a. Ano ang pagkakatawang-tao, at bakit Siya lamang na nagpapahayag ng katotohanan ang Diyos na nagpapakita at gumagawa

Mga Salita ng Makapangyarihang Diyos ng mga Huling Araw

Ang “pagkakatawang-tao” ay ang pagpapakita ng Diyos sa katawang-tao; gumagawa ang Diyos sa gitna ng nilikhang tao sa wangis ng katawang-tao. Kaya, dahil Siya ang nagkatawang-taong Diyos, kailangan muna Niyang maging katawang-tao, katawang-taong may normal na pagkatao; ito ang pinakapangunahing kinakailangan. Sa katunayan, ang implikasyon ng pagkakatawang-tao ng Diyos ay na ang Diyos ay namumuhay at gumagawa sa katawang-tao, na ang Diyos sa Kanyang pinakadiwa ay nagkakatawang-tao, nagiging isang tao.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Diwa ng Katawang-taong Tinatahanan ng Diyos

Ang pagkakatawang-tao ay nangangahulugan na ang Espiritu ng Diyos ay nagiging tao, ibig sabihin, ang Diyos ay nagiging katawang-tao; ang gawaing ginagawa ng katawang-tao ay ang gawain ng Espiritu, na naisasakatuparan sa katawang-tao, ipinapahayag ng katawang-tao. Walang sinuman maliban sa laman ng Diyos ang makakatupad sa ministeryo ng nagkatawang-taong Diyos; ibig sabihin, tanging ang nagkatawang-taong laman ng Diyos, ang taong ito na may normal na pagkatao, ang maaaring magpahayag ng gawain ng pagka-Diyos. Walang tao na maaaring humalili sa Kanya rito. Kung, noong una Siyang pumarito, hindi nagtaglay ang Diyos ng normal na pagkatao bago Siya nag-edad dalawampu’t siyam—kung sa sandaling isinilang Siya ay kaya na Niyang gumawa ng mga tanda at himala, kung noong Siya ay matutong magsalita ay agad Siyang nakapagsalita ng wika ng langit, kung mula nang ipanganak ay kaya na Niyang maunawaan ang lahat ng makamundong usapin, makita ang mga iniisip ng bawat tao at kung ano ang nasa loob ng kanilang puso—hindi matatawag na isang normal na tao ang gayong tao, at hindi matatawag ang katawang iyon na katawan ng tao. Kung ganoong uri ng tao si Cristo, mawawalan ng kabuluhan at diwa ang pagkakatawang-tao ng Diyos. Na nagtataglay Siya ng normal na pagkatao ay nagpapatunay na Siya ang Diyos na nagkatawang-tao sa laman; ang katunayan na sumailalim Siya sa normal na proseso ng paglaki ng tao ay lalo pang nagpapakita na Siya ay isang normal na katawang-tao; kung idadagdag pa rito ang Kanyang gawain, sapat na ang lahat ng ito para patunayan na Siya ang Salita ng Diyos, ang Espiritu ng Diyos, na naging katawang-tao.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Diwa ng Katawang-taong Tinatahanan ng Diyos

Tinatawag na Cristo ang Diyos na nagkatawang-tao, at si Cristo ay ang katawang-taong dinamitan ng Espiritu ng Diyos. Hindi katulad ng sinumang taong makalaman ang katawang-taong ito. Ang kaibhang ito ay dahil si Cristo ang pagkakatawang-tao ng Espiritu, sa halip na pagiging sa laman. Siya ay kapwa may normal na pagkatao at ganap na pagka-Diyos. Hindi taglay ng sinumang tao ang pagka-Diyos Niya. Ang normal na pagkatao Niya ay para panatilihin ang lahat ng normal na aktibidad Niya sa katawang-tao, habang isinasakatuparan ng pagka-Diyos Niya ang gawain ng Diyos Mismo. Pagkatao man o pagka-Diyos Niya, kapwa nagpapasakop ang mga ito sa kalooban ng Ama sa langit. Ang diwa ni Cristo ay ang Espiritu, na ibig sabihin, ang pagka-Diyos. Samakatwid, ang diwa Niya ay ang sa Diyos Mismo; hindi gagambalain ng diwang ito ang sarili Niyang gawain, at hindi Siya posibleng makagawa ng anumang bagay na sumisira sa sarili Niyang gawain, at hindi rin Siya bibigkas kailanman ng anumang mga salita na sumasalungat sa sarili Niyang kalooban. Samakatwid, hinding-hindi gagawa kailanman ang Diyos na nagkatawang-tao ng anumang gawaing gumagambala sa sarili Niyang pamamahala. Ito ang dapat maunawaan ng lahat ng tao. Ang diwa ng gawain ng Banal na Espiritu ay ang iligtas ang tao, at para sa kapakanan ng sariling pamamahala ng Diyos. Katulad nito, ang gawain ni Cristo ay ang iligtas din ang tao, at alang-alang sa kalooban ng Diyos. Yamang nagkatawang-tao ang Diyos, naisasakatuparan Niya ang diwa Niya sa loob ng Kanyang katawang-tao, sa paraang sapat na ang katawang-tao Niya upang balikatin ang Kanyang gawain. Samakatwid, ang lahat ng gawain ng Espiritu ng Diyos ay pinapalitan ng gawain ni Cristo habang nasa panahon ng pagkakatawang-tao, at ang nasa kaibuturan ng lahat ng gawain sa buong panahon ng pagkakatawang-tao ay ang gawain ni Cristo. Hindi ito maaaring ihalo sa gawain mula sa anumang ibang kapanahunan. At yamang nagiging tao ang Diyos, gumagawa Siya sa pagkakakilanlan ng Kanyang katawang-tao; yamang pumaparito Siya sa katawang-tao, tinatapos Niya sa gayon sa katawang-tao ang gawaing dapat Niyang gawin. Espiritu ng Diyos man o si Cristo, kapwa Sila ang Diyos Mismo, at ginagawa Niya ang gawain na dapat Niyang gawin at ginagampanan ang ministeryong dapat Niyang gampanan.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Diwa ni Cristo ay Pagpapasakop sa Kalooban ng Ama sa Langit

Ang implikasyon ng pagkakatawang-tao ng Diyos ay na ang Diyos ay namumuhay at gumagawa sa katawang-tao, na ang Diyos sa Kanyang pinakadiwa ay nagkakatawang-tao, nagiging isang tao. Ang Kanyang buhay at gawain sa katawang-tao ay maaaring hatiin sa dalawang yugto. Una ay ang buhay na Kanyang ipinamumuhay bago gampanan ang Kanyang ministeryo. Naninirahan Siya sa piling ng isang ordinaryong pamilya ng tao, sa lubos na normal na pagkatao, sumusunod sa normal na etika ng buhay ng tao at sumusunod sa normal na mga batas ng buhay ng tao, na may normal na mga pangangailangan ng tao (pagkain, damit, tulog, tirahan), normal na mga kahinaan ng tao, at normal na mga emosyon ng tao. Sa madaling salita, sa unang yugtong ito ay namumuhay Siya sa pagkataong walang pagka-Diyos at lubos na normal, nakikibahagi sa lahat ng normal na aktibidad ng tao. Ang pangalawang yugto ay ang buhay na Kanyang ipinamumuhay matapos Niyang simulang isagawa ang Kanyang ministeryo. Nananahan pa rin Siya sa ordinaryong pagkatao na may isang normal na panlabas na anyo ng tao, walang ipinapakitang panlabas na tanda ng pagiging higit-sa-karaniwan. Subalit eksklusibo Siyang namumuhay para lamang sa kapakanan ng Kanyang ministeryo, at sa panahong ito ay ganap na umiiral ang Kanyang normal na pagkatao upang mapanatili ang normal na gawain ng Kanyang pagka-Diyos, sapagkat sa panahong iyon ay gumulang na ang Kanyang normal na pagkatao hanggang sa punto na kaya na Niyang isagawa ang Kanyang ministeryo. Kaya, ang ikalawang yugto ng Kanyang buhay ay ang gampanan ang Kanyang ministeryo sa Kanyang normal na pagkatao, kung kailan ito ay isang buhay kapwa ng normal na pagkatao at ng ganap na pagka-Diyos. Sa unang yugto ng Kanyang buhay, kaya Siya namumuhay sa ganap na ordinaryong pagkatao ay dahil ang Kanyang pagkatao ay hindi pa kayang panatilihin ang kabuuan ng gawain ng Kanyang pagka-Diyos, hindi pa gumugulang; matapos gumulang ang Kanyang pagkatao—ibig sabihin, kapag kaya na nitong pasanin ang Kanyang ministeryo—saka lamang Niya masisimulang gampanan ang ministeryong dapat Niyang gampanan. Dahil katawang-tao Siya, kailangan Niyang lumaki at gumulang. Samakatwid, ang unang yugto ng Kanyang buhay ay iyong sa normal na pagkatao, samantalang sa pangalawang yugto, kaya ng Kanyang pagkatao na pasanin ang Kanyang gawain at isagawa ang Kanyang ministeryo, at kaya ang buhay ng Diyos na nagkatawang-tao sa panahon ng Kanyang ministeryo ay kapwa sa pagkatao at sa ganap na pagka-Diyos. Kung, mula sa sandali ng Kanyang pagsilang, pormal na sinimulan ng katawang-tao ng nagkatawang-taong Diyos ang Kanyang ministeryo, at ang lahat ng ginawa Niya ay may kalakip na pagsasagawa ng mga tanda at himala na higit sa karaniwan, hindi sana Siya nagkaroon ng diwa ng katawang-tao. Samakatwid, umiiral ang Kanyang pagkatao para sa kapakanan ng diwa ng Kanyang katawang-tao; hindi maaaring magkaroon ng katawang-tao nang walang pagkatao, at ang isang taong walang pagkatao ay hindi isang tao. Sa ganitong paraan, ang pagkatao ng laman ng Diyos ay isang likas na katangian ng nagkatawang-taong laman ng Diyos. Ang sabihing “kapag naging tao ang Diyos ay mayroon lang Siyang pagka-Diyos, at walang pagkatao” ay isang kalapastanganan, sapagkat sadyang walang batayan ang ganitong pahayag, at lumalabag ito sa prinsipyo ng pagkakatawang-tao. Kahit matapos Niyang simulang isagawa ang Kanyang ministeryo, namumuhay pa rin Siya sa Kanyang pagka-Diyos nang may panlabas na anyo ng tao kapag ginagawa Niya ang Kanyang gawain; sadya lamang na sa panahong ito, ang Kanyang pagkatao ay para lamang sa layuning tulutan ang Kanyang pagka-Diyos na gampanan ang gawain sa normal na katawang-tao. Kaya ang gumagawa ng gawain ay ang pagka-Diyos na nananahan sa Kanyang pagkatao. Ang Kanyang pagka-Diyos, hindi ang Kanyang pagkatao, ang gumagawa, subalit ang pagka-Diyos na ito ay nakatago sa loob ng Kanyang pagkatao; sa diwa, ang Kanyang gawain ay ginagawa pa rin ng Kanyang ganap na pagka-Diyos, hindi ng Kanyang pagkatao. Ngunit ang nagsasagawa sa gawain ay ang Kanyang katawang-tao. Masasabi na Siya ay isang tao at isa ring Diyos, sapagkat ang Diyos ay nagiging isang Diyos na namumuhay sa katawang-tao; mayroon Siyang anyo ng tao at diwa ng tao, at higit pa rito, mayroon Siyang diwa ng Diyos. Dahil Siya ay isang tao na mayroong diwa ng Diyos, mas mataas Siya sa lahat ng taong nilikha, mas mataas kaysa sa sinumang tao na makakagawa ng gawain ng Diyos. Kaya nga, sa lahat ng may anyo ng taong kagaya ng sa Kanya, sa lahat ng nagtataglay ng pagkatao, Siya lamang ang Diyos Mismo na nagkatawang-tao—lahat ng iba pa ay mga taong nilikha. Bagama’t lahat sila ay may pagkatao, walang ibang taglay ang mga nilikhang tao kundi pagkatao, samantalang ang Diyos na nagkatawang-tao ay naiiba: Sa Kanyang katawang-tao ay hindi lamang Siya may pagkatao kundi, ang pinakamahalaga, mayroon Siyang pagka-Diyos. Ang Kanyang pagkatao ay makikita sa panlabas na anyo ng Kanyang katawang-tao at sa Kanyang pang-araw-araw na buhay, ngunit ang Kanyang pagka-Diyos ay mahirap mahiwatigan. Dahil naipapahayag lamang ang Kanyang pagka-Diyos kapag Siya ay may pagkatao, at hindi higit-sa-karaniwan na tulad ng iniisip ng mga tao, napakahirap para sa mga tao na makita ito. Kahit ngayon, hirap na hirap ang mga tao na arukin kung ano ba mismo ang diwa ng nagkatawang-taong Diyos. Kahit matapos Akong bumigkas ng napakaraming salita, tingin Ko ay isa pa rin itong misteryo sa karamihan sa inyo. Sa katunayan, napakasimple ng isyung ito: Yamang naging tao ang Diyos, ang Kanyang diwa ay isang kombinasyon ng pagkatao at ng pagka-Diyos. Ang kombinasyong ito ay tinatawag na Diyos Mismo, ang Diyos Mismo sa lupa.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Diwa ng Katawang-taong Tinatahanan ng Diyos

Bago isinagawa ni Jesus ang gawain, namuhay lamang Siya sa Kanyang normal na pagkatao. Walang sinumang makapagsabi na Siya ang Diyos, walang sinumang nakaalam na Siya ang Diyos na nagkatawang-tao; kilala lamang Siya ng mga tao bilang isang taong napakaordinaryo. Ang Kanyang normal na pagkatao—na labis na ordinaryo—ay patunay na ang Diyos ay nagkatawang-tao sa laman, at na ang Kapanahunan ng Biyaya ang kapanahunan ng gawain ng Diyos na nagkatawang-tao, hindi ang kapanahunan ng gawain ng Espiritu. Patunay ito na ang Espiritu ng Diyos ay ganap na naisasakatuparan sa katawang-tao, na sa kapanahunan ng pagkakatawang-tao ng Diyos ay isasagawa ng Kanyang katawang-tao ang lahat ng gawain ng Espiritu. Ang Cristong may normal na pagkatao ay isang katawang-tao kung saan naisasakatuparan ang Espiritu, at nagtataglay ng normal na pagkatao, normal na katwiran, at pag-iisip ng tao. Ang “pagsasakatuparan” ay nangangahulugan na ang Diyos ay nagiging tao, ang Espiritu ay nagiging katawang-tao; para mas malinaw, ito ay kapag nanahan ang Diyos Mismo sa isang katawang may normal na pagkatao, at sa pamamagitan nito ay ipinapahayag Niya ang Kanyang gawain ng pagka-Diyos—ito ang ibig sabihin ng pagsasakatuparan, o magkatawang-tao. Sa una Niyang pagkakatawang-tao, kinailangan ng Diyos na magpagaling ng maysakit at magpalayas ng mga demonyo, dahil ang Kanyang gawain ay tumubos. Upang matubos ang buong lahi ng tao, kinailangan Niyang maging mahabagin at mapagparaya. Ang gawaing Kanyang ginawa bago Siya ipinako sa krus ay ang magpagaling ng maysakit at magpalayas ng mga demonyo, na naghudyat ng Kanyang pagliligtas sa tao mula sa kasalanan at karumihan. Dahil ito ang Kapanahunan ng Biyaya, kinailangan Niyang pagalingin ang maysakit, sa pamamagitan niyon ay nagpapakita Siya ng mga tanda at himala, na kumatawan sa biyaya noong panahong iyon—sapagkat ang Kapanahunan ng Biyaya ay nakasentro sa pagkakaloob ng biyaya; ang kapayapaan, kagalakan, at materyal na mga pagpapala ay mga simbolo ng Kapanahunan ng Biyaya at ng pananalig ng mga tao kay Jesus noong panahong iyon. Ibig sabihin, ang pagpapagaling ng maysakit, pagpapalayas ng mga demonyo, at pagkakaloob ng biyaya ay mga likas na abilidad ng katawang-tao ni Jesus sa Kapanahunan ng Biyaya, ang mga ito ay gawain ng Espiritung naisasakatuparan sa katawang-tao. Ngunit habang nagsasagawa Siya ng gayong gawain, namuhay Siya sa katawang-tao, at hindi lumagpas sa katawang-tao. Anumang mga pagpapagaling ang Kanyang isinagawa, taglay pa rin Niya ang normal na pagkatao, namuhay pa rin Siya ng normal na buhay ng tao. Kaya Ko sinasabi na sa panahon ng pagkakatawang-tao ng Diyos ay isinagawa ng katawang-tao ang lahat ng gawain ng Espiritu, ay dahil anumang gawain ang Kanyang ginawa, ginawa Niya iyon sa katawang-tao. Ngunit dahil sa Kanyang gawain, hindi itinuring ng mga tao na ang Kanyang katawang-tao ay nagtataglay ng ganap na diwa ng katawang-tao, sapagkat ang katawang-taong ito ay kayang gumawa ng mga tanda, at sa mga partikular na espesyal na sandali ay kayang gumawa ng mga bagay na lagpas sa laman. Siyempre, lahat ng pangyayaring ito ay naganap pagkatapos Niyang simulan ang Kanyang ministeryo, gaya ng pagtukso sa Kanya sa loob ng apatnapung araw o ng Kanyang pagbabagong-anyo sa bundok. Kaya kay Jesus, ang kahulugan ng pagkakatawang-tao ng Diyos ay hindi natapos, kundi bahagi pa lamang ang natupad. Ang buhay na Kanyang ipinamuhay sa katawang-tao bago Siya nagsimula sa Kanyang gawain ay lubos na normal sa lahat ng aspekto. Matapos Niyang simulan ang gawain, pinanatili lamang Niya ang panlabas na anyo ng Kanyang katawang-tao. Dahil ang Kanyang gawain ay isang pagpapahayag ng pagka-Diyos, nahigitan nito ang normal na mga paggana ng laman. Kung tutuusin, ang nagkatawang-taong laman ng Diyos ay iba sa mga taong may laman at dugo. Siyempre, sa Kanyang pang-araw-araw na buhay, kinailangan Niya ng pagkain, damit, tulog, at tirahan. Ang Kanyang mga pang-araw-araw na pangangailangan ay normal sa lahat ng aspekto, at mayroon Siyang katwiran ng isang normal na tao, at nag-isip na gaya ng normal na tao. Itinuring pa rin Siya ng mga tao na isang normal na tao, kaya lamang ay labis na higit sa karaniwan ang gawaing Kanyang ginawa. Ang totoo, anuman ang Kanyang ginawa, namuhay Siya sa isang ordinaryo at normal na pagkatao, at habang mas panahon iyon ng paggampan Niya ng gawain, mas normal ang Kanyang katwiran at mas malinaw ang Kanyang mga kaisipan; nahigitan ng Kanyang katwiran at mga kaisipan ang katwiran at mga kaisipan ng sinupamang normal na tao. Kinailangan ng nagkatawang-taong Diyos na magkaroon ng ganito mismong pag-iisip at katwiran, sapagkat ang gawain ng pagka-Diyos ay kinailangang ipahayag ng isang katawang-tao na ang katwiran ay lubos na normal at na ang mga kaisipan ay napakalinaw—sa ganitong paraan lamang maipapahayag ng Kanyang katawang-tao ang gawain ng pagka-Diyos. Nabuhay si Jesus sa lupa sa loob ng tatlumpu’t tatlo’t kalahating taon, at sa buong panahong ito ay pinanatili Niya ang Kanyang normal na pagkatao, ngunit dahil sa Kanyang gawain noong panahon ng Kanyang tatlo’t kalahating taon ng ministeryo, inakala ng mga tao na Siya ay lubhang higit-sa-karaniwan, na Siya ay lalo pang sobrenatural kaysa dati. Ang totoo, ang normal na pagkatao ni Jesus ay nanatiling di-nagbabago bago at pagkatapos Niyang simulan ang Kanyang ministeryo; ang Kanyang pagkatao ay pareho hanggang katapusan, ngunit dahil sa pagkakaiba bago at pagkatapos Niyang simulan ang Kanyang ministeryo, dalawang magkaibang pananaw ang lumitaw tungkol sa Kanyang katawang-tao. Anuman ang isipin ng mga tao, pinanatili ng Diyos na nagkatawang-tao ang Kanyang orihinal at normal na pagkatao sa buong panahon, sapagkat mula nang magkatawang-tao ang Diyos, namuhay Siya sa katawang-tao, ang katawang-taong may normal na pagkatao. Isinasagawa man Niya noon ang Kanyang ministeryo o hindi, hindi maaaring mabura ang normal na pagkatao ng Kanyang katawang-tao, sapagkat ang pagkatao ang pangunahing diwa ng laman.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Diwa ng Katawang-taong Tinatahanan ng Diyos

Ang Diyos na nagkatawang-tao ay tinatawag na Cristo, kung kaya’t ang pagtawag na Diyos sa Cristo na kayang magkaloob ng katotohanan sa tao ay hindi kalabisan kahit kaunti. Ito ay dahil taglay Niya ang diwa ng Diyos, at taglay Niya ang disposisyon ng Diyos at ang karunungan ng gawain ng Diyos, na hindi kayang abutin ng tao. Ang mga tumatawag sa sarili nila na mga cristo, subalit hindi naman kayang gawin ang gawain ng Diyos, ay mga impostor. Hindi lamang pagpapamalas ng Diyos sa lupa si Cristo, kundi ang partikular din na katawang-taong tinataglay ng Diyos habang ginagawa Niya ang Kanyang gawain sa lupa at tinatapos Niya ang Kanyang gawain sa gitna ng tao. Hindi maaaring palitan ng sinuman ang katawang-taong ito, kundi isa itong katawang-tao na kayang pasanin nang husto ang gawain ng Diyos sa lupa, na kayang ipahayag ang disposisyon ng Diyos, na kayang sapat na katawanin ang Diyos, at na kayang magbigay ng buhay sa tao.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tanging si Cristo ng mga Huling Araw ang Makapagbibigay sa Tao ng Daan ng Buhay na Walang Hanggan

Siya na Diyos na nagkatawang-tao ay nagtataglay ng diwa ng Diyos, at Siya na Diyos na nagkatawang-tao ay nagtataglay ng pagpapahayag ng Diyos. Dahil ang Diyos ay naging tao, dinadala Niya ang gawaing nilalayon Niyang gawin; sapagkat Siya ang Diyos na nagkatawang-tao, ipinapahayag Niya kung ano Siya; sapagkat Siya ang Diyos na nagkatawang-tao, nagagawa Niyang ihatid sa tao ang katotohanan, pagkalooban ito ng buhay, at ituro dito ang daan. Ang laman na walang diwa ng Diyos ay tiyak na hindi ang Diyos na nagkatawang-tao; walang duda ito. Kung nilalayon ng tao na suriin kung ito ba ang nagkatawang-taong laman ng Diyos, kailangan itong tukuyin ng tao mula sa disposisyon na ipinapahayag ng Diyos at sa mga salitang sinasambit ng Diyos. Ibig sabihin, para matukoy kung ito nga ba ang nagkatawang-taong laman ng Diyos o hindi, at kung ito nga ba ang tunay na daan o hindi, kailangang makilala ang kaibhan batay sa Kanyang diwa. Kaya nga, ang susi sa kung ito ba o hindi ang laman ng Diyos na nagkatawang-tao ay nakasalalay sa Kanyang diwa (Kanyang gawain, Kanyang mga salita, Kanyang disposisyon, at marami pang ibang aspekto), sa halip na sa panlabas na anyo. Kung sinusuri ng tao ang panlabas na anyo lamang ng Diyos, at dahil dito ay hindi niya napapansin ang diwa ng Diyos, ipinapakita nito na ang tao ay hangal at mangmang.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Paunang Salita

Yamang hinahanap natin ang mga yapak ng Diyos, dapat nating hanapin ang mga layunin ng Diyos, ang mga salita ng Diyos, ang mga pagbigkas Niya. Ito ay dahil kung saanman naroon ang mga bagong salita na binibigkas ng Diyos, naroon ang tinig ng Diyos, at kung saanman naroon ang mga yapak ng Diyos, naroon ang mga gawa ng Diyos; kung saanman naroon ang pagpapahayag ng Diyos, doon nagpapakita ang Diyos, at kung saanman nagpapakita ang Diyos, doon umiiral ang katotohanan, ang daan, at ang buhay. Sa paghahanap sa mga yapak ng Diyos, nakaligtaan ninyo ang mga salitang “Ang Diyos ang katotohanan, ang daan, at ang buhay.” Kung kaya, maraming tao, kahit pa makamit nila ang katotohanan, ang hindi naniniwala na natagpuan na nila ang mga yapak ng Diyos, at lalo nang hindi nila kinikilala ang pagpapakita ng Diyos. Napakatinding pagkakamali! Ang pagpapakita ng Diyos ay hindi makakaayon sa mga kuru-kuro ng tao, lalong hindi makakapagpakita ang Diyos sa paraang iginigiit ng tao na magpakita Siya. Ang Diyos ay gumagawa ng Kanyang sariling mga pagpili at Kanyang sariling mga plano kapag ginagawa Niya ang Kanyang gawain; bukod dito, Siya ay may sariling mga layunin at sarili Niyang mga pamamaraan. Anuman ang gawaing ginagawa Niya, hindi Niya kailangang talakayin ito sa tao o hingin ang payo nito, lalong hindi Niya kailangang ipaalam sa bawat isang tao ang Kanyang gawain. Ito ang disposisyon ng Diyos, at lalong dapat pa itong makilala ng lahat. Kung nais ninyong masaksihan ang pagpapakita ng Diyos, sundan ang mga yapak ng Diyos, kung gayon nararapat muna ninyong iwan ang inyong sariling mga kuru-kuro. Hindi mo dapat utusan ang Diyos na gawin ito o iyan, lalong hindi mo Siya dapat ikulong sa sarili mong mga hangganan at limitahan Siya sa sarili mong mga kuru-kuro. Sa halip, dapat ay inoobliga ninyo sa inyong mga sarili kung paano ninyo dapat hanapin ang mga yapak ng Diyos, kung paano ninyo dapat tanggapin ang pagpapakita ng Diyos, at kung paano kayo dapat magpasakop sa bagong gawain ng Diyos: Ito ang dapat gawin ng tao. Dahil ang tao ay hindi ang katotohanan, at hindi nagtataglay ng katotohanan, dapat siyang maghanap, tumanggap, at magpasakop.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Apendise 1: Ang Pagpapakita ng Diyos ay Naghatid ng Isang Bagong Kapanahunan

Sa pagkakataong ito, pumaparito ang Diyos upang gumawa ng gawain hindi sa espirituwal na katawan, kundi sa isang napaka-ordinaryong katawan. Bukod dito, ito ang katawan ng ikalawang pagkakatawang-tao ng Diyos, at ito rin ang katawan kung saan bumabalik ang Diyos sa katawang-tao. Isa itong napaka-ordinaryong katawang-tao. Kung titingnan Siya, wala kang makikitang anumang nagpapabukod-tangi sa Kanya sa iba, ngunit maaari kang magkamit mula sa Kanya ng mga katotohanang hindi pa narinig dati. Itong hamak na katawang-taong ito lang ang pagsasakatawan ng lahat ng salita ng katotohanan ng Diyos, ang tagapagdala ng gawain ng Diyos sa mga huling araw, at ang pagpapahayag kung saan nauunawaan ng tao ang buong disposisyon ng Diyos. Hindi mo ba lubhang ninanais na makita ang Diyos na nasa langit? Hindi mo ba lubhang ninanais na maunawaan ang Diyos na nasa langit? Hindi mo ba lubhang ninanais na makita ang hantungan ng sangkatauhan? Sasabihin Niya sa iyo ang lahat ng lihim na ito—mga lihim na wala pang taong nakapagsabi sa iyo—at sasabihin din Niya sa iyo ang mga katotohanang hindi mo nauunawaan. Siya ang pasukan mo patungo sa kaharian, at ang gabay mo patungo sa bagong kapanahunan. Ang ordinaryong katawang-tao na ito ay nagtataglay ng maraming hiwagang di-maarok ng tao. Hindi mo maarok ang Kanyang mga gawa, ngunit ang buong layon ng gawaing ginagawa Niya ay sapat upang bigyan ka ng kakayahan na makitang hindi Siya isang simpleng katawang-tao na gaya ng inaakala ng mga tao, sapagkat kinakatawan Niya ang mga layunin ng Diyos sa mga huling araw, at ang pagmamalasakit ng Diyos sa sangkatauhan sa mga huling araw. Bagama’t hindi mo naririnig ang Kanyang mga salitang tila yumayanig sa langit at lupa, bagama’t hindi mo nakikita ang Kanyang mga matang tulad ng lumalagablab na apoy, at bagama’t hindi mo natatanggap ang pagdidisiplina ng Kanyang bakal na pamalo, gayumpaman, maririnig mo mula sa Kanyang mga salita na nagagalit ang Diyos at mababatid na nagpapakita ang Diyos ng awa sa sangkatauhan, at makikita ang matuwid na disposisyon ng Diyos at ang karunungan Niya, at higit pa rito, mapapahalagahan ang malasakit ng Diyos sa buong sangkatauhan. Ang gawain ng Diyos sa mga huling araw ay ang pahintulutan ang tao na makita sa lupa ang Diyos na nasa langit na namumuhay sa gitna ng tao, at bigyang-kakayahan ang tao na makilala ang Diyos, magpasakop, matakot, at magmahal sa Diyos. Ito ang dahilan kung bakit bumalik Siya sa katawang-tao sa pangalawang pagkakataon. …

…………

Ginagawa sa pamamagitan ng ordinaryong taong ito ang lahat ng gawain ng Diyos sa mga huling araw. Ipagkakaloob Niya ang lahat ng bagay sa iyo, at higit pa rito, nagagawa Niyang pagpasyahan ang lahat ng bagay na may kaugnayan sa iyo. Maaari bang ang ganitong tao ay tulad ng pinaniniwalaan ninyong Siya: isang taong napakapayak na hindi karapat-dapat banggitin? Hindi ba sapat ang katotohanan Niya upang lubos kayong makumbinsi? Hindi ba kayo magawang kumbinsihin ng pagkakita sa Kanyang mga gawa gamit ang sarili ninyong mga mata? O hindi ba karapat-dapat na tahakin ninyo ang landas kung saan inaakay Niya ang mga tao? Kapag nasabi at nagawa na ang lahat, ano ang nagdudulot sa inyo na makaramdam ng pagkasuklam sa Kanya at itakwil Siya at iwasan Siya? Ang taong ito ang nagpapahayag ng katotohanan, ang taong ito ang nagbibigay ng katotohanan, at ang taong ito ang nagbibigay sa inyo ng landas na susundan. Maaari kayang hindi pa rin ninyo mahanap ang mga bakas ng gawain ng Diyos sa loob ng mga katotohanang ito? Kung wala ang gawain ni Jesus, hindi makabababa ang sangkatauhan mula sa krus, ngunit kung wala ang nagkatawang-taong Diyos ng kasalukuyan, hindi kailanman makakamit ng mga bumaba mula sa krus ang pagsang-ayon ng Diyos o makapapasok sa bagong kapanahunan. Kung wala ang pagparito ng ordinaryong taong ito, hindi kayo kailanman magkakaroon ng pagkakataon na makita ang tunay na mukha ng Diyos, ni hindi kayo magiging kalipikado, dahil lahat kayo ay mga pakay na matagal nang dapat nasawi.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Alam Mo Ba? Gumawa ang Diyos ng Dakilang Bagay sa Gitna ng Tao

Ang inihahatid ni Cristo ng mga huling araw ay buhay; ang inihahatid Niya ay ang pangmatagalan at walang hanggang katotohanan. Ang katotohanang ito ang landas kung saan nakakamit ng tao ang buhay, at ito ang tanging landas para makilala ng tao ang Diyos at masang-ayunan siya ng Diyos. Kung hindi mo hinahanap ang daan ng buhay na ibinigay ni Cristo ng mga huling araw, kung gayon ay hindi mo kailanman makakamit ang pagsang-ayon ni Jesus, at hinding-hindi ka magiging kalipikadong pumasok sa tarangkahan ng kaharian ng langit, sapagkat ikaw ay papet ng kasaysayan at bilanggo ng kasaysayan. Ang mga kinokontrol ng mga regulasyon, ng mga salita, at ng mga gapos ng kasaysayan ay hindi kailanman makakapagkamit ng buhay, at hindi kailanman makakapagkamit ng walang hanggang daan ng buhay. Ito ay dahil ang tanging nakakamit nila ay maruming tubig na kanilang kinapitan sa loob ng libo-libong taon sa halip na ang tubig ng buhay na dumadaloy mula sa trono. Ang mga hindi natutustusan ng tubig ng buhay ay mananatiling mga bangkay magpakailanman, mananatiling mga laruan ni Satanas magpakailanman, at mananatiling mga anak ng impiyerno magpakailanman. Kung gayon, paano nila masisilayan ang Diyos? Hangad mo lamang na kumapit sa kasaysayan, hangad mo lamang na manatili sa iyong kinaroroonan at panatilihin ang lahat sa dati nitong kalagayan, at hindi ka naghahangad na baguhin ang kasalukuyang kalagayan at iwaksi ang kasaysayan, kaya hindi ba’t isa kang tao na kaaway ng Diyos magpakailanman? Napakalawak at makapangyarihan ang mga hakbang ng gawain ng Diyos, tulad ng rumaragasang mga alon at dumadagundong na mga kulog—subalit pasibo kang nakaupo na naghihintay ng kamatayan, kumakapit sa luma at naghihintay lang na mapasaiyo ang mga bagay-bagay. Sa ganitong paraan, paano ka maituturing na isang taong sumusunod sa mga yapak ng Kordero? Paano nito maipapakita na ang diyos na kinakapitan mo ay ang Diyos na palaging bago at hindi kailanman luma? At paano ka maihahatid ng mga salita sa mga nanilaw mo nang libro patawid sa panibagong kapanahunan? Paano ka maaakay ng mga ito na hanapin ang mga hakbang ng gawain ng Diyos? At paano ka madadala ng mga ito paakyat sa langit? Ang hawak mo sa mga kamay mo ay hamak na mga salita na makapagbibigay lamang ng panandaliang ginhawa, hindi mga katotohanan na kayang magbigay sa iyo ng buhay. Ang mga salita ng mga Kasulatang binibigkas mo ay mga Kasulatan lamang na kayang pumuno sa iyong bibig; ang mga ito ay hindi mga pilosopiya na makatutulong sa iyo na maunawaan ang buhay ng tao, lalong hindi ang landas na magbibigay-kakayahan sa iyo na magawang perpekto. Hindi ba’t binibigyan ka ng pagkakaibang ito ng dahilan para magnilay? Hindi ba’t binibigyan ka nito ng kabatiran sa mga misteryong nakapaloob dito? Kaya mo bang dalhin ang sarili mo sa langit upang makipagtagpo sa Diyos nang ikaw lang? Kung wala ang pagparito ng Diyos, kaya mo bang dalhin ang sarili mo sa langit upang matamasa mo ang kaligayahang pampamilya kasama ang Diyos? Nananaginip ka pa rin ba ngayon? Hinihikayat kita, kung gayon, na tumigil na sa pananaginip at tingnan kung sino ang gumagawa ngayon—kung sino ang gumagawa ngayon ng gawain ng pagliligtas sa tao sa mga huling araw. Kung hindi mo ito gagawin, hindi mo kailanman makakamit ang katotohanan, at hindi mo kailanman makakamit ang buhay.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tanging si Cristo ng mga Huling Araw ang Makapagbibigay sa Tao ng Daan ng Buhay na Walang Hanggan

Kaugnay na mga Eksena ng Pelikula

Ang Hiwaga ng Pagkakatawang-tao ng Diyos

Kaugnay na mga Patotoong Batay sa Karanasan

Pakikinig sa Tinig ng Diyos at Pagsalubong sa Panginoon

Narinig Ko Na ang Tinig ng Diyos

Kaugnay na mga Sermon

Ano ang Pagkakatawang-Tao?

Kaugnay na mga Himno

Taglay ng Nagkatawang-taong Diyos ang Pagkatao at Mas Lalo Na ang Pagka-Diyos

Sa Diwa, si Cristo ay Diyos

Ang Cristo ng mga Huling Araw ang Pasukan ng Tao sa Kaharian

Paano Hahanapin ang mga Yapak ng Diyos

Sumunod:  b. Bakit sinasabi na mas malaki ang pangangailangan ng tiwaling sangkatauhan sa pagliligtas ng Diyos na nagkatawang-tao

Kaugnay na Nilalaman

Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos Ukol sa Pagkakilala sa Diyos Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw Paglalantad sa mga Anticristo Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ang Paghatol ay Nagsisimula sa Tahanan ng Diyos Mahahalagang Salita Mula sa Makapangyarihang Diyos, ang Cristo ng mga Huling Araw Araw-araw na mga Salita ng Diyos Ang mga Katotohanang Realidad na Dapat Pasukin ng mga Mananampalataya sa Diyos Sundan ang Kordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin Mga Gabay para sa Pagpapalaganap ng Ebanghelyo ng Kaharian Naririnig ng mga Tupa ng Diyos ang Tinig ng Diyos Makinig sa Tinig ng Diyos  Masdan ang Pagpapakita ng Diyos Mahahalagang Tanong at Sagot tungkol sa Ebanghelyo ng Kaharian Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume I) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume II) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume III) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IV) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume V) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VI) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VIII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IX) Paano Ako Bumalik sa Makapangyarihang Diyos

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito

Connect with us on Messenger