a. Ang layunin ng tatlong yugto ng gawain ng pamamahala ng Diyos sa sangkatauhan

Mga Salita ng Makapangyarihang Diyos ng mga Huling Araw

Ang Aking buong plano ng pamamahala, ang anim na libong taong plano ng pamamahala, ay binubuo ng tatlong yugto, o tatlong kapanahunan: ang Kapanahunan ng Kautusan sa simula; ang Kapanahunan ng Biyaya (na siya ring Kapanahunan ng Pagtubos); at ang Kapanahunan ng Kaharian sa mga huling araw. Ang Aking gawain sa tatlong kapanahunang ito ay nagkakaiba sa nilalaman ayon sa bawat kapanahunan, ngunit sa bawat yugto ang gawaing ito ay ginagawa ayon sa mga pangangailangan ng tao—o, para mas tumpak, ginagawa ito ayon sa mga panlalansi na ginagamit ni Satanas sa Aking pakikidigma laban dito. Ang layunin ay upang talunin si Satanas, upang ibunyag ang Aking karunungan at pagkamakapangyarihan-sa-lahat, upang ilantad ang lahat ng panlalansi ni Satanas, at sa gayon ay mailigtas ang buong lahi ng tao, na nabubuhay sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas. Ito ay upang ibunyag ang Aking karunungan at pagkamakapangyarihan-sa-lahat, at isiwalat ang di-mabatang kapangitan ni Satanas; higit pa riyan, ito ay upang tulutan ang mga nilikha na makilala kung alin ang mabuti at masama, upang makilala na Ako ang May Kataas-taasang Kapangyarihan sa lahat ng bagay, upang makita nang malinaw na si Satanas ay kaaway ng sangkatauhan, ang tampalasan, ang siyang masama, at upang bigyang-kakayahan sila na mapag-iba, nang may lubos na kalinawan, ang mabuti at masama, katotohanan at maling kaisipan, kabanalan at karumihan, at kung ano ang dakila at ano ang hamak. Ito ay upang bigyang-kakayahan ang mangmang na sangkatauhan na magpatotoo sa Akin na hindi Ako ang nagtitiwali sa sangkatauhan, at na Ako lamang—ang Lumikha—ang nagliligtas sa sangkatauhan, at nagkakaloob sa mga tao ng mga bagay na matatamasa nila; ito ay para tulutan sila na malaman na Ako ang May Kataas-taasang Kapangyarihan sa lahat ng bagay at si Satanas ay isa lamang nilalang na Aking nilikha at na paglaon ay ipinagkanulo Ako. Ang Aking anim na libong taong plano ng pamamahala ay nahahati sa tatlong yugto, at gumagawa Ako nang gayon para makamit ang epekto ng pagbibigay-kakayahan sa Aking mga nilikha na magpatotoo sa Akin, maunawaan ang Aking mga layunin, at malaman na Ako ang katotohanan.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Tunay na Kuwento ng Gawain sa Kapanahunan ng Pagtubos

Ang 6,000 taong gawain ng pamamahala ng Diyos ay nahahati sa tatlong yugto: ang Kapanahunan ng Kautusan, ang Kapanahunan ng Biyaya, at ang Kapanahunan ng Kaharian. Ang tatlong yugtong ito ng gawain ay pawang para sa pagliligtas sa sangkatauhan, na ang ibig sabihin, ang mga iyon ay para sa pagliligtas sa sangkatauhan na labis na natiwali ni Satanas. Gayumpaman, kasabay nito, nakikipaglaban din ang Diyos kay Satanas. Kaya, kung paanong ang gawain ng pagliligtas ay nahahati sa tatlong yugto, gayundin ang pakikipagdigma kay Satanas ay nahahati rin sa tatlong yugto, at ang dalawang aspektong ito ng gawain ng Diyos ay sabay na isinasakatuparan. Ang pakikipagdigma kay Satanas ay talagang para sa pagliligtas sa tao, at dahil sa ang gawain ng pagliligtas sa tao ay hindi isang bagay na matagumpay na natatapos sa iisang yugto, ang pakikipaglaban kay Satanas ay nahahati rin sa mga yugto at panahon, at isinasagawa ang pakikipagdigma kay Satanas alinsunod sa mga pangangailangan ng sangkatauhan at sa lawak ng pagtiwali ni Satanas sa tao. Marahil, sa imahinasyon ng tao, siya ay naniniwala na sa digmaang ito ang Diyos ay gagamit ng mga sandata laban kay Satanas, kagaya ng paraan na ang dalawang hukbo ay maglalaban sa isa’t isa. Ito lamang ang kayang guni-gunihin ng talino ng tao; ito ay isang sukdulang malabo at di-makatotohanang ideya, ngunit ito ang pinaniniwalaan ng tao. At dahil sinasabi Ko rito na ang paraan ng pagliligtas sa tao ay sa pamamagitan ng pakikipagdigma kay Satanas, iniisip at pinaniniwalaan ng tao na ganito isinasagawa ang labanan. May tatlong yugto sa gawain ng pagliligtas sa tao, ibig sabihin, ang pakikipagdigma kay Satanas ay hinati sa tatlong yugto at ganap nang magagapi si Satanas. Ngunit ang tunay na kuwento ng buong gawain ng pakikipaglaban kay Satanas ay na natatamo ang mga epekto nito sa pamamagitan ng ilang hakbang ng gawain: pagkakaloob ng biyaya sa tao, pagiging handog para sa kasalanan ng tao, pagpapatawad sa mga kasalanan ng tao, paglupig sa tao, at paggawang perpekto sa tao. Sa madaling salita, ang pakikipagdigma kay Satanas ay hindi ang paggamit ng mga armas laban kay Satanas, kundi sa halip ay ang pagpapatotoo para sa Diyos sa pamamagitan ng pagliligtas sa tao, paggawa sa buhay ng tao, at pagbabago sa disposisyon ng tao, at magkagayon ay tinatalo si Satanas. Si Satanas ay natatalo sa pamamagitan ng pagbabago sa tiwaling disposisyon ng tao. Kapag natalo na si Satanas, iyan ay, kapag ang tao ay lubos nang naligtas, sa gayon ang napahiyang si Satanas ay tuluyan nang magagapos, at sa ganitong paraan, ang tao ay ganap nang naligtas. Kaya, ang diwa ng pagliligtas sa tao ay ang pakikipaglaban kay Satanas, at ang labanang ito ay unang-unang nasasalamin sa pagliligtas sa tao. Ang huling yugtong ito, kung saan malulupig ang tao, ay ang huling yugto ng gawain sa pakikipaglaban kay Satanas, at ito rin ang gawain ng ganap na pagliligtas sa tao mula sa kapangyarihan ni Satanas. Ang panloob na kahulugan ng paglupig sa tao ay ang ibalik ang pagsasakatawan ni Satanas—ang tao, na nagawang tiwali ni Satanas—sa Lumikha kasunod ng paglupig sa kanya, at sa pamamagitan nito ay maghihimagsik siya laban kay Satanas at lubusang magbabalik sa Diyos. Sa ganitong paraan, ang tao ay ganap nang naligtas. Kaya, ang gawain ng panlulupig ay ang huling gawain sa pakikipaglaban kay Satanas, at ito ang huling yugto sa pamamahala ng Diyos, na nilalayong talunin si Satanas. Kung wala ang gawaing ito, ang lubos na kaligtasan ng tao sa kahuli-hulihan ay magiging imposible, ang ganap na pagkatalo ni Satanas ay magiging imposible rin, at ang sangkatauhan ay hindi kailanman makakapasok sa kamangha-manghang hantungan, o makakalaya sa impluwensiya ni Satanas. Samakatwid, ang gawain ng pagliligtas sa tao ay hindi matatapos bago matapos ang pakikipagdigma kay Satanas, sapagkat ang ubod ng gawain ng pamamahala ng Diyos ay para sa pagliligtas sa sangkatauhan. Sa simula pa lang, ang sangkatauhan ay nasa mga kamay ng Diyos, ngunit dahil sa panunukso at pagtiwali ni Satanas, ang tao ay naigapos ni Satanas at nahulog sa mga kamay ng masama. Kaya, si Satanas ay naging ang layon na tatalunin sa gawain ng pamamahala ng Diyos. Sapagkat ang tao ay inangkin ni Satanas, at dahil ang tao ang puhunan sa lahat ng pamamahala ng Diyos, kung ililigtas ang tao, kung gayon ay kailangang mabawi siya mula sa mga kamay ni Satanas, na ang ibig sabihin, ang tao na nabihag ni Satanas ay kailangang mabawi. Sa gayon, kailangang matalo si Satanas sa pamamagitan ng mga pagbabago sa dating disposisyon ng tao at sa pagpapanumbalik ng orihinal na katwiran ng tao. Sa ganitong paraan, ang tao, na nabihag, ay mababawi mula sa mga kamay ni Satanas. Kung mapapalaya ang tao mula sa impluwensiya at pagkagapos ni Satanas, sa gayon ay mapapahiya si Satanas, ang tao sa kahuli-hulihan ay mababawi, at si Satanas ay magagapi. At dahil ang tao ay napalaya mula sa madilim na impluwensiya ni Satanas, ang tao ang magiging samsam ng kabuuang labanang ito, at si Satanas ay magiging ang layon na parurusahan sa sandaling natapos ang labanan, kung saan pagkatapos nito ang kabuuang gawain ng pagliligtas sa sangkatauhan ay makokompleto na.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Pagpapanumbalik ng Normal na Buhay ng Tao at Pagdadala sa Kanya sa Isang Kamangha-manghang Hantungan

Kailangan mong malaman na anuman ang gawaing Kanyang ginagawa, ang layon ng gawain ng Diyos ay hindi nagbabago, ang sentro ng Kanyang gawain ay hindi nagbabago, at ang Kanyang mga layunin sa tao ay hindi nagbabago. Gaano man kahigpit ang Kanyang mga salita, gaano man kasama ang kapaligiran, ang mga prinsipyo ng Kanyang gawain ay hindi magbabago, at ang Kanyang layuning iligtas ang tao ay hindi magbabago. Basta’t hindi ito ang pagbubunyag ng kalalabasan o ng hantungan ng tao, at hindi ito ang gawain ng huling yugto, o ang gawain ng pagwawakas sa buong plano ng pamamahala ng Diyos, at basta’t ito ay sa panahong ginagawaan Niya ang tao, ang sentro ng Kanyang gawain ay hindi magbabago. Palaging ito ang pagliligtas sa sangkatauhan. Ito dapat ang pundasyon ng inyong pananampalataya sa Diyos. Ang layon ng tatlong yugto ng gawain ay ang pagliligtas sa buong sangkatauhan—nangangahulugan ito ng ganap na pagliligtas ng sangkatauhan mula sa kapangyarihan ni Satanas. Bagama’t bawat isa sa tatlong yugto ng gawain ay may iba’t ibang layunin at kabuluhan, bawat isa ay bahagi ng gawain ng pagliligtas sa sangkatauhan, at bawat isa ay iba’t ibang gawain ng pagliligtas na isinasagawa ayon sa mga kinakailangan ng sangkatauhan. Kapag alam mo na ang layon ng tatlong yugtong ito ng gawain, malalaman mo kung paano arukin ang kabuluhan ng bawat yugto ng gawain, at malalaman mo kung paano magsagawa upang matugunan ang mga layunin ng Diyos. Kung makarating ka sa puntong ito, ito, na siyang pinakadakila sa lahat ng pangitain, ang magiging pundasyon ng iyong pananampalataya sa Diyos.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Pag-alam sa Tatlong Yugto ng Gawain ng Diyos ang Landas Tungo sa Pagkakilala sa Diyos

Ang lahat ng tao ay kailangang maunawaan ang layunin ng Aking gawain sa daigdig, iyon ay, ang nilalayon Kong makamit sa huli at kung anong antas ang dapat Kong makamit sa gawaing ito bago ito maging ganap. Kung, pagkaraang maglakad na kasama Ko hanggang sa araw na ito, ang mga tao ay hindi pa nakakaunawa kung tungkol saan ang Aking gawain, hindi ba walang kabuluhan ang paglalakad nilang kasama Ko? Kung sumusunod ang mga tao sa Akin, dapat alam nila ang Aking mga layunin. Gumagawa na Ako sa lupa sa loob ng libu-libong taon, at hanggang sa araw na ito, ginagawa Ko pa rin ang Aking gawain sa paraang ito. Bagaman maraming proyekto ang nilalaman ng Aking gawain, ang layunin ng gawaing ito ay nananatiling hindi nagbabago; halimbawa, kahit na Ako ay puno ng paghatol at pagkastigo sa tao, ang Aking ginagawa ay alang-alang pa rin sa pagliligtas sa kanya, at alang-alang sa mas mainam na pagpapalaganap ng Aking ebanghelyo at higit na pagpapalawak pa ng Aking gawain sa lahat ng bayan ng Hentil sa sandaling ang tao ay nagawa nang ganap. Kaya ngayon, sa panahon kung kailan maraming tao ang matagal nang lubhang nadismaya, patuloy pa rin Ako sa Aking gawain, ipinagpapatuloy ang gawain na nararapat Kong gawin upang hatulan at kastiguhin ang tao. Sa kabila ng katunayang ang tao ay puno na sa Aking sinasabi, at wala siyang pagnanais na magbigay-pansin sa Aking gawain, isinasakatuparan Ko pa rin ang gawaing nararapat Kong gawin, sapagkat ang layunin ng Aking gawain ay nananatiling hindi nagbabago, at ang Aking orihinal na plano ay hindi masisira. Ang layon ng Aking paghatol ay ang bigyang-kakayahan ang tao na mas mahusay na makapagpasakop sa Akin, at ang layon ng Aking pagkastigo ay ang bigyang-kakayahan ang tao na mas mainam na makapagkamit ng pagbabago. Bagama’t ang lahat ng Aking ginagawa ay alang-alang sa Aking pamamahala, hindi Ako kailanman nakagawa ng anumang gawain na walang pakinabang sa tao, dahil nilalayon Kong gawin ang lahat ng bansa sa labas ng Israel na kasingmapagpasakop ng mga Israelita, gawin silang tunay na mga tao, nang sa gayon ay maaari Akong magkaroon ng posisyon sa mga lupain sa labas ng Israel. Ito ang Aking pamamahala; ito ang Aking gawain sa gitna ng mga bayan ng Hentil. Kahit ngayon, maraming tao ang hindi pa rin nakakaunawa sa Aking pamamahala, sapagkat hindi sila nababahala sa gayong mga bagay, at sa halip ay inaalala nila ang kanilang sariling kinabukasan at hantungan. Kahit ano ang Aking sabihin, nananatiling walang malasakit ang mga tao sa gawaing Aking ginagawa, sa halip ay buong-puso silang nakatuon sa kanilang mga hantungan sa hinaharap. Kung ang mga bagay-bagay ay magpapatuloy sa ganitong paraan, paano mapalalaganap ang Aking gawain? Paano maipapangaral ang Aking ebanghelyo sa buong mundo? Dapat ninyong malaman na kapag ang Aking gawain ay lumaganap, ikakalat Ko kayo, at hahampasin Ko kayo, gaya ng paghampas ni Jehova sa bawat tribo ng Israel. Ang lahat ng ito ay gagawin upang lumaganap ang Aking ebanghelyo sa buong daigdig, para ang Aking gawain ay lumaganap sa mga bayan ng Hentil, nang sa gayon ay magbibigay-daan sa Aking pangalan na madakila sa gitna ng kapwa matatanda at mga bata, at mapuri ang Aking banal na pangalan sa bibig ng mga tao mula sa lahat ng lahi at bansa. Sa huling kapanahunang ito, hayaan ang Aking pangalan na madakila sa gitna ng mga bayan ng Hentil, hayaan ang mga gawa Ko na makita ng mga tao ng mga bayan ng Hentil, hayaan silang tawagin Akong ang Makapangyarihan sa lahat dahil sa Aking mga gawa, at hayaan ang Aking mga salita na matupad sa lalong madaling panahon. Ipaaalam Ko sa lahat ng tao na hindi lamang Ako Diyos ng mga Israelita, kundi ang Diyos din ng mga tao ng lahat ng bayan ng Hentil, kahit na iyong mga bayan na Aking isinumpa. Ipapakita Ko sa lahat ng tao na Ako ang Diyos ng lahat ng nilikha. Ito ang Aking pinakadakilang gawain, ang layunin ng Aking plano ng gawain para sa mga huling araw, at ang tanging gawain na nilalayon Kong isakatuparan sa mga huling araw.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Gawain ng Pagpapalaganap ng Ebanghelyo ay ang Gawain Din ng Pagliligtas sa Tao

Marahil, kapag naipaalam na sa sangkatauhan ang palaisipan ng tatlong yugto ng gawain, sunod-sunod na lilitaw ang isang grupo ng mga taong may talento na nakakakilala sa Diyos. Siyempre pa, sana ay gayon nga, at, bukod pa riyan, nasa proseso Ako ng pagsasakatuparan ng gawaing ito. Inaasam Kong makita ang paglitaw ng mas maraming gayong tao na may talento sa nalalapit na hinaharap, at umaasa Ako na maging mga saksi sila sa katunayan ng tatlong yugtong ito ng gawain—na siyempre pa ay nangangahulugan na sila ang unang magpapatotoo sa tatlong yugtong ito ng gawain. Ngunit wala nang iba pang mas nakakalungkot at nakakahinayang kaysa kung hindi lumitaw ang gayong mga taong may talento sa araw ng pagtatapos ng gawain ng Diyos, o kung mayroon lamang isa o dalawang ganoong tao, at sila ang mga personal na tumanggap na magawang perpekto ng Diyos na nagkatawang-tao. Gayumpaman, ito lamang ang pinakamalalang senaryo. Anuman ang mangyari, inaasam Ko pa rin na matatamo ng mga tunay na naghahangad ang pagpapalang ito. Simula noong unang panahon, hindi pa nagkaroon ng gawaing tulad nito kailanman; ang gayong malaking gawain ay hindi pa nangyari sa kasaysayan ng pag-unlad ng tao kailanman. Kung talagang maaari kang maging isa sa mga unang nakakakilala sa Diyos, hindi ba’t ito ang pinakamataas na karangalan sa lahat ng nilikha? May iba pa bang nilikha sa sangkatauhan na mas sasang-ayunan ng Diyos? Ang gayong gawain ay hindi madaling matamo, ngunit sa huli ay magbubunga pa rin ito. Anuman ang kanilang kasarian o bansang pinagmulan, lahat ng may kakayahang magkamit ng pagkakilala sa Diyos ay magtataglay, sa huli, ng pinakamataas na karangalan ng Diyos, at sila lamang ang magtataglay ng awtoridad ng Diyos. Ito ang gawain ng kasalukuyan, at ito rin ang gawain ng hinaharap; ito ang huli at pinakamataas na gawaing isasakatuparan sa 6,000 taon ng gawain, at ito ay isang paraan ng paggawa na nagbubunyag sa bawat kategorya ng tao. Sa pamamagitan ng gawain ng pagdudulot na makilala ng tao ang Diyos, ibinubunyag ang mga ranggo ng lahat ng uri ng tao: Yaong mga nakakakilala sa Diyos ay kalipikadong tumanggap ng mga pagpapala ng Diyos at magmana ng Kanyang mga pangako, samantalang yaong mga hindi nakakakilala sa Diyos ay hindi kalipikadong tumanggap ng mga pagpapala ng Diyos at magmana ng Kanyang mga pangako. Yaong mga nakakakilala sa Diyos ay mga kaniig ng Diyos, at yaong mga hindi nakakakilala sa Diyos ay hindi matatawag na mga kaniig ng Diyos; ang mga kaniig ng Diyos ay maaaring tumanggap ng anuman sa mga pagpapala ng Diyos, ngunit yaong mga hindi Niya kaniig ay walang kakayahan sa anumang gawain. Mga kapighatian, pagpipino, o paghatol man ito, lahat ng bagay na ito ay para tulutan ang tao na makilala ang Diyos sa huli, at magpasakop sa Kanya. Ito ang tanging epektong makakamtan sa huli.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Pag-alam sa Tatlong Yugto ng Gawain ng Diyos ang Landas Tungo sa Pagkakilala sa Diyos

Kapag malapit nang magwakas ang buong pamamahala ng Diyos, ibubukod-bukod ng Diyos ang lahat ng bagay ayon sa uri ng mga ito. Ang tao ay ginawa ng mga kamay ng Lumikha, at sa huli ay kailangan Niyang ganap na ibalik ang tao sa ilalim ng Kanyang kapamahalaan; ito ang katapusan ng tatlong yugto ng gawain. Ang yugto ng gawain sa mga huling araw, at ang naunang dalawang yugto sa Israel at Judea, ay plano ng pamamahala ng Diyos sa buong sansinukob. Walang sinumang makapagkakaila nito, at ito ang katunayan ng gawain ng Diyos. Bagama’t hindi pa naranasan o nasaksihan ng mga tao ang marami sa gawaing ito, ang mga katunayan ay mga katunayan pa rin, at hindi ito maikakaila ng sinumang tao. Tatanggapin ng lahat ng taong nananampalataya sa Diyos sa bawat lugar sa loob ng sansinukob ang tatlong yugto ng gawain. Kung isang partikular na yugto lamang ng gawain ang alam mo, at hindi mo nauunawaan ang dalawa pang yugto ng gawain, hindi mo nauunawaan ang gawain ng Diyos noong nakalipas na mga panahon, hindi mo masasabi ang buong katotohanan ng buong plano ng pamamahala ng Diyos, at isang panig lamang ang iyong pagkakilala sa Diyos, sapagkat sa iyong pananampalataya sa Diyos, hindi mo Siya kilala o nauunawaan, at kaya hindi ka kalipikado na maging tagapagpatotoo ng Diyos. Malalim man o mababaw ang iyong kasalukuyang kaalaman tungkol sa mga bagay na ito, sa huli, kailangan ninyong lahat na magkaroon ng kaalaman, at kailangang lubos kayong makumbinsi, at ang lahat ng tao ay makakikita sa kabuuan ng gawain ng Diyos at magpapasakop sa ilalim ng kapamahalaan ng Diyos. Sa pagtatapos ng gawaing ito, lahat ng relihiyon ay magiging isa, lahat ng nilikha ay babalik sa ilalim ng kapamahalaan ng Lumikha, lahat ng nilikha ay sasamba sa nag-iisang tunay na Diyos, at lahat ng masamang relihiyon ay mauuwi sa wala, hindi na muling lilitaw kailanman.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Pag-alam sa Tatlong Yugto ng Gawain ng Diyos ang Landas Tungo sa Pagkakilala sa Diyos

Nilikha ng Diyos ang mga tao, inilagay Niya sila sa lupa at inaakay sila magmula noon, kalaunan, iniligtas Niya sila at nagsilbi Siya bilang isang handog para sa kasalanan para sa sangkatauhan, at sa katapusan, dapat pa rin Niyang lupigin ang sangkatauhan, ganap na iligtas ang sangkatauhan, at ibalik ang tao sa kanyang orihinal na wangis. Ito ang gawaing isinasagawa Niya mula sa simula hanggang sa wakas—ang pagpapanumbalik sa tao sa orihinal nitong imahe at wangis. Itatatag ng Diyos ang kaharian Niya at ipapanumbalik ang orihinal na wangis ng tao, na nangangahulugang ipapanumbalik ng Diyos ang awtoridad Niya sa lupa at sa gitna ng lahat ng nilikha. Matapos gawing tiwali ni Satanas, nawala sa mga tao ang may-takot-sa-Diyos nilang puso gayundin ang papel na nararapat na mayroon ang mga nilikha. Lahat sila ay naging mga kaaway na mapaghimagsik laban sa Diyos, nabuhay sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas, at napailalim sa pagmamanipula ni Satanas; sa gayon, walang paraan ang Diyos upang gumawa sa gitna ng mga nilikha Niya, at lalong hindi Niya makamit ang takot ng mga ito. Ang tao ay nilikha ng Diyos, at dapat sumamba sa Diyos, ngunit ang totoo ay tinalikuran niya ang Diyos at sa halip ay sumamba siya kay Satanas. Naging diyos-diyosan si Satanas sa kanyang puso. Sa gayon, nawalan ang Diyos ng lugar sa kanyang puso, na ang ibig sabihin ay nawala ang kahulugan sa likod ng paglikha ng Diyos sa tao. Samakatwid, upang mapanumbalik ang kahulugan sa likod ng paglikha Niya sa tao, dapat Niyang maipanumbalik ang orihinal niyang wangis at tanggalin sa tao ang kanyang mga tiwaling disposisyon. Upang mabawi ang tao mula kay Satanas, dapat siyang iligtas ng Diyos mula sa kasalanan. Tanging sa ganitong paraan unti-unting maipapanumbalik ng Diyos ang orihinal niyang wangis at papel, at sa wakas, ay mapapanumbalik ang kaharian ng Diyos. Ang ganap na pagkalipol ng yaong mga anak ng paghihimagsik sa huli ay magiging para din sa kapakanan ng pagtutulot sa tao na sambahin nang mas mabuti ang Diyos at mabuhay sa lupa nang mas maayos. Yamang nilikha ng Diyos ang mga tao, idudulot Niya na sumamba sila sa Kanya; yamang ninanais Niyang mapanumbalik ang orihinal na papel ng tao, ganap Niya itong panunumbalikin, at nang walang anumang halo. Ang pagpapanumbalik ng awtoridad Niya ay nangangahulugan ng pagdulot na sumamba at magpasakop ang tao sa Kanya; nangangahulugan ito na gagawin ng Diyos na mabuhay ang tao nang dahil sa Kanya at magdulot na malipol ang mga kaaway Niya bilang bunga ng Kanyang awtoridad. Nangangahulugan ito na idudulot ng Diyos na mamalagi sa gitna ng mga tao ang lahat ng tungkol sa Kanya nang walang paglaban mula kahit kanino. Ang kahariang ninanais itatag ng Diyos ay ang sarili Niyang kaharian. Ang sangkatauhang ninanais Niya ay yaong sumasamba sa Kanya, yaong ganap na nagpapasakop sa Kanya at nagtataglay ng kaluwalhatian Niya. Kung hindi ililigtas ng Diyos ang tiwaling sangkatauhan, mawawala ang kahulugan sa likod ng paglikha Niya sa tao; mawawalan na Siya ng awtoridad sa mga tao, at hindi na magagawang umiral sa lupa ang kaharian Niya. Kung hindi lilipulin ng Diyos yaong mga kaaway na mapaghimagsik laban sa Kanya, hindi Niya magagawang makamit ang ganap Niyang kaluwalhatian, at hindi rin Niya magagawang itatag ang kaharian Niya sa lupa. Ang ganap na lipulin iyong mga kabilang sa sangkatauhan na mapaghimagsik laban sa Kanya, at dalhin sa pamamahinga yaong mga nagawa nang ganap—ang mga ito ang magiging mga tanda ng pagtatapos ng gawain Niya at ng dakilang tagumpay Niya. Kapag napanumbalik na ang mga tao sa orihinal nilang wangis, at kapag kaya na nilang tuparin ang kani-kanilang mga tungkulin, manatili sa sarili nilang mga wastong kinalalagyan, at magpasakop sa lahat ng pagsasaayos ng Diyos, nakamit na ng Diyos ang isang grupo ng mga tao sa lupa na sumasamba sa Kanya, at naitatag na rin Niya ang isang kaharian sa lupa na sumasamba sa Kanya. Magkakaroon Siya ng walang hanggang tagumpay sa lupa, at ang lahat ng sumasalungat sa Kanya ay masasawi magpasawalang hanggan. Panunumbalikin nito ang orihinal Niyang layunin sa paglikha sa tao; panunumbalikin nito ang layunin Niya sa paglikha ng lahat ng bagay, at panunumbalikin din nito ang awtoridad Niya sa lupa, sa gitna ng lahat ng bagay, at sa gitna ng mga kaaway Niya. Ang mga ito ang magiging mga tanda ng ganap Niyang tagumpay. Magmula sa oras na iyon, papasok ang sangkatauhan sa pamamahinga at sisimulan ang buhay na nasa tamang landas. Papasok din sa walang hanggang pamamahinga ang Diyos kasama ang sangkatauhan, at magsisimula ng isang walang hanggang buhay na kapwa pagsasaluhan Niya at ng mga tao. Naglaho na ang dumi at paghihimagsik sa lupa, at humupa na ang lahat ng pagtangis, at tumigil na sa pag-iral ang lahat ng nasa daigdig na ito na sumasalungat sa Diyos. Tanging ang Diyos at yaong mga taong hinatiran Niya ng kaligtasan ang mananatili; tanging ang nilikha Niya ang mananatili.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Diyos at ang Tao ay Magkasamang Papasok sa Pamamahinga

Isinagawa ng Diyos ang Kanyang anim na libong taon ng gawain hanggang sa kasalukuyang panahon, at ipinamalas ang marami sa Kanyang mga gawa, pangunahin upang talunin si Satanas at iligtas ang buong sangkatauhan. Sa pamamagitan ng pagkakataong ito, tinutulutan ng Diyos ang lahat ng bagay sa langit, lahat ng bagay sa lupa, lahat ng bagay sa loob ng karagatan, at maging ang bawat nilalang sa lupa, na makita ang Kanyang pagkamakapangyarihan-sa-lahat at ang lahat ng Kanyang mga gawa. Sa pamamagitan ng pagkakataong ito ng paggapi Niya kay Satanas, ipinapamalas Niya ang lahat ng Kanyang gawa sa tao, nang sa gayon ay purihin Siya ng tao at dakilain ang Kanyang karunungan sa paggapi kay Satanas. Ang lahat ng bagay sa lupa, sa langit, at sa loob ng mga karagatan ay nagbibigay ng kaluwalhatian sa Diyos, pumupuri sa Kanyang pagkamakapangyarihan-sa-lahat, pumupuri sa bawat isa sa Kanyang mga gawa, at isinisigaw ang Kanyang banal na pangalan. Ito ay patunay ng Kanyang paggapi kay Satanas; patunay ito ng Kanyang paglupig kay Satanas. Higit pa rito, patunay ito ng Kanyang pagliligtas sa sangkatauhan. Ang lahat ng nilikha ng Diyos ay nagbibigay ng kaluwalhatian sa Kanya, pinupuri Siya sa paggapi sa Kanyang kaaway at pagbabalik nang matagumpay, at dinadakila Siya bilang ang dakila at matagumpay na Hari. Ang Kanyang layunin ay hindi lamang para talunin si Satanas, kaya ang Kanyang gawain ay nagpatuloy nang anim na libong taon. Sa pamamagitan ng paggapi kay Satanas, inililigtas Niya ang sangkatauhan; sa pamamagitan ng paggapi kay Satanas, ipinapamalas Niya ang lahat ng Kanyang gawa at ang Kanyang buong kaluwalhatian. Siya ay magkakamit ng kaluwalhatian, at lahat ng pulutong ng mga anghel ay makikita ang lahat ng Kanyang kaluwalhatian. Ang mga sugo sa langit, mga tao sa lupa, at lahat ng Kanyang likha sa lupa ay makakakita sa kaluwalhatian ng Lumikha. Ito ang gawaing Kanyang ginagawa. Ang Kanyang mga likha sa langit at sa lupa ay makakasaksi lahat sa Kanyang kaluwalhatian, at babalik Siya nang matagumpay matapos Niyang lubos na talunin si Satanas, kasama ang buong sangkatauhan na pumupuri sa Kanya—ito ay isang gawain na nagkakamit ng dalawang layon nang sabay. Sa huli, ang buong sangkatauhan ay lulupigin Niya, at Kanyang lilipulin ang sinumang lalaban o maghihimagsik; sa madaling salita, lilipulin Niya ang lahat ng kay Satanas.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Dapat Mong Malaman Kung Paano Umunlad ang Buong Sangkatauhan Hanggang sa Kasalukuyang Araw

Ganito ang pamamahala ng Diyos: ipinapasa Niya ang sangkatauhan kay Satanas—isang sangkatauhang sadyang hindi nakakaalam kung ano ang Diyos, kung ano ang Lumikha, kung paano sambahin ang Diyos, o kung bakit nila kailangang magpasakop sa Diyos—at tinutulutan si Satanas na gawin silang tiwali ayon sa gusto nito; nang hakbang-hakbang, pagkatapos ay binabawi Niya sila mula sa mga kamay ni Satanas, hanggang sa lubos nilang sambahin ang Diyos at tanggihan si Satanas. Ito ang pamamahala ng Diyos. Maaaring para itong isang kuwentong kathang-isip, at maaaring tila nakakalito ito. Pakiramdam ng mga tao ay para itong isang kuwentong kathang-isip dahil wala silang kamalay-malay kung gaano na karami ang nangyari sa tao sa nakalipas na ilang libong taon, lalong hindi nila alam kung ilang kuwento na ang nangyari sa sansinukob at sa kalangitan. At higit pa riyan, ito ay dahil sadyang hindi makita ng kanilang mga mortal na mata ang mas kahanga-hanga at mas nakakatakot na mundong umiiral sa kabila ng materyal na mundo. Parang mahirap itong maunawaan para sa kanila dahil hindi nila nauunawaan ang kabuluhan ng pagliligtas ng Diyos sa sangkatauhan o ang kabuluhan ng Kanyang gawain ng pamamahala, at hindi nauunawaan kung anong uri ng sangkatauhan ang aktuwal na ninanais ng Diyos. Ito ba ay ang uri ng sangkatauhan na lubos na hindi natiwali ni Satanas, na kagaya nina Adan at Eba? Hindi! Ang layon ng pamamahala ng Diyos ay para makamit ang isang grupo ng mga tao na sumasamba sa Diyos at nagpapasakop sa Kanya. Bagama’t nagawa nang tiwali ni Satanas ang sangkatauhang ito, hindi na nila itinuturing si Satanas bilang kanilang ama; sa halip, nakikilala nila ang pangit na mukha ni Satanas at tinatanggihan ito, at humaharap sila sa Diyos upang tanggapin ang Kanyang paghatol at pagkastigo. Nalalaman nila ang pagkakaiba sa pagitan ng pangit at ng banal, at kinikilala nila ang kadakilaan ng Diyos at ang kasamaan ni Satanas. Ang isang sangkatauhang tulad nito ay hindi na magseserbisyo kay Satanas, o sasamba kay Satanas, o maglalagay kay Satanas sa altar. Ito ay dahil sila ay isang grupo ng mga tao na tunay nang nakamit ng Diyos. Ito ang kabuluhan ng gawain ng pamamahala ng Diyos sa sangkatauhan. Sa panahon ng gawain ng pamamahala na ito, ang sangkatauhan ang pakay ng pagtitiwali ni Satanas, at kasabay nito, ang sangkatauhan ang pakay ng pagliligtas ng Diyos, at ang produktong pinag-aagawan ng Diyos at ni Satanas. Habang ginagawa ng Diyos ang Kanyang gawain, hakbang-hakbang Niyang binabawi ang tao mula sa mga kamay ni Satanas, kaya nga ang tao ay lalo pang napapalapit sa Diyos …

…………

Ang pagmamahal at awa ng Diyos ay nanunuot sa bawat isang detalye ng Kanyang gawain ng pamamahala, at nauunawaan man o hindi ng mga tao ang masisidhing layunin ng Diyos, ginagawa Niya ang gawaing layon Niyang isakatuparan nang may hindi tumitigil na pagpupursigi. Gaano man nauunawaan ng mga tao ang pamamahala ng Diyos, maaaring maranasan ng lahat ang tulong at mga pakinabang na hatid ng gawain ng Diyos sa tao. Marahil, sa araw na ito, hindi mo pa nadama ang alinman sa pagmamahal o pagtustos ng buhay mula sa Diyos, ngunit hangga’t hindi mo iniiwan ang Diyos, at hindi mo isinusuko ang iyong determinasyong hangarin ang katotohanan, darating ang araw na magpapakita sa iyo ang nakangiting mukha ng Diyos. Sapagkat ang layunin ng gawain ng pamamahala ng Diyos ay para bawiin ang sangkatauhang nasa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas, hindi para abandonahin ang sangkatauhan, na nagawang tiwali ni Satanas at lumalaban sa Diyos.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Apendise 3: Maaari Lamang Maligtas ang Tao sa Gitna ng Pamamahala ng Diyos

Kaugnay na mga Himno

Ang Gawain ng Pamamahala sa Sangkatauhan ay ang Gawain ng Pagtalo kay Satanas

Ipapanumbalik ng Diyos ang Kahulugan ng Kanyang Paglikha ng Tao

Sinundan:  g. Ang layon at ang kabuluhan ng pagkakatawang-tao ng Diyos sa Tsina para magpakita at gumawa sa mga huling araw

Sumunod:  b. Ang kabuluhan ng bawat isa sa tatlong yugto ng gawain ng Diyos

Kaugnay na Nilalaman

Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos Ukol sa Pagkakilala sa Diyos Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw Paglalantad sa mga Anticristo Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ang Paghatol ay Nagsisimula sa Tahanan ng Diyos Mahahalagang Salita Mula sa Makapangyarihang Diyos, ang Cristo ng mga Huling Araw Araw-araw na mga Salita ng Diyos Ang mga Katotohanang Realidad na Dapat Pasukin ng mga Mananampalataya sa Diyos Sundan ang Kordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin Mga Gabay para sa Pagpapalaganap ng Ebanghelyo ng Kaharian Naririnig ng mga Tupa ng Diyos ang Tinig ng Diyos Makinig sa Tinig ng Diyos  Masdan ang Pagpapakita ng Diyos Mahahalagang Tanong at Sagot tungkol sa Ebanghelyo ng Kaharian Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume I) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume II) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume III) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IV) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume V) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VI) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VIII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IX) Paano Ako Bumalik sa Makapangyarihang Diyos

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito

Connect with us on Messenger