d. Kung ang Diyos ba talaga ang nagtatag ng mga pastor at elder ng relihiyon, at kung ang pagtalima ba sa mga pastor at elder ay pagpapasakop at pagsunod sa Diyos
Mga Salita ng Makapangyarihang Diyos ng mga Huling Araw
Sa pagpili ng isang tao na maglilingkod sa Kanya, ang Diyos ay laging may sariling mga prinsipyo. Hinding-hindi iyon ang kaso, gaya ng iniisip ng mga tao, na ang tao ay makapaglilingkod sa Diyos hangga’t mayroon siyang kasigasigan. Ngayon, nakikita ninyo na ang lahat ng naglilingkod sa harap ng Diyos ay ginagawa ito dahil sa gabay ng Diyos, at na sila ay mayroong gawain ng Banal na Espiritu, at mga taong naghahangad ng katotohanan. Ang mga ito ang mga pinakamababang kondisyon para sa lahat ng naglilingkod sa Diyos.
Ang paglilingkod sa Diyos ay hindi isang simpleng gampanin. Ang mga taong hindi nagbabago ang tiwaling disposisyon ay hindi kailanman maaaring maglingkod sa Diyos. Kung ang disposisyon mo ay hindi pa nahatulan at nakastigo ng mga salita ng Diyos, ang disposisyon mo ay kumakatawan pa rin kay Satanas, na nagpapatunay na ang paglilingkod mo sa Diyos ay ang pag-aalay mo lang ng sarili mong mabubuting intensiyon, na ang paglilingkod mo ay batay sa iyong satanikong kalikasan. Naglilingkod ka sa Diyos gamit ang likas mong karakter, at ayon sa mga personal mong kagustuhan. Dagdag pa rito, lagi mong iniisip na ang mga bagay na handa kang gawin ay ang mga bagay na nakalulugod sa Diyos, at ang mga bagay na hindi mo nais gawin ay ang mga bagay na kinapopootan ng Diyos; lubos kang gumagawa nang naaayon sa sarili mong mga kagustuhan. Matatawag ba itong paglilingkod sa Diyos? Sa huli, ang buhay disposisyon mo ay hindi magbabago ni katiting; sa halip, magiging mas mapagmatigas ito dahil sa paglilingkod mo, at sa gayon ay lubos na mapapalalim ang iyong tiwaling disposisyon, at sa gayon, mabubuo sa iyong kalooban ang mga alituntunin sa paglilingkod sa Diyos na ang pangunahing batayan ay ang sarili mong karakter, at karanasang mula sa iyong paglilingkod ayon sa sarili mong disposisyon. Ang mga ito ang karanasan at mga aral ng tao. Ito ang pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo ng tao. Ang mga taong tulad nito ay mga Pariseo at mga opisyal ng relihiyon. Kung hindi sila mamumulat at magsisisi ngayon, tiyak na magiging mga huwad na cristo at mga anticristo sila na nanlilihis ng mga tao sa mga huling araw. Magmumula sa ganitong mga tao ang nabanggit na mga huwad na cristo at mga anticristo. Kung ang mga naglilingkod sa Diyos ay sumusunod sa sarili nilang karakter at kumikilos ayon sa sarili nilang kalooban, nanganganib silang maitiwalag anumang oras. Ang mga umaasa sa kanilang maraming taon ng karanasan para maglingkod sa Diyos upang makuha ang loob ng ibang tao, mapangaralan at malimitahan sila, at magkaroon ng mataas na katayuan—at hindi kailanman nagsisisi, hindi kailanman nagtatapat ng kanilang mga kasalanan, hindi kailanman tinatalikuran ang mga pakinabang ng katayuan—ang mga taong ito ay babagsak sa harap ng Diyos. Sila ay mga kauri ni Pablo, nagpapalagay na nakatataas sila at ipinagmamalaki sa iba ang kanilang mga kredensiyal. Hindi ginagawang perpekto ng Diyos ang mga taong tulad nito. Ang gayong paglilingkod ay katumbas ng paggambala sa gawain ng Diyos. Ang mga tao ay palaging kumakapit sa luma. Kumakapit sila sa mga kuru-kuro ng nakalipas, sa lahat ng bagay mula sa nakaraan. Malaking sagabal ito sa kanilang paglilingkod. Kung hindi mo iwawaksi ang mga ito, sisirain ng mga bagay na ito ang buong buhay mo. Kahit na mabali ang mga binti mo sa pagpaparoo’t parito, mabali ang likod mo sa pagtatrabaho, o kahit pa maging martir ka alang-alang sa “paglilingkod” sa Diyos, hindi ka sasang-ayunan ng Diyos kahit kaunti. Sa kabaligtaran: sasabihin Niya na ikaw ay isang taong gumagawa ng masama.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Kailangang Mabuwag ang Paglilingkod na Panrelihiyon
Ang mga nasa simbahan na nangangaral at may katayuan, posisyon, at prestihiyo ay isang grupo ng mga taong sinanay sa mga teolohikal na seminaryo para magkaroon ng teolohikal na kaalaman at mga teorya, at sila, sa esensya, ang pangunahing katawang nagtataguyod sa Kristiyanismo. Sinasanay ng Kristiyanismo ang mga gayong tao na tumayo sa entablado at mangaral, na mag-ebanghelyo at gumawa ng gawain saanman. Naniniwala silang nasisiguro ang pag-iral ng Kristiyanismo hanggang sa kasalukuyan sa pamamagitan ng mga taong may talento tulad ng mga estudyanteng ito ng teolohiya, nangangaral na pastor, at teologo. Ang mga taong ito ang nagiging halaga at kapital sa pag-iral ng Kristiyanismo. Kung ang pastor ng isang simbahan ay nagtapos sa isang teolohikal na seminaryo, maayos na natatalakay ang Bibliya, nakabasa na ng ilang espirituwal na aklat, at may kaunting kaalaman at galing magsalita, dadami ang dumadalo sa simbahang iyon at magiging lubhang mas sikat ito kaysa sa ibang simbahan. Ano ang pinahahalagahan ng mga taong ito na nasa Kristiyanismo? Ang kaalaman, ang teolohikal na kaalaman. Saan nanggagaling ang kaalamang ito? Hindi ba’t ipinamana ito mula pa sa sinaunang panahon? May mga Kasulatan na noon pang sinaunang panahon, na ipinamana ng bawat naunang henerasyon sa susunod, at sa ganitong paraan binabasa at inaaral ng lahat ang mga iyon hanggang ngayon. Hinahati ng mga tao ang Bibliya sa iba’t ibang seksiyon, bumubuo sila ng iba’t ibang bersiyon, at hinihikayat nila ang pag-aaral at pagkatuto, pero ang pag-aaral nila sa Bibliya ay hindi para maunawaan ang katotohanan upang makilala ang Diyos, ni para maunawaan ang mga layunin ng Diyos upang matakot sila sa Diyos at umiwas sa kasamaan; sa halip ito ay para pag-aralan ang kaalaman at ang mga hiwaga ng Bibliya, para malaman kung aling mga pangyayari sa kung anong panahon ang tumupad sa kung anong propesiya sa Pahayag, at kung kailan mangyayari ang malalaking kalamidad at ang milenyo—pinag-aaralan nila ang mga ito. May kinalaman ba sa katotohanan ang pag-aaral nila? (Wala, wala itong kinalaman.) Bakit nila pinag-aaralan ang mga bagay na wala namang kinalaman sa katotohanan? Ito ay dahil habang mas nag-aaral sila, nadarama nilang mas nakakaunawa sila, at habang mas nasasangkapan sila ng mga salita at doktrina, nagiging mas kalipikado sila. Habang mas kalipikado sila, mas nadarama nilang mas maabilidad sila, at mas lalo silang naniniwala na sa wakas ay pagpapalain sila sa kanilang pananampalataya, na pupunta sila sa langit pagkamatay nila, o na madadala paitaas sa himpapawid ang mga buhay para salubungin ang Panginoon. Ito ang kanilang mga kuru-kuro sa relihiyon, na hinding-hindi naaayon sa mga salita ng Diyos.
—Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikapitong Aytem: Sila ay Buktot, Lihim na Mapanira, at Mapanlinlang (Ikatlong Bahagi)
Ang gawain sa isip ng tao ay napakadaling makamit ng tao. Ang mga pastor at pinuno sa relihiyosong mundo, halimbawa, ay umaasa sa kanilang mga kaloob at katungkulan upang gawin ang kanilang gawain. Ang mga taong sumusunod sa kanila sa loob ng mahabang panahon ay mahahawa sa kanilang mga kaloob at maiimpluwensiyahan ng ilan sa kung ano sila. Nakatuon sila sa mga kaloob, abilidad, at kaalaman ng mga tao, at nagbibigay-pansin sa higit-sa-karaniwang mga bagay at sa maraming malalim at di-makatotohanang doktrina (mangyari pa, ang malalalim na doktrinang ito ay hindi matatamo). Hindi sila nakatuon sa mga pagbabago sa mga disposisyon ng mga tao, kundi sa halip ay sa pagsasanay sa mga abilidad ng mga tao na mangaral at gumawa, at sa pagpapabuti ng kanilang kaalaman sa Bibliya at mga espirituwal na teorya. Hindi nila pinagtutuunan kung gaano karaming katotohanan ang nauunawaan ng mga tao o kung gaano nagbabago ang kanilang mga buhay disposisyon, at wala silang pakialam kahit kaunti sa tiwaling diwa ng mga tao, lalong hindi nila sinusubukang alamin ang mga normal at abnormal na kalagayan ng mga tao. Hindi nila sinasalungat ang mga kuru-kuro ng mga tao, ni hindi nila inilalantad ang kanilang mga kuru-kuro, lalong hindi nila pinupungusan ang mga tao sa kanilang mga kakulangan o mga katiwalian. Karamihan sa mga sumusunod sa kanila ay naglilingkod gamit ang kanilang mga kaloob, at ang tanging inilalabas nila ay mga relihiyosong kuru-kuro at mga teoryang teolohikal, na hiwalay sa realidad at sadyang hindi makakatulong sa kanila na magkamit ng buhay. Sa katunayan, ang diwa ng kanilang gawain ay paglilinang sa mga indibidwal na may talento, paglilinang sa isang tao na walang kahit ano tungo sa isang natatanging gradweyt ng seminaryo na humahayo upang gumawa at mamuno kalaunan.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Gawain ng Diyos at Gawain ng Tao
Ang mga pastor at elder ng mundo ng relihiyon ay pawang mga taong pinag-aaralan ang biblikal na kaalaman at teolohiya; sila ay mga mapagpaimbabaw na Pariseo na lumalaban sa Diyos. … Ang mga nasa Kristiyanismo at Katolisismo ba na nag-aaral ng Bibliya, teolohiya, at maging ng kasaysayan ng gawain ng Diyos ay mga tunay na mananampalataya? Naiiba ba sila sa mga mananampalataya at tagasunod ng Diyos na tinutukoy ng Diyos? Sa mga mata ng Diyos, mga mananampalataya ba sila? Hindi, pinag-aaralan nila ang teolohiya, pinag-aaralan nila ang Diyos, pero hindi sila sumusunod sa Diyos o nagpapatotoo sa Kanya. Ang pag-aaral nila sa Diyos ay kapareho ng pag-aaral ng kasaysayan, pilosopiya, batas, biyolohiya, o astronomiya na ginagawa ng iba. Hindi nga lang nila gusto ang siyensiya o ang iba pang paksang-aralin—partikular nilang gustong pag-aralan ang teolohiya. Hinahanap nila ang maliliit na piraso ng gawain ng Diyos para pag-aralan ang Diyos, pero ano ang kalalabasan ng kanilang pag-aaral? Matutuklasan ba nila ang pag-iral ng Diyos? Hindi, hindi kailanman. Mauunawaan ba nila ang mga layunin ng Diyos? (Hindi.) Bakit? Dahil namumuhay sila sa mga salita, sa kaalaman, sa pilosopiya, sa isip ng tao, at sa mga kaisipan ng tao; hindi nila kailanman makikita ang Diyos o matatamo ang kaliwanagan ng Banal na Espiritu. Paano sila inilalarawan ng Diyos? Bilang mga hindi mananampalataya, bilang mga walang pananampalataya. Ang mga walang pananampalataya at hindi mananampalatayang ito ay nakikihalubilo sa tinatawag na komunidad ng mga Kristiyano, kumikilos bilang mga mananampalataya sa Diyos, bilang mga Kristiyano, pero sa realidad, may tunay ba silang pagsamba sa Diyos? May tunay ba silang pagpapasakop? (Wala.) Bakit ganoon? Isa lang ang sigurado: Marami sa kanila ay hindi naniniwala sa puso nila na umiiral ang Diyos; hindi sila naniniwalang ang Diyos ang lumikha sa mundo at may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay, at lalo nang hindi sila naniniwalang puwedeng maging tao ang Diyos. Ano ang ibig sabihin ng di-paniniwalang ito? Nangangahulugan itong magduda at magkaila. Nagkakaroon pa nga sila ng isang saloobing hindi umaasang matutupad o mangyayari ang mga propesiyang binigkas ng Diyos, lalo na iyong tungkol sa mga kalamidad. Ito ang saloobin nila sa pananampalataya sa Diyos, at ito ang diwa at totoong mukha ng kanilang diumano ay pananalig. Pinag-aaralan ng mga taong ito ang Diyos dahil partikular silang interesado sa paksang-aralin at sa kaalaman sa teolohiya, at sa mga katunayan ng kasaysayan ng gawain ng Diyos; sila ay talagang isang grupo ng mga intelektuwal na pinag-aaralan ang teolohiya. Hindi naniniwala ang mga intelektuwal na ito sa pag-iral ng Diyos, kaya paano sila tumutugon kapag gumagawa na ang Diyos, kapag natutupad na ang mga salita ng Diyos? Ano ang una nilang reaksiyon kapag narinig nilang ang Diyos ay naging tao at nagsimula na ng isang bagong gawain? “Imposible!” Ang sinumang nangangaral ng bagong pangalan ng Diyos at ng bagong gawain ng Diyos ay kinokondena nila, at gusto pa nga nilang patayin o paslangin ito. Anong klase ng pagpapamalas ito? Hindi ba’t pagpapamalas ito ng isang tipikal na anticristo? Anong pagkakaiba nila sa mga sinaunang Pariseo, punong pari, at mga eskriba? Mapanlaban sila sa gawain ng Diyos, sa paghatol ng Diyos sa mga huling araw, sa pagiging tao ng Diyos, at bukod pa roon, mapanlaban sila sa pagsasakatuparan ng mga propesiya ng Diyos. Naniniwala silang, “Kung hindi ka naging tao, kung nasa anyo ka ng isang espirituwal na katawan, ikaw ay diyos; kung nagkatawang-tao ka at ikaw ay naging isang tao, ibig sabihin ay hindi ka diyos, at hindi ka namin kinikilala.” Ano ang ipinahihiwatig nito? Ibig sabihin nito ay hangga’t narito sila, hindi nila hahayaang maging tao ang Diyos. Hindi ba’t ganito ang isang tipikal na anticristo? Isa itong tunay na anticristo.
—Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikapitong Aytem: Sila ay Buktot, Lihim na Mapanira, at Mapanlinlang (Ikatlong Bahagi)
Yaong mga Pariseong Hudyo, punong saserdote, at eskriba ng Kapanahunan ng Kautusan ay nanampalataya sa Diyos sa pangalan lamang, ngunit sila ay tumalikod sa Kanyang daan, at ipinako pa nila ang nagkatawang-taong Diyos. Nakakuha kaya ng pagsang-ayon ng Diyos ang kanilang pananampalataya? (Hindi.) Inilarawan na sila ng Diyos bilang isang relihiyosong grupo. Para naman sa mga nananampalataya kay Jesus, hindi rin sila kinikilala ng Diyos bilang mga tao na nananampalataya at sumusunod sa Kanya. Nananampalataya rin sila sa Diyos sa langit, sa isang kathang-isip na diyos, at katumbas din sila ng isang grupong panrelihiyon; hindi sila kinikilala ng Diyos bilang mga miyembro ng Kanyang iglesia. Bakit kokondenahin ng Diyos ang relihiyosong mundo sa ganitong paraan? Ito ay dahil ang lahat ng miyembro ng mga relihiyosong grupo, lalo na ang matataas na lider ng iba’t ibang denominasyon, ay walang mga may-takot-sa-Diyos na puso, hindi sila sumusunod sa kalooban ng Diyos, at silang lahat ay mga hindi mananampalataya. Hindi sila naniniwala sa pagkakatawang-tao ng Diyos, lalong hindi nila tinatanggap ang katotohanan. Hindi nila kailanman hinahanap ang gawain ng Diyos sa mga huling araw, ni hindi nila sinisiyasat o tinatanggap ang mga katotohanang ipinapahayag ng Diyos, at kaya pa nga nilang direktang kondenahin at lapastanganin ang gawain ng pagkakatawang-tao ng Diyos sa mga huling araw. Malinaw na makikita rito na maaaring sa pangalan ay nananampalataya sila sa Diyos, pero hindi sila kinikilala ng Diyos bilang mga mananampalataya sa Kanya; sinasabi Niya na sila ay mga taong gumagawa ng masama, na walang anumang kaugnayan ang anuman sa mga ginagawa nila sa Kanyang gawain ng pagliligtas, na sila ay mga walang pananampalataya na nasa labas ng Kanyang mga salita. Kung, sa inyong pananampalataya sa Diyos, hinahangad lang ninyo ang pagkakaroon ng mabubuting panlabas na pag-uugali, at hindi ninyo kailanman hinahanap ang katotohanan sa anumang usapin kundi sa halip ay sumusunod at nakikinig kayo sa mga tao, hindi ba’t darating ang araw na kayo rin ay mahuhulog sa pagiging mga tagasunod ng relihiyon? Ang pananampalataya sa Diyos mula sa loob ng relihiyon ay hindi makapagtatamo ng kaligtasan—bakit nga ba ganito? Kung hindi ninyo ito matalos, ipinapakita nito na hindi ninyo nauunawaan ang katotohanan o ang mga layunin ng Diyos kahit kaunti. Ang pinakakalunos-lunos na bagay na maaaring mangyari sa mga mananampalataya sa Diyos ay ang pagkahulog nila sa isang grupong panrelihiyon at ang matiwalag sila ng Diyos. Lagpas ito sa imahinasyon ng tao, at hindi kailanman makikita nang malinaw ng mga hindi nakauunawa sa katotohanan ang bagay na ito. Sabihin ninyo sa Akin, kapag unti-unting naging relihiyon ang isang iglesia sa mga mata ng Diyos at naging isang denominasyon sa loob ng maraming mahabang taon mula nang mabuo ito, ang mga tao ba sa loob nito ang mga pakay ng pagliligtas ng Diyos? Mga miyembro ba sila ng Kanyang sambahayan? (Hindi.) Hindi sila kabilang. Anong landas ang kanilang tinatahak, nitong mga taong sa pangalan lamang nananampalataya sa tunay na Diyos, ngunit itinuturing Niyang mga mananampalataya sa relihiyon? Ang landas na kanilang tinatahak ay ang daan kung saan dinadala nila ang bandila ng pananampalataya sa Diyos ngunit hindi kailanman sumusunod sa Kanyang daan; ito ay isang daan kung saan nananampalataya sila sa Diyos ngunit hindi Siya sinasamba kailanman, at tinatalikuran pa nga Siya; ito ay isang daan kung saan ipinapahayag nilang nananampalataya sila sa Diyos ngunit nilalabanan Siya. Sa papel, nananampalataya sila sa pangalan ng Diyos, sa tunay na Diyos, ngunit ang totoo, sumasamba sila kay Satanas at sa mga diyablo, at nagsasagawa ng sariling mga proyekto ng tao, at nagtatatag ng mga nagsasariling kaharian ng tao. Iyon ang landas na tinatahak nila. Kung titingnan ang landas na tinatahak nila sa kanilang pananampalataya sa Diyos, maliwanag na sila ay isang grupo ng mga hindi mananampalataya, isang gang ng mga anticristo, isang grupo ng mga Satanas at mga diyablo na partikular na lumalaban sa Diyos at gumagambala sa Kanyang gawain. Iyan ang diwa ng mundo ng relihiyon. May kinalaman ba ang grupo ng gayong mga tao sa plano ng pamamahala ng Diyos para sa kaligtasan ng tao? (Wala.) Kung ang mga mananampalataya sa Diyos, gaano man sila karami, ay may pananampalataya na inilarawan ng Diyos bilang isang relihiyosong grupo, ang mga taong ito ay hindi ang mga pakay ng gawain at pagliligtas ng Diyos. Naitakda na ito ng Diyos, at hindi maililigtas ang mga taong ito. Bakit Ko ito sinasabi? Ang isang pangkat na walang gawain o patnubay ng Diyos na hindi nagpapasakop sa Kanya o sumasamba sa Kanya kahit kaunti ay nananampalataya sa Diyos sa pangalan, pero ang mga pastor at elder ng relihiyon ang sinusunod at tinatalima nila, at ang mga pastor at elder ng relihiyon ay kay Satanas at mapagpaimbabaw sa kanilang diwa. Samakatwid, ang sinusunod at tinatalima ng mga taong iyon ay ang mga Satanas at mga diyablo. Sinasabi nilang nananampalataya sila sa Diyos, ngunit sa katunayan, minamanipula sila ng tao, napapailalim sa mga pagmamanipula at kontrol ng tao. Kaya, sa esensya, ang sinusunod at tinatalima nila ay si Satanas, at ang mga diyablo, at ang mga puwersa ng kasamaan na lumalaban sa Diyos, at ang mga kaaway ng Diyos. Ililigtas ba ng Diyos ang isang pangkat ng mga taong tulad nito? (Hindi.) Bakit hindi? Buweno, ang gayong mga tao ba ay may kakayahang magsisi? Hindi sila magsisisi. Sila ay nakikilahok sa mga pagpapatakbo ng tao at mga proyekto ng tao sa ilalim ng bandila ng pananalig sa Diyos, na sumasalungat sa plano ng pamamahala ng Diyos para sa pagliligtas sa sangkatauhan, at ang huling kalalabasan ay itataboy sila ng Diyos. Imposibleng ililigtas ng Diyos ang mga taong ito, at wala silang kakayahang magsisi; nabihag sila ni Satanas, at ibinibigay sila ng Diyos kay Satanas.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Tanging sa Pagkakaroon ng Takot sa Diyos Makatatahak ang Isang Tao sa Landas ng Kaligtasan
Hindi nagmamahal sa katotohanan ang ilang tao, lalong hindi sa paghatol. Sa halip, nagmamahal sila sa kapangyarihan at mga kayamanan; ang mga taong ganoon ay tinatawag na mga mapaghanap ng kapangyarihan. Hinahanap lamang nila ang mga denominasyon sa mundo na may kapangyarihan, at hinahanap lamang nila ang mga pastor at mga gurong galing sa mga seminaryo. Bagaman tinanggap na nila ang daan ng katotohanan, hindi sila lubos na nananampalataya, at wala silang kakayahang ilaan ang buong katawan at isip nila; ang mga bibig nila ay bumibigkas ng mga salita ng paggugol ng sarili nila para sa Diyos, ngunit ang kanilang mga mata ay nakatuon sa mga dakilang pastor at guro, at hindi man lang sinusulyapan si Cristo. Ang isipan nila ay puno ng mga kaisipan ng kasikatan, pakinabang, at karangalan. Hindi sila naniniwalang ang isang ganoong kaliit na tao ay may kakayahang lupigin ang napakarami, na ang isang taong hindi kapansin-pansin ay kayang gawing perpekto ang tao. Iniisip nilang imposibleng ang mga hamak na ito na nasa gitna ng alikabok at mga tambak ng dumi ay ang mga taong hinirang ng Diyos. Naniniwala silang kung ang gayong mga tao ang mga pakay ng pagliligtas ng Diyos, ang langit at lupa ay mababaliktad, at ang lahat ng tao ay sasakit ang tiyan sa kakatawa. Naniniwala silang kung pinili ng Diyos ang gayong mga tao upang gawing perpekto, kung gayon ang mga dakilang pigurang iyon ay magiging Diyos Mismo. Ang mga pananaw nila ay may bahid ng di-paniniwala; higit pa sa hindi paniniwala, sila ay mga walang katwirang hayop lamang. Sapagkat pinahahalagahan lamang nila ang katayuan, prestihiyo, at kapangyarihan, at pinahahalagahan nila ang malalaking grupo at denominasyon, at hinahamak nila ang mga pinamumunuan ni Cristo. Sila ay sadyang mga nagkakanulo na tumalikod kay Cristo, sa katotohanan, at sa buhay.
Hindi mo hinahangaan ang pagpapakumbaba ni Cristo, pero pinagpipitagan mo ang mga huwad na pastol na iyon na may prominenteng katayuan. Hindi mo minamahal ang pagiging kaibig-ibig o ang karunungan ni Cristo, pero kinagigiliwan mo iyong mahahalay na nakikisabay sa karumihan ng mundo. Tinutuya mo lang ang pasakit ni Cristo dahil wala Siyang lugar na mapagpahingahan ng Kanyang ulo, ngunit hinahangaan mo ang mga bangkay na nagnanakaw ng mga handog at namumuhay sa kahalayan. Hindi ka handang magdusa kasama ni Cristo, ngunit kusang-loob mong inihahagis ang sarili mo sa mga bisig ng mga walang habas at sutil na anticristo, kahit na tinutustusan ka lamang nila ng laman, mga salita, at kontrol. Kahit ngayon, bumabaling pa rin sa kanila ang puso mo, tungo sa kanilang reputasyon, sa kanilang katayuan, sa kanilang mga puwersa. Gayumpaman, patuloy mong tinataglay ang saloobin na nahihirapan kang tanggapin ang gawain ni Cristo at ayaw mo itong tanggapin. Ito ang tanging dahilan kung bakit sinasabi Kong wala kang pananalig na kilalanin si Cristo. Ang dahilan kung bakit ka sumusunod sa Kanya hanggang ngayon ay dahil lamang wala kang ibang pagpipilian. Nagtataasan sa puso mo magpakailanman ang isang serye ng matatayog na imahe; hindi mo makakalimutan ang kanilang bawat salita at gawa, ni ang kanilang maimpluwensiyang mga salita at kamay. Sa puso ninyo, sila ay kataas-taasan at mga bayani magpakailanman. Ngunit hindi ganito para sa Cristo ng kasalukuyan. Sa puso mo, hindi Siya mahalaga magpakailanman, isa Siyang tao magpakailanman na hindi karapat-dapat na katakutan. Sapagkat napakakaraniwan Niya, may lubhang napakaliit na impluwensiya, at malayo sa pagiging matayog.
Ano’t anuman, sinasabi Ko na ang lahat ng hindi nagpapahalaga sa katotohanan ay mga hindi mananampalataya at mga nagkakanulo sa katotohanan. Ang mga gayong tao ay hindi kailanman makatatanggap ng pagsang-ayon ni Cristo. Natanto mo na ba ngayon kung gaano kalaki ang hindi paniniwalang nasa kalooban mo, at kung gaano ang pagkakanulo mo kay Cristo? Ikaw ay Aking hinihikayat nang ganito: Dahil pinili mo na ang daan ng katotohanan, dapat mong ilaan ang sarili mo nang buong puso; huwag kang mag-alinlangan o maging hindi buo ang loob. Dapat mong maunawaan na ang Diyos ay hindi Diyos ng mundo ni ng sinumang iisang tao, kundi Diyos ng lahat ng totoong nananampalataya sa Kanya, ng lahat ng sumasamba sa Kanya, at ng lahat ng mga deboto at tapat sa Kanya.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Isa Ka Ba Talagang Mananampalataya sa Diyos?
Kaugnay na mga Eksena ng Pelikula
Tunay bang Hinirang ng Panginoon ang mga Pastor at Elder?
Ang Pagsunod ba sa mga Pastor at Elder ay Tulad ng Pagsunod sa Diyos?
Maaari Bang Kumatawan ang Papa sa Diyos? Ang Pakikinig ba sa Papa ay Pagsunod sa Diyos?
Kaugnay na mga Sermon
Ang Pagsunod Ba sa mga Lider ng Relihiyon ay Pagsunod sa Diyos?
Kaugnay na mga Himno
Walang Tunay na Pananalig kay Cristo ang Tao
Ang Lahat ng Nananampalataya sa Diyos ngunit Hindi Tumatanggap sa Katotohanan ay mga Hindi Mananampalataya