32. Paano unawain at lutasin ang problema ng kalikasan ng pagkakanulo

Mga Salita ng Makapangyarihang Diyos ng mga Huling Araw

Ang kalikasan ng tao ay ganap na naiiba sa Aking diwa, sapagkat ang tiwaling kalikasan ng tao ay lubos na nagmumula kay Satanas; ang kalikasan ng tao ay naproseso na at nagawa nang tiwali ni Satanas. Ibig sabihin, nabubuhay ang tao sa ilalim ng impluwensiya ng kasamaan at kapangitan nito. Ang tao ay hindi lumalaki sa isang mundo ng katotohanan o sa isang banal na kapaligiran, at lalo namang hindi nabubuhay ang tao sa liwanag. Samakatwid, hindi posibleng taglayin ninuman ang katotohanan sa kanyang kalikasan mula sa pagsilang, at lalong hindi maisisilang ang sinuman nang may diwang may takot at nagpapasakop sa Diyos. Sa kabaligtaran, nagtataglay ang mga tao ng isang kalikasang sumasalungat sa Diyos, naghihimagsik laban sa Diyos, at walang pagmamahal sa katotohanan. Ang kalikasang ito ang problemang nais Kong talakayin—ang pagkakanulo.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Isang Napakaseryosong Problema: Pagkakanulo (2)

Nanggagaling ang kalikasan ng tao sa kaluluwa, hindi sa laman. Tanging ang kaluluwa ng bawat tao ang nakakaalam kung paano niya naranasan ang mga panunukso, pagpapahirap, at pagtitiwali ni Satanas. Hindi kayang malaman ng laman ng tao ang mga bagay na ito. Kaya, di-namamalayang nagiging padilim nang padilim, parumi nang parumi, at pasama nang pasama ang sangkatauhan, habang palaki nang palaki ang agwat Ko sa sangkatauhan, at padilim nang padilim ang buhay para sa kanila. Ang kaluluwa ng tao ay hawak ni Satanas sa mga kamay nito, kaya, siyempre, tiyak nang ang laman ng tao ay naokupa na rin ni Satanas. Paanong hindi sasalungatin ng laman na tulad nito at ng sangkatauhang ito ang Diyos? Paano sila magiging likas na kaayon Niya? Itinapon Ko sa himpapawid si Satanas dahil ipinagkanulo Ako nito. Kung gayon, paanong magagawang makalaya ng sangkatauhan mula sa pagkakasangkot? Ito ang dahilan kung bakit ang pagkakanulo ay kalikasan ng tao.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Isang Napakaseryosong Problema: Pagkakanulo (2)

“Ang tao ay lubha nang nagawang tiwali ni Satanas na wala na siyang wangis ng tao.” Ang napakalaking mayorya ng mga tao ngayon ay kumikilala nang kaunti sa pariralang ito. Sinasabi Ko ito dahil ang “pagkilala” na tinutukoy Ko ay isang uri lang ng mababaw na pag-amin, na salungat sa tunay na kaalaman. Yamang wala sa inyo ang kayang tumpak na tasahin o lubusang himayin ang inyong mga sarili, kahit kailan ay kalahati lang kayong naniniwala sa Aking mga salita. Ngunit sa pagkakataong ito, gumagamit Ako ng mga katunayan upang ipaliwanag ang pinakaseryosong problema na umiiral sa inyo. Ang problemang iyon ay ang pagkakanulo. Pamilyar kayong lahat sa salitang “pagkakanulo,” dahil karamihan sa mga tao ay nakagawa na ng isang bagay na nagkakanulo sa iba, tulad ng isang asawang lalaki na ipinagkakanulo ang kanyang asawang babae, isang asawang babae na ipinagkakanulo ang kanyang asawang lalaki, isang anak na lalaki na ipinagkakanulo ang kanyang ama, isang anak na babae na ipinagkakanulo ang kanyang ina, isang alipin na ipinagkakanulo ang kanyang amo, mga magkakaibigan na ipinagkakanulo ang isa’t isa, mga magkakamag-anak na ipinagkakanulo ang isa’t isa, mga nagbebenta na ipinagkakanulo ang mga mamimili, at iba pa. Ang lahat ng halimbawang ito ay naglalaman ng diwa ng pagkakanulo. Sa madaling salita, ang pagkakanulo ay isang uri ng pag-uugali na sumisira sa isang panata, lumalabag sa mga pamantayang moral, o kumokontra sa pantaong etika, na nagpapakita ng isang pagkawala ng pagkatao. Bilang mga tao, naaalala man ninyo na may nagawa kayo na nagkakanulo sa ibang tao, o kung naipagkanulo ninyo ang iba nang maraming beses noon, yamang isinilang sa mundong ito, lahat kayo ay nakagawa na ng isang bagay na paglabag sa katotohanan. Dahil ikaw ay may kakayahang ipagkanulo ang iyong mga magulang o mga kaibigan, ikaw ay may kakayahang ipagkanulo ang iba, at higit pa rito, ikaw ay lalo pang may kakayahang magkanulo sa Akin at gumawa ng mga bagay na kinasusuklaman Ko. Sa ibang salita, ang pagkakanulo ay hindi lamang isang mababaw na imoral na pag-uugali, ngunit higit pa roon, isang bagay na sumasalungat sa katotohanan. Ito mismo ang pinagmumulan ng paglaban at paghihimagsik laban sa Akin ng tao. Ito ang dahilan kung bakit nalagom Ko ito sa sumusunod na pahayag: Ang pagkakanulo ay katutubong kalikasan ng tao, at ang kalikasang ito ang likas na kaaway ng pagkakamit ng bawat tao na maging kaayon Ko.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Isang Napakaseryosong Problema: Pagkakanulo (1)

Ang pag-uugaling hindi kayang lubusang magpasakop sa Akin ay pagkakanulo. Ang pag-uugaling hindi kayang maging tapat sa Akin ay pagkakanulo. Ang pagdaya sa Akin at paggamit ng mga kasinungalingan upang linlangin Ako ay pagkakanulo. Ang pagtataglay ng maraming kuru-kuro at pagpapakalat sa mga ito sa lahat ng dako ay pagkakanulo. Ang kawalan ng kakayahang itaguyod ang Aking mga patotoo at mga interes ay pagkakanulo. Ang paghahandog ng mga huwad na ngiti kapag malayo sa Akin ang puso ay pagkakanulo. Ang lahat ng ito ay mga gawa ng pagkakanulo na palagi na ninyong nagagawa, at ang mga ito ay karaniwan din sa inyo. Wala sa inyo ang nag-iisip na ito ay isang problema, ngunit hindi iyon ang iniisip Ko. Hindi Ko maaaring tratuhin ang pagkakanulo sa Akin ng isang tao bilang isang maliit na bagay, at lalo namang hindi Ko maaaring hindi ito pansinin. Kahit ngayon, habang Ako ay gumagawa sa gitna ninyo, kumikilos kayo sa ganitong paraan—kung darating ang isang araw na walang sinuman ang magbabantay sa inyo, hindi ba kayo magiging kagaya ng mga bandido na nagdeklarang hari sila ng kanilang mga munting teritoryo? Kapag nangyari iyon at nagsanhi kayo ng isang malaking kalamidad, sino ang naroroon upang ayusin ang problema? Kung iniisip ninyo na ang ilang kilos ng pagkakanulo ay mga paminsan-minsang pagkilos lang sa halip na inyong namimihasang pag-uugali, na hindi dapat pag-usapan nang ganito kaseryoso, na nagiging dahilan upang masaktan ang inyong pride, at kung ito ang tunay ninyong pinaniniwalaan, kung gayon ay lubos kayong walang katinuan. Kapag mas nag-iisip nang ganito ang isang tao, lalo siyang nagiging isang tipikal na halimbawa at huwaran ng paghihimagsik. Ang kalikasan ng tao ay ang kanyang buhay; ito ay isang prinsipyo kung saan siya umaasa upang manatiling buhay, at hindi niya maaaring baguhin ito. Gawing halimbawa ang kalikasan ng pagkakanulo. Kung kaya mong gumawa ng mga bagay na pagkakanulo sa sinuman sa iyong mga kamag-anak o kaibigan, ito ay nagpapatunay na bahagi ito ng iyong buhay at ipinanganak kang may ganitong kalikasan. Ito ay isang bagay na hindi maitatanggi ninuman. Halimbawa, kung nasisiyahan ang isang taong magnakaw sa iba, ang kasiyahang magnakaw na ito ay bahagi ng kanyang buhay, bagaman maaaring magnakaw siya minsan at hindi naman magnakaw minsan. Magnakaw man siya o hindi, hindi nito maaaring patunayan na ang kanyang pagnanakaw ay isang uri lamang ng pag-uugali. Sa halip, nagpapatunay ito na ang kanyang pagnanakaw ay isang bahagi ng kanyang buhay—iyon ay, ang kanyang kalikasan. Ang ilang tao ay magtatanong: Yamang ito ay kanyang kalikasan, kung gayon bakit, kapag nakakakita siya ng magagandang bagay, hindi niya minsan ninanakaw ang mga iyon? Ang sagot ay napakasimple. Maraming kadahilanan kung bakit hindi siya nagnanakaw. Maaaring hindi niya nakawin ang isang bagay dahil masyado itong malaki para kupitin mula sa mapagbantay na mga mata, o dahil walang angkop na oras upang kumilos, o ang isang bagay ay masyadong mahal, masyadong mahigpit na nababantayan, o marahil siya ay hindi partikular na interesado rito, o hindi niya nakikita ang magiging gamit nito sa kanya, at iba pa. Ang lahat ng kadahilanang ito ay posible. Ngunit ano pa man, kung nakawin man niya ang isang bagay o hindi, hindi nito maaaring patunayan na ang kaisipang ito ay umiiral lang bilang isang panandalian at pahapyaw na saglit. Sa kabaligtaran, ito ay isang bahagi ng kanyang kalikasan—isang kalikasan na mahirap papanibaguhin. Ang ganitong tao ay hindi nasisiyahan sa pagnanakaw nang isang beses lamang; ang ganitong mga pag-iisip na angkinin ang mga pag-aari ng ibang tao bilang kanya ay nabubuo tuwing nakakatagpo siya ng isang bagay na maganda, o isang angkop na sitwasyon. Ito ang dahilan kung bakit sinasabi Ko na ang kaisipang ito ay hindi isang bagay na bastang napupulot paminsan-minsan ng taong ito, kundi isang bagay na nagmumula sa kanyang kalikasan.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Isang Napakaseryosong Problema: Pagkakanulo (1)

Ang sinuman ay maaaring gumamit ng kanyang sariling mga salita at mga pagkilos upang katawanin ang kanyang tunay na mukha. Ang totoong mukhang ito ay, siyempre, ang kanyang kalikasan. Kung ikaw ay isang taong nagsasalita sa isang balikong paraan, ikaw ay may isang balikong kalikasan. Kung ang iyong kalikasan ay mapanlinlang, kumikilos ka sa tusong paraan, at ginagawa mong napakadali para sa iba na malansi at maloko mo. Kung ang iyong kalikasan ay mapaminsala, maaaring maging kaaya-ayang pakinggan ang iyong mga salita, ngunit hindi maitatago ng iyong mga pagkilos ang iyong mga mapaminsalang panlalansi. Kung ang iyong kalikasan ay tamad, kung gayon, sa lahat ng bagay na iyong sinasabi, susubukan mong ipawalang-sala ang iyong sarili sa pagiging pabasta-basta at tamad, at ang iyong mga pagkilos ay magiging mabagal at pabasta-basta, at napakahusay sa pagtatakip ng katotohanan. Kung ang iyong kalikasan ay madamayin, magiging makatwiran ang iyong mga salita, at ang mga kilos mo rin ay magiging kaayon nang maigi sa katotohanan. Kung ang iyong kalikasan ay ang maging tapat sa lahat, ang iyong mga salita ay tiyak na taos-puso at ang paraan ng iyong pagkilos ay praktikal, walang anumang magsasanhi para sa iyong amo na mabalisa. Kung ang iyong kalikasan ay mapagnasa o sakim sa pera, ang iyong puso ay kadalasang mapupuno ng mga bagay na ito, at hindi mamamalayang gagawa ka ng mga lihis at imoral na bagay na magiging mahirap para sa mga tao na makalimutan at na magpapasulasok sa kanila. Tulad ng nasabi Ko, kung mayroon kang isang kalikasan ng pagkakanulo, mahihirapan kang kumawala rito. Huwag magtaglay ng isang mentalidad kung saan sinusubok mo ang iyong suwerte, ipinagpapalagay na dahil hindi mo ginawan ng mali ang iba, wala kang kalikasan ng pagkakanulo. Kung ganoon ang iyong iniisip, ikaw nga ay talagang kasuklam-suklam. Sa tuwing nagsasalita Ako, nakatuon sa lahat ng tao ang mga salita Ko, hindi lamang sa isang tao o isang uri ng tao. Ang katunayan na hindi mo pa Ako ipinagkanulo sa isang bagay ay hindi nagpapatunay na hindi mo Ako ipagkakanulo sa anumang bagay. Kapag may mga dagok sa samahan nilang mag-asawa, nawawalan ang ilang tao ng kanilang pananalig sa paghahanap sa katotohanan. Tinatalikdan ng ilang tao ang kanilang obligasyon na maging tapat sa Akin sa panahon ng pagkasira ng pamilya. Tinatalikuran Ako ng ilang tao upang maghanap ng isang sandali ng kagalakan at katuwaan. Ang ilang tao ay mas gugustuhin pang mahulog sa isang madilim na bangin kaysa mamuhay sa liwanag at matamo ang kaluguran ng gawain ng Banal na Espiritu. Ang ilang tao ay hindi pinapansin ang payo ng mga kaibigan para lang bigyang-kasiyahan ang kanilang pagnanasa sa kayamanan, at kahit ngayon ay hindi kayang kilalanin ang kanilang pagkakamali at baguhin ang kanilang landas. Ang ilang tao ay pansamantalang naninirahan lamang sa ilalim ng Aking ngalan upang matanggap ang Aking pangangalaga, habang ang iba ay labag sa loob na naglalaan lang nang kaunti sa Akin sapagkat kumakapit sila sa buhay at natatakot sa kamatayan. Hindi ba’t ang mga ito at ang iba pang gayong mga pagkilos, na mga imoral, at higit pa rito, walang integridad, ay mga pag-uugali lamang na nagpapakita na matagal na Akong ipinagkanulo ng mga tao sa kaibuturan ng kanilang puso? Siyempre, alam Kong hindi paunang binabalak ng mga tao ang ipagkanulo Ako, pero ang pagkakanulo nila ay isang natural na pagbubunyag ng kanilang kalikasan. Walang sinuman ang nagnanais na ipagkanulo Ako, lalong walang sinuman ang masaya dahil nakagawa sila ng isang akto ng pagkakanulo laban sa Akin. Sa kabaligtaran, nanginginig sila sa takot, hindi ba? Kaya, iniisip ba ninyo kung paano makababawi sa mga pagkakanulong ito, at kung paano babaguhin ang kasalukuyang kalagayan?

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Isang Napakaseryosong Problema: Pagkakanulo (1)

Ang ugat na sanhi ng pagkakanulo ay nagmumula kay Satanas, ang kalikasan ni Satanas ay pagkakanulo, at anumang disposisyon na ipinapakita ng mga tao sa kanilang mga kilos ay itinuturing ng Diyos bilang pagkakanulo. Bakit napakahaba ng sinasabi ng Diyos tungkol sa usaping ito? Ito ay dahil ang pagkakanulo ng tao ay palagian, hindi alintana ang lugar o oras at, paano man umasal ang mga tao, ang isang bagay na malalim na nakaugat sa kalikasan ng mga tao ay ang kanilang diwa ng paglaban sa Diyos. Kahit na sabihin mong ayaw mong salungatin o labanan ang Diyos, wala kang kakayahang pigilan ang iyong sarili sa paggawa nito, dahil nasa loob mo ang isang mapagkanulong kalikasan. Taglay ang kalikasang ito ng pagkakanulo, hindi ka makakapagpasakop sa Diyos, hindi mo Siya masusunod hanggang sa wakas, at hindi mo ganap na matatanggap ang mga salita ng Diyos bilang iyong buhay. Paano mo dapat unawain ang problema ng pagkakanulo? Gaano ka man katagal nang nananampalataya sa Diyos, o gaano man karami sa Kanyang mga salita ang nakain at nainom mo, o gaano man karami ang pagkaunawa mo sa Kanya—hangga’t ang iyong kalikasan ay pagkakanulo sa Diyos, at hindi mo pa natatanggap ang Kanyang mga salita sa iyong puso, o naisasagawa at napapasok ang Kanyang mga salita, at hindi pa nagiging buhay mo ang Kanyang mga salita, ang iyong diwa ay magiging pagkakanulo sa Diyos magpakailanman. Ibig sabihin, kung hindi nagbago ang iyong disposisyon, isa kang tao na nagkakanulo sa Diyos. Sinasabi ng ilang tao, “Kaya kong maarok ang mga salita ng Diyos, at maunawaan ang lahat ng bagay na Kanyang sinasabi. Handa rin akong tanggapin ang mga iyon. Kaya paano ako matatawag na isang tao na nagkakanulo sa Diyos?” Ang kahandaan mong tanggapin ang mga iyon ay hindi nangangahulugang nakapagsasabuhay ka na ng mga salita ng Diyos, lalong hindi na nakamit mo ang katotohanan at nagawa ka nang perpekto ng mga iyon. Medyo malalim ang katotohanan tungkol sa mapagkanulong kalikasan ng tao, at para maunawaan ninyo ang aspektong ito ng katotohanan, maaaring kailanganin ninyo ng ilang panahon ng karanasan. Sa mga mata ng Diyos, ang lahat ng bagay na ginagawa ng bawat tao na nananampalataya sa Diyos ay salungat sa katotohanan, hindi naaayon sa salita ng Diyos, at mapanlaban sa Kanya. Maaaring hindi rin ninyo ito matanggap, at masabing: “Pinaglilingkuran namin ang Diyos, sinasamba ang Diyos, ginagawa ang aming mga tungkulin sa sambahayan ng Diyos. Napakarami na naming nagawa, lahat ay alinsunod sa mga salita at hinihingi ng Diyos, at naaayon sa mga pagsasaayos ng gawain. Paano masasabing nilalabanan at ipinagkakanulo namin ang Diyos? Bakit Mo palaging pinapahina ang aming loob? Nahirapan kami nang husto na talikuran ang aming pamilya at mga karera at magpasyang sumunod sa Diyos, kaya paano Mo nagagawang sabihan kami nang ganito?” Ang layunin ng pagsasalita nang ganito ay para maunawaan ng lahat: Ang pagkakaroon ng kaunting mabuting pag-uugali, pagtalikod sa isang bagay, o pagdanas ng ilang paghihirap ay hindi nangangahulugang nagbago na ang mapagkanulong kalikasan ng isang tao—hindi ito nagbago! Ang pagdurusa ay kinakailangan, gayundin ang paggawa ng iyong tungkulin, pero ang katunayan na kaya mong magdusa o gawin ang iyong tungkulin ay hindi nangangahulugang hindi na umiiral ang mga tiwaling disposisyon sa loob mo. Ito ay dahil walang sinuman ang sumailalim sa isang tunay na pagbabago sa kanilang panloob na buhay disposisyon, walang sinuman ang naging isang tao na nagpapasakop sa Diyos, at ang lahat ay malayo pa rin sa pagtugon sa mga layunin ng Diyos, at kaya hindi pa natutugunan ang pamantayan para sa pagtamo ng kaligtasan. Ang pananampalataya ng mga tao sa Diyos ay masyadong may karumihan, ang kanilang mga tiwaling disposisyon ay labis na nabubunyag. Maraming tao ang nagiging mga lider o manggagawa; bagama’t naglilingkod sila sa Diyos, nilalabanan din nila Siya. Ano ang ibig sabihin nito? Ito ay na sinasadya nilang sumalungat sa mga salita ng Diyos, sumalungat sa katotohanan, at hindi sila nagsasagawa ayon sa mga pagnanais ng Diyos. Iginigiit nilang kumilos ayon sa sarili nilang kalooban, para makamit ang sarili nilang mga balak at pakay, upang sila ang may hawak ng kapangyarihan at nagpapasya, at para itatag ang sarili nilang mga nagsasariling kaharian at ipagkanulo ang Diyos. Kaya, tumahak sila sa landas ni Satanas. Ito ang kahulugan ng paglilingkod sa Diyos pero paglaban din sa Kanya.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Landas ng Pagsasagawa Tungo sa Pagbabago ng Disposisyon ng Isang Tao

Ang karaniwang elemento sa loob ng kalikasan ng tao ay ang pagkakanulo sa Diyos; may kakayahan ang bawat isang tao na ipagkanulo ang Diyos. Ano ang pagkakanulo sa Diyos? Anong mga pagpapamalas ang bumubuo sa pagkakanulo sa Diyos? Ang hindi lang ba pananampalataya sa Diyos ang bumubuo sa pagkakanulo sa Kanya? Dapat maunawaan ng mga tao kung ano ang diwa ng tao, at arukin kung ano ang nasa ugat. Ang iyong pag-aalboroto, mga kapintasan, masasamang gawi, o kakulangan ng wastong pagpapalaki ay pawang mabababaw na problema. Kung palagi kang kumakapit sa mga paimbabaw na problemang ito at walang-ingat pang nagpapatupad ng mga regulasyon, baluktot iyon. Dapat mong arukin ang mga esensyal na problema, na nangangahulugang dapat mong malaman ang iyong mga tiwaling disposisyon, ang mga bagay na umiiral sa loob ng iyong kalikasan. Kung hindi malulutas ang iyong mga tiwaling disposisyon, gaano man karaming salita at doktrina ang kaya mong sabihin, magiging walang silbi ito; ang sinasabi at ginagawa mo ay lalaban pa rin sa Diyos. Maaaring ipagkanulo ng mga tao ang Diyos kahit kailan at kahit saan—isa itong malubhang problema. Marahil sa kasalukuyan ay mayroon kang kaunting mapagmahal-sa-Diyos na puso, masigasig mong ginugugol ang sarili mo, at ginagampanan ang iyong tungkulin nang may kaunting debosyon; o maaaring mayroon kang ganap na normal na katwiran at konsensiya sa panahong ito. Ngunit ang tao ay hindi matatag at pabago-bago, at maaari kang lumaban at magkanulo sa Diyos anumang sandali at kahit saan dahil sa iisang insidente. Halimbawa, maaaring ang isang tao ngayon ay nagtataglay ng ganap na normal na katwiran, may gawain ng Banal na Espiritu, praktikal na karanasan, isang pakiramdam ng pasanin, at maging deboto sa paggampan ng kanyang tungkulin, pero kung kailan partikular na malakas ang kanyang pananalig, pinatalsik ng sambahayan ng Diyos ang isang anticristo na sinasamba niya, at nagsisimula siyang magkaroon ng mga kuru-kuro. Agad siyang nagiging negatibo, nawawala ang sigasig sa kanyang gawain, pabasta-bastang ginagawa ang tungkulin niya, hindi na gustong manalangin, at nagrereklamo, “Bakit pa magdarasal? Kung ang isang taong ganyan kabuti ay puwedeng mapatalsik, sino ang maliligtas? Hindi dapat ganito ang pagtrato ng Diyos sa mga tao!” Ano ang kalikasan ng mga salita niya? Isang insidente lang na hindi umaayon sa kalooban niya at hinuhusgahan na niya ang Diyos. Hindi ba’t pagpapamalas ito ng pagkakanulo sa Diyos? Maaaring lumihis ang mga tao sa Diyos kahit kailan at kahit saan; sa pagdanas nila ng anumang sitwasyon, maaaring magkaroon sila ng mga kuru-kuro at husgahan at kondenahin nila ang Diyos—hindi ba’t pagpapamalas ito ng pagkakanulo sa Diyos? Isa itong napakalubhang usapin. Puwedeng iniisip mo ngayon na wala kang anumang kuru-kuro tungkol sa Diyos at kaya mong magpasakop sa Kanya, pero kung may gagawin kang mali at bigla kang maharap sa matinding pagpupungos, magagawa mo bang magpasakop? Hahanapin mo ba ang katotohanan para sa isang resolusyon? Kung hindi mo kayang magpasakop o maghanap ng katotohanan para lutasin ang problema ng iyong pagrerebelde, may posibilidad pa ring ipagkakanulo mo ang Diyos. Maaaring hindi mo aktuwal na sinabing “Hindi na ako nananampalataya sa Diyos,” pero ipinagkanulo na Siya ng puso mo sa sandaling iyon. Dapat malinaw mong makita kung ano talaga ang kalikasan ng tao. Ang diwa ba ng kalikasang ito ay pagkakanulo? Kaunting-kaunti ang malinaw na nakakakita sa kalikasang diwa ng tao. Siyempre, may ilang taong may kaunting konsensiya at kahit papaano ay may mabuting pagkatao, habang ang iba ay walang pagkatao, pero mabuti man o masama ang pagkatao ng isang tao, o mabuti man o mahina ang kanyang kakayahan, ang pagkakapareho ay kaya nilang lahat na ipagkanulo ang Diyos. Ang kalikasan ng tao ay ang ipagkanulo ang Diyos. Pakiramdam ninyo ay nasa kalikasan ng mga tao—na ginawang tiwali ni Satanas—ang ipagkanulo ang Diyos, na hindi ito mababago, at na imposible na maligtas kayo, kaya sumusuko kayo sa pagkakataong matamo ang kaligtasan. Kung ganoon, wala Akong magagawa; kung hindi ninyo hinahangad ang katotohanan, talagang maaari kayong itiwalag! Mayroon pa ba kayong mga ganitong uri ng negatibong kaisipan ngayon? Kung gayon, sabihin ninyo sa Akin, maaari bang ipagkanulo ng mga tao ang Diyos nang hindi nagagawang tiwali? Puwede pa ring ipagkanulo ng mga tao ang Diyos nang hindi nagagawang tiwali. Noong nilikha ng Diyos ang mga tao, pinagkalooban Niya sila ng kalayaang pumili. Ang mga tao ay partikular na marupok; wala silang pusong aktibong lumalapit sa Diyos at nagsasabi, “Ang Diyos ang Lumikha sa amin, at kami ay mga nilikha.” Walang ganitong konsepto sa mga tao. Orihinal silang walang taglay na katotohanan, o anumang bagay na may kaugnayan sa pagsamba sa Diyos sa loob nila. Binigyan ng Diyos ang mga tao ng kalayaang pumili, na nagpapahintulot sa kanilang mag-isip, pero hindi tinatanggap ng mga tao ang katotohanan, hindi nila kilala ang Diyos kahit kaunti, at hindi nila nauunawaan kung paano magpasakop at sumamba sa Kanya. Hindi umiiral ang mga bagay na ito sa mga tao, kaya kahit hindi ka nagagawang tiwali ay maaari mo pa ring ipagkanulo ang Diyos. Bakit Ko sinasabing kaya mong ipagkanulo ang Diyos? Dahil, kapag dumarating si Satanas para tuksuhin ka, hindi mo alam kung paano ito kilatisin; kung walang katotohanan, malamang na makinig ka kay Satanas at sundin ito—sa gayon, maaari mong ipagkanulo ang Diyos. Nilikha ka ng Diyos pero hindi mo Siya sinusunod, sa halip ay sinusunod si Satanas—hindi ba’t ginagawa ka nitong isang traydor? Ang isang traydor ay isang taong nagkakanulo. Nakikilatis mo ba ang diwa nito? Samakatwid, maaaring ipagkanulo ng mga tao ang Diyos kahit kailan at kahit saan. Saka lang hindi ipagkakanulo ng mga tao ang Diyos kapag sila ay ganap na nananahan sa kaharian ng Diyos at sa Kanyang liwanag, kapag nawasak na ang lahat ng kay Satanas, at kapag wala nang anumang bagay na makakatukso o makakaakit sa kanila na magkasala. Kung mayroon pa ring bagay na nakakaakit sa mga tao para magkasala, magagawa pa rin nilang ipagkanulo ang Diyos. Ang mga tao, samakatwid, ay mga bagay na walang halaga. Ipinagpapalagay mo na dahil lang kaya mong magsabi ng ilang salita at doktrina, sa gayon ay nauunawaan mo ang ilang katotohanan at hindi mo magagawang ipagkanulo ang Diyos, at kahit papaano ay dapat kang ituring—kung hindi bilang ginto o pilak—bilang tanso o bakal, mas mahalaga kaysa sa isang sisidlang yari sa luwad. Masyadong mataas ang tingin mo sa sarili mo. Alam mo ba kung ano talaga ang mga tao? Maaaring ipagkanulo ng mga tao ang Diyos kahit kailan at kahit saan, at wala silang halaga kahit isang sentimo; gaya ng sinabi ng Diyos: Ang mga tao ay mga hayop, mga walang kuwentang tampalasan. Pero sa puso nila, hindi ganito mag-isip ang mga tao. Iniisip nila, “Sa palagay ko ay hindi ako isang walang kuwentang tampalasan! Bakit hindi ko makita nang malinaw ang usaping ito? Paanong hindi ko ito naranasan? Tunay ang pananampalataya ko sa Diyos; may pananalig ako, kaya hindi ko kayang ipagkanulo ang Diyos. Ang mga salita ng Diyos ay katotohanan lahat, pero hindi ko lang maunawaan ang pahayag na, ‘Maaaring ipagkanulo ng mga tao ang Diyos kahit kailan at kahit saan.’ Nakita ko na ang pagmamahal ng Diyos; hindi ko Siya kayang ipagkanulo kahit kailan.” Ito ang talagang iniisip ng mga tao sa puso nila, pero ang mga salita ng Diyos ay mga katunayan, at hindi binigkas ang mga ito nang walang anumang batayan. Bawat bagay ay ginawang maliwanag sa inyo, kayo ay nakukumbinsi nang buong-puso; sa ganitong paraan lamang ninyo makikilala ang inyong katiwalian at malulutas ang problema ng pagkakanulo. Sa kaharian, walang pagkakanulo; namumuhay ang mga tao sa ilalim ng kapamahalaan ng Diyos at hindi sila nasa ilalim ng kontrol ni Satanas, sila ay tunay na malaya. Hindi na nila kailangang mag-alala kung posible bang maipagkanulo nila ang Diyos; ang gayong alalahanin ay hindi kailangan, ito ay kalabisan. Sa hinaharap, maaaring ideklara na wala nang anumang bagay sa inyo ang magkakanulo sa Diyos, pero ngayon, hindi ito ang kaso. Ito ay dahil may mga tiwaling disposisyon ang mga tao, at kaya nilang ipagkanulo ang Diyos anumang oras. Hindi dahil ang presensya ng mga partikular na sitwasyon ay humahantong sa pagkakanulo, at kung walang mga partikular na sitwasyon o pamimilit hindi mo ipagkakanulo ang Diyos—kahit na walang pamimilit, maaari mo pa rin Siyang ipagkanulo. Ito ay isang problema ng tiwaling diwa ng tao, isang problema ng kalikasan ng tao. Kahit na wala kang iniisip o ginagawang anuman ngayon, ang iyong kalikasan ay tunay na umiiral sa aktuwal nitong kalagayan, at hindi mabubura ng sinuman. Dahil mayroon kang kalikasan na nagkakanulo sa Diyos, at walang lugar para sa Diyos sa iyong puso—walang katayuan para sa Kanya ni presensya ng katotohanan sa kaibuturan ng iyong puso—maaari mong ipagkanulo ang Diyos kahit kailan at kahit saan. Iba ang mga anghel; kahit wala silang disposisyon o diwa ng Diyos, nagagawa pa rin nilang ganap na magpasakop sa Diyos dahil sila ay nilikha Niya partikular para sa paglilingkod sa Kanya, partikular na isinugo ng Diyos para pumunta sa kung saan man Niya ipag-utos, at sila ay ganap na nabibilang sa Diyos. Pagdating sa mga tao, nilayon ng Diyos para sa kanila na mamuhay sa mundo, hindi sila pinagkakalooban ng pakultad na sambahin Siya. Kaya, kayang ipagkanulo at labanan ng mga tao ang Diyos. Pinapatunayan nito na ang mga tao ay maaaring magamit at pag-awayan ng sinuman; wala silang anumang sarili nilang awtonomiya. Ang mga tao ay ganitong mga nilalang, sadyang walang dignidad at walang halaga!

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi

Talagang malubha ang kalikasan ng pagkakanulo sa loob ng mga tao; isa itong bagay na malalim na nakatanim. Bakit sinasabing pagkakanulo ang kalikasan ng mga tao? Ilang bagay ang nasasaklaw ng pagkakanulong ito? Nasasaklaw sa pagkakanulong ito ang mga kagustuhan at kuru-kuro ng mga tao; kung ano ang inaasam o pinagtutuunan ng mga tao; ang katayuan, kasikatan at pakinabang, mga pagpapala, pagkain, pananamit at kasiyahan na pinakaninanais ng mga tao sa puso nila; at iba pa. Mula sa diwa ng mga bagay na ito, makikita na pagkakanulo nga ang kalikasan ng mga tao. Paano ito makikita? Sa pamamagitan ng pagtingin sa saloobin ng mga tao sa Diyos, sa saloobin nila sa katotohanan, sa paghahangad nila sa Diyos, sa kung ano ang hinihingi nila sa Diyos, at sa kung ano ang iniisip nila sa puso nila, ganap na posibleng ihambing at makita kung nakaaayon ba sa mga layunin ng Diyos ang iniisip nila sa buong araw. Ano ang iniisip ng mga tao sa loob ng dalawampu’t apat na oras ng isang araw, bukod sa oras na ginugugol sa pagkain at pagtulog? Sa tuwing may libre silang oras, palagi nilang pinag-iisipan, “Tingnan mo kung gaano kasaya at kakomportable ang pamumuhay ng taong iyon. Kung makakapamuhay rin ako nang ganoon at mananampalataya pa rin ako sa Diyos, magiging perpekto iyon! Ang saya-saya siguro kung nasa akin na ang lahat!” Ginugugol ng iba ang buong araw sa pag-iisip-isip, “Kung makakahanap ako ng mabuting katuwang katulad ng taong iyon, isang katuwang na hindi ako inuusig dahil sa pananampalataya ko sa Diyos, at kung magkakaroon ako ng masayang pamilya, napakaganda siguro niyon!” May mga tao namang nakakakita ng isang tao na may magandang trabaho at iniisip nila, “Kung ako ang nasa mga sitwasyon nila, nagtatrabaho ng magandang trabaho, kumikita nang malaki, nagsusuot ng magagarang damit, kumakain nang masarap, at nananampalataya pa rin sa Diyos, napakaganda siguro niyon!” Palaging inilalagay ng mga tao ang pananampalataya sa Diyos bilang panghuli. Ang ilang tao, kapag nababanggit ang pananampalataya sa Diyos, ay nakadarama ng, “Tila kulang ang ganitong pananampalataya sa Diyos ngayon. Hindi ba’t mas mainam kung makapagtatamasa ako sa buhay nang kaunti pa, makakakain nang mas masarap, makakapagdamit nang mas maganda, at kung wala akong pang-uusig na kakaharapin? Bakit hindi ako pinalulugod ng Diyos sa ganoong paraan?” Bakit sinabi noon na ang laman ng puso ng tao ay pawang kasamaan, pawang mga bagay na hindi umaayon sa mga layunin ng Diyos? Ito ay dahil mismo sa pagkakapuno ng isipan ng mga tao ng mga kaisipan tungkol sa pagkain, pananamit, kasiyahan, at pag-aaliw. Saan nabibilang ang mga bagay na ito? Ang mga ito ay sa mundo, ang mga ito ay sa mga diyablo.

—Pagbabahagi ng Diyos

Matapos gawing tiwali ni Satanas ang tao, ang tao ay naging pagsasakatawan ni Satanas, siya ay naging kauri ni Satanas na lumalaban sa Diyos at ganap na nagkaroon ng kakayahang ipagkanulo ang Diyos. Bakit hinihingi ng Diyos na baguhin ng mga tao ang kanilang disposisyon? Dahil gusto ng Diyos na gawing perpekto at kamtin ang mga tao, at ang mga taong nagawang ganap sa wakas ay nagtataglay ng maraming naidagdag na mga realidad ng pagkakilala sa Diyos, at ng mga realidad ng lahat ng aspekto ng katotohanan. Ang mga taong tulad nito ay ganap na alinsunod sa mga layunin ng Diyos. Noon, may mga tiwaling disposisyon ang mga tao, at nagkakamali sila o lumalaban sa Diyos sa tuwing may ginagawa sila, ngunit ngayon ay nakauunawa na ang mga tao ng ilang katotohanan, at nakagagawa ng maraming bagay na alinsunod sa mga layunin ng Diyos. Gayumpaman, hindi ito nangangahulugan na ang mga tao ay hindi nagkakanulo sa Diyos. Nagagawa pa rin ito ng mga tao. Ang mga tiwaling disposisyon na nabubunyag mula sa loob ng kalikasan ng tao ay maaaring mabago nang bahagya. Ang bahagi na nagbabago ay ang bahagi kung saan ginagamit ang katotohanan para lutasin ang mga tiwaling disposisyon, sa gayon ay nagbibigay-kakayahan sa isang tao na magsagawa alinsunod sa katotohanan; ang natitira ay maaaring inookupa pa rin ng mga satanikong disposisyon. Samakatwid, ang magawang isagawa ang isang aspekto ng katotohanan ay hindi nangangahulugan na nagbago na ang iyong buhay disposisyon, dahil ang pagbabagong pinagdaanan mo ay bahagya lamang, hindi ganap. Tulad ito ng kung paanong ang mga tao ay palaging may mga kuru-kuro at hinihingi sa Diyos noon, at ngayon sa maraming aspekto ay wala na—ngunit maaaring mayroon pa rin silang mga kuru-kuro o hinihingi sa ilang bagay, at nagagawa pa rin nilang ipagkanulo ang Diyos. Maaaring sabihin mo, “Kaya kong magpasakop sa anumang gawin ng Diyos, at magpasakop sa maraming bagay nang walang reklamo at walang hinihingi,” ngunit magagawa mo pa ring ipagkanulo ang Diyos sa ilang bagay. Bagama’t hindi mo sinasadyang lumaban sa Diyos, kapag hindi mo nauunawaan ang Kanyang mga layunin, magagawa mo pa ring kumontra sa Kanyang mga ninanais. Kaya, ano ang ibig sabihin ng bahaging maaaring magbago? Iyon ay kapag nauunawaan mo ang mga layunin ng Diyos, makakapagpasakop ka, at kapag nauunawaan mo ang katotohanan, maisasagawa mo ito. Kung hindi mo nauunawaan ang katotohanan o ang mga layunin ng Diyos sa ilang bagay, may posibilidad pa rin na makapagbunyag ka ng katiwalian. Kung naiintindihan mo ang katotohanan, ngunit hindi mo ito isinasagawa dahil nalilimitahan ka ng ilang bagay, pagkakanulo ito, at ito ay bagay na nasa iyong kalikasan. Siyempre, walang limitasyon sa kung gaano magbabago ang iyong disposisyon. Kapag mas maraming katotohanan ang iyong nakakamit, mas lalalim ang pagkakakilala mo sa Diyos, at mas dadalang ang paglaban at pagkakanulo mo sa Diyos. Ito ay isang pagbabago sa buhay disposisyon. Ang paghahangad na baguhin ang disposisyon ay pangunahing nakakamit sa pamamagitan ng paghahangad sa katotohanan, at ang pag-unawa sa sariling kalikasang diwa ay nakakamit sa pamamagitan ng pag-unawa sa katotohanan. Kapag ang isang tao ay tunay na nagkakamit ng katotohanan, malulutas ang lahat ng kanyang problema.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Masyadong Maraming Hinihingi ang Tao Mula sa Diyos

Isinisiwalat ng Diyos ang kalikasan ng tao na magkanulo para magkaroon ng tunay na pang-unawa ang mga tao tungkol sa usaping ito at sa mga sarili nila. Ang mga tao ay puwedeng magsimulang magbago at magnilay-nilay mula sa aspektong ito, inuunawa kung sa aling mga bagay nila maipagkakanulo ang Diyos at kung anong mga tiwaling disposisyong taglay nila ang maaaring humantong sa pagkakanulo sa Diyos, at pagkatapos ay maaari nilang hanapin ang katotohanan at tuklasin ang isang landas ng pagsasagawa. Kapag umabot ka na sa punto kung saan hindi ka naghihimagsik laban sa Diyos sa maraming aspekto, at hindi mo Siya ipinagkakanulo sa karamihang aspekto, kapag umabot ka sa dulo ng paglalakbay mo sa buhay, o sa sandaling matapos na ang gawain ng Diyos, hindi mo na kakailanganing mag-alala kung ipagkakanulo mo ang Diyos sa hinaharap. Bakit Ko ito sinasabi? Bago ginawang tiwali ni Satanas ang mga tao, kaya nilang ipagkanulo ang Diyos kapag inakit ni Satanas. Kapag nawasak si Satanas, hindi ba’t titigil na ang mga tao sa pagkakanulo sa Diyos? Ngunit hindi pa dumarating ang panahong iyan. Taglay pa rin ng mga tao ang mga tiwaling disposisyon ni Satanas sa loob nila, nagagawa nilang ipagkanulo ang Diyos kahit kailan at kahit saan. Kapag umabot na ang karanasan mo sa buhay sa isang partikular na yugto—kung saan naiwaksi mo na ang lahat ng maling pananaw, kuru-kuro, at imahinasyon na lumalaban at nagkakanulo sa Diyos; naunawaan mo na ang katotohanan, nang may maraming positibong bagay sa iyong puso; nagkakamit ka ng pagpipigil sa sarili at pagkontrol sa sarili; at hindi mo na ipinagkakanulo ang Diyos sa karamihan ng sitwasyon—kapag nawasak na si Satanas, ganap ka nang magbabago. Ang kasalukuyang yugto ng gawain ay para lutasin ang pagkakanulo at paghihimagsik ng tao. Hindi ipagkakanulo ng sangkatauhan sa hinaharap ang Diyos dahil napangasiwaan na si Satanas, at wala nang magiging anumang kaganapan na ililihis at gagawing tiwali ni Satanas ang tao—ang usaping ito ay magiging walang kaugnayan sa tao. Ngayon, hinihingi sa mga tao na maunawaan ang kanilang mapagkanulong kalikasan, na pinakamakabuluhan. Dito kayo dapat magsimula. Ano ang nabibilang sa kalikasan ng pagkakanulo sa Diyos, ano ang nabibilang sa mga pagpapakita ng pagkakanulo, paano dapat pagnilayan at unawain ng mga tao ang mga bagay na ito, paano sila dapat magsagawa at pumasok sa bagay na ito—ang lahat ng ito ay dapat maunawaan at makita nang malinaw. Hangga’t umiiral pa rin ang kalikasan ng pagkakanulo sa isang tao, maaari niyang ipagkanulo ang Diyos kahit kailan at kahit saan. Kahit na hindi niya lantarang itinatanggi o ipinagkakanulo ang Diyos, kaya pa rin niyang gawin ang maraming bagay na hindi ituturing ng mga tao na pagkakanulo, pero sa diwa ay ganoon. Sa madaling salita, walang awtonomiya ang mga tao; nauna na si Satanas na okupahin sila. Kahit na hindi nagawang tiwali, maaari mong ipagkanulo ang Diyos—gaano mo pa kaya maipagkakanulo ang Diyos ngayong puno ka ng mga tiwaling disposisyon ni Satanas? Hindi ba’t lalo ka pang mas may kakayahang ipagkanulo ang Diyos kahit kailan at kahit saan? Ngayon ay hinihingi sa iyo na iwaksi ang mga tiwaling disposisyong iyon, upang ang mga bagay sa loob mo na nagkakanulo sa Diyos ay lalong mabawasan. Sa gayon, sa presensya ng Diyos ay magkakaroon ka ng mas maraming pagkakataon na magawang perpekto at matanggap ng Diyos. Habang lalo mong nararanasan ang gawain ng Diyos sa iba’t ibang usapin, magagawa mong makamit ang ilang katotohanan at magagawa kang perpekto kahit papaano. Kung darating pa rin si Satanas at ang mga demonyo para tuksuhin ka, o darating ang masasamang espiritu para ilihis at guluhin ka, magagawa mong gumamit ng kaunting pagkilatis, at sa gayon ay mababawasan ang iyong mga pagkilos ng pagkakanulo sa Diyos. Ito ay isang bagay na ginagawa sa loob ng mga tao sa paglipas ng panahon. Noong unang nilikha ang mga tao, hindi nila alam kung paano sumamba o magpasakop sa Diyos, ni hindi nila alam kung ano ang pagkakanulo sa Kanya. Noong dumating si Satanas para akitin sila, sumunod sila rito at ipinagkanulo nila ang Diyos, naging mga traydor, dahil hindi nila kayang kilalanin ang mabuti at masama, at walang pakultad na sumamba sa Diyos—lalong hindi nila naunawaan na ang Diyos ang Lumikha sa sangkatauhan, at kung paano nila Siya dapat sambahin. Ngayon, inililigtas ng Diyos ang mga tao sa pamamagitan ng paggawa sa loob nila ng mga katotohanan tungkol sa pagkilala sa Kanya—kasama ang Kanyang diwa, disposisyon, pagkamakapangyarihan-sa-lahat, pagiging praktikal, at marami pa—para maging buhay nila ang mga ito. Sa gayon ay magkakaroon ng awtonomiya ang mga tao at magagawa nilang mamuhay ayon sa katotohanan. Habang nararanasan mo nang mas malalim ang mga salita ng Diyos at ang paghatol at pagkastigo ng mga ito, mas malalim mong mauunawaan ang sarili mong mga tiwaling disposisyon, at bibigyan ka nito ng determinasyon na magpasakop, magmahal, at magbigay-kasiyahan sa Diyos. Habang lalo mong nakikilala ang Diyos, mas marami kang maiwawaksi na mga tiwaling disposisyon mo, at sa loob mo magkakaroon ng mas kaunting bagay na nagkakanulo sa Diyos, at mas maraming bagay na kaayon sa Kanya, sa gayon ay magagawa mong ganap na mapagtagumpayan at magapi si Satanas. Kapag nakakamit ng mga tao ang katotohanan, mayroon silang awtonomiya at hindi na nalilihis o nalilimitahan ni Satanas, at nakapagsasabuhay sila ng tunay na buhay ng tao.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi

Lahat ng kaluluwang ginawang tiwali ni Satanas ay nasa ilalim ng pagkaalipin sa kapangyarihan ni Satanas. Iyon lamang mga nananampalataya kay Cristo ang naihiwalay na, nailigtas mula sa kampo ni Satanas, at nadala sa kaharian ngayon. Hindi na namumuhay ang mga taong ito sa ilalim ng impluwensiya ni Satanas. Gayumpaman, ang kalikasan ng tao ay nakaugat pa rin sa laman ng tao, na ibig sabihin ay bagama’t naligtas na ang inyong kaluluwa, ang inyong kalikasan ay gaya pa rin ng dati, at ang posibilidad na ipagkakanulo ninyo Ako ay nananatiling isandaang porsiyento. Ito ang dahilan kung bakit tumatagal nang napakatagal ang Aking gawain, sapagkat ang inyong kalikasan ay hindi mayayanig. Lahat kayo ngayon ay nagdaraan sa mga paghihirap sa abot ng inyong makakaya habang ginagawa ninyo ang inyong mga tungkulin, subalit ang hindi maitatatwang katunayan ay na bawat isa sa inyo ay may kakayahang ipagkanulo Ako at bumalik sa kapangyarihan ni Satanas, bumalik sa kampo nito at bumalik sa dati ninyong buhay. Sa panahong iyon, hindi magiging posibleng may makita sa inyo ni katiting na pagiging tao o wangis ng tao, na kagaya ninyo ngayon. Sa mga seryosong kaso, kayo ay masasawi at, higit pa riyan, masasadlak kayo sa walang hanggang pagkapahamak, parurusahan nang matindi, hindi na kailanman muling magreinkarnasyon. Ito ang problemang nakalahad sa inyong harapan. Pinaaalalahanan Ko kayo sa ganitong paraan, una, upang hindi mawalan ng saysay ang Aking gawain, at pangalawa, upang makapamuhay kayong lahat sa mga panahon ng liwanag. Sa totoo lang, ang pinakapangunahing problema ay hindi kung may saysay ang Aking gawain o wala. Ang mahalaga ay nagagawa ninyong mamuhay nang masaya at magkaroon ng magandang hinaharap. Ang Aking gawain ay ang gawain ng pagliligtas sa kaluluwa ng mga tao. Kung mahulog ang iyong kaluluwa sa mga kamay ni Satanas, hindi mamumuhay nang payapa ang iyong laman. Kung pinoprotektahan Ko ang iyong laman, tiyak na nasa ilalim din ng Aking pangangalaga ang iyong kaluluwa. Kung talagang kinamumuhian kita, mahuhulog kaagad ang iyong laman at kaluluwa sa mga kamay ni Satanas. Naiisip mo ba ang kalagayan mo kapag nagkagayon? Kung, isang araw, walang epekto sa inyo ang Aking mga salita, ipapasa Ko kayong lahat kay Satanas, at hahayaan ito na pag-ibayuhin ang pagpapahirap na ipinapataw sa inyo hanggang sa lubos na mapawi ang Aking galit, o kaya’y parurusahan Ko nang personal kayong mga taong hindi na matutubos, sapagkat ang inyong pusong nagkakanulo sa Akin ay hindi na nagbago kailanman.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Isang Napakaseryosong Problema: Pagkakanulo (2)

Dapat ninyong lahat suriin ngayon ang sarili ninyo agad-agad, upang makita kung gaano kalaking pagkakanulo sa Akin ang nasasainyo pa. Sabik Akong naghihintay sa inyong tugon. Huwag ninyo Akong pabasta-bastang harapin. Kailanma’y hindi Ako nakikipaglaro sa mga tao. Kung sinasabi Kong gagawin Ko ang isang bagay, tiyak na gagawin Ko ito. Umaasa Akong ang bawat isa sa inyo ay magiging isang taong sineseryoso ang mga salita Ko, at hindi ipinagpapalagay ang mga iyon na kathang-isip na agham. Ang nais Ko ay kongkretong pagkilos mula sa inyo, hindi ang inyong mga imahinasyon. Sunod, dapat ninyong sagutin ang mga tanong Ko:

1. Kung tunay kang isang tagapagserbisyo, makakapagserbisyo ka ba sa Akin nang deboto, nang walang anumang bahid ng pagpapabaya o pagiging negatibo?

2. Kung malaman mong hindi kita pinahalagahan kailanman, makakayanan mo pa rin bang manatili at magserbisyo sa Akin habambuhay?

3. Kung nananatili pa rin Akong masyadong malamig sa iyo bagama’t gumugol ka na ng matinding pagsisikap, makakaya mo bang magpatuloy na gumawa para sa Akin nang hindi napapansin?

4. Kung, pagkatapos mong gumawa ng ilang paggugol para sa Akin, hindi Ko tutugunan ang iyong maliliit na hinihingi, masisiraan ka ba ng loob at madidismaya sa Akin, o magsisimula pa ngang kumulo sa sama ng loob at magsisigaw ng pang-iinsulto?

5. Kung palagi kang napakatapat, nang may malaking pagmamahal sa Akin, ngunit nagdurusa ka sa pagpapahirap ng sakit, ng kasalatan sa pinansiyal, ng pang-iiwan ng iyong mga kaibigan at kamag-anak, o anumang iba pang mga kasawian sa buhay, magpapatuloy pa rin ba ang iyong katapatan at pagmamahal sa Akin?

6. Kung wala sa anumang inasahan mo sa puso mo ang tumutugma sa kung ano ang nagawa Ko, paano mo dapat tahakin ang landas mo sa hinaharap?

7. Kung hindi mo matatanggap ang alinman sa mga bagay na inasahan mong matanggap, makakapagpatuloy ka bang maging tagasunod Ko?

8. Kung hindi mo kailanman naunawaan ang layunin at kabuluhan ng gawain Ko, kaya mo bang maging mapagpasakop na taong hindi basta-basta gumagawa ng mga paghusga at mga kongklusyon?

9. Mapapahalagahan mo ba ang lahat ng salitang sinabi Ko at ang lahat ng gawaing ginawa Ko habang kasama Ko ang tao?

10. Kaya mo bang maging tapat Kong tagasunod, nakahandang magdusa para sa Akin habambuhay kahit na wala kang makamit?

11. Alang-alang sa Akin, kaya mo bang hindi magsaalang-alang, magplano, o maghanda para sa iyong landas ng pananatiling buhay sa hinaharap?

Kinakatawan ng mga tanong na ito ang Aking mga pangwakas na hinihingi sa inyo, at inaasahan Kong lahat kayo ay makakatugon sa Akin. Kung natupad mo na ang isa o dalawang bagay na hinihingi sa iyo ng mga katanungang ito, kailangan mo pa ring patuloy na magsikap. Kung hindi mo kayang tuparin ni isa sa mga hinihinging ito, tiyak na ikaw ang uri na itatapon sa impiyerno. Wala Akong kailangang sabihing anumang karagdagan pa sa ganoong mga tao, sapagkat sila ay tiyak na mga tao na hindi maaaring maging kaayon Ko. Paano Ko pananatilihin sa tahanan Ko ang isang taong maaaring magkanulo sa Akin sa anumang sitwasyon? Pagdating naman sa mga maaari pa ring magkanulo sa Akin sa karamihan ng mga pagkakataon, pagmamasdan Ko ang kanilang asal bago gumawa ng ibang mga pagsasaayos. Subalit, ang lahat ng may kakayahang magkanulo sa Akin, sa ilalim ng anumang kondisyon, ay hindi Ko kailanman kakalimutan; tatandaan Ko ang bawat isa sa kanila sa Aking puso, at maghihintay Ako ng pagkakataong gantihan ang masasama nilang gawa. Ang mga hinihinging nabanggit Ko ay pawang mga isyung dapat ninyong suriin sa inyong mga sarili. Inaasahan Kong kaya ninyong lahat na seryosong isaalang-alang ang mga ito at hindi Ako pabasta-bastang harapin. Sa nalalapit na hinaharap, ikukumpara Ko ang mga sagot na ibinigay ninyo sa Akin sa mga hinihingi Ko. Sa panahong iyon, hindi na Ako hihingi pa ng anumang bagay mula sa inyo at hindi na magbibigay pa sa inyo ng marubdob na pagpapaalala. Sa halip, gagamitin Ko ang awtoridad Ko: Iyong mga dapat panatilihin ay pananatilihin, iyong mga dapat gantimpalaan ay gagantimpalaan, iyong mga dapat ibigay kay Satanas ay ibibigay kay Satanas, iyong mga dapat parusahan nang mabigat ay parurusahan nang mabigat, at iyong mga dapat mamatay ay lilipulin. Sa ganoong paraan, hindi na magkakaroon ng sinumang gugulo sa Akin sa mga araw Ko. Naniniwala ka ba sa mga salita Ko? Naniniwala ka ba sa banal na katarungan? Naniniwala ka bang parurusahan Kong lahat iyong masasama na nanlilinlang at nagkakanulo sa Akin? Umaasa ka bang darating ang araw na iyon nang mas maaga o nang mas huli? Isa ka bang taong takot na takot sa kaparusahan, o isang taong mas pipiliing lumaban sa Akin kahit na nangangahulugan ito ng pagtitiis ng kaparusahan? Kapag dumating ang araw na iyon, naguguni-guni mo ba kung mamumuhay ka sa gitna ng mga kasiyahan at tawanan, o kung tatangis ka at magngangalit ng mga ngipin mo? Anong uri ng kalalabasan ang nais mong magkaroon ka? Kailanman ba’y seryoso mo nang naisaalang-alang kung naniniwala ka sa Akin nang isandaang porsiyento o nagdududa sa Akin nang isandaang porsiyento? Kailanman ba ay maingat mo nang naisaalang-alang kung anong uri ng mga kahihinatnan at kalalabasan ang idudulot sa iyo ng mga pagkilos at pag-uugali mo? Labis ka bang umaasa na matutupad isa-isa ang lahat ng salita Ko, o takot na takot ka bang matutupad isa-isa ang mga salita Ko? Kung umaasa kang aalis Ako sa lalong madaling panahon upang tuparin ang mga salita Ko, paano mo dapat tratuhin ang sarili mong mga salita at mga pagkilos? Kung hindi ka umaasa sa paglisan Ko at hindi umaasa na matutupad kaagad ang lahat ng salita Ko, bakit ka pa nananampalataya sa Akin? Talaga bang alam mo kung bakit ka sumusunod sa Akin? Kung ang dahilan mo ay upang palawakin lamang ang iyong pananaw, hindi mo kinakailangang magtiis pa ng paghihirap. Kung ito ay upang pagpalain ka at makaiwas sa parating na sakuna, bakit hindi ka nag-aalala sa sarili mong pag-uugali? Bakit hindi mo tinatanong ang sarili mo kung matutugunan mo ba ang mga hinihingi Ko? Bakit hindi mo rin tinatanong ang sarili mo kung kalipikado ka bang manahin ang mga darating na pagpapala?

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Isang Napakaseryosong Problema: Pagkakanulo (2)

Sinundan:  31. Paano lutasin ang problema ng pagtahak sa landas ng mga anticristo

Sumunod:  1. Paano makilatis ang mga hindi mananampalataya

Kaugnay na Nilalaman

Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos Ukol sa Pagkakilala sa Diyos Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw Paglalantad sa mga Anticristo Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ang Paghatol ay Nagsisimula sa Tahanan ng Diyos Mahahalagang Salita Mula sa Makapangyarihang Diyos, ang Cristo ng mga Huling Araw Araw-araw na mga Salita ng Diyos Ang mga Katotohanang Realidad na Dapat Pasukin ng mga Mananampalataya sa Diyos Sundan ang Kordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin Mga Gabay para sa Pagpapalaganap ng Ebanghelyo ng Kaharian Naririnig ng mga Tupa ng Diyos ang Tinig ng Diyos Makinig sa Tinig ng Diyos  Masdan ang Pagpapakita ng Diyos Mahahalagang Tanong at Sagot tungkol sa Ebanghelyo ng Kaharian Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume I) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume II) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume III) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IV) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume V) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VI) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VIII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IX) Paano Ako Bumalik sa Makapangyarihang Diyos

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito

Connect with us on Messenger