Ang Mga Responsabilidad ng Mga Lider at Manggagawa 2

Magbalik-aral muna tayo sa pangunahing nilalaman ng pagbabahaginan natin noong huling pagtitipon. (Noong nakaraan, itinala Mo ang labinlimang responsabilidad ng mga lider at manggagawa, at pangunahin Kang nakipagbahaginan tungkol sa naunang dalawa: Ang una ay akayin ang mga tao na kumain at uminom ng mga salita ng Diyos at unawain ang mga ito, at pumasok sa realidad ng mga salita ng Diyos; ang ikalawa ay maging pamilyar sa mga kalagayan ng bawat uri ng tao, at lutasin ang iba’t ibang paghihirap na may kaugnayan sa buhay pagpasok na hinaharap nila sa tunay nilang mga buhay. Batay sa dalawang aytem na ito, hinimay Mo ang mga nauugnay na pagpapamalas ng mga huwad na lider.) Kahit kailan ba ay napag-isipan na ninyo kung alin sa dalawang responsabilidad na ito ang kaya ninyong gampanan kung lider kayo? Maraming tao ang palaging nag-aakalang may kaunti silang kakayahan, talino, at pagpapahalaga sa pasanin, at dahil dito ay ninanais nilang makipagkompetensiya para maging mga lider, at ayaw nilang maging mga karaniwang tagasunod. Kaya, tingnan mo muna kung kaya mong gampanan ang dalawang responsabilidad na ito, at kung alin ang mas kaya mong gampanan, at kaya mong akuin. Sa ngayon ay huwag nating pag-usapan kung may kakayahan ka na maging isang lider, o kung taglay mo ang kakayahang ito sa gawain o ang pagpapahalaga sa pasanin, at tingnan mo muna kung kaya mong gampanan nang maayos ang dalawang responsabilidad na ito. Kahit kailan ba ay napag-isipan na ninyo ang tanong na ito? Puwedeng sabihin ng ilan, “Hindi ko planong maging lider, kaya bakit kailangan ko itong pag-isipan? Kailangan ko lang gawin nang maayos ang sarili kong trabaho—walang kinalaman sa akin ang tanong na ito. Sa buhay na ito, kailanman ay hindi ko gustong maging lider, at kailanman ay hindi ko gustong akuin ang mga responsabilidad ng isang lider o manggagawa, kaya kailanman ay hindi ko kailangang pag-isipan ang mga gayong tanong.” Tama ba ang pahayag na ito? (Hindi.) Kahit na ayaw mong maging lider, hindi ba’t kailangan mo pa ring malaman kung gaano kahusay na isinasakatuparan ng taong namumuno sa iyo ang dalawang responsabilidad na ito, kung natupad ba niya ang mga responsabilidad niya, kung taglay ba niya ang hinihinging kakayahan, mga abilidad, at pagpapahalaga sa pasanin, at kung nasa kanya ba ang dalawang hinihinging ito? Kung hindi mo nauunawaan o nakikilatis ang mga bagay na ito, at aakayin ka niya sa isang hukay, mamamalayan mo ba ito? Kung basta mo siyang susundan habang nalilito ka at isa ka lang hangal, kung hindi mo alam na isa siyang huwad na lider, o na inililigaw ka niya o kung saan ka niya inaakay, malalagay ka sa panganib. Dahil hindi mo nauunawaan ang saklaw ng mga responsabilidad ng mga lider at manggagawa, at wala kang pagkilatis sa mga huwad na lider, susundan mo siya habang nalilito ka, at gagawin mo ang anumang ipagagawa niya sa iyo, nang hindi nalalaman kung ang ibinabahagi niya sa iyo ay naaayon ba sa katotohanan sa mga salita ng Diyos, o kung ito ba ang realidad. Dahil masigasig siya, dahil nagpapakaabala at nagtatrabaho siya nang husto mula sa pagsikat ng araw hanggang sa paglubog nito at kaya niyang magbayad ng halaga, at dahil, kapag may taong nahihirapan, umaalalay siya para tulungan ito, at hindi ito binabalewala, iniisip mong pasok siya sa pamantayan bilang isang lider. Hindi mo alam na ang mga huwad na lider ay walang kakayahang arukin ang mga salita ng Diyos, na kahit gaano katagal pa nilang pamunuan ang mga tao, hindi mauunawaan ng mga taong iyon ang mga layunin ng Diyos o hindi nila malalaman kung ano ang mga hinihingi ng Diyos, na ni hindi nila makikilatis kung ano ang mga doktrina at mga katotohanang realidad, at na hindi malalaman ng mga huwad na lider kung alin sa mga salita ng Diyos ang may baluktot na pagkaarok ang mga tao, at na hindi malalaman ng mga tao kung paano sila dapat kumain at uminom ng mga salita ng Diyos. Ang mga huwad na lider ay makikipagbahaginan sa iyo at iraraos nila ang mga bagay-bagay, pero hindi sila magiging malinaw tungkol sa kasulukuyan mong kalagayan, kung anong mga paghihirap ang hinaharap mo, at kung nalutas na ba talaga ang mga iyon, at ikaw mismo ay hindi rin malalaman ang mga bagay na ito. Sa panlabas, babasahan ka nila ng mga salita ng Diyos at makikipagbahaginan sila sa iyo tungkol sa katotohanan, pero mamumuhay ka pa rin sa isang maling kalagayan nang walang anumang pagbabago. Anumang mga paghihirap ang harapin mo, magmumukha silang nagsasakatuparan ng mga responsabilidad nila, pero wala sa mga paghihirap mo ang malulutas sa pamamagitan ng pakikipagbahaginan o pagtulong nila, at magpapatuloy ang mga isyu. Pasok ba sa pamantayan ang ganitong uri ng lider? (Hindi.) Kaya, anong mga katotohanan ang kailangan mong maunawaan para makilatis ang mga usaping ito? Kailangan mong maunawaan kung ginagampanan ng mga lider at manggagawa ang bawat gampanin at kung tinutugunan nila ang bawat problema nang alinsunod sa mga hinihingi ng mga salita ng Diyos, kung ang bawat salitang binibigkas nila ay praktikal at tumutugma sa katotohanan sa mga salita ng Diyos. Dagdag pa rito, kailangan mong maunawaan, kapag nahaharap ka sa iba’t ibang paghihirap, kung ang pamamaraan nila sa paglutas sa mga isyu ay nagdudulot sa iyong maunawaan ang mga salita ng Diyos at magkamit ng landas ng pagsasagawa, o nagsasabi lang sila ng ilang salita at doktrina, nagsisigaw ng mga salawikain, o nagpapaalala sa iyo. May ilang lider at manggagawa na mahilig tumulong sa mga tao sa pamamagitan ng panghihikayat, may ilan na sa pamamagitan ng motibasyon, at may iba na sa pamamagitan ng paglalantad, pag-aakusa, at pagpupungos. Anumang pamamaraan ang ginagamit nila, kung tunay ka nitong maaakay na pumasok sa katotohanang realidad, lutasin ang tunay mong mga paghihirap, ipinauunawa sa iyo kung ano ang mga layunin ng Diyos at sa gayon ay binibigyang-kakayahan kang makilala ang sarili mo at makahanap ng landas ng pagsasagawa, kapag nahaharap ka sa mga parehong sitwasyon sa hinaharap, magkakaroon ka ng landas na susundan. Samakatwid, ang pinakapangunahing pamantayan sa pagsukat kung ang isang lider o manggagawa ay pasok sa pamantayan ay kung kaya niyang gamitin ang katotohanan para lutasin ang mga problema at paghihirap ng mga tao, binibigyang-kakayahan ang mga ito na maunawaan ang katotohanan at magkamit ng landas ng pagsasagawa.

Noong nakaraan, medyo pinagbahaginan natin ang tungkol sa una at pangalawang responsabilidad ng mga lider at manggagawa, at hinimay natin ang mga partikular na pagpapamalas ng mga huwad na lider na nauugnay sa dalawang responsabilidad na ito. Ang mga pangunahing pagpapamalas nila ay isang mababaw at paimbabaw na pagkaarok sa mga salita ng Diyos at pagkabigong maunawaan ang katotohanan. Malinaw na dahil dito ay hindi nila kayang akayin ang iba na maunawaan ang mga salita ng Diyos at maarok ang mga layunin Niya. Kapag nahaharap ang mga tao sa mga paghihirap, hindi kaya ng mga huwad na lider na humugot mula sa sarili nilang kaalamang batay sa karanasan para akayin ang mga taong iyon na maunawaan ang katotohanan at makapasok sa realidad, para magkaroon ang mga ito ng landas na susundan, hindi rin nila kayang hikayatin ang mga ito na pagnilayan at kilalanin ang sarili sa gitna ng iba’t ibang paghihirap, at kasabay niyon ay lutasin ang mga paghihirap na ito. Kaya ngayong araw, pagbahaginan muna natin kung ano ang mga paghihirap ng buhay pagpasok, at kung ano ang iba’t ibang karaniwang paghihirap na may kaugnayan sa buhay pagpasok na madalas nakakaharap ng mga tao sa mga pang-araw-araw nilang buhay. Gumawa tayo ng isang espesipikong pagbubuod ng mga bagay na ito. Kailangan ba itong pagbahaginan? (Oo.) Medyo interesado na kayo ngayon sa mga paksang ito na may kaugnayan sa buhay pagpasok, hindi ba? Noong una Akong makisalamuha sa inyo at makipag-usap sa inyo, anuman ang mabanggit, manhid kayo at walang interes, makupad, at mabagal tumugon. Parang wala kayong anumang nauunawaan, at wala kayong taglay na anumang tayog, lalong wala kayong buhay pagpasok. Ngayon, kapag pinag-uusapan natin ang mga bagay na may kinalaman sa pagbabago sa buhay disposisyon ng isang tao, karamihan sa inyo ay medyo interesado na sa paksang ito, at may kaunti nang reaksyon dito. Isa itong positibong penomeno. Kung hindi ninyo ginagawa ang mga tungkulin ninyo, matatamo ba ninyo ang mga bagay na ito? (Hindi.) Biyaya ito ng Diyos, ang lahat ng ito ay dahil sa pabor Niya.

Ikalawang Aytem: Maging Pamilyar sa Mga Kalagayan ng Bawat Uri ng Tao, at Lutasin ang Iba’t ibang Paghihirap na May Kaugnayan sa Buhay Pagpasok na Hinaharap Nila sa Tunay Nilang Mga Buhay (Ikalawang Bahagi)

Walong Uri ng Paghihirap sa Buhay Pagpasok

I. Mga Paghihirap na May Kaugnayan sa Paggawa ng Tungkulin ng Isang Tao

Tungkol sa mga paghihirap ng buhay pagpasok, tingnan muna natin nang mas malawak ang mga paghihirap na may kaugnayan sa pagganap sa mga tungkulin ng isang tao. Kapag nahaharap ka sa mga problema sa pagganap sa mga tungkulin mo na may kinalaman sa pagsasagawa sa katotohanan, at hindi mo kayang pangasiwaan ang mga bagay ayon sa mga prinsipyo, hindi ba’t isa itong paghihirap sa buhay pagpasok? (Oo, ganoon nga.) Sa madaling salita, ito ang iba’t ibang kalagayan, ideya, pananaw, at partikular na maling paraan ng pag-iisip na lumilitaw kapag ginagampanan ang mga tungkulin ng isang tao. Kaya, anong mga partikular na paghihirap ang umiiral sa aspektong ito? Halimbawa, nariyan ang palaging pagsubok na maging pabasta-basta, tuso, at magpakatamad kapag ginagampanan ang mga tungkulin ng isang tao—hindi ba’t isa itong kalagayang karaniwang ipinapamalas at ibinubunyag sa panahon ng pagganap sa mga tungkulin? Nariyan din ang hindi pag-aasikaso sa wastong gawain ng isang tao, at palaging pagkukumpara ng sarili sa iba habang ginagampanan ang tungkulin ng isang tao, pagtrato sa lugar kung saan ginagampanan ng isang tao ang tungkulin niya bilang isang palaruan o labanan, at pag-iisip tungkol sa paghahanap ng “sukatan” sa tuwing ginagampanan ng isang tao ang tungkulin niya, sinasabi sa loob-loob niya: “Titingnan ko kung sino ang mas magaling sa akin at kung sino ang makakapagpalabas ng kagustuhan kong makipaglaban, pagkatapos ay makikipagkompetensiya ako sa kanya, makikipagpaligsahan sa kanya at ikukumpara ko ang sarili ko sa kanya, para makita kung sino ang makakakuha ng mas magagandang resulta at mas matataas na kahusayan sa pagganap ng tungkulin, at kung sino ang mas magaling sa pagkuha sa loob ng mga tao.” Tapos ay nariyan ang pag-unawa sa mga prinsipyo para sa pagganap sa tungkulin ng isang tao pero pag-ayaw na sundin ang mga iyon, o pag-ayaw na kumilos alinsunod sa katotohanan sa mga salita ng Diyos o sa mga hinihingi ng sambahayan ng Diyos, at palaging pagpiling kontaminahin ng mga personal na kagustuhan ang pagganap sa tungkulin ng isang tao, sinasabing, “Gusto ko itong gawin sa ganitong paraan, gusto ko itong gawin sa ganoong paraan; handa akong gawin ito sa ganitong paraan, gusto ko itong gawin sa ganoong paraan.” Ito ay pagiging matigas ang ulo, palaging pagnanais na sundin ang sariling kalooban ng isang tao, at pagkilos sa anumang paraang nais niya ayon sa sarili niyang kagustuhan, pagbibingi-bingihan sa lahat ng mga hinihingi ng sambahayan ng Diyos, at pagpiling lumihis mula sa tamang landas. Hindi ba’t ang mga ito ang mga tunay na pagpapamalas na ipinapakita ng karamihan ng tao kapag ginagampanan ang mga tungkulin nila? Malinaw na ang lahat ng isyung ito ay may nakapaloob na mga paghihirap sa pagganap sa tungkulin ng isang tao. Magbigay pa kayo ng mga karagdagan dito. (Ang pagkabigong makipagtulungan nang maayos sa iba kapag ginagampanan ang tungkulin ng isang tao, at palaging pagsunod lang sa sarili niya.) Maituturing din itong isang paghihirap. Ang pagkabigong makipagtulungan nang maayos sa iba kapag ginagampanan ang tungkulin ng isang tao, at palaging pagnanais na sundin lang ang sarili at magkaroon ng huling pasya; kagustuhang magpakumbaba para humingi ng payo at makinig sa opinyon ng iba kapag nahaharap sa mga isyu, pero hindi naman ito maisagawa, at pagkaasiwa kapag sinusubukan nga niya itong isagawa—isa itong problema. (Ang palaging pag-iingat sa mga sariling interes ng isang tao kapag gumaganap ng tungkulin, pagiging makasarili at ubod ng sama, at talagang pagkaalam kung paano lutasin ang problema kapag lumilitaw ito, pero pakiramdam na wala itong kinalaman sa kanya, pagkatakot na managot kung papalpak ito, at dahil dito ay hindi paglalakas-loob na umaksiyon.) Ang hindi paglutas sa isang problema kapag nakikita ito, pagturing dito na walang kaugnayan sa sarili, at pagwawalang-bahala rito—maituturing din itong pagganap sa tungkulin ng isang tao nang walang katapatan. Responsable ka man sa isang gampanin o hindi, kung kaya mong makilatis at malutas ang problema, dapat mong gampanan ang responsabilidad na ito. Ito ang tungkulin at gawain mo na napupunta sa iyo. Kung kaya itong lutasin ng superbisor, puwede mo itong hayaan, pero kung hindi niya kaya, dapat kang umaksiyon at lutasin mo ito. Huwag mong hati-hatiin ang mga isyu batay sa kung kaninong saklaw ng responsabilidad napapailalim ang mga iyon—kawalan ito ng katapatan sa Diyos. Mayroon pa ba? (Ang pag-asa sa talino at mga kaloob ng isang tao para gumawa ng gawain habang ginagampanan ang tungkulin niya, at hindi paghahanap sa katotohanan.) Maraming ganitong tao. Palagi nilang iniisip na nagtataglay sila ng talino at kakayahan, at wala silang interes sa lahat ng nangyayari sa kanila; hindi talaga nila hinahanap ang katotohanan, at kumikilos sila ayon lang sa sarili nilang kalooban, at ang resulta, hindi nila nagagampanan nang maayos ang anumang tungkulin. Ang lahat ng ito ay mga paghihirap na hinaharap ng mga tao kapag ginagampanan ang mga tungkulin nila.

II. Mga Isyung May Kaugnayan sa Paraan ng Pagtrato ng Isang Tao sa Kinabukasan at Tadhana Niya

Ang paraan ng pagtrato ng isang tao sa kinabukasan at tadhana niya ay isa ring malaking isyung may kaugnayan sa buhay pagpasok. May ilang tao na handang magbayad ng halaga kung naniniwala silang may pag-asa silang maligtas, at nagiging negatibo sila kung sa palagay nila ay wala silang pag-asa. Kung hindi itataas ang posisyon nila at hindi sila lilinangin ng sambahayan ng Diyos, ayaw nilang magbayad ng halaga, at ginagawa nila ang mga tungkulin nila sa pamamagitan lang ng pagraos sa mga bagay-bagay nang hindi umaako ng responsabilidad. Anuman ang ginagawa nila, palagi nilang isinasaalang-alang ang kinabukasan at tadhana nila, itinatanong sa sarili nila, “Talaga bang magkakaroon ako ng magandang hantungan? Nabanggit ba ng mga pangako ng Diyos kung ano ang magiging kinabukasan at hantungan ng isang taong tulad ko?” Kung hindi sila makahanap ng tumpak na sagot, wala silang sigla na gumawa ng kahit na ano. Kung itataas ang posisyon nila at lilinangin sila ng sambahayan ng Diyos, mapupuno sila ng lakas, at sa lahat ng ginagawa nila ay napaka-aktibo nila. Gayumpaman, kung mabibigo silang gawin nang maayos ang tungkulin nila at matatanggal sila, agad silang magiging negatibo at susuko sila sa tungkulin nila, tuluyang mawawalan ng pag-asa. Kapag nahaharap sa pagpupungos, iniisip nila, “Ayaw na ba sa akin ng Diyos? Kung ganoon pala, dapat ay sinabi Niya nang mas maaga, sa halip na hadlangan ang paghahangad ko sa mundo!” Kung matatanggal sila, iisipin nila, “Hindi ba’t hinahamak nila ako? Sino ang nag-ulat sa akin? Itinitiwalag ba ako? Kung ganoon pala, dapat ay sinabi nila nang mas maaga!” Higit pa rito, ang puso nila ay puno ng mga transaksiyon, paghingi, at hindi makatwirang kahilingan sa Diyos. Anuman ang isinasaayos ng iglesia na gawin nila, itinuturing nila ang mga iyon na pagkakaroon ng magandang kinabukasan at tadhana, kasama ng mga pagpapala ng Diyos, bilang mga paunang hinihingi sa paggawa nito. Sa pinakamababa, ang tratuhin nang may magandang ekspresyon at saloobin, at ang sang-ayunan, ang mga pauna nilang hinihingi para sa pagtanggap at pagpapasakop. Hindi ba’t mga pagpapamalas ito ng paraan ng pagtrato nila sa kinabukasan at tadhana nila? Dagdagan ninyo ito. (Kung may lilitaw na mga paglihis o isyu habang ginagawa ng isang tao ang mga tungkulin niya at mapupungusan siya, magrereklamo siya tungkol sa Diyos at magiging mapagbantay laban sa Kanya; matatakot siyang mabunyag at matiwalag, at palagi siyang maghahanda para makaalis siya.) Ang takot na mabunyag at matiwalag, at palaging pag-iiwan ng paraan para makaalis—mga pagpapamalas din ang mga ito kung paano niya tinatrato ang kinabukasan at tadhana niya. (Kapag nakikita ng isang tao na tumutugma sa kanya ang mga salita ng paglalantad at paglalarawan ng Diyos, o kapag nahaharap siya sa pagpupungos at napapahiya siya, ipinagpapalagay niya na siya ay naguguluhan, isang diyablo at isang Satanas, at na hindi niya kayang tanggapin ang katotohanan. Natutukoy niya na wala siyang pag-asang maligtas at nagiging negatibo siya.) Pagdating sa kinabukasan at tadhana nila, hindi kaya ng mga tao na lubusang bitiwan ang sarili nilang mga intensiyon at pagnanais. Palagi nilang tinatrato ang mga iyon bilang pinakamahahalagang bagay at hinahangad ang mga iyon bilang gayon, itinuturing ang mga iyon na motibasyon at paunang hinihingi para sa lahat ng bagay na hinahangad nila. Kapag nahaharap sila sa paghatol, pagkastigo, mga pagsubok, pagpipino, o pagbubunyag, o kapag nahaharap sila sa mga mapanganib na sitwasyon, agad nilang iniisip, “Ayaw na ba sa akin ng Diyos? Itinataboy ba Niya ako? Napakahigpit ng tono Niya kapag kinakausap ako; ayaw ba Niya akong iligtas? Gusto ba Niya akong itiwalag? Kung gusto Niya akong itiwalag, dapat ay sabihin Niya iyon sa lalong madaling panahon, habang bata pa ako, para hindi mahadlangan ang paghahangad ko sa mundo.” Nagdudulot ito ng pagkanegatibo, paglaban, pagtutol, at pagiging pabaya nila. Ang mga ito ang ilang kalagayan at pagpapamalas na may kinalaman sa paraan ng pagtrato ng mga tao sa kinabukasan at tadhana nila. Isa itong malaking paghihirap na nauugnay sa buhay pagpasok.

III. Mga Paghihirap na May Kaugnayan sa Mga Pakikipag-ugnayan sa Pagitan ng Mga Tao

Tingnan natin ang isa pang aspekto—ang mga pakikipag-ugnayan sa pagitan ng mga tao. Isa rin itong malaking paghihirap na may kaugnayan sa buhay pagpasok. Kung paano mo tinatrato ang mga taong hindi mo gusto, mga tao na naiiba ang mga opinyon sa iyo, mga tao na pamilyar sa iyo, mga tao na kapamilya mo o nakatulong sa iyo, at mga tao na palaging agad na nagbibigay ng mga babala sa iyo, at nagsasabi ng totoong mga salita sa iyo, at tumutulong sa iyo, at kung kaya mong tratuhin nang patas ang bawat tao, pati na kung paano ka nagsasagawa kapag nagkakaroon ng mga pagtatalo ang ibang tao, pati na ng inggitan at mga alitan sa inyo, at hindi kayo nakakapag-ugnayan nang maayos, o ni hindi kayo nakakapagtulungan nang maayos sa proseso ng paggawa ng mga tungkulin ninyo—ang mga ito ang ilang kalagayan at pagpapamalas na may kaugnayan sa mga pakikipag-ugnayan sa pagitan ng mga tao. May iba pa ba? (Ang pagiging mapagpalugod ng mga tao at hindi paglalakas-loob na magsalita pagkatapos matuklasan ang mga problema ng isang tao sa takot na mapasama ang loob nito.) Isa itong kalagayang lumilitaw kapag takot ang isang tao na mapasama ang loob ng iba. (Isa pa, kung paano tinatrato ng isang tao ang mga lider at manggagawa, at iyong mga may kapangyarihan at katayuan.) Kung paano mo tinatrato ang mga lider at manggagawa, o ang mga taong may kapangyarihan at katayuan—sa pamamagitan man ng pambobola at pagsipsip, o sa pamamagitan ng pagtrato sa kanila nang tama—isa itong partikular na pagpapamalas kung paano mo pinakikitunguhan iyong mga may hawak na kapangyarihan at impluwensiya. Ang mga ito halos ang mga paghihirap ng mga pakikipag-ugnayan sa pagitan ng mga tao.

IV. Mga Isyung May Kaugnayan sa Mga Damdamin ng Tao

Pag-usapan natin nang kaunti ang tungkol sa mga damdamin ng tao. Anong mga isyu ang may kaugnayan sa mga damdamin? Una ay kung paano mo sinusuri ang iyong sariling mga kapamilya, at kung paano mo hinaharap ang mga bagay na ginagawa nila. Natural na kasama rito sa “ang mga bagay na ginagawa nila” kapag kanilang ginagambala at ginugulo ang gawain ng iglesia, kapag hinuhusgahan nila ang mga tao kapag nakatalikod ang mga ito, kapag lumalahok sila sa ilang pagsasagawa ng mga hindi mananampalataya, at iba pa. Kaya mo bang harapin ang mga bagay na ito nang patas? Kapag kailangan mong magsulat ng isang pagsusuri sa iyong mga kapamilya, magagawa mo ba ito nang obhetibo at patas, nang isinasantabi ang iyong sariling mga damdamin? May kinalaman ito sa kung paano mo hinaharap ang iyong mga kapamilya. Dagdag pa rito, nagkikimkim ka ba ng mga damdamin sa mga taong kasundo mo o sa mga dati nang tumulong sa iyo? Kaya mo bang tingnan ang kanilang mga kilos at asal sa isang obhetibo, patas, at tumpak na paraan? Kung ginagambala at ginugulo nila ang gawain ng iglesia, magagawa mo bang agad na iulat o ilantad sila pagkatapos mo itong malaman? Gayundin, nagtataglay ka ba ng mga damdamin sa mga taong medyo malapit sa iyo o sa mga may interes na pareho sa iyo? Mayroon ka bang patas at obhetibong pagsusuri, depinisyon, at paraan ng pagharap sa kanilang mga kilos at pag-uugali? Ipagpalagay na ang mga taong ito, na may sentimental na koneksyon sa iyo, ay pinangasiwaan ng iglesia ayon sa mga prinsipyo, at hindi naaayon sa iyong sariling mga kuru-kuro ang kinalabasan nito—paano mo ito haharapin? Magagawa mo bang sumunod? Palihim mo bang ipagpapatuloy ang masangkot sa kanila, at malilihis at mauudyukan pa nga nila na magpalusot para sa kanila, pangatwiranan sila, at ipagtanggol sila? Tutulungan mo ba ang mga tumulong sa iyo at ilalagay mo ba ang sarili mo sa panganib para sa kanila, habang binabalewala ang mga katotohanang prinsipyo at ang mga interes ng sambahayan ng Diyos? Hindi ba’t may kinalaman ang iba’t ibang isyung iyon sa mga damdamin? Sinasabi ng ilang tao, “Hindi ba’t ang mga damdamin ay may kaugnayan lang sa mga kamag-anak at kapamilya? Hindi ba’t ang saklaw lang ng mga damdamin ay ang iyong mga magulang, kapatid, at iba pang kapamilya?” Hindi, kasama sa mga damdamin ang malawak na saklaw ng mga tao. Kalimutan na ang tungkol sa patas na pagsusuri sa kanilang sariling mga kapamilya—ang ilang tao ay hindi man lang masuri nang patas ang kanilang malalapit na kaibigan at kabarkada, at binabaluktot pa nila ang mga katunayan kapag nagsasalita sila tungkol sa mga taong ito. Halimbawa, kung ang kanilang kaibigan ay hindi inaasikaso ang kanyang tamang trabaho at palaging gumagawa ng mga baluktot at buktot na gawain sa kanyang tungkulin, ilalarawan nila ito bilang masyadong mapaglaro, at sasabihing hindi pa sapat ang gulang at hindi pa matatag ang pagkatao nito. Hindi ba’t may mga damdamin sa loob ng mga salitang ito? Ito ay pagsasalita ng mga salitang puno ng mga damdamin. Kung ang isang tao na walang koneksyon sa kanila ay hindi inaasikaso ang kanilang tamang trabaho at nakikibahagi sa mga baluktot at buktot na gawain, magsasalita sila ng mas malulupit na salita tungkol sa mga ito, at maaaring kondenahin pa nila ang mga ito. Hindi ba’t pagpapamalas ito ng pagsasalita at pagkilos batay sa mga damdamin? Patas ba ang mga taong namumuhay batay sa kanilang mga damdamin? Matuwid ba sila? (Hindi.) Ano ang mali sa mga taong nagsasalita ayon sa kanilang mga damdamin? Bakit hindi nila matrato nang patas ang ibang tao? Bakit hindi nila kayang magsalita batay sa mga katotohanang prinsipyo? Buktot ang mga taong nagsasalita nang mapanlinlang at hindi kailanman ibinabatay ang kanilang mga salita sa mga katunayan. Ang hindi pagiging patas kapag nagsasalita ang isang tao, palaging nagsasalita ayon sa sariling mga damdamin at para sa sariling kapakanan, at hindi ayon sa mga katotohanang prinsipyo, hindi iniisip ang gawain ng sambahayan ng Diyos, at pinoprotektahan lang ang sariling mga damdamin, kasikatan, pakinabang, at katayuan—ito ang katangian ng mga anticristo. Ganito magsalita ang mga anticristo; buktot, nakakagulo, at nakagagambala ang lahat ng sinasabi nila. Ang mga taong namumuhay sa mga kagustuhan at interes ng laman ay namumuhay sa kanilang mga damdamin. Ang mga taong namumuhay sa kanilang mga damdamin ay iyong mga hindi talaga tumatanggap o nagsasagawa man lang sa katotohanan. Wala talagang katotohanang realidad ang mga taong nagsasalita at kumikilos batay sa kanilang mga damdamin. Kung maging lider ang mga gayong tao, walang duda na magiging mga huwad na lider o anticristo sila. Hindi lang sila walang kakayahang gumawa ng totoong gawain, maaari din silang gumawa ng iba’t ibang masamang gawa. Tiyak na ititiwalag at parurusahan sila.

V. Mga Isyung May Kaugnayan sa Pag-iimbot sa Mga Kaginhawahan ng Laman

Isa ring malubhang isyu ang pag-iimbot sa mga kaginhawahan ng laman. Ano sa palagay ninyo ang ilang pagpapamalas ng pag-iimbot sa mga kaginhawahan ng laman? Anong mga halimbawa ang maibibigay ninyo mula sa mga nakita ninyo sa sarili ninyong mga karanasan? Kasama ba rito ang pagtatamasa sa mga pakinabang ng katayuan? (Oo.) May iba pa ba? (Ang pagpili sa madadaling gampanin kaysa sa mahihirap na gampanin kapag ginagawa ang mga tungkulin ng isang tao, at palaging pagnanais na piliin ang magaang trabaho.) Kapag gumagawa ng isang tungkulin, palaging pinipili ng mga tao ang magaan na gawain, ang gawaing hindi nakakapagod, at na hindi nila kailangang suungin ang panahon sa labas. Pagpili ito sa madadaling trabaho at pag-iwas sa mahihirap ang tawag dito, at pagpapamalas ito ng pagnanasa sa mga kaginhawahan ng laman. Ano pa? (Palaging pagrereklamo kapag ang kanilang tungkulin ay medyo mahirap, medyo nakakapagod, kapag may kaakibat itong pagbabayad ng halaga.) (Pagkahumaling sa pagkain at pananamit, at sa mga kasiyahan ng laman.) Mga pagpapamalas lahat ito ng pagnanasa sa mga kaginhawahan ng laman. Kapag nakikita ng gayong tao na masyadong matrabaho o delikado ang isang gampanin, ipinapasa niya ito sa iba; magaan na trabaho lang ang mismong ginagawa niya, at nagdadahilan siya, sinasabing mahina ang kakayahan niya at na wala siyang kakayahan sa gawain, at hindi niya kayang akuin ang gampaning ito—pero ang totoo, ito ay dahil nagnanasa siya ng mga kaginhawahan ng laman. Ayaw niyang magdusa, anumang gawain ang ginagawa niya o anumang tungkulin ang ginagampanan niya. Kung sasabihin sa kanyang sa sandaling matapos niya ang trabaho ay makakakain siya ng nilagang baboy, napakabilis at napaka-epektibo niya itong ginagawa, at hindi mo na siya kailangang madaliin, pilitin, o bantayan; pero kung wala siyang makakain na nilagang baboy, at kailangan niyang mag-overtime sa paggawa ng tungkulin niya, nagpapaliban siya, at naghahanap ng kung ano-anong dahilan at palusot para ipagpaliban ito, at pagkatapos itong gawin sa loob ng ilang panahon, sasabihin niya, “Nahihilo ako, namamanhid ang binti ko, pagod na pagod ako! Masakit ang buong katawan ko, puwede ba akong magpahinga sandali?” Ano ang problema rito? Nag-iimbot siya sa mga kaginhawahan ng laman. Nariyan din kapag palaging nagrereklamo ang mga tao tungkol sa mga paghihirap habang ginagawa ang tungkulin nila, kapag ayaw nilang gumugol ng anumang pagsisikap, kapag, sa sandaling magkaroon sila ng kaunting libreng oras ay nagpapahinga sila, nakikipagdaldalan, o nakikisali sa paglilibang at pagsasaya. At kapag dumarami na ang gawain at nasisira nito ang takbo at nakagawian nila sa mga buhay nila, hindi sila nasisiyahan at nakokontento rito. Nagmamaktol at nagrereklamo sila, at nagiging pabaya sila sa paggawa ng tungkulin nila. Pag-iimbot ito sa mga kaginhawahan ng laman, hindi ba? Halimbawa, para mapanatili ang hubog ng katawan nila, may ilang babaeng araw-araw nag-eehersisyo at nagbu-beauty sleep sa mga takdang oras. Gayumpaman, sa sandaling maging abala na ang gawain at makompromiso ang mga nakagawiang ito, hindi sila nasisiyahan, sinasabi nila, “Hindi maganda ito; masyadong naaantala ng paggawa sa trabahong ito ang mga bagay-bagay. Hindi ko ito puwedeng hayaang makaapekto sa mga personal na gawain ko. Hindi ko papansinin ang sinumang sumusubok na madaliin ako; ipagpapatuloy ko ang sarili kong bilis sa paggawa. Kapag oras na para sa yoga, mag-yo-yoga ako. Kapag oras na para sa beauty sleep ko, matutulog ako. Patuloy kong gagawin ang mga bagay na ito gaya ng ginagawa ko dati. Hindi ako kasinghangal at kasingsipag ninyong lahat. Pagkalipas ng ilang taon, magiging matatanda, ordinaryong mga babae na kayong lahat, malolosyang ang katawan ninyo, at hindi na kayo magiging balingkinitan. Wala nang magkakagustong tumingin sa inyo, at mawawalan na kayo ng anumang kumpiyansa sa buhay.” Alang-alang sa pagtugon sa kasiyahan ng laman nila, alang-alang sa kagandahan, na magustuhan ng iba, at mamuhay nang mas may kumpiyansa, ayaw nilang isuko ang mga kasiyahan at kagustuhan ng laman nila, kahit gaano pa sila kaabala sa paggawa ng mga tungkulin. Ito ay pagpapakasasa sa mga kaginhawahan ng laman. Sinasabi ng ilan, “Balisa ang Diyos, at dapat nating isaalang-alang ang mga layunin ng Diyos.” Pero sinasabi ng mga babaeng ito, “Hindi ko nakita na balisa ang Diyos; ayos lang ako basta’t hindi ako balisa. Kung magpapakita ako ng pagsasaalang-alang sa mga layunin ng Diyos, sino ang magpapakita ng pagsasaalang-alang sa mga layunin ko?” May anumang pagkatao ba ang mga gayong babae? Hindi ba’t mga diyablo sila? May mga partikular na tao rin na, kahit gaano pa kaabala at kahalaga ang gawain nila, hindi nila ito hahayaang makaapekto sa pananamit at isinusuot nila. Gumugugol sila ng ilang oras araw-araw sa kolorete, at naaalala nila nang singlinaw ng sikat ng araw kung anong mga damit ang isusuot nila sa bawat araw para bumagay sa mga partikular na pares ng sapatos, at kung kailan magpapa-beauty treatment at magpapamasahe, nang hindi talaga nalilito sa mga bagay na ito. Gayumpaman, pagdating sa kung gaano kalaking bahagi ng katotohanan ang nauunawaan nila, kung anong mga katotohanan ang hindi pa rin nila nauunawaan o hindi pa napapasukan, kung anong mga bagay ang pinangangasiwaan pa rin nila nang pabasta-basta at nang walang katapatan, kung anong mga tiwaling disposisyon ang naibunyag nila, at iba pang gayong isyung nauugnay sa katotohanan na may kinalaman sa buhay pagpasok, wala talaga silang anumang nalalaman tungkol sa mga bagay na ito. Kapag tinanong sila tungkol sa mga iyon, wala silang kaalam-alam. Pero, pagdating sa mga paksang may kaugnayan sa mga kasiyahan ng laman—pagkain, pag-inom, at pagsasaya—kaya nilang dumakdak nang walang-tigil, imposible silang mapatigil. Gaano man kaabala ang gawain ng iglesia o gaano man sila kaabala sa kanilang mga tungkulin, ang karaniwang gawain at normal na kundisyon ng kanilang buhay ay hindi nagagambala kailanman. Kailanman ay hindi sila pabaya sa anumang maliliit na detalye ng buhay ng laman at lubos nilang nakokontrol ang mga iyon, dahil napakahigpit nila at seryoso sila. Pero, kapag hinaharap ang gawain ng sambahayan ng Diyos, gaano man kalaki ang usapin at kahit sangkot dito ang kaligtasan ng mga kapatid, pabaya sila sa pagharap dito. Ni wala silang pakialam sa mga bagay na iyon na kinasasangkutan ng atas ng Diyos o ng tungkuling dapat nilang gawin. Wala silang inaakong pananagutan. Ito ay pagpapakasasa sa mga kaginhawahan ng laman, hindi ba? Angkop bang gumawa ng tungkulin ang mga taong nagpapakasasa sa mga kaginhawahan ng laman? Sa sandaling banggitin ng isang tao ang paksa ng paggawa sa kanyang tungkulin, o talakayin ang tungkol sa pagbabayad ng halaga at pagdanas ng paghihirap, iling nang iling ang ulo nila: Masyado silang maraming problema, ang dami nilang mga reklamo, at puno sila ng pagkanegatibo. Walang silbi ang mga gayong tao, hindi sila kalipikadong gumawa ng kanilang tungkulin, at dapat silang itiwalag. Pagdating naman sa pag-iimbot sa mga kaginhawahan ng katawan, hanggang dito na lamang tayo.

VI. Mga Paghihirap na May Kaugnayan sa Pagkilala sa Sarili

Ang pagkilala sa sarili ang pinakamahalagang aspekto ng buhay pagpasok. Pero para sa karamihan ng tao, dahil hindi nila minamahal ang katotohanan o hinahangad ito, nagiging pinakamalaking paghihirap nila ang pagkilala sa sarili nila. Samakatwid, tiyak na ang mga taong hindi nagmamahal sa katotohanan ay hindi kayang tunay na kilalanin ang sarili nila. Ano ang mga aspekto ng pagkakilala sa sarili? Ang una ay ang kaalaman sa kung anong mga tiwaling disposisyon ang nabubunyag sa pananalita at mga kilos ng isang tao. Minsan, ito ay pagmamataas, kung minsan naman ito ay pagiging mapanlinlang, o marahil ay kabuktutan, pagmamatigas, o pagkakanulo, at iba pa. Bukod pa roon, kapag may nangyayari sa isang tao, dapat niyang suriin ang kanyang sarili para makita kung mayroon siyang anumang layunin o motibo na hindi naaayon sa katotohanan. Dapat din niyang suriin kung mayroong anuman sa kanyang pananalita o mga kilos na lumalaban o naghihimagsik laban sa Diyos. Sa partikular, dapat niyang suriin kung mayroon ba siyang pagpapahalaga sa pasanin at kung matapat ba siya sa tungkulin niya, kung sinsero niyang iginugugol ang kanyang sarili para sa Diyos, at kung nagiging transaksyonal o pabasta-basta siya. Ang pagkakilala sa sarili ay nangangahulugan din ng pagkaalam kung ang isang tao ay may mga kuru-kuro at imahinasyon, mga labis-labis na kahilingan, o mga maling pagkaunawa at karaingan tungkol sa Diyos, at kung handa siyang magpasakop. Nangangahulugan ito ng pagkaalam kung kaya ng isang tao na hanapin ang katotohanan, tumanggap mula sa Diyos at magkaroon ng pusong nagpapasakop sa Diyos kapag humaharap sa mga sitwasyon, tao, usapin, at pangyayari na Kanyang pinamamatnugutan. Nangangahulugan ito ng pagkaalam kung ang isang tao ay may konsensiya at katwiran at kung ang isang tao ay nagmamahal sa katotohanan. Nangangahulugan ito ng pagkaalam kung ang isang tao ay nagpapasakop o sinusubukang makipagtalo kapag may mga bagay na nangyayari sa kanya, at kung ang isang tao ay umaasa sa mga kuru-kuro at imahinasyon o sa paghahanap sa katotohanan sa kanyang pamamaraan sa mga bagay na ito. Lahat ng ito ay ang saklaw ng pagkakilala sa sarili. Dapat pagnilayan ng isang tao kung minamahal ba niya ang katotohanan at kung mayroon ba siyang tunay na pananalig sa Diyos batay sa kanyang saloobin sa iba’t ibang sitwasyon at tao, pangyayari, at bagay. Kung malalaman ng isang tao ang kanyang tiwaling disposisyon at makikita kung gaano katindi ang kanyang paghihimagsik laban sa Diyos, siya ay lumago na. Bukod diyan, pagdating sa mga usapin na may kinalaman sa pagtrato niya sa Diyos, dapat na pagnilayan ng isang tao kung mayroon siyang mga kuru-kuro, takot, o pagpapasakop sa pagtrato niya sa pangalan ng Diyos at sa pagkakatawang-tao, at lalo na sa kung ano ang kanyang saloobin tungkol sa katotohanan. Dapat ding malaman ng isang tao ang kanyang mga kakulangan, ang kanyang tayog, at kung taglay niya ang katotohanang realidad, pati na kung ang kanyang paghahangad at ang landas na kanyang tinatahak ay tama at alinsunod sa mga layunin ng Diyos. Ang lahat ng ito ay mga bagay na dapat malaman ng mga tao. Sa pagbubuod, ang iba’t ibang aspekto ng pagkakilala sa sarili, sa esensya, ay binubuo ng mga sumusunod: kaalaman sa kung mataas o mababa ang kakayahan ng isang tao, kaalaman sa karakter ng isang tao, kaalaman sa mga layunin at motibo sa mga kilos ng isang tao, kaalaman sa tiwaling disposisyon at kalikasang diwa na ibinubunyag ng isang tao, kaalaman sa mga kagustuhan at paghahangad ng isang tao, kaalaman sa landas na tinatahak ng isang tao, kaalaman sa mga opinyon ng isang tao sa mga bagay-bagay, kaalaman sa pananaw ng isang tao sa buhay at mga pagpapahalaga, at kaalaman sa saloobin ng isang tao sa Diyos at sa katotohanan. Ang pagkakilala sa sarili ay pangunahing binubuo ng mga aspektong ito.

VII. Iba’t ibang Pagpapamalas ng Mga Tao sa Pagtrato Nila sa Diyos

Ang susunod na bahagi ng nilalaman tungkol sa buhay pagpasok ay tungkol sa iba’t ibang pagpapamalas ng mga tao sa kanilang pagtrato sa Diyos. Halimbawa, nariyan ang pagkakaroon ng mga kuru-kuro tungkol sa Diyos, pagbuo ng mga maling pagkaunawa tungkol sa Kanya at pagiging mapagbantay laban sa Kanya, pagkakaroon ng mga hindi makatwirang kahilingan sa Kanya, palaging pagnanais na umiwas sa Kanya, pag-ayaw sa mga salitang sinasabi Niya, at palaging paghahangad na siyasatin Siya. Nariyan din ang pagkabigong makilatis o makilala ang pagkamakapangyarihan-sa-lahat ng Diyos, pati na ang palaging pagkikimkim ng saloobin ng pag-aalinlangan sa kataas-taasang kapangyarihan, mga pagsasaayos, at awtoridad ng Diyos, at ganap na kawalan ng kaalaman sa mga bagay na ito. Higit pa rito, bukod sa nariyan ang pagkabigong iwasan o itanggi ang paninirang-puri at paglapastangan sa Diyos ng mga walang pananampalataya at ng mundo, kundi taliwas dito, nariyan pa ang kagustuhang tanungin kung totoo o tunay ba ito. Hindi ba’t pagdududa ito sa Diyos? Maliban sa mga pagpapamalas na ito, ano pa ang iba? (Ang pagiging mapaghinala sa Diyos at pagsubok sa Diyos.) (Ang pagsubok na magpalakas sa Diyos.) (Ang hindi pagnanais na tanggapin ang pagsisiyasat ng Diyos.) Nariyan ang hindi pagnanais na tanggapin ang pagsisiyasat ng Diyos at kasabay niyon ay pagdududa kung kaya bang siyasatin ng Diyos ang kaibuturan ng puso ng mga tao. (Nariyan din ang pagkontra sa Diyos.) Isa rin itong pagpapamalas—ang pagkontra sa Diyos at pagpoprotesta laban sa Kanya. Nariyan ang pagkakaroon ng mapangmata at mapanghamak na saloobin sa paglapit sa Diyos, pakikipag-usap sa Kanya at pakikisalamuha sa Kanya. Mayroon pa ba? (Ang pagiging pabaya sa Diyos at panlalansi sa Kanya.) (Ang pagrereklamo tungkol sa Diyos.) Nariyan ang hindi kailanman pagpapasakop o paghahanap sa katotohanan kapag nahaharap sa mga bagay, at palaging pakikipagtalo para sa sarili at pagrereklamo. (Nariyan din ang paghusga at paglapastangan sa Diyos.) (Ang pakikipagkompetensiya sa Diyos para sa katayuan.) (Ang pakikipagtawaran at pananamantala sa Diyos.) (Ang pagtatatwa sa Diyos, pagtanggi sa Diyos, at pagkakanulo sa Diyos.) Mahahalagang isyu ang lahat ng ito; ang mga ito ang iba’t ibang kalagayan at tiwaling disposisyong lumilitaw sa pagtrato ng mga tao sa Diyos. Sa esensya ay ito ang iba’t ibang pagpapamalas ng pagtrato ng mga tao sa Diyos.

VIII. Ang Mga Saloobin at Iba’t ibang Pagpapamalas ng Mga Tao sa Pagtrato Nila sa Katotohanan

Ang isa pang aspekto ng paksa tungkol sa buhay pagpasok ay ang paraan ng pagtrato ng mga tao sa katotohanan. Anong mga pagpapamalas ang nasa aspektong ito? Nariyan ang pagtrato sa katotohanan bilang isang teorya o isang salawikain, bilang isang patakaran, o bilang kapital para manghuthot sa iglesia at magtamasa ng mga pakinabang ng katayuan. Magdagdag pa kayo rito. (Ang pagtrato sa katotohanan bilang isang espirituwal na panustos.) Nariyan ang pagtrato sa katotohanan bilang isang espirituwal na panustos para tugunan ang mga espirituwal na pangangailangan ng isang tao. (Ang hindi pagtanggap sa katotohanan at pagiging tutol dito.) Isa itong saloobin sa katotohanan. (Ang pag-iisip na ang mga salita ng Diyos ay naglalayong maglantad sa iba, na walang kaugnayan ang mga ito sa sarili, at pagturing sa sarili bilang dalubhasa sa katotohanan.) Angkop na angkop ang pagkakalarawan ninyo sa pagpapamalas na ito. Ang mga taong may ganitong pagpapamalas ay naniniwalang nauunawaan nila ang lahat ng katotohanang sinabi ng Diyos, at na ang mga inilalantad Niyang tiwaling disposisyon at diwa ng tao ay tumutukoy sa iba, at hindi sa kanila. Ang tingin nila sa sarili nila ay mga dalubhasa sa katotohanan, madalas nilang ginagamit ang mga salita ng Diyos para sermunan ang iba, na para bang sila mismo ay walang mga tiwaling disposisyon, na sila na ang pagkakatawan ng katotohanan at mga tagapagsalita ng katotohanan. Anong uri ng basura ba sila? Gusto nilang maging ang pagkakatawan ng katotohanan—hindi ba’t katulad lang sila ni Pablo? Itinanggi ni Pablo na ang Panginoong Jesus ay si Cristo at ang Diyos; siya mismo ay nagnais na maging Cristo at ang Anak ng Diyos. Ang mga taong ito ay katulad ni Pablo, kauri sila ni Pablo, mga anticristo sila. Mayroon pa ba? (Ang pagtrato sa mga salita ng Diyos bilang mga salita ng isang karaniwang tao, hindi bilang ang katotohanang dapat isagawa, at ang pagkakaroon ng mapagwalang-bahala at mababaw na saloobin sa mga salita ng Diyos.) Ang hindi pagtrato sa mga salita ng Diyos bilang ang katotohanang dapat tanggapin at isagawa, bagkus ay pagtrato sa mga ito bilang mga salita ng tao—isa ito. (Ang pag-uugnay ng mga salita ng Diyos sa mga pilosopiya at teorya ng mga walang pananampalataya.) Nariyan ang pag-uugnay ng mga salita ng Diyos sa mga pilosopiya, pagtrato sa mga salita ng Diyos bilang mga palamuti o mga walang kabuluhang salita habang itinuturing ang mga tanyag na kasabihan ng mga sikat at dakilang tao bilang ang katotohanan, at pagtrato sa kaalaman, tradisyonal na kultura, at mga kaugalian bilang ang katotohanan at pagpapalit ng mga iyon sa mga salita ng Diyos. Ang mga taong nagpapakita ng pagpapamalas na ito ay walang-tigil na nagsasalita tungkol sa kagustuhang isagawa ang katotohanan at patotohanan at ipakalat ang mga salita ng Diyos kapag nahaharap sa mga sitwasyon, pero sa puso nila, hinahangaan nila ang mga sikat at dakilang taong iyon mula sa sekular na mundo, at iniidolo pa nga nila si Bao Gong ng sinaunang Dinastiyang Song, sinasabi nila, “Isa talaga siyang istrikto at walang-kinikilingang hukom. Kailanman ay hindi siya nagpasya nang hindi makatarungan, kailanman ay hindi nagkaroon ng anumang hindi makatarungang hatol mula sa mga kamay niya, o ng anumang kaluluwang naagrabyado ng talim ng hustisya niya!” Hindi ba’t pag-iidolo at paghanga ito sa isang sikat na tao at isang pantas? Ang pagsubok na palabasin ang mga salita at gawa ng mga sikat na tao bilang ang katotohanan ay paninirang-puri at paglapastangan sa katotohanan! Sa iglesia, madalas nagsasalita ang mga ganitong tao tungkol sa kagustuhang isagawa ang katotohanan at ipakalat ang mga salita ng Diyos, pero ang iniisip at karaniwang sinasabi nila ay mga tradisyonal na kasabihan at kawikaan lang, na ipinapahayag nila sa isang napakapraktisado at mahusay na paraan. Palagi nilang nasasambit at nababanggit ang mga bagay na ito. Kailanman ay wala silang nabanggit na salita ng kanilang pagkaunawang batay sa karanasan sa mga salita ng Diyos, at lalong hindi nila kailanman nasabi kung alin sa mga salita ng Diyos ang pamantayan o batayan ng mga kilos at asal nila. Mga maling paniniwala lang ang binibigkas nila, tulad ng, “Iniiwan ng tao ang kanyang pangalan saanman siya maglagi, tulad ng pagputak ng gansa saanman ito lumipad,” “Wala nang silbi ang pagpupugot ng mga ulo,” “Palaging may kasuklam-suklam tungkol sa mga kaawa-awang tao,” “Palagi mong iwanan ang sarili mo ng pagkakataong baguhin ang mga bagay,” “Maaaring hindi ako nakakuha ng anumang papuri, ngunit nagsikap at nagpakapagod pa rin ako,” “Huwag mong sunugin ang tulay pagkatapos tumawid sa ilog; huwag mong patayin ang asno pagkatapos ibaba ang gilingan,” “Parusahan nang matindi ang isang tao para magbigay ng halimbawa sa iba, gawin mo siyang babala sa iba,” at “Ang mga bagong opisyal ay sabik magpasikat,” at iba pa—wala sa mga sinasabi nila ang katotohanan. May ilang tao na magsasaulo sa mga salita ng mga kasalukuyang makata at mag-iiwan pa ng ganoong mga komento sa mga video ng sambahayan ng Diyos. Hindi ba’t isa itong pagpapamalas ng kawalan ng espirituwal na pang-unawa? Ang mga salitang iyon ba ang katotohanan? Nauugnay ba ang mga iyon sa katotohanan? May ilang tao na madalas magsabi ng mga bagay na tulad ng “May diyos sa tatlong talampakan sa itaas mo,” at “Ang kabutihan at kasamaan ay masusuklian sa huli; hindi magtatagal,” Ang mga pahayag na ito ba ang katotohanan? (Hindi.) Saan nanggagaling ang mga ito? Makikita ba ang mga ito sa mga salita ng Diyos? Nanggagaling ang mga ito sa kulturang Budista at walang anumang kinalaman sa pananampalataya sa Diyos. Sa kabila nito, madalas subukan ng mga tao na itaas ang mga ito sa antas ng katotohanan; isa itong pagpapamalas ng kawalan ng espirituwal na pang-unawa. May ilang tao na may kaunting determinasyong gumugol ng sarili nila para sa Diyos, at sinasabi nila, “Itinaas ng sambahayan ng Diyos ang ranggo ko, itinaas ako ng Diyos, kaya dapat akong maging karapat-dapat sa kasabihang, “Ang isang ginoo ay nag-aalay ng kanyang buhay para sa nakakaintindi sa kanya,” Hindi ka isang ginoo, at hindi hiningi sa iyo ng Diyos na ialay mo ang buhay mo. Kinakailangan bang maging ganoon kagiting kapag gumagawa ng mga tungkulin? Ni hindi mo nga matupad ang mga tungkulin mo ngayong buhay ka, may anumang pag-asa ba na magagawa mo iyon kapag patay ka na? Paano mo pa gagawin ang mga tungkulin mo sa panahong iyon? Sinasabi ng iba, “Likas na tapat ako, isa akong matapang at masigasig na tao. Gusto kong itaya ang lahat para sa mga kaibigan ko. Ganoon din sa Diyos: Dahil ako ay hinirang, itinaas ang ranggo, at itinaas ng Diyos, dapat kong suklian ang biyaya ng Diyos. Talagang itataya ko ang lahat para sa Diyos, kahit hanggang sa kamatayan ko!” Ito ba ang katotohanan? (Hindi.) Napakaraming sinabing salita ng Diyos, bakit wala silang ni isang natandaan sa mga iyon? Sa lahat ng oras, ang pinagbabahaginan lang nila ay: “Wala nang ibang kailangang sabihin. Ang isang ginoo ay nag-aalay ng kanyang buhay para sa mga nakakaintindi sa kanya, at dapat itaya ng isang tao ang lahat para sa mga kaibigan niya at maging tapat.” Ni hindi nila mabigkas ang pariralang “suklian ang pagmamahal ng Diyos.” Pagkatapos makinig sa mga sermon at basahin ang mga salita ng Diyos sa loob ng maraming taon, wala silang nalalamang ni isang katotohanan, at ni hindi sila makapagsabi ng ilang espirituwal na termino—ito ang panloob na pagkaunawa at depinisyon nila sa katotohanan. Sabihin ninyo sa Akin, hindi ba’t kaawa-awa ito? Hindi ba’t isa itong pagpapamalas ng kawalan ng espirituwal na pang-unawa? Pagkatapos makinig sa napakaraming sermon, hindi nila nauunawaan ang katotohanan at hindi nila alam kung ano ang katotohanan, pero garapal nilang ginagamit ang mga maladiyablo, walang kabuluhan, katawa-tawa, at masyadong katawa-tawang salitang iyon para ipalit sa katotohanan. Bukod sa ganito ang panloob na pag-iisip at pagkaarok nila, palagi rin nila itong ipinapakalat at itinuturo sa iba, kaya nagiging katulad ng sa kanila ang pagkaarok ng iba. Hindi ba’t medyo naglalaman ito ng kalikasan ng pagdudulot ng paggambala at panggugulo? Tila mapanganib ang mga taong ito na hindi nakakaunawa sa katotohanan at walang espirituwal na pang-unawa, kaya nilang magdulot ng mga paggambala at panggugulo at gumawa ng mga walang kabuluhan at katawa-tawang bagay sa anumang oras at saanmang lugar. Ano pa ang ibang pagpapamalas ng paraan ng pagtrato ng mga tao sa katotohanan? (Ang pagkamuhi sa katotohanan, pagtanggap lang sa kung ano ang umaayon sa sariling mga kuru-kuro ng isang tao, at pagtanggi at pagtutol na isagawa kung ano ang hindi.) Ang pagtanggap at pagsasagawa lang sa kung ano ang umaayon sa sariling mga kuru-kuro ng isang tao at sa parehong paraan ay pagtanggi at pagkondena sa hindi—isa itong saloobin. (Ang hindi paniniwala na kayang lutasin ng katotohanan ang mga tiwaling disposisyon ng isang tao o baguhin ang sarili niya.) Ang hindi pagkilala o paniniwala sa katotohanan ay isa ring saloobin. Ang isa pang pagpapamalas ay na ang saloobin at pananaw ng isang tao sa katotohanan ay nagbabago ayon sa lagay ng loob, kapaligiran, at mga emosyon niya. Para sa mga taong ito, kapag maganda ang pakiramdam nila at masaya sila isang araw, iniisip nila, “Ang galing ng katotohanan! Ang katotohanan ang realidad ng lahat ng positibong bagay, ang pinakakarapat-dapat isagawa at ipakalat ng mga tao.” Kapag masama ang lagay ng loob nila, iniisip nila, “Ano ba ang katotohanan? Ano ba ang mga pakinabang ng pagsasagawa sa katotohanan? Kikita ka ba rito ng pera? Ano ba ang mababago ng katotohanan? Ano ang puwedeng mangyari kung isasagawa mo ang katotohanan? Hindi ko ito isasagawa—ano ba ang mababago nito?” Lumalabas ang malademonyo nilang kalikasan. Ang mga pagpapamalas na ito ang mga disposisyon at iba’t ibang kalagayang ibinubunyag ng mga tao sa paraan ng pagtrato nila sa katotohanan. Ano pa ang ibang mga partikular na pagpapamalas? (Ang hindi pagtrato sa mga salita ng Diyos bilang ang katotohanan o buhay bagkus ay pagsusuri at pagsisiyasat sa mga iyon.) Nariyan ang pagharap sa mga salita ng Diyos nang may akademikong saloobin, palaging pagsusuri at pagsisiyasat sa katotohanan batay sa kaalaman ng isang tao, nang walang anumang saloobin ng pagtanggap at pagpapasakop. Ang mga ito halos ang mga paghihirap sa pagtrato ng mga tao sa katotohanan na matutukoy at magagawang mga buod na pamagat.

May walong aspekto sa kabuuan sa paksa natin tungkol sa mga paghihirap ng buhay pagpasok, at ang mga ito ang mga pangunahing paghihirap na may kinalaman sa buhay pagpasok at pagtatamo ng kaligtasan. Ang mga kalagayan at disposisyong ibinubunyag ng mga tao na nakapaloob sa walong aspektong ito ay pawang nalalantad sa mga salita ng Diyos; nagtakda ang Diyos ng mga hinihingi para sa mga tao at itinuro Niya sa kanila ang landas ng pagsasagawa. Kung kaya ng mga tao na pagsumikapan ang mga salita ng Diyos, magkaroon ng seryosong saloobin, ng saloobin ng pananabik, at magdala ng pasanin para sa sarili nilang buhay pagpasok, kung gayon, sa mga salita ng Diyos, makakahanap sila ng mga nauugnay na katotohanan para lutasin ang walong uri ng problemang ito, at may mga landas ng pagsasagawa para sa bawat isa sa mga iyon. Wala sa mga iyon ang mga di-malulutas na pagsubok o anumang uri ng misteryo. Gayumpaman, kung hindi ka talaga nagdadala ng pasanin para sa sarili mong buhay pagpasok, at hindi ka talaga interesado sa katotohanan o sa pagbabago sa disposisyon mo, kahit gaano pa kalinaw at katumpak ang mga salita ng Diyos, mananatili ang mga iyong mga teksto at doktrina lang sa iyo. Kung hindi mo hinahangad o isinasagawa ang katotohanan, kahit ano pa ang mga isyu mo, hindi ka makakahanap ng solusyon, na masyadong magpapahirap sa iyong magtamo ng kaligtasan. Siguro ay habambuhay ka nang mananatali sa yugto ng pagiging isang trabahador; siguro ay habambuhay ka nang mananatili sa yugto ng hindi pagtatamo ng kaligtasan at pagtataboy at pagtitiwalag sa iyo ng Diyos.

Ang Masasamang Epekto at Kahihinatnan ng Gawain ng Mga Huwad na Lider

Pagdating sa lahat ng paghihirap na nakakaharap ng mga tao sa buhay pagpasok nila, ano ang ginagawa ng mga huwad na lider? Kapag humaharap ang mga tao sa anumang uri ng kalagayang napapapaloob sa isa sa walong uri ng paghihirap na ito, kaya ba ng mga huwad na lider na tukuyin ito, at gamitin ang mga salita ng Diyos at ang sarili nilang kaalamang batay sa karanasan para lutasin ang mga problema ng mga taong ito? Sa kasamaang-palad, kapag nahaharap ang mga tao sa mga paghihirap, gumagawa lang ang mga huwad na lider ng mga paimbabaw na pagsisikap, nagbibigay lang ng ilang mababaw, malayo, at walang kaugnayang komento na walang kinalaman sa mga disposisyon at tunay na paghihirap ng mga tao para tugunan ang mga isyu ng mga ito. Halimbawa, madalas sabihin ng mga huwad na lider, “Sadyang hindi mo minamahal ang katotohanan!” Ganito nila sinusubukang lutasin ang tunay na mga paghihirap ng mga tao at ilarawan ang mga diwa ng mga ito. Hindi nila kayang tulungan ang mga taong humanap ng mga sagot sa mga salita ng Diyos kahit para sa isang hindi malubhang isyu o kalagayan, hindi rin nila ito kayang lutasin sa pamamagitan ng pagbabahaginan tungkol sa katotohanan. Sa halip, nagbibigay sila ng ilang komento na batay sa doktrina at wala namang kaugnayan, o sinasamantala nila ang problema at pinapalaki ang maliit na bagay para lubusang balewalain ang mga tao nang hindi binibigyan ang mga ito ng pagkakataong magsisi. Sa realidad, kung ang isang tao ay may kakayahang arukin ang mga salita ng Diyos at nagtataglay ng espirituwal na pang-unawa, mahahanap niya ang paglalantad ng Diyos sa walong aspekto ng mga kalagayang ito sa mga salita ng Diyos, hindi ito mahirap. Gayumpaman, dahil ang mga huwad na lider ay walang espirituwal na pang-unawa, mahina ang kakayahan, at walang kakayahang makaarok, idagdag pa ang katunayang ang ilan sa kanila ay masigasig, sabik kumilos, mapagpaimbabaw lang, at nagpapanggap lang na mga espirituwal na tao, hindi talaga nila kayang lutasin ang mga isyu ng ibang tao. Pagdating sa iba’t ibang isyung nakakaharap ng mga tao, papayuhan sila ng mga huwad na lider, sasabihin, “Ganito na kalayo ang inusad ng gawain ng Diyos; bakit naiinggit at nakikipagtalo ka pa rin sa iba? May oras ka ba para diyan? Ano ang silbi ng pakikipag-away tungkol diyan? Hindi ka ba makakaraos nang hindi nakikipag-away tungkol diyan?” “Ganito na kalayo ang narating ng gawain ng Diyos, pero napakasentimental mo pa rin, at hindi mo kayang bumitiw. Sa malao’t madali, ikakamatay mo ang mga damdaming ito!” “Ganito na kalayo ang narating ng gawain ng Diyos, kaya bakit masyado mo pa ring inaalala ang pagkain at pananamit? Hindi mo ba kaya nang hindi nagsusuot ng isang bestida? Hindi ka ba makakaraos nang hindi bumibili ng isang pares ng balat na sapatos? Dapat ay mas pag-isipan mo ang mga salita ng Diyos at ang tungkulin mo!” “Kapag may nangyayari sa iyo, mas magdasal ka sa Diyos. Anuman ang nangyayari sa iyo, may isang aral: matutong magpasakop sa Diyos at unawain ang kataas-taasang kapangyarihan at pagsasaayos Niya.” Kaya bang lutasin ng payong ito ang mga tunay na problema? Hindi talaga. Kung hindi ay sinasabi nila, “Ang mga tao ay malubhang nagawang tiwali ni Satanas. Sa pamamagitan ng pagiging sentimental, hindi ba’t naghihimagsik ka laban sa Diyos? Sa pamamagitan ng hindi pagkilala sa sarili mo, hindi ba’t naghihimagsik ka laban sa Diyos?” Anuman ang kasalukuyang problema, hindi alam ng mga huwad na lider kung paano pagbahaginan ang katotohanan para himayin ang diwa o kalagayan ng isang tao, hindi nila kayang makilatis kung paano lumilitaw ang mga kalagayan ng mga tao, at pagkatapos, batay sa mga kalagayan ng mga ito, hindi nila kayang pagbahaginan ang katotohanan para lutasin ang mga isyu ng mga ito, magbigay ng angkop na tulong at panustos. Sa halip, pare-pareho ang palagi nilang sinasabi: “Mahalin mo ang Diyos! Pagsikapan mong gawin ang mga tungkulin mo, dapat kang maging tapat sa Diyos, at mas magdasal kapag nakakaharap ka ng mga problema!” “Ang lahat ng bagay ay nakapaloob sa kataas-taasang kapangyarihan at pagsasaayos ng Diyos. Ang lahat ng bagay ay nasa mga kamay ng Diyos!” “Kung hindi mo hahanapin ang katotohanan, hindi puwede iyon. Dapat ay basahin mo pa ang mga salita ng Diyos. Nililinaw ng mga salita ng Diyos ang lahat ng bagay, pero sadyang hindi minamahal ng mga tao ang katotohanan!” “Nalalapit na ang mga sakuna, malapit na ang kalalabasan ng lahat ng bagay, at matatapos na ang gawain ng Diyos, pero hindi ka nababalisa. Ilang araw na lang ba ang nalalabi sa tao? Dumating na ang kaharian ng Diyos!” Binibigkas lang ng mga huwad na lider ang mga kasabihang ito na hindi naman nauugnay, hindi kailanman partikular na sinusuri at hinihimay ang iba’t ibang problema, o nagbibigay ng tunay na panustos o tulong sa mga tao. Kung hindi nila hinahanapan ang mga tao ng ilang sipi mula sa mga salita ng Diyos para basahin, nagbibigay naman sila ng walang kaugnayang payo para pakitunguhan ang mga ito. Ano ang nangyayari sa huli? Sa ilalim ng pinsala ng mga huwad na lider, bukod sa hindi alam ng mga tao ang sarili nilang mga tiwaling disposisyon, hindi rin nila alam kung ano ang paglalarawan sa sarili nilang karakter, kung anong uri sila ng tao, at kung anong kalikasang diwa ang taglay nila; hindi malinaw sa kanila kung ano ang paglalarawan sa sarili nilang kakayahan, kung may kakayahan ba silang makaarok o wala, o kung anong landas ang tinatahak nila. Pinanghahawakan pa rin nila ang mga makamundo at nauusong bagay na minamahal at pinahahalagahan nila sa puso nila, at walang tumutulong sa kanilang unawain, himayin, at suriin ang mga bagay na ito. Ito ang mga kahihinatnan ng gawain ng mga huwad na lider. Kapag lumilitaw ang mga problema, kung hindi nila binabatikos ang mga tao, hindi makatwirang kinokondena at inaakusahan ang mga ito, o binibigyan nila ang mga tao ng mga payo at aral na wala namang kaugnayan, o ginagamit nila ang mga salita ng Diyos para gumawa ng mga pilit, hindi tumpak na paghahambing. Naiisip ng mga nakakarinig sa kanila, “Parang nauunawaan ko ito, pero parang hindi rin—parang puwedeng naarok ko ang sinabi niya, pero puwedeng hindi rin. Bakit ganoon? Tama ang lahat ng sinasabi ng lider, pero bakit hindi ko maalis ang isyung ito sa puso ko? Bakit hindi ako makahanap ng kalutasan sa paghihirap na ito? Bakit ganito pa rin ako mag-isip at gusto ko pa ring gawin ang mga bagay na ito? Bakit hindi ko maunawaan kung nasaan ang diwa at ugat ng isyu? Sinasabi ng lider na hindi ko minamahal ang katotohanan, at inaamin kong hindi nga, pero bakit hindi ako makaalis sa kalagayang ito?” Nagkaroon ba ng anumang epekto ang mga lider na ito? Kahit na nagsalita at gumawa sila, napakagulo ng lahat ng ito, at hindi nito nakamit ang dapat na maging epekto nito. Hindi nila nabigyang-kakayahan ang mga tao na maunawaan ang mga layunin ng Diyos, maihambing ang sarili ng mga ito sa mga salita ng Diyos, tumpak na maunawaan ang mga kalagayan ng mga ito, o malutas ang sariling mga paghihirap ng mga ito. Para naman sa mga tao na hindi nagbabago at walang kahihiyan na hindi talaga tinatanggap ang katotohanan, kapag naririnig nilang taimtim at matiyaga silang pinapaalalahanan ng mga lider na ito, masyado silang naaalibadbaran. Kasabay niyon, inuulit-ulit nila ang mga salitang sinasabi ng mga lider na ito—kapag natapos na ng mga lider ang unang parte, kayang ituloy ng mga tao na ito ang kasunod, at mabilis silang naiinip, sinasabing, “Huwag mo nang ituloy. Naarok ko na ang lahat ng sinasabi mo. Kung magpapatuloy ka pa, mahihilo at masusuka na ako!” Ipinagpapatuloy ng mga lider ang pagsasabi, “Sadyang hindi mo minamahal ang katotohanan. Kung minamahal mo ang katotohanan, mauunawaan mo ang lahat ng sinasabi ko.” Sumasagot sila, “Minamahal ko man ang katotohanan o hindi, napakaraming beses mo nang inulit ang mga salitang ito, wala nang bago sa mga ito, at nagsasawa na akong marinig ang mga ito!” Gumagawa ang mga huwad na lider sa ganitong paraan, mahigpit na sumusunod sa mga patakaran at tumutuon sa mga partikular na parirala, lubusang nabibigong lutasin ang mga tunay na paghihirap ng mga tao. Kung ang isang tao ay may mga kuru-kuro tungkol sa Diyos, sinasabi ng mga huwad na lider na hindi kilala ng taong iyon ang sarili niya. Kung ang isang tao ay may masamang pagkatao, hindi nakakasundo ang mga tao, at walang normal na mga pakikipag-ugnayan sa mga tao, sinasabi ng mga huwad na lider na parehong mali ang taong iyon at ang isa pang taong sangkot, pareho silang sinesermunan, pareho silang sinisisi, sinasabing, “Sige, patas na kayong dalawa. Kailangan nating maging patas at makatwiran sa mga kilos natin, itrato ang lahat nang pantay-pantay nang walang anumang pagkiling. Ang sinumang nagsasalita nang may katwiran ay nagmamahal sa katotohanan, habang ang mga nagsasalita nang wala nito ay dapat na itikom ang kanilang bibig, bawasan ang pagsasalita at dagdagan ang pagkilos sa hinaharap. Ang sinumang may sinasabing tama ay dapat na mas pakinggan.” Paglutas ba ito sa problema? Paggawa ba ito ng gawain? Hindi ba’t parang pagpapalubag-loob lang ito sa mga bata at panloloko sa mga tao? Puwedeng mukhang nagpapakaabala ang mga huwad na lider, pero hindi nila kayang lutasin ang mga problema ng sinuman. Gaano kaepektibo ang gawain nila? Walang kabuluhan at katawa-tawa ito! Ito ang mga kilos ng mga walang pananampalataya.

Sa karanasan ng mga tao sa pananampalataya sa Diyos, madalas silang nakakaharap ng ilang paghihirap, at hindi kayang lutasin ng mga huwad na lider ang alinman sa mga iyon. Ni hindi kayang lutasin ng mga huwad na lider ang mga partikular na malinaw na paghihirap na kayang malutas gamit lang ang ilang salita, at gumagawa rin sila ng malaking komosyon tungkol sa mga iyon at pinapalaki nila ang bawat maliit na isyu. Hindi naman masama ang ilang tao, kaya lang, pagdating sa pagkatao nila, medyo wala silang modo, hindi sila nakakaunawa ng simpleng etiketa, at medyo imoral sila. Tinitingnan ng mga huwad na lider ang maliliit na isyung ito at gumagawa ng malaking komosyon tungkol sa mga ito, hinihikayat ang mga kapatid na pag-usapan sila, punahin sila, at kondenahin sila, na pawang may layuning mag-iwan ng magtatagal na impresyon sa mga taong iyon, para hindi sila mangahas na patuloy na kumilos sa ganoong paraan. Kinakailangan ba ito? Isa ba itong paraan para lutasin ang mga problema? Paggamit ba ito sa katotohanan para lutasin ang mga isyu? (Hindi.) Basta’t walang malalaking isyu sa pagkatao ng isang tao, at hindi masama ang taong iyon at kaya niyang taos-pusong gumugol ng sarili, kung ganoon, sa mga sitwasyon kung saan tumatanggap siya, sapat nang patuloy na gumawa sa kanya, bigyan siya ng mga paalala, tulong, pakikipagbahaginan, at suporta. Kung palaging aasal sa ganitong paraan ang mga tao, may problema sila sa karakter nila o may malupit silang disposisyon, at kung ganoon ay kinakailangan na ng mahigpit na pagpupungos at pagdidisiplina. Kung ayaw nila itong tanggapin, dapat ay masuspinde ang tungkulin nila, o dapat silang mapaalis. Hindi ito makilatis ng mga huwad na lider, hindi rin sila kikilos sa ganitong paraan; kapag nakakaharap sila ng gayong masasamang tao, tinatrato nila ang mga ito bilang mga kapatid, binibigyan ang mga ito ng tulong at suporta. Paggawa ba ito ng gawain? Paggamit ba ito sa katotohanan para lutasin ang mga isyu? (Hindi.) Ang gawain ng mga huwad na lider ay baligho, parang bata, at katawa-tawa, at walang anuman dito ang umaayon sa mga layunin ng Diyos. Sa lahat ng ginagawa nila, makikita mo na mga karaniwang tao sila, wala silang espirituwal na pang-unawa, at walang-ingat silang kumikilos nang walang mga prinsipyo. Gayundin, hindi nila makilatis o tumpak na maarok ang iba’t ibang paghihirap na nakakaharap ng mga tao sa buhay pagpasok ng mga ito. Dahil dito, ang mga pagtatangka nilang lumutas ay tila masyadong di-pulido, hangal, at tulad ng sa isang karaniwang tao. Naaasiwa at napipigilan din ang mga taong tumatanggap sa tulong nila. Sa paglipas ng panahon, nawawalan pa nga ng pananalig ang ilan, sinasabi, “Napakaraming beses nang nakipagbahaginan sa akin ng lider, kaya bakit hindi pa ako nagbabago? Bakit patuloy akong bumabalik sa dati? Masyado bang masama ang pagkatao ko, at hindi ba ako maliligtas?” Nagkikimkim pa ng mga pagdududa ang iba, sinasabing, “May mali ba sa espiritu ko? Gumagawa ba sa akin ang masasamang espiritu? Hindi ba ako ililigtas ng Diyos? Hindi ba’t ibig sabihin niyon ay wala na akong pag-asa?” Ito ang mga kinahihinatnan ng gawain ng mga huwad na lider. Sa gawain nila, napagpapalit-palit nila ang mga bagay, at kumikilos sila sa isang walang-kabuluhan, katawa-tawa, hangal, at di-pulidong paraan, na sa huli ay nagdudulot na hindi malutas agad ang iba’t ibang paghihirap na hinaharap ng ilang tao na tunay na naghahangad sa katotohanan. Nagdudulot naman ito na lumitaw sa mga taong iyon ang pagkanegatibo at kahinaan, pati na ang ilang kuru-kuro at maling pagkaunawa tungkol sa Diyos at sa gawain Niya. Sinasabi nila, “Napakarami ko nang nabasang salita ng Diyos, kaya bakit hindi malutas ang problema ko? Kaya ba talagang iligtas at baguhin ng mga salita ng Diyos ang mga tao?” Nagkakaroon ng pagdududa ang puso nila, at nakukulong sila sa kalituhan. Samakatwid, kapag gumagawa ng gawain ang mga huwad na lider, hindi sila nagbubunga ng maraming positibong resulta, bagkus ay nagbubunga sila ng napakaraming negatibo at masamang bagay. Bukod sa nabibigo ang gawain nila na pawiin ang mga kuru-kuro, pagdududa, at paghusga ng mga tao tungkol sa Diyos, sa kabaligtaran, napapalala pa nito ang mga maling pagkaunawa at pagiging mapagbantay ng mga ito laban sa Diyos. Kahit pagkatapos ng maraming taon ng pananalig, hindi pa rin nalulutas ang mga isyu ng mga tao na ito. Habang nililigaw at nililihis sila ng mga huwad na lider, lumalalim ang mga maling pagkaunawa at pagbabantay nila laban sa Diyos. Kung ganito ang nangyayari, kaya ba nilang magtamo ng buhay pagpasok?

Ang pagkaunawa ng mga huwad na lider sa mga positibong bagay na tulad ng katotohanan at ng pagbabago sa disposisyon ng tao ay nakakaimpluwensiya sa mga pananaw at saloobin ng maraming tao sa mga positibong bagay. Isang isyu kapag hindi gumagawa ng anumang gawain ang mga huwad na lider—sa sandaling magsimula silang gumawa, umuusbong ang mga paglihis at lumilitaw ang masasamang kahihinatnan. Nagkakaroon ng hindi wastong kapaligiran sa mga iglesiang ito, ibig sabihin, madalas na nakakabuo ng ilang mali at katawa-tawang kasabihan, at hindi nauunawaan ng mga tao roon ang mga espirituwal na terminong madalas na binabanggit sa mga salita ng Diyos o kung paano gamitin ang mga iyon, habang ang mga diumano’y espirituwal na termino at kasabihang madalas sabihin ng mga huwad na lider na ito ay malawak na ipinapakalat sa mga iglesiang ito. Hindi maliit ang epekto ng mga bagay na ito sa mga tao: Bukod sa hindi nakakatulong ang mga ito sa mga tao na magkamit ng mas praktikal at mas tumpak na kaalaman sa mga salita ng Diyos at sa katotohanan, o hindi sila nabibigyang-kakayahang makahanap ng tumpak na landas ng pagsasagawa sa mga salita Niya, sa kabaligtaran, ang totoo ay idinudulot pa ng mga ito na magkaroon ang mga tao ng mas baluktot, teoretikal, at batay-sa-doktrinang kaalaman sa katotohanan, at kasabay nito, dahil sa mga ito ay mas naguguluhan ang mga tao tungkol sa landas ng pagsasagawa. Sa paggawa niyon, nakakahadlang ang mga huwad na lider sa paningin ng mga tao at nakakaapekto sa dalisay nilang pagkaarok sa katotohanan. Ano ang epekto ng mga huwad na lider sa paggawa ng mga bagay na ito? Anong papel ang ginagampanan nila? Bagama’t medyo kalabisan naman ang paglalarawan sa kanila bilang nakakagulo at nakakagambala, ang pagtawag sa kanilang mga hangal na nagpapakaabala ay hindi talaga kalabisan. Noong kasisimula Ko lang sa yugtong ito ng gawain, may ilang tao Akong nakilala, at habang pinakikinggan Ko silang magsalita, nagtanong ang isa sa kanila tungkol sa sitwasyon ng isang tao, at biglang sinabi ng isang tao ang mga salitang, “Natupok na siya.” Nang tanungin Ko, “Natupok? Ano ang ibig sabihin niyon?” sumagot ito, “Ang ibig sabihin ng natupok ay natanggal ang isang tao at siguro ay tumigil na sa pananampalataya.” Sabi Ko, “Medyo malupit naman ang terminong ito—hindi ito nagbibigay ng anumang kaluwagan sa taong iyon. Kahit kailan ba ay may sinabi Akong gayong bagay? Paanong hindi Ko alam ang tungkol sa terminong ito? Kailanman ay hindi Ko inilarawan ang isang tao sa ganitong paraan, o sinabi na kung titigil ang isang tao sa paggawa ng tungkulin niya o lalayo sa Diyos ay ‘matutupok’ siya. Paano lumitaw ang terminong ito?” Kalaunan, natuklasan Kong nagsimula ang pariralang ito sa isang matandang mananampalataya, isang matandang mapagmarunong. Malawak ang kaalaman niya, matagal na siyang sumasampalataya sa Diyos, at may senyoridad siya. Nang sabihin niya ang pariralang ito, hindi gumamit ng pagkilatis ang grupong iyon ng mga naguguluhang tao at napulot nila ito sa kanya, at sumikat na ang pariralang ito. Sa palagay ba ninyo ay tama ang pariralang ito? May batayan ba ito? Tumpak ba ito? (Hindi, hindi ito tumpak.) Paano natin ito dapat tratuhin? Dapat ba itong pahintulutang magpatuloy sa iglesia? (Hindi, hindi dapat.) Dapat itong ilantad at punahin, at lutasin mula sa ugat nito. Pagkatapos, sa pamamagitan ng pagpuna at paghihimay, hindi na nangahas ang mga naguguluhang taong ito na ipagpatuloy ang pagsasabi rito, pero puwedeng palihim pa rin itong ginagamit ng ilang tao na hindi nasabihan kapag sila-sila lang. Siguro ay iniisip ng mga taong iyon na isa itong napaka-espirituwal na pariralang nagmula sa isang “kilalang tao” at naniniwala silang dapat na patuloy itong gamitin. Ginawa na ba ng mga lider ninyo ang parehong mga gawi? Negatibo na ba nilang naapektuhan ang inyong buhay pagpasok, pagbabago sa disposisyon, o ang landas na tinatahak ninyo? (Dati, noong nangangaral ng ebanghelyo, minsang sinabi ng isang huwad na lider, “Nilulupig tayo ng Diyos sa pamamagitan ng paghatol at pagkastigo, kaya kapag nangangaral tayo ng ebanghelyo sa mga relihiyosong tao, kailangan natin silang kausapin gamit ang isang mabagsik na tono, at sermunan sila; saka lang sila malulupig.”) Maaaring makatwirang pakinggan ang pahayag na ito, pero naaayon ba ito sa mga katotohanang prinsipyo? Itinuro ba ng Diyos sa mga tao na gawin ito? Sinasabi ba ng salita ng Diyos na, “Kapag malawak na ipinapangaral ang ebanghelyo, dapat kang tumindig at mamahala sa mga tao gamit ang kamay na bakal, gumamit ng paghatol at pagkastigo para malawak na ipangaral ang ebanghelyo”? (Hindi.) Kaya, saan nanggaling ang pahayag na ito? Malinaw na isa itong teoryang galing sa imahinasyon ng isang huwad na lider na walang espirituwal na pang-unawa. Sa panlabas, puwedeng tila hindi problematiko ang pahayag na ito: “Ang buong sangkatauhan ay dapat na sumailalim sa paghatol at pagkastigo ng Diyos. Kung hindi nila ito kayang direktang tanggapin mula sa mga salita ng Diyos, hindi ba nila ito kayang tanggapin nang hindi direkta? Ano’t anuman, iyon ang epektong nilalayong makamit ng mga salita ng Diyos—ang lupigin ang buong sangkatauhan. Hindi ba’t mas makakabuti para sa kanilang matanggap ito sa lalong madaling panahon? Bago kumilos ang Diyos, gagamitin natin ang paraan ng pag-iingat na ito, para magkaroon ang mga tao ng isang uri ng imyunidad. Pagkatapos, kapag tunay na silang hinahatulan at kinakastigo ng Diyos, hindi maghihimagsik, lalaban, o magkakanulo sa Diyos ang mga taong iyon. Maiiwasan nitong masaktan ang damdamin ng Diyos. Hindi ba’t mabuting bagay iyon?” Sa panlabas, tila tama ang bawat pangungusap, at sa pananalitang batay sa doktrina, parang lohikal ito. Gayumpaman, isa ba itong katotohanang prinsipyo? Ano ang mga itinakda ng sambahayan ng Diyos sa pangangaral ng ebanghelyo? Hinihingi ba nitong gawin ito ng mga tao? (Hindi.) Samakatwid, hindi makatwiran ang teoryang ito, at ang taong nagpanukala nito ay isang huwad na lider.

Madalas magkunwari ang mga huwad na lider na espirituwal sila, bumibigkas sila ng ilang panlilinlang para iligaw at ilihis ang mga tao. Bagamat maaaring tila hindi problematiko ang mga panlilinlang na ito sa panlabas, may masamang impluwensiya ang mga ito sa buhay pagpasok ng mga tao, ginugulo, inililigaw, at hinahadlangan ang mga tao mula sa pagtahak sa landas ng paghahangad sa katotohanan. Dahil sa mga huwad na espirituwal na salitang ito, nagkakaroon ng pagdududa at pagtutol sa mga salita ng Diyos ang ilang tao, nagkakaroon sila ng mga kuru-kuro, at maging ng mga maling pagkaunawa tungkol sa Diyos, at nagiging mapagbantay sila laban sa Diyos, at pagkatapos ay lumalayo sila sa Kanya. Ito ang epekto sa mga tao ng mga huwad na espirituwal na kasabihan ng mga huwad na lider. Habang inililigaw at iniimpluwensiyahan ng isang huwad na lider ang mga miyembro ng isang iglesia, nagiging isang relihiyon ang iglesiang iyon, gaya ng Kristiyanismo o Katolisismo, kung saan sumusunod lang ang mga tao sa mga kasabihan at turo ng tao. Lahat sila ay sumasamba sa mga turo ni Pablo, umaabot pa sa puntong ginagamit nila ang kanyang mga salita bilang kapalit ng mga salita ng Panginoong Jesus, sa halip na sundin ang daan ng Diyos. Bilang resulta, lahat sila ay nagiging mapagpaimbabaw na mga Pariseo at anticristo. Dahil dito, isinusumpa at hinahatulan sila ng Diyos. Gaya ni Pablo, itinataas at pinatototohanan ng mga huwad na lider ang sarili nila, inililigaw at ginugulo nila ang mga tao. Inililihis nila ang mga tao at inaakay sa mga ritwal na panrelihiyon, at nagiging katulad na rin ng sa mga relihiyosong tao ang paraan ng pananampalataya nila sa Diyos, na humahadlang sa pagpasok nila sa tamang landas sa kanilang pananalig sa Diyos. Patuloy na inililigaw at ginugulo ng mga huwad na lider ang mga tao, at dahil dito, nagsasabi ang mga taong iyon ng samot-saring huwad na espirituwal na teorya at kasabihan. Ang mga teorya, kasabihan, at pagsasagawang ito ay lubos na salungat sa katotohanan, at walang anumang kinalaman dito. Pero habang inililigaw at inililihis ng mga huwad na lider ang mga tao, ang mga bagay na ito ay itinuturing nilang positibo, bilang ang katotohanan. Mali ang paniniwala nila na ang mga ito ang katotohanan, at iniisip nila na hangga’t naniniwala sila sa mga bagay na ito sa kanilang puso at mahusay nilang nasasabi ang mga ito, at hangga’t sinasang-ayunan ng lahat ang mga bagay na iyon, ay nakamit na nila ang katotohanan. Dahil inililigaw ng mga saloobin at pananaw na ito, hindi lamang hindi maunawaan ng mga tao ang katotohanan, kundi hindi rin nila maisagawa o maranasan ang mga salita ng Diyos, lalo na ang magawang pumasok sa katotohanang realidad. Sa kabaligtaran, lalo pa silang napapalayo sa mga salita ng Diyos at lalo pang napapalayo sa pagpasok sa katotohanang realidad. Sa teorya, walang mali sa mga salitang sinasabi ng mga huwad na lider at sa mga salawikaing isinisigaw nila, tama ang lahat ng iyon. Kung gayon ay bakit wala silang anumang nakakamit? Ito ay dahil napakababaw lang ng nauunawaan at naaarok ng mga huwad na lider. Lahat ng ito ay batay sa doktrina, na walang kinalaman sa katotohanang realidad sa mga salita ng Diyos, sa mga hinihingi ng Diyos o sa Kanyang mga layunin. Ang katunayan ay lahat ng doktrinang ipinangangaral ng mga huwad na lider ay kulang na kulang sa katotohanang realidad—para maging tumpak, walang kinalaman ang mga iyon sa katotohanan ni sa mga salita ng Diyos. Kaya, kapag madalas na binibigkas ng mga huwad na lider ang mga salita at doktrinang ito, saan ito nakaugnay? Bakit ba palagi silang hindi makapasok sa katotohanang realidad? Ito ay direktang nakaugnay sa kakayahan ng mga huwad na lider. Tiyak na tiyak na ang mga huwad na lider ay may mahinang kakayahan at walang abilidad na maarok ang katotohanan. Kahit ilang taon na silang sumasampalataya sa Diyos, hindi nila mauunawaan ang katotohan o hindi sila magkakaroon ng buhay pagpasok, at masasabi rin na kahit ilang taon na silang sumasampalataya sa Diyos, hindi magiging madali para sa kanila na pumasok sa katotohanang realidad. Kung hindi matatanggal ang isang huwad na lider, at pahihintulutang manatili sa kanyang posisyon, anong uri ng mga kahihinatnan ang mangyayari? Parami pa nang paraming tao ang mahahatak ng pamumuno niya sa mga relihiyosong ritwal at regulasyon, sa mga salita at doktrina, at sa malalabong kuru-kuro at imahinasyon. Taliwas sa mga anticristo, hindi inaakay ng mga huwad na lider ang mga tao na humarap sa kanila o kay Satanas, pero kung hindi nila maaakay ang hinirang na mga tao ng Diyos sa katotohanang realidad ng Kanyang mga salita, matatamo ba ng hinirang na mga tao ng Diyos ang Kanyang pagliligtas? Magagawa ba silang perpekto ng Diyos? Talagang hindi. Kung ang hinirang na mga tao ng Diyos ay hindi makapapasok sa katotohanang realidad, hindi ba’t namumuhay pa rin sila sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas? Hindi ba’t mga imoral pa rin sila na nasa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas? Hindi ba’t ibig sabihin nito ay mapapahamak sila sa mga kamay ng mga huwad na lider? Iyon ang dahilan kung bakit halos pareho ang mga kahihinatnan ng gawain ng mga huwad na lider at ng mga anticristo. Pareho nilang hindi matutulungan ang hinirang na mga tao ng Diyos na maunawaan ang katotohanan, makapasok sa realidad, at matamo ang kaligtasan. Pareho nilang pinipinsala ang hinirang na mga tao ng Diyos at dinadala ang mga ito sa kapahamakan. Parehong-pareho ang mga kinahihinatnan.

Ano ang ilan sa mga mali at nakalilinlang na paniniwala ng mga huwad na lider? Ibuod ninyo ang mga iyon mamaya. Iniiwan Ko sa inyo ang takdang araling ito para makita kung nakikilatis ninyo ang mga iyon. Kahit kailan ba ay nagsabi na ang mga lider sa paligid ninyo ng ilang salita na espirituwal o naaayon sa mga sentimyento ng tao at, sa panlabas, parang tama at naaayon sa katotohanan pero hindi nakakapagtustos para sa buhay pagpasok mo at hindi nakakalutas ng mga aktuwal mong problema? Kung wala kang pagkilatis sa mga salitang ito at pinahahalagahan at isinasapuso mo pa ang mga ito, hinahayaan ang mga itong mangibabaw sa iyo at mag-akay sa iyo sa lahat oras, at impluwensiyahan ang mga iniisip at asal mo sa lahat ng oras, hindi ba’t medyo malubha ang mga kahihinatnan nito? (Oo.) Kung ganoon ay mahalagang ungkatin ninyo ang ugat ng mga isyung ito, para makita kung anong mga bagay ang mga mali at nakalilinlang na paniniwalang nakakababa sa mga tao hanggang sa puntong nagiging relihiyosong pananampalataya na ang pananalig nila sa Diyos, na nagreresulta sa paglaban nila sa Diyos at pagtanggi sa kanila ng Diyos. Halimbawa, ipagpalagay nang sinasabi ng isang tao, “Huwag kang magsikap na maging isang lider. Kung matatanggal o matitiwalag ka pagkatapos maging lider, ni hindi ka magkakaroon ng pagkakataong maging isang karaniwang mananampalataya.” Isa bang mali at nakalilinlang na paniniwala ng mga huwad na lider ang ganitong uri ng pananalita? (Oo.) Ganoon ba? Dapat na mapag-iba ang mga mali at nakalilinlang na paniniwala ng mga huwad na lider mula sa mga mali at nakalilinlang na paniniwala ng mga anticristo; huwag ninyong paghalu-haluin ang mga iyon. Ano ang ibig sabihin ng taong iyon sa pagsasabi ng mga gayong bagay? Anong mga motibasyon ang nakatago sa mga salitang ito? May kahina-hinalang bagay bang nakapaloob sa mga iyon? Malinaw na naglalaman ang mga iyon ng isang panlalansing naglalayong manlihis ng mga tao, ang ibig sabihin ng mga iyon ay na dapat iwasan ng ibang taong magsikap na maging lider, na hindi magiging maganda ang kalalabasan ng paggawa niyon. Ang layon nila sa pagsasabi nito ay hikayatin ang mga taong kalimutan ang ideya na maging isang lider para walang sinumang makikipagkompetensiya sa kanila para sa reputasyon at katayuan, sa gayon ay binibigyang-daan silang mapanatag sa pagiging lider habambuhay. Kasabay niyon, sinasabi nila sa mga tao, “Ganito tinatrato ng sambahayan ng diyos ang mga lider at manggagawa, itinataas nito ang posisyon mo kapag kailangan ka nito at kapag hindi, sinisipa ka nito papunta sa pinakamababang antas, hindi ka binibigyan ng pagkakataong maging karaniwang mananampalataya man lang.” Ano ang kalikasan ng mga salitang ito? (Paglapastangan sa Diyos.) Anong uri ng tao ang nagsasabi ng mga salitang lumalapastangan sa Diyos? (Isang anticristo.) Nakapaloob sa mga salitang ito ang dalawang masamang layuning puwedeng humantong sa dalawang kahihinatnan: Ang isa ay ang pagsasabi sa iba na huwag talagang makipagkompetensiya para sa katayuan, na nagtitiyak na nananatiling matatag ang sarili nilang katayuan; ang isa naman ay ang pagdudulot sa iyong magkamali ng pagkaunawa sa Diyos, tumigil sa pananampalataya sa Diyos at sa halip ay magsimulang maniwala sa kanila. Ito ang pinakalantarang uri ng anticristo. Parang wala kayong kakayahang makaarok; nagbigay na Ako dati ng mga halimbawa nito. Bukod sa pabaya at mahina ang memorya ninyo, wala rin kayong kakayahang makaarok. Ni hindi ninyo kayang kilatisin ang ganoon kalinaw na anticristo. Magsasabi ba ang mga huwad na lider ng mga gayong bagay? Sadya at lantaran ba silang manlilihis ng mga tao at lalaban sa Diyos? (Hindi.) Kahit na sa panlabas ay maaaring tila hindi problematiko ang mga bagay na sinasabi at ginagawa ng mga huwad na lider, ang gawain nila ay walang mga prinsipyo at hindi magkakaroon ng mga resulta. Ang mga huwad na lider ay hindi kayang lutasin ang anuman sa mga problema ng mga tao, dalhin ang mga ito sa tamang landas ng pananalig sa Diyos, o akayin ang mga ito papunta sa harapan ng Diyos. Tama ang lahat ng sinasabi nila, hindi talaga nila ginawa nang pabasta-basta ang gawain nila, may sigasig at marubdob na damdamin sila, at sa panlabas ay parang may pananalig sila, may kapasyahan, at handa silang magtiis ng paghihirap at magbayad ng halaga. Dagdag pa rito, tila pambihira ang pagtitiis nila at nakakapagpursige sila sa kabila ng lahat ng uri ng pagod at paghihirap. Kaya lang ay mahina ang kanilang kakayahan at kakayahang makaarok, at wala silang tumpak na pagkaarok sa katotohanan. Ano ang ginagawa nila tungkol sa kawalan ng kakayahang makaarok na ito? Gumagamit sila ng mga patakaran at doktrina, pati na ng mga espirituwal na teoryang madalas nilang tinatalakay, para lutasin ang problemang ito. Pagkalipas ng ilang taon sa ilalim ng pamumuno nila, nagkakaroon ang mga tao ng kung ano-anong uri ng mga doktrina, patakaran, at panlabas na pagsasagawa. Sinusunod ng mga tao ang mga doktrina, patakaran, at pagsasagawang ito, at naniniwala silang isinasagawa nila ang katotohanan at pumapasok sila sa katotohanang realidad, pero ang totoo, napakalayo pa rin nila sa katotohanang realidad! Sa sandaling mapuno, mapangibabawan, at maakay ng mga bagay na ito ang puso ng mga tao, magiging mahirap na ang magkaroon ng kalutasan. Ang bawat isa ay dapat na hiwa-hiwalay na mahimay at masuri para maunawaan ng mga tao ang mga ito. Pagkatapos, dapat na masabi sa mga tao kung ano ang katotohanan, ang mga doktrina, salawikain, at patakaran, at kung ano ang tamang pagkaarok sa katotohanan, sa mga tumpak na kasabihan, at sa mga katotohanang prinsipyo. Ang lahat ng ito ay kailangang lutasin nang isa-isa; kung hindi, malilihis at masisira ng mga huwad na lider ang mga taong medyo may mabuting asal, sumusunod sa mga panuntunan, at naghahangad sa espirituwalidad. Ang mga taong ito ay maaaring tila deboto, kayang magtiis ng paghihirap at magbayad ng halaga, at nakakapagdasal kapag may mga bagay na nangyayari sa kanila. Gayumpaman, katulad lang ng mga relihiyosong tao, kapag bumalik ang Diyos, wala sa kanila ang nakakakilala sa Kanya, wala sa kanila ang kumikilala na gumagawa ulit ng bagong gawain ang Diyos, at nilalabanan nilang lahat ang Diyos. Bakit ganito? Ito ay dahil nalihis na sila ng mga huwad na lider at anticristo—napinsala at nasira na ng mga ito ang maraming taos-pusong mananampalataya ng Diyos.

Ang mga huwad na lider ay nagsasabi lang ng mga salita at doktrina—ang ipinauunawa nila sa mga tao ay doktrina lang at hindi ang katotohanan, at ang ipinapakita nila sa mga tao ay huwad na espirituwalidad lang. Ano ang mga kahihinatnan ng pagsasabi ng mga salita at doktrina? Huwad na espirituwalidad, huwad na pagkaunawa, huwad na kaalaman, huwad na pagsasagawa, at huwad na pagsunod—ang lahat ng ito ay huwad. Paano ba nagsisimula ang “pagiging huwad” na ito? Ito ay dulot ng pagkakaroon ng mga huwad na lider ng baluktot, may kinikilingan, at paimbabaw na pagkaarok sa katotohanan, at ng ganap na pagkabigo nilang arukin ang diwa ng katotohanan. Binibigyan ng mga huwad na lider ang mga tao ng maraming panuntunan, salita at doktrina, pati na ng ilang salawikain at teorya. Hindi talaga nauunawaan ng mga taong iyon ang tunay na mga layunin ng Diyos, at kapag nahaharap sila sa iba’t ibang masalimuot na sitwasyon, hindi nila alam kung paano pangangasiwaan at haharapin ang mga iyon, o kung paano aarukin ang mga layunin ng Diyos. Kaya bang humarap sa Diyos ng mga gayong tao? Kaya ba nilang tanggapin ang Diyos at itigil ang paglaban sa Kanya? Hindi, hindi nila kaya. Samakatwid, napakahalaga sa inyo at kailangan ninyong ibuod ang mga mali at nakalilinlang na paniniwala ng mga huwad na lider at magkaroon kayo ng pagkilatis sa mga iyon. Kapag nagbubuod, mahalagang mapag-iba ang mga iyon sa mga nakalilinlang na paniniwalang ginagamit ng mga anticristo para manlihis ng mga tao. Tungkol naman sa pangalawang responsabilidad ng mga lider at manggagawa—ang maging pamilyar sa mga kalagayan ng bawat uri ng tao, at lutasin ang iba’t ibang paghihirap na may kaugnayan sa buhay pagpasok na hinaharap nila sa tunay nilang mga buhay—dito na natin tatapusin ang pagbabahaginan natin sa paghihimay sa iba’t ibang pagsasagawa ng mga huwad na lider at sa diwa ng mga isyu sa mga huwad na lider.

Ikatlong Aytem: Ibahagi ang Mga Katotohanang Prinsipyo na Dapat Maunawaan para Magampanan nang Maayos ang Bawat Tungkulin (Unang Bahagi)

Kaya Lang ng Mga Huwad na Lider na Magsabi ng Mga Salita at Doktrina para Paalalahanan ang Mga Tao

Susunod, pagbabahaginan natin ang tungkol sa pangatlong responsabilidad ng mga lider at manggagawa—ang ibahagi ang mga katotohanang prinsipyo na dapat maunawaan para magampanan nang maayos ang bawat tungkulin. Mahalaga at pundamental na gawain ito ng mga lider at manggagawa, at pagbabahaginan at hihimayin natin ang mga pagpapamalas ng mga huwad na lider batay sa responsabilidad na ito. Ang kakayahan ng isang lider o manggagawa na malinaw na magbahaginan tungkol sa mga katotohanang prinsipyong dapat maunawaan ng mga tao para magawa nang maayos ang mga tungkulin ng mga ito ang pinakamainam na indikasyon kung nagtataglay ba sila ng katotohanang realidad, at ito ang susi sa pagtukoy kung kaya nilang gumawa ng tunay na gawain nang maayos. Ngayon, tingnan natin kung paano pinangangasiwaan ng mga huwad na lider ang gawaing ito. Ang isang katangian ng mga huwad na lider ay ang kanilang kawalan ng kakayahan na ipaliwanag o linawin nang lubusan ang anumang isyu na may kinalaman sa mga katotohanang prinsipyo. Kapag may naghahanap mula sa kanila, ilang walang kabuluhang salita at doktrina lang ang kaya nilang sabihin sa mga ito. Kapag nahaharap sa mga problemang nangangailangan ng solusyon, madalas silang sumasagot ng pahayag na tulad nito, “Eksperto kayong lahat sa paggawa ng tungkuling ito. Kung may mga problema kayo, dapat kayo mismo ang lumutas sa mga ito. Huwag ninyo akong tanungin; hindi ako eksperto, at hindi ko nauunawaan ito. Kayo mismo ang umayos nito.” Maaring sumagot ang ilang tao, “Tinatanong ka namin dahil hindi namin malutas ang problema; hindi ka namin tatanungin kung kaya naman namin. Hindi namin nauunawaan ang problemang ito na may kinalaman sa mga katotohanang prinsipyo.” Tumutugon ang mga huwad na lider, “Hindi ba’t nasabi ko na sa inyo ang mga prinsipyo? Gawin ninyong mabuti ang inyong mga tungkulin, at huwag kayong lumikha ng mga kaguluhan o pagkagambala. Ano pa ang tinatanong ninyo? Pangasiwaan ninyo ito ayon sa paraang sa tingin ninyo ay angkop! Nasabi na ang mga salita ng Diyos: Unahin ang mga interes ng sambahayan ng Diyos.” Litong-lito ang mga taong iyon, iniisip nila, “Hindi ito solusyon sa problema!” Ganito tinatrato ng mga huwad na lider ang gawain; tinitingnan lang nila ito, iniraraos lang ang mga gawain, at hindi nila kailanman hinaharap ang mga problema. Anuman ang mga isyung inuulat ng mga tao, sinasabi ng mga huwad na lider na sila na ang maghanap sa katotohanan. Madalas nilang tanungin ang mga tao, “Mayroon ba kayong anumang problema? Kumusta ang inyong buhay pagpasok? Ginagawa ba ninyo ang inyong mga tungkulin nang pabasta-basta?” Sumasagot ang mga tao ng ganito, “Paminsan-minsan, napapansin kong nagiging pabasta-basta ako, at sa pamamagitan ng panalangin, nalulutas ko ito at nagbabago ako, ngunit hindi ko pa rin nauunawaan ang mga katotohanang prinsipyo sa paggawa ng aking tungkulin.” Sinasabi ng mga huwad na lider, “Hindi ba’t ibinahagi ko na sa iyo ang mga partikular na prinsipyo noong huling pagtitipon? Binigyan pa nga kita ng ilang sipi ng mga salita ng Diyos. Hindi ba’t dapat ay nauunawaan mo na ngayon?” Sa katunayan, nauunawaan nila ang lahat ng doktrina, ngunit hindi pa rin nila nalulutas ang kanilang mga problema. Naglilitanya pa nga ang mga huwad na lider ng mga salitang matayog kung pakinggan, “Bakit hindi mo ito malutas? Hindi mo lang nabasa nang mabuti ang mga salita ng Diyos. Kung mas mananalangin at mas magbabasa ka pa ng mga salita ng Diyos, malulutas ang lahat ng problema mo. Kailangan ninyong matutong mag-usap at maghanap ng paraan nang magkakasama, saka malulutas ang inyong mga problema. Tungkol naman sa mga propesyonal na isyu, huwag ninyo akong tanungin; ang responsabilidad ko ay ang suriin ang gawain. Natapos ko na ang tungkulin ko, at ang natitira ay mga propesyonal na usapin na hindi ko nauunawaan.” Madalas gumagamit ang mga huwad na lider ng mga dahilan at palusot tulad ng “Hindi ko nauunawaan, hindi ko ito kailanman natutunan, hindi ako eksperto” upang iwasan ang mga tao at takasan ang mga tanong. Maaaring mukha silang napakamapagkumbaba; gayumpaman, nilalantad nito ang isang malubhang isyu sa mga huwad na lider—wala silang anumang pag-unawa sa mga problemang may kinalaman sa propesyonal na kaalaman sa ilang gampanin, pakiramdam nila ay wala silang kapangyarihan at mukha silang asiwang-asiwa at nahihiya. Ano ang ginagawa nila kung gayon? Maaari lamang nilang tipunin ang ilang sipi ng mga salita ng Diyos upang ibahagi sa lahat sa mga pagtitipon, tinatalakay ang ilang doktrina upang himukin ang mga tao. Ang mga lider na may kaunting kabutihan ay maaaring magpakita ng malasakit sa mga tao at tanungin sila paminsan-minsan, “May mga kinaharap ba kayong suliranin sa inyong buhay kamakailan? May sapat ba kayong damit na masusuot? Mayroon bang sinuman sa inyo ang hindi umaasal nang maayos?” Kung sasabihin ng lahat na wala silang mga ganoong isyu, sasabihin nila, “Kung gayon ay walang problema. Ipagpatuloy ninyo ang inyong gawain; may iba pa akong kailangang asikasuhin,” at agad na silang umaalis, natatakot sila na may magtanong at hilingin sa kanila na ayusin ito, inilalagay sila sa nakakahiyang sitwasyon. Ganito gumagawa ang mga huwad na lider—hindi nila kayang lutasin ang anumang tunay na problema. Paano nila epektibong maisasagawa ang gawain ng iglesia? Dahil dito, humahadlang kalaunan sa gawain ng iglesia ang mga naipong isyu na hindi nalutas. Pangunahin itong katangian at pagpapamalas ng kung paano gumawa ang mga huwad na lider.

Sa gawain nila, masigasig lang ang mga huwad na lider sa pangangaral, at pinakagusto nilang magsabi ng mga salita at doktrina, at magsabi ng mga salita para hikayatin at pagaanin ang loob ng mga tao, iniisip na basta’t nahihikayat nila ang mga taong maging malakas at abala sa pagganap ng mga tungkulin ng mga ito, pareho na rin ito ng paggawa ng mahusay na trabaho. Dagdag pa rito, maalab ang damdamin ng mga huwad na lider sa pagmamalasakit sa kalagayan ng pang-araw-araw na buhay ng bawat tao. Madalas nilang tinatanong ang mga tao kung nakakaharap ang mga ito ng anumang paghihirap tungkol doon, at kung talagang nakakaharap ng paghihirap ang sinuman, handa silang tumulong na lutasin ang mga paghihirap na ito. Talagang nagpapakaabala sila sa mga pangkalahatang gawaing ito, kung minsan ay ipinagpapaliban pa ang pagkain, at madalas na nagpupuyat at gumigising nang maaga. Kung napakaabala nila at nagtatrabaho sila nang husto, bakit nananatiling hindi nalulutas ang mga problema sa gawain ng iglesia at ang mga paghihirap na hinaharap ng hinirang na mga tao ng Diyos sa paggawa ng mga tungkulin ng mga ito? Ito ay dahil hindi kailanman kayang ipaliwanag nang malinaw ng mga huwad na lider ang mga katotohanang prinsipyong may kaugnayan sa paggawa ng mga tungkulin. Ang mga salita at doktrina, at panghihikayat na sinasabi nila ay ganap na hindi epektibo at hindi talaga kayang lumutas ng tunay na mga isyu. Gaano man karami ang sinasabi nila o gaano man sila kaabala o kapagod, hindi kailanman umuusad ang gawain ng iglesia. Kahit na sa panlabas ay tila ginagawa ng lahat ang mga tungkulin nila, hindi sila nagkakamit ng maraming aktuwal na resulta, dahil hindi nagagawang pagbahaginan ng mga huwad na lider ang mga katotohanang prinsipyong nauugnay sa paggawa ng mga tungkulin, o nagagamit ang katotohanan para lutasin ang tunay na mga isyu—samakatwid, hindi sila nakakalutas ng maraming isyung umiiral sa pagganap ng mga tungkulin. Halimbawa, minsan ay kinailangan ng sambahayan ng Diyos na magpaimprenta ng mga aklat ng mga salita ng Diyos, at kinailangang pumili ng lider ng dalawang tao na mangangasiwa sa gampaning ito. Ano ang mga pamantayan sa pagpili ng mga tao? Dapat ay medyo mabuti ang pagkatao nila, dapat ay maaasahan sila, at kaya nilang sumuong sa mga panganib. Pagkatapos mapili ang mga indibidwal, sinabi sa kanila ng lider na ito, “Ngayong araw, ipinatawag ko kayong dalawa para ipagkatiwala sa inyo ang isang bagay: May aklat na kailangang ipaimprenta ang sambahayan ng Diyos, at kailangan ko kayong humanap ng imprenta, at pagkatapos maimprenta ang lahat ng kopya, dapat ay agad ninyong maipamigay ang mga iyon sa hinirang na mga tao ng Diyos, para makakain at makainom sila ng mga salita ng Diyos nang walang pagkaantala. Determinado ba kayong isakatuparan ang gampaning ito? Handa ba kayong akuin ang pasanin at panganib na ito?” Naniwala ang dalawang taong ito na pagtataas ito ng Diyos sa kanila, kaya umoo sila. Pagkatapos ay tinanong sila ng lider, “Nagpapasya ba kayong tuparin ang atas ng Diyos? Handa ba kayong sumumpa?” Pagkatapos ay sumumpa ang dalawang indibidwal, sinasabi, “Kung hindi namin kayang tuparin ang atas ng Diyos at mabubulilyaso namin ang gampaning ito, na magdudulot ng mga kawalan sa sambahayan ng Diyos, tamaan nawa kami ng kidlat at kulog mula sa langit. Amen!” Sinabi ng lider, “Isa pa, kailangan nating magbahaginan tungkol sa katotohanan. Sa paggawa ng gawaing ito ngayon, nagnenegosyo ba kayo? Hinihingi ba sa inyong magtrabaho bilang empleyado?” Sumagot ang dalawang tao, “Hindi, tungkulin namin ito.” Sinabi ng lider, “Dahil tungkulin ninyo ito, dapat ninyong suklian ang pagmamahal ng Diyos. Hindi ninyo puwedeng pasamain ang loob ng Diyos o pag-alalahin Siya. Hindi sapat ang maging handang sumuong sa panganib; kailangan ninyong gawin ang tungkulin ninyo nang may katapatan. Kapag nakaharap kayo ng mga isyu, dapat ay mas magdasal kayo at sumangguni sa isa’t isa. Huwag kayong maging sutil o kumilos ayon sa sarili ninyong kalooban. Bakit pinagpareha ko kayong dalawa? Ito ay para matalakay ninyo ang mga bagay-bagay kapag may mga nangyayari, na magpapadali para sa inyong kumilos. Kung hindi kayo magkasundo, magdasal kayo. Dapat bitiwan ng bawat tao ang sariling nilang mga opinyon, at kumilos lang kapag may pagkakasunduan na kayo. Umaasa ako na matatapos ninyo nang matagumpay ang gawaing ito!” Sa wakas, nakahanap ang lider na ito ng isang sipi ng mga salita ng Diyos tungkol sa paraan ng paggawa nang maayos sa tungkulin ng isang tao, at silang tatlo ay dinasal-binasa ito nang ilang beses. Pagkatapos niyon, itinuring na naipagkatiwala na sa kanila ang bagay na iyon, at itinuring nang natupad ang responsabilidad ng lider. Kumusta ang pagganap ng lider sa gawaing ito? Medyo kontento ang lider, ganoon din ang dalawang indibidwal na iyon. Nagkomento ang mga nagmamasid, “May kaunting nalalaman talaga ang lider na ito sa paggawa ng gawain; napakaorganisado at napakamakatwiran ng pananalita niya, at hakbang-hakbang ang paggawa niya sa mga bagay-bagay. Una, itinalaga niya ang gawain sa dalawang iyon, pagkatapos, nilutas niya ang mga isyu nila na may kinalaman sa mga kaisipan at pananaw, at panghuli, nagsabi siya ng ilang mahigpit na salita, pinasumpa at pinangako sila. Talagang ginawa niya ang gawaing ito sa isang sistematikong paraan, at talagang karapat-dapat siya sa titulo ng lider—bihasa siya at nagdadala ng pasanin.” Sa huli, sinabi sa kanila ng lider, “Tandaan ninyo ito: Hindi isang madaling gampanin ang pagpapaimprenta ng mga aklat, hindi ito isang bagay na kayang akuin ng isang karaniwang tao. Hindi ako o ang sambahayan ng Diyos ang nagkatiwala sa inyo ng gawaing ito; isa itong atas mula sa Diyos. Dapat ay hindi ninyo Siya biguin. Basta’t matapos ninyo nang maayos ang gawaing ito, uusad ang buhay ninyo, at magkakaroon kayo ng realidad.” Sa teorya, walang anumang isyu ng prinsipyo sa mga salitang ito; halos maituturing na tama ang mga ito. Kaya, suriin natin ang bagay na ito at tingnan natin kung saan napamalas ang “huwad” sa huwad na lider na ito. Nagbigay ba ang lider ng anumang tagubilin tungkol sa iba’t ibang detalyadong isyu, tulad ng mga propesyonal at teknikal na aspektong may kaugnayan sa gampaning ito? Nakipagbahaginan ba siya tungkol sa anumang partikular na katotohanang prinsipyo o hinihinging pamantayan? (Hindi.) Bumigkas lang siya ng ilang walang kabuluhan at walang katuturang salita—mga salitang madalas sabihin ng karamihan ng tao, mga salitang walang anumang bigat. Dahil personal na nagsalita at nagbigay ng mga tagubilin ang lider, itinuring ng mga tao na mas matimbang ang mga salitang ito kaysa sa karaniwan, pero sa realidad, mga walang kaugnayang pananalita ang mga iyon at wala talagang epekto sa paglutas ng anumang tunay na isyung may kaugnayan sa pagpapaimprenta ng mga aklat. Kaya, ano ang ilang partikular na isyung may kinalaman sa pagpapaimprenta ng mga aklat? Dapat nating talakayin ang mga iyon at tingnan kung ang gawaing ginawa ng lider na ito ay sa isang huwad na lider.

Una, ang pagpapaimprenta ng mga aklat ay may nakapaloob na pag-aayos ng tipo, at pagkatapos, nariyan ang pagwawasto sa teksto, pagbabalangkas sa talaan ng mga nilalaman at sa pangunahing teksto, pati na ang kapal, kulay, at kalidad ng papel. Nariyan din ang materyal ng pabalat, kung dapat ba na malambot o matigas ito, at ang disenyo, kulay, pattern, at istilo ng titik para sa pabalat. Panghuli, nariyan ang pagbibigkis, kung gagamitan ba ng pandikit o pagtatahi. Ang mga ito ay mga isyung pawang nasasaklaw ng pagpapaimprenta ng aklat. Tinalakay ba ng lider ang alinman sa mga ito? (Hindi.) Ang isa pang isyu ay ang paghahanap ng imprenta: kung makabago ba ang mga makina ng pagpapaimprenta at pagbibigkis, kung ano ang kalidad ng pagpapaimprenta at pagbibigkis, at ang pagpepresyo—hindi ba’t dapat ay nagbigay siya ng mga tagubilin para sa lahat ng bagay na ito, pati na ng mga prinsipyo at saklaw? Kung sinabi ng lider, “Hindi ko nauunawaan ang mga bagay na ito; maghanap na lang kayo ng kahit na ano,” magiging kapaki-pakinabang na lider ba siya? Mapapalitan ba ng mga walang kaugnayang salitang sinabi niya ang iba’t ibang detalyadong isyung may kinalaman sa pagpapaimprenta ng aklat? (Hindi.) Pero, inakala ng huwad na lider na ito na mapapalitan ng mga ito ang mga iyon. Naisip niya, “Napakarami ko nang napagbahaginang katotohanan, at nasabi ko na sa kanila ang lahat ng prinsipyo. Dapat nilang maunawaan ang mga bagay na ito!” Ang “dapat” na ito ang lohika at paraan sa paglutas ng problema ng huwad na lider na ito. Sa huli, nang maimprenta na ang mga aklat, dahil napakababa ng kalidad at napakanipis ng papel, nakikita ang teksto sa magkabilang pahina, na masyadong nagpahirap sa matatandang indibidwal at mga taong malabo ang mata na basahin ang mga aklat. Nariyan din ang isyu ng panghuling hakbang, ang proseso ng pagbibigkis—kung pasok ba sa pamantayan ang pagbibigkis o hindi ay nakakaapekto sa pangkalahatang kalidad at itatagal ng isang aklat. Dahil hindi nagbigay ng mga tagubilin ang lider, at ang mga taong nagsakatuparan ng gawaing ito ay walang mga prinsipyo at karanasan, at iresponsableng nakipagtawaran, hindi maayos ang trabahong ginawa ng imprenta at gumamit ito ng mahihinang klaseng materyales para hindi ito malugi, at sa wakas, nang maipamigay ang mga aklat sa mga kapatid ay nagsimulang magkasira-sira ang mga iyon sa loob lang ng dalawang buwan. Nalagas ang mga pabalat at pahina, at nawalan ng saysay ang trabaho ng pagpapaimprenta. Kaninong pananagutan ito? Kung may papanagutin, ang direktang pananagutan ay nasa dalawang taong nangasiwa sa pagpapaimprenta ng mga aklat, at ang hindi direktang pananagutan ay mapupunta sa huwad na lider. May palusot pa nga ang huwad na lider, sinasabi niya, “Hindi ninyo ako masisisi sa pagpalpak ng trabahong ito; hindi ko rin ito nauunawaan! Kailanman ay hindi pa ako nakakapagpaimprenta ng mga aklat, at hindi ako nagmamay-ari ng imprenta. Paano ko malalaman ang mga bagay na ito?” May batayan ba ang palusot na ito? Bilang isang lider, nasa saklaw ng mga responsabilidad mo ang gawaing ito. Gawain man ito na may kaugnayan sa isang propesyon, kasanayan, isang uri ng kaalaman, o sa katotohanan, hindi mo kailangang maunawaan ang bawat bahagi nito, pero nagsikap ka bang matutuhan ang hindi mo nalalaman? Tinupad mo ba ang mga responsabilidad mo sa isang seryoso at maingat na paraan? Puwedeng sabihin ng ilang tao, “Gusto kong tuparin ang mga responsabilidad ko, pero hindi ko rin ito nauunawaan. Kahit gaano ko subukang matuto, hindi ko talaga ito makuha!” Ibig sabihin nito, bilang isang lider, hindi ka pasok sa pamantayan; isa kang ganap na huwad na lider. Medyo naghinanakit ang mga kapatid dahil sa mababang kalidad ng mga aklat, sinabing, “Kahit na wala kaming ginastos sa mga aklat na ito, masyadong mababa ang kalidad nito! Paano ba ginawa ng lider na ito ang trabaho niya? Paano ba niya isinakatuparan ang gawaing ito?” Nang marinig ito ng lider, tumugon siya, “Masisisi ba ninyo ako riyan? Hindi ako ang may-ari ng imprenta, at wala sa akin ang huling pasya. Higit pa riyan, hindi ba’t pagtitipid ito ng pera para sa sambahayan ng Diyos? Mali bang magtipid ng pera para sa sambahayan ng Diyos?” Tama ang mga salita ng lider, hindi mali ang mga ito; hindi kailangan ng lider na umako ng legal na pananagutan. Gayumpaman, may isang problema, iyon ay na nasayang ang perang ginastos sa pagpapaimprenta sa mga aklat. Nagsimulang magkasira-sira at malagasan ng mga pahina ang mga aklat na ipinamigay sa mga kapatid sa loob lang ng dalawang buwan. Sino ang dapat magpasan ng mga kahihinatnan? Hindi ba’t pananagutan ito ng lider? Nangyari ito sa saklaw ng gawain mo, sa panahong nagsilbi ka bilang lider, kaya hindi ba’t dapat ikaw ang managot? Kailangan mong pasanin ang sisi; hindi mo maitatanggi ang pananagutan mo! Puwede pa ngang magsalita sa hindi makatwirang paraan ang ilang tao, sabihing, “Kailanman ay hindi ko pa nagagawa ang trabahong ito. Hindi ba ako puwedeng magkamali sa isang trabahong hindi ko pa kailanman nagagawa?” Batay lang sa pahayag na ito, hindi ka bagay sa trabaho mo, at dapat kang tanggalin. Hindi ka nababagay na maging lider; talagang huwad na lider ka. Ang pagsasabi ng maraming masarap-pakinggang salita, pero hindi paggawa ng anumang tunay na gawain—ito ang pinakamaliwanag na pagpapamalas ng isang huwad na lider.

Ang ilang huwad na lider ay hindi magawa nang maayos at nang kongkreto ang bawat aytem ng tunay na gawain sa praktikal na paraan. Kaya lang nilang mag-asikaso ng ilang pangkalahatang gawain, at pagkatapos ay iniisip na nilang pasok sila sa pamantayan bilang lider, na kahanga-hanga sila, at madalas silang nagyayabang, sinasabing, “Kailangan kong alalahanin ang lahat ng bagay sa iglesia, at kailangan kong tugunan ang bawat problema. Kaya ba ng iglesia nang wala ako? Kung hindi ako magdadaos ng mga pagtitipon para sa inyo, hindi ba’t magiging watak-watak kayo? Kung hindi ko binantayan o tinulungang pangasiwaan ang gawain ng paggawa ng pelikula, hindi ba’t palaging magkakaroon ng mga taong manggugulo rito? Uusad ba nang maayos ang gawain ng paggawa ng pelikula? Kahit na hindi ako propesyonal sa gawain ng paggawa ng himno, kung hindi ako madalas na pumunta para siyasatin ang gawain ninyo, panatilihin ang kaayusan para sa inyo, at nag-organisa ng mga pagtitipon para sa inyo, magagawa ba ninyo ang mga himnong iyon? Gaano katagal ang aabutin para matutuhan ninyo ang mga bagay-bagay?” Puwedeng tila makatwiran at tama ang mga pahayag na ito, pero kung titingnan mong mabuti, kumusta ang pag-usad ng iba’t ibang aytem ng propesyonal na gawaing pinangangasiwaan ng mga huwad lider na ito? Kaya ba nilang pagbahaginan nang malinaw ang mga katotohanang prinsipyo? (Hindi.) Minsan, nagtanong ang isang pangkat ng mga gumagawa ng pelikula tungkol sa isyu ng mga kulay ng kasuotan. Kumuha sila ng ilang litrato, at iba-iba ang mga kapaligiran at tao sa mga kuha, pero sa pangkalahatan ay iisa ang kombinasyon ng mga kulay ng mga kasuotan—lahat ay mga natural na kulay abo at dilaw. Tinanong Ko, “Anong nangyayari? Bakit ganitong mga kulay ang suot nila?” Sinabi nila na sadyang pinili ang mga kulay na ito, na pinaghirapan at pinagsikapang nilang hanapin ang mga ito sa isang pamilihan. Sinabi Ko, “Bakit ang mga kulay na ito ang pinili ninyo? Binigyan ba kayo ng Itaas ng mga tagubilin tungkol doon? Hindi ba’t tinagubilinan kayo ng Itaas na gumamit ng iba’t ibang kulay, at na dapat na kagalang-galang at disente ang mga kulay na iyon? Bakit nagkaganito ang resulta?” Sa wakas, pagkatapos ng mga pagtatanong, sinabi ng ilang tao, “Hindi masyadong kagalang-galang at disente tingnan ang ibang mga kulay, o hindi tulad ng mga isinusuot ng mga mananampalataya sa Diyos o ng mga banal. Ang kombinasyong ito lang ng mga kulay na ito ang mas kamukha ng dapat na isuot ng mga mananampalataya. Kaya, pare-pareho ang pananaw ng lahat na ang pagsusuot ng mga damit na may ganitong uri ng mga kulay ang pinakanakaluluwalhati sa Diyos at pinakakumakatawan sa imahe ng sambahayan ng Diyos.” Sinabi Ko, “Kailanman ay hindi Ko sinabi sa inyong lahat na magsuot ng mga damit na ganito ang mga kulay. Maraming kagalang-galang at disenteng kulay. Tingnan ninyo kung gaano kaganda ang bahaghari na itinatag ng Diyos bilang isang tanda ng kasunduan Niya sa sangkatauhan. May pula, kahel, dilaw, berde, asul, indigo, lila—bawat kulay ay kinakatawan, maliban sa mga kulay na suot ninyo. Bakit ninyo pinili ang mga kulay na iyon?” Ginawa ba ng lider nila ang kongkretong gawain ng pagsasagawa ng mga pagsusuri tungkol sa mga bagay na ito? Masasabi Kong talagang hindi. Kung nagtataglay ang lider ng dalisay na pagkaarok at tunay niyang nauunawaan ang katotohanan at ang mga hinihingi ng Diyos, hindi sana pinili ng mga miyembro ng pangkat ng mga gumagawa ng pelikula ang mga gayong kasuotan at sumangguni sana sila sa Itaas tungkol sa mga iyon. Nalutas sana ang isyu ng mga kasuotan sa mas mababang antas, pero hindi ito kayang tugunan ng huwad na lider. Sa halip, walang kahihiyan niyang tinanong ang Itaas tungkol dito. Hindi ba’t dapat na pungusan ang ganitong tao? Ni hindi kayang lutasin ng huwad na lider na ito ang pinakasimpleng problemang ito—ano ang pakinabang niya? Isa ka lang basura! Hiningi sa iyong luwalhatiin ang Diyos at magpatotoo sa Kanya, pero sa huli ay binigyan mo ng kahihiyan ang Diyos. Hindi ba’t napakarami mong nauunawaan? Hindi ba’t kaya mong magpahayag ng maraming kaalaman at doktrina? Kung gayon, bakit hindi epektibo sa sitwasyong ito ang lahat ng doktrinang iyon at ang lahat ng kaalamang iyon? Paano ka nabibigong lumutas at magsagawa ng mga pagsusuri tungkol sa isyu ng mga kasuotan? Nakuha mo ba ang epektong dapat mong makuha bilang isang lider? Natupad mo ba ang mga responsabilidad na dapat mong matupad bilang isang lider? Isa itong pagpapamalas ng isang huwad na lider. Sa anumang partikular na gampanin, ang mga huwad na lider ay walang pagkaunawa sa mga prinsipyo. Hindi nila kayang magbigay ng agarang pagtutuwid at kalutasan sa anumang isyu ng baluktot na pagkaarok sa katotohanan, at magbigay-kakayahan sa mga taong makahanap ng direksiyon at landas sa pamamagitan nito. Ang mga huwad na lider ay bumibigkas lang ng mga salita at doktrina at sumisigaw ng mga salawikain; hindi nila kayang gumawa ng anumang kongkretong gawain.

Ang Mga Huwad na Lider ay Hindi Gumagawa ng Tunay na Gawain o Nag-aasikaso sa Wasto Nilang Gawain

Ang ilang huwad na lider ay hindi kayang gumawa ng anumang kongkretong gawain, pero nag-aasikaso sila ng ilang hindi mahalagang pangkalahatang gawain, at iniisip na paggawa ito ng kongkretong gawain, na nasa saklaw ito ng mga responsabilidad nila. Higit pa rito, napakaseryoso nilang inaasikaso ang mga gawaing ito at talagang nagsisikap sila nang husto, napakadisenteng isinasakatuparan ang mga ito. Halimbawa, may isang indibidwal sa iglesia na dating nagtrabaho bilang tagaluto ng tinapay. Isang araw, dala ng kabutihan ng puso niya ay napagpasyahan niyang gumawa ng mga tinapay para sa Akin, at naghanda siyang gawin ito nang hindi ipinapaalam sa Akin ang tungkol dito. Tinanong niya ang mga lider niya kung puwede ito, at sinabi nila, “Sige. Kung masarap ang mga iyon, ihahandog namin ang mga iyon sa Diyos. Kung hindi, puwede nating kainin ang mga iyon.” Nakuha niya ang pahintulot ng mga lider, kaya naging lehitimo at wasto ang gawaing ito, kaya agad niyang tinipon ang mga sangkap at gumawa ng isang salang, sinasabing, “Hindi ko alam kung magiging masarap ang mga ito, o kung mabibigyang-lugod ng mga ito ang Diyos, o kung babagay sa panlasa Niya ang mga ito.” Tumugon ang mga lider, “Ayos lang iyan. Isasakripisyo namin ang kaunting oras at kalusugan namin, at makikipagsapalaran kami nang kaunti para sa Diyos. Titikman at susuriin muna namin ang mga iyan para sa Diyos. Kung talagang hindi masarap ang mga iyan at hihilingin namin sa Diyos na kainin ang mga iyan, mayayamot Siya at labis na madidismaya sa amin. Samakatwid, bilang mga lider, may responsabilidad at obligasyon kaming magsakatuparan ng mga pagsusuri tungkol sa bagay na ito. Paggawa ito ng kongkretong gawain.” Pagkatapos, ang bawat pangulo ng grupo na may kaunting “pagpapahalaga sa responsabilidad” ay tumikim sa mga tinapay. Pagkatapos tikman ang mga iyon, nagbigay sila ng komento, sinasabing, “Masyadong mainit ang pugon para sa salang na ito, masyadong mataas ang temperatura, at malamang na nagdudulot ang mga ito ng panloob na init—medyo mapait din ang mga ito. Hindi puwede ito! Kailangan nating magkaroon ng responsableng saloobin at gumawa ng isa pang salang at tikman ulit ang mga iyon!” Pagkatapos tikman ang salang na ito, sinabi nila, “Medyo ayos na ang salang na ito. Nalalasahan dito ang mantikilya, ang itlog, at pati ang linga. Talagang karapat-dapat ito sa isang tagaluto ng tinapay! Dahil napakarami nito, at hindi naman kayang ubusin ng Diyos nang mag-isa ang lahat ng ito, maglagay tayo ng 10 o 20 sa isang maliit na garapon, at ihandog sa Diyos bilang patikim. Kung masasarapan ang Diyos sa mga ito, puwede nating ipagpatuloy ang paggawa ng mas maraming salang.” Inabutan nila Ako ng isang garapon, at tinikman Ko ang dalawa sa mga iyon. Para sa Akin ay puwede na ang mga iyon bilang bago sa panlasa, pero hindi angkop bilang pangunahing pagkain, kaya tinigil Ko na ang pagkain sa mga iyon. Inakala pa nga ng ilang tao na gawang-bahay ang mga iyon ng isang miyembro ng sambahayan ng Diyos, na puno ang mga iyon ng pagmamahal, katapatan, at takot, at may malaking kabuluhan kahit na sakto lang ang lasa ng mga iyon. Kalaunan, isinauli Ko ang garapon ng mga tinapay. Hindi Ako interesado sa mga gayong bagay at wala Akong gana sa mga iyon. Higit pa rito, kung gusto Kong kumain ng mga tinapay, puwede naman Akong bumili ng mga tinapay na may iba’t ibang lasa at mula sa iba’t ibang bansa sa pamilihan nang hindi gumagastos nang malaki. Pagkatapos, sinabi Ko sa kanya, “Ipinagpapasalamat Ko ang paggawa mo niyon, pero pakiusap, huwag mo na Akong igawa nito. Hindi Ko naman kakainin ang mga ito, at kung gusto ko nito, bibili na lang Ako Mismo. Kung kakailanganin naman, gumawa ka na lang kapag hiningi Ko sa iyo; kung hindi Ko sasabihin sa iyong gumawa ka, hindi mo na ulit kailangang gumawa ng mga ito.” Hindi ba’t sapat na madali naman itong maunawaan? Kung may mabuting asal at masunurin siya, tatandaan niya ang mga salita Ko at hindi na ulit siya gagawa ng mga iyon. Kapag nagsasalita ang Diyos, ang ibig sabihin ng oo ay oo, ang ibig sabihin ng hindi ay hindi, at ang ibig sabihin ng “huwag kang gumawa nito” ay “huwag kang gumawa nito.” Gayumpaman, pagkalipas ng ilang panahon, pinadalhan nila Ako ng dalawa pang garapon ng mga tinapay. Sinabi Ko sa kanila, “Hindi ba’t sinabi Ko sa inyong huwag na kayong gumawa nito?” Tumugon sila, “Iba ang mga ito sa nakaraan.” Tumugon Ako, “Kahit na iba ang mga ito, mga tinapay pa rin ang mga ito. Hindi na talaga kinakailangang gumawa ng anumang tinapay. Hindi Ko ito sinasabi para maging mabait—kung gusto Ko nito, ipapaalam Ko sa inyo. Hindi ba kayo nakakaintindi ng wika ng tao? Huwag na kayong gumawa nito.” Nauunawaan ba ang mga salitang ito? (Oo.) Pero bakit parang laging nakakalimot ang taong gumagawa ng mga iyon? Kung kaya siyang bantayan ng mga lider niya, hindi aktibong nakikipagtulungan sa kanya o hindi siya hinihikayat na gawin ito, at agad siyang pagbabawalan, maglalakas-loob pa rin ba ang taong gumagawa ng mga tinapay na gawin ito? Kahit papaano man lang, hindi niya ito gagawin nang masyadong mapangahas at imoral. Kaya, ano ang naging epekto ng mga lider na iyon sa sitwasyong ito? Kinontrol nila ang bawat kaliit-liitang detalye, pinanghimasukan ang lahat ng bagay, at pinangasiwaan ang pagsusuri para sa Akin. Sa sobrang “mapagmahal” nila ay hindi ito mailarawan ng mga salita. Ito ba ang gawaing dapat na ginagawa nila? Walang mga tagubiling gawin ito na nakapaloob sa mga prinsipyo ng gawain ng sambahayan ng Diyos, at hindi Ko ipinagkatiwala sa kanila ang gampaning ito; sinimulan ito ng mga tao, hindi Ko ito hiniling. Kaya bakit napakaaktibong isinakatuparan ng mga lider na ito ang gampaning ito? Isa itong pagpapamalas ng mga huwad na lider: ang hindi pag-aasikaso sa wasto nilang gawain. Napakaraming gampanin sa iglesia na kailangan nilang kumustahin, inspeksiyunin, at hikayatin, at napakaraming tunay na problemang kailangang lutasin sa pamamagitan ng pakikipagbahaginan nila sa katotohanan, pero hindi nila ginawa ang alinman sa gawaing iyon. Sa halip, dahil wala silang ginagawa ay nakukuha pa nilang tumikim ng mga tinapay sa kusina para sa Akin. Sa bagay na ito, napakseryoso nila at nagsikap sila nang matindi. Hindi ba’t ito ang ginagawa ng mga huwad na lider? Hindi ba’t napakakasuklam-suklam na nito? Hindi Ko kailanman inasahan na sa paglipas ng ilang panahon, mangyayari ulit ang bagay na ito. Gusto na naman ng taong gumawa ng mga tinapay na magsimulang gumawa ng mga iyon para sa Akin. Partikular Kong sinabi sa isang lider, “Kumilos ka at lutasin mo ito. Kailangan mo itong ipaliwanag nang malinaw sa kanya. Kung gagawin niya ito ulit, ikaw ang pananagutin Ko!” Sa dami ng gawaing dapat gawin sa iglesia, magiging abala sila sa anumang gampanin sa loob ng ilang panahon. Bakit masyado silang walang ginagawa? Narito ba sila para magpataba o magdaldalan nang walang katuturan? Hindi ito ang lugar para sa mga bagay na iyon. Pagkatapos, wala nang balita tungkol sa bagay na ito. Sa sandaling ibinigay Ko ang tagubiling iyon, hindi na nagbigay ng anumang ulat ang lider. Ano’t anuman, wala nang nagpadala ulit sa Akin ng maliliit na tinapay na iyon, na mabuti naman. Batay sa insidenteng ito, masasabi ba nating hindi inaasikaso ng mga lider na ito ang wastong gawain nila? (Oo.) Ni hindi nga ganoon kalubha ang bagay na ito; may mas malulubhang bagay pa.

Madalas Akong bumisita sa ilang iglesia para tingnan ang mga bagay-bagay, makilala ang mga lider, magbigay ng mga tagubilin para sa ilang gawain, at lumutas ng ilang isyu. Kung minsan, kailangan Kong mananghalian sa mga iglesiang ito, na siyang dahilan para tukuyin kung sino ang maghahanda ng pagkain. Sa sobrang responsable ng mga lider ay pumili sila ng isang tao na nagsasabing isa siyang kusinero. Sinabi Ko, “Hindi mahalaga kung isa siyang kusinero; ang mahalaga ay na mas gusto Ko ng simpleng pagkain. Gusto Kong malasahan ang orihinal na lasa ng mga sangkap. Hindi dapat masyadong maalat, mamantika, o malasa ang pagkain. Sa taglamig, kailangan Kong kumain ng mainit na pagkain. Isa pa, dapat ay maluto nang mabuti ang pagkain, hindi kulang sa luto, at dapat madali itong tunawin.” Hindi ba’t malinaw Kong ipinaalam ang mga prinsipyong ito? Madali bang makamit ang mga ito? Kapwa madaling tandaan at madaling gawin ang mga ito. Ang isang maybahay na tatlo hanggang limang taon nang nagluluto ay maaarok ang mga prinsipyong ito at magagawa ang mga ito. Kaya, hindi na kailangang ipagpilitang maghanap ng kusinero para magluto ng pagkain Ko; sapat na ang isang taong kayang magluto ng pagkaing lutong-bahay. Gayumpaman, sa sobrang “mapagmahal” ng mga lider na ito ay ipinagpilitan nilang maghanap ng “kusinero” para magluto ng pagkain kapag pinapatuloy nila Ako. Bago Ako opisyal na ipagluto ng kusinero, kinailangan muna itong suriin ng mga lider. Paano nila ito ginawa? Pinagluto nila ang kusinero ng isang salang ng mga siomai at ng isang putahe ng pansit, at pinaggisa siya ng ilang putahe. Tinikman ng lahat ng lider at pangulo ng iba’t ibang grupo ang mga iyon, at nasarapan naman sila sa lahat ng putahe. Sa wakas, hiningi nila sa kusinerong akuin ang trabaho ng pagluluto para sa Akin. Isantabi muna natin ang mga resulta ng pagtikim ng mga lider at ang kalikasan ng mga isyung nasasangkot dito, pag-usapan muna natin ang pagkaing inihanda ng kusinerong ito. Noong unang beses Akong pumunta, naggisa ang kusinero ng ilang putahe, at nasiyahan naman nang husto ang lahat. Noong ikalawang beses, gumawa ang kusinero ng isang salang ng mga siomai. Pagkatapos kainin ang una, naramdaman Kong may mali—medyo maanghang ito. Sinabi rin ng ibang nasa paligid Ko na medyo maanghang ang mga siomai, at pakiramdam nila ay nagsisimula nang mamaga ang mga dila nila. Gayumpaman, dahil siomai lang ang pangunahing putahe, kinailangan Kong ubusin ang mga iyon kahit na maanghang ang mga iyon. Walang makikitang sili sa palaman, kaya binalewala Ko na lang kung anuman ang nagpaanghang dito at inubos Ko ang pagkain Ko. Dahil dito, nagsimulang ma-allergy ang katawan Ko noong gabing iyon. Nagsimulang mangati nang walang-tigil ang maraming parte ng buong katawan Ko, at kinailangan Kong magkamot nang magkamot; nagdugo na ang katawan Ko sa kakakamot bago bumuti ang pakiramdam Ko. Tatlong araw Akong nangati bago unti-unting humupa ang pakiramdam. Pagkatapos ng allergy na ito, napagtanto Kong tiyak na nilagyan ng sili ang mga siomai; kung hindi, hindi iyon magiging masyadong maanghang. Ipinaalam Ko sa kanilang huwag maglagay ng maaanghang na sangkap tulad ng sili dahil hindi kaya ng katawan Ko ang mga iyon. Gayumpaman, naglagay sila ng maraming sili para matugunan ang sarili nilang mga panlasa, na sumobra sa normal na dami; maanghang sa pakiramdam ang pagkain ng mga siomai na iyon. Ni hindi makuha ng kusinero ang mga tamang sukat sa pagluluto niya, sa dami ng siling nilagay niya ay nakaka-allergy na ito. Kalaunan, sinabi Ko sa kanya, “Huwag na huwag ka nang maglalagay ng maaanghang na sangkap na iyon. Hindi kaya ng katawan Ko ang mga iyon. Kung talagang may anumang pagkatao ka, huwag mo na ulit gagawin iyon. Kung magluluto ka para sa sarili mo, hindi Ako makikialam sa kung ano ang kakainin mo. Gayumpaman, kung magluluto ka para sa Akin, huwag kang maglagay ng ganoon. Sundin mo ang mga pamantayang hinihingi Ko.” Kaya ba niyang gawin iyon? Hindi ba’t dapat ay pinangasiwaan ng mga lider ang gawaing ito? Sa kasamaang palad, walang sinumang nagbigay-pansin dito, at hindi nila ginawa ang alinman sa gawaing dapat nilang ginawa. Sa isang pagkakataon, noong magluluto na ulit ang kusinero, kumuha siya ng kaunting sili para idadgdag sa putahe, at nakita siya ng isang taong nasa malapit sa kanya at pinigilan siya. Sa ilalim ng mahigpit na pagsubaybay nito, hindi siya nagkaroon ng pagkakataong idagdag ito. Hindi kayang lutasin ng mga lider ang ganito kaliit na problema—kung gayon, ano ang kaya nilang gawin? Noong nagluluto ang kusinero, napakaaktibo nila sa pagtikim nito. Ilang tao ang pumunta para tumikim. Pangkaraniwang lutong-bahay na pagkain lang ito; ano ang karapat-dapat tikman dito? Mga eksperto ba kayong lahat sa pagluluto? Bigla ba ninyong naunawaan ang lahat pagkatapos ninyong maging lider? Naunawaan ba ninyo ang mga prinsipyo ng kalusugan? Isinaayos ba ng sambahayan ng Diyos na gawin ninyo ito? Kailan Ko ipinagkatiwala o iniatas sa inyo ang pagtikim sa pagkain para sa Akin? Masyado kayong walang katwiran, wala talaga kayong kahihiyan! Ang sinumang may kaunting kahihiyan ay hindi gagawa ng bagay na masyadong lantaran, masyadong kasuklam-suklam, masyadong walang katwiran. Ipinapakita nito na wala talagang kahihiyan ang mga indibidwal na ito—tumikim sila ng pagkain para sa Akin! Hindi ninyo sinusunod o tinutupad ang alinman sa mga prinsipyong sinabi Ko sa inyo. Pinapaluto ninyo sa kusinero ang anumang masarap para sa inyo at nababagay sa mga panlasa ninyo. Pagluluto ba iyon para sa Akin? Hindi ba’t pagluluto iyon para sa sarili ninyo? Ganito ba kayo kumilos bilang mga lider? Sinusunggaban ninyo ang bawat pagkakataon para samantalahin at gamitin ang mga butas, at sinusubukan ninyong magpalakas sa Akin—kung gusto ninyong magpalakas sa Akin, huwag ninyo Akong ilagay sa panganib! Hindi ba’t kawalan ito ng mabubuting katangian? Hindi ba’t pagkikimkim ito ng mga hindi wastong layunin? Wala silang kahihiyan at nagkikimkim sila ng mga hindi wastong layunin, pero iniisip pa rin nilang napakatapat nila! May alinman ba sa mga bagay na ito na ginawa nila ang talagang dapat gawin ng mga lider? (Wala.) Wala sa mga ginawa nila ang may anumang pamantayan. Ni hindi nila alam kung anong pagkain ang masustansiya o hindi masustansiya, pero inisip pa nilang puwede silang pumasok dito at gumanap sa papel ng mga eksperto sa kalusugan at pagkain para sa Akin! Sino ang nagtakda na dapat kayong magsagawa ng mga pagsusuri pagdating sa pagluluto para sa Akin? May ganitong pagtatakda ba ang iglesia? Ginawa ba ng sambahayan ng Diyos ang pagsasaayos na ito? Napakaraming lumitaw na butas sa iba’t ibang aytem ng gawain ng iglesia, napakaraming tao ang may mga maling pagkaunawa tungkol sa Diyos at hindi talaga nakakaunawa sa katotohanan, pero hindi ninyo tinugunan ang mga bagay na iyon. Sa halip, ginugol ninyo ang pagsisikap ninyo sa isang napakaliit na aspektong tulad ng pangungusina, tinutupad ang “responsabilidad” ninyo. Mga ganap kayong huwad na lider, mga mapagpaimbabaw kayo! Nasa harapan Ko kayo mismo habang sinusuri ninyo ang mga bagay-bagay—ano ba ang nauunawaan ninyo? Sumangguni ba kayo sa Akin? Ipinapahayag ba ninyo ang sarili ninyong ideya o ang sa Akin? Kung ipinapahayag ninyo ang ideya Ko, at hiningi Ko sa inyo na iparating ito, magiging tama ang ginagawa ninyo. Magiging responsabilidad ninyo ito. Kung ipinapahayag ninyo ang sarili ninyong ideya at hindi ang sa Akin, at ipinagpilitan ninyong puwersahin ang iba na pakinggan at tanggapin ito, ano ang kalikasan nito? Sabihin ninyo sa akin, hindi ba’t masusuklam Ako rito? Nandoon Ako mismo, at wala silang sinabing ni isang salita para tanungin Ako kung ano ang mga kinakain Ko o kung ano ang mga hinihingi Ko—nagdesisyon lang sila nang wala ang pagsang-ayon Ko, at basta-bastang nagbigay ng mga utos nang hindi Ko nalalaman. Sinusubukan ba nilang kumatawan sa Akin? Pag-aamok ito ng mga huwad na lider na gumagawa ng masasamang bagay, pagkukunwaring espirituwal, pagkukunwaring isinasaalang-alang ang pasanin ng Diyos, at pagkukunwaring nauunawaan ang katotohanan, at gumagawa lang ng mga mapagpaimbabaw na bagay. Hindi ba’t labis-labis na ito? Hindi ba’t labis na itong kasuklam-suklam at kamuhi-muhi? (Oo.) Nagkamit ba kayo ng anumang kabatiran? May natutuhan ba kayong anumang aral mula rito? Lalong nagiging kasuklam-suklam ang bawat bagay na ito, at may isa pang bagay na mas kasuklam-suklam.

Ngayong taglamig, binilhan Ako ng isang mabait na tao ng isang “magandang” amerikanang gawa sa balahibo ng gansa. Wala sa kulay o sa estilo ng amerikana ang kagandahan nito bagkus ay nasa mataas na presyo at mataas na kalidad nito; isa itong mamahaling gamit. May isang kasabihan sa mga walang pananampalataya, “Isang balahibo ng gansa na ipinadala mula sa layo ng isang libong milya: maliit man ang regalo, malalim naman ang sentimyento.” Bukod sa may taglay na sentimyento ang amerikanang ito, talagang napakamahal pa nito. Bago makita ang amerikana, nabalitaan Ko nang maganda ito at kulay pula, may magandang disenyo, at matibay. Nabalitaan Ko na ang tungkol dito, kaya tiyak na may ilang tao nang nakakita sa aktuwal na gamit na iyon—ibig sabihin, medyo maraming tao na ang nakakita nito, tumantiya sa sukat nito, at nagsuri dito nang mabuti, nagsabi ng mga bagay na tulad ng, “Kilala ko ang tatak na ito,” “Ang ganda ng kulay, napakaganda nito!” “Pagkatapos mo iyang tingnan, dalhin mo rito para makita ko,” at nang ganoon-ganoon lang, kumalat na ang balita. Hindi ko alam kung gaano katagal bago umabot sa Akin ang balitang ito, at malaman Ko nang kaunti ang tungkol dito. Nakikita ba ninyo ang problema rito? Kahit hindi Ko pa mismo nakita ang amerikana, nakita, napagpasa-pasahan, at naipakita na ito ng maraming ibang tao. Hindi ba’t problema ito? Puwede bang kaswal na tingnan, hawakan, at ipakita ng mga tao ang mga gamit Ko? (Hindi.) Kaninong mga gamit ang puwedeng kaswal na hawakan at tingnan ng mga tao? (Walang sinumang magnanais na mangyari ito, at walang sinumang dapat gumawa nito.) Kung ganoon, hindi ba’t dapat na mas bawal pakialaman ang sa Akin? Sinasabi ng ilang tao, “Bakit dapat maging bawal pakialaman ang mga iyon? Isa Kang kilalang tao. Hindi ba’t palaging nalalantad ang mga pribadong buhay ng mga kilala at sikat na tao? Kung saan sila naglalaro ng isport, kung saan sila nagpapa-beauty treatment, kung kani-kanino sila nakikipag-ugnayan, kung anong mga tatak ang sinusuot nila—hindi ba’t nalalantad ang lahat ng bagay na ito? Bakit hindi dapat malantad ang sa Iyo?” Sikat na tao ba Ako? Hindi Ako sikat na tao, at hindi kita tagahanga. Sino ka ba? Isa kang karaniwang tao, isang nilikha, at isang tiwaling tao. Sino ba Ako? (Ang Diyos.) Hindi Ako isang kilalang tao; hindi Ako obligadong ilantad ang lahat ng bagay sa iyo, iulat ang lahat ng bagay sa iyo, o ipaalam sa iyo ang tungkol sa lahat ng bagay. Kaya, bakit mo hinahawakan ang isang bagay na pagmamay-ari Ko? Hindi ba’t kasuklam-suklam ang paggawa niyon? Inatasan ba kita na tingnan at suriin ang gamit Kong ito? Hindi. Pero nangahas ang ilang tao na garapal na kuhanin at kaswal na tingnan ito, at pagpasa-pasahan pa nga ito. Sino ang nagbigay sa iyo ng karapatang pagpasa-pasahan ito? Obligasyon mo ba ito? Kung hindi ka sumasampalataya sa Diyos, estranghero tayo sa isa’t isa. Kilala kita dahil sumasampalataya ka sa Diyos, pero hindi Ko alam kung kumusta ang iyong pamilya, pang-araw-araw na buhay, o pinansiyal na sitwasyon, at hindi Ako interesadong malaman. Malapit ba tayo sa isa’t isa? Hindi mo Ako malapit na kaibigan, katropa, o kasama. Hindi tayo pamilyar sa isa’t isa, at hindi pa tayo umaabot sa puntong ang lahat ng sa Akin ay dapat maging bukas para tingnan mo. Hahayaan mo bang tingnan Ko ang lahat ng gamit mo, at ipakita ang mga iyon para tingnan at hawakan ng lahat? Kahit kapag nag-uwi ka ng isang bagay galing sa pamilihan, kailangan itong hugasan nang ilang beses para madisimpekta! Hindi ba’t nakakadiri ang mga bagay na kaswal nang hinawak-hawakan ng mga tao? Hindi ba’t nabigo kang tratuhin ang sarili mo bilang tagalabas? Sino ang nag-atas sa iyong inspesksyunin ang amerikana Ko? Pinagkatiwalaan ba kita? Naghugas ka ba ng kamay bago mo walang-ingat na hinawak-hawakan ang amerikana Ko? Hindi ba’t masusuklam Ako sa iyo? Malinaw ba ito sa iyo? Bakit masyado kang walang kahihiyan? Masyado kang walang katwiran! Ilang taon ka nang sumasampalataya sa Diyos at napakarami mo nang narinig na sermon; bakit wala kang kahit kaunting katwiran? Ang kaswal na pagbubukas ng mga handog na pagmamay-ari ng Diyos, kaswal na paghawak sa mga damit Niya, sa mga bagay na pagmamay-ari Niya—anong uri ng problema ito? Kapag nakita Kong nabuksan at naitapon na ang balot ng mga gamit na ito, paanong hindi Ako magagalit? Nasusuklam Ako sa mga bagay na ito, at kinamumuhian Ko ang mga taong ito. Ayaw Ko na silang makita ulit, at talagang ayaw Ko nang makisalamuha sa mga taong ito na mas masahol pa sa mga baboy at aso! Tandaan ninyo, ang bawat tao ay may dignidad, at lalo na Ako. Huwag mong pakialaman ang mga gamit na pagmamay-ari Ko; kung hindi, kasusuklaman at kapopootan kita!

Sa panlabas, puwedeng hindi gumawa ng matitinding kasamaan o maging ganap na mga traydor na kontrabida ang mga huwad na lider. Gayumpaman, ang pinakakasuklam-suklam na bagay tungkol sa kanila ay na nakikita nilang may tunay na gawaing dapat gawin pero hindi nila ito ginagawa, alam na alam nilang hindi nila kayang lumutas ng mga isyu pero hindi nila hinahanap ang katotohanan, nakikita nilang nagdudulot ng mga panggugulo ang masasamang tao pero hindi nila pinangangasiwaan ang mga iyon, at sa halip ay inaasikaso lang nila ang mga panlabas na pangkalahatang gawain. Mahigpit nilang binabantayan at kinokontrol ang mga hindi gaanong mahalagang isyu at maliliit na usapin, pero hindi nila ginagawa ang alinman sa mga gawaing may kaugnayan sa buhay pagpasok ng hinirang na mga tao ng Diyos, o inaalala ang iba’t ibang bagay na sumasalungat sa mga katotohanang prinsipyo. Sa halip, gumagawa lang sila ng gawaing walang kaugnayan sa katotohanan. Mga ganap na huwad na lider ang mga ito. Ang mga huwad na lider ay ganap na ignorante sa mga katotohanang prinsipyong may kinalaman sa iba’t ibang aytem ng gawain ng iglesia. Kung ikukumpara sa mga prinsipyo at pamantayan ng mga lider at manggagawa, ang mga huwad na lider ay mga hangal at tunggak. Gaano man kalubha ang mga lumilitaw na problema sa gawain ng iglesia, hindi makita o malutas ng mga huwad na lider ang mga iyon kahit na mangyari ang mga iyon sa mismong harapan nila, at kailangan pang pumunta ng Itaas at ito mismo ang lumutas sa mga problemang iyon. Hindi ba’t mga huwad na lider ang mga taong ito? (Oo.) Mga huwad na lider nga sila. Halimbawa, sa gawaing nakabatay sa teksto ng iglesia, kung aling mga aklat ang nararapat maitama at alin ang dapat maisalin—napakahalagang gampanin ng mga ito para sa iglesia. May anumang prinsipyo ba tungkol sa paraan ng pagtatama at pagsasalin ng mga aklat? Talagang may mga prinsipyo ang gawaing ito, labis itong nakabatay sa prinsipyo, at kailangan talaga itong partikular na mapagbahaginan at magabayan; pero hindi kayang gawin ng mga huwad na lider ang gawaing ito. Kapag nakikita nilang abala ang mga kapatid sa mga tungkulin ng mga ito, pakunwari nilang sinasabing, “Labis na mahalaga ang gawaing nakabatay sa teksto at ang gawain ng pagsasalin. Dapat ninyong isapuso ang paggawa nang maayos sa gawaing ito, at lulutasin ko ang anumang isyung mayroon kayo.” Kapag talagang may nagbanggit ng isyu, sinasabi ng mga huwad na lider na ito, “Hindi ko nauunawaan ang bagay na ito. Hindi ako propesyonal sa pagsasalin ng mga banyagang wika. Magdasal ka sa Diyos at maghanap ka mula sa Kanya.” Kapag may nagbabanggit ng isa pang isyu, nagtatanong, “Hindi kami makahanap ng angkop na mga tao para magsalin ng mga partikular na wika, ano ang dapat naming gawin tungkol dito?” tumutugon ang mga huwad na lider,” “Hindi ako propesyonal sa bagay na ito. Kayo na mismo ang mangasiwa sa mga ito.” Malulutas ba ang problema sa pagsasabi nito? Naghahanap sila ng palusot at pinagtatakpan nila ang katunayang hindi nila ginagawa ang gawain nila, sinasabing, “Hindi ako propesyonal; hindi ko nauunawaan ang propesyong ito,” at sa gayon ay iniiwasan ang problemang dapat nilang lutasin. Ganito gumagawa ang mga huwad na lider. Kapag may nagtatanong, sinasabi ng mga huwad na lider, “Magdasal kayo sa Diyos at maghanap kayo mula sa Kanya; hindi ko nauunawaan ang propesyong ito, pero nauunawaan ninyo ito.” Maaaring tila mapagpakumbaba ito, dahil inaamin nilang hindi nila kaya at hindi nila nauunawaan ang propesyon, pero sa realidad, hindi talaga nila kayang gampanan ang gawain ng pamumuno. Siyempre, ang pagiging lider ay hindi nangangahulugan na kailangan nilang maunawaan ang bawat uri ng propesyon, ngunit dapat nilang malinaw na ibahagi ang mga katotohanang prinsipyo na kailangan upang malutas ang mga problema, anuman ang uri ng propesyon na kaugnay ng mga problemang iyon. Hangga’t nauunawaan ng mga tao ang mga katotohanang prinsipyo, maaaring malutas ang mga problema nang naaayon. Ginagamit ng mga huwad na lider ang “Hindi ako bihasa rito; hindi ko nauunawaan ang propesyong ito” bilang dahilan upang iwasan ang pagbabahagi sa mga katotohanang prinsipyo para sa paglutas ng mga problema. Hindi ito paggawa ng totoong gawain. Kung patuloy na ginagamit ng mga huwad na lider ang “Hindi ako bihasa rito; hindi ko nauunawaan ang propesyong ito” bilang dahilan upang iwasan ang paglutas ng mga problema, kung gayon ay hindi sila nababagay para sa gawain ng pamumuno. Ang pinakamagandang bagay na dapat nilang gawin ay ang magbitiw at hayaan ang iba na pumalit sa kanilang posisyon. Ngunit may ganito bang uri ng katwiran ang mga huwad na lider? Magagawa ba nilang magbitiw? Hindi. Iniisip pa nga nila, “Bakit sinasabi nilang wala akong ginagawang trabaho? Nagdaraos ako ng mga pagtitipon araw-araw, at dahil napakaabala ko ay hindi na ako nakakakain sa tamang oras, at kulang na ako sa tulog. Sino ang nagsasabing hindi nalulutas ang mga problema? Nagdaraos ako ng mga pagtitipon at nakikipagbahaginan ako sa kanila, at naghahanap ako ng mga sipi ng mga salita ng Diyos para sa kanila.” Ipagpalagay nang tinanong mo siya, “May nagsabing hindi sila makahanap ng mga angkop na tagasalin para sa ilang wika. Paano mo nilutas ang partikular na problemang ito?” Sasabihin niya, “Sinabi ko sa kanilang hindi ko nauunawaan ang propesyon, at hinikayat ko silang talakayin at pangasiwaan ito nang sila-sila lang.” Pagkatapos ay tinanong mo sa kanya, “Nakapaloob sa problemang ito ang paggastos ng mga handog at ang pag-usad ng gawain ng iglesia. Hindi sila puwedeng magdesisyon nang sila lang, kailangan ka nila para mangasiwa at humanap ng mga katotohanang prinsipyo para lutasin ito. Ginawa mo ba ito?” Tutugon siya: “Paanong hindi ko ito ginawa? Wala akong naantalang anumang gawain. Kung walang magsasalin sa wikang iyon, dapat ay ibang wika na lang ang isalin nila!” Kita mo, hindi kayang gumawa ng mga huwad na lider ng totoong gawain pero napakarami pa rin nilang dahilan. Talagang wala itong kahihiyan at kasuklam-suklam! Napakahina ng kakayahan mo, wala kang nauunawaan na anumang propesyon, at wala kang pagkaarok sa mga katotohanang prinsipyo na may kinalaman sa bawat aytem ng propesyonal na gawain—ano ang silbi ng pagiging lider mo? Sadyang hangal ka at walang silbi! Dahil hindi ka nakakagawa ng anumang totoong gawain, bakit naglilingkod ka pa rin bilang lider ng iglesia? Sadyang wala kang katwiran. Dahil wala ka namang kamalayan sa sarili, dapat mong pakinggan ang mga puna mula sa mga hinirang na tao ng Diyos at suriin kung natutugunan mo ba ang mga pamantayan para sa pagiging lider. Ngunit, hindi kailanman isinasaalang-alang ng mga huwad na lider ang mga bagay na ito. Kahit gaano pa kadami ang naantala sa gawain ng iglesia, at kahit gaano kalaki ang kawalang naidulot sa buhay pagpasok ng mga hinirang na tao ng Diyos sa loob ng maraming taon ng kanilang paglilingkod bilang lider, wala silang pakialam. Ito ang pangit na anyo ng mga tunay na huwad na lider.

Isipin mo kung paano pinangangasiwaan ng mga lider at manggagawa ang gawain nila—tumutugma ba ito sa sinabi Ko sa iyo ngayon lang? May sinuman bang hindi gumagawa ng tunay na gawain, at kaya mo ba silang kilatisin bilang mga huwad na lider? Kung nakikilatis mo sila bilang mga huwad na lider, magmula sa araw na ito ay hindi mo na sila dapat ituring na mga lider; dapat mo silang tratuhin tulad ng sinumang tao. Ito ang tumpak na prinsipyo ng pagsasagawa. Puwedeng isipin ng ilan, “Ibig bang sabihin nito ay didiskriminahin, mamaliitin, o ibubukod sila dahil mga huwad na lider sila?” Hindi. Hindi nila kayang gumawa ng tunay na gawain, at kaya lang nilang magsabi ng ilang salita at doktrina at ng ilang walang kabuluhang salita para magpaligoy-ligoy at lansihin ka. May isang katunayan itong sinasabi sa iyo, na hindi mo sila mga lider. Hindi mo kailangang hingin ang mga tagubilin nila para sa anumang problema o paghihirap na hinaharap mo sa gawain mo. Kung kinakailangan, puwede ninyo silang lampasan sa pamamagitan ng pag-uulat dito sa Itaas at pagsangguni sa Itaas kung paano ito pangangasiwaan at lulutasin. Naituro Ko na sa inyo ang landas ng pagsasagawa, pero nasa sa inyo na kung paano kayo kikilos. Hindi Ko kailanman sinabing ang lahat ng lider ay paunang itinalaga ng Diyos, na dapat mo silang pakinggan at sundin, at na dapat mo silang pakinggan kahit na makilatis mong mga huwad na lider sila. Hindi Ko kailanman sinabi iyon sa iyo. Ang pinagbabahaginan Ko ngayon ay kung paano kilatisin ang mga huwad na lider. Kapag nakilatis mong huwad na lider ang isang tao, puwede mong tanggapin at sundin ang sinasabi niya kung tama at umaayon ito sa katotohanan. Gayumpaman, kung hindi niya kayang lutasin ang isang problema, at nagpapaligoy-ligoy at nilalansi ka niya, na nakakaapekto sa pag-usad ng gawain, hindi mo kailangang tanggapin ang pamumuno niya. Kung kaya ninyong arukin ang mga prinsipyo nang kayo lang, dapat kayong kumilos ayon sa mga iyon. Kung hindi ninyo maarok, nag-aalangan kayo, o hindi kayo sigurado sa mga prinsipyo, dapat ninyong hanapin ang katotohanan at magtalakayan kayo para pangasiwaan ang problema. Kung hindi pa rin kayo makapagdesisyon pagkatapos itong talakayin, iulat ninyo ang problema sa Itaas at sumangguni sa kanila tungkol dito. Ang lahat ng ito ay magagandang paraan para tugunan ang mga problema—walang mga paghihirap na hindi malulutas.

Tapusin na natin dito ang pagbabahaginan natin ngayon. Paalam!

Enero 16, 2021

Sinundan:  Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa 1

Sumunod:  Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa 3

Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos Ukol sa Pagkakilala sa Diyos Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw Paglalantad sa mga Anticristo Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ang Paghatol ay Nagsisimula sa Tahanan ng Diyos Mahahalagang Salita Mula sa Makapangyarihang Diyos, ang Cristo ng mga Huling Araw Araw-araw na mga Salita ng Diyos Ang Mga Katotohanang Realidad na Dapat Pasukin ng mga Mananampalataya sa Diyos Sundan ang Kordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin Mga Gabay para sa Pagpapalaganap ng Ebanghelyo ng Kaharian Naririnig ng mga Tupa ng Diyos ang Tinig ng Diyos Makinig sa Tinig ng Diyos Masdan ang Pagpapakita ng Diyos Mahahalagang Tanong at Sagot tungkol sa Ebanghelyo ng Kaharian Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume I) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume II) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume III) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IV) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume V) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VI) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VIII) Paano Ako Bumalik sa Makapangyarihang Diyos

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito

Connect with us on Messenger