Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa 17

Ikalabindalawang Aytem: Agaran at Tumpak na Tukuyin ang Iba’t Ibang Tao, Pangyayari, at Bagay na Nakagagambala at Nakagugulo sa Gawain ng Diyos at sa Normal na Kaayusan ng Iglesia; Pigilan at Limitahan ang mga ito, at Baguhin ang mga Bagay-bagay; Dagdag pa rito, Pagbahaginan ang Katotohanan upang Magkaroon ng Pagkilatis ang mga Hinirang ng Diyos sa Pamamagitan ng mga Gayong Bagay at Matuto Sila mula sa mga Ito (Ikalimang Bahagi)

Ang Iba’t Ibang Tao, Pangyayari, at Bagay na Nakakagambala at Nakakagulo sa Buhay Iglesia

IX. Pagbubulalas ng Pagkanegatibo

Ngayon, ipagpapatuloy natin ang pagbabahaginan natin tungkol sa ikalabindalawang responsabilidad ng mga lider at manggagawa: “Agaran at tumpak na tukuyin ang iba’t ibang tao, pangyayari, at bagay na nakagagambala at nakagugulo sa gawain ng Diyos at sa normal na kaayusan ng iglesia; pigilan at limitahan ang mga ito, at baguhin ang mga bagay-bagay; dagdag pa rito, pagbahaginan ang katotohanan upang magkaroon ng pagkilatis ang hinirang na mga tao ng Diyos sa pamamagitan ng mga gayong bagay at matuto sila mula sa mga ito.” Tungkol sa iba’t ibang paggambala at panggugulo na lumilitaw sa buhay iglesia, nagbahaginan tayo noong nakaraan tungkol sa ikawalong isyu—ang pagpapakalat ng mga kuru-kuro—at ngayon ay pagbabahaginan natin ang ikasiyam—ang pagbubulalas ng pagkanegatibo. Ang pagbubulalas ng pagkanegatibo ay isang bagay na madalas ding naririnig sa pang-araw-araw na buhay. Gayundin, ang mga kilos o pahayag ng pagbubulalas ng pagkanegatibo ay dapat ding limitahan at pigilan kapag lumilitaw ang mga ito sa buhay iglesia, sapagkat ang pagbubulalas ng pagkanegatibo ay hindi nakakapagpatibay sa sinuman; sa halip, nakakaapekto, nakakagulo, at nagdudulot ito ng kawalan sa mga tao. Samakatwid, ang pagbubulalas ng pagkanegatibo ay isang negatibong bagay, kapareho ng kalikasan sa iba pang mga pag-uugali, kilos, at pahayag na nakakagulo sa buhay iglesia; maaari din itong makagulo sa mga tao at magkaroon ng mga hindi kanais-nais na epekto. Walang sinuman ang makakapagpatibay o makakapagbigay ng mga pakinabang sa iba sa pamamagitan ng pagbubulalas ng pagkanegatibo; sa halip, nagdudulot lang ito ng mga mapaminsalang epekto at maaari din itong makaapekto sa normal na paggampan ng mga tao sa mga tungkulin nila. Kaya, kapag nagaganap sa iglesia ang pagbubulalas ng pagkanegatibo, dapat din itong pigilan at limitahan, hindi dapat kunsintihin o hikayatin.

A. Kung Ano ang Pagbubulalas ng Pagkanegatibo

Tingnan muna natin kung paano dapat unawain at kilatisin ang pagbubulalas ng pagkanegatibo. Paano natin dapat kilatisin ang pagbubulalas ng pagkanegatibo? Alin sa mga komento at pagpapamalas ng mga tao ang pagbubulalas ng pagkanegatibo? Higit sa lahat, ang pagkanegatibong ibinubulalas ng mga tao ay hindi positibo, isa iyong masamang bagay na sumasalungat sa katotohanan, at isa itong bagay na nanggagaling sa kanilang tiwaling disposisyon. Ang pagkakaroon ng tiwaling disposisyon ay humahantong sa mga paghihirap sa pagsasagawa ng katotohanan at pagpapasakop sa Diyos—at dahil sa mga paghihirap na ito, nabubunyag ang mga negatibong saloobin at iba pang mga negatibong bagay sa mga tao. Ang mga bagay na ito ay nagmumula sa konteksto ng pagsisikap nilang isagawa ang katotohanan; ito ay mga saloobin at pananaw na nakakaapekto at humahadlang sa mga tao kapag sinisikap nilang isagawa ang katotohanan, at lubos na mga negatibong bagay. Gaano man naaayon sa mga kuru-kuro ng tao at gaano man kamakatwirang pakinggan ang mga negatibong saloobin at pananaw na ito, hindi nagmumula ang mga ito sa pagkaunawa sa mga salita ng Diyos, lalong hindi kaalaman sa mga salita ng Diyos na batay sa karanasan ang mga ito. Sa halip, nagmumula ang mga ito sa isipan ng tao, at hindi talaga sang-ayon sa katotohanan. Kaya, ang mga ito ay mga negatibong bagay, masasamang bagay. Ang layunin ng mga taong nagbubulalas ng pagkanegatibo ay makahanap ng maraming obhektibong dahilan para sa kabiguan nilang isagawa ang katotohanan, para makuha ang simpatiya at pag-unawa ng ibang mga tao. Sa iba’t ibang antas, ang mga negatibong pahayag na ito ay nakakaimpluwensiya at nakapangpapahina sa inisyatiba ng mga tao na isagawa ang katotohanan, at maaari pa ngang patigilin ang maraming tao sa pagsasagawa ng katotohanan. Dahil sa mga kahihinatnan at masasamang epektong ito, nagiging mas marapat na ilarawan ang mga negatibong bagay na ito bilang masama, laban sa Diyos, at lubos na salungat sa katotohanan. Ang ilang tao ay hindi makilatis ang diwa ng pagkanegatibo, at iniisip nila na ang madalas na pagkanegatibo ay normal, at na wala itong malaking epekto sa paghahangad ng mga tao sa katotohanan. Mali ang ganitong pag-iisip; sa katunayan, napakalaki ng epekto nito, at kung hindi na makayanan ng isang tao ang tindi ng pagkanegatibo niya, madali itong hahantong sa pagtataksil. Ang katakot-takot na kahihinatnang ito ay sanhi ng walang iba kundi pagkanegatibo. Kaya paano dapat kilatisin at unawain ang pagbubulalas ng pagkanegatibo? Sa madaling sabi, ang magbulalas ng pagkanegatibo ay panlilihis sa mga tao at pagpapatigil sa kanila na isagawa ang katotohanan; ito ay paggamit ng mga banayad na taktika, ng tila normal na mga pamamaraan, para ilihis ang mga tao at tisurin sila. Nakakapinsala ba ito sa kanila? Talagang lubhang nakakasira ito sa kanila. Kaya nga, ang pagbubulalas ng pagkanegatibo ay isang bagay na masama, kinokondena ito ng Diyos; ito ang pinakasimpleng interpretasyon ng pagbubulalas ng pagkanegatibo. Kaya ano ba talaga ang negatibong bahagi ng pagbubulalas ng pagkanegatibo? Ano ang mga bagay na negatibo, at malamang na magkaroon ng masamang epekto sa mga tao, at magsanhi ng panggugulo at pinsala sa buhay iglesia? Ano ang kasama sa pagkanegatibo? Kung ang mga tao ay may dalisay na pagkaarok sa mga salita ng Diyos, maglalaman ba ng anumang pagkanegatibo ang mga salitang ibinabahagi nila? Kung ang mga tao ay may saloobin ng tunay na pagpapasakop sa mga sitwasyong inilatag ng Diyos para sa kanila, maglalaman ba ng anumang pagkanegatibo ang kanilang kaalaman tungkol sa mga sitwasyong ito? Kapag ibinabahagi nila sa lahat ang kanilang kaalamang batay sa karanasan, maglalaman ba iyon ng anumang pagkanegatibo? Tiyak na hindi. Tungkol sa anumang nangyayari sa iglesia o sa paligid nila, kung nagagawa ng mga tao na tanggapin ito mula sa Diyos, magkaroon ng tamang pagharap, at magkaroon ng saloobin ng paghahanap at pagpapasakop, magkakaroon ba ng anumang pagkanegatibo ang kaalaman, pagkaunawa, at karanasan nila sa nangyayari? (Hindi.) Hinding-hindi. Kaya, kung titingnan sa mga ganitong aspekto, ano nga ba ang pagkanegatibo? Paano ba ito mauunawaan? Hindi ba’t ang pagkanegatibo ay naglalaman ng mga bagay na may ganitong kalikasan—pagsuway, kawalang-kasiyahan, mga paghihinakit, at sama ng loob ng mga tao? Ang mga mas malalang kaso ng pagkanegatibo ay kinabibilangan din ng paglaban, paghamon, at maging ng pagprotesta. Ang pagsasabi ng mga komento na naglalaman ng mga elementong ito ay mailalarawan bilang pagbubulalas ng pagkanegatibo. Kaya, kung susuriin ang mga pagpapamalas na ito, kapag nagbubulalas ng pagkanegatibo ang isang tao, may anumang pagpapasakop ba sa Diyos sa puso niya? Tiyak na wala. May anumang kahandaan ba na maghimagsik laban sa laman at lutasin ang pagkanegatibo niya? Wala—wala kundi paglaban, paghihimagsik, at pagsalungat. Kung ang puso ng mga tao ay puno ng mga bagay na ito—kung nasakop na ang puso nila ng mga negatibong bagay na ito—magbubunga ito ng paglaban, paghihimagsik, at paghamon sa Diyos. At kung ito ang kaso, magagawa pa ba nilang isagawa ang katotohanan at magpasakop sa Diyos? Hindi; ang tanging mangyayari ay mapapalayo sila sa Diyos, mas lalong magiging negatibo, at maaari pa nga nilang pagdudahan, itatwa, at ipagkanulo ang Diyos. Hindi ba’t mapanganib ito? Ang sinumang madalas na negatibo ay may kakayahang magbulalas ng pagkanegatibo, at ang pagbubulalas ng pagkanegatibo ay ang pagsalungat at pagtatatwa sa Diyos; dahil dito, ang mga taong madalas magbulalas ng pagkanegatibo ay may tendensiyang ipagkanulo ang Diyos at iwan Siya sa anumang oras o lugar.

Batay sa kahulugan ng salitang “pagkanegatibo,” kapag nagiging negatibo ang isang tao, bumababa nang husto ang kanyang lagay ng loob at nagkakaroon siya ng masamang kaisipan. Ang lagay ng kanyang loob ay napupuno ng mga negatibong elemento, wala siyang saloobin ng aktibong pag-usad at pagsisikap, at wala siyang positibo, aktibong pakikipagtulungan at paghahanap; higit pa rito, wala siyang ipinapakitang kusang-loob na pagpapasakop, sa halip ay nagpapakita siya ng napakalungkot na lagay ng loob. Ano ang kinakatawan ng isang napakalungkot na lagay ng loob? Kinakatawan ba nito ang mga positibong aspekto ng pagkatao? Kinakatawan ba nito ang pagkakaroon ng konsensiya at katwiran? Kinakatawan ba nito ang pamumuhay nang may dignidad, pamumuhay sa saklaw ng dignidad ng pagkatao? (Hindi.) Kung hindi nito kinakatawan ang mga positibong bagay na ito, ano ang kinakatawan nito? Pwede ba itong kumatawan sa kawalan ng tunay na pananalig sa Diyos, gayundin sa kawalan ng determinasyon at kapasyahang maghangad sa katotohanan at maagap na umusad? Maaari ba itong kumatawan sa matinding kawalan ng kasiyahan at hirap sa pagkaunawa sa kasalukuyang sitwasyon at mga suliranin ng isang tao, at pag-ayaw na tanggapin ang mga katunayan ng kasalukuyan? Pwede ba itong kumatawan sa isang sitwasyon kung saan ang puso ng isang tao ay puno ng pagsuway, ng pagnanais na tumutol, at ng pagnanais na tumakas at baguhin ang kasalukuyang sitwasyon? (Oo.) Ito ang mga kalagayang ipinapakita ng mga tao kapag hinaharap nila ang kasalukuyang sitwasyon nang may pagkanegatibo. Sa madaling salita, anuman ang mangyari, kapag ang mga tao ay negatibo, ang kawalan nila ng kasiyahan sa kasalukuyang sitwasyon at sa mga isinaayos ng Diyos ay hindi kasingsimple ng pagkakaroon lang nila ng mga maling pagkaunawa, hindi pagkaunawa, hindi pagkaarok, o kawalan ng kakayahang dumanas. Ang hindi pagkaarok ay maaaring usapin ng kakayahan o oras, na isang normal na pagpapamalas ng pagkatao. Ang hindi magawang dumanas ay pwedeng dahil din sa ilang obhetibong dahilan, pero ang mga ito ay hindi itinuturing na mga negatibo, hindi kanais-nais na mga bagay. Hindi rin magawang dumanas ng ilang tao, pero kapag nahaharap sila sa mga bagay na hindi nila nauunawaan o nakikilatis, o sa mga bagay na hindi nila naaarok o nararanasan, magdadasal sila sa Diyos at hahanapin nila ang Kanyang mga pagnanais, hihintayin nila ang kaliwanagan at pagtanglaw ng Diyos, at aktibo silang maghahanap mula at makikipagbahaginan sa ibang tao. Gayumpaman, naiiba ang ibang tao; wala sila ng mga ganitong landas ng pagsasagawa, wala rin silang gayong saloobin. Sa halip na maghintay, maghangad, o maghanap ng makakabahaginan, nagkakaroon sila ng mga maling pagkaunawa sa puso nila, nararamdaman nila na ang mga pangyayari at sitwasyong kinakaharap nila ay hindi umaayon sa kanilang mga pagnanais, kagustuhan, o imahinasyon, kaya humahantong sa pagsuway, kawalan ng kasiyahan, paglaban, mga reklamo, pagtutol, pagpoprotesta, at iba pang mga hindi kanais-nais na bagay. Kapag nagkakaroon ng mga ganitong hindi kanais-nais na bagay, hindi na nila masyadong iniisip ang mga ito, hindi rin sila lumalapit sa Diyos para magdasal at magnilay-nilay para makilala ang sarili nilang kalagayan at katiwalian. Hindi nila binabasa ang mga salita ng Diyos para hanapin ang mga pagnanais ng Diyos o ginagamit ang mga salita ng Diyos para lutasin ang mga problema, lalong hindi sila naghahanap mula at nakikipagbahaginan sa iba. Sa halip, iginigiit nila na tama at tumpak ang pinapaniwalaan nila, nagkikimkim sila ng pagsuway at kawalan ng kasiyahan sa puso nila, at hindi sila makaalis sa negatibo, di-kanais-nais na mga emosyon. Kapag hindi sila makaalis sa mga ganitong emosyon, maaaring magawa nilang kimkimin ang mga ito at tiisin ang mga ito sa loob ng isa o dalawang araw, pero kapag tumagal na, maraming bagay ang lumilitaw sa isipan nila, kabilang na ang mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao, etika at moralidad ng tao, kultura, tradisyon, at kaalaman ng tao, at iba pa. Ginagamit nila ang mga bagay na ito para sukatin, kalkulahin, at unawain ang mga problemang kinakaharap nila, ganap silang nabibitag sa patibong ni Satanas, kaya lumilitaw ang iba't ibang kalagayan ng kawalang kasiyahan at pagsuway. Mula sa mga tiwaling kalagayang ito, lumilitaw ang iba’t ibang maling ideya at pananaw, at sa puso nila, hindi na makontrol ang mga negatibong bagay na ito. Pagkatapos ay naghahanap sila ng mga pagkakataon para mailabas at maibulalas ang mga bagay na ito. Kapag puno ng pagkanegatibo ang puso nila, sinasabi ba nila, “Puno ako ng mga negatibong bagay sa loob ko; hindi ako dapat magsalita nang walang ingat para hindi ko mapinsala ang iba. Kung gusto kong magsalita at hindi ko ito mapigilan, kakausapin ko ang pader, o kakausapin ko ang isang bagay na hindi nakakaintindi ng pananalita ng tao”? Sapat ba silang mabait para gawin ito? (Hindi.) Ano ang ginagawa nila kung gayon? Naghahanap sila ng mga pagkakataon para magkaroon ng tagapakinig na tatanggap ng kanilang mga negatibong pananaw, komento, at emosyon, ginagamit nila ito para mailabas ang iba't ibang negatibong damdamin nila tulad ng kawalan ng kasiyahan, pagsuway, at sama ng loob mula sa puso nila. Naniniwala silang ang oras sa buhay iglesia ang pinakamagandang oras para maglabas ng sama ng loob, at ang magandang pagkakataon para ilabas ang kanilang pagkanegatibo, kawalan ng kasiyahan, at pagsuway dahil maraming tagapakinig at maaaring makahikayat ang mga salita nila na maging negatibo ang iba, at nakakapagdala ng hindi kanais-nais na mga kahihinatnan sa gawain ng iglesia. Siyempre, ang mga nagbubulalas ng pagkanegatibo ay hindi makapagpigil kahit sa pribado; palagi nilang inilalabas ang negatibo nilang pananalita. Kapag hindi marami ang nakakarinig sa kanilang magbulalas, nawawalan sila ng gana, pero kapag nagtitipon-tipon ang lahat, nagiging mas masigla sila. Batay sa mga emosyon, kalagayan, at iba pang mga aspekto ng mga nagbubulalas ng pagkanegatibo, ang pakay nila ay hindi ang tulungan ang mga tao na maunawaan ang katotohanan, makilatis kung ano ang totoo, malinawan sa mga maling pagkaunawa o pagdududa tungkol sa Diyos, makilala ng mga ito ang sarili nila at ang sariling tiwaling diwa ng mga ito, o malutas ang mga isyu ng mga ito ng pagiging mapaghimagsik at tiwali para hindi maghimagsik laban sa Diyos ang mga ito o kontrahin Siya kundi magpasakop sa Kanya. Sa pangunahin, may dalawang bahagi ang mga pakay nila: Sa isang banda, nagbubulalas sila ng pagkanegatibo para mailabas ang mga emosyon nila; sa kabilang banda, pakay nilang mahila ang maraming tao sa pagkanegatibo at papunta sa bitag ng paglaban at pagpoprotesta laban sa Diyos kasama nila. Samakatwid, ang pagbubulalas ng pagkanegatibo ay dapat talagang mapigilan sa loob ng buhay iglesia.

B. Ang Iba’t Ibang Kalagayan at Pagpapamalas ng mga Taong Nagbubulalas ng Pagkanegatibo
1. Pagbubulalas ng Pagkanegatibo Habang Nakakaramdam ng Kawalang-Kasiyahan Tungkol sa Pagkakatanggal

Ang mga emosyon at pagpapamalas ng pagkanegatibo ay karaniwang ang mga ito. Matapos Kong magbahagi tungkol sa mga ito, dapat ikumpara ng mga tao ang sarili nila sa mga ito at tingnan kung alin sa mga pag-uugali, komento, at pamamaraan nila sa tunay na buhay ang maituturing na pagbubulalas ng pagkanegatibo, at kung anong mga sitwasyon ang nagdudulot sa kanila na masadlak sa pagkanegatibo, na humahantong sa pagbubulalas ng pagkanegatibo. Sabihin ninyo sa Akin, sa ilalim ng mga karaniwang kaganapan, anong mga sitwasyon ang nagdudulot sa mga tao na maging negatibo? Ano ang mga karaniwang anyo ng pagkanegatibo? (Kapag tinanggal o pinungusan ang isang tao, maaari siyang magkaroon ng kaunting pagkanegatibo sa puso niya.) Ang pagkakatanggal ay isang senaryo, at ang pagkakapungos ay isa pang senaryo. Bakit humahantong sa pagkanegatibo ang pagkakatanggal? (Ang ilang tao, matapos matanggal, ay walang pagkakilala sa sarili at iniisip nila na ang katayuan nila ang naging dahilan ng pagbagsak nila. Pagkatapos ay sinasabi nila, “Kapag mas mataas ang akyat, mas masakit ang bagsak,” nagsasabi sila ng ilang negatibong pananaw. Wala silang dalisay na pagkaarok sa pagkakatanggal; masuwayin sila sa puso nila.) Sa kalooban nila, may pagsuway at kawalang-kasiyahan, na siyang mga negatibong emosyon. Nagrereklamo ba sila? (Oo. Pakiramdam nila ay nagtiis sila ng paghihirap at nagbayad ng halaga, na palagi silang nagsusumikap nang husto nang walang nakukuhang anumang magandang kapalit, pero tinanggal pa rin sila. Kaya sinasabi nila, “Mahirap maging lider; malas ang sinumang maging lider. Kalaunan, natatanggal din ang lahat.”) Ang pagpapakalat ng ganitong mga komento ay pagbubulalas ng pagkanegatibo. Kung masuwayin lang sila at hindi nasisiyahan pero hindi naman nila ito ipinapakalat, hindi pa iyon maituturing na pagbubulalas ng pagkanegatibo. Kung mula sa pagsuway at kawalang-kasiyahan ay unti-unting lumalabas ang isang damdamin ng pagrereklamo, at hindi nila kinikilala ang katunayan na may mahina silang kakayahan at hindi nila nagawa ang trabaho, at pagkatapos ay nagsisimula silang makipagtalo gamit ang baluktot nilang lohika, bumubuo ng kung ano-anong mga pahayag, pananaw, palusot, dahilan, paliwanag, pangangatwiran, at iba pa habang nakikipagtalo, kung gayon, ang pagsasabi ng ganitong mga uri ng komento ay maituturing nang pagbubulalas ng pagkanegatibo. Ang ilang huwad na lider, na tinanggal dahil sa hindi paggawa ng tunay na gawain, ay nagkikimkim ng pagsuway at kawalang-kasiyahan sa puso nila, talagang wala silang anumang pagpapasakop; palagi nilang iniisip, “Tingnan natin kung sino ang maaaring pumalit sa akin bilang lider. Walang ibang mas mahusay kaysa sa akin; kung hindi ko kaya ang gawain, hindi rin nila kaya!” Bakit sila masuwayin? Iniisip nila na hindi mahina ang kakayahan nila at na marami na silang nagawang gawain, kaya bakit sila tinanggal? Ito ang mga iniisip ng mga huwad na lider sa loob-loob nila. Hindi sila nagninilay-nilay para makilala ang sarili nila at makita kung talaga bang gumawa sila ng anumang tunay na gawain, kung gaano karaming aktuwal na problema ang nilutas nila, o kung tunay bang naparalisa nila ang gawain ng iglesia. Bihira nilang isaalang-alang ang mga bagay na ito. Tingin nila, ang kawalan nila ng katotohanang realidad at ng kakayahang makilatis ang mga bagay-bagay ay hindi ang isyu; sa halip, naniniwala silang dahil marami na silang nagawang gawain, hindi sila dapat ilarawan bilang huwad na lider. Ito ang pangunahing dahilan ng pagsuway at kawalang-kasiyahan nila. Palagi nilang iniisip: “Maraming taon ko nang ginagawa ang mga tungkulin ko, bumabangon ako nang maaga at nagpupuyat araw-araw para kanino? Matapos manampalataya sa Diyos, iniwan ko ang pamilya ko, isinuko ang karera ko, at hinarap ko pa nga ang panganib na maaresto at mabilanggo para magawa ang mga tungkulin ko. Napakaraming paghihirap na ang tiniis ko! At ngayon, sinasabi nilang wala akong nagawang aktuwal na gawain at basta na lang nila akong tinanggal—labis itong hindi patas! Kahit na wala akong anumang mga nakamit, nagtiis naman ako ng paghihirap; kung hindi paghihirap, pagkapagod! Sa kakayahan at abilidad kong magbayad ng halaga sa gawain ko, kung kahit ako mismo ay hindi pa rin maituturing na pasok sa pamantayan at natanggal, sa palagay ko ay halos wala nang mga lider na pasok sa pamantayan!” Nagbubulalas ba sila ng pagkanegatibo sa pagsasabi ng mga salitang ito? May kahit isang pangungusap ba sa mga ito na nagpapahiwatig ng pagpapasakop? May kahit katiting ba na pahiwatig ng pagnanais na hanapin ang katotohanan? May anuman bang pagninilay-nilay sa sarili, tulad ng, “Sinasabi nila na hindi pasok sa pamantayan ang gawain ko, kaya saan ba mismo ako nagkukulang? Anong aktuwal na gawain ang hindi ko nagawa? Anong mga pagpapamalas ng isang huwad na lider ang ipinapakita ko?” Pinagnilayan na ba nila ang sarili nila sa ganitong paraan? (Hindi.) Kaya, ano ang kalikasan ng mga salitang ito na sinasabi nila? Nagrereklamo ba sila? Pinapangatwiranan ba nila ang sarili nila? Ano ang layunin nila sa pangangatwiran sa sarili nila? Hindi ba’t ito ay para makakuha ng simpatiya at pag-unawa ng mga tao? Hindi ba’t gusto nilang mas maraming tao ang magtanggol sa kanila, manangis dahil sa dinanas nilang kawalang-katarungan? (Oo.) Kung gayon, kanino sila nagpoprotesta? Hindi ba’t nakikipagtalo at nagpoprotesta sila laban sa Diyos? (Oo.) Ang pananalita nila ay nagrereklamo laban sa Diyos, sumasalungat sa Diyos. Ang puso nila ay puno ng mga hinanakit, nang may paglaban at paghihimagsik. Hindi lang iyon, kundi sa pamamagitan ng pagbubulalas ng pagkanegatibo, layon nilang mas maraming tao ang makaunawa sa kanila, makisimpatya sa kanila, at magkaroon ng pagkanegatibo na tulad nila, para mas marami pang tao ang magkimkim ng mga hinanakit, ng paglaban, at paghamon laban sa Diyos, o magprotesta laban sa Kanya, tulad nila. Hindi ba’t nagbubulalas sila ng pagkanegatibo para makamit ang layuning ito? Ang layunin nila ay hayaan lang ang mas maraming tao na malaman ang diumano’y katotohanan ng usapin at papaniwalain ang iba na inaagrabyado sila, na tama ang ginawa nila, na hindi sila dapat natanggal, at na isang pagkakamali ang pagkakatanggal sa kanila; gusto nilang mas maraming tao ang magtanggol sa kanila. Sa pamamagitan nito, umaasa silang maibabalik ang dangal, katayuan, at reputasyon nila. Ang lahat ng huwad na lider at anticristo, pagkatapos matanggal, ay nagbubulalas ng pagkanegatibo sa ganitong paraan para makuha ang simpatiya ng mga tao. Wala ni isa sa kanila ang nakakapagnilay-nilay at nakakakilala sa sarili nila, nakakaamin sa mga pagkakamali nila, o nakakapagpakita ng tunay na pagsisisi at pagbabago. Kinukumpirma ng katunayang ito na ang mga huwad na lider at anticristo ay pawang mga taong hindi nagmamahal sa katotohanan, at hinding-hindi nila ito tinatanggap. Kaya, pagkatapos mabunyag at matiwalag, hindi nila makilala ang sarili nila sa pamamagitan ng katotohanan at mga salita ng Diyos. Wala pang nakakita sa kanila na nagpakita sila ng pagsisisi o nagkaroon ng tunay na pagkakilala sa sarili nila, ni wala pang nakakita sa kanila na nagpakita sila ng tunay na pagbabago. Tila kahit kailan ay hindi pa sila nagkamit ng pagkakilala sa sarili o hindi pa nila inamin ang mga pagkakamali nila. Kung susuriin ang katunayang ito, ang pagtatanggal sa mga huwad na lider at anticristo ay ganap na angkop at talagang hindi di-makatarungan. Batay sa ganap nilang kawalan ng pagninilay-nilay at pagkakilala sa sarili, gayundin sa kawalan nila ng anumang pagsisisi, malinaw na matindi ang anticristong disposisyon nila, at na hindi talaga nila minamahal ang katotohanan.

Ang ilang huwad na lider, pagkatapos matanggal, ay talagang hindi inaamin ang mga pagkakamali nila, ni hinahanap ang katotohanan o pinagninilayan at kinikilala ang sarili nila. Wala sila ni katiting na puso o saloobin ng pagpapasakop. Sa halip, nagkakamali sila ng pagkaunawa sa Diyos at nagrereklamo sila na hindi sila tinatrato ng Diyos nang patas, pinipiga ang utak nila para makahanap ng iba’t ibang palusot at dahilan para pangatwiranan at ipagtanggol ang sarili nila. Sinasabi pa nga ng ilan, “Hindi ko kailanman ginusto na maging lider noon dahil alam kong mahirap ang trabahong iyon. Kung mahusay ang paggawa mo, hindi ka gagantimpalaan, at kung hindi ka naman mahusay, matatanggal ka at magkakaroon ka ng masamang reputasyon, itatakwil ng mga kapatid, at ganap na mawawalan ng dangal. Ano ang mukhang maihaharap ng isang tao pagkatapos niyon? Ngayong natanggal na ako, mas lalo akong nakumbinsi na hindi madali ang maging lider o manggagawa; isa itong trabahong mahirap at hindi pinapahalagahan!” Ano ang kahulugan ng pahayag na, “ang maging lider o manggagawa ay isang trabahong mahirap at hindi pinapahalagahan”? May anumang layunin bang hanapin ang katotohanan na ipinapahiwatig dito? Hindi ba’t nangangahulugan ito na kinakamuhian nila ang katunayang isinaayos sila ng sambahayan ng Diyos na maging lider o manggagawa, at ginagamit nila ngayon ang ganitong uri ng pahayag para ilihis ang iba? (Oo.) Ano ang puwedeng maging mga kahihinatnan ng ganitong pahayag? Maiimpluwensiyahan at magugulo ng mga salitang ito ang isipan at pag-iisip ng karamihan ng tao, at ang pagkaarok at pagkaunawa nila sa usaping ito. Ito ang kahihinatnang idinudulot sa mga tao ng pagbubulalas ng pagkanegatibo. Halimbawa, kung hindi ka isang lider at maririnig mo ito, magugulat ka, iisipin mo, “Totoo iyon! Hindi ako dapat mapili bilang lider. Kung mapipili ako, kailangan kong mabilis na makahanap ng kung ano-anong dahilan at palusot para tumanggi. Sasabihin kong wala ako ng kakayahan at hindi ko kaya ang gawain.” Ang ilan na mga lider ay maaapektuhan din ng pahayag na ito, iisipin nila, “Nakakatakot naman! Mahaharap din kaya ako sa kalalabasang katulad ng sa kanila sa hinaharap? Kung ganoon ang mangyayari sa mga bagay-bagay, ayaw ko talagang maging lider.” Nagugulo ba ang mga tao sa ganitong mga negatibo at mapaminsalang emosyon at sa negatibo at mapaminsalang pahayag na ito? Malinaw na nagdudulot ang mga ito ng mga panggugulo. Sinuman ang tao, may mahusay o mahina man siyang kakayahan, kapag narinig niya ang mga salitang ito, hindi maiiwasang papasok ang mga ito sa isipan niya, at ookupahin ng mga ito ang malaking bahagi ng isipan niya, at makakaapekto ang mga ito sa kanya sa magkakaibang antas. Ano ang mga kahihinatnan ng pagiging apektado? Hindi mahaharap nang wasto karamihan ng tao ang usapin ng pagiging lider at pagkakatanggal mula sa pagiging lider, at hindi sila magkakaroon ng saloobin ng pagpapasakop. Sa halip, magkakaroon sila ng puso na palaging nagkakamali ng pagkaunawa at mapagbantay laban sa Diyos, magkakaroon sila ng mga negatibong emosyon tungkol sa isyung ito, at magiging labis na sensitibo at takot sila kapag nababanggit ito. Kapag nagpapakita ang mga tao ng ganitong mga pag-uugali, hindi ba’t nabitag na sila sa mga tukso at panlilihis ni Satanas? Malinaw na nalihis at nagulo na sila ng pagbubulalas ng pagkanegatibo ng mga tao. Dahil ang mga bagay na ibinubulalas ng mga taong nagbubulalas ng pagkanegatibo ay nagmumula sa mga tiwaling disposisyon ng mga tao at kay Satanas, at dahil ang mga ito ay hindi pagkaunawa sa katotohanan o ang mga kabatirang batay sa karanasang nakamit mula sa pagpapasakop sa mga kapaligirang isinasaayos ng Diyos, ang mga nakakarinig sa mga ito ay nagugulo sa iba’t ibang antas. Ang pagkanegatibong ibinubulalas ng mga tao ay nagdudulot ng ilang mapaminsala at nakakabagabag na epekto sa lahat. Ang ilang aktibong naghahanap sa katotohanan ay hindi gaanong mapipinsala. Ang iba naman, na wala man lang anumang lakas na lumaban, ay hindi maiiwasang mabagabag at lubhang mapinsala, kahit na alam nilang mali ang mga salita. Anuman ang sabihin ng Diyos, paano man Niya ibahagi ang usapin, o anuman ang Kanyang mga hinihingi, binabalewala nila ang lahat ng ito at sa halip ay isinasaisip nila ang mga salita niyong mga nagbubulalas ng pagkanegatibo, palaging pinapaalalahanan ang sarili nila na huwag kalimutang maging mapagmatyag, na para bang ang mga negatibong pahayag na ito ang pananggalang nila, ang kalasag nila. Anuman ang sabihin ng Diyos, hindi nila mabitiwan ang pagiging mapagbantay at mga maling pagkaunawa nila. Ang mga taong ito, na walang pagpasok sa katotohanan o sa mga salita ng Diyos, at na hindi nakakaunawa sa katotohanang realidad, ay walang pagkilatis sa mga negatibong pahayag na ito, at wala silang lakas na labanan ang mga ito. Sa huli, napipigilan at nagagapos sila ng mga negatibong pahayag na ito, at hindi na nila matanggap ang mga salita ng Diyos. Hindi ba’t napinsala sila rito? Gaano sila napinsala? Hindi na nila kayang tanggapin o unawain ang mga salita ng Diyos, kundi sa halip ay itinuturing nilang mga positibong bagay ang mga negatibong salita, ang mga salita ng kawalang-kasiyahan, pagsuway, at pagreklamong sinasabi ng mga tao—itinuturing nila ang mga ito bilang mga personal nilang islogan na isinasapuso nila, at ginagamit ang mga ito bilang gabay sa buhay nila, para salungatin ang Diyos at tutulan ang Kanyang mga salita. Hindi ba’t nahulog sila sa bitag ni Satanas? (Oo.) Hindi sinasadyang nahuhulog sa bitag ni Satanas ang mga taong ito, at nabibihag sila ni Satanas. Gayumpaman, ang mga negatibong pahayag na sinasabi ng mga taong ito tungkol sa ganoon kasimpleng usapin tulad ng pagkakatanggal sa posisyon ay may malalaking epekto sa iba. May ugat na sanhi ito: Iyong mga tumatanggap sa mga negatibong pahayag na ito ay dati nang puno ng mga kuru-kuro at imahinasyon—at maging ng ilang maling pagkaunawa at pagkamapagbantay—tungkol sa pagiging lider. Bagama’t dati ay hindi pa buo ang mga maling pagkaunawa at pagkamapagbantay na ito sa isipan nila, matapos marinig ang mga negatibong pahayag na ito, mas nagiging kumbinsido sila na tama ang pagkamapagbantay at ang mga maling pagkaunawa nila; pakiramdam nila ay lalong may dahilan sila para maniwala na ang pagiging lider ay may dalang maraming kasawiang-palad at kakaunting mabuting bagay, at na hinding-hindi sila dapat maging isang lider o manggagawa para maiwasan nilang matanggal o matakwil dahil sa mga pagkakamali. Hindi ba’t lubos na silang nalihis at naimpluwensiyahan niyong mga nagbubulalas ng pagkanegatibo? Kahit ang mga negatibong pahayag lang na sinabi ng isang tao na natanggal, pati na ang mga damdamin niya ng pagsuway at kawalang-kasiyahan, ay maaari nang magdulot ng ganoon kalalaking epekto at pinsala sa mga tao. Ano sa tingin ninyo—isang seryosong isyu ba na puno ng atmospera ng kamatayan ang mga negatibong emosyong ibinubulalas ng mga tao? (Oo, seryoso ito.) Bakit napakaseryoso nito? Dahil ito ay ganap na umaayon sa pagiging masyadong mapagbantay at sa mga maling pagkaunawa ng mga tao sa Diyos, habang sumasalamin din sa mga kalagayan ng maling pagkaunawa at pagdududa sa Diyos ng mga tao, pati na ang panloob na saloobin nila sa Kanya. Samakatwid, ang mga pahayag na ipinapakalat niyong mga nagbubulalas ng pagkanegatibo ay direktang tumatama sa mga pinakasensitibong aspekto ng mga tao, at ganap na tinatanggap ng mga tao ang mga ito, lubusan silang nahuhulog sa bitag ni Satanas na hindi na sila makaalpas. Mabuti o masamang bagay ba ito? (Masama.) Ano ang mga kahihinatnan nito? (Dahil dito, ipinagkakanulo ng mga tao ang Diyos.) (Dahil dito, nagiging mapagbantay at nagkakamali ng pagkaunawa sa Diyos ang mga tao, napapalayo sila sa Diyos sa puso nila, hinaharap nila nang negatibo ang mga tungkulin nila, at natatakot silang tumanggap ng mahahalagang atas. Nagiging kontento na sila sa paggawa ng mga pangkaraniwang tungkulin, kaya naman, napapalampas nila ang maraming pagkakataon na maperpekto.) Maililigtas ba ang gayong mga tao? (Hindi.)

Naglahad si Pablo ng maraming pananaw at nagsulat ng maraming liham dalawang libong taon na ang nakakalipas. Sa mga liham na iyon, marami siyang nasabing panlilinlang. Dahil walang pagkilatis ang mga tao, iyong mga nagbabasa ng Bibliya sa nakalipas na dalawang libong taon ay pangunahing tinanggap na ang mga kaisipan at pananaw ni Pablo habang isinantabi ang mga salita ng Panginoong Jesus, hindi tinatanggap ang mga katotohanan mula sa Diyos. Makakalapit ba sa Diyos iyong mga tumatanggap sa mga kaisipan at pananaw ni Pablo? Matatanggap ba nila ang Kanyang mga salita? (Hindi.) Kung hindi nila matatanggap ang mga salita ng Diyos, kaya ba nilang tratuhin ang Diyos bilang Diyos? (Hindi.) Kapag dumating ang Diyos at tumayo Siya sa harap nila, makikilala ba nila ang Diyos? Matatanggap ba nila Siya bilang Diyos at Panginoon nila? (Hindi.) Bakit hindi? Ang puso ng mga tao ay napuno na ng mga mapanlinlang na kaisipan at pananaw ni Pablo, bumubuo ng kung ano-anong teorya at kasabihan. Kapag ginagamit ng mga tao ang mga ito para sukatin ang Diyos, ang Kanyang gawain, ang Kanyang mga salita, ang Kanyang disposisyon, at ang Kanyang saloobin sa mga tao, hindi na sila mga karaniwan at simpleng tiwaling tao kundi mga taong salungat sa Diyos, sinisiyasat at sinusuri Siya, at nagiging mapanlaban sa Kanya. Maililigtas ba ng Diyos ang gayong mga tao? (Hindi.) Kung hindi sila ililigtas ng Diyos, magkakaroon pa rin ba sila ng pagkakataong tumanggap ng kaligtasan? Nagbigay ng pagkakataon sa mga tao ang paunang pagtatakda at pagpili ng Diyos, pero kung pagkatapos ng paunang pagtatakda at pagpili ng Diyos, ang landas na pipiliin ng mga tao ay ang pagsunod kay Pablo, umiiral pa rin ba ang pagkakataong ito para sa kaligtasan? Sinasabi ng ilang tao, “Ako ay paunang itinakda at pinili ng Diyos, kaya sigurado na ako. Tiyak na maliligtas ako.” May batayan ba ang mga salitang ito? Ano ba ang ibig sabihin ng pauna nang itinakda at pinili ng Diyos? Nangangahulugan ito na naging kandidato ka para sa kaligtasan, pero kung maliligtas ka o hindi ay nakadepende sa kung gaano ka kahusto maghangad at kung tama ang landas na pinili mo. Mapipili at maliligtas ba sa huli ang lahat ng kandidato? Hindi. Gayundin, kung tatanggapin ng mga tao ang mga damdamin, tulad ng pagsuway, kawalang-kasiyahan, at hinanakit, o ang mga komento, kaisipan, at pananaw na ipinahayag ng mga nagbubulalas ng pagkanegatibo, at ang puso nila ay puno at okupado ng mga mapaminsalang bagay na ito, hindi nito ipinapahiwatig na sumasang-ayon lang sila nang kaunti—ibig sabihin nito ay ganap nilang tinatanggap ang mga ito at gusto nilang mamuhay ayon sa mga bagay na ito. Kapag namuhay ang mga tao ayon sa mga mapaminsalang bagay na ito, ano ang nagiging ugnayan nila sa Diyos? Nagiging isa itong antagonistikong ugnayan. Hindi ito ang ugnayan sa pagitan ng Lumikha at ng mga nilikha, ni ang ugnayan sa pagitan ng Diyos at ng tiwaling sangkatauhan, at lalong hindi ang ugnayan sa pagitan ng Diyos at ng mga tumatanggap ng kaligtasan. Sa halip, nagiging ugnayan ito sa pagitan ng Diyos at ni Satanas, sa pagitan ng Diyos at ng Kanyang mga kaaway. Kaya, nagiging isang katanungan kung makakatanggap ba ang mga tao ng kaligtasan—walang nakakaalam nito. Ang mga negatibong pahayag ng mga natanggal ay puno ng mga reklamo, maling pagkaunawa, pangangatwiran, at pagtatanggol; nagsasabi pa nga sila ng ilang bagay na nanlilihis at nang-aakit sa mga tao. Pagkarinig sa mga pahayag na ito, nagkakaroon ng mga maling pagkaunawa at nagiging mapagbantay laban sa Diyos ang mga tao, at lumalayo pa nga sila sa Kanya at itinatakwil Siya sa puso nila. Kaya, kapag nagbubulalas ng pagkanegatibo ang gayong mga tao, dapat na silang limitahan at pigilan kaagad. Sariling isyu na nila ang kawalan nila ng kakayahan na tanggapin ang mga sitwasyong nararanasan nila mula sa Diyos, hanapin ang katotohanan, at magpasakop sa Diyos, at hindi sila dapat pahintulutang makaapekto sa iba. Kung hindi nila ito matatanggap, hayaan silang namnamin at lutasin ito nang paunti-unti. Pero kung nagbubulalas sila ng pagkanegatibo at naaapektuhan at nagugulo ang normal na pagpasok ng ibang mga tao, dapat agad silang pigilan at limitahan nang maagap. Kung hindi sila mapipigilan at patuloy silang magbubulalas ng pagkanegatibo para ilihis at pakampihin sa kanila ang mga tao, dapat silang paalisin kaagad. Hindi sila dapat pahintulutan na patuloy na guluhin ang buhay iglesia.

2. Pagbubulalas ng Pagkanegatibo Habang Tumatangging Tumanggap ng Pagpupungos

May isa pang sitwasyon kung saan may tendensiyang magbulalas ng pagkanegatibo ang mga tao: Kapag nahaharap sila sa pagkakapungos at hindi nila matanggap ang ilang salita ng pagpupungos, magkikimkim sila ng pagsuway, kawalang-kasiyahan, at paghihinakit sa puso nila, at minsan ay nakararamdam pa nga sila ng pagkaagrabyado. Naniniwala sila na may kawalang-katarungan: “Bakit hindi ako pinapahintulutang ipaliwanag o linawin ang sarili ko? Bakit palagi akong pinupungusan?” Anong mga uri ng pagkanegatibo ang karaniwang ibinubulalas ng mga taong ito? Naghahanap din sila ng mga dahilan para pangatwiranan at ipagtanggol ang sarili nila. Sa halip na himayin, bumawi sa, o ayusin ang mga pagkakamali nila, nakikipagtalo sila, nagsasabi ng mga bagay-bagay tulad ng kung bakit hindi nila ginawa nang maayos ang isang bagay, ang mga sanhi sa likod nito, kung ano ang mga obhetibong salik at kondisyon, at kung paanong hindi nila ito sinadya; ginagamit nila ang mga palusot na ito para pangatwiranan at ipagtanggol ang sarili nila para makamit ang pakay nilang tanggihan ang pagpupungos. Hindi kinikilala ng mga taong ito na tama ang pagpupungos, at sinusuri nila ang insidente ng pagpupungos kasama ang marami pang ibang tao, sinusubukang ipaliwanag nang malinaw ang isyu sa harap ng lahat. Nagpapakalat pa nga sila ng mga ideya tulad ng: “Ang ganitong uri ng pagpupungos ay makakapagpahina sa loob ng mga tao na gumawa ng mga tungkulin nila. Wala nang magiging handang gumawa ng mga tungkulin nila. Hindi malalaman ng mga tao kung paano sila magpapatuloy at mawawalan sila ng landas ng pagsasagawa.” May ilang tao pa nga na, sa panlabas, nagbabahaginan tungkol sa kung paano nila tinatanggap ang pagkakapungos, pero ang totoo, ginagamit nila ang pagbabahaginan para pangatwiranan at ipagtanggol ang sarili nila, pinapaniwala ang mas maraming tao na hinding-hindi isinasaalang-alang ng sambahayan ng Diyos ang mga damdamin ng mga tao sa pagtrato nito sa mga tao at na maaaring magresulta sa pagkakapungos maging ang isang maliit na pagkakamali. Iyong mga may tendensiyang magbulalas ng pagkanegatibo ay hindi kailanman pinagninilayan ang sarili nila. Kahit kapag nahaharap sa pagkakapungos, hindi nila pinagninilayan ang kalikasan ng mga pagkakamali nila o kung ano ang nagdulot sa mga ito. Hindi nila hinihimay ang mga isyung ito, kundi sa halip ay palagi silang nakikipagtalo, at palagi nilang pinapangatwiranan at ipinagtatanggol ang sarili nila. Sinasabi pa ng ilang tao, “Bago ako napungusan, naramdaman ko na may landas na susundan. Pero nang napungusan ako, nalito ako. Hindi ko na alam kung paano magsagawa o kung paano manampalataya sa Diyos, at hindi ko makita ang daan pasulong.” Sinasabi rin nila sa iba, “Kailangan ninyong maging napakaingat nang hindi kayo mapungusan; napakasakit nito, para kang binabalatan. Huwag mong sundan ang dati kong landas. Tingnan mo kung anong nangyari sa akin matapos kong mapungusan. Hindi ako makausad, hindi ako makaabante o makaatras; wala na akong ginagawang tama!” Tama ba ang mga salitang ito? May anumang problema ba sa mga ito? (Oo. Pinapangatwiranan nila ang sarili nila at nakikipagtalo sila, sinasabing wala silang ginawang mali.) Anong mensahe ang ipinaparating sa pamamagitan ng ganitong pangangatwiran at pakikipagtalo? (Sinasabi nilang mali na pungusan ng sambahayan ng Diyos ang mga tao.) Sinasabi ng ilang tao, “Bago mapungusan, naramdaman ko na may landas akong susundan, pero pagkatapos mapungusan, hindi ko na alam ang gagawin ko.” Bakit hindi nila alam ang gagawin nila matapos mapungusan? Ano ang dahilan nito? (Kapag nahaharap sa pagpupungos, hindi nila tinatanggap ang katotohanan o hindi sila nagtatangkang kilalanin ang sarili nila. Nagkikimkim sila ng ilang kuru-kuro at hindi nila hinahanap ang katotohanan para lutasin ang mga ito. Dahil dito, nawawalan sila ng landas. Sa halip na hanapin ang sanhi sa kalooban nila, taliwas dito ang sinasabi nila, na ang pagkakapungos ang dahilan kaya nawalan sila ng landas.) Hindi ba’t pagbabaling ito ng sisi? Para na ring sinabi, “Ang ginawa ko ay alinsunod sa mga prinsipyo, pero dahil sa pagpupungos mo, naging malinaw sa akin na hindi mo ako hinahayaang pangasiwaan ang mga bagay-bagay ayon sa mga prinsipyo. Kung gayon, paano naman ako magsasagawa sa hinaharap?” Ito ang ibig sabihin ng mga taong nagsasabi ng gayong mga bagay. Tinatanggap ba nila ang pagkakapungos? Tinatanggap ba nila ang katunayan na may nagawa silang mga pagkakamali? (Hindi.) Hindi ba’t ang aktuwal na kahulugan ng pahayag na ito ay na alam nila kung paano gumawa ng mga maling gawa nang walang pakundangan, pero kapag pinupungusan at hinihiling na kumilos ayon sa mga prinsipyo, hindi nila alam kung ano ang gagawin at nalilito sila? (Oo.) Kung gayon, paano nila ginawa ang mga bagay noon? Kapag nahaharap sa pagkakapungos ang isang tao, hindi ba’t ito ay dahil hindi sila kumilos ayon sa mga prinsipyo? (Oo.) Walang pakundangan silang gumagawa ng mga maling gawa, hindi nila hinahanap ang katotohanan, at hindi nila ginagawa ang mga bagay-bagay ayon sa mga prinsipyo o sa mga panuntunan ng sambahayan ng Diyos, kaya nakakatanggap sila ng pagpupungos. Ang layunin ng pagpupungos ay para bigyang-kakayahan ang mga tao na hanapin ang katotohanan at kumilos ayon sa mga prinsipyo, para maiwasan na maulit nila ang walang pakundangang paggawa nila ng mga maling gawa. Gayumpaman, kapag nahaharap sa pagkakapungos, sinasabi ng mga taong iyon na hindi na nila alam kung paano kumilos o magsagawa—may anumang elemento ba ng pagkakilala sa sarili ang mga salitang ito? (Wala.) Wala silang layuning kilalanin ang sarili nila o hanapin ang katotohanan. Sa halip, ipinapahiwatig nila: “Dati kong nagagawa nang napakaayos ang mga tungkulin ko, pero mula nang pungusan mo ako, ginulo mo ang isip ko at nilito mo ang pagharap ko sa mga tungkulin ko. Ngayon, hindi na normal ang pag-iisip ko, at hindi na ako kasingmapagpasya o kasingmapangahas gaya ng dati, hindi na ako ganoon katapang, at lahat ng ito ay dahil sa pagkakapungos. Simula nang mapungusan ako, malalim nang nasugatan ang puso ko. Kaya, dapat kong sabihan ang iba na maging napakaingat sa paggawa ng mga tungkulin nila. Hindi sila dapat magbunyag ng mga kapintasan nila o magkamali; kung magkakamali sila, pupungusan sila, at pagkatapos ay magiging kimi sila at mawawalan ng sigla na minsan na nilang taglay. Manghihina nang husto ang mapangahas nilang espiritu, at maglalaho ang kanilang matinding lakas ng loob at pagnanais na ibigay ang lahat ng makakaya nila, kaya sila ay magiging mahina ang loob, takot na takot, at pakiramdam nila ay wala na silang ginagawang tama. Hindi na nila mararamdaman ang presensiya ng Diyos sa puso nila, at mararamdaman nilang lalo silang napapalayo sa Kanya. Kahit ang pagdarasal at pagtawag sa Diyos ay tila hindi masasagot. Mararamdaman nila na wala na ang dati nilang sigla, sigasig, at pagiging kaibig-ibig, at magsisimula pa nga silang hamakin ang sarili nila.” Ang mga salitang ito ba ang mga taos-pusong salita na pinagbahaginan ng isang taong may karanasan? Tunay ba ang mga ito? Nakakapagpatibay o kapaki-pakinabang ba ang mga ito sa mga tao? Hindi ba’t pagbabaluktot lang ito sa mga katunayan? (Oo, napakakakatwa ng mga salitang ito.) Sinasabi nila, “Huwag ninyong sundan ang mga hakbang ko o ulitin ang dati kong landas! Nakikita ninyong napakabuti ng pag-uugali ko ngayon, pero sa katunayan, talagang natakot ako matapos ang pagpupungos na iyon at hindi na ako kasinglaya at kasinglibre gaya ng dati.” Ano ang epekto ng mga salitang ito sa mga nakikinig? (Dahil sa mga ito, nagiging mas mapagbantay ang mga tao laban sa Diyos, nagiging maingat sila sa pagkilos dahil sa takot na mapungusan.) May ganito silang uri ng negatibong epekto. Pagkarinig nito, iisipin ng mga tao, “Totoo iyan! Isang maliit na pagkakamali lang at mapupungusan ka na—wala kang magagawa para maiwasan ito! Bakit ba napakahirap gumawa ng mga tungkulin sa sambahayan ng Diyos? Palagi na lang pinag-uusapan ang tungkol sa mga katotohanang prinsipyo—sobrang daming hinihingi! Hindi ba’t ayos na ang mamuhay na lang ng isang simple at matatag na pamumuhay? Hindi naman iyon paghingi nang marami o labis-labis na pag-aasam, pero bakit napakahirap nitong makamit? Sana talaga, hindi ako mapungusan. Napakakimi kong tao; karaniwan, kapag tinitingnan ako nang masama ng mga tao o nagsasalita sila nang malakas, lumalakas na ang kabog ng dibdib ko. Kung talagang mahaharap ako sa pagpupungos at ganoon kaseryoso ang mga salita, hinihimay ang mga katunayan sa ganoong paraan, paano ko ito kakayanin? Hindi ba’t babangungutin ako dahil dito? Sinasabi ng lahat na mainam ang pagpupungos, pero hindi ko nakikita kung paano ito naging mainam. Hindi ba’t natakot dito ang taong iyon? Kung mapupungusan ako, matatakot din ako.” Hindi ba’t ito ang epekto ng mga salita ng mga nagbubulalas ng pagkanegatibo? Ang epekto bang ito ay nakakapagpatibay at positibo o negatibo at nakakapinsala? (Negatibo at nakakapinsala.) Ang ganitong mga negatibong pahayag ay maaaring magdulot ng matinding pinsala sa mga handang hangarin ang katotohanan! Kaya naman, sabihin ninyo sa Akin, mga alipin ba ni Satanas iyong mga madalas na nagbubulalas ng pagkanegatibo at nagpapakalat ng kamatayan? Sila ba ay mga taong nanggugulo sa gawain ng iglesia? (Oo.)

Kumikilos ang ilang tao ayon sa sarili nilang mga ideya at lumalabag sa mga prinsipyo. Pagkatapos mapungusan, nararamdaman nila na sa kabila ng pagsusumikap nang husto at pagbabayad ng halaga, napungusan pa rin sila, kaya napupuno ng pagsuway ang puso nila, at hindi sila tumatanggap ng paglalantad o paghihimay. Naniniwala silang hindi matuwid ang Diyos at na hindi patas ang sambahayan ng Diyos sa kanila, dahil ang isang kapaki-pakinabang at may-talentong tao tulad nila, na nagtitiis ng napakaraming pagdurusa at nagbabayad ng napakalaking halaga, ay hindi napupuri ng sambahayan ng Diyos at napupungusan pa nga. Mula sa pagsuway nila ay lumilitaw ang mga hinanakit, at pagkatapos ay magbubulalas sila ng pagkanegatibo nila: “Sa tingin ko, wala nang mas mahirap pa kaysa sa pananampalataya sa diyos; napakahirap talagang makatanggap ng mga pagpapala at magtamasa ng kaunting biyaya. Nagbayad ako ng napakalaking halaga, pero pinungusan ako dahil lang sa isang bagay na nagawa ko nang hindi maayos. Kung ang isang taong gaya ko ay hindi kaya ang gampanin, sino pa kaya ang may kaya nito? Hindi ba’t matuwid ang diyos? Bakit hindi ko makita ang pagiging matuwid niya? Bakit labis na hindi umaayon ang pagiging matuwid ng diyos sa mga kuru-kuro ng mga tao?” Hindi nila hinihimay kung ano ang nagawa nila na lumalabag sa mga prinsipyo o kung anong mga tiwaling disposisyon ang naibunyag nila. Hindi lang sila walang kahit katiting na pagsisisi o pagpapasakop—hayagan pa nga silang nanghuhusga at lumalaban. Pagkarinig sa kanilang magsabi ng gayong pahayag, nagsisimula ang karamihan ng tao na medyo makisimpatiya sa kanila at naiimpluwensiyahan nila: “Totoo ito, hindi ba? Dalawampung taon na silang nananampalataya sa Diyos pero naharap pa rin sila sa ganoong pagpupungos. Kung ang isang taong dalawampung taon nang nananampalataya sa Diyos ay maaaring hindi naman maligtas, lalong walang pag-asa ang mga taong tulad natin.” Hindi ba’t nalason na sila? Kapag naibulalas na ang pagkanegatibo, naitanim na ang lason, tulad ng isang butong itinanim sa puso ng mga tao, nag-uugat, sumisibol, namumulaklak, at namumunga sa isipan nila. Bago pa ito mamalayan ng mga tao, nalason na sila, at lumilitaw sa kalooban nila ang paglaban at mga pagrereklamo laban sa Diyos. Kapag napungusan ang mga taong iyon, nagiging masuwayin sila sa Diyos at hindi sila nasisiyahan sa kung paano sila pinangasiwaan ng sambahayan ng Diyos. Sa halip na magkaroon ng saloobin ng pagsisisi at pangungumpisal, sila ay nakikipagtalo, nangangatwiran, at ipinagtatanggol nila ang sarili nila. Ipinapaalam nila sa napakaraming tao kung gaano karaming paghihirap ang tiniis nila, kung anong gawain ang nagawa nila, at kung anong mga tungkulin ang nagawa nila sa loob ng maraming taon ng pananalig nila, at na sa halip na tumanggap ng mga gantimpala ngayon ay nahaharap pa sila sa pagpupungos. Hindi lang sila nabibigong kilalanin mula sa pagkakapungos ang sarili nilang katiwalian at ang mga pagkakamaling nagawa nila, kundi ikinakalat rin nila ang ideya na hindi patas at hindi makatwiran ang naging pagtrato sa kanila ng sambahayan ng Diyos, na hindi sila dapat tratuhin nang ganoon, at na kung tinatrato sila nang ganoon, hindi matuwid ang Diyos. Ang dahilan ng pagbubulalas nila ng pagkanegatibong ito ay hindi nila matanggap ang pagpupungos o ang katunayang nakagawa sila ng mga pagkakamali, lalong hindi nila tinatanggap o kinikilala ang katunayang nagdulot sila ng pinsala sa buhay pagpasok ng mga kapatid at sa gawain ng iglesia. Naniniwala silang kumilos sila nang tama, at na ang sambahayan ng Diyos ang mali sa pagpupungos sa kanila. Sa pagbubulalas ng pagkanegatibo, nais nilang iparating sa mga tao na hindi patas ang sambahayan ng Diyos sa pagtrato nito sa mga tao: Sa sandaling nagkamali ang isang tao, gagamitin ito ng sambahayan ng Diyos bilang sandata laban sa kanila, sinusunggaban ang isyung ito at pinupungusan sila nang walang awa, hanggang sa maging masunurin sila at isipin nila na wala silang anumang naging mga kontribusyon, hanggang mawalan na sila ng tagahanga, hindi na nila pinapahalagahan ang sarili nila, at hindi na sila nangangahas na humiling ng mga gantimpala mula sa Diyos—doon lang makakamit ng sambahayan ng Diyos ang layunin nito. Ang pakay nila sa pagbubulalas ng pagkanegatibong ito ay para ipagtanggol sila ng mas maraming tao, para mas maraming tao ang makaunawa sa “katotohanan ng usapin” at makakita kung gaano katinding pagdurusa ang tiniis nila sa loob ng maraming taon ng pananampalataya nila sa Diyos, kung gaano kahalaga ang mga naging kontribusyon nila at kung gaano sila kakalipikado, at kung gaano na sila katagal na mananampalataya. Sa ganitong paraan, gusto nilang kampihan sila ng iba sa sama-samang pagsalungat sa mga panuntunan ng sambahayan ng Diyos at sa naging pagpupungos sa kanila ng sambahayan ng Diyos. Hindi ba’t ang kalikasan nito ay paghikayat sa mga tao na kumampi sa kanila? (Oo.) Ang layon nila sa pagbubulalas ng pagkanegatibo sa ganitong paraan ay para kampihan sila ng mga tao at ilihis nila ang mga ito, at ginugulo nila ang gawain ng iglesia para maibulalas ang sama ng loob nila. Anuman ang epekto nito sa huli sa mga tao kapag nagibulalas nila ang pagkanegatibo nila, ang epekto at kinahihinatnan ay na nalilihis at nagugulo ang mga tao, na napipinsala ang mga ito. Hindi ito nakakapagpatibay. Isa itong negatibong epekto.

Kapag nahaharap sa pagpupungos ang mga tao, karaniwang ganito ang mga uri ng pagkanegatibong ibinubulalas nila. Hindi nila matanggap ang pagkakapungos at wala silang kasiyahan at masuwayin sila sa puso nila, at hindi nila ito matanggap mula sa Diyos. Ang una nilang tugon ay hindi ang hanapin ang katotohanan tungkol sa pagpupungos at pagnilayan, kilalanin, at himayin ang sarili nila, para makita kung ano mismo ang ginawa nilang mali, kung umaayon ba sa mga prinsipyo ang mga kilos nila, kung bakit sila pinungusan ng sambahayan ng Diyos, at kung ang ganitong pagtrato sa kanila ay bunga ba ng personal na sama ng loob o kung patas at makatwiran ba ito. Ang una nilang tugon ay hindi ang hanapin ang mga bagay na ito—sa halip, ang una nilang tugon ay ang umasa sa kanilang mga kalipikasyon, mga pinagtiisang paghihirap, at paggugol para salungatin ang pagpupungos. Sa paggawa nito, ang lahat ng lumilitaw sa puso nila ay tiyak na magiging negatibo at mapaminsala, nang walang anumang nakakapagpatibay o positibo. Kaya, kapag nagbabahagi sila tungkol sa mga damdamin at pagkaunawa nila matapos silang mapungusan, tiyak na nagbubulalas sila ng pagkanegatibo at nagpapakalat ng mga kuru-kuro. Ang pagbubulalas ng pagkanegatibo at pagpapakalat ng mga kuru-kuro ay dapat na pigilan at limitahan kaagad, hindi kunsintihin at balewalain. Hahadlangan, guguluhin, at pipinsalain ng mga negatibong bagay na ito ang buhay pagpasok ng bawat tao, at hindi nito magagampanan ang isang nakakapagpatibay at positibong papel, lalong hindi nito mapupukaw ang katapatan ng mga tao sa Diyos o ang tapat nilang paggampan sa mga tungkulin nila. Samakatwid, kapag nagbubulalas ng pagkanegatibo ang gayong mga tao, ginugulo nila ang buhay iglesia at dapat silang limitahan.

3. Pagbubulalas ng Pagkanegatibo Kapag Napipinsala ang Reputasyon, Katayuan, at mga Interes ng Isang Tao

Bukod sa pagbubulalas ng pagkanegatibo matapos matanggal o mapungusan, sa ano pang ibang mga sitwasyon nagbubulalas ng pagkanegatibo ang mga tao? (Kapag napipinsala ang mga interes ng mga tao at nararamdaman nilang nawalan sila.) (Maraming taon nang ginagawa ng ilang tao ang mga tungkulin nila, pero kapag nagkakasakit sila o may mga sakunang dumarating sa pamilya nila, sinasabi nila, “Ano ba ang napala ko sa pananampalataya sa Diyos sa loob ng napakaraming taon?”) Ang karaniwang linya ng mga palagiang negatibo ay “Ano ba ang napala ko?” Ano pa ang ibang mga sitwasyon? (Hindi lang nabibigong magkamit ng mga resulta ang ilang tao sa mga tungkulin nila, kundi madalas din silang nagkakamali, kaya sinasabi nila, “Bakit binibigyang-liwanag ng Diyos ang iba pero ako, hindi? Bakit binigyan ng Diyos ng napakahusay na kakayahan ang iba habang ang kakayahan ko ay napakahina?” Sa halip na pagnilayan ang sarili nilang mga isyu, binabaling nila ang pananagutan sa Diyos, sinasabing hindi sila binigyang-liwanag o ginabayan ng Diyos, at patuloy nilang inirereklamo ang Diyos.) Sinasabi nilang hindi patas ang Diyos, nagtatanong sila kung bakit binibigyang-liwanag at binibigyan ng biyaya ng Diyos ang iba pero sila ay hindi, naghihimutok kung bakit wala silang nakakamit na mga resulta sa mga tungkulin nila—nagrereklamo sila. Maganda ang mga halimbawang ibinigay ninyo. May iba pa ba? (Napupuno ng sama ng loob ang ilang tao kapag natatalaga sa iba ang mga tungkulin nila, kinukuwestiyon nila kung bakit itinalaga sa iba ang mga ito, at pinaghihinalaan nilang pinag-iinitan at pinapahirapan sila ng mga lider at manggagawa.) Pakiramdam ba nila ay minamaliit sila ng sambahayan ng Diyos? (Oo.) Natatanggal at natitiwalag ang ilang taong hindi gumagawa ng aktuwal na gawain, at pakiramdam nila ay nasira na ang reputasyon at katayuan nila. Para ilabas ang pagkadismaya nila, palagi silang nagrereklamo sa pribado: “Maikling panahon pa lang akong nananampalataya sa diyos, mahina ang kakayahan kong umarok, at mahina ang kakayahan ko. Hindi ko maikukumpara ang sarili ko sa iba. Kung sinasabi nilang wala akong kakayahan, tiyak na totoo iyon!” Sa panlabas, inaamin nila ang mga pagkukulang nila, pero sa katunayan, sinusubukan nilang maibalik ang nawala nilang mga pakinabang, walang tigil silang nagrereklamo, at nagsasabi ng mga bagay para makuha ang simpatiya ng mga tao at iparamdam sa mga ito na hindi patas ang sambahayan ng Diyos. Sa sandaling mapinsala ang mga interes nila, nag-aatubili na sila, at palagi silang umaasang mababawi nila ang mga nawala sa kanila at na makakatanggap sila ng kabayaran. Kung hindi, nawawala ang pananalig nila sa Diyos at hindi na nila alam kung paano manampalataya sa Kanya, nagsasabi ng mga bagay tulad ng, “Dati, inakala ko na napakagandang manampalataya sa diyos, at na ang pagkilos bilang isang lider o manggagawa sa iglesia ay tiyak na magdudulot ng malalaking pagpapala. Hindi ko kailanman inasahan na matatanggal at matitiwalag ako, at na itatakwil ako ng iba. Sino ang mag-aakalang mangyayari ang ganitong bagay sa sambahayan ng diyos?! Hindi lahat ng nananampalataya sa diyos ay tiyak na isang mabuting tao, at hindi lahat ng ginagawa ng sambahayan ng diyos ay kumakatawan sa diyos o sa katarungan.” Ano ang kalikasan ng ganitong mga pahayag? Ang mga salita nila, hayagan man o hindi, ay nagpapahiwatig ng pambabatikos. Nagpapahiwatig ang mga ito ng paghusga at paglaban. Sa panlabas, tila pinupuntirya ng mga ito ang isang partikular na lider o ang iglesia, pero sa puso nila, ang pinupuntirya talaga ng mga salitang ito ay ang Diyos, ang Kanyang mga salita, at ang mga atas administratibo at panuntunan ng Kanyang sambahayan. Ganap silang nagbubulalas ng sama ng loob nila. Bakit sila nagbubulalas ng sama ng loob nila? Pakiramdam nila ay nawalan sila; sa puso nila, nakakaramdam sila ng pagiging di-patas at pagkadismaya, at gusto nilang makakuha ng mga bagay-bagay at makatanggap ng kabayaran. Bagama’t ang pagkanegatibong ibinubulalas ng gayong mga tao ay hindi isang malaking banta sa nakararami, ang masasamang salitang ito ay tulad ng mga nakakainis na langaw o surot na medyo nakakagulo sa isipan ng mga tao. Karamihan ng tao ay nakakaramdam ng pagkasuklam at pagtutol kapag narinig nila ang mga salitang ito, pero hindi maiiwasang may mga taong kauri ng gayong mga tao, iyong mga may parehong mga disposisyon, diwa, at hilig, na kasingbulok ng gayong mga tao, at na naiimpluwensiyahan at nagugulo ng gayong mga tao. Hindi ito maiiwasan. Bukod pa rito, ang ilang taong mababa ang tayog na walang pagkilatis ay maaaring magulo ng mga negatibong komentong ito, at maaaring maimpluwensiyahan ang pananalig nila sa Diyos. Hindi pa alam ng mga taong ito kung para saan ba mismo ang pananampalataya sa Diyos, at hindi malinaw sa kanila ang mga katotohanan ng mga pangitain, at mahina rin ang kakayahan nilang makaarok sa katotohanan. Kapag narinig nila ang mga negatibong pahayag na ito, napakalaki ng posibilidad na tanggapin nila ang mga ito nang hindi sinasadya, kaya naman magdurusa sila sa impluwensiya ng mga ito. Lason ang mga salitang ito. Madaling maitanim ang mga ito sa puso ng mga tao. Sa sandaling tinanggap na ng isang tao ang mga negatibong komentong ito, kapag hiniling sa kanila ng sambahayan ng Diyos na gumawa ng isang tungkulin, tumutugon sila nang walang malasakit. Kapag hiniling ng sambahayan ng Diyos ang pakikipagtulungan nila sa isang gampanin, matamlay sila. Gagawin lang nila ito kung gusto nila; kung hindi, hindi nila ito gagawin, at palagi silang may kung ano-anong dahilan at palusot. Bago nila narinig ang mga negatibong komentong iyon, may kaunting sinseridad sa pananampalataya nila sa Diyos, at may positibo at aktibong saloobin sila kapag ginagawa ang mga tungkulin nila. Pero pagkatapos marinig ang mga negatibong komentong iyon, nawawalan na sila ng malasakit, pati na sa mga kapatid nila. Nagiging mapagbantay sila sa mga kapatid. Kapag isinasaayos ng iglesia na gumawa sila ng isang tungkulin, palagi nila itong iniiwasan at paulit-ulit itong tinatanggihan, nagpapakita ng labis na pagkapasibo. Dati, dumadalo sila sa mga pagtitipon sa tamang oras, pero pagkatapos marinig ang mga komentong iyon, nagiging paminsan-minsan na lang ang pagdalo nila—pumupunta sila kapag maganda ang kalagayan nila, pero kapag hindi ay hindi rin sila pumupunta. Kapag may hindi magandang nangyari sa tahanan nila, nag-aalala silang baka may mangyaring sakuna, kaya dumadalo sila sa mas maraming pagtitipon at nagbabasa ng mas maraming salita ng Diyos. Kungg natutuwa, nasisiyahan, at naaantig sila pagkatapos magbasa ng mga salita ng Diyos, naghahandog pa nga sila ng kaunting pera. Pero sa sandaling kalmado na ang mga bagay-bagay sa tahanan nila, tumitigil ulit sila sa pagdalo sa mga pagtitipon. Kapag sinusubukan ng mga kapatid na makipagbahaginan sa kanila para suportahan sana sila, nagpapalusot sila para makatanggi; at kapag pumupunta ang mga kapatid sa bahay nila, hindi nila binubuksan ang pinto, kahit na halata namang nasa bahay sila. Ano ang nangyayari dito? Naimpluwensiyahan sila ng mga negatibong komentong iyon—nalason sila at naniniwala silang hindi maaasahan ang mga mananampalataya sa Diyos. Noong una, labis silang nagtiwala sa mga taong ito, at kapag nagbabasa sila ng mga salita ng Diyos, iniisip nila, “Ito ang mga salita ng Diyos, mga kapatid ko ang mga taong ito, ito ang sambahayan ng Diyos—napakaganda nito!” Pero matapos nilang marinig ang mga negatibong komentong ipinapakalat ng ilang tao, nagbago sila. Hindi ba’t naimpluwensiyahan sila? Hindi ba’t napinsala ang buhay pagpasok nila? (Oo.) Sino ang nakaimpluwensiya sa kanila? Ang mga taong nagbubulalas ng pagkanegatibo, iyong mga gumawa ng mga komentong iyon. Kung ang isang tao ay hindi pa nakapagtatag ng matibay na pundasyon sa tunay na daan o hindi pa nakakain at nakainom ng mga salita ng Diyos hanggang sa puntong nauunawaan na niya ang katotohanan, madali siyang maiimpluwensiyahan ng mga negatibong bagay. At sa partikular, iyong mga walang kakayahang umarok sa katotohanan, bagkus ay pinagmamasdan lang ang mga kalakaran, inoobserbahan ang sitwasyon, at tumitingin sa mga panlabas na pangyayari—mas madali silang naiimpluwensiyahan ng mga negatibong salita. Lalo na kapag narinig nila na nagsasabi ang mga tao ng mga panlilinlang tulad ng, “Hindi naman patas ang sambahayan ng diyos, at hindi positibo ang lahat ng ginagawa ng sambahayan ng diyos,” mas tumitindi ang pagkamapagbantay nila. Ang isang pahayag na umaayon sa katotohanan ay hindi palaging madaling tinatanggap, pero ang isang negatibong pahayag, ang isang kakatwang pahayag, ang isang pahayag na kumokontra sa katotohanan—masyadong madaling maitatanim sa puso ng mga tao ang mga ito, at hindi madiling alisin ang mga ito. Napakahirap para sa mga tao na tanggapin ang katotohanan, pero napakadali para sa kanila na tumanggap ng mga panlilinlang!

Ang ilang taong may masamang pagkatao ay labis na pinapahalagahan ang sarili nilang katanyagan, kasikatan, kasiyahan ng laman, at mga personal na ari-arian at interes. Kapag nagdurusa ng mga kawalan ang reputasyon, katayuan, at mga direktang interes nila, hindi nila ito tinatanggap mula sa Diyos, o tinatanggap ang kapaligirang inilatag ng Diyos para sa kanila, at hindi nila kayang bitiwan ang mga bagay na ito at balewalain ang personal nilang pakinabang at kawalan. Sa halip, ginagamit nila ang iba’t ibang pagkakataon para ibulalas ang kawalang-kasiyahan at pagsuway, at ibulalas ang mga negatibong emosyon nila, na nagdudulot ng matinding pagdurusa sa ilang tao bilang resulta. Samakatwid, kapag nagbubulalas ng pagkanegatibo ang gayong mga tao, dapat munang arukin ng mga lider ng iglesia kaagad ang sitwasyon, at maagap na pigilan at limitahan ang mga taong iyon. Siyempre, dapat aktibo ring ilantad ng mga lider ng iglesia ang mga taong iyon, at makipagbahaginan sila sa mga kapatid tungkol sa kung paano kikilatisin ang mga iyon, at kung bakit sinasabi ng mga iyon ang mga negatibo at kakatwang bagay na ito, pati na rin kung paano tratuhin at kilatisin ang mga salitang ito para maiwasan ng isang tao na malihis at labis na mapinsala ng mga ito. Kinakailangang makilatis at mahimay ang gayong mga tao, at sa gayon ay iwasan at itakwil ang mga ito, at nang hindi na malihis ng mga ito. Ito ang gawaing dapat gawin ng mga lider ng iglesia. Siyempre, kung matutuklasan ng mga ordinaryong kapatid ang gayong mga tao at makikilatis ang pagkataong diwa ng mga ito, dapat din silang umiwas sa mga ito. Kung wala kang sapat na kakayahan para lumaban, o ng tayog para suportahan, tulungan, at baguhin ang mga taong ito, at nararamdaman mong hindi mo kayang tiisin ang mga negatibong komento nila at ang mga salita nila ng kawalang-kasiyahan at pagsuway, ang pinakamainam na pamamaraan ay ang lumayo. Kung nararamdaman mo na napakalakas mo, na may kaunti kang tayog, at kaya mong kumilatis at manatiling hindi naaapektuhan anuman ang sabihin ng iba, na kahit gaano pa katindi ang pagkanegatibo na ibinubulalas nila, hindi nito mababago ang pananalig mo sa Diyos, na kaya mong kumilatis ng gayong mga tao, at na kaya mo rin silang ilantad at pigilan kapag nagbubulalas sila ng pagkanegatibo—kung gayon, hindi mo kailangang umiwas o maging mapagbantay laban sa gayong mga tao. Pero kung nararamdaman mo na wala kang gayong tayog, ang paraan at prinsipyo sa pagharap sa gayong mga tao ay ang umiwas sa kanila. Madali bang makamit ito? (Oo.) Sinasabi ng ilang tao, “Puwede ko ba silang pagtiyagaan, tiisin, at patawarin?” Ayos lang din iyon, at hindi naman iyon mali, pero hindi iyon ang pinakamahalaga o ang pinakamainam na pagsasagawa. Sabihin nang tinitiis, pinagtitiyagaan, at kinukunsiti mo sila, at sa huli, nalihis ka nila at kumampi ka sa kanila. At ipagpalagay na paano ka man tinutustusan o sinusuportahan ng sambahayan ng Diyos, hindi mo ito nararamdaman; o na kapag nagbabasa ka ng mga salita ng Diyos, madalas kang naiimpluwensiyahan ng mga kaisipan at komento nila, at sa sandaling maisip mo ang isang bagay na sinabi nila, naaapektuhan ang isipan mo, at hindi mo maipagpatuloy ang pagbabasa. At kapag pinagbabahaginan ng mga kapatid ang pagkaunawa nila sa katotohanan—lalo na kapag nakikipagbahaginan sila tungkol sa pagkilatis sa mga komento ng gayong mga tao—muli kang naiimpluwensiyahan at naaapektuhan ng mga salita ng gayong mga tao, na nagdudulot ng kalituhan sa iyong isipan. Kung ganito ang kaso, dapat kang umiwas sa gayong mga tao. Hindi magiging epektibo ang pagtitiyaga at pagtitiis mo, at hindi ang mga ito ang pinakamahusay na paraan para ipagtanggol ang sarili laban sa gayong mga tao. Ipagpalagay nang ang pagtitiyaga at pagtitiis mo ay hindi isang balatkayo at panlabas na asal, kundi sa halip ay talagang may sapat kang tayog para harapin ang gayong mga tao. Anuman ang sabihin nila, kahit na hindi ka magsalita, kaya mo pa ring silang kilatisin sa puso mo; kaya mong magtimpi sa kanila at balewalain sila, pero anumang mga mapaminsala at negatibong salita o mga salita ng maling pagkaunawa at pagrereklamo tungkol sa Diyos na sinasabi nila ay hindi makakaapekto sa pananalig mo sa Diyos kahit kaunti man lang, ni makakaapekto sa katapatan mo sa paggawa ng tungkulin mo o sa pagpapasakop mo sa Diyos. Kung gayon, maaari mo silang pagtiyagaan at tiisin. Ano ang prinsipyo ng pagsasagawa ng pagtitiyaga at pagtitiis? Ang hindi mapinsala. Balewalain sila, hayaan silang sabihin anuman ang gusto nilang sabihin—kung tutuusin, sadyang mga di-makatwirang nanggugulo lang ang gayong mga tao, at napakatigas ng ulo nila. Paano ka man makipagbahaginan sa kanila tungkol sa katotohanan, hindi nila ito tatanggapin; nabibilang sila sa kategorya ng mga diyablo at Satanas, at walang silbi na makipagbahaginan sa kanila. Samakatwid, bago pa man sila paalisin at pangasiwaan ng sambahayan ng Diyos, kung mayroon ka ng tayog na pagtiyagaan at tiisin sila nang hindi napipinsala, iyon ang pinakamainam. Karaniwan ba ninyong isinasagawa ang prinsipyong ito ng pagtitiyaga at pagtitiis? Pinagtitiisan ninyo ang iba’t ibang uri ng tao, pero kung minsan ay hindi kayo maingat at nalilihis kayo nang kaunti; pagkatapos nito ay namamalayan ninyo ito, nakakaramdam kayo ng pagkakautang sa Diyos, nagdarasal kayo sa loob ng ilang araw, at itinutuwid ang sarili ninyo, at mas napapalapit kayo sa Diyos. Kadalasan, malinaw ninyong nakikita na walang silbi ang gayong mga tao, at na nabibilang sila sa kategorya ng mga diyablo. Bagama’t maaari kang makisalamuha sa kanila nang normal, sa loob-loob mo ay malayo at nasusuklam ka sa kanila. Anuman ang sabihin nila o anumang mga negatibong komento at pananaw ang sabihin nila, nagbibingi-bingihan ka, binabalewala mo ito, at iniisip mo, “Sabihin mo na ang gusto mong sabihin. Kaya kitang kilatisin. Sadyang hindi ako nakikisalamuha sa mga taong kagaya mo.” Ito ba ang prinsipyong kadalasan ninyong sinusunod kapag hinaharap ninyo ang gayong mga usapin? Hindi rin masama ang makamit ito; hindi ito madali at nangangailangan ito ng pagkaunawa sa ilang katotohanan at ng pagkakaroon ng isang partikular na tayog. Kung wala ka kahit ng ganitong antas ng tayog, hindi ka makakapanindigan, at hindi mo magagawa nang maayos ang tungkulin mo.

4. Pagbubulalas ng Pagkanegatibo Kapag Nasira ang Pagnanais ng Isang Tao na Magkamit ng mga Pagpapala

May isa pang pagpapamalas ang pagbubulalas ng pagkanegatibo. Sinasabi ng ilang tao, “Napakaraming taon ko nang nananampalataya sa Diyos, at ano ang nakamit ko? Kapag nagbubulalas ng pagkanegatibo ang gayong mga tao, ang pangunahing bagay na sinasabi nila ay, “Ano ang nakamit ko?”—ibig sabihin ay wala silang anumang nakamit. Naniniwala silang napakahirap na makakuha ng ilang pakinabang o pagpapala mula sa sambahayan ng Diyos o mula sa Diyos habang nananampalataya sa Kanya, at na dapat maghandog ang mga tao ng napakalaking pagmamahal at magkaroon ng napakatinding pagtitiis, at hindi maging sabik sa mabibilis na resulta. Tungkol naman sa mga salita ng Diyos na naglalantad sa mga tao, nagpupungos sa mga tao, nagpipino sa mga tao, at naglilinis sa katiwalian ng mga tao, naniniwala sila na ito ay paimbabaw at matayog pakinggan na retorikang hindi puwedeng lubusang pagkatiwalaan, iniisip nila na kung magsasagawa sila ayon sa mga salita ng Diyos, talagang magdurusa sila ng malaking kawalan. Iniisip nila na ang pagtatamo ng mga pakinabang at kalamangan at ang pagsasakatuparan ng mga inaasam at hinihiling nila ang pinakamahalagang bagay sa lahat ng oras, at talagang hindi mahalaga kung isinasagawa man nila ang katotohanan o hindi—naniniwala sila na hangga’t hindi sila gumagawa ng kasamaan, sapat na iyon, at hindi sila ititiwalag ng iglesia. Ano ang nararamdaman ng karamihan ng tao matapos marinig ang mga negatibong salitang ito? Sumasang-ayon at tumatalima ba sila sa mga salitang ito sa loob-loob nila, o nakakaramdam ba sila ng kaunting pagkasuklam sa mga salitang ito, at iniisip na ang mga taong ito ay makasarili, kasuklam-suklam, buktot, at sakim, at na kaya silang kilatisin, ilantad, at limitahan ng mga taong ito, pinipigilan sila sa patuloy na pagpapakalat ng pagkanegatibo at kamatayan? Nasusuklam ba ang karamihan ng tao at kinokondena ba nila ang gayong mga negatibong salita, o puwede ba silang malihis ng mga ito at maging negatibo? Ang ilang tao, matapos marinig ang mga salitang ito at makita na walang silbi ang mga ito, ay iniisip, “Totoo iyon! Wala rin akong anumang nakamit. Sa sambahayan ng Diyos, bukod sa pagkain nang tatlong beses kada araw, abala ako sa lahat ng oras, at wala talaga akong nakamit na iba pa.” May gayon ba kayong mga kaisipan? Ganoon din ba ang nadarama ninyo? Sasabihin ng mga nakakaunawa sa katotohanan, “Ano ang ibig mong sabihin na wala kang anumang nakamit? Napakarami nating nakamit mula sa Diyos! Naunawaan natin ang napakaraming katotohanan!” Pero maaaring hindi sumang-ayon ang ilang tao sa kanila, sinasabi, “Tila hindi naman makatotohanan na sabihing ‘napakarami’ nating nakamit. Nakatanggap lang tayo ng kaunting biyaya, nagkaroon ng ilang pagkakataon na gawin ang mga tungkulin natin, nakaunawa tayo ng ilang doktrina tungkol sa kung paano umasal, nakatagpo at nakakilala tayo ng maraming kapatid mula sa iba’t ibang lugar, at lumawak nang husto ang pananaw natin. Masasabing kakaunti lang ang nakamit na ito.” Saan ka nabibilang sa mga kategoryang ito? May mga tao sa lahat ng kategoryang ito, tama ba? (Oo.) Tatalakayin natin ito mula sa dalawang anggulo. Una, pag-usapan natin kung ano ang nangyayari sa mga palaging nananampalataya sa Diyos para magkamit ng biyaya—nananampalataya ba sila sa Diyos para hangarin ang pagkakamit sa katotohanan para maaari nilang matamo ang kaligtasan? (Hindi, nananampalataya sila para magkamit sila ng mga pagpapala.) Kung gayon, binigyan ba sila ng Diyos ng kaunting biyaya, proteksyon, kabaitan, kaliwanagan, at pagtanglaw? (Ibinigay sa kanila ng Diyos ang marami sa mga bagay na ito.) Masasabi na nakatanggap ng proteksyon ng Diyos ang bawat taong nananampalataya sa Diyos. Kongkreto ba ang proteksyon ng Diyos? May ilang halimbawa ba nito mula sa tunay na buhay? Anong mga uri ng proteksyon ang natanggap ng mga tao? (Ang isang medyo malinaw na uri ay na pagkatapos manampalataya sa Diyos, hindi na tayo naiimpluwensiyahan ng mga buktot na kalakaran ng mundo. Hindi tayo nasasadlak sa pagpapasasa ng sarili o naghahangad ng mga buktot na bagay na iyon, tulad ng pagpunta sa mga nightclub, paninigarilyo, pag-inom, at iba pa. Kahit papaano man lang, hindi tayo nakikisangkot sa mga bagay na ito at naniniwala akong labis tayong protektado sa aspektong ito.) Isa itong napakakongkretong aspekto na nakikita at personal na nararanasan ng mga tao. Ang hindi maimpluwesiyahan at malihis ng mga buktot na kalakaran ng mundo, ang mamuhay bilang isang tao, at ang mamuhay sa loob ng normal na pagkatao nang may wangis ng isang tao—isa itong praktikal na halimbawa at ebidensiya ng proteksyon ng Diyos. May iba pa ba? (Ang hindi magulo ng masasamang espiritu at ang magawang mamuhay sa ilalim ng proteksyon ng Diyos. Isa rin itong praktikal na halimbawa. Nagkaroon na ba ng ganitong karanasan ang karamihan ng tao? Kaya mo bang maunawaan ang kahulugang nakapaloob dito? Sinasabi ng ilang tao, “Ang mga walang pananampalataya ay hindi rin nagugulo ng masasamang espiritu. Ilang walang mananampalataya ang nagugulo ng masasamang espiritu?” Tama ba ang pahayag na ito? Nadarama mo bang umaayon sa mga katunayan ang pahayag na ito? (Marami-rami na sa mga kaklase ko ang nagulo ng masasamang espiritu. Ang ilan ay nakakaranas ng sleep paralysis, habang iba naman ay nakakarinig ng mga boses. Hindi sila nananampalataya sa Diyos at hindi nila alam kung ano ang nangyayari. Kung saan-saan sila nagpapagamot pero hindi nila ito malunasan, namumuhay sila sa takot at pangamba; nakakapanlumo ito. Gayumpaman, dahil nananampalataya ako sa Diyos simula pagkabata, hindi ako kailanman nagulo o nagdusa sa ganitong paraan. Kadalasan, medyo panatag at payapa ang pakiramdam ng puso ko.) Walang ganitong alalahanin ang mga tunay na mananampalataya sa Diyos. Hindi tayo nag-aalala na mahahawa tayo ng sakit ng kumbersyon o na magulo o masapian ng masasamang espiritu, hindi tayo takot dahil nasa atin ang Diyos. Dagdag pa rito, sa tunay na buhay, ang mga walang mananampalataya ay palaging nag-uusap tungkol sa pagbabasa ng mukha, feng shui, at panghuhula—sa Kanluran, may astrolohiya pa nga. Sumasamba ang ilang tao sa mga sikat na estatwa ng Budismo, sa masasamang espiritu, at sa mga idolo, habang ang iba naman ay hindi, pero sumasamba man sila o hindi, naiimpluwensiyahan at nalilimitahan silang lahat ng mga bagay na ito sa ilang antas. Halimbawa, bago lumabas ng bahay, kailangan nilang magsagawa ng kaunting panghuhula para makita kung alin ang masuwerteng direksyon at alin ang malas. Kapag nagbubukas ng tindahan, tinutukoy nila kung aling puwesto ng counter ang makakaakit ng pera at kung alin ang hindi, kung anong mga bagay ang dapat ilagay sa tindahan at aling mga idolo ang dapat sambahin para makaakit ng kayamanan, at kung saan ilalagay ang ilang bagay para maiwasang magambala ang feng shui. Kapag lumilipat ng bahay, dapat nilang tukuyin ang masuwerteng oras ng paglipat para matiyak ang kasaganaan ng pamilya sa hinaharap at maiwasan ang mga kapahamakan, at matukoy kung aling mga oras ang malas. Maging ang mga mag-aaral ay naiimpluwensiyahan ng mga paniniwalang ito kapag kumukuha sila ng mga entrance examination. Sa araw ng pagsusulit, iniiwasan nilang makapagsabi ng mga salitang nagpapahiwatig ng pagkabigo, at sa halip ay dapat silang magsabi ng mga salita tulad ng “galingan” at “tagumpay.” Ang bawat aspekto ng buhay—mula sa pagpasok ng mga bata sa paaralan, hanggang sa pang-araw-araw na pamumuhay ng mga magulang, pagkita ng pera, paglilipat ng bahay, paghahanap ng trabaho, pati na sa pag-aasawa ng mga anak, at iba pa—ay naiimpluwensiyahan ng diumano’y feng shui at kapalaran, at iba pang mga ideya. Kaya, kapag naiimpluwensiyahan ng mga bagay na ito ang mga tao, ano ang naglilimita sa kanila? Nililimitahan sila ng masasamang espiritu; ang lahat ng bagay na ito ay kinokontrol ng masasamang espiritu. Kung gayon, bakit sinasamba ng mga tao ang masasamang espiritung iyon? Bakit sila naiimpluwensiyahan ng mga bagay na ito? Para sa isang napakasimpleng bagay tulad ng paglilipat ng bahay, bakit kailangang palaging pag-isipan nang mabuti ng mga tao kung anong oras ang masuwerte at kung alin ang malas, kung ano ang masuwerteng unang ilipat, at kung ano ang masuwerteng hindi ilipat? Bakit palaging kailangan nilang isaalang-alang ang mga bagay na ito? Kailangan nilang isaalang-alang ang mga ito dahil kung hindi, kikilos ang masasamang espiritu, pahihirapan at sasaktan sila. Ano ang nakikita ninyo mula sa mga usaping ito? Namumuhay ang buong sangkatauhan sa ilalim ng kontrol ng masasama. Sino ang masasama? Ang mas malalaking masasama ay sina Satanas at ang mga diyablo, at ang mas maliliit na masasama ay ang masasamang espiritu sa iba’t ibang lugar, iyong mga kumokontrol sa iba’t ibang lahi ng tao. Ang bawat aspekto ng buhay ng tao ay nililimitahan at kinokontrol ng masasamang espiritung ito. Kahit kapag nagpapatayo ng bahay, kapag naglalagay ng pangunahing biga, nagsasabit ang mga tao ng pulang tela at nagsisindi ng mga paputok para sa kaunting suwerte, at nagsusuot ng pulang damit ang lahat ng trabahador sa konstruksiyon para makaakit ng kasaganaang pinansiyal at para makaiwas sa mga aksidente. May ilang partikular na hinihingi at kasabihan tungkol sa lahat ng bagay na ito, may mga ipinagbabawal din, at dapat nilang iwasan ang mga ipinagbabawal at sundin ang mga kasabihang ito. Halimbawa, madalas maharap ang ilang tao sa mga paghihirap at hindi maayos ang takbo ng mga bagay-bagay para sa kanila—nawawalan sila ng trabaho, iniiwan sila ng misis nila, at wala nang natitira sa bahay nila. Ni hindi nila mabayaran ang utang nila sa bahay, at tila walang nangyayaring tama. Wala naman silang ginawang masama, kaya bakit nangyayari ang mga bagay na ito sa kanila? Kapag wala na silang ibang magawa, nauuwi sila sa pagsamba sa mga huwad na diyos at masasamang espiritu, o apurahan silang naghahanap ng isang taong susuri sa feng shui nila para baguhin ang kapalaran nila, at pagkatapos nilang gawin ito, unti-unting bumubuti ang mga bagay-bagay para sa kanila. Hindi sila naniwala sa mga bagay na ito dati, pero ngayon, kapag lumilitaw ang mga problema, taos-puso silang sumasamba sa mga huwad na diyos at masasamang espiritu, at bago sila gumawa ng anumang bagay, dapat muna silang kumonsulta sa mga ritwal o panghuhula. Nakakapagod ba ang ganitong pamumuhay? (Oo.) Sobrang nakakapagod ito! Bagama’t gusto nila, hindi sila makapamuhay nang malaya at maginhawa, o makaalpas sa mga pagpipigil ng mga kasabihan at panuntunang ito. Kung susuway sila sa mga panuntunang ito, kikilos ang masasamang espiritu at guguluhin sila, at mapipilitan silang magpasailalim sa masasamang espiritung iyon, at dapat nilang sambahin ang mga ito araw-araw para maging maayos ang takbo ng buhay nila. Gayumpaman, iyong mga nananampalataya sa Diyos ay hindi nakatali sa mga piyudal na pamahiing ito o sa mga gawain ng masasamang espiritu. Makakalipat sila ng bahay o makakagawa sa paraang gusto nila, nang hindi iniiwasan ang anumang ipinagbabawal. Sa mainland China, palaging inaapi at inuusig ng Partido Komunista ang mga relihiyosong paniniwala. Kung hindi na makakapamuhay ang isang mananampalataya sa isang lugar, dapat siyang lumipat kaagad—kailangan ba niyang pumili ng masuwerteng araw o oras para dito o sumamba sa kung ano? Hindi. Magdarasal siya sa Diyos, at poprotektahan siya ng Diyos. Ang lahat ng bagay ay nasa mga kamay ng Diyos—hindi sila nakagapos sa mga bagay na ito. Sa tuwing may gusto silang kainin o gusto nilang lumabas ng bahay, kailangan ba nilang kumonsulta sa kalendaryo o tingnan kung may malalabag silang ipinagbabawal? Hindi, nagdarasal sila sa Diyos, at nasa mga kamay ng Diyos ang lahat ng bagay. Kapag namumuhay ang mga tao sa ilalim ng kapamahalaan at kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, nang may proteksyon at paggabay ng Diyos, hindi makakalapit ang masasamang espiritu at maruruming demonyo, malaki man o maliit; hindi nangangahas ang mga ito na pakialaman iyong mga nananampalataya sa Diyos. Hindi ba’t protektado ang mga taong ito? Hindi ba’t namumuhay sila nang malaya at maginhawa? (Oo.) Malaki ba ang biyayang ito? (Oo.) Nakamit mo man ang katotohanan o hindi, basta’t isa kang taong taos-pusong nananampalataya sa Diyos, isa kang taong pauna nang itinakda at pinili ng Diyos, at kapag lumalapit ka sa Diyos, pinoprotektahan ka Niya nang ganito, tinutulutan kang magtamasa ng gayong biyaya. Napakalaking biyaya nito! Ang personal mong seguridad at lahat ng kilos mo ay napapanatiling ligtas at protektado—pinapanagutan ng Diyos ang mga bagay na ito at pinoprotektahan Niya ang mga ito, kaya hindi mo kailangang mag-alala. Kadalasan, hindi mann lang nagdarasal ang mga tao o sinasadyang isipin, “Magdarasal ako sa Diyos, at hihilingin ko na protektahan Niya ako. Sana maging maayos ang lahat at walang masamang mangyari.” Ni hindi mo na kailangang magdasal. Basta’t may simpleng paniniwala ka sa puso mo na, “Nananampalataya ako sa Diyos; ang lahat ng bagay ay nasa mga kamay ng Diyos,” kikilos ang Diyos. Nagtatamasa ang mga tao ng ganoon kalaking biyaya mula sa Diyos—pagkakamit ba ito ng kaunti? (Pagkakamit ito ng napakarami.) Ang Diyos ang nag-iisa at tanging May Kataas-taasang Kapangyarihan sa mundo. Ang buhay mo at lahat ng pag-aari mo ay nasa mga kamay ng Diyos, nasa mga kamay ng May Kataas-taasang Kapangyarihang ito; payapa, panatag, at kalmado ang puso mo, at hindi mo kailangang mag-alala tungkol sa anumang bagay. Kahit gaano pa karaming kaalaman ang mayroon ka tungkol sa Diyos o kahit gaano karaming katotohanan ang nauunawaan mo, lubos kang makakatiyak dito sa puso mo. Ang lahat ng bagay ay nasa mga kamay ng Diyos. Kung ang mga mananampalataya sa Diyos ay may puwang para sa Kanya sa puso nila at nauunawaan nila ang katotohanan, hindi nangangahas ang masasamang espiritu na manggulo, maminsala, o lumapit sa kanila. Dahil dito, hindi na kailangang gawin pa ng mga mananampalataya ang mga di-kinakailangang prosesong iyon. Napakalaking biyaya nito—paanong nasasabi mo pa rin na wala kang nakamit mula sa pananampalataya sa Diyos? Hindi ba’t wala kang konsensiya? Kahit hindi na tingnan ang iba pang bagay, ang sabihin lang na walang nakamit ang isang tao ay nagpapatunay ng lubos na kawalan niya ng konsensiya, at nagpapatunay na lubos na masama ang konsensiya niya; wala nang kailangang sabihin pa tungkol sa iba pa.

Ang Diyos ay malayang nagbibigay ng katotohanan at buhay sa mga tao, ibinibigay ang Kanyang mga salita sa mga tao nang walang hinihinging anumang kapalit. Bagama’t maaaring maramdaman ng mga tao na mababa pa ang tayog nila, na hindi pa nila lubos na nauunawaan ang katotohanan, at na hindi nila maipahayag nang malinaw ang kaunting nauunawaan nila, ang mga bagay lang na ito na ibinigay ng Diyos, ang pagkagiliw at pagmamahal na ito—napakalaking biyaya nito! Ibinigay ng Diyos sa mga tao ang mga pinakaimportanteng bagay; natanggap ng mga tao mula sa Diyos ang pinakamahahalagang bagay sa mundo. Naramdaman mo man ito o hindi, ibinigay na ito ng Diyos sa tao. Ano pa ang mairereklamo ng mga tao? Karapat-dapat ba silang makatanggap ng mga bagay na ito? Iyong mga pinili ng Diyos ang pinakamasasayang tao sa mundo. Pinili at hinirang ka ng Diyos; isa ka sa mga pinakamasaya at pinakamapalad na tao sa mundo. Paanong nasasabi mo na wala kang nakamit? Naging isa ka sa mga pinakamasaya at pinakamapalad na tao dahil pinili at hinirang ka ng Diyos, kaya naman, hindi nangangahas ang masasamang espiritu at maruruming demonyo na lumapit sa iyo. Tinatanong ng ilang tao, “Ibig bang sabihin nito ay naging marangal ang katayuan at pagkakakilanlan ko?” Puwede ba itong sabihin? Hindi, dahil ang lahat ng ito ay dahil sa pagmamahal at mga kilos ng Diyos. Napakarami nang nakamit ng mga tao! Sa buhay na ito pa lang, napakarami nang nakamit ng mga tao; paano nga ba naging kalipikado ang mga tao na tanggapin ang lahat ng ito? Ang ilang nananampalataya sa Diyos ay hindi talaga naghahangad sa katotohanan at palagi pa rin nilang sinasabi, “Ano ang nakamit ko mula sa maraming taon ng pananampalataya sa Diyos?” Hindi mo ba ito kayang kalkulahin nang mag-isa? Alam mo sa puso mo kung nauunawaan mo ang katotohanan, kung gaano nabawasan ang kasamaang nagawa mo, at higit pa rito, alam mo sa puso mo kung gaano kalaking biyaya ang natamasa mo. Kung malinaw sa puso mo ang mga puntong ito, hindi ka magsasabi ng mga bagay na napakawalang-konsensiya. Sinasabi rin ng ilan, “Ang sambahayan ng Diyos din ang nagbibigay ng pagkain, damit, at tirahan ko.” Hindi ba’t napakaliit nito kumpara sa biyaya at proteksyon ng Diyos? Hindi ba’t hindi na ito dapat pang banggitin? Gayumpaman, iyong mga may konsensiya ay nararamdaman na bagama’t hindi na ito dapat banggitin, bahagi pa rin ito ng biyaya ng Diyos. Hindi masusukat ang biyaya ng Diyos; napakaraming ibinigay ng Diyos sa mga tao! Tungkol naman sa mga materyal na bagay na iyon, mula sa perspektiba ng Diyos, ni hindi na Niya binibilang ang mga iyon.

Ang isang aspekto ng mga kilos ng Diyos ay ang protektahan ang mga tao, at ang isa pa ay ang akayin sila sa landas ng kaligtasan para mailigtas sila. Natamasa ng mga tao ang pagkagiliw na ito ng Diyos at ang Kanyang pagmamahal sa kanila, at pinagkalooban sila ng Diyos ng masaganang biyaya! Dagdag pa rito, may isang bagay na siyang pinakamahalaga: ang katotohanang ipinagkaloob ng Diyos sa mga tao, tulad ng mga salitang walang sinuman sa kasaysayan ng sangkatauhan, sa anumang kapanahunan, ang nakarinig o nakatanggap. Ilang beses mang nilikha ng Diyos ang sangkatauhan, hindi Niya kailanman ginawa ang gawaing ito o sinabi ang mga salitang ito. Ang lahat ng misteryong may kinalaman sa sangkatauhan, kung ano ang kayang tiisin, arukin, at unawain ng mga tao—sinabi ng Diyos ang lahat ng ito sa inyo. Masusukat ba ang mga misteryong ito, ang mga katotohanang ito, sa anumang halaga? Hindi masusukat ang mga ito; hindi mauubos ng mga tao ang pagtatamasa nila sa loob ng maraming buhay. Bakit Ko sinasabi ito? Ito ay dahil ang mga salitang ito mula sa Diyos ang pundasyon para sa pag-iral ng mga tao, at maaaring umiral ang mga ito magpasawalang-hanggan. Kung talagang mapalad ka na manatiling buhay at mamuhay magpasawalang-hanggan, matutustusan ka ng mga salita at katotohanang ito mula sa Diyos magpasawalang-hanggan. Ano ang ibig sabihin ng magpasawalang-hanggan? Ang ibig sabihin nito ay ang pagiging hindi nalilimitahan ng oras, ang pagkawalang-hanggan. Kung bibigyan natin ito ng literal na kahulugan, nangangahulugan ito ng kawalan ng hangganan—ang pamumuhay nang magpasawalang-hanggan, tulad ng Diyos Mismo. Maaaring umiral ang mga salita at katotohanang ito mula sa Diyos hanggang sa panahong iyon. Ang “panahong iyon” ay isang konsepto at depinisyon ng oras na ipinapahayag sa wika ng tao, pero nangangahulugan talaga ito ng walang katapusan. Sabihin mo sa Akin, malaki ba o hindi ang halaga ng mga salitang ito mula sa Diyos? Napakalaki nito! Kung hindi mo hahangarin ang mga ito, kawalan mo ito; kahangalan mo ito. Pero kung hahangarin mo ang mga ito, magkakahalaga ang mga salitang ito para sa iyo na lampas pa sa habambuhay na ito; umaabot ito sa magpasawalang-hanggan. Palaging magiging epektibo at kapaki-pakinabang ang mga ito para sa iyo, at magkakaroon ang mga ito ng halaga at kabuluhan magpakailanman, magtutustos sa iyo magpasawalang-hanggan. Kung mauunawaan mo ang mga salitang ito, kung matatamo mo ang mga ito, at mamumuhay ka ayon sa mga ito, magagawa mong mabuhay magpasawalang-hanggan. Sa mas simpleng pananalita, mabubuhay ka magpakailanman nang hindi natitikman ang kamatayan. Hindi ba’t isa itong bagay na pinapangarap ng mga tao? Lilipas ang napakaraming kapanahunan, mamamatay ang napakaraming tao, pero mananatili kang buhay. Sa anong paraan ka mananatiling buhay? Sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos, sa pamamagitan ng katotohanan, magkakaroon ka ng mga kalipikasyong patuloy na mabuhay nang ganito. Ano ang gagawin mo sa tuloy-tuloy na buhay na ito? May atas ka ng Diyos, pamumuno ng Diyos, at may misyon ka rin. Ano ang misyon mo? Sa pamamagitan ng pagsasabuhay mo sa Kanyang mga salita, gusto ng Diyos na luwalhatiin mo Siya at maging patotoo ka para sa Kanya. Ito ang halaga ng mga salita ng Diyos. Ang halaga at kabuluhan ng katotohanan at mga salitang naririnig, nakakaugnayan, at nararanasan ng mga tao sa kapanahunang ito ay iiral magpasawalang-hanggan. Bakit iiral ang mga ito magpasawalang-hanggan? Ang mga salitang ito ng Diyos ay hindi isang teolohiya, teorya, islogan, o isang uri ng kaalaman, kundi ang mga salita ng buhay. Hangga’t natatamo mo ang mga salitang ito, hangga’t namumuhay ka ayon sa mga ito, at nananatili kang buhay sa pamamagitan ng mga ito, tutulutan ka ng Diyos na patuloy na mabuhay at hindi ka hahayaang mamatay. Ibig sabihin, hindi ka Niya wawasakin o babawian ng buhay—hahayaan Ka niyang patuloy na mabuhay. Hindi ba’t napakalaking pagpapala nito? (Oo, napakalaki.) Sa pamamagitan ng mga salitang ito, gusto ng Diyos na ipatikim sa iyo ang pagpapalang ito sa buhay na ito at matamo mo ito sa darating na mundo. Ito ang pangako ng Diyos. Kung isasaalang-alang ang napakalaking ipinangako ng Diyos sa sangkatauhan, marami na bang natanggap ang mga tao? (Oo.) Nangako nang ganoon kalaki ang Diyos sa sangkatauhan, ipinaalam Niya ito sa lahat. Sinabi na Niya sa iyo ang tungkol dito, tinutulutan kang pumunta at malayang kuhanin ito. Hindi mo kailangang isakripisyo ang buhay mo o isuko ang lahat ng ari-arian mo; kailangan mo lang makinig sa mga salita ng Diyos, at kumilos ayon sa mga hinihingi at ninanais ng Diyos, at maaari mong matanggap ang pangakong ito mula sa Diyos. Hindi ba’t napakarami nang ibinigay ng Diyos sa sangkatauhan? Kasalukuyan kang nasa landas ng pagtatamo sa pangakong ito: Bagama’t hindi mo pa ito ganap na natatanggap, kakaunti ba ang natanggap mo? Kung titingnan ang ipinangako ng Diyos sa sangkatauhan, napakarami nang natanggap ng mga tao. Napakalaking kalamangan na ang nakamit nila; hindi sila natalo o nawalan ng anuman. Naglaan lang sila ng kaunting oras, at maaaring nakaranas ng kaunting pagpapakapagod ang laman nila. Maaring nagsakripisyo sila ng ilang kasiyahan ng pamilya, mga personal na kagustuhan ng laman at mga pagnanais, nagsuko ng ilan sa sarili nilang mga inaasam, interes, at kahilingan, at iba pa. Gayumpaman, kung ikukumpara sa pag-unawa sa katotohanan, pagtamo ng kaligtasan, at pagtanggap sa pangako ng Diyos, ang lahat ng personal na kinabukasan, layon, at inaasam na iyon ay hindi na dapat pang banggitin, dahil dadalhin ka lang ng mga ito sa impiyerno, at hindi tutuparin ng Diyos ang Kanyang pangako sa iyo para sa mga bagay na iyon. Sa kabaligtaran, kapag naglalaan ang mga tao ng limitadong oras, ng isang halaga na handa sila at kaya nilang bayaran, sa huli ay nauunawaan nila ang katotohanan, naaarok ang ilang misteryo at prinsipyo para sa pag-aasal sa sarili na hindi nauunawaan ng sangkatauhan mula pa noong paglikha ng Diyos, nauunawaan ang ilang diwa at pinagmulan ng lahat ng pangyayari at bagay, at iba pa. Lalong higit pa rito, nagkakamit sila ng kaunting kaalaman tungkol sa Diyos at nagkakaroon sila ng takot sa Kanya. Sa pagtatamo sa lahat ng ito, hindi ba’t sulit ang magbayad ng gayong halaga? Ano ang mga hinanakit ng mga tao? Bakit sinasabi nilang wala silang nakakamit mula sa pananampalataya sa Diyos? Hindi ba’t ganap nang nabulok ang konsensiya nila? Napakarami mo nang nakamit, pero hindi ka pa rin kontento. Ano pa ba ang gusto mo? Masisiyahan ka ba kung magiging presidente o bilyonaryo ka? Kung ibibigay sa iyo ng Diyos ang mga bagay na iyon, hindi ka na mapapabilang sa Kanya. Ayaw ng Diyos na magkamit ng ganitong mga tao.

Palaging sinasabi ng mga tao na wala silang nakamit mula sa pananampalataya sa Diyos, na nagpapakita na sila ay walang konsensiya, walang anumang kakayahang umarok sa katotohanan, hindi naghahangad sa katotohanan, at napakababa ng karakter nila. Walang dalisay na pagkaarok ang gayong mga tao sa ginagawa ng Diyos, sa hinihingi ng Diyos sa mga tao, at sa ipinagkaloob ng Diyos sa mga tao, pati na rin sa iba pang mga bagay. Sa huli, kapag may nangyayari na bahagyang nakakapagpadismaya sa kanila, biglang sumasabog ang labis-labis na galit na naipon nila: “Ano ba ang nakamit ko mula sa pananampalataya sa Diyos? Labis na nagdusa ang laman ko. Ginawa ko ang anumang mga tungkuling iniatas sa akin ng iglesia. Gaano man kahirap o kanakakapagod, hindi ako kailanman nagreklamo; gaano man kalaki ang mga paghihirap, wala akong sinabing anuman kailanman. Hindi ako kailanman humingi ng kahit ano sa sambahayan ng Diyos. Sa dakilang pagmamahal at katapatan ko, ano ba ang nakamit ko? Kung kahit ako ay walang nakamit, mas lalong walang pag-asa ang iba na makapagkamit ng anuman!” Ang ipinapahiwatig ay: “Hindi kayo naghandog ng kasingdami ng inihandog ko, hindi kayo nagbayad ng halagang ibinayad ko; kung kahit ako ay walang nakamit, ano pa kaya ang makakamit ninyo? Kailangang mag-ingat kayong lahat; huwag kayong maging hangal!” Hindi ba’t walang konsensiya ang gayong mga tao? Ang isang taong walang konsensiya ay palaging bumibigkas ng mga salita ng kahangalan at katigasan ng ulo. Hindi nila maarok ang kahit isa sa lahat ng napakaraming katotohanang sinabi ng Diyos, o sa lahat ng napakaraming dalisay at positibong bagay at pahayag; sa halip ay mahigpit silang kumakapit sa sarili nilang mga pananaw: “Nagtitiis ako ng mga paghihirap at nagbabayad ng halaga para sa Diyos, kaya dapat akong pagpalain ng Diyos, at dapat Niya akong tulutan na magkamit nang higit pa kaysa sa iba. Kung hindi, magbubulalas ako, sasabog ako, at magmumura ako! Dapat ipagkaloob ng Diyos sa akin anuman ang gusto ko, at kung hindi ko ito makukuha, hindi matuwid ang Diyos, at sasabihin kong wala akong nakamit—ito ay pagsasabi ng pawang katotohanan!” Hindi ba’t wala silang pagkatao? Ang mga salita ng isang taong walang pagkatao ay tiyak na hindi matibay, lalong hindi ito umaayon sa katotohanan; ang huli ay napakalaking kahilingan para sa kanila. Ang mga salitang sinasabi ng isang tao ay dapat na mga lehitimong kahilingan, mga lehitimong pahayag, hindi mga baluktot na argumento; dapat silang makapanindigan, sinuman ang makinig o sumuri sa mga ito. Gayumpaman, hindi matibay ang mga salita at kilos ng mga taong may mahinang pagkatao. Kapag nagmamaktol sila at nagbubulalas ng mga hinanakit nila, iniisip ng ilang tao, “Bakit nila sinasabing wala silang nakamit? Maaari kayang inagrabyado sila kahit papaano ng sambahayan ng Diyos? Maaari kayang ang ilang pagkilos ng sambahayan ng Diyos ay hindi nakaayon sa mga prinsipyo at hindi maaaring isiwalat? Mukhan namang kayang-kaya ng taong iyon na magtiis ng mga paghihirap at magbayad ng halaga nang nakasanayan, pero ngayon ay sumabog siya nang napakatindi, sinasabing wala siyang nakamit; mukhang wala nga siyang nakamit. Hindi ba’t pagpapagalit ito sa isang taong may mabuting asal? Kung gayon, mas mabuti pang mag-ingat ako; hindi ako dapat magtiis ng gayong paghihirap o magbayad ng gayong halaga gaya ng dati kong ginagawa kapag ginagawa ang mga tungkulin ko!” Ganito naiimpluwensiyahan ang ilang taong magulo ang isip at walang pagkilatis.

Para sa mga taong madalas magbulalas ng pagkanegatibo, kung talagang may mga pananaw o ideya silang nais ipahayag, hayaan silang magsalita muna at ilantad ang mga pananaw nila. Kapag nakapagsalita na sila, mauunawaan ng lahat: “Pakiramdam nila, ang halagang ibinayad nila ay hindi katumbas ng nakamit nila. Pakiramdam nila, wala silang nakamit na anumang mga pakinabang at na nagdusa sila ng mga kawalan, kaya umaayaw na sila. Nagrereklamo sila tungkol sa Diyos, umaasang makipagtawaran sa Diyos, humihingi ng biyaya at mga pakinabang!” Makikilatis ba ng karaniwang tao ang gayong tao kapag narinig niya itong magsalita? Sa sandaling nakikilatis na siya ng lahat, sabihin sa taong iyon: “Tapos ka na bang magsalita? Kung wala ka nang sasabihin pa, tumahimik ka na, o magmumukha ka lang na isang hangal. Kung malalantad ang buktot mong kalikasan sa harap ng lahat ng tao at hindi mo agad ito mapipigilan, mag-uudyok ito ng galit ng publiko. Kapag inilantad at itinakwil ka ng lahat, magiging huli na para magsisi.” Bigyan siya ng babala sa ganitong paraan, at sa paggawa nito, malilimitahan mo na siya. O kaya naman, puwede mo ring sabihin: “Kung pakiramdam mo ay natalo ka, hindi mo kailangang manampalataya sa Diyos. Pakiramdam mo ay wala kang anumang nakamit, kaya ano ba mismo ang gusto mong makamit? Kung ito ay ang kumita nang malaki at maging mayaman, o humawak ng mataas na posisyon, pasensya na, pero ang mga bagay na ito ay hindi matatamo dahil lang lang sa gusto ng isang tao; ito ay mga bagay na inorden ng Diyos. Ang pagpapakita ng Diyos at ang Kanyang gawain ng pagliligtas sa tao ay hindi tungkol sa pagbibigay sa mga tao ng mga bagay na ito. Pumunta ka kung saan mo man makukuha ang mga ito; ang sambahayan ng Diyos ay hindi ang mundo, at hindi nito kayang bigyang-kasiyahan ang mga diyablo at mga Satanas. Mas mabuti pang huwag kang humingi ng gayong mga bagay mula sa sambahayan ng Diyos, huwag din mula sa mga kapatid; kung mangangahas kang hingin ang mga bagay na ito sa Diyos, malalabag mo ang Kanyang disposisyon at mapupukaw mo ang Kanyang galit. Ito ay dahil napakaraming biyaya na ang ipinagkaloob ng Diyos sa mga tao, at pinagkalooban na Niya ang mga tao ng mas marami pang katotohanan para maging buhay nila. Ang hindi mo pagpapahalaga sa pagkakamit sa katotohanan ay kahangalan at kamangmangan mo.” Pinagsasabihan at pinupungusan siya ng lahat sa ganitong paraan. Ano ang palagay mo sa ganitong pagsasagawa? O kaya naman, puwede mong sabihin: “Walang utang ang sambahayan ng Diyos sa iyo. Pawang boluntaryo ang paggugol mo para sa Diyos at ang paggampan mo sa mga tungkulin mo. Alam mo ba kung gaano karaming biyaya ang natamasa mo mula sa Diyos mula nang manampalataya ka sa Kanya at gumawa ka ng mga tungkulin? Kung may konsensiya ka man lang, hindi mo dapat sabihin sa Diyos na wala kang nakamit; dapat kang lumapit sa Diyos at kilalanin ang sarili mong mga problema. Kung tunay kang nananampalataya na ang Diyos ang katotohanan, na ang lahat ng ginagawa ng Diyos ay ang katotohanan at ang Kanyang mga salita ay ang katotohanan, hindi mo dapat sinasabi ang mga bagay na iyon; hindi ka dapat nagrereklamo. Ang kasalukuyan mong saloobin ay hindi ang nararapat na taglayin ng isang nananampalataya sa Diyos, ni hindi ito ang saloobin na dapat mayroon ang isang taong naghahanap sa katotohanan. Sinusubukan mong maghimagsik, muling buhayin ang mga dati mong problema sa Diyos! Sinusubukan mong putulin ang ugnayan mo sa Diyos, para makipagtuos! Pero walang utang ang Diyos sa iyo, gayundin ang sambahayan ng Diyos. Kung makikipagtuos ka sa sambahayan ng Diyos, bilisan mo at umalis ka na agad sa Kanyang sambahayan. Huwag mong guluhin ang sambahayan ng Diyos, kung hindi ay mapupukaw mo ang Kanyang poot at ikaw ay papabagsakin Niya. Hindi magiging magandang kahihinatnan iyon. Kung mayroon kang anumang konsensiya o katwiran, dapat kang huminahon para magdasal at maghanap, para makita kung may anumang mali sa perspektiba sa likod ng paghahangad mo sa pananampalataya mo sa Diyos, at kung ang landas na tinatahak mo ay ang landas na hinihingi ng Diyos na tahakin mo. Napakarami mong di-makatwirang hinihingi sa Diyos, napakatindi ng sama ng loob mo; ipinapahiwatig nito na may problema sa paghahangad mo. Hindi mo inipon ang ganoon katinding sama ng loob sa loob lang ng isa o dalawang araw; matagal na panahon na itong naiipon. O marahil lumalapit ka sa Diyos nang may maling pananaw sa isipan mula pa noong nagsimula kang manampalataya sa Kanya, at anuman ang sinabi Niya, naging manhid ka, at bilang resulta ay wala kang nararamdamang anumang pagsisisi o pagkakautang o anupaman. Marahil iyon ang dahilan kung bakit nagkaganito ang mga bagay-bagay ngayon. Mas mabuti pang agad kang mangumpisal at magsisi; may oras pa para magsisi. Kung hindi, at magpapatuloy kang gumawa ng kasamaan at magbulalas ng pagkanegatibo, ikaw ay magiging isang diyablo, isang anticristo. Kapag pinaalis ka ng sambahayan ng Diyos, mawawalan ka na ng anumang pagkakataong maligtas—ang kinokondena ng sambahayan ng Diyos ay kinokondena rin ng Diyos. Ibinibigay namin sa iyo ang babalang ito bilang pagsasaalang-alang sa kakayahan mong magtiis ng paghihirap at magbayad ng halaga sa loob ng maraming taon ng pananampalataya mo sa Diyos. Binibigyan ka namin ng pagkakataon. Kung ipipilit mo ang sarili mong paraan at hindi ka makikinig sa payo, at magpapasya ang sambahayan ng Diyos na paalisin ka, hindi ka na magiging isang kapatid. Mawawalan ka na ng pag-asang maligtas. Kapag dumating ang panahong iyon, talagang wala ka nang makakamit. Huwag kang magsisisi kapag dumating ang panahong iyon. Ang pinakamahalaga para sa iyo ngayon ay ang ituwid ang iyong mga iniisip, pananaw, at ang direksyon ng paghahangad mo. Huwag mo nang palaging hangarin na may makakamit ka. Pakinggan mo ang mga salita ng Diyos; tingnan kung gaano karami sa mga inilalantad ng Diyos tungkol sa mga tiwaling disposisyon ng mga tao ang maaari mong pagnilayan at kilalanin sa sarili mo. Nalutas mo na ba ang mga problemang natutukoy mo sa sarili mo, ang mga malinaw mong nakikita? Natukoy mo na ba ang paghihimagsik mo laban sa Diyos? Nalutas mo na ba ito? Ang pinakamalaking problemang kinakaharap mo ngayon ay na palagi mong gustong makipagtuos sa Diyos—ano ang problemang ito? Hindi ba’t isa itong problema na kailangang malutas? Nananampalataya ka sa Diyos nang palaging may ilang intensyon, nang may pakikipagtransaksiyon sa isipan mo; palagi kang sabik na magkamit ng mga pagpapala, umaasang maipagpapalit ang pagsisikap, paggugol, at pagdurusa ng laman para sa mga pagpapala ng kaharian ng langit—hindi ba’t ito ang lohika ng isang bandido? Bakit hindi mo tingnan kung anong uri ng mga tao ang pinagkakalooban ng Diyos ng mga pagpapala, kung ano ang mga hinihingi ng Diyos sa mga tao, kung ano ang sinabi ng Diyos sa mga tao, at kung ano ang kailangang makamit ng mga tao para matanggap ang mga pangako ng Diyos? Kung tunay kang nananampalataya sa Diyos at tunay na gusto mong maligtas, huwag mo palaging subukan na may makamit mula sa Diyos. Kailangan mong tingnan kung gaano karami sa mga salita ng Diyos ang naisagawa mo, sa kung isa kang taong sumusunod sa mga salita ng Diyos. Ang pagsunod sa mga salita ng Diyos ay ang magsagawa at mamuhay ayon sa mga hinihingi ng Diyos at sa mga katotohanang prinsipyo, hindi lang ang magdusa nang kaunti sa pisikal at magbayad ng maliit na halaga. Hindi nalulutas ang tiwali mong disposisyon, at may mga layunin sa lahat ng halagang ibinabayad mo at sa lahat ng paghihirap na dinaranas mo. Hindi ito sinasang-ayunan ng Diyos; ayaw Niya ng gayong halaga. Kung ipipilit mong makipagtuos sa Diyos, kung ipipilit mong makipagtalo at makipagtunggali sa Diyos, nilalabag mo ang disposisyon Niya, at hahayaan Niyang makuha mo ang gusto mo, papunta sa impiyerno para maparusahan. Ito ang kaparusahan sa paggawa ng kasamaan. Nagtamasa ka ng maraming pagpapala at biyaya mula sa Diyos, at binigyan ka Niya ng kaunting natatanging materyal na pagtrato. Natanggap mo na ang dapat mong matanggap—ano pa ba ang gusto mo mula sa Diyos? Kung ibabahagi mo ang mga salitang ito, hindi ba’t mababawasan nang kaunti ang pagkamareklamo ng isang taong may kaunting konsensiya at katwiran kapag narinig niya ang mga ito? Ang mga salitang ito ba ay mga salita ng dalisay na pagkaarok na nakaaayon sa katotohanan? (Oo.) Kung may pagkatao at katwiran ang isang tao, mauunawaan at matatanggap niya ang mga ito. Tanging iyong mga walang pagkatao, iyong mga walang konsensiya at katwiran, ang mag-iisip na sinusubukan silang lansihin ng mga salitang ito, na ang mga ito ay matayog pakinggan na retorika, hindi nararapat paniwalaan, at na ang mga ito, sa kongkretong aspekto, ay hindi kasingkapaki-pakinabang ng nakikitang biyaya o mga materyal na pagpapala. Kaya, bago nila makita ang mga kongkretong pakinabang na iyon, walang silbi ang anumang sabihin mo; hindi nila ito tatanggapin. Maaring hindi nila ito kontrahin kapag nakaharap ka, pero kapag nakatalikod ka, patuloy pa rin silang manlalaban sa puso nila, magbubulalas ng pagkanegatibo paminsan-minsan, ipagyayabang ang sarili nilang mga ambag, bibilangin ang mga paghihirap na tiniis nila, gayundin kung paano sila tinatrato ng sambahayan ng Diyos, kung paano nila tinitiis ang sambahayan ng Diyos—palaging nilang kinikimkim sa puso nila ang mga bagay na ito. Anuman ang nangyayari sa kanila, hangga’t hindi nila natatanggap ang ninanais nila, sumasambulat ang kahayupan nila, sumasabog ang galit nila, na naglalantad sa kahiya-hiya nilang pag-uugali, at nagbubulalas sila ng pagkanegatibo. Dapat mo pa rin bang subukang hikayatin ang gayong tao? Kung pagkatapos ng simpleng panghihikayat ay ipinapakita pa rin niya ang ganoong karakter, bumabalik ang mga dati niyang problema, at muling sumisiklab ang pagkamaladiyablo niya, ano ang dapat gawin? Panahon na para magpataw ng mga limitasyon. Huwag silang bigyan ng pagkakataong magsisi. Para silang mga bulok na kahoy; sila ay mga sawimpalad na hangal at matigas ang ulo. Paano sila naging “mga sawimpalad na hangal at matigas ang ulo”? Dahil hindi nila tinatanggap ang dalisay na daan at ang mga positibong bagay. Sa halip, niyayakap nila ang mga baluktot na argumento, maling paniniwala, at panlilinlang, kumakapit sa sarili nilang mga pananaw na makapagkamit ng mga kongkretong pakinabang, magsamantala, at hindi magdusa ng mga kawalan. Paano man pagbahaginan ng sambahayan ng Diyos ang katotohanan, palagi nilang sinasabi, “Lahat ng salitang iyon ay magandang pakinggan. Sino ba ang hindi makakapagsabi ng kaunting magandang bagay? Kung natalo ka, hindi mo iyan sasabihin.” Mahigpit silang kumakapit sa gayong mga pananaw, at kapag may hindi kanais-nais na nangyayari o nawalan sila, pakiramdam nila ay wala silang anumang nakamit mula sa pananampalataya sa Diyos, at magbubulalas silang muli ng pagkanegatibo. Dapat pa rin ba silang bigyan ng pagkakataon? Hindi na. Kung hindi nila gagawin nang maayos ang mga tungkulin nila, sa halip ay ginugulo nila ang iba, agad-agad silang pigilan at limitahan. Huwag silang hayaang magsalita nang malaya. Kung patuloy silang magpapakalat ng pagkanegatibo at manggugulo ng iba, huwag na silang bigyan ng konsiderasyon. Agad silang paalisin. Hindi naman ito pagiging hindi mapagmahal, hindi ba? (Hindi.) Isinubo na sa kanila ang katotohanan sa pagbabahaginan, pero hindi nila ito matanggap, paano man ito pagbahaginan—ano ang ipinapahiwatig nito? Sa panlabas, ang taong ito ay tila isang hindi mananampalataya, pero sa diwa, isa siyang diyablo. Pumunta siya sa sambahayan ng Diyos para humingi ng biyaya at mga pagpapala mula sa Diyos, para magkamit ng mga pakinabang, at hindi siya titigil hangga’t hindi niya nakakamit ang mga ito. Kung wala siyang nakamit na anumang mga pakinabang matapos manampalataya sa loob ng ilang panahon, sasabog ang mga satanikong disposisyon niya; ilalabas niya ang pagkadismaya niya sa Diyos, gagawa siya ng kasamaan, at magdudulot ng mga kaguluhan. Isa itong diyablo. Ang kaunting pagdurusa at paggugol na ginawa niya ay likas na hindi ang pagsasagawa ng mga salita ng Diyos. Ang mga ito ay ganap na tungkol sa pakikipagkasunduan, tungkol sa pagkamit ng mga pakinabang at pagpapala para sa sarili niya. Kapag sumasapit ang mga bagay-bagay sa mga palaging gustong may makamit mula sa pananampalataya nila sa Diyos, at negatibo at mahina sila, palagi nilang sinasabi, “Wala akong nakamit sa pananampalataya sa Diyos.” Pagkatapos, sumusuko sila at nagsisimulang kumilos nang walang pakundangan, naglalayong maghiganti, at madalas na nagbubulalas ng pagkanegatibo para ilabas ang mga emosyon nila ng kawalang-kasiyahan. Napagbahaginan na natin kung paano tatratuhin ang gayong mga tao: Dapat silang pangasiwaan ayon sa mga prinsipyo. Kung kaya nilang tanggapin ang katotohanan at tiyakin na hindi na sila magdudulot pa ng mga kaguluhan sa hinaharap, maaari silang bigyan ng isa pang pagkakataong manatili sa iglesia. Kung palagi silang nanggugulo at namiminsala sa gawain at buhay ng iglesia, alisin na sila. Ito ay para protektahan ang gawain ng iglesia at matiyak na ang hinirang na mga tao ng Diyos ay makakapamuhay ng buhay iglesia nang hindi nagugulo. Napagdesisyunan na ito at ang pamamaraang ito ay inangkop batay sa prinsipyong ito. Naaangkop ito.

Sa buhay iglesia, sino pa ang malamang na magbulalas ng pagkanegatibo? May ilang tao na gumagawa ng tungkulin nila nang walang mga resulta, palaging nagkakamali; hindi nila pinagninilayan ang sarili nila pero palagi nilang nararamdaman na hindi matuwid o patas ang Diyos, na palaging mabuti ang pagtrato ng Diyos sa iba pero sa kanila ay hindi, na minamaliit sila ng Diyos, at hindi sila kailanman binibigyan-g-liwanag, kaya naman, walang nagiging resulta kahit kailan ang paggampan nila sa tungkulin nila, at hindi nila kailanman naaabot ang layon nila na mamukod-tangi at mapahalagahan. Sa puso nila, nagkikimkim sila ng mga reklamo tungkol sa Diyos, at habang ginagawa nila ito, lumilitaw sa kanila ang pagkainggit, pagkasuklam, at pagkamuhi sa mga tapat na gumagawa ng mga tungkulin ng mga ito. Anong uri ng pagkatao mayroon ang gayong mga tao? Hindi ba’t makitid ang isip nila? At bukod pa roon, hindi ba’t nabibigo silang maunawaan kung paano hangarin ang katotohanan sa pananalig nila sa Diyos? Hindi nila nauunawaan kung ano ang ibig sabihin ng pananampalataya sa Diyos. Iniisip nila na ang pananampalataya sa Diyos at ang paggawa ng isang tungkulin ay parang pagsusulit sa unibersidad bilang isang estudyante, kung saan palaging kailangang ikumpara ang mga marka at ranggo. Kaya, pinapahalagahan nila nang husto ang mga bagay na ito. Hindi ba’t iyon ang kalagayan nila? Una sa lahat, mula sa perspektiba ng pagkaarok sa katotohanan, may espirituwal na pang-unawa ba ang gayong mga tao? Wala, at hindi nila nauunawaan kung ano ang ibig sabihin ng manampalataya sa Diyos at hangarin ang katotohanan. Sa isang banda, pinapahalagahan nila nang husto ang ranggo nila kumpara sa iba; sa kabilang banda, palagi silang gumagamit ng pamamaraan ng pagmamarka para suriin kung gaano kahusay na ginagawa ng iba ang mga tungkulin ng mga ito at ang sarili nilang husay sa paggawa, para bang sinusuri nila ang mga mag-aaral sa paaralan, sinusukat ang pananampalataya ng mga tao sa Diyos at ang paggampan ng mga ito sa mga tungkulin gamit ang pamamaraang ito. Hindi ba’t may mali rito? Dagdag pa rito, hindi ba’t mali rin ang masikap na paraan nila ng paggawa ng mga tungkulin nila? Hindi ba’t ginagawa nila ang mga tungkulin nila nang may pagsisikap ng pag-aaral at pagsusulit? (Oo.) Bakit natin nasasabi ito? Nauunawaan ba ng gayong mga tao kung paano hanapin ang mga prinsipyo kapag nananampalataya sa Diyos at gumagawa ng mga tungkulin nila? Kaya ba nilang hanapin ang mga prinsipyo? Sa isang aspekto, hindi nila alam kung paano hanapin ang mga prinsipyo. Kung paano dapat basahin ng mga tao ang mga salita ng Diyos, kung paano pagbabahaginan ang katotohanan, at kung paano gagawin nang wasto ang mga tungkulin nila—hindi nila nauunawaan ang mga usaping ito, ni pinapahalagahan ang mga ito. Ang alam lang nila ay dapat silang maghanap ng mga prinsipyo at kumilos ayon sa mga ito, pero sa kung ano ang hinihingi ng mga prinsipyo, ano ang hinihingi ng Diyos, o paano kumikilos ang iba ayon sa mga prinsipyo, wala silang pagkaunawa. Sadyang hindi nila ito naiintindihan. At sa isa pang aspekto, nagagawa ba nilang suriin ang paggampan sa isang tungkulin batay sa mga pamantayan ng Diyos para masukat kung pasok ba sa pamantayan ang paggampan ng mga tao sa tungkulin nila, at ang mga prinsipyong Kanyang hinihingi sa mga tao sa paggawa ng tungkulin nila? Kaya ba nilang maunawaan ang mga usaping ito mula sa mga salita ng Diyos at sa pagbabahaginan ng mga kapatid? Una sa lahat, hindi nila nauunawaan ang mga salita ng Diyos, ni nauunawaan ang mga usapin ng paggawa ng tungkulin. Matapos silang magsimulang manampalataya sa Diyos at gumawa ng mga tungkulin, iniisip nila nang mabuti: “Noong nag-aaral pa ako, natuklasan ko ang isang panuntunan: Basta’t handa kang magsikap at higit pang mag-aral, makakamit mo ang matataas na marka. Kaya, ganoon din ang gagawin ko sa pananalig ko sa diyos. Mas magbabasa ako ng mga salita ng diyos at mas magdarasal ako. Habang nagdadaldalan o kumakain ang iba, mag-aaral ako ng mga himno at magsasaulo ng mga salita ng diyos. Nang may gayong pagsusumikap, tiyak na pagpapalain ako ng diyos; batay sa aking pagsusumikap, pagkamasigasig, at kasipagan, tiyak na magiging mabunga ang paggampan ko ng tungkulin. Siguradong makakakuha ako ng mataas na marka kumpara sa iba, at papahalagahan ako at itataas ang ranggo ko.” Pero sa kabila ng paggawa nito, hindi pa rin nila makamit ang mga kahilingan nila: “Bakit hindi pa rin ako kasing-epektibo ng iba sa paggawa ng tungkulin ko? Paano tataas ang ranggo ko o paano ako magagamit kailanman para sa mahahalagang gampanin? Hindi ba’t nangangahulugan ito na wala nang pag-asa? Ipinanganak akong mahilig makipagkompetensiya, ayaw kong napag-iiwanan. Ganoon ako noong nag-aaral pa ako, at ganoon pa rin ako ngayon, sa pananampalataya ko sa diyos. Sinumang nakakahigit sa akin, determinado akong malampasan sila. Hindi ako titigil hangga’t hindi ko nagagawa ito!” Naniniwala sila na gamit ang tamang pamamaraan at diskarte—ang pagdala lang ng pagsusumikap sa pag-aaral nang mabuti para makapagbasa ng mas maraming salita ng Diyos at matuto ng mas maraming himno; ang pag-iwas sa pakikipagdaldalan; ang hindi pagtuon sa pagbibihis nang maganda; ang pagtulog nang kaunti at hindi masyadong pagsasaya; ang pagsupil sa katawan nila; at hindi pagpapasasa sa mga kaginhawahan ng laman—makakatanggap na sila ng mga pagpapala ng Diyos, at siguradong magkakamit sila ng mga resulta sa paggawa ng tungkulin nila. Gayumpaman, palaging hindi umaayon ang mga bagay-bagay sa inaasahan nila: “Bakit palagi pa rin akong nagkakamali sa paggawa ng tungkulin ko, at bakit hindi ko pa rin ito magawa nang kasinghusay ng iba? Ginagawa ng iba ang mga bagay-bagay nang mabilis at mahusay, at palagi silang pinupuri at pinapahalagahan ng lider. Nagtiis ako ng napakaraming pagdurusa at paghihirap—bakit hindi pa rin ako nagkakamit ng mga resulta?” Habang pinag-iisipan nila ito nang mabuti, sa wakas ay may mahalaga silang natuklasan: “Lumalabas na hindi matuwid ang diyos. Napakatagal ko nang nananampalataya sa diyos, pero ngayon ko lang ito nalaman! Mabuti ang Diyos sa kung kanino niya gusto. Kaya, bakit ayaw niyang maging mabuti sa akin? Dahil ba hangal ako, dahil hindi ko kayang mambola at magsalita nang mahusay, dahil hindi mabilis ang isip ko? O dahil ba masyadong ordinaryo ang hitsura ko, at wala akong masyadong pinag-aralan? Pagbubunyag ito ng diyos sa akin, hindi ba? Napakarami ko nang nabasang mga salita ng diyos—bakit hindi mabait sa akin ang diyos, bagkus ay ibinubunyag pa niya ako?” Habang pinag-iisipan nila ito, nagiging negatibo sila: “Ayaw ko nang gawin ang tungkulin ko. Hindi ako pinagpala ng diyos habang ginagawa ko ang tungkulin ko, at nagbasa ako ng mas maraming salita ng diyos, pero hindi niya ako binigyang-liwanag. Sinasabi sa mga salita ng diyos na mabuti ang diyos sa kung kanino niya gusto at nagpapakita siya ng habag sa kung kanino niya gusto. Hindi ako isang taong pinapakitaan ng habag o kabutihan ng diyos. Bakit ko dapat pagdusahan ang pagpapahirap na ito?” Habang mas nag-iisip sila, mas nagiging negatibo sila, at mas nararamdaman nila na wala na silang patutunguhan. Nalulunod na sila sa mga hinanakit nila, at ayaw na nilang gawin ang tungkulin nila; at kapag ginagawa ang tungkulin nila, iniraraos na lang nila ang gawain. Paano man pagbahaginan ng iba ang mga prinsipyo, hindi nila ito nauunawaan. Walang reaksyon sa loob nila. Kapag nasa ganitong kondisyon sila, mayroon ba silang anumang buhay pagpasok? Mayroon ba silang anumang katapatan sa paggawa ng tungkulin nila? Wala na, at nawala na rin ang kaunting pagsusumikap at pagkamasigasig na mayroon sila noon. Kaya, ano ang natitira sa puso nila? “Bahala na, at tatanggapin ko na lang kung ano ang mangyayari. Maaaring ibunyag at itiwalag ako ng diyos anumang araw ngayon, susukuan na Niya ako. Kapag dumating ang araw na hindi na ako papayagang gumawa ng tungkulin ko, hindi ko na ito gagawin. Alam kong hindi ako sapat. Maaaring hindi pa ako itinitiwalag ng diyos ngayon, pero alam kong ayaw niya sa akin. Anumang oras ay ititiwalag na Niya ako.” Umuusbong sa puso nila ang ganitong mga kaisipan at pananaw, at kapag nakikisalamuha sila sa iba, paminsan-minsan ay nadudulas at nababanggit nila ang gayong mga komento: “Ipagpatuloy ninyong lahat ang taimtim na pananampalataya. Tiyak na pagpapalain ng diyos ang pananalig at paggampan ninyo ng mga tungkulin ninyo. Wala na akong pag-asa. Hanggang dito na lang ako. Kahit gaano ako kamasigasig o kamasikap, wala itong silbi. Kung ayaw ng diyos sa isang tao, walang silbi ang anumang pagsisikap na gawin niya. Ginagawa ko ang tungkulin ko nang nagsusumikap ayon sa kaya ko; kung wala nang patutunguhan ang mga pagsisikap ko, wala nang magagawa. Puwede bang pilitin ng diyos ang mga tao na gawin ang lampas sa kakayahan nila? Hindi mapipilit ng diyos ang isang isda na mabuhay sa lupa!” Ano ang sinasabi rito? Ang ipinapahiwatig ay: “Ganito talaga ako. Paano man ako tratuhin ng diyos, ito ang magiging saloobin ko.” Sabihin ninyo sa Akin, bakit gugustuhin pa rin ng isang taong may gayong saloobin at intensiyon na tumanggap ng mga pagpapala ng Diyos? Puwede bang makaimpluwensiya sa iba ang ganitong kalagayan at saloobing mayroon sila? Madali silang magkakaroon ng negatibo at nakakasirang impluwensiya, na hihila sa iba patungo sa pagkanegatibo at kahinaan. Hindi ba’t panlilihis at pamiminsala ito sa iba? Ang mga taong may gayong antas ng pagkanegatibo ay nabibilang sa kategorya ng mga diyablo, hindi ba? Hindi kailanman nagmamahal sa katotohanan ang mga diyablo.

Hindi nagbubulalas ang ilang tao ng pagkanegatibo nila sa mahahabang talakayan; nagbibigkas lang sila ng ilang parirala: “Mas mahusay kayong lahat kaysa sa akin. Labis kayong pinagpalang lahat. Wala na akong pag-asa. Kahit gaano pa ako magsumikap, wala itong silbi. Wala akong pag-asang makatanggap ng mga pagpapala ng Diyos.” Bagama’t simple at tila walang problema ang mga salita, na parang sinusuri nila ang sarili nila, hinihimay ang sarili nila, at tinatanggap ang mga katunayan tulad ng sarili nilang mahinang kakayahan at mga pagkukulang, sa totoo lang, nagbubulalas sila ng isang uri ng di-nakikitang pagkanegatibo. Ang mga salitang ito ay may panunuya at pangungutya, pati na rin paglaban, at siyempre, higit pa rito, mayroong kawalang-kasiyahan sa Diyos ang mga ito, kasama ng isang negatibo at malungkot na kalagayan. Maaaring kakaunti ang mga negatibong salitang ito, pero ang kalagayang ito, tulad ng isang nakakahawang sakit, ay maaaring makaapekto sa iba. Bagama’t hindi nila hayagang sinasabi, “Ayaw ko nang gawin ang mga tungkulin ko, wala na akong pag-asa na maligtas, at nanganganib din kayong lahat,” dahil sa ipinapahiwatig nila, nararamdaman ng ibang mga tao na kung ang indibidwal na ito, sa kabila ng mga pagsisikap niya, ay wala nang pag-asa na maligtas, lalong wala nang pag-asa iyong mga hindi nagsisikap. Sa pagpapahayag ng pahiwatig na ito, sinasabi nila sa lahat, “Mahalaga ang pag-asa. Kung hindi ka bibigyan ng Diyos ng pag-asa, kung hindi ka pagpapalain ng Diyos, kahit gaano ka pa magsikap, walang saysay ang lahat ng ito.” Matapos tanggapin ng karamihan ng tao ang pahiwatig na ito, hindi maiiwasang humina ang pananalig nila sa Diyos sa kaloob-looban nila, at malaki ang nababawas sa katapatan at sinseridad na dapat nilang ipinapakita kapag ginagawa ang mga tungkulin nila. Bagama’t ibinubulalas nila ang pagkanegatibong ito nang walang malinaw na layunin para ilihis at hikayatin ang mga tao na kumampi sa kanila, ang negatibong kalagayang ito ay mabilis na nakakaapekto sa iba, na nagpaparamdam sa mga ito ng isang krisis, nararamdaman na madaling nasasayang ang mga pagsisikap ng mga ito; dahil dito, namumuhay ang mga tao ayon sa mga damdamin nila, ginagamit ang mga damdamin para bumuo ng espekulasyon tungkol sa Diyos, at sinusuri at sinisiyasat ang saloobin at sinseridad ng Diyos sa mga tao batay sa mga paimbabaw na anyo. Kapag naipapasa sa iba ang negatibong kalagayang ito, hindi nila maiwasang lumayo sa Diyos at magkaroon ng maling pagkaunawa at ng pagdududa sa sinabi ng Diyos, hindi na nananampalataya sa Kanyang mga salita. Kasabay nito, wala na silang sinseridad sa mga tungkulin nila; ayaw na nilang magbayad ng halaga, at ayaw na nilang magkaroon ng anumang katapatan. Ito ang epekto ng mga negatibong komentong ito sa mga tao. Ano ang kahihinatnan ng epektong ito? Pagkatapos marinig ang mga salitang ito, hindi nagkakamit ng pagpapatibay ang mga tao, lalong hindi nila nakakamit ang pagkakilala sa sarili, natutuklasan ang mga pagkukulang nila, o naisasagawa ang katotohanan at nagagawa ang mga tungkulin nila ayon sa mga prinsipyo—wala silang anumang nakakamit sa mga positibong resultang ito. Sa halip, dahil sa epektong ito, nagiging mas negatibo na ang mga tao, naiisip nilang sukuan na ang paghahangad sa katotohanan, at nawawalan na sila ng kapasyahan na gawin ang mga tungkulin nila. Bakit nawalan na sila ng pananalig? (Pakiramdam nila ay wala na silang pag-asa na maligtas.) Tama, tinanggap mo ang mensaheng ito at nararamdaman mong wala ka nang pag-asa na maligtas, kaya ayaw mong magsikap na gawin ang tungkulin mo. Ipinapakita ng pag-uugaling ito na hindi ka taos-pusong naghahangad sa katotohanan, kundi palagi mong hinuhusgahan kung nalulugod ba sa iyo ang Diyos, kung may pag-asa ka bang maligtas, at kung sinasang-ayunan ba ng Diyos ang paggampan mo ng tungkulin mo batay sa mga damdamin, kalagayan, at hinuha. Kapag hinuhusgahan ng mga tao ang mga bagay na ito batay sa hinuha, wala silang masyadong motibasyon na isagawa ang katotohanan. Bakit ganito? Kaya ba ng mga tao na tumpak na husgahan ang Diyos kapag hinuhusgahan nila Siya batay sa hinuha? Kaya ba ng mga tao na bumuo ng mga tumpak na hinuha tungkol sa bawat kaisipan at ideyang mayroon ang Diyos? (Hindi.) Ang isipan ng tao ay puno ng panlilinlang, mga pakikipagtransaksiyon, mga pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo, lohika ni Satanas, at iba pa. Ano ang mga kahihinatnan ng mga tao sa pagbubuo ng mga hinuha tungkol sa Diyos batay sa mga bagay na ito? Humahantong ito sa pagdududa sa Diyos, paglayo sa Diyos, at maging sa ganap na pagkawala ng pananalig sa Diyos. Kapag ganap na nawala ang pananalig ng isang tao sa Diyos, hindi maiiwasang mapapatanong siya nang husto sa puso niya kung umiiral ba ang Diyos. Sa oras na iyon, magtatapos ang panahon niya bilang isang mananampalataya sa Diyos—ganap na silang nawasak. Dagdag pa rito, tama ba para sa mga tao na bumuo ng mga hinuha tungkol sa Diyos? Ito ba ang saloobing dapat mayroon ang isang nilikha tungo sa Lumikha? Malinaw na hindi. Hindi dapat bumuo ng mga hinuha ang mga tao tungkol sa Diyos, ni dapat na bumuo ng espekulasyon tungkol sa pag-iisip ng Diyos o ang Kanyang mga iniisip tungkol sa mga tao. Ito mismo ay mali; nagkaroon ng maling perspektiba at posisyon ang mga tao.

Hindi dapat tratuhin ng mga tao ang Diyos nang may hinuha, espekulasyon, pagdududa, o paghihinala, ni dapat Siyang husgahan batay sa mga iniisip at pananaw ng tao, mga pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo, o akademikong kaalaman. Kaya, paano dapat tratuhin ng mga tao ang Diyos? Una, dapat manampalataya ang mga tao na ang Diyos ang katotohanan. Ang mga hinihingi ng Diyos sa mga tao, ang Kanyang mga layunin sa kanila, ang Kanyang pagmamahal at pagkamuhi sa mga tao, at ang Kanyang mga pagsasaayos, kaisipan, at ideya para sa iba’t ibang uri ng tao, at iba pa, ay hindi nangangailangan ng espekulasyon mo; may mga malinaw na paliwanag at kahulugan sa mga salita ng Diyos ang mga usaping ito. Kailangan mo lang manampalataya, maghanap, at pagkatapos ay magsagawa ayon sa mga salita ng Diyos—ganoon lang ito kasimple. Hindi hinihiling ng Diyos na husgahan mo kung ano ang layon Niyang gawin sa iyo o kung paano ka Niya tinitingnan batay sa mga damdamin. Kaya, iniisip mo na wala kang pag-asa na maligtas—ito ba ay isang damdamin o isang katunayan? Sinabi ba ito ng mga salita ng Diyos? (Hindi.) Kung gayon, ano ang sinasabi ng mga salita ng Diyos? Sinasabi ng Diyos sa mga tao kung paano hanapin ang katotohanan para sa mga solusyon at hanapin ang landas para isagawa ang katotohanan sa tuwing nahaharap sila sa anumang problema o nagbubunyag sila ng mga tiwaling disposisyon. Pinapatunayan nito ang isang bagay: Totoo na gusto ng Diyos na iligtas ang mga tao at baguhin ang mga tiwaling disposisyon nila; hindi ka nililinlang ng Diyos, at hindi ito hungkag na pananalita. Iniisip mo na wala kang pag-asa na maligtas, pero pansamantalang kalagayan lang iyan, isang damdaming nabuo sa ilalim ng isang partikular na kapaligiran. Ang mga damdamin mo ay hindi kumakatawan sa mga pagnanais o layunin ng Diyos, lalong hindi sa Kanyang mga kaisipan, at hindi rin kumakatawan sa katotohanan ang mga ito. Samakatwid, kung mamumuhay ka ayon sa damdaming ito, kung bubuo ka ng mga hinuha tungkol sa Diyos batay sa damdaming ito, gamit ang damdamin mo para palitan ang mga pagnanais ng Diyos, kung gayon, nagkakamali ka nang husto at nahulog ka sa patibong ni Satanas. Ano ang dapat gawin ng isang tao sa ganitong sitwasyon? Huwag umasa sa mga damdamin. Sinasabi ng ilang tao, “Kung hindi tayo dapat umasa sa mga damdamin, saan tayo dapat umasa?” Walang silbi ang umasa sa anumang bagay na nasa iyo; hindi kumakatawan sa katotohanan ang mga damdamin ng tao. Sino ang nakakaalam kung paano nabuo ang mga damdamin mo, kung saan talaga ito nagmula—kung bunga ito ng panlilihis ni Satanas, problema ito. Sa ano’t anuman, paano man nabuo ang damdamin, hindi ito kumakatawan sa katotohanan. Kapag mas matindi ang mga damdamin at kutob ng isang tao, mas kailangan niyang hanapin ang katotohanan, lumapit sa Diyos at pagnilayan ang sarili. Ang mga damdamin ng tao, at ang mga katunayan at ang katotohanan, ay dalawang magkaibang bagay. Maibibigay ba sa iyo ng mga damdamin ang katotohanan? Maibibigay ba sa iyo ng mga ito ang isang landas ng pagsasagawa? Hindi. Tanging ang mga salita ng Diyos, tanging ang katotohanan, ang makakapagbigay sa iyo ng isang landas ng pagsasagawa, ang makakapagbigay sa iyo ng pagtutuwid, at makakapagbukas ng daan palabas. Samakatwid, ang dapat mong isagawa ay hindi ang hanapin ang sariling mong mga damdamin—hindi mahalaga ang mga damdamin mo. Ang dapat mong gawin ay lumapit sa Diyos para hanapin ang katotohanan, para maunawaan ang mga layunin ng Diyos sa pamamagitan ng Kanyang mga salita. Habang mas umaasa ka sa mga damdamin, mas mararamdaman mong wala kang patutunguhan, mas malalim kang mahuhulog sa pagkanegatibo, at mas paniniwalaan mo na hindi patas ang Diyos, na hindi ka pinagpala ng Diyos. Sa kabaligtaran, kung isasantabi mo ang mga damdaming ito para hanapin ang mga katotohanang prinsipyo, para makita kung aling mga kilos sa paggawa ng tungkulin mo ang lumalabag sa mga katotohanang prinsipyo, kung aling mga kilos ang ginawa ayon sa sarili mong kagustuhan at ganap na walang kinalaman sa mga katotohanang prinsipyo, kung gayon, sa paghahanap, matutuklasan mo na masyadong marami ang sarili mong kagustuhan, masyadong marami ang imahinasyon. Sa paglalapat lang ng kaunting pagkataimtim na ito, matutuklasan mo ang maraming problema: “Masyado akong mapanghimagsik, masyadong sutil, masyadong mayabang! Hindi ito dahil wala akong pag-asa na maligtas; hindi tumpak ang mga damdamin ko. Ito ay dahil hindi ko sineryoso ang mga salita ng Diyos, at hindi ako nagsagawa ayon sa mga katotohanang prinsipyo. Palagi akong nagrereklamo na hindi ako pinagpapala ng Diyos, na hindi Niya ako ginagabayan, at na may kinikilingan Siya, pero ang totoo, hindi ko kinilala na pabasta-basta, sutil, at wala akong pakundangan sa paggampan ko ng tungkulin—kasalanan ko ito. Napagtanto ko na ngayon, walang kinikilingan ang Diyos. Kapag hindi naghahanap sa katotohanan o lumalapit sa Diyos ang mga tao, nagiging mabuti na ang Diyos sa kanila sa pamamagitan ng hindi pagbawi sa kalipikasyon nila na gumampan ng tungkulin; napakaluwag na ng Diyos sa aspektong ito. Gayumpaman, pakiramdam ko ay puno pa rin ako ng mga hinanakit, nakikipagkompetensiya at nakikipagtalo pa nga ako sa Diyos. Dati, inisip ko na napakabuti ko, pero nakikita ko na ngayon na hindi talaga totoo iyon. Hindi nakabatay sa mga prinsipyo ang anumang ginawa ko; biyaya ng Diyos na hindi Niya ako dinisiplina—nakita Niya na mababa ang tayog ko!” Sa gayong paghahanap, mauunawaan mo ang ilang katotohanan at magagawa mong magkusa na aktibong magsagawa ayon sa mga katotohanang prinsipyo. Unti-unti, mararamdaman mong may ilang prinsipyo ka na sa pag-aasal sa sarili mo at sa paggawa ng tungkulin mo. Sa oras na ito, hindi ba’t mas mapapanatag na ang konsensiya mo. “Dati, pakiramdam ko ay wala akong pag-asa na maligtas, pero ngayon, bakit lalong humihina ang damdaming ito, ang kabatirang ito? Paanong nangyari na nagbago ang kalagayang ito? Dati, inakala ko na wala akong pag-asa; hindi ba’t pagkanegatibo at paglaban lang iyon, at pakikipagtalo sa Diyos? Masyado akong mapanghimagsik!” Pagkatapos magpasakop, nang hindi namamalayan, sa paggawa ng tungkulin mo, mauunawaan mo ang ilang prinsipyo, at hindi mo na ikukumpara ang sarili mo sa iba; tutuon ka lang sa kung paano iiwas sa pagiging pabasta-basta at kung paano gawin ang mga tungkulin mo ayon sa mga prinsipyo. Nang hindi namamalayan, hindi mo na mararamdaman na hindi ka maililigtas, at hindi ka na makukulong sa negatibong kalagayang iyon; gagawin mo ang mga tungkulin mo ayon sa mga prinsipyo, at mararamdaman mong naging normal na ang ugnayan mo sa Diyos. Kapag naramdaman mo ito, iisipin mo: “Hindi ako inabandona ng Diyos; nararamdaman ko ang presensiya ng Diyos, at nararamdaman ko ang paggabay at mga pagpapala ng Diyos kapag hinahanap ko Siya habang ginagawa ang mga tungkulin ko. Sa wakas, nararamdaman ko na na pinagpapala ng Diyos ang iba at pinagpapala niya rin ako, at na walang kinikilingan ang Diyos; mukhang may pag-asa pa rin ako na maligtas. Lumalabas na mali pala ang landas na tinahak ko noon; palagi kong iniraraos lang ang mga bagay-bagay at gumagawa ako ng mga walang pakundangan na maling gawa sa paggawa ng tungkulin ko, at inisip ko pa nga na ayos lang ako, namumuhay sa sarili kong mumunting mundo at hinahangaan ang sarili ko. Ngayon, nakikita ko nang isang malaking pagkakamali ang paggawa niyon! Ang ganap na pamumuhay sa isang kalagayan ng pagpoprotesta at paglaban sa Diyos—hindi nakapagtataka na hindi ko natanggap ang kaliwanagan ng Diyos. Paano ko matatanggap ang kaliwanagan ng Diyos kung hindi ako kumikilos ayon sa mga prinsipyo?” Tingnan mo, dalawang ganap na magkaibang paraan ng pagsasagawa, dalawang ganap na magkaibang paraan ng pagharap sa sariling mga ideya ng isang tao, ay humahantong sa magkakaibang resulta sa huli.

Hindi makakapamuhay ang mga tao ayon sa mga damdamin nila sa pananampalataya nila sa Diyos. Ang mga damdamin ng mga tao ay mga panandalian lang na kalagayan—may anumang kinalaman ba ang mga ito sa mga kalalabasan nila? Sa mga katunayan? (Wala.) Kapag lumalayo ang mga tao mula sa Diyos, kapag namumuhay sila sa isang mentalidad na mali ang pagkaunawa nila sa Diyos, o tumututol, lumalaban, at nagpoprotesta sila sa Diyos, lubos na nilang nilisan ang pangangalaga at proteksyon ng Diyos, at wala na silang puwang para sa Diyos sa kanilang puso. Kapag ganito ang kalagayan ng pamumuhay ng mga tao, hindi nila mapipigilang mamuhay ayon sa sarili nilang damdamin. Ang maliit na isipin ay maaaring makapagpasama ng loob nila na hindi na sila makakain o makatulog, ang isang walang-ingat na komento mula sa isang tao ay maaaring magpasadlak sa kanila sa paghihinuha at pagkalito, at kahit ang iisang masamang panaginip ay maaari silang gawing negatibo at maging dahilan para magkamali sila ng pagkaunawa sa Diyos. Sa sandaling mangyari ang ganitong uri ng siklo ng kasamaan, matutukoy ng mga tao na tapos na ang lahat para sa kanila, na nawala ang lahat ng kanilang pag-asang maligtas, na hindi sila mahal ng Diyos, na tinalikdan na sila ng Diyos, at na hindi sila ililigtas ng Diyos. Habang mas nag-iisip sila nang ganito, at mas nadarama nila ito, lalo silang nagiging negatibo. Ang tunay na dahilan kaya ganito ang pakiramdam ng mga tao ay dahil hindi sila naghahanap sa katotohanan o nagsasagawa ayon sa mga katotohanang prinsipyo. Kapag may nangyayari sa kanila, hindi hinahanap ng mga tao ang katotohanan, hindi isinasagawa ang katotohanan, at palagi nilang ginagawa ang gusto nilang gawin, namumuhay sa gitna ng sarili nilang mga walang-kuwentang pagkamautak. Ginugugol nila ang bawat araw sa pagkukumpara sa kanilang sarili sa iba at pakikipagpaligsahan sa mga ito, kinaiinggitan at kinamumuhian ang sinumang sa tingin nila ay mas mahusay kaysa sa kanila, at nililibak at kinukutya ang sinumang iniisip nila na mas mababa sa kanila, namumuhay sa disposisyon ni Satanas, hindi ginagawa ang mga bagay ayon sa mga katotohanang prinsipyo, at tumatangging tanggapin ang payo ng sinuman. Dahil dito, sa huli ay nagkakaroon sila ng kung ano-anong delusyon, espekulasyon, at mga panghuhusga, at palagi silang nababalisa. At hindi ba’t nararapat ito sa kanila? Sila lang ang makapagtitiis sa gayong kapait na bunga—at iyon naman ang nararapat talaga sa kanila. Ano ang nagsasanhi ng lahat ng ito? Ito ay dahil hindi hinahanap ng mga tao ang katotohanan, masyado silang mayabang at nag-aakalang mas matuwid sila kaysa sa iba, palagi silang kumikilos ayon sa sarili nilang mga ideya, lagi silang nagpapasikat at nagkukumpara ng kanilang sarili sa iba, palagi silang nagsisikap na maitangi ang kanilang sarili, palagi silang humihingi ng mga hindi makatwirang bagay sa Diyos, at iba pa—lahat ng bagay na ito ay nagiging dahilan para unti-unting mapalayo ang mga tao sa Diyos, na labanan ng tao ang Diyos at labagin ang katotohanan nang paulit-ulit. Sa huli, sinasadlak nila ang kanilang sarili sa kadiliman at pagiging negatibo. At sa gayong mga pagkakataon, walang tunay na pagkaunawa ang mga tao sa kanilang sariling paghihimagsik at pagtutol, lalong imposible na maharap nila ang mga bagay na ito nang may tamang saloobin. Sa halip, nagrereklamo sila tungkol sa Diyos, nagkakamali sila ng pag-unawa sa Diyos, at bumubuo sila ng espekulasyon tungkol sa Diyos. Kapag nangyayari ito, natatanto ng mga tao sa wakas na napakalalim ng kanilang katiwalian at na sobrang nakababahala ang mga ito, kaya natutukoy nila na sila ang uring kumokontra sa Diyos, at hindi nila mapigilang masadlak sa pagiging negatibo, hindi nila magawang makaalpas. Ang pinaniniwalaan nila ay, “Itinataboy ako ng Diyos, ayaw ng Diyos sa akin. Masyado akong mapaghimagsik, nararapat lang sa akin ito, siguradong hindi na ako ililigtas ng Diyos.” Naniniwala sila na ang lahat ng ito ay katunayan. Tinutukoy nila ang mga hula sa puso nila bilang mga katunayan. Sino man ang nagbabahagi ng katotohanan sa kanila, wala itong silbi, hindi nila ito matanggap. Iniisip nila, “Hindi ako pagpapalain ng Diyos, hindi Niya ako ililigtas, kaya bakit pa ako maniniwala sa Diyos?” Kapag umabot na sa puntong ito ang landas ng kanilang paniniwala sa Diyos, may kakayahan pa bang manalig ang mga tao? Wala na. Bakit hindi na sila makakapagpatuloy? May isang katunayan dito. Kapag umabot sa isang partikular na punto ang pagkanegatibo ng mga tao na ang kanilang puso ay puno ng paglaban at reklamo, at nais nilang ganap na putulin ang ugnayan nila sa Diyos, kung gayon, hindi na ito kasingsimple ng kawalan nila ng takot sa Diyos, hindi pagpapasakop sa Diyos, hindi pagmamahal sa katotohanan, at hindi pagtanggap sa katotohanan. Sa halip ay ano ito? Sa puso nila, aktibo nilang pinipili na isuko ang kanilang pananalig sa Diyos. Iniisip nila na nakakahiya na pasibong maghintay na matiwalag, at na mas may dignidad sa pagpili na sumuko, kaya nga sila na mismo ang nagkukusa na palagpasin ang pagkakataon nila, tapusin na ang mga bagay-bagay. Kinokondena nila ang pananampalataya sa Diyos bilang masama, kinokondena nila ang katotohanan bilang walang kakayahang baguhin ang mga tao, at kinokondena nila ang Diyos bilang hindi matuwid, nagrereklamo tungkol sa hindi Niya pagligtas sa kanila: “Napakasipag ko, mas marami akong pinagdurusahan kaysa sa iba, at mas higit na malaki ang ibinabayad ko kaysa sa sinuman, sinsero kong ginagawa ang aking tungkulin, pero hindi pa rin ako pinagpala ng Diyos. Ngayon ay malinaw kong nakikita na ayaw sa akin ng Diyos, na ang hindi patas ang pagtrato ng Diyos sa mga tao.” Ang kapal ng mukha nilang gawing pagkondena at paglapastangan sa Diyos ang kanilang mga pagdududa sa Diyos. Kapag nangyayari ang gayong mga katunayan, maaari pa ba silang magpatuloy sa landas ng pananalig sa Diyos? Dahil naghihimagsik sila laban sa Diyos at kumokontra sila sa Diyos, at hindi nila tinatanggap ang katotohanan o hindi man lamang nila pinagninilayan ang kanilang sarili, nawasak na sila. Hindi ba’t hindi makatwiran na talikuran ng isang tao ang Diyos nang kusa at pagkatapos ay magreklamo na hindi siya pinagpapala o binibiyayaan ng Diyos? Ang bawat tao ay pumipili ng sarili niyang landas at tumatahak dito; walang sinuman ang maaaring gumawa nito para sa kanya. Ikaw ang pumili ng isang landas na walang patutunguhan, ikaw na tinalikuran ang Diyos at nagtakwil sa Kanya. Mula sa simula hanggang sa huli, kailanman ay hindi sinabi ng Diyos na ayaw Niya sa iyo, o na sumuko na Siya sa iyo, o na tumatanggi Siyang iligtas ka; ikaw mismo ang naglimita sa Diyos batay sa mga hula mo. Kung tunay kang nananampalataya sa Diyos, at mananampalataya ka pa rin sa Diyos kahit na ayaw Niya sa iyo, at mananampalataya ka pa rin sa Diyos, at patuloy na magbabasa ng Kanyang mga salita, at tatanggapin mo pa rin ang katotohanan at gagawin ang mga tungkulin mo nang normal, kahit pa kinamumuhian ka Niya, sino ang makakapaglimita o makakapigil sa iyo? Hindi ba’t ang lahat ng ito ay tungkol sa sarili mong mga pagpapasya at paghahangad? Ikaw mismo ay walang pananalig pero nagrereklamo ka tungkol sa Diyos; ito ay pagiging hindi makatwiran. Hindi mo pinapanatili ang ugnayan mo sa Diyos at pilit mo itong winawasak; sa sandaling nagkaroon na ng lamat, maibabalik pa ba ito? Ang nabasag na salamin ay mahirap nang buuing muli, at kahit pa mabuo ito, mananatili pa rin ang pagkabasag nito. Ngayong nasira na ang ugnayan, hindi na ito kailanman maibabalik sa orihinal nitong kalagayan. Dahil dito, anumang uri ng kapaligiran ang maranasan nila sa pananampalataya nila sa Diyos, dapat matutong magpasakop ang mga tao at dapat nilang hanapin ang katotohanan—saka lang sila makakapanindigan. Kung gusto mong sumunod sa Diyos hanggang sa dulo ng daan, napakahalaga na hangarin ang katotohanan; sa paggawa man ng mga tungkulin mo o sa paggawa ng anumang iba pang bagay, ang pag-unawa sa mga katotohanang prinsipyo at pagsasagawa at pagpapatupad sa mga ito ay mahalaga, sapagkat sa proseso ng pag-unawa sa katotohanan at pagsasagawa ayon sa mga katotohanang prinsipyo, makikilala mo ang Diyos, mauunawaan mo ang Diyos, maaarok mo Siya, at maaarok mo ang mga layunin ng Diyos at magiging katugma mo Siya, magkakamit ka ng pagkaarok at pagtanggap sa diwa ng Diyos. Kung hindi mo isasagawa ang mga katotohanang prinsipyo at kumikilos o ginagawa mo lang ang mga tungkulin mo ayon sa sarili mong kalooban, hindi mo kailanman mararanasan ang katotohanan. Ano ang ibig sabihin ng hindi kailanman mararanasan ang katotohanan? Ibig sabihin nito ay hindi mo kailanman mararanasan ang saloobin ng Diyos sa lahat ng bagay, ang Kanyang mga hinihingi, o ang Kanyang mga iniisip; at mas malamang na hindi mo mararanasan ang disposisyon at diwa ng Diyos na nabubunyag sa Kanyang gawain. Kung hindi mo mararanasan ang mga katunayang ito ng gawain ng Diyos, ang pagkaarok mo sa Diyos ay mananatiling limitado magpakailanman sa mga imahinasyon at kuru-kuro ng tao. Mananatili ito sa saklaw ng mga imahinasyon at kuru-kuro at hinding-hindi ito aayon sa diwa at tunay na disposisyon ng Diyos. Sa ganitong paraan, hindi mo makakamit ang isang tunay na pagkaarok sa Diyos.

Sa proseso ng paggawa ng mga tungkulin nila, madalas nakakaranas ang mga tao ng mga negatibo at mapaghimagsik na kalagayan. Kung magagawa nilang hanapin ang katotohanan at gamitin ang mga katotohanang prinsipyo para tugunan at lutasin ang mga isyung ito, ang mga negatibong emosyon nila ay hindi magiging mga pagrereklamo, paglaban, paghamon, pagpoprotesta, o paglapastangan pa nga. Gayumpaman, kung haharapin ng mga tao ang mga bagay na ito nang umaasa lang sa sarili nilang maliit na pagkamautak, pagpipigil sa sarili ng tao, pagsisikap ng tao, pagkamasigasig, pagdidisiplina sa katawan nila, at iba pang gayong mga pamamaraan, sa malao’t madali, itong mga imahinasyon, paghusga, at hinuha ng tao ay magiging mga pagrereklamo, paghamon, paglaban, pagpoprotesta, at paglapastangan pa nga laban sa Diyos. Kapag nakukulong sa gayong mga negatibong emosyon ang mga tao, malamang na magkaroon sila ng pagsuway, kawalang-kasiyahan, at reklamo laban sa Diyos, pati na rin ng iba pang gayong mga damdamin o kaisipan. Kapag naiipon sa loob ng mga tao ang mga kaisipang ito sa paglipas ng panahon at hindi pa rin nila hinahanap ang katotohanan o ginagamit ang katotohanan para lutasin ang mga ito, ang pagsuway, kawalang-kasiyahan, at mga pagrereklamo nila ay magiging paghamon; aasal sila nang mapaghimagsik, tulad ng pabasta-bastang paggawa sa mga tungkulin nila o ng sadyang panggugulo at pananabotahe sa gawain ng iglesia, at iba pang mga negatibong pag-uugali, para ipahayag ang pagsuway at kawalang-kasiyahan nila, at sa gayon ay makamit ang pakay nila na hamunin ang Diyos. Winawasak at ginugulo ng ilang tao ang paggampan ng ibang mga tao ng tungkulin. Ang ibig sabihin ng mga kilos nila ay: “Kung hindi ko magagawa ang tungkulin ko, o kung hindi ako pagpapalain ng diyos sa tungkulin ko, titiyakin kong walang sinuman sa inyo ang makakagawa ng mga tungkulin ninyo nang maayos!” at pagkatapos ay nagsisimula silang manggulo. Ginagawa ito ng ilang tao sa pamamagitan ng mga salita, habang ang iba naman ay sa pamamagitan ng ilang kilos. Anong mga bagay ang maaaring gawin ng mga nanggugulo sa iba gamit ang mga kilos nila? Halimbawa, maaari nilang sadyang burahin ang mga file mula sa computer ng iba para maapektuhan ang mga resulta ng tungkulin nito, o maaari nilang sadyang guluhin ang mga online na pagtitipon. Ito ay panggugulo ng mga diyablo at mga Satanas sa mga tao. Hindi nauunawaan ng mga tao: “Paano nagagawa ng isang taong nasa gayong edad na ang gayong mga kasuklam-suklam na bagay? Kung tutuusin, hindi naman siya isang teenager; paanong nagagawa pa rin niya ang gayong mga kapilyuhan?” Sa katunayan, maaari ding gawin ng mga taong nasa edad trenta, kuwarenta, singkuwenta, o sisenta ay ang mga bagay na ito. Ang iba’t ibang pag-uugaling ito ay hindi lubos maisip; hindi ito mga kilos ng isang taong may konsensiya at katwiran, kundi ng mga diyablo at mga Satanas. Kapag nakita niyang hindi naaapektuhan ang iba at hindi niya nakamit ang mga layon niya, magbubulalas ang gayong tao ng pagkanegatibo at manggugulo sa mga oras na maraming tao ang naroroon o sa mga pagtitipon. Kapag nagsimula siyang ilabas ang kawalang-kasiyahan niya sa pamamagitan ng mga kilos, nagiging mahirap nang kontrolin ang sitwasyon; napakahirap niyang pigilan, at kung magpapatuloy ang sitwasyon, lalo lang itong lalala, lumulubha ang kalikasan nito. Hindi lang siya nagdudulot ng mga kaguluhan sa mga kilos niya, kundi gumagamit din siya ng iba’t ibang diskarte at pamamaraan, gamit ang agresibo at mapanghusgang wika para manggulo sa iba habang gumagawa ng tungkulin ang mga ito. Nakakamit man niya ang mga layon niya o hindi, nilalabanan niya ang Diyos sa puso niya; hindi siya nagbabasa ng mga salita ng Diyos o nag-aaral ng mga himno, at tumatanggi siyang magbasa ng anumang aklat na may kaugnayan sa mga salita ng Diyos o sa katotohanan. Ano ang ginagawa niya sa bahay? Nagbabasa siya ng mga nobela, nanonood ng mga palabas sa telebisyon, nag-aaral ng mga teknik sa pagluluto, nag-aaral ng paglalagay ng kolorete at pag-eestilo ng buhok…. Sa mga pagtitipon, hindi niya ibinabahagi ang pagkaunawa niya sa mga salita ng Diyos, ni ibinabahagi kung paano lutasin ang mga tiwaling disposisyon at mga pagbubunyag ng katiwalian. Kapag nagbabahagi ang iba, sinasadya niyang agawin ang usapan, putulin ang sinumang nagsasalita, ilihis ang paksa, at iba pa, palaging nagsasabi ng mga bagay na nakakapagpahina at nakakagulo. Bakit siya kumikilos sa ganitong paraan? Dahil naniniwala siya na wala na siyang pag-asang maligtas, na nagiging sanhi para sumuko siya at magsimulang kumilos nang walang pakundangan; naghahanap siya ng ilang makakasama bago siya mapaalis o mapatalsik sa iglesia—kung hindi siya mapagpapala, titiyakin niyang hindi rin mapagpapala ang iba. Bakit siya nag-iisip sa ganitong paraan? Naniniwala siya na ang Diyos na sinasampalatayanan niya ay hindi tulad ng diyos na una niyang inakala; hindi Niya minamahal ang mga tao nang tulad sa inakala niyaat hindi rin Siya gaanong matuwid, at tiyak na hindi kasingmagiliw nang taos-puso ang Diyos sa mga tao gaya ng inaakala niya. Mahal ng Diyos ang iba pero hindi siya; inililigtas ng Diyos ang iba pero hindi siya. Ngayong nakikita niyang wala na siyang pag-asa para sa sarili niya at nararamdaman niyang hindi na siya maililigtas, sumusuko na siya at nagsisimulang kumilos nang walang pakundangan. Pero hindi lang iyon; gusto rin niyang makita ng iba na dahil wala na siyang pag-asa, wala na ring pag-asa ang iba, at nasisiyahan lang siya kapag nahikayat na niya ang lahat na isuko ang pananalig nila sa Diyos at umurong na sa pananampalataya nila. Ang layon niya sa paggawa nito ay: “Kung hindi ko matatanggap ang mga pagpapala ng kaharian ng langit, mas mabuti pang huwag na rin kayong mangarap na makakamit ninyo ang mga iyon!” Anong klaseng sawimpalad ang gayong tao? Hindi ba’t isa siyang diyablo? Isa siyang diyablo, na mapupunta sa impiyerno, na pinagbabawalan din ang iba na manampalataya sa Diyos at makapasok sa kaharian ng langit; deretso siyang nagmamartsa patungo sa landas na walang patutunguhan! Hindi dapat kumilos sa ganitong paraan ang sinumang may kaunting konsensiya at may-takot-sa-Diyos na puso; kung talagang gagawa siya ng malaking kasamaan at mabubunyag siya, na magpaparamdam sa kanya na wala na siyang pag-asa, sisikapin pa rin niyang tulungan ang iba na magtagumpay, hahayaan ang iba na taimtim na manampalataya sa Diyos at huwag siyang gayahin. Maaaring sabihin niya: “Masyado akong mahina, matindi ang mga pagnanais ng laman ko, at masyado akong nahuhumaling sa mundo. Kasalanan ko ito; nararapat lang sa akin ito! Magpatuloy kayo sa pagiging mga taimtim na mananampalataya; huwag kayong magpaimpluwensiya sa akin. Sa mga pagtitipon, magbabantay ako, at kung papasok sa nayon ang pulisya ng malaking pulang dragon, aalertuhan ko kayo.” Ang sinumang may katiting na pagkatao ay dapat gawin man lang ito, at hindi niya dapat guluhin ang paghahangad ng iba sa katotohanan. Pero iyong mga walang pagkatao, kapag hindi umaayon ang mga bagay-bagay ayon sa gusto nila o kapag nakikita nilang minamaliit at nilalayuan sila ng mga kapatid, ay nararamdaman nilang ibinunyag at itiniwalag na sila ng Diyos, na wala na silang pag-asang maligtas. Kapag nagkikimkim sila ng gayong mga ideya at kaisipan, sumusuko sila at nagsisimulang kumilos nang walang pakundangan, nagbubulalas ng pagkanegatibo at nanggugulo sa buhay iglesia nang walang konsensiya. Anong klaseng mga tao ang gumagawa nito? Hindi ba’t mga diyablo sila? (Oo.) Dapat bang magpakita ng konsiderasyon sa mga tao na mga diyablo naman? (Hindi.) Kaya, paano ito dapat na pangasiwaan? Sabihin mo, “Nagpupunta ka sa mga pagtitipon pero hindi ka nagbabasa ng mga salita ng Diyos ni tumatanggap sa katotohanan. Kung gayon, bakit ka pa naririto? Para manggulo, tama? Iniisip mo na wala kang pag-asang maligtas; sa totoo lang, hindi rin namin nararamdaman na may malaking pag-asa kami, pero nagsisikap kami. Naniniwala kami na walang pagkiling ang Diyos, na mapagkakatiwalaan Siya, na taos-puso ang puso Niya sa pagliligtas ng mga tao, at na hindi nagbabago ang puso Niya. Hangga’t may katiting na pag-asa, hindi kami susuko. Hindi kami palaging magiging negatibo at magkakamali ng pagkaunawa sa Diyos gaya mo. Nananaginip ka kung iniisip mong kaya mo kaming guluhin o pigilan! Kung patuloy kang magmamatigas, magpapatuloy sa ganitong paniniwala, at magpapatuloy sa mapaminsalang kagustuhan mo na guluhin kami, huwag mo kaming sisisihin kung hindi kami magiging magalang sa iyo. Simula ngayon, pinapaalis ka na; wala nang puwang para sa iyo sa iglesia. Umalis ka na!” Sa ganitong paraan, hindi ba’t napangasiwaan na ang problema? Ang simple nito, gamit lang ang ilang salita ay napaalis na sila. Napakadali nitong gawin! Bakit ito papangasiwaan sa ganitong paraan? Dahil hindi mababago ang kalikasang diwa ng gayong mga tao; hindi nila tatanggapin ang katotohanan. Iniisip nila na wala silang pag-asang maligtas; hindi ito sinabi ng Diyos, ni ng mga kapatid, pero gumagawa sila ng kasamaan at nanggugulo sa ganitong paraan. Ano ang gagawin nila kung isang araw ay papatalsikin nga sila dahil sa paggawa ng kasamaan at panggugulo sa gawain ng iglesia, o kung didisiplinahin sila ng Diyos dahil hindi nila hinahangad ang katotohanan? Maaari ba silang maging mga kaaway ng Diyos, maaari ba silang magbalak na maghiganti? Malaki ang posibilidad nito! Mabuti at nalalantad ang gayong mga tao bago pa sila makapagsakatuparan ng anumang masasamang gawa o makagawa ng anumang malaking kasamaan. Gawa ito ng Diyos; ibinunyag sila ng Diyos. Ngayon, ang pagpapaalis sa kanila ay tama lang; hindi pa nagdusa ng anumang kawalan ang ibang mga tao. Ang pangangasiwa rito sa ganitong paraan ay maagap at angkop; ang lahat ay nagkakaroon ng pagkilatis, at napapangasiwaan ang masasamang tao. Ang papel nila bilang isang hambingan ay natupad nang husto.

Sa pangkalahatan, ito ang iba’t ibang kalagayan at pagpapamalas ng mga taong nagbubulalas ng pagkanegatibo. Kapag hindi natupad ang kanilang pagnanais na maghangad ng katayuan, kasikatan, at pakinabang, kapag gumagawa ng mga bagay ang Diyos na salungat sa kanilang mga kuru-kuro at mga imahinasyon, mga bagay na nauugnay sa kanilang mga interes, nasisilo sila sa mga damdamin ng pagsuway at kawalang kasiyahan. At kapag taglay nila ang mga damdaming ito, nagsisimulang bumuo ang kanilang isipan ng mga palusot, pagdadahilan, pangangatwiran, pagdedepensa, at iba pang mga saloobin ng pagrereklamo. Sa oras na ito, hindi sila nagpupuri sa Diyos o nagpapasakop sa Kanya, at lalong hindi nila hinahanap ang katotohanan upang kilalanin ang kanilang sarili; sa halip, nilalabanan nila ang Diyos gamit ang kanilang mga kuru-kuro, imahinasyon, kaisipan, at pananaw, o pagkamainitin ng ulo. At paano sila lumalaban sa Diyos? Ikinakalat nila ang kanilang mga damdamin ng pagsuway at kawalang kasiyahan, ginagamit ito para linawin ang kanilang mga kaisipan at pananaw sa Diyos, sinisikap na pakilusin ang Diyos ayon sa kanilang kagustuhan at mga hinihingi upang mabigyang-kasiyahan ang kanilang mga kahilingan; saka lamang mapapayapa ang kanilang mga damdamin. Partikular na nagpapahayag ang Diyos ng maraming katotohanan para hatulan at kastiguhin ang mga tao, para dalisayin ang kanilang mga tiwaling disposisyon, para iligtas ang mga tao mula sa impluwensiya ni Satanas, at sino ang nakakaalam kung ilang pangarap ng mga tao na mapagpala ang naputol ng mga katotohanang ito, na nagwawasak sa pantasya na ma-rapture sa kaharian ng langit na inasam nila araw at gabi. Nais nilang gawin ang lahat ng kaya nila para baguhin ang mga bagay-bagay—pero wala silang lakas, maaari lang silang malubog sa kapahamakan nang may pagkanegatibo at hinanakit. Masuwayin sila sa lahat ng ito na isinaayos ng Diyos, dahil ang ginagawa ng Diyos ay salungat sa kanilang mga kuru-kuro, interes, at iniisip. Sa partikular, kapag ginagawa ng iglesia ang gawain ng paglilinis at itinitiwalag ang maraming tao, iniisip ng mga taong ito na hindi sila ililigtas ng Diyos, na itinaboy sila ng Diyos, na hindi patas ang pagtrato sa kanila, at kaya magkakaisa sila para tutulan ang Diyos; ikakaila nila na ang Diyos ang katotohanan, itanggi ang pagkakakilanlan at diwa ng Diyos, at itanggi ang matuwid na disposisyon ng Diyos. Mangyari pa, ikakaila rin nila ang katunayan ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa lahat ng bagay. At sa anong paraan nila itinatanggi ang lahat ng ito? Sa pamamagitan ng pagtutol at paglaban. Ang implikasyon ay “Ang ginagawa ng diyos ay salungat sa aking mga kuru-kuro, kaya nga hindi ako nagpapasakop, hindi ako naniniwala na ikaw ang katotohanan. Magpoprotesta ako laban sa iyo, at ipapakalat ko ang mga bagay na ito sa iglesia at sa mga tao! Sasabihin ko ang anumang gusto ko, at wala akong pakialam kung ano ang mga kahihinatnan. May kalayaan akong magsalita; hindi mo ako mapapatahimik—sasabihin ko ang gusto ko. Ano ang magagawa mo?” Kapag ipinipilit ng mga taong ito na sabihin ang kanilang mga maling kaisipan at pananaw, sariling pagkaunawa ba nila ang tinutukoy nila? Katotohanan ba ang ibinabahagi nila? Talagang hindi. Nagpapakalat sila ng pagkanegatibo; binibigyang boses nila ang mga maling paniniwala at mga panlilinlang. Hindi nila sinisikap na alamin ang sarili nilang katiwalian o inilalantad ang mga ito; hindi nila inilalantad ang mga bagay na nagawa nila na salungat sa katotohanan, ni hindi nila inilalantad ang mga pagkakamaling nagawa nila. Xa halip, ginagawa nila ang makakaya nila para pangatwiranan at ipagtanggol ang kanilang mga pagkakamali upang patunayan na tama sila, at kasabay nito ay bumubuo rin sila katawa-tawang kongklusyon, at nagsasabi ng mga salungat at baluktot na argumento at mga maling paniniwala, gayundin ang mga baliko at maling doktrina at maling pananampalataya. Ang epekto sa mga taong hinirang ng Diyos sa iglesia ay ang ilihis at guluhin sila; maaari pa nga nitong ilubog ang ilang tao sa pagkanegatibo at pagkalito. Ang lahat ng ito ang masasamang epekto at panggugulo na sanhi ng mga taong nagbubulalas ng pagkanegatibo. Samakatwid, dapat limitahan ang mga nagbubulalas ng pagkanegatibo, pati na ang pananalita at pag-uugali nila—hindi sila dapat kunsintihin o pahintulutan. Dapat may mga angkop na pamamaraan at prinsipyo ang iglesia para harapin ang mga taong ito. Sa isang banda, dapat kilatisin ng mga kapatid ang mga taong ito at ang mga negatibong komento ng mga ito. Sa kabilang banda, kapag may pagkilatis ang hinirang na mga tao ng Diyos, dapat paalisin o patalsikin kaagad ng iglesia ang mga indibidwal na ito ayon sa mga katotohanang prinsipyo, para maiwasan na maimpluwensiyahan at magulo ang mas maraming tao. Dito nagtatapos ang pagbabahaginan natin tungkol sa iba’t ibang aspekto ng pagbubulalas ng pagkanegatibo.

C. Ang mga Prinsipyo at Landas para sa Paglutas ng Pagkanegatibo

Ang mga tao ay may satanikong kalikasan; sa isang satanikong disposisyong pamumuhay, mahirap iwasan ang mga negatibong kalagayan. Lalo na kapag hindi nauunawaan ng isang tao ang katotohanan, nagiging karaniwang pangyayari ang pagkanegatibo. Lahat naman ng tao ay may mga panahon ng pagkanegatibo; mas madalas ito para sa ilan, mas madalang naman para sa ilan, mas matagal para sa ilan, at mas maikli naman para sa ilan. Magkakaiba ang tayog ng mga tao, pati na rin ang mga kalagayan nila ng pagkanegatibo. Ang mga tao na may mas mataas na tayog ay nagiging medyo negatibo lang kapag nahaharap sila sa mga pagsubok, samantalang ang mga tao na may mas mababang tayog, hindi pa nakakaunawa sa katotohanan, ay hindi makakilatis kapag nagpapakalat ang ibang tao ng ilang kuru-kuro o nagsasabi ng mga walang katotohanang bagay; maaari silang magulo, maimpluwensiyahan, at maging negatibo. Anumang problemang lumilitaw ay pwedeng humantong sa pagkanegatibo nila, kahit ang maliliit na usapin na hindi na nararapat pang banggitin. Paano dapat lutasin ang isyung ito ng madalas na pagkanegatibo? Kung hindi alam ng isang tao kung paano hanapin ang katotohanan, kung paano kumain at uminom ng mga salita ng Diyos, o magdasal sa Diyos, nagiging malaking problema ito; maaari lang siyang umasa sa suporta at tulong ng mga kapatid. Kung walang makakatulong o kung hindi siya tumatanggap ng tulong, maaaring manatili silang napakanegatibo hanggang sa hindi na sila makabawi at maaaring tumigil pa nga sila sa pananampalataya. Tingnan ninyo, napakapanganib para sa isang tao na palaging magkaroon ng mga kuru-kuro at madaling maging negatibo. Gaano man makipagbahaginan sa gayong mga tao tungkol sa katotohanan, hindi nila ito tinatanggap, palagi nilang iginigiit na tama ang sarili nilang mga kuru-kuro at imahinasyon; malaki silang problema. Gaano ka man kanegatibo, dapat mong maunawaan sa puso mo na ang pagkakaroon ng mga kuru-kuro ay hindi nangangahulugang nakaayon ang mga ito sa katotohanan; nangangahulugan ito na may problema sa pagkaarok mo. Kung may kaunti kang katwiran, hindi mo dapat ipakalat ang mga kuru-kurong ito; maski ito man lang ay dapat na itaguyod ng mga tao. Kung mayroon kang kaunting may-takot-sa-Diyos na puso at kaya mong aminin na isa kang tagasunod ng Diyos, dapat mong hanapin ang katotohanan para malutas mo ang mga kuru-kuro mo, makapagpasakop ka sa katotohanan, at makaiwas na magdulot ng mga pagkagambala at kaguluhan. Kung hindi mo ito magawa at iginigiit mong magpakalat ng mga kuru-kuro, nawala ka na sa katwiran; hindi normal ang isipan mo, sinasapian ka ng mga demonyo, at wala kang kontrol sa sarili mo. Dahil pinapangibabawan ka ng mga demonyo, sinasabi at ipinapakalat mo ang mga kuru-kurong ito anuman ang mangyari—wala nang magagawa pa rito, gawa ito ng masasamang espiritu. Kung may kaunti kang konsensiya at katwiran, dapat mong magawa ito: huwag magpakalat ng mga kuru-kuro, at huwag guluhin ang mga kapatid. Kahit na maging negatibo ka, hindi ka dapat gumawa ng mga bagay na nakakapinsala sa mga kapatid; dapat gawin mo lang nang maayos ang tungkulin mo, gawin nang maayos ang dapat mong gawin, at tiyaking hindi ka makokonsensiya—ito ang pinakamababang pamantayan para sa pag-aasal sa sarili. Kahit na negatibo ka kung minsan, pero wala ka namang anumang ginawa na lampas sa mga hangganan, hindi pagtutuunan ng Diyos ang pagkanegatibo mo. Hangga’t may konsensiya at katwiran ka, hangga’t kaya mong magdasal at umasa sa Diyos, at hanapin ang katotohanan, sa huli ay mauunawaan mo ang katotohanan at makakapagbago ka. Kung haharap ka sa malalaking pangyayari, tulad ng pagkakatanggal at pagkakatiwalag dahil sa hindi paggawa ng totoong gawain bilang isang lider, at pakiramdam mo ay wala ka nang pag-asang maligtas, at naging negatibo ka— sobrang negatibo hanggang sa puntong hindi ka na makabawi, pakiramdam mo ay kinondena at isinumpa ka na, at nagkakaroon ka na ng mga maling pagkaunawa at reklamo laban sa Diyos—ano ang dapat mong gawin? Napakadaling pangasiwaan nito: Humanap ng ilang tao na nakakaunawa sa katotohanan para makipagbahaginan ka sa kanila at maghanap ka kasama nila, at sabihin sa mga tao na ito ang laman ng puso mo. Ang mas mahalaga, lumapit ka sa Diyos para magdasal nang tapat tungkol sa pagkanegatibo at kahinaan mo, pati na rin sa ilang bagay na hindi mo nauunawaan at hindi mapagtagumpayan, isa-isahin mo ang mga ito—makipagbahaginan ka sa Diyos, huwag magtago ng anuman. Kung may mga bagay na hindi mo masabi sa iba, lalo’t higit na dapat kang lumapit sa Diyos para magdasal. Itinatanong ng ilang tao, “Hindi ba’t ang pakikipag-usap sa Diyos tungkol dito ay humahantong sa pagkondena?” Hindi ba’t marami ka nang ginawang kontra sa Diyos at karapat-dapat ka sa Kanyang pagkondena? Bakit mag-aalala ka pa na madagdag ang isang bagay na ito? Sa tingin mo ba, kung hindi ka magsasalita tungkol dito, hindi malalaman ng Diyos? Alam ng Diyos ang lahat ng iniisip mo. Dapat ay tapat kang makipagbahaginan sa Diyos, ilahad mo ang lahat ng nasa puso mo, ipahayag mo sa Kanya nang tapat ang mga problema at kalagayan mo. Puwede mong sabihin sa Diyos ang lahat ng kahinaan, paghihimagsik, at kahit pa ang mga reklamo mo; kahit gusto mong maglabas ng sama ng loob, ayos lang iyon—hindi ito kokondenahin ng Diyos. Bakit hindi ito kinokondena ng Diyos? Alam ng Diyos ang tayog ng tao; kahit hindi ka makipag-usap sa Kanya, alam pa rin Niya ang tayog mo. Sa isang banda, sa pakikipag-usap sa Diyos, ito ang pagkakataon mo na magtapat at maging bukas sa Diyos. Sa kabilang banda, ipinapakita rin nito ang saloobin mo ng pagpapasakop sa Diyos; kahit paano, ipinapakita mo sa Diyos na hindi sarado ang puso mo sa Kanya, mahina ka lang, wala kang sapat na tayog para mapagtagumpayan ang usaping ito, iyon lang. Hindi mo intensiyon na tumutol; ang saloobin mo ay magpasakop, pero masyadong maliit ang tayog mo, at hindi mo makayanan ang usaping ito. Kapag lubos mong binuksan ang puso mo sa Diyos at nagawa mong ibahagi sa Kanya mga saloobin mo sa pinakakaloob-looban mo, bagama’t maaaring may kasamang kahinaan at mga reklamo ang sinasabi mo—at sa partikular, mayroon itong maraming negatibo at hindi kanais-nais na bagay—may isang bagay na tama rito: Inaamin mong may tiwali kang disposisyon, inaamin mong isa kang nilikha, hindi mo itinatanggi ang pagkakakilanlan ng Diyos bilang ang Lumikha, ni itinatanggi na ang ugnayan mo sa Diyos ay ang ugnayan ng isang nilikha sa Lumikha. Ipinagkakatiwala mo sa Diyos ang mga bagay na pinakanahihirapan kang mapagtagumpayan, ang mga bagay na pinakanagpapahina sa iyo, at sinasabi mo sa Diyos ang lahat ng nasa pinakakaibuturan ng damdamin mo—ipinapakita nito ang saloobin mo. Sinasabi ng ilang tao, “Minsan ay nagdasal ako sa Diyos, pero hindi nito nalutas ang pagkanegatibo ko. Hindi ko pa rin ito malampasan.” Hindi ito mahalaga; kailangan mo lang na taimtim na hanapin ang katotohanan. Kahit gaano karami ang nauunawaan mo, unti-unti kang palalakasin ng Diyos, at hindi ka na magiging kasinghina nang gaya noong simula. Gaano man katindi ang kahinaan at pagkanegatibo mo, o gaano man karami ang mga reklamo at hindi kanais-nais na emosyong mayroon ka, makipag-usap ka sa Diyos; huwag mong tratuhin ang Diyos na isang tagalabas. Kahit kanino ka man magtago ng mga bagay, huwag kang magtago ng kahit ano sa Diyos, dahil ang Diyos lang ang maaasahan mo at Siya rin ang tanging kaligtasan mo. Tanging sa paglapit sa Diyos malulutas ang mga problemang ito; walang silbi ang pag-asa sa mga tao. Kaya, kapag nahaharap sa pagkanegatibo at kahinaan, iyong mga lumalapit sa Diyos at umaasa sa Kanya ang pinakamatatalino. Tanging ang mga taong hangal at matitigas ang ulo, kapag nahaharap sa mga mahalaga at kritikal na kaganapan at kinakailangang ilahad sa Diyos ang nilalaman ng puso nila, ang lalong lumalayo at umiiwas sa Diyos, nagpaplano sila sa isipan nila. At ano ang resulta ng lahat ng pagpaplanong ito? Ang pagkanegatibo at mga reklamo nila ay nagiging pagtutol, at ang pagtutol ay nagiging paglaban at pagpoprotesta laban sa Diyos; nagiging ganap na hindi kasundo ng Diyos ang mga taong ito, at lubusang napuputol ang ugnayan nila sa Diyos. Gayumpaman, kapag nahaharap ka sa gayong pagkanegatibo at kahinaan, kung magagawa mo pa ring piliin na lumapit sa Diyos para hanapin ang katotohanan, at piliing magpasakop sa mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos, at nagkakaroon ka ng tunay na mapagpasakop na saloobin, kung gayon, dahil nakikitang tunay na gusto mo pa ring magpasakop sa Kanya kahit na negatibo at mahina ka, malalaman ng Diyos kung paano ka gagabayan, aakayin ka palabas sa pagkanegatibo at kahinaan mo. Pagkatapos magkaroon ng mga ganitong karanasan, magkakaroon ka ng tunay na pananalig sa Diyos. Mararamdaman mo na anumang mga suliranin ang kinakaharap mo, hangga’t hinahanap mo ang Diyos at hinihintay mo Siya, magsasaayos Siya ng isang daan palabas para sa iyo nang hindi mo namamalayan, na magbibigay-daan para makita mo na, nang hindi mo man lang namamalayan, nagbago na ang mga sitwasyon, kaya hindi ka na mahina kundi matatag, at lalakas ang pananalig mo sa Diyos. Kapag pinagninilayan mo ang mga pangyayaring ito, mararamdaman mong napakababaw ng kahinaan mo noong panahong iyon. Sa katunayan, sadyang ganoon kababaw ang mga tao, at kung wala ang suporta ng Diyos, hindi sila kailanman yayabong mula sa kanilang kababawan at kamangmangan. Sa pamamagitan lang ng unti-unting pagtanggap at pagpapasakop sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa proseso ng pagdanas ng mga bagay na ito, sa positibo at aktibong pagharap sa mga katunayang ito, paghahanap sa mga prinsipyo, paghahanap sa mga layunin ng Diyos, hindi pag-iwas o paglayo sa Diyos, o pagiging mapaghimagsik laban sa Diyos, kundi pagiging mas mapagpasakop, na patuloy na nababawasan ang paghihimagsik, nagiging mas malapit sa Diyos, at mas nagagawang magpasakop nang husto sa Diyos—tanging sa pagdanas lang nang ganito unti-unting lumalago at yumayabong ang buhay ng isang tao, ganap na lumalago sa tayog ang isang tao na nasa wastong gulang na.

Paano dapat harapin at lutasin ng isang tao ang mga negatibong kalagayan? Hindi dapat katakutan ang pagkanegatibo; ang susi ay ang magkaroon ng katwiran. Hindi ba’t madali para sa isang tao na maging hangal kapag palagi siyang negatibo? Kapag negatibo ang isang tao, puro reklamo lang siya o sinusukuan niya ang sarili, at nagsasalita at kumikilos siya nang walang katwiran—hindi ba’t nakakaapekto ito sa paggampan niya ng tungkulin? Kung ang isang tao ay magpapakalugmok sa kapighatian at magpapakatamad dahil sa pagkanegatibo, hindi ba’t pagkakanulo ito sa Diyos? Ang matinding pagkanegatibo ay tulad ng pagkakaroon ng sakit sa pag-iisip, medyo katulad ito ng pagiging sinasapian ng mga demonyo; kawalan ito ng katwiran. Talagang mapanganib ang hindi paghahanap sa katotohanan para sa mga solusyon. Kapag negatibo ang mga tao, kung ganap na wala silang may-takot-sa-Diyos na puso, madali silang mawawalan ng katwiran; maglilibot-libot sila at ikakalat nila ang kanilang pagkanegatibo, kawalan ng kasiyahan, at mga kuru-kuro. Ito ay sadyang pagkontra sa Diyos at maaaring madaling makagambala at makagulo sa gawain ng iglesia, isang kahihinatnang masyadong kakila-kilabot na isipin, at malaki ang posibilidad na itaboy sila ng Diyos. Gayumpaman, kung ang isang tao na negatibo ay kayang hanapin ang katotohanan, magpanatili ng may-takot-sa-Diyos na puso, hindi nagsasalita nang negatibo, ni nagkakalat ng sarili niyang pagkanegatibo at mga kuru-kuro, at nagpapanatili ng pananalig niya sa Diyos at ng mapagpasakop na saloobin sa Kanya, madaling makakaahon mula sa pagkanegatibo ang gayong tao. Ang lahat ng tao ay may mga panahon ng pagkanegatibo; nagkakaiba-iba lang sila ayon sa tindi, tagal, at mga dahilan. Karaniwang hindi negatibo ang ilang tao pero nagiging negatibo sila kapag nahaharap sa pagkabigo at pagkakamali sa isang bagay; ang iba ay maaaring maging negatibo dahil sa maliliit na bagay, kahit na ito ay dahil lang sa sinabi ng isang tao na nakasira sa kanyang dangal. At ang ilan naman ay nagiging negatibo dahil sa mga pangyayaring medyo hindi maganda. Nauunawaan ba ng mga gayong tao kung paano mamuhay? Mayroon ba silang kabatiran? Mayroon ba silang lawak ng isipan at kagandahang-loob ng isang normal na tao? Wala. Anuman ang mga sitwasyon, hangga’t namumuhay ang isang tao sa loob ng mga tiwaling disposisyon niya, madalas siyang malulugmok sa ilang negatibong kalagayan. Siyempre, kung nauunawaan ng isang tao ang katotohanan at kaya niyang kumilatis ng mga bagay, ang kanyang negatibong mga kalagayan ay lalong magiging bihira at unti-unting maglalaho ang pagkanegatibo niya habang lumalago ang tayog niya, na sa huli ay ganap na mawawala. Iyong mga hindi nagmamahal sa katotohanan, hindi tumatanggap sa katotohanan, ay magkakaroon ng paparaming negatibong emosyon, negatibong kalagayan, at negatibong kaisipan at saloobin, na lalong lalala habang naiipon ang mga ito, at kapag nalunod na sila sa mga ito, hindi na sila makakabangon, na napakamapanganib. Kaya, napakahalaga ng agarang paglutas sa pagkanegatibo. Para malutas ang pagkanegatibo, kailangang maagap na hanapin ng isang tao ang katotohanan; ang pagbabasa at pagninilay sa mga salita ng Diyos habang nagpapanatili ng isang payapang kalooban sa presensiya ng Diyos ang aakay sa kanya papunta sa pagkakamit ng kaliwanagan at pagtanglaw, na nagtutulot na maunawaan ng isang tao ang katotohanan at makilatis niya ang diwa ng pagkanegatibo, kaya malulutas ang problema ng pagkanegatibo. Kung kumakapit ka pa rin sa sarili mong mga kuru-kuro at katwiran, isa kang malaking hangal, at ikakamatay mo ang kahangalan at kamangmangan mo. Anuman ang mangyari, ang paglutas ng pagkanegatibo ay dapat na maagap, hindi pasibo. Iniisip ng ilang tao na kapag lumitaw ang pagkanegatibo, dapat lang nila itong balewalain; kapag naging masaya na silang muli, ang kanilang pagkanegatibo ay natural na magiging kagalakan. Isa itong pantasya; kung walang paghahanap o pagtanggap sa katotohanan, hindi kusang mawawala ang pagkanegatibo. Kahit na makalimutan mo ito at wala kang maramdaman sa puso mo, hindi ibig sabihin nito na nalutas na ang ugat ng pagkanegatibo mo. Sa sandaling lumitaw ang tamang sitwasyon, babalik ito, na isang pangkaraniwang pangyayari. Kung ang isang tao ay matalino at may katwiran, dapat na agad niyang hanapin ang katotohanan kapag lumitaw ang pagkanegatibo at gamitin niya ang pamamaraan ng pagtanggap sa katotohanan para lutasin ito, kaya malulutas ang pinakaugat ng isyu ng pagkanegatibo. Ang lahat ng madalas na negatibo ay ganoon dahil hindi nila kayang tanggapin ang katotohanan. Kung hindi mo tinatanggap ang katotohanan, ang pagkanegatibo ay kakapit sa iyo na parang isang diyablo, gagawin ka nitong palaging negatibo, na magdudulot sa iyo na magkaroon ng mga damdamin ng pagsuway, kawalan ng kasiyahan, at hinanakit sa Diyos, hanggang sa nilalabanan, inaaway mo ang Diyos at nagpoprotesta ka na laban sa Kanya—iyan ang oras na narating mo na ang katapusan, at malalantad na ang pangit mong mukha. Sisimulan ka nang ilantad, himayin, at ilarawan ng mga tao, at ngayong nahaharap ka na sa madilim na realidad, saka lang tutulo ang mga luha mo; saka ka babagsak at sisimulan mong hampasin ang dibdib mo dahil sa kapighatian—maghintay ka lang at matatanggap mo ang kaparusahan ng Diyos! Bukod sa nagpapahina sa mga tao ang pagkanegatibo, idinudulot din nito na magreklamo sila tungkol sa Diyos, husgahan ang Diyos, itatwa ang Diyos, at direktang lumaban at magprotesta pa nga laban sa Diyos. Kaya, kung naantala ang paglutas sa pagkanegatibo ng isang tao, kapag nagbunyag na sila ng mga lapastangang salita at sumalungat sila sa disposisyon ng Diyos, napakalubha ng mga kahihinatnan. Kung malugmok ka sa pagkanegatibo at magkikimkim ka ng mga reklamo dahil sa isang pangyayari, isang parirala, o isang kaisipan o pananaw, ipinapakita nito na baluktot ang pagkaunawa mo sa usapin, at mayroon kang mga kuru-kuro at imahinasyon tungkol dito; tiyak na ang mga pananaw mo tungkol sa usaping ito ay hindi umaayon sa katotohanan. Sa puntong ito, kailangan mong hanapin ang katotohanan at harapin ito nang tama, nagsusumikap na agad na itama ang mga maling kuru-kuro at ideya sa lalong madaling panahon, hindi hinahayaan ang sarili mo na magapos at malihis ng mga kuru-kurong ito sa isang kalagayan ng pagsuway, kawalan ng kasiyahan, at hinanakit sa Diyos. Napakahalaga ng agarang paglutas sa pagkanegatibo, at napakahalaga rin ng ganap na paglutas dito. Siyempre, ang pinakamainam na paraan para lutasin ang pagkanegatibo ay ang hanapin ang katotohanan, magbasa ng higit pang mga salita ng Diyos, at lumapit sa Diyos para hanapin ang Kanyang kaliwanagan. Minsan, maaaring pansamantala ay hindi mo kayang baliktarin ang mga kaisipan at pananaw mo, pero sa pinakamababa, dapat mong malaman na mali ka at na baluktot ang mga kaisipan mong ito. Sa ganitong paraan, ang pinakamaliit na resulta ay na ang mga maling kaisipan at pananaw na ito ay hindi makakaapekto sa katapatan mo sa paggawa ng tungkulin mo, hindi makakaapekto sa ugnayan mo sa Diyos, at hindi makakaapekto sa paglapit mo sa Diyos para sabihin ang nilalaman ng puso mo at manalangin ka—sa pinakamababa, ito ang resultang dapat makamit. Kapag nalulunod ka sa pagkanegatibo at nakakaramdam ka ng pagsuway at kawalang kasiyahan, at nagkikimkim ka ng mga reklamo tungkol sa Diyos pero ayaw mong hanapin ang katotohanan para malutas ito, iniisip mong normal ang ugnayan mo sa Diyos kahit na ang totoo ay malayo sa Diyos ang puso mo at ayaw mo nang basahin ang Kanyang mga salita o magdasal, hindi ba’t naging malubha na ang problema? Sinasabi mo, "Gaano man ako kanegatibo, hindi nahadlangan ang pagtupad ko sa tungkulin at hindi ko tinalikuran ang mga responsabilidad ko. Tapat ako!" Wasto ba ang mga salitang ito? Kung madalas kang negatibo, hindi ito usapin ng isang tiwaling disposisyon; may mas malulubhang isyu: May mga kuru-kuro ka tungkol sa Diyos, maling pagkaunawa sa Kanya, at lumikha ka ng mga hadlang sa pagitan mo at ng Diyos. Kung hindi mo hahanapin ang katotohanan para lutasin ito, napakamapanganib nito. Paano masisiguro ng isang tao ang tapat niyang paggawa sa tungkulin niya hanggang sa wakas at nang walang kapabayaan kung madalas siyang negatibo? Pwede bang kusang mawala o maglaho ang pagkanegatibo kung hindi ito lulutasin? Kung hindi hahanapin nang maagap ng isang tao ang katotohanan para sa isang solusyon, ang pagkanegatibo ay patuloy na lalala at lalo pang lulubha. Ang mga kahihinatnan nito ay magiging mas mapanganib. Tiyak na hindi sila uusad sa isang positibong direksiyon, lalala ang mga ito. Samakatwid, kapag lumilitaw ang pagkanegatibo, dapat agad mong hanapin ang katotohanan para lutasin ito; tanging ito ang makakatiyak na magagawa mo nang maayos ang mga tungkulin mo. Ang paglutas sa pagkanegatibo ay napakahalaga, at hindi ito maaaring ipagpaliban!

Hunyo 26, 2021

Sinundan:  Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa 16

Sumunod:  Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa 18

Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos Ukol sa Pagkakilala sa Diyos Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw Paglalantad sa mga Anticristo Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ang Paghatol ay Nagsisimula sa Tahanan ng Diyos Mahahalagang Salita Mula sa Makapangyarihang Diyos, ang Cristo ng mga Huling Araw Araw-araw na mga Salita ng Diyos Ang Mga Katotohanang Realidad na Dapat Pasukin ng mga Mananampalataya sa Diyos Sundan ang Kordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin Mga Gabay para sa Pagpapalaganap ng Ebanghelyo ng Kaharian Naririnig ng mga Tupa ng Diyos ang Tinig ng Diyos Makinig sa Tinig ng Diyos Masdan ang Pagpapakita ng Diyos Mahahalagang Tanong at Sagot tungkol sa Ebanghelyo ng Kaharian Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume I) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume II) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume III) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IV) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume V) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VI) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VIII) Paano Ako Bumalik sa Makapangyarihang Diyos

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito

Connect with us on Messenger