850 Ang Pagiging Totoo at Kaibig-ibig ng Diyos
Sa tagpong ito ng "Iginawa ng Diyos na si Jehova si Adan at Eba ng mga kasuotang balat at sila'y dinamitan," makikita natin na nagpapakita ang Diyos bilang magulang nina Adan at Eba.
I
Nilikha ng Diyos ang dalawang taong ito at itinuring silang mga kasama Niya. Bilang nag-iisa nilang kapamilya, inalagaan ng Diyos ang kanilang mga buhay at tinustusan ang mga pangangailangan nila sa pagkain, damit, at tirahan. Dito, nagpapakita ang Diyos bilang magulang nila Adan at Eba. Mula sa usaping ito, hindi nakikita ng tao kung gaano katayog ang Diyos; hindi niya nakikita ang kataas-taasang pangingibabaw ng Diyos, ang Kanyang pagiging mahiwaga, at lalo nang hindi ang Kanyang poot o pagiging maharlika. Ang nakikita lamang niya ay ang pagpapakumbaba ng Diyos, ang Kanyang mapagmahal na kabaitan, ang Kanyang malasakit para sa tao at ang Kanyang pananagutan at paglingap para sa kanya.
II
Ang saloobin at paraan ng pakikitungo ng Diyos kina Adan at Eba ay katulad ng pagpapakita ng malasakit ng mga magulang para sa kanilang mga anak. Ganito rin ang paraan ng pagmamahal, pag-aalaga, at pagmamalasakit ng mga magulang para sa kanilang mga sariling anak na lalaki at babae—totoo, nakikita, at nahahawakan. Sa halip na lumagay sa Kanyang mataas at makapangyarihang posisyon, personal na ginamit ng Diyos ang mga balat upang gumawa ng damit para sa tao. Maaaring tila walang halaga ito—marahil sa palagay ng ilan ay hindi na nga dapat pang banggitin ito—ngunit hinahayaan nito ang lahat ng sumusunod sa Diyos na dati ay puno ng malalabong imahinasyon tungkol sa Kanya na magkaroon ng kabatiran sa Kanyang pagiging totoo at kaibig-ibig, at upang makita ang Kanyang katapatan at kababaang-loob; tinutulutan sila nito na magkaroon ng kabatiran sa Kanyang pagiging totoo at kaibig-ibig, at upang makita ang Kanyang katapatan at kababaang-loob.
mula sa Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo I