c. Bakit sinasabi na tinatahak ng lahat ng pastor at elder sa mga relihiyon ang landas ng mga Pariseo, at ano ang diwa nila
Mga Salita ng Makapangyarihang Diyos ng mga Huling Araw
Ang mga tao, na sumailalim sa pagkakatiwali, ay namumuhay sa patibong ni Satanas; lahat sila ay namumuhay sa laman, namumuhay sa mga makasariling pagnanais, at wala ni isa man sa kanila ang kaayon Ko. Ang mga nagsasabing kaayon Ko sila ay pawang sumasamba sa mga kathang-isip na diyos-diyosan. Bagama’t sinasabi nilang banal ang pangalan Ko, tumatahak sila sa landas na taliwas sa Akin, at puno ang mga salita nila ng pagmamataas at kumpiyansa sa sarili. Ito ay dahil silang lahat ay likas na laban sa Akin at hindi Ko kaayon. Araw-araw, naghahanap sila ng mga bakas Ko sa Bibliya at sapalarang naghahanap ng “angkop” na mga siping kanilang binabasa nang walang katapusan at binibigkas bilang mga kasulatan. Hindi nila alam kung paano maging kaayon Ko ni ang ibig sabihin ng maging laban sa Akin. Nagbabasa lamang sila ng mga kasulatan nang pikit-mata. Nililimitahan nila ang isang kathang-isip na diyos na sadyang hindi pa nila nakikita, at na sa pundamental ay hindi nila makita, sa loob ng mga hangganan ng Bibliya, at sa kanilang libreng oras, inilalabas nila ang Bibliya at binabasa. Naniniwala sila sa pag-iral Ko sa loob lamang ng saklaw ng Bibliya, at ipinapantay nila Ako sa Bibliya; kung wala ang Bibliya wala Ako, at kung wala Ako wala ang Bibliya. Hindi nila binibigyang-pansin ang pag-iral o mga kilos Ko, kundi sa halip ay nag-uukol sila ng sukdulan at espesyal na pansin sa bawat salita ng Kasulatan. Mas marami ang naniniwala pa nga na hindi Ko dapat gawin ang anumang nais Kong gawin maliban na lamang kung ito ay inihula ng Kasulatan. Binibigyan nila ng sobrang pagpapahalaga ang Kasulatan. Masasabing nakikita nilang masyadong mahalaga ang mga literal na salita, hanggang sa puntong ginagamit nila ang mga talata mula sa Bibliya upang sukatin ang bawat salitang sinasabi Ko at upang kondenahin Ako. Ang hinahanap nila ay hindi ang daan ng pagiging kaayon Ko o ang daan ng pagiging kaayon ng katotohanan, kundi ang daan ng pagtugma sa mga salita ng Bibliya, at naniniwala silang ang anumang hindi umaayon sa Bibliya ay hindi Ko gawain nang walang eksepsiyon. Hindi ba’t ang ganitong mga tao ay ang masunuring mga inapo ng mga Pariseo? Ginamit ng mga Pariseong Hudyo ang kautusan ni Moises upang kondenahin si Jesus. Hindi nila hinangad na maging kaayon ng Jesus ng panahong iyon, kundi tinrato nila ang bawat artikulo ng kautusan nang may gayong kaseryosohan na—matapos Siyang kasuhan ng hindi pagsunod sa kautusan ng Lumang Tipan at hindi pagiging Mesiyas—sa huli ay ipinako nila sa krus ang walang-salang si Jesus. Ano ang diwa nila? Hindi ba’t hindi nila hinangad ang daan ng pagiging kaayon sa katotohanan? Binigyang-pansin lang nila ang bawat salita ng Kasulatan habang hindi binibigyang-pansin ang mga layunin Ko o ang mga hakbang at mga kaparaanan ng gawain Ko. Hindi sila mga taong naghangad ng katotohanan, kundi mga taong mahigpit na kumapit sa mga salita; hindi sila mga taong nanampalataya sa Diyos, kundi mga taong nanampalataya sa Bibliya. Sa mas malinaw na pananalita, sila ay mga asong-bantay ng Bibliya. Upang mapangalagaan ang mga interes ng Bibliya, upang itaguyod ang dangal ng Bibliya, at upang maprotektahan ang reputasyon ng Bibliya, humantong pa nga sa puntong ipinako nila ang mahabaging si Jesus sa krus. Ginawa nila ito alang-alang lamang sa pagtatanggol sa Bibliya, at alang-alang sa pagpapanatili ng katayuan ng bawat salita ng Bibliya sa puso ng tao. Kaya ginusto nilang talikdan ang sarili nilang kinabukasan at hindi makamit ang handog para sa kasalanan upang kondenahin si Jesus, na hindi umayon sa mga tuntunin ng Kasulatan, ng kamatayan. Hindi ba’t silang lahat ay mga alipores ng bawat salita ng Kasulatan?
At paano naman ang mga tao ngayon? Mas pipiliin nilang patalsikin sa mundong ito si Cristo na pumarito upang ilabas ang katotohanan, upang makapasok sila sa langit at makatanggap ng biyaya. Mas pipiliin pa nilang lubos na ikaila ang pagparito ng katotohanan upang mapangalagaan ang mga interes ng Bibliya, at mas pipiliin pa nilang muling ipako sa krus ang Cristong nagbalik sa katawang-tao upang matiyak ang walang hanggang pag-iral ng Bibliya. Paano matatanggap ng tao ang pagliligtas Ko kung labis na mapaminsala ang puso niya at labis na laban sa Akin ang kalikasan niya? Namumuhay Ako sa gitna ng tao, ngunit hindi alam ng tao ang pag-iral Ko. Kapag pinasisinag Ko ang liwanag Ko sa tao, nananatili pa rin siyang mangmang sa pag-iral Ko. Kapag pinakakawalan Ko ang poot Ko sa tao, mas lalo pa niyang ikinakaila ang pag-iral Ko. Hinahanap ng tao na maging kaayon ng mga salita at maging kaayon ng Bibliya, subalit wala ni isang tao ang pumupunta sa harap Ko upang hanapin ang daan ng pagiging kaayon ng katotohanan. Tumitingala ang tao sa Akin sa langit at naglalaan ng espesyal na atensiyon sa pag-iral Ko sa langit, subalit walang nagpapahalaga sa Akin sa katawang-tao, dahil Ako na namumuhay kasama ng tao ay sadyang masyadong maliit ang halaga. Yaong mga naghahanap lamang na maging kaayon ng mga salita ng Bibliya at yaong mga naghahanap lamang na maging kaayon ng isang kathang-isip na diyos ay mga aba sa paningin Ko. Iyon ay dahil ang sinasamba nila ay patay na mga salita, at isang diyos na may kakayahang bigyan ang tao ng di-mabilang na kayamanan; ang sinasamba nila ay isang diyos na ilalagay ang sarili niya sa ilalim ng kapangyarihan ng tao—isang diyos na hindi umiiral. Ano, kung gayon, ang makakamit ng ganitong mga tao mula sa Akin? Sadyang napakababa ng tao, na hindi mailarawan sa salita. Yaong mga laban sa Akin, yaong mga gumagawa ng walang katapusang mga paghingi sa Akin, yaong mga walang pagmamahal sa katotohanan, yaong mga mapaghimagsik sa Akin—paano sila magiging kaayon Ko?
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Dapat Mong Hanapin ang Daan ng Pagiging Kaayon kay Cristo
May mga nagbabasa ng Bibliya sa malalaking simbahan at nagbibigkas ng mga sipi buong araw, pero wala ni isa man sa kanila ang nakakaunawa sa layunin ng gawain ng Diyos, ni wala rin sa kanila ang nakakakilala sa Diyos—lalong walang sinumang makaaayon sa mga layunin ng Diyos. Silang lahat ay mga walang kuwenta at ubod ng samang tao, na nagmamataas para pangaralan ang “Diyos.” Sila ay mga taong kumikilos sa ilalim ng bandera ng Diyos pero sadyang lumalaban sa Diyos, na nagdadala ng tatak ng pananampalataya sa Diyos habang kumakain ng laman ng tao at umiinom ng dugo ng tao. Ang lahat ng gayong tao ay masasamang diyablo na lumalamon sa kaluluwa ng tao, mga punong demonyo na sadyang nanggugulo sa mga tao sa pagtahak sa tamang landas, at mga balakid na humahadlang sa mga tao sa paghahanap sa Diyos. Maaaring mukhang “matipuno ang pangangatawan” nila, pero paano malalaman ng mga tagasunod nila na sila ay mga anticristo na umaakay sa mga tao para lumaban sa Diyos? Paano malalaman ng mga tagasunod nila na sila ay mga buhay na diyablo na nakatuon sa paglamon sa kaluluwa ng tao? Ang mga naniniwalang marangal sila sa presensya ng Diyos ay ang pinakahamak sa lahat, samantalang ang mga nag-iisip na hamak sila ay ang pinakamararangal. At ang mga nag-aakalang alam nila ang gawain ng Diyos at na kaya nilang iproklama ang Kanyang gawain sa iba nang walang pagpipigil habang nakatingin sila sa Kanya ay ang mga pinakamangmang sa lahat. Ang gayong mga tao ay walang patotoo sa Diyos, at pawang mapagmataas at palalo. Ang mga naniniwalang napakakaunti ng pagkakilala nila sa Diyos pero sa katunayan ay mayroong praktikal na karanasan at praktikal na pagkakilala sa Diyos ay ang mga pinakamamahal Niya. Tanging ang gayong mga tao ang tunay na may patotoo at tunay na may kakayahang maperpekto ng Diyos. Ang mga hindi nakakaunawa sa mga layunin ng Diyos ay ang mga lumalaban sa Diyos. Ang mga nakakaunawa sa mga layunin ng Diyos pero hindi isinasagawa ang katotohanan ay ang mga lumalaban sa Diyos. Ang mga kumakain at umiinom ng mga salita ng Diyos, pero sumasalungat sa diwa ng mga salita ng Diyos, ay ang mga lumalaban sa Diyos. Ang mga may kuru-kuro tungkol sa nagkatawang-taong Diyos, at bukod pa roon ay sadyang gumagawa ng paghihimagsik, ay ang mga lumalaban sa Diyos. Ang mga humuhusga sa Diyos ay ang mga lumalaban sa Diyos. At sinumang walang kakayahang makilala ang Diyos at hindi makapagpatotoo sa Kanya ay isang taong lumalaban sa Diyos.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Lahat ng Taong Hindi Nakakakilala sa Diyos ay mga Taong Lumalaban sa Diyos
Masdan mo ang mga lider ng bawat denominasyon—lahat sila ay mapagmataas at nag-aakalang mas matuwid sila kaysa sa iba, at ang kanilang mga interpretasyon sa Bibliya ay hindi batay sa konteksto at ginagabayan ng kanilang sariling mga kuru-kuro at imahinasyon. Lahat sila ay umaasa sa mga kaloob at kaalaman sa paggawa ng kanilang gawain. Kung sila ay wala talagang kakayahang mangaral, susunod ba sa kanila ang mga tao? Sila, kunsabagay, ay nagtataglay ng kaunting kaalaman at kaya nilang mangaral ng ilang doktrina, o alam nila kung paano kunin ang loob ng iba at kung paano gumamit ng ilang panlalansi. Kaya nililinlang nila ang mga tao at dinadala nila ang mga tao sa harapan nila. Sa pangalan, ang mga taong iyon ay nananampalataya sa Diyos, ngunit sa realidad, sumusunod sila sa mga lider na ito. Kung nakakatagpo sila ng isang taong nangangaral ng tunay na daan, ang ilan sa kanila ay nagsasabing, “Kailangan kong konsultahin ang aking lider tungkol sa mga usapin ng pananalig.” Tingnan kung paanong kailangan pa ng mga tao ang pagpayag at pagsang-ayon ng iba pagdating sa pananampalataya sa Diyos at pagtanggap sa tunay na daan—hindi ba’t nakakaabala ito? Nagiging ano na kung gayon ang mga lider na iyon? Hindi ba’t sila ay naging mga Pariseo, huwad na mga pastol, at mga anticristo? Hindi ba’t sila ay naging mga katitisuran sa pagtanggap ng mga tao sa tunay na daan? Ang gayong mga tao ay kapareho ng uri ni Pablo.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi
Naipangaral na natin ang ebanghelyo nang paulit-ulit sa maraming lider sa mundo ng relihiyon, subalit paano man tayo magbahagi sa kanila tungkol sa katotohanan, hindi nila tinatanggap ito. Bakit ganito? Dahil naging kalikasan na nila ang kanilang kayabangan, at wala nang puwang ang Diyos sa puso nila. Maaaring sabihin ng ilang tao, “Ang mga taong nasa ilalim ng pamumuno ng ilang pastor sa mundo ng relihiyon ay lubos na masigasig sa kanilang pananampalataya; parang nasa piling nila ang Diyos.” Naniniwala ka na ang tila masigasig nilang pananampalataya sa Diyos ay nangangahulugang nasa piling nila ang Diyos. Kuru-kuro at imahinasyon mo ito. Gaano man katayog pakinggan ang mga teorya ng mga sermon ng mga pastor na iyon, kilala ba nila ang Diyos? Kung talagang may takot sila sa Diyos sa kaibuturan ng kanilang puso, hihikayatin ba nila ang mga tao na sumunod sa kanila at itaas sila? Magagawa ba nilang kontrolin ang iba, pinapanatili ang mga ito na nakabitag sa kanilang mga kamay? Mangangahas ba silang hadlangan ang iba na hanapin ang katotohanan at siyasatin ang tunay na daan? Kung naniniwala sila na talagang kanila ang mga tupa ng Diyos, at dapat ay makinig lahat ang mga ito sa kanila, hindi ba nila itinuturing ang kanilang sarili bilang Diyos? Mas matindi pang lumalaban ang gayong mga tao sa Diyos kaysa sa mga Pariseo. Hindi ba’t mga tunay silang anticristo?
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Mayabang na Kalikasan ng Tao ay ang Ugat ng Kanyang Paglaban sa Diyos
Nais ba ninyong malaman ang pinag-ugatan ng paglaban ng mga Pariseo kay Jesus? Nais ba ninyong malaman ang diwa ng mga Pariseo? Puno sila ng mga pantasya tungkol sa Mesiyas. Bukod pa riyan, naniwala lamang sila na darating ang Mesiyas, subalit hindi nila hinangad ang buhay katotohanan. Kaya nga, kahit ngayon ay hinihintay pa rin nila ang Mesiyas, sapagkat wala silang kaalaman tungkol sa daan ng buhay, at hindi nila alam kung ano ang daan ng katotohanan. Sa palagay ninyo, matatamo ba ng gayon kahangal, katigas ang ulo at kamangmang na mga tao ang pagpapala ng Diyos? Magagawa ba nilang mamasdan ang Mesiyas? Kinalaban nila si Jesus dahil hindi nila alam ang direksyon ng gawain ng Banal na Espiritu, dahil hindi nila alam ang daan ng katotohanang sinabi ni Jesus, at, higit pa riyan, dahil hindi nila naunawaan ang Mesiyas. At yamang hindi pa nila kailanman nakita ang Mesiyas at hindi rin Siya nakasalamuha, nagawa nila ang pagkakamali na kumapit lamang sa pangalan ng Mesiyas habang kinakalaban ang diwa ng Mesiyas sa lahat ng posibleng paraan. Ang mga Pariseong ito, sa kanilang diwa, ay mga sutil, mapagmataas, at hindi sumunod sa katotohanan. Ang prinsipyo ng kanilang pananampalataya sa Diyos ay: Gaano man kalalim ang pangangaral mo, gaano man kataas ang iyong awtoridad, hindi ikaw si Cristo maliban kung ikaw ang tinatawag na Mesiyas. Hindi ba katawa-tawa at kakatwa ang paniniwalang ito?
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Kapag Namasdan Mo Na ang Espirituwal na Katawan ni Jesus, Napanibago Na ng Diyos ang Langit at Lupa
May ilang panahon nang naghuhuramentado ang mga diyablo at demonyo sa lupa, at sinarhan na ng mga ito kapwa ang mga layunin at ang dugo ng puso ng Diyos kaya walang makalabas. Totoo, mortal na kasalanan ito! Paanong hindi mababalisa ang Diyos? Paanong hindi magagalit ang Diyos? Matindi na nilang hinadlangan at kinalaban ang gawain ng Diyos: Napakamapaghimagsik! Pati ang mga demonyong iyon, na malalaki at maliliit, ay parang mga asong-gubat na mahigpit na bumubuntot sa leon, at sumusunod sa daloy ng kasamaan sa pagbabalak na manggulo. Batid ang katotohanan, sadya nila itong nilalabanan, ang mga anak na ito ng paghihimagsik! Para bang, ngayong nakaakyat na ang kanilang hari ng impiyerno sa luklukan ng hari, naging komportable sila at mayabang, tinatrato ang lahat ng iba nang may pag-alipusta. Ilan sa kanila ang naghahanap sa katotohanan at sumusunod sa katarungan? Silang lahat ay mga hayop, walang ipinagkaiba sa mga baboy at aso, namumuno sa isang pangkat ng mababahong langaw, iwinawagwag ang kanilang ulo nang nasisiyahan sa kanilang sarili para batiin ang kanilang sarili at nagpapasimula ng lahat ng klase ng gulo,[1] sa gitna ng isang tumpok ng dumi ng hayop. Naniniwala sila na ang kanilang hari ng impiyerno ang pinakadakilang hari sa lahat, nang hindi natatanto na sila mismo ay hindi higit sa mababahong langaw. Subalit, sinasamantala nila ang kapangyarihan ng kanilang mga magulang na baboy at aso para siraang-puri ang pag-iral ng Diyos. Bilang maliliit na langaw, naniniwala sila na kasinlaki ng mga asul na balyena[2] ang kanilang mga magulang. Hindi ba’t alam nila na, samantalang sila man ay napakaliliit, ang kanilang mga magulang ay maruruming baboy at aso na daan-daang milyong beses na mas malaki kaysa sa kanila? Walang kamalay-malay sa sarili nilang kaabahan, umaasa sila sa baho ng kabulukang nagmumula sa mga baboy at asong iyon para maghari-harian, walang saysay na iniisip na magpakarami para sa hinaharap na mga henerasyon, nang hindi nahihiya! May berdeng mga pakpak sa kanilang likod (tumutukoy ito sa pahayag nila na naniniwala sila sa Diyos), hambog sila at ipinagyayabang nila sa lahat ng dako ang sarili nilang kagandahan at pang-akit, samantalang lihim nilang inihahagis sa tao ang karumihan sa sarili nilang katawan. Bukod pa rito, labis silang nasisiyahan sa kanilang sarili, na para bang magagamit nila ang isang pares ng mga pakpak na maraming iba’t ibang kulay para itago ang sarili nilang karumihan, at sa pamamagitan nito, ipinapataw nila ang kanilang pang-uusig laban sa pag-iral ng tunay na Diyos (tumutukoy ito sa mga nangyayari sa likod ng mga eksena sa mundo ng relihiyon). Paano malalaman ng tao na, nakabibighani man ang ganda ng mga pakpak ng isang langaw, ang langaw mismo, kung tutuusin, ay hindi higit sa isang maliit na nilalang, na puno ng dumi ang tiyan at balot ng mga mikrobyo ang katawan? Sa lakas na taglay ng mga magulang nila na baboy at aso, naghuhuramentado sila sa buong lupain (tumutukoy ito sa paraan kung saan umaasa ang mga opisyal ng relihiyon na umuusig sa Diyos sa malakas na suporta ng gobyerno ng bansa upang ipagkanulo ang tunay na Diyos at ang katotohanan), na walang pigil sa kanilang kalupitan. Parang nagbalik ang mga multo ng mga Hudyong Pariseo kasama ang Diyos sa bansa ng malaking pulang dragon, pabalik sa dati nilang pugad. Nagsimula na sila ng isa pang pag-uusig, na itinutuloy ang kanilang gawain ilang libong taon na ang nakararaan. Ang grupong ito ng mga tampalasan ay tiyak na mamamatay sa lupa sa huli! Lalabas na, pagkaraan ng ilang libong taon, naging mas tuso at mandaraya pa ang maruruming espiritu. Palagi nilang gustong isabotahe ang gawain ng Diyos nang palihim. Napakarami nilang mga panlalansi at panlilinlang, at nais nilang ulitin sa kanilang lupang-tinubuan ang trahedyang naganap ilang libong taon na ang nakaraan, hanggang sa halos mapasigaw ang Diyos. Halos hindi Niya mapigil ang Kanyang Sarili na magbalik sa ikatlong langit upang lipulin sila.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Gawain at Pagpasok (7)
Mga Talababa:
1. Ang “nagpapasimula ng lahat ng klase ng gulo” ay tumutukoy sa kung paano ginugulo, hinahadlangan at nilalabanan ng mga tao na sa mga diyablo ang gawain ng Diyos.
2. Ang “mga asul na balyena” ay ginagamit nang patuya. Ito ay isang metapora para sa kung paanong napakaliliit ng mga langaw kaya mukhang kasinlaki ng mga balyena ang mga baboy at aso.
Kaugnay na mga Eksena ng Pelikula
Paano Makikilala ang mga Modernong Fariseo
Kaugnay na mga Patotoong Batay sa Karanasan
Ang Pagpili ng Isang Paring Katoliko
Kaugnay na mga Himno
Dapat Mong Hanapin ang Daan ng Pagiging Magkaayon kay Cristo
Yaong mga Hindi Kilala ang Diyos ay Lumalaban sa Diyos