Ang Totoong Kuwentong Nakapaloob sa Gawain ng Paglupig (3)

Ang epektong nilayon ng gawain ng panlulupig, higit sa lahat, ay upang hindi na maghimagsik ang laman ng tao; ibig sabihin, upang magtamo ng bagong pagkakilala ang isipan ng tao tungkol sa Diyos, upang ang puso ng tao ay lubusang magpasakop sa Diyos, at upang ang tao ay magkaroon ng mga kapasyahan na alang-alang sa Diyos. Hindi itinuturing na nalupig ang mga tao kapag nagbago ang kanilang personalidad o laman; kapag nagbago ang kanilang mentalidad, ang kanilang kamalayan, at ang kanilang katwiran, ibig sabihin, kapag nagbago ang kanilang buong mental na pananaw—iyon ay kapag nalupig na sila ng Diyos. Kapag mayroon ka na ng determinasyon na magpasakop, nagkaroon ng isang bagong mentalidad, wala nang anumang mga kuru-kuro tungkol sa mga salita at gawain ng Diyos, ni anumang mga intensiyon tungkol sa mga bagay na ito, at ang utak mo ay may kapasidad na mag-isip nang normal—ibig sabihin, kapag kaya mo nang igugol ang sarili mo para sa Diyos nang buong puso mo—ikaw ang uri ng tao na lubusang nalupig. Sa relihiyon, maraming taong nagdurusa nang husto sa buong buhay nila: Sinusupil nila ang kanilang katawan at pinapasan ang kanilang krus, at patuloy pa silang nagdurusa at nagtitiis kapag nasa bingit na ng kamatayan! Nag-aayuno pa rin ang ilan sa umaga ng kanilang kamatayan. Buong buhay nila ay pinagkakaitan nila ang kanilang sarili ng masasarap na pagkain at magagarang damit, nakatuon lang sa pagdurusa. Nagagawa nilang supilin ang kanilang katawan at maghimagsik laban sa kanilang laman. Kapuri-puri ang diwa nilang magtiis ng pagdurusa. Ngunit ang kanilang mentalidad, ang kanilang mga kuru-kuro, ang kanilang mental na pananaw, at ang dati nilang kalikasan ay hindi pa napungusan kahit kaunti. Wala silang tunay na pagkakilala tungkol sa kanilang sarili. Ang wangis ng Diyos na nasa kanilang isipan ay ang tradisyonal na imahe ng isang malabong Diyos. Ang determinasyon nilang magdusa para sa Diyos ay nagmumula sa kanilang kasigasigan at mabuting personalidad ng kanilang pagkatao. Kahit nananampalataya sila sa Diyos, hindi nila Siya nauunawaan ni hindi nila alam ang Kanyang mga layunin. Pikit-mata lamang silang gumagawa at nagdurusa para sa Diyos. Hindi nila binibigyan ng anumang halaga ang pagkilatis, halos walang pakialam kung paano titiyakin na talagang tinutupad ng kanilang paglilingkod ang mga layunin ng Diyos, lalo nang wala silang kamalayan kung paano magkamit ng pagkakilala tungkol sa Diyos. Ang Diyos na kanilang pinaglilingkuran ay hindi ang Diyos sa Kanyang likas na wangis, kundi isang Diyos na inilarawan nila sa kanilang isip, isang Diyos na nabalitaan lamang nila, o nabasa lamang nila sa mga nakasulat na alamat. Pagkatapos ay ginagamit nila ang kanilang mayayabong na imahinasyon at pagiging deboto upang magdusa para sa Diyos at isagawa ang gawain ng Diyos na nais gawin ng Diyos. Lubhang hindi tumpak ang kanilang paglilingkod, kaya nga halos walang sinuman sa kanila ang tunay na nagagawang maglingkod sa Diyos alinsunod sa mga layunin ng Diyos. Gaano man sila kahandang magdusa, ang orihinal nilang pananaw sa paglilingkod at ang wangis ng Diyos sa kanilang isipan ay hindi nagbabago, dahil hindi pa sila sumasailalim sa paghatol, pagkastigo, pagpipino, at pagpeperpekto ng Diyos, ni hindi sila nagabayan ng sinuman gamit ang katotohanan. Kahit nananampalataya sila kay Jesus na Tagapagligtas, walang sinuman sa kanila ang nakakita sa Tagapagligtas kailanman. Nalalaman lamang nila ang tungkol sa Kanya sa pamamagitan ng mga alamat at sabi-sabi. Dahil dito, ang kanilang paglilingkod ay katumbas lamang ng arbitraryong paglilingkod nang nakapikit, tulad ng isang bulag na naglilingkod sa sarili niyang ama. Ano, sa bandang huli, ang makakamit ng gayong uri ng paglilingkod? At sino ang sasang-ayon dito? Mula simula hanggang wakas, ganoon pa rin ang kanilang paglilingkod sa kabuuan; tumatanggap lamang sila ng mga aral na gawa ng tao at ibinabatay lamang nila ang kanilang paglilingkod sa kanilang naturalesa at sa kanilang sariling mga kagustuhan. Anong gantimpala ang idudulot nito? Kahit si Pedro, na nakakita kay Jesus, ay hindi alam kung paano maglingkod alinsunod sa mga layunin ng Diyos; nalaman lamang niya ito sa bandang huli, noong matanda na siya. Ano na lang kaya ang masasabi tungkol sa mga taong bulag na hindi pa nakaranas ng kahit kaunting pagpupungos, at walang sinumang gumagabay sa kanila? Hindi ba kagaya ng sa mga taong bulag na ito ang paglilingkod ng marami sa inyo ngayon? Lahat ng hindi pa nakatanggap ng paghatol, hindi pa nakatanggap ng pagpupungos, at hindi pa nagbago—hindi ba’t lahat sila ay yaong hindi pa ganap na nalupig? Ano ang silbi ng gayong mga tao? Kung ang iyong mentalidad, iyong pagkakilala tungkol sa buhay, at iyong pagkakilala tungkol sa Diyos ay hindi nagpapakita ng bagong pagbabago at wala ka talagang napapala, hindi ka magkakamit kailanman ng anumang resulta sa iyong paglilingkod! Kung wala kang pangitain at bagong kaalaman tungkol sa gawain ng Diyos, ikaw ay hindi nalupig. Ang pagsunod mo sa Diyos, kung gayon, ay magiging katulad ng mga nagdurusa at nag-aayuno: maliit ang halaga! Dahil mismo sa walang patotoo sa kanilang ginagawa kaya Ko sinasabi na walang saysay ang kanilang paglilingkod! Ang mga taong ito ay nagdurusa at gumugugol ng oras sa bilangguan sa buong buhay nila, lagi silang matiisin, mapagmahal, nagpapasan ng krus, at sinisiraan sila at itinatakwil ng mundo—nagdaranas ng lahat ng hirap. Bagama’t masunurin sila hanggang sa pinakahuli, hindi pa rin sila nalupig, at walang maibahaging patotoo na nalupig na sila. Nagdusa na sila nang malaki, ngunit sa kanilang kalooban ay ni hindi man lamang nila kilala ang Diyos. Wala sa kanilang dating mentalidad, mga dating kuru-kuro, mga relihiyosong gawi, kaalamang gawa ng tao, at pag-iisip ng tao ang napungusan. Wala sila ni katiting na pahiwatig ng bagong kaalaman sa kanilang kalooban. Wala ni katiting ng kanilang pagkakilala tungkol sa Diyos ang totoo o tumpak. Mali ang pagkaunawa nila sa mga layunin ng Diyos. Paglilingkod ba ito sa Diyos? Anuman ang pagkakilala mo tungkol sa Diyos noong araw, kung ganoon pa rin iyon ngayon at patuloy mong ibinabatay ang iyong pagkakilala sa Diyos sa sarili mong mga kuru-kuro at pag-iisip anuman ang ginagawa ng Diyos, na ang ibig sabihin ay kung wala kang taglay na bago at tunay na pagkakilala tungkol sa Diyos at kung nabigo kang makilala ang likas na wangis at disposisyon ng Diyos, kung ang iyong pagkakilala sa Diyos ay ginagabayan pa rin ng pyudal at mapamahiing pag-iisip at mga imahinasyon at kuru-kuro pa rin ng tao, hindi ka pa nalupig. Ang lahat ng maraming salitang sinasabi Ko ngayon sa iyo ay para ipaalam sa iyo, para akayin ka ng kaalamang ito sa isang mas bago at tumpak na pagkakilala; ang mga ito ay para pungusan din ang mga lumang kuru-kuro at mga lumang kaalaman mo, upang magtaglay ka ng bagong kaalaman. Kung tunay mong kinakain at iniinom ang Aking mga salita, ang iyong kaalaman ay lubhang magbabago. Basta’t kinakain at iniinom mo ang mga salita ng Diyos na may pusong mapagpasakop, babaligtad ang iyong pananaw. Basta’t nagagawa mong tanggapin ang paulit-ulit na mga pagkastigo, unti-unting magbabago ang iyong dating mentalidad. Basta’t lubos na napalitan ng bago ang iyong dating mentalidad, magbabago rin ang iyong pagsasagawa ayon dito. Sa ganitong paraan, ang iyong paglilingkod ay lalong magiging tumpak, lalong magagawang tugunan ang mga layunin ng Diyos. Kung mababago mo ang iyong pamumuhay, ang iyong kaalaman tungkol sa buhay ng tao, at ang iyong maraming kuru-kuro tungkol sa Diyos, unti-unting mababawasan ang iyong naturalesa. Ito, at wala nang iba, ang epekto kapag nilupig ng Diyos ang mga tao, ito ang pagbabagong nangyayari sa mga tao. Kung, sa iyong pananalig sa Diyos, ang tanging alam mo ay supilin ang iyong katawan at magtiis at magdusa, at hindi mo alam kung iyan ay tama o mali, lalo na kung para kanino ito ginagawa, paano maaaring humantong sa pagbabago ang gayong uri ng pagsasagawa?

Unawain na ang Aking hinihiling sa inyo ay hindi ang alipinin ninyo ang inyong laman o pigilan ang inyong utak sa pag-iisip ng mga arbitraryong kaisipan. Hindi ito ang layon ng gawain, ni ang gawaing kailangang gawin ngayon mismo. Ngayon mismo, kailangan ninyong magkaroon ng kaalaman mula sa positibong aspekto upang mabago ninyo ang inyong sarili. Ang pinakakailangang gawin ay sangkapan ang inyong sarili ng mga salita ng Diyos, ibig sabihin ay lubusang armasan ang inyong sarili ng katotohanan at pangitain ng kasalukuyan, at pagkatapos ay humayo at isagawa ang katotohanan. Ito ang inyong responsabilidad. Hindi Ko hinihiling sa inyo na maghanap at magtamo ng higit pang pagtanglaw. Sa kasalukuyan, hindi talaga ninyo taglay ang tayog para doon. Ang kinakailangan sa inyo ay gawin ang lahat ng inyong makakaya upang makain at mainom ang mga salita ng Diyos. Kailangan ninyong maunawaan ang gawain ng Diyos at makilala ang inyong kalikasan, ang inyong diwa, at ang dati ninyong pamumuhay. Kailangan ninyong malaman, lalo na, ang mga walang-katotohanang pagsasagawang iyon at ang mga ginagawa ng tao na sinalihan ninyo. Para magbago, kailangan ninyong simulang baguhin ang inyong mentalidad. Una, palitan ng bago ang inyong dating mentalidad, at hayaang kontrolin ng inyong bagong mentalidad ang inyong mga salita at kilos at ang inyong buhay. Ito ang hinihiling sa bawat isa sa inyo ngayon. Huwag magsagawa nang pikit-mata o sumunod nang pikit-mata. Dapat kayong magkaroon ng isang pundasyon at isang pakay. Huwag ninyong lokohin ang inyong sarili. Dapat ninyong malaman kung para saan talaga ang inyong pananampalataya sa Diyos, kung ano ang mapapala ninyo mula rito, at kung paano kayo dapat pumasok ngayon mismo. Kinakailangang malaman mo ang lahat ng ito.

Ang dapat ninyong pasukin sa kasalukuyan ay ang iangat ang inyong buhay at paghusayin ang inyong kakayahan. Dagdag pa rito, kailangan ninyong baguhin iyong mga dating pananaw mula sa inyong nakaraan, baguhin ang inyong mentalidad, at baguhin ang inyong mga kuru-kuro. Ang inyong buong buhay ay nangangailangan ng pagpapanibago. Kapag nagbago ang iyong pagkakilala tungkol sa mga gawa ng Diyos, kapag mayroon kang bagong kaalaman tungkol sa katotohanan ng lahat ng sinasabi ng Diyos, at kapag ang kaalamang nasa iyong kalooban ay umangat, bubuti ang iyong buhay. Lahat ng ginagawa at sinasabi ng mga tao ngayon ay praktikal. Hindi ito mga doktrina, kundi sa halip ay mga bagay na kailangan ng mga tao sa kanilang buhay at dapat nilang taglayin. Ito ang pagbabagong nagaganap sa mga tao sa gawain ng panlulupig, ang pagbabagong dapat maranasan ng tao, at ito ang epekto matapos silang malupig. Kapag nabago mo na ang iyong mentalidad, nag-angkin ka na ng bagong mental na pananaw, nabaligtad mo na ang iyong mga kuru-kuro at intensiyon at ang dati mong mga lohikal na pangangatwiran, naitapon mo na ang mga bagay na nakaugat nang malalim sa iyong kalooban, at nagtamo ka na ng bagong kaalaman tungkol sa pananalig sa Diyos, ang mga patotoong iyong ibinibigay ay aangat, at ang iyong buong pagkatao ay tunay nang nabago. Ang lahat ng ito ang pinakamakatotohanan, pinakapraktikal, at pinakapangunahin sa lahat ng bagay—mga bagay na hindi maintindihan ng mga tao noong araw, at mga bagay na hindi nila kayang maabot. Ang mga ito ang tunay na gawain ng Espiritu. Malalaman mo kung paano mo naunawaan ang Bibliya noon sa pamamagitan ng pagsasailalim dito sa pagkukumpara ngayon. Noon, ang iyong saloobin kina Moises, Pedro, Pablo, o sa lahat ng pahayag at pananaw sa Bibliya ay saloobin ng pagtataas. Ngayon, kung hihilingin sa iyo na itaas ang Bibliya, gagawin mo ba iyon? Makikita mo na ang Bibliya ay naglalaman ng napakaraming tala na isinulat ng tao, at na ang Bibliya ay tala lamang ng tao tungkol sa dalawang yugto ng gawain ng Diyos. Ito ay isang aklat ng kasaysayan. Hindi ba ito nangangahulugan na nagbago na ang kaalaman mo tungkol dito? Kung tinitingnan mo ang talaangkanan ni Jesus na nasa Ebanghelyo ni Mateo ngayon, sasabihin mong, “Talaangkanan ni Jesus? Kalokohan! Talaangkanan ito ni Jose, hindi ni Jesus. Walang kaugnayan si Jesus kay Jose.” Kapag tiningnan mo ang Bibliya ngayon, iba ang kaalaman mo tungkol dito, ibig sabihin ay nagbago na ang iyong perspektiba, at na naghahatid ka ng isang mas mataas na antas ng pagkakilala dito kaysa sa mga nakatataas na tao sa relihiyon. Kung sasabihin ng isang tao na may mas malalim na kahulugan sa talaangkanang ito, sasagot ka ng, “Ano ang mayroon dito? Magpatuloy ka at magpaliwanag. Hindi magkamag-anak sina Jesus at Jose. Hindi mo ba alam iyon? Maaari bang magkaroon ng talaangkanan si Jesus? Paano magkakaroon ng mga ninuno si Jesus? Paano Siya magiging inapo ng tao? Ang Kanyang katawang-tao ay ipinanganak ni Maria; ang Kanyang Espiritu ay ang Espiritu ng Diyos, hindi ang espiritu ng isang tao. Si Jesus ang pinakamamahal na Anak ng Diyos, kaya maaari ba Siyang magkaroon ng talaangkanan? Habang nasa lupa hindi Siya isang miyembro ng sangkatauhan, kaya paano Siya magkakaroon ng talaangkanan?” Kapag sinuri mo ang talaangkanan at ipinaliwanag mo nang malinaw ang mga tunay na sitwasyon, nang ibinabahagi kung ano ang iyong naunawaan, hindi makakaimik ang taong iyon. Sasangguni ang ilang tao sa Bibliya at tatanungin ka, “May talaangkanan si Jesus. May talaangkanan ba ang iyong Diyos sa ngayon?” Sa gayon ay sasabihin mo sa kanila ang pinakapraktikal na kaalamang mayroon ka, at sa ganitong paraan, ang iyong kaalaman ay nagkaroon na ng epekto. Ang totoo, walang kaugnayan si Jesus kay Jose, lalo na kay Abraham; isinilang lamang Siya sa Israel. Gayunman, ang Diyos ay hindi isang Israelita o isang inapo ng mga Israelita. Dahil lamang sa isinilang Siya sa Israel ay hindi nangangahulugan na ang Diyos ay Diyos lamang ng mga Israelita. Para lamang sa Kanyang gawain kaya Niya isinagawa ang gawain ng pagkakatawang-tao. Ang Diyos ay ang Diyos ng lahat ng nilikha sa buong sansinukob. Isinagawa lamang muna Niya ang isang yugto ng Kanyang gawain sa Israel, pagkatapos ay nagsimula Siyang gumawa sa mga bayan ng Hentil. Gayunman, itinuring ng mga tao si Jesus na Diyos ng mga Israelita, at saka ibinilang Siya sa mga Israelita at sa mga inapo ni David. Sinasabi sa Bibliya na sa mga huling araw, ang pangalan ni Jehova ay magiging dakila sa mga bayan ng Hentil, ibig sabihin ay gagawa ang Diyos sa mga bayan ng Hentil sa mga huling araw. Ang pagkakatawang-tao ng Diyos sa Judea ay hindi nagpapahiwatig na mga Hudyo lamang ang mahal ng Diyos. Nangyari lamang iyon dahil iyon ang hinihingi ng gawain; hindi totoo na ang Diyos ay maaari lamang magkatawang-tao sa Israel (dahil ang mga Israelita ang mga taong Kanyang hinirang). Hindi ba matatagpuan din ang mga taong hinirang ng Diyos sa mga bayan ng Hentil? Nang matapos si Jesus sa paggawa sa Judea, saka nagsimulang ipalaganap ang gawain sa mga bayan ng Hentil. (Tinawag ng mga Israelita ang lahat ng bansa maliban sa Israel na “mga bayan ng Hentil.”) Ang totoo, mayroon ding mga hinirang na tao ng Diyos sa mga bayan ng Hentil; kaya lamang ay wala pang gawaing ginagawa roon sa panahong iyon. Gayon ang pagbibigay-diin ng mga tao sa Israel dahil ang unang dalawang yugto ng gawain ay naganap sa Israel samantalang walang gawaing ginagawa noon sa mga bayan ng Hentil. Ang gawain sa mga bayan ng Hentil ay nagsisimula pa lamang ngayon, kaya nga nahihirapang masyado ang mga tao na tanggapin ito. Kung kaya mong unawain nang malinaw ang lahat ng ito, kung nagagawa mong unawain at ituring ito nang tama, at mayroon kang tumpak na pagkakilala sa Diyos ng ngayon at ng nakaraan, ang iyong pagkakilala ay magiging mas mataas kaysa sa pagkakilala sa Diyos na tinaglay ng lahat ng banal sa lahat ng kapanahunan. Kung nararanasan mo ang gawain ng ngayon at naririnig ang personal na mga pagbigkas ng Diyos ngayon, subalit wala kang kaalaman tungkol sa kabuuan ng Diyos, at ang iyong paghahangad ay nananatiling tulad ng dati at hindi napalitan ng anumang bago, lalo na kung nararanasan mo ang buong gawaing ito ng panlulupig, subalit sa bandang huli ay walang makitang anumang pagbabago sa iyo, hindi ba ang iyong pananalig ay katulad ng mga naghahangad lamang na makinabang hangga't nais? Kung gayon, walang matatamong anumang epekto sa iyo ang gawain ng panlulupig. Sa gayon ay hindi ka ba magiging isa sa mga ititiwalag?

Kapag nagwakas na ang lahat ng gawain ng panlulupig, mahalagang unawain ninyong lahat na ang Diyos ay hindi lamang Diyos ng mga Israelita, kundi ng lahat ng nilikha. Nilikha Niya ang buong sangkatauhan, hindi lamang ang mga Israelita. Kung sasabihin mo na ang Diyos ay Diyos lamang ng mga Israelita o na imposibleng magkatawang-tao ang Diyos sa anumang bansa sa labas ng Israel, hindi ka pa nagtatamo ng kahit anong kaalaman habang nagpapatuloy ang gawain ng panlulupig, at hindi mo kinikilala kahit sa pinakamaliit na paraan na ang Diyos ay iyong Diyos; kinikilala mo lamang na ang Diyos ang lumipat mula Israel papuntang Tsina at pinipilit na maging Diyos mo. Kung ganito pa rin ang pagtingin mo sa mga bagay-bagay, hindi nagbunga ang Aking gawain sa iyo, at hindi mo naunawaan ni isang bagay na Aking sinabi. Kung, sa bandang huli, sumulat ka ng isa pang talaangkanan para sa Akin tulad ng ginawa ni Mateo, na hinahanap ang angkop na ninuno para sa Akin, hinahanap ang tamang orihinal na ninuno ng lahi Ko—nang sa gayon ay may dalawang talaangkanan ang Diyos para sa Kanyang dalawang pagkakatawang-tao—hindi ba iyon ang magiging pinakamalaking biro sa mundo? Hindi ba ikaw, itong “taong may mabuting hangarin” na naghanap ng isang talaangkanan para sa Akin, ang naging isang taong naghati sa Diyos? Kaya mo bang pasanin ang bigat ng kasalanang ito? Pagkatapos ng lahat ng gawain ng panlulupig na ito, kung hindi ka pa rin naniniwala na ang Diyos ang Diyos ng lahat ng nilikha, kung iniisip mo pa rin na ang Diyos ay Diyos lamang ng mga Israelita, hindi ba't isa kang taong hayagang lumalaban sa Diyos? Ang layunin ng paglupig sa iyo ngayon ay upang kilalanin mo na ang Diyos ay iyong Diyos at Diyos din ng iba, at ang pinakamahalaga ay Siya ang Diyos ng lahat ng nagmamahal sa Kanya, at ang Diyos ng lahat ng nilikha. Siya ang Diyos ng mga Israelita at ang Diyos ng mga tao sa Ehipto. Siya ang Diyos ng mga Briton at ang Diyos ng mga Amerikano. Hindi lamang Siya Diyos nina Adan at Eba, kundi Diyos din ng lahat ng inapo nila. Siya ang Diyos ng lahat ng nasa langit at lahat ng nasa lupa. Lahat ng pamilya, Israelita man sila o Hentil, ay pawang nasa mga kamay ng iisang Diyos. Hindi lamang Siya gumawa sa Israel nang ilang libong taon at minsang isinilang sa Judea, kundi ngayon ay bumaba Siya sa Tsina, ang lugar na ito kung saan nakahimlay na nakapalupot ang malaking pulang dragon. Kung sa pagsilang sa Judea ay naging Hari Siya ng mga Hudyo, hindi ba sa pagbaba sa piling ninyong lahat ngayon ay naging Diyos Siya ninyong lahat? Ginabayan Niya ang mga Israelita at isinilang Siya sa Judea, at isinilang din Siya sa isang lupain ng mga Hentil. Hindi ba ginagawa ang lahat ng Kanyang gawain para sa buong sangkatauhan na Kanyang nilikha? Mahal ba Niya ang mga Israelita nang isandaang ulit at kinamumuhian ang mga Hentil nang isanlibong ulit? Hindi ba iyan ang inyong kuru-kuro? Hindi totoo na ang Diyos ay hindi ninyo naging Diyos kailanman, kundi sa halip ay hindi lamang ninyo Siya kinikilala kahit kaunti; hindi totoo na ayaw ng Diyos na maging inyong Diyos, kundi sa halip ay tinatanggihan ninyo Siya. Sino sa mga nilikha ang wala sa mga kamay ng Makapangyarihan sa lahat? Sa paglupig sa inyo ngayon, hindi ba ang layunin ay upang kilalanin ninyo na ang Diyos ay walang iba kundi ang inyong Diyos? Kung iginigiit pa rin ninyo na ang Diyos ay Diyos lamang ng mga Israelita, at iginigiit pa rin ninyo na ang sambahayan ni David sa Israel ang pinanggalingan ng pagsilang ng Diyos, at na walang bansa maliban sa Israel ang karapat-dapat na “magluwal” ng Diyos, lalong hindi kaya ng sinumang pamilyang Hentil na personal na tanggapin ang gawain ni Jehova—kung ganito pa rin ang iniisip mo, hindi ba't isa kang mapagmatigas na lumalaban? Huwag kang magtuon palagi sa Israel. Narito mismo ang Diyos sa piling ninyo ngayon. Huwag ka ring tumingala palagi sa langit. Tumigil ka sa pangungulila sa iyong Diyos sa langit! Naparito na ang Diyos sa piling ninyo, kaya paanong nasa langit Siya? Hindi ka pa masyadong matagal na nananampalataya sa Diyos, subalit napakarami mong kuru-kuro tungkol sa Kanya, hanggang sa hindi ka nangangahas kahit saglit na isipin na mamarapatin ng Diyos ng mga Israelita na biyayaan kayo ng Kanyang presensya. Lalo pang hindi kayo nangangahas na isipin kung paano ninyo makikita ang Diyos na magpakita nang personal, dahil sukdulang marumi kayo. Ni hindi ninyo naisip kahit kailan kung paano maaaring personal na bumaba ang Diyos sa isang lupain ng mga Hentil. Dapat Siyang bumaba sa Bundok ng Sinai o sa Bundok ng mga Olivo at magpakita sa mga Israelita. Hindi ba kinamumuhian Niya ang lahat ng Hentil (ibig sabihin, ang mga tao sa labas ng Israel)? Paano Siya personal na gagawa sa gitna nila? Lahat ng ito ay mga kuru-kuro na malalim nang nag-ugat sa inyo sa paglipas ng maraming taon. Ang layunin ng paglupig sa inyo ngayon ay upang durugin ang mga kuru-kuro ninyong ito. Sa gayon ninyo namamasdan ang personal na pagpapakita ng Diyos sa gitna ninyo—hindi sa Bundok ng Sinai o sa Bundok ng mga Olivo, kundi sa mga taong hindi pa Niya nagabayan dati. Matapos isagawa ng Diyos ang dalawang yugto ng Kanyang gawain sa Israel, ang mga Israelita pati na ang lahat ng Hentil ay nagkaroon ng kuru-kuro na samantalang totoo na nilikha ng Diyos ang lahat ng bagay, gusto lamang Niyang maging Diyos ng mga Israelita, hindi Diyos ng mga Hentil. Naniniwala ang mga Israelita sa mga sumusunod: Ang Diyos ay maaari lamang maging Diyos namin, hindi Diyos ninyong mga Hentil, at dahil hindi kayo natatakot kay Jehova, si Jehova—ang aming Diyos—ay kinasusuklaman kayo. Lalong naniniwala ang mga Hudyong iyon sa mga sumusunod: Ang Panginoong Jesus ay kamukha naming mga Hudyo at Siya ay isang Diyos na nagtataglay ng tanda ng mga Hudyo. Sa gitna namin gumagawa ang Diyos. Magkatulad ang wangis ng Diyos at ang aming larawan; ang aming larawan ay hawig sa Diyos. Ang Panginoong Jesus ang Hari naming mga Hudyo; ang mga Hentil ay hindi karapat-dapat na tumanggap ng gayon kadakilang kaligtasan. Ang Panginoong Jesus ang handog para sa kasalanan para sa aming mga Hudyo. Batay lamang sa dalawang yugtong iyon ng gawain nabuo ng mga Israelita at Hudyo ang lahat ng kuru-kuro na ito. Mapagmataas nilang inaangkin na sa kanila lamang ang Diyos, at hindi pumapayag na ang Diyos ay Diyos din ng mga Hentil. Sa ganitong paraan, naging isang blangko ang Diyos sa puso ng mga Hentil. Ito ay dahil lahat ay naniwala na ayaw ng Diyos na maging Diyos ng mga Hentil at ang tanging gusto Niya ay ang mga Israelita—ang mga taong Kanyang hinirang—at ang mga Hudyo, lalo na ang mga disipulong sumunod sa Kanya. Hindi ba ninyo alam na ang gawaing ginawa nina Jehova at Jesus ay para manatiling buhay ang buong sangkatauhan? Kinikilala mo na ba ngayon na ang Diyos ay Diyos ninyong lahat na isinilang sa labas ng Israel? Hindi ba narito mismo ang Diyos sa piling ninyo ngayon? Hindi ito maaaring maging isang panaginip, hindi ba? Hindi ba ninyo tinatanggap ang katunayang ito? Hindi kayo nangangahas na maniwala rito o pag-isipan ito. Ano man ang tingin ninyo rito, hindi ba narito mismo ang Diyos sa inyong piling? Hindi pa rin ba kayo nangangahas na maniwala sa mga salitang ito? Simula sa araw na ito, hindi ba lahat ng taong nalupig at lahat ng nais maging tagasunod ng Diyos ay mga taong hinirang ng Diyos? Hindi ba lahat kayo, na mga tagasunod ngayon, ang mga taong hinirang sa labas ng Israel? Hindi ba kapareho ng sa mga Israelita ang inyong pagkakakilanlan? Hindi ba ang lahat ng ito ang dapat ninyong kilalanin? Hindi ba ito ang layon ng gawain ng panlulupig sa inyo? Dahil nakikita ninyo ang Diyos, Siya ang magiging Diyos ninyo magpakailanman, mula simula hanggang sa hinaharap. Hindi Niya kayo aabandonahin, basta’t handa kayong lahat na sumunod sa Kanya at maging Kanyang tapat at mapagpasakop na mga nilikha.

Gaano man kalaking determinasyon ang taglay ng mga tao na mahalin ang Diyos, sa pangkalahatan ay naging mapagpasakop sila at sumunod sa Kanya hanggang ngayon. Pagsapit ng wakas, kung kailan matatapos ang yugtong ito ng gawain, saka lamang sila makakaramdam ng ganap na pagsisisi. Iyon ang panahon kung kailan tunay na malulupig ang mga tao. Sa ngayon, nasa proseso lamang sila ng pagkakalupig. Sa sandaling magwakas ang gawain, ganap na silang malulupig, ngunit hindi pa ngayon! Kahit kumbinsido ang lahat, hindi ito nangangahulugan na lubos na silang nalupig. Ito ay dahil, sa kasalukuyan, mga salita pa lamang ang nakita ng mga tao at hindi ang mga katunayan, at hindi pa rin sila nakatitiyak, gaano man kalalim sila naniniwala. Kaya nga sa huling katunayan lamang na iyon, na nagkakatotoo ang mga salita, lubos na malulupig ang mga tao. Sa ngayon, ang mga taong ito ay nalupig dahil marami silang naririnig na hiwaga na hindi pa nila kailanman narinig noon. Ngunit sa kalooban ng bawat isa sa kanila, nagmamasid at naghihintay pa rin sila sa ilang katunayan na nagtutulot sa kanilang makita na nagkakatotoo ang bawat salita ng Diyos. Saka lamang sila ganap na makukumbinsi. Sa bandang huli, kapag nakita na ng lahat na nagkatotoo ang mga katunayang ito, at ang mga katunayang ito ay naging sanhi para makadama sila ng katiyakan, saka lamang sila magpapakita ng pagiging kumbinsido sa kanilang puso, sa kanilang pananalita, at sa kanilang mga mata, at lubos silang makukumbinsi sa kaibuturan ng kanilang puso. Ito ang kalikasan ng tao: Kailangan ninyong makita na nagkakatotoong lahat ang mga salita, kailangan ninyong makitang nagaganap ang ilang katunayan at makita ang sakuna na sumasapit sa ilang tao, at sa gayon ay lubos kayong makukumbinsi sa inyong kalooban. Gaya ng mga Hudyo, nakatuon kayo sa pagkakita ng mga tanda at himala. Subalit patuloy kayong nabibigong makita na mayroong mga tanda at himala at na nangyayari ang mga katunayan na dapat magmulat nang husto sa inyong mga mata. Isang tao man ito na bumababa mula sa langit, o isang haligi ng mga ulap na nagsasalita sa inyo, o ang Aking pagsasagawa ng pagpapalayas ng masamang espiritu sa isa sa inyo, o ang Aking tinig na dumadagundong na parang kulog sa gitna ninyo, lagi ninyong nais na makita ang ganitong klaseng pangyayari. Masasabi ng isang tao na sa pananampalataya sa Diyos, ang inyong pinakadakilang hiling ay makita ang Diyos na dumarating at personal na nagpapakita sa inyo ng isang tanda. Sa gayon ay ganap kayong masisiyahan. Para malupig kayong mga tao, kailangan Kong magsagawa ng gawaing katulad ng paglikha ng langit at lupa, at pagkatapos, bukod pa rito, pakitaan kayo ng isang tanda. Sa gayon, ganap na malulupig ang inyong puso.

Sinundan:  Ang Totoong Kuwentong Nakapaloob sa Gawain ng Paglupig (1)

Sumunod:  Ang Totoong Kuwentong Nakapaloob sa Gawain ng Paglupig (4)

Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos Ukol sa Pagkakilala sa Diyos Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw Paglalantad sa mga Anticristo Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ang Paghatol ay Nagsisimula sa Tahanan ng Diyos Mahahalagang Salita Mula sa Makapangyarihang Diyos, ang Cristo ng mga Huling Araw Araw-araw na mga Salita ng Diyos Ang Mga Katotohanang Realidad na Dapat Pasukin ng mga Mananampalataya sa Diyos Sundan ang Kordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin Mga Gabay para sa Pagpapalaganap ng Ebanghelyo ng Kaharian Naririnig ng mga Tupa ng Diyos ang Tinig ng Diyos Makinig sa Tinig ng Diyos  Masdan ang Pagpapakita ng Diyos Mahahalagang Tanong at Sagot tungkol sa Ebanghelyo ng Kaharian Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume I) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume II) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume III) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IV) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume V) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VI) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VIII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IX) Paano Ako Bumalik sa Makapangyarihang Diyos

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito

Connect with us on Messenger