Lahat ng Taong Hindi Nakakakilala sa Diyos ay mga Taong Lumalaban sa Diyos

Ang pag-arok sa layunin ng gawain ng Diyos, sa mga resultang nilalayon ng Kanyang gawain na idulot sa mga tao, at kung ano ba talaga ang Kanyang mga layunin para sa mga tao, ay ang dapat makamit ng bawat isang sumusunod sa Diyos. Ang kaalaman tungkol sa gawain ng Diyos ang mismong kulang sa lahat ng tao ngayon. Ang ginawa ng Diyos sa mga tao, ang lahat ng gawain ng Diyos, at kung ano ba talaga ang mga layunin ng Diyos, mula sa paglikha ng mundo hanggang sa kasalukuyang panahon—hindi naaarok at hindi nauunawaan ng mga tao ang mga bagay na ito. Isa itong kakulangan na makikita hindi lang sa buong mundo ng relihiyon, kundi lalo na sa lahat ng nananampalataya sa Diyos. Kapag dumating ang araw na tunay mong makita ang Diyos, mapahalagahan ang Kanyang karunungan, makita ang lahat ng mga gawa ng Diyos, at makilala ang Kanyang pagiging Diyos at ang tinataglay Niya—kapag nakita mo na ang Kanyang kasaganaan, karunungan, pagiging kamangha-mangha, at ang lahat ng gawaing ginawa Niya sa mga tao—saka ka lang tunay na magtatagumpay sa pananampalataya sa Diyos. Kapag sinasabing ang Diyos ay sumasaklaw sa lahat at mayaman sa kasaganahan, sa anong paraan ba talaga Siya sumasaklaw sa lahat, at sa anong paraan Siya mayaman sa kasaganahan? Kung hindi mo ito nauunawaan, hindi ka maituturing na nananampalataya sa Diyos. Bakit Ko sinasabi na ang mga nasa mundo ng relihiyon ay hindi mga mananampalataya sa Diyos kundi mga taong gumagawa ng masama, kauri ng mga diyablo? Kapag sinasabi Kong mga tao silang gumagawa ng masama, ito ay dahil hindi nila nauunawaan ang mga layunin ng Diyos at hindi nila makita ang Kanyang karunungan. Hindi kailanman ibinubunyag ng Diyos ang Kanyang gawain sa kanila. Bulag silang lahat, at hindi nila makita ang mga gawa ng Diyos. Inabandona na sila ng Diyos, at ganap na walang pag-aaruga at proteksyon ng Diyos, lalong walang gawain ng Banal na Espiritu. Ang mga walang gawain ng Diyos ay pawang mga taong gumagawa ng masama at mga taong lumalaban sa Diyos. Ang mga taong tinutukoy Kong lumalaban sa Diyos ay ang mga hindi nakakakilala sa Diyos—iyong mga pasalitang kumikilala sa Diyos habang walang pagkakilala sa Kanya, ang mga sumusunod sa Diyos pero hindi nagpapasakop sa Kanya, ang mga nagtatamasa ng Kanyang biyaya pero hindi kayang manindigan sa kanilang patotoo para sa Kanya. Kung hindi nauunawaan ng isang tao ang layunin ng gawain ng Diyos at hindi nauunawaan ang gawaing ginagawa ng Diyos sa mga tao, hindi siya makaaayon sa mga layunin ng Diyos, at hindi makapaninindigan sa kanyang patotoo para sa Diyos. Ang dahilan kung bakit nilalabanan ng mga tao ang Diyos ay nagmumula, sa isang banda, sa mga tiwali nilang disposisyon; sa kabilang banda, ito ay dahil hindi nila kilala ang Diyos at hindi nila nauunawaan ang mga prinsipyo ng Kanyang paggawa o kung ano ang Kanyang mga layunin para sa mga tao. Ang dalawang aspektong ito, kapag pinagsama, ay bumubuo sa kasaysayan ng paglaban ng tao sa Diyos. Ang mga bago pa lang nananampalataya sa Diyos ay lumalaban sa Kanya dahil may kalikasan ang mga tao na lumalaban sa Diyos; para sa mga maraming taon nang nananampalataya sa Diyos, nilalabanan nila ang Diyos dahil hindi nila Siya kilala, at bukod pa roon ay mayroon silang mga tiwaling disposisyon. Sa panahon bago nagkatawang-tao ang Diyos, ang sukatan kung nilalabanan ng isang tao ang Diyos ay batay sa kung sumunod siya sa mga atas na itinakda ng Diyos sa langit. Sa Kapanahunan ng Kautusan, halimbawa, sinumang hindi sumunod sa mga kautusan ni Jehova ay lumalaban sa Diyos; sinumang nagnakaw ng mga handog kay Jehova, o lumaban sa mga tinrato ni Jehova nang may pabor, ay lumalaban sa Diyos at babatuhin hanggang sa mamatay; sinumang hindi gumalang sa kanyang mga magulang, o nanakit at nang-insulto ng ibang tao, ay sumusuway sa mga kautusan, at ang lahat ng hindi sumunod sa mga kautusan ni Jehova ay ang mga lumaban sa Kanya. Iba ang mga bagay-bagay sa Kapanahunan ng Biyaya, kung saan ang lahat ng lumaban kay Jesus ay ang mga lumaban sa Diyos, at ang lahat ng hindi nagpasakop sa mga salitang binigkas ni Jesus ay ang mga lumaban sa Diyos. Ang kahulugan ng “paglaban sa Diyos” sa panahong ito ay mas tumpak at praktikal. Bago nagkatawang-tao ang Diyos, ang sukatan kung nilalabanan ng isang tao ang Diyos ay batay sa kung sinamba at tiningala niya ang hindi nakikitang Diyos sa langit. Ang kahulugan ng “paglaban sa Diyos” sa panahong iyon ay hindi ganoon kapraktikal, dahil hindi makita ng mga tao ang Diyos, at hindi nila alam kung ano ba talaga ang wangis ng Diyos o kung paano ba talaga Siya gumawa at nagsalita. Walang anumang kuru-kuro ang mga tao tungkol sa Diyos, at nanampalataya sila sa Diyos mula sa kalagayan ng kalabuan, dahil hindi pa nagpapakita ang Diyos sa tao. Samakatwid, paano man nanampalataya ang mga tao sa Diyos batay sa kanilang mga imahinasyon, hindi sila kinondena ng Diyos o hindi Siya humingi ng masyadong matataas na kahilingan sa kanila, dahil ganap na hindi nila makita ang Diyos. Kapag nagkakatawang-tao ang Diyos at pumaparito para gumawa sa gitna ng mga tao, nakikita Siya ng lahat at naririnig ang Kanyang mga salita, at nakikita ang mga gawa ng Diyos sa katawang-tao, kung kailan ang mga kuru-kuro ng lahat ay agad na pumuputok na parang mga bula. Para sa mga nakakakita sa Diyos na nagpapakita sa katawang-tao, hindi sila kokondenahin kung sinasadya nilang magpasakop sa Kanya, samantalang ang mga sadyang lumalaban sa Kanya ay tutukuyin bilang mga taong lumalaban sa Diyos. Ang gayong mga tao ay mga anticristo, mga kaaway na sadyang lumalaban sa Diyos. Ang mga nagkikimkim ng mga kuru-kuro tungkol sa Diyos pero kusa pa ring nagpapasakop sa Kanya ay hindi kokondenahin. Kinokondena ng Diyos ang mga tao batay sa kanilang mga intensiyon at sa mga bagay na ginagawa nila, hindi dahil sa kanilang mga kaisipan at ideya. Kung kokondenahin Niya ang mga tao batay sa kanilang mga kaisipan at ideya, wala ni isang tao ang makakatakas sa galit na mga kamay ng Diyos. Ang mga sadyang lumalaban sa nagkatawang-taong Diyos ay parurusahan dahil sa kanilang pagsuway. Ang paglaban ng mga taong ito ay nagmumula sa mga kuru-kuro na kinikimkim nila tungkol sa Diyos, na nag-uudyok sa kanila na gumawa ng mga bagay na gumugulo sa gawain ng Diyos. Ang lahat ng gayong tao ay sadyang lumalaban at nagtatangkang wasakin ang gawain ng Diyos. Hindi lang sila may mga kuru-kuro tungkol sa Diyos—nakikibahagi rin sila sa mga aktibidad na gumugulo sa Kanyang gawain, at dahil dito ay kinokondena sila. Ang mga hindi sadyang gumugulo sa gawain ng Diyos ay hindi kokondenahin bilang mga makasalanan, dahil kaya nilang sadyang magpasakop at hindi gumawa ng mga bagay na nagdudulot ng mga paggambala at panggugulo. Ang mga taong tulad nito ay hindi kokondenahin. Gayumpaman, kapag naranasan na ng isang tao ang gawain ng Diyos sa loob ng maraming taon habang mayroon pa ring mga kuru-kuro tungkol sa Kanya at walang kakayahang makilala ang gawain ng nagkatawang-taong Diyos, at puno pa rin siya ng mga kuru-kuro tungkol sa Diyos at walang kakayahang makilala ang Diyos kahit ilang taon na niyang naranasan ang gawain ng Diyos, ang kanyang puso ay puno ng mga kuru-kuro tungkol sa Diyos kahit na hindi naman siya nakagawa ng anumang bagay na nagdudulot ng mga panggugulo—at, bagama’t maaaring hindi maging halata ang mga kuru-kurong ito, ang taong ito ay walang anumang naitutulong sa gawain ng Diyos, walang kakayahang ipangaral ang ebanghelyo para sa Diyos o manindigan sa kanyang patotoo para sa Diyos—nangangahulugan iyon na siya ay walang silbi at isang malaking hangal. Dahil hindi niya kilala ang Diyos at bukod pa roon ay ganap na wala siyang kakayahang bitiwan ang kanyang mga kuru-kuro tungkol sa Diyos, siya ay kinokondena. Masasabi ito sa ganitong paraan: Normal lang para sa mga bago pa lang nagsimulang manampalataya sa Diyos na magkaroon ng mga kuru-kuro tungkol sa Kanya o na hindi Siya makilala, pero kung ang isang tao ay maraming taon nang nananampalataya sa Diyos at nakaranas na ng malaking bahagi ng gawain ng Diyos, at gayumpaman ay mayroon pa ring mga kuru-kuro tungkol sa Diyos, hindi iyon normal, at lalo pang hindi normal kung wala siyang anumang kaalaman tungkol sa Diyos. Dahil hindi ito isang normal na kalagayan, siya ay kinokondena. Ang mga hindi normal na taong ito ay pawang walang silbi; sila ang mga pinakalumalaban sa Diyos at ang mga nagtamasa ng biyaya ng Diyos nang walang saysay. Ang lahat ng gayong tao ay ititiwalag sa huli!

Ang mga hindi nakakaunawa sa layunin ng gawain ng Diyos ay ang mga lumalaban sa Diyos. Lalo itong totoo para sa mga nakakaunawa sa layunin ng gawain ng Diyos pero hindi hinahangad na palugdan Siya. May mga nagbabasa ng Bibliya sa malalaking simbahan at nagbibigkas ng mga sipi buong araw, pero wala ni isa man sa kanila ang nakakaunawa sa layunin ng gawain ng Diyos, ni wala rin sa kanila ang nakakakilala sa Diyos—lalong walang sinumang makaaayon sa mga layunin ng Diyos. Silang lahat ay mga walang kuwenta at ubod ng samang tao, na nagmamataas para pangaralan ang “Diyos.” Sila ay mga taong kumikilos sa ilalim ng bandera ng Diyos pero sadyang lumalaban sa Diyos, na nagdadala ng tatak ng pananampalataya sa Diyos habang kumakain ng laman at umiinom ng dugo ng tao. Ang lahat ng gayong tao ay masasamang diyablo na lumalamon sa mga kaluluwa ng tao, mga punong demonyo na sadyang nanggugulo sa mga tao mula sa pagtahak sa tamang landas, at mga balakid na humahadlang sa mga tao sa paghahanap sa Diyos. Maaaring mukhang “matipuno ang pangangatawan” nila, pero paano malalaman ng mga tagasunod nila na sila ay mga anticristo na umaakay sa mga tao para lumaban sa Diyos? Paano malalaman ng mga tagasunod nila na sila ay mga buhay na diyablo na nakatuon sa paglamon ng mga kaluluwa ng tao? Ang mga naniniwalang marangal sila sa presensya ng Diyos ay ang pinakahamak sa lahat, samantalang ang mga nag-iisip na hamak sila ay ang pinakamararangal. At ang mga nag-aakalang alam nila ang gawain ng Diyos at na kaya nilang iproklama ang Kanyang gawain sa iba nang walang pagpipigil habang nakatingin sila sa Kanya ay ang mga pinakamangmang sa lahat. Ang gayong mga tao ay walang patotoo sa Diyos, at pawang mapagmataas at palalo. Ang mga naniniwalang napakakaunti ng alam nila tungkol sa Diyos pero sa katunayan ay mayroong praktikal na karanasan at praktikal na pagkakilala sa Diyos ay ang mga pinakamamahal Niya. Tanging ang gayong mga tao ang tunay na may patotoo at tunay na may kakayahang maperpekto ng Diyos. Ang mga hindi nakakaunawa sa mga layunin ng Diyos ay ang mga lumalaban sa Diyos. Ang mga nakakaunawa sa mga layunin ng Diyos pero hindi isinasagawa ang katotohanan ay ang mga lumalaban sa Diyos. Ang mga kumakain at umiinom ng mga salita ng Diyos, pero sumasalungat sa diwa ng mga salita ng Diyos, ay ang mga lumalaban sa Diyos. Ang mga may kuru-kuro tungkol sa nagkatawang-taong Diyos, at bukod pa roon ay sadyang gumagawa ng paghihimagsik, ay ang mga lumalaban sa Diyos. Ang mga humuhusga sa Diyos ay ang mga lumalaban sa Diyos. At sinumang walang kakayahang makilala ang Diyos at hindi makapagpatotoo sa Kanya ay isang taong lumalaban sa Diyos. Kaya, hinihikayat Ko kayo: Kung talagang mayroon kayong pananalig na tahakin ang landas na ito, patuloy kayong sumunod. Pero kung hindi ninyo kayang pigilan ang paglaban sa Diyos, mas mabuti pang lumayo na kayo bago pa maging huli ang lahat, kung hindi ay talagang hindi magiging maganda ang kahihinatnan ninyo, dahil sadyang napakatiwali ng inyong kalikasan. Wala kayong katapatan, walang pagpapasakop, walang pusong nauuhaw sa katuwiran at katotohanan, at walang pagmamahal sa Diyos. Masasabing ang inyong kalagayan sa harap ng Diyos ay, sa diwa, napakagulo. Hindi ninyo kayang sundin ang dapat ninyong sundin, hindi kayang sabihin ang dapat ninyong sabihin, hindi kayang isagawa ang dapat ninyong isagawa, at hindi kayang gampanan ang tungkuling dapat ninyong gampanan; wala kayong katapatang dapat na mayroon kayo, ng konsensiyang dapat na mayroon kayo, ng pagpapasakop na dapat na mayroon kayo, o ng determinasyong dapat na mayroon kayo; hindi ninyo tiniis ang pagdurusang dapat ay tiniis ninyo, at wala rin kayong pananalig na dapat ay mayroon kayo. Halos wala na kayong anumang merito. Hindi ba kayo nahihiyang patuloy na mabuhay? Pinapayuhan Ko kayo na mas mabuti pang ipikit na ninyo ang inyong mga mata sa walang-hanggang pamamahinga sa lalong madaling panahon, at sa gayon ay hindi na mag-alala ang Diyos dahil sa inyo at magdusa alang-alang sa inyo. Nananampalataya kayo sa Diyos pero hindi ninyo nauunawaan ang Kanyang mga layunin; kumakain at umiinom kayo ng mga salita ng Diyos pero hindi ninyo kayang sumunod sa mga hinihingi ng Diyos sa tao. Nananampalataya kayo sa Diyos pero hindi ninyo Siya kilala, at nabubuhay kayo nang walang layong pagsusumikapan, nang walang anumang halaga o anumang kabuluhan. Tao kayo pero wala kayong konsensiya, integridad, o kredibilidad kahit katiting—matatawag pa ba ninyong tao ang inyong mga sarili? Nananampalataya kayo sa Diyos pero nililinlang ninyo Siya; nag-iimbot pa nga kayo sa pera ng Diyos at kinakain ang mga handog na iniaalay sa Kanya. Pero sa huli ay nabibigo pa rin kayong magpakita ng kahit katiting na pagsasaalang-alang sa mga damdamin ng Diyos o ng kahit kaunting konsensiya sa Kanya. Hindi man lang ninyo kayang tugunan ang isang maliit na hinihingi ng Diyos. Matatawag pa ba ninyong tao ang inyong mga sarili? Kinakain ninyo ang pagkaing ibinibigay sa inyo ng Diyos, nilalanghap ang oksihenong ibinibigay Niya sa inyo, at tinatamasa ang Kanyang biyaya, pero sa huli ay wala kayong kahit katiting na pagkakilala sa Diyos. Sa kabaligtaran, naging mga walang silbi kayo na lumalaban sa Diyos. Hindi ba’t ginagawa kayo nitong mga hayop na hindi man lang maikukumpara sa isang aso? Sa mga hayop, mayroon pa bang mas mapaminsala kaysa sa inyo?

Ang mga pastor at elder na iyon na nasa mataas na posisyon na nanenermon ng iba ay ang mga lumalaban sa Diyos; silang lahat ay mga kaalyado ni Satanas. Para naman sa inyo na nanenermon ng iba habang wala sa mataas na posisyon, hindi ba’t mas lalo kayong lumalaban sa Diyos? Hindi ba’t mas lalo kayong kasabwat ni Satanas? Ang mga hindi nakakaunawa sa layunin ng gawain ng Diyos ay hindi nakakaalam kung paano umayon sa mga layunin ng Diyos. Totoo rin kaya ito para sa mga nakakaunawa sa layunin ng Kanyang gawain? Ang gawain ng Diyos ay hindi kailanman nagkakamali; sa halip, ang problema ay nasa paghahangad ng mga tao. Hindi ba’t ang mga buktot na iyon na sadyang lumalaban sa Diyos ay mas lihim na mapanira at mapaminsala kaysa sa mga pastor at elder na iyon? Marami ang mga lumalaban sa Diyos, pero sa kanila ay marami ring iba’t ibang kalagayan ng paglaban sa Diyos. Kung paanong mayroong lahat ng uri ng mga mananampalataya, gayundin ay mayroong lahat ng uri ng mga lumalaban sa Diyos, na ang bawat isa ay naiiba sa iba. Wala ni isa man sa mga nabibigong malinaw na makilala ang layunin ng gawain ng Diyos ang maaaring maligtas. Paano man lumaban sa Diyos ang isang tao noon, kapag naunawaan niya ang layunin ng gawain ng Diyos at nagawa niyang magsumikap na palugdan ang Diyos, papawiin ng Diyos ang lahat ng dati niyang kasalanan. Hangga’t kaya ng isang tao na hanapin at isagawa ang katotohanan, hindi tatandaan ng Diyos ang lahat ng nagawa niya. Bukod pa rito, itinuturing ng Diyos na nakaaayon sa katuwiran ang mga tao depende sa kung kaya nilang isagawa ang katotohanan. Ito ang katuwiran ng Diyos. Bago makita ng isang tao ang Diyos o maranasan ang Kanyang gawain, paano man niya tinrato ang Diyos, hindi Niya ito tinatandaan. Gayumpaman, sa sandaling makita ng isang tao ang Diyos at maranasan ang Kanyang gawain, ang lahat ng kanyang gawa at kilos ay itatala ng Diyos sa “mga talaan,” dahil nakita niya ang Diyos at namuhay siya sa gitna ng Kanyang gawain.

Kapag tunay nang nakita ng isang tao ang mga tinataglay ng Diyos at ang Kanyang pagiging Diyos, namasdan ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, at tunay na nakilala ang gawain ng Diyos—at, bukod pa rito, kapag nabago ang kanyang lumang disposisyon—ganap na niyang maiwawaksi ang kanyang mapaghimagsik na disposisyon na lumalaban sa Diyos. Masasabi ito sa ganitong paraan: Ang lahat ay lumaban sa Diyos, at ang lahat ay naghimagsik laban sa Diyos. Gayumpaman, kung kaya mong sadyang magpasakop sa nagkatawang-taong Diyos, at mula sa puntong ito ay palugdan ang puso ng Diyos gamit ang iyong katapatan, isagawa ang katotohanang dapat mong isagawa, gampanan ang tungkuling dapat mong gampanan, at sumunod sa mga regulasyong dapat mong sundin, kung gayon ikaw ay isang taong handang iwaksi ang iyong paghihimagsik para palugdan ang Diyos at isang taong maaaring maperpekto ng Diyos. Kung matigas ang ulo mo sa pagpupursigi sa iyong mga maling paraan, nang walang pagsisisi sa iyong puso, at ipagpapatuloy mo ang iyong mapaghimagsik na asal nang walang kahit katiting na intensiyong makipagtulungan sa Diyos at palugdan Siya, kung gayon, ang isang matigas ang ulo at hindi na mababagong tao na tulad mo ay itatakdang parusahan, at itatakda bilang isang taong hindi gagawing perpekto ng Diyos. Kung mangyayari ito, ikaw ang magiging kaaway ng Diyos ngayon at kaaway rin ng Diyos bukas, at mananatiling kaaway ng Diyos sa susunod na araw—ikaw ay magiging isang taong lumalaban sa Diyos magpakailanman, isang kaaway ng Diyos. Paano ka pa kaya palalampasin ng Diyos kung gayon? May kalikasan ang mga tao na lumalaban sa Diyos, pero hindi nila dapat sadyang hanapin ang “sikreto” ng paglaban sa Diyos dahil napakahirap baguhin ang kalikasan ng isang tao. Kung susubukan mo ito, mas mabuti pang lumayo ka na bago pa maging huli ang lahat, para hindi maging mas matindi ang pagkastigo sa iyo sa hinaharap, at para hindi bumulalas at maging hindi masupil ang iyong malahalimaw na kalikasan, at sa huli ay hindi wakasan ng Diyos ang iyong laman. Nananampalataya ka sa Diyos para tumanggap ng mga pagpapala; pero kung sa huli ay hahantong ka sa kapahamakan, talagang hindi naging sulit ang pananampalataya mo. Hinihikayat Ko kayo, mas mabuti pang umisip kayo ng ibang plano. Hindi ba’t mas mabuti para sa inyo na gumawa ng kahit anong ibang bagay kaysa sa manampalataya sa Diyos? Naniniwala ba talaga kayo na ito ang tanging landas para sa inyo? Hindi ba’t patuloy kayong mabubuhay kahit hindi ninyo hinahanap ang katotohanan? Bakit ninyo kinakalaban ang Diyos nang ganito?

Sinundan:  Ang Manatiling Hindi Nagbabago sa Disposisyon ay Pagiging Kaaway ng Diyos

Sumunod:  Gawain at Pagpasok (1)

Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos Ukol sa Pagkakilala sa Diyos Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw Paglalantad sa mga Anticristo Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ang Paghatol ay Nagsisimula sa Tahanan ng Diyos Mahahalagang Salita Mula sa Makapangyarihang Diyos, ang Cristo ng mga Huling Araw Araw-araw na mga Salita ng Diyos Ang Mga Katotohanang Realidad na Dapat Pasukin ng mga Mananampalataya sa Diyos Sundan ang Kordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin Mga Gabay para sa Pagpapalaganap ng Ebanghelyo ng Kaharian Naririnig ng mga Tupa ng Diyos ang Tinig ng Diyos Makinig sa Tinig ng Diyos  Masdan ang Pagpapakita ng Diyos Mahahalagang Tanong at Sagot tungkol sa Ebanghelyo ng Kaharian Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume I) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume II) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume III) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IV) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume V) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VI) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VIII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IX) Paano Ako Bumalik sa Makapangyarihang Diyos

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito

Connect with us on Messenger