Ang Manatiling Hindi Nagbabago sa Disposisyon ay Pagiging Kaaway ng Diyos

Sa loob ng ilang libong taon ng katiwalian, ang mga tao ay pawang naging manhid at mapurol ang isip; silang lahat ay naging masasamang demonyo na sumasalungat sa Diyos, hanggang sa punto na ang kanilang paghihimagsik laban sa Diyos ay naisulat sa mga talaan ng kasaysayan, at na maging ang mga tao mismo ay hindi kayang magbigay ng buong salaysay ng kanilang mapaghimagsik na pag-uugali—sapagkat sila ay malalim na ginawang tiwali ni Satanas, at iniligaw ni Satanas kung kaya’t hindi na nila alam kung saan babaling. Kahit ngayon, ipinagkakanulo pa rin ng mga tao ang Diyos. Kapag nakikita nila ang Diyos, ipinagkakanulo nila Siya, at kapag hindi nila nakikita ang Diyos, ipinagkakanulo rin nila Siya. Mayroon pa ngang mga taong, matapos masaksihan ang mga sumpa ng Diyos at ang Kanyang poot, nagkakanulo pa rin sa Kanya. Kaya sinasabi Ko na ang katwiran ng tao ay nawalan na ng orihinal nitong silbi, at na ang konsensiya ng tao ay nawalan na rin ng orihinal nitong silbi. Sa Aking mga mata, ang mga tao ay pawang mga hayop na nakadamit-tao at makamandag na mga ahas. Gaano man kakaawa-awa nila subukang magpakita sa harap ng Aking mga mata, hindi Ako kailanman magiging mahabagin sa kanila, sapagkat wala silang anumang pagkaarok sa pagkakaiba ng itim at puti, at walang sinuman sa kanila ang nakauunawa sa pagkakaiba ng katotohanan at ng hindi katotohanan. Ang kanilang katwiran ay napakamanhid, ngunit nagnanais pa rin silang magtamo ng mga pagpapala; ang kanilang pagkatao ay napakahamak, ngunit nagnanais pa rin silang mamuno bilang mga hari at humawak ng kapangyarihan. Sino ang maaari nilang pagharian, nang may gayong katwiran? Paano sila makakaupo sa mga trono nang may gayong pagkatao? Ang mga tao ay tunay na walang kahihiyan! Sila ay mga walang-kwenta na labis ang pagtingin sa sarili! Iminumungkahi Ko na kayong nagnanais na magtamo ng mga pagpapala ay humanap muna ng salamin at tingnan ninyo ang sarili ninyong pangit na repleksiyon. Mayroon ka ba ng kinakailangan para maging isang hari? Mayroon ka ba ng mga katangian ng mukha ng isang makatatanggap ng mga pagpapala? Walang kahit katiting na pagbabago sa iyong disposisyon at hindi mo naisagawa ang anumang katotohanan, ngunit nagnanais ka pa rin ng isang napakagandang bukas. Isa itong ganap na kahibangan! Ang tao, na isinilang sa gayong napakaruming lupain, ay labis nang nahawaan ng lipunan, nakondisyon na siya ng mga etikang piyudal, at natanggap niya ang edukasyon ng “mga institusyon ng mas mataas na pag-aaral.” Ang kaisipang paurong, tiwaling moralidad, mababang-uring pananaw sa buhay, kasuklam-suklam na pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo, lubos na walang halagang pag-iral, at mga mababang-uring kaugalian at pang-araw-araw na buhay—lubhang nanghihimasok na sa puso ng tao ang lahat ng mga bagay na ito, at lubhang pinipinsala at inaatake ang kanyang konsensiya. Bilang resulta, mas lalong lumalayo ang tao mula sa Diyos, at mas lalong nagiging laban sa Kanya. Lalong nagiging mas walang awa ang disposisyon ng tao sa bawat araw, at wala ni isang tao ang nagkukusang isuko ang anumang bagay para sa Diyos, wala ni isang tao ang nagkukusang magpasakop sa Diyos, at lalong wala ni isang taong nagkukusang hanapin ang pagpapakita ng Diyos. Sa halip, hinahangad ng tao ang kasiyahan hangga’t gusto niya sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas, at walang pakundangang ginagawang tiwali ang kanyang laman sa putikan. Marinig man nila ang katotohanan, walang pagnanais ang mga nananahan sa kadiliman na isagawa ito, at wala silang hilig na maghanap kahit na nakikita nilang nagpakita na ang Diyos. Paanong magkakaroon ng anumang puwang sa kaligtasan ang isang tiwaling sangkatauhang tulad nito? Paano mabubuhay sa liwanag ang isang bulok na sangkatauhang tulad nito?

Ang pagbabago ng disposisyon ng tao ay dapat na magsimula sa pagkakilala sa kanyang diwa at sa pamamagitan ng mga pagbabago sa kanyang pag-iisip, kalikasan, at pangkaisipang pananaw—sa pamamagitan ng mga pundamental na pagbabago. Sa ganitong paraan lamang makakamtan ang mga tunay na pagbabago sa disposisyon ng tao. Ang pinag-ugatan ng mga tiwaling disposisyon na lumilitaw sa tao ay ang panlilihis, pagtitiwali, at panlalason ni Satanas. Ang tao ay iginapos at kinontrol ni Satanas, at ang kanyang pag-iisip, moralidad, kabatiran, at katwiran ay pawang labis na pininsala ni Satanas. Sumasalungat ang tao sa Diyos at hindi matanggap ang katotohanan dahil mismo nagawa nang tiwali ni Satanas ang mga pundamental na bagay ng tao, at lubhang hindi na katulad ng orihinal na pagkakalikha ng Diyos sa kanila. Sa gayon, para magkaroon ng mga pagbabago sa disposisyon ng tao, ang unang dapat gawin ay baguhin ang kanyang pagkakilala sa Diyos at kanyang pagkakilala sa katotohanan sa usapin ng kanyang pag-iisip, kabatiran, at katwiran. Mas lalong ignorante sa kung ano ang Diyos o sa kung ano ang kahulugan ng pananampalataya sa Diyos ang mga isinilang sa pinakamalubhang natiwali sa lahat ng lupain. Mas tiwali ang mga tao, mas kakaunti ang kanilang kaalaman sa pag-iral ng Diyos, at mas mahina ang kanilang katwiran at kabatiran. Ang ugat na dahilan ng pagsalungat at pagiging mapaghimagsik ng tao laban sa Diyos ay ang kanyang katiwalian sa pamamagitan ni Satanas. Dahil sa pagtitiwali ni Satanas, naging manhid ang konsensiya ng tao, siya ay tiwali sa moral, bulok ang kanyang mga saloobin, at paurong ang kanyang pangkaisipang pananaw. Bago siya ginawang tiwali ni Satanas, dating nagpapasakop sa Diyos ang tao at nagpapasakop sa Kanyang mga salita pagkatapos marinig ang mga ito. Siya ay dating may maayos na katwiran at konsensiya, at may normal na pagkatao. Matapos gawing tiwali ni Satanas ang tao, ang dating katwiran, konsensiya, at pagkatao ng tao ay pawang naging manhid at sinira ni Satanas. Sa gayon, nawala sa kanya ang pagpapasakop at pag-ibig sa Diyos. Naging abnormal ang katwiran ng tao, naging katulad na ng sa hayop ang kanyang disposisyon, at lalong nadaragdagan at lumulubha ang kanyang pagiging mapaghimagsik laban sa Diyos. Ngunit hindi pa rin ito batid ni nauunawaan ng tao, at walang tigil lang siyang sumasalungat at naghihimagsik. Ang mga pagbubunyag ng disposisyon ng tao ay ang mga pagpapahayag ng kanyang katwiran, kabatiran, at konsensiya. Dahil wala sa ayos ang kanyang katwiran at kabatiran, at sukdulan nang naging manhid ang kanyang konsensiya, mapaghimagsik laban sa Diyos ang kanyang disposisyon. Kung hindi mababago ang katwiran at kabatiran ng tao, imposible ang mga pagbabago sa kanyang disposisyon, gayundin ang umayon sa mga layunin ng Diyos. Kung hindi maayos ang katwiran ng tao, hindi niya maaaring paglingkuran ang Diyos at hindi siya angkop na gamitin ng Diyos. Tumutukoy ang “normal na katwiran” sa pagpapasakop at pagiging tapat sa Diyos, sa paghahangad sa Diyos, sa pagiging ganap tungo sa Diyos, at sa pagkakaroon ng konsensiya tungo sa Diyos. Tumutukoy ito sa pagiging buong puso at isip tungo sa Diyos, at hindi sadyang paglaban sa Diyos. Hindi katulad nito ang pagkakaroon ng abnormal na katwiran. Pagkatapos magawang tiwali ni Satanas ang tao, nagkaroon na ang tao ng mga kuru-kuro ukol sa Diyos, at wala siyang katapatan sa Diyos o paghahangad sa Kanya, at lalo na ang pagkakaroon ng konsensiya tungo sa Diyos. Sadyang sinasalungat at hinuhusgahan ng tao ang Diyos, at, bukod pa riyan, binabato Siya ng mga pang-iinsulto ng tao sa Kanyang likuran. Hinuhusgahan ng tao ang Diyos nang patalikod, lubos na alam na Siya ang Diyos; ganap na walang intensiyon ang tao na magpasakop sa Diyos, pero palagi lang may mga hinihingi at pakiusap sa Kanya. Ang gayong mga tao—mga taong may abnormal na katwiran—ay walang kakayahang makilala ang sarili nilang pag-uugaling kasuklam-suklam o pagsisihan ang kanilang mga kilos ng paghihimagsik. Kung may kakayahan ang mga taong makilala ang mga sarili nila, bahagya na nilang nabawi ang kanilang katwiran; kapag ang mga tao ay mas mapaghimagsik laban sa Diyos pero hindi kilala ang sarili nila, mas wala sa ayos ang kanilang katwiran.

Walang ibang ugat ang pagbubunyag ng tiwaling disposisyon ng tao kundi ang manhid niyang konsensiya, ang mapaminsala niyang kalikasan, at ang katwiran niyang wala sa ayos; kung muling makababalik sa normal ang konsensiya at katwiran ng tao, magiging angkop siyang magamit sa harap ng Diyos. Dahil lamang sa ang konsensiya ng tao ay manhid na noon pa man, at dahil ang katwiran ng tao ay hindi kailanman naging maayos at patuloy na mas nagiging manhid, kaya ang mga kilos ng paghihimagsik ng tao laban sa Diyos ay dumarami, kaya ipinako pa nga niya si Jesus sa krus at pinagsasarhan niya ng pinto ang nagkatawang-taong laman ng Diyos sa mga huling araw, at kinokondena ang katawang-tao ng Diyos, at mababa ang tingin sa katawang-tao ng Diyos. Kung mayroon kahit kaunting pagkatao ang tao, hindi siya magiging walang-awa sa kanyang pagtrato sa nagkatawang-taong laman ng Diyos; kung mayroon siyang kahit kaunting katwiran, hindi siya magiging masyadong malupit sa kanyang pagtrato sa nagkatawang-taong laman ng Diyos; kung mayroon siyang kahit kaunting konsensiya, hindi siya “magpapasalamat” sa nagkatawang-taong Diyos sa ganitong paraan. Nabubuhay ang tao sa panahon na ang Diyos ay nagkakatawang-tao, ngunit hindi siya nagpapasalamat sa Diyos sa pagbibigay sa kanya ng gayon kagandang pagkakataon, at sa halip ay isinusumpa ang pagdating ng Diyos, o lubusang hindi pinapansin ang katunayan ng pagkakatawang-tao ng Diyos, mukha siyang salungat dito at tutol dito. Anuman ang pagtrato ng tao sa pagdating ng Diyos, palaging ginagawa ng Diyos ang Kanyang gawain noon pa man nang hindi kailanman napapagod dito—kahit wala ni katiting na pagtanggap ang tao sa Kanya, at palaging humihiling sa Kanya. Naging sukdulang mapaminsala na ang disposisyon ng tao, naging lubos na manhid ang kanyang katwiran, at lubusang niyurakan na ng masamang nilalang ang kanyang konsensiya at matagal na itong tumigil na maging orihinal na konsensiya ng tao. Hindi lamang walang utang na loob ang tao sa nagkatawang-taong Diyos para sa pagkakaloob Niya ng kayraming buhay at biyaya sa sangkatauhan, bagkus ay may pagkasuklam pa nga siya sa Diyos dahil sa katotohanang ipinagkakaloob ng Diyos sa kanya; dahil hindi interesado ang tao sa katotohanan, may pagkasuklam siya sa Diyos. Bukod sa hindi magawa ng taong ialay ang kanyang buhay para sa nagkatawang-taong Diyos, sinusubukan din niyang makakuha ng mga pabor mula sa Diyos, at gumigiit ng kabayaran na dose-dosenang beses na mas malaki kaysa sa naibigay na ng tao sa Diyos. Ganito ang konsensiya at katwiran ng tao, pero iniisip pa rin niya na hindi ito malaking usapin, naniniwala pa rin siya na napakarami na niyang iginugol para sa Diyos, at na masyadong kakaunti ang ipinagkaloob ng Diyos sa kanya. May mga tao na, matapos magbigay sa Akin ng isang mangkok ng tubig, inilalahad ang kanilang mga kamay at humihiling na bayaran Ko sila para sa dalawang mangkok ng gatas, o, matapos makapagbigay sa Akin ng isang kuwarto para sa isang gabi, gumigiit na magbayad Ako ng renta na ilang ulit ang laki. Sa gayong pagkatao at sa gayong konsensiya, paano ninyo nagagawa pa ring naising magkamit ng buhay? Anong kasuklam-suklam na mga buhong kayo! Ang ganitong uri ng pagkatao sa tao at ganitong uri ng konsensiya sa tao ang dahilan kung bakit nagpapagala-gala sa buong lupain ang nagkatawang-taong Diyos, na walang mahanap na lugar para masilungan. Kahit isantabi ang katunayan na ang Diyos na nagkatawang-tao ay gumawa na ng napakaraming gawain, kahit na wala Siyang gawing gawain kahit kaunti, ang mga tunay na nagtataglay ng konsensiya at pagkatao ay dapat sumamba at buong pusong maglingkod sa Kanya. Ito ang dapat gawin ng mga may maayos na katwiran, at ito ang tungkulin ng tao. Naghahayag pa ang karamihan ng mga tao ng mga kondisyon sa kanilang paglilingkod sa Diyos. Wala silang pakialam kung Siya man ay Diyos o tao, at binabanggit lamang nila ang sarili nilang mga kondisyon, at hinahangad lamang na mabigyang kasiyahan ang sarili nilang mga pagnanais. Kapag nagluluto kayo para sa Akin, naniningil kayo ng bayad para sa serbisyo, kapag nagpaparoo’t parito kayo para sa Akin, naniningil kayo ng bayad para sa pagpaparoo’t parito, kapag nagtatrabaho kayo para sa Akin, naniningil kayo ng sahod, kapag nilalabhan ninyo ang Aking mga damit, naniningil kayo ng bayad para sa paglalaba, kapag nagbibigay kayo sa iglesia, naniningil kayo para sa gastusin ng inyong kalusugan, kapag nagsasalita kayo, naniningil kayo ng bayad para sa pagsasalita, kapag namimigay kayo ng mga libro, naniningil kayo ng bayad para sa pamamahagi, at kapag nagsusulat kayo, naniningil kayo ng bayad para sa pagsusulat. Iyong pinungusan Ko na ay naniningil pa nga ng kabayaran mula sa Akin, samantalang ang mga napauwi na ay naniningil ng bayad-pinsala para sa pagkasira ng kanilang pangalan; iyong hindi pa kasal ay naniningil ng dote, o ng kabayaran para sa nawala nilang kabataan; iyong kumakatay ng manok ay naniningil ng bayad para sa pagkatay, iyong nagpiprito ng pagkain ay naniningil ng bayad para sa pagpiprito, at iyong nagluluto ng sopas ay naniningil rin ng bayad para rito…. Ito ang inyong matayog at marangal na pagkatao, at ito ang mga pagkilos na idinidikta ng inyong magiliw na konsensiya. Nasaan ang inyong katwiran? Nasaan ang inyong pagkatao? Hayaang sabihin Ko sa inyo! Kung magpatuloy kayong gaya nito, titigil Ako sa paggawa sa piling ninyo. Hindi Ako gagawa sa piling ng kawan ng mga hayop na nakadamit-pantao, hindi Ako magpapakasakit sa ganitong paraan para sa gayong pangkat ng mga tao na ang magagandang mukha ay nagtatago ng mababangis na puso, hindi Ako magtitiis para sa gayong kawan ng mga hayop na wala ni katiting na posibilidad ng kaligtasan. Ang araw na talikuran Ko kayo ay ang araw na mamamatay kayo, ito ang araw na darating sa inyo ang kadiliman, at ang araw na itatakwil kayo ng liwanag. Hayaang sabihin Ko sa inyo! Hindi Ako kailanman magiging mabait sa isang pangkat na katulad ninyo, isang pangkat na mas mababa pa sa mga hayop! May mga hangganan ang Aking mga salita at pagkilos, at sa ganyan ninyong pagkatao at konsensiya, hindi na Ako gagawa pa, sapagkat sobrang wala kayong konsensiya, nagdulot na kayo ng matinding sakit sa Akin, at lubos Akong naririmarim sa inyong kasuklam-suklam na pag-uugali. Hindi kailanman magkakaroon ng oportunidad sa kaligtasan ang gayong mga taong walang pagkatao at konsensiya; hindi Ko kailanman ililigtas ang gayong walang puso at walang utang na loob na mga tao. Pagdating ng araw Ko, walang hanggan Akong magpapaulan ng Aking nakalalapnos na mga apoy sa mga anak ng pagrerebelde na minsang pumukaw sa matindi Kong poot, ipapataw Ko ang Aking walang hanggang kaparusahan sa mga hayop na iyon na minsang bumato ng pang-iinsulto sa Akin at tinalikdan Ako, susunugin Kong magpakailanman sa mga apoy ng Aking galit ang mga anak ng pagrerebelde na minsang kumain at namuhay kasama Ko ngunit hindi naniwala sa Akin, na nang-insulto at nagkanulo sa Akin. Isasailalim Ko sa Aking kaparusahan ang lahat ng pumukaw ng Aking galit, ibubuhos Ko ang kabuuan ng Aking galit sa mga hayop na iyon na minsang nagnais na tumayo sa Aking tabi bilang mga kapantay Ko subalit hindi kailanman sumamba o nagpasakop sa Akin; ang tungkod na Aking hinahataw sa tao ay lalapat sa mga hayop na minsang nagtamasa ng Aking kalinga at minsang nasiyahan sa mga hiwagang Aking sinabi, at minsang nagtangkang kumuha ng mga kasiyahang materyal mula sa Akin. Hindi Ako magiging mapagpatawad sa sinumang nagtatangkang kunin ang Aking katayuan; wala Akong palalampasin sa mga nagtatangka na mang-agaw ng pagkain at mga damit sa Akin. Sa ngayon, nananatili kayong ligtas at maayos at patuloy na nagmamalabis sa mga kahilingang inilalatag ninyo sa Akin. Pagdating ng araw ng poot, hindi na kayo hihiling pa sa Akin; sa oras na iyon, hahayaan Ko kayong “magpakasaya” hanggang sa gusto ninyo, isusubsob Ko ang inyong mukha sa lupa, at hindi na kayo muling makababangon! Sa malao’t madali, “babayaran” Ko kayo sa pagkakautang na ito—at umaasa Akong matiyaga kayong naghihintay sa pagdating ng araw na ito.

Kung tunay na maisasantabi ng kasuklam-suklam na mga taong ito ang kanilang maluluhong pagnanais at makakabalik sila sa Diyos, mayroon pa rin silang pagkakataong maligtas; kung ang tao ay tunay na may puso na nananabik sa Diyos, hindi siya aabandonahin ng Diyos. Nabibigo ang taong makamit ang Diyos hindi dahil ang Diyos ay may mga damdamin ng laman, o dahil ayaw ng Diyos na makamit Siya ng tao, kundi dahil ayaw makamit ng tao ang Diyos, at dahil ang tao ay walang puso na naghahanap sa Diyos nang may pagkaapurahan. Paanong isusumpa ng Diyos ang isa sa mga tunay na naghahanap sa Diyos? Paanong isusumpa ng Diyos ang isang taong may matinong katwiran at sensitibong konsensiya? Paanong lalamunin ng mga apoy ng poot ng Diyos ang isang tunay na sumasamba at naglilingkod sa Diyos? Paanong palalayasin sa sambahayan ng Diyos ang isang taong handang magpasakop sa Diyos? Paanong mabubuhay sa kaparusahan ng Diyos ang isang taong nakadarama na hindi niya kailanman magagawang mahalin nang sapat ang Diyos? Paanong walang matitirang kahit ano sa isang taong handang talikdan ang lahat para sa Diyos? Ayaw ng taong hangarin ang Diyos, ayaw gugulin ang kanyang mga ari-arian para sa Diyos, at ayaw maglaan ng habambuhay na pagsisikap para sa Diyos; sa halip, sinasabi niyang sumobra na ang Diyos, na napakaraming tungkol sa Diyos ang salungat sa mga kuru-kuro ng tao. Sa ganitong uri ng pagkatao, hindi pa rin ninyo makakamit ang pagsang-ayon ng Diyos kahit na ibigay ninyo ang lahat ng pagsisikap ninyo, bukod pa sa katunayan na hindi ninyo hinahanap ang Diyos. Hindi ba ninyo alam na kayo ang mga depektibong produkto ng sangkatauhan? Hindi ba ninyo alam na walang pagkatao ang mas mababa pa kaysa sa inyo? Hindi ba ninyo alam kung ano ang bansag sa inyo ng iba upang “parangalan” kayo? Tinatawag kayo ng mga tunay na umiibig sa Diyos na ama ng lobo, ina ng lobo, anak ng lobo, at apo ng lobo; kayo ang mga inapo ng lobo, ang mga tao ng lobo, at dapat ninyong malaman ang sarili ninyong pagkakakilanlan at huwag itong kalimutan kailanman. Huwag ninyong isiping kayo ay kung sinong nakahihigit na tao: Kayo ang pinakamalupit na pangkat ng mga hindi-tao sa gitna ng sangkatauhan. Hindi ba ninyo alam ang alinman dito? Alam ba ninyo kung gaano kalaking panganib ang sinuong Ko na sa paggawa sa gitna ninyo? Kung hindi muling makababalik sa normal ang inyong katwiran, at hindi magawang gumana nang normal ang inyong konsensiya, hindi kayo kailanman makakalaya sa bansag na “lobo,” hindi ninyo kailanman matatakasan ang araw ng sumpa at hindi kailanman matatakasan ang araw ng inyong kaparusahan. Isinilang kayong mas mababa, isang bagay na walang anumang halaga. Kayo ay likas na pangkat ng gutom na mga lobo, isang tumpok ng latak at basura, at, hindi kagaya ninyo, hindi Ako gumagawa sa inyo alang-alang sa personal na pakinabang, kundi dahil sa pangangailangan ng gawain. Kung magpapatuloy kayo sa pagiging mapaghimagsik sa ganitong paraan, ititigil Ko ang Aking gawain, at hindi na kailanman gagawang muli sa inyo; sa kabaligtaran, ililipat Ko ang Aking gawain sa isang grupo na gusto Ko, at sa ganitong paraan ay iiwan kayo magpakailanman, sapagkat ayaw Kong makita ang mga kaaway Ko. Kaya kung gayon, nais ba ninyong maging kaayon Ko, o maging kaaway Ko?

Sinundan:  Ikaw Ba ay Isang Taong Nabuhay Na?

Sumunod:  Lahat ng Taong Hindi Nakakakilala sa Diyos ay mga Taong Lumalaban sa Diyos

Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos Ukol sa Pagkakilala sa Diyos Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw Paglalantad sa mga Anticristo Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ang Paghatol ay Nagsisimula sa Tahanan ng Diyos Mahahalagang Salita Mula sa Makapangyarihang Diyos, ang Cristo ng mga Huling Araw Araw-araw na mga Salita ng Diyos Ang Mga Katotohanang Realidad na Dapat Pasukin ng mga Mananampalataya sa Diyos Sundan ang Kordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin Mga Gabay para sa Pagpapalaganap ng Ebanghelyo ng Kaharian Naririnig ng mga Tupa ng Diyos ang Tinig ng Diyos Makinig sa Tinig ng Diyos  Masdan ang Pagpapakita ng Diyos Mahahalagang Tanong at Sagot tungkol sa Ebanghelyo ng Kaharian Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume I) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume II) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume III) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IV) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume V) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VI) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VIII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IX) Paano Ako Bumalik sa Makapangyarihang Diyos

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito

Connect with us on Messenger