b. Ang kabuluhan ng bawat isa sa tatlong yugto ng gawain ng Diyos

Mga Salita ng Makapangyarihang Diyos ng mga Huling Araw

Sa Kapanahunan ng Kautusan, ang gawain ng paggabay sa sangkatauhan ay isinagawa sa pangalan ni Jehova, at ang unang yugto ng gawain ay sinimulan sa lupa. Ang gawain sa yugtong ito ay ang magtatag ng templo at dambana, gumamit ng kautusan upang gabayan ang bayan ng Israel, at gumawa sa gitna ng bayan ng Israel. Sa pamamagitan ng paggabay sa bayan ng Israel, Siya ay nagtatag ng base para sa Kanyang gawain sa lupa. Mula sa baseng ito, ipinalaganap Niya ang Kanyang gawain hanggang sa labas ng Israel, na ibig sabihin, mula sa Israel, ipinalaganap Niya ang Kanyang gawain palabas, kaya ang mga sumunod na salinlahi ay unti-unting nalaman na si Jehova ang Diyos, at si Jehova ang lumikha ng langit at lupa at lahat ng bagay, at na si Jehova ang lumikha ng lahat ng nilikha. Ipinalaganap Niya ang Kanyang gawain sa pamamagitan ng bayan ng Israel, palabas sa kanila. Ang lupain ng Israel ang unang banal na lugar ng gawain ni Jehova sa lupa, at sa lupain ng Israel unang nagsagawa ang Diyos ng gawain sa lupa. Iyon ang gawain sa Kapanahunan ng Kautusan.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Pangitain ng Gawain ng Diyos (3)

Sa gitna ng sangkatauhan, itinatag ng gawaing ginawa ni Jehova sa mga Israelita ang lugar sa lupa kung saan nagmula ang Diyos, na siya ring banal na lugar kung saan Siya naroon. Nilimita Niya ang Kanyang gawain sa mga tao ng Israel. Noong una, hindi Siya gumawa sa labas ng Israel, kundi sa halip, pumili Siya ng mga taong itinuring Niyang angkop upang malimitahan ang nasasaklawan ng gawain Niya. Ang Israel ang lugar kung saan nilikha ng Diyos sina Adan at Eba, at ginawa ni Jehova ang tao mula sa alabok ng lugar na iyon; ang lugar na ito ang naging himpilan ng gawain Niya sa lupa. Ang mga Israelita, na mga inapo ni Noe at mga inapo rin ni Adan, ang mga taong naging pundasyon ng gawain ni Jehova sa lupa.

Sa panahong ito, ang kabuluhan, layunin, at mga hakbang ng gawain ni Jehova sa Israel ay upang isakatuparan ang gawain Niya sa buong mundo, na Israel ang nasa sentro at unti-unting lumaganap sa mga bayan ng Hentil. Nakaayon sa prinsipyong ito ang paraan ng Kanyang paggawa sa loob ng sansinukob—nagsisimula sa isang tiyak na punto upang mapakilos ang kabuuan, at pagkatapos ay pinalalawak ang Kanyang gawain hanggang sa ang lahat ng tao sa sansinukob ay tumanggap ng ebanghelyo Niya. Ang mga unang Israelita ay mga inapo ni Noe. Ang mga taong ito ay pinagkalooban lamang ng hininga ni Jehova, at alam nila kung paano asikasuhin ang mga pangunahing pangangailangan sa buhay, ngunit hindi nila alam kung anong uri ng Diyos si Jehova, o kung ano ang mga layunin Niya para sa tao, lalo na kung paano sila dapat matakot sa Lumikha. Patungkol naman sa kung mayroon bang mga regulasyon at mga kautusan na dapat sundin,[a] o kung may tungkulin bang dapat gawin ang mga nilikha para sa Lumikha, walang alam ang mga inapo ni Adan sa mga bagay na ito. Ang alam lamang nila ay na dapat magsikap at magtrabaho ang asawang lalaki upang matustusan ang pamilya niya, at na dapat magpasakop ang asawang babae sa kanyang asawang lalaki at ipagpatuloy ang lahi ng mga tao na nilikha ni Jehova. Sa madaling salita, ang gayong mga tao, na nagtaglay lamang ng hininga ni Jehova at buhay Niya, ay hindi alam kung paano sundin ang mga kautusan ng Diyos o kung paano mapalugod ang Lumikha. Lubhang napakakaunti ang naunawaan nila. Kaya bagama’t walang anumang baliko o mapanlinlang sa puso nila, at bihirang umusbong ang pagseselos at pagtatalo sa kanila, wala silang pagkakilala o pagkaunawa kay Jehova, ang Lumikha. Ang alam lamang ng mga ninunong ito ng tao ay ang kumain ng mga bagay ni Jehova, at magtamasa ng mga bagay ni Jehova, ngunit hindi nila alam kung paano matakot kay Jehova; hindi nila alam na si Jehova ang Siyang dapat nilang sambahin nang nakaluhod. Kaya paano sila matatawag na mga nilikha Niya? Kung magkagayon, hindi ba’t ang mga salitang, “Si Jehova ay ang Lumikha” at “Nilikha Niya ang sangkatauhan upang maipamalas, luwalhatiin, at katawanin Siya ng sangkatauhan” ay nasabi nang walang kabuluhan? Paanong ang mga taong walang pusong may takot kay Jehova ay maaaring maging patotoo ng kaluwalhatian Niya? Paano sila maaaring maging pagpapamalas ng kaluwalhatian Niya? Hindi ba’t kung magkagayon, ang mga salita ni Jehova na “Nilikha Ko ang sangkatauhan sa wangis Ko” ay susunggaban ni Satanas, ang masama? Hindi ba’t kung magkagayon, magiging isang tatak ng kahihiyan sa paglikha ni Jehova sa sangkatauhan ang mga salitang ito? Upang tapusin ang yugtong iyon ng gawain, pagkaraang likhain ang sangkatauhan, hindi sila tinagubilinan o ginabayan ni Jehova mula kay Adan hanggang kay Noe. Sa halip, pagkaraang wasakin ng baha ang daigdig, saka lang Niya pormal na sinimulang gabayan ang mga Israelita, na mga inapo ni Noe at gayundin ni Adan. Ang gawain at mga pagbigkas Niya sa Israel ay nagbigay ng gabay sa lahat ng tao ng Israel habang namumuhay sila sa buong lupain ng Israel, at sa gayon ay ipinapakita sa tao na si Jehova ay hindi lamang kayang humihip ng hininga sa tao, upang magkaroon ito ng buhay mula sa Kanya at bumangon mula sa alabok at maging nilikhang tao, kundi kaya rin Niyang sunugin ang sangkatauhan, at sumpain ang sangkatauhan, at gamitin ang pamalo Niya upang pamahalaan ang sangkatauhan. Gayundin, nakita nila na kayang gabayan ni Jehova ang buhay ng tao sa lupa, at magsalita at gumawa sa gitna ng tao ayon sa mga oras ng araw at ng gabi. Ang gawaing ginawa Niya ay para lamang mabatid ng mga nilikha Niya na nagmula ang tao sa alabok na pinulot Niya, at bukod dito, na ginawa Niya ang tao. Hindi lamang iyan, kundi una Niyang ginawa ang gawain Niya sa Israel upang ang ibang mga tao at mga bansa (na sa katunayan ay hindi hiwalay mula sa Israel, bagkus ay nagsanga mula sa mga Israelita, gayumpaman ay nagmula pa rin kina Adan at Eba) ay maaaring tumanggap ng ebanghelyo ni Jehova mula sa Israel, upang ang lahat ng nilikha sa sansinukob ay magawang matakot kay Jehova at dakilain Siya. Kung hindi sinimulan ni Jehova ang gawain Niya sa Israel, kundi sa halip, pagkatapos likhain ang sangkatauhan, ay hinayaan na lamang silang mamuhay sa lupa nang walang inaalala, kung nagkagayon, kung iisipin ang pisikal na kalikasan ng tao (ang ibig sabihin ng kalikasan ay na hindi kailanman malalaman ng tao ang mga bagay na hindi niya nakikita, na nangangahulugang hindi niya malalaman na si Jehova ang lumikha sa sangkatauhan, at lalo na kung bakit Niya ginawa ito), hindi niya kailanman malalaman na si Jehova ang lumikha sa sangkatauhan o na Siya ang Panginoon ng lahat ng bagay. Kung nilikha ni Jehova ang sangkatauhan at inilagay sila sa daigdig, at pinagpag lang ang mga kamay Niya at umalis na, sa halip na manatili sa gitna ng tao para bigyan sila ng gabay sa loob ng ilang panahon, kung gayon, ang buong sangkatauhan ay nauwi na sana sa kawalan; maging ang langit at lupa at lahat ng bagay, na nilikha Niya, at ang buong sangkatauhan, ay nauwi na sana sa kawalan at bukod dito ay nayurakan na sana ni Satanas. Kung nagkagayon, ang ninanais ni Jehova na “Sa lupa, na ibig sabihin, sa gitna ng Kanyang nilikha, maaari Siyang magkaroon ng lugar na matitindigan, isang banal na lugar” ay nasira sana. At kaya, pagkatapos likhain ang sangkatauhan, ginabayan Niya ang mga tao sa kanilang buhay mula sa gitna ng sangkatauhan, at kinausap Niya ang mga tao mula sa gitna ng sangkatauhan—ang lahat ng ito ay upang maisakatuparan ang pagnanais Niya, at maisakatuparan ang plano Niya. Ang gawain na ginawa Niya sa Israel ay nilayon lamang na isakatuparan ang plano na ginawa Niya bago ang paglikha Niya ng lahat ng bagay, at samakatwid ang paggawa Niya muna sa gitna ng mga Israelita at ang paglikha Niya ng lahat ng bagay ay hindi salungat sa isa’t isa, kundi kapwa ginawa para sa kapakanan ng pamamahala Niya, gawain Niya, at kaluwalhatian Niya, at ginawa upang mapalalim ang kahulugan ng paglikha Niya sa sangkatauhan. Ginabayan Niya ang buhay ng sangkatauhan sa lupa nang dalawang libong taon pagkatapos ni Noe, natulungan ang mga tao na maunawaan kung paano matakot kay Jehova, ang Panginoon ng lahat ng bagay, kung paano pangasiwaan ang kanilang pamumuhay, at kung paano mabuhay, at higit sa lahat, kung paano magpatotoo para kay Jehova, magpasakop sa Kanya, at matakot sa Kanya, maging ang purihin Siya sa pamamagitan ng musika gaya ng ginawa ni David at ng mga saserdote niya.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Gawain sa Kapanahunan ng Kautusan

Talababa:

a. Wala sa orihinal na teksto ang pariralang “na dapat sundin.”


Sa pasimula, ang paggabay sa tao sa Kapanahunan ng Kautusan ng Lumang Tipan ay kagaya ng paggabay sa pamumuhay ng isang bata. Ang pinakaunang sangkatauhan ay bagong silang ni Jehova; sila ang mga Israelita. Hindi nila nauunawaan kung paano matakot sa Diyos o mabuhay sa lupa. Na ang ibig sabihin, nilikha ni Jehova ang sangkatauhan, iyon ay, nilikha Niya si Adan at si Eba, ngunit hindi Niya sila binigyan ng pakultad na maunawaan kung paano matakot kay Jehova o kung paano sundin ang mga estatuto ni Jehova sa lupa. Kung wala ang tuwirang paggabay ni Jehova, walang sinuman ang makaaalam nito nang tuwiran, sapagkat sa pasimula ay hindi tinaglay ng tao ang pakultad na ito. Alam lamang ng tao na si Jehova ay Diyos, pero ganap na walang ideya ang tao kung paano matakot sa Kanya, kung anong uri ng pag-asal ang matatawag na pagkatakot sa Kanya, kung sa anong uri ng pag-iisip Siya katatakutan, o kung ano ang ihahandog bilang pagkatakot sa Kanya. Alam lamang ng tao kung paano tamasahin iyong maaaring tamasahin sa gitna ng lahat ng bagay na nilikha ni Jehova, ngunit pagdating sa kung paano dapat mamuhay ang isang tao sa lupa upang sila ay maging tunay na karapat-dapat sa titulo ng isang “nilikha,” ang tao ay ganap na mangmang tungkol dito. Kung walang magtuturo sa kanila, kung walang gagabay sa kanila nang personal, ang sangkatauhang ito ay hindi sana kailanman namuhay ng wastong buhay ng tao, kundi mabibihag lamang nang palihim ni Satanas. Nilikha ni Jehova ang sangkatauhan, na ibig sabihin, nilikha Niya ang mga ninuno ng sangkatauhan, sina Eba at Adan, ngunit hindi Niya ipinagkaloob sa kanila ang anumang karagdagang talino o karunungan. Bagama’t sila ay naninirahan na sa lupa, halos wala silang anumang nauunawaan. At kaya, ang gawain ni Jehova sa paglikha sa sangkatauhan ay nangalahati pa lamang, hindi ganap na kompleto. Hinubog pa lamang Niya ang isang modelo ng tao mula sa putik at binigyan ito ng Kanyang hininga, pero hindi ipinagkaloob sa tao ang sapat na determinasyon na katakutan Siya. Sa pasimula, hindi taglay ng tao ang pusong may takot o kilabot sa Kanya. Ang alam lamang ng tao ay makinig sa Kanyang mga salita ngunit mangmang ito sa pangunahing kaalaman para sa pamumuhay sa lupa at sa mga normal na patakaran sa pamumuhay ng tao. Kung kaya, bagama’t nilikha ni Jehova ang lalaki at babae at tinapos ang proyektong inabot ng pitong araw, hindi Niya natapos likhain ang tao sa anumang paraan, sapagkat ang tao ay isa lamang panlabas na anyo, at walang realidad ng pagiging tao. Ang alam lamang ng tao ay na si Jehova ang lumikha sa sangkatauhan, ngunit walang ideya ang tao kung paano sumunod sa mga salita o sa mga estatuto ni Jehova. At kaya, pagkatapos ng paglikha sa sangkatauhan, ang gawain ni Jehova ay hindi kompleto. Kinailangan pa Niyang lubusang gabayan ang sangkatauhan na lumapit sa harap Niya, upang magawa nilang mamuhay nang magkakasama sa lupa at katakutan Siya, at upang magawa nila, sa tulong ng Kanyang paggabay, na makapasok sa tamang landas ng isang normal na pamumuhay ng tao sa lupa. Sa gayon lamang ganap na natapos ang gawain na pangunahing isinagawa sa pangalan ni Jehova; iyon ay, sa gayon lamang ganap na natapos ang gawain ni Jehova ng paglikha sa mundo. At kaya, yamang nilikha Niya ang sangkatauhan, kinailangan Niyang gabayan ang pamumuhay ng sangkatauhan sa lupa sa loob ng ilang libong taon, upang magawang sumunod ng tao sa Kanyang mga atas at mga estatuto, at upang makibahagi ang sangkatauhan sa lahat ng normal na aktibidad ng tao sa lupa. Saka lamang ganap na natapos ang gawain ni Jehova.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Pangitain ng Gawain ng Diyos (3)

Noong Kapanahunan ng Kautusan, naglatag si Jehova ng maraming utos upang ipasa ni Moises sa mga Israelitang sumunod sa kanya palabas ng Ehipto. Ang mga utos na ito ay ipinagkaloob ni Jehova sa mga Israelita at walang kaugnayan sa mga taga-Ehipto; nilayon ang mga ito upang pigilan ang mga Israelita, at ginamit Niya ang mga utos upang gumawa ng mga kahingian sa kanila. Kung sinunod ba nila ang Sabbath, kung iginalang ba nila ang kanilang mga magulang, kung sumamba ba sila sa mga diyos-diyosan, at iba pa—ito ang mga prinsipyong ginamit para hatulan silang makasalanan o matuwid. Sa kanila, mayroong ilang tinamaan ng apoy ni Jehova, mayroong ilang binato hanggang sa mamatay sila, at mayroong ilang tumanggap ng pagpapala ni Jehova, at tinukoy ito batay sa kung sinunod ba nila o hindi ang mga utos na ito. Binato hanggang sa mamatay iyong mga hindi sumunod sa Sabbath. Ang mga saserdoteng hindi sumunod sa Sabbath ay tinamaan ng apoy ni Jehova. Binato rin hanggang sa mamatay iyong mga hindi gumalang sa mga magulang nila. Sinang-ayunan ni Jehova ang lahat ng ito. Itinatag ni Jehova ang Kanyang mga utos at kautusan upang, habang pinangungunahan Niya sila sa pamumuhay nila, ang mga tao ay makikinig at magpapasakop sa salita Niya at hindi maghihimagsik laban sa Kanya. Ginamit Niya ang mga kautusang ito upang mapanatili sa ilalim ng kontrol ang bagong silang na lahi ng tao, upang mailatag ang sandigan para sa gawain Niya sa hinaharap. At kaya, batay sa gawain na ginawa ni Jehova, tinawag ang unang kapanahunan na Kapanahunan ng Kautusan. Bagama’t maraming ginawang pagbigkas at maraming ginawang gawain si Jehova, ginabayan lamang Niya ang mga tao sa positibong paraan, tinuturuan ang mga mangmang na taong ito kung paano umasal, kung paano mamuhay, at kung paano maunawaan ang daan ni Jehova. Sa pangkalahatan, ang gawaing ginawa Niya ay upang ang mga tao ay tumalima sa daan Niya at sumunod sa mga kautusan Niya. Ang gawain ay ginawa sa mga taong mababaw ang katiwalian; hindi ito umabot sa punto ng pagbabago sa kanilang disposisyon o pag-unlad sa buhay. Pinigilan at kinontrol lamang Niya ang mga tao sa pamamagitan ng pagpapasunod sa kanila sa mga kautusan. Para sa mga Israelita sa panahong iyon, si Jehova ay isang Diyos lamang sa templo, isang Diyos sa langit. Isa Siyang haliging ulap, isang haliging apoy. Ang hinihingi lamang ni Jehova na gawin nila ay ang sumunod sa alam ng mga tao ngayon bilang mga kautusan at utos—maaari pa ngang sabihin na mga regulasyon—sapagkat ang ginawa ni Jehova ay hindi nilayon para baguhin sila, kundi para pagkalooban sila ng mas maraming bagay na dapat mayroon ang tao, at para personal na ibigay sa kanila ang mga ito, sapagkat pagkaraang malikha, wala sa tao ang anumang dapat niyang taglayin. At kaya, ipinagkaloob ni Jehova sa mga tao ang mga bagay na dapat nilang taglayin para sa pamumuhay nila sa lupa, upang malampasan ng sangkatauhang Kanyang pinangunahan ang kanilang mga ninuno, sina Adan at Eba, sapagkat ang ipinagkaloob ni Jehova sa kanila ay higit sa ipinagkaloob Niya kina Adan at Eba sa simula. Anupaman, ang gawaing ginawa ni Jehova sa Israel ay para lamang gabayan ang tao at magdulot na kilalanin ng tao ang Lumikha. Hindi Niya nilupig o binago ang tao, kundi ginabayan lamang ito. Ito ang kabuuan ng gawain ni Jehova sa Kapanahunan ng Kautusan. Ito ang konteksto, ang tunay na kuwento, ang diwa ng gawain Niya sa buong lupain ng Israel, at ang simula ng anim na libong taong gawain Niya—ang panatilihin ang tao sa ilalim ng pagkontrol ng kamay ni Jehova. Mula rito ay nagkaroon pa ng mas maraming gawain sa anim-na-libong-taong plano ng pamamahala Niya.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Gawain sa Kapanahunan ng Kautusan

Si Jesus ang kumakatawan sa lahat ng gawain ng Kapanahunan ng Biyaya; Siya ay nagkatawang-tao, at ipinako sa krus, at Kanya ring pinasimulan ang Kapanahunan ng Biyaya. Pumarito Siya para ipako sa krus at kompletuhin ang gawain ng pagtubos, at pumarito Siya upang wakasan ang Kapanahunan ng Kautusan at simulan ang Kapanahunan ng Biyaya, kaya Siya ay tinawag na “Kataas-taasang Pinuno,” ang “Handog para sa Kasalanan,” at ang “Manunubos.” Dahil dito, ang nilalaman ng gawain ni Jesus ay naiba sa gawain ni Jehova, kahit magkapareho ang mga iyon sa prinsipyo. Sinimulan ni Jehova ang Kapanahunan ng Kautusan, itinatag ang pundasyon—ang pinagmulan—ng gawain ng Diyos sa lupa, at nagpalabas ng mga batas at kautusan. Ito ang dalawang bahagi ng gawain na Kanyang isinakatuparan, at kumakatawan ang mga ito sa Kapanahunan ng Kautusan. Ang gawaing ginawa ni Jesus sa Kapanahunan ng Biyaya ay hindi upang magpalabas ng mga batas, kundi upang tuparin ang mga ito, sa gayong paraan ay pinasimulan ang Kapanahunan ng Biyaya at winakasan ang Kapanahunan ng Kautusan na tumagal nang dalawang libong taon. Siya ang tagapanguna, na pumarito upang simulan ang Kapanahunan ng Biyaya, datapuwat ang pangunahing bahagi ng Kanyang gawain ay nasa pagtubos. Kaya nga ang Kanyang gawain ay may dalawa ring bahagi: pagsisimula ng isang bagong kapanahunan, at pagkompleto sa gawain ng pagtubos sa pamamagitan ng pagpapapako Niya sa krus, na sinundan ng Kanyang paglisan. At mula noon ay nagwakas ang Kapanahunan ng Kautusan at nagsimula ang Kapanahunan ng Biyaya.

Ang gawaing ginawa ni Jesus ay naaayon sa mga pangangailangan ng tao sa kapanahunang iyon. Ang Kanyang gampanin ay tubusin ang sangkatauhan, patawarin ang kanilang mga kasalanan, kaya’t ang Kanyang disposisyon ay ganap na isang kapakumbabaan, pagpapasensiya, pag-ibig, pagiging deboto, pagtitiis, awa, at mapagmahal na kabaitan. Nagdala Siya ng saganang biyaya at mga pagpapala sa mga tao, at ng lahat ng bagay na maaari nilang tamasahin. Ang tinamasa ng mga tao ay pawang kapayapaan at kaligayahan, ang Kanyang pagpaparaya at pagmamahal, at ang Kanyang awa at mapagmahal na kabaitan. Ang saganang mga bagay na natatamasa na naabot ng mga tao noon—ang damdamin ng kapayapaan at seguridad sa kanilang kalooban, ang damdamin ng kapanatagan sa kanilang espiritu, at ang kanilang pagsandal kay Jesus na Tagapagligtas—ang lahat ng ito ay bunga ng kapanahunan kung saan sila nabuhay. Sa Kapanahunan ng Biyaya, nagawa nang tiwali ni Satanas ang tao, kaya para magampanan ang gawain ng pagtubos sa buong sangkatauhan, kinailangan ang saganang biyaya, walang-katapusang pagtitiis at pagpapasensiya, at higit pa rito, isang handog na sapat para magbayad-sala para sa mga kasalanan ng tao, upang magkaroon ito ng epekto. Ang nakita ng mga tao sa Kapanahunan ng Biyaya ay ang handog Ko lang ng pagbabayad-sala para sa mga kasalanan ng tao: si Jesus. Ang alam lamang nila ay na maaaring maging maawain at matiisin ang Diyos, at ang nakita lamang nila ay ang awa at mapagmahal na kabaitan ni Jesus. Ito ay lahat dahil sa ipinanganak sila sa Kapanahunan ng Biyaya. Kaya naman, bago sila matubos, kinailangan nilang matamasa ang masaganang biyaya na ipinagkaloob ni Jesus sa kanila. Sa ganoong paraan lang sila makikinabang, binibigyang-kakayahan silang mapatawad sa kanilang mga kasalanan sa pamamagitan ng pagtatamasa nila ng biyaya, at binibigyan sila ng pagkakataong mabayaran ang kanilang mga kasalanan sa pamamagitan ng pagtatamasa nila sa pagtitiis at pagpapasensiya ni Jesus. Sa pamamagitan lamang ng pagtitiis at pagpapasensiya ni Jesus sila naging kalipikadong tumanggap ng kapatawaran at magtamasa ng saganang biyaya na ipinagkaloob ni Jesus. Gaya ng sabi ni Jesus: Ako ay pumarito hindi upang tubusin ang matuwid kundi ang mga makasalanan, upang tulutan ang mga makasalanan na mapatawad sa kanilang mga kasalanan. Kung si Jesus, noong Siya ay naging tao, ay nagdala ng disposisyon ng paghatol, sumpa, at kawalan ng pagpaparaya sa mga pagkakasala ng tao, hindi kailanman magkakaroon ng pagkakataon ang tao na matubos, at mananatili silang makasalanan magpakailanman. Kung nagkagayon, tumigil na sana ang anim na libong taong plano ng pamamahala noong Kapanahunan ng Kautusan, at tumagal sana nang anim na libong taon ang Kapanahunan ng Kautusan. Lalo pa sanang dumami at bumigat ang mga kasalanan ng tao, at nauwi sana sa wala ang paglikha sa sangkatauhan. Magagawa lamang sana ng mga tao na paglingkuran si Jehova sa ilalim ng kautusan, ngunit mas marami sana ang mga kasalanan ng sangkatauhan kaysa roon sa mga tao na unang nilikha. Habang lalong minahal ni Jesus ang sangkatauhan, pinatatawad ang mga kasalanan ng tao at pinagkakalooban siya ng sapat na awa at mapagmahal na kabaitan, lalong naging kalipikado ang tao na mailigtas ni Jesus, at sa gayon ay tinawag ang tao na nawawalang tupa na binili ni Jesus sa napakalaking halaga. Hindi maaaring makialam si Satanas sa gawaing ito, dahil pinakitunguhan ni Jesus ang Kanyang mga tagasunod na parang pakikitungo ng isang mapagmahal na ina sa sanggol na nasa kanyang sinapupunan. Hindi Siya nagalit o nasuklam sa kanila, kundi Siya ay puno ng pagpapanatag; hindi Siya kailanman nagpahayag ng malaking poot sa kanila, kundi tiniis Niya ang kanilang mga kasalanan at nagbulag-bulagan sa kanilang mga kahangalan at kamangmangan, at sinabi pang, “Patawarin ninyo ang iba nang pitumpung beses na pitong ulit.” Sa gayon ay inantig at binago ng Kanyang puso ang puso ng iba, at sa ganoong paraan lamang natanggap ng mga tao ang kapatawaran sa kanilang mga kasalanan sa pamamagitan ng Kanyang pagtitiis.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Tunay na Kuwento ng Gawain sa Kapanahunan ng Pagtubos

Nang pasimulan ng Panginoong Jesus ang Kanyang gawain, nalampasan na Niya ang mga “paglilimita” ng Kapanahunan ng Kautusan, at binasag ang mga panuntunan at mga prinsipyong itinakda sa kapanahunang iyon. Sa Kanya, walang bakas ng anumang may kaugnayan sa kautusan; iwinaksi na Niya ito nang tuluyan at hindi na ito sinunod, at hindi na Niya hiningi sa mga tao na sundin ito. Kaya nakikita mo rito na dumaan ang Panginoong Jesus sa mga taniman ng mais noong araw ng Sabbath, at hindi nagpahinga ang Panginoon; gumagawa Siya sa labas, at hindi nagpapahinga. Ang Kanyang pagkilos na ito ay sumalungat sa mga kuru-kuro ng mga tao at ipinagbigay-alam nito sa kanila na hindi na Siya nabubuhay sa ilalim ng kautusan, at na lumampas na Siya sa Sabbath at nagpakita sa harap ng mga tao at sa kanilang kalagitnaan sa isang ganap na bagong wangis, na may isang bagong paraan ng paggawa. Ang Kanyang pagkilos na ito ang nagpabatid sa mga tao na dinala Niya ang isang bagong gawain, gawaing nagsimula sa paglabas mula sa pagiging nasa ilalim ng kautusan, at paglisan sa Sabbath. Nang isinakatuparan ng Diyos ang Kanyang bagong gawain, hindi na Siya nanangan sa nakaraan, at hindi na nag-alala tungkol sa mga panuntunan ng Kapanahunan ng Kautusan. Ni naapektuhan Siya ng Kanyang gawain sa nakaraang kapanahunan, bagkus ay gumawa Siya sa araw ng Sabbath gaya ng ginawa Niya sa bawat iba pang araw, at nang nagutom ang Kanyang mga disipulo sa araw ng Sabbath, maaari silang pumitas ng mga uhay ng mais para kainin. Napakanormal ng lahat ng ito sa mga mata ng Diyos. Para sa Diyos, napakarami sa gawaing nais Niyang gawin at sa mga salitang nais Niyang sabihin ang puwedeng magkaroon ng mga bagong simula lahat. Kapag nagsisimula Siya ng isang bagong bagay, hindi Niya binabanggit ang Kanyang nakaraang gawain ni ipinagpapatuloy na isakatuparan ito. Sapagkat may mga prinsipyo ang Diyos sa Kanyang gawain, kapag nais Niyang magsimula ng bagong gawain, ito ay kapag nais Niyang dalhin ang mga tao sa isang panibagong yugto ng Kanyang gawain, at kapag ang Kanyang gawain ay papasok sa isang mas mataas na yugto. Kung patuloy na kikilos ang mga tao alinsunod sa mga lumang kasabihan o mga panuntunan o patuloy na kakapit sa mga ito, hindi Niya tatandaan o sasang-ayunan iyon. Ito ay dahil nagdala na Siya ng bagong gawain, at nakapasok na sa bagong yugto ng Kanyang gawain. Kapag nagdadala Siya ng bagong gawain, nagpapakita Siya sa mga tao sa isang ganap na bagong wangis, mula sa isang ganap na bagong anggulo, at sa isang ganap na bagong pamamaraan upang makita ng mga tao ang iba’t ibang aspekto ng Kanyang disposisyon at ng mga tinataglay ng Diyos at ang Kanyang pagiging Diyos. Ito ang isa sa Kanyang mga layon sa Kanyang bagong gawain.

—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo III

Kung wala ang pagtubos ni Jesus, namuhay na sana ang tao sa kasalanan magpakailanman at naging anak ng kasalanan, inapo ng mga demonyo. Kung nagpatuloy ito, naging lupain na sana na pinamamahayan ni Satanas ang buong mundo, ang lupaing tirahan nito. Gayunman, ang gawain ng pagtubos ay nangailangan ng pagpapakita ng awa at mapagmahal na kabaitan sa tao; sa pamamagitan lamang nito maaaring tumanggap ng kapatawaran ang tao at sa huli ay maging kalipikadong magawang ganap at lubos na makamit ng Diyos. Kung wala ang yugtong ito ng gawain, hindi na sana sumulong ang anim na libong taong plano ng pamamahala. Kung hindi ipinako si Jesus sa krus, kung nagpagaling lamang Siya ng mga maysakit at nagpalayas ng mga demonyo, hindi sana lubusang napatawad ang mga tao sa kanilang mga kasalanan. Sa tatlo’t kalahating taon na ginugol ni Jesus sa paggawa ng Kanyang gawain sa lupa, natapos lamang Niya ang kalahati ng Kanyang gawain ng pagtubos; pagkatapos, sa pagpapapako sa Kanya sa krus at pagiging kawangis ng makasalanang laman, sa pagpapasa sa Kanya roon sa masama, natapos Niya ang gawain ng pagpapapako sa krus at napamunuan ang tadhana ng sangkatauhan. Pagkatapos na ibigay Siya sa mga kamay ni Satanas, saka lamang Niya natubos ang sangkatauhan. Sa loob ng tatlumpu’t tatlo at kalahating taon na nagdusa Siya sa lupa, tinuya, siniraang-puri, at tinalikuran, maging hanggang sa punto na wala Siyang mahimlayan ng Kanyang ulo, walang lugar na mapagpahingahan, at kalaunan ay ipinako Siya sa krus, kasama ang Kanyang buong pagkatao—isang banal at walang-salang katawan—ay ipinako sa krus. Tiniis Niya ang lahat ng klase ng pagdurusa. Tinuya Siya at nilatigo ng mga nasa kapangyarihan, at dinuraan pa Siya ng mga sundalo sa mukha; datapuwat Siya ay nanatiling tahimik at nagtiis hanggang wakas, na nagpapasakop nang walang pasubali hanggang kamatayan, sa gayon ay tinubos Niya ang buong sangkatauhan. Noon lamang Niya nagawang magtamasa ng pahinga. Ang gawaing ginawa ni Jesus ay kumakatawan lamang sa Kapanahunan ng Biyaya; hindi ito kumakatawan sa Kapanahunan ng Kautusan, ni hindi ito panghalili sa gawain ng mga huling araw. Ito ang diwa ng gawain ni Jesus sa Kapanahunan ng Biyaya, ang ikalawang kapanahunan na napagdaanan ng sangkatauhan—ang Kapanahunan ng Pagtubos.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Tunay na Kuwento ng Gawain sa Kapanahunan ng Pagtubos

Nang pumarito si Jesus sa mundo ng tao, pinasimulan Niya ang Kapanahunan ng Biyaya at winakasan ang Kapanahunan ng Kautusan. Sa mga huling araw, minsan pang naging tao ang Diyos, at sa pagkakatawang-taong ito ay winakasan Niya ang Kapanahunan ng Biyaya at pinasimulan ang Kapanahunan ng Kaharian. Lahat ng nagagawang tumanggap sa ikalawang pagkakatawang-tao ng Diyos ay aakayin tungo sa Kapanahunan ng Kaharian, at bukod pa riyan ay magagawang personal na matanggap ang gabay ng Diyos. Bagama’t dumating si Jesus sa gitna ng mga tao at gumawa ng maraming gawain, kinumpleto lamang Niya ang gawain ng pagtubos sa buong sangkatauhan at nagsilbi bilang handog para sa kasalanan ng tao; hindi Niya inalis sa tao ang lahat ng tiwaling disposisyon nito. Ang ganap na pagliligtas sa tao mula sa impluwensiya ni Satanas ay hindi lamang nangailangan na si Jesus ay maging handog para sa kasalanan at magpasan ng mga kasalanan ng tao, kundi kinailangan din nito na gumawa ang Diyos ng mas dakila pang gawain upang ganap na iwaksi sa tao ang mga disposisyon nito na ginawang tiwali ni Satanas. Kaya, pagkatapos mapatawad ang tao sa mga kasalanan nito, nagbalik ang Diyos sa katawang-tao upang akayin ang tao tungo sa bagong kapanahunan, at sinimulan Niya ang gawain ng pagkastigo at paghatol. Ang gawaing ito ay nagdala sa sangkatauhan sa isang mas mataas na antas. Lahat ng nagpapasakop sa ilalim ng Kanyang kapamahalaan ay magtatamasa ng mas mataas na katotohanan at tatanggap ng mas malalaking pagpapala. Tunay silang mamumuhay sa liwanag, at makakamit nila ang katotohanan, ang daan, at ang buhay.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Paunang Salita

Bago tinubos ang tao, marami sa mga lason ni Satanas ang naitanim na sa kalooban niya at, pagkatapos ng libo-libong taon ng paggawang tiwali ni Satanas, nasa kanyang kalooban ang kalikasang lumalaban sa Diyos. Samakatwid, noong tinubos ang tao, ito ay pagtubos lamang—ibig sabihin, ang tao ay binili sa mataas na halaga—ngunit ang nakalalason na kalikasan sa kanyang kalooban ay hindi naalis. Ang tao na napakarumi ay kailangang sumailalim sa isang pagbabago bago maging kalipikadong maglingkod sa Diyos. Sa pamamagitan ng gawaing ito ng paghatol at pagkastigo, lubusang malalaman ng tao ang marumi at tiwaling diwa sa kanyang sariling kalooban, at magagawa niyang lubos na magbago at maging dalisay. Sa ganitong paraan lamang maaaring maging kalipikado na bumalik ang tao sa harap ng trono ng Diyos. Lahat ng kasalukuyang gawaing ginagawa ay para madalisay at mabago ang tao; ito ay upang magawa ng tao na maiwaksi ang kanyang katiwalian at madalisay sa pamamagitan ng paghatol at pagkastigo ng salita, at sa pamamagitan ng pagpipino. Sa halip na ituring ang yugtong ito ng gawain bilang gawain ng pagliligtas, mas akmang sabihin na ito ay ang gawain ng pagdadalisay. Ang totoo, ang yugtong ito ay ang gawain din ng paglupig, at ang pangalawang yugto rin ng gawain ng pagliligtas. Ang tao ay nakakamit ng Diyos sa pamamagitan ng paghatol at pagkastigo gamit ang salita, at sa pamamagitan ng pagpipino, paghatol, at pagsisiwalat ng salita ganap na nabubunyag ang lahat ng karungisan, mga kuru-kuro, mga motibo, at mga personal na inaasam sa puso ng tao. Bagama’t ang tao ay natubos at napatawad na sa kanyang mga kasalanan, ito ay maaari lamang na ituring na hindi pagtanda ng Diyos sa mga pagsalangsang ng tao at hindi pagtrato sa tao alinsunod sa mga pagsalangsang nito. Subalit, ang tao, na namumuhay sa laman, ay hindi pa napapalaya mula sa kasalanan, siya ay makakapagpatuloy lamang sa pagkakasala, ibinubunyag nang walang katapusan ang kanyang mga satanikong tiwaling disposisyon. Ito ang buhay na ipinamumuhay ng tao, isang walang-katapusang siklo ng pagkakasala at pagtanggap ng kapatawaran. Ang karamihan ng tao ay nagkakasala sa araw at nangungumpisal sa gabi. Kaya naman, kahit na ang handog para sa kasalanan ay walang hanggan ang bisa sa tao, hindi nito magagawang iligtas ang tao mula sa kasalanan. Tanging kalahati lang ng gawain ng pagliligtas ang nakompleto, sapagkat ang tao ay mayroon pa ring mga tiwaling disposisyon. Halimbawa, nang malaman ng mga tao na sila ay nagmula sa lahi ni Moab, nagreklamo sila, hindi na nila hinangad ang buhay, at naging lubos na negatibo. Hindi ba’t ipinapakita nito na hindi pa rin nagagawang lubos na magpasakop ng tao sa kapamahalaan ng Diyos? Hindi ba’t ito ang mismong mga satanikong tiwaling disposisyon ng tao? Nang ikaw ay hindi isinailalim sa pagkastigo, itinaas mo ang iyong kamay mas mataas kaysa sa lahat, maging kay Jesus. At ikaw ay sumigaw nang malakas, “Maging isang minamahal na anak ng Diyos! Maging isang kapalagayang-loob ng Diyos! Mas pipiliin namin ang mamatay kaysa yumuko kay Satanas! Maghimagsik laban sa matandang Satanas! Maghimagsik laban sa malaking pulang dragon! Ang malaking pulang dragon nawa ay tuluyan nang bumagsak mula sa kapangyarihan! Nawa ay gawin tayong ganap ng Diyos!” Sumigaw ka nang pinakamalakas sa lahat. Ngunit pagkatapos ay dumating ang panahon ng pagkastigo at, minsan pa ay nabunyag ang iyong mga tiwaling disposisyon. Tumigil ang iyong mga sigaw, at nawala ang iyong determinasyon. Ito ang katiwalian ng tao; ito ay isang bagay na mas malalim kaysa kasalanan, isang bagay na itinanim ni Satanas at malalim na nag-ugat sa loob ng tao. Hindi madali para sa tao na mabatid ang kanyang mga kasalanan, at wala siyang paraan para kilalanin ang kanyang sariling kalikasang nag-ugat na nang malalim. Sa pamamagitan lamang ng paghatol ng salita ay makakamit ang ganitong resulta. Sa ganitong paraan lamang maaaring unti-unting mabago ang tao mula sa puntong ito.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Hiwaga ng Pagkakatawang-tao (4)

Si Cristo ng mga huling araw ay gumagamit ng iba’t ibang katotohanan para maturuan ang tao, para ilantad ang diwa ng tao, at para himayin ang mga salita at gawa ng tao. Ang mga salitang ito ay naglalaman ng iba’t ibang katotohanan, gaya ng tungkulin ng tao, kung paano dapat magpasakop sa Diyos ang tao, kung paano dapat maging tapat sa Diyos ang tao, kung paano dapat isabuhay ng tao ang normal na pagkatao, gayundin ang karunungan at disposisyon ng Diyos. Ang mga salitang ito ay nakatuon lahat sa diwa ng tao at sa kanyang mga tiwaling disposisyon. Sa partikular, iyong mga salitang naglalantad kung paano tinatanggihan ng tao ang Diyos ay lalong mas nakatuon sa kung paanong ang tao, sa diwa, ay isang pagsasakatawan ni Satanas, at kung paanong ang tao, sa diwa, ay isang mapanlabang puwersa laban sa Diyos. Sa pagsasakatuparan ng Kanyang gawain ng paghatol, hindi ganap na ipinapaliwanag ng Diyos ang kalikasan ng tao sa iilang salita; naglalantad at nagpupungos Siya sa mahabang panahon. Ang lahat ng iba’t ibang pamamaraan na ito ng paglalantad at pagpupungos ay hindi maaaring mahalinhan ng mga ordinaryong salita; sa halip, ang katotohanang hinding-hindi taglay ng tao ay ginagamit para isakatuparan ang gawaing ito ng paglalantad at pagpupungos. Ang ganitong klaseng mga pamamaraan lamang ang matatawag na paghatol; ang ganitong uri lamang ng paghatol ang makasusupil sa tao at makakakumbinsi sa kanya nang husto tungkol sa Diyos, at bukod pa riyan ay mabibigyan-kakayahan siyang magkamit ng tunay na pagkakilala sa Diyos. Ang idinudulot ng gawain ng paghatol ay ang pagkaunawa ng tao sa tunay na mukha ng Diyos at sa katotohanan tungkol sa sarili niyang paghihimagsik. Ang gawain ng paghatol ay nagbigay-kakayahan sa tao na magkamit ng malawak na pagkaunawa sa mga layunin ng Diyos, malawak na pagkaunawa sa layunin ng gawain ng Diyos, at malawak na pagkaarok sa mga hiwagang hindi niya kayang unawain. Binigyang-kakayahan din nito ang tao na maunawaan at makilala ang kanyang tiwaling diwa at ang ugat ng kanyang katiwalian, pati na ang matuklasan ang kanyang pangit na mukha. Ang mga epektong ito ay bungang lahat ng gawain ng paghatol, sapagkat ang diwa ng gawaing ito ay ang mismong gawain ng pagbubukas ng katotohanan, ng daan, at ng buhay ng Diyos sa lahat ng may pananalig sa Kanya. Ang gawaing ito ay ang gawain ng paghatol na ginagawa ng Diyos.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ginagawa ni Cristo ang Gawain ng Paghatol sa Pamamagitan ng Katotohanan

Ginagawa ng Diyos ang gawain ng paghatol at pagkastigo upang magtamo ang tao ng pagkakilala tungkol sa Kanya, at alang-alang sa Kanyang patotoo. Kung hindi sa Kanyang paghatol sa tiwaling disposisyon ng tao, hindi posibleng makilala ng tao ang Kanyang matuwid na disposisyon, na hindi dapat lapastanganin, ni hindi magagawang baguhin ng tao ang dati nitong pagkakilala sa Diyos tungo sa isang bagong pagkakilala. Alang-alang sa patotoo ng Diyos, at alang-alang sa Kanyang pamamahala, isinasapubliko Niya ang Kanyang kabuuan, na nagbibigay-daan sa tao, sa pamamagitan ng Kanyang publikong pagpapakita, na magkaroon ng pagkakilala tungkol sa Diyos, mabago ang disposisyon ng tao, at makapagbigay ito ng matunog na patotoo sa Diyos. Ang pagbabago ng disposisyon ng tao ay nakakamit sa pamamagitan ng maraming iba’t ibang uri ng gawain ng Diyos; kung wala ang gayong mga pagbabago sa kanyang disposisyon, hindi magagawa ng tao na magpatotoo sa Diyos at umayon sa mga layunin ng Diyos. Ang pagbabago ng disposisyon ng tao ay nagpapahiwatig na napalaya na ang tao mula sa pagkagapos ni Satanas at mula sa impluwensiya ng kadiliman, at tunay nang naging isang huwaran at uliran ng gawain ng Diyos, isang saksi ng Diyos, at isang taong umaayon sa mga layunin ng Diyos. Ngayon, naparito na sa lupa ang Diyos na nagkatawang-tao upang gawin ang Kanyang gawain, at hinihingi Niya sa tao na magkamit ng pagkakilala sa Kanya, magpasakop sa Kanya, at magpatotoo sa Kanya—kailangang makilala ng tao ang praktikal at normal na gawain ng Diyos, kailangang magpasakop ng tao sa lahat ng Kanyang salita at gawain na hindi naaayon sa mga kuru-kuro ng tao, at kailangang magpatotoo ng tao sa lahat ng gawaing Kanyang ginagawa upang iligtas ang tao, pati na sa lahat ng gawa Niya ng paglupig sa tao. Yaong mga nagpapatotoo sa Diyos ay kailangang magkaroon ng pagkakilala sa Diyos; ang ganitong uri lamang ng patotoo ang tumpak at praktikal, at ang ganitong uri lamang ng patotoo ang maaaring magbigay-kahihiyan kay Satanas. Ginagamit ng Diyos ang mga taong nakakilala na sa Kanya sa pamamagitan ng pagsailalim sa Kanyang paghatol, pagkastigo, at pagpupungos, upang magpatotoo sa Kanya. Ginagamit Niya yaong mga nagawang tiwali ni Satanas upang magpatotoo sa Kanya. Ginagamit Niya yaong ang mga disposisyon ay nagbago na, at sa gayon ay nagkamit na ng Kanyang mga pagpapala, upang magpatotoo sa Kanya. Hindi Niya kailangang purihin Siya ng tao sa salita nito, ni hindi rin Niya kailangan ang papuri at patotoo ng kauri ni Satanas, na hindi Niya iniligtas. Yaon lamang mga nakakakilala sa Diyos ang kalipikadong magpatotoo sa Kanya, at yaon lamang mga nabago na ang kanilang disposisyon ang kalipikadong magpatotoo sa Kanya. Hindi papayagan ng Diyos ang tao na sadyang bigyang-kahihiyan ang Kanyang pangalan.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Nakakakilala Lamang sa Diyos ang Maaaring Magpatotoo sa Diyos

Ang mga salitang sinasambit Ko ngayon ay upang hatulan ang mga kasalanan ng tao, upang hatulan ang hindi pagiging matuwid ng tao, at upang sumpain ang paghihimagsik ng tao at ang pagiging baliko at panlilinlang ng tao. Ang lahat ng hindi alinsunod sa mga layunin ng Diyos sa mga salita at gawa ng tao ay kailangang isailalim sa paghatol, at ang lahat ng paghihimagsik ng tao ay inilalarawan bilang kasalanan. Umiikot ang Kanyang mga salita sa mga prinsipyo ng paghatol; ginagamit Niya ang paghatol sa hindi pagiging matuwid ng tao, ang pagsumpa sa paghihimagsik ng tao, at ang paglalantad sa lahat ng pangit na mukha ng tao upang ipamalas ang Kanyang matuwid na disposisyon. Ang kabanalan ay isang representasyon ng Kanyang matuwid na disposisyon, at sa katunayan, ang kabanalan ng Diyos ay ang Kanyang matuwid na disposisyon. Ang mga tiwali ninyong disposisyon ay ang konteksto ng mga salita ngayon—Ako ay nagsasalita at humahatol, at nagsasagawa ng gawain ng paglupig ayon sa mga ito. Ito lamang ang praktikal na gawain, at sa paraan lamang na ito lubos na maipapakita ang kabanalan ng Diyos. Kung walang bahid ng tiwaling disposisyon sa iyo, hindi ka hahatulan ng Diyos, at hindi rin Niya ipapakita sa iyo ang Kanyang matuwid na disposisyon. Sapagkat mayroon kang mga tiwaling disposisyon, hindi ka palalampasin ng Diyos, at sa pamamagitan nito naipapakita ang Kanyang kabanalan. Kung makikita ng Diyos na masyadong malubha ang karumihan at paghihimagsik ng tao ngunit hindi Siya magsasalita o hahatol sa iyo, ni hindi ka Niya kakastiguhin dahil sa iyong hindi pagiging matuwid, patutunayan nito na hindi Siya Diyos, dahil wala Siyang pagkamuhi sa kasalanan; magiging kasingdumi lamang Siya ng tao. Ngayon, dahil sa karumihan mo kaya kita hinahatulan, at dahil sa katiwalian at paghihimagsik mo kaya kita kinakastigo. Hindi Ko ipinangangalandakan ang Aking kapangyarihan sa inyo o sadya kayong inaapi; ginagawa Ko ang mga bagay na ito dahil kayo, na naisilang sa lupaing ito ng karumihan, ay labis-labis nang narumihan. Sadyang naiwala ninyo ang inyong integridad at pagkatao, tulad ng mga baboy na naninirahan sa maruruming lugar. Dahil sa inyong karumihan at katiwalian kaya kayo hinahatulan at kaya Ko pinapakawalan sa inyo ang Aking poot. Dahil mismo sa paghatol ng mga salitang ito kaya ninyo nakikita na ang Diyos ay ang matuwid na Diyos, at na ang Diyos ay ang banal na Diyos; dahil mismo sa Kanyang kabanalan at Kanyang pagiging matuwid kaya Niya kayo hinahatulan at pinapakawalan Niya ang Kanyang poot sa inyo; dahil mismo sa nakikita Niya ang paghihimagsik ng sangkatauhan kaya nabubunyag mula sa Kanya ang Kanyang matuwid na disposisyon. Ang karumihan at katiwalian ng sangkatauhan ay nagbubunyag ng Kanyang kabanalan. Sapat na ito upang ipakita na Siya ang Diyos Mismo, na banal at busilak, ngunit namumuhay sa lupain ng karumihan.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Paano Nakakamtan ang mga Epekto ng Ikalawang Hakbang ng Gawain ng Paglupig

Ang totoo, ang gawaing ginagawa ngayon ay upang maghimagsik ang mga tao laban kay Satanas at sa kanilang sinaunang ninuno. Ang mga paghatol sa pamamagitan ng salita ay pawang naglalayong ilantad ang mga tiwaling disposisyon ng mga tao at bigyang-kakayahan sila na maunawaan ang diwa ng buhay. Ang paulit-ulit na mga paghatol na ito ay tumatagos sa puso ng mga tao. Ang bawat paghatol ay may tuwirang kaugnayan sa kanilang kapalaran at naglalayong sugatan ang kanilang puso para kanilang mapakawalan ang lahat ng bagay na iyon at nang sa gayon ay makilala nila ang buhay, makilala ang maruming mundong ito, makilala ang karunungan at pagkamakapangyarihan-sa-lahat ng Diyos, at makilala rin ang sangkatauhan, na ginawang tiwali ni Satanas. Habang lalong ganito ang pagkastigo at paghatol, mas masusugatan ang puso ng tao at mas magigising ang kanyang espiritu. Ang layon ng ganitong paghatol ay ang gisingin ang espiritu ng mga taong ito na napakatiwali at pinakalubhang nalinlang. Ang tao ay walang espiritu, na ibig sabihin, ang kanyang espiritu ay matagal nang namatay at hindi niya alam na may Langit, hindi niya alam na mayroong Diyos, at tiyak na hindi niya nalalamang siya ay nagpupumiglas sa abismo ng kamatayan; paano niya malalaman na siya ay namumuhay sa loob ng masamang impiyerno sa lupa? Paano niya malalaman na ang nabubulok na bangkay niyang ito ay nahulog na sa Hades ng kamatayan matapos itong gawing tiwali ni Satanas? Paano niya malalaman na ang lahat ng bagay sa lupa ay matagal nang nawasak ng sangkatauhan na hindi na maaayos? At paano niya malalaman na ang Lumikha ay pumarito sa lupa ngayon at naghahanap ng isang pangkat ng mga taong natiwali na maaari Niyang iligtas? Bagama’t naranasan na ng tao ang bawat posibleng pagpipino at paghatol, ang kanyang manhid na kamalayan ay nananatili pa ring ganap na hindi natitinag at halos hindi tumutugon. Napakatiwali ng tao! At bagama’t ang ganitong uri ng paghatol ay tulad ng mabagsik na yelong ulan na nahuhulog mula sa papawirin, mayroon itong napakalaking pakinabang sa tao. Kung hindi hahatulan nang ganito ang mga tao, hindi matatamo ang bunga, at magiging ganap na imposible na iligtas ang mga tao mula sa kailaliman ng paghihirap. Kung hindi gagawa nang ganito, magiging napakahirap para sa mga tao na lumabas mula sa Hades, dahil ang kanilang mga puso ay matagal nang namatay at ang kanilang mga espiritu ay matagal nang niyurakan ni Satanas. Ang pagliligtas sa inyo na nalubog na sa pinakamalalim na kalaliman ng pagkabulok ay nangangailangan ng pagtawag sa inyo nang buong lakas, paghatol sa inyo nang buong lakas; saka lamang maaaring magising ang mga nanlalamig ninyong puso.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tanging ang Nagawang Perpekto ang Makakapamuhay ng Makahulugang Buhay

Sa Kapanahunan ng Kaharian, gumagamit ang Diyos ng mga salita upang pasimulan ang bagong kapanahunan, baguhin ang paraan ng Kanyang paggawa, at gawin ang gawain ng buong kapanahunan. Ito ang prinsipyong ginagamit ng Diyos sa paggawa sa Kapanahunan ng Salita. Siya ay naging tao at nagsasalita mula sa iba’t ibang perspektiba, nagbibigay-kakayahan sa tao na tunay na makita ang Diyos, na Siya ang Salitang nagpapakita sa katawang-tao, at mamasdan ang Kanyang karunungan at pagiging kamangha-mangha. Gumagawa ang Diyos sa ganitong paraan upang mas mainam na makamit ang mga layon ng paglupig sa mga tao, paggawang perpekto sa mga tao, at pagtitiwalag sa mga tao. Ito ang tunay na kahulugan ng paggamit ng mga salita upang gumawa sa Kapanahunan ng Salita. Sa pamamagitan ng mga salita, nakikilala ng tao ang gawain ng Diyos, ang disposisyon ng Diyos, ang diwa ng tao, at kung ano ang nararapat pasukin ng tao. Sa pamamagitan ng mga salita, ang lahat ng gawaing nais gawin ng Diyos sa Kapanahunan ng Salita ay naisasakatuparan. Sa pamamagitan ng mga salita, ang mga tao ay ibinubunyag at itinitiwalag, at sinusubukan. Ang mga tao ay nakita na ang mga salitang ito, narinig na ang mga salitang ito, at kinilala na ang pag-iral ng mga salitang ito. Dahil dito, naniwala na sila sa pag-iral ng Diyos, sa pagkamakapangyarihan-sa-lahat at karunungan ng Diyos, at sa puso ng Diyos sa pagmamahal at pagliligtas sa tao. Ang terminong “mga salita” ay maaaring ordinaryo at simple, ngunit ang mga salitang sinambit mula sa bibig ng Diyos na nagkatawang-tao ay niyayanig ang sansinukob; binabago nila ang puso ng mga tao, binabago ang kanilang mga kuru-kuro at dating disposisyon, at binabago ang dating anyo ng buong mundo. Sa pagdaan ng mga kapanahunan, tanging ang Diyos ng kasalukuyan ang gumagawa sa ganitong paraan, at Siya lamang ang nangungusap nang gayon at nagliligtas sa tao nang gayon. Mula sa oras na ito, namumuhay ang tao sa ilalim ng patnubay ng mga salita ng Diyos, sa gitna ng pagpapastol at pagtutustos ng Kanyang mga salita; namumuhay ang lahat ng tao sa mundo ng mga salita ng Diyos, sa gitna ng mga sumpa at pagpapala ng mga salita ng Diyos, at ang karamihan ng tao ay namumuhay sa ilalim ng paghatol at pagkastigo ng Kanyang mga salita. Ang mga salitang ito at ang gawaing ito ay pawang para sa kaligtasan ng tao, para matupad ang kalooban ng Diyos, at para mabago ang orihinal na anyo ng mundo ng dating paglikha. Nilikha ng Diyos ang mundo gamit ang mga salita, inaakay Niya ang lahat ng tao sa sansinukob gamit ang mga salita, nilulupig at inililigtas Niya sila gamit ang mga salita, sa huli, gagamitin Niya ang mga salita upang wakasan ang buong dating mundo, sa gayon ay makumpleto ang kabuuan ng Kanyang plano ng pamamahala.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Kapanahunan ng Kaharian ay ang Kapanahunan ng Salita

Sa mga huling araw, pangunahing gumagamit ang Diyos ng salita upang gawing perpekto ang tao. Hindi Siya gumagamit ng mga tanda at mga kababalaghan upang pilitin ang tao na mapaniwala; hindi nito maipapamalas ang dakilang kapangyarihan ng Diyos. Kung nagpakita lamang ang Diyos ng mga tanda at mga kababalaghan, hindi nito maipapamalas ang pagiging praktikal ng Diyos, at hindi nito magagawang perpekto ang tao. Hindi ginagawang perpekto ng Diyos ang tao sa pamamagitan ng mga tanda at mga kababalaghan, bagkus ay gumagamit ng salita upang diligan at pastulin ang tao, pagkatapos nito ay ganap nang makapagpapasakop ang tao sa Diyos at makakamit ang pagkakilala sa Diyos. Ito ang layunin ng gawaing ginagawa Niya at ng mga salitang winiwika Niya. Hindi ginagamit ng Diyos ang paraan ng pagpapakita ng mga tanda at mga kababalaghan upang gawing perpekto ang tao—gumagamit Siya ng mga salita, at gumagamit ng maraming pamamaraan ng gawain upang gawing perpekto ang tao. Maging ito man ay ang pagpipino, pagpupungos, o pagtutustos ng mga salita, nagsasalita ang Diyos mula sa maraming iba’t ibang perspektiba upang gawing perpekto ang tao, at upang mabigyang-daan ang tao na makapagkamit ng mas maraming pagkakilala sa gawain, karunungan at pagiging kamangha-mangha ng Diyos. … Dati Ko nang sinabi na matatamo mula sa Silangan ang isang grupo ng mga mananagumpay, mga mananagumpay na magmumula sa malaking kapighatian. Ano ang ibig sabihin ng mga salitang ito? Ang ibig sabihin ng mga ito ay na ang mga taong ito na nakamit na ay tunay lamang na mapagpasakop matapos dumaan sa paghatol, pagkastigo, pagpupungos, at sa lahat ng uri ng pagpipino. Ang pananampalataya ng mga taong ito ay hindi kathang-isip, kundi praktikal. Hindi pa sila nakakita ng anumang mga tanda at kababalaghan, o anumang mga himala; hindi sila nakakapagsalita ng matatayog na salita at doktrina, o nakakapagsabi ng malalalim na kabatiran; sa halip, mayroon silang realidad, at mga salita ng Diyos, at isang praktikal at tunay na pagkakilala sa Diyos. Hindi ba’t mas naipapamalas ng ganoong grupo ang dakilang kapangyarihan ng Diyos?

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Lahat ay Naisasakatuparan ng Salita ng Diyos

Sa panghuli Niyang gawain ng pagwawakas sa kapanahunan, ang disposisyon ng Diyos ay disposisyon ng pagkastigo at paghatol, kung saan ibinubunyag Niya ang lahat ng di-matuwid, hayagang hinahatulan ang di-mabilang na mga tao, at pineperpekto ang mga sinserong nagmamahal sa Kanya. Ang ganitong disposisyon lamang ang makapagwawakas sa kapanahunan. Dumating na ang mga huling araw. Ang lahat ng bagay ay pinagbubukod-bukod ayon sa uri ng mga ito, at hinahati sa iba’t ibang kategorya ayon sa iba’t ibang katangian ng mga ito. Ito mismo ang panahon kung kailan ibinubunyag ng Diyos ang mga kalalabasan at hantungan ng mga tao. Kung hindi mararanasan ng mga tao ang pagkastigo at paghatol, hindi malalantad ang kanilang paghihimagsik at pagiging di-matuwid. Sa pamamagitan lamang ng pagkastigo at paghatol mabubunyag ang mga kalalabasan ng lahat ng bagay. Ipinapakita lamang ng mga tao kung ano talaga sila kapag kinakastigo at hinahatulan sila. Ang masasama ay isasama sa masasama, ang mabubuti sa mabubuti, at ang mga tao ay pagbubukud-bukurin ayon sa kanilang uri. Sa pamamagitan ng pagkastigo at paghatol, ang mga kalalabasan ng lahat ng bagay ay mabubunyag, para maparusahan ang masasama at magantimpalaan ang mabubuti, at ang di-mabilang na mga tao ay magpasailalim sa kapamahalaan ng Diyos. Ang lahat ng gawaing ito ay kailangang magawa sa pamamagitan ng matuwid na pagkastigo at paghatol. Dahil umabot na sa sukdulan ang katiwalian ng mga tao at napakalala na ng kanilang paghihimagsik, ang matuwid na disposisyon lamang ng Diyos, na pangunahing kinapapalooban ng pagkastigo at paghatol at ipinapamalas sa mga huling araw, ang lubusang makapagbabago at makagagawang ganap sa mga tao, at makapagbubunyag sa kasamaan, at sa gayon, lahat ng hindi matuwid ay mapaparusahan nang matindi. Samakatwid, ang disposisyong tulad nito ay puno ng kahalagahan ng kapanahunan. Ang disposisyon ng Diyos ay naipapamalas at nasisiwalat para sa kapakanan ng gawain ng bawat bagong kapanahunan. Hindi sa ipinapamalas ng Diyos ang Kanyang disposisyon nang basta-basta at nang walang kabuluhan. Ipagpalagay na, sa mga huling araw ng pagbubunyag sa mga kalalabasan ng mga tao, mamahalin pa rin ng Diyos ang mga tao nang may walang hanggang awa at mapagmahal na kabaitan, at patuloy na magiging mapagmahal sa kanila, hindi sila isinasailalim sa matuwid na paghatol kundi nagpapakita sa kanila ng kaluwagan, pagtitimpi, at pagpapatawad, at papatawarin sila gaano man kalubha ang mga kasalanan nila, nang wala ni katiting na matuwid na paghatol. Kung gayon, kailan magwawakas ang buong pamamahala ng Diyos? Kailan magagawang akayin ng ganitong disposisyon ang mga tao patungo sa angkop na hantungan ng sangkatauhan? Maihahalintulad ito sa isang hukom na laging mapagmahal sa mga tao, isang mapagmahal na hukom na may maamong mukha at malambot na puso, na nagmamahal sa mga tao anuman ang kanilang mga nagawang krimen, at nagpapakita sa kanila ng pagmamahal at pagtitiis sinuman sila—kailan makaaabot ang gayong hukom sa isang makatarungang hatol? Sa mga huling araw, ang matuwid na paghatol lamang ang makakapagbukod-bukod sa mga tao ayon sa kanilang uri at makapagdadala sa mga tao sa isang bagong dako. Sa ganitong paraan, ang buong kapanahunan ay matatapos sa pamamagitan ng matuwid na disposisyon ng paghatol at pagkastigo ng Diyos.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Pangitain ng Gawain ng Diyos (3)

Ang mga nakakapanindigan nang matatag sa panahon ng gawain ng paghatol at pagkastigo ng Diyos sa mga huling araw—na ibig sabihin, sa panahon ng huling gawain ng pagdadalisay—ang siyang papasok sa huling kapahingahan kasama ang Diyos; yamang ganoon, ang lahat ng papasok sa kapahingahan ay nakawala na sa impluwensiya ni Satanas at nakamit na ng Diyos pagkatapos lang na sumailalim sa Kanyang huling gawain ng pagdadalisay. Ang mga taong ito, na sa huli ay nakamit na ng Diyos, ay papasok sa huling kapahingahan. Ang diwa ng gawain ng pagkastigo at paghatol ay na ito ay alang-alang sa pagdadalisay sa sangkatauhan, at alang-alang sa huling araw ng pamamahinga; kung hindi, walang mga miyembro ng sangkatauhan ang mabubukod-bukod ayon sa kanilang uri, o makakapasok sa kapahingahan. Ang gawaing ito ay ang tanging landas ng sangkatauhan upang pumasok sa kapahingahan. Tanging ang gawain ng pagdadalisay ng Diyos ang maglilinis sa kawalan ng katuwiran ng mga tao, at tanging ang gawain Niya ng pagkastigo at paghatol ang maglalantad sa mga mapaghimagsik na bahagi ng sangkatauhan, at sa gayon ay matutukoy kung sino ang mga puwede at di-puwedeng maligtas, at ang mga maaari at hindi maaaring manatili. Kapag natapos na ang gawaing ito, ang lahat ng taong maaaring manatili ay dadalisayin at papasok sa isang mas mataas na mundo ng sangkatauhan kung saan magtatamasa sila ng isang mas kamangha-manghang ikalawang buhay ng tao sa lupa; sa madaling salita, papasok sila sa araw ng pamamahinga ng sangkatauhan at mamumuhay kasama ang Diyos. Matapos makastigo at mahatulan ang mga hindi maaaring manatili, ang kanilang mga tunay na kulay ay ganap na mailalantad, pagkatapos nito ay lilipulin silang lahat at, kagaya ni Satanas, hindi na pahihintulutang mabuhay sa lupa. Ang sangkatauhan sa hinaharap ay hindi na kabibilangan ng sinumang mga tao na ganito ang uri; hindi angkop na pumasok sa lupain ng huling pamamahinga ang ganitong mga tao, at hindi rin sila angkop na pumasok sa araw ng pamamahingang pagsasaluhan ng Diyos at ng mga tao, dahil sila ang mga target na maparusahan, at sila ay masasama, hindi matutuwid na tao. Tinubos sila nang minsan, at hinatulan at kinastigo na rin sila; minsan din silang nagtrabaho para sa Diyos. Gayumpaman, pagdating ng huling araw, ititiwalag at lilipulin pa rin sila dahil sa kasamaan nila at bilang bunga ng kanilang paghihimagsik at kawalan ng lunas; hindi na sila kailanman muling mabubuhay sa mundo ng hinaharap, at hindi na mabubuhay kasama ang lahi ng tao sa hinaharap. Mga espiritu man sila ng mga patay o mga taong nabubuhay pa rin sa laman, lilipulin ang lahat ng taong gumagawa ng masama at ang lahat ng hindi nailigtas sa sandaling ang ginawang banal sa gitna ng sangkatauhan ay pumasok na sa pamamahinga. Para naman sa mga espiritu at tao na ito na gumagawa ng masama, o mga espiritu ng matutuwid na tao at mga gumagawa ng katuwiran, anuman ang kinabibilangan nilang panahon, sa huli, ang lahat ng masama ay lilipulin, at ang lahat ng matuwid ay mananatiling buhay. Kung makatatanggap ba ng kaligtasan ang isang tao o espiritu ay hindi ganap na pinagpapasyahan batay sa gawain ng huling kapanahunan; sa halip, tinutukoy ito batay sa kung sila ba ay lumaban o naghimagsik sa Diyos o hindi. Ang mga tao sa nakaraang panahon na gumawa ng masama at hindi maliligtas ay tiyak na magiging mga target ng kaparusahan, at ang mga nasa kasalukuyang panahon na gumagawa ng masama at hindi maililigtas ay tiyak na magiging mga target din ng kaparusahan. Ang mga tao ay inuuri ayon sa kabutihan at kasamaan, at hindi sa kung anong panahon sila nabubuhay. Kapag nauri na nang gayon, hindi sila agarang parurusahan o gagantimpalaan; sa halip, isasakatuparan lamang ng Diyos ang gawain Niya ng pagpaparusa sa masasama at paggantimpala sa mabubuti kapag natapos na Niyang maisakatuparan ang gawain Niya ng paglupig sa mga huling araw. Sa katunayan, pinaghihiwalay na Niya ang mabubuti at masasamang tao mula pa nang simulan Niyang gawin ang gawain Niya ng pagliligtas sa sangkatauhan. Iyon nga lamang, gagantimpalaan Niya ang matutuwid at parurusahan ang masasama sa oras lamang na matapos Niya ang Kanyang gawain; hindi sa paghihiwalayin Niya sila ayon sa uri pagkaraang matapos ang Kanyang gawain at pagkatapos ay agarang sisimulan ang gampanin ng pagpaparusa sa masasama at paggantimpala sa mabubuti. Sa halip, ang gampaning ito ay gagawin lamang kapag ganap nang natapos ang Kanyang gawain. Ang tanging layunin sa likod ng huling gawain ng Diyos na pagpaparusa sa masasama at paggantimpala sa mabubuti ay ang lubusang madalisay ang lahat ng tao upang madala Niya ang isang ganap na pinabanal na sangkatauhan sa walang hanggang kapahingahan. Ang yugtong ito ng Kanyang gawain ang pinakamahalaga; ito ang huling yugto ng kabuuan ng Kanyang gawain ng pamamahala. Kung hindi lilipulin ng Diyos ang masasama, at sa halip ay papayagan silang manatili, hindi pa rin makakapasok sa kapahingahan ang buong sangkatauhan, at hindi sila madadala ng Diyos sa isang mas kamangha-manghang mundo. Hindi ganap na matatapos ang ganitong uri ng gawain. Kapag natapos na ang gawain Niya, magiging ganap na pinabanal ang buong sangkatauhan; sa ganitong paraan lamang mapayapang makakapamuhay ang Diyos sa kapahingahan.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Diyos at ang Tao ay Magkasamang Papasok sa Pamamahinga

Kaugnay na mga Eksena ng Pelikula

Ibinibigay ng Diyos ang Kautusan

Pangako ng Diyos sa mga Israelita

Pagparito ng Diyos sa Lupa at Pagiging Handog sa Kasalanan

Bakit Bumabalik ang Panginoon Upang Gawin ang Gawain ng Paghatol sa mga Huling Araw?

Kaugnay na mga Patotoong Batay sa Karanasan

Natagpuan Ko Na sa Wakas ang Landas sa Pagpapadalisay

Kaugnay na mga Sermon

Tinubos ng Panginoong Jesus ang Sangkatauhan, Kaya Bakit Niya Gagawin ang Gawain ng Paghatol Pagbalik Niya sa mga Huling Araw?

Kaugnay na mga Himno

Dinala na ng Cristo ng mga Huling Araw ang Kapanahunan ng Kaharian

Ibinubukod-bukod ng Matuwid na Paghatol ng Diyos sa mga Huling Araw ang mga Tao Ayon sa Kanilang Uri

Ang Layunin ng Gawain ng Paghatol ng Diyos

Sinundan:  a. Ang layunin ng tatlong yugto ng gawain ng pamamahala ng Diyos sa sangkatauhan

Sumunod:  c. Ang ugnayan sa pagitan ng tatlong yugto ng gawain ng Diyos

Kaugnay na Nilalaman

Tanong 2: Matagal na naming narinig na ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos ay nagpatotoo na tungkol sa pagbabalik ng Panginoong Jesus. At Siya ang Makapangyarihang Diyos! Nagpapahayag Siya ng mga katotohanan at gumaganap sa Kanyang gawaing paghatol sa mga huling araw, ngunit karamihan sa mga tao ng mga relihiyosong lipunan ay naniniwala lahat na babalik ang Panginoon sa pamamagitan ng pagbaba nang nasa mga alapaap. Ito ay dahil malinaw na nagsabi ang Panginoong Jesus na: “At kung magkagayo’y lilitaw ang tanda ng Anak ng tao sa langit: at kung magkagayo’y magsisitaghoy ang lahat ng mga angkan sa lupa, at mangakikita nila ang Anak ng tao na napaparitong sumasa mga alapaap ng langit na may kapangyarihan at dakilang kaluwalhatian” (Mateo 24:30). Ipinropesiya rin ng Libro ng Pahayag: “Narito, Siya’y pumaparitong nasasa mga alapaap; at makikita Siya ng bawa’t mata, at ng nangagsiulos sa Kanya; at ang lahat ng mga angkan sa lupa ay magsisitaghoy dahil sa Kanya” (Pahayag 1:7). Pinananatili ko rin ang paniniwalang babalik ang Panginoon sa pamamagitan ng pagbaba nang nasa mga alapaap upang direkta tayong dalhin sakaharian ng langit. Tinatanggihan namin ang Panginoong Jesus na hindi bumaba nang nasa mga alapaap. Sinasabi ninyo na ang pagbabalik ng Panginoon ay pagbabalik sa katawang-tao at pagbaba nang palihim. Ngunit walang nakakaalam tungkol dito. Gayunman, ang lantarang pagbaba ng Panginoonnang nasa mga alapaap ay ganap! Kaya hinihintay naming bumaba ang Panginoonnang nasa mga alapaap at lantarang magpakita upang dalhin tayo nang direkta sa kaharian ng langit. Tama ba ang aming pag-unawa o hindi?

Sagot: Pagdating sa paghihintay sa Panginoon na bumaba nang nasa mga alapaap, hindi tayo dapat umasa sa mga paniniwala at imahinasyon ng...

Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos Ukol sa Pagkakilala sa Diyos Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw Paglalantad sa mga Anticristo Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ang Paghatol ay Nagsisimula sa Tahanan ng Diyos Mahahalagang Salita Mula sa Makapangyarihang Diyos, ang Cristo ng mga Huling Araw Araw-araw na mga Salita ng Diyos Ang mga Katotohanang Realidad na Dapat Pasukin ng mga Mananampalataya sa Diyos Sundan ang Kordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin Mga Gabay para sa Pagpapalaganap ng Ebanghelyo ng Kaharian Naririnig ng mga Tupa ng Diyos ang Tinig ng Diyos Makinig sa Tinig ng Diyos  Masdan ang Pagpapakita ng Diyos Mahahalagang Tanong at Sagot tungkol sa Ebanghelyo ng Kaharian Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume I) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume II) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume III) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IV) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume V) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VI) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VIII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IX) Paano Ako Bumalik sa Makapangyarihang Diyos

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito

Connect with us on Messenger