16. Paano lutasin ang problema ng pagsisinungaling at panlilinlang
Mga Salita ng Diyos Mula sa Bibliya
“Kayo ay sa inyong amang diyablo, at ang mga nasa ng inyong ama ay inyong gagawin. Siya ay isang mamamatay-tao buhat pa noong una, at hindi nananatili sa katotohanan, sapagkat walang katotohanan sa kanya. Kapag nagsasalita siya ng kasinungalingan, ay nagsasalita siya ng sa sarili niya: sapagkat siya ay isang sinungaling, at ama nito” (Juan 8:44).
“Ang magiging pananalita ninyo ay, ‘Oo, oo; Hindi, hindi’: sapagkat ang humigit pa rito ay buhat sa masama” (Mateo 5:37).
“Katotohanang sinasabi Ko sa inyo, ‘Malibang kayo’y magbalik-loob, at maging tulad sa maliliit na bata, sa anumang paraan ay hindi kayo magsisipasok sa kaharian ng langit’” (Mateo 18:3).
“Ang mga ito’y ang nagsisisunod sa Kordero saan man Siya pumaroon. Ang mga ito’y tinubos sa gitna ng mga tao, na maging mga unang bunga sa Diyos at sa Kordero. At sa kanilang bibig ay walang nasumpungang kasinungalingan: sila’y mga walang dungis” (Pahayag 14:4–5).
Mga Salita ng Makapangyarihang Diyos ng mga Huling Araw
Na hinihingi ng Diyos sa mga tao na maging matapat ay nagpapatunay na talagang kinasusuklaman Niya ang mga taong mapanlinlang at hindi Niya gusto ang mga ito. Ang pag-ayaw ng Diyos sa mga taong mapanlinlang ay pag-ayaw sa kanilang paraan ng paggawa ng mga bagay-bagay, sa kanilang mga disposisyon, at pati sa kanilang mga intensyon, at kanilang mga pamamaraan ng panlilinlang; ayaw ng Diyos ang lahat ng bagay na ito. Kung ang mga taong mapanlinlang ay nagagawang tanggapin ang katotohanan, aminin ang kanilang mapanlinlang na disposisyon, at handa silang tanggapin ang pagliligtas ng Diyos at isagawa ang katotohanan para maging matatapat na tao, sila man ay may pag-asang maligtas, sapagkat hindi nagpapakita ang Diyos ng pagkiling sa sinuman, at gayundin ang katotohanan. Kaya nga, kung nais nating maging mga taong kalugod-lugod sa Diyos, una ay dapat nating baguhin ang ating mga prinsipyo ng sariling asal, tumigil sa pamumuhay nang ayon sa mga pilosopiya ni Satanas, tumigil sa pag-asa sa pagsisinungaling at panlilinlang para maipamuhay ang ating buhay, at iwaksi ang lahat ng ating kasinungalingan at subukang maging matatapat na tao. Sa gayon ay magbabago ang pagtingin sa atin ng Diyos. Dati-rati, laging umaasa ang mga tao sa pagsisinungaling, panlilinlang, at pagkukunwari habang namumuhay kasama ang iba, at umaasal sila sa pamamagitan ng paggamit ng mga pilosopiya ni Satanas bilang batayan ng kanilang pag-iral, bilang kanilang buhay, at bilang saligan. Isang bagay ito na kinasusuklaman ng Diyos. Sa gitna ng mga walang pananampalataya, kung sinusubukan mong maging isang matapat na tao at sabihin ang totoo, sisiraan ka, huhusgahan, at itatakwil. Kaya sumusunod ka sa mga makamundong kalakaran at namumuhay ayon sa mga pilosopiya ni Satanas; lalo ka pang humuhusay sa pagsisinungaling, at mas lalong nagiging mapanlinlang. Gumagamit ka rin ng mga lihim na mapanirang kaparaanan para makamtan ang iyong mga layon at sa gayon ay protektahan ang iyong sarili. Mas lalo kang nagiging maunlad sa mundo ni Satanas, at dahil dito, palalim nang palalim ang pagkahulog mo sa kasalanan at hindi mo na mapalaya ang iyong sarili. Sa sambahayan ng Diyos, eksaktong kabaligtaran niyon ang mga bagay-bagay. Kapag mas may kasanayan ka sa pagsisinungaling at pagiging mapanlinlang, mas magiging tutol sa iyo ang mga taong hinirang ng Diyos at itatakwil ka. Kung tatanggi kang magsisi at kakapit ka pa rin sa mga pilosopiya at lohika ni Satanas, at gagamit ka rin ng mga pakana at pandaraya at mga sopistikadong taktika para magbalatkayo at magpanggap, malamang na mabubunyag at matitiwalag ka. Ito ay dahil kinasusuklaman ng Diyos ang mga taong mapanlinlang. Tanging matatapat na tao ang maaaring umunlad sa sambahayan ng Diyos, at lahat ng mga taong mapanlinlang ay itatakwil at ititiwalag sa huli. Matagal na itong paunang inorden ng Diyos. Matatapat na tao lang ang maaaring magkaroon ng bahagi sa kaharian ng langit. Kung hindi ka magsisikap na maging matapat na tao, at kung hindi ka dumaranas at nagsasagawa sa direksyon ng paghahangad sa katotohanan, kung hindi mo ilalantad ang sarili mong kapangitan, at kung hindi mo ilalantad ang iyong sarili, hinding-hindi mo matatanggap ang gawain ng Banal na Espiritu at matatamo ang pagsang-ayon ng Diyos.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Pinakasaligang Pagsasagawa ng Pagiging Isang Taong Matapat
Kung nais ng mga tao na maligtas, dapat silang magsimula sa pagiging matatapat na tao. Ang mga makakamit ng Diyos sa huli ay may partikular na tanda. Alam ba ninyo kung ano ito? Nasusulat ito sa Pahayag, sa Bibliya: “At sa kanilang bibig ay walang nasumpungang kasinungalingan: sila’y mga walang dungis” (Pahayag 14:5). Sino yaong “sila”? Sila yaong mga naligtas, nagawang perpekto at nakamit ng Diyos. Paano inilalarawan ng Diyos ang mga taong ito? Ano ang mga katangian at mga pagpapamalas ng kanilang sariling asal? Wala silang dungis. Walang matatagpuan na kasinungalingan sa kanilang bibig. Marahil ay nauunawaan at naaarok ninyong lahat ang ibig sabihin ng “walang kasinungalingan”: Nangangahulugan ito ng pagiging matapat. Ano ang tinutukoy ng “walang dungis”? Ang ibig sabihin nito ay hindi paggawa ng kasamaan. At anong pundasyon ang pinagbabatayan ng hindi paggawa ng kasamaan? Walang duda, nakabatay ito sa pundasyon ng pagkatakot sa Diyos. Samakatwid, ang ibig sabihin ng pagiging walang dungis ay ang matakot sa Diyos at umiwas sa kasamaan. Paano binibigyang-depinisyon ng Diyos ang taong walang dungis? Sa mga mata ng Diyos, tanging ang mga may takot sa Diyos at umiiwas sa kasamaan ang perpekto; sa gayon, ang mga taong walang dungis ay yaong mga may takot sa Diyos at umiiwas sa kasamaan, at tanging ang mga perpekto ang walang dungis. Tama talaga ito. Kung araw-araw na nagsisinungaling ang isang tao, hindi ba iyon isang dungis? Kung palagi siyang nagsasalita at kumikilos ayon sa sarili niyang kalooban, hindi ba’t isa iyong dungis? Kung palagi siyang humihingi ng papuri at humihingi sa Diyos ng gantimpala kapag may nagawa siya, hindi ba’t isa iyong dungis? Kung hindi niya kailanman dinakila ang Diyos, palagi siyang nagpapatotoo sa kanyang sarili, hindi ba’t isa iyong dungis? Kung, sa paggampan ng kanyang tungkulin, palagi siyang pabasta-basta, oportunista, at tuso at nagpapabaya, hindi ba’t isa iyong dungis? Ang lahat ng ito at iba pang gayong mga pagbubunyag ng mga tiwaling disposisyon ay mga dungis. Iyon nga lang, bago maunawaan ng mga tao ang katotohanan, hindi nila ito alam. Sa kasalukuyan, alam ninyo na ang mga pagbubunyag na ito ng katiwalian ay pawang mga dungis at karumihan; pagkatapos lang ninyong maunawaan ang kaunting katotohanan kayo nagkakaroon ng ganitong uri ng pagkilatis. Lahat ng mga nauukol sa mga pagbubunyag ng katiwalian ay may kaugnayan sa mga kasinungalingan; ang mga salita ng Bibliya, na “walang nasumpungang kasinungalingan,” ang mahalagang elemento sa pagninilay-nilay kung may mga dungis ka ba o wala. Kaya, kung susukatin kung nakaranas ba ang isang tao ng paglago sa kanyang buhay o wala, may isa pang pahiwatig, ito ay: kung nakapagsagawa at nakapasok ka ba o hindi sa pagiging isang matapat na tao, kung gaano ba karaming kasinungalingan ang masusumpungan sa mga bagay na sinasabi mo, at kung unti-unti bang nababawasan ang iyong mga kasinungalingan o kung katulad pa rin ba ang mga ito ng dati. Kung ang mga kasinungalingan mo, kabilang na ang mapagbalatkayo at mapanlinlang mong mga salita, ay unti-unting nababawasan, pinatutunayan niyon na nagsimula ka nang pumasok sa realidad, at lumalago na ang iyong buhay. Hindi ba’t isa itong praktikal na paraan para tingnan ang mga bagay-bagay? (Oo.) Kung pakiramdam mo ay nakaranas ka na ng paglago, pero hindi man lang nabawasan ang mga kasinungalingan mo, at sa pangkalahatan, katulad ka lang din ng isang taong walang pananampalataya, kung gayon, isa ba itong normal na pagpapamalas ng pagpasok sa katotohanang realidad? (Hindi.) Kapag nakapasok ang isang tao sa katotohanang realidad, kahit papaano ay magsasalita siya ng napakakaunting kasinungalingan; sa pangkalahatan ay isa siyang matapat na tao. Kung masyado kang nagsisinungaling at masyadong narumihan ang mga salita mo, pinatutunayan nito na wala kang anumang ipinagbago, at hindi ka pa isang matapat na tao. Kung hindi ka isang matapat na tao, wala kang buhay pagpasok, kaya naman, anong paglago ang maaari mong maranasan? Buong-buo pa rin ang mga tiwali mong disposisyon, at isa kang walang pananampalataya at isang diyablo. Ang pagiging isang matapat na tao ay isang pahiwatig para masukat kung nakaranas ba ang isang tao ng paglago sa kanyang buhay o hindi; dapat malaman ng mga tao kung paano ikumpara ang kanilang sarili rito at malaman kung paano sukatin ang kanilang sarili.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Anim na Pahiwatig ng Paglago sa Buhay
Sa kanilang pang-araw-araw na buhay, ang mga tao ay madalas na nagsasabi ng mga walang saysay na bagay, mga kasinungalingan, at mga bagay na mangmang, hangal, at depensibo. Sinasabi nila ang karamihan sa mga bagay na ito dahil sa banidad at pride, upang bigyang-kasiyahan ang mga sarili nilang ego. Ang pagsasabi ng gayong mga kasinungalingan ay isang pagbubunyag ng mga tiwaling disposisyon. Kung lulutasin mo ang mga tiwaling elementong ito, madadalisay ang puso mo, at unti-unti kang magiging mas dalisay at matapat. Ang totoo, alam ng lahat ng tao kung bakit sila nagsisinungaling. Lahat ng ito ay alang-alang sa pansariling pakinabang, para sa banidad at pride, at para sa reputasyon at katayuan, na sinusubukan nilang makipagkompetensiya sa iba at magpanggap. Gayunman, sa huli, ang mga kasinungalingan nila ay ibinubunyag at inilalantad ng iba, at napapahiya sila, at nasisira din ang dignidad at integridad nila. Ang lahat ng ito ay dulot ng sobra-sobrang kasinungalingan. Masyadong marami ang mga kasinungalingan mo. Ang bawat salitang sinasabi mo ay may halo na at huwad, at ni isa ay hindi maituturing na totoo o matapat. Kahit na nararamdaman mong naiwasan mong mapahiya kapag nagsisinungaling ka, sa kaibuturan, nakakaramdam ka ng kahihiyan. Inuusig ka ng konsensiya mo, at sa loob-loob, nakakaramdam ka ng paghamak at pangmamata sa sarili mo, iniisip na, “Bakit nabubuhay ako nang kahabag-habag? Ganoon ba kahirap ang magsalita ng katotohanan? Kailangan bang magsinungaling ako para sa pride ko? Bakit sobrang nakakapagod ang buhay ko?” Hindi mo kailangang mamuhay nang ganoong sobrang nakakapagod na buhay. Kung makakapagsagawa ka bilang isang matapat na tao, magagawa mong mamuhay nang magaan, malaya, at maalwan. Gayunman, pinili mo ang landas na panatilihin ang iyong pride at banidad sa pamamagitan ng pagsisinungaling. Bunga nito, namumuhay ka ng isang sobrang nakakapagod at miserableng pag-iral. Lahat ng ito ay ikaw mismo ang may gawa. Maaaring mapanatili ng isang tao ang kanyang pride sa pamamagitan ng pagsisinungaling, ngunit ano ang pride na iyon? Ito ay isang bagay lang na walang kabuluhan, at ganap na walang halaga. Ang pagsisinungaling ay nangangahulugang pagkakanulo ng integridad at dignidad ng isang tao. Ginagawa nitong mawalan ng dignidad at integridad ang isang tao. Hindi ito nakalulugod at kasuklam-suklam ito para sa Diyos. Sulit ba ito? Hindi. Ito ba ang tamang landas? (Hindi.) … Kung ikaw ay isang taong nagmamahal sa katotohanan, magagawa mong tiisin ang iba’t ibang uri ng pagdurusa upang maisagawa ang katotohanan. Kahit pa ang ibig sabihin nito ay mawala ang iyong reputasyon at katayuan, at mapahiya at kutyain ng iba, hindi mo ito iindahin, at iisipin mo na basta’t nagagawa mong isagawa ang katotohanan at palugurin ang Diyos, sapat na ito. Pinipili ng mga nagmamahal sa katotohanan na isagawa ang katotohanan at maging matatapat na tao. Ito ang tamang landas at ito ay pinagpapala ng Diyos. Kung hindi minamahal ng isang tao ang katotohanan, ano ang pinipili niya? Pinipili niyang gumamit ng mga kasinungalingan para mapanatili ang kanyang reputasyon, katayuan, dignidad, at ang isang balatkayo ng integridad. Mas pipiliin niyang maging mapanlinlang na tao, at kasuklaman at itakwil ng Diyos kaysa isagawa ang katotohanan. Ang gayong mga tao ay iyong mga tutol sa katotohanan at nagtatakwil sa Diyos. Pinipili niya ang sarili niyang reputasyon at katayuan; nais niyang maging mapanlinlang na tao. Wala siyang pakialam kung nalulugod ang Diyos o hindi o kung ililigtas siya ng Diyos. Maliligtas pa rin ba ng Diyos ang gayong tao? Tiyak na hindi, dahil pinili niya ang maling landas. Makapamumuhay lang siya sa pamamagitan ng pagsisinungaling at panlilinlang; kaya lamang niyang palipasin ang masasakit na araw ng pagsisinungaling at pagtatakip sa mga ito at pagpipiga sa kanyang utak upang pangatwiranan ang sarili niya araw-araw. Kung iniisip mong mapapanatili ng mga kasinungalingan ang reputasyon, katayuan, banidad, at pride na ninanais mo, lubos kang nagkakamali. Ang totoo, sa pamamagitan ng pagsisinungaling, hindi ka lang bigong mapanatili ang banidad at pride mo, at ang iyong dignidad at panlabas na anyo ng integridad, pero ang mas malala pa ay napapalagpas mo ang pagkakataong isagawa ang katotohanan at maging isang matapat na tao. Kahit na magawa mong panatilihin ang iyong reputasyon, katayuan, banidad, at pride sa sandaling iyon, naiwaksi mo ang katotohanan at naipagkanulo ang Diyos. Ibig sabihin nito ay ganap nang nawala sa iyo ang pagkakataon na mailigtas at maperpekto Niya, na siyang pinakamalaking kawalan at isang walang hanggang pagsisisihan. Hindi ito kailanman makikilatis ng mga mapanlinlang.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Pamamagitan Lang ng Pagiging Isang Matapat na Tao Makapagsasabuhay ng Tunay na Wangis ng Tao ang Isang Tao
Hindi kailanman sinasabi ng ilang tao ang totoo kaninuman. Pinag-iisipan at pinipino nila sa kanilang isipan ang lahat ng bagay bago sila magsalita sa mga tao. Hindi mo masasabi kung alin sa mga bagay na sinasabi nila ang totoo, at kung alin ang hindi totoo. Nagsasabi sila ng isang pahayag ngayon at iba naman bukas, nagsasabi sila ng isang pahayag sa isang tao, at ng iba namang pahayag sa isa pa. Ang lahat ng sinasabi nila ay magkakasalungat. Paano mapapaniwalaan ang gayong mga tao? Napakahirap maarok nang tumpak ang mga katunayan, at wala kang makuhang maaasahang salita sa kanila. Anong disposisyon ito? Ito ay panlilinlang. Madali bang baguhin ang isang mapanlinlang na disposisyon? Ito ang pinakamahirap baguhin. Ang anumang may kinalaman sa mga disposisyon ay may kaugnayan sa kalikasan ng isang tao, at wala nang mas mahirap pang baguhin kaysa sa mga bagay na may kinalaman sa kalikasan ng isang tao. Ang kasabihang, “Hindi mababago ng isang leopardo ang mga batik nito,” ay ganap na totoo! Anuman ang kanilang sinasabi o ginagawa, palaging nagkikimkim ng sarili nilang mga pakay at intensiyon ang mga mapanlinlang na tao. Kung wala sila ng mga ito, hindi sila magsasalita. Kung susubukan mong unawain kung ano ang kanilang mga pakay at intensiyon, tatahimik sila. Kung hindi sinasadya ay may masabi man silang totoo, gagawin nila ang lahat para pagtakpan ito, para lituhin ka at pigilan kang malaman ang totoo. Anuman ang ginagawa ng mga mapanlinlang na tao, hindi nila hahayaan na malaman ninuman kung ano ang totoong nangyayari. Gaano katagal man ang gugulin ng mga tao kasama sila, walang nakaaalam kung ano ba talaga ang nasa kanilang mga isipan. Ganito ang kalikasan ng mga mapanlinlang na tao. Gaano man karami ang sabihin ng isang mapanlinlang na tao, hinding-hindi malalaman ng iba kung ano ang kanyang mga intensiyon, kung ano talaga ang iniisip niya, o kung ano mismo ang sinisikap niyang makamit. Maging ang mga magulang niya ay nahihirapang malaman ito. Napakahirap na subukang maunawaan ang mga mapanlinlang na tao, walang sinuman ang makaarok sa kung ano ang nasa isip nila. Ganito magsalita at kumilos ang mga mapanlinlang na tao: Hindi nila kailanman sinasabi ang nasa kanilang isipan o ipinahahayag kung ano ba talaga ang nangyayari. Isang uri ito ng disposisyon, hindi ba? Kapag mayroon kang mapanlinlang na disposisyon, hindi mahalaga kung ano ang sinasabi o ginagawa mo—ang disposisyong ito ay palaging nasa iyong kalooban, kinokontrol ka, inuudyukan kang manlansi at manlinlang, paglaruan ang mga tao, pagtakpan ang totoo, at magpanggap. Ito ay panlilinlang. Ano pang ibang partikular na mga kilos ang ginagawa ng mga mapanlinlang na tao? Magbibigay Ako ng isang halimbawa. Nag-uusap ang dalawang tao, at ang isa sa kanila ay nagsasalita tungkol sa kanyang pagkakilala sa sarili; patuloy na nagsasalita ang taong ito tungkol sa kung paano siya bumuti, at sinusubukan niyang papaniwalain ang kausap niya, pero hindi niya sinasabi rito ang mga totoong katunayan tungkol sa usapin. Dito, mayroong itinatago, at ipinahihiwatig nito ang isang partikular na disposisyon—ang panlilinlang. Tingnan natin kung makikilatis ninyo ito. Sabi ng taong ito, “Nakaranas ako ng ilang bagay kamakailan, at pakiramdam ko ay walang naging kabuluhan ang pananampalataya ko sa Diyos sa mga nagdaang taong ito. Wala akong anumang natamo. Napakaaba ko at kaawa-awa! Hindi gaanong mabuti ang kilos ko kamakailan, pero handa na akong magsisi.” Pero makalipas ang ilang panahon matapos niya itong sabihin, hindi siya makikitaan ng pagpapamalas ng anumang pagsisisi. Ano ang problema rito? Ito ay na nagsisinungaling siya at nanlalansi siya ng iba. Kapag narinig ng ibang tao na sabihin niya ang mga bagay na iyon, iisipin ng mga ito, “Hindi hinangad noon ng taong ito ang katotohanan, pero ang katunayang nasasabi na niya ngayon ang ganitong mga bagay ay nagpapakita na tunay na siyang nagsisi. Hindi natin siya dapat pagdudahan, at hindi natin siya dapat tingnan nang gaya ng dati, bagkus ay nang may bago at mas mabuting pagtingin.” Ganoon magbulay-bulay at mag-isip ang mga tao matapos marinig ang mga salitang iyon. Pero ang kasalukuyan bang kalagayan ng taong iyon ay kapareho ng sinasabi niya? Ang realidad ay hindi ganoon. Hindi siya tunay na nagsisi, pero nagbibigay ang kanyang mga salita ng ilusyon na nakapagsisi na siya, at na nagbago na siya para sa ikabubuti at iba na siya kaysa dati. Ito ang nais niyang makamit sa kanyang mga salita. Sa pagsasalita nang ganito upang lansihin ang mga tao, anong disposisyon ang ibinubunyag niya? Ito ay ang panlilinlang—at ito ay napakalihim na mapanira! Ang katunayan ay wala siyang anumang kamalayan na nabigo siya sa pananampalataya niya sa Diyos, na siya ay kaaba-aba at kaawa-awa. Humihiram siya ng espirituwal na mga salita at wika upang lansihin ang mga tao at makamit ang pakay na mapaisip sa iba na siya ay mabuti at magkaroon ang mga ito ng magandang pagtingin sa kanya. Hindi ba’t panlilinlang ito? Oo, at kapag masyadong mapanlinlang ang isang tao, hindi madali para sa kanya na magbago.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Tanging ang Pagkaalam sa Anim na Uri ng Tiwaling Disposisyon ang Nangangahulugan ng Tunay na Pagkakilala sa Sarili
Maging isang matapat na tao. Sa partikular, maging isang simple at bukas na tao, at kapag nagsasalita ka, sabihin mo ang nasa isip mo at magsalita ayon sa mga katunayan, huwag magkubli ng anuman o magsabi ng anumang may halo, huwag magkimkim ng mga personal na intensiyon, at huwag magsabi ng mga bagay na kalahating totoo; magsalita nang payak at diretsahan, maging isang matapat at matuwid na tao, at magsalita nang totoo. Kailangan muna itong makamit ng mga tao. Halimbawa, may ginawa ang isang masamang tao na nakagugulo sa gawain ng iglesia, at lalapitan ka ng isang lider para mas maunawaan niya ang sitwasyon. Alam mo kung sino ang gumawa nito, pero dahil mayroon kang magandang ugnayan sa taong iyon, at ayaw mong mapasama ang loob niya, magsisinungaling ka at sasabihin mo na hindi mo alam. Hihingi ng higit pang detalye ang lider, at magpapaligoy-ligoy ka, magdadahilan para pagtakpan ang masamang tao. Hindi ba’t mapanlinlang iyon? Hindi mo kailanman sinabi sa lider ang totoong sitwasyon, at sa halip ay palagi mo itong inililihim. Bakit mo gagawin ito? Dahil ayaw mong mapasama ang loob ng sinuman. Inuuna mo ang pagpoprotekta sa mga ugnayan sa ibang tao at ang hindi mapasama ang loob ng sinuman, at hinuhuli ang pagsasabi ng totoo at pagsasagawa ng katotohanan. Ano ang kumokontrol sa iyo? Kinokontrol ka ng iyong mga satanikong disposisyon, kinandado ng mga ito ang iyong bibig at pinigilan kang magsabi ng totoo—nagagawa mo lang mamuhay ayon sa iyong mga satanikong disposisyon. Ano ang mga satanikong disposisyon? Ang mga satanikong disposisyon ay mga disposisyon ng pagiging tutol sa katotohanan at pagkamuhi sa Diyos; ang mga tiwaling disposisyon na madalas na sinasabi ng mga tao ay tumutukoy sa mga satanikong disposisyon. Ang isang taong namumuhay ayon sa mga satanikong disposisyon ay isang buhay na Satanas. Kung palaging may mga panunubok na nakatago sa loob ng kanyang mga salita, at ang kanyang pananalita ay palaging paligoy-ligoy at hindi kailanman direkta, at hindi siya magsasabi ng totoo kahit na patayin siya sa bugbog, nangangahulugan ito na ang kanyang mga tiwaling disposisyon ay masyadong malubha, at na ganap nang nawala ang kanyang pagkatao at naging isa na siyang diyablo. Kahit na mangahulugan ito ng pagsalungat sa Diyos, karamihan sa inyo ay magsisinungaling at sisipsip sa iba upang maprotektahan ang inyong ugnayan sa kanila, at ang katayuan at reputasyon na hawak ninyo sa gitna ng ibang tao. Ang ganitong uri ba ng tao ay isang taong nagmamahal sa katotohanan? Siya ba ay isang taong naghahangad ng katotohanan? Siya ay isang taong nandadaya sa Diyos nang mapangahas, na walang kahit katiting na may-takot-sa-Diyos na puso. Nangangahas siyang dayain ang Diyos; napakaambisyoso niya at napakamapaghimagsik! Karaniwang iniisip ng gayong mga tao na mahal na mahal nila ang Diyos at sila ay mga taong may takot sa Kanya, at madalas nilang sinasabi, “Sa tuwing naiisip ko ang Diyos, nararamdaman ko kung gaano Siya karangal, kadakila, at sadyang hindi maarok! Mahal ng Diyos ang tao, tunay na tunay ang Kanyang pagmamahal!” Maaaring nagsasabi ka ng magagandang salita, ngunit hindi mo ilalantad ang isang masamang tao kapag nakita mong ginugulo niya ang gawain ng iglesia. Sinusubukan mong palugurin ang ibang tao, at pinoprotektahan mo lang ang sarili mong kasikatan, pakinabang, at katayuan, sa halip na protektahan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos. Alam na alam mo ang tunay na kalagayan ng mga bagay, ngunit hindi ka nagsasabi ng totoo, palagi kang nagpapaligoy-ligoy, pinoprotektahan ang masasamang tao. Kung hihilingin sa iyo na magsabi ng totoo, magiging napakahirap nito para sa iyo. Napakarami mong sinasabi na walang katuturan, para lang maiwasan ang pagsasabi ng totoo! Para protektahan ang sarili mong reputasyon at pride, napakarami mong pasikot-sikot kapag nagsasalita ka at masyado kang nag-iisip—nakakapagod mamuhay nang ganito! Nalulugod ba ang Diyos sa pag-asal mo nang ganito? Pinakakinasusuklaman ng Diyos ang mga taong mapanlinlang. Kung gusto mong makalaya mula sa impluwensiya ni Satanas at makamit ang kaligtasan, kailangan mong tanggapin ang katotohanan. Kailangan mong magsimula sa pagiging isang matapat na tao. Maging prangka, sabihin ang totoo, huwag magpalimita sa iyong mga damdamin, iwaksi ang iyong pagkukunwari at panlalansi, at magsalita at kumilos nang may mga prinsipyo. Gagawin nitong madali at masaya ang iyong buhay, at makapamumuhay ka sa harap ng Diyos. Kung palagi kang namumuhay ayon sa mga pilosopiya ni Satanas, at palaging umaasa sa mga kasinungalingan at panlilinlang para mairaos ang mga araw mo, namumuhay ka sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas, at namumuhay ka sa kadiliman. Kung mamumuhay ka sa mundo ni Satanas, mas lalo ka lang magiging mapanlinlang. Napakaraming taon mo nang nananampalataya sa Diyos, napakinggan mo na ang napakaraming sermon, pero hindi pa nalinis ang iyong mga tiwaling disposisyon, at ngayon ay namumuhay ka pa rin ayon sa iyong mga satanikong disposisyon—hindi ka ba nasusuklam dito? Hindi ka ba nahihiya? Kung katulad ka pa rin ng isang walang pananampalataya kahit gaano ka na katagal na nananampalataya sa Diyos, ano pa ang silbi ng pananampalataya mo sa Diyos? Talaga bang makakamit mo ang kaligtasan sa pamamagitan ng pananampalataya sa Diyos nang ganito? Hindi nagbago ang mga layon mo sa buhay, ni ang iyong mga prinsipyo para sa pamumuhay at pamamaraan ng pamumuhay; ang tanging bagay na mayroon ka na wala sa isang walang pananampalataya ay ang titulong “mananampalataya.” Bagama’t sa panlabas ay sumusunod ka sa Diyos, hindi nagbago ang buhay disposisyon mo kahit kaunti, at hindi mo matatamo ang kaligtasan sa huli. Hindi ba’t nagsasaya ka nang walang saysay? Mabibigyang-kakayahan ka ba ng ganitong uri ng pananampalataya sa Diyos na makamit ang katotohanan at ang buhay? Talagang hindi.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Pagsasagawa Lamang ng Katotohanan Maiwawaksi ng Isang Tao ang mga Gapos ng mga Tiwaling Disposisyon
Ang mga taong palaging nagsisinungaling at nagpapaligoy-ligoy ang pinakamababa sa lahat ng tao; wala silang halaga. Walang sinumang may gustong magbigay-pansin sa kanila, walang may gustong makipag-ugnayan sa kanila, lalong walang may gustong magbukas ng puso sa kanila o makipagkaibigan sa kanila. May anumang integridad o dignidad ba ang mga ganitong tao? (Wala.) Sinumang makakatagpo ng mga taong tulad nito ay masusuklam sa kanila; sila ay ganap na hindi mapagkakatiwalaan sa kanilang mga salita at kilos—walang anumang impluwensiya ang gayong mga indibidwal. Mayroon pa ba silang anumang karakter o integridad? Wala ni katiting. Magugustuhan at igagalang ba sila ng mga tao kung sila ay may kaloob at talento? (Hindi.) At kung gayon, ano ang kailangan para magkasundo ang mga tao sa isa’t isa? Ang kailangan ay magkaroon sila ng karakter, integridad, dignidad, at maging mga taong mapagbubuksan ng puso ng iba. Ang mga taong may dignidad ay pawang may kaunting personalidad, at minsan ay hindi nila nakakasundo ang iba, ngunit sila ay matatapat, at walang insinseridad o panlilinlang sa kanila. Sa huli, mataas ang tingin ng iba sa kanila, dahil kaya nilang isagawa ang katotohanan, matapat sila, sila ay may dignidad, integridad, at karakter, hindi nila kailanman sinasamantala ang ibang tao, tinutulungan nila ang mga tao kapag nasa alanganin ang mga ito, tinatrato nila ang mga tao nang may konsensiya at katwiran, at hindi nila agad na hinuhusgahan ang mga taong ito. Kapag sinusuri o tinatalakay ang tungkol sa isang tao, tumpak ang lahat ng sinasabi nila, sinasabi nila kung ano ang nalalaman nila at hindi sila nagsasalita tungkol sa mga bagay na hindi nila alam, hindi sila nagdadagdag ng kuwento, at maaaring magsilbing ebidensiya o sanggunian ang mga salita nila. Kapag sila ay nagsasalita at kumikilos, ang mga taong nagtataglay ng karakter ay may tendensiyang maging praktikal at mapagkakatiwalaan. Walang sinumang nagpapahalaga sa mga taong walang karakter, at walang sinumang nagbibigay-pansin, nagseseryoso, o nagtitiwala sa kanilang mga salita o kilos. Ito ay dahil nagsasabi sila ng napakaraming kasinungalingan at napakakaunting makatotohanang salita, ito ay dahil sa tuwing nakikisalamuha sila sa sinuman o gumagawa ng mga bagay para sa sinuman, wala silang sinseridad at sinusubukan nilang linlangin at lokohin ang taong iyon, at walang sinumang may gusto sa kanila. Nakatagpo na ba kayo ng sinuman na, sa mga mata ninyo, ay mapagkakatiwalaan? Iniisip ba ninyong karapat-dapat kayo sa tiwala ng ibang tao? Mapagkakatiwalaan ba kayo ng ibang tao? Kung may isang taong magtatanong sa iyo tungkol sa sitwasyon ng isa pang tao, hindi mo dapat suriin o husgahan ang taong iyon ayon sa sarili mong kagustuhan, at ang mga salita mo ay dapat obhetibo, tumpak, at naaayon sa mga katunayan. Dapat kang magsalita tungkol sa anumang nauunawaan mo, at hindi ka dapat magsalita tungkol sa mga bagay na hindi mo makita nang malinaw. Dapat maging makatarungan at patas ka sa taong iyon. Iyan ang responsableng paraan ng pagkilos. Kung humuhusga ka lang batay sa obserbasyon sa panlabas na mga penomenon, kung gayon, dapat hindi ka pikit-matang magbigay-hatol sa taong iyon, at lalong hindi mo siya dapat husgahan. Dapat mong simulan ang sasabihin mo sa, “Sariling paghuhusga ko lamang ito,” o “Ganito lang talaga ang nararamdaman ko.” Sa ganoong paraan, magiging medyo obhetibo ang mga salita mo, at pagkatapos pakinggan ang mga sinabi mo, mararamdaman ng ibang tao ang pagkamatapat ng mga salita mo at ang iyong patas na saloobin, at magagawa ka na niyang pagkatiwalaan. Sigurado ba kayong maisasakatuparan ninyo ito? (Hindi.) Pinatutunayan nito na hindi sapat ang pagkamatapat ninyo sa iba, at wala kayong sinseridad at matapat na saloobin sa inyong pag-asal at pangangasiwa sa mga bagay-bagay. Sabihin nating may nagtatanong sa iyo, “Pinagkakatiwalaan kita; ano ang tingin mo sa taong iyon?” At sasagot ka, “Ayos naman siya.” Magtatanong muli ang taong ito, “Puwede ka bang magbigay ng mas marami pang detalye?” At sasabihin mo, “Mabuti ang asal niya, handa siyang magbayad ng halaga kapag ginagawa niya ang kanyang tungkulin, at nakakasundo niya ang iba.” Mayroon bang praktikal na ebidensiya sa alinman sa tatlong pahayag na ito na sapat para magsilbing patotoo? Wala. Mapagkakatiwalaan ka ba? (Hindi.) Wala sa tatlong pahayag na ito ang may kalakip na anumang detalye, sadyang malalawak ang saklaw ng mga ito, walang kabuluhan, at pabasta-bastang mga salita lamang. Kung kakikilala mo lang sa taong iyon at sinasabi mo na ayos lang naman siya batay sa kanyang panlabas na pag-uugali, normal lang iyon. Pero matagal mo na siyang nakakaugnayan, at dapat ay natuklasan mo na ang ilang problema sa diwa tungkol sa kanya. Gustong marinig ng mga tao kung ano ang pagsusuri at pananaw mo sa taong iyon sa kaibuturan ng puso mo, pero wala kang sinasabing makatotohanan, o kritikal, o mahalaga, kaya hindi magtitiwala sa iyo ang mga tao, at ayaw na nilang makipag-ugnayan sa iyo.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Pamamagitan Lang ng Pagiging Isang Matapat na Tao Makapagsasabuhay ng Tunay na Wangis ng Tao ang Isang Tao
Ang pagkatao ng mga anticristo ay hindi matapat, ibig sabihin ay hindi sila nagpapakatotoo kahit kaunti. Lahat ng sinasabi at ginagawa nila ay may karumihan at nagtataglay ng sarili nilang mga intensyon at layon, at nakatago sa lahat ng ito ang kanilang mga kahiya-hiya at karima-rimarim na panlalansi at pakana. Kaya naman ang mga salita at kilos ng mga anticristo ay lubos na kontaminado at punong-puno ng kawalang-katotohanan. Gaano man sila magsalita, imposibleng malaman kung alin sa kanilang mga sinasabi ang totoo, alin ang hindi totoo, kung alin ang tama, at alin ang mali. Ito ay dahil hindi sila matapat, at ang kanilang isipan ay lubhang komplikado, puno ng mga mapanlinlang na pakana at sagana sa mga panlalansi. Wala silang sinasabi nang prangkahan. Hindi nila sinasabi na ang isa ay isa, ang dalawa ay dalawa, ang oo ay oo, at ang hindi ay hindi. Sa halip, sa lahat ng bagay, paligoy-ligoy sila at pinag-iisipang mabuti nang paulit-ulit ang mga bagay-bagay sa kanilang isipan, pinag-aaralan ang mga kahihinatnan, tinitimbang ang mga merito at kawalan mula sa bawat anggulo. Pagkatapos, inaayos nila ang gusto nilang sabihin sa paraang nagiging napakakomplikado ng lahat ng ito sa pandinig. Ang matatapat na tao ay hindi nakakaunawa kailanman sa kanilang sinasabi at madali silang nalilinlang at naloloko ng mga ito, at sinumang nakikipag-usap at nakikipag-ugnayan sa gayong mga tao ay napapagod at nahihirapan. Hindi nila sinasabi kailanman na ang isa ay isa at ang dalawa ay dalawa, hindi nila sinasabi kailanman ang kanilang iniisip, at hindi nila inilalarawan kailanman ang mga bagay-bagay sa kung ano talaga ang mga ito. Lahat ng sinasabi nila ay di-maarok, at ang mga layon at intensyon ng kanilang mga kilos ay napakakomplikado. Kung malantad ang totoo—kung mahalata sila ng ibang mga tao, at mabisto sila—agad silang nagtatahi ng isa pang kasinungalingan para mapagtakpan ito. Ang ganitong uri ng tao ay madalas magsinungaling, at matapos magsinungaling, kailangan nilang magsinungaling ulit para suportahan ang kasinungalingan; nililinlang nila ang iba para itago ang kanilang mga intensyon, at nag-iimbento sila ng lahat ng uri ng pagdadahilan at pangangatwiran para suportahan ang kanilang mga kasinungalingan. Dahil dito, ang mga tao ay hirap na hirap na masabi kung ano ang totoo at ano ang hindi, at hindi alam kung kailan sila nagsasabi ng totoo, lalo nang hindi alam ng mga ito kung kailan sila nagsisinungaling. Kapag nagsisinungaling sila, hindi sila namumula o nangingimi, na para bang nagsasabi sila ng totoo. Hindi ba’t ibig sabihin nito na palagian silang nagsisinungaling? Halimbawa, minsan tila sa tingin ay mabuti ang mga anticristo sa iba, isinasaalang-alang nila ang iba, at nagsasalita sa mapagmalasakit na paraan na parang mabait at nakakaantig. Subalit kahit na ganito sila magsalita, walang sinumang makapagsasabi kung sila ba ay taos, at palaging kailangang maghintay hanggang sa mangyari ang mga bagay-bagay pagkaraan ng ilang araw upang mabunyag kung taos ba sila. Palaging nagsasalita nang may partikular na mga intensyon at layon ang mga anticristo, at walang sinumang makakaisip kung ano ba talaga ang hinahangad nila. Palagiang nagsisinungaling ang mga gayong tao, at hindi nila iniisip ang mga kahihinatnan ng anuman sa kanilang mga kasinungalingan. Basta’t nakikinabang sila sa kanilang kasinungalingan at nagagawa nitong linlangin ang iba, basta’t nakakamtan nito ang kanilang mga layon, wala silang pakialam kung ano ang mga kahihinatnan. Sa sandaling mailantad sila, patuloy nilang ikukubli ang totoo, patuloy silang magsisinungaling, manlalansi. Ang prinsipyo at pamamaraan ng mga taong ito sa pag-asal at pakikitungo sa mundo ay panlalansi sa mga tao gamit ang mga kasinungalingan. Doble-kara sila at nagsasalita para masiyahan ang kanilang tagapakinig; ginagampanan nila ang anumang papel na hinihingi ng sitwasyon. Madulas sila at tuso, puno ng mga kasinungalingan ang kanilang bibig, at hindi sila mapagkakatiwalaan. Sinuman ang nakikipag-ugnayan sandali sa kanila ay nalilihis o nagugulo at hindi makatanggap ng panustos, tulong, o pagpapatibay. Pangit man o maganda ang mga salitang namumutawi sa bibig ng gayong mga tao, o makatwiran o kakatwa, o naaayon o di-naaayon sa pagkatao, o magaspang o sibilisado, sa diwa, ang mga iyon ay pawang walang-katotohanan, mga salitang may karumihan, at kasinungalingan.
—Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikaapat na Ekskorsus
Hayaan ninyo Akong magbigay ng dalawang halimbawa ng pagsisinungaling. May dalawang uri ng tao na may kakayahang magsinungaling. Kailangan ninyong matukoy kung aling mga tao ang matigas ang kalooban at hindi na matutubos. Kailangan din ninyong tukuyin kung alin ang maaaring iligtas. Bagaman ang mga maililigtas ay kadalasang nagbubunyag ng katiwalian, hangga’t kaya nilang tanggapin ang katotohanan at pagnilayan at kilalanin ang kanilang sarili, may pag-asa pa rin. Sa unang halimbawa, may isang taong madalas magsinungaling. Gayunman, pagkatapos maunawaan ang ilang katotohanan, nang muli siyang magsinungaling, hindi lamang niya ito napagtanto, kundi nakaramdam din siya ng matinding pasakit at paghihirap sa kanyang puso, at nagsimula siyang magnilay, “Bakit palagi akong nagsisinungaling? Bakit hindi ako makapagbago?” Pagkatapos ay nagawa niyang manalangin sa Diyos at magpasya, sinasabi niya, “Sa pagkakataong ito, anuman ang mangyari, dapat akong maging bukas, ilantad ang aking sarili, at himayin ang aking sarili, at malinaw na ipaliwanag ang katunayan na nagsinungaling ako upang hindi mapahiya.” Pagkatapos magbukas at magbahagi, naging magaan ang pakiramdam niya at napagtanto na, “Napakasakit pala ng pagsisinungaling, samantalang napakagaan ng pagiging matapat na tao—kahanga-hanga ito! Hinihingi ng Diyos na maging matapat ang mga tao; ito ang wangis na dapat taglayin ng mga tao.” Matapos maranasan ang kaunting kaligayahang ito, mula noon, nag-iingat na siya na huwag madalas magsinungaling, hindi na nagsasabi ng mga kasinungalingan hangga’t maaari, nagsasalita nang tuwiran tungkol sa lahat ng bagay, nagsasalita nang matapat, gumagawa ng matatapat na gawa, at nagiging isang matapat na tao. Gayumpaman, kapag nahaharap sa isang sitwasyon na kung saan ay sangkot ang kanyang pride, likas siyang nagsisinungaling at kalaunan ay pinagsisisihan niya ito. Pagkatapos, nang maharap siya sa isa pang sitwasyon, nagsinungaling siya uli para pagmukhaing mabuti ang kanyang sarili. Kinamuhian niya ang kanyang sarili, iniisip na, “Bakit hindi ko makontrol ang aking bibig? Maaari kayang ito ay tunay na isang problema sa aking kalikasan? Masyado ba akong mapanlinlang?” Napagtatanto niya na ang problemang ito ay dapat malutas; kung hindi, itataboy at ititiwalag siya ng Diyos. Nanalangin siya sa Diyos, humihiling na disiplinahin siya kung muli siyang magsisinungaling, at handa siyang tumanggap ng parusa. Nag-ipon siya ng lakas ng loob na himayin ang kanyang sarili sa mga pagtitipon, at sinabi niya, “Noong nagsinungaling ako sa mga ganitong sitwasyon, ito ay dahil mayroon akong makasariling mga motibo at kontrolado ng aking intensyon. Sa pagninilay ko, napagtanto ko na sa tuwing nagsisinungaling ako, ito ay alang-alang sa banidad at pride ko o para sa aking pansariling pakinabang. Nakikita ko na ito nang malinaw ngayon: Nabubuhay ako para sa aking pride at personal na mga interes, na siyang nagtulak sa akin na magsinungaling sa lahat ng oras tungkol sa lahat ng bagay.” Habang hinihimay ang sarili niyang mga kasinungalingan, inilantad din niya ang kanyang intensiyon, at habang inilalantad ang kanyang intensiyon, natuklasan niya ang problema ng kanyang tiwaling disposisyon. Ito ay sitwasyong dalawa ang pakinabang; kaya niyang isagawa ang pagiging isang matapat na tao at kasabay niyon ay makapagkamit ng kaliwanagan at makakilala sa kanyang tiwaling disposisyon. Pagkatapos, nagnilay siya, “Kailangan kong magbago! Ngayon ko lang nalaman na may ganito akong problema. Tunay na ito ay kaliwanagan mula sa Diyos. Ang mga taong nagsasagawa ng katotohanan ay pinagpapala ng Diyos!” Naranasan niya muli ang kaunting tamis ng pagsasagawa ng katotohanan. Gayumpaman, isang araw ay hindi sinasadya ng taong ito na magsinungaling muli. Nanalangin siyang muli sa Diyos, hinihingi ang disiplina ng Diyos. Bukod dito, napagnilayan niya kung bakit palagi siyang may lihim na intensiyon kapag nagsasalita, at kung bakit palagi niyang isinasaalang-alang ang kanyang banidad at pride sa halip na ang mga layunin ng Diyos. Pagkatapos magnilay, nagkaroon siya ng kaunting pagkaunawa sa kanyang tiwaling disposisyon at nagsimula siyang kamuhian ang kanyang sarili, at ang kanyang determinasyon na isagawa ang katotohanan at maging isang matapat na tao ay lalong tumibay. Nagpatuloy siya sa ganitong paraan upang hangarin at pagsikapan ang katotohanan. Pagkalipas ng tatlo hanggang limang taon, talaga ngang kumaunti nang kumaunti ang kanyang mga kasinungalingan, at dumami ang mga pagkakataon na sinabi niya kung ano ang kanyang iniisip at kumilos siya bilang isang matapat na tao. Ang kanyang puso ay unti-unting naging mas dalisay at naglaman ng papalaking kapayapaan at kagalakan. Dumami nang dumami ang ginugol niyang oras sa pamumuhay sa presensiya ng Diyos at panormal nang panormal ang kanyang kalagayan. Ganito ang tunay na kalagayan ng isang taong madalas magsinungaling kapag nararanasan na niya na maging matapat na tao. Kaya, nagsisinungaling pa ba ang taong ito ngayon? May kakayahan pa ba siyang magsinungaling? Totoo bang matapat siyang tao? Hindi pa masasabi na matapat siyang tao. Masasabi lamang na kaya niyang isagawa ang katotohanan ng pagiging isang matapat na tao, at nasa proseso ng pagsasagawa ng pagiging isang matapat na tao, ngunit hindi pa siya ganap na nabago tungo sa pagiging isang matapat na tao. Sa madaling salita, ito ay isang taong handang isagawa ang katotohanan. Masasabi ba na ang taong handang magsagawa ng katotohanan ay isang taong nagmamahal sa katotohanan? Naisagawa na niya ang katotohanan at nahayag na ang mga katunayan, kaya hindi ba’t natural na ilarawan siya bilang isang taong nagmamahal sa katotohanan? Siyempre, habang nagsasagawa siya ng pagiging isang matapat na tao, hindi niya agad nagagawang magsagawa ng pagbabahagi nang dalisay at bukas, o nailalantad ang lahat ng inililihim sa loob niya nang walang itinatago. Itinatago pa rin niya ang ilang bagay at maingat na nagsisikap sumulong. Gayumpaman, sa gitna ng kanyang mga pagsisikap at mga karanasan, napagtanto niya na habang sinusubukan niyang maging isang matapat na tao, mas nagiging mabuti at panatag ang kanyang pakiramdam, at mas madali niyang naisasagawa ang katotohanan, nang walang anumang matitinding paghihirap. Noon lang niya natikman ang tamis ng pagiging matapat na tao, at tumaas ang kanyang pananalig sa Diyos. Sa pamamagitan ng pagdanas ng pagiging isang matapat na tao sa ganitong paraan, hindi lamang niya naisasagawa ang katotohanan, kundi nararanasan din niya ang kapayapaan at kagalakan sa kanyang puso. Kasabay nito, nagkakaroon siya ng mas malinaw na pagkaunawa sa landas ng pagsasagawa ng pagkamatapat. Nararamdaman niya na ang pagiging isang matapat na tao ay hindi masyadong mahirap. Nakikita niya na ang mga hinihingi ng Diyos sa mga tao ay makatwiran at kayang matamo, at nagkakamit siya ng kaunting pagkaunawa sa gawain ng Diyos. Ang lahat ng ito ay hindi pagbibigay ng pabor sa kanya, bagkus, ito ay ang dapat makamit ng isang tao sa kanyang paglalakbay sa buhay pagpasok, at may kakayahan siyang makamit ito.
Ang pangalawang halimbawa ay tungkol sa isang taong mahilig magsinungaling, isang taong nasa kalikasan na niya ang pagsisinungaling. Walang problema kapag hindi siya nagsasalita, ngunit sa sandaling ibuka niya ang kanyang bibig, puno ng maraming adulterasyon ang pananalita niya. Sinasadya man niya ito o hindi, sa madaling salita, karamihan sa mga sinasabi niya ay hindi mapagkakatiwalaan. Isang araw, pagkatapos magsinungaling, napag-isip-isip niyang, “Mali ang magsinungaling at hindi ito nakalulugod sa Diyos. Kung malalaman ng mga tao na nagsinungaling ako, mapapahiya ako! Pero parang may nakapansin na nagsinungaling nga ako. Puwes, madali kong maaayos iyon. Hahanap ako ng ibang pag-uusapan, at gagamit ng ibang pananalita para mabawasan ang kanilang pagbabantay, mailigaw sila, at hindi nila makilatis ang aking mga kasinungalingan. Ngayon, hindi ba’t mas mautak iyon?” Pagkatapos ay nagsabi siya ng isang mas malaking kasinungalingan upang pagtakpan ang nauna niyang kasinungalingan at matakpan ang mga butas nito, na matagumpay na nakapagligaw sa mga tao. Nakaramdam siya ng pagkakontento sa sarili, iniisip niya, “Tingnan mo kung gaano ako katalino! Nagsinungaling ako at walang anumang butas dito; kahit mayroong ilang butas, magsisinungaling na lang uli ako para pagtakpan ang mga iyon. Karamihan sa mga tao ay hindi makakilatis sa mga kasinungalingan ko. Kailangan ng kasanayan sa pagsisinungaling!” Sinasabi ng ilang tao, “Nakakapagod talagang magsinungaling. Pagkatapos magsabi ng isang kasinungalingan, kailangan mong magsabi ng marami pa para pagtakpan ang mga butas nito. Kinakailangan nito ng matinding pag-iisip at pagsisikap.” Gayumpaman, hindi ganoon ang pakiramdam ng dalubhasang sinungaling na ito. Pagkatapos magsinungaling, pinagtatakpan niya ang mga butas nito ng isa pang kasinungalingan, matagumpay na nanlilinlang ng iba; nasiyahan siya sa kanyang sarili, at hindi niya sinisi ang kanyang sarili o nagkaroon ng anumang panunumbat sa sarili sa kanyang puso. Wala siyang naramdaman sa kanyang konsensiya. Ano ang nangyayari dito? Hindi niya alam kung gaano kanakapipinsala sa kanya ang pagsisinungaling. Naniniwala siya na ang paggamit ng mga kasinungalingan upang pagtakpan ang mga butas sa mga dati niyang kasinungalingan ay nagbigay-daan sa kanya na magkamit ng banidad, pride, at mga pakinabang. Sa kabila ng hirap at pagod, sulit lang ito sa tingin niya. Naniniwala siya na mas mahalaga ito kaysa sa pagkaunawa sa katotohanan, at pagsasagawa sa katotohanan. Bakit madalas siyang nagsisinungaling nang hindi nakokonsensiya? Dahil wala siyang pagmamahal sa katotohanan sa puso niya. Pinahahalagahan niya ang kanyang banidad, pride, reputasyon, at katayuan. Hindi niya binubuksan kailanman ang kanyang puso sa pakikipagbahaginan sa iba; sa halip, gumagamit siya ng pagbabalatkayo at pagkukunwari upang itago ang kanyang mga kasinungalingan. Ganyan siya nakikisalamuha at nakikipag-ugnayan sa mga tao. Gaano man karaming kasinungalingan ang sabihin niya, gaano man karaming kasinungalingan ang itakip niya sa mga butas, o gaano man karaming makasarili at mababang-uring intensiyon ang itago niya, wala siyang nararamdamang pagkakonsensiya o pagkabalisa sa kanyang puso. Ang karamihan sa mga tao na may kaunting konsensiya at pakiramdam ng kahihiyan ay makakaramdam ng pagkabalisa at pagsisisi sa loob nila pagkatapos magsinungaling, ngunit hindi ganito ang pakiramdam ng taong ito. Pagkatapos magsinungaling at lokohin ang iba, lubos siyang nasisiyahan sa kanyang sarili, iniisip na mga hangal ang lahat ng iba pa. Gayumpaman, sa realidad, kaya lamang niyang linlangin ang mga taong magulo ang isip at walang anumang pagkilatis; ang mga tunay na nakauunawa sa katotohanan ay nakatatalos sa kanyang diwa. Buong araw siyang nagsisinungaling at nagtatakip sa mga butas ng kanyang mga kasinungalingan—hindi ba’t nakakapagod ang mabuhay nang ganito? Anong uri ng kalikasan ito? Ito ang kalikasan ng isang diyablo. Ang mga diyablo ay nagsisinungaling araw-araw, namumuhay batay sa kanilang mga kasinungalingan, at hindi nakakaramdam ng anumang pagkabalisa o pasakit. Kung nakaramdam man sila ng pagkabalisa o pasakit, titigil sila sa pagsisinungaling. Imposibleng makaramdam sila ng pasakit. Ang pagsisinungaling ay pang-araw-araw na buhay para sa ganitong uri ng tao—nasa kalikasan niya ito. Isa itong bagay na likas niyang ibinubunyag, at kapag nagsisinungaling siya ay hindi siya nagpapakita ng anumang pagpipigil o nagninilay-nilay sa sarili. Gaano man karaming kasinungalingan ang sabihin niya o panlilinlang ang gawin niya, wala siyang nararamdamang pagkakonsensiya sa kanyang puso, at walang pakiramdam ng pag-aakusa mula sa kanyang konsensiya. Wala siyang malay na sinisiyasat ng Diyos ang kaibuturan ng puso ng mga tao; hindi niya napagtatanto ang responsabilidad na kanyang pinapasan at ang kaparusahan na kanyang matatanggap pagkatapos magsinungaling at manlinlang. Ang pinakakinatatakutan niya ay na may isang taong maglalantad sa kanyang mapanlinlang na mga pakana, kaya mas marami pa siyang ginagawang kasinungalingan para pagtakpan ang kanyang mga pakana, at kasabay nito ay pinipiga niya ang kanyang isipan para makahanap ng paraan, ilang pamamaraan para maitago ang kanyang mga kasinungalingan at ang mga katunayan. Nagsisi ba ang gayong tao habang nasa buong proseso? Nakokonsensiya ba siya o nalulungkot? Mayroon ba siyang anumang pagnanais na baguhin ang kanyang sarili? Wala. Iniisip niyang hindi kasalanan ang magsinungaling o pagtakpan ang mga butas sa mga ito, at na karamihan sa mga tao ay namumuhay nang ganito. Wala siyang intensyong magbago. Tungkol naman sa pagiging isang matapat na tao, sa kanyang puso ay iniisip niya, “Kaya gusto mong maging isang matapat na tao ako, na magsalita mula sa puso at magsabi ng totoo? Hinding-hindi ko gagawin iyon! Para iyan sa mga hangal at hindi ako ganoon kahangal. Kung magsisinungaling ako at matatakot na malantad, kailangan kong humanap ng iba pang dahilan at palusot para pagtakpan ito. Sa tingin mo ba ay maaari akong maging uri ng tao na nagsasalita nang matapat? Hindi ba’t gagawin ako nitong isang ganap na hangal?” Hindi niya tinatanggap o kinikilala ang katotohanan. Ang mga taong hindi kumikilala sa katotohanan ay imposibleng magmahal sa katotohanan. Abnormal ang kanyang panloob na kalagayan, at wala siyang intensyong magsisi. Kaya, anong mga kaisipan ang kumokontrol sa kanyang puso? Masasabi mo na mariin niyang itinatanggi na ang pagiging isang matapat na tao ay ang tamang landas sa buhay ng isang tao. Itinatanggi rin niya ang pag-iral ng katotohanan, gayundin ang paghatol ng Diyos sa sangkatauhan sa mga huling araw; itinatanggi rin niya na itinatakda ng Diyos ang mga kalalabasan ng mga tao, at na maglalapat Siya ng ganti sa bawat tao ayon sa kanilang mga gawa. Ang gayong mga tao ay ganap na mangmang; sila ay mga matigas ang ulo na hangal. Ang ganitong pag-iisip ay nagbubunga ng kanyang mga matigas ang kalooban na kalagayan, kilos, at pag-uugali. Ang mga bagay na ito ay nagmumula sa kanyang kalikasang diwa. Ganoong uri siya ng tao—tunay na mapanlinlang na tao; dahil hindi niya tinatanggap ang katotohanan, hindi siya kailanman magiging matapat na tao. Maraming tao ang hindi makakilatis sa mga taong tulad nito, at palaging gustong tulungan sila dahil sa pagmamahal, ngunit ang paggawa niyon ay ganap na walang ibinubungang mga resulta, at isang napakahangal na bagay na gawin. Sa realidad, ang mga mapanlinlang na tao ay walang normal na pagkatao; sadyang hindi gumagana ang kanilang konsensiya, at wala silang katwiran sa kanilang pananalita at mga kilos. Kapag naririnig ng mga taong may katwiran ng normal na pagkatao ang mga salita ng Diyos, nauunawaan nila na ang mga salitang ito ay ang katotohanan; lalo na pagkarinig sa mga salita ng paghatol ng Diyos, kaya nilang pagnilayan ang kanilang sarili at makaramdam ng tunay na pagsisisi. Ang ganitong mga tao lang ang nagtataglay ng pagkatao. Ngunit ang mga mapanlinlang na tao ay nananatiling walang reaksyon pagkatapos marinig ang tunay na daan. Patuloy silang nagpupumilit na mamuhay ayon sa mga pilosopiya ni Satanas at ayon sa kanilang mga satanikong tiwaling disposisyon, hindi nagbabago ni katiting kahit pagkatapos manampalataya sa Diyos sa loob ng ilang taon. Nangangahulugan ito na wala silang katwiran ng normal na pagkatao; hindi magiging madali para sa gayong mga tao na maligtas.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Pananampalataya sa Diyos, ang Pinakamahalaga ay Isagawa at Danasin ang Kanyang mga Salita
Maraming praktikal na problema ang lumilitaw habang nararanasan ng mga tao ang pagiging matapat. Kung minsan ay nagsasalita lang sila nang hindi nag-iisip; nagkakaroon sila ng pansamantalang pagkakamali sa usapin ng kanilang mga kaisipan, at dahil sila ay pinamamahalaan ng isang maling intensiyon o pakay, o banidad at pride, nagsisinungaling sila. Dahil dito, kailangan nilang palaging magsabi ng mas maraming kasinungalingan para pagtakpan iyon. Sa huli, hindi sila napapayapa sa puso nila, pero hindi na nila mababawi ang mga kasinungalingang iyon, wala silang lakas ng loob na itama ang kanilang mga pagkakamali, na aminin na nagsinungaling sila, at sa ganitong paraan, patuloy silang nagkakamali. Pagkatapos nito, palagi nilang nararamdaman na parang may batong nakadagan sa puso nila; gusto nila palaging humanap ng pagkakataong magsabi ng totoo, na aminin ang kanilang pagkakamali at magsisi, pero hindi nila ito kailanman nagagawang isagawa. Sa huli, pinag-iisipan nila ito at sinasabi sa kanilang sarili, “Babawi ako kapag ginampanan ko ang tungkulin ko sa hinaharap.” Lagi nilang sinasabing babawi sila, pero hindi nila ginagawa kailanman. Hindi iyon kasingsimple ng paghingi lang ng tawad pagkatapos magsinungaling—mababawi mo ba ang pinsala at mga kahihinatnan ng pagsisinungaling at panlilinlang? Kung, sa gitna ng matinding pagkamuhi sa sarili, nagagawa mong magsagawa ng pagsisisi, at hindi kailanman magsinungaling o manlinlang muli, kung gayon ay maaaring matanggap mo ang pagpaparaya at awa ng Diyos. Kung nagsasabi ka ng matatamis na salita at nagsasabing babawi ka para sa mga kasinungalingan mo sa hinaharap, pero hindi ka talaga nagsisisi, at kalaunan ay patuloy kang nagsisinungaling at nanlilinlang, kung gayon ay matigas kang tumatangging magsisi, at siguradong matitiwalag ka. Ang mga taong may konsensiya at katwiran ay dapat kilalanin ang sumusunod na punto: Matapos magsinungaling at manlinlang, hindi sapat ang isipin lang na bumawi sa mga kamalian; ang pinakamahalaga ay na kailangan mong tunay na magsisi, at dapat mong isagawa ang katotohanan at dapat kang magpatotoo. Kung nais mong maging matapat, dapat mong lutasin ang problema ng pagsisinungaling at panlilinlang. Dapat kang magsabi ng totoo at gumawa ng mga praktikal na bagay. Kung minsan, mapapahiya ka sa pagsasabi ng totoo at magiging dahilan para pungusan ka, ngunit maisasagawa mo ang katotohanan, at ang magpasakop sa Diyos nang kahit isang beses, ang mapalugod ang Diyos nang kahit isang beses, ay sulit na sulit; magdadala ito sa iyo ng kaginhawahan. Ano’t anuman, maisasagawa mo na sa wakas ang pagiging matapat, masasabi mo na sa wakas kung ano ang nasa puso mo, nang hindi sinusubukang magpalusot o ipawalang-sala ang sarili mo, at ito ay tunay na paglago. Pungusan ka man o tanggalin, makakaramdam ka ng kapanatagan sa puso mo, dahil hindi ka nagsinungaling; mararamdaman mo na dahil hindi mo ginawa nang maayos ang tungkulin mo, tama lang na pungusan at tanggalin ka, at na akuin mo ang responsabilidad para dito. Ito ay isang positibong kalagayan ng pag-iisip. Gayumpaman, ano ang magiging kahihinatnan kapag ikaw ay nanlinlang? Pagkatapos mong manlinlang, ano ang mararamdaman mo sa puso mo? Balisa; palagi mong mararamdaman na may kasalanan at katiwalian sa puso mo, mararamdaman mo na palagi kang inaakusahan: “Paano ko nagawang magsinungaling? Paano ko nagawang muling manlinlang? Bakit ako ganito?” Mararamdaman mo na parang hindi mo maiaangat ang iyong ulo, na parang hiyang-hiya kang humarap sa Diyos. Lalo na kapag pinagpapala ka ng Diyos, kapag tumatanggap ka ng biyaya, habag at kaluwagan ng Diyos, mas lalo mong nararamdaman na nakakahiyang linlangin ang Diyos, at sa puso mo, nakakaramdam ka ng higit na panunumbat, at lalo kang nawawalan ng kapayapaan at kagalakan. Ano ang ipinapakita nitong problema? Ang panlilinlang ay isang pagbubunyag ng tiwaling disposisyon, ito ay ang paghihimagsik at paglaban sa Diyos, kaya magdudulot ito sa iyo ng matinding pasakit. Kapag nagsisinungaling at nanlilinlang ka, maaaring nararamdaman mo na nakapagsalita ka nang napakatalino at napakabanayad, at na wala kang naipapakitang anumang maliliit na pahiwatig—pero kalaunan, ang pagkakonsensiya at pang-aakusa na nadarama mo sa puso mo ay maaaring sumunod sa iyo sa buong buhay mo. Kung kusa at sinasadya mong magsinungaling at manlinlang, at dumating ang araw kung kailan napagtanto mo ang bigat nito, tutusok ito sa puso mo na parang isang tinik. Palagi mong gugustuhing humanap ng pagkakataon para makabawi—na siyang dapat mong gawin—maliban na lang kung wala kang konsensiya, hindi ka pa kailanman namuhay ayon sa iyong konsensiya, wala kang pagkatao, at wala kang pakialam sa integridad o dignidad. Kung mayroon kang kahit kaunting kamalayan ng konsensiya, at kaunting integridad at dignidad, kapag napagtanto mo na nagsisinungaling at nanlilinlang ka, mararamdaman mo na ang pag-uugali mong ito ay kahiya-hiya, nakasisirang-puri, at mababa, at kamumuhian at kasusuklaman mo ang sarili mo, at tatanggihan mo ang landas ng mga kasinungalingan at panlilinlang, at hahangarin mong maging matapat.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Pamamagitan Lang ng Pagiging Isang Matapat na Tao Makapagsasabuhay ng Tunay na Wangis ng Tao ang Isang Tao
Ang susi sa pagiging isang matapat na tao ay ang paglutas sa mga intensiyon, motibo, at tiwaling disposisyon ng isang tao. Sa ganitong paraan lamang malulutas ng isang tao ang problema ng pagsisinungaling sa ugat nito. Nagsisinungaling ang tao upang makamit ang personal niyang mga pakay, ibig sabihin, upang makinabang nang personal, magkamit ng kalamangan, magdala ng karangalan sa kanyang sarili, o makamit ang pagsang-ayon ng iba—ang mga ito ang mga intensiyon at pakay ng tao kapag nagsisinungaling siya. Kapag nagsisinungaling ang tao, ang ibinubunyag niya ay isang tiwaling disposisyon, at ganito mo dapat kilatisin ang pagsisinungaling. Kaya, paano dapat lutasin ang tiwaling disposisyong ito? Nakasalalay iyon sa kung minamahal mo ang katotohanan o hindi. Kung kaya mong tanggapin ang katotohanan, hindi maudyukan ng sarili mong mga intensiyon at pakay kapag nagsasalita ka, at isaalang-alang lang ang mga interes ng hinirang na mga tao ng Diyos, at ang gawain ng iglesia, at ang mga layunin ng Diyos, kung gayon ay hindi ka magsisinungaling, at magagawa mong magsalita nang totoo. Kung hindi mo pa rin magawang magsalita nang totoo, pinatutunayan niyon na masyadong mababa ang tayog mo at na hindi mo pa rin kayang isagawa ang katotohanan. Kung kaya, ang pagiging matapat na tao ay nangangailangan ng isang proseso ng pag-unawa sa katotohanan, isang proseso ng paglago ng tayog. Kapag tiningnan natin ito nang ganito, imposibleng maging matapat na tao nang walang walo hanggang sampung taon ng karanasan. Ang panahong ito ay ang proseso ng paglago sa buhay ng isang tao, ang proseso ng pag-unawa at pagtatamo sa katotohanan. Maaaring itanong ng ilang tao, “Talaga bang ganoon kahirap ang paglutas sa problema ng pagsisinungaling at ang pagiging matapat na tao?” Sa totoo lang, nakasalalay iyon sa kung sino ang tinutukoy mo. Kung isa itong taong nagmamahal sa katotohanan, magagawa niyang bitiwan ang mga mali niyang intensiyon at ang mga interes ng kanyang laman, at magiging madali para sa kanya na isuko ang pagsisinungaling. Para naman sa mga hindi nagmamahal sa katotohanan—minamahal lamang nila ang kasikatan, pakinabang, at katayuan, at banidad at pride, at hindi nila tinatanggap ang katotohanan kahit kaunti, kaya ang pagtalikod sa pagsisinungaling ay magiging napakahirap para sa kanila.
Ang pagsasanay sa sarili na maging isang matapat na tao ay pangunahing isang usapin ng paglutas sa problema ng pagsisinungaling, pati na ng paglutas sa mga tiwaling disposisyon ng isang tao. Ang isang susing pagsasagawa rito ay na kapag napagtanto mong nagsinungaling ka sa isang tao at nilinlang mo siya, dapat kang magbukas sa kanya, maglantad ng iyong sarili, at manghingi ng tawad. Malaki ang pakinabang ng pagsasagawang ito sa paglutas ng problema ng pagsisinungaling. Halimbawa, kung nilinlang mo ang isang tao o kung may karumihan o personal na intensiyon sa mga salitang iyong sinabi sa kanya, dapat mo siyang lapitan at magbukas ka sa kanya, maglantad ng iyong sarili, at himayin ang iyong sarili. Dapat mong sabihin sa kanya, “Ang sinabi ko sa iyo ay isang kasinungalingan, layon nitong protektahan ang sarili kong pride. Hindi ako mapakali matapos ko itong sabihin, kaya nanghihingi ako sa iyo ng tawad ngayon. Pakiusap, patawarin mo ako.” Mararamdaman ng taong iyon na ito ay medyo bago. Mapapaisip siya kung paanong mayroong isang tao na, matapos magsinungaling, ay manghihingi ng tawad dahil dito. Ang gayong lakas ng loob ay isang bagay na talagang hahangaan niya. At anong pakinabang ang nakakamit ng isang tao mula sa pagsasagawa sa ganitong paraan? Ang layon ng paggawa nito ay hindi para makamit ang paghanga ng iba, kundi para mas epektibong mapigilan at malutas ang pagsisinungaling ng isang tao. Kaya, pagkatapos magsinungaling, dapat mong isagawa ang paghingi ng tawad sa paggawa niyon. Habang mas sinasanay mo ang iyong sarili na isagawa ang paghihimay sa iyong sarili at paglalantad sa iyong sarili, at paghingi ng tawad sa mga tao sa ganitong paraan, lalong gaganda ang mga resulta—at mas mababawasan ang pagsisinungaling mo. Ang pagsasagawa ng paghihimay sa iyong sarili at paglalantad sa iyong sarili upang maging isang matapat na tao at mapigilan ang iyong pagsisinungaling ay nangangailangan ng lakas ng loob; ang paghingi ng tawad ay mas lalo pang nangangailangan nito. Kung magsasanay kayo nang ganito sa loob ng isa o dalawang taon—o marahil sa loob ng tatlo hanggang limang taon—garantisadong makakakita kayo ng malilinaw na resulta, at pagkatapos ay hindi na magiging mahirap na iwaksi ang pagsisinungaling sa inyong sarili.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Pinakasaligang Pagsasagawa ng Pagiging Isang Taong Matapat
Ngayon, mayroon ba kayong landas sa pagiging matapat na tao? Dapat ninyong suriin ang inyong bawat salita at kilos sa inyong buhay; sa gayon lamang ninyo matutuklasan ang mas maraming kasinungalingang sinasabi ninyo at mas maraming panlilinlang na ginagawa ninyo, at makikilala ang sarili ninyong mapanlinlang na disposisyon. Pagkatapos ay dapat ninyong tingnan kung paano ito isinasagawa at pinagdaraanan ng matatapat na tao, at kumuha ng ilang karanasan at mga aral mula sa kanila. Dapat din ninyong isagawa ang pagtanggap sa pagsisiyasat ng Diyos sa lahat ng bagay, at madalas na lumapit sa Diyos para manalangin at makipagbahaginan sa Diyos. Sabihin nating kakasabi mo lang ng isang kasinungalingan—agad mong napagtatanto: “Ang ilan sa kasasabi ko lang ay hindi tumpak. Dapat aminin ko ito kaagad at itama ang sarili ko, at ipaalam sa lahat na ang kasasabi ko lang ay isang kasinungalingan.” Agad-agad mong itinatama ang sarili mo. Kung palagi mong itinatama ang sarili mo at nagsasagawa ka nang ganito, magiging ugali mo na ito; kung magsisinungaling ka muli minsan nang hindi itinatama ang sarili mo, hindi ka mapapakali sa loob-loob mo, at tutulong ang Diyos sa pagbabantay sa iyo. Sa pagsasagawa at pagdanas nang ganito nang ilang panahon, magsisimulang mabawasan ang pagsisinungaling mo, mababawasan nang mababawasan ang mga karumihan sa mga salita at kilos mo, at mas lalong magiging madali para sa iyo na isagawa ang pagiging matapat na tao. Sa ganitong paraan, ikaw ay malilinis. Gayon ang landas ng pagiging matapat na tao. Dapat dahan-dahan kang magbago, unti-unti. Habang lalo kang nagbabago, lalo kang magiging mabuti; habang lalo kang nagbabago, lalo mong magagawang magsalita ng matatapat na salita, at titigil ka sa pagsisinungaling. Ito ang tamang kalagayan. Ang tiwaling sangkatauhan ay may parehong problema: Lahat sila ay likas na marunong magsinungaling, at nahihirapan silang ibahagi ang kanilang mga kaloob-loobang kaisipan o magsabi ng totoo. Kahit na gusto nilang sabihin ang totoo, hindi lang talaga nila ito magawa. Ang mga tao ay naniniwalang lahat sa kanilang puso na ang pagiging matapat ay kahangalan at nagpapakita ng kawalan ng katusuhan—iniisip nila na ang mga hangal lamang ang prangkang magsalita, at na malamang na magdurusa ng mga kawalan ang isang tao kung sasabihin niya ang anumang nasa isip niya, inilalantad ang mga bagay na ito sa lahat, at na hindi gugustuhin ng iba na makisalamuha sa kanya, na hinahamak ng lahat ang gayong mga tao. Hahamakin ba ninyo ang ganitong uri ng tao? Ito ba ang pananaw ninyo? (Bago ako manampalataya sa Diyos, hinahamak ko ang gayong mga tao, pero ngayon ay hinahangaan ko sila at tingin ko ay mas mabuting mamuhay nang simple at matapat. Sa pamumuhay nang ganito, hindi nakakaramdam ang isang tao ng ganoon kabigat na pasanin sa kanyang puso. Kung hindi, pagkatapos mong magsinungaling sa isang tao, kailangan mo itong pagtakpan, at humahantong ka sa paghuhukay ng papalaki at papalaking butas para sa sarili mo, at sa malao’t madali ay nalalantad ang kasinungalingan.) Ang pagsisinungaling at panlilinlang ay parehong mga hangal na pag-uugali. Higit na mas matalino ang sabihin na lang ang totoo at magsalita nang mula sa puso. Nauunawaan na ng lahat ang isyung ito ngayon. Kung iniisip mo pa rin na ang pagsisinungaling at panlilinlang ay isang tanda ng pagkakaroon ng kakayahan at pagiging tuso, kung gayon, ikaw ay lubos na hangal at matigas ang ulo, at wala kang kahit pinakakatiting na katotohanan. Kung umabot ka na sa ganitong edad at naniniwala ka pa ring ang mga mapanlinlang na tao ang pinakamatalino, at na ang matatapat na tao ay hangal lahat, ibig sabihin niyan ay isa kang balighong tao na hindi nakakakilatis sa anumang bagay. Bagama’t pare-parehong tao ang lahat, ang ilang tao ay nagsasagawa ng pagiging matapat araw-araw at nakakaramdam ng labis na saya at wala silang stress; malaya at magaan ang pakiramdam nila sa puso nila. Walang kulang sa kanila at mas komportable ang pamumuhay nila. Ang lahat ay natutuwang makisalamuha sa mga ganitong tao, at talagang sila dapat ang hinahangaan ng lahat. Ito ay tinatawag na pagkaalam kung paano mamuhay. May mga hangal na taong nag-iisip, “Ang taong iyan ay palaging nagsasabi ng totoo at siya ay napungusan, hindi ba? Buti nga sa kanya! Tingnan ninyo ako—itinatago ko ang mga tunay kong kaisipan, hindi ako nagsasalita tungkol sa mga ito o hindi ko ibinubunyag ang mga ito, kaya hindi ako napungusan o nagdusa ng anumang kawalan, o napahiya sa harap ng lahat. Kahanga-hanga ito! Palagi kong itinatago ang mga tunay kong kaisipan, at hindi ako nagsasalita nang matapat sa sinuman—walang nakakaalam kung ano ang iniisip ko sa loob-loob ko. Ito ay tinatawag na pagiging nakakahigit; ito ang pinakamatalinong diskarte.” Pero nakikita ng lahat ng tao na ang mga taong ito ang pinakamapanlinlang at pinakatuso sa paraang hindi maarok; palaging mapagbantay ang ibang tao laban sa kanila at dumidistansiya ang mga ito sa kanila. Walang sinuman ang gustong makipagkaibigan sa mga mapanlinlang na tao. Hindi ba’t ang mga ito ang katunayan? Kung ang isang tao ay taong totoo at madalas nagsasabi ng totoo, at nagagawa niyang makipag-usap nang taos-puso sa ibang tao at wala siyang kinikimkim na intensiyong manakit ng iba, bagama’t paminsan-minsan ay nakakagawa siya ng hangal na bagay dahil sa kamangmangan, kinikilala ng lahat na isa siyang mabuting tao, at handa ang lahat na makisalamuha sa kanya. Makakakuha ka ng mga pakinabang mula sa pakikisalamuha sa mabubuti at matatapat na tao, at nagbibigay ito sa iyo ng pakiramdam ng seguridad—ito ay isang katunayan na tinatanggap sa pangkalahatan. Ang mga mananampalataya sa Diyos na kayang hangarin ang katotohanan at maging matatapat na tao ay hindi lamang minamahal ng iba sa iglesia, kundi ng Diyos din. Sa sandaling makamit nila ang katotohanan, nagtataglay sila ng tunay na patotoo at nagagawa nilang tanggapin ang pagsang-ayon ng Diyos. Hindi ba’t sila ang pinakapinagpala sa lahat ng tao? Malinaw na makikita ng mga taong nakakaunawa ng ilang katotohanan ang usaping ito. Sa pag-asal mo, dapat kang maging isang mabuting tao, isang matapat na tao, isang taong nagtataglay ng katotohanan; sa ganitong paraan, hindi ka lamang mamahalin ng iba, kundi pagpapalain ka rin ng Diyos. Gaano man kabuti ang pag-uugali ng isang taong sumusunod sa mga makamundong kalakaran, hindi pa rin siya mabuting tao.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Pamamagitan Lang ng Pagiging Isang Matapat na Tao Makapagsasabuhay ng Tunay na Wangis ng Tao ang Isang Tao
Para isagawa ang pagiging matapat na tao, kailangan mo munang matutunang buksan ang puso mo sa Diyos at magsabi ng mga taos-pusong salita sa Kanya sa panalangin araw-araw. Halimbawa, nagsinungaling ka ngayon at walang nakapansin, pero wala kang lakas ng loob na ipagtapat ito sa lahat—kahit papaano, dapat mong agad na dalhin sa harap ng Diyos ang mga kamalian, kasinungalingan, at kabulaanang nasuri at natuklasan mo para mapagnilayan, at sabihin mo, “O Diyos, muli akong nagsinungaling para protektahan ang sarili kong mga interes. Mali ito. Pakiusap, disiplinahin Mo ako kung muli akong magsinungaling.” Tinatanggap ng Diyos ang ganitong saloobin at tatandaan Niya ito. Maaaring mangailangan ng matinding pagsisikap para malutas mo ang mapanlinlang na tiwaling disposisyong ito na pagsasabi ng mga kasinungalingan, pero huwag kang mag-alala. Dahil kasama mo ang Diyos, gagabayan ka Niya at tutulungan kang malampasan ang sunod-sunod na mga hadlang, binibigyan ka ng lakas ng loob na magbago mula sa hindi pag-amin sa iyong mga kasinungalingan tungo sa pag-amin sa iyong mga kasinungalingan at pagkakaroon ng kakayahan na magbukas at ilantad ang iyong sarili, hindi lamang inaamin ang iyong mga kasinungalingan, kundi nagagawa ring magbukas at ilantad ang mga dahilan kung bakit ka nagsisinungaling, at kung ano ang iyong mga intensiyon at layon sa pagsisinungaling. Kapag mayroon kang lakas ng loob na lampasan ang hadlang na ito, kumawala sa kulungan na pinaglagyan sa iyo ni Satanas at sa kontrol nito sa iyo, at hakbang-hakbang na umabot sa punto kung saan hindi ka na nagsisinungaling, unti-unti ka nang mamumuhay sa liwanag, nang may paggabay at pagpapala ng Diyos. Kapag nalampasan mo ang hadlang ng mga paglilimita ng laman, at hindi ka na nagagapos ng mga damdamin, pride, katayuan, o mga personal na interes, at kaya mong magpasakop sa katotohanan, magbukas, maglantad ng iyong sarili, gumawa ng hayagang pag-amin, at maging malaya sa mga pag-aalinlangan, ikaw ay makakahulagpos at magiging malaya. Kapag namumuhay ka sa ganitong paraan, hindi ka lamang magugustuhan ng mga tao, kundi magugustuhan ka rin ng Diyos. Bagama’t nakakagawa ka pa rin ng mga kamalian o lumalabag sa mga prinsipyo paminsan-minsan, paminsan-minsan ay nakakapagsabi pa rin ng mga kasinungalingan o nagpapanggap, at paminsan-minsan ay nagsasalita at kumikilos nang may mga personal na intensiyon, mga makasariling pagnanais, o mga makasarili at kasuklam-suklam na kaisipan at pag-uugali, magagawa mong tanggapin ang pagsisiyasat ng Diyos, ilantad ang iyong mga intensiyon, aktuwal na kalagayan, at mga tiwaling disposisyon sa harap Niya, at hanapin ang katotohanan mula sa Kanya. Kapag naunawaan mo na ang katotohanan, magkakaroon ka ng landas ng pagsasagawa. Kapag tama ang landas mo ng pagsasagawa, at kumikilos ka sa tamang direksiyon, magiging maganda at maliwanag ang kinabukasan mo. Sa ganitong paraan, mamumuhay ka nang may kapayapaan sa puso mo, madidiligan ang espiritu mo, at makakaramdam ka ng kasiyahan at makararanas ka ng kaligayahan. Kung hindi ka makalaya sa mga limitasyon ng laman, kung palagi kang nalilimitahan ng mga damdamin, mga pansariling interes, at mga pilosopiya ni Satanas, palaging nagsasalita at kumikilos sa malihim na paraan, at palagi kang nagtatago sa mga anino, kung gayon namumuhay ka sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas. Gayumpaman, kung nauunawaan mo ang katotohanan, nagagawang makalaya sa mga limitasyon ng laman, at nagsasagawa ka ng katotohanan, unti-unti kang magtataglay ng wangis ng tao. Magiging bukas at deretsahan ka sa mga salita at gawa mo, at magagawa mong ilantad ang iyong mga opinyon, ideya, at ang mga kamaliang nagawa mo, tinutulutan ang lahat ng tao na makita nang malinaw ang mga ito. Sa huli, makikilala ka ng mga tao bilang isang taong walang itinatago. Ano ang isang taong walang itinatago? Ito ay isang taong nagsasalita nang may lubos na pagkamatapat, pinaniniwalaan ng lahat ng tao na ang mga salita niya ay totoo. Kahit na di-sinasadyang nagsisinungaling o nagsasabi siya ng maling bagay, kaya siyang patawarin ng mga tao, dahil alam nilang hindi ito sinasadya. Kung napagtatanto niya na nagsinungaling siya o nakapagsabi ng mali, humihingi siya ng tawad at itinatama niya ang kanyang sarili. Ito ay isang taong walang itinatago. Ang ganitong tao ay nagugustuhan at pinagkakatiwalaan ng lahat. Kailangan mong umabot sa antas na ito para makamit ang tiwala ng Diyos at tiwala ng iba. Hindi ito simpleng gampanin—ito ang pinakamataas na antas ng dignidad na maaaring taglayin ng isang tao. Ang ganitong tao ay may respeto sa sarili. Kung hindi mo makamit ang tiwala ng ibang tao, paano ka aasang makukuha mo ang tiwala ng Diyos? May mga indibidwal na namumuhay nang hindi marangal, palaging nagsasabi ng mga kasinungalingan at ginagawa ang mga bagay nang pabasta-basta at nang walang ni katiting na pagpapahalaga sa responsabilidad. Hindi sila tumatanggap ng pagpupungos, lagi silang gumagamit ng mga nakalilinlang na katwiran. Nakakaramdam ng pagkasuklam sa kanila ang sinumang nakakasalamuha nila; namumuhay sila nang lubhang walang-kahihiyan. Matatawag bang tao ang gayong mga tao? Ganap nang nawala ang pagkatao ng mga taong pumupukaw sa pagkasuklam ng iba at itinuturing na hindi maaasahan. Kung hindi sila mapagkatiwalaan ng iba, mapagkakatiwalaan ba sila ng Diyos? Kung hindi sila gusto ng ibang tao, magugustuhan ba sila ng Diyos? Hindi gusto ng Diyos ang mga ganitong tao, at tutol ang Diyos sa kanila; tiyak na matitiwalag sila. Sa pag-asal, dapat kang maging matapat at tumupad sa mga pangako mo. Gumagawa ka man ng isang bagay para sa iba o para sa Diyos, dapat mong tuparin ang sinabi mo, nagagawang makuha ang tiwala ng mga tao at mapalugod at mapanatag ang Diyos. Dahil dito ay magiging medyo matapat na tao ka. Kung ikaw ay mapagkakatiwalaan sa mga kilos mo, hindi ka lang magugustuhan ng iba, kundi tiyak na magugustuhan ka rin ng Diyos. Sa pagiging matapat na indibidwal, magugustuhan ka ng Diyos at makapamumuhay ka nang may dignidad. Samakatwid, ang pagiging matapat na tao ay dapat na maging panimulang punto ng sariling asal ng isang tao.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Pamamagitan Lang ng Pagiging Isang Matapat na Tao Makapagsasabuhay ng Tunay na Wangis ng Tao ang Isang Tao
Kadalasan ay mayroong mga intensiyon sa likod ng mga kasinungalingan ng mga tao, ngunit mayroong ilang kasinungalingang walang anumang intensiyon sa likod ng mga ito, hindi rin sadyang ipinlano ang mga iyon, at sa halip ay likas lang na lumalabas. Ang gayong mga kasinungalingan ay madaling lutasin. Kung may mga intensiyon sa likod ng mga kasinungalingan, sadyang sinasabi ng mga tao ang mga kasinungalingang ito, at ang gayong mga kasinungalingan ay mahirap lutasin. Ito ay dahil nagmumula ang mga intensiyong ito sa kalikasan ng isang tao at kumakatawan sa mga pakana ni Satanas, at sadya ang mga kasinungalingang ito. Kung ang isang tao ay hindi isang taong nagmamahal sa katotohanan, hindi niya magagawang maghimagsik laban sa laman at bitiwan ang kanyang mga personal na intensiyon, kaya dapat siyang manalangin sa Diyos, at umasa sa Kanya at hanapin ang katotohanan para lutasin ang isyu. Gayumpaman, ang isyu ng pagsisinungaling ay hindi ganap na malulutas nang isahan lang, at magkakaroon ng maraming pagbalik sa dati, marahil ay sa paglipas pa nga ng maraming taon, na normal lang. Ito ay dahil ang pagsisinungaling ay pinamamahalaan ng isang tiwaling disposisyon at nagmumula sa kalikasan ni Satanas. Hangga’t hindi nalulutas ang tiwaling disposisyong ito sa isang tao, imposibleng ganap na malutas ang isyu ng pagsisinungaling. Hangga’t kayang tanggapin ng mga tao ang katotohanan at tanggapin ang pagsisiyasat ng Diyos, maaari silang patuloy na maghanap sa katotohanan upang lutasin ang kanilang pagsisinungaling. Saka lamang maituturing na halos nalutas na ang problema ng pagsisinungaling kapag nagkaroon ng pagbabago sa kanilang mga buhay disposisyon. Ngunit sa ngayon, ang paglutas sa pagsisinungaling ay nangangailangan ng pakikipaglaban sa isang pangmatagalang labanan: Kapag lumabas ito nang minsan, lutasin ito nang minsan; kapag lumabas ito nang dalawang beses, lutasin ito nang dalawang beses. Ipagpatuloy ito, at sa sandaling magbago na ang iyong buhay disposisyon, lubusan nang malulutas ang pagsisinungaling. Upang malutas ang pagsisinungaling, dapat kang makipaglaban sa isang pangmatagalang labanan, dapat kang umasa sa pananalangin sa Diyos at paghahanap sa katotohanan upang lutasin ito. Sa tuwing ibinubunyag mo ito, dapat kang manalangin sa Diyos at hanapin mo ang katotohanan. Kapag mas nananalangin ka sa Diyos, mas lalo mong kamumuhian ang iyong tiwaling disposisyon, at mas lalo kang mananabik na isagawa ang katotohanan at isabuhay ito. Sa gayon, magkakaroon ka ng lakas na talikuran ang mga kasinungalingan. Pagkatapos ng isang panahon ng gayong karanasan at pagsasagawa, makikita mo na nabawasan na ang mga pagsisinungaling mo, na namumuhay ka na nang mas magaan, at na hindi mo na kailangang magsinungaling o pagtakpan pa ang iyong mga kasinungalingan. Bagama’t maaaring hindi ka gaanong nagsasalita araw-araw, ang bawat pangungusap ay magmumula sa puso at magiging totoo, nang may napakakaunting kasinungalingan. Ano kaya ang pakiramdam ng mamuhay nang ganoon? Hindi ba’t magiging malaya at nakapagpapalaya ito sa pakiramdam? Hindi ka lilimitahan ng iyong tiwaling disposisyon at hindi ka matatali rito, at kahit papaano ay magsisimula ka nang makakita ng mga resulta ng pagiging isang matapat na tao. Siyempre, kapag nahaharap ka sa espesyal na mga pangyayari, maaaring lumabas ang ilang kasinungalingan. Halimbawa, kapag nahaharap ka sa panganib o sa kung anong problema, o gusto mong mapanatili ang iyong seguridad, sa gayong mga pagkakataon ay wala kang pagpipilian kundi ang magsinungaling. Gayumpaman, kailangan mo itong pagnilayan, unawain, at lutasin ang problema ng pagsisinungaling. Dapat kang manalangin sa Diyos at sabihin na, “Mayroon pa ring mga kasinungalingan at panlalansi sa aking kalooban. Nawa’y lubusan akong iligtas ng Diyos mula sa aking tiwaling disposisyon.” Kapag sadyang gumagamit ng karunungan ang isang tao, hindi ito maituturing na pagbubunyag ng katiwalian. Ganito dapat danasin ng isang tao ang pagiging isang matapat na tao. Sa ganitong paraan, paunti-unti, mababawasan ang iyong mga kasinungalingan. Ngayon ay magsasabi ka ng sampung kasinungalingan, bukas ay maaari kang magsabi ng siyam, sa makalawa ay magsasabi ka ng walo. Kalaunan, magsasabi ka na lang ng dalawa o tatlo. Mas sasabihin mo nang sasabihin ang totoo, at ang pagsasagawa mo ng pagiging matapat na tao ay higit na mapalalapit sa mga layunin ng Diyos, sa Kanyang mga hinihinging pamantayan—at napakaganda niyon! Para isagawa ang pagiging isang matapat na tao, dapat magkaroon ka ng isang landas, at dapat magkaroon ka ng isang layon. Una, lutasin mo ang ugat ng pagsisinungaling. Kailangan mong malaman ang diwa sa likod ng pagsasabi mo ng mga kasinungalingang ito. Kailangan mo ring himayin kung ano ang mga intensiyon at motibong nag-uudyok sa iyo na sabihin ang mga kasinungalingang ito, kung bakit taglay mo ang gayong mga intensiyon, at kung ano ang kalikasan ng mga iyon. Kapag nalinaw mo na ang lahat ng isyung ito, lubusan mo nang makikilatis ang problema sa pagsisinungaling, at kapag naunawaan mo na ang katotohanan, kapag may nangyayari sa iyo, magkakaroon ka ng mga prinsipyo ng pagsasagawa. Kung magsasagawa at daranas ka sa ganitong paraan, tiyak na makakikita ka ng mga resulta. Balang araw ay sasabihin mong, “Madaling maging isang matapat na tao. Nakakapagod masyado ang pagiging mapanlinlang! Ayaw ko nang maging mapanlinlang na tao, na laging kailangang isipin kung ano ang mga kasinungalingang sasabihin at kung paano pagtatakpan ang aking mga kasinungalingan. Tulad ito ng pagiging isang taong may sakit sa pag-iisip, may mga kontradiksyon ang sinasabi—isang taong hindi karapat-dapat na tawaging ‘tao’! Nakapapagod ang ganoong uri ng buhay, at ayaw ko nang mamuhay nang ganoon!” Sa pagkakataong ito, magkakaroon ka ng pag-asang maging isang tunay na matapat na tao, at mapatutunayan nito na nagsimula ka nang umusad tungo sa pagiging matapat na tao. Malaking tagumpay ito. Siyempre pa, kapag nagsimula nang magsabi ng katotohanan ang ilan sa inyo, mamumula ang mukha ninyo, mahihiya kayo, at matatakot na pagtawanan ng iba. Ano ang dapat ninyong gawin, kung gayon? Kailangan pa rin ninyong manalangin sa Diyos at hilingin na bigyan Niya kayo ng lakas. Sabihin mo na, “Diyos ko, gusto kong maging isang matapat na tao, ngunit natatakot akong pagtawanan ako ng mga tao kapag sinabi ko ang totoo. Hinihiling ko na iligtas Mo ako mula sa gapos ng aking satanikong disposisyon; hayaan Mo akong mamuhay sa Iyong mga salita, at maging malaya at napalaya.” Kapag nagdasal ka nang ganito, magkakaroon ng higit na liwanag sa puso mo, at sasabihin mo sa sarili mo, “Mabuting isagawa ito. Ngayon, naisagawa ko na ang katotohanan. Sa wakas, naging isang matapat na tao rin ako sa pagkakataong ito.” Habang nagdarasal ka nang ganito, bibigyang-liwanag ka ng Diyos. Gagawa ang Diyos sa puso mo, at aantigin ka Niya, tinutulutan kang unawain kung ano ang pakiramdam ng maging isang matapat na tao. Ganito dapat isagawa ang katotohanan. Sa pinakasimula ay wala kang landas, ngunit sa pamamagitan ng paghahanap sa katotohanan ay makahahanap ka ng landas. Kapag nagsisimula ang mga tao na hanapin ang katotohanan, hindi tiyak na may pananalig sila. Masakit para sa mga tao ang hindi magkaroon ng landas, pero kapag naunawaan na nila ang katotohanan at nagkaroon na sila ng landas ng pagsasagawa, nasisiyahan ang kanilang puso. Kung nagagawa nilang isagawa ang katotohanan at kumilos ayon sa mga prinsipyo, makasusumpong ng kaginhawahan ang kanilang puso, at magtatamo sila ng kalayaan at paglaya.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Pinakasaligang Pagsasagawa ng Pagiging Isang Taong Matapat
Sa huli, ang pinakasimpleng paraan ng pagsasagawa na maging isang matapat na tao ay ang simpleng pagpapahayag ng mga bagay kung ano talaga ang mga ito, magsalita nang tapat, at magsalita ayon sa mga katunayan. Gaya ng sinabi ng Panginoong Jesus: “Ang magiging pananalita ninyo ay, ‘Oo, oo; Hindi, hindi’” (Mateo 5:37). Ang pagiging isang matapat na tao ay nangangailangan ng pagsasagawa ayon sa prinsipyong ito—pagkatapos ng pagsasanay nito sa loob ng ilang taon, tiyak na makikita mo ang mga resulta. Paano kayo nagsasanay ng pagiging isang matapat na tao ngayon? (Sinusubukan kong hindi dagdagan ng kasinungalingan ang aking sinasabi, at hindi linlangin ang iba.) Ano ang ibig sabihin ng “hindi panghahalo”? Nangangahulugan ito na ang mga salitang sinasabi mo ay hindi naglalaman ng mga kasinungalingan o anumang mga personal na intensyon o layon. Kung nagkikimkim ka ng panlalansi o mga personal na intensyon at layon sa iyong puso, likas na lalabas ang mga kasinungalingan mo. Kung wala kang panlalansi o mga personal na intensyon, o mga layon sa iyong puso, magiging walang halo ang mga sinasabi mo at hindi maglalaman ng mga kasinungalingan—sa ganitong paraan, ang iyong pakikipag-usap ay magiging: “Oo, oo; Hindi, hindi.” Ang pinakamahalagang bagay ay ang dalisayin muna ang puso ng isang tao. Kapag nadalisay na ang puso ng isang tao, ang pagmamataas at pagiging mapanlinlang ng isang tao ay malulutas. Upang maging isang matapat na tao, dapat lutasin ng isang tao ang mga karumihang ito ng puso. Kapag nagawa ito, magiging madaling maging isang matapat na tao. Ang pagiging isang matapat ba na tao ay komplikado? Hindi, hindi ito komplikado. Anuman ang kalagayan mo sa loob o anumang mga tiwaling disposisyon ang mayroon ka, dapat mong isagawa ang katotohanan ng pagiging matapat na tao. Kailangan mo munang lutasin ang problema ng pagsasabi ng kasinungalingan—ito ang pinakamahalaga. Una, sa pagsasalita, dapat kang magsagawa sa pagsasabi ng kung ano ang nasa isipan mo, pagsasalita ng totoo, pagsasabi kung ano ito mismo, at ganap na umiwas sa pagsisinungaling; ni hindi ka dapat magsabi ng mga salitang may halo, at dapat mong tiyakin na ang lahat ng sinasabi mo sa maghapon ay totoo at matapat. Sa paggawa nito, isinasagawa mo ang katotohanan at nagiging isa kang matapat na tao. Kung mapansin mo na naglabas ka ng mga kasinungalingan o ng mga salitang may karumihan, pagnilayan mo agad ang iyong sarili, at maghimay at magkamit ka ng pagkaunawa sa mismong mga dahilan kung bakit ka nagsisinungaling at kung ano ang nagtutulak sa iyo na magsinungaling. Pagkatapos, batay sa mga salita ng Diyos, himayin ang ugat at diwa ng problemang ito. Sa sandaling matarok mo ang ugat na sanhi ng mga kasinungalingan mo, magagawa mong maghimagsik laban sa satanikong disposisyong ito sa pananalita at mga pagkilos mo. Hindi ka na magsisinungaling kapag nahaharap sa mga katulad na sitwasyon, at makapagsasalita ka na ayon sa mga katunayan at hindi na maglalabas ng mga mapanlinlang na pananalita. Sa ganitong paraan, ang iyong espiritu ay mapakakawalan at makalalaya at magagawa mong mabuhay sa harap ng Diyos. Kung kaya mong mamuhay ayon sa mga salita ng Diyos, namumuhay ka sa liwanag. Gayumpaman, kung patuloy kang nakikibahagi sa panlilinlang, nagbabalak at gumagawa ng pakana, palaging nagtatago tulad ng isang magnanakaw sa madidilim na sulok, at palihim na nagsasagawa ng mga gawain mo, kung gayon, hindi ka maglalakas-loob na mamuhay sa harap ng Diyos. Ito ay dahil mayroon kang lihim na mga motibo, at palagi mong gustong linlangin ang iba upang makamit ang sarili mong mga layon. Dahil nagkikimkim ka ng napakaraming kahiya-hiyang bagay sa puso mo, palagi mong sinusubukang itago ang mga ito, at gusto mo palagi na pagtakpan at itago sa balatkayo ang iyong sarili. Ngunit hindi ito maaaring magpatuloy magpakailanman, at sa malao’t madali, lalantad ang mga ito. Ang isang taong may lihim na mga motibo ay hindi magagawang mamuhay sa liwanag. Kung hindi niya isasagawa ang pagninilay-nilay sa sarili, paghihimay sa kanyang sarili at paglalantad ng kanyang sarili, hindi siya makakawala sa paglimita at gapos ng kanyang mga tiwaling disposisyon. Mananatili siya sa isang buhay ng kasalanan, na hindi kayang palayain ang kanyang sarili. Sa huli, sa anumang sitwasyon, hindi ka dapat magsinungaling. Kung malinaw sa iyo na mali ang pagsisinungaling at hindi nakaaayon sa katotohanan, ngunit ipinipilit mong magsinungaling at manlinlang ng iba, nag-iimbento pa para itago ang mga katunayan at ang realidad ng sitwasyon para iligaw ang mga tao, kung gayon, sadya kang gumagawa ng maling gawain. Hindi matatamo ng ganitong tao ang pagliligtas ng Diyos.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Landas ng Paglutas sa mga Tiwaling Disposisyon
Kaugnay na mga Eksena ng Pelikula
Paano Lulutasin ang Problema sa Pagsisinungaling at Pandaraya?
Kaugnay na mga Patotoong Batay sa Karanasan
Paano Ko Nalunasan ang Aking Pagsisinungaling
Ang Pasakit ng Pagsisinungaling
Nilulutas ng Salita ng Diyos ang Lahat ng Kasinungalingan