Kabanata 18
Sa gitna ng pagkidlat, nabubunyag ang tunay na mga anyo ng lahat ng uri ng hayop. Gayundin, natatanglawan ng Aking liwanag, nabawi na ng tao ang kabanalang minsan niyang tinaglay. Ah, tiwaling mundo noong araw! Sa wakas, nabuwal na ito tungo sa maruming tubig at, habang lumulubog pailalim, ay naging putik! Ah, buong sangkatauhan, na sarili Kong likha! Sa wakas ay muli silang nabuhay sa liwanag, natanggap ang pundasyon para sa pag-iral, at tumigil sa pakikibaka sa putikan! Ah, ang lahat ng bagay na hawak Ko sa Aking mga kamay! Paanong hindi mapaninibago ang mga ito bilang resulta ng Aking mga salita? Paanong hindi nila magagampanan, sa liwanag, ang kanilang mga papel? Hindi na nakakabingi ang katahimikan at walang ingay ang mundo, hindi na mapanglaw at madilim ang langit. Ang langit at lupa, na wala nang puwang sa pagitan, ay nagkaisa na, at hindi na kailanman muling paghihiwalayin pa. Sa masayang okasyong ito, sa sandaling ito ng malaking kagalakan, ang Aking pagkamatuwid at ang Aking kabanalan ay umabot na sa ibabaw ng sansinukob at sa buong sansinukob, at walang humpay na ipinagbubunyi sa gitna ng mga tao. Nagtatawanan sa galak ang mga lungsod ng langit, at nagsasayawan sa galak ang mga kaharian ng lupa. Sa pagkakataong ito, sino ang hindi nagagalak? At sino ang hindi naluluha? Ang mundo sa una nitong kalagayan ay pag-aari ng langit, at ang langit ay kaugnay ng lupa. Ang tao ang tali na nag-uugnay ng langit at lupa. Dahil sa kabanalan ng tao, dahil sa pagpapanibago ng tao, hindi na nakatago ang langit mula sa lupa, at hindi na tahimik ang lupa ukol sa langit. Ang mga mukha ng lahat ng tao ay nababalutan ng mga ngiti ng kasiyahan, at may nakatago sa lahat ng puso nila na isang tamis na walang hangganan. Hindi nakikipag-away ang mga tao o pisikal na nakikipag-away sa isa’t isa. Mayroon bang sinuman, sa Aking liwanag, na hindi namumuhay nang matiwasay sa piling ng iba? Mayroon bang sinuman, sa Aking panahon, na sinisiraang-puri ang Aking pangalan? Ang lahat ay nakatitig sa Akin nang may takot, at sa puso nila, lihim silang nananawagan sa Akin. Nasiyasat Ko na ang bawat kilos nila: Sa mga taong nalinis na, walang mapaghimagsik laban sa Akin, walang humuhusga sa Akin. Ang Aking disposisyon ay tumatagos sa lahat ng tao. Nakikilala Ako ng lahat, mas lumalapit sa Akin at tinitingala Ako. Naninindigan Ako sa espiritu ng tao, dinadakila Ako sa pinakamataas na tugatog sa mga mata ng tao, at dumadaloy sa dugo sa mga ugat ng tao. Ang kagalakan sa puso ng tao ay pinupuno ang bawat lugar sa ibabaw ng lupa, malinis at sariwa ang hangin, hindi na tinatakluban ng makakapal na hamog ang lupa, at maningning ang sikat ng araw.
Ngayon, tingnan ninyo ang Aking kaharian, kung saan Ako ang Hari sa lahat, at kung saan gumagamit Ako ng kapangyarihan sa lahat. Mula sa simula ng paglikha hanggang sa araw na ito, ang Aking mga anak, sa paggabay Ko, ay nakaranas ng mga paghihirap sa buhay, sa kawalang-katarungan ng mundo, sa bako-bakong daan ng mundo ng tao, ngunit ngayon ay nananahan sila sa Aking liwanag. Sino ang hindi lumuluha sa kung gaano kahirap na makarating sa kasalakuyan? Sino ang hindi lumuluha sa mga paghihirap na tiniis para umabot sa araw na ito? At muli, mayroon bang sinuman na hindi nagsasamantala sa pagkakataong ito upang ialay ang kanilang sarili sa Akin? Mayroon bang sinuman na hindi nagsasamantala sa pagkakataong ito upang ipahayag ang masidhing damdaming nag-uumapaw sa kanilang puso? Mayroon bang sinuman na hindi magpapahayag, sa sandaling ito, ng kanilang naranasan? Sa oras na ito, inilalaan ng lahat ng tao ang pinakamainam na bahagi ng kanilang sarili sa Akin. Ilan ang nagdurusa sa panghihinayang dahil sa nakaraan nilang mga kalokohan, ilan ang namumuhi sa kanilang sarili nang lubos dahil sa mga dati nilang paghahangad! Nakilala na ng lahat ng tao ang kanilang sarili, nakita na nilang lahat ang mga gawa ni Satanas at ang Aking pagiging kamangha-mangha, at sa kaibuturan ng kanilang puso, mayroon nang puwang para sa Akin. Hindi Ko na tutugunan ng pagkamuhi o pagtatakwil ang mga tao, sapagkat naisakatuparan na ang Aking dakilang gawain, at wala nang humahadlang. Ngayon, sa mga anak ng Aking kaharian, mayroon bang sinuman na hindi pa napag-isipan ang sarili nilang mga alalahanin? Mayroon bang sinuman na hindi mas nagninilay dahil sa mga paraan na isinasagawa ang Aking gawain? Mayroon bang sinuman na taos-pusong nag-alay ng kanilang sarili para sa Akin? Nabawasan na ba ang mga karumihan sa kaibuturan ng inyong puso? O nadagdagan ba ang mga ito? Kung hindi nabawasan ang maruruming elemento sa loob ninyo, at ni hindi naragdagan ang mga ito, siguradong itatapon Ko ang mga taong katulad ninyo. Ang gusto Ko ay mga taong banal na nakaayon sa Aking mga layunin, hindi maruruming espiritung naghihimagsik laban sa Akin. Kahit hindi mataas ang mga hinihingi Ko sa mga tao, napakakomplikado ng panloob ng kanilang puso na hindi sila makaayon sa Aking mga layunin nang maayos o agad na matugunan ang Aking mga layunin. Karamihan sa mga tao ay lihim na nagsusumikap sa sarili nila sa pag-asang matamo ang huling korona ng tagumpay. Ang karamihan sa mga tao ay nagpupunyagi nang buong lakas, hindi nangangahas na magpabaya kahit isang sandali, takot na takot na mabihag ni Satanas sa pangalawang pagkakataon. Hindi na sila nangangahas na magkimkim ng mga hinaing laban sa Akin, kundi palagi silang nagpapakita ng katapatan sa Akin. Narinig Ko na ang taos-pusong mga salitang sinambit ng napakaraming tao, mga kuwento mula sa napakaraming tao tungkol sa kanilang masasakit na karanasan sa gitna ng pagdurusa; napakarami Ko nang nakita, sa gitna ng paghihirap, na walang maliw na naghahandog ng kanilang katapatan sa Akin, at napakarami Ko nang namasdan, nang tahakin nila ang mabatong landas, na naghanap ng daan para makalabas. Sa mga sitwasyong ito, hindi sila nagreklamo kailanman; bagama’t hindi nila kailanman natagpuan ang liwanag, at nararamdaman nilang medyo wala silang sigla sa puso, ni minsan ay hindi sila nagreklamo. Ngunit narinig Ko na rin ang napakaraming tao na nagmura nang husto mula sa kaibuturan ng kanilang puso, na isinusumpa ang Langit at nagrereklamo tungkol sa lupa. At nakita Ko na rin na napakaraming tao ang sumisira sa kanilang sarili sa gitna ng kanilang paghihirap, na inihahagis ang kanilang sarili sa basurahan na parang basura, upang marumihan at marungisan. Narinig Ko na ang napakaraming tao na nag-aaway dahil sa isang pagbabago sa katungkulan, na humahantong sa pagbabago ng kanilang mukha, at sa pagbabago ng kanilang mga ugnayan sa ibang mga tao, na may napuputol ang pagkakaibigan at nagiging magkakaaway, at inaatake ang isa’t isa sa salita. Ginagamit ng halos lahat ng tao ang Aking mga salita na parang mga balang nagmumula sa isang masinggan, at pinapuputukan ang iba nang walang kamalay-malay, hanggang sa mayroong maingay na sigawan sa gitna nila kahit saan, binabasag ang tahimik na kapanatagan. Sa kabutihang-palad, dumating na ang araw na ito; kung hindi, sino ang nakakaalam kung ilan ang maaaring mapahamak dahil sa walang-awang pagpapaputok ng masinggan na ito.
Kasunod ng paglabas ng Aking mga salita, at pakikisabay sa mga kalagayan ng buong sangkatauhan, dahan-dahang bumaba sa lupa ang Aking kaharian. Hindi na nagkikimkim ng nakaliligalig na mga ideya ang tao, o “inaabala” ang kanyang sarili sa ibang mga tao, o “nag-aalala” sa kanila. Kaya nga, wala na ang mga kontrahang pagtatalo sa lupa, at, kasunod ng paglabas ng Aking mga salita, inalis ang sari-saring “mga armas” ng modernong panahon. Nakatagpong muli ng kapayapaan ang tao sa piling ng tao, nababanaag ang espiritu ng pagkakasundo sa puso ng tao, at hindi na ipinagtatanggol ng sinuman ang kanilang sarili laban sa patagong pag-atake. Nakabalik na ang buong sangkatauhan sa normal na kalagayan at nagsimula na sa isang bagong buhay. Nananahan sa mga bagong kapaligiran, inililibot ng maraming tao ang kanilang tingin sa paligid, na nadarama na para silang nakapasok sa isang lubos na panibagong mundo, at dahil dito, hindi sila makaangkop kaagad sa kanilang kasalukuyang kapaligiran o makapasok kaagad sa tamang landas. Kaya nga, isang kaso ito ng “ang espiritu’y handa ngunit ang laman ay mahina” kung sangkatauhan ang pag-uusapan. Bagama’t hindi Ko pa Mismo natitikman na katulad ng tao ang kapaitan ng kahirapan, magkagayunman ay alam Ko ang lahat ng dapat malaman tungkol sa mga kakulangan ng tao. Alam na alam Ko ang mga pangangailangan ng tao, at ganap ang pagkaunawa Ko sa kanyang mga kahinaan. Dahil dito, hindi Ko pinagtatawanan ang tao sa kanyang mga pagkukulang; nangangasiwa lamang Ako, dahil sa kanyang kawalang-katuwiran, ng isang angkop na sukat ng “pagtuturo,” upang mabigyang-daan ang lahat na tumahak sa tamang landas, nang sa gayon ay tumigil ang sangkatauhan sa pagiging gumagalang mga ulila at sa halip ay maging mga sanggol na may isang lugar na matatawag na tahanan. Gayunpaman, ang Aking mga kilos ay pinamamahalaan ng mga prinsipyo. Kung ayaw ng mga tao na tamasahin ang lubos na kaligayahang nasa Akin, makakaayon lamang Ako sa kung saan nila naituon ang kanilang puso at ipadadala Ko sila sa walang-hanggang kalaliman. Sa puntong ito, wala nang sinumang dapat magkimkim ng mga hinaing sa kanilang puso, kundi dapat makita ng lahat ang Aking pagkamatuwid sa mga plano na Aking nagawa. Hindi Ko pinipilit ang sangkatauhan na mahalin Ako, ni hindi Ko hinahampas ang anumang pagmamahal ng tao para sa Akin. Sa Akin ay may ganap na kalayaan, ganap na paglaya. Bagama’t nasa mga kamay Ko ang kapalaran ng tao, binigyan Ko na ng kalayaan ang tao, na hindi sumasailalim sa Aking pagpigil. Sa ganitong paraan, hindi “gagawa ng problema ang mga tao para sa sarili nila” dahil sa Aking mga atas administratibo, kundi sa halip, dahil sa Aking kagandahang-loob, ay magkakamit ng “pagpapalaya.” Kaya nga, maraming taong naghahanap sa loob ng hangganan ng kanilang kalayaan ng sarili nilang daan palabas, at hindi nalilimitahan dahil sa Akin.
Palagi ko nang hinahayaan ang mga tao na maging malaya, na hindi kailanman binibigyan ang mga tao ng mga problemang walang kalutasan, na hindi kailanman pinahihirapan ang sinumang tao. Hindi ba ganito? Bagama’t napakaraming taong hindi nagmamahal sa Akin, at malayong mayamot Ako sa ganitong klaseng pag-uugali, binigyan Ko na sila ng kalayaan, hinahayaan silang maging malaya hanggang sa puntong malaya silang nakakalangoy sa dagat-dagatan ng pagdurusa. Sapagkat ang tao ay isang sisidlan na walang karangalan; bagama’t nakikita niya ang pagpapalang hawak Ko sa Aking kamay, wala siyang interes na tamasahin ito, kundi mas gusto pa niyang magdusa sa kamay ni Satanas, at sa gayon ay parusahan ang kanyang sarili na lamunin ni Satanas bilang “pampalusog.” Siyempre pa, may ilan na nakakita na sa Aking liwanag, kaya nga, kahit nabubuhay sila sa gitna ng kasalukuyang panahon, hindi pa sila nawalan ng pananampalataya sa liwanag, dahil sa mga ulap na ito, kundi patuloy silang nangangapa at naghahanap sa mga ulap na iyon—kahit sa landas na puno ng mga balakid. Kapag naghihimagsik ang tao laban sa Akin, ibinabato Ko ang Aking poot sa kanya, at sa gayon ay maaaring mapahamak ang tao dahil sa kanyang paghihimagsik. Kapag sumusunod siya sa Akin, nananatili Akong nakatago mula sa kanya, sa ganitong paraan ay napupukaw ang pagmamahal na nasa kaibuturan ng kanyang puso, isang pagmamahal na hindi para suyuin Ako, kundi bigyan Ako ng kasiyahan. Napakaraming beses, habang naghahanap ang tao, na Akong nagpikit ng mga mata at nanahimik, upang matamo ang kanyang tunay na pananalig. Ngunit kapag hindi Ako umiimik, nagbabago ang pananalig ng tao sa isang iglap. Samakatwid, ang tanging nakikita Ko ay ang kanyang “mga huwad na kalakal,” sapagkat kailanma’y hindi Ako taos-pusong minahal ng tao. Kapag ibinubunyag Ko ang sarili Ko, saka lamang nagpapakita ang mga tao ng napakalaking “pananalig”; ngunit kapag nakatago Ako sa Aking lihim na dako, umaatras sila, na para bang takot na gumawa ng pagkakasala sa Akin; mayroon pang ilan na, dahil hindi nila nakikita ang Aking mukha, idinadaan Ako sa “matinding pagsusuri,” sa gayon ay nawawalan ng katotohanan ang Aking pag-iral. Napakaraming taong nananatili sa ganitong kondisyon, napakaraming may ganitong pag-iisip—sadyang pinagtatakpan lahat ng tao ang kapangitan sa kanilang sarili. Dahil dito, atubili silang banggitin ang sarili nilang mga kakulangan, at umaamin lamang sa katotohanan ng Aking mga salita nang nagngangalit ang mga ngipin at nakatago ang mga mukha.
Marso 17, 1992