Kabanata 3
Yamang kayo ay tinatawag na Aking mga tao, hindi na katulad ng dati ang mga bagay-bagay; dapat kayong makinig at magpasakop sa mga pagbigkas ng Aking Espiritu, at matamang sundan ang Aking gawain; hindi ninyo dapat paghiwalayin ang Aking Espiritu at Aking katawang-tao, sapagkat Kami ay likas na iisa, at likas na hindi magkabukod. Sinumang maghahati sa Espiritu at sa persona at magtutuon sa alinman sa persona o sa Espiritu ay daranas ng kawalan, at magagawa lamang uminom mula sa sarili niyang mapait na saro, at wala nang anumang masasabi pa. Yaon lamang mga nakakatingin sa Espiritu at sa persona bilang isang buo na hindi mapaghihiwalay ang may sapat na pagkakilala sa Akin; ang buhay sa loob nila ay daranas ng unti-unting pagbabago. Upang makapagpatuloy nang maayos at walang sagabal ang susunod na hakbang ng Aking gawain, gumagamit Ako ng pagpipino ng mga salita upang subukin ang lahat ng nasa Aking sambahayan, at gumagamit Ako ng mga pamamaraan ng paggawa upang subukin yaong mga sumusunod sa Akin. Sa ilalim ng mga sitwasyong ito, maaaring sabihin na nawawalan silang lahat ng pag-asa; bilang mga tao, walang isa man sa kanila ang wala sa negatibo at pasibong kondisyon, na para bang ang buong espasyo ay nagbago na. Ang ilang tao ay dumaraing laban sa Langit at lupa; ang ilan, sa kanilang pagkadismaya, ay nagtitiim-bagang at tinatanggap ang pagsubok ng Aking mga salita; ang ilan ay tumitingala sa kalangitan at bumubuntung-hininga nang malalim, puno ng luha ang mga mata, na para bang naghihinagpis sa wala-sa-panahong pagkamatay ng isang bagong-silang na sanggol; nadarama pa ng ilan na nakakahiya ang pamumuhay nang gayon, at nagdarasal na kunin na sila ng Diyos sa lalong madaling panahon; ang ilan ay ginugugol ang buong maghapon na nakatulala, na para bang bago pa lang silang nagkaroon ng malubhang karamdaman at hindi pa bumabalik ang kanilang katinuan; ang ilan, matapos magreklamo, ay tahimik na lumilisan; at ang ilan ay pinupuri pa rin Ako mula sa sarili nilang lugar, bagama’t nananatili silang medyo negatibo. Ngayon, na naipamalas na ang lahat, hindi Ko na kailangang magsalita pa tungkol sa nakaraan; ang mas mahalaga ay na dapat may kakayahan pa rin kayo na magkaroon ng buong katapatan sa posisyon na ibinibigay Ko sa inyo ngayon, upang lahat ng inyong ginagawa ay makatugon sa Aking pagsang-ayon, at lahat ng inyong sinasabi ay nagmumula sa Aking kaliwanagan at pagtanglaw, at sa wakas, upang ang inyong isinasabuhay ay ang Aking wangis, at ganap na Aking pagpapamalas.
Ang Aking mga salita ay inilalabas at ipinapahayag anumang oras o saanman, kaya nga, dapat din ninyong makilala ang inyong sarili sa Aking harapan sa lahat ng oras. Sapagkat ang ngayon naman ay hindi katulad noong nauna, at hindi na ito isang usapin ng pagsasakatuparan ng mga bagay-bagay dahil lamang sa nais mo itong gawin. Sa halip, sa patnubay ng Aking mga salita, kailangan ay kaya mong supilin ang iyong katawan; kailangan mong gamitin ang Aking mga salita bilang iyong saligan, at hindi ka maaaring kumilos nang walang pakundangan. Lahat ng landas sa tunay na pagsasagawa para sa iglesia ay matatagpuan sa Aking mga salita. Yaong mga hindi kumikilos ayon sa Aking mga salita ay gumagawa ng direktang pagkakasala laban sa Aking Espiritu, at lilipulin Ko sila. Dahil nakarating na ang mga bagay-bagay sa isang sitwasyong tulad ngayon, hindi ninyo kailangang masyadong malungkot at magsisi tungkol sa inyong nakaraang mga gawa at kilos. Ang lawak ng Aking puso ay walang hangganan tulad ng mga dagat at himpapawid—paanong hindi magiging pamilyar sa Akin na tulad ng likod ng sarili Kong kamay ang mga kakayahan at pagkakilala ng tao sa Akin? Sino sa tao ang hindi hawak ng Aking mga kamay? Akala mo ba hindi Ko alam kung gaano kataas ang iyong tayog, na walang-wala Akong alam tungkol dito? Imposible iyan! Sa gayon, kapag walang-wala nang pag-asa ang lahat ng tao, kapag hindi na sila makapaghintay at nais nila ng panibagong simula, kapag nais nilang itanong sa Akin kung ano ang nangyayari, kapag nagugumon sa pagpapakasasa ang ilan at napapaisip ang iba na maghimagsik, kapag tapat pa ring nagseserbisyo ang ilan, sinisimulan Ko ang ikalawang bahagi ng kapanahunan ng paghatol: pagdadalisay at paghatol sa Aking mga tao. Nangangahulugan din iyan na opisyal Kong sinisimulang sanayin ang Aking mga tao, na tinutulutan kayong hindi lamang magbigay ng magandang patotoo para sa Akin, kundi, higit pa riyan, magkamit ng magandang tagumpay sa pakikibaka para sa Akin mula sa luklukan ng Aking mga tao.
Sa lahat ng oras, dapat magbantay ang Aking mga tao laban sa mga pakana ni Satanas, na binabantayan ang pasukan ng Aking sambahayan para sa Akin; dapat ay kaya ninyong suportahan ang isa’t isa at tustusan ang isa’t isa, upang maiwasang mahulog sa bitag ni Satanas, kapag nagkagayon ay magiging huling-huli na para magsisi. Bakit Ko kayo sinasanay nang may ganitong pag-aapura? Bakit Ko sinasabi sa inyo ang mga katunayan ng espirituwal na mundo? Bakit Ko kayo paulit-ulit na pinaaalalahanan at hinihikayat? Napag-isipan na ba ninyo ito kahit kailan? Napagnilayan ba ninyo ito hanggang sa maging malinaw ito sa inyo? Kaya, hindi lamang ninyo kailangang magawang sanayin ang inyong sarili sa pamamagitan ng pagbatay sa pundasyon ng nakaraan, kundi, higit pa riyan, alisin ang maruruming bagay sa loob ninyo sa ilalim ng paggabay ng mga salita ng kasalukuyan, para ang bawat isa sa Aking mga salita ay mag-ugat at mamukadkad sa loob ng inyong espiritu, at ang mas mahalaga, mamunga nang mas marami. Iyan ay dahil ang Aking hinihingi ay hindi matitingkad at mayayabong na bulaklak, kundi saganang bunga, bungang hindi nabubulok. Nauunawaan mo ba ang tunay na kahulugan ng Aking mga salita? Bagama’t ang mga bulaklak sa isang greenhouse ay di-mabilang na tulad ng mga bituin, at inaakit ang lahat ng taong humahanga, kapag nalanta na ang mga iyon, nagiging punit-punit ang mga iyon tulad ng mga pakana ni Satanas, at walang sinumang nagpapakita ng anumang interes sa mga iyon. Subalit lahat ng hinampas ng mga hangin at sinunog ng araw na nagpapatotoo para sa Akin, bagama’t hindi maganda ang pamumulaklak, ay magbubunga kapag nalanta na ang mga bulaklak, sapagkat hinihingi Kong mangyari iyon sa kanila. Kapag sinasambit Ko ang mga salitang ito, gaano ang nauunawaan ninyo? Kapag nalanta at namunga na ang mga bulaklak, at kapag magagawa nang ialay ang lahat ng bungang ito para sa Aking pagtatamasa, tatapusin Ko ang lahat ng Aking gawain sa lupa, at sisimulan Kong tamasahin ang kristalisasyon ng Aking karunungan!
Pebrero 22, 1992