Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa (14)

Gaano katagal na tayong nagbabahaginan tungkol sa mga responsabilidad ng mga lider at manggagawa? (Apat at kalahating buwan.) Matapos magbahaginan tungkol dito sa loob ng napakahabang panahon, medyo mas malinaw na ba ang pagkaunawa ninyo sa partikular na gawaing dapat gawin ng mga lider at manggagawa? (Oo, medyo mas malinaw na ang pagkaunawa namin dito.) Mas malinaw na ito dapat kaysa dati. Napakapartikular at napakalinaw ng pagbabahagi Ko na kung mayroon pa ring hindi nakakaunawa, ibig sabihin nito ay may kakulangan siya sa pag-iisip, hindi ba? (Oo.) Kung titingnan ito ngayon, sa tingin ninyo, madali bang maging isang mabuting lider o manggagawa? (Hindi ito madali.) Anong mga katangian ang kinakailangan? (Kailangang taglay ng isang tao ang kakayahan at pagkataong kinakailangan para sa mga lider o manggagawa, gayundin ang katotohanang realidad, at ang pagpapahalaga sa responsabilidad.) Dapat mayroon man lang konsensiya, katwiran, at katapatan ang isang tao, at kasunod nito, kakayahan at kapabilidad sa gawain. Kapag taglay ng isang tao ang lahat ng katangiang ito, maaari siyang maging isang mabuting lider o manggagawa at matutupad niya ang kanyang mga responsabilidad.

Ikalabindalawang Aytem: Agaran at Tumpak na Tukuyin ang Iba’t Ibang Tao, Pangyayari, at Bagay na Nakagagambala at Nakagugulo sa Gawain ng Diyos at sa Normal na Kaayusan ng Iglesia; Pigilan at Limitahan ang mga Iyon, at Ituwid ang mga Bagay-bagay; Dagdag pa Rito, Pagbahaginan ang Katotohanan Upang Magkaroon ng Pagkilatis ang Hinirang na mga Tao ng Diyos sa Pamamagitan ng mga Gayong Bagay at Matuto Sila Mula sa mga Iyon (Ikalawang Bahagi)

Noong huling pagtitipon, nagbahaginan tayo tungkol sa ikalabindalawang aytem ng mga responsabilidad ng mga lider at manggagawa: “Agaran at tumpak na tukuyin ang iba’t ibang tao, pangyayari, at bagay na nakagagambala at nakagugulo sa gawain ng Diyos at sa normal na kaayusan ng iglesia; pigilan at limitahan ang mga iyon, at ituwid ang mga bagay-bagay; dagdag pa rito, pagbahaginan ang katotohanan upang magkaroon ng pagkilatis ang hinirang na mga tao ng Diyos sa pamamagitan ng mga gayong bagay at matuto sila mula sa mga iyon.” Sa loob ng aytem na ito, nagbahaginan muna tayo tungkol sa kung anong mga tao, pangyayari, at bagay ang nakagagambala at nakagugulo sa gawain ng Diyos at sa normal na kaayusan ng iglesia. Kung nais ng mga lider at manggagawa na pigilan at limitahan ang iba’t ibang tao, pangyayari, at bagay na nagdudulot ng mga pagkagambala at kaguluhan sa loob ng iglesia, at gusto nilang gampanan nang maayos ang gawaing ito, dapat muna nilang malaman at matukoy kung aling mga tao, pangyayari, at bagay ang nakagagambala at nakagugulo sa gawain ng Diyos at sa normal na kaayusan ng iglesia. Pagkatapos niyon, dapat nilang itugma ang mga ito sa mga tao, pangyayari, at bagay na nasa aktuwal na gawain ng iglesia at buhay iglesia, at pagkatapos ay isagawa ang iba’t ibang gampanin gaya ng pagpipigil at paglilimita sa mga ito. Isa itong hinihingi sa mga lider at manggagawa. Sa huling pagtitipon natin, nagbahaginan tayo tungkol sa ilan sa iba’t ibang tao, pangyayari, at bagay na nakagagambala at nakagugulo sa gawain ng iglesia at sa buhay iglesia, simula sa mga may kinalaman sa buhay iglesia. Ikinategorya rin natin ang mga tao, pangyayari, at bagay sa buhay iglesia na likas na nakagagambala at nakagugulo sa mga ito. Ilan lahat ang mga isyung naroon? (Labing-isa. Una, madalas na paglihis sa paksa kapag nagbabahaginan sa katotohanan; pangalawa, pagsasabi ng mga salita at doktrina para ilihis ang mga tao at makuha ang kanilang pagpapahalaga; pangatlo, pagdadaldal tungkol sa mga usapin sa tahanan, pagbubuo ng mga personal na koneksiyon, at pag-aasikaso sa mga personal na usapin; pang-apat, pagpapangkat-pangkat; panglima, pakikipag-agawan para sa katayuan; pang-anim, paghahasik ng alitan; pampito, pag-atake at pagpapahirap sa mga tao; pangwalo, pagpapakalat ng mga kuru-kuro; pansiyam, pagbubulalas ng pagkanegatibo; pansampu, ang pagpapakalat ng walang batayang mga tsismis; at panlabing-isa, ang paglabag sa mga prinsipyo ng halalan.) Ang ikaanim na isyu ay paghahasik ng alitan, na likas na nagsasanhi ng mga pagkagambala at kaguluhan, pero kung ikukumpara sa ibang masasamang gawa, maliit na problema ito. Palitan ito ng “pakikibahagi sa mga di-wastong ugnayan,” at mas malubha ang kalikasan nito kaysa sa paghahasik ng alitan. Ang ikapitong isyu ay ang pag-atake at pagpapahirap sa mga tao. Palitan iyon ng “pambabatikos at pagbabangayan sa isa’t isa”—hindi ba’t mas malubha ang kalikasan nito, at mas partikular at akma? (Oo.) Ang pambabatikos at pagbabangayan sa isa’t isa ay isang pangkaraniwang uri ng problema na nangyayari sa buhay iglesia na nauugnay sa mga paggambala at panggugulo. Sa pamamagitan ng pagbabago sa dalawang isyung ito sa ganitong paraan, nagiging mas angkop at mas malapit ang mga ito sa mga problemang lumilitaw sa buhay iglesia. Ang ikalabing-isang isyu ay ang paglabag sa mga prinsipyo ng halalan. Palitan ito ng “pagmamanipula at paggambala sa mga halalan.” Ito ay simpleng pagbabago sa mga salita; nananatiling pareho ang kalikasan nito, sadyang mas tumindi lang ang antas—mas nauugnay na ito ngayon sa kalikasan ng pagsasanhi ng mga pagkagambala at kaguluhan.

Ang Iba’t Ibang Tao, Pangyayari, at Bagay na Nakagagambala at Nakagugulo sa Buhay Iglesia

V. Pakikipag-agawan para sa Katayuan

Noong nakaraan, nagbahaginan tayo hanggang sa ikaapat na isyu, ang pagpapangkat-pangkat. Sa pagkakataong ito, pagbabahaginan naman natin ang ikalimang isyu, ang pakikipag-agawan para sa katayuan. Ang usapin ng pakikipag-agawan para sa katayuan ay isang problema na madalas na lumilitaw sa buhay iglesia at isa itong bagay na hindi bihirang makita. Anong mga kalagayan, pag-uugali, at pagpapamalas ang nabibilang sa pagsasagawa ng pakikipag-agawan para sa katayuan? Anong mga pagpapamalas ng pakikipag-agawan para sa katayuan ang nabibilang sa problema ng paggambala at panggugulo sa gawain ng Diyos at sa normal na kaayusan ng iglesia? Anuman ang isyu o kategoryang pinagbabahaginan natin, dapat itong tumukoy sa ipinapahayag sa ikalabindalawang aytem, tungkol sa “iba’t ibang tao, pangyayari, at bagay na nakagagambala at nakagugulo sa gawain ng Diyos at sa normal na kaayusan ng iglesia.” Dapat itong umabot sa antas ng paggambala at panggugulo, at dapat tumukoy ito sa kalikasang ito—saka lang ito magiging karapat-dapat sa pagbabahaginan at paghihimay. Anong mga pagpapamalas ng pakikipag-agawan para sa katayuan ang nauugnay sa kalikasan ng paggambala at panggugulo sa gawain ng sambahayan ng Diyos? Ang pinakakaraniwan ay ang pakikipag-agawan ng mga tao sa mga lider ng iglesia para sa katayuan, na pangunahing namamalas sa kanilang pagsasamantala sa ilang bagay tungkol sa mga lider at sa mga pagkakamali ng mga ito para siraan at kondenahin ang mga ito, at sadyang paglalantad sa kanilang mga pagbubunyag ng katiwalian at mga kabiguan at kakulangan sa kanilang pagkatao at kakayahan, lalo na pagdating sa mga paglihis at pagkakamaling nagawa nila sa kanilang gawain o kapag pinapangasiwaan nila ang mga tao. Ito ang pinakakaraniwang nakikita at ang pinakalantarang pagpapamalas ng pakikipag-agawan sa mga lider ng iglesia para sa katayuan. Dagdag pa rito, walang pakialam ang mga taong ito sa kung gaano kahusay na ginagawa ng mga lider ng iglesia ang kanilang gawain, kung kumikilos man ang mga ito nang naaayon sa mga prinsipyo o hindi, o kung may mga isyu man o wala sa pagkatao ng mga ito, at sadyang mapanlaban sila sa mga lider na ito. Bakit sila mapanlaban? Dahil gusto rin nilang maging lider ng iglesia—ito ang ambisyon nila, ang pagnanais nila, at kaya mapanlaban sila. Paano man gumagawa o nangangasiwa sa mga problema ang mga lider ng iglesia, palaging sinasamantala ng mga taong ito ang mga bagay tungkol sa mga ito, hinuhusgahan at kinokondena ang mga ito, at masyado pa nga nilang pinapalaki ang mga bagay-bagay, binabaluktot nila ang mga katunayan, at ginagawa nilang labis-labis ang mga bagay hangga’t posible. Hindi nila ginagamit ang mga pamantayan na hinihingi ng sambahayan ng Diyos sa mga lider at manggagawa para sukatin kung kumikilos ba ang mga lider na ito nang ayon sa mga prinsipyo, kung mga tamang tao ba ang mga ito, kung ang mga ito ba ay mga taong naghahangad sa katotohanan, at kung mayroon bang konsensiya at katwiran ang mga ito. Hindi nila sinusuri ang mga lider nang ayon sa mga prinsipyong ito. Sa halip, batay sa sarili nilang mga intensiyon at pakay, palagi silang nagbubusisi at nag-iimbento ng mga reklamo, naghahanap ng mga bagay na gagamitin laban sa mga lider o manggagawa, nagpapakalat ng mga tsismis kapag nakatalikod ang mga ito tungkol sa mga bagay na ginagawa ng mga ito na hindi naaayon sa katotohanan, o inilalantad ang mga pagkukulang ng mga ito. Halimbawa, maaaring sabihin nila na: “Ang lider na si Ganito-at-ganyan ay nakagawa ng pagkakamali minsan at pinungusan siya ng Itaas, at wala sa inyo ang nakaalam tungkol dito. Kita na ninyo, napakahusay niyang magpanggap!” Hindi nila isinasaalang-alang at wala silang pakialam kung target bang linangin ng sambahayan ng Diyos ang lider o manggagawang ito, o kung ito ba ay pasok sa pamantayan bilang isang lider o manggagawa, patuloy lang nilang hinuhusgahan ito, binabaluktot ang mga katunayan, at paggawa ng maliliit na paninira dito kapag nakatalikod ito. At ano ang layon nila sa paggawa ng mga bagay na ito? Ito ay upang makipag-agawan para sa katayuan, hindi ba? May pakay ang lahat ng bagay na sinasabi at ginagawa nila. Hindi nila isinasaalang-alang ang gawain ng iglesia, at ang pagsusuri nila sa mga lider at manggagawa ay hindi nakabatay sa mga salita ng Diyos o sa katotohanan, lalong hindi ito nakabatay sa mga pagsasaayos ng gawain ng sambahayan ng Diyos o sa mga prinsipyong hinihingi ng Diyos sa tao, kundi sa sarili nilang mga intensiyon at pakay. Kinokontra nila ang lahat ng sinasabi ng mga lider o manggagawa, at pagkatapos ay nagbibigay ng sarili nilang “mga kabatiran.” Gaano man karami sa mga sinasabi ng mga lider at manggagawa ang naaayon sa katotohanan, hindi nila ito tinatanggap kahit kaunti. Pinapabulaanan nila ang anumang sinasabi ng mga lider at manggagawa, at inilalahad ang sarili nilang mga salungat na opinyon. Sa partikular, kapag nagtatapat at naglalahad ng saloobin ang isang lider o manggagawa, tinatalakay ang pagkilala nito sa sarili, mas lalo silang nasisiyahan, at iniisip na natagpuan na nila ang pagkakataon nila. Anong pagkakataon? Ang pagkakataon na hamakin ang lider o manggagawang ito, para ipaalam sa lahat na mahina ang kakayahan ng lider o manggagawang ito, na maaari itong maging mahina, na tiwaling tao rin ito, na madalas din itong magkamali sa mga bagay na ginagawa nito, at na hindi ito mas mahusay kaysa sa iba. Ito ang pagkakataon nila para makahanap ng isang bagay na magagamit laban sa lider o manggagawang iyon, ang pagkakataon nila na sulsulan ang lahat na kondenahin, patalsikin, at pabagsakin ang lider o manggagawang iyon. At ang motibasyon sa lahat ng pag-uugali at kilos na ito ay walang iba kundi ang pakikipag-agawan para sa katayuan. Kung sinusunod ang mga prinsipyo ng halalan at ang mga prinsipyo ng paglilinang at paggamit sa mga tao sa sambahayan ng Diyos, sa mga normal na sitwasyon, hindi kailanman maihahalal bilang mga lider o manggagawa ang mga gayong indibidwal. Ito ay isang bagay na malinaw nilang nakilatis at naunawaan, kaya gumagamit sila ng anumang paraan para batikusin at kondenahin ang mga lider at manggagawa. Sinuman ang maging isang lider o manggagawa, sadyang mapanlaban sila rito, at palagi silang naghahanap ng mali at gumagawa ng mga iresponsable at kritikal na komento tungkol dito. Kahit wala namang mali sa mga salita o kilos ng mga lider at manggagawang ito, palagi silang nakakahanap ng mali sa mga ito—sa katunayan, ang mga problemang binubusisi nila ay hindi mga problema tungkol sa prinsipyo, kundi puro maliliit na isyu lang. Kaya, bakit sila masyadong tumututok sa maliliit na isyung ito? Bakit nagagawa nilang husgahan at kondenahin ang mga lider at manggagawa nang napakalantaran tungkol sa mga gayong bagay? Iisa lang ang layon nila, at iyon ay ang makipag-agawan sa kapangyarihan at katayuan. Gaano man makipagbahaginan ang sambahayan ng Diyos tungkol sa iba’t ibang pagpapamalas ng mga huwad na lider at anticristo, hindi nila kailanman iniuugnay ang mga pagpapamalas na ito sa sarili nila, bagkus ay inuugnay lang nila ang mga ito sa mga lider at manggagawa sa lahat ng antas. Kapag nakakita sila ng pagkakatugma, iniisip nila, “Ngayon, may ebidensiya na ako; sa wakas ay nakahanap na ako ng isang bagay na magagamit laban sa kanila at nakakuha ako ng magandang pagkakataon.” Pagkatapos, mas lalo silang nagiging walang pagpipigil sa paglalantad, paghuhusga, paggawa ng mga kritikal na pagsusuri, at pagkondena sa lahat ng ginagawa ng mga lider at manggagawang ito. Ang ilan sa mga isyung binabanggit nila ay maaaring tila medyo problematiko sa panlabas, pero kapag sinukat ayon sa mga prinsipyo, hindi mahalaga ang mga ito. Kaya, bakit nila binabanggit ang mga ito? Hindi para sa ano pa mang ibang dahilan kundi para ilantad ang mga lider at manggagawa, nang may pakay na kondenahin at talunin ang mga ito. Kung ang mga lider at manggagawa ay malugmok sa pagkanegatibo, magmakaawa, at yumukod sa kanila, kung makita ng mga kapatid na ang mga lider na ito ay palaging negatibo at mahina, at na madalas magkamali ang mga ito kapag kumikilos ang mga ito, at hindi na ihahalal ng mga kapatid ang mga ito bilang lider, kung ang mga kapatid ay hindi na gaanong nakikinig nang mabuti kapag nakikipagbahaginan sa katotohanan ang mga lider na ito, at kung hindi na nakikipagtulungan ang mga tao nang aktibo at masigasig nang tulad ng dati kapag ipinatutupad ng mga lider na ito ang gawain, kung gayon, matutuwa ang mga nakikipag-agawan para sa katayuan, at magkakaroon sila ng pagkakataon na magsamantala. Ito ang senaryo na pinakagusto nilang makita at ang pinakainaasam nilang mangyari. Ano ang layon nila sa paggawa ng lahat ng ito? Hindi ito para tulungan ang mga tao na maunawaan ang katotohanan at makilatis ang mga huwad na lider at anticristo, ni para akayin ang mga tao sa harap ng Diyos. Sa halip, ang pakay nila ay talunin at pabagsakin ang mga lider at manggagawa para makita ng lahat na sila ang pinakaangkop na maging lider. Sa puntong ito, nakamit na ang layon nila, at kailangan na lang nilang maghintay na inomina sila ng mga kapatid bilang lider. Mayroon bang mga gayong tao sa iglesia? Kumusta ang mga disposisyon nila? Malupit ang disposisyon ng mga indibidwal na ito, hindi nila minamahal ang katotohanan kahit kaunti, at hindi rin nila ito isinasagawa; nais lang nilang humawak ng kapangyarihan. Paano naman iyong mga nakakaunawa ng kaunting katotohanan at may taglay na kaunting pagkilatis—magiging handa ba silang hayaan ang mga gayong tao na humawak ng kapangyarihan? Magiging handa ba silang magpasailalim sa kapangyarihan ng mga ito? (Hindi.) Bakit hindi? Kung malinaw na makikita ng karamihan sa mga tao ang kalikasang diwa ng mga gayong indibidwal, ihahalal pa rin ba nila ang mga ito bilang lider? (Hindi.) Hindi nila ihahalal ang mga ito, maliban na lang kung ang lahat ay bagong magkakakilala pa lang at hindi pa lubos na pamilyar sa isa’t isa. Pero kapag pamilyar na sila sa isa’t isa at malinaw nilang nakikita kung sinong mga indibidwal ang may mahinang kakayahan at magulo ang isip, kung sino ang masasamang tao na may mga malupit at mapanlinlang na disposisyon, kung sino ang sabik na makipag-agawan para sa katayuan at tumahak sa landas ng mga anticristo, kung sino ang kayang maghangad sa katotohanan at tapat na gumawa sa mga tungkulin nila, at iba pa, kapag naarok na nila ang kalikasang diwa at mga kategorya ng iba’t ibang tao, kung gayon, ang halalan ng mga lider ay magiging medyo tumpak at alinsunod sa mga prinsipyo.

Mas gugustuhin ba ng karamihan ng tao na ihalal bilang lider ang isang taong palaging nakikipag-agawan para sa katayuan, o mas gugustuhin ba nilang pumili ng isang taong may kakayahan at kapabilidad sa gawain na medyo katamtaman lang, pero masipag at matatag? Kapag hindi pa malinaw kung ano ang karakter ng dalawang indibidwal na ito, kung ano ang kalikasang diwa nila, o kung anong landas ang tinatahak nila, sino ang mas gugustuhin ng karamihan sa mga tao na ihalal bilang lider? (Ang pangalawa, ang taong matatag.) Pipiliin ng karamihan sa mga tao ang pangalawa. Ang mga pagpapamalas ng mga palaging nakikipag-agawan para sa katayuan ay patunay ng kanilang pagkatao at diwa. Hindi ba kayang makita at makilatis ng karamihan sa mga tao ang kanilang mga pagpapamalas? Sasabihin ng mga tao, “Palaging pinapahirapan ng taong ito ang lider ng iglesia; nakatakda ang mga ambisyon niya sa pagkakamit ng katayuan ng isang lider ng iglesia, gusto niyang palitan ito bilang lider. Simula nang mahalal ang taong iyon bilang lider ng iglesia, palagi na niya itong pinupuntirya at kinaiinisan. Palagi niyang sinasagot ang lider, at hinahanapan ng mali sa anumang ginagawa nito, sinasamantala ang anumang masasamantala niya, at hinuhusgahan din niya ito at inilalantad ang mga pagkukulang nito habang nakatalikod ito. Lalo na sa mga pagtitipon o kapag nagbabahaginan tungkol sa gawain, kung saglit na hindi malinaw na ipinapahayag ng lider ang sarili nito, sumasabad siya, nagpapakita ng matinding kawalan ng pasensiya. Kinukutya, inuuyam, tinutuya, at pinagtatawanan pa nga niya ang lider na ito; pinapahirapan niya ito sa bawat pagkakataon at inilalagay ito sa mga nakakahiyang sitwasyon.” Sa pagkakalantad ng mga pag-uugaling ito sa lahat, hindi ba’t makikilatis ng karamihan ng tao ang indibidwal na ito? (Oo.) Kung gayon, nakakatulong ba ito sa pag-angkin niya sa posisyon ng lider? Talagang hindi. Mautak ba o hangal ang mga taong nakikipag-agawan para sa katayuan? Malinaw na mga mangmang sila, mga hangal. Mayroong isa pang malubhang isyu: Ang mga indibidwal na ito ay mga diyablo, at hindi mababago ang kalikasan nila! Hindi makontrol ang pagnanais nila para sa kapangyarihan at katayuan, hanggang sa punto pa nga na nawawalan na sila ng katinuan, na hindi isang bagay na taglay ng normal na pagkatao. Lumalagpas ang pagnanais na ito sa mga hangganan ng pagkamakatwiran at konsensiya ng normal na pagkatao, umaabot sa kawalan ng prinsipyo. Kikilos ang mga taong ito sa ganitong paraan sa anumang oras, lugar, o konteksto, nang hindi isinasaalang-alang ang mga kahihinatnan, lalo na ang epekto ng kanilang mga kilos. Ito ang mga pinakatipikal na pagpapamalas at pamamaraan ng mga nakikipag-agawan para sa katayuan. Sa tuwing may pagtitipon o pagbabahaginan tungkol sa gawain, sa sandaling magtipon-tipon ang lahat, nagsasanhi ng mga kaguluhan ang mga indibidwal na ito na parang mga nakakairitang langaw, pinipinsala ang buhay iglesia at ang normal na kaayusan ng pagbabahaginan sa katotohanan. Ang mga gayong pag-uugali at pamamaraan ay likas na nagsasanhi ng mga pagkagambala at kaguluhan sa kanila. Hindi ba’t dapat limitahan ang mga gayong indibidwal? Sa malulubhang kaso, hindi ba’t dapat silang paalisin o patalsikin? (Oo.) Minsan, kung aasa lamang sa kalakasan ng mga lider ng iglesia para limitahan ang masasamang tao, medyo hindi ito sapat, at ito ay kaisa-isang pagsisikap—kung, pagkatapos malinaw na makita ang kalubhaan ng mga pagkagambala at kaguluhan na idinulot ng masasamang tao at lubusang makilatis ang kanilang diwa, maaari nang makipagkaisa ang mga kapatid sa mga lider ng iglesia sa pagpipigil at paglilimita sa gayong masasamang indibidwal, hindi ba’t magiging mas epektibo ito? (Oo.) Kung sasabihin ng isang tao, “Ang paglilimita sa masasamang tao ay ang responsabilidad ng mga lider at manggagawa, wala itong kinalaman sa aming mga ordinaryong mananampalataya. Hindi kami makikialam dito! Nakikipag-agawan para sa katayuan ang masasamang tao laban sa mga lider ng iglesia; nakikipag-agawan sila para sa katayuan laban sa mga mayroon nito. Wala naman kaming katayuan; wala silang tinatangkang kunin mula sa amin. Ano’t anuman, hindi ito nakakaapekto sa amin. Hayaan silang makipag-agawan hangga’t gusto nila. Kung may abilidad ang mga lider ng iglesia, dapat pigilan sila ng mga ito; kung hindi, hayaan na lang sila. Ano bang kinalaman nito sa amin?” Mabuti ba ang pananaw na ito? (Hindi.) Bakit hindi mabuti? (Hindi nila itinataguyod ang normal na kaayusan ng iglesia.) Sa mas angkop na mga termino, ano ang tinutukoy ng normal na kaayusan ng iglesia? Hindi ba’t tumutukoy ito sa normal na buhay iglesia? (Oo.) May kinalaman ito sa normal at maayos na buhay iglesia—kaugnay nito ang maayos na pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos, na nangangahulugan na kayang magdasal-magbasa ng mga tao at magbahaginan sa salita ng Diyos, at magbahagi ng mga personal na karanasan, sa isang buhay iglesia kung saan gumagawa ang Banal na Espiritu, naroroon ang Diyos, at gumagabay ang Diyos, at kasabay nito, nakakatanggap din ang mga tao ng kaliwanagan at patnubay mula sa Banal na Espiritu at nagkakamit ng liwanag. Ito ang dapat na tamasahin ng hinirang na mga tao ng Diyos sa buhay iglesia. Kung may ilang tao na sumisira sa normal na kaayusang ito, dapat silang pigilan at limitahan ayon sa mga prinsipyo, at hindi dapat kunsintihin. Hindi lang ito responsabilidad at obligasyon ng mga lider at manggagawa, kundi responsabilidad at obligasyon din ng lahat ng nakakaunawa sa katotohanan at nagtataglay ng pagkilatis. Siyempre, pinakamainam kung mapangungunahan ng mga lider ng iglesia ang gawaing ito, nakikipagbahaginan sa mga kapatid tungkol sa kalikasan ng mga kilos ng mga indibidwal na ito, kung anong klaseng mga tao ang mga indibidwal na ito batay sa mga pagpapamalas nila, at kung paano dapat kilatisin at malinaw na unawain ng mga kapatid ang mga gayong indibidwal. Kung hindi nililimitahan ang masasamang tao at ang mga kapatid ay pawang nagugulo, nalilihis, at nadadaya nila, at ang mga lider ng iglesia ang nabubukod sa halip na ang masasamang taong iyon, kung gayon, magiging paralisado at hindi maiiwasang masasadlak sa kaguluhan ang iglesiang ito. Makakapagpatuloy pa ba ang normal na buhay iglesia sa mga gayong sitwasyon? Kung hindi ito makapagpapatuloy, magiging mabunga pa rin ba ang mga pagtitipon ng iglesia? May makakamit pa rin ba ang hinirang na mga tao ng Diyos mula sa mga gayong pagtitipon? Kung walang makakamit ang hinirang na mga tao ng Diyos mula sa mga ito, pinagpapala o kinasusuklaman ba ng Diyos ang mga gayong pagtitipon? Siyempre, kinasusuklaman ng Diyos ang mga ito. Ang mga pagtitipong walang gawain ng Banal na Espiritu at walang pagpapala ng Diyos ay hindi na maituturing na buhay iglesia kundi nagiging mga pagpupulong na ng isang grupong panlipunan. Mayroon bang may gusto ng isang magulong buhay iglesia? Nakakapagpatibay o kapaki-pakinabang ba ito sa sinuman? (Hindi.) Kung, sa panahong ito, ay wala kang anumang nakamit sa iyong buhay pagpasok mula sa anumang pagtitipon, kung gayon, naging walang halaga o kabuluhan ang panahong ito para sa iyo; sinayang mo lang ang oras na ito. Hindi ba’t nangangahulugan ito na nagkaroon ng kawalan ang iyong buhay pagpasok? (Oo.) Kung sa isang pagtitipon ay may masasamang tao na nakikipag-agawan para sa katayuan, at nakikipagtalo at nakikipagdiskusyon sa isang lider ng iglesia, at dahil dito ay nababalisa ang mga tao, ang buong pagtitipon ay nababalot ng negatibong atmospera, at napupuno ng buktot na enerhiya ni Satanas, at kung, maliban sa pagdedebate tungkol sa mga paksa gaya ng kung sino ang tama at sino ang mali, walang sinumang lumalapit sa Diyos para magdasal at maghanap sa katotohanan, at walang sinumang kumikilos ayon sa mga prinsipyo, kung gayon, pagkatapos ng ganitong uri ng pagtitipon, titibay ba ang pananalig mo sa Diyos o hihina? Mas marami ka bang mauunawaan at makakamit pagdating sa katotohanan, o magiging magulo ba ang isipan mo dahil sa mga pagtatalo, at wala kang anumang makakamit? Minsan, maaaring isipin mo, “Hindi ko maintindihan kung bakit nananampalataya sa Diyos ang mga tao. Ano ba ang silbi ng pananampalataya sa Diyos? Bakit ganito ang asal ng mga taong ito? Mga mananampalataya pa rin ba sila sa Diyos?” Dahil lang sa isang panggugulo ng mga Satanas at diyablo, nagugulo at narurumihan ang puso ng mga tao; pakiramdam nila ay walang saysay ang manampalataya sa Diyos, at hindi na nila alam kung ano ang halaga ng pananampalataya sa Diyos, at nagiging magulo ang isipan nila. Kung ang lahat ay kayang maging mapagmatyag, at partikular na maging sensitibo at matalas sa mga gayong usapin, sa halip na maging manhid at mabagal, kung gayon, kapag ang masasamang tao ay madalas magsalita o gumawa ng mga bagay-bagay sa buhay iglesia alang-alang sa pakikipag-agawan para sa katayuan, agad na mapagtatanto ng karamihan sa mga tao na may problemang kailangang lutasin. Mabilis nilang makikilatis kung sino ang nagmamanipula ng mga sitwasyong ito, at kung ano ang kanilang disposisyong diwa, agad nilang mapagtatanto ang kalubhaan ng isyu, at magagawa nilang pigilan at limitahan ang masasamang tao sa loob ng maikling panahon, inaalis ang mga ito mula sa iglesia, at pinipigilan ang mga ito na patuloy na guluhin at pigilan ang mga tao sa loob ng iglesia. Hindi ba’t makakabuti at makakapagpatibay ito sa karamihan sa mga tao? (Oo.)

Kung makakaranas kayo ng mga sitwasyon kung saan nakikipag-agawan para sa katayuan ang masasamang tao, paano ninyo haharapin ang mga ito? Ano ang pananaw ng karamihan? (Pipigilan namin ang pag-uugaling ito.) Pipigilan lang? Paano ninyo ito pipigilan? Ipagbabawal ba ninyo sa kanila na magsalita, o magsabing, “Ayaw namin sa sinasabi mo, kaya huwag ka nang gaanong magsalita sa mga susunod na pagtitipon!” Gagana ba iyon? Makikinig ba sila sa iyo? (Hindi.) Kung gayon, ano ang dapat mong gawin? Kailangan mong lubusang ilantad at himayin ang kanilang mga intensiyon, motibasyon, at kalikasang diwa ayon sa salita ng Diyos, para makakilatis at maging alerto ang mga kapatid sa mga gayong tao at sa kalikasan ng kanilang mga kilos, sa halip na maging isang mapagpalugod ng tao, at naghihintay lang sa mga lider at manggagawa ng iglesia na maglantad sa masasamang tao bago ka manindigan at magsabing, “Hindi na sila dapat payagang dumalo sa mga pagtitipon.” Mabuti ba na maging isang mapagpalugod ng tao? (Hindi, hindi ito mabuti.) Kapag nahaharap sa gayong mga sitwasyon, hindi ba’t mas pinipili ng karamihan ng tao na umiwas na lang at lumayo sa ganitong mga usapin, sa halip na makabanggaan ang masasamang taong iyon, para maiwasan nilang makapagpasama ng loob ng mga ito at gawing nakakaasiwa ang makisalamuha sa mga iyon kalaunan? Hindi ba’t karamihan sa mga tao ay sumusunod sa prinsipyo para sa mga makamundong pakikitungo ng pagiging isang mapagpalugod ng tao? (Oo.) Kung gayon, problema iyon. Ipagpalagay natin na walumpung porsiyento ng mga tao sa isang iglesia ay mga mapagpalugod ng tao, at kapag nakikita nila ang gayong masasamang indibidwal na nakikipag-agawan para sa katayuan, kalamangan, at mga posisyon bilang mga lider sa buhay iglesia, walang sinumang tumitindig para pigilan o limitahan ang mga ito, at ang karamihan ay may ganitong pananaw: “Mas kakaunti ang gulo, mas mainam. Hindi ko sila puwedeng galitin, kaya, hindi ba puwedeng iwasan ko na lang sila? Iiwasan ko na lang sila at iyon na ang katapusan nito. Hayaan silang makipag-agawan; pagdating ng panahon, parurusahan sila ng Diyos. Wala naman itong kinalaman sa akin!” Sa ganitong mga sitwasyon, magiging mabunga pa rin ba ang buhay iglesia? Karamihan ng tao ay tamad at umaasa lang; sa sandaling mahalal ang mga lider ng iglesia, itinuturing nilang tapos na ang gawain nila, at hinihintay lang nila na gawin ng mga lider ng iglesia ang lahat ng bagay. Kung tatanungin mo sila kung naipamahagi na ba ang mga aklat ng mga salita ng Diyos sa kanilang iglesia, kung nagkaroon ba ng anumang paggambala o panggugulo sa buhay iglesia, o kung may sinumang palaging naglilitanya ng mga salita at doktrina o nakikipag-agawan para sa katayuan laban sa mga lider, sasabihin nila, “Alam ng mga lider ng iglesia ang lahat ng bagay na ito. Wala akong alam sa mga ito at hindi ko kailangang mag-abala tungkol sa mga ito. Aasikasuhin ito ng mga lider pagdating ng panahon.” Hindi sila nangingialam o nag-uusisa tungkol sa anumang bagay, wala silang alam tungkol sa kahit anong bagay, at wala silang alam o pakialam tungkol sa sinumang tao, anumang pangyayari, o anumang bagay na may kinalaman sa buhay iglesia, na dapat sana ay alam nila. Pagdating sa kung ano ang sinasabi at ginagawa ng masasamang taong ito na lumilitaw sa iglesia kapag nakikipag-agawan sila para sa katayuan, pati na ang mga kaguluhan at epektong naidudulot nila sa buhay iglesia, lubos silang walang pakialam dito, at hindi sila nag-uusisa o nagtatanong tungkol sa mga bagay na ito. Kapag tapos na ang lahat, kung tatanungin mo sila kung nagkaroon ba sila ng anumang pagkilatis, kung kaya na ba nilang kilatisin ang masasamang tao at kung ano ang mga pagpapamalas ng masasamang tao, wala silang masasabing kahit ano maliban sa, “Tanungin mo ang mga lider ng iglesia; alam nila ang lahat.” Hindi ba’t alipin ang gayong tao? Isa siyang alipin, siya ay duwag at walang silbi, at namumuhay ng isang pag-iral na ubod ng sama. Ang mga sitwasyon kung saan nakikipag-agawan para sa katayuan ang masasamang tao ay nangangailangan ng pagkilatis, pangangasiwa, at paglutas. Hindi lang ito responsabilidad ng mga lider ng iglesia; responsabilidad din ito ng lahat ng hinirang na mga tao ng Diyos. Karamihan sa mga lider ay nakakaunawa ng mas marami-raming katotohanan kaysa sa karaniwang tao, alerto sila sa ganitong mga isyu, at nakikita nila ang mga pakay at diwa ng mga kilos ng mga taong ito. Kasabay nito, dapat ding aktuwal na matuto ng mga aral ang karamihan sa mga tao at lumago sa pagkilatis, at makipagkaisa sa mga nasa iglesia na may pagpapahalaga sa katarungan, at nakakaunawa at naghahangad sa katotohanan, para kumilos nang naaayon laban sa masasamang indibidwal na ito na nanggugulo at nanggagambala sa buhay iglesia. Dapat din nilang ibukod o paalisin ang mga ito, sa halip na wala silang gawin, at makinig lang sa kaunting pagbabahaginan, palawakin nang kaunti ang kanilang pananaw, at magkaroon ng kaunting kamalayan tungkol sa usapin sa puso nila kapag nahaharap sa mga isyung ito, at pagkatapos ay ituring na tapos na ang gawain nila. Ito ay dahil ang buhay iglesia ay hindi isang bagay na may kinalaman lang sa mga lider ng iglesia, at ang pamumuhay ng magandang buhay iglesia at pagpapanatili ng normal na kaayusan ng buhay iglesia ay hindi lang responsabilidad ng mga lider ng iglesia—nangangailangan ito ng sama-samang pagsisikap ng lahat ng tumitindig para mapanatili ito.

Ang mga taong nakikipag-agawan para sa katayuan—ang klase na binanggit sa ikalimang isyu—ay madalas na lumilitaw sa loob ng buhay iglesia. Ang kanilang pinakahalatang pagpapamalas ay ang pakikipag-agawan nila para sa katayuan laban sa mga lider ng iglesia, kasunod ang pakikipag-agawan para sa katayuan laban sa mga may mahusay na kakayahan at may halos dalisay na pagkaarok sa katotohanan, sa mga may espirituwal na pang-unawa, at sa mga nakakaunawa sa mga katotohanang prinsipyo kasama ang mga kapatid, madalas na hinahamon ang mga indibidwal na ito. Ang mga taong ito ay madalas na nakikipagbahaginan ng ilang dalisay na pagkaunawa at liwanag sa buhay iglesia, nagbabahagi ng ilang personal na karanasan na may halaga at naghahatid ng praktikal na pagkaunawa; labis itong nakakatulong at nakakapagpatibay sa mga kapatid. Matapos marinig ang kanilang pakikipagbahaginan, nagkakaroon ng landas ang mga kapatid, nalalaman nila kung paano isagawa at danasin ang salita ng Diyos at kung paano lutasin ang sarili nilang mga problema. Labis silang nagpapasalamat sa patnubay ng Diyos, at kasabay nito, hinahangaan at pinahahalagahan nila ang mga may dalisay na pagkaarok sa katotohanan at may mga praktikal na karanasan. Kaya naman, may tendensiya silang pahalagahan ang mga indibidwal na ito at lumapit sa mga ito. Ang paglitaw ng mga positibong bagay na ito na nakalulugod para sa Diyos sa buhay iglesia ay ang pinakaayaw makita ng mga taong nakikipag-agawan para sa katayuan. Sa tuwing may nakikita silang nakikipagbahaginan ng mga praktikal na karanasan, hindi sila mapalagay at naiinggit sila, at nagiging sobrang asiwa. Sa kanilang pagkaasiwa, nagpapakita sila ng isang asal ng pagsuway, paghamak, at kawalan ng kasiyahan, madalas na nagkakalkula sa puso nila kung paano pagmukhaing mga hangal ang mga taong may mga praktikal na karanasan at nakakaunawa sa katotohanan, gayundin kung paano ipakita sa mga kapatid ang mga kapintasan at pagkukulang ng mga ito, para hindi na sila pahalagahan ng mga kapatid o hindi na makipaglapit sa kanila ang mga ito. Kaya naman, ang mga taong nakikipag-agawan para sa katayuan ay tiyak na magsasabi ng ilang bagay at magsasagawa ng ilang kilos. Inaatake at ibinubukod nila iyong mga nagbabahagi ng mga patotoong batay sa karanasan at iyong mga may madalas na pakikipagbahaginan tungkol sa katotohanan na nagtutustos at tumutulong sa buhay pagpasok ng mga kapatid. Madalas silang nakakakuha ng magagamit laban sa mga positibong tao at inilalantad nila ang mga pagkukulang ng mga ito, nang may pakay na ilayo ang hinirang na mga tao ng Diyos sa mga taong madalas na nakikipagbahaginan sa katotohanan at nagbabahagi ng mga patotoong batay sa karanasan. Sa pagbubuod, ang mga nakikipag-agawan para sa katayuan ay mga negatibong tauhan na pinapasok ang iglesia at gumaganap sa papel ng mga alipin ni Satanas.

Ang isang sister, na nakagawa ng mga kamalian sa kanyang matatalik na relasyon bago manampalataya sa Diyos, ay nagsisi pagkatapos maging isang mananampalataya at hindi na muling gumawa ng mga gayong pagkakamali. Lubha siyang nagsisi sa kanyang mga nakaraang pagsalangsang at kaya, nagtapat siya at nakipagbahaginan sa mga kapatid. Ano ang layon at prinsipyo ng pagtatapat at pakikipagbahaginan? Ito ay para magbunsod ng pagkaunawa sa isa’t isa at alisin ang mga panloob na hadlang sa pagitan ng mga kapatid. Ang karamihan sa mga kapatid, pagkatapos maunawaan ang katotohanan, ay kaya nang magtapat at makipagbahaginan tungkol sa kanilang sariling mga pagbubunyag ng katiwalian at mga nakaraang pagsalangsang, habang nagpapahayag din ng pasasalamat at papuri sa pagliligtas ng Diyos. Angkop ba ang gayong pagtatapat at pagbabahaginan? (Oo.) Pagkatapos maunawaan ang katotohanan, karamihan sa mga kapatid ay nagagawang magtapat at makipagbahaginan sa ganitong paraan; maituturing ba itong problema? (Hindi.) Napakanormal lang na makagawa ng ilang pagkakamali ang mga tao pagdating sa kanilang malalapit na relasyon o sa iba pang mga aspekto bago sumampalataya sa Diyos. Kaya ng ilang tao na magsalita tungkol sa mga pagkakamaling ito, samantalang ang iba naman ay nagtatago at nagkukunwari, at kahit gaano pa magsanay na magtapat at magbunyag ng kanilang sarili ang iba, sila mismo ay walang sinasabi. Naniniwala sila na ang mga pagkakamaling ito ay ang kanilang mga itinatagong baho, na hindi nila puwedeng ipaalam sa sinuman, dahil baka mawala ang kanilang reputasyon, dangal, at posisyon. Gayumpaman, iba ang pagkakaarok ng ilang tao sa mga bagay-bagay; naniniwala sila na dahil sumampalataya sila sa Diyos at tinanggap nila ang pagliligtas ng Diyos, nararapat lang na magtapat at makipagbahaginan sila ngayon tungkol sa kanilang mga nakaraang maling gawain at sa mga maling landas na tinahak nila, at ihayag para himayin ang mga ito, at na ang mga ito ay sadyang mga bagay na pinagdaanan nila bilang mga taong ginawang tiwali ni Satanas. Ngayon, nagagawa nilang magtapat, magbunyag ng kanilang sarili, at makipagbahaginan. Ibubuod o tatapusin man ang nakaraan, ang katunayan na kaya itong gawin ng mga taong ito ay nagpapatunay kung ano ang saloobin nila sa pagsasagawa sa katotohanan: Handa silang isagawa ang katotohanan, at determinado silang isagawa ito. Kung paano mismo nagsasagawa ang isang tao ay nakasalalay sa kanyang pagkaarok at determinasyon. Gayumpaman, ang pagtatapat at pagbubunyag ng sarili ay tiyak na hindi isang pagkakamali, at lalong hindi ito kasalanan. Hindi ito dapat gamitin bilang bentaha laban sa isang tao, at lalong hindi ito dapat maging ebidensiya na gagamitin ng ibang tao para atakihin siya. Karamihan sa mga tao ay kayang tratuhin nang tama ang usaping ito, ibig sabihin, ang pagkaarok nila rito ay dalisay at alinsunod sa mga katotohanang prinsipyo. Gayumpaman, mga maling intensiyon ang kinikimkim ng masasamang indibidwal; iginigiit nilang hanapan ng mali ang iba para kutyain, paglaruan, at husgahan ang mga ito. Napakahalata ng gayong masasamang gawa. Ang mga taong kayang magbunyag ng kanilang sarili, magtapat, at makipagbahaginan tungkol sa kanilang katiwalian at mga maling landas na tinahak, ay nagtataglay ng pusong nauuhaw sa katuwiran sa kanilang pagharap sa katotohanan at sa mga salita ng Diyos. Dahil dito, habang binabasa nila ang mga salita ng Diyos, hindi namamalayang nagkakamit sila ng ilang praktikal na pagkaunawa at kabatiran. Ang mga praktikal na pagkaunawa at kabatirang ito ay tumutulong sa kanila na mahanap ang landas ng pagsasagawa sa harap ng mga suliranin at napakaraming sitwasyon na nangyayari sa buhay nila, na humahantong sa ilang tunay na pagkaunawang batay sa karanasan sa katotohanan. Ang pagbabahaginan sa mga tunay na pagkaunawang batay sa karanasan na ito ay nakakapagpatibay at nakakatulong sa iba; titingnan ng mga kapatid ang mga indibidwal na ito nang may paghanga at paggalang, sinasabing, “Talagang kamangha-mangha ang mga praktikal mong karanasan. Pagkatapos kong marinig ang mga ito, labis akong nakakaramdam ng simpatiya. Nakikita ko na tama ang paraan ng pagsasagawa mo, at pinagpapala ito ng Diyos. Handa na rin akong bitiwan ang sarili kong mga kuru-kuro at maling palagay, at bitawan ang aking mga pasanin; gusto kong isagawa ang katotohanan sa simpleng paraan at matanggap ang kaliwanagan at patnubay ng Diyos, gaya mo. Ito ang tamang landas.” Hindi ba’t normal lang ang ganitong mga pagpapamalas? Hindi ba’t napakaangkop na magkaroon ng gayong ugnayan sa pagitan ng mga kapatid? Isa itong uri ng ugnayang pantao na naiiba sa ugnayang matatagpuan sa mga hindi nananampalataya sa Diyos; ito ay ugnayang sinasang-ayunan at nais makita ng Diyos. Magiging normal lang ang buhay iglesia kapag umiiral ang gayong normal na ugnayan sa pagitan ng mga kapatid. Gayumpaman, palagi pa ring magkakaroon ng ilang masasamang tao o ilang may mapaminsalang intensiyon, na tatayo para atakihin, siraan, at ibukod iyong mga may praktikal na karanasan, iyong mga nauuhaw at nagugutom sa katotohanan, at iyong mga humahanga at nagpapahalaga sa mga taong may karanasan. Bakit nila inaatake ang mga indibidwal na ito? Ang balak nila ay walang iba kundi ang makipag-agawan para sa katayuan sa loob ng iglesia. Dahil hindi nila mahal ang katotohanan ni hinahangad ito, nagpapanggap silang mga naghahangad sa katotohanan sa pamamagitan ng pag-imbento ng mga huwad na karanasan para ilihis ang lahat at makuha ang pagpapahalaga ng mga ito. Ito ay paggamit sa mga pamamaraan ni Satanas ng paglihis at pagkontrol sa mga tao para makamit ang ninanais nilang katayuan at kapangyarihan. Ang mga gayong insidente ay madalas na nagaganap sa mga iglesia kahit saan at nakikita ng lahat. Kung napapansin ninyo na taglay ng ilang kapatid ang katotohanang realidad, na kaya nilang makipagbahaginan sa tunay na pagkaunawang batay sa karanasan sa mga salita ng Diyos sa oras ng mga pagtitipon, at nakamit ang papuri ng marami, pero sa hindi malamang dahilan ay inaatake, ginagantihan, at isinasadlak ng iba sa pagdurusa, kung gayon, dapat kayong maging alerto, at kilatisin ninyo kung anong uri ng mga tao ang may ganitong pag-uugali. Bakit madalas na binabatikos at ibinubukod iyong mga naghahangad sa katotohanan? Ano ba talaga ang nangyayari dito? Tiyak na nagpapahiwatig ito ng isang problema.

Sa buhay iglesia, kailangang mahigpit na bigyang-pansin ang mga taong madalas na naghahanap ng mali sa mga lider at manggagawa. Dagdag pa rito, may ilang tao na madalas nangungutya, nanlilibak, o nambabatikos sa mga taong naghahangad sa katotohanan at nananabik sa mga salita ng Diyos. Ang mga negatibong karakter na ito ay dapat ding mahigpit na subaybayan at bantayan para makita kung ano ang susunod nilang gagawin. Kung may isang taong kayang maglantad ng mga pagkukulang ng mga lider ng iglesia o bumatikos ng mga indibidwal na may katotohanang realidad nang walang anumang makatarungang dahilan habang nakikilahok sa buhay iglesia, tiyak na mayroong isyu at dahilan sa likod nito; talagang may dahilan ito. Dapat seryosong bigyang-pansin ng mga kapatid ang mga gayong indibidwal dahil hindi ito maliit na usapin. Minsan, pagkatapos makarinig kamakailan ng isang patotoo ng praktikal na karanasan at makaramdam ng lubos na kasiyahan sa puso, o pagkatapos magkamit kamakailan ng kaunting liwanag at pagkaunawa, maaari pa ring malito ang isang tao dahil sa ilang mapanlihis na salitang sinambit ng masasamang tao, kaya, nawawala ang lahat ng nakamit niya kamakailan. Kung kailan kasisimula pa lang bumuo ng kaunting pananalig ang isang tao, ginugulo siya ng masasamang tao at bumabalik siya sa dati niyang kalagayan; kung kailan nagsisimula pa lang siyang magkaroon ng kaunting pagkauhaw para sa katotohanan at sa salita ng Diyos, pati na rin ng kaunting determinasyon na isagawa ang katotohanan, ginugulo siya ng masasamang tao, nawawalan siya ng sigla at motibasyon, at pagkatapos ay gusto na niyang umalis agad sa lugar na ito na may alitan. Malubha ba ang mga kahihinatnang ito? Napakalubha ng mga ito. Kaya naman, sa iglesia, kung may isang taong palaging nagsisimula ng mga pagtatalo tungkol sa isang bagay na hindi umaayon sa mga kahilingan niya, nakikipagtalo kung sino ang nasa tama, nakikipagdebate kung ano ang tama sa mali, at nakikipagpaligsahan pa nga kung sino ang mas mataas o mas mababa, kung gayon, dapat nang magsilbing babala ang mga gayong indibidwal. Tingnan kung anong papel ang ginagampanan nila sa iglesia, anong mga kahihinatnan ang idinudulot nila, at sa pamamagitan nito, makikilatis mo kung ano ang kanilang kalikasang diwa.

Sa buhay iglesia, may isa pang uri ng pagpapamalas ng pakikipag-agawan para sa katayuan na may kinalaman sa paggambala at panggugulo sa buhay iglesia at sa gawain ng iglesia. Halimbawa, minsan, kapag magkakasamang nagbabahaginan ang mga kapatid tungkol sa isang problema, may kaunting liwanag ang pakikipagbahaginan ng bawat isa; habang mas nagbabahaginan sila, mas nagiging malinaw at maliwanag ang mga katotohanang prinsipyo, at madaling nauunawaan ang landas sa pagsasagawa. Gayumpaman, maaaring may isang tao na biglang magpapakilala ng isang “matalinong ideya,” ng suhestiyon niya, na sumisira sa daloy ng pagbabahaginan at naglilihis sa paksa sa ibang direksiyon, iniiwang hindi tapos ang pagbabahaginan sa pangunahing paksa. Sa panlabas, parang hindi naman siya nanggugulo, lalong hindi niya nililimitahan ang iba na makipagbahaginan sa katotohanan, pero hindi niya pinili ang akmang oras para ipakilala ang paksang ito. Sa pagsingit ng isang bagong isyu para pagbahaginan at talakayin sa isang kritikal na sandali habang pinagbabahaginan ang katotohanan para lutasin ang isang problema, napuputol ang naunang pinag-usapang isyu bago pa man ito tuluyang malutas. Hindi ba’t ito ay pag-aabandona sa gampanin habang nasa kalagitnaan pa lang? Hindi ba’t naaantala nito ang paglutas sa problema? Bukod sa hindi naayos ang problema, naantala rin ang pagkaunawa ng mga tao sa katotohanan. Posible bang gawin ito ng mga taong may katwiran? Kalabisan bang sabihin na ang mga gayong bagay ay nakakagambala at nakakagulo sa buhay iglesia? Sa tingin Ko, hindi naman. Ang guluhin ang isang pagtitipong gaya nito kapag nagbabahaginan sa katotohanan para malutas ang isang problema—hindi ba’t ito ay sadyang paggambala at panggugulo sa buhay iglesia? Kung may isang taong laging sumisingit sa mga kritikal na sandali kung kailan pinagbabahaginan ang katotohanan para malutas ang isang problema, kung palagi niyang tinatapos nang biglaan ang mga usapan, kung gayon, hindi ito problema ng kawalan ng katwiran; ito ay sadyang panggugulo sa pagtitipon habang ang katotohanan ay pinagbabahaginan para malutas ang isang problema. Ito ang masamang gawa ng paggambala at panggugulo sa buhay iglesia, ganoon kasimple—tanging ang mga anticristo at masasamang tao ang gumagawa nito, tanging ang mga taong namumuhi sa katotohanan ang gumagawa nito. Kahit ano pa ang konteksto o mga sitwasyon, palaging kailangan ng ganitong mga tao na ibahagi ang kanilang “matatalinong ideya,” palagi nilang gustong mapansin, ang maging sentro ng atensiyon. Kahit gaano kakrusyal at kahalaga ang paksang pinagbabahaginan ng mga tao, palagi nilang kailangang sumingit para ilihis ang atensiyon ng mga tao at maglitanya ng mga ideyang matatayog pakinggan, gusto nilang magmukhang katangi-tangi. Ano nga bang klaseng palabas ang gusto nilang ipakita? Hindi ba’t nakikipag-agawan sila para sa katayuan? Gusto nilang kontrolin ang sitwasyon. Ayaw nilang mas lalo pang lumalim at luminaw ang pagkaunawa ng mga tao sa katotohanan; ang pinakamahalaga sa kanila ay mapansin, mapakinggan, at sundin sila ng lahat, at gawin ng lahat ang kanilang mga utos. Malinaw na ito ay pakikipag-agawan para sa katayuan. Para sa ilang tao, anumang gawain ang ginagawa nila, kapag hiniling mo sa kanila na makipagbahaginan tungkol sa mga partikular na ideya at plano para sa pagpapatupad sa isang bagay, at tungkol sa mga partikular na hakbang para sa detalyadong pagsasagawa ng mga ito, wala silang anumang maisip. Subalit, mahilig silang maglitanya ng mga ideyang matatayog pakinggan, nagmumukhang kakaiba, at gumagawa ng isang bagay na bago at nakasisilaw. Anuman ang kasalukuyang sitwasyon, sa sandaling makaisip sila ng bagong ideya, ipiniprisinta nila ito na para bang binalot sila ng inspirasyon, padalos-dalos nila itong iminumungkahi para tanggapin at sang-ayunan ng iba, nang walang maingat na pagsasaalang-alang. Pero kapag hiniling sa kanila na magtalakay ng mga partikular na landas para sa pagsasagawa, nagiging pipi sila. Wala silang kahusayan, pero nais pa rin nilang magpakitang-gilas, palaging nilalayon na mapansin. Ayaw nilang maging pangalawang opsiyon; ayaw nilang maging isa lang sa mga ordinaryong tagasunod. Palagi nilang kinatatakutan na mamaliitin sila ng iba, at palagi nilang gustong igiit ang kanilang presensiya. Kaya naman, palagi silang naglilitanya ng mga ideyang matatayog pakinggan para mapansin sila. Bakit ba nila palaging ginagawa ito? Kapag sumasagi sa isipan nila ang isang ideya, bulag nila itong itinuturing na maganda at karapat-dapat na isagawa nang walang pagsasaalang-alang o bago pa man ito lubos na mapag-isipan. Kapag padalos-dalos nilang ipiniprisinta ang ideyang ito, hindi ito nauunawaan ng ibang tao at natural na magtatanong ang mga ito. Kapag hindi sila makasagot, iginigiit pa rin nila na tama ang kanilang opinyon at na dapat itong tanggapin ng lahat. Anong klaseng disposisyon ito? Anong mga kahihinatnan ang maidudulot ng kanilang mga walang batayang paggiit sa kanilang sariling mga pananaw? Nakakabuti o nakakagulo ba ito sa gawain ng iglesia? Nakakabuti ba ito o nakakapinsala sa hinirang na mga tao ng Diyos? Kaya nila itong sabihin nang walang anumang pagpapahalaga sa responsabilidad—ano ba ang balak nila? Ito ay para igiit lang ang kanilang presensiya. Natatakot sila na baka hindi malaman ng iba na mayroon silang gayong “matatalinong ideya,” na mayroon silang kakayahan, katalinuhan, at mga abilidad; nagsusumikap sila para sa ganitong pagkilala, para pahalagahan sila ng nakararami. Ano ang nangyayari sa huli? Padalos-dalos silang nagbibigay ng mga suhestiyon, at iniisip ng iba sa simula na mayroon talaga silang ilang abilidad, isang tunay na bagay. Pero habang lumilipas ang panahon, nagiging malinaw na sila ay mga taong mapurol ang isip, walang tunay na kaalaman o kasanayan pero palaging gusto na sila ang may huling salita. Ito ay pakikipag-agawan para sa katayuan. Kahit walang tunay na abilidad, gusto pa rin nilang sila ang nasusunod; palagi silang naglilitanya ng mga ideyang matatayog pakinggan nang hindi nagpiprisinta ng anumang kongkretong plano, walang partikular na landas ng pagsasagawa. Ano kaya ang mga magiging kahihinatnan kung talagang pagkakatiwalaan ng mga gampanin ang mga gayong tao? Tiyak na hahantong ito sa mga pagkaantala. Bakit ba palagi nilang hinahangad na makipag-agawan para sa katayuan, na humawak ng kapangyarihan, samantalang wala naman silang kayang isakatuparan na anuman? Sila ay mga taong mapurol ang isip, na kulang sa talas ng pag-iisip; sa mas magagandang termino, sila ay ganap na walang katwiran. Sa mga walang pananampalataya, napakaraming mga gayong tao, puro salita at wala namang gawa. Karamihan sa mga tao ay nakakakilatis nang kaunti sa ganitong uri ng tao. Kung may isang tao na palaging naglilitanya ng mga ideyang matatayog pakinggan at gustong magmukhang makabago, dapat din na maging maingat ang isang tao na hindi magpadala rito. Kung tunay na may matatalinong ideya ang isang tao na kaya ring magprisinta ng isang kongkretong plano, katanggap-tanggap lang ito kung ito ay maaaring gawin; kung naglilitanya lang siya ng mga ideyang matatayog pakinggan nang hindi nagpiprisinta ng mga kongkretong plano, kung gayon, dapat na mag-ingat sa kanya ang ibang tao. Ang pagbabahaginan ay dapat isagawa para tukuyin kung mayroon bang praktikal na landas para sa kanyang mga ideya o wala. Kung pakiramdam ng nakararami na posibleng maisagawa ang kanyang ideya at mayroon itong landas ng pagsasagawa, kung gayon, dapat itong subukan sa loob ng ilang panahon para makita kung ano ang mga resulta bago gumawa ng desisyon.

Anumang aspekto ng katotohanan ang pinagbabahaginan ng iglesia o anumang problema ang nilulutas nito, ipapakita ng iba’t ibang uri ng tao ang kanilang sarili. Matapos ang mahabang panahon ng pakikisalamuha, makikita kung sino ang tunay na nagmamahal at kayang tumanggap sa katotohanan, at kung sino naman ang mga nanggagambala at nanggugulo, hindi nag-aasikaso sa mga marapat nilang gampanin. Sa palagay ba ninyo, ang mga taong mahilig maglitanya ng mga ideyang matatayog pakinggan at nagpiprisinta ng mga bagong ideya ay kayang tumanggap sa katotohanan at tumahak sa tamang landas ng pananampalataya sa Diyos? Sa tingin Ko, hindi madali para sa kanila na gawin ito. Ano ang papel na ginagampanan ng mga taong ito sa buhay iglesia? Ano ang mga kahihinatnan ng madalas nilang paglilitanya ng mga ideyang matatayog pakinggan at hindi pag-aasikaso sa mga marapat na gampanin? Ginagambala at ginugulo nito ang buhay iglesia, gaya ng nakikita ng karamihan sa mga tao, at kung magpapatuloy ito, maaantala nito ang hinirang na mga tao ng Diyos sa paghahangad sa katotohanan at pagpasok sa realidad. Bagama’t ang mga taong mahilig maglitanya ng mga ideyang matatayog pakinggan ay hindi naman talaga masasamang tao, ang mga kahihinatnan ng kanilang mga kilos ay sobrang nakapipinsala sa buhay pagpasok ng hinirang na mga tao ng Diyos, at kasabay nito, ang kanilang mga kilos ay nakakaantala at nakakaapekto rin sa gawain ng iglesia. Kaya, paano dapat lutasin ang problemang ito? Paano dapat pangasiwaan nang nararapat ang mga taong mahilig maglitanya ng mga ideyang matatayog pakinggan at magprisinta ng mga bagong ideya? Ang unang pamamaraan ay ito: Kung mahilig silang maglitanya ng mga ideyang matatayog pakinggan at palagi silang may mga opinyon, hayaan muna silang magsalita, at pagkatapos, gumamit ng pagkilatis. Kahit sinuman, malaya ang lahat na magsalita at magpahayag ng mga opinyon; walang sinuman ang dapat maglimita nito. Ang sinumang tunay na may mga ideya at matatalinong kabatiran ay dapat pahintulutang magsalita at linawin ang mga ito, para hayaang makita ng lahat, at pagkatapos, makipagbahaginan at makipagtalakayan para makita kung ito ba ay tama, kung naaayon ba ito sa mga katotohanang prinsipyo, at kung mayroon bang anumang bahagi na puwedeng gamitin. Kung karapat-dapat itong matutunan at may kaunting pakinabang na makukuha rito, mabuti iyon; pero kung, pagkatapos ng pagbabahaginan at talakayan, natutukoy na walang halaga at hindi dapat gawin ang sinasabi nila, dapat itong isantabi. Sa pamamagitan ng pagsasagawa nang ganito, lahat ay lalago sa pagkilatis; sa tuwing may mangyayari, malalaman nilang lahat kung paano pagnilayan ang usaping ito, at mas mauunawaan nilang mabuti ang iba’t ibang uri ng tao. Ang gayong pagsasagawa ay kapaki-pakinabang para sa hinirang na mga tao ng Diyos at hindi magdudulot ng kaguluhan sa gawain ng iglesia; tama ang ganitong uri ng pagsasagawa. Ang ikalawang pamamaraan ay ito: Kapag walang halaga ang sinasabi, at walang mapapalang pakinabang mula rito kahit na pinagbabahaginan at tinatalakay ito, dapat direktang tanggihan ang mga gayong suhestiyon, at hindi na kailangan pa ng anumang pagbabahaginan o talakayan. Kung paulit-ulit na binabanggit ng isang tao ang mga gayong walang kuwentang isyu at “matatalinong ideya,” kaya ang hinirang na mga tao ng Diyos ay nayayamot na at ayaw nang makinig sa kanya, hindi ba’t dapat limitahan ang gayong tao? Pinakamainam na payuhan siya na magpakita ng higit na katwiran, na umiwas sa pagsasabi ng mga bagay na hindi dapat sabihin para hindi makaapekto sa iba. Kung walang katwiran ang taong ito at pinipilit niyang magpatuloy sa ganitong paraan, nagsasanhi ng kaguluhan sa buhay iglesia at lubhang iniinis ang lahat, hanggang sa nagagalit na ang mga ito, kung gayon, isa siyang masamang tao na nanggugulo sa buhay iglesia. Dapat siyang pangasiwaan ayon sa mga prinsipyo ng sambahayan ng Diyos para sa pag-aalis mula sa iglesia—paalisin siya sa iglesia; angkop ito. Sabihin ninyo sa Akin, anong uri ng mga tao ang karamihan sa mahilig maglitanya ng mga ideyang matatayog pakinggan? Sila ba ang mga tipong naghahangad sa katotohanan? Taos-puso ba silang gumugugol ng kanilang sarili para sa Diyos? Tiyak na hindi. Kung ganoon, anong balak at intensiyon ang mayroon sila sa pagsasanhi ng mga gayong panggugulo sa buhay iglesia? Nangangailangan ito ng pagkilatis. Kung mayroon nang sapat na pagkaunawa ang lahat sa mga gayong tao, alam na walang talino, kakayahan, at katwiran ang mga taong ito—na sila ay sadyang mga taong mapurol ang isip—ang pinakaangkop na paraan para pangasiwaan sila kapag nagpapahayag sila ng kanilang “matatalinong ideya” ay ang pigilan at limitahan sila, patahimikin sila. Kung magpupumilit silang magsalita, magdulot ng mga kaguluhan sa buhay iglesia, kung gayon, dapat silang paalisin sa iglesia para maiwasan ang karagdagang problema. Sinasabi ng ilan, “Hindi ba’t sinisira nito ang mga pagkakataon nila na maligtas?” Maling sabihin ito. Ililigtas ba ng Diyos ang mga gayong tao? Kaya bang tanggapin ng mga taong may mga gayong disposisyon ang katotohanan? Kaya ba nilang magkamit ng kaligtasan nang hindi tinatanggap ang katotohanan kahit kaunti? Hindi ba’t napakahangal at napakamangmang na hindi man lang malinaw na maunawaan ang mga gayong usapin? Ano’t anuman, ang mga madalas magsanhi ng mga kaguluhan sa buhay iglesia ay masasamang tao, at hindi sila inililigtas ng Diyos. Ang pagpapanatili sa loob ng iglesia ng isang taong hindi inililigtas ng Diyos, hindi ba’t sadyang pamiminsala iyon sa hinirang na mga tao ng Diyos? Tunay bang mapagmahal ang isang taong naaawa sa gayong masasamang tao? Sa tingin Ko ay hindi; huwad ang pagmamahal ng taong iyon. Ang totoo, intensiyon niyang pinsalain ang hinirang na mga tao ng Diyos. Samakatwid, dapat maging mapagbantay ang hinirang na mga tao ng Diyos laban sa sinumang nagtatanggol sa masasamang tao, hindi magpalihis sa mga maladiyablong salita nito. Ang ilang mahilig maglitanya ng mga ideyang matatayog pakinggan, bagama’t tila hindi sila masasamang tao at hindi gumagawa ng mga halatang kasamaan, ay maaaring magdulot ng mga kaguluhan sa buhay iglesia sa pamamagitan ng palaging paglilitanya ng kanilang mga ideyang matatayog pakinggan; sa pinakamababa, ang mga taong ito ay naguguluhan. Sa palagay ninyo, maaari bang maligtas ang mga taong naguguluhan? Tiyak na hindi. Kung ang mga taong naguguluhan ay palaging nanggugulo sa buhay iglesia, dapat din silang paalisin sa iglesia. Hindi tinatanggap ng mga taong naguguluhan ang katotohanan, wala na silang pag-asa na magsisi, at ang katapusan nila ay kapareho ng sa masasamang tao. Masama man o naguguluhan, kung sila ay madalas na nanggagambala at nanggugulo sa buhay iglesia, hindi nakikinig sa payo, at nagsasalita nang walang preno na parang sirang kotse na hindi makahinto, hindi ba’t ito ay tanda ng abnormal na katwiran? Ano ang magiging mga kahihinatnan kung magpapatuloy ang mga gayong naguguluhang tao na guluhin ang iglesia sa ganitong paraan sa loob ng mahabang panahon? Higit pa rito, kaya ba talaga nilang magsisi? Inililigtas ba ng Diyos ang mga gayong naguguluhang tao na may abnormal na katwiran? Kapag ganap nang naunawaan ang mga tanong na ito, magiging malinaw na kung paano dapat pangasiwaan ang ganitong mga indibidwal. Tiyak na hindi mahal ng mga taong naguguluhan ang katotohanan, at hindi nila ito maaabot. Ang mga taong naguguluhan ay hindi nakakaunawa sa wika ng tao; masasabi na walang normal na pagkatao at may pagkabaliw ang mga taong naguguluhan—sa totoo lang, sadyang wala silang silbi. Kaya bang magserbisyo nang maayos ng mga taong naguguluhan? Tiyak na masasabing hindi man lang nila kayang magserbisyo sa paraang pasok sa pamantayan dahil walang batayan ang kanilang katwiran; sila ay mga taong walang anumang nauunawaan. Kung nais magpakita ng pagmamahal ang isang tao sa mga taong naguguluhan, hayaan siyang suportahan ang mga taong naguguluhan. Ang saloobin ng sambahayan ng Diyos sa mga taong naguguluhan ay na dapat silang paalisin. Ang sinumang hindi tumatanggap sa katotohanan kahit kaunti, sinumang hindi taos-pusong gumagawa ng kanyang tungkulin, palaging pabasta-bastang gumagawa nito, ay dapat limitahan kung madalas silang magdulot ng mga kaguluhan sa buhay iglesia. Kung may ilan sa kanila na nakakaramdam ng pagkakonsensiya at handang magsisi, dapat silang bigyan ng tsansa. Ang mga tao na may diwang hindi makilatis ay dapat pansamantalang panatilihin sa iglesia, pinahihintulutan ang hinirang na mga tao ng Diyos na pangasiwaan sila, obserbahan sila, at lumago ang kakayahang kumilatis. Kung mayroon namang mga palaging nanggagambala at nanggugulo at, sa kabila ng papupungos, ay nananatiling walang pag-asa na magsisi, patuloy na nakikipag-agawan para sa kasikatan at pakinabang, na binabatikos at ibinubukod ang mga positibong karakter—partikular na binabatikos iyong mga naghahangad sa katotohanan at kayang magbahagi ng mga patotoong batay sa karanasan, at iyong mga taos-pusong gumugugol ng kanilang sarili para sa Diyos at gumagawa ng kanilang mga tungkulin—kung gayon, ang mga indibidwal na ito ay masasamang tao at mga anticristo, sila ay mga hindi mananampalataya. Para sa mga gayong tao, hindi lang ito tungkol sa pagpipigil at paglilimita sa kanila; dapat silang paalisin kaagad sa iglesia para maiwasan ang mga problema sa hinaharap. Ang ganitong paraan ng pagsasagawa ay ganap na naaayon sa mga layunin ng Diyos.

Ang mga ito ang humigit-kumulang na iba’t ibang pagpapamalas ng pakikipag-agawan para sa katayuan, mula sa maliliit na bagay hanggang sa malulubha. Ang maliliit na pagpapamalas ay pangunahing tumutukoy sa pangungutya sa mga lider at manggagawa gamit ang malulupit na salita, paghahanap ng maliliit na butas, at pambabatikos sa pagiging maagap ng mga lider at manggagawa, nang may layon na wasakin at siraan sila. Ang mga pinakamalubhang pagpapamalas ay ang direktang pagkontra sa mga lider at manggagawa sa lantarang paraan, naghahanap ng mga bagay na magagamit laban sa kanila, at nanghuhusga, kumokondena, nambabatikos at bumubukod sa kanila, at pagkatapos ay inihihiwalay sila, at pinipilit pa sila na umamin sa kamalian at magbitiw para maagaw ang kanilang katayuan. Ito ang mga pinakamalubhang isyu ng paggambala at panggugulo na nangyayari sa buhay iglesia. Ang mga taong lantarang nagpoprotesta laban sa mga lider o manggagawa at nakikipag-agawan para sa katayuan sa mga ito ay ang mga taong nanggugulo sa gawain ng iglesia at lumalaban sa Diyos, sila ay masasamang tao at mga anticristo, at hindi lang sila dapat pigilan at limitahan—kung malubha ang sitwasyon at kinakailangan na silang paalisin o patalsikin, kung gayon, dapat silang harapin ayon sa mga prinsipyo. May isa pang pagpapamalas ng pakikipag-agawan para sa katayuan: ang pagbubukod at pambabatikos sa mga taong higit na naghahangad sa katotohanan sa iglesia. Dahil may dalisay na pagkaarok ang mga taong naghahangad sa katotohanan, at mayroon silang karanasan at tunay na kaalaman sa mga salita ng Diyos, at madalas nilang pinagbabahaginan ang katotohanan para lutasin ang mga problema sa pagitan ng mga kapatid, at nang sa gayon ay napapatibay ang hinirang na mga tao ng Diyos, at unti-unting nagkakamit ng katanyagan sa iglesia, ang masasamang tao at mga anticristong ito ay naiinggit at sumusuway sa kanila, at ibinubukod at binabatikos sila ng mga ito. Ang anumang pag-uugali na binubuo ng pambabatikos o pagbubukod sa mga taong naghahangad sa katotohanan ay direktang nagdudulot ng paggambala at panggugulo sa buhay iglesia. Maaaring hindi direktang pinupuntirya ng ilang tao ang mga lider ng iglesia, pero mayroon silang partikular na pagkasuklam at paghamak sa mga tao sa iglesia na nakakaunawa sa katotohanan at mayroong mga praktikal na karanasan. Ibinubukod at inaapi rin nila ang mga gayong tao, madalas na kinukutya at nililibak ang mga ito, naglalatag pa nga sila ng mga patibong para sa mga ito at nagpapakana laban sa mga ito, at iba pa. Bagama’t ang ganitong mga problema ay hindi masyadong malubha kumpara sa pakikipag-agawan para sa katayuan sa mga lider ng iglesia pagdating sa kalikasan at mga sitwasyon ng mga ito, ang mga ito ay nagdudulot din ng mga pagkagambala at kaguluhan sa buhay iglesia, at dapat pigilan at limitahan. Kung apektado ang karamihan ng mga kapatid sa iglesia, at madalas silang nasasadlak sa pagkanegatibo at kahinaan—kung ang mga problema ay humahantong sa ganitong uri ng mga kahihinatnan, kung gayon, katumbas ang mga ito ng paggambala at panggugulo. Ang uri ng masamang tao na lumilikha ng mga pagkagambala at kaguluhan ay hindi dapat bastang limitahan lang; dapat siyang ipadala sa grupong B para ihiwalay at makapagnilay, o kung hindi ay paalisin siya. Ang mga taong gumagawa ng mga pagkilos na likas na nagsasanhi ng mga paggambala at panggugulo ay mga taong palagiang gumagawa ng kasamaan. Dapat pag-ibahin ang pagtrato sa pagitan ng masasamang tao na madalas gumagawa ng kasamaan at sa mga taong paminsan-minsan lang gumagawa ng kasamaan. Ang mga taong gumagawa ng sari-saring kasamaan ay mga anticristo; ang mga paminsan-minsang gumagawa ng kasamaan ay may mababang pagkatao. Kung may dalawang taong nagtatalo o hindi nagkakasundo dahil sa kanilang mga hindi magkatugmang personalidad, o dahil sa magkaiba ang kanilang mga pananaw kapag gumagawa ng mga bagay-bagay, o dahil may magkaiba silang paraan ng pagsasalita, pero hindi naman naaapektuhan ang buhay iglesia, kung gayon, wala itong kalikasan ng pagsasanhi ng mga pagkagambala at kaguluhan; iba ito sa masasamang taong nanggagambala at nanggugulo sa buhay iglesia. Ang lahat ng bagay na may kalikasan ng pagsasanhi ng mga pagkagambala at kaguluhan sa buhay iglesia, na pinag-uusapan natin dito, ay mga pagpapamalas ng paggawa ng kasamaan ng masasamang tao. Kapag gumagawa ng kasamaan ang masasamang tao, ito ay palagian. Ang pinakakinamumuhian ng masasamang tao ay ang mga naghahangad sa katotohanan. Kapag nakikita nila na may isang taong naghahangad sa katotohanan na kayang magbahagi ng sarili niyang patotoong batay sa karanasan, at dahil dito ay hinahangaan ito ng iba, naiinggit at napopoot sila, at nag-aalab ang mga mata nila sa sobrang galit. Ang sinumang nagninilay-nilay at nakakakilala sa sarili, ang sinumang nagbabahagi ng kanyang mga praktikal na karanasan, at sinumang nagpapatotoo sa Diyos, ay nahaharap sa pangungutya, paninira, pang-aapi, pagbubukod, panghuhusga, at maging sa pang-uusig ng masasamang taong ito. Palagian silang kumikilos nang ganito. Hindi nila pinahihintulutan ang sinuman na maging mas mahusay sa kanila, hindi nila makayanang makakita ng mga taong mas mahusay sa kanila. Kapag may nakikita silang isang tao na mas mahusay sa kanila, sila ay naiinggit, nagagalit, nagngangalit, at naiisip nilang pinsalain at pahirapan ang taong ito. Ang mga gayong tao ay nakapagdulot na ng matinding pagkagambala at kaguluhan sa buhay iglesia at sa kaayusan ng iglesia, at ang mga lider at manggagawa ay dapat makipagtulungan sa mga kapatid sa paglalantad, pagpipigil, at paglilimita sa mga gayong indibidwal. Kung hindi posibleng limitahan sila, at hindi sila nagsisisi o nagbabago ng landas pagkatapos makipagbahaginan sa kanila tungkol sa katotohanan, kung gayon, sila ay masasamang tao, at ang masasamang tao ay dapat sukatin at tratuhin ayon sa mga prinsipyo ng sambahayan ng Diyos sa pag-aalis mula sa iglesia. Kung sa pamamagitan ng pagbabahaginan, nagkaroon ng kasunduan ang mga lider at manggagawa, at natutukoy nila na katumbas ito ng isang masamang taong nanggugulo sa iglesia, kung gayon, dapat pangasiwaan ang usapin ayon sa mga katotohanang prinsipyo: Dapat paalisin ang naturang tao sa iglesia. Hindi na dapat kunsintihin pa ang gayong masasamang tao na nanggugulo sa buhay iglesia. Kung malinaw sa mga lider at manggagawa na katumbas ito ng isang masamang tao na nagsasanhi ng kaguluhan, subalit nagmamaang-maangan pa rin sila at kinukunsinti nila ang masamang taong gumagawa ng kasamaan at nagsasanhi ng kaguluhan, kung gayon, sila ay nabibigo sa kanilang mga responsabilidad sa mga kapatid, at nagiging hindi tapat sa Diyos at sa atas ng Diyos.

Ang ilang tao ay tila maayos naman kung titingnan ang kanilang hitsura, pero ang totoo, ang IQ nila ay katulad ng sa isang tao na mapurol ang isip. Nagsasalita at kumikilos sila nang walang pag-unawa sa kung ano ang nararapat, wala silang pagkamakatwiran ng normal na pagkatao. Ang mga gayong tao ay mahilig ding makipag-agawan para sa katayuan at reputasyon, nakikipaglaban para sila ang may huling salita, at nakikipagkompetensiya para makuha ang pagpapahalaga ng iba. Sa buhay iglesia, madalas silang nagmumungkahi ng tila mga balido pero ang totoo ay mga nakalilinlang na pananaw at argumento para makakuha ng atensiyon at pagpapahalaga mula sa karamihan ng tao, ginugulo ang isipan ng mga tao, ginugulo ang kanilang tamang pagkaarok at kaalaman sa mga salita ng Diyos, at ginugulo ang kanilang positibong pag-unawa sa lahat ng bagay. Kapag nagbabahagi ang iba tungkol sa mga salita ng Diyos at sa kanilang mga dalisay na pag-unawa, madalas sumusulpot ang mga taong ito na parang mga payaso para igiit ang kanilang presensiya, at agawin ang atensiyon ng lahat, palaging gustong ipakita sa mga kapatid na mayroon silang alam na diskarte, at na matalino sila, at mataas ang kaalaman at edukado, at iba pa. Bagama’t wala pa silang malilinaw na layon pagdating sa kung sinong lider ang pupuntiryahin, o aling posisyon ng lider ang aagawin, napakalaki ng kanilang mga pagnanais at ambisyon na nakapagdulot na ng mga kaguluhan sa buhay iglesia ang kanilang mga salita at kilos, kaya dapat din silang limitahan ayon sa bigat ng sitwasyon at sa kalikasan nito. Pinakamainam na makipagbahaginan muna sa kanila tungkol sa katotohanan para magabayan sila nang tama, at mabigyan ng direksiyon sa kanilang asal, binibigyang-daan sila na magbago, at maunawaan kung paano mamuhay ng buhay iglesia nang normal, kung paano makisalamuha sa iba, paano manatili sa kanilang nararapat na posisyon, at paano maging makatwiran. Kung ito ay dahil sa kanilang murang edad, kawalan ng kabatiran, at pagiging mayabang dahil bata pa, at kung nagsisi na sila pagkatapos ng paulit-ulit na pagbabahaginan, napagtatanto na ang mga dati nilang ikinilos ay mali, kahiya-hiya, at kinasusuklaman ng lahat, at nagdulot ng gulo sa lahat, at naipahayag nila ang kanilang paghingi ng tawad at pagsisisi para dito, hindi na ito kailangang ipamukha pa sa kanila—maaaring tulungan na lang sila nang may pagmamahal. Gayumpaman, kung ang kanilang mga maling kilos na nanggulo sa lahat ay hindi dahil sa pagiging mayabang dahil bata pa o sa kawalan ng pagkaunawa sa katotohanan, kundi sa halip ay bunsod ng mga lihim na motibo, at nagpapatuloy sila sa kanilang pag-uugali sa kabila ng paulit-ulit na pagsuway; at kung, higit pa rito, napungusan sila, at nakipagbahaginan sa kanila ang mga kapatid tungkol sa kalubhaan ng isyung ito—inalok na sila ng pagbabahaginan at tulong mula sa kapwa mga negatibo at positibong aspekto—subalit hindi pa rin nila makilala ang sarili nilang kalikasang diwa, hindi makita ang kaguluhang idinudulot ng mga kilos na ito sa iba at ang malulubhang kahihinatnan ng mga ito, at patuloy silang gumagawa ng mga panggugulo at paggambala sa pamamagitan ng pagsasagawa ng mga parehong pagkilos sa tuwing may pagkakataon sila, kung gayon, sa kasong ito, kinakailangan ang mas mahihigpit na hakbang. Kung binigyan sila ng sapat na mga pagkakataon para magsisi, pero hindi nila pinagninilayan o sinusubukang kilalanin ang kanilang sarili kahit kaunti, at gaano man nakipagbahaginan sa kanila tungkol sa katotohanan, hindi pa rin sila nakakaunawa, at hindi rin nila alam kung paano kumilos nang makatwiran at nang naaayon sa mga prinsipyo, kundi sa halip, mapagmatigas silang kumakapit sa kanilang sariling paraan ng paggawa sa mga bagay-bagay, kung gayon, may problema nga sa mga taong ito. Sa pinakamababa, mula sa makatwirang pananaw, wala sila ng katwiran ng isang normal na tao. Ito ay kung titingnan ito sa panlabas. Kung titingnan ito sa usapin ng diwa, paano man makipagbahaginan sa kanila, hindi pa rin nila makikilala ang kalubhaan ng isyu, ni mahanap ang kanilang nararapat na posisyon, ni matanggap ang pagbabahaginan at tulong, o subukang magsagawa ayon sa landas na pinagbabahaginan ng mga kapatid—kung hindi nila makamit maging ang mga bagay na ito, kung gayon, hindi lang kawalan ng katwiran ang problema nila, kundi isang problema rin sa kanilang pagkatao. Bagama’t mukhang hindi nila sinasadyang magsanhi ng mga pagkagambala at kaguluhan, ang mga gawang ito ay tiyak na hindi masasabing walang intensiyon, bagkus, ang mga ito ay ginawa nang may balak at mga motibo. Kung isasantabi kung ano ang maaaring mga motibo o layunin ng mga indibidwal na ito, kung ang sinasabi at ginagawa nila ay lubhang nakakagambala at nakakagulo sa buhay pagpasok ng mga kapatid, at sa buhay iglesia, na nagiging dahilan para walang anumang makamit ang maraming tao mula sa pamumuhay ng buhay iglesia, hanggang sa puntong ayaw nang makipagtipon ng iba dahil lang sa naroroon sila, o sa tuwing nagsasalita sila, nawawalan ng gana ang mga tao at gustong umalis, kung gayon, nagiging malubha ang kalikasan ng problemang ito. Paano dapat pangasiwaan ang mga gayong tao? Kung patuloy pa rin nilang ginagawa ang mga bagay na ito kahit na maraming beses na silang binigyan ng pakikipagbahaginan at tulong, at binigyan ng mga pagkakataon na makapagsisi, kung gayon, ang kanilang kalikasang diwa ang may problema. Hindi sila mga taong taos-pusong nananampalataya sa Diyos at kayang tumanggap sa katotohanan, sa halip, mayroon silang ibang adyenda. Kung titingnan ang kanilang kalikasang diwa, ang mga paggambala at panggugulo na idinudulot nila sa buhay iglesia ay talagang hindi sinasadya, bagkus, mayroong layon at mga motibo ang mga taong ito. Kung bibigyan ng karagdagang mga oportunidad ang mga gayong tao, patas ba iyon para sa hinirang na mga tao ng Diyos na normal na namumuhay ng buhay iglesia? (Hindi.) Ganito na kalawak na naibunyag ang problema sa mga gayong indibidwal; kung bibigyan pa rin sila ng mga pagkakataon na magsisi, na ang resulta ay mauuwi lang sa paggawa nila ng mas higit pang kasamaan, na nagtutulak sa mas maraming tao sa pagkanegatibo, kahinaan, at kawalan ng magagawa, kung gayon, sino ang magbabayad sa kawalang ito? Samakatwid, kung ang mga indibidwal na ito ay binigyan na ng pakikipagbahaginan at mapagmahal na tulong, o kung may hakbang na ginawa para pigilan at limitahan sila, pero hindi pa rin nila binabago ang kanilang mga dating gawi, at nagpapatuloy sila sa kanilang dating pag-uugali, kung gayon, dapat silang pangasiwaan ayon sa mga prinsipyo: Sa magagaang kaso, dapat silang ibukod; sa mabibigat na kaso, dapat silang paalisin sa iglesia. Ano ang tingin ninyo sa prinsipyong ito? Ito ba ay tungkol sa walang awang pambabatikos sa isang tao nang hindi siya binibigyan ng pagkakataon na magsisi? O ito ba ay di-makatarungang paggawa ng desisyon nang hindi gumagamit ng anumang pagkilatis at malinaw na pagkaunawa kung ano talaga ang kalikasang diwa nila? (Hindi.) Kung, sa kabila ng pakikipagbahaginan at tulong sa kanila, at pagbibigay ng mga pagkakataon na makapagsisi, hindi pa rin nagbago kahit kaunti ang mga gawi at disposisyon ng mga taong ito, at hindi rin sila nagsisisi, nananatili pa rin na tulad ng dati—kung saan ang tanging kaibahan lang ay na ang ginagawa nila dati nang hayagan at kitang-kita ay ginagawa na nila ngayon nang palihim at patago, pero nananatiling pareho ang panggugulo at paggambala—kung gayon, hindi na sila maaaring panatilihin ng iglesia. Ang mga gayong tao ay hindi mga kasapi ng sambahayan ng Diyos; hindi sila mga tupa ng Diyos. Ang presensiya nila sa sambahayan ng Diyos ay para lang magdulot ng mga panggugulo at paggambala, at sila ay mga alipin ni Satanas, hindi mga kapatid. Kung palagi mo silang tatratuhin bilang mga kapatid, patuloy na susuportahan at tutulungan sila, at nakikipagbahaginan sa katotohanan kasama nila, at mauuwi ito sa pag-aaksaya ng napakaraming pagsisikap nang hindi nagkakaroon ng anumang bunga, hindi ba’t kahangalan iyon? Higit pa ito sa kahangalan; ito ay kabobohan, ganap na kabobohan!

Kung titingnan ang kalikasan ng mga problema, ang iba’t ibang pagpapamalas at ang mga uri ng mga tao, pangyayari, at bagay na sangkot sa pakikipag-agawan para sa katayuan ay karaniwang maaaring ikategorya sa tatlong klaseng ito. Ang pakikipag-agawan para sa katayuan ay isang karaniwang isyu sa buhay iglesia, na lumilitaw sa iba’t ibang grupo ng mga tao at sa iba’t ibang aspekto ng buhay iglesia. Tungkol naman sa mga taong nakikipag-agawan para sa katayuan, sa magagaang kaso, dapat silang bigyan ng sapat na pagbabahaginan sa katotohanan para suportahan at tulungan sila, nang sa gayon ay maunawaan nila ang katotohanan, at mabigyan sila ng pagkakataong magsisi. Kung mabigat naman ang kaso, dapat silang mahigpit na subaybayan, at sa sandaling matuklasan na nagsasalita at kumikilos sila nang may pakay na magkamit ng isang partikular na motibo o layon, dapat silang pigilan at limitahan kaagad. Kung lalong mas mabigat ang kaso, dapat silang pakitunguhan at pangasiwaan ayon sa mga prinsipyo ng iglesia para sa pagpapaalis at pagpapatalsik sa mga tao. Ito ang responsabilidad na dapat tuparin ng mga lider at manggagawa kapag lumitaw sa buhay iglesia ang mga tao, pangyayari, at bagay na ito na sangkot sa pakikipag-agawan para sa katayuan. Siyempre, nangangailangan din ito ng pagkilos ng lahat ng kapatid at ng pakikipagtulungan nila sa mga lider at manggagawa sa gawaing ito, magkakasamang nililimitahan ang iba’t ibang pag-uugali at kilos ng masasamang tao na nagdudulot ng pagkagambala at kaguluhan, tinitiyak na wala nang paggambala at panggugulo ng masasamang tao sa buhay iglesia, pinagsusumikapan na masiguro na ang bawat okasyon ng buhay iglesia ay binibigyang-liwanag ng Banal na Espiritu, puno ng kapayapaan at kagalakan at ng presensiya ng Diyos, at may pagpapala at patnubay ng Diyos, at masiguro na ang bawat pagtitipon ay isang oras ng pagtatamasa at pakinabang. Ito ang pinakamagandang uri ng buhay iglesia, ang ninanais na makita ng Diyos. Ang pagsasagawa sa gawaing ito ay medyo komplikado para sa mga lider at manggagawa, dahil kasangkot dito ang mga ugnayang pantao, at may kinalaman din dito ang reputasyon at mga interes ng mga tao, at pati na rin ang antas ng pagkaunawa ng mga tao sa katotohanan, na medyo ginagawang mahirap ang gawaing ito. Gayumpaman, kapag lumitaw na ang mga problema, huwag mong iwasan ang mga ito, at huwag maliitin bilang mga simpleng isyu ang malalaking isyu at huwag hayaan sa huli na hindi malutas ang mga ito; hindi rin dapat harapin ang mga ito gamit ang mga pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo, sa pamamagitan ng pagbubulag-bulagan sa mga ito. Higit pa rito, huwag maging isang mapagpalugod ng tao, sa halip, tratuhin ang iba’t ibang uri ng mga taong nakikipag-agawan para sa katayuan nang naaayon sa mga katotohanang prinsipyo. Malinaw ba ang pagbabahaginang ito? (Oo.) Kung gayon, dito nagtatapos ang ating pagbabahaginan tungkol sa ikalimang isyu.

VI. Pakikibahagi sa mga Di-wastong Ugnayan

Ang ikaanim na isyu na nakagagambala at nakagugulo sa gawain ng Diyos at sa normal na kaayusan ng iglesia ay ang pakikibahagi sa mga di-wastong ugnayan. Hangga’t nakikipag-ugnayan at nakikipagtipon ang mga tao nang magkakasama, magkakaroon ng buhay pampamayanan, at lilitaw mula rito ang iba’t ibang ugnayan. Kaya, alin sa mga ugnayang ito ang wasto at di-wasto? Pag-usapan muna natin kung ano ang bumubuo sa mga wastong ugnayan, at pagkatapos ay pagbahaginan natin ang mga di-wastong ugnayan. Kapag nagkikita-kita at nagbabatian ang mga kapatid, maaaring nagsasabi sila ng mga bagay gaya ng, “Kumusta ka na? Maayos ba ang kalusugan mo? Papasok na ba ang anak mo sa high school sa susunod na taon? Kumusta naman ang negosyo ng asawa mo?” Maituturing ba na wastong ugnayan ang pagbabatiang ito? (Oo.) Bakit ninyo nasasabi iyon? Dahil kapag ang dalawang taong matagal nang hindi nagkikita ay nagkakasama, ang pagbabatian nang kaunti ay ang pinakapangunahing etiketa, at ang pinakapundamental na paraan ng pagpapakita ng malasakit at pagbati. Ang mga ito ay pawang mga salita, kilos, at kaugnay na paksa na binabanggit ng mga tao sa loob ng saklaw ng normal na pagkatao. Batay sa kanilang pag-uusap hanggang ngayon, malinaw na wasto naman ang ugnayan nila. Ang kanilang diyalogo ay nakabatay pareho sa etiketa at normal na pagkatao, at mula sa dalawang puntong ito, matutukoy na ang ugnayan sa pagitan ng dalawang taong nag-uusap ay wasto, kumakatawan sa isang normal na ugnayang pantao. Kung ang dalawang tao ay lubos nang pamilyar sa isa’t isa, pero kapag nagkikita sila, pareho silang nakasimangot at hindi nakikipag-usap sa isa’t isa, at kapag nagkakatinginan sila, nagliliyab sa pagkamapanlaban ang mga mata nila, normal ba ang ganitong ugnayan? (Hindi.) Bakit hindi ito normal? Paano ba ito dapat matukoy mismo? Kapag nagkikita ang dalawang tao pero hindi sila nagbabatian o nagsasabihan man lang ng “hi,” at lalo na, hindi nakikibahagi sa normal na pag-uusap at diyalogo, halata na ang mga pagpapamalas nila ay hindi sumasalamin sa kung ano ang inaasahan ng normal na pagkatao. Ang ugnayan nila ay hindi isang normal na ugnayang pantao; medyo baluktot ito, pero hindi pa rin ito maituturing na di-wastong ugnayan, medyo malayo pa rin ito sa ganoong antas. Sa pangkalahatan, kung ang ugnayan sa pagitan ng mga tao ay naitatag batay sa normal na pagkatao, kung saan ang mga indibidwal ay maaaring makipag-ugnayan at makihalubilo nang normal ayon sa mga prinsipyo, at tumutulong, sumusuporta, nagtutustos para sa isa’t isa, ang lahat ng ito ay nagpapahiwatig ng wastong ugnayan sa pagitan ng mga tao. Ang ibig sabihin nito ay pangangasiwa sa mga usapin sa propesyonal na paraan, hindi nakikipagtransaksiyon, walang mga nagkakapatong-patong na interes, at lalong walang halong pagkamuhi, at kung saan ang mga kilos ay hindi inuudyukan ng mga pagnanais ng laman. Ang lahat ng ito ay nasa saklaw ng mga wastong ugnayan. Hindi ba’t napakalawak ng saklaw na ito? Ang mga normal na ugnayang pantao ay kinapapalooban ng diyalogo at komunikasyon sa loob ng saklaw ng normal na pagkatao, nakikisalamuha at nakikihalubilo sa iba, at nagtutulungan batay sa konsensiya at katwiran ng normal na pagkatao. Sa mas mataas na antas, kasama rito ang pakikisalamuha at pakikihalubilo ayon sa mga katotohanang prinsipyo. Ito ay isang pangkalahatang depinisyon ng mga wastong ugnayang pantao sa pagitan ng mga tao. Ang pagbati sa isa’t isa kapag nagkikita ay ang pinakanormal na uri ng pakikisalamuha. Ang kakayahang bumati at makipag-usap nang normal nang hindi nagmamayabang, hindi nagpapanggap na may pagkagiliw kapag wala naman, hindi umaakto bilang nakatataas, nagsasalita nang hindi inaapi o itinataas ang sarili, nagsasalita at nakikipag-usap nang normal—ganito dapat magsalita at makipag-usap ang mga nagtataglay ng normal na pagkatao, at ito ang pangunahing paraan ng pakikisalamuha sa loob ng mga normal na ugnayang pantao. Kahit papaano, ang hinirang na mga tao ng Diyos ay dapat magtaglay ng konsensiya at katwiran, at makisalamuha, makihalubilo, at makipagtulungan sa iba ayon sa mga prinsipyo at pamantayang hinihingi ng Diyos sa mga tao. Ito ang pinakamainam na pamamaraan. Nakapagpapalugod ito sa Diyos. Kaya, ano ang mga katotohanang prinsipyo na hinihingi ng Diyos? Na maging maunawain ang mga tao sa iba kapag ang iba ay mahina at negatibo, maging mapagsaalang-alang sa pasakit at mga paghihirap, at pagkatapos ay mag-usisa sa mga bagay na ito, mag-alok ng tulong at suporta, at basahan sila ng mga salita ng Diyos para tulungan silang malutas ang kanilang mga problema, binibigyang-daan silang makaunawa sa mga layunin ng Diyos at huminto sa pagiging mahina, at dinadala sila sa harap ng Diyos. Hindi ba’t naaayon sa mga prinsipyo ang ganitong paraan ng pagsasagawa? Ang pagsasagawa sa ganitong paraan ay naaayon sa mga katotohanang prinsipyo. Natural na ang ganitong mga uri ng ugnayan ay mas lalo pang naaayon sa mga katotohanang prinsipyo. Kapag ang mga tao ay sadyang nagsasanhi ng mga panggugulo at paggambala, o sadyang ginagawa nang pabasta-basta ang kanilang tungkulin, kung nakikita mo ito at nagagawa mong ipaalam ang mga bagay na ito sa kanila, sawayin sila, at tulungan sila ayon sa mga prinsipyo, naaayon ito sa mga katotohanang prinsipyo. Kung magbubulag-bulagan ka, o kukunsintihin mo ang pag-uugali nila at pagtatakpan sila, at kung aabot ka pa nga sa pagsasabi ng magagandang bagay para purihin at hangaan sila, ang ganitong mga paraan ng pakikisalamuha sa mga tao, pagharap sa mga isyu, at pangangasiwa sa mga problema ay malinaw na salungat sa mga katotohanang prinsipyo, at walang batayan sa mga salita ng Diyos. Kaya, ang mga paraang ito ng pakikisalamuha sa mga tao at pagharap sa mga isyu ay malinaw na di-wasto, at talagang hindi ito madaling matuklasan kung hindi hihimayin at kikilatisin ang mga ito ayon sa mga salita ng Diyos. Ang mga taong hindi nakakaunawa sa katotohanan ay malamang na hindi rin makakakilala sa mga isyung ito, at kahit na kilalanin nila na ang mga ito ay problema, hindi madali para sa kanila na lutasin ang mga ito. Madalas nating sinasabi na ang tiwaling sangkatauhan ay pawang namumuhay ayon sa disposisyon ni Satanas, at ang mga pagpapamalas na ito ay patunay niyon. Ngayon, malinaw mo ba itong nakikita?

Ang pangunahing pokus ng ating pagbabahaginan ngayon ay ang ilantad ang mga pagpapamalas ng apat na klase ng mga di-wastong ugnayan na nagdudulot ng mga paggambala at panggugulo sa buhay iglesia. Sino-sino ang mga nakikibahagi sa mga di-wastong ugnayan sa loob ng iglesia? Ano nga ba ang bumubuo sa isang di-wastong ugnayan? Aling mga isyu ang kinasasangkutan kapag nakikibahagi sa mga di-wastong ugnayan? Dahil ang pangunahing paksa ng pagbabahaginan natin ay may kinalaman sa iba’t ibang tao, pangyayari, at bagay na gumagambala at gumugulo sa gawain ng Diyos at sa normal na kaayusan ng iglesia, ang talakayang ito tungkol sa mga di-wastong ugnayan ay nakatuon lang sa mga nagdudulot ng mga pagkagambala at kaguluhan sa buhay iglesia. Hindi natin basta-bastang pinagsasama-sama ang lahat ng uri ng di-wastong ugnayan, at ang mga usapin sa labas ng buhay iglesia ay hindi na natin problema. Dapat mong maarok ang usaping ito nang dalisay, nang walang paglihis. Kaya, pagdating sa nakikibahagi sa mga di-wastong ugnayan, aling mga isyu at aling mga ugnayan sa pagitan ng mga tao ang hindi wasto? Aling mga di-wastong ugnayan ang nagdudulot ng mga pagkagambala at kaguluhan sa buhay iglesia at sa karamihan sa mga tao? Karapat-dapat bang pagbahaginan ang mga isyung ito? (Oo.) Ang mga bagay na ito ay mga usaping dapat malinaw na talakayin sa ating pagbabahaginan.

A. Mga Di-wastong Ugnayan sa Pagitan ng mga Kasarian

Sa buhay iglesia, alin ang pinakakaraniwan, madaling maunawaan, at agad na nailalarawan na uri ng di-wastong ugnayan? (Mga ugnayan sa pagitan ng mga kasarian.) Ito ang unang aspekto na pumapasok sa isipan ng mga tao kapag naiisip nila ang mga di-wastong ugnayan. May ilang tao na, kapag nasa isang grupo, palaging nakikipaglandian sa kabilang kasarian; gumagawa sila ng mga kilos at ekspresyon na mapang-akit, nagsasalita sa partikular na paraang may ipinapahayag, at mahilig magpakitang-gilas. Sa hindi desenteng termino, ito ay pagwawagayway ng seksuwalidad ng isang tao. Gusto nilang magmukhang matalino, mabiro, romantiko, maginoo, bayani, kaakit-akit, at edukado, kasama pa ang iba pang mga katangian, sa harap ng kabilang kasarian; talagang nasisiyahan sila sa pagpapakitang-gilas. Bakit sila nagpapakitang-gilas? Hindi ito para makipag-agawan para sa katayuan, kundi para akitin ang kabilang kasarian. Kapag mas maraming miyembro ng kabilang kasarian ang nagbibigay-pansin sa kanila, sinusulyapan sila nang may paghanga, paggalang, at pagkagiliw, mas lalo silang nasasabik at sumisigla. Habang gumugugol sila ng mas maraming oras sa pakikilahok sa buhay iglesia at nakikipag-ugnayan sa mas maraming tao, pinupuntirya nila ang ilang indibidwal, nakikipaglandian at nakikipagtinginan sa ilang nasa kabilang kasarian, madalas na nagsasalita nang mapanukso, nang may bahid pa nga ng pang-aabusong seksuwal. Wasto ba ang ganitong ugnayan sa pagitan ng mga tao? (Hindi.) Ito ay bumubuo ng pakikibahagi sa mga di-wastong ugnayan. Ginagamit pa nga ng mga gayong indibidwal ang mga oras ng pagtitipon para magpakitang-gilas, nagsasalita para magmukhang talagang matalino at kaakit-akit sa harap ng taong gusto nila o interesado sila, kumikilos at sumusulyap nang mapang-akit, nakapinta ang ekspresyon ng pagwawagi at pagkasabik, at lumulukso-lukso pa nga sa paligid, lahat ng ito ay para sa anong pakay? Ito ay para akitin ang kabilang kasarian sa isang di-wastong ugnayan. Sa kabila ng pagkasuklam na nararamdaman ng maraming kapatid tungkol dito, at sa kabila ng maraming babala mula sa mga nasa paligid nila, hindi pa rin sila tumitigil at nagpapatuloy pa rin sila sa kanilang walang pakundangang pang-aakit. Kung ang mga gayong di-wastong ugnayan ay kinasasangkutan lang ng dalawang taong naglalandian sa labas ng buhay iglesia at hindi naman nakakaapekto sa buhay iglesia o sa gawain ng iglesia, maaaring isantabi muna ang usapin. Gayumpaman, kung ang mga taong nakikibahagi sa mga di-wastong ugnayan ay palagiang umaasal nang gayon sa loob ng buhay iglesia at nagdudulot ng mga kaguluhan sa iba, dapat silang bigyan ng babala at limitahan. Kung mananatili silang hindi na magbabago sa kabila ng paulit-ulit na paalala at lubha na nilang nagulo ang buhay iglesia, dapat na silang paalisin sa iglesia sa pamamagitan ng pagboto ng hinirang na mga tao ng Diyos. Angkop ba ang pamamaraang ito? (Oo.) Kung ito ay mga kabataan lang na normal na nagliligawan, dapat din silang maging maingat sa mga pagtitipon para hindi makaapekto sa iba. Ang iglesia ay isang lugar para sambahin ang Diyos, magdasal-magbasa ng mga salita ng Diyos, at mamuhay ng buhay iglesia; ang mga personal na pagkagiliw ay hindi dapat dalhin sa buhay iglesia para makagulo sa iba. Kung nagdudulot ito ng mga kaguluhan sa iba, nakakaapekto sa kanilang lagay ng loob habang nasa mga pagtitipon, at nakakaapekto sa pagbabasa ng iba sa mga salita ng Diyos at sa pag-unawa at kaalaman nila sa mga salita ng Diyos, nakakaabala at nakakagulo sa mas maraming tao, ang gayong ugnayan ay mailalarawan bilang isang di-wastong ugnayan. Maging ang lehitimong pagliligawan, kung nakakagulo ito sa iba, ay mailalarawan bilang isang di-wastong ugnayan, lalo na ang pang-aakit sa kabilang kasarian nang walang relasyon. Kaya naman, kung may isang taong nakikibahagi sa mga di-wastong ugnayan sa loob ng buhay iglesia, hindi siya dapat palihim na pahintulutan o kunsintihin, kundi dapat siyang bigyan ng mga babala, mga limitasyon, at maaaring paalisin pa nga ayon sa mga prinsipyo. Ito ang gawaing dapat isagawa ng mga lider at manggagawa. Kung matutuklasan na ang isang tao ay nakikibahagi sa mga di-wastong ugnayan at nakakapagdulot ng mga kaguluhan sa karamihan ng tao sa iglesia, kung saan ang kanyang presensiya ay nagtutulak sa iba na maabala at masilo ng mahahalay na pag-iisip, na nauuwi pa nga sa pagkakawatak-watak ng mga pamilya at nagiging dahilan para mawalan ng interes ang ilang bagong mananampalataya sa mga pagtitipon, pagbabasa ng mga salita ng Diyos, o maging sa pananalig mismo, sa halip ay mas napapamahal sa taong minumutya nila, nagnanais na makipagtanan dito at mamuhay nang magkasama, at talikuran ang kanilang pananalig—kung umabot na sa ganitong antas ang kabigatan ng sitwasyon, pero hindi ito sineseryoso ng mga lider at manggagawa, iniisip na simpleng pagnanasa lang ito ng tao, na hindi ito malaking bagay, at isa itong bagay na ginagawa ng lahat ng ordinaryong tao, hindi nakikita ang kalubhaan ng problema o lalong hindi napagtatanto kung gaano maaaring lumala ang problema, bagkus ay binabalewala lang ito, nagiging lubos na manhid at mapurol sa kanilang tugon sa mga gayong usapin, na sa huli ay nagdudulot ng masasamang epekto sa karamihan ng nasa iglesia—ang kalikasan ng mga insidenteng ito ay bumubuo ng mga lubhang paggambala at panggugulo. Bakit Ko sinasabi na bumubuo ito ng malulubhang paggambala at panggugulo? Dahil ang mga insidenteng ito ay gumugulo at sumisira sa normal na kaayusan ng buhay iglesia. Samakatwid, sa sandaling lumitaw ang mga gayong indibidwal sa iglesia, dapat silang limitahan, gaano man sila kakaunti o karami, sinisiguro na natutugunan ang bawat kaso, at kung malala ang sitwasyon, dapat silang ibukod. Kung hindi nagbubunga ng mga resulta ang pagbubukod, at patuloy nilang inaakit ang kabilang kasarian, ginugulo ang buhay iglesia, at sinisira ang normal na kaayusan ng iglesia, kung gayon ay dapat silang paalisin sa iglesia ayon sa mga prinsipyo. Angkop ba ang pamamaraang ito? (Oo.) Ang epekto ng mga gayong usapin sa buhay iglesia at sa gawain ng iglesia ay lubhang nakapipinsala; ang mga ito ay katulad ng isang salot, at dapat na puksain.

Ang bawat taong mahilig mang-akit ng kabilang kasarian ay ginagawa ito saanman sila magpunta, walang sawang nagpapakita ng mga gayong pag-uugali. Madalas na bata ang edad at maganda ang mga taong pinupuntirya nila ng pang-aakit at panliligalig, pero minsan, sinasangkot din nila ang mga taong nasa gitnang edad—ang sinumang kahali-halina sa kanilang paningin, aktibo silang naghahanap ng mga pagkakataon para makapang-akit. Kung nilalayon nilang akitin ang iba, may ilang tao na hindi kayang labanan ang panghahalina at mahuhulog dito, na madaling humahantong sa mga di-wastong ugnayan. Dahil napakababa ng tayog ng mga tao at wala silang tunay na pananalig sa Diyos, pati na ng pagkaunawa sa katotohanan, paano nga ba nila malalampasan ang mga tuksong ito at malalabanan ang mga gayong panghahalina? Napakababa ng tayog ng mga tao; lubha silang mahina at walang magawa kapag nahaharap sa mga tukso at panghahalinang ito. Mahirap para sa kanila na manatiling hindi apektado. May isang lalaking lider noon na nagtatangkang akitin ang sinumang magandang babaeng makita niya; kung minsan, hindi sapat ang mang-akit ng isa lang—maaaring akitin niya ang tatlo o apat na babae, binibihag ang lahat ng ito hanggang sa mawalan sila ng ganang kumain at hindi makatulog, at mawalan pa nga ng pagnanais na gawin ang kanilang mga tungkulin. Gayon ang “gayuma” ng lalaking ito. Kung nakisalamuha lang siya nang normal sa mga tao, nang hindi sinasadyang subukan na akitin sila, hindi sana magiging ganoon kalawak ang impluwensiya niya. Noong sadya siyang magpakitang-gilas at mang-akit ng iba, saka lang lalong dumami ang mga taong nahulog dito, na nagpataas sa bilang ng mga naakit niyang magkaroon ng mga di-wastong ugnayan sa kanya. Nawalan ng lakas ang mga tao na lumaban at nahulog sila sa mga tuksong ito. Iyan ang “gayuma” ng pagnanasa; ang ginawa niya ay lumikha ng mga tukso, panghahalina, at kaguluhan sa magkabilang panig. Isang lalaki na nang-aakit ng ilang babae nang sabay-sabay—nabagabag ba ang puso niya o ano? Sinong babae ang unang aasikasuhin, sino ang unang palulugurin—hindi ba’t sobrang mapapagod ang isipan niya? (Oo.) Kung masyado itong nakakapagod, bakit pa nga ba siya patuloy na umaasal nang ganito? Ito ay kabuktutan; ganitong uri siya ng nilalang, ito ang kalikasan niya. Sa sandaling maakit ang mga biktima at mahulog sa tukso, madali ba para sa kanila na makatakas sa tukso? Sa sandaling mahulog na sa tukso, magiging mahirap nang tumakas. Kumakain, natutulog, naglalakad, gumagampan ng mga tungkulin—anuman ang ginagawa nila, wala silang ibang iniisip kundi ang taong ito, nilalamon ng taong ito ang puso nila. Ang mga gayong kaguluhan ay lubhang malala! Kasunod nito ang palagiang pag-iisip kung paano palugurin ang taong ito, kung paano ibuhos ang sarili sa taong ito, kung paano makuha ang loob nito, kung paano sarilinin ang taong ito, kung paano makipagkompetensiya at makipaglaban sa ibang mga karibal. Hindi ba’t ang mga ito ang mga kahihinatnan ng pagkabagabag? Madali bang makaalis sa gayong kalagayan? (Hindi ito madali.) Ang mga kahihinatnan ay nagiging malala. Sa panahong ito, mapapayapa pa rin ba ang puso ng isang tao sa harap ng Diyos? Kapag binabasa niya ang mga salita ng Diyos, mauunawaan pa rin ba niya ang mga ito? Magkakaroon pa rin ba siya ng liwanag? Sa oras ng mga pagtitipon, gaganahan pa rin ba siyang pagnilayan at pagbahaginan ang mga salita ng Diyos, at makinig sa pagbabahagi ng iba sa mga salita ng Diyos? Hindi na; mapupuno ng pagnanasa ang puso niya, nakapaloob doon ang kanyang minumutya, walang puwang para sa anumang seryosong usapin—maging ang Diyos ay mawawala sa puso niya. Ang susunod ay pagninilay-nilay kung paano mararanasan ang pag-ibig, kung paano maging romantiko, at iba pa, at tuluyan nang mawawala ang pagnanais na manampalataya sa Diyos. Mabuti ba ang mga kahihinatnang ito? Ito ba ang nais makita ng mga tao? (Hindi.) Ang mga kahihinatnan ba ng pagkaakit at pagkahulog sa tukso ay isang bagay na kayang pigilan ng mga tao? Kaya bang kontrolin ng mga tao ang mga kahihinatnang ito? Maaari bang sila ang magdesisyon? Kaya ba nilang umabot sa antas na magagawa nilang huminto kapag gusto nila sa puso nila? Hindi ito makakamit ng sinuman. Ito ang mga kahihinatnan sa mga tao ng mga kaguluhang idinulot ng mga gayong di-wastong ugnayan. Kapag wala ang Diyos sa puso ng isang tao, at ayaw na niyang basahin ang mga salita ng Diyos, ano ang mga kahihinatnan? May pag-asa pa ba na maligtas? Nawawala ang pag-asang maligtas. Ang lahat ay nawawala; ang mga kakarampot na doktrinang naunawaan dati, ang determinasyon at kapasyahang igugol ang sarili para sa Diyos, at ang pagnanais na makamit ang pagliligtas ng Diyos ay pawang iwinawaksi—ang mga ito ang mga kahihinatnan. Lumalayo ang mga tao sa Diyos at itinatakwil nila ang Diyos sa puso nila, at itinatakwil din sila ng Diyos. Ang kahihinatnang ito ay hindi isang bagay na ninanais makita ng sinumang nananampalataya at sumusunod sa Diyos, hindi rin ito isang katunayan na kayang tanggapin ng sinumang tagasunod ng Diyos. Gayumpaman, sa sandaling mahulog ang mga tao sa mga gayong tukso at mahuli sa alimpuyo ng mga di-wastong ugnayan, mahihirapan silang palayain ang kanilang sarili at mas lalo pang hindi nila makontrol ang kanilang sarili. Kaya naman, ang mga gayong di-wastong ugnayan ay dapat limitahan. Sa malulubhang kaso, iyong mga palaging nanggugulo at nanliligalig sa kabilang kasarian, dapat silang agaran at mabilis na alisin sa iglesia, para hindi sila makagulo sa buhay iglesia, at higit pa roon, para mapigilan ang mas maraming tao na masilo sa tukso. Makatwiran ba ang pamamaraang ito? (Oo.)

Sa ikalabindalawang aytem ng mga responsabilidad ng mga lider at manggagawa, dapat nilang ibuhos ang kanilang buong pagsusumikap sa bawat gampanin para masiguro na makakapamuhay ng normal na buhay iglesia ang hinirang na mga tao ng Diyos, pinangangalagaan ang mga kapatid mula sa anumang panghihimasok o mga kaguluhan sa buhay iglesia. Nangangahulugan ito ng pagprotekta sa lahat ng kapatid na may kakayahang mamuhay ng normal na buhay iglesia. Ano nga ba mismo ang dapat maprotektahan? Dapat maprotektahan ang mga kapatid nang sa gayon ay maaari silang lumapit sa Diyos nang may katahimikan sa oras ng mga pagtitipon at mapayapang magdasal-magbasa at magbahaginan ng mga salita ng Diyos; kasabay nito, dapat makapagdasal sa Diyos ang mga kapatid nang may iisang puso at isipan, magawang hangarin ang mga layunin ng Diyos, hanapin ang kaliwanagan at pagtanglaw mula sa Diyos, kamtin ang presensiya ng Diyos, at tanggapin ang Kanyang mga pagpapala at patnubay. Ito ang pinakamalaki at pinakamahalagang interes ng lahat ng kapatid, at mahalaga ito sa lahat; nauukol ito sa kung maaari ba silang maligtas at kung maaari ba silang magkaroon ng magandang hantungan. Kaya, kinakailangang mahigpit na limitahan, ibukod, o paalisin iyong mga nakikibahagi sa mga di-wastong ugnayan sa loob ng iglesia; lalo na iyong mga nakikibahagi sa mga ugnayan sa pagitan ng mga kasarian, dapat silang mahigpit na pangasiwaan. Ano ang ibig sabihin ng pangangasiwa? Kung maliit na kaso lang ito, dapat silang ilantad at pungusan, at pigilan at limitahan kaagad, at hadlangan na makaapekto sa iba. Kung malubhang kaso ito, kinakailangang kumilos nang desidido at nang walang pag-aalinlangan; dapat silang paalisin sa iglesia sa lalong madaling panahon para mapigilan sila na makapanggulo ng mas marami pang tao. Kung nais nilang magsanhi ng mga kaguluhan, hayaan silang gawin ito sa mundo sa labas, ginugulo ang sinumang nais nilang guluhin; sapat nang sabihin na ang lahat ng kapatid sa buhay iglesia na naghahangad sa katotohanan ay hindi nila dapat guluhin. Ito ang pangunahing prinsipyo at layon para sa gawain ng mga lider at manggagawa kaugnay sa ikalabindalawang responsabilidad na ito.

B. Mga Ugnayang Homoseksuwal

Tungkol sa isyu ng mga di-wastong ugnayan, ang pangunahin nating pinagbahaginan ngayon lang ay ang pakikibahagi sa mga di-wastong ugnayan sa pagitan ng mga kasarian. Kabilang dito ang pang-aakit, panghahalina, pagpapakitang-gilas, at panunukso sa kabilang kasarian; aktibong lumalapit at nagtatangkang makipaglapit sa kanila; at madalas na sinasadya o hindi sinasadyang umupo malapit sa kanila sa mga pagtitipon; dagdag pa rito, hindi lang iisang tao ang inaakit, kundi lumilipat sa iba pagkatapos mabigo sa unang pagtatangka, kaya’t maraming miyembro ng kabilang kasarian sa iglesia ang naliligalig. Kapag ganito na ang sitwasyon, nagiging malubha na ang isyung ito. Sinasaklaw nito ang mga di-wastong ugnayan sa pagitan ng mga kasarian. Bukod sa mga ugnayan sa kabilang kasarian, may ilan ding di-wastong ugnayan sa pagitan ng mga taong may parehong kasarian. Kung ang dalawang tao ng parehong kasarian ay partikular na malapit sa isa’t isa, matagal nang magkakilala at talagang malapit, kung gayon, tama lang na madalas nilang makasalamuha ang isa’t isa. Gayumpaman, sa sandaling umabot ito sa mapagnasang pakikipagrelasyon ng laman, dapat ding iklasipika ang mga gayong ugnayan bilang di-wasto. Kung madalas ang pagkakalapit ng katawan ng dalawang taong may parehong kasarian, maging hanggang sa punto na karaniwan silang gumagamit ng pamukaw na wika sa isa’t isa, at madalas silang nakikitang magkayakap o nagpapakita ng mga mas maraming hayag na pag-uugali at pagpapamalas, kung gayon, sa paglipas ng panahon, nagiging maliwanag ito sa lahat: “Hindi ito dahil nagtutulungan ang dalawang ito o magkaayon ang personalidad nila; hindi sila nakikisalamuha sa loob ng saklaw ng normal na pagkatao. Ito ay homoseksuwalidad!” Ngayon, karamihan sa mga tao ay nakakaunawa na ang homoseksuwalidad ay isang di-wastong ugnayan, mas higit pa ngang malubha at hindi wasto kaysa sa pagitan ng magkaibang kasarian. Kung umiiral ang mga gayong ugnayan sa loob ng iglesia, maaaring kumalat ang mga ito na parang isang salot, inaakay ang ilang tao sa ganitong uri ng tukso at panghahalina. May ilang tao na nagsasabing nakibahagi sila noon sa homoseksuwalidad pero hindi nila ito ginawa nang kusang-loob. Isantabi muna natin kung talaga bang homoseksuwal sila o kung ano ang kanilang seksuwal na oryentasyon. Kung nagawa nilang mahulog sa gayong tukso dahil sa panghahalina—isinasantabi muna sa ngayon kung ito ba ay ginawa nila nang kusa o pasibo—kung gayon, una sa lahat, sila ay nagulo nito. Batay sa pahayag nila na hindi nila ito ginawa nang kusang-loob, sila ay mga biktima. Samakatwid, kung inaakit at hinahalina ng mga homoseksuwal ang iba sa parehong kasarian, ang mga nahahalina sa kanila, bagama’t hindi naman talaga homoseksuwal ang mga ito, ay maaaring maging homoseksuwal pagkatapos mahalina ng isang homoseksuwal. Hindi ba’t delikadong sitwasyon ito? Bakit nga ba sinasabing homoseksuwal ang mga gayong tao? Ang mga heteroseksuwal na indibidwal na nang-aakit ng maraming tao ay nasa ilalim ng kategorya ng kahalayan, na katumbas ng isang di-wastong ugnayan. Kung gayon, kapag ang dalawang tao ng parehong kasarian na may malapit na ugnayan at magkasundo ay maghahawak-kamay, o magyayakapan, na pawang normal, paano iyon hahantong sa pagtukoy sa kanila bilang mga homoseksuwal? Ito ang seksuwal na ugnayan sa pagitan nila—kapag umabot na sa ganitong antas ang ugnayan, nagiging homoseksuwal na ito. Kapag nag-aakbayan sila, nagyayakapan sa leeg, o naghahawakan sa baywang, hindi na ito normal na pagkakalapit ng katawan sa pagitan ng mga indibidwal na may parehong kasarian; sa halip, ito ay pagkakalapit ng katawan na inuudyukan ng pagnanasa, naiiba ang kalikasan nito at kaya, nasa kategorya ito ng mga di-wastong ugnayan. Para sa karamihan sa mga tao sa iglesia, ang makakita ng mga gayong homoseksuwal ay nakakapagpatibay ba o hindi? (Hindi, hindi ito nakakapagpatibay.) Nakakaramdam ba ng pagkabagabag ang karamihan sa mga tao pagkatapos itong makita? Kung wala kang alam tungkol sa sitwasyon at ipinupulupot nila ang kanilang kamay sa iyong leeg o baywang, o hinahalikan ka pa nga sa mukha, makakaramdam ka ba ng pagkabagabag? (Oo.) Matapos mabagabag, mapapalagay ba ang puso mo o hindi? (Masusuklam ako.) Kung gayon, mararamdaman mo bang nagkasala ka? Kung hindi mo tumpak na nauunawaan ang diwa ng ganitong klase ng isyu, at nahawakan ka lang o pisikal na nahipo ng isang tao sa parehong kasarian nang hindi ito masyadong inisip pagkatapos, kung gayon, walang masyadong problema. Gayumpaman, kung iisipin mo ito, at patuloy kang mag-iisip, at hindi mo maalis sa isip ang taong ito, katulad ng kung paanong nananabik ang isang tao sa kabilang kasarian, lumalaban ka man o hindi sa loob ng iyong pansariling kamalayan, kung gayon, ang paglitaw ng mga gayong kaisipan sa loob mo ay nagpapahiwatig na ikaw ay nabagabag na, hindi ba? Kaya naman, ang kalikasan ng mga homoseksuwal na ugnayan, ang ganitong uri ng di-wastong ugnayan, ay higit pang mas malubha. Nabibigo ang ilang tao na makita ang kaibahan sa pagitan ng kahalayan ng mga heteroseksuwal at ng homoseksuwalidad, at itinuturing nilang magkapantay ang dalawang isyung ito. Sa katunayan, ang problema ng homoseksuwalidad ay higit na mas malubha kaysa sa isyu ng kahalayan sa pagitan ng mga heteroseksuwal.

Kung ang mga indibidwal na nakikibahagi sa mga ugnayang homoseksuwal ay lumilitaw sa loob ng iglesia at hindi nalilimitahan, nagiging banta sila at nagdudulot ng mga kaguluhan sa lahat. Anong klaseng mga kaguluhan? Sa panlabas, hindi matukoy ng karamihan sa mga tao ang anumang problema sa pagkatao ng mga ito kapag nakikisalamuha sa mga ito, pero dahil sa matagal na pakikisalamuha, narurumihan ang mga kaisipan nila at dumidilim ang puso nila. Nawawalan sila ng sigasig sa pananampalataya sa Diyos, at nang hindi nahaharap sa anumang partikular na problema, ayaw na nilang sumampalataya sa Diyos, nawawalan sila ng interes sa pagbabasa ng mga salita ng Diyos, lalo silang lumalayo sa Diyos sa puso nila, at sumasagi sa isip nila ang masasamang kaisipan na isuko ang kanilang pananalig. Samakatwid, ang mga gayong di-wastong ugnayang homoseksuwal sa loob ng iglesia ay hindi lang dapat pigilan at limitahan; ang mga nakikibahagi sa mga ito ay dapat ding alisin kaagad sa iglesia. Ito ay natitiyak. Sa sandaling matuklasan ang mga gayong indibidwal, anuman ang mga tungkuling ginagawa nila o ang katayuan nila, dapat silang alisin kaagad sa iglesia, nang walang anumang pangungunsinti! Ito ang regulasyon ng iglesia. Bakit may ganitong regulasyon? May matibay itong pundasyon. Nilikha ng Diyos ang mga tao bilang lalaki at babae; pagkatapos likhain si Adan, ang kapareha niya ay si Eba, hindi isa pang Adan. Ang gayong hakbang na laban sa mga taong nakikibahagi sa mga ugnayang homoseksuwal ay nakabatay sa mga salita ng Diyos, at ganap itong tumpak. Maaaring sinasabi ng ilan, “Bakit hindi na lang bigyan ang mga taong ito ng pagkakataong magsisi? Bata pa sila; hindi ba’t dapat hayaan silang gumawa ng mga kalokohan?” Hindi! Maaaring iba ang pagtrato sa ibang mga kalokohan batay sa sitwasyon at kalikasan, pero ang ganitong partikular na kalokohan ay tiyak na hindi lang simpleng kalokohan; hinding-hindi ito puwedeng kunsintihin, at ang sinumang gumagawa ng gayong kilos sa loob ng iglesia ay dapat agarang alisin! Kung ang buong iglesia ay binubuo ng mga homoseksuwal, silang lahat ay aalisin. Hindi nanaisin ang gayong iglesia, kahit isa man lang! Ito ang prinsipyo. Sinasabi ng ilan, “Ang ilang tao ay nakikibahagi sa isang ugnayang homoseksuwal sa isang tao lang, pero hindi nila inakit ang iba o sinimulang guluhin ang sinuman. Dapat bang pangasiwaan at paalisin ang mga gayong indibidwal?” Kung tunay nga silang homoseksuwal, ang pagpapahintulot sa kanila na manatili sa iglesia ay katulad ng bombang sasabog anumang sandali sa gitna ng hinirang na mga tao ng Diyos—nakatakda itong sumabog sa malao’t madali. Kahit pa hindi nila ginulo, inakit, o niligalig ang sinumang mga indibidwal na nasa parehong kasarian, hindi iyon nangangahulugan na hindi nila ito gagawin sa hinaharap. Maaaring wala pa silang nakikitang kaakit-akit sa kanila, isang taong gusto nila, o wala pang tamang pagkakataon, o ang lahat ay hindi pa pamilyar o nakakaunawa sa isa’t isa. Pero sa sandaling dumating na ang tama at angkop na pagkakataon para sa mga gayong tao, kikilos na sila. Samakatwid, talagang hindi puwedeng kunsintihin o pahintulutan kahit kailan ang mga gayong indibidwal na manatili sa loob ng iglesia, dahil sila ay hindi normal at hindi tao. Ayaw ng iglesia ng mga gayong tao. Ang ganitong pangangasiwa sa mga nakikibahagi sa gayong di-wastong ugnayan ay hindi mali o kalabisan. Gayumpaman, sinasabi ng ilan, “May ilang homoseksuwal na mukhang mabuti naman; wala silang ginawang anumang masama, sumusunod sila sa mga batas at regulasyon, nagpapakita sila ng paggalang sa matatanda at pagmamahal sa mga bata, palagi silang gumagawa ng mabubuting gawa, ang ilan ay mayroon pa ngang mga kaloob at kasanayan, at ang iba ay talagang mapagkawanggawa at matulungin sa iglesia. Dapat natin silang hayaang manatili sa iglesia.” Tama ba ang ganitong pag-iisip? (Hindi.) Tama o mali man ang mga kaisipan mo, dapat mong makilatis ang kalikasan ng mga homoseksuwal. Ang prinsipyo ng pagsasagawa ng iglesia para sa mga indibidwal na nakikibahagi sa mga ugnayang homoseksuwal ay ang paalisin sila. Ito ay isang atas administratibong hindi maaaring labagin ng sinuman; dapat magsagawa ang lahat ayon sa prinsipyong ito.

Ang mga pagpapamalas ng dalawang uri ng di-wastong ugnayang ito na pinagbahaginan natin kanina lang ay ang pinakamadaling makilatis, malinaw na maunawaan, at mailarawan ng mga tao. Patungkol sa mga taong sangkot sa mga gayong di-wastong ugnayan, sa isang banda, dapat tuparin ng mga lider at manggagawa ang mga responsabilidad nila sa pamamagitan ng paggamit ng mga gayong hakbang tulad ng pagpapatigil, paglilimita, pagbubukod, at pagpapaalis para pangasiwaan sila. Sa kabilang banda, dapat ding kilatisin at iwasan ng mga kapatid ang mga taong nakikibahagi sa dalawang uri ng di-wastong ugnayang ito, para maiwasan nilang mahalina at mahulog sa tukso, na maaaring makaapekto sa kanilang pananalig sa Diyos at sa kanilang paghahangad sa katotohanan para makamit ang kaligtasan. Kapag nahulog sa tukso, mahirap nang makawala. Karamihan sa mga tao ay dapat makakilatis sa dalawang uri ng mga taong ito. Huwag kumilos gaya ng mga inaasal ng mga tao sa lipunan, nagkukunwaring hindi nakikita kung sino ang nakikipaglandian kanino, walang tamang pananaw o paninindigan laban sa mga nakikibahagi sa kahalayan, nagagawang makisalamuha nang normal sa mga gayong indibidwal basta’t hindi lang naaapektuhan ang sarili nilang mga interes, nagsasalita gaya ng karaniwan, na parang walang mali. Mayroon bang mga prinsipyo ang mga gayong tao sa pagtrato nila sa iba? Talagang wala. Ang lahat ng walang pananampalataya ay namumuhay ayon sa mga pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo, nagsusumikap na hindi makapanakit ng loob sa sinuman para maprotektahan ang kanilang sarili, subalit ganap na naiiba ang sambahayan ng Diyos mula sa lipunang walang pananampalataya. Sa sambahayan ng Diyos, ang katotohanan ang may kapangyarihan. Hinihingi ng Diyos na tratuhin ng mga tao ang iba batay sa mga katotohanang prinsipyo. Pawang tinatanggap at sinasangkapan ng hinirang na mga tao ng Diyos ang kanilang sarili ng katotohanan, at ginagamit nila ito para kilatisin at tratuhin ang iba, hindi lamang para panatilihin ang buhay iglesia at protektahan ang mga kapatid, kundi, ang mas mahalaga, para protektahan ang kanilang sarili mula sa pagdanas ng tukso at iwasang mahulog dito. Kapag mas maaga kang nakakakilatis at nakakalayo sa mga gayong indibidwal, mas mailalayo mo ang iyong sarili sa tukso at mapoprotektahan mo ang iyong sarili. Ganito mo dapat tratuhin ang mga indibidwal na nakikibahagi sa di-wastong ugnayan; ito ay alinsunod sa mga katotohanang prinsipyo at naaayon sa mga layunin ng Diyos.

C. Mga Di-wastong Ugnayan na may Kasamang mga Pansariling Interes

Ang isa pang uri ng di-wastong ugnayan ay iyong mga may pansariling interes. Ang mga tao ay gumagawa ng mga bagay-bagay tulad ng pambobola, pagtataas, pagpupuri, at pagpapalakas sa isa’t isa alang-alang sa mga interes. Ang pagdadala ng gayong baluktot na asal at buktot na atmospera sa buhay iglesia ay lubhang nakakaapekto sa iba na tahimik na nagbabasa ng mga salita ng Diyos o nakikinig sa mga ibinabahaging karanasan. Sa sandaling maitatag ang isang ugnayang may mga pansariling interes, ang mga sangkot na indibidwal ay madalas na magsasabi o gagawa ng mga bagay-bagay na lumalabag sa kanilang mga pagnanais, para sa sarili nilang pakinabang. Halimbawa, kung nakikita ng isang tao na ang isa pang tao ay maaaring mapakinabangan sa kanyang negosyo o mga interes sa ilang paraan, maaaring piliin niya ang taong iyon bilang lider, inomina ito para sa isang partikular na tungkulin, o sang-ayunan niya ang anumang sinasabi ng taong ito, ipinapahayag na tama ito, hindi alintana kung naaayon ito sa katotohanan o hindi, para sumipsip sa taong ito. Upang sumipsip sa taong ito, gumagawa siya ng maraming bagay na hindi naaayon sa mga prinsipyo at sumasalungat sa katotohanan, na nakakagulo sa hinirang na mga tao ng Diyos sa pagkilatis sa mga tao, pangyayari, at bagay, at sa pagpasok sa katotohanan. Inilalarawan niyang tama ang isang bagay na mali at baluktot, inilalarawan ang mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao bilang naaayon sa mga layunin ng Diyos, at iba pa, kaya nagugulo ang mga isipan at ang tamang direksiyon at layon ng kanilang paghahangad. Ang lahat ng pag-uugaling ito ay nag-uugat mula sa pagpapanatili niya sa isang ugnayang may mga pansariling interes. Para maprotektahan at mapanatili ang sarili niyang mga interes, kaya niyang magsalita laban sa kanyang konsensiya at kumilos nang laban sa mga prinsipyo. Ang mga sinasabi at ginagawa niya ay nagdudulot ng mga kaguluhan at pagkasira sa buhay iglesia, na sa huli ay nagtutulak sa mas maraming tao na hindi makapagbahaginan ng mga salita ng Diyos, makapagdasal-makapagbasa ng mga salita ng Diyos, o makapagbahagi ng mga personal na karanasan sa normal at maayos na paraan, na nagreresulta sa mga kawalan sa buhay pagpasok ng mga tao. Kapag nagbabahaginan ang mga tao ng kanilang mga personal na pagkaunawang batay sa karanasan, madalas silang nakakaranas ng panghihimasok mula sa mga ugnayan ng mga tao na may mga pansariling interes; ang ilan ay pasalitang panghihimasok, ang ilan ay sa pag-uugali, at ang iba naman ay nauukol sa mga layon at direksiyon. Madalas na nauudlot ang pagbabahaginan ng mga tao sa katotohanan at ang pagdarasal-pagbabasa nila ng mga salita ng Diyos, madalas silang naililihis ng paksa, at madalas na naaapektuhan sa iba’t ibang antas. Samakatwid, dapat limitahan ang mga nakikibahagi sa mga di-wastong ugnayan na may kasamang mga pansariling interes at mga kaugnay na pag-uugali. Hindi dapat magbulag-bulagan ang mga lider ng iglesia na nahaharap sa mga isyung ito, at lalong hindi nila dapat kunsintihin ang gayong masamang gawa, hinahayaan ang paglitaw ng mga gayong usapin sa loob ng buhay iglesia. Sa halip, dapat silang maging mapagbantay at matalas ang pakiramdam, at agaran nilang pigilan at limitahan ang mga ito.

Ang pakikibahagi sa mga di-wastong ugnayan na may kasamang mga pansariling interes ay isang karaniwang pangyayari sa loob ng iglesia. Halimbawa, kung plano ng isang tao na tumakbo sa halalan bilang ang susunod na lider ng iglesia, maaari niyang hikayatin ang isang grupo ng mga tao at ibunyag sa mga ito ang kanyang mga ideya. Hindi naman hangal ang mga taong ito; nagpapahiwatig ang mga ito: “Kung ihahalal ka namin, anong mga pakinabang ang maibibigay mo sa amin?” Kaya, nabubuo sa pagitan nila ang isang ugnayang batay sa mga pansariling interes. Para mapanatili ang kanilang mga pansariling interes, madalas silang may parehong paninindigan tungkol sa mga isyu sa oras ng mga pagtitipon. Nang hindi namamalayan o nalalaman ng iba ang pinagmulan, palagi nilang ikinukuwento kung gaano kabuti ang isang tao, kung paanong pinahihintulutan at pinagpapala ng Diyos ang ginagawa ng isa pang tao, kung sino ang nagbigay ng mga handog at kung gaano kalaki ang inihandog nito, at kung sino ang may mga naiambag sa sambahayan ng Diyos, madalas na pinupuri at hinahangaan ang isa’t isa. Sa buhay iglesia, madalas nilang inilalabas ang mga bagay na ito bilang pagsuporta sa napagkasunduan nila noon at para itaguyod ang pareho nilang mga interes. Halimbawa, maaaring sabihin ng isang tao, “Kung ihahalal mo ako bilang lider, sa sandaling makuha ko ang aking posisyon, gagawin kitang isang lider ng grupo.” Hindi ba’t naghahanap silang lahat ng pansariling pakinabang? Para maisakatuparan ang kanilang mga interes, hindi ba’t kailangan nilang magsabi ng mga partikular na bagay, o gumawa ng mga partikular na kilos? Kaya naman, nagpapakita sila ng iba’t ibang pagpapamalas sa panahon ng mga pagtitipon, na pawang nakatutok sa pagtataguyod ng napagkasunduan nila noon at sa mga sangkot na interes. Bago makamit ang kanilang layon, karamihan sa ginagawa nila ay bunsod ng mga interes. Kaya, hindi ba’t talagang hindi wasto ang mga intensiyon at pakay sa likod ng kanilang mga sinasabi at ginagawa? Hindi ba’t ang ugnayang nabuo sa pagitan nila ay isang di-wastong ugnayan? Hindi ba’t dapat limitahan ang mga gayong di-wastong ugnayan sa loob ng iglesia? May ilan na nagsasabi, “Paano namin malilimitahan ito kung hindi naman ito natutuklasan?” Ang mga gayong usapin, maliban na lang kung hindi talaga ginawa, sa sandaling maisagawa, ay matutuklasan at malalantad. Kung magbabahaginan nang maayos ang mga tao sa katotohanan at sa kanilang mga personal na pagkaunawa at karanasan, nang hindi hinahaluan ng anumang walang kinalaman sa katotohanan, maaaring maunawaan ito ng lahat. Kung mayroong mga karumihan, makikilatis din ito ng mga tao. Kaya naman, sa iglesia, ang iba’t ibang transaksiyonal na ugnayang lumilitaw para sa pagpapanatili ng mga interes ng isa’t isa ay dapat ding limitahan; sa pinakamababa, ang mga sangkot dito ay dapat bigyan ng babala at bahaginan, hinahayaan silang makilala ang sarili nilang mga isyu at maunawaan ang malulubhang kahihinatnan ng pakikibahagi sa mga gayong gawa, habang binibigyang-daan din ang mga kapatid na makilatis ang kalikasan ng mga usaping ito. Ano ang epekto ng ganitong uri ng gawa sa karamihan sa mga tao? Tinutulak nito ang mga tao na isipin na wala namang gaanong kaibahan sa pagitan ng iglesia at ng lipunan, parehong mga lugar kung saan sinasamantala ng lahat ang isa’t isa at ang mga tao ay nakikipagtransaksiyon para sa sarili nilang mga pakinabang. Ang ganitong pag-uugali ay hindi katamtamang panggugulo, bagkus, bumubuo ito ng malubhang kaguluhan sa buhay iglesia. Sabihin mo sa Akin, mabuting tao ba ang isang tao na palaging nanghihikayat ng mga tao para makuha ang kanilang mga boto sa halalan, gumagamit ng mga hindi pangkaraniwang paraan para manipulahin ang halalan at makamit ang posisyon ng lider? Malinaw na hindi mabubuting tao ang mga lider na nahalal sa ganitong paraan. May maaasahan bang mabuti ang mga kapatid na nahulog sa mga kamay nila? Kung naging lider ang isang tao sa pamamagitan ng mga hindi pangkaraniwang paraan, sa halip na maihalal batay sa mga prinsipyo, tiyak na hindi mabuting tao ang gayong lider. Kung pahihintulutan siyang mamuno, katumbas iyon ng hayagang pagpasa sa mga kapatid sa kamay ng isang masamang tao, sa isang anticristo, kung saan karamihan sa mga tao ay para na ring naihatid sa mga kamay ni Satanas; sa gayong senaryo, mahahalata kung ano ang mga bunga ng kanilang buhay iglesia. Ito ay isang uri ng di-wastong ugnayan na nakatali sa mga interes. Sa pagitan man ng mga grupo o indibidwal, sa sandaling may sangkot na mga interes ang mga ugnayan sa pagitan ng mga tao, mas pipiliin nila ang kanilang mga pansariling pakinabang sa kanilang mga kilos sa halip na kumilos ayon sa mga prinsipyo para itaguyod ang mga interes ng sambahayan ng Diyos. Ang mga gayong ugnayan ay hindi itinatag batay sa konsensiya at katwiran ng normal na pagkatao, kundi kontra kapwa sa konsensiya at katwiran, at lalo na sa mga katotohanang prinsipyo. Ang kanilang sinasabi, ginagawa, at ipinapakita, pati na ang kanilang mga intensiyon, pakay, motibasyon, pinagmulan, at iba pa, ay inuudyukan lahat ng mga interes; kaya, maaaring tukuyin bilang di-wasto ang ganitong mga ugnayan. Dahil ang pagkabuo ng mga gayong ugnayan ay nakakagulo sa hinirang na mga tao ng Diyos sa pamumuhay ng buhay iglesia, ginagawang mahirap para sa karamihan ng tao na basahin ang mga salita ng Diyos at pagbahaginan ang katotohanan nang may katahimikan sa harap ng Diyos. Ang mga gayong di-wastong ugnayan ay dapat limitahan sa loob ng iglesia. Para sa mga kasong malubha at bumubuo ng pag-uugali ng masasamang tao, dapat silang bigyan ng mga babala, at kung hindi magsisisi ang mga sangkot dito anuman ang mangyari, dapat silang paalisin sa iglesia.

D. Pagkamuhi sa Pagitan ng mga Indibidwal

Ang mga di-wastong pakikipag-ugnayan sa pagitan ng mga tao ay may iba’t ibang pagpapamalas. Ang isa pa sa mga ito ay ang personal na pagkamuhi. Halimbawa, maaaring lumitaw sa loob ng mga pamilya ang alitan o mga hindi pagkakasundo sa pagitan ng biyenan at manugang, sa pagitan ng mga maghipag, o sa pagitan ng magkapatid na lalaki, o maaaring lumitaw ang mga ito sa pagitan ng magkakapitbahay. Minsan, nauuwi pa ito sa pagkamuhi, at, gaya ng mga magkaaway, hindi nila magawang magtulungan o gumawa nang magkasama, hanggang sa punto na hindi man lang nila kayang harapin ang isa’t isa, at nagtatalo at nag-aaway sila sa tuwing nagkakaharap. Kapag nagkikita-kita sila sa mga pagtitipon, puno rin ng pagkamuhi ang puso nila, at hindi nila magawang patahimikin ang sarili nila sa harap ng Diyos para matamasa ang salita ng Diyos at mapagnilayan at makilala ang kanilang sarili, at lalong hindi nila magawang bitiwan ang kanilang mga masamang palagay at pagkamuhi para magkaroon ng normal na pagtitipon. Sa halip, sa tuwing nagkikita-kita sila, nagkakaroon sila ng mga pagtatalo at labanan, inilalantad nila ang mga pagkukulang ng isa’t isa at binabatikos ang isa’t isa, at minumura pa nga ang isa’t isa, nagkakaroon ng malalim na negatibong epekto sa hinirang na mga tao ng Diyos. Ang mga gayong tao ay mga hindi mananampalataya; sila ay mga walang pananampalataya. Para sa mga taos-pusong nananampalataya sa Diyos at nagmamahal sa katotohanan, anuman ang mangyari, o kahit kanino pa sila mayroong mga hindi pagkakasundo, o kung kanino man sila nagkikimkim ng mga maling palagay, nagagawa nilang hanapin ang katotohanan, pagnilayan at kilalanin ang kanilang sarili, at lutasin ang mga isyu ayon sa mga katotohanang prinsipyo. Kung may nagawa silang mali at may utang na loob sila sa isang tao, kaya nilang kusang humingi ng tawad at umamin sa kanilang mga pagkakamali; tiyak na hindi nila pipiliing magsanhi ng mga argumento o problema sa mga pagtitipon. Ganap na hindi naaayon sa kagandahang-asal ng mga banal na makibahagi sa mga hindi pagkakasundo at magdulot ng mga kaguluhan sa iglesia; ang gayong pag-uugali ay lubhang nagdudulot ng kahihiyan sa Diyos. Ang mga taong kumikilos sa ganitong paraan ay walang pagkatao, konsensiya, at katwiran sa malaking antas; sila ay tiyak na hindi mga tunay na mananampalataya sa Diyos. Ang isyung ito ay medyo mas karaniwan sa mga bagong mananampalataya. Dahil hindi nauunawaan ng mga bagong mananampalataya ang katotohanan, at hindi pa nadalisay ang kanilang mga tiwaling disposisyon, madali para sa kanila na makibahagi sa mga hindi pagkakasundo tungkol sa maraming bagay, at hinahayaan pa ngang sumabog ang kanilang pagkamainitin ng ulo at sumali sa mga away. Kung hindi malulutas ang mga tiwaling disposisyong ito, magkikimkim ang mga tao ng pagkamuhi sa puso nila, at kahit kapag namumuhay ng buhay iglesia, makikibahagi pa rin sila sa mga walang katapusang hindi pagkakasundo kasama ang pagkamainitin ng ulo at pagkamuhing ito. Nakakaapekto ito sa buhay iglesia, nakakaapekto sa pagkain at pag-inom ng mga hinirang ng Diyos ng mga salita ng Diyos, pagpuri nila sa Diyos, at pagbabahagi sa kanilang mga pagkaunawa sa mga salita ng Diyos na batay sa karanasan. Direkta rin itong nakakaapekto sa buhay pagpasok ng hinirang na mga tao ng Diyos. May ilang bagong mananampalataya na madaling masangkot sa mga pagtatalo tungkol sa maliliit na isyu. Halimbawa, bago magsimula ang isang pagtitipon, maaaring gusto ng ilan na umawit ng isang himno habang ang iba naman ay iba ang gusto—kahit ang gayong maliit na bagay ay madaling humantong sa mga hindi pagkakasundo. Gayundin, ang magkakaibang opinyon tungkol sa isang usapin ay maaaring humantong agad sa mga debate minsan, at maging ang pananakit ng damdamin sa isang tao dahil sa kawalan ng pagsasaalang-alang sa pananalita ay maaaring magbunsod ng mga pagtatalo. Karaniwan sa mga bagong mananampalataya ang ganitong mga uri ng insidente. Kapag lumilitaw ang mga hindi pagkakasundo sa oras ng mga pagtitipon, likas na ginugulo ng mga ito ang buhay iglesia. Hindi ba’t ginugulo rin nito ang hinirang na mga tao ng Diyos? Ang mga taong mahilig makipagtalo at makipagdebate tungkol sa kung sino ang tama at mali ang siyang pinakamadaling nakakagulo sa buhay iglesia. Ang inaalala lang nila ay matugunan ang kanilang banidad at reputasyon nang hindi isinasaalang-alang ang mga interes ng hinirang na mga tao ng Diyos. Sa pagkilos nang ganito, hindi ba’t ginugulo nila ang buhay iglesia? (Oo.) Ang iglesia ay isang lugar kung saan nagsasama-sama ang mga kapatid upang kumain, uminom, at tamasahin ang mga salita ng Diyos; ito ay isang lugar ng pagpapasakop at pagsamba sa Diyos. Hinding-hindi ito isang lugar para ibulalas ang personal na sama ng loob, at lalong hindi ito lugar para sa pakikipag-away o pakikipagtalo tungkol sa tama at mali. Kapag ang mga gayong tao ay gumagawa ng kaguluhan sa ganitong paraan, ano ang nagiging bunga nito? Direkta itong nagreresulta sa pagkawala ng kasiyahan sa mga pagtitipon; dahil dito, hindi makamit ng hinirang na mga tao ng Diyos ang pagpapatibay sa buhay, at karamihan pa nga sa mga tao ay hindi makahanap ng kapayapaan, nagdurusa nang labis-labis. Sa paglipas ng panahon, nagiging pasibo at mahina ang ilan, nag-aatubili pa ngang dumalo sa mga pagtitipon. Karaniwan ang ganitong sitwasyon sa karamihan sa mga iglesia, at naranasan na ito ng lahat ng hinirang na mga tao ng Diyos. Kaya, paano dapat lutasin ang isyu ng madalas na mga pagtatalo at pag-aaway sa mga pagtitipon? Dapat piliin ang ilang sipi ng mga salita ng Diyos na may kinalaman sa isyu at sama-samang basahin ang mga ito nang maraming beses sa mga pagtitipon; pagkatapos, dapat magbahaginan ang lahat tungkol sa katotohanan, ibinabahagi ang kanilang pagkaunawa. Ang pamamaraang ito ay maaaring magbunga ng ilang resulta. Bukod sa makikilala ng mga taong mahilig makipagtalo ang kanilang mga pagsalangsang at makakaramdam sila ng pagsisisi, ang mga manonood ay makakapagnilay rin kung naibunyag ba nila ang kanilang mga tiwaling disposisyon sa parehong mga sitwasyon at kung may kakayahan ba silang makipagtalo sa iba—sa ganitong paraan, makikilala rin ng mga manonood ang kanilang sarili. Nasasangkot man o hindi ang isang tao sa mga hindi pagkakasundo, pagkatapos basahin ang ilang sipi ng mga salita ng Diyos nang ilang beses, makikilala na niya ang sarili niyang mga tiwaling disposisyon at makikita na ang pamumuhay ayon sa mga tiwaling disposisyon ay talaga ngang nangangahulugan ng kawalan ng konsensiya at katwiran, at hindi pagkakaroon ng ni katiting na pagkatao. Ang mga epekto ng ganitong pamumuhay sa buhay iglesia ay hindi na masama, tama? Bagama’t maaaring mayroong mga hindi pagkakasundo sa umpisa ng isang pagtitipon, kung pagkatapos nito ay makakabasa ang lahat ng mga salita ng Diyos, kung mapapatahimik nila ang kanilang sarili sa harap ng Diyos para magnilay sa kanilang sarili, lutasin ang mga problema gamit ang katotohanan, at tunay na magsisi—kung ang mga resultang ito ay maaaring makamit—kung gayon, ito ay normal na buhay iglesia. Samakatwid, anuman ang mangyari sa oras ng mga pagtitipon ay hindi ibig sabihin na palagi itong masama; basta’t nagkakaisa ang lahat sa puso at isipan para hanapin ang katotohanan, at magkakasamang nagbabasa ng ilang kaugnay na sipi ng mga salita ng Diyos nang ilang beses, kahit hindi ganap na malulutas ang mga problema, medyo maaarok pa rin ng mga tao ang mga ito at magkakaroon sila ng kaunting pagkilatis—makikinabang ang lahat mula rito. Masasabi ba ninyo na mahirap matagpuan ang ganitong buhay iglesia? Ginagawa nitong mabuting bagay ang isang masamang bagay, medyo isa itong pagpapalang nakatago. Gayumpaman, hindi nito dapat akayin ang mga tao na isulong ang ideya na ang mga hindi pagkakasundo at debate ay kanais-nais sa buhay iglesia; tiyak na hindi ito puwedeng isulong. Ang mga hindi pagkakasundo at mga debate ay madaling humantong sa mga silakbo ng pagkamainitin ng ulo at hidwaan, na masama para sa lahat at nagdudulot ng personal na pagkabagabag sa mga sangkot. Kaya naman, ang pinakamainam na pamamaraan ay ang hanapin ang katotohanan para lutasin ang mga isyu, at sa pag-unawa sa katotohanan, epektibong maiiwasan ang parehong mga insidente sa hinaharap. Ang matatalinong indibidwal ay dapat magkaroon ng mapagpasensiya at matiising saloobin kapag lumilitaw ang mga alitan at sagupaan. Dahil mayroon din silang mga tiwaling disposisyon at madaling makasakit ng iba, kapag ibinubunyag nila ang kanilang mga tiwaling disposisyon, dapat agad silang magdasal sa Diyos at hanapin nila ang katotohanan para malutas ang mga isyu. Sa ganitong paraan, pagdating sa oras ng pagtitipon, napawi na ang lahat ng personal na hinanakit at pagkamuhi sa puso nila, kaya nakakaramdam sila ng pagpapalaya sa puso nila at nagiging madali para sa kanila na makisama nang maayos sa mga kapatid, na nagtataguyod ng maayos na pagtutulungan. Sa tuwing nakakakita ang isang tao ng isang kapatid na nagbubunyag ng tiwaling disposisyon nito, dapat siyang mag-alok ng tulong nang may pagmamahal, hindi manghusga, magkondena, o magtakwil sa kapatid na ito. Maaaring hindi malutas ang mga problema sa isa o dalawang beses na pagtulong, pero kinakailangan pa rin ang pagpapasensiya at pagtitiis. Hangga’t hindi nito ginugulo ang buhay iglesia o hindi ito sadyang gumagawa ng kasamaan, dapat itong tratuhin nang may pagpapasensiya at pagtitiis hanggang sa huli—darating ang araw na matatauhan sila. Kung ang isang tao ay may masamang pagkatao at tumatanggi siya sa anumang tulong, hindi tinatanggap ang katotohanan kahit gaano ito pagbahaginan, kung gayon, hindi siya taos-pusong nananampalataya sa Diyos, at kinakailangang dumistansiya sa mga gayong indibidwal. Kung paulit-ulit niyang ginugulo ang buhay iglesia, dapat siyang pakitunguhan at pangasiwaan ayon sa mga prinsipyo. Kung hindi naman siya isang masamang tao pero madalas siyang nagbubunyag ng kanyang tiwaling disposisyon, namumuhi sa kanyang sarili pero pakiramdam niya ay wala siyang ibang magawa sa sandaling iyon, ang mga gayong indibidwal ay dapat tulungan nang may pagmamahal; tulungan silang maunawaan ang katotohanan at makilatis at makilala ang mga pagbubunyag nila ng katiwalian—sa ganitong paraan, unti-unting mababawasan ang pagbubunyag nila ng katiwalian. Kung ang mga kapatid ay paminsan-minsan lang naaapektuhan ng mga taong ito, maaari silang mapatawad; basta’t walang malalaking problema sa pagkatao nila, at hindi sila mapanlinlang o masasamang tao, dapat silang suportahan at tulungan sa pamamagitan ng pagbabahaginan sa katotohanan. Kung kaya nilang tanggapin ang katotohanan, dapat silang tratuhin nang may pagmamahal. Gayumpaman, kung tatanggi silang magsisi at negatibo nilang naaapektuhan ang buhay iglesia sa loob ng mahabang panahon, dapat silang bigyan ng mga babala at patawan ng mga limitasyon ng mga lider ng iglesia. Kung patuloy silang tatanggi na tanggapin ang katotohanan, masasamang tao ang mga gayong indibidwal. Hindi kayang makisama ng masasamang tao sa kahit sino, sila ay mga bulok na mansanas at mga demonyo. Ang pagpapanatili sa kanila sa iglesia ay magdudulot lamang ng mga pagkagambala at kaguluhan. Kaya naman, ang mga tumatangging magbago sa kabila ng mga paulit-ulit na paalala ay dapat pangasiwaan bilang masasamang tao at paalisin sa iglesia. Hindi mananampalataya at masamang tao ang sinumang madalas na nanggugulo sa buhay iglesia at sa buhay pagpasok ng mga hinirang na tao ng Diyos, at dapat silang alisin sa iglesia. Kahit sino pa ang taong iyon o paano man siya kumilos noon, kung madalas niyang ginugulo ang gawain ng iglesia at ang buhay iglesia, kung tumatanggi siyang mapungusan, at palagi niyang ipinagtatanggol ang kanyang sarili gamit ang maling pangangatwiran, dapat siyang alisin sa iglesia. Ang ganitong paraan ay ganap na para sa kapakanan ng pagpapanatili ng normal na pag-usad ng gawain ng iglesia at sa pagprotekta ng interes ng hinirang na mga tao ng Diyos, na lubos na umaayon sa mga katotohanang prinsipyo at sa mga layunin ng Diyos. Ang buhay pagpasok ng hinirang na mga tao ng Diyos at ang gawain ng iglesia ay hindi dapat maapektuhan ng mga hindi pagkakasundo at hindi makatwirang panggugulo ng ilang masamang indibidwal—hindi ito sulit at hindi rin ito makatarungan para sa hinirang na mga tao ng Diyos.

Kung madalas na nagdudulot ng kaguluhan sa iglesia ang masasamang tao, na humahantong sa hindi epektibong buhay iglesia, ang pinakamainam na solusyon ay ikategorya ang mga tao at hatiin ang mga pagtitipon sa iba’t ibang grupo: Magkakasamang magtitipon ang mga nagmamahal sa katotohanan at taos-pusong ginagawa ang kanilang mga tungkulin; magkakasamang magtitipon ang mga nagnanais na hangarin ang katotohanan ngunit hindi ginagawa ang kanilang tungkulin; at magkakasamang magtitipon ang mga mahilig gumawa ng kaguluhan at pagkagambala, magtsismis tungkol sa ibang tao, at manghusga at magkondena sa iba. Sa ganitong paraan, maaaring pangunahing mahati ang iglesia sa tatlong grupo ng mga tao—pinapangkat-pangkat ang bawat isa nang ayon sa uri, ika nga—nang sa gayon ay masigurong hindi gagambalain ng mga grupong ito ang isa’t isa sa mga pagtitipon. Ang mga taong may masamang pagkatao, gaano man sila kawalang-pakundangan sa paggawa ng masasamang gawa, ay hindi makakaapekto sa iba kundi ipapahamak lang ang kanilang sarili. May malupit na disposisyon ang ilang tao. Kapag may nagsabi ng isang bagay na nakakasakit o sumasalungat sa kanila, kamumuhian nila ang taong iyon, at nag-iisip sila ng mga paraan upang batikusin at gantihan ito. Gaano man ibahagi ang katotohanan sa kanila, o gaano man sila pungusan, hindi nila ito tinatanggap. Mas pipiliin pa nilang mamatay kaysa magsisi, at patuloy nilang ginugulo ang buhay iglesia. Pinatutunayan nito na masasamang tao sila. Hindi natin dapat patuloy na kunsintihin ang ganitong uri ng masasamang tao. Dapat silang alisin sa iglesia ayon sa mga katotohanang prinsipyo. Ito lang ang paraan upang lubos na malutas ang problemang ito. Anuman ang mga pagkakamali o masamang bagay na nagawa nila, hindi papayag ang mga taong iyon na may malulupit na disposisyon na may sinumang maglantad o magpungos sa kanila. Kapag may naglantad at sumalungat sa kanila, labis silang magagalit, gaganti, at hindi nila kailanman titigilan ang isyu. Wala silang pasensiya at pagtitimpi sa ibang tao, at wala silang pagpaparaya sa iba. Ano ang prinsipyo kung saan nakabatay ang kanilang sariling asal? “Gugustuhin ko pang magkanulo kaysa ipagkanulo.” Sa madaling salita, hindi nila kayang tiisin na masalungat ng kahit sino. Hindi ba’t ito ang lohika ng masasamang tao? Ito mismo ang lohika ng masasamang tao. Walang sinuman ang puwedeng sumalungat sa kanila. Para sa kanila, hindi katanggap-tanggap na galitin sila ng sinuman kahit kaunti, at kinamumuhian nila ang sinumang gumawa nito. Patuloy nilang tutugisin ang taong iyon at hindi titigilan ang isyu—ganito ang masasamang tao. Dapat mong ibukod o paalisin agad ang masasamang tao sa sandaling matuklasan mo na mayroon silang diwa ng masasamang tao, bago pa sila makagawa ng malubhang kasamaan. Makakabawas ito sa pinsalang idinudulot nila; ito ang matalinong pasya. Kung hihintayin ng mga lider at manggagawa na makagawa pa ng kung anong sakuna ang isang masamang tao bago nila ito pangasiwaan, nagiging pasibo sila. Patutunayan niyon na napakahangal at walang mga prinsipyo sa kanilang mga kilos ang mga lider at manggagawa. May ilang lider at manggagawa na ganito kahangal at kamangmang. Ipinipilit nilang maghintay ng tiyak na ebidensiya bago nila pangasiwaan ang masasamang tao dahil iniisip nilang iyon lang ang paraan na mapapanatag ang kanilang isipan. Ngunit sa katunayan, hindi mo na kailangan ng tiyak na ebidensiya para masiguro kung masama ang isang tao. Makikita mo ito sa kanilang mga pang-araw-araw na salita at kilos. Kapag natiyak mo nang masama sila, maaari mong simulan sa paglilimita o pagbubukod sa kanila. Masisiguro nito na hindi maaapektuhan ang gawain ng iglesia o ang buhay pagpasok ng hinirang na mga tao ng Diyos. Hindi kayang kilatisin ng ilang lider at manggagawa kung sino ang masama, ni hindi nila kayang pangasiwaan ang masasamang tao nang maagap. Dahil dito, naaapektuhan ang gawain ng iglesia at ang buhay iglesia, at nahahadlangan ang buhay pagpasok ng mga hinirang na tao ng Diyos. Napakahangal nito. Ganito isinasakatuparan ng mga huwad na lider ang gawain. Sa isang banda, wala silang pagkilatis, at sa kabilang banda, mga mapagpalugod sila ng mga tao na takot na sumalungat sa iba. Kapag naglilingkod bilang mga lider, una, hindi makagawa ng tunay na gawain ang mga gayong tao; at pangalawa, pinipinsala nila ang hinirang na mga tao ng Diyos. Ni hindi nila kayang lutasin agad ang problema ng kaguluhan na dulot ng masasamang tao, at hindi rin nila kayang protektahan ang mga kapatid; hindi angkop na maging lider at manggagawa ang mga gayong tao. Sabihin mo sa Akin, kung ang isang tao ay inilalarawan bilang isang masamang tao, kailangan pa bang ibahagi sa kanya ang katotohanan upang tulungan siya? (Hindi na.) Hindi na kailangang bigyan pa siya ng pagkakataon. Ang ilang tao ay masyadong “mapagmahal,” laging nagbibigay ng pagkakataon sa masasamang tao na magsisi, ngunit may magiging anumang epekto ba ito? Naaayon ba ito sa mga prinsipyo ng mga salita ng Diyos? May nakita ka na bang masamang tao na kayang tunay na magsisi? Wala pang nakakakita niyon. Ang umasang magsisisi ang masasamang tao ay katulad ng maawa sa mga makamandag na ahas; ito ay pagkaawa sa mababangis na halimaw. Ito ay dahil batay sa diwa ng masasamang tao, masasabi na hindi kailanman mamahalin ng masasamang tao ang mga positibong bagay, hindi nila kailanman tatanggapin ang katotohanan, at hindi sila kailanman magsisisi. Hindi mo makikita ang salitang “pagsisisi” sa kanilang diksiyonaryo. Gaano mo man ibahagi ang katotohanan sa kanila, hindi nila isasantabi ang kanilang sariling mga motibo at interes, at maghahanap sila ng iba’t ibang dahilan at palusot para pangatwiranan ang kanilang sarili, at walang sinuman ang makakukumbinsi sa kanila. Kapag nagdusa sila ng kawalan, hindi nila ito makakayanan, at hindi sila titigil sa pamemerwisyo sa iba tungkol dito. Paano tunay na magsisisi ang mga gayong tao, na ayaw magdusa ng kahit anong kawalan? Ang mga taong labis na makasarili ay iyong inuuna ang kanilang sariling mga interes nang higit sa lahat; masasamang tao sila, at hindi sila kailanman magsisisi. Kung lubos mo nang nakikita na masama ang isang tao at binibigyan mo pa rin siya ng pagkakataon na magsisi, hindi ba’t kahangalan iyon? Katumbas ito ng pagpapainit sa isang nagyeyelong ahas sa iyong dibdib, na sa kalaunan ay tutuklaw sa iyo. Hangal lamang ang gagawa ng gayong kahangalan. Sa iglesia, isang normal na penomeno ang pagkamuhi ng hinirang na mga tao ng Diyos sa masasamang tao, dahil walang pagkatao at palaging gumagawa ng imoral na mga bagay ang masasamang tao. Tamang kaisipan ang pagkamuhi sa masasamang tao. Bahagi ito ng kung ano ang dapat na taglayin ng mga tao sa kanilang normal na pagkatao.

Sabihin mo sa Akin, anong klase ng tao ang isang tao na wala man lang pagmamahal sa mga kapatid? Bakit wala man lang siyang kahit kaunting normal na pakikipag-ugnayan sa mga kapatid? Ang ganitong klase ng tao, kahit sino pa ang nakakasalamuha niya, ay inuugnay lang ang mga pakikisalamuhang ito sa mga interes at pakikipagtransaksiyon; kung walang mga interes o pakikipagtransaksiyon na kasangkot, hindi na siya mag-aabala pa sa mga tao. Hindi ba’t masama ang ganitong klase ng tao? May ilang tao na hindi naghahangad sa katotohanan at namumuhay lang batay sa mga damdamin; makikipaglapit sila sa sinumang maayos ang pagtrato sa kanila, at itinuturing nilang mabuti ang sinumang tumutulong sa kanila. Ang mga gayong tao ay wala ring normal na pakikipag-ugnayan sa pagitan ng mga tao. Namumuhay sila batay lang sa mga damdamin, kaya matatrato ba nila nang patas at makatarungan ang mga kapatid? Hinding-hindi ito makakamit. Samakatwid, ang sinumang walang normal na pakikipag-ugnayan sa mga kapatid, o sa mga taos-puso na nananampalataya sa Diyos, ay isang taong walang konsensiya at katwiran, walang normal na pagkatao, at tiyak na hindi isang tao na nagmamahal sa katotohanan. Ang mga indibidwal na ito ay walang pinagkaiba sa mga walang kuwentang tao sa hanay ng mga walang pananampalataya; nakikisalamuha sila sa sinumang kapaki-pakinabang sa kanila at binabalewala nila ang mga hindi kapaki-pakinabang. Bukod dito, kapag nakakakita sila ng isang tao na naghahangad sa katotohanan o isang tao na kayang magbahagi ng mga patotoong batay sa karanasan—isang taong hinahangaan at gusto ng lahat ng tao—nagseselos at namumuhi sila at sinusubukan nila ang lahat ng paraan para makahanap ng balang gagamitin para husgahan at kondenahin ang mga taong ito na naghahangad sa katotohanan. Hindi ba’t ito ang ginagawa ng masasamang tao? Walang konsensiya at katwiran ang mga gayong tao—mas masahol pa sila sa mga halimaw. Hindi nila kayang tratuhin nang tama ang mga tao, hindi nila makasundo nang normal ang ibang tao, hindi sila makabuo ng normal na pakikipag-ugnayan sa hinirang na mga tao ng Diyos, at nagagawa pa nga nilang kamuhian ang mga naghahangad sa katotohanan. Ang mga gayong tao ay tiyak na nakakaramdam ng matinding kalungkutan at pagkalumbay sa puso nila, palaging nagrereklamo tungkol sa Langit at sa ibang tao. Ano ang kagalakan o kabuluhan ng buhay nila? May malupit na disposisyon ang mga taong ito, at kahit sino pa ang makasalamuha nila, maaari silang makaramdam ng pagkamuhi sa maliliit na usapin, kinokondena at ginagantihan ang mga ito, nagdudulot ng mga sakuna sa mga ito. Ang mga gayong masasamang indibidwal ay ganap na mga diyablo, nagdadala sila ng sakuna sa iglesia sa bawat araw na sila ay nananatili. Kung mananatili sila nang matagal, magiging walang katapusan ang mga sakuna. Maiiwasan lang ang mga sakuna sa pamamagitan ng pag-aalis sa kanila sa iglesia. Dagdag pa rito, may mga taong nagmumukhang sibilisado sa panlabas pero may matinding pagkahilig sa mga pakinabang. Kaya, ang pananampalataya nila sa Diyos ay para din sa paghahangad ng mga pakinabang. Kung hindi sila makakuha ng pakinabang na hindi naman nararapat sa kanila, sa loob ng ilang panahon, dumidilim ang kanilang mukha sa lungkot, na para bang may malaking utang na pera sa kanila ang isang tao. Ang sinumang nakakakita sa kanilang naghihinakit at nasisiraan ng loob na mukha ay agad na naaapektuhan ang emosyon. Ano sa tingin ninyo ang magiging epekto kung magpapakita ang gayong mukha sa buhay iglesia? Karamihan sa hinirang na mga tao ng Diyos ay tiyak na hindi magiging komportable kapag nakita ito, at magugulo at maaapektuhan ang kanilang pagbabasa ng mga salita ng Diyos at pakikipagbahaginan sa katotohanan sa iba’t ibang antas. Lalo na sa mga wala pang pundasyon sa tunay na daan, madali rin silang maaapektuhan kapag madalas nilang nakikita ang madilim na mukhang ito sa buhay iglesia! Dapat magkaroon ang iglesia ng mas maraming tao na may masayahing personalidad, na nagsasalita nang simple at hayagan, at mas maraming tao na may puso na puno ng kapayapaan at kagalakan, at may espiritung malaya at magaan. Magiging kasiya-siya ang buhay iglesia kung ganito. Ang mga taong nakasimangot at palaging malungkot ay dapat magdasal sa Diyos sa kanilang tahanan at ayusin ang kanilang mentalidad bago pumunta sa mga pagtitipon. Sa ganitong paraan, magiging maganda ang kanilang lagay ng loob, at mayroon silang makakamit mula sa pagtitipon. Dagdag pa rito, makakabuti rin ito sa iba; kahit papaano, hindi sila magugulo. Upang matiyak na makakapamuhay ng normal na buhay iglesia ang hinirang na mga tao ng Diyos, dapat matutong makipagbahaginan sa katotohanan ang mga lider at manggagawa para malutas ang mga problema. Kung may isang taong dumadalo sa pagtitipon nang may madilim na mukha, dapat lumapit ang mga lider at manggagawa at magtanong, “Kailangan mo ba ng tulong?” Ito ang tinatawag na aktibong pagtulong sa iba nang dahil sa pagmamahal. Kung nakikita ng mga lider at manggagawa na may problema ang isang tao at binabalewala lang nila ito, iniiwasan at nilalayuan iyong mga “nakasimangot” nang hindi nakikipagbahaginan sa katotohanan para pagaanin ang loob ng mga ito, kung gayon, hindi sila gumagawa ng aktuwal na gawain. Para epektibong magawa ang gawain ng iglesia, dapat matutunan ng mga lider at manggagawa una sa lahat kung paano maging mga katiwalang-loob ng hinirang na mga tao ng Diyos, katulad ng tinatawag ng mga walang pananampalataya na isang mapagmalasakit na opisyal ng gobyerno. Ayaw gampanan ng ilang tao ang gayong papel, palagi nilang mas gusto na maging tagamasid lang—paano nila maaakay ang hinirang na mga tao ng Diyos na makapamuhay ng isang magandang buhay iglesia sa ganitong paraan? Sa katunayan, kung mayroon mang mga problema ang isang tao sa kanyang puso, sa isang punto ay makikita ito sa ekspresyon ng kanyang mukha. Kung palaging madilim ang mukha ng isang tao, siguradong madilim din ang puso niya, walang bahid ng liwanag. Kung buong araw siyang abala sa mga pagtatalo tungkol sa tama at mali, kaya pa ba niyang ngumiti? Ang mukha ng mga taong ito ay palaging nababalot ng maitim na ulap, walang kahit saglit na pagsikat ng araw, at naaapektuhan din nito ang paggampan nila ng tungkulin. Kung mabagal ang mga lider at manggagawa sa pagtugon at paglutas ng isyung ito, na nagsasanhing magdusa ang mga kapatid ng patuloy na kaguluhan at di-mailarawang paghihirap, pinatutunayan nito na ang mga lider at manggagawa ay walang kakayahang gumampan ng aktuwal na gawain, hindi nila malutas ang mga problema gamit ang katotohanan, at lubos silang walang kuwenta. Kung nauunawaan ng mga lider at manggagawa ang katotohanan at kaya nilang tukuyin ang mga problema ng mga kapatid, at kaya nilang magbigay ng maagap na suporta at tulong, hindi lang nakakatulong lumutas sa mga problema ng mga tao, kundi nakakatulong din sa mga tao na maunawaan ang mga katotohanang prinsipyo at maisakatuparan ang kanilang mga tungkulin—kung gayon, magiging mas mahusay ang paggampan nila sa tungkulin at pangangasiwa sa mga usapin, at hindi maaapektuhan ang gawain ng iglesia. Kung hindi agarang matutukoy at malulutas ng mga lider at manggagawa ang mga problema, maaapektuhan nito ang gawain ng iglesia. Kung hindi matutukoy at mapapangasiwaan ng mga lider at manggagawa ang mga problema, nagsasanhi ng pagkasira sa gawain ng iglesia at hinahadlangan ang buhay pagpasok ng hinirang na mga tao ng Diyos, hindi ba’t binigo nila ang Diyos at ang Kanyang hinirang na mga tao? Hindi ba’t wala silang mga prinsipyo sa pangangasiwa sa mga usapin? Ang pangangasiwa sa mga problema nang agaran at walang pag-aalinlangan pagkatapos makilatis ang kanilang diwa—ito ay tinatawag na pagtupad sa mga responsabilidad at pagiging tapat, at ito ay paggawa sa tungkulin sa paraang pasok sa pamantayan.

Ang paksa ng pagbabahaginan ngayon ay ang ikaanim na isyu—pakikibahagi sa mga di-wastong ugnayan. Ang ganitong mga klase ng problema na lumilitaw sa buhay iglesia ay karaniwang ganito: mga di-wastong ugnayan sa pagitan ng mga kasarian, mga ugnayan ng magkaparehong kasarian, mga ugnayang may kasamang mga pansariling interes, at pagkamuhi sa pagitan ng mga indibidwal. Ito man ay mga ugnayang batay sa pagnanasa ng laman, mga interes ng laman, o mga sentimental na gusot ng laman, ang lahat ng ito ay kabilang sa kategorya ng mga di-wastong ugnayan dahil lumalampas ang mga ito sa saklaw ng konsensiya at katwiran ng normal na pagkatao. Ang pag-iral ng mga di-wastong ugnayang ito ay maaaring makaligalig sa mga tao sa isang banda. Ang mas malala pa, maaaring makagulo ang mga ito sa buhay pagpasok ng mga tao, sa kanilang paghahangad sa katotohanan, at sa kanilang paghahangad na makilala ang Diyos. Ang iba’t ibang uri ng di-wastong ugnayang ito ay hindi nagmumula sa konsensiya o katwiran, at salungat ang mga ito sa normal na pagkatao. Mahirap para sa mga tao na tanggapin at isagawa ang katotohanan kapag namumuhay sila sa loob ng mga abnormal na ugnayang ito, at ginugulo rin sila nito sa pamumuhay ng buhay iglesia at paghahangad ng paglago sa buhay, ginugulo rin nito ang kaayusan ng buhay iglesia. Nakasasama ito sa buhay pagpasok ng hinirang na mga tao ng Diyos at nakapipinsala rin sa gawain ng iglesia. Dahil sa lahat ng ito, napakahalaga na agarang tukuyin at pangasiwaan ng mga lider at manggagawa ang mga isyung ito.

Tungkol sa mga di-wastong ugnayan, naisa-isa na natin ang iba’t ibang sitwasyon at naikategorya ang mga ito. Maaari ba kayong magbigay ng ilang halimbawa para magsanay ng pagkilatis? Ano ang layunin ng pagkatuto ng pagkilatis? Ito ay para matutuhan ninyong kilatisin at tukuyin ang diwa ng mga tao, pangyayari, at bagay, nang sa gayon ay makagawa ng mga tumpak na paghusga, at pagkatapos ay tratuhin ang mga ito ayon sa mga prinsipyo. Ito ang panghuling resulta. Mayroon bang sinuman na nakapagsabi, “Buong araw kang nagsasalita tungkol sa mga usaping ito ng tama at mali, ang mga pang-araw-araw na usaping ito—hindi na namin gustong makinig sa mga ito; ni ayaw na nga naming dumalo sa mga pagtitipon. Hindi ba’t dapat nakikipagbahaginan ka tungkol sa katotohanan? Bakit palagi mong tinatalakay ang mga sitwasyong ito”? Napansin ba ninyo ang mga gayong tao? Anong klaseng mga tao sila? (Mga taong walang espirituwal na pang-unawa.) Nakikipagbahaginan tayo sa ganitong paraan, pero hindi pa rin nila nauunawaan ang katotohanan—hindi nila taglay ang katalinuhan ng isang normal na tao; ganap na walang silbi ang mga gayong tao. Kung ang isang tao ay hindi nagtataglay ng katalinuhan ng isang normal na tao, dapat pa ba siyang hayaang makinig sa mga sermon? Maaaring sasabihin nila: “Palagi na lang tungkol sa pagbabahaginan sa katotohanan ang mga pagtitipon, palaging nag-uusap tungkol sa mga bagay tulad ng pagsasagawa sa katotohanan—pagod na akong makinig dito. Ayaw ko nang dumalo sa mga pagtitipon.” Kung tunay na ganoon ang pananaw nila, sila ay isang taong tutol sa katotohanan. Para sa gayong klase ng mga tao, hindi ipinipilit ng sambahayan ng Diyos ang kanilang pagdalo; agad silang itaboy. Kung sila mismo ay ayaw dumalo sa mga pagtitipon, at hindi sila bukas sa itinatalakay sa kanila, hindi natin sila pipilitin—hindi natin gustong abalahin sila. Ang mga taong tulad nito, kahit manampalataya sila sa Diyos habambuhay, ay hindi makakaunawa sa katotohanan at hindi makakapasok sa realidad; sayang lang ang pagsisikap dito. Kung gusto nilang makinig sa mga teolohikal na kaalaman, hayaan silang umalis at mag-aral ng teolohikal na kaalaman; balang araw, kapag hindi nila nakamit ang katotohanan bilang buhay, pagsisisihan nila ito.

Mayo 29, 2021

Sinundan:  Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa (13)

Sumunod:  Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa (15)

Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos Ukol sa Pagkakilala sa Diyos Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw Paglalantad sa mga Anticristo Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ang Paghatol ay Nagsisimula sa Tahanan ng Diyos Mahahalagang Salita Mula sa Makapangyarihang Diyos, ang Cristo ng mga Huling Araw Araw-araw na mga Salita ng Diyos Ang Mga Katotohanang Realidad na Dapat Pasukin ng mga Mananampalataya sa Diyos Sundan ang Kordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin Mga Gabay para sa Pagpapalaganap ng Ebanghelyo ng Kaharian Naririnig ng mga Tupa ng Diyos ang Tinig ng Diyos Makinig sa Tinig ng Diyos Masdan ang Pagpapakita ng Diyos Mahahalagang Tanong at Sagot tungkol sa Ebanghelyo ng Kaharian Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume I) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume II) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume III) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IV) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume V) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VI) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VIII) Paano Ako Bumalik sa Makapangyarihang Diyos

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito

Connect with us on Messenger