinihimok sila nito na makipaglaban sa Diyos gamit ang kanilang mga tiwaling disposisyon? Ito ang bunga sa tao ng mga kuru-kuro.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Paglutas Lamang sa mga Kuru-kuro ng Isang Tao Siya Makakapagsimula sa Tamang Landas ng Pananampalataya sa Diyos (1)
Kapag lumilitaw ang mga kuru-kuro, ano man ang kuru-kuro, pagnilayan at suriin mo muna sa puso mo kung tama ba ang pag-iisip na ito. Kung malinaw mong nararamdaman na ang pag-iisip na ito ay hindi tama at baluktot, at na nilalapastangan nito ang Diyos, agad kang magdasal, hilingin sa Diyos na bigyang-liwanag at gabayan ka para makilala mo ang diwa ng problema, at pagkatapos, talakayin mo sa isang pagtitipon ang pagkaunawa mo. Habang nagtatamo ka ng pagkaunawa at dinaranas mo ang mga bagay-bagay, pagtuunan mo ang paglutas sa mga kuru-kuro mo. Kung hindi nagkakamit ng malilinaw na resulta ang pagsasagawa sa ganitong paraan, dapat kang makipagbahaginan tungkol sa aspektong ito ng katotohanan kasama ang isang taong nakakaunawa sa katotohanan, magsikap na humingi ng tulong mula sa iba at ng mga solusyon mula sa mga salita ng Diyos. Sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos at ng mga karanasan mo, unti-unti mong mapapatunayan na tama ang mga salita ng Diyos, at makakamit mo ang malalaking resulta sa isyu ng paglutas sa mga kuru-kuro mo. Sa pamamagitan ng pagtanggap at pagdanas ng gayong mga salita at gawain ng Diyos, sa wakas ay mauunawaan mo ang mga layunin ng Diyos at magkakaroon ka ng kaunting kaalaman sa disposisyon ng Diyos, binibigyang-kakayahan ka na bitiwan at lutasin ang mga kuru-kuro mo. Hindi ka na magkakamali ng pagkaunawa o magiging mapagbantay laban sa Diyos, ni gagawa ng mga kahilingan na walang katwiran. Ito ay para sa mga kuru-kurong madaling lutasin. Pero may isa pang uri ng kuru-kurong mahirap maunawaan at lutasin para sa mga tao. Para sa mga kuru-kurong mahirap lutasin, may isang prinsipyong dapat mong itaguyod: Huwag ipahayag o ipakalat ang mga ito, dahil walang mabuting naidudulot sa ibang tao ang pagpapahayag ng gayong mga kuru-kuro; isa itong katunayan ng paglaban sa Diyos. Kung nauunawaan mo ang kalikasan at mga kahihinatnan ng pagpapakalat ng mga kuru-kuro, dapat ikaw mismo ang magsukat dito nang malinaw at umiwas ka sa padalos-dalos na pagsasalita. Kung sasabihin mo, “Mahirap sa damdamin na pigilan ang mga salita ko sa loob ng iglesia; pakiramdam ko ay sasabog ako,” dapat mo pa ring isaalang-alang kung ang pagpapakalat ng mga kuru-kurong ito ay tunay na kapaki-pakinabang sa hinirang na mga tao ng Diyos. Kung hindi ito kapaki-pakinabang at puwedeng magdulot sa iba na magkaroon ng mga kuru-kuro tungkol sa Diyos, o labanan at husgahan pa ang Diyos, hindi ba’t pinipinsala mo ang hinirang na mga tao ng Diyos? Pinipinsala mo ang mga tao; wala itong ipinagkaiba sa pagkakalat ng salot. Kung talagang may katwiran ka, mas pipiliin mong tiisin ang sakit nang mag-isa kaysa ipakalat ang mga kuru-kuro at makapinsala sa iba. Gayumpaman, kung nahihirapan kang kimkimin ang mga salita mo, dapat kang magdasal sa Diyos. Kung malulutas ang problema, hindi ba’t mabuti iyon? Kung hinuhusgahan mo ang Diyos at nagkakamali ka ng pagkaunawa sa Diyos dahil sa mga kuru-kuro mo, kahit kapag nagdarasal ka sa Kanya, binibigyan mo lang ng problema ang sarili mo. Dapat kang magdasal sa Diyos nang ganito: “O Diyos, may ganito akong mga iniisip, at gusto ko itong bitiwan, pero hindi ko magawa. Pakiusap, disiplinahin Mo ako, ibunyag Mo ako gamit ang iba’t ibang kapaligiran, at hayaan Mong makita ko na mali ang mga kuru-kuro ko. Paano Mo man ako disiplinahin, handa akong tanggapin ito.” Tama ang ganitong mentalidad. Pagkatapos magdasal sa Diyos nang may ganitong mentalidad, hindi ba’t mararamdaman mo na hindi na gaanong masikip ang kalooban mo? Kung patuloy kang magdarasal at maghahanap, tumatanggap ng kaliwanagan at pagtanglaw mula sa Diyos, mauunawaan mo ang mga layunin ng Diyos, at magliliwanag ang puso mo, hindi na maninikip ang kalooban mo. Hindi ba’t malulutas na ang problema kung magkagayon? Maglalaho ang karamihan ng kuru-kuro, paglaban, at paghihimagsik mo sa Diyos; sa pinakamababa, hindi mo mararamdaman ang pangangailangang ipahayag ang mga ito. Kung hindi pa rin iyon gumana at hindi ganap na nalulutas ang problema, maghanap ka ng isang tao na may karanasan para tulungan kang lutasin ang mga kuru-kuro mo. Magpahanap sa kanya ng ilang sipi ng mga salita ng Diyos na may kaugnayan sa paglutas sa mga kuru-kurong mayroon ka, at basahin mo ang mga ito nang dose-dosena o daan-daang beses; marahil ay ganap na malulutas ang mga kuru-kuro mo. Puwedeng sabihin ng ilang tao, “Kung magpapahayag ako ng mga kuru-kuro sa isang pagtitipon kasama ang mga kapatid, magiging pagpapakalat iyon ng mga kuru-kuro, kaya hindi ko iyon puwedeng gawin. Pero masakit sa dibdib na kimkimin ang mga ito. Puwede ko bang sabihin ang mga ito sa aking pamilya?” Kung ang mga kapamilya mo ay mga kapatid din sa pananalig, ang pagpapahayag ng mga kuru-kurong ito sa kanila ay makakagulo rin sa kanila. Angkop ba ito? (Hindi.) Kung ang sasabihin mo ay magkakaroon ng masamang epekto sa iba, makakapinsala at makakalihis sa kanila, hinding-hindi mo dapat sabihin ito. Sa halip, magdasal ka sa Diyos para malutas ang isyu. Hangga’t ikaw ay nagdarasal at kumakain at umiinom ng mga salita ng Diyos nang may taimtim na puso, isang pusong nagugutom at nauuhaw sa katuwiran, maaaring malutas ang mga kuru-kuro mo. Nilalaman ng mga salita ng Diyos ang komprehensibong katotohanan; kayang lutasin ng mga ito ang anumang problema. Nakasalalay lang ito kung kaya mong tanggapin ang katotohanan at kung handa kang isagawa ang mga salita ng Diyos, at kung kaya mong bitiwan ang sarili mong mga kuru-kuro. Kung naniniwala kang laman ng mga salita ng Diyos ang komprehensibong katotohanan, dapat kang magdasal sa Diyos at dapat mong hanapin ang katotohanan para lutasin ang mga problema kapag lumilitaw ang mga ito. Kung pagkatapos magdasal sa loob ng ilang panahon ay hindi ka pa rin nakakaramdam ng kaliwanagan mula sa Diyos at wala ka pa ring natatanggap na malinaw na mga salita mula sa Diyos sa kung ano ang gagawin, pero hindi mo namamalayan na ang mga kuru-kuro mo ay hindi na nakakaapekto sa kalooban mo, hindi na nakakagulo sa buhay mo, unti-unti nang naglalaho, hindi na nakakaapekto sa normal mong ugnayan sa Diyos, at siyempre ay hindi na nakakaapekto sa paggampan mo ng tungkulin, hindi ba’t talagang nalutas na ang kuru-kurong ito? (Oo.) Ito ang landas ng pagsasagawa.
—Ang Salita, Vol. V. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa (16)
Mayroon ba kayong mga prinsipyo sa kung paano magsagawa patungkol sa mga kuru-kuro? … Kapag naunawaan na ninyo ang katotohanan at naarok na ninyo ang mga prinsipyo, natural na malulutas ang mga kuru-kuro ninyo. Huwag ninyong hayaang hadlangan o patumbahin kayo ng mga kuru-kuro; lutasin ang mga kuru-kurong maaaring lutasin sa abot ng makakaya ninyo, at para sa mga pansamantalang hindi pa malutas, huwag hayaang makaapekto sa inyo ang mga ito kahit papaano. Hindi dapat mahadlangan ng mga ito ang paggampan mo ng tungkulin, ni makaapekto ang mga ito sa ugnayan mo sa Diyos. Ang batayang pamantayan para sa iyo ay hindi ka dapat magkalat ng mga kuru-kuro, gumawa ng kasamaan, magdulot ng mga paggambala at panggugulo, o kumilos bilang alipin ni Satanas o bilang daluyan ni Satanas. Kung, gaano ka man magsikap, ang ilang kuru-kuro ay maaari lang lutasin nang paimbabaw at hindi lubusang malulutas, huwag mo na lang pansinin ang mga iyon. Huwag hayaan ang mga kuru-kuro na makaapekto sa paghahangad mo sa katotohanan o sa buhay pagpasok mo. Maging bihasa ka sa mga prinsipyong ito, at sa ilalim ng normal na mga sitwasyon, ikaw ay mapoprotektahan. Kung isa kang tao na tumatanggap sa katotohanan, nagmamahal sa mga positibong bagay, hindi masamang tao, ayaw magdulot ng mga pagkagambala at kaguluhan, at hindi nananadyang magdulot ng mga pagkagambala at kaguluhan, kapag karaniwan kang nahaharap sa isyu ng paglitaw ng mga kuru-kuro, sa pangkalahatan ay mapoprotektahan ka. Ang pinakabatayang prinsipyo ng pagsasagawa ay ito: Kung lumitaw ang isang kuru-kurong mahirap lutasin, huwag magmadaling kumilos ayon sa kuru-kurong iyon. Una, maghintay at hanapin ang katotohanan para lutasin ito, maniwala na hindi maaaring maging mali ang ginagawa ng Diyos. Tandaan ang prinsipyong ito. Dagdag pa, huwag isantabi ang tungkulin mo o hayaan ang kuru-kuro na makaapekto sa paggampan mo ng tungkulin. Kung may mga kuru-kuro ka at iniisip mo, “Iraraos ko na lang ang tungkuling ito; masama ang lagay ng loob ko ngayon, kaya hindi ako gagawa nang maayos para sa iyo!” hindi ito tama. Kapag naging negatibo at pabasta-basta ang saloobin mo, nagiging problema ito; ito ang panliligalig ng mga kuru-kuro sa loob mo. Kapag nanliligalig ang mga kuru-kuro sa loob mo at nakakaapekto sa paggampan mo ng tungkulin, ibig sabihin niyon na sa puntong ito, nagkaroon na ng aktuwal na pagbabago ang ugnayan mo sa Diyos. Ang ilang kuru-kuro ay puwedeng makaapekto sa paggampan mo ng tungkulin, na isang malubhang problema, at dapat na agarang malutas ang mga ito. Ang ibang kuru-kuro ay hindi nakakaapekto sa paggampan mo ng tungkulin o sa ugnayan mo sa Diyos, kaya hindi malalaking isyu ang mga ito. Kung ang mga kuru-kurong nabubuo mo ay maaaring makaapekto sa paggampan mo ng tungkulin, na nagdudulot na pagdudahan mo ang Diyos, na huwag kang magsipag sa paggawa ng tungkulin mo—at maramdaman pa nga na walang kakaharaping mga kahihinatnan ang hindi paggawa ng tungkulin mo—at walang anumang pangamba o may-takot-sa-Diyos na puso, mapanganib ito. Nangangahulugan ito na mahuhulog ka sa tukso, at maloloko at mabibihag ka ni Satanas. Ang saloobin mo sa mga kuru-kuro mo at ang mga pinipili mo ay napakahalaga; malutas man o hindi ang mga kuru-kuro, at anuman ang antas ng pagkakalutas ng mga ito, hindi dapat magbago ang normal na ugnayan sa pagitan mo at ng Diyos. Sa isang banda, dapat magawa mong makapagpasakop sa lahat ng kapaligirang pinamamatnugutan ng Diyos, at kumpirmahin na tama at makabuluhan ang lahat ng ginagawa ng Diyos, at hindi dapat magbago kailanman ang kaalamang ito at ang aspektong ito ng katotohanan para sa iyo. Sa kabilang banda, hindi mo dapat isantabi ang tungkuling ipinagkatiwala ng Diyos sa iyo, hindi mo dapat iwaksi ang pasaning ito. Kung, sa panloob o panlabas, wala kang paglaban, pagsalungat, o paghihimagsik laban sa Diyos, makikita lang ng Diyos ang pagpapasakop mo, at na naghihintay ka. Maaaring may mga kuru-kuro ka pa rin, pero hindi nakikita ng Diyos ang paghihimagsik mo. Dahil walang paghihimagsik at paglaban sa loob mo, itinuturing ka pa rin ng Diyos bilang isa sa Kanyang mga nilikha. Sa kabaligtaran, kung ang puso mo ay puno ng mga reklamo at pagtutol, naghahanap ka ng pagkakataon para gumanti, at ayaw mong gawin ang tungkulin mo, bagkus ay gusto mong iwaksi ang pasaning ito—maging sa puntong, sa puso mo, may kung ano-anong reklamo tungkol sa Diyos, at nabubunyag ang mga partikular na pagpapamalas ng pagtutol at sama ng loob habang ginagawa mo ang tungkulin mo—kung gayon, sa pagkakataong ito, malaki na ang ipinagbago ng ugnayan mo sa Diyos. Iniwan mo na ang posisyon mo bilang isang nilikha; hindi ka na isang nilikha, kundi naging daluyan ka na ng mga diyablo at ni Satanas—kaya hindi ka na pakikitaan ng Diyos ng anumang kabutihan. Kapag dumating na sa puntong ito ang isang tao, papalapit na siya sa mapanganib na kalagayan. Kahit walang gawin ang Diyos, hindi siya makakapanindigan sa iglesia. At kaya, sa lahat ng ginagawa ng mga tao—lalo na kapag may kinalaman ito sa mga isyu ng paglutas sa mga kuru-kuro—dapat maging maingat sila na iwasan ang paggawa ng mga bagay na nagkakasala sa Diyos, o na kinokondena ng Diyos, o nakakasakit o nakakapinsala sa iba. Ito ang prinsipyo.
Hindi maliit na usapin ang problema ng pagkakaroon ng mga tao ng mga kuru-kuro tungkol sa Diyos! Napakahalaga para sa mga tao na makapagpanatili ng normal na ugnayan sa Diyos, pero ang pinakanakakaapekto sa ugnayang ito ay ang mga kuru-kuro ng mga tao. Kapag nalutas na ang mga kuru-kuro ng mga tao tungkol sa Diyos ay saka lang mapapanatili ang normal na ugnayan sa Kanya. Sa kasalukuyan, maraming tao ang may malubhang problema. Kahit ilang taon na silang nananampalataya sa Diyos, bagama’t kaya nilang magtiis ng pagdurusa at magbayad ng halaga sa paggampan ng mga tungkulin nila, pero sa buong panahong ito, hindi pa rin ganap na malutas ang mga kuru-kuro nila. Malubha itong nakakaapekto sa ugnayan nila sa Diyos at direktang nakakaapekto sa pagmamahal nila sa Diyos at sa pagpapasakop nila sa Kanya. Samakatwid, anumang kuru-kuro ang mabuo ng mga tao tungkol sa Diyos, isa itong seryosong usapin na hindi puwedeng ipagsawalang-bahala. Ang mga kuru-kuro ay parang isang pader; hinahadlangan ng mga ito ang ugnayan ng mga tao sa Diyos, na nagiging dahilan para mawalan sila ng ugnayan sa gawain ng pagliligtas ng Diyos. Kaya, ang pagkakaroon ng mga tao ng mga kuru-kuro tungkol sa Diyos ay isang napakaseryosong isyung hindi puwedeng ipagsawalang-bahala! Kung ang mga tao ay may mga kuru-kuro at hindi nila magawang agarang hanapin ang katotohanan at lutasin ang mga ito, puwede itong madaling magdulot ng pagkanegatibo, paglaban sa Diyos, at maging ng pagkamapanlaban sa Kanya. Matatanggap pa kaya nila ang katotohanan kung gayon? Mahihinto ang buhay pagpasok nila. Ang landas ng pagdanas sa gawain ng Diyos ay hindi pantay at lubak-lubak. Dahil may mga tiwaling disposisyon ang mga tao, maaaring lumihis sila nang maraming beses, at puwedeng bumuo sila ng mga kuru-kuro sa anumang sitwasyon. Kung ang mga kuru-kurong ito ay hindi malulutas sa pamamagitan ng paghahanap sa katotohanan, puwedeng maghimagsik ang mga tao laban sa Diyos at lumaban sa Kanya, tumahak sa landas ng pagkamapanlaban sa Kanya. Kapag tumahak ang mga tao sa landas ng mga anticristo, sa tingin ba ninyo ay may pag-asa pa silang maligtas? Mahirap na itong pangasiwaan sa puntong iyon, at wala nang matitirang pagkakataon. Kaya, bago ka itatwa ng Diyos bilang Kanyang nilikha, dapat mong matutuhan kung paano maging nilikha ng Diyos. Huwag mong subukang siyasatin ang Lumikha o subukang maghanap ng paraan para patunayan at tiyakin na ang Diyos na sinasampalatayanan mo ay ang Lumikha. Hindi ito ang obligasyon o responsabilidad mo. Ang dapat mong iniisip at pinagninilayan sa puso mo araw-araw ay kung paano mo matutupad ang mga tungkulin mo at maging isang nilikha na pasok sa pamantayan, sa halip na kung paano patunayan kung ang Diyos ang Lumikha, kung Siya ba talaga ay Diyos, o na siyasatin ang ginawa ng Diyos at kung tama ba ang Kanyang mga kilos o hindi. Hindi ang mga ito ang dapat mong siyasatin.
—Ang Salita, Vol. V. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa (16)
Kaugnay na mga Himno
Hindi mo Kailanman Makikilala ang Diyos sa Pamamagitan ng mga Kuru-kuro at Imahinasyon