Tungkol sa Bibliya (3)

Hindi lahat ng nasa Bibliya ay isang talaan ng mga salitang personal na sinabi ng Diyos. Itinatala lang ng Bibliya ang naunang dalawang yugto ng gawain ng Diyos, kung saan ang isang bahagi ay isang talaan ng mga propesiya ng mga propeta, at ang isang bahagi ay mga karanasan at kaalamang isinulat ng mga taong ginamit ng Diyos sa nagdaang mga panahon. Ang mga karanasan ng tao ay nababahiran ng mga opinyon at kaalaman ng tao, na hindi maiiwasan. Matatagpuan sa maraming aklat sa Bibliya ang mga kuru-kuro ng tao, mga pagkiling ng tao, at mga baluktot na pagkaarok ng tao. Siyempre, karamihan ng mga salita ay resulta ng kaliwanagan at pagtanglaw ng Banal na Espiritu, at tama ang mga pagkaunawang iyon—pero hindi pa rin masasabi na ang mga ito ay ganap na tumpak na mga pagpapahayag ng katotohanan. Ang kanilang mga pananaw tungkol sa ilang bagay ay walang iba kundi ang kaalamang hango sa personal na karanasan, o ang kaliwanagan ng Banal na Espiritu. Ang mga propesiya ng mga propeta ay personal na itinagubilin ng Diyos: Ang mga propesiya ng mga katulad nina Isaias, Daniel, Ezra, Jeremias, at Ezekiel ay nagmula sa tuwirang tagubilin ng Banal na Espiritu; ang mga taong ito ay mga tagakita, natanggap nila ang Espiritu ng propesiya, at lahat sila ay propeta ng Lumang Tipan. Noong Kapanahunan ng Kautusan, ang mga taong ito, na nakatanggap ng mga pagkasi ni Jehova, ay nagsalita ng maraming propesiya, na tuwirang itinagubilin ni Jehova. At bakit kumilos si Jehova sa kanila? Sapagkat ang bayan ng Israel ang hinirang na mga tao ng Diyos, at ang gawain ng mga propeta ay kailangang isagawa sa kanila; iyon ang dahilan kung bakit nagawang tumanggap ng mga propeta ng gayong mga paghahayag. Sa katunayan, hindi nila mismo naunawaan ang mga paghahayag na natanggap nila. Sinabi ng Banal na Espiritu ang mga salitang iyon sa pamamagitan ng kanilang bibig upang maunawaan ng mga tao sa hinaharap ang mga bagay na iyon, at makita na ang mga iyon ay gawain talaga ng Espiritu ng Diyos, ng Banal na Espiritu, at hindi nagmula sa mga ideya ng tao, at para lahat ng tao ay makatanggap ng pagpapatunay ng gawain ng Banal na Espiritu. Noong Kapanahunan ng Biyaya, si Jesus Mismo ang gumawa ng lahat ng gawaing ito kahalili nila, kaya nga hindi na nagsalita ng propesiya ang mga tao. Kaya propeta ba si Jesus? Si Jesus, siyempre, ay isang propeta, pero nagawa rin Niya ang gawain ng mga apostol—kaya Niyang magsalita ng propesiya at mangaral at magturo sa mga tao sa buong kalupaan. Subalit ang gawaing isinakatuparan Niya at ang pagkakakilanlan na Kanyang kinakatawan ay hindi magkapareho. Pumarito Siya upang tubusin ang buong sangkatauhan, upang tubusin ang tao mula sa kasalanan; Siya ay isang propeta, at isang apostol, pero higit pa roon, Siya si Cristo. Ang isang propeta ay maaaring magsalita ng propesiya, ngunit hindi masasabi na ang propetang tulad nito ay si Cristo. Sa panahong iyon, maraming ipinahayag na propesiya si Jesus, kaya masasabi na isa Siyang propeta, pero hindi masasabi na isa Siyang propeta kaya hindi Siya si Cristo. Iyon ay dahil kinatawan Niya ang Diyos Mismo sa pagsasagawa ng isang yugto ng gawain, at iba ang pagkakakilanlan Niya kay Isaias—pumarito Siya upang kumpletuhin ang gawain ng pagtubos, at Siya rin ang nagtustos ng buhay sa tao, at tuwirang bumaba sa Kanya ang Espiritu ng Diyos; sa gawaing isinakatuparan Niya, walang mga pagkasing nagmula sa Espiritu ng Diyos o mga tagubilin mula kay Jehova, sa halip, tuwirang gumawa ang Espiritu. Sapat na ito upang mapatunayan na si Jesus ay hindi kapareho ng isang propeta. Ang gawaing isinakatuparan Niya ay ang gawain ng pagtubos, na pinangalawahan ng pagsasalita ng propesiya. Siya ay isang propeta, isang apostol, ngunit higit pa riyan, Siya ang Manunubos. Samantala, ang mga tagapagpahayag ng hinaharap ay maaari lamang magsalita ng propesiya, at walang kakayahang gumawa ng anumang iba pang gawain bilang kapalit ng Espiritu ng Diyos. Dahil maraming ginawa si Jesus na hindi pa nagawa ng tao kailanman, at isinakatuparan ang gawain ng pagtubos sa sangkatauhan, kaya naiiba Siya sa mga katulad ni Isaias. Ayaw tanggapin ng ilang tao ang daloy ngayon dahil ito’y gumawa ng balakid sa kanila. Sabi nila: “Sa Lumang Tipan maraming propeta ring nagsalita ng maraming salita—kaya bakit hindi sila ang Diyos na naging tao? Ang Diyos ng kasalukuyan ay sumasambit ng mga salita—sapat na ba iyan para mapatunayan na Siya ang Diyos na nagkatawang-tao? Hindi mo itinataas ang Bibliya, ni pinag-aaralan ito—kaya ano ang batayan mo para sabihin na Siya ang Diyos na nagkatawang-tao? Sinasabi mo na ang Kanyang mga salita ay itinagubilin sa Kanya ng Banal na Espiritu, at naniniwala ka na ang yugtong ito ng gawain ay gawaing personal na isinakatuparan ng Diyos—pero ano ang batayan mo nito? Itinutuon mo ang iyong pansin sa mga salita ng Diyos ngayon, at parang ikinaila mo na ang Bibliya, at isinantabi ito.” At kaya palagi nilang sinasabi na naniniwala ka sa maling pananampalataya at lihis na paniniwala.

Kung nais mong magpatotoo tungkol sa gawain ng Diyos sa mga huling araw, kailangan mong maunawaan ang tunay na kuwento sa likod ng Bibliya, ang balangkas ng Bibliya, at ang diwa ng Bibliya. Ngayon, palaging iniisip ng mga tao na ang Bibliya ay Diyos, at na ang Diyos ay ang Bibliya. Kaya, naniniwala rin sila na ang mga salita sa Bibliya ay ang tanging mga salita na binigkas ng Diyos, at lahat ng ito ay sinabi ng Diyos. Iniisip pa ng lahat ng nananampalataya sa Diyos na bagama’t lahat ng animnapu’t anim na aklat ng Luma at Bagong Tipan ay isinulat ng mga tao, lahat ng ito ay kinasihan ng Diyos, at isang talaan ng mga pagbigkas ng Banal na Espiritu. Ito ang baluktot na pagkaarok ng tao, at hindi ito lubos na naaayon sa mga katunayan. Sa katunayan, maliban sa mga aklat ng propesiya, karamihan sa Lumang Tipan ay talaan ng kasaysayan. Ang ilan sa mga liham sa Bagong Tipan ay nagmula sa mga karanasan ng mga tao, at ang ilan ay nagmula sa kaliwanagan ng Banal na Espiritu; ang mga liham ni Pablo, halimbawa, ay nagmula sa gawain ng tao, resulta ang lahat ng ito ng kaliwanagan ng Banal na Espiritu, at isinulat ang mga ito para sa mga iglesia, at mga salitang nanghihikayat at nagpapalakas-loob sa mga kapatid sa mga iglesia. Hindi ito mga salitang sinabi ng Banal na Espiritu—hindi makapagsasalita si Pablo sa ngalan ng Banal na Espiritu, at hindi rin siya isang propeta, at lalong hindi siya nakakita ng mga pangitain na nakita ni Juan. Ang kanyang mga liham ay isinulat para sa mga iglesia ng Efeso, Corinto, Galacia, at iba pang mga iglesia noong panahong iyon. Kaya ang mga liham ni Pablo sa Bagong Tipan ay mga liham na isinulat ni Pablo para sa mga iglesia, at hindi mga pagkasi mula sa Banal na Espiritu, ni hindi ito mga tuwirang pagbigkas ng Banal na Espiritu. Mga salita lamang ito ng panghihikayat, pag-aaliw, at pagpapalakas-loob na isinulat niya para sa mga iglesia habang ginagampanan ang kanyang gawain. Kaya isang talaan din ito ng karamihan ng gawain ni Pablo sa panahong iyon. Isinulat ang mga ito para sa lahat ng kapatid sa Panginoon, at upang makinig ang mga kapatid sa mga iglesia sa panahong iyon sa kanyang payo at sumunod sila sa daan ng pagsisisi ng Panginoong Jesus. Hinding-hindi sinabi ni Pablo na lahat ay kailangang kumain at uminom ng mga bagay na isinulat niya, mga iglesia man sila noong panahong iyon o sa hinaharap, ni hindi niya sinabi na ang kanyang mga salita ay nagmulang lahat sa Diyos. Sadya lamang na, ayon sa sitwasyon ng mga iglesia sa panahong iyon, siya ay nakipagbahaginan sa mga kapatid, at hinikayat sila, at binigyang-inspirasyon silang manalig, at nangaral o nagpaalala lang siya sa mga tao at hinikayat sila. Ang kanyang mga salita ay batay sa kanyang sariling pasanin, at sinuportahan niya ang mga tao sa pamamagitan ng mga salitang ito. Ginampanan niya ang gawain ng isang apostol ng mga iglesia noong panahong iyon, isa siyang manggagawa na ginamit ng Panginoong Jesus, at kaya kailangan niyang akuin ang responsabilidad para sa mga iglesia, isagawa ang gawain ng mga iglesia, at malaman ang mga kalagayan ng mga kapatid—at dahil dito, sumulat siya ng mga liham para sa lahat ng kapatid sa Panginoon. Lahat ng sinabi niya na nakapagpapatibay sa mga tao at positibo ay tama, pero hindi nito kinatawan ang mga pagbigkas ng Banal na Espiritu, at hindi nito maaaring katawanin ang Diyos. Kung tatratuhin ng mga tao ang mga talaan ng mga karanasan at mga liham ng isang tao bilang mga salitang sinambit ng Banal na Espiritu sa mga iglesia, iyan ay isang maling-maling pagkaunawa at napakalaking kalapastanganan! Totoo iyan lalong-lalo na pagdating sa mga liham ni Pablo para sa mga iglesia, sapagkat ang kanyang mga liham ay isinulat para sa mga kapatid batay sa mga kalagayan at sitwasyon ng bawat iglesia sa panahong iyon, at ginawa upang hikayatin ang mga kapatid sa Panginoon, upang matanggap nila ang biyaya ng Panginoong Jesus. Ang kanyang mga liham ay ginawa para pukawin ang mga kapatid noong panahong iyon. Masasabi na ito ang sarili niyang pasanin, at ang pasanin ding ibinigay sa kanya ng Banal na Espiritu; kung tutuusin, isa siyang apostol na namuno sa mga iglesia noong panahong iyon, at responsabilidad niya na magsulat ng mga liham para sa mga iglesia at hikayatin ang mga ito. Ang kanyang pagkakakilanlan ay sa isang apostol na gumagawa, isa lang siyang apostol na isinugo ng Diyos, hindi siya isang propeta, ni isang tagapagpahayag ng hinaharap, at para sa kanya, ang sarili niyang gawain at ang buhay ng mga kapatid ang pinakamahalaga. Kaya hindi siya makapagsasalita sa ngalan ng Banal na Espiritu, at ang kanyang mga salita ay hindi mga salita ng Banal na Espiritu, at lalong hindi masasabi na mga salita iyon ng Diyos, sapagkat siya ay wala nang iba pa kundi isang nilikha lamang, at tiyak na hindi ang Diyos na nagkatawang-tao. Ang kanyang pagkakakilanlan ay hindi kapareho ng kay Jesus. Ang mga salita ni Jesus ay mga salita ng Banal na Espiritu, ang mga ito ay mga salita ng Diyos, sapagkat ang Kanyang pagkakakilanlan ay iyong kay Cristo—ang Anak ng Diyos. Paanong si Pablo ay magiging kapantay Niya? Kung ituturing ng mga tao ang mga liham o salita na katulad ng kay Pablo bilang mga pagbigkas ng Banal na Espiritu, at sasambahin ang mga ito bilang Diyos, masasabi lamang na masyado silang walang pagkilatis. Sa mas seryosong pananalita, hindi ba ito ay wala nang iba kundi paglapastangan? Paano makapagsasalita ang isang tao sa ngalan ng Diyos? At paanong makayuyukod ang mga tao sa mga talaan ng mga liham ng isang tao at ng mga salitang kanyang sinabi na para bang ang mga ito ay isang banal na aklat, o isang makalangit na aklat? Maaari bang kaswal na bigkasin ng isang tao ang mga salita ng Diyos? Paano makapagsasalita ang isang tao sa ngalan ng Diyos? Kaya, ano ang masasabi mo—maaari bang hindi mabahiran ng sarili niyang mga kaisipan ang mga isinulat niya para sa mga iglesia? Paanong hindi mababahiran ang mga ito ng mga bagay na nagmula sa sarili niyang mga ideya? Isinulat niya ang mga liham para sa mga iglesia batay sa personal niyang mga karanasan at sarili niyang kaalaman. Halimbawa, sumulat si Pablo ng liham sa mga iglesia sa Galacia na may partikular na opinyon, at sumulat si Pedro ng isa pa, na may ibang pananaw. Alin dito ang nagmula sa Banal na Espiritu? Walang makapagsasabi nang tiyak. Kaya masasabi lamang na pareho silang may pasanin para sa mga iglesia, ngunit ang kanilang mga liham ay kumakatawan sa kanilang tayog, kinakatawan nito ang kanilang panustos at suporta para sa mga kapatid, at ang kanilang pasanin sa mga iglesia, at kinakatawan lamang nito ang gawain ng tao—hindi lubos na sa Banal na Espiritu ang mga ito. Kung sinasabi mo na ang kanyang mga liham ay mga salita ng Banal na Espiritu, kakatwa ka, at lumalapastangan ka! Ang mga liham ni Pablo at ang iba pang mga liham sa Bagong Tipan ay katumbas ng mga talambuhay ng makabagong espirituwal na mga tao: Kapantay ang mga ito ng mga aklat ni Watchman Nee o ng mga karanasan ni Lawrence, at ng iba pa. Sadya lamang na hindi tinipon ang mga aklat ng makabagong espirituwal na mga tao sa Bagong Tipan, pero ang diwa ng mga taong ito ay pareho: Sila ay mga taong ginamit ng Banal na Espiritu sa isang partikular na panahon, at hindi nila maaaring tuwirang katawanin ang Diyos.

Nakatala sa Ebanghelyo ni Mateo sa Bagong Tipan ang talaangkanan ni Jesus. Sa simula, sinasabi rito na si Jesus ay inapo ni Abraham at ni David, at anak ni Jose; pagkatapos ay sinabi rito na ipinaglihi si Jesus sa pamamagitan ng Banal na Espiritu, at ipinanganak ng isang birhen—ibig sabihin ay hindi Siya anak ni Jose o inapo ni Abraham at ni David. Gayunman, iginigiit ng talaangkanan na iugnay si Jesus kay Jose. Pagkatapos, sinimulang itala ng talaangkanan ang proseso kung paano isinilang si Jesus. Sabi rito, si Jesus ay ipinaglihi sa pamamagitan ng Banal na Espiritu, na Siya ay ipinanganak ng isang birhen, at hindi Siya anak ni Jose. Pero sa talaangkanan malinaw na nakasulat na si Jesus ay anak ni Jose, at dahil isinulat ang talaangkanan para kay Jesus, apatnapu’t dalawang henerasyon ang nakatala rito. Pagdating sa henerasyon ni Jose, dali-dali nitong sinabi na si Jose ang asawa ni Maria, mga salita na nilayong patunayan na si Jesus ay inapo ni Abraham. Hindi ba’t isa itong kontradiksyon? Malinaw na itinatala ng talaangkanan ang kanunu-nunuan ni Jose, malinaw na ito ang talaangkanan ni Jose, pero iginigiit ni Mateo na ito ang talaangkanan ni Jesus. Hindi ba nito ikinakaila ang katunayang ipinaglihi si Jesus sa pamamagitan ng Banal na Espiritu? Samakatwid, hindi ba’t ang talaangkanang ginawa ni Mateo ay ideya ng tao? Lalo itong baligho! Sa ganitong paraan mo malalaman na ang aklat na ito ay hinding-hindi lubusang nagmula sa Banal na Espiritu. Marahil, may ilang tao na nag-aakala na kailangang may talaangkanan ang Diyos sa lupa, kaya itinalaga nila si Jesus bilang ika-apatnapu’t dalawang henerasyon ni Abraham. Baligho talaga iyan! Matapos dumating sa lupa, paanong magkakaroon ng talaangkanan ang Diyos? Kung sinasabi mong may talaangkanan ang Diyos, hindi mo ba Siya inihahanay sa mga nilikha? Ang Diyos ay hindi sa daigdig, Siya ang Lumikha, at bagama’t Siya ay may katawang-tao, hindi magkatulad ang diwa Niya at ng tao, kaya paano mo ihahanay ang Diyos na katulad ng uri ng isang nilikha? Si Abraham ay hindi maaaring kumatawan sa Diyos; siya ang pakay ng gawain ni Jehova nang panahong iyon, isa lamang siyang tapat na lingkod na itinuring ni Jehova na karapat-dapat, at isa siya sa mga tao ng Israel. Paano siya magiging ninuno ni Jesus?

Sino ang sumulat ng talaangkanan ni Jesus? Si Jesus ba Mismo ang sumulat niyon? Personal bang sinabi ni Jesus sa kanila na, “Isulat ang Aking talaangkanan”? Itinala ito ni Mateo matapos ipako si Jesus sa krus. Sa panahong iyon, maraming ginawang gawain si Jesus na hindi maarok ng Kanyang mga disipulo, at hindi Siya nagbigay ng anumang paliwanag. Nang makaalis na Siya, nagsimulang mangaral at gumawa ang mga disipulo sa lahat ng dako, at para sa kapakanan ng yugtong iyon ng gawain, sinimulan nilang isulat ang mga liham at mga aklat ng ebanghelyo. Ang mga aklat ng ebanghelyo sa Bagong Tipan ay naitala dalawampu hanggang tatlumpung taon matapos ipako sa krus si Jesus. Noon, Lumang Tipan lang ang binabasa ng bayan ng Israel. Ibig sabihin, sa simula ng Kapanahunan ng Biyaya, Lumang Tipan ang binabasa ng mga tao. Lumitaw lamang ang Bagong Tipan sa Kapanahunan ng Biyaya. Walang Bagong Tipan nang isagawa ni Jesus ang Kanyang gawain; itinala ang Kanyang gawain ng mga tao matapos Siyang mabuhay muli at umakyat sa langit. Noon lamang nagkaroon ng Apat na Ebanghelyo, karagdagan pa rito ang mga liham nina Pablo at Pedro, gayundin ang Aklat ng Pahayag. Makalipas ang mahigit tatlong daang taon matapos umakyat si Jesus sa langit, pinili at tinipon ng mga sumunod na henerasyon ang mga dokumentong ito, at noon lamang nagkaroon ng Bagong Tipan ang Bibliya. Nagkaroon lang ng Bagong Tipan nang makompleto ang gawaing ito; wala ito dati. Natapos ng Diyos ang lahat ng gawaing iyon, at sumulat si Pablo at ang iba pang mga apostol ng napakaraming liham sa mga iglesia sa iba’t ibang lugar. Pinagsama-sama ng mga taong sumunod sa kanila ang mga liham nila, at idinagdag ang salaysay ni Juan sa pinakadakilang pangitaing nakita niya sa isla ng Patmos, kung saan ipinropesiya ang gawain ng Diyos ng mga huling araw. Ginawa ng mga tao ang pagkakasunod-sunod na ito, na iba kaysa mga pagbigkas sa ngayon. Ang nakatala ngayon ay ayon sa mga hakbang ng gawain ng Diyos; ang dinaranas ng mga tao ngayon ay ang gawaing personal na isinakatuparan ng Diyos, at ang mga salitang personal Niyang binigkas. Ikaw—sangkatauhan—ay hindi kailangang makialam; ang mga salita, na tuwirang nagmula sa Espiritu, ay isinaayos nang paisa-isang hakbang, at naiiba ang pagsasaayos na ito sa pagsasaayos ng mga talaan ng tao. Masasabi na ang kanilang itinala ay ayon sa antas ng kanilang pinag-aralan at kakayahan ng tao. Ang kanilang itinala ay mga karanasan ng tao, at bawat isa ay may sariling paraan ng pagtatala at sariling pag-unawa, at bawat talaan ay naiiba. Kaya, kung sinasamba mo ang Bibliya bilang Diyos, napakamangmang at napakahangal mo! Bakit hindi mo hinahanap ang gawain ng Diyos sa ngayon? Gawain ng Diyos lamang ang makapagliligtas sa tao. Hindi maililigtas ng Bibliya ang tao, maaaring basahin ito ng mga tao nang ilang libong taon at wala pa ring magiging pagbabago sa kanila kahit katiting, at kung sinasamba mo ang Bibliya, hinding-hindi mo makakamtan ang gawain ng Banal na Espiritu. Ang dalawang yugto ng gawain ng Diyos sa Israel ay parehong nakatala sa Bibliya, kaya sa mga talaang ito ang lahat ng pangalan ay sa mga taga-Israel, at lahat ng pangyayari ay sa Israel; kahit ang pangalang “Jesus” ay pangalang Israelita. Kung patuloy mong binabasa ang Bibliya ngayon, hindi ka ba sumusunod sa mga regulasyon? Ang nakatala sa Bagong Tipan ng Bibliya ay ang mga usapin sa Judea. Ang orihinal na teksto ay parehong nasa wikang Griyego at Hebreo, at ang pangalang itinawag sa Kanya at ang mga salita ni Jesus noon ay pawang kabilang sa wika ng tao. Nang ipako Siya sa krus, sinabi ni Jesus: “Eli, Eli, lama sabachthani?” Hindi ba’t Hebreo ito? Ito ay dahil lang sa nagkatawang-tao si Jesus sa Judea, pero hindi nito pinatutunayan na ang Diyos ay Hudyo. Ngayon, naging tao ang Diyos sa Tsina, kaya nga lahat ng bagay na sinasabi Niya ay walang-dudang nasa wikang Tsino. Gayumpaman, hindi ito maikukumpara sa wikang Tsino na isinalin mula sa Bibliya, dahil iba ang pinagmulan ng mga salitang ito: Ang isa ay mula sa Hebreo na itinala ng mga tao, at ang isa ay mula sa tuwirang pagbigkas ng Espiritu. Paanong hindi magkakaroon ng anumang pagkakaiba?

Sinundan:  Tungkol sa Bibliya (2)

Sumunod:  Tungkol sa Bibliya (4)

Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos Ukol sa Pagkakilala sa Diyos Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw Paglalantad sa mga Anticristo Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ang Paghatol ay Nagsisimula sa Tahanan ng Diyos Mahahalagang Salita Mula sa Makapangyarihang Diyos, ang Cristo ng mga Huling Araw Araw-araw na mga Salita ng Diyos Ang Mga Katotohanang Realidad na Dapat Pasukin ng mga Mananampalataya sa Diyos Sundan ang Kordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin Mga Gabay para sa Pagpapalaganap ng Ebanghelyo ng Kaharian Naririnig ng mga Tupa ng Diyos ang Tinig ng Diyos Makinig sa Tinig ng Diyos  Masdan ang Pagpapakita ng Diyos Mahahalagang Tanong at Sagot tungkol sa Ebanghelyo ng Kaharian Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume I) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume II) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume III) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IV) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume V) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VI) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VIII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IX) Paano Ako Bumalik sa Makapangyarihang Diyos

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito

Connect with us on Messenger