Tungkol sa Bibliya (2)
Ang Bibliya ay tinatawag din na Luma at Bagong Tipan. Alam ba ninyo kung ano ang tinutukoy ng “tipan”? Ang “tipan” sa Lumang Tipan ay mula sa kasunduan ni Jehova sa bayan ng Israel nang hampasin Niya ang mga taga-Ehipto at iligtas ang mga Israelita mula sa Faraon. Siyempre pa, ang patunay ng kasunduang ito ay ang dugo ng tupa na ipinahid sa itaas ng mga pintuan, na sa pamamagitan nito’y nagtatag ang Diyos ng kasunduan sa tao, kung saan sinabi na ang lahat ng may dugo ng tupa sa itaas at mga gilid ng pintuan ay mga Israelita, sila ang hinirang na mga tao ng Diyos, at silang lahat ay ililigtas ni Jehova (sapagkat papatayin na ni Jehova noon ang lahat ng panganay na anak ng Ehipto at panganay na mga tupa at baka). Ang kasunduang ito ay may dalawang antas ng kahulugan. Wala sa mga tao o mga alagang hayop ng Ehipto ang ililigtas ni Jehova; hahampasin Niya ang lahat ng kanilang panganay na anak at panganay na mga tupa at baka. Kaya, sa maraming aklat ng propesiya inihula na ang mga taga-Ehipto ay matinding kakastiguhin—ito ay resulta ng kasunduan ni Jehova. Ito ang unang antas ng kahulugan ng kasunduan. Hinampas ni Jehova ang mga panganay na anak ng Ehipto at ang lahat ng panganay na alagang hayop, at iniligtas Niya ang lahat ng Israelita, na nangangahulugang ang lahat ng tao sa lupain ng Israel ay itinangi ni Jehova, at ang lahat ay maliligtas; nilayon Niyang gumawa ng pangmatagalang gawain sa kanila, at itinatag ang kasunduan sa kanila gamit ang dugo ng tupa. Simula noon, hindi hahampasin ni Jehova ang mga Israelita, at sinabi na sila ang Kanyang mga hinirang na tao magpakailanman. Sa gitna ng labindalawang tribo ng Israel, sisimulan Niya ang Kanyang gawain sa buong Kapanahunan ng Kautusan, ilalatag Niya ang lahat ng Kanyang batas sa mga Israelita, at pipili mula sa kanila ng mga propeta at mga hukom, at sila ang magiging sentro ng Kanyang gawain. Nakipagkasundo si Jehova sa kanila: Malibang magbago ang kapanahunan, Siya ay gagawa lamang sa gitna ng mga hinirang na tao. Ang kasunduan ni Jehova ay hindi nababago, dahil isinagawa ito sa pamamagitan ng dugo, at itinatag sa Kanyang hinirang na mga tao; higit pa rito, pumili Siya ng naaangkop na saklaw at pakay upang pagsimulan ng Kanyang gawain para sa buong kapanahunan. Bilang resulta, nakita ng mga tao ang kasunduan na labis na mahalaga. Ito ang ikalawang antas ng kahulugan ng kasunduan. Maliban sa Genesis, na nauna pa sa pagtatatag ng kasunduan, itinatala ng lahat ng iba pang mga aklat sa Lumang Tipan ang gawain ng Diyos sa gitna ng mga Israelita pagkatapos ng pagtatatag ng kasunduan. Siyempre, may mga paminsan-minsang salaysay tungkol sa mga Hentil, ngunit sa pangkalahatan, ang Lumang Tipan ay nagtatala ng gawain ng Diyos sa Israel. Dahil sa kasunduan ni Jehova sa mga Israelita, ang mga aklat na isinulat sa Kapanahunan ng Kautusan ay tinatawag na Lumang Tipan. Ang mga ito ay pinangalanan batay sa kasunduan ni Jehova sa mga Israelita.
Ang Bagong Tipan ay pinangalanan batay sa dugong idinanak ni Jesus sa krus at sa Kanyang kasunduan sa lahat ng nananampalataya sa Kanya. Ang kasunduan ni Jesus ay ito: Ang mga tao ay kailangan lamang manampalataya sa Kanya upang mapatawad ang kanilang mga kasalanan dahil sa pagdanak ng Kanyang dugo, at sa gayon ay maliligtas sila, at isisilang muli sa pamamagitan Niya, at hindi na magiging mga makasalanan; ang mga tao ay kailangan lamang manampalataya sa Kanya upang matanggap ang Kanyang biyaya, at hindi magdusa sa impiyerno pagkatapos nilang mamatay. Ang lahat ng aklat na isinulat noong Kapanahunan ng Biyaya ay dumating pagkatapos ng kasunduang ito, at lahat ng ito ay nagtatala ng gawain at mga pagbigkas na nakapaloob dito. Hindi lumalagpas ang mga ito sa pagliligtas ng pagkapako sa krus ng Panginoong Jesus o sa kasunduan; itong lahat ay mga aklat na isinulat ng mga kapatid sa Panginoon na nagkaroon ng mga karanasan. Kaya, ang mga aklat na ito ay pinangalanan din batay sa isang kasunduan: Tinatawag ang mga ito na ang Bagong Tipan. Ang dalawang tipan na ito ay sumasaklaw lamang sa Kapanahunan ng Kautusan at ang Kapanahunan ng Biyaya, at walang kaugnayan sa huling kapanahunan. Kaya’t ang Bibliya ay walang malaking gamit para sa mga tao ngayong mga huling araw. Sa pinakamainam, nagsisilbi ito bilang pansamantalang sanggunian, ngunit ito ay talagang walang gaanong halagang gamitin. Datapwa’t ito pa rin ang pinakapinahahalagahan ng mga relihiyosong tao. Hindi nila nakikilala ang Bibliya; alam lamang nila kung paano ipaliwanag ang Bibliya, ngunit pundamental na walang pagkaunawa sa mga pinagmulan nito. Ang kanilang saloobin sa Bibliya ay: Lahat ng nasa Bibliya ay tama, wala itong nilalaman na mga di-kawastuan o mga pagkakamali. Dahil una na nilang tinukoy na ang Bibliya ay tama at walang pagkakamali, sinimulan nilang pag-aralan at suriin ito nang may malaking interes. Ang kasalukuyang yugto ng gawain ay hindi inihula sa Bibliya; hindi kailanman nabanggit ang gawaing paglupig sa pinakamadilim na lugar. Iyon ay dahil ito ang pinakabagong gawain. Sapagkat ang kapanahunan ng gawain ay naiiba, kahit si Jesus Mismo ay hindi alam na ang yugtong ito ng gawain ay gagawin sa mga huling araw—kung magkagayon, paano mahahanap ng mga tao sa mga huling araw ang yugtong ito ng gawain sa Bibliya sa pamamagitan ng pagsusuri rito?
Karamihan sa mga nagpapaliwanag sa Bibliya ay gumagamit ng lohika para bumuo ng mga hinuha, nang walang anumang batayan sa realidad. Gumagamit lamang sila ng lohika upang busisiin ang Bibliya mula sa maraming anggulo. Sa loob ng maraming taon, wala kahit isa ang nangahas na himay-himayin ang Bibliya, o tumanggi sa Bibliya, dahil ang aklat na ito ay ang “banal na aklat,” at sinasamba ito ng mga tao bilang Diyos. Ito ay nagpatuloy na sa loob ng ilang libong taon. Hindi ito pinansin ng Diyos, at walang sinuman ang nakatuklas sa tunay na kuwento sa likod ng Bibliya. Sinasabi natin na ang pagpapahalaga sa Bibliya ay pagsamba sa diyos-diyosan, gayunman ay wala sa mga debotong mananampalataya ang naglalakas-loob na tingnan ito sa ganitong paraan, at hihikayatin ka nila: “Kapatid! Huwag mong sabihin iyan, iyan ay kakila-kilabot! Paano mo nagagawang lumapastangan laban sa Diyos?” Sunod, magpapakita sila ng naiilang at hindi mapakaling ekspresyon: “O Jesus na maawaing Tagapagligtas, nakikiusap ako sa Iyo na patawarin ang kanyang kasalanan, sapagkat Ikaw ang Panginoon na nagmamahal sa tao, at lahat kami ay nagkasala, mangyaring pakitaan kami ng dakilang habag, amen.” Ganyan sila “karelihiyoso”; paano magiging madali para sa kanila na tanggapin ang katotohanan? Ang pagsasabi mo niyan ay lubusang tatakot sa kanila. Higit pa rito, wala kahit isa ang maglalakas-loob na isipin na ang Bibliya ay maaaring nabahiran ng mga ideya ng tao at naglalaman ng mga kuru-kuro ng tao, at walang sinuman ang makakakita sa depektong ito. Ang ilang nasa Bibliya ay mga karanasan at kaalaman ng mga indibidwal, ilan sa mga ito ay kaliwanagan ng Banal na Espiritu, at mayroon ding pagkahalo ng pag-iisip ng tao. Ang Diyos ay hindi kailanman nanghimasok sa mga bagay na ito, ngunit may limitasyon: Hindi maaaring lumampas ang mga bagay na ito sa normal na kaisipan ng tao. Kung lumampas ang mga ito, ang mga ito ay nanggugulo at gumagambala sa gawain ng Diyos, at ang mga ito ay gawa ni Satanas, dahil inaalis ng mga ito sa mga tao ang kanilang tungkulin, idinudulot na gawin nila ang gawain ni Satanas at magpasailalim sa dominasyon nito. Sa sandaling ito, hindi sila pahihintulutan ng Banal na Espiritu na kumilos sa ganoong paraan. Kung minsan, ang ilang kapatid ay nagtatanong: “Puwede ba akong gumawa sa ganito-at-ganoong paraan?” Tinitingnan Ko ang kanilang tayog at sinasabi: “Puwede!” May ilang tao rin na nagsasabi: “Kung ako ay gumawa sa ganito-at-ganoong paraan, normal ba ang aking kalagayan?” At sinasabi Ko: “Oo! Ito ay normal, normal na normal!” Sinasabi ng iba: “Puwede ba akong gumawa sa ganitong paraan?” At sinasabi Ko: “Hindi!” Sinasabi nila: “Bakit puwede sa kanya at hindi sa akin?” At sinasabi Ko: “Dahil ang iyong ginagawa ay mula kay Satanas, ito ay panggugulo, at ang motibasyon at pinagmulan sa likod ng iyong mga kilos ay mali.” May mga panahon din na ang gawain ay hindi umaabot sa puntong iyon, at hindi ito alam ng mga kapatid. Ang ilan ay nagtatanong sa Akin kung puwedeng gumawa sa isang paraan, at kapag nakita Ko na ang kanilang mga pagkilos ay hindi makakagambala sa gawain sa hinaharap, sinasabi Kong ayos lang iyon. Ang gawain ng Banal na Espiritu ay nagbibigay sa mga tao ng isang saklaw; ang mga tao ay hindi kailangang kumilos nang ganap at absoluto ayon sa mga orihinal na layunin ng Banal na Espiritu, dahil ang mga tao ay nagtataglay ng normal na kaisipan at kahinaan ng tao, at mayroon silang ilang makalamang pangangailangan, mayroon silang tunay na mga problema, at mayroong ilang kaisipan sa kanilang utak na talagang hindi nila kayang kontrolin. Lahat ng Aking hinihingi sa mga tao ay may limitasyon. Ang ilan ay naniniwala na ang Aking mga salita ay malabo, na sinasabihan Ko sila na kumilos sa anumang paraan—iyon ay dahil hindi mo nauunawaan na mayroong isang angkop na saklaw sa Aking mga hinihingi. Kung ito ay tulad ng iyong iniisip—kung ginawa Ko ang parehong mga kahilingan sa lahat ng tao nang walang pasubali at hiningi sa kanilang lahat na abutin ang magkakaparehong tayog—ito ay hindi uubra. Ito ay paghingi ng imposible, at ito ang prinsipyo ng gawain ng tao, hindi ang prinsipyo ng gawain ng Diyos. Ang gawain ng Diyos ay isinasagawa ayon sa aktuwal na mga kalagayan ng mga tao at ito ay batay sa kanilang likas na kakayahan. Ito rin ang prinsipyo ng pangangaral ng ebanghelyo: Dapat kang magpatuloy nang dahan-dahan, na hinahayaang mangyari nang natural ang nararapat; mauunawaan lang ng isang tao kapag malinaw mong sinasabi sa kanya ang katotohanan, at sa oras lamang na iyon niya magagawang isantabi ang Bibliya. Kung hindi ginawa ng Diyos ang yugtong ito ng gawain, sino ang makakahiwalay sa kinaugalian? Sino ang makakagawa ng bagong gawain? Sino ang makakahanap ng isang bagong landas sa labas ng Bibliya? Ang mga tradisyonal na kuru-kuro ng mga tao at ang pyudal na etika ay napakalubha, wala silang kakayahang iwaksi ang mga bagay na ito nang sila lang, at wala rin silang lakas ng loob na gawin ito—lalo na kung paanong ang mga tao ngayon ay nabihag na ng ilang patay na salita sa Bibliya, at kung paanong ang kanilang puso ay inokupa na ng mga salitang ito. Kaya, paano sila magiging handa na isuko ang Bibliya? Paano nila madaling matatanggap ang isang landas na nasa labas ng Bibliya? Iyon ay maliban kung malinaw mong maipapaliwanag ang tunay na kuwento sa likod ng Bibliya at ang mga prinsipyo ng gawain ng Banal na Espiritu, upang ang lahat ng tao ay lubusang makumbinsi—na sukdulang kinakailangan. Ito ay dahil ang lahat ng tao sa loob ng relihiyon ay nagdadakila sa Bibliya, at sinasamba ito bilang Diyos. Ninanais din nila na limitahan ang Diyos sa loob ng Bibliya, at muli pa nga Siyang ipako sa krus—saka lang nila makakamit ang mga pakay nila.