5. Ang Kuru-kuro ng Mundo ng Relihiyon na: “Ang Diyos na Sinasampalatayanan ng Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos ay Isang Regular na Tao”

Ang mga pastor at elder sa mundo ng relihiyon ay nagpapakalat ng isang walang batayang tsismis na Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos ay nananampalataya sa isang regular na tao, hindi sa Diyos.

Mga Salita Mula sa Bibliya

“Sinabi sa kanya ni Jesus, Malaon nang panahong Ako’y inyong kasama, at hindi mo Ako nakikilala, Felipe? Ang nakakita sa Akin ay nakakita sa Ama; paanong sinasabi mo, Ipakita Mo sa amin ang Ama? Hindi ka baga nananampalataya na Ako’y nasa Ama, at ang Ama ay nasa Akin? Ang mga salitang Aking sinasabi sa inyo’y hindi Ko sinasalita sa Aking sarili: kundi ang Ama na tumatahan sa Akin ay gumagawa ng Kanyang mga gawa. Magsisampalataya kayo sa Akin na Ako’y nasa Ama, at ang Ama ay nasa Akin: o kundi kaya’y magsisampalataya kayo sa Akin dahil sa mga gawa rin” (Juan 14:9–11).

“Ako at ang Ama ay iisa” (Juan 10:30).

“Sapagkat gaya ng kidlat, na kumikislap buhat sa isang panig ng silong ng langit, ay nagliliwanag hanggang sa kabilang panig ng silong ng langit; gayon din naman ang Anak ng tao sa Kanyang kaarawan. Datapwat kailangan muna Siyang magbata ng maraming bagay, at itakwil ng lahing ito” (Lucas 17:24–25).

“Mayroon pa Akong maraming bagay na sa inyo ay sasabihin, ngunit ngayon ay hindi ninyo kakayanin. Gayunman ay kapag Siya, ang Espiritu ng katotohanan, ay dumating, papatnubayan Niya kayo sa buong katotohanan” (Juan 16:12–13).

“Ang may pakinig, ay makinig sa sinasabi ng Espiritu sa mga iglesia” (Pahayag 2:7).

“Narito Ako’y nakatayo sa pintuan at tumutuktok: kung ang sinuman ay duminig sa Aking tinig at magbukas ng pinto, Ako’y papasok sa kanya, at hahapong kasalo niya, at siya’y kasalo Ko” (Pahayag 3:20).

Mga Salita ng Makapangyarihang Diyos ng mga Huling Araw

Ang “pagkakatawang-tao” ay ang pagpapakita ng Diyos sa katawang-tao; gumagawa ang Diyos sa gitna ng nilikhang tao sa wangis ng katawang-tao. Kaya, dahil Siya ang nagkatawang-taong Diyos, kailangan muna Niyang maging katawang-tao, katawang-taong may normal na pagkatao; ito ang pinakapangunahing kinakailangan. Sa katunayan, ang implikasyon ng pagkakatawang-tao ng Diyos ay na ang Diyos ay namumuhay at gumagawa sa katawang-tao, na ang Diyos sa Kanyang pinakadiwa ay nagkakatawang-tao, nagiging isang tao. Ang Kanyang buhay at gawain sa katawang-tao ay maaaring hatiin sa dalawang yugto. Una ay ang buhay na Kanyang ipinamumuhay bago gampanan ang Kanyang ministeryo. Naninirahan Siya sa piling ng isang ordinaryong pamilya ng tao, sa lubos na normal na pagkatao, sumusunod sa normal na etika ng buhay ng tao at sumusunod sa normal na mga batas ng buhay ng tao, na may normal na mga pangangailangan ng tao (pagkain, damit, tulog, tirahan), normal na mga kahinaan ng tao, at normal na mga emosyon ng tao. Sa madaling salita, sa unang yugtong ito ay namumuhay Siya sa pagkataong walang pagka-Diyos at lubos na normal, nakikibahagi sa lahat ng normal na aktibidad ng tao. Ang pangalawang yugto ay ang buhay na Kanyang ipinamumuhay matapos Niyang simulang isagawa ang Kanyang ministeryo. Nananahan pa rin Siya sa ordinaryong pagkatao na may isang normal na panlabas na anyo ng tao, walang ipinapakitang panlabas na tanda ng pagiging higit-sa-karaniwan. Subalit eksklusibo Siyang namumuhay para lamang sa kapakanan ng Kanyang ministeryo, at sa panahong ito ay ganap na umiiral ang Kanyang normal na pagkatao upang mapanatili ang normal na gawain ng Kanyang pagka-Diyos, sapagkat sa panahong iyon ay gumulang na ang Kanyang normal na pagkatao hanggang sa punto na kaya na Niyang isagawa ang Kanyang ministeryo. Kaya, ang ikalawang yugto ng Kanyang buhay ay ang gampanan ang Kanyang ministeryo sa Kanyang normal na pagkatao, kung kailan ito ay isang buhay kapwa ng normal na pagkatao at ng ganap na pagka-Diyos. Sa unang yugto ng Kanyang buhay, kaya Siya namumuhay sa ganap na ordinaryong pagkatao ay dahil ang Kanyang pagkatao ay hindi pa kayang panatilihin ang kabuuan ng gawain ng Kanyang pagka-Diyos, hindi pa gumugulang; matapos gumulang ang Kanyang pagkatao—ibig sabihin, kapag kaya na nitong pasanin ang Kanyang ministeryo—saka lamang Niya masisimulang gampanan ang ministeryong dapat Niyang gampanan. Dahil katawang-tao Siya, kailangan Niyang lumaki at gumulang. Samakatwid, ang unang yugto ng Kanyang buhay ay iyong sa normal na pagkatao, samantalang sa pangalawang yugto, kaya ng Kanyang pagkatao na pasanin ang Kanyang gawain at isagawa ang Kanyang ministeryo, at kaya ang buhay ng Diyos na nagkatawang-tao sa panahon ng Kanyang ministeryo ay kapwa sa pagkatao at sa ganap na pagka-Diyos. Kung, mula sa sandali ng Kanyang pagsilang, pormal na sinimulan ng katawang-tao ng nagkatawang-taong Diyos ang Kanyang ministeryo, at ang lahat ng ginawa Niya ay may kalakip na pagsasagawa ng mga tanda at himala na higit sa karaniwan, hindi sana Siya nagkaroon ng diwa ng katawang-tao. Samakatwid, umiiral ang Kanyang pagkatao para sa kapakanan ng diwa ng Kanyang katawang-tao; hindi maaaring magkaroon ng katawang-tao nang walang pagkatao, at ang isang taong walang pagkatao ay hindi isang tao. Sa ganitong paraan, ang pagkatao ng laman ng Diyos ay isang likas na katangian ng nagkatawang-taong laman ng Diyos. Ang sabihing “kapag naging tao ang Diyos ay mayroon lang Siyang pagka-Diyos, at walang pagkatao” ay isang kalapastanganan, sapagkat sadyang walang batayan ang ganitong pahayag, at lumalabag ito sa prinsipyo ng pagkakatawang-tao. Kahit matapos Niyang simulang isagawa ang Kanyang ministeryo, namumuhay pa rin Siya sa Kanyang pagka-Diyos nang may panlabas na anyo ng tao kapag ginagawa Niya ang Kanyang gawain; sadya lamang na sa panahong ito, ang Kanyang pagkatao ay para lamang sa layuning tulutan ang Kanyang pagka-Diyos na gampanan ang gawain sa normal na katawang-tao. Kaya ang gumagawa ng gawain ay ang pagka-Diyos na nananahan sa Kanyang pagkatao. Ang Kanyang pagka-Diyos, hindi ang Kanyang pagkatao, ang gumagawa, subalit ang pagka-Diyos na ito ay nakatago sa loob ng Kanyang pagkatao; sa diwa, ang Kanyang gawain ay ginagawa pa rin ng Kanyang ganap na pagka-Diyos, hindi ng Kanyang pagkatao. Ngunit ang nagsasagawa sa gawain ay ang Kanyang katawang-tao. Masasabi na Siya ay isang tao at isa ring Diyos, sapagkat ang Diyos ay nagiging isang Diyos na namumuhay sa katawang-tao; mayroon Siyang anyo ng tao at diwa ng tao, at higit pa rito, mayroon Siyang diwa ng Diyos. Dahil Siya ay isang tao na mayroong diwa ng Diyos, mas mataas Siya sa lahat ng taong nilikha, mas mataas kaysa sa sinumang tao na makakagawa ng gawain ng Diyos. Kaya nga, sa lahat ng may anyo ng taong kagaya ng sa Kanya, sa lahat ng nagtataglay ng pagkatao, Siya lamang ang Diyos Mismo na nagkatawang-tao—lahat ng iba pa ay mga taong nilikha. Bagama’t lahat sila ay may pagkatao, walang ibang taglay ang mga nilikhang tao kundi pagkatao, samantalang ang Diyos na nagkatawang-tao ay naiiba: Sa Kanyang katawang-tao ay hindi lamang Siya may pagkatao kundi, ang pinakamahalaga, mayroon Siyang pagka-Diyos. Ang Kanyang pagkatao ay makikita sa panlabas na anyo ng Kanyang katawang-tao at sa Kanyang pang-araw-araw na buhay, ngunit ang Kanyang pagka-Diyos ay mahirap mahiwatigan. Dahil naipapahayag lamang ang Kanyang pagka-Diyos kapag Siya ay may pagkatao, at hindi higit-sa-karaniwan na tulad ng iniisip ng mga tao, napakahirap para sa mga tao na makita ito. Kahit ngayon, hirap na hirap ang mga tao na arukin kung ano ba mismo ang diwa ng nagkatawang-taong Diyos. Kahit matapos Akong bumigkas ng napakaraming salita, tingin Ko ay isa pa rin itong misteryo sa karamihan sa inyo. Sa katunayan, napakasimple ng isyung ito: Yamang naging tao ang Diyos, ang Kanyang diwa ay isang kombinasyon ng pagkatao at ng pagka-Diyos. Ang kombinasyong ito ay tinatawag na Diyos Mismo, ang Diyos Mismo sa lupa.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Diwa ng Katawang-taong Tinatahanan ng Diyos

Siya na Diyos na nagkatawang-tao ay nagtataglay ng diwa ng Diyos, at Siya na Diyos na nagkatawang-tao ay nagtataglay ng pagpapahayag ng Diyos. Dahil ang Diyos ay naging tao, dinadala Niya ang gawaing nilalayon Niyang gawin; sapagkat Siya ang Diyos na nagkatawang-tao, ipinapahayag Niya kung ano Siya; sapagkat Siya ang Diyos na nagkatawang-tao, nagagawa Niyang ihatid sa tao ang katotohanan, pagkalooban ito ng buhay, at ituro dito ang daan. Ang laman na walang diwa ng Diyos ay tiyak na hindi ang Diyos na nagkatawang-tao; walang duda ito. Kung nilalayon ng tao na suriin kung ito ba ang nagkatawang-taong laman ng Diyos, kailangan itong tukuyin ng tao mula sa disposisyon na ipinapahayag ng Diyos at sa mga salitang sinasambit ng Diyos. Ibig sabihin, para matukoy kung ito nga ba ang nagkatawang-taong laman ng Diyos o hindi, at kung ito nga ba ang tunay na daan o hindi, kailangang makilala ang kaibhan batay sa Kanyang diwa. Kaya nga, ang susi sa kung ito ba o hindi ang laman ng Diyos na nagkatawang-tao ay nakasalalay sa Kanyang diwa (Kanyang gawain, Kanyang mga salita, Kanyang disposisyon, at marami pang ibang aspekto), sa halip na sa panlabas na anyo. Kung sinusuri ng tao ang panlabas na anyo lamang ng Diyos, at dahil dito ay hindi niya napapansin ang diwa ng Diyos, ipinapakita nito na ang tao ay hangal at mangmang. Hindi matutukoy ng panlabas na anyo ang diwa; bukod pa riyan, ang gawain ng Diyos ay hindi kailanman maaaring umayon sa mga kuru-kuro ng tao. Hindi ba’t ang panlabas na anyo ni Jesus ay salungat sa mga kuru-kuro ng tao? Hindi ba’t ang Kanyang hitsura at pananamit ay hindi nakapagpakita ng Kanyang tunay na pagkakakilanlan? Hindi ba’t tinutulan ng mga Pariseo noon si Jesus dahil mismo sa tiningnan lamang nila ang Kanyang panlabas na anyo, at hindi nila maingat na tinanggap ang mga salita mula sa Kanyang bibig? Inaasahan Ko na ang bawat isang kapatid na naghahanap sa pagpapakita ng Diyos ay hindi na uulitin ang trahedya ng kasaysayan, at hindi magiging isang Pariseo ng makabagong panahon at muling magpapako sa Diyos sa krus. Dapat ninyong pag-isipan nang mabuti kung paano sasalubungin ang pagbabalik ng Diyos, at dapat kayong magkaroon ng malinaw na isipan kung paano maging isang taong nagpapasakop sa katotohanan. Ito ang responsabilidad ng bawat isang naghihintay na bumalik si Jesus na sakay ng ulap. Dapat nating palinawin ang ating espirituwal na mga mata, at hindi tayo dapat malubog sa mga salita ng pantasya. Dapat nating pag-isipan ang makatotohanang gawain ng Diyos, at tingnan ang praktikal na aspekto ng Diyos. Huwag magpatangay o magpadala sa inyong mga pangangarap nang gising, palaging umaasa na biglang bababa ang Panginoong Jesus sa gitna ninyo nang nakasakay sa ulap, at dadalhin paitaas kayong mga hindi kailanman nakakilala o nakakita sa Kanya, at hindi nakakaalam kung paano sumunod sa Kanyang kalooban. Mas mabuti pang pag-isipan ang mga mas makatotohanang bagay!

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Paunang Salita

Ang kabuluhan ng pagkakatawang-tao ay na isinasagawa ng isang ordinaryo at normal na tao ang gawain ng Diyos Mismo; ibig sabihin, isinasagawa ng Diyos ang Kanyang gawain ng pagka-Diyos sa pagkatao at sa gayon ay tinatalo si Satanas. Ang pagkakatawang-tao ay nangangahulugan na ang Espiritu ng Diyos ay nagiging tao, ibig sabihin, ang Diyos ay nagiging katawang-tao; ang gawaing ginagawa ng katawang-tao ay ang gawain ng Espiritu, na naisasakatuparan sa katawang-tao, ipinapahayag ng katawang-tao. Walang sinuman maliban sa laman ng Diyos ang makakatupad sa ministeryo ng nagkatawang-taong Diyos; ibig sabihin, tanging ang nagkatawang-taong laman ng Diyos, ang taong ito na may normal na pagkatao, ang maaaring magpahayag ng gawain ng pagka-Diyos. Walang tao na maaaring humalili sa Kanya rito. Kung, noong una Siyang pumarito, hindi nagtaglay ang Diyos ng normal na pagkatao bago Siya nag-edad dalawampu’t siyam—kung sa sandaling isinilang Siya ay kaya na Niyang gumawa ng mga tanda at himala, kung noong Siya ay matutong magsalita ay agad Siyang nakapagsalita ng wika ng langit, kung mula nang ipanganak ay kaya na Niyang maunawaan ang lahat ng makamundong usapin, makita ang mga iniisip ng bawat tao at kung ano ang nasa loob ng kanilang puso—hindi matatawag na isang normal na tao ang gayong tao, at hindi matatawag ang katawang iyon na katawan ng tao. Kung ganoong uri ng tao si Cristo, mawawalan ng kabuluhan at diwa ang pagkakatawang-tao ng Diyos. Na nagtataglay Siya ng normal na pagkatao ay nagpapatunay na Siya ang Diyos na nagkatawang-tao sa laman; ang katunayan na sumailalim Siya sa normal na proseso ng paglaki ng tao ay lalo pang nagpapakita na Siya ay isang normal na katawang-tao; kung idadagdag pa rito ang Kanyang gawain, sapat na ang lahat ng ito para patunayan na Siya ang Salita ng Diyos, ang Espiritu ng Diyos, na naging katawang-tao. Ang Diyos ay nagkakatawang-tao dahil sa mga pangangailangan ng Kanyang gawain; sa madaling salita, ang yugtong ito ng gawain ay kailangang isagawa sa katawang-tao, ibig sabihin, kailangan itong gampanan sa normal na pagkatao. Ito ang paunang kailangan para sa “ang Daan ay naging tao,” para sa “ang Salita ay nagpapakita sa katawang-tao,” at ito ang totoong kuwento ng dalawang pagkakatawang-tao ng Diyos.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Diwa ng Katawang-taong Tinatahanan ng Diyos

Bagama’t ang panlabas na kaanyuan ng Diyos na nagkatawang-tao ay pareho mismo ng sa tao, at bagaman natututuhan Niya ang kaalamang pantao at nagsasalita ng wikang pantao, at minsan pa nga ay ipinapahayag Niya ang Kanyang mga ideya sa pamamagitan ng mga pamamaraan ng tao o sa pamamagitan ng pagsisipi sa mga kasabihan ng tao, gayumpaman, ang paraan ng pagtingin Niya sa sangkatauhan at sa diwa ng mga bagay-bagay ay talagang hindi katulad ng kung paano nakikita ng tiwaling sangkatauhan ang mga ito. Ang Kanyang perspektiba at ang kataasan na kinatatayuan Niya ay isang bagay na di-matatamo ng sinuman sa gitna ng tiwaling sangkatauhan. Sapagkat ang Diyos ay ang katotohanan, sapagkat ang katawang-tao na suot Niya ay nagtataglay rin ng diwa ng Diyos Mismo, at ang Kanyang mga kaisipan at yaong ipinapahayag ng Kanyang pagkatao ay katotohanan din. Para sa tiwaling sangkatauhan, ang Kanyang ipinapahayag sa katawang-tao ay mga pagtustos ng katotohanan, at ng buhay. Hindi lamang para sa isang tao ang mga pagtustos na ito, kundi para sa buong sangkatauhan. Sa puso ng sinumang tiwaling tao, mayroon lang mangilan-ngilang tao na nauugnay sa kanila. Iniingatan at pinagmamalasakitan lang nila ang iilang taong ito. Kapag tumatama ang sakuna, una nilang iniisip ang sarili nilang mga anak, asawa, o mga magulang. Kahit ang isang tao na mas “mapagmahal sa lahat,” sa pinakamainam, ay mag-iisip para sa ilang kamag-anak o mabuting kaibigan, subalit isasaalang-alang kaya nila ang sinumang iba pa? Hindi, hindi kailanman! Sapagkat ang mga tao, matapos ang lahat, ay mga tao, at matitingnan lang nila ang lahat mula sa taas at pananaw ng isang tao. Gayumpaman, lubos na naiiba sa isang taong tiwali ang Diyos na nagkatawang-tao. Kahit gaano man kaordinaryo, kanormal, kamapagpakumbaba ang laman ng Diyos na nagkatawang-tao, o kahit gaano man Siya minamaliit ng mga tao, ang Kanyang mga kaisipan at ang Kanyang saloobin tungo sa sangkatauhan ay mga bagay na hindi kayang taglayin ng sinumang tao, na walang sinumang tao ang makagagaya. Palagi Niyang pagmamasdan ang sangkatauhan mula sa pananaw ng pagka-Diyos, mula sa taas ng Kanyang posisyon bilang ang Lumikha. Palagi Niyang titingnan ang sangkatauhan sa pamamagitan ng diwa at ng mentalidad ng Diyos. Tiyak na hindi Niya titingnan ang sangkatauhan mula sa taas ng isang karaniwang tao, o mula sa pananaw ng isang taong tiwali. Kapag tinitingnan ng mga tao ang sangkatauhan, ginagawa nila iyon gamit ang paninging pantao, at ginagamit nila ang mga bagay-bagay na gaya ng kaalamang pantao at mga regulasyon at mga teoryang pantao bilang panukat. Ito ang saklaw na nakikita ng mga tao gamit ang kanilang mga mata at ang saklaw na kayang kamtin ng tiwaling sangkatauhan. Kapag tinitingnan ng Diyos ang sangkatauhan, tumitingin Siya gamit ang paninging pang-Diyos, at ginagamit Niya ang Kanyang diwa at ang mga tinataglay ng Diyos at ang Kanyang pagiging Diyos bilang panukat. Ito ang saklaw na hindi nakikita ng mga tao, at dito ganap na nagkakaiba ang Diyos na nagkatawang-tao at ang mga taong tiwali. Natutukoy ang pagkakaibang ito sa pamamagitan ng pagkakaiba ng diwa ng mga tao at diwa ng Diyos—ang magkakaibang diwang ito ang tumutukoy sa kanilang mga pagkakakilanlan at mga posisyon gayundin sa pananaw at taas mula sa kung saan nila nakikita ang mga bagay-bagay.

—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo III

Dapat ninyong malaman kung paano alamin ang pagkakaiba ng gawain ng Diyos sa gawain ng tao. Ano ang makikita mo sa gawain ng tao? Maraming elemento ng karanasan ng tao sa kanyang gawain; kung ano ang ipinapahayag ng tao ay kung ano siya. Sa paggawa ng Kanyang gawain, nagpapahayag din ang Diyos kung ano Siya, ngunit ang Kanyang pagiging Diyos ay naiiba sa pagiging tao ng tao. Kung ano ang tao ay kumakatawan sa karanasan at buhay ng tao (kung ano ang nararanasan o kinakaharap ng tao sa kanyang buhay, o ang kanyang mga pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo), at ang mga taong namumuhay sa iba’t ibang kapaligiran ay nagpapahayag ng iba’t ibang anyo ng kung ano sila. May mga karanasan ka man sa lipunan at paano ka man tunay na namumuhay sa iyong pamilya at nakakaranas sa loob niyon ay makikita sa iyong ipinapahayag, samantalang hindi mo makikita sa gawain ng Diyos na nagkatawang-tao kung Siya ay may mga karanasan sa lipunan. Alam Niya ang diwa ng tao sa loob at labas, at kayang ilantad ang iba’t ibang pagsasagawa ng lahat ng uri ng tao. Higit pa rito, kaya Niyang ilantad ang mga tiwaling disposisyon at mapaghimagsik na pag-uugali ng tao. Hindi Siya namumuhay sa gitna ng mga tao sa mundo, ngunit alam Niya ang kalikasan ng mga mortal at ang lahat ng katiwalian ng mga tao sa mundo. Ito ang Kanyang pagiging Diyos. Bagama’t hindi Siya nakikitungo sa mundo, alam Niya ang lahat ng panuntunan ng pakikitungo sa mundo, dahil lubos Niyang nauunawaan ang kalikasan ng tao. Alam Niya ang tungkol sa gawain ng Espiritu na hindi nakikita ng mga mata ng tao at hindi naririnig ng mga tainga ng tao, kapwa ngayon at noong araw. Kasama rito ang karunungan na hindi isang pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo at mga kahanga-hangang bagay na mahirap maarok ng tao. Ito ang Kanyang pagiging Diyos, bukas sa tao at tago rin sa tao. Ang Kanyang ipinapahayag ay hindi kung ano ang isang di-pangkaraniwang tao, kundi ang likas na mga katangian at pagiging Diyos ng Espiritu. Hindi Siya naglalakbay sa mundo ngunit alam Niya ang lahat tungkol dito. Nakikipag-ugnayan Siya sa mga “taong-unggoy” na walang kaalaman o kabatiran, ngunit nagpapahayag Siya ng mga salitang mas mataas sa kaalaman at nakahihigit sa mga salita ng mga dakilang tao. Namumuhay Siya sa gitna ng isang grupo ng mga taong mabagal umunawa at manhid na walang pagkatao, at hindi nakakaunawa sa buhay ng tao o sa mga pamantayan ng pagkatao, ngunit maaari Niyang hingin sa sangkatauhan na isabuhay ang normal na pagkatao, habang inilalantad ang mababang-uri at mababang pagkatao ng sangkatauhan. Lahat ng ito ay ang Kanyang pagiging Diyos, mas mataas kaysa sa kung ano ang kahit sinong tao na may laman at dugo. Hindi na Niya kailangang dumaan sa karagdagang hakbang ng pagdanas ng isang komplikado, masalimuot, at nakaririmarim na buhay sa lipunan upang gawin ang gawaing kailangan Niyang gawin at lubusang ilantad ang diwa ng tiwaling sangkatauhan. Ang nakaririmarim na buhay sa lipunan ay hindi kayang “luminang” sa Kanyang katawang-tao. Ang Kanyang gawain at mga salita ay naglalantad lamang ng paghihimagsik ng tao at hindi nagkakaloob sa tao ng karanasan at mga aral sa pakikitungo sa mundo. Hindi Niya kailangang suriin ang lipunan o ang pamilya ng tao kapag tinutustusan Niya ng buhay ang tao. Ang paglalantad at paghatol sa tao ay hindi isang pagpapahayag ng mga karanasan ng Kanyang katawang-tao; ito ay Kanyang paglalantad ng pagiging hindi matuwid ng tao pagkatapos ng matagal na pagkakaalam sa paghihimagsik ng tao at pagkamuhi sa katiwalian ng sangkatauhan. Ang lahat ng gawaing Kanyang ginagawa ay nagdudulot na ang Kanyang disposisyon ay makilala ng tao at nagpapahayag ng Kanyang pagiging Diyos. Siya lamang ang makakagawa ng gawaing ito; hindi ito isang bagay na maaaring makamit ng isang taong may laman at dugo. Mula sa Kanyang gawain, hindi masasabi ng tao kung anong klase Siya ng tao. Hindi rin kaya ng tao na uriin Siya bilang isang nilikhang tao batay sa Kanyang gawain. Hindi rin Siya maaaring iklasipika na isang nilikhang tao dahil sa Kanyang pagiging Diyos. Maaari lamang Siyang ituring ng tao na hindi isang tao, ngunit hindi niya alam kung saang kategorya Siya ilalagay, kaya napipilitan ang tao na ilagay Siya sa kategorya ng “Diyos.” Hindi kawalan ng katwiran na gawin ito ng tao, sapagkat napakarami Niyang nagawang gawain sa gitna ng mga tao na hindi kayang gawin ng tao.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Gawain ng Diyos at Gawain ng Tao

Ang gawain at pagpapahayag ni Cristo ang nagtatakda sa Kanyang diwa. Nagagawa Niyang kumpletuhin nang may tunay na puso yaong ipinagkatiwala sa Kanya. Nagagawa Niyang sambahin nang may tunay na puso ang Diyos sa langit, at hanapin ang kalooban ng Diyos Ama nang may tunay na puso. Naitatakda ang lahat ng ito ng diwa Niya. At gayundin naitatakda ng Kanyang diwa ang likas na paghahayag Niya; ang dahilan kaya tinatawag Ko itong “likas na pagbubunyag” Niya ay dahil ang paghahayag Niya ay hindi panggagaya, o bunga ng pagtuturo ng tao, o bunga ng maraming taong paglilinang ng tao. Hindi Niya ito natutuhan o iginayak sa sarili Niya; sa halip, likas ito sa loob Niya. Maaaring ikaila ng tao ang Kanyang gawain, ang Kanyang pagpapahayag, ang Kanyang pagkatao, at ang buong buhay ng Kanyang normal na pagkatao, ngunit walang makapagkakailang sinasamba Niya ang Diyos sa langit nang may tunay na puso; walang makapagkakailang pumarito Siya upang tuparin ang kalooban ng Ama sa langit, at walang makapagkakaila sa kasigasigan ng paghahanap Niya sa Diyos Ama. Bagama’t hindi kaaya-aya sa mga pandama ang Kanyang wangis, hindi nagtataglay ng pambihirang awra ang pananalita Niya, at hindi kasingnakagugunaw ng mundo o nakayayanig ng langit ang gawain Niya na tulad ng inaakala ng tao, Siya talaga si Cristo, na tumutupad nang may tunay na puso sa kalooban ng Ama sa langit, ganap na nagpapasakop sa Ama sa langit, at mapagpasakop hanggang sa kamatayan. Ito ay sapagkat ang diwa Niya ay ang diwa ni Cristo. Mahirap para sa tao na paniwalaan ang katunayang ito, ngunit ito ay katunayan. Kapag ganap nang natupad ang ministeryo ni Cristo, magagawang makita ng tao mula sa gawain Niya na ang Kanyang disposisyon at pagiging Diyos ay kumakatawan sa disposisyon at pagiging Diyos ng Diyos sa langit. Sa oras na iyon, sa pamamagitan ng pagbubuod ng Kanyang buong gawain, makukumpirma ng tao na Siya talaga ang Daang naging katawang-tao, at ang Kanyang laman ay hindi katulad ng laman ng taong sa laman at dugo.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Diwa ni Cristo ay Pagpapasakop sa Kalooban ng Ama sa Langit

Sa pagkakataong ito, pumaparito ang Diyos upang gumawa ng gawain hindi sa espirituwal na katawan, kundi sa isang napaka-ordinaryong katawan. Bukod dito, ito ang katawan ng ikalawang pagkakatawang-tao ng Diyos, at ito rin ang katawan kung saan bumabalik ang Diyos sa katawang-tao. Isa itong napaka-ordinaryong katawang-tao. Kung titingnan Siya, wala kang makikitang anumang nagpapabukod-tangi sa Kanya sa iba, ngunit maaari kang magkamit mula sa Kanya ng mga katotohanang hindi pa narinig dati. Itong hamak na katawang-taong ito lang ang pagsasakatawan ng lahat ng salita ng katotohanan ng Diyos, ang tagapagdala ng gawain ng Diyos sa mga huling araw, at ang pagpapahayag kung saan nauunawaan ng tao ang buong disposisyon ng Diyos. Hindi mo ba lubhang ninanais na makita ang Diyos na nasa langit? Hindi mo ba lubhang ninanais na maunawaan ang Diyos na nasa langit? Hindi mo ba lubhang ninanais na makita ang hantungan ng sangkatauhan? Sasabihin Niya sa iyo ang lahat ng lihim na ito—mga lihim na wala pang taong nakapagsabi sa iyo—at sasabihin din Niya sa iyo ang mga katotohanang hindi mo nauunawaan. Siya ang pasukan mo patungo sa kaharian, at ang gabay mo patungo sa bagong kapanahunan. Ang ordinaryong katawang-tao na ito ay nagtataglay ng maraming hiwagang di-maarok ng tao. Hindi mo maarok ang Kanyang mga gawa, ngunit ang buong layon ng gawaing ginagawa Niya ay sapat upang bigyan ka ng kakayahan na makitang hindi Siya isang simpleng katawang-tao na gaya ng inaakala ng mga tao, sapagkat kinakatawan Niya ang mga layunin ng Diyos sa mga huling araw, at ang pagmamalasakit ng Diyos sa sangkatauhan sa mga huling araw. Bagama’t hindi mo naririnig ang Kanyang mga salitang tila yumayanig sa langit at lupa, bagama’t hindi mo nakikita ang Kanyang mga matang tulad ng lumalagablab na apoy, at bagama’t hindi mo natatanggap ang pagdidisiplina ng Kanyang bakal na pamalo, gayumpaman, maririnig mo mula sa Kanyang mga salita na nagagalit ang Diyos at mababatid na nagpapakita ang Diyos ng awa sa sangkatauhan, at makikita ang matuwid na disposisyon ng Diyos at ang karunungan Niya, at higit pa rito, mapapahalagahan ang malasakit ng Diyos sa buong sangkatauhan. Ang gawain ng Diyos sa mga huling araw ay ang pahintulutan ang tao na makita sa lupa ang Diyos na nasa langit na namumuhay sa gitna ng tao, at bigyang-kakayahan ang tao na makilala ang Diyos, magpasakop, matakot, at magmahal sa Diyos. Ito ang dahilan kung bakit bumalik Siya sa katawang-tao sa pangalawang pagkakataon. Kahit na ang nakikita ng tao ngayon ay isang Diyos na katulad ng tao, isang Diyos na mayroong ilong at dalawang mata, at isang labis na hindi kapansin-pansing Diyos, sa huli, ipakikita sa inyo ng Diyos na kung hindi umiral ang taong ito, sasailalim ang langit at ang lupa sa napakatinding pagbabago; kung hindi umiral ang taong ito, magdidilim ang langit, masasadlak sa kaguluhan ang lupa, at mamumuhay ang buong sangkatauhan sa gitna ng taggutom at mga salot. Ipakikita Niya sa inyo na kung hindi pumarito ang Diyos na nagkatawang-tao sa mga huling araw upang iligtas kayo, matagal na sanang winasak ng Diyos ang tao sa impiyerno; kung hindi umiral ang katawang-taong ito, magiging mga pangunahing makasalanan kayo magpakailanman, at magiging mga bangkay kayo habang panahon. Dapat ninyong malaman na kung hindi umiral ang katawang-taong ito, magiging imposible para sa buong sangkatauhan na matakasan ang isang malaking kalamidad, at magiging imposible para dito na makatakas sa mas matinding kaparusahang ipapataw ng Diyos sa sangkatauhan sa mga huling araw. Kung hindi isinilang ang karaniwang katawang-taong ito, lahat sana kayo ay nasa kalagayan kung saan nagsusumamo kayo para sa buhay nang walang kakayahang mabuhay at nagmamakaawa para sa kamatayan nang walang kakayahang mamatay; kung hindi umiral ang katawang-taong ito, hindi ninyo makakamit ang katotohanan at hindi kayo makakalapit sa trono ng Diyos ngayon, kundi sa halip, parurusahan kayo ng Diyos dahil sa mabibigat ninyong kasalanan. Alam ba ninyong kung hindi dahil sa pagbabalik ng Diyos sa katawang-tao, walang magkakaroon ng pagkakataon sa kaligtasan; at kung hindi dahil sa pagparito ng katawang-taong ito, matagal na sanang tinapos ng Diyos ang lumang kapanahunan? Dahil dito, tatanggihan pa rin ba ninyo ang ikalawang pagkakatawang-tao ng Diyos? Yamang napakalalaking pakinabang ang matatamo ninyo sa karaniwang taong ito, bakit hindi ninyo Siya malugod na tatanggapin?

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Alam Mo Ba? Gumawa ang Diyos ng Dakilang Bagay sa Gitna ng Tao

Kaugnay na mga Eksena ng Pelikula

Paano Uunawain ang Diyos na Nagkatawang-tao

Kilala Mo ba Talaga ang Diyos na Nagkatawang-tao?

Kaugnay na mga Patotoong Batay sa Karanasan

Hinggil sa Pagbabalik ng Panginoon, Kanino Dapat Makinig ang Isang Tao?

Kaugnay na mga Sermon

Ano ang Pagkakatawang-Tao?

Kaugnay na mga Himno

Taglay ng Nagkatawang-taong Diyos ang Pagkatao at Mas Lalo Na ang Pagka-Diyos

Ang Cristo ng mga Huling Araw ang Pasukan ng Tao sa Kaharian

Paano Malalaman ang Pagpapakita at Gawain ng Cristo ng mga Huling Araw

Ang Pagtanggi kay Cristo ng mga Huling Araw ay Paglapastangan sa Banal na Espiritu

Sinundan:  4. Ang Kuru-kuro ng Mundo ng Relihiyon na: “Sa Pagbabalik ng Panginoon, ang mga Tao ay Direktang Madadala Paitaas sa mga Ulap at Makatatagpo Siya sa Langit”

Sumunod:  6. Ang Maling Kaisipan ng Mundo ng Relihiyon na: “Ang Manampalataya sa Makapangyarihang Diyos ay Pagkakanulo sa Panginoong Jesus at Ito ay Isang Apostasiya”

Kaugnay na Nilalaman

Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos Ukol sa Pagkakilala sa Diyos Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw Paglalantad sa mga Anticristo Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ang Paghatol ay Nagsisimula sa Tahanan ng Diyos Mahahalagang Salita Mula sa Makapangyarihang Diyos, ang Cristo ng mga Huling Araw Araw-araw na mga Salita ng Diyos Ang mga Katotohanang Realidad na Dapat Pasukin ng mga Mananampalataya sa Diyos Sundan ang Kordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin Mga Gabay para sa Pagpapalaganap ng Ebanghelyo ng Kaharian Naririnig ng mga Tupa ng Diyos ang Tinig ng Diyos Makinig sa Tinig ng Diyos  Masdan ang Pagpapakita ng Diyos Mahahalagang Tanong at Sagot tungkol sa Ebanghelyo ng Kaharian Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume I) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume II) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume III) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IV) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume V) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VI) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VIII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IX) Paano Ako Bumalik sa Makapangyarihang Diyos

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito

Connect with us on Messenger