347 Ang mga Taong Nakamit ng Diyos ay Magtatamasa ng mga Pagpapalang Walang-Hanggan
I
Ang Aking gawain ay tatagal lamang ng anim-na-libong taon, at Ako ay nangako na ang pagkontrol niyaong masama sa buong sangkatauhan ay tatagal lang din sa loob ng anim-na-libong taon. Kaya, oras na. Hindi Ko na ipagpapatuloy o ipagpapaliban pa: Sa panahon ng mga huling araw Aking gagapiin si Satanas, babawiin Ko ang lahat ng Aking kaluwalhatian, at babawiin Ko ang lahat ng kaluluwa sa lupa na kabilang sa Akin upang itong mga kaluluwang naghihinagpis ay maaaring makawala sa dagat ng pagdurusa, at sa gayon matatapos na ang Aking buong gawain sa lupa. Simula sa araw na ito, hindi na Ako kailanman magkakatawang-tao sa lupa, at hindi na muling gagawa pa sa lupa ang Aking Espiritu, na may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat. Lilikhain Ko na lang muli ang sangkatauhan sa lupa, isang sangkatauhan na ginawang banal at siyang Aking tapat na lungsod sa lupa.
II
Alamin ninyo na hindi Ko wawasakin ang buong mundo, hindi Ko rin lilipulin ang buong sangkatauhan. Iingatan Ko yaong natitirang ikatlong bahagi—ang ikatlong bahaging nagmamahal sa Akin at lubusan Kong nalupig, at sila ay Aking gagawing mabunga at pararamihin sa lupa kagaya ng ginawa ng mga Israelita sa ilalim ng kautusan; matatanggap nila ang masaganang tupa at baka na Aking tinutustos sa kanila, pati na ang lahat ng kasaganahan sa lupa. Ang sangkatauhang ito ay mananatili sa Akin magpakailanman, nguni't hindi ito ang magiging di-mabatang maruming sangkatauhan sa ngayon, kundi isang sangkatauhan na katipunan ng lahat ng Aking nakamit. Ang sangkatauhang iyon ay 'di mapipinsala, magagambala, o makukubkob ni Satanas, at magiging ang tanging sangkatauhan na umiiral sa mundo pagkatapos Kong nagtagumpay laban kay Satanas. Ito ang sangkatauhan na nalulupig Ko na ngayon at nagtamo ng Aking pangako.
III
Ang sangkatauhan na nalulupig sa panahon ng mga huling araw ay siya ring sangkatauhan na matitira at magtatamo ng Aking walang-hanggang mga pagpapala. Ito ang tanging magiging patunay ng Aking tagumpay laban kay Satanas, at ang tanging mga nasamsam sa Aking pakikipaglaban kay Satanas. Itong mga nasamsam sa digmaan ay Aking nailigtas mula sa kapangyarihan ni Satanas, at ang tanging kristalisasyon at bunga ng Aking anim-na-libong-taong plano ng pamamahala. Sila ay nagmula sa bawat nasyon at denominasyon, mula sa bawat lugar at bansa sa buong sansinukob. Sila ay galing sa iba't ibang lahi, may iba't ibang wika, kaugalian at mga kulay ng balat, at sila ay nakakalat sa lahat ng bansa at denominasyon sa buong mundo, at maging sa bawat sulok ng mundo. Sa huli, sila ay magsasama-sama upang buuin ang isang ganap na sangkatauhan, isang pagtitipon ng tao na hindi kayang abutin ng mga puwersa ni Satanas.
mula sa Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Walang Sinumang May Katawan ang Makakatakas sa Araw ng Poot