Gawain at Pagpasok (4)
Kung ang tao ay tunay na makakapasok alinsunod sa gawain ng Banal na Espiritu, ang kanyang buhay ay mabilis na uusbong, tulad ng isang labong pagkatapos ng isang ulan sa tagsibol. Kung titingnan mula sa kasalukuyang tayog ng karamihan sa mga tao, sadyang hindi nila pinahahalagahan ang buhay, at sa halip ay pinahahalagahan nila ang ilang panlabas na bagay na wala namang kahihinatnan. O kung hindi naman ay nagmamadali sila parito at paroon, nagtatrabaho nang walang layon at nang walang sistema at pagtutuon ng pansin, nang hindi alam kung saang direksyon sila dapat tumungo at lalo naman kung para kanino. Sila ay “mapagkumbabang nagtatago ng kanilang mga sarili” lamang. Ang katotohanan ay iilan lamang sa inyo ang may anumang nalalaman tungkol sa mga intensyon ng Diyos para sa mga huling araw. Bihira lamang sa inyo ang nakakaalam sa mga yapak ng Diyos, ngunit ang mas malala pa, walang nakakaalam kung ano ang magiging pinakahuling pagsasakatuparan ng Diyos. Ngunit sa pamamagitan lamang ng tibay ng loob at pagtitiis, ang lahat ay sumasailalim sa pagdidisiplina at pagpupungos ng iba, na para bang nagpapainit at naghahanda na ipakita ang kanilang lakas[1] dahil sa pananabik sa araw na maitataas nilang muli ang kanilang noo. Hindi Ako magkokomento ng anuman tungkol sa mga “kakaibang pangyayaring” ito sa gitna ng mga tao, ngunit may isang punto na dapat maunawaan ninyong lahat. Karamihan sa mga tao sa sandaling ito ay sumusulong patungo sa abnormalidad,[2] at sa kanilang mga hakbang sa pagpasok ay patungo sila sa isang lugar na walang labasan.[3] Maraming tao siguro ang nag-iisip na ito ay paraiso sa labas ng mundo ng tao na pinananabikan ng tao, naniniwalang ito ang lugar ng kalayaan ngunit hindi ito totoo. O marahil ay may makakapagsabi na ang mga tao ay naligaw na ng landas. Subalit anuman ang ginagawa ng mga tao, nais Ko pa ring pag-usapan kung ano ang dapat pasukin ng tao. Hindi ang mga merito at mga pagkukulang ng maraming tao ang pangunahing paksa ng pagtalakay na ito. Umaasa Ako na lahat kayong mga kapatid ay maaarok ang Aking mga salita sa tamang paraan at hindi magkakamali sa pag-unawa sa Aking hangarin.
Nagkatawang-tao ang Diyos sa Tsina, o sa tinatawag na “kalakhan” ng mga kababayan na nasa Hong Kong at Taiwan. Nang pumarito sa lupa ang Diyos mula langit sa itaas, walang sinuman sa langit o sa lupa ang nakaalam tungkol dito, sapagkat ito ang tunay na kahulugan ng pagbabalik ng Diyos nang patago. Mahabang panahon na Siyang gumagawa at namumuhay sa katawang-tao, ngunit walang sinuman ang nakakaalam nito. Hanggang sa araw na ito, walang sinuman ang nakakakilala rito. Marahil ito ay mananatiling isang walang hanggang palaisipan. Ang pagparito ng Diyos sa katawang-tao sa panahong ito ay isang bagay na hindi posibleng mabatid ng kahit sino. Gaano man kalaki at kaimpluwensiya ang gawain ng Espiritu, palaging nananatiling walang emosyon ang Diyos, hindi kailanman nagbubunyag ng anumang natatago. Maaaring may magsabi na ang yugtong ito ng Kanyang gawain ay katulad ng kung nagaganap ito sa langit. Kahit na ito ay malinaw na nakikita ng lahat, walang nakakakilala rito. Kapag tinapos na ng Diyos ang yugtong ito ng Kanyang gawain, magigising ang buong sangkatauhan mula sa kanilang mahabang panaginip, at magbabago ang kanilang karaniwang saloobin[4]. Natatandaan Ko na minsang sinabi ng Diyos, “Ang pagparito nang nasa katawang-tao sa panahong ito ay gaya ng pagbagsak sa yungib ng isang tigre.” Ang ibig sabihin nito ay, sa pagkakataong ito ng gawain ng Diyos, dahil pumaparito ang Diyos nang nasa katawang-tao at bukod pa riyan ay isinisilang sa tirahan ng malaking pulang dragon, higit kaysa rati, nahaharap Siya sa matinding panganib sa pagparito sa lupa sa panahong ito. Ang kinakaharap Niya ay mga kutsilyo at mga baril at mga pamalo at mga panghampas; ang kinakaharap Niya ay mga pagsubok; ang kinakaharap Niya ay maraming tao na kita sa mukha nila ang paglalayong pumatay. Humaharap Siya sa panganib na mapatay anumang sandali. Pumarito ang Diyos na may dinadalang poot. Gayumpaman, pumarito Siya upang gawin ang gawain ng pagpeperpekto, na nangangahulugan na pumarito Siya upang isagawa ang ikalawang bahagi ng Kanyang gawain, na nagpapatuloy pagkatapos ng gawain ng pagtubos. Para sa kapakanan ng yugtong ito ng Kanyang gawain, inilaan ng Diyos ang sukdulang pag-iisip at pangangalaga at ginagawa Niya ang lahat ng pamamaraang mahihinagap upang maiwasan ang mga pag-atake ng mga pagsubok, nananatiling mapagpakumbaba at natatago at hindi kailanman ipinagyayabang ang Kanyang pagkakakilanlan. Nang iligtas ni Jesus ang tao mula sa krus, ginawa lamang Niya iyon upang makompleto ang gawain ng pagtubos; hindi Siya pumarito upang gawin ang gawain ng pagpeperpekto. Kaya kalahati lamang ng gawain ng Diyos ang ginagawa noon, at ang pagtapos sa gawain ng pagtubos ay kalahati lamang ng Kanyang buong plano. Sa pag-uumpisa ng bagong kapanahunan at pagtatapos ng luma, nagsimulang pag-isipan ng Diyos Ama ang ikalawang bahagi ng Kanyang gawain at paghandaan ito. Hindi malinaw na ipinropesiya noon ang pagkakatawang-taong ito sa mga huling araw, kaya naglatag ito ng isang pundasyon para higit pang mailihim ang pagparito ngayon ng Diyos sa katawang-tao. Sa pagsapit ng bukang-liwayway, lingid sa kaalaman ng napakaraming tao, pumarito sa lupa ang Diyos at sinimulan Niya ang Kanyang buhay sa katawang-tao. Hindi alam ng mga tao ang pagdating ng sandaling ito. Siguro lahat sila ay mahimbing na natutulog; baka maraming nagbabantay nang gising ang naghihintay, at baka marami ang nagdarasal nang tahimik sa Diyos sa langit. Gayunman sa gitna ng lahat ng maraming taong ito, wala ni isang nakaalam na ang Diyos ay dumating na sa lupa. Gumawa ang Diyos nang ganito nang sa gayon ay mas maayos na maisakatuparan ang Kanyang gawain at makamit ang mas magagandang resulta, at upang maiwasan din ang mas marami pang pagsubok. Sa paggising ng tao mula sa mahimbing na pagkakatulog, ang gawain ng Diyos ay matagal nang natapos at Siya ay aalis na, wawakasan ang Kanyang buhay na binubuo ng paglilibot at pansamantalang pagtigil sa lupa. Dahil ang gawain ng Diyos ay nangangailangan na ang Diyos ay kumilos at magsalita nang personal, at dahil walang paraan ang tao upang makialam, tiniis ng Diyos ang matinding pagdurusa upang pumarito sa lupa at gawin Niya Mismo ang gawain. Hindi kayang humalili ng tao sa gawain ng Diyos. Ito ang dahilan kaya hinarap ng Diyos ang mga panganib na ilang libong beses na mas matindi kaysa sa mga panganib sa Kapanahunan ng Biyaya upang bumaba sa kung saan ang malaking pulang dragon ay nananahan upang gawin ang Kanyang sariling gawain, ibinubuhos ang lahat ng Kanyang pag-iingat at pangangalaga, para matubos ang grupong ito ng naghihirap na mga tao, ang grupong ito ng mga taong nasadlak sa isang tambak na dumi. Kahit na walang nakakaalam sa pag-iral ng Diyos, hindi nababalisa ang Diyos dahil ito ay malaking kapakinabangan sa Kanyang gawain. Ang lahat ng tao ay sukdulang karumal-dumal at malupit; paano nila pagpaparayaan ang pag-iral ng Diyos? Iyon ang dahilan kung bakit, matapos pumarito, ay pinananatili ng Diyos ang Kanyang katahimikan. Gaano man katindi ang kalupitan ng tao, hindi dinidibdib ng Diyos ang alinman dito, kundi patuloy lamang Siya sa paggawa ng gawaing kailangan Niyang gawin upang matupad ang mas malaking atas na ipinagkatiwala sa Kanya ng Ama sa langit. Sino sa inyo ang nakakilala sa pagiging kaibig-ibig ng Diyos? Sino ang mas nagpapakita ng pagsasaalang-alang sa pasanin ng Diyos Ama kaysa sa Kanyang Anak? Sino ang may abilidad na maunawaan ang kalooban ng Diyos Ama? Madalas na nag-aalala ang Espiritu ng Diyos Ama sa langit, at ang Kanyang Anak sa lupa ay madalas na nagdarasal para sa kapakanan ng kalooban ng Diyos Ama, nadudurog ang Kanyang puso sa pag-aalala. Mayroon bang kahit sino na nakakaalam sa pag-ibig ng Diyos Ama para sa Kanyang Anak? Mayroon bang kahit sino na nakakaalam sa puso ng pinakamamahal na Anak na nangungulila sa Diyos Ama? Magkahiwalay sa langit at lupa, ang dalawa ay palaging tinitingnan ang isa’t isa mula sa malayo, sinusundan ang isa’t isa sa Espiritu. O sangkatauhan! Kailan ninyo isasaalang-alang ang puso ng Diyos? Kailan ninyo mauunawaan ang mga layunin ng Diyos? Palaging umaasa ang Ama at Anak sa isa’t isa. Kung gayon, bakit Sila dapat maghiwalay, na ang isa ay nasa langit sa itaas at ang isa naman ay nasa lupa sa ibaba? Mahal ng Ama ang Kanyang Anak gaya ng pagmamahal ng Anak sa Kanyang Ama. Kung gayon, bakit dapat maghintay ang Ama nang may gayon katindi at kasakit na pananabik para sa Anak? Maaaring hindi Sila nagkahiwalay nang matagal, pero sino ang nakakaalam kung gaano karaming araw at gabi na masakit na nangungulila ang Ama, at kung gaano katagal na Siyang nananabik sa mabilis na pagbabalik ng Kanyang pinakamamahal na Anak? Nagmamasid Siya, tahimik Siyang nakaupo, at naghihintay Siya; wala ni isa sa mga bagay na ito ang hindi ginagawa alang-alang sa mabilis na pagbabalik ng Kanyang pinakamamahal na Anak. Ang Anak na naglibot hanggang sa mga dulo ng daigdig: Kailan kaya Sila magkakasamang muli? Kahit na sa muling pagkikita ay magpasawalang hanggan Silang magsasama, paano Niya matitiis ang libo-libong araw at gabi ng paghihiwalay, na ang isa ay nasa langit sa itaas at ang isa ay nasa lupa sa ibaba? Ang sampu-sampung taon sa lupa ay parang libo-libong taon sa langit. Paanong hindi mag-aalala ang Diyos Ama? Kapag pumaparito ang Diyos sa lupa, nararanasan Niya ang di-mabilang na pagbabago sa mundo ng mga tao kagaya ng nararanasan ng tao. Ang Diyos ay walang sala, kaya bakit Siya pagtitiisin ng pagdurusa na kapareho ng sa tao? Hindi nakapagtataka na labis na pinananabikan ng Diyos Ama ang pagbabalik ng Kanyang Anak; sino ang nakakaunawa sa puso ng Diyos? Binibigyan ng Diyos ang tao nang sobra-sobra; paano masusuklian nang sapat ng tao ang puso ng Diyos? Gayunman ay napakakaunti ng ibinibigay ng tao sa Diyos; dahil doon, paanong hindi mag-aalala ang Diyos?
Bihira sa mga tao ang nakakaunawa sa pagmamadali na nasa kalagayan ng isip ng Diyos, dahil masyadong mahina ang kakayahan ng mga tao at ang kanilang espiritu ay napakamanhid, at lahat sila ay hindi sumusunod o pumapansin sa ginagawa ng Diyos. Dahil dito, palaging balisa ang Diyos sa tao, na para bang ang mala-hayop na kalikasan ng tao ay maaaring kumawala anumang sandali. Mula rito ay mas malinaw pang makikita ng isang tao na ang pagparito ng Diyos sa lupa ay sinusundan ng matinding pagsubok mula sa tao. Ngunit para sa kapakanan ng pagkompleto sa isang grupo ng mga tao, sinabi ng Diyos, nang puno ng kaluwalhatian, sa tao ang bawat layunin Niya, nang walang itinatago na kahit ano mula sa tao. Matatag Siyang nagpasya na kompletuhin ang grupong ito ng mga tao kaya nahaharap man Siya sa paghihirap o mga pagsubok, ibinabaling Niya ang Kanyang tingin at hindi pinapansin ang lahat ng ito. Tahimik lamang Niyang ginagawa ang Kanyang sariling gawain, matatag na naniniwala na balang araw kapag nakamit na ng Diyos ang kaluwalhatian, ay makikilala Siya ng tao, at naniniwalang kapag nakompleto na ng Diyos ang tao, lubos nitong mauunawaan ang puso ng Diyos. Sa ngayon, maaaring may mga tao na sinusubok ang Diyos, o na mali ang pagkaunawa sa Diyos, o na nagrereklamo laban sa Diyos; hindi dinidibdib ng Diyos ang anuman sa mga ito. Kapag bumaba na ang Diyos sa kaluwalhatian, mauunawaan ng lahat ng tao na ang lahat ng ginagawa ng Diyos ay para sa kaligayahan ng sangkatauhan, at mauunawaan nilang lahat na ang lahat ng ginagawa ng Diyos ay upang makapamuhay nang mas maayos ang sangkatauhan. Ang pagparito ng Diyos ay sinusundan ng pagsubok mula sa tao, at may kasamang pagiging maharlika at poot. Sa panahong iiwan na ng Diyos ang tao ay matagal na Niyang nakamit ang kaluwalhatian, at aalis Siya na punong-puno ng kaluwalhatian at ng kagalakan ng pagbabalik. Paano man tanggihan ng mga tao ang Diyos na gumagawa sa lupa, hindi Niya ito dinidibdib, at patuloy lamang Niyang ginagawa ang Kanyang gawain. Ang paglikha ng Diyos sa mundo ay sampu-sampung milyong taon na ang nakararaan. Naparito Siya sa lupa upang gumawa ng di-masukat na laki ng gawain, at ganap Niyang naranasan ang pagtanggi at paninirang-puri ng mundo ng tao. Walang sinuman ang sumasalubong sa pagdating ng Diyos; tinitingnan lamang Siya nang malamig. Sa paglipas ng ilang libong taong ito ng paghihirap, matagal na panahon nang sinusugatan ng asal ng tao ang puso ng Diyos. Hindi na Niya pinapansin ang paghihimagsik ng tao, at sa halip ay gumawa na Siya ng isa pang plano upang baguhin at dalisayin ang tao. Ang pang-uuyam, paninirang-puri, pang-uusig, kapighatian, pagdurusa ng pagpapapako sa krus, pagtatakwil ng tao, at iba pa, na naranasan ng Diyos mula nang magkatawang-tao: sapat na ang natikman ng Diyos sa mga ito. Ganap nang nagdusa ang Diyos na nagkatawang-tao ng mga paghihirap ng mundo ng tao. Matagal nang hindi matiis ng Espiritu ng Diyos Ama ang gayong mga bagay at hinihintay Niya ang pagbabalik ng Kanyang pinakamamahal na Anak nang nakatingala at nakapikit ang mga mata. Ang tanging hinihiling Niya ay na ang sangkatauhan ay makinig at magpasakop, makaramdam ng sukdulang kahihiyan sa harap ng Kanyang katawang-tao, at hindi na maghimagsik laban sa Kanya. Ang tanging hinihiling Niya ay na makapaniwala ang mga tao sa pag-iral ng Diyos. Matagal na Siyang tumigil sa paghingi ng mas malaki sa tao, sapagkat nagbayad na ang Diyos ng napakalaking halaga, pero ang tao ay maginhawang nagpapahinga,[5] at hindi man lamang nito isinasapuso ang gawain ng Diyos.
Bagama’t ang mga sinasabi Ko ngayon tungkol sa gawain ng Diyos ay maaaring naglalaman ng maraming “kakatwang bagay na walang batayan,”[6] mayroon pa rin itong malaking kaugnayan sa pagpasok ng tao. Nagsasalita lamang Ako nang kaunti tungkol sa gawain at pagkatapos ay nagsasalita nang kaunti tungkol sa pagpasok, ngunit ang dalawang aspekto ay parehong hindi maaaring mawala, at kapag pinagsama, ay lalo pang nagiging kapaki-pakinabang ang mga ito sa buhay ng tao. Ang dalawang aspektong ito ay kinokompleto ang isa’t isa[7] at sobrang kapaki-pakinabang, tinutulutan ang mga tao na mas maunawaan ang mga layunin ng Diyos at bumuo ng ugnayan sa pagitan ng mga tao at ng Diyos. Sa pamamagitan ng pagtalakay ngayon sa gawain, mas napapaunlad ang kaugnayan ng sangkatauhan sa Diyos, napapalalim ang pagkakaunawaan ng isa’t isa, at nagagawa ng tao na higit na isaalang-alang ang pasanin ng Diyos; naipadarama sa tao kung ano ang nadarama ng Diyos, nagagawa ang tao na magkaroon ng higit na pananalig na babaguhin siya ng Diyos at na hintayin ang muling pagpapakita ng Diyos. Ito ang kaisa-isang hinihingi ng Diyos sa tao ngayon—ang isabuhay ang wangis ng isang nagmamahal sa Diyos, upang ang liwanag ng pagkakabuo ng karunungan ng Diyos ay sisinag sa kapanahunan ng kadiliman at nang ang pagsasabuhay ng tao ay maaaring mag-iwan ng maningning na pahina sa gawain ng Diyos, nagliliwanag magpakailanman sa Silangan ng daigdig, nakukuha ang pansin ng mundo at ang paghanga ng napakaraming tao. Ito ang pinakatiyak na mas mainam na pagpasok para sa mga nasa kasalukuyang kapanahunan na nagmamahal sa Diyos.
Mga Talababa:
1. Ang “nagpapainit at naghahanda na ipakita ang kanilang lakas” ay ginagamit nang may panunuya.
2. Ang “abnormalidad” ay nagpapahiwatig na lihis ang pagpasok ng mga tao at may kinikilingan ang kanilang mga karanasan.
3. Ang “isang lugar na walang labasan” ay nangangahulugan na ang landas na tinatahak ng mga tao ay salungat sa mga layunin ng Diyos.
4. Ang “magbabago ang kanilang karaniwang saloobin” ay tumutukoy sa kung paano nagbabago ang mga kuru-kuro at mga pananaw ng mga tao tungkol sa Diyos sa sandaling makilala nila ang Diyos.
5. Ang “maginhawang nagpapahinga” ay nangangahulugan na ang mga tao ay walang malasakit sa gawain ng Diyos at hindi ito itinuturing na mahalaga.
6. Ang “kakatwang bagay na walang batayan” ay nangangahulugan na ang mga tao ay talagang walang kakayahang maarok ang batayan ng mga salitang binibigkas ng Diyos at hindi nila alam kung ano ang Kanyang sinasabi. Ang pariralang ito ay ginagamit nang may kabalintunaan.
7. Ang “kinokompleto ang isa’t isa” ay nangangahulugan na kung pagsasamahin sa pagbabahagi ang “gawain” at “pagpasok,” magiging higit na kapaki-pakinabang ito sa ating pagkakilala sa Diyos.