Kabanata 75
Lahat ay matutupad sa sandaling masambit ang Aking mga salita, nang wala ni katiting na kamalian. Mula ngayon, lahat ng natatagong mga hiwaga ay hindi makukubli o matatago man lamang, at maipapamalas sa inyo—mahal Kong mga anak. Sa Akin, ipapakita Ko sa iyo ang higit pang dakilang mga tanda at kababalaghan, at higit pang dakilang mga hiwaga. Tiyak na ang mga bagay na ito ay gugulat sa inyo at bibigyan kayo ng higit na pagkaunawa sa Akin, ang Diyos na makapangyarihan sa lahat, at tutulutan kayong maunawaan ang Aking karunungang nakapaloob doon. Ngayon ay kaharap ninyo ang nag-iisang tunay na Diyos na hindi pa nakita ng mga tao kailanman simula noong paglikha, at walang espesyal tungkol sa Akin. Kumakain, nakikipamuhay, nagsasalita, at nakikipagtawanan Ako sa inyo, at lagi Akong namumuhay sa inyong kalooban, samantalang kasabay nito ay gumagawa sa gitna ninyo. Para sa mga hindi naniniwala o may sarili nilang matitinding kuru-kuro, ito ay isang balakid. Ito ang Aking karunungan. Ihahayag Ko rin ang ilang tao sa mga bagay-bagay na hindi alam ng Aking normal na pagkatao, ngunit hindi ito nangangahulugan na hindi Ako ang Diyos Mismo. Bagkus, sapat na ang puntong ito upang patunayan na Ako ang Diyos na makapangyarihan sa lahat. Para sa mga taong naniniwala, ang puntong ito ay may mapagpasyang epekto, at dahil lamang sa puntong ito ay may isandaang porsiyentong katiyakan sila sa Akin. Huwag kayong masyadong mabahala; isa-isa Kong ipapamalas sa inyo ang mga bagay-bagay.
Para sa inyo, Ako ay lantad at hindi nakatago. Gayunman, para sa mga walang pananampalataya—yaong mga taksil, na nagawang tiwali ni Satanas sa isang tiyak na antas—mananatili Akong nakatago. Gayunman, nang magsalita Ako noon tungkol sa pagpapakita sa di-mabilang na mga tao, ang tinutukoy Ko noon ay ang Aking katuwiran, paghatol, at pagiging kapita-pitagan, upang malaman nila mula sa natatanggap nila sa huli na Ako ang naghahari sa sansinukob at sa lahat ng bagay. Kumilos nang may katapangan! Itaas lamang ang inyong ulo! Huwag kayong matakot: Narito Ako—ang inyong Ama—para suportahan kayo, at hindi kayo magdurusa. Hangga’t madalas kayong nagdarasal at nagsusumamo sa Aking harapan, pagkakalooban Ko kayo ng buong pananalig. Yaong mga nasa kapangyarihan ay maaaring mukhang malupit sa panlabas, ngunit huwag kayong matakot, sapagkat ito ay dahil maliit ang inyong pananalig. Hangga’t lumalago ang inyong pananalig, magiging madali ang lahat. Humiyaw at tumalon hangga’t gusto ninyo! Lahat ay nasa ilalim ng inyong mga paa at hawak Ko. Hindi ba ipinapasya ang katuparan o pagkawasak sa isang salita Ko lamang?
Yaong mga ginagamit Ko ngayon ay matagal Ko nang sinang-ayunang lahat, nang paisa-isa. Ibig sabihin, yaong mga taong nasa grupo ng mga panganay na anak ay natukoy na, at natukoy na simula noong likhain Ko ang mundo. Walang sinumang makakapagbago nito, at lahat ay dapat sumusunod sa Akin. Walang taong makakagawa nito; lahat ng ito ay mga pagsasaayos Ko. Sa Akin, lahat ay magiging matatag at ligtas; sa Akin, lahat ay gagawin nang angkop at wasto, nang wala ni katiting na lakas. Nagsasalita Ako at ito ay naitatatag; nagsasalita Ako at ito ay natutupad. Sa magulong sitwasyon ng daigdig, bakit hindi pa kayo nagmamadaling simulan ang inyong pagsasanay? Hanggang kailan kayo maghihintay? Maghihintay ba kayo hanggang sa araw na dumagsa ang mga dayuhan patungong Tsina para makipagkita sa inyo? Maaaring dati-rati ay medyo naging mabagal kayo, ngunit hindi kayo maaaring magpatuloy na bigyang-layaw ang inyong sarili! Mga anak Ko! Isaalang-alang ninyo ang Aking masisidhing layunin! Yaong mga madalas na lumalapit sa Akin ay magkakamit ng lahat ng bagay. Wala ba kayong tiwala sa Akin?
Ang bilis ng Aking gawain ay isang kislap ng kidlat, ngunit tiyak na hindi ang dumadagundong na tunog ng kulog. Nauunawaan ba ninyo ang tunay na kahulugan ng mga salitang ito? Kailangan ninyong magawang mas mahusay na makipagtulungan sa Akin at magsaalang-alang ng Aking mga layunin. Gusto ninyong tumanggap ng mga pagpapala, ngunit takot din kayong magdusa; hindi ba ito ang inyong nagtatalong kalooban? Sinasabi Ko sa iyo! Kung nais ng tao na tumanggap ng mga pagpapala ngayon ngunit hindi ginagawa ang lahat ng sakripisyo para mangyari iyon, ang tatanggapin lamang niya ay kaparusahan at ang Aking paghatol. Gayunman, yaong mga nagsasakripisyo ng lahat ay daranas ng kapayapaan sa lahat ng bagay at magiging sagana sa lahat, ang lahat ay magiging mga pagpapala galing sa Akin. Ang kailangang-kailangan ngayon ay ang inyong pananalig, at na magbayad kayo ng halaga. Huwag kayong magkamali ng pag-unawa sa Aking mga layunin. Lahat ay mangyayari, at makikita ito ng sarili ninyong mga mata at mararanasan ninyo ito nang personal. Sa Akin, wala ni isang maling salita o kasinungalingan; lahat ng Aking sinasabi ay ganap na totoo, pero hindi nagkukulang sa karunungan. Huwag kayong mag-alinlangan. Ako ang nagsasakatuparan ng lahat ng bagay sa gitna ninyo, at Ako rin ang humahatol at humaharap sa mga gumagawa ng masama. Mahal Ko kayo, at ginagawa Ko kayong perpekto. Sa kanila, gayunman, Ako ang ganap na kabaligtaran: pagkamuhi at pagkawasak, na walang anumang kaluwagan at walang maiiwang bakas. Ang Aking kasaganaan ay nasa lahat ng Aking sinasabi at ginagawa. Nasuri na ba ninyo ang mga iyon nang paunti-unti? Maraming ulit Ko nang nasabi ang ilang salita, kaya bakit hindi ninyo nauunawaan ang ibig Kong sabihin? Pagkatapos ninyong basahin ang Aking mga salita, lahat ba ay magiging kung ano ang nararapat? Lahat ba kung gayon ay natutupad? Wala kayong anumang layon na isaalang-alang ang Aking puso. Bakit Ko sinasabi na Ako ang lubos na maawtoridad, marunong sa lahat, at nag-iisang tunay na Diyos na nagmamasid sa kaibuturan ng puso ng mga tao? Hindi pa rin ba ninyo nauunawaan ang kahulugan ng mga salitang ito? Naisaulo mo na ba ang bawat isa sa mga salitang Aking nabigyang-diin? Talaga bang naging mga prinsipyo ng pagkilos mo ang mga iyon?
Nakatayo Ako sa ibabaw ng lahat, nagmamasid sa buong sansinukob. Ipapakita Ko ang Aking dakilang kapangyarihan at buong karunungan sa di-mabilang na mga bayan at tao. Huwag lang maghangad ng kasiyahan ngayon. Kapag nagkaisa ang lahat ng bansa ng mundo, ano ang hindi mapapasainyo? Magkagayunman, hindi Ko kayo hahayaang magkulang ngayon, ni hindi Ko kayo tutulutang magdusa. Maniwala na Ako ang Diyos na makapangyarihan sa lahat! Lahat ay matutupad at bubuti nang bubuti! Mga panganay Kong anak! Lahat ng pagpapala ay darating sa inyo! Matatamasa ninyo ang mga iyon nang walang katapusan, hindi nauubos, mayaman at sagana, at puno ng kahustuhan!