Masyadong Mababang-uri ang Karakter Ninyong Lahat!

Nakaupo kayong lahat sa mga luklukan ng kagarbohan, pinangangaralan iyong mga nasa nakababatang salinlahi na kauri ninyo at pinauupo silang lahat kasama mo. Paanong hindi ninyo alam na ang “mga inapo” ninyo ay matagal nang naubusan ng hininga at naiwala ang gawain Ko? Nagniningning ang kaluwalhatian Ko mula sa lupain ng Silangan hanggang sa lupain ng Kanluran, gayumpaman sa paglaganap nito hanggang sa mga dulo ng lupa at sa pagsisimula nitong bumangon at magningning, kukunin Ko ang kaluwalhatian Ko mula sa Silangan at dadalhin ito sa Kanluran upang ang mga tao ng kadiliman, na inabandona Ako sa Silangan, ay pagkakaitan ng pagtanglaw mula sa sandaling iyon. Kapag nangyari iyon, mamumuhay kayo sa lambak ng anino. Bagamat ang mga tao sa mga araw na ito ay isandaang beses na mas mabuti kaysa noon, hindi pa rin nila natutugunan ang mga hinihingi Ko, at hindi pa rin sila isang patotoo sa kaluwalhatian Ko. Na nagagawa ninyong maging isandaang beses na mas mabuti kaysa noon ay ganap na resulta ng gawain Ko; ito ang naging bunga ng gawain Ko sa lupa. Gayunman, nakararamdam pa rin Ako ng pagkasuklam para sa mga salita at gawa ninyo, pati na rin para sa karakter ninyo, at nakararamdam Ako ng labis na paghihinanakit sa paraan ng pagkilos ninyo sa harap Ko, dahil wala kayong anumang pagkaunawa sa Akin. Kung gayon, paano ninyo maisasabuhay ang kaluwalhatian Ko, at paano kayo magiging deboto sa gawain Ko sa hinaharap? Napakaganda ng pananalig ninyo; sinasabi ninyong handa kayong gugulin ang buong buhay ninyo para sa kapakanan ng gawain Ko, at na handa kayong ialay ang buhay ninyo para dito, ngunit hindi gaanong nagbago ang mga disposisyon ninyo. Mapagmataas lamang kayong nagsasalita, sa kabila ng katunayan na ubod ng sama ang aktuwal na pag-uugali ninyo. Ito ay para bang nasa langit ang mga dila at labi ng mga tao ngunit naroroon sa lupa ang mga binti nila, at bunga nito, gutay-gutay at wasak pa rin ang mga salita at mga gawa at mga reputasyon nila. Nawasak na ang mga reputasyon ninyo, mababang-uri ang ugali ninyo, ang paraan ninyo ng pagsasalita ay mababa, at kasuklam-suklam ang mga buhay ninyo; maging ang kabuuan ng pagkatao ninyo ay napakababa ang kababaan. Makitid ang isip ninyo tungo sa iba, at nakikipagtawaran kayo sa bawat maliit na bagay. Nakikipag-away kayo tungkol sa sarili ninyong mga reputasyon at katayuan, kahit na hanggang sa puntong handa kayong bumaba sa impiyerno at sa lawa ng apoy. Sapat na ang kasalukuyang mga salita at mga gawa ninyo upang matukoy Ko na makasalanan kayo. Ang mga saloobin ninyo tungo sa gawain Ko ay sapat na para matukoy Ko na kayo ay mga di-matuwid, at ang lahat ng disposisyon ninyo ay sapat na upang matukoy na kayo ay maruruming kaluluwa na puno ng mga karumal-dumal na bagay. Ang mga pagpapamalas ninyo at ang ibinubunyag ninyo ay sapat na upang sabihing kayo ay mga taong nagpakasawang uminom ng dugo ng maruruming espiritu. Kapag nababanggit ang pagpasok sa kaharian ng langit, hindi ninyo ibinubunyag ang mga damdamin ninyo. Naniniwala ba kayo na kung paano kayo ngayon ay sapat na para makalakad kayo papasok ng tarangkahan ng Aking kaharian ng langit? Naniniwala ba kayong makakakuha kayo ng permiso na makapasok sa banal na lupain ng gawain at mga salita Ko, nang hindi Ko muna sinusubok ang sarili ninyong mga salita at gawa? Sino ang makapagtatakip sa mga mata Ko? Paano makatatakas sa paningin Ko ang kasuklam-suklam at abang mga pag-uugali at mga pakikipag-usap ninyo? Natukoy Ko ang buhay ninyo bilang buhay ng pag-inom ng dugo at pagkain ng laman ng maruruming espiritu na iyon sapagkat tinutularan ninyo ang mga ito sa harapan Ko bawat araw. Sa harap Ko, naging partikular na masama at mababa ang pag-uugali ninyo, kaya paanong hindi Ko kayo maituturing na kasuklam-suklam? Naglalaman ang mga salita ninyo ng mga karumihan ng maruruming espiritu: Nanunuyo, nagkukubli, at nambobola kayo kagaya ng mga nakikibahagi sa pangkukulam at kagaya ng mga nagsasagawa ng panlilinlang at umiinom ng dugo ng mga hindi matuwid. Lubhang hindi matuwid ang lahat ng pagpapamalas ng tao, kaya paanong mailalagay ang lahat ng tao sa banal na lupain kung saan naroroon ang matutuwid? Iniisip mo bang maibubukod ka ng iyong kasuklam-suklam na pag-uugali bilang isang banal mula sa mga hindi matuwid? Sisirain kalaunan ng mala-ahas mong dila itong laman mong nagdudulot ng pagkawasak at nagsasagawa ng mga karumal-dumal na bagay, at ang mga kamay mong iyan na nababalutan ng dugo ng maruruming espiritu ay hihilahin din papuntang impiyerno ang kaluluwa mo kalaunan. Kung gayon, bakit hindi mo sinusunggaban ang pagkakataong ito para linisin ang mga kamay mong nababalot ng karumihan? At bakit hindi mo sinasamantala ang pagkakataong ito para putulin ang dila mong iyan na nagsasalita ng mga hindi matuwid na salita? Maaari kayang handa kang magdusa sa mga apoy ng impiyerno alang-alang sa mga kamay, dila, at mga labi mo? Sinisiyasat Ko nang may dalawang mata ang puso ng di-mabilang na mga tao, sapagkat matagal na panahon bago Ko pa nilikha ang sangkatauhan, nahawakan Ko na ang puso nila sa Aking mga kamay. Matagal Ko nang nakilatis ang puso ng mga tao, kaya paano makatatakas sa paningin Ko ang mga kaisipan nila? Paanong hindi pa masyadong huli para matakasan nila ang pagsunog sa kanila ng Espiritu Ko?

Mas mabait kaysa sa mga kalapati ang mga labi mo, ngunit ang puso mo ay mas mapaminsala kaysa sa ahas noong unang panahon. Kasingganda ng sa mga kababaihan ng Lebanon ang mga labi mo, pero hindi mas mabait ang puso mo kaysa sa kanila, at lalo nang hindi ito maihahambing sa kagandahan ng mga taga-Canaan. Masyadong mapanlinlang ang puso mo! Ang mga bagay lamang na kinasusuklaman Ko ay ang mga labi ng mga hindi matuwid at ang mga puso nila, at ang hinihingi Ko sa mga tao ay ang hindi nila higitan ang mga banal na tao; sadyang nakararamdam Ako ng pagkasuklam para sa masasamang gawa ng mga hindi matuwid, at umaasa Akong magagawa nilang iwaksi ang karumihan nila at tumakas mula sa kasalukuyan nilang suliranin upang makapamukod-tangi sila mula sa mga hindi matuwid at makapamuhay at maging banal kasama ng mga matuwid. Kayo ay nasa sitwasyong kapareho ng sa Akin, pero kayo ay nababalot ng dumi; ni wala man lang kayong katiting na orihinal na wangis ng mga taong nilikha noong simula. Bukod pa rito, sapagkat araw-araw ninyong tinutularan ang wangis ng maruruming espiritu, ginagawa ang ginagawa nila at sinasabi ang sinasabi nila, ang lahat ng parte ninyo—maging ang mga dila at mga labi ninyo—ay nakababad sa mabahong tubig nila, hanggang sa puntong ganap na kayong nababalutan ng gayong mga mantsa, at wala kahit isang parte ninyo ang maaaring gamitin para sa gawain Ko. Masyado itong makadurog-puso! Namumuhay kayo sa ganitong mundo ng mga kabayo at baka, pero sa totoo lang ay hindi kayo nakararamdam ng pagkabagabag; puno kayo ng galak at namumuhay kayo nang malaya at magaan. Lumalangoy kayo sa mabahong tubig na iyon, pero hindi ninyo talaga napagtatantong nahulog na kayo sa ganoong suliranin. Bawat araw, nakikisama kayo sa maruruming espiritu at nakikisalamuha sa “mga dumi,” at talagang bulgar ang buhay ninyo; hindi mo talaga namamalayan na talagang hindi ka namumuhay sa mundo ng tao at na hindi ikaw ang may kontrol sa sarili mo. Hindi mo ba alam na ang buhay mo ay matagal nang nayurakan ng maruruming espiritung iyon, o na ang karakter mo ay matagal nang nadungisan ng mabahong tubig? Iniisip mo bang namumuhay ka sa isang paraiso sa lupa, at na nasa gitna ka ng kaligayahan? Hindi mo ba alam na buong buhay kang namuhay sa tabi ng maruruming espiritu, at na umiral ka kasama ng lahat ng bagay na inihanda ng mga ito para sa iyo? Paano magkakaroon ng anumang kabuluhan ang paraan ng pamumuhay mo? Paano magkakaroon ng anumang halaga ang buhay mo? Naging masyado kang abala para sa mga magulang mo, mga magulang na may maruruming espiritu, pero wala ka talagang ideya na ang mga pumipinsala sa iyo ay iyong mga magulang na may maruruming espiritu, na nagsilang sa iyo at nagpalaki sa iyo. Bukod pa rito, wala kang malay na ang lahat ng karumihan mo ay sa katunayan ibinigay nila sa iyo; ang alam mo lang ay na maaari ka nilang bigyan ng “kasiyahan,” hindi ka nila kinakastigo, ni hinuhusgahan, at lalong hindi ka nila isinusumpa. Hindi pa sila kailanman pumutok sa galit sa iyo, kundi tinatrato ka nila nang kaaya-aya at mabait. Ang mga salita nila ay bumubusog sa puso mo at bumibighani sa iyo hanggang sa malito ka at, nang hindi ito namamalayan, ikaw ay naengganyo at handa nang magserbisyo sa kanila, nagiging tagapagsalita at alipin nila. Wala kang anumang reklamo, kundi handa kang gumawa para kanila tulad ng mga aso, tulad ng mga kabayo; nailihis ka nila. Sa kadahilanang ito, ganap na wala kang mga reaksiyon sa gawaing ginagawa Ko. Hindi nakapagtatakang palagi mong nais na palihim na lumusot sa mga daliri Ko, at hindi nakapagtatakang palagi mong nais gumamit ng matatamis na salita upang mapanlinlang na makakuha ng pabor mula sa Akin. Lumalabas na mayroon ka nang iba pang plano, iba pang pagsasaayos. Nakikita mo nang kaunti ang mga kilos Ko bilang ang Makapangyarihan sa lahat, ngunit wala ka ni katiting na kaalaman sa paghatol at pagkastigo Ko. Wala kang ideya kung kailan nagsimula ang pagkastigo Ko; ang alam mo lamang ay ang dayain Ako—pero hindi mo alam na hindi Ko palalampasin ang anumang paglabag mula sa tao. Yamang gumawa ka na ng mga resolusyon para paglingkuran Ako, hindi kita pakakawalan. Isa Akong Diyos na napopoot sa kasamaan, at isa Akong Diyos na naninibugho sa sangkatauhan. Yamang nailagay mo na ang mga salita mo sa altar, hindi Ko papayagan ang pagtakbo mo sa mismong harap ng mga mata Ko, ni papayagan na maglingkod ka sa dalawang amo. Inisip mo bang maaari kang magkaroon ng pangalawang minamahal matapos mong mailagay na ang mga salita mo sa altar Ko at sa harap ng mga mata Ko? Paano Ko mapapayagan ang mga tao na lokohin Ako sa gayong paraan? Inisip mo bang maaari kang basta-bastang gumawa ng mga panata at mga panunumpa sa Akin gamit ang dila mo? Paano ka nakapanunumpa sa trono Ko, ang trono Ko na Siyang Kataas-taasan? Inisip mo bang lumipas na ang mga panunumpa mo? Hayaan ninyong sabihin Ko sa inyo: Kahit pa maaaring lumipas ang mga laman ninyo, ang mga panunumpa ninyo ay hindi. Sa huli, kokondenahin Ko kayo batay sa mga panunumpa ninyo. Gayumpaman, naniniwala kayo na magagawa ninyong makitungo sa Akin nang pabasta-basta sa pamamagitan ng paglalagay ng mga salita ninyo sa harap Ko, at na makapaglilingkod sa marurumi at masasamang espiritu ang puso ninyo. Paano mapalalampas ng galit Ko ang panlilinlang ng mga taong iyon na gaya ng mga aso at mga baboy? Dapat Kong isagawa ang mga atas administratibo Ko, at bawiin mula sa mga kamay ng maruruming espiritu ang lahat ng labis na pormal at “maka-Diyos” na mayroong pananalig sa Akin upang maaari silang “magsilbi” sa Akin sa isang disiplinadong pamamaraan, maging Aking mga baka, maging Aking mga kabayo, at maging nasa awa ng Aking pagkakatay. Pagpupulutin kita ng iyong mga dating resolusyon at muling paglilingkurin sa Akin. Hindi Ko papayagan ang anumang nilikhang nandaraya sa Akin. Inisip mo bang maaari kang walang pakundangang gumawa ng mga kahingian at magsinungaling sa harap Ko? Inisip mo bang hindi Ko narinig o nakita ang mga salita at mga gawa mo? Paanong mawawala sa paningin Ko ang mga salita at mga gawa mo? Paano Ko kailanman pahihintulutan ang mga tao na dayain Ako nang ganoon?

Ilang tagsibol at taglagas na Akong naglalakad sa gitna ninyo; matagal na Akong namumuhay sa gitna ninyo, at namumuhay kasama ninyo. Gaano karami sa kasuklam-suklam ninyong pag-uugali ang nakalampas sa mismong harapan ng mga mata Ko? Patuloy na umaalingawngaw sa mga tainga Ko ang mga taos-puso ninyong salita; milyon-milyon ng mga kapasyahan ninyo na ang nailatag sa altar Ko—masyadong marami para man lang bilangin. Gayunman, pagdating sa inyong dedikasyon at sa ginugugol ninyo, hindi kayo nagbibigay nang kahit karampot. Hindi kayo naglalagay ng kahit isang munting patak ng sinseridad sa Aking altar. Nasaan ang mga bunga ng pananampalataya ninyo sa Akin? Nakatanggap kayo ng walang-katapusang biyaya mula sa Akin, at nakakita kayo ng walang-katapusang hiwaga ng langit; ipinakita Ko pa nga sa inyo ang mga apoy ng langit, ngunit hindi Ko naatim na sunugin kayo. Gayunman, gaano karami ang naibigay ninyo sa Akin bilang kapalit? Gaano karami ang handa kayong ibigay sa Akin? Hawak ang pagkaing ipinagkaloob Ko sa iyo, bumabaling ka at iniaalay ito sa Akin, sinasabi pa nga na isa itong bagay na nakuha mo kapalit ng pawis ng pinaghirapan mo at na iniaalay mo sa Akin ang lahat ng pag-aari mo. Paanong hindi mo alam na ang “mga ambag” mo sa Akin ay lahat mga bagay lamang na ninakaw mula sa altar Ko? Bukod dito, ngayon na iniaalay mo ang mga iyan sa Akin, hindi ba’t dinadaya mo Ako? Paanong hindi mo alam na ang tinatamasa Ko ngayon ay lahat ng handog sa altar Ko, at hindi kung ano ang kinita mo mula sa pagsisipag mo at pagkatapos ay inialay sa Akin? Talagang nangangahas kayong dayain Ako sa ganitong paraan, kaya paano Ko kayo mapapatawad? Paano ninyo nagagawang umasa na matitiis Ko pa ito nang mas matagal? Naipagkaloob Ko na sa inyo ang lahat, nabuksan Ko na sa inyo ang lahat, at tinustusan Ko na ang mga pangangailangan ninyo, labis na pinalalawak ang inyong maaabot, gayumpaman ay dinadaya ninyo Ako nang ganito, binabalewala ang mga konsensiya ninyo. Walang pag-iimbot Kong ipinagkaloob sa inyo ang lahat upang kahit na nagdurusa kayo, nakamit pa rin ninyo mula sa Akin ang lahat ng dinala Ko mula sa langit. Gayumpaman, wala kayong anumang dedikasyon, at kahit pa nakagawa kayo ng munting ambag, sinusubukan ninyong “makipag-ayos ng mga talaan” sa Akin pagkatapos. Hindi ba’t ang ambag mo ay mawawalan ng halaga? Ang naialay mo sa Akin ay isang butil lamang ng buhangin, gayumpaman ang hiningi mo sa Akin ay isang toneladang ginto. Hindi ba’t wala ka lang sa katwiran? Gumagawa Ako sa gitna ninyo. Lubos na walang bakas ng sampung porsiyentong dapat maibigay sa Akin, lalo na ng anumang karagdagang mga sakripisyo. Bukod pa rito, ang sampung porsiyentong inialay ng mga deboto ay sinunggaban ng masasama. Hindi ba’t nakakalat kayong lahat mula sa Akin? Hindi ba’t palatutol kayong lahat sa Akin? Hindi ba’t ginigiba ninyong lahat ang altar Ko? Paano maituturing ng mga mata Ko na mga kayamanan ang gayong mga tao? Hindi ba’t sila ang mga baboy at mga asong kinamumuhian Ko? Paano Ko ituturing ang paggawa ninyo ng masama bilang isang kayamanan? Para kanino ba talaga ang gawaing ginagawa Ko? Maaari kayang ang layunin nito ay para lamang hampasin kayong lahat upang ibunyag ang awtoridad Ko? Hindi ba’t ang mga buhay ninyo ay nakasalalay lahat sa iisang salita mula sa Akin? Bakit gumagamit lamang Ako ng mga salita upang tagubilinan kayo, at hindi Ko ginawang mga katunayan ang mga salita upang hampasin kayo sa lalong madaling panahon na kaya Ko? Ang layunin ba ng mga salita at ng gawain Ko ay para lamang hampasin ang mga tao? Isa ba Akong Diyos na walang habas na pumapatay ng mga walang sala? Sa ngayon, ilan sa inyo ang pumupunta sa harap Ko sa inyong buong pagkatao upang maghangad ng tamang landas sa buhay ng mga tao? Ang mga katawan ninyo lamang ang nasa harapan Ko; nakatakas pa rin ang mga puso ninyo, at malayong-malayo sa Akin. Sapagkat hindi ninyo alam kung ano ba talaga ang gawain Ko, mayroong ilan sa inyong nais na lisanin Ako at layuan Ako, at sa halip ay umaasang mamuhay sa isang mundo ng kaligayahan kung saan walang pagkastigo o paghatol. Hindi ba’t ito ang hinihiling ng mga tao sa puso nila? Hindi kita sinusubukang pilitin. Kung anumang landas ang tatahakin mo ay sarili mong desisyon. Ang landas ngayon ay may kasamang paghatol at mga sumpa, ngunit dapat malaman ninyong lahat na ang lahat ng ipinagkaloob Ko sa inyo—ito man ay mga paghatol o mga pagkastigo—ay ang pinakamagagandang kaloob na ipinagkaloob Ko sa inyo, at ang lahat ng ito ay mga bagay na kailangang-kailangan na ninyo.

Sinundan:  Ang Gawain ng Pagpapalaganap ng Ebanghelyo ay ang Gawain Din ng Pagliligtas sa Tao

Sumunod:  Ang Gawain sa Kapanahunan ng Kautusan

Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos Ukol sa Pagkakilala sa Diyos Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw Paglalantad sa mga Anticristo Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ang Paghatol ay Nagsisimula sa Tahanan ng Diyos Mahahalagang Salita Mula sa Makapangyarihang Diyos, ang Cristo ng mga Huling Araw Araw-araw na mga Salita ng Diyos Ang Mga Katotohanang Realidad na Dapat Pasukin ng mga Mananampalataya sa Diyos Sundan ang Kordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin Mga Gabay para sa Pagpapalaganap ng Ebanghelyo ng Kaharian Naririnig ng mga Tupa ng Diyos ang Tinig ng Diyos Makinig sa Tinig ng Diyos  Masdan ang Pagpapakita ng Diyos Mahahalagang Tanong at Sagot tungkol sa Ebanghelyo ng Kaharian Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume I) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume II) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume III) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IV) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume V) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VI) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VIII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IX) Paano Ako Bumalik sa Makapangyarihang Diyos

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito

Connect with us on Messenger