c. Ang Makapangyarihang Diyos at ang Panginoong Jesus ay mga nagkatawang-taong laman ng iisang Diyos

Mga Salita ng Makapangyarihang Diyos ng mga Huling Araw

Sa gitna ng mga tao, Ako ang Espiritung hindi nila makita, ang Espiritung hindi nila nakasalamuha kailanman. Dahil sa tatlong yugto ng Aking gawain sa lupa (paglikha ng mundo, pagtubos, at pagwasak), nagpapakita Ako sa gitna nila sa iba’t ibang panahon (hindi sa publiko kailanman) upang gawin ang Aking gawain sa gitna nila. Ang unang pagkakataon na pumarito Ako sa mga tao ay noong Kapanahunan ng Pagtubos. Mangyari pa, napunta Ako sa isang pamilyang Hudyo; sa gayon, ang unang nakakita sa pagparito ng Diyos sa lupa ay ang mga Hudyo. Kaya Ko ginawa nang personal ang gawaing ito ay dahil nais Kong gamitin ang Aking nagkatawang-taong laman bilang handog para sa kasalanan para gawin ang Aking gawain ng pagtubos. Sa gayon, ang unang nakakita sa Akin ay ang mga Hudyo sa Kapanahunan ng Biyaya. Iyon ang unang pagkakataon na gumawa Ako na nasa katawang-tao. Sa Kapanahunan ng Kaharian, ang gawain Ko ay manlupig at magperpekto, kaya sa katawang-tao Ko pa rin ginagawa ang gawain Ko ng pagpapastol. Ito ang Aking ikalawang beses ng paggawa sa katawang-tao. Sa huling dalawang yugto ng gawain, ang nakakasalamuha ng mga tao ay hindi na ang di-nakikita at di-nahahawakang Espiritu, kundi isang tao na siyang Espiritung nagkatawang-tao. Sa gayon, sa mga mata ng tao, nagiging tao Akong muli, nang walang katiting ng Diyos sa Akin. Bukod dito, ang Diyos na nakikita ng mga tao ay hindi lamang lalaki, kundi babae rin, na lubhang kataka-taka at palaisipan sa kanila. Ang Aking paulit-ulit na pambihirang gawain ang bumasag sa mga lumang paniniwalang pinanghawakan sa loob ng napakaraming taon. Labis na nagulat ang mga tao! Ang Diyos ay hindi lamang ang Banal na Espiritu, ang Espiritu, ang pitong beses na pinatinding Espiritu, o ang Espiritung sumasaklaw sa lahat, kundi isang tao rin—isang ordinaryong tao, isang lubhang karaniwang tao. Hindi lamang Siya lalaki, kundi babae rin. Magkatulad Sila sa aspektong kapwa Sila isinilang sa mga tao, at magkaiba Sila sa aspektong ipinaglihi ang isa sa pamamagitan ng Banal na Espiritu at ang isa naman ay isinilang sa isang tao, bagama’t direktang nagmula sa Espiritu. Magkatulad Sila dahil pareho Silang Diyos na nagkatawang-tao na umako sa gawain ng Diyos Ama, at magkaiba dahil ginawa ng isa ang gawain ng pagtubos samantalang ang isa naman ay gumagawa ng gawain ng paglupig. Parehong kumakatawan sa Diyos Ama, ngunit ang isa ay ang Manunubos, na puno ng mapagmahal na kabaitan at awa, at ang isa naman ay ang Diyos ng katuwiran, na puno ng poot at paghatol. Ang isa ay ang Kataas-taasang Pinuno na naglunsad ng gawain ng pagtubos, samantalang ang isa naman ay ang matuwid na Diyos na nagsasakatuparan ng gawain ng paglupig. Ang isa ay ang Simula, at ang isa naman ay ang Wakas. Ang isa ay walang-kasalanang katawang-tao, samantalang ang isa naman ay katawang-tao na tumatapos sa pagtubos, nagpapatuloy ng gawain, at di-nagkakasala kailanman. Pareho Silang iisang Espiritu, ngunit nananahan Sila sa magkaibang katawang-tao at isinilang sa magkaibang lugar, at magkahiwalay Sila nang ilang libong taon. Gayunman, lahat ng Kanilang gawain ay nagpupuno sa isa’t isa, hindi kailanman nagkakasalungat, at maaaring banggitin nang sabay. Pareho Silang tao, ngunit ang isa ay isang sanggol na lalaki at ang isa naman ay isang sanggol na babae. Sa loob ng maraming taon na ito, ang nakita ng mga tao ay hindi lamang ang Espiritu at hindi lamang isang tao, isang lalaki, kundi maraming bagay pa na hindi umaayon sa mga kuru-kuro ng tao; sa gayon, hindi Ako kailanman lubos na naaarok ng mga tao, at patuloy silang kalahating naniniwala at kalahating nagdududa sa Akin—na para bang umiiral nga Ako, subalit isa rin Akong di-makatotohanang panaginip—kaya nga, hanggang sa araw na ito, hindi pa rin alam ng mga tao kung ano ang Diyos. Talaga bang maibubuod mo Ako sa isang simpleng pangungusap? Talaga bang nangangahas kang sabihing, “Si Jesus ay walang iba kundi ang Diyos, at ang Diyos ay walang iba kundi si Jesus”? Napakatapang mo ba talaga para sabihing, “Ang Diyos ay walang iba kundi ang Espiritu, at ang Espiritu ay walang iba kundi ang Diyos”? Nangangahas ka bang sabihing, “Ang Diyos ay isang tao lamang na dinamitan ng laman”? May tapang ka ba talagang igiit, “Ang wangis ni Jesus ay ang dakilang wangis ng Diyos”? Nagagawa mo bang gamitin ang iyong kahusayan sa panitikan para ipaliwanag nang lubusan ang disposisyon at wangis ng Diyos? Nangangahas ka ba talagang sabihing, “Mga lalaki lamang ang nilikha ng Diyos, hindi mga babae, ayon sa Kanyang sariling wangis”? Kung sasabihin mo ito, walang babaeng mapapabilang sa Aking mga pinili, lalo nang hindi magiging isang klase ng sangkatauhan ang mga babae. Ngayon talaga bang alam mo kung ano ang Diyos? Tao ba ang Diyos? Espiritu ba ang Diyos? Lalaki ba talaga ang Diyos? Si Jesus lamang ba ang kayang kumompleto sa gawaing gagawin Ko? Kung isa lamang sa mga nabanggit ang pipiliin mo para ibuod ang Aking diwa, isa kang debotong mananampalataya na labis na mangmang. Kung minsan Ko lang ginawa ang gawain ng pagkakatawang-tao, lilimitahan ba ninyo Ako? Mauunawaan mo ba talaga Ako nang lubusan sa isang sulyap lamang? Maibubuod mo ba talaga Ako nang ganap batay sa kung ano ang nakaharap mo sa buong buhay mo? Kung pareho ang gawaing ginawa Ko sa Aking dalawang pagkakatawang-tao, ano ang magiging tingin ninyo sa Akin? Hahayaan ba ninyong manatili Akong nakapako sa krus magpakailanman? Maaari bang ang Diyos ay maging kasingsimple ng sinasabi mo?

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ano ang Pagkakilala Mo sa Diyos?

Kami ni Jesus ay nagmumula sa iisang Espiritu. Bagama’t wala Kaming kaugnayan sa Aming katawang-tao, iisa ang Aming Espiritu; bagama’t ang nilalaman ng Aming ginagawa at ang gawaing Aming inaako ay hindi magkapareho, ang Aming diwa ay iisa; ang Aming katawang-tao ay magkaiba ang anyo, ngunit dahil ito sa pagbabago sa kapanahunan at sa magkakaibang mga kinakailangan ng Aming gawain; hindi magkapareho ang Aming ministeryo, kaya magkaiba rin ang gawaing hatid Namin at ang mga disposisyong ipinapamalas Namin sa tao. Kaya nga ang nakikita at nauunawaan ng tao sa araw na ito ay hindi katulad sa araw noon, na dahil sa pagbabago sa kapanahunan. Kahit na magkaiba Sila sa kasarian at sa anyo ng Kanilang katawang-tao, at hindi Sila isinilang sa iisang pamilya, at lalo nang hindi sa iisang panahon, magkagayunman ay iisa ang Kanilang Espiritu. Kahit na ang Kanilang mga katawang-tao ay hindi magkapareho ang dugo ni ang anumang uri ng pisikal na pagiging magkamag-anak, hindi maikakaila na Sila ay mga nagkatawang-taong laman ng Diyos sa dalawang magkaibang panahon. Hindi mapabubulaanan ang katunayan na Sila ang mga nagkatawang-taong laman ng Diyos. Subalit, hindi Sila magkadugo at magkaiba ang Kanilang wika. (Ang isa ay isang lalaki na nagsalita ng wika ng mga Hudyo, at ang isa naman ay isang babae na nagsasalita lamang ng Tsino.) Ito ang mga dahilan kaya Sila namuhay sa magkaibang bansa upang gawin ang gawaing kinakailangang gawin ng bawat isa, at sa magkaibang panahon din. Sa kabila ng katunayan na Sila ay may iisang Espiritu—na ibig sabihin, may magkaparehong diwa—walang ganap na mga pagkakatulad sa pagitan ng mga panlabas na anyo ng Kanilang katawang-tao. Magkatulad lamang Sila sa pagkatao, ngunit pagdating sa panlabas na hitsura ng Kanilang mga katawang-tao at ng sitwasyon ng Kanilang kapanganakan, hindi Sila magkatulad. Walang epekto ang mga bagay na ito sa kanya-kanyang gawain Nila o sa pagkakilala ng tao tungkol sa Kanila, sapagkat, sa huli, may iisa Silang Espiritu at walang makapaghihiwalay sa Kanila. Bagama’t hindi Sila magkadugo, ang Kanilang buong katauhan ay nasa pamamahala ng Kanilang Espiritu, na nagbibigay-kakayahan sa Kanila na magpasan ng magkaibang gawain sa magkaibang panahon, at ang Kanilang mga katawang-tao ay sa magkaibang mga angkan. Halimbawa, ang Espiritu ni Jehova ay hindi ang ama ng Espiritu ni Jesus, at ang Espiritu ni Jesus ay hindi ang anak ng Espiritu ni Jehova: Sila ay iisang Espiritu. Gayundin, ang Diyos na nagkatawang-tao ng ngayon at si Jesus ay hindi magkadugo, pero iisa Sila—ito ay dahil iisa ang Kanilang Espiritu. Magagawa ng Diyos ang gawain ng awa at mapagmahal na kabaitan, gayundin ang matuwid na paghatol at pagkastigo sa tao, at ang gawain ng pagsumpa sa tao; at sa huli, magagawa Niya ang gawain ng pagwasak sa mundo at pagpaparusa sa masama. Hindi ba ginagawa Niya Mismo ang lahat ng ito? Hindi ba’t ito ang pagkamakapangyarihan-sa-lahat ng Diyos? Nagawa Niyang parehong magpahayag ng mga batas para sa tao at bigyan siya ng mga kautusan, at nagawa rin Niyang akayin ang mga sinaunang Israelita sa kanilang pamumuhay sa lupa, at gabayan sila sa pagtatayo ng templo at mga altar, habang hawak ang lahat ng Israelita sa ilalim ng Kanyang kapamahalaan. Dahil sa Kanyang awtoridad, sa loob ng dalawang libong taon na nabuhay Siya sa lupa sa piling ng mga tao sa Israel, hindi nangahas ang mga Israelita na maghimagsik laban sa Kanya, at silang lahat ay natakot kay Jehova at sumunod sa Kanyang mga utos. Gayon ang gawaing ginawa dahil sa Kanyang awtoridad at Kanyang pagkamakapangyarihan-sa-lahat. Pagkatapos, noong Kapanahunan ng Biyaya, dumating si Jesus upang tubusin ang buong sangkatauhang bumagsak (hindi lamang ang mga Israelita). Nagpakita Siya ng awa at mapagmahal na kabaitan sa tao. Ang Jesus na nakita ng tao sa Kapanahunan ng Biyaya ay puno ng mapagmahal na kabaitan at laging mapagmahal sa tao, sapagkat naparito Siya upang iligtas ang tao mula sa kasalanan. Nagawa Niyang patawarin ang mga tao sa kanilang mga kasalanan hanggang sa ganap na tubusin ng pagpapako sa Kanya sa krus ang sangkatauhan mula sa kasalanan. Sa panahong ito, nagpakita ang Diyos sa tao na may awa at mapagmahal na kabaitan; ibig sabihin, naging isa Siyang handog para sa kasalanan para sa tao at ipinako sa krus para sa mga kasalanan ng tao, upang sila ay mapatawad magpakailanman. Siya ay maawain, mahabagin, matiisin, at mapagmahal. At hinangad din ng lahat ng sumunod kay Jesus sa Kapanahunan ng Biyaya na maging matiisin at mapagmahal sa lahat ng bagay. Mahaba ang kanilang pagtitiis, at hindi sila lumaban kailanman kahit sila ay binugbog, isinumpa, o binato. Ngunit sa huling yugto hindi na maaaring maging katulad niyon. Halimbawa, ang gawain nina Jesus at Jehova ay hindi lubos na magkapareho kahit Sila ay iisang Espiritu. Ang gawain ni Jehova ay hindi upang wakasan ang kapanahunan, kundi upang gabayan ang kapanahunan, na sinisimulan ang buhay ng sangkatauhan sa lupa, at ang gawain ng ngayon ay upang lupigin yaong mga nasa bayan ng Hentil na lubhang nagawang tiwali, at upang akayin hindi lamang ang mga taong hinirang ng Diyos sa Tsina, kundi ang buong sansinukob at buong sangkatauhan. Maaaring sa tingin mo ay sa Tsina lamang ginagawa ang gawaing ito, ngunit sa katunayan ay nagsimula na itong lumaganap sa ibang bansa. Bakit hinahanap ng mga tao sa labas ng Tsina ang tunay na daan, nang paulit-ulit? Dahil nagsimula nang gumawa ang Espiritu, at ang mga salitang sinasambit ngayon ay nakatuon sa mga tao sa buong sansinukob. Dahil dito, kalahati ng gawain ay ginagawa na. Mula sa paglikha ng mundo hanggang sa kasalukuyan, napakilos na ng Espiritu ng Diyos ang dakilang gawaing ito, at bukod dito ay nagawa na ang iba’t ibang gawain sa iba’t ibang kapanahunan at sa iba’t ibang bansa. Nakikita ng mga tao ng bawat kapanahunan ang iba Niyang disposisyon, na likas na napapamalas sa pamamagitan ng iba’t ibang gawaing Kanyang ginagawa. Isa Siyang Diyos na puno ng awa at mapagmahal na kabaitan; Siya ang handog para sa kasalanan para sa tao at ang pastol ng tao; ngunit Siya rin ang paghatol, pagkastigo, at sumpa sa tao. Naakay Niya ang tao na mabuhay sa lupa sa loob ng dalawang libong taon, at natubos din Niya ang tiwaling sangkatauhan mula sa kasalanan. Ngayon, nagagawa rin Niyang lupigin ang sangkatauhan, na hindi nakakakilala sa Kanya, at mapagpapatirapa sila sa ilalim ng Kanyang kapamahalaan, at gawin silang lubusang magpasakop sa Kanya. Sa huli, susunugin Niya ang lahat ng marumi at di-matuwid sa loob ng mga tao sa sansinukob, upang ipakita sa kanila na hindi lamang Siya isang maawain at mapagmahal na Diyos, hindi lamang isang Diyos ng karunungan at mga himala, hindi lamang isang banal na Diyos, kundi higit pa rito, isang Diyos na humahatol sa tao. Para sa masasama sa gitna ng sangkatauhan, Siya ay pagsunog, paghatol, at kaparusahan; para sa mga gagawing perpekto, Siya ay kapighatian, pagpipino, at mga pagsubok, isa ring kaaliwan, panustos, pagkakaloob ng mga salita, at pagpupungos. At para sa mga itiniwalag, Siya ay kaparusahan at ganti. …

Hindi lamang isang Espiritu ang Diyos, maaari din Siyang maging tao. Bukod pa riyan, Siya ay isang katawang may kaluwalhatian. Si Jesus, bagama’t hindi pa ninyo Siya nakita, ay nasaksihan ng mga Israelita—ang mga Hudyo noon. Noong una ay isa Siyang katawan na may laman, ngunit matapos Siyang ipako sa krus, Siya ay naging katawang may kaluwalhatian. Siya ang Espiritung sumasaklaw sa lahat at kaya Niyang gumawa sa lahat ng lugar. Maaari Siyang maging si Jehova, o si Jesus, o ang Mesiyas; sa huli, maaari din Siyang maging ang Diyos na makapangyarihan sa lahat. Siya ay katuwiran, paghatol, at pagkastigo; Siya ay sumpa at poot; ngunit Siya rin ay awa at mapagmahal na kabaitan. Lahat ng gawaing Kanyang nagawa ay kayang kumatawan sa Kanya. Sa palagay mo, anong klaseng Diyos ba Siya? Hindi mo maipaliwanag. Kung talagang hindi mo maipaliwanag, hindi ka dapat magbigay-hatol sa Diyos. Huwag kang magbigay ng hatol na ang Diyos ay isang Diyos na maawain at may mapagmahal na kabaitan magpakailanman dahil lamang sa ginawa Niya ang gawain ng pagtubos sa isang yugto. Masisiguro mo ba na isa lamang Siyang maawain at mapagmahal na Diyos? Kung isa lamang Siyang maawain at mapagmahal na Diyos, bakit Niya dapat wakasan ang kapanahunan sa mga huling araw? Bakit Siya dapat magpadala ng napakaraming sakuna? Ayon sa mga kuru-kuro at kaisipan ng mga tao, ang Diyos ay dapat maging maawain at mapagmahal hanggang sa pinakahuli, upang bawat huling miyembro ng sangkatauhan ay mailigtas. Ngunit, sa mga huling araw, bakit Siya dapat magpadala ng gayon kalalaking sakuna tulad ng mga lindol, mga salot, at mga taggutom upang lipulin ang masamang sangkatauhang ito, na itinuturing ang Diyos na isang kaaway? Bakit Niya hahayaang pagdusahan ng sangkatauhan ang mga sakunang ito? Tungkol sa kung anong klase Siyang Diyos, walang sinuman sa inyo ang nangangahas na magsabi, at walang makapagpaliwanag. Nangangahas ka bang sabihin na Siya ang Espiritu? Nangangahas ka bang sabihin na Siya ay walang iba kundi ang katawang-tao ni Jesus? At nangangahas ka bang sabihin na Siya ay isang Diyos na ipapako sa krus magpakailanman para sa kapakanan ng tao?

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Kinokompleto ng Dalawang Pagkakatawang-tao ang Kabuluhan ng Pagkakatawang-tao

Bakit Ko sinasabi na hindi nakompleto ang kahulugan ng pagkakatawang-tao sa gawain ni Jesus? Dahil ang Daan ay hindi lubos na naging tao. Ang ginawa ni Jesus ay isang bahagi lamang ng gawain ng Diyos sa katawang-tao; ginawa lamang Niya ang gawain ng pagtubos, at hindi Niya ginawa ang gawain ng lubusang pagkamit sa tao. Dahil dito, minsan pang naging tao ang Diyos sa mga huling araw. Ang yugtong ito ng gawain ay ginagawa rin sa isang ordinaryong katawang-tao; isinasagawa ito ng isang lubos na normal na tao, isang tao na ang pagkatao ay hindi higit-sa-karaniwan ni katiting. Sa madaling salita, ang Diyos ay naging isang ganap na tao; Siya ay isang taong ang pagkakakilanlan ay sa Diyos, isang ganap na tao, isang ganap na katawang-tao, na nagsasagawa ng gawain. Nakikita ng mga mata ng tao ang isang katawang may laman na hindi higit-sa-karaniwan kahit kaunti, isang lubhang ordinaryong taong nakapagsasalita ng wika ng langit, na hindi nagpapakita ng mga tanda, hindi gumagawa ng mga himala, lalo nang hindi naglalantad ng tunay na kuwento sa likod ng relihiyon sa malalaking bulwagan ng pagpupulong. Para sa mga tao, ang gawain ng pangalawang nagkatawang-taong laman ay tila lubos na hindi kagaya ng sa una, at tila wala man lang anumang pagkakatulad ang dalawa—walang anumang nasa gawain ng nauna ang makikita sa pagkakataong ito. Bagama’t ang gawain ng pangalawang nagkatawang-taong laman ay iba kaysa sa una, hindi niyan pinatutunayan na ang pinagmulan Nila ay hindi iisa. Pareho man ang Kanilang pinagmulan ay depende sa kalikasan ng gawaing ginawa ng mga katawang-taong ito, at hindi sa Kanilang panlabas na anyo. Sa tatlong yugto ng Kanyang gawain, dalawang beses nagkatawang-tao ang Diyos, at sa parehong pagkakataon ay nagsisimula ng isang bagong kapanahunan ang gawain ng Diyos na nagkatawang-tao, nagsisimula ng panibagong gawain; pinupunan ng mga pagkakatawang-tao ang isa’t isa. Imposibleng matukoy ng mga mata ng tao na ang dalawang katawang-tao ay talagang iisa ang pinagmulan. Siyempre, lagpas ito sa kapasidad ng mata ng tao o ng isipan ng tao. Ngunit sa Kanilang diwa, Sila ay iisa, sapagkat ang Kanilang gawain ay mula sa iisang Espiritu. Nagmumula man ang dalawang nagkatawang-taong laman sa iisang pinagmulan ay hindi mapagpapasyahan ng panahon o ng lugar kung saan Sila isinilang, o ng iba pang gayong mga salik, kundi sa pamamagitan ng gawain ng pagka-Diyos na Kanilang ipinahayag. Ang pangalawang nagkatawang-taong laman ay hindi nagsasagawa ng anuman sa gawaing ginawa ni Jesus, sapagkat ang gawain ng Diyos ay hindi sumusunod sa nakasanayan, kundi nagbubukas ng isang bagong daan sa bawat pagkakataon. Ang pangalawang pagkakatawang-tao ay hindi nilayong palalimin o patatagin ang impresyon sa isipan ng mga tao sa unang katawang-tao, kundi ang maging komplementaryo at magpabuti sa wangis ng unang katawang-tao sa kanilang mga isipan, palalimin ang pagkakilala ng tao sa Diyos, baliin ang lahat ng regulasyon na umiiral sa puso ng mga tao, at burahin ang mga walang-katotohanang wangis ng diyos sa kanilang puso. Masasabi na walang indibidwal na yugto ng sariling gawain ng Diyos ang makapagbibigay sa tao ng lubos na pagkakilala sa Kanya; bawat isa ay nagbibigay lamang ng isang bahagi, hindi ng kabuuan. Bagama’t ipinahayag na ng Diyos ang Kanyang buong disposisyon, dahil sa limitadong abilidad ng tao na makaarok, hindi pa rin kompleto ang kanyang pagkakilala sa Diyos. Imposible na ganap na maipaliwanag ang kabuuan ng disposisyon ng Diyos gamit ang wika ng tao. Kung gayon, paano pa lubos na maipapahayag ng iisang yugto ng Kanyang gawain ang Diyos? Siya ay gumagawa sa katawang-tao sa ilalim ng tabing ng Kanyang normal na pagkatao, at makikilala lamang Siya ng isang tao sa pamamagitan ng mga pagpapahayag ng Kanyang pagka-Diyos, hindi sa pamamagitan ng Kanyang panlabas na anyo. Pumaparito ang Diyos sa katawang-tao para tulutan ang tao na makilala Siya sa pamamagitan ng Kanyang iba’t ibang gawain, at hindi magkapareho ang lahat ng yugto ng Kanyang gawain. Sa ganitong paraan lamang maaaring magkaroon ang tao ng buong pagkakilala sa gawain ng Diyos sa katawang-tao, at hindi ito limitahan sa isang partikular na saklaw. Bagama’t magkaiba ang gawain ng dalawang nagkatawang-taong laman, ang diwa ng mga katawang-tao, at ang pinagmulan ng Kanilang gawain, ay magkapareho; kaya lamang ay umiiral Sila para isagawa ang dalawang magkaibang yugto ng gawain, at lumilitaw Sila sa dalawang magkaibang kapanahunan. Ano’t anuman, iisa ang diwa at pinagmulan ng mga nagkatawang-taong laman ng Diyos—ito ay isang bagay na walang sinumang makapagkakaila.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Diwa ng Katawang-taong Tinatahanan ng Diyos

Minsan na Akong tinawag na Jehova, minsan din Akong nakilala ng tao bilang ang Mesiyas, at minsan na Akong minahal at tiningala ng tao at tinawag na Jesus na Tagapagligtas. Ngayon ay hindi na Ako ang Jehova o Jesus na nakilala ng tao noong araw. Sa halip, Ako ang Diyos na nagbalik na sa mga huling araw, ang Diyos na magwawakas sa kapanahunan; Ako ang Diyos Mismo na bumabangon mula sa dulo ng daigdig, puspos ng Aking buong disposisyon, at puno ng awtoridad, karangalan, at kaluwalhatian. Hindi nakipag-ugnayan sa Akin ang tao kailanman, hindi Ako nakilala nito kailanman, at noon pa man ay palagi itong walang alam tungkol sa Aking disposisyon. Mula sa paglikha ng mundo hanggang ngayon, wala ni isa mang tao na nakakita sa Akin. Ito ang Diyos na nagpapakita sa mga tao sa mga huling araw ngunit nakatago sa gitna nito. Nananahan Siya sa piling ng tao, buhay at nabubuhay, tulad ng nagliliyab na araw at naglalagablab na apoy, puno ng kapangyarihan at nag-uumapaw sa awtoridad. Wala ni isa mang tao o bagay na hindi hahatulan ng Aking mga salita, at wala ni isa mang tao o bagay na hindi gagawing dalisay sa pamamagitan ng pagsunog ng apoy. Sa huli, pagpapalain ang di-mabilang na mga bayan dahil sa Aking mga salita, at dudurugin din nang pira-piraso dahil sa Aking mga salita. Sa ganitong paraan, makikita ng lahat ng tao sa mga huling araw na Ako ang Tagapagligtas na nagbalik, at na Ako ang Makapangyarihang Diyos, na lumulupig sa buong sangkatauhan. At makikita ng lahat na Ako ay minsang naging handog para sa kasalanan ng tao, ngunit sa mga huling araw ay Ako ang naging mga apoy ng naglalagablab na araw na sumusunog sa lahat ng bagay, gayundin ang Araw ng katuwiran na nagbubunyag sa lahat ng bagay. Ito ang Aking gawain sa mga huling araw. Ang dahilan kaya ginagamit Ko ang pangalang ito at tinataglay ang disposisyong ito ay mismong upang makita ng lahat ng tao na Ako ang matuwid na Diyos, ang nagliliyab na araw, ang naglalagablab na apoy, at upang lahat ay sumamba sa Akin, ang nag-iisang tunay na Diyos, at upang makita nila ang Aking tunay na mukha: Ako ay hindi lamang ang Diyos ng mga Israelita, at hindi lamang Ako ang Manunubos, sa halip, Ako ang Diyos ng lahat ng nilalang sa buong kalangitan at sa lupa at sa karagatan.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Nakabalik Na ang Tagapagligtas Sakay ng Isang “Puting Ulap”

Kaugnay na mga Eksena ng Pelikula

Bakit Gumagamit ang Diyos ng Bagong Pangalan sa mga Huling Araw?

Iisang Diyos ba ang Makapangyarihang Diyos at ang Panginoong Jesus?

Kaugnay na mga Sermon

Ang Pananalig ba sa Makapangyarihang Diyos ay Pagkakanulo sa Panginoong Jesus?

Kaugnay na mga Himno

Ang Kabuluhan ng Pangalan ng Diyos

Sinundan:  b. Ang pangalan ng Diyos ay maaaring magbago, ngunit ang Kanyang diwa ay hindi magbabago kailanman

Sumunod:  a. Ano ang matatalinong dalaga at ano ang mga mangmang na dalaga

Kaugnay na Nilalaman

Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos Ukol sa Pagkakilala sa Diyos Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw Paglalantad sa mga Anticristo Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ang Paghatol ay Nagsisimula sa Tahanan ng Diyos Mahahalagang Salita Mula sa Makapangyarihang Diyos, ang Cristo ng mga Huling Araw Araw-araw na mga Salita ng Diyos Ang mga Katotohanang Realidad na Dapat Pasukin ng mga Mananampalataya sa Diyos Sundan ang Kordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin Mga Gabay para sa Pagpapalaganap ng Ebanghelyo ng Kaharian Naririnig ng mga Tupa ng Diyos ang Tinig ng Diyos Makinig sa Tinig ng Diyos  Masdan ang Pagpapakita ng Diyos Mahahalagang Tanong at Sagot tungkol sa Ebanghelyo ng Kaharian Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume I) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume II) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume III) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IV) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume V) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VI) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VIII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IX) Paano Ako Bumalik sa Makapangyarihang Diyos

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito

Connect with us on Messenger