Dapat Kang Mamuhay Para sa Katotohanan Yamang Nananampalataya Ka sa Diyos
Ang karaniwang problema na umiiral sa lahat ng tao ay yaong nauunawaan nila ang katotohanan ngunit hindi ito naisasagawa. Sa isang banda, dahil ito sa hindi sila handang magbayad ng halaga para rito, at sa kabilang banda, masyadong mababa ang kanilang pagkilatis; hindi nila kayang makita ang marami sa mga paghihirap sa pang-araw-araw na pamumuhay sa kung ano ang mga ito, gayundin ay hindi nila alam kung paano magsagawa nang wasto. Sa dahilang ang mga karanasan ng mga tao ay masyadong mababaw, ang kanilang kakayahan ay masyadong mahina, at ang antas ng kanilang pag-unawa sa katotohanan ay limitado, wala silang kakayanang lutasin ang mga paghihirap na kanilang nararanasan sa araw-araw na buhay. Nananampalataya sila sa Diyos sa salita lamang, at hindi nila kayang dalhin ang Diyos sa kanilang pang-araw-araw na buhay. Ibig sabihin, ang Diyos ay Diyos, ang buhay ay buhay, at para bang ang mga tao ay walang relasyon sa Diyos sa kanilang buhay. Iyan ang iniisip ng lahat ng tao. Sa gayong pananampalataya sa Diyos, ang mga tao, sa pagsasagawa, ay hindi makakamit at mapeperpekto ng Diyos. Sa katunayan, hindi sa hindi napahayag nang malinaw ang salita ng Diyos, bagkus ay sadyang napakababa ng abilidad ng mga tao na makaarok. Masasabi na halos walang sinuman na kumikilos ayon sa mga orihinal na pagnanais ng Diyos, at sa halip, kumikilos ang lahat ayon sa sarili nilang kagustuhan. Nananampalataya ang lahat sa Diyos ayon sa kanilang mga kuru-kurong panrelihiyon sa nakalipas, at sa kanilang mga sariling pamamaraan. Kakaunti ang mga sumasailalim sa pagbabago kasunod ng pagtanggap ng salita ng Diyos at nagsisimulang kumilos alinsunod sa Kanyang mga layunin. Sa halip, ayaw nilang matauhan. Kapag ang mga tao ay nagsimulang maniwala sa Diyos, ginagawa nila ito batay sa mga nakaugaliang patakaran ng relihiyon, at namumuhay at umaasal sila at nakikitungo sa mundo nang ganap na batay sa kanilang sariling pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo. Masasabing iyan ang kalagayan ng siyam sa bawat sampung tao. Napakakaunti ang bumubuo ng isa pang plano at nagbabagong-buhay pagkatapos umpisahang maniwala sa Diyos. Nabigo ang sangkatauhan na tratuhin ang salita ng Diyos bilang katotohanan, o na isagawa ito bilang ganoon.
Tingnan bilang halimbawa ang pananampalataya kay Jesus. Baguhan man sa pananampalataya ang isang tao o matagal na panahon nang may pananampalataya, ang lahat ay ginagamit lamang ang anumang mga talento na mayroon sila at nagpapamalas ng anumang mga kasanayang kanilang angkin. Idinagdag lamang ng mga tao ang tatlong salitang “pananampalataya sa Diyos” sa normal nilang buhay, ngunit walang ginawang pagbabago sa kanilang disposisyon, at ang kanilang pananampalataya sa Diyos ay hindi lumago kahit na katiting. Ang pagpupursigi nila ay hindi mainit at hindi rin malamig. Hindi nila sinabi na bibitiw sila sa kanilang pananampalataya, pero hindi rin nila inihandog ang lahat sa Diyos. Kailanman ay hindi nila tunay na minahal ang Diyos o nagpasakop sa Kanya. Ang kanilang pananampalataya sa Diyos ay pinaghalong tunay at huwad, ang naging pagdulog nila ay sa pamamagitan ng isang matang dilat at isang matang pikit, at hindi nila ito sineryoso. Nagpatuloy sila sa kalagayan ng pagiging nalilito, at sa huli ay namatay nang lango sa pagkalito. Ano ang punto ng lahat ng iyon? Ngayon, bilang isang manampalataya sa praktikal na Diyos, kailangan mong tumapak sa tamang landas. Sa pananampalataya mo sa Diyos, hindi ka lamang dapat maghanap ng mga pagpapala; sa halip, dapat mong hangarin na mahalin ang Diyos at makilala ang Diyos. Sa pamamagitan ng Kanyang kaliwanagan, sa pamamagitan ng iyong personal na paghahangad, dapat magawa mong kumain at uminom ng Kanyang salita, bumuo ng isang tunay na pagkakilala sa Diyos, at magkaroon ng isang tunay na pagmamahal para sa Diyos na nagmumula sa kaibuturan ng iyong puso. Sa madaling salita, kapag ang iyong pagmamahal para sa Diyos ang pinakatunay, at walang sinumang makasisira o makahahadlang sa iyong pagmamahal para sa Kanya, iyon ang oras na ikaw ay nasa tamang landas sa iyong pananampalataya sa Diyos. Pinatutunayan nito na nasa panig ka ng Diyos, sapagkat ang puso mo ay nasa pag-aari na ng Diyos at wala nang iba pang makakapag-angkin sa iyo. Sa pamamagitan ng iyong karanasan, sa pamamagitan ng iyong ibinayad na halaga, at sa pamamagitan ng gawain ng Diyos, nagagawa mong magkaroon ng kusang pagmamahal para sa Diyos—at kapag nagkagayon, ikaw ay mapapalaya mula sa impluwensiya ni Satanas at mamumuhay sa liwanag ng salita ng Diyos. Tanging kapag ikaw ay nakalaya na mula sa impluwensiya ng kadiliman masasabi na nakamit mo na ang Diyos. Sa iyong pananampalataya sa Diyos, dapat mong sikaping hangarin ang layong ito. Ito ang responsabilidad ng bawat isa sa inyo. Wala sa inyo ang dapat masiyahan sa kasalukuyang kalagayan ng mga bagay-bagay. Hindi kayo maaaring magdalawang-isip tungkol sa gawain ng Diyos, ni hindi ninyo ito dapat ituring nang basta-basta lang. Dapat ninyong isipin ang Diyos sa lahat ng sitwasyon at bawat sandali, at gawin ang lahat ng bagay alang-alang sa Kanya. At sa inyong pananalita at mga kilos, dapat ninyong unahin ang mga interes ng sambahayan ng Diyos. Tanging sa ganitong paraan kayo magiging kaayon sa mga layunin ng Diyos.
Ang pinakamalaking pagkakamali ng mga tao sa kanilang pananampalataya sa Diyos ay yaong sa salita lamang ang kanilang pananampalataya, at ang Diyos ay lubos na wala sa pang-araw-araw nilang buhay. Ang lahat nga ng tao ay naniniwala sa pag-iral ng Diyos, subalit ang Diyos ay hindi bahagi ng kanilang pang-araw-araw na mga buhay. Namumutawi sa bibig ng mga tao ang maraming panalangin sa Diyos, ngunit ang Diyos ay may maliit lamang na lugar sa kanilang puso, at dahil dito ay paulit-ulit silang sinusubok ng Diyos. Sa dahilang ang mga tao ay hindi dalisay kung kaya’t ang Diyos ay walang mapagpipilian kundi subukin sila, upang mapahiya sila at makilala ang kanilang mga sarili sa gitna ng mga pagsubok na ito. Kung hindi, ang sangkatauhan ay magiging mga inapo ng arkanghel, at lalo’t lalong magiging tiwali. Sa proseso ng kanilang pananampalataya sa Diyos, iwinawaksi ng bawat tao ang marami sa kanilang personal na motibo at mga layunin habang sila ay walang-humpay na nililinis ng Diyos. Kung hindi, walang magiging paraan ang Diyos upang magamit ang sinuman, at walang paraan na gawin sa tao ang gawaing dapat Niyang gawin. Nililinis muna ng Diyos ang mga tao, at sa prosesong ito, maaaring makilala ng mga tao ang kanilang sarili, at maaaring mabago sila ng Diyos. Saka lamang maikikintalng Diyos ang Kanyang buhay sa kanila, at sa ganitong paraan lamang lubusang makababaling ang puso nila sa Diyos. At kaya, ang pananampalataya sa Diyos ay hindi kasingsimple ng sinasabi ng mga tao. Sa paningin ng Diyos, kung may kaalaman ka lamang ngunit wala ang salita Niya bilang buhay, at kung limitado ka lamang sa iyong sariling kaalaman ngunit hindi kayang maisagawa ang katotohanan o maisabuhay ang salita ng Diyos, kung gayon ito ay patunay pa rin na wala kang mapagmahal-sa-Diyos na puso, at ipinakikita nito na ang iyong puso ay hindi pag-aari ng Diyos. Makikilala ng isang tao ang Diyos sa pamamagitan ng pananalig sa Kanya: Ito ang panghuling pakay at ang layon ng paghahangad ng tao. Dapat kang magsikap na isabuhay ang mga salita ng Diyos upang ang mga ito ay maisakatuparan sa iyong pagsasagawa. Kung mayroon ka lamang kaalaman tungkol sa doktrina, ang iyong pananampalataya sa Diyos ay mauuwi sa wala. Tanging kung iyo ring isinasagawa at isinasabuhay ang Kanyang salita saka lamang maituturing na ganap ang iyong pananampalataya at ayon sa mga layunin ng Diyos. Sa landas na ito, maraming tao ang makapagsasalita ng maraming kaalaman, ngunit sa oras ng kanilang kamatayan, ang kanilang mga mata ay umaapaw sa mga luha, at kinapopootan nila ang kanilang mga sarili sa pagkakasayang sa isang buong buhay at pagkakaabot ng hanggang sa katandaan nang para sa wala. Nauunawaan lang nila ang mga doktrina ngunit hindi nila kayang isagawa ang katotohanan o magpatotoo sa Diyos; tumatakbo lang sila paroo’t parito, abalang-abala sa gawain, at kapag naghihingalo na sila, saka lang nila nakikita sa wakas na wala silang tunay na patotoo, na wala silang anumang pagkilala sa Diyos. Hindi ba’t ito ay masyadong huli na? Bakit hindi mo samantalahin ang araw at hangarin ang katotohanan na iyong minamahal? Bakit maghihintay ka pa hanggang kinabukasan? Kung sa buhay mo ay hindi ka nagdurusa para sa katotohanan o naghahangad na makamit ito, maaari kayang ninanais mong maramdaman ang panghihinayang sa oras na malapit ka nang mamatay? Kung gayon, bakit ka nananampalataya sa Diyos? Sa realidad, maraming bagay kung saan maaaring isagawa ng mga tao ang katotohanan at palugurin ang Diyos, kung magsisikap lang sila nang napakakaunti. Ito ay dahil lang sobrang naguguluhan ang isipan ng mga tao na hindi sila makakilos alang-alang sa Diyos, at palaging nagmamadali para sa kapakanan ng kanilang laman, nang walang anumang nakakamit sa huli. Dahil dito, ang mga tao ay palaging may mga problema at suliranin. Hindi ba’t ang mga ito ay mga pagpapahirap mula kay Satanas? Hindi ba’t ito ang katiwalian ng laman? Hindi mo dapat subukang lokohin ang Diyos sa pamamagitan ng mga salita lamang pero walang gawa—kailangan mo talagang magsagawa. Huwag mong linlangin ang iyong sarili—ano ang magiging punto niyon? Ano ang iyong makakamit sa pamumuhay para sa kapakanan ng iyong laman at pakikibaka para sa kasikatan at pakinabang?