h. Ang pagliligtas ng Diyos ay makakamtan lamang sa pamamagitan ng pagtanggap sa Kanyang gawain sa mga huling araw at paglisan sa mundo ng relihiyon
Mga Salita ng Makapangyarihang Diyos ng mga Huling Araw
Lahat niyaong nagagawang sumunod sa liwanag ngayon ng Banal na Espiritu ay mga pinagpala. Sinundan din ng mga tao sa mga kapanahunan at henerasyong lumipas ang mga yapak ng Diyos, ngunit hindi sila patuloy na nakakasunod hanggang sa kasalukuyan; ito ang pagpapala ng mga tao sa mga huling araw. Yaong mga nagagawang sumunod sa kasalukuyang gawain ng Banal na Espiritu, at nagagawang sumunod sa mga yapak ng Diyos, sumusunod sa Diyos saanman Niya sila akayin—ito ang mga tao na pinagpala ng Diyos. Yaong mga hindi sumusunod sa kasalukuyang gawain ng Banal na Espiritu ay hindi pa nakapasok sa gawain ng mga salita ng Diyos, at gaano man sila gumawa, o gaano man katindi ang kanilang pagdurusa, o gaano man sila magparoo’t parito, walang anuman dito ang may kabuluhan sa Diyos, at hindi Niya sila sasang-ayunan. Sa ngayon, lahat ng sumusunod sa pinakabagong mga salita ng Diyos ay nasa daloy ng Banal na Espiritu; yaong mga nasa labas ng mga pinakabagong salita ng Diyos ay nasa labas ng daloy ng Banal na Espiritu, at ang gayong mga tao ay hindi sinasang-ayunan ng Diyos. Ang paglilingkod na nasa labas ng pinakabagong mga salita ng Banal na Espiritu ay paglilingkod na mula sa laman, at mula sa mga kuru-kuro, at imposible itong maging alinsunod sa mga layunin ng Diyos. Kung ang mga tao ay nabubuhay sa gitna ng mga relihiyosong kuru-kuro, wala silang magagawang anuman na alinsunod sa mga layunin ng Diyos, at kahit na naglilingkod sila sa Diyos, naglilingkod sila sa gitna ng kanilang mga imahinasyon at mga kuru-kuro, at ganap na walang kakayahan na maglingkod alinsunod sa mga layunin ng Diyos. Hindi nauunawaan niyaong mga hindi nagagawang sundan ang gawain ng Banal na Espiritu ang mga layunin ng Diyos, at yaong mga hindi nakauunawa sa mga layunin ng Diyos ay hindi maaaring maglingkod sa Diyos. Nais ng Diyos ang paglilingkod na naaayon sa Kanyang mga layunin; ayaw Niya sa paglilingkod na mula sa mga kuru-kuro at sa laman. Kung walang kakayahan ang mga tao na sundan ang mga hakbang ng gawain ng Banal na Espiritu, sila ay nabubuhay sa gitna ng mga kuru-kuro. Ang paglilingkod ng gayong mga tao ay nakakagambala at nakakagulo, at ang gayong paglilingkod ay sumasalungat sa Diyos. Kaya yaong mga hindi nagagawang sundan ang mga yapak ng Diyos ay walang kakayahan na maglingkod sa Diyos; yaong hindi magawang sundan ang mga yapak ng Diyos ay tiyak na tiyak na kinakalaban ang Diyos, at tiyak na mga walang kakayahan na maging kaayon ng Diyos. Ang “pagsunod sa gawain ng Banal na Espiritu” ay nangangahulugan ng pagkaunawa sa mga kasalukuyang layunin ng Diyos, at ang magawang kumilos alinsunod sa kasalukuyang mga hinihingi ng Diyos, magpasakop at sundan ang Diyos sa kasalukuyan, at pumasok alinsunod sa pinakabagong mga salita ng Diyos. Tanging ito ang isang tao na sumusunod sa gawain ng Banal na Espiritu at nasa daloy ng Banal na Espiritu. Ang gayong mga tao ay hindi lamang may kapabilidad na matanggap ang pagsang-ayon ng Diyos at makita ang Diyos, kundi makikilala rin nila ang disposisyon ng Diyos mula sa pinakabagong gawain ng Diyos, at makikilala rin ang mga kuru-kuro at paghihimagsik ng tao, at kalikasan at diwa ng tao, mula sa Kanyang pinakabagong gawain; bukod dito, nagagawa nilang unti-unting matamo ang mga pagbabago sa kanilang disposisyon sa panahon ng kanilang paglilingkod. Ang mga tao lamang na kagaya nito ang nagagawang kamtin ang Diyos, at tunay na nakasumpong na sa tunay na daan. Ang mga taong itinitiwalag ng gawain ng Banal na Espiritu ay mga tao na walang kakayahan na sundan ang pinakabagong gawain ng Diyos, at mga naghihimagsik laban sa pinakabagong gawain ng Diyos. Ang gayong mga tao ay hayagang kinakalaban ang Diyos sapagkat ang Diyos ay gumawa ng bagong gawain, at sapagkat ang wangis ng Diyos ay hindi kagaya ng nasa kanilang mga kuru-kuro—bilang resulta nito, hayagan nilang kinakalaban ang Diyos at hinuhusgahan ang Diyos, na humahantong sa pagtataboy sa kanila ng Diyos. Ang pagtataglay ng kaalaman tungkol sa pinakabagong gawain ng Diyos ay hindi madaling bagay, ngunit kung magagawa ng mga tao na sadyang magpasakop sa gawain ng Diyos at hanapin ang gawain ng Diyos, magkakaroon sila ng pagkakataon na makita ang Diyos, at magkakaroon ng pagkakataon na makamit ang pinakabagong paggabay ng Banal na Espiritu. Yaong mga sinasadyang kalabanin ang gawain ng Diyos ay hindi makakatanggap ng kaliwanagan ng Banal na Espiritu o ng paggabay ng Diyos. Kaya, kung matatanggap man o hindi ng mga tao ang pinakabagong gawain ng Diyos ay nakasalalay sa biyaya ng Diyos, gayundin sa kanilang paghahangad, at sa kanilang mga intensiyon.
Lahat ng kayang magpasakop sa mga pinakabagong salita ng Banal na Espiritu ay mga pinagpala. Hindi mahalaga kung paano ang mga tao dati, o kung paano gumawa ang Banal na Espiritu sa kanila dati—ang lahat niyaong mga nagkamit na ng pinakabagong gawain ng Diyos ang mga pinakapinagpala, at ang lahat niyaong hindi nakasusunod sa pinakabagong gawain ngayon ay ititiwalag. Nais ng Diyos yaong kayang tanggapin ang bagong liwanag, at nais Niya yaong tumatanggap at nakakakilala sa Kanyang pinakabagong gawain. Bakit sinasabi na dapat kang maging isang malinis na birhen? Nagagawa ng isang malinis na birhen na hanapin ang gawain ng Banal na Espiritu at maunawaan ang mga bagong bagay, at higit pa rito, nagagawang bitiwan ang mga dating kuru-kuro, at magpasakop sa gawain ng Diyos sa kasalukuyan. Ang grupong ito ng mga tao, na tumatanggap sa pinakabagong gawain sa kasalukuyan, ay paunang itinadhana ng Diyos bago pa ang mga kapanahunan, at ang mga pinakapinagpala sa lahat ng tao. Naririnig ninyo nang tuwiran ang tinig ng Diyos, at nakikita ang pagpapakita ng Diyos, at kaya, sa kabuuan ng langit at lupa, at sa kabuuan ng mga kapanahunan at henerasyon, walang sinuman ang naging mas pinagpala kaysa sa inyo, ang grupong ito ng mga tao.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Alamin ang Pinakabagong Gawain ng Diyos at Sumunod sa Kanyang mga Yapak
Ang gawain ng Banal na Espiritu ay laging sumusulong, at ang lahat ng nasa daloy ng Banal na Espiritu ay nararapat ding sumulong palalim at magbago baitang-baitang. Hindi sila dapat tumigil sa isang yugto. Tanging ang mga hindi nakakakilala sa gawain ng Banal na Espiritu ang hihinto sa Kanyang orihinal na gawain, at hindi tatanggapin ang bagong gawain ng Banal na Espiritu. Tanging ang mga mapaghimagsik ang hindi magagawang makamit ang gawain ng Banal na Espiritu. Kung ang pagsasagawa ng tao ay hindi sumasabay sa bagong gawain ng Banal na Espiritu, ang pagsasagawa ng tao ay tiyak na nahihiwalay mula sa kasalukuyang gawain at tiyak na salungat sa kasalukuyang gawain. Ang gayong mga taong lipas na sa panahon ay talagang walang kakayahang isakatuparan ang kalooban ng Diyos, at lalo nang hindi sila maaaring maging mga tao na maninindigan sa kanilang patotoo sa Diyos sa huli. Ang buong gawain ng pamamahala, higit pa rito, ay hindi matatapos sa gitna ng ganoong grupo ng mga tao. Tungkol naman sa mga dating kumapit sa kautusan ni Jehova, at iyong mga minsang nagdusa dahil sa krus, kung hindi nila matatanggap ang yugto ng gawain ng mga huling araw, kung gayon ang lahat ng kanilang ginawa ay mawawalan ng saysay, at walang kabuluhan. Ang pinakamalinaw na pagpapamalas ng gawain ng Banal na Espiritu ay nasa pagyakap sa naririto ngayon, hindi pagkapit sa nakaraan. Iyong mga hindi na nakasabay sa gawain ngayon, at silang mga napahiwalay na mula sa pagsasagawa ngayon, ay iyong mga lumalaban at hindi tumatanggap sa gawain ng Banal na Espiritu. Ang mga taong iyon ay kumokontra sa kasalukuyang gawain ng Diyos. Bagama’t kumakapit sila sa liwanag ng nakaraan, hindi maitatanggi na hindi nila kilala ang gawain ng Banal na Espiritu. Bakit paulit-ulit ang mga usapan tungkol sa mga pagbabago sa pagsasagawa ng tao, sa mga pagkakaiba sa pagsasagawa sa pagitan ng nakalipas at ngayon, kung paanong ang pagsasagawa ay isinakatuparan sa nakaraang kapanahunan, at kung paano ito isinasagawa ngayon? Ang ganoong paghahati-hati sa pagsasagawa ng tao ay laging tinatalakay dahil ang gawain ng Banal na Espiritu ay patuloy na sumusulong, at sa gayon, ang pagsasagawa ng tao ay kailangan ding patuloy na magbago. Kung ang tao ay nananatiling naiipit sa isang yugto, kung gayon ito ay nagpapatunay na wala siyang kakayahan sa pagsabay sa bagong gawain ng Diyos at bagong liwanag; hindi ito nagpapatunay na ang plano ng pamamahala ng Diyos ay hindi nagbago. Iyong mga nasa labas ng daloy ng Banal na Espiritu ay laging nag-iisip na sila ay tama, ngunit sa katunayan, ang gawain ng Diyos sa kanila ay matagal nang tumigil, at sila ay ganap na walang gawain ng Banal na Espiritu. Ang gawain ng Diyos ay matagal nang inilipat sa isa pang grupo ng mga tao, at nilalayon Niyang isakatuparan ang Kanyang bagong gawain sa mga taong ito. Dahil iyong mga nasa relihiyon ay walang kakayahang tanggapin ang bagong gawain ng Diyos, at kumakapit lamang sa lumang gawain ng nakaraan, kaya’t tinalikuran na Niya ang mga taong ito, at ginagawa ang Kanyang bagong gawain sa mga taong tumatanggap sa bagong gawaing ito. Ang mga ito ay mga tao na nakikipagtulungan sa bago Niyang gawain, at tanging sa paraang ito matutupad ang Kanyang pamamahala.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Gawain ng Diyos at ang Pagsasagawa ng Tao
Yamang nananampalataya ang tao sa Diyos, dapat niyang mahigpit na sundan ang bawat yapak ng Diyos; dapat siyang “sumunod sa Kordero saan man pumaroon ang Kordero.” Tanging ang mga tao na gumagawa nito ang talagang naghahanap sa tunay na daan, ang mga nakakakilala sa gawain ng Banal na Espiritu. Ang mga taong matigas na kumakapit sa mga salita at mga doktrina ay iyong mga itiniwalag na ng gawain ng Banal na Espiritu. Sa bawat panahon, ang Diyos ay magsisimula ng bagong gawain, at sa bawat panahon, magkakaroon ng bagong simula sa gitna ng tao. Kung ang tao ay sumusunod lamang sa mga katotohanan na “si Jehova ang Diyos” at “si Jesus ang Cristo,” na mga katotohanan na bawat isa ay aplikable lamang sa iisang kapanahunan, sa gayon ang tao ay hindi kailanman makakasabay sa gawain ng Banal na Espiritu, at magpakailanmang walang kakayahang magkamit ng gawain ng Banal na Espiritu. Hindi alintana kung paano gumagawa ang Diyos, kung ang tao ay sumusunod nang wala ni katiting na pag-aalinlangan, at sumusunod nang mahigpit, kung gayon, paano maititiwalag ng Banal na Espiritu ang tao? Hindi alintana kung ano ang ginagawa ng Diyos, hangga’t ang tao ay nakatitiyak na ito ang gawain ng Banal na Espiritu at nakikipagtulungan sa gawain ng Banal na Espiritu nang walang anumang pag-aalinlangan, at sinusubukang tugunan ang mga hinihingi ng Diyos, kung gayon, paano siya maparurusahan? Hindi humihinto kailanman ang gawain ng Diyos, hindi kailanman tumitigil ang Kanyang mga yapak, at bago pa man matapos ang Kanyang gawain ng pamamahala, Siya ay palaging abala, at hindi kailanman tumitigil. Ngunit iba ang tao: Pagkatapos magkamit lamang ng kaunting gawain ng Banal na Espiritu, itinuturing niya ito na parang hindi kailanman magbabago; pagkatapos magkamit lamang ng kaunting pagkakilala, hindi na siya nagpapatuloy sa “pagsubaybay” sa mas bagong gawain ng Diyos; pagkatapos makakita lamang ng maliit na bahagi ng gawain ng Diyos, agad niyang nililimitahan ang Diyos sa pagiging isang partikular na rebultong kahoy, at naniniwala siya na palaging pananatilihin ng Diyos ang imaheng ito na nakikita niya, na ganito rin sa nakalipas at laging magiging ganoon sa hinaharap; pagkatapos magkamit lamang ng kaunting mababaw na pagkakilala, napakayabang ng tao kaya’t nakakalimutan niya ang kanyang sarili at nagsisimulang walang pakundangang iproklama ang isang disposisyon at ang pagiging Diyos ng Diyos na hindi talaga umiiral; at pagkatapos makatiyak tungkol sa isang yugto ng gawain ng Banal na Espiritu, kahit anong uri ng tao ang nagpoproklama ng bagong gawain ng Diyos, hindi ito tinatanggap ng tao. Ang mga taong gaya nito ay hindi kayang tumanggap sa bagong gawain ng Banal na Espiritu; masyado silang makaluma, at hindi kayang tumanggap ng mga bagong bagay. Ang gayong mga tao ay nananampalataya sa Diyos ngunit tinatanggihan din ang Diyos. Naniniwala ang tao na mali ang mga Israelita na “manampalataya lamang kay Jehova at hindi kay Jesus,” ngunit karamihan ng mga tao ay gumaganap ng papel kung saan sila ay “nananampalataya lamang kay Jehova at tinatanggihan si Jesus” at “nananabik para sa pagbabalik ng Mesiyas, ngunit lumalaban sa Mesiyas na tinatawag na Jesus.” Hindi na nakapagtataka, kung gayon, na ang mga tao ay namumuhay pa rin sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas matapos tanggapin ang isang yugto ng gawain ng Banal na Espiritu, at hindi pa rin tumatanggap ng mga pagpapala ng Diyos. Hindi ba’t ito ang bunga ng pagiging mapaghimagsik ng tao? Ang mga tao sa Kristiyanismo sa buong mundo na hindi nakakasabay sa bagong gawain ng kasalukuyan ay nangungunyapit lahat sa pag-asa na magiging mapalad sila, ipinagpapalagay na tutuparin ng Diyos ang kani-kanilang mga kahilingan. Subalit hindi nila masasabi nang may lubos na katiyakan kung bakit dadalhin sila paitaas ng Diyos sa ikatlong langit, o kung paano sila kukunin ni Jesus nang nakasakay sa puting ulap, lalong hindi sila lubos na nakatitiyak kung si Jesus ay totoong darating sakay ng puting ulap sa araw na kanilang inilalarawan sa isip. Lahat sila ay nababahala, at hindi alam ang gagawin; hindi rin nila alam sa sarili nila mismo kung bawat isa sa kanila ay dadalhin paitaas ng Diyos, ang iba’t ibang maliliit na bilang ng tao mula sa iba’t ibang denominasyon. Ang gawaing ginagawa ng Diyos ngayon, ang kasalukuyang kapanahunan, ang mga layunin ng Diyos—wala silang pagkaarok sa anuman sa mga bagay na ito, at wala silang ginagawa kundi ang magbilang ng mga araw sa kanilang mga daliri. Tanging ang mga sumusunod lamang sa mga yapak ng Kordero hanggang sa pinakahuli ang magkakamit ng pangwakas na pagpapala, samantalang ang “matatalinong tao,” na hindi nakakasunod hanggang sa katapus-katapusan ngunit naniniwala na nakamtan na nila ang lahat, ay walang kakayahang masaksihan ang pagpapakita ng Diyos. Bawat isa sa kanila ay naniniwala na siya ang pinakamatalinong tao sa lupa, at pinuputol nila, nang walang anumang dahilan, ang patuloy na pag-unlad ng gawain ng Diyos, at sila ay tila naniniwala nang may lubos na katiyakan na dadalhin sila paitaas ng Diyos sa langit, silang “mayroong buong katapatan sa Diyos, sumusunod sa Diyos, at tumatalima sa mga salita ng Diyos.” Kahit na sila ay mayroong “buong katapatan” sa mga salitang sinabi ng Diyos, ang kanilang mga salita at kilos ay nakasusuklam pa rin dahil kanilang nilalabanan ang gawain ng Banal na Espiritu, at gumagawa ng panlilinlang at kasamaan. Iyong mga hindi kayang sumunod hanggang sa pinakahuli, at hindi makasasabay sa gawain ng Banal na Espiritu at kumakapit lamang sa lumang gawain, ay hindi lamang nabigo sa pagkamit ng katapatan sa Diyos, ngunit sa kabaligtaran, naging iyong mga sumasalungat sa Diyos, iyong mga tinatanggihan ng bagong kapanahunan, at iyong mga mapaparusahan. Mayroon pa bang mas nakakaawa kaysa kanila? Marami pa nga ang naniniwala na ang lahat ng tumatanggi sa lumang kautusan at tumatanggap sa bagong gawain ay walang konsensiya. Ang mga taong ito, na ang pinagtutuunan lang ay “konsensiya,” pero hindi kilala ang gawain ng Banal na Espiritu, sa kahuli-hulihan ay masisira ang kanilang kinabukasan ng kanila mismong mga konsensiya. Maging ang Diyos ay hindi sumusunod sa mga regulasyon sa Kanyang gawain, at bagama’t ito nga ay Kanyang sariling gawain, hindi pa rin kumakapit ang Diyos dito. Iyong dapat tanggihan ay tinatanggihan, kung ano iyong dapat itiwalag ay itinitiwalag. Ngunit pinanghahawakan pa rin ng tao ang iisang maliit na bahagi ng gawain ng pamamahala ng Diyos upang salungatin Siya. Hindi ba’t baligho ang tao? Hindi ba’t ito ang kamangmangan ng tao? Mas mahina ang loob at sobrang maingat ang mga tao dahil sila ay takot na hindi magkamit ng mga pagpapala, mas wala silang kakayahang magkamit ng mas maraming pagpapala, at hindi nila kayang tumanggap ng pangwakas na pagpapala. Iyong mga taong matigas na kumakapit sa kautusan ay pawang nagpapakita ng buong katapatan sa kautusan, at kapag mas ipinakikita nila ang kanilang gayong katapatan sa kautusan, mas mapaghimagsik sila na lumalaban sa Diyos. Dahil ngayon ay ang Kapanahunan ng Kaharian at hindi ang Kapanahunan ng Kautusan, at ang gawain sa ngayon at ang gawain ng nakalipas ay hindi maipagkukumpara, ni maikukumpara ang gawain ng nakaraan sa gawain sa ngayon. Ang gawain ng Diyos ay nagbago na, at ang pagsasagawa ng tao ay nagbago na rin; ito ay hindi ang kumapit sa kautusan o magpasan ng krus. Samakatwid, ang katapatan ng tao sa kautusan at sa krus ay hindi magkakamit ng pagsang-ayon ng Diyos.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Gawain ng Diyos at ang Pagsasagawa ng Tao
Yaong mga Pariseong Hudyo, punong saserdote, at eskriba ng Kapanahunan ng Kautusan ay nanampalataya sa Diyos sa pangalan lamang, ngunit sila ay tumalikod sa Kanyang daan, at ipinako pa nila ang nagkatawang-taong Diyos. Nakakuha kaya ng pagsang-ayon ng Diyos ang kanilang pananampalataya? (Hindi.) Inilarawan na sila ng Diyos bilang isang relihiyosong grupo. Para naman sa mga nananampalataya kay Jesus, hindi rin sila kinikilala ng Diyos bilang mga tao na nananampalataya at sumusunod sa Kanya. Nananampalataya rin sila sa Diyos sa langit, sa isang kathang-isip na diyos, at katumbas din sila ng isang grupong panrelihiyon; hindi sila kinikilala ng Diyos bilang mga miyembro ng Kanyang iglesia. Bakit kokondenahin ng Diyos ang relihiyosong mundo sa ganitong paraan? Ito ay dahil ang lahat ng miyembro ng mga relihiyosong grupo, lalo na ang matataas na lider ng iba’t ibang denominasyon, ay walang mga may-takot-sa-Diyos na puso, hindi sila sumusunod sa kalooban ng Diyos, at silang lahat ay mga hindi mananampalataya. Hindi sila naniniwala sa pagkakatawang-tao ng Diyos, lalong hindi nila tinatanggap ang katotohanan. Hindi nila kailanman hinahanap ang gawain ng Diyos sa mga huling araw, ni hindi nila sinisiyasat o tinatanggap ang mga katotohanang ipinapahayag ng Diyos, at kaya pa nga nilang direktang kondenahin at lapastanganin ang gawain ng pagkakatawang-tao ng Diyos sa mga huling araw. Malinaw na makikita rito na maaaring sa pangalan ay nananampalataya sila sa Diyos, pero hindi sila kinikilala ng Diyos bilang mga mananampalataya sa Kanya; sinasabi Niya na sila ay mga taong gumagawa ng masama, na walang anumang kaugnayan ang anuman sa mga ginagawa nila sa Kanyang gawain ng pagliligtas, na sila ay mga walang pananampalataya na nasa labas ng Kanyang mga salita. Kung, sa inyong pananampalataya sa Diyos, hinahangad lang ninyo ang pagkakaroon ng mabubuting panlabas na pag-uugali, at hindi ninyo kailanman hinahanap ang katotohanan sa anumang usapin kundi sa halip ay sumusunod at nakikinig kayo sa mga tao, hindi ba’t darating ang araw na kayo rin ay mahuhulog sa pagiging mga tagasunod ng relihiyon? Ang pananampalataya sa Diyos mula sa loob ng relihiyon ay hindi makapagtatamo ng kaligtasan—bakit nga ba ganito? Kung hindi ninyo ito matalos, ipinapakita nito na hindi ninyo nauunawaan ang katotohanan o ang mga layunin ng Diyos kahit kaunti. Ang pinakakalunos-lunos na bagay na maaaring mangyari sa mga mananampalataya sa Diyos ay ang pagkahulog nila sa isang grupong panrelihiyon at ang matiwalag sila ng Diyos. Lagpas ito sa imahinasyon ng tao, at hindi kailanman makikita nang malinaw ng mga hindi nakauunawa sa katotohanan ang bagay na ito. Sabihin ninyo sa Akin, kapag unti-unting naging relihiyon ang isang iglesia sa mga mata ng Diyos at naging isang denominasyon sa loob ng maraming mahabang taon mula nang mabuo ito, ang mga tao ba sa loob nito ang mga pakay ng pagliligtas ng Diyos? Mga miyembro ba sila ng Kanyang sambahayan? (Hindi.) Hindi sila kabilang. Anong landas ang kanilang tinatahak, nitong mga taong sa pangalan lamang nananampalataya sa tunay na Diyos, ngunit itinuturing Niyang mga mananampalataya sa relihiyon? Ang landas na kanilang tinatahak ay ang daan kung saan dinadala nila ang bandila ng pananampalataya sa Diyos ngunit hindi kailanman sumusunod sa Kanyang daan; ito ay isang daan kung saan nananampalataya sila sa Diyos ngunit hindi Siya sinasamba kailanman, at tinatalikuran pa nga Siya; ito ay isang daan kung saan ipinapahayag nilang nananampalataya sila sa Diyos ngunit nilalabanan Siya. Sa papel, nananampalataya sila sa pangalan ng Diyos, sa tunay na Diyos, ngunit ang totoo, sumasamba sila kay Satanas at sa mga diyablo, at nagsasagawa ng sariling mga proyekto ng tao, at nagtatatag ng mga nagsasariling kaharian ng tao. Iyon ang landas na tinatahak nila. Kung titingnan ang landas na tinatahak nila sa kanilang pananampalataya sa Diyos, maliwanag na sila ay isang grupo ng mga hindi mananampalataya, isang gang ng mga anticristo, isang grupo ng mga Satanas at mga diyablo na partikular na lumalaban sa Diyos at gumagambala sa Kanyang gawain. Iyan ang diwa ng mundo ng relihiyon. May kinalaman ba ang grupo ng gayong mga tao sa plano ng pamamahala ng Diyos para sa kaligtasan ng tao? (Wala.) Kung ang mga mananampalataya sa Diyos, gaano man sila karami, ay may pananampalataya na inilarawan ng Diyos bilang isang relihiyosong grupo, ang mga taong ito ay hindi ang mga pakay ng gawain at pagliligtas ng Diyos. Naitakda na ito ng Diyos, at hindi maililigtas ang mga taong ito. Bakit Ko ito sinasabi? Ang isang pangkat na walang gawain o patnubay ng Diyos na hindi nagpapasakop sa Kanya o sumasamba sa Kanya kahit kaunti ay nananampalataya sa Diyos sa pangalan, pero ang mga pastor at elder ng relihiyon ang sinusunod at tinatalima nila, at ang mga pastor at elder ng relihiyon ay kay Satanas at mapagpaimbabaw sa kanilang diwa. Samakatwid, ang sinusunod at tinatalima ng mga taong iyon ay ang mga Satanas at mga diyablo. Sinasabi nilang nananampalataya sila sa Diyos, ngunit sa katunayan, minamanipula sila ng tao, napapailalim sa mga pagmamanipula at kontrol ng tao. Kaya, sa esensya, ang sinusunod at tinatalima nila ay si Satanas, at ang mga diyablo, at ang mga puwersa ng kasamaan na lumalaban sa Diyos, at ang mga kaaway ng Diyos. Ililigtas ba ng Diyos ang isang pangkat ng mga taong tulad nito? (Hindi.) Bakit hindi? Buweno, ang gayong mga tao ba ay may kakayahang magsisi? Hindi sila magsisisi. Sila ay nakikilahok sa mga pagpapatakbo ng tao at mga proyekto ng tao sa ilalim ng bandila ng pananalig sa Diyos, na sumasalungat sa plano ng pamamahala ng Diyos para sa pagliligtas sa sangkatauhan, at ang huling kalalabasan ay itataboy sila ng Diyos. Imposibleng ililigtas ng Diyos ang mga taong ito, at wala silang kakayahang magsisi; nabihag sila ni Satanas, at ibinibigay sila ng Diyos kay Satanas.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Tanging sa Pagkakaroon ng Takot sa Diyos Makatatahak ang Isang Tao sa Landas ng Kaligtasan
Kaugnay na mga Eksena ng Pelikula
Bakit Laganap ang Kalungkutan sa Mundo ng Relihiyon?
Kaugnay na mga Patotoong Batay sa Karanasan
Ang Katotohanan ay Hindi Makakamit sa Relihiyon
Kaugnay na mga Himno
Ang mga Mananampalataya ay Dapat Sumunod nang Mahigpit sa mga Yapak ng Diyos
Ang Cristo ng mga Huling Araw ay Naghahatid ng Buhay
Makikita Ba ng mga Hindi Tumatanggap sa Bagong Gawain ng Banal na Espiritu ang Pagpapakita ng Diyos?