a. Ang panlilihis at pagtiwali ni Satanas sa tao ang ugat ng kadiliman at kasamaan sa mundo
Mga Salita ng Makapangyarihang Diyos ng mga Huling Araw
Sina Adan at Eba na nilikha ng Diyos sa pasimula ay mga dalisay na tao, ibig sabihin, habang nasa Hardin ng Eden ay dalisay sila, walang bahid ng karumihan. Sila rin ay tapat kay Jehova, at wala silang alam tungkol sa pagkakanulo kay Jehova. Ito ay dahil hindi sila ginulo ng impluwensiya ni Satanas at wala silang lason ni Satanas. Sila ang pinakadalisay sa buong sangkatauhan. Sila ay namuhay sa Hardin ng Eden, hindi nabahiran ng anumang dumi, hindi naangkin ng laman, at may takot sila kay Jehova. Kalaunan, nang sila ay tinukso ni Satanas, nagkaroon sila ng lason ng ahas, at ng pagnanais na ipagkanulo si Jehova, at namuhay sila sa ilalim ng impluwensiya ni Satanas. Sa pasimula, sila ay dalisay at may takot kay Jehova; sa ganitong kalagayan lamang sila tao. Kalaunan, pagkatapos silang tuksuhin ni Satanas, kinain nila ang bunga ng punongkahoy ng kaalaman ng mabuti at masama, at namuhay sa ilalim ng impluwensiya ni Satanas. Unti-unti silang nagawang tiwali ni Satanas, at nawalan sila ng orihinal na wangis ng tao. Sa pasimula, ang sangkatauhan ay mayroong hininga ni Jehova, at walang kahit katiting na pagiging mapaghimagsik, at walang kasamaan ang tao sa kanyang puso. Noong panahong iyon, ang tao ay tunay na tao. Pagkatapos magawang tiwali ni Satanas, ang tao ay naging isang hayop. Ang kanyang mga kaisipan ay napuno ng kasamaan at karumihan, walang kabutihan at kabanalan. Hindi ba’t ito si Satanas?
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Karanasan ni Pedro: Ang Kanyang Kaalaman sa Pagkastigo at Paghatol
Mula nang magsimula ang mga agham panlipunan, inokupa ng agham at kaalaman ang puso ng mga tao. Pagkatapos, ang agham at kaalaman ay naging mga kagamitan para sa paghahari sa mga tao, nagdudulot na mawalan sila ng sapat na puwang para sambahin ang Diyos, at na mawalan ng mas kakaunting mga kondisyon na paborable para sa pagsamba sa Diyos. Ang posisyon ng Diyos ay bumaba nang lalo pang mas mababa sa puso ng lahat ng tao. Kung walang puwang para sa Diyos sa kanilang puso, ang panloob na mundo ng mga tao ay madilim, walang pag-asa, at hungkag. Pagkatapos nito, lumitaw ang maraming panlipunang siyentipiko, mananalaysay, at politiko upang magpahayag ng mga teorya ng agham panlipunan, ng teorya ng ebolusyon ng tao, at ng iba pang mga teorya na sumasalungat sa katotohanan na nilikha ng Diyos ang sangkatauhan, upang punuin ang puso at isip ng mga tao. At sa ganitong paraan, ang mga naniniwala na ang Diyos ang lumikha ng lahat ng bagay ay lalo pang nangaunti, at ang mga naniniwala sa teorya ng ebolusyon ay lalo pang dumami ang bilang. Parami nang parami ang mga tao na itinuturing ang mga talaan ng gawain ng Diyos at ang Kanyang mga salita sa kapanahunan ng Lumang Tipan bilang mga mito at alamat. Ang dignidad ng Diyos at ang kadakilaan ng Diyos ay kumupas na sa puso ng mga tao, at ang pag-iral ng Diyos at ang doktrina na ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay ay kumupas na sa puso ng mga tao. Ang pananatiling buhay ng sangkatauhan at ang kapalaran ng mga bansa at mga bayan ay hindi na mahalaga sa kanila, at namumuhay ang sangkatauhan sa isang hungkag na mundo na ang iniintindi lamang ay pagkain, pag-inom, at ang paghahangad ng kasiyahan. … Iilang tao lang ang nagkukusang hanapin kung saan ginagawa ngayon ng Diyos ang Kanyang gawain, o hanapin kung paanong Siya ang may kataas-taasang kapangyarihan at ang nagsasaayos sa hantungan ng sangkatauhan. At sa ganitong paraan, nang hindi namamalayan ng tao, ang sibilisasyon ng tao ay nababawasan nang nababawasan ng kakayahang tugunan ang mga kagustuhan ng tao, at maraming tao pa nga ang nakararamdam sa halip na, sa pamumuhay sa ganitong mundo, sila ay hindi gaanong masaya kung ihahambing sa mga taong yumao na. Maging ang mga tao ng mga dating napakasibilisadong bansa ay nagpapahayag ng mga ganitong hinaing. Sapagkat kung wala ang gabay ng Diyos, kahit pa pigain ng mga pinuno at sosyolohista ang mga utak nila para maingatan ang sibilisasyon ng tao, wala itong silbi. Walang tao ang makapupuno sa kahungkagan sa mga puso ng mga tao, dahil walang tao ang maaaring maging buhay ng tao, at walang teoryang panlipunan ang maaaring magpalaya sa tao mula sa mga problema ng kahungkagan. Ang agham, kaalaman, kalayaan, demokrasya, kasiyahan, at kaginhawahan ay nagdadala lamang ng pansamantalang konsuwelo sa tao. Kahit pa mayroong ganitong mga bagay, hindi pa rin maiwasan ng sangkatauhan na magkasala at dumaing sa pagiging hindi patas ng lipunan. Hindi mahahadlangan ng pagkakaroon ng mga bagay na ito ang pag-aasam at pagnanais ng sangkatauhan na tumuklas. Ito ay dahil ang tao ay nilalang ng Diyos at ang mga walang katuturang sakripisyo at pagtuklas ng sangkatauhan ay magdudulot lamang ng patindi nang patinding pagkabagabag sa tao, at magdulot na ang tao ay palagiang malagay sa pangamba, nang hindi nalalaman kung paano haharapin ang kinabukasan ng sangkatauhan o kung paano haharapin ang landas sa hinaharap, hanggang sa puntong ang sangkatauhan ay natatakot pa nga sa agham, natatakot sa kaalaman, at lalong natatakot sa pakiramdam ng kahungkagan. Sa mundong ito, ikaw man ay nakatira sa isang malayang bansa o sa isang bansa na walang mga karapatang pantao, ikaw ay ganap na walang kakayahang takasan ang kapalaran ng sangkatauhan. Ikaw man ang pinuno o ang pinamumunuan, ikaw ay ganap na walang kakayahang takasan ang pagnanais na tuklasin ang kapalaran, mga hiwaga, at hantungan ng sangkatauhan, lalo nang wala kang kakayahang takasan ang di-maipaliwanag na pakiramdam ng kahungkagan. Ang gayong mga penomeno, na karaniwan sa buong sangkatauhan, ay tinatawag ng mga sosyologo na mga panlipunang penomeno, ngunit walang dakilang tao ang maaaring lumitaw upang lutasin ang mga gayong problema. Kung tutuusin, ang tao ay tao, at ang katayuan at buhay ng Diyos ay hindi mapapalitan ng sinuman. Ang kailangan ng sangkatauhan ay hindi lang ang isang patas na lipunan kung saan ang lahat ng tao ay kumakain nang sapat, pantay-pantay, at malaya; ang kailangan ng sangkatauhan ay ang pagliligtas ng Diyos at ang Kanyang pagtutustos ng buhay sa kanila. Kapag natatanggap ng sangkatauhan ang itinutustos na buhay ng Diyos at ang pagliligtas ng Diyos, saka lamang malulutas ang kanilang mga pangangailangan, pagnanais na tumuklas, at ang kahungkagan sa mga puso nila. Kung ang mga tao ng isang bansa o ng isang bayan ay hindi makatanggap ng pagliligtas at pagbabantay ng Diyos, ang gayong bansa o bayan ay uusad patungo sa paglubog, patungo sa kadiliman, at bilang resulta, lilipulin ito ng Diyos.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Apendise 2: Ang Diyos ang May Kataas-taasang Kapangyarihan sa Kapalaran ng Buong Sangkatauhan
Mula itaas hanggang ibaba at mula simula hanggang wakas, ginugulo na ni Satanas ang gawain ng Diyos at kumikilos laban sa Kanya. Lahat ng ito tungkol sa “sinaunang pamanang kultura,” mahalagang “kaalaman tungkol sa sinaunang kultura,” “mga turo ng Taoism at Confucianism,” at “Confucian classics at mga seremonyang pyudal” ay dinala na ang tao sa impiyerno. Ang maunlad na makabagong-panahong siyensya at teknolohiya, pati na ang lubhang maunlad na industriya, agrikultura, at pagnenegosyo ay hindi makita kahit saan. Sa halip, binibigyang-diin lamang nito ang mga ritwal na pyudal na dinala ng sinaunang “mga unggoy” upang sadyang gambalain, labanan, at lansagin ang gawain ng Diyos. Hindi lamang nito patuloy na pinagdurusa ang tao hanggang sa araw na ito, kundi nais pa nitong lunukin[1] nang buo ang tao. Ang paghahatid ng mga turo ng pyudal na etika at ang pagpapasa ng kaalaman tungkol sa sinaunang kultura ay matagal nang nakahawa sa lahat ng tao, at ginawa silang mga diyablong malalaki at maliliit. Iilan lamang ang masayang tatanggap sa Diyos, at iilan lamang ang buong kagalakang sasalubong sa Kanyang pagdating. Ang mga mukha ng lahat ng tao ay puno ng intensyong pumatay, at sa lahat ng lugar, bumabalot sa paligid ang nakamamatay na awra. Hangad nilang palayasin ang Diyos mula sa lupaing ito; hawak ang mga kutsilyo at espada, inaayos nila ang kanilang sarili sa pakikipaglaban upang “puksain” ang Diyos. Sa buong lupaing ito ng mga diyablo, kung saan palaging itinuturo sa tao na walang Diyos, nagkalat ang mga diyos-diyosan, at ang hangin sa itaas ay puno ng nakasusukang amoy ng sunog na papel at insenso, na masyadong makapal kaya mahirap huminga. Para iyong amoy ng burak na sumisingaw pataas sa pagpilipit ng makamandag na ahas, kaya hindi mapigilan na masuka. Bukod dito, bahagyang maririnig ang tunog ng masasamang demonyo na nagsasambit ng mga kasulatan, isang ingay na tila nanggagaling sa malayong impiyerno, kaya hindi mapigilan na manginig. Sa lahat ng dako ng lupaing ito ay may nakalagay na mga diyos-diyosan na may maraming iba’t ibang kulay, na ginagawang isang matingkad at malabis na mundo ang lupain, samantalang patuloy na humahalakhak nang buong kasamaan ang hari ng mga diyablo, na para bang nagtagumpay na ang balak nito. Samantala, nananatiling lubos na walang alam ang tao, at ni wala rin siyang kamalay-malay na nagawa na siyang tiwali ng diyablo hanggang sa punto kung saan nawalan na siya ng kamalayan at nasiraan ng loob. Nais nitong puksain, sa isang iglap, ang lahat ng tungkol sa Diyos, at muli Siyang lapastanganin at palihim na paslangin; hangad nitong buwagin at guluhin ang Kanyang gawain. Paano nito matutulutan ang Diyos na makapantay sa katayuan? Paano nito matitiis na “manghimasok” ang Diyos sa gawain nito sa mundo ng tao? Paano nito matutulutan ang Diyos na ilantad ang kasuklam-suklam nitong mukha? Paano nito matutulutan ang Diyos na gambalain ang gawain nito? Paano mapapayagan ng diyablong ito, na nagpupuyos ang galit, na makontrol ng Diyos ang naghaharing korte nito sa lupa? Paano nito magagawang kusang-loob na yumuko sa nakahihigit Niyang kapangyarihan? Nabunyag na ang kasuklam-suklam nitong mukha kung ano talaga ito, kaya hindi alam ng tao kung tatawa o iiyak, at talagang mahirap itong masabi. Hindi ba’t ito ang diwa nito? Nang may mga pangit na kaluluwa, naniniwala pa rin sila na di-kapani-paniwala ang kagandahan nila—ang grupong ito ng magkakasabuwat sa krimen![2] Bumababa sila sa mundo ng mga mortal upang magpakasaya at magsanhi ng kaguluhan, na ginugulo nang husto ang mga bagay-bagay kaya nagiging salawahan at pabagu-bago ang mundo at natataranta at hindi mapakali ang puso ng tao, at napaglaruan nila nang husto ang tao kaya nagmukha siyang isang malahalimaw na hayop sa parang, napakapangit, at nawala na ang pinakahuling bakas ng orihinal na taong dalisay. Bukod pa rito, nais pa nilang kunin ang pinakamataas na kapangyarihan sa lupa. Hinahadlangan nila nang husto ang gawain ng Diyos kaya hindi ito halos makasulong, at sinasarhan nila ang tao nang kasinghigpit ng mga pader na tanso at bakal. Dahil napakaraming nagawang malubhang kasalanan at nagsanhi ng napakaraming kalamidad, may inaasahan pa ba silang iba maliban sa pagkastigo? May ilang panahon nang naghuhuramentado ang mga diyablo at demonyo sa lupa, at sinarhan na ng mga ito kapwa ang mga layunin at ang dugo ng puso ng Diyos kaya walang makalabas. Totoo, mortal na kasalanan ito! Paanong hindi mababalisa ang Diyos? Paanong hindi magagalit ang Diyos? Matindi na nilang hinadlangan at kinalaban ang gawain ng Diyos: Napakamapaghimagsik!
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Gawain at Pagpasok (7)
Mga Talababa:
1. Ang “lunukin” ay tumutukoy sa marahas na pag-uugali ng hari ng mga diyablo, na sinasaklot nang buo ang mga tao.
2. Ang “magkakasabuwat sa krimen” ay kapareho ng uri ng “isang grupo ng mga butangero.”
Ginagawang tiwali ni Satanas ang tao sa pamamagitan ng edukasyon at pagkokondisyon ng mga pambansang pamahalaan at ng mga sikat at dakila. Ang kanilang mga maladiyablong salita ay naging buhay at kalikasan na ng tao. “Ang bawat tao para sa kanyang sarili at bahala na ang iba” ay isang sikat na satanikong kasabihan na nanuot na sa lahat ng tao at naging pinakabuhay nila. May iba pang mga salita ng pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo na katulad nito. Ginagamit ni Satanas ang tradisyonal na kultura ng bawat bayan para turuan, iligaw, at gawing tiwali ang mga tao, nagsasanhi sa sangkatauhan na mahulog sa isang walang-hanggang bangin ng pagkawasak, at sa huli, malipol ng Diyos dahil naglilingkod sila kay Satanas at nilalabanan nila ang Diyos. Ang ilang tao ay naglingkod bilang mga opisyal ng gobyerno sa lipunan sa loob ng deka-dekada. Ipagpalagay na itatanong sa kanila ang sumusunod na tanong: “Yamang nagawa mong maging isang opisyal at magkaroon ng napakamaayos na karera, ano ang mga pangunahing bantog na kasabihang tumulong sa iyong makamit ito?” Maaaring sabihin nila, “Ang nag-iisang bagay na nauunawaan ko ay ito: ‘Hindi pinapahirapan ng mga opisyal ang mga may dalang regalo para sa kanila, at ang mga hindi nambobola ay walang mapapala.’” Umasa sila sa satanikong pilosopiyang ito upang maging isang opisyal. Hindi ba’t kumakatawan ang mga salitang ito sa kalikasan ng gayong mga tao? Ang paggamit ng mga walang-konsensiyang paraan para makakuha ng posisyon ay naging kalikasan na nila. Ang maging isang opisyal na namumukod-tangi at nagkakamit ng mabilis na pag-angat ang kanilang layon. Maraming ibang lason ni Satanas sa buhay, kilos, at sariling asal ng mga tao. Halimbawa, ang mga pilosopiya nila para sa mga makamundong pakikitungo, ang kanilang mga taktika sa paggawa ng mga bagay-bagay, at ang kanilang mga kasabihan ay pawang puno ng mga lason ng malaking pulang dragon, at lahat ng ito ay galing kay Satanas. Kaya, lahat ng tumatagos sa mga buto at dugo ng mga tao ay kay Satanas. Lahat ng opisyal na iyon, ang mga may hawak ng kapangyarihan, at yaong mga matagumpay ay may sarili nilang mga landas at lihim sa tagumpay. Hindi ba lubos na kumakatawan ang mga lihim na iyon sa kanilang kalikasan? May kakayahan silang magsagawa ng malalaking proyekto sa mundo, at walang sinumang nakakakilatis sa mga pakana at intrigang nasa likod ng mga iyon. Ipinapakita nito na lubhang lihim na mapanira at mapaminsala ang kanilang kalikasan. Labis nang nagawang tiwali ni Satanas ang sangkatauhan. Ang kamandag ni Satanas ay dumadaloy sa dugo ng bawat tao, at masasabi na ang kalikasan ng tao ay tiwali, buktot, lumalaban, at salungat sa Diyos, puno at lubos na nakalubog sa mga pilosopiya at lason ni Satanas. Ito ay ganap na naging kalikasang diwa ni Satanas. Ito ang dahilan kung bakit nilalabanan ng mga tao ang Diyos at mapanlaban sila sa Kanya.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Paano Malalaman ang Kalikasan ng Tao
Sa proseso ng pagkamit ng tao ng kaalaman, sa pamamagitan ng paggamit ng lahat ng uri ng pamamaraan, maging ito man ay pagkukuwento, simpleng pagbibigay sa kanya ng kaalaman, o pagpapahintulot sa kanya na tugunan ang kanyang mga pagnanais o adhikain, patungo sa anong daan ba talaga nais akayin ni Satanas ang tao? Iniisip ng tao na walang mali sa pagkamit ng kaalaman, na ito ay ganap na likas at may katwiran. Upang ipahayag ito sa paraang nakakaakit pakinggan, ang magtatag ng matatayog na adhikain o ang magkaroon ng mga ambisyon ay pagkakaroon ng motibasyon, at ito dapat ang tamang landas sa buhay. Kung maisasakatuparan ng isang tao ang sarili niyang mga adhikain, o makapagtatatag ng isang matagumpay na propesyon sa kanyang buhay, hindi ba’t mas maluwalhati iyon na pamumuhay? Sa ganitong paraan, hindi lamang mapararangalan ng isang tao ang sariling mga ninuno kundi magkakaroon din siya ng pagkakataon na mag-iwan ng bakas para sa darating na mga henerasyon—hindi ba’t mabuting bagay ito? Ito ay isang mabuting bagay sa mga mata ng mga taong makamundo, at sa kanila ay dapat itong maging angkop at positibo. Gayumpaman, si Satanas ba, nang may lihim na mapanirang mga motibo nito, ay umaakay sa tao patungo sa gayong daan at pagkatapos ay ganoon na lamang? Siyempre hindi. Sa katunayan, gaano man kaengrande ang mga adhikain ng tao, gaano man kamakatotohanan ang mga kahilingan ng tao o gaano man maaaring kaangkop ang mga ito, ang lahat ng gustong matamo ng tao, ang lahat ng hinahangad ng tao, ay hindi mapaghihiwalay na nauugnay sa dalawang salita. Ang dalawang salitang ito ay lubhang mahalaga sa bawat tao sa buong buhay nila, at ang mga ito ay mga bagay na binabalak na ikintal ni Satanas sa tao. Ano ang dalawang salitang ito? Ang mga ito ay “kasikatan” at “pakinabang.” Gumagamit si Satanas ng isang napakabanayad na paraan, isang paraan na lubos na naaayon sa mga kuru-kuro ng mga tao, at na hindi masyadong agresibo, para tanggapin ng mga tao nang hindi nila namamalayan ang mga paraan at batas nito ng pananatiling buhay, magkaroon ng mga layon sa buhay at direksyon sa buhay, at magtaglay ng mga adhikain sa buhay. Gaano man tila katayog pakinggan ang mga paglalarawan ng mga tao sa kanilang mga adhikain sa buhay, ang mga adhikain na ito ay palaging umiikot lamang sa kasikatan at pakinabang. Ang lahat ng hinahabol ng sinumang dakila o sikat na tao—o, sa katunayan, ng sinumang tao—sa buong buhay niya ay nauugnay lang sa dalawang salitang ito: “kasikatan” at “pakinabang.” Iniisip ng mga tao na sa sandaling magkaroon sila ng kasikatan at pakinabang, may kapital sila para magtamasa ng mataas na katayuan at malaking kayamanan, at upang magsaya sa buhay. Iniisip nila na sa sandaling mayroon na silang kasikatan at pakinabang, may kapital na sila para maghangad ng kasiyahan at tamasahin nang walang-pakundangan ang laman. Alang-alang sa kasikatan at pakinabang na ito na ninanais nila, ang mga tao ay kusang-loob at di-namamalayang ibinibigay kay Satanas ang kanilang mga katawan, puso, at maging ang lahat ng mayroon sila, kasama na ang kanilang kinabukasan at kapalaran. Ginagawa nila ito nang walang reserbasyon, ni wala ni isang sandali ng pagdududa, at kailanman ay hindi naiisip na bawiin ang lahat ng minsang mayroon sila. Mapapanatili ba ng mga tao ang anumang kontrol sa kanilang mga sarili sa sandaling isuko na nila ang kanilang sarili kay Satanas at maging tapat dito sa ganitong paraan? Tiyak na hindi. Sila ay ganap at lubos na kontrolado ni Satanas. Sila ay ganap at lubos na nalugmok sa putikang ito, at hindi magawang mapalaya ang kanilang mga sarili. Kapag ang isang tao ay nasadlak sa kasikatan at pakinabang, hindi na niya hinahanap kung ano ang maliwanag, ang makatarungan, o ang mga bagay na iyon na maganda at mabuti. Ito ay dahil masyadong malakas ang pang-aakit sa mga tao ng kasikatan at pakinabang, at ang mga ito ay mga bagay na puwedeng hangarin ng mga tao nang walang katapusan sa buong buhay nila at maging magpasawalang hanggan. Hindi ba’t ito ang aktuwal na sitwasyon? Ang ilang tao ay magsasabing ang pagkatuto ng kaalaman ay walang iba kundi pagbabasa lamang ng mga aklat at pagkatuto ng ilang bagay na hindi mo pa alam upang hindi mahuli sa panahon o hindi mapag-iwanan ng mundo. Ang kaalaman ay pinag-aaralan lamang upang makapaglagay ng pagkain sa iyong hapag, para sa iyong sariling kinabukasan, o para matustusan ang pangunahing mga pangangailangan. Mayroon bang kahit sinong tao na magtitiis nang isang dekada ng puspusang pag-aaral para lamang sa pangunahing mga pangangailangan, para lamang lutasin ang usapin ng pagkain? Wala, walang mga taong ganito. Kaya bakit nagtitiis sa mga paghihirap na ito ang isang tao sa lahat ng mga taon na ito? Ito ay para sa kasikatan at pakinabang. Ito ay dahil ang kasikatan at pakinabang ay naghihintay sa kanya sa di-kalayuan, tumatawag sa kanya, at naniniwala siya na sa pamamagitan lang ng kanyang sariling sipag, mga paghihirap, at pagpupunyagi siya makakatahak sa daan na magdadala sa kanya sa kasikatan at pakinabang, sa gayon ay magkakamit ng mga bagay na ito. Ang gayong tao ay dapat magdusa ng mga paghihirap na ito para sa kanyang sariling landas sa hinaharap, para sa kanyang pagtamasa sa hinaharap, at upang magkamit ng mas magandang buhay. Ano ba talaga ang kaalamang ito—maaari ba ninyong sabihin sa Akin? Hindi ba’t ito ang mga batas at ang pilosopiya sa pananatiling buhay na ikinikintal ni Satanas sa tao, tulad ng “Mahalin ang Partido, mahalin ang bayan, at mahalin ang iyong relihiyon” at “Ang matalinong tao ay nagpapasakop sa mga sitwasyon”? Hindi ba ito ang “matatayog na adhikain” ng buhay na ikinintal sa tao ni Satanas, gaya ng mga kaisipan ng mga dakilang tao, ang integridad ng mga sikat, ang matapang na espiritu ng mga bayani, o ang pagkamaginoo at kabaitan ng mga kabalyero at mga eskrimador sa mga nobela ng sining ng pakikipaglaban? Ang mga ideya at pahayag na ito ay nakakaimpluwensiya sa sali’t salinlahi; maraming tao ang tumatanggap sa mga ideyang ito, at sila ay naghahangad, patuloy na nakikibaka, at handa pa ngang isakripisyo ang kanilang buhay para tuparin ang “matatayog na adhikain” na ito. Ito ang kaparaanan at metodo kung saan ginagamit ni Satanas ang kaalaman para gawing tiwali ang tao. Kaya, matapos akayin ni Satanas ang tao sa landas na ito, nagagawa ba niyang magpasakop at sumamba sa Diyos? At nagagawa ba niyang tanggapin ang mga salita ng Diyos at hangarin ang katotohanan? Talagang hindi—dahil nailigaw na siya ni Satanas. Isaalang-alang natin ito ngayon: Sa loob ng kaalaman, mga ideya, at pananaw na ikinintal ni Satanas sa tao, mayroon bang mga katotohanan ng pagpapasakop sa Diyos at pagsamba sa Diyos? Mayroon bang mga katotohanan ng pagkatakot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan? Mayroon bang anuman sa mga salita ng Diyos? Mayroon bang anuman sa mga iyon na nabibilang sa katotohanan? Wala talaga—walang-wala ang mga bagay na ito. Matitiyak ba ninyo na hindi naglalaman ng katotohanan ang mga bagay na ikinintal ni Satanas sa tao? Kahit na hindi ka nangangahas na magsabi nang sigurado, hindi iyon problema. Hangga’t nakikilala mo na ang “kasikatan” at “pakinabang” ay ang dalawang susing salita na ginagamit ni Satanas upang akitin ang tao patungo sa landas ng kabuktutan, sapat na kung gayon.
… Ginagamit ni Satanas ang kasikatan at pakinabang upang kontrolin ang mga kaisipan ng tao, wala nang ibang ipinapaisip sa kanya kundi ang dalawang bagay na ito, at idinudulot sa kanya na makibaka para sa kasikatan at pakinabang, magdusa ng mga paghihirap para sa kasikatan at pakinabang, magtiis ng kahihiyan at magbuhat ng mabibigat na pasanin para sa kasikatan at pakinabang, magsakripisyo ng lahat ng mayroon siya para sa kasikatan at pakinabang, at gumawa ng bawat paghuhusga o pagpapasya alang-alang sa kasikatan at pakinabang. Sa ganitong paraan, naglalagay si Satanas ng mga di-nakikitang tanikala sa tao, at, sa mga tanikalang ito, wala siyang abilidad ni tapang na makaalpas. Nang di-namamalayan, dala-dala niya ang mga tanikalang ito habang mabigat ang kanyang bawat hakbang, nang may labis na paghihirap. Alang-alang sa kasikatan at pakinabang na ito, lumilihis ang sangkatauhan mula sa Diyos at ipinagkakanulo Siya at lalo silang nagiging buktot. Sa ganitong paraan, sunod-sunod na nawawasak ang mga henerasyon sa gitna ng kasikatan at pakinabang ni Satanas.
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi VI
Paano ginagamit ni Satanas ang siyensiya upang gawing tiwali ang mga tao? … Pinahihintulutan lamang ng siyensiya ang mga tao na makita ang mga bagay sa pisikal na mundo, tinutugunan lamang ang pagkamausisa ng tao, ngunit hindi nito mabibigyang-kakayahan ang tao na makita ang mga batas ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa lahat ng bagay. Tila nakahanap ang tao ng mga kasagutan sa siyensiya, at ang mga kasagutang iyon ay mapanlihis at nagdadala ng panandaliang kasiyahan, isang kasiyahan na nagkukulong sa puso ng tao sa materyal na mundo. Iniisip ng tao na nakatanggap siya ng mga kasagutan mula sa siyensiya, kaya anumang isyu ang lumitaw, gumagamit siya ng mga siyentipikong pananaw bilang batayan para iberipika at tanggapin ang isyung iyon. Naaakit ng siyensiya ang puso ng tao at inookupa nito, at bilang resulta, wala na sa isip ng tao na kilalanin ang Diyos, sambahin ang Diyos, at paniwalaan na ang lahat ng bagay ay nagmumula sa Diyos, at na dapat makuha ng tao ang lahat ng kasagutan mula sa Diyos. Hindi ba ito totoo? Habang lalong naniniwala ang isang tao sa siyensiya, mas lalo siyang baligho, naniniwalang ang lahat ay may siyentipikong solusyon, na lahat ay kayang lutasin ng pananaliksik. Hindi niya hinahanap ang Diyos at hindi siya naniniwala sa pag-iral ng Diyos. Maraming matagal nang mananampalataya sa Diyos na gumagamit ng computer kapag naharap sa anumang problema, para maghanap at magsaliksik para sa mga sagot; naniniwala lamang sila sa siyentipikong kaalaman. Hindi sila naniniwala na ang mga salita ng Diyos ang katotohanan, hindi sila naniniwala na malulutas ng mga salita ng Diyos ang lahat ng problema ng sangkatauhan, at hindi nila tinitingnan ang bawat problema ng sangkatauhan mula sa perspektiba ng katotohanan. Anumang problema ang kanilang nakakaharap, hindi sila nagdarasal sa Diyos kailanman o sumusubok na lutasin ito sa pamamagitan ng paghahanap ng katotohanan sa mga salita ng Diyos. Sa maraming usapin, naniniwala pa rin sila na kaalaman ang makakalutas sa problema, at na ang siyensiya ang huling sagot. Ganap na wala ang Diyos sa puso ng gayong mga tao. Sila ay mga hindi mananampalataya, at ang kanilang mga pananaw tungkol sa pananampalataya sa Diyos ay hindi naiiba sa pananaw ng maraming intelektuwal at siyentipiko na mataas ang antas, na laging sumusubok na aralin ang Diyos gamit ang mga pamamaraan ng siyensiya. Halimbawa, maraming eksperto sa relihiyon ang pumunta at nag-inspeksiyon sa bundok kung saan napadpad ang arko, at sa gayon ay napatunayan nila ang pag-iral ng arko. Ngunit hindi nila nakikita ang pag-iral ng Diyos sa panlabas na anyo ng arko. Naniniwala lamang sila sa mga kuwento at sa kasaysayan; ito ang resulta ng kanilang siyentipikong pananaliksik at pag-aaral ng materyal n a mundo. Kung nagsasaliksik ka sa mga materyal na bagay, maging ito man ay mikrobiyolohiya, astronomiya, o heograpiya, hindi mo kailanman mahahanap ang isang resulta na nagpapatunay na umiiral ang Diyos o na mayroon Siyang kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay. Kung gayon, ano ang ginagawa ng siyensiya para sa tao? Hindi ba nito inilalayo ang tao mula sa Diyos? Hindi ba ito nagsasanhi sa mga tao na isailalim sa pag-aaral ang Diyos? Hindi ba nito mas pinagdududa ang mga tao sa pag-iral at kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, at sa gayon ay maging dahilan para itatwa at ipagkanulo nila ang Diyos? Ito ang kinahihinatnan. Kaya kapag ginagamit ni Satanas ang siyensiya upang gawing tiwali ang tao, anong pakay ang sinisikap na makamit ni Satanas? Gusto nitong gamitin ang mga kongklusyong siyentipiko upang iligaw at gawing manhid ang mga tao, at gamitin ang malalabong kasagutan upang okupahin ang puso ng mga tao para hindi na sila maghanap pa sa pag-iral ng Diyos o maniwala rito. Ito ang dahilan kaya Ko sinasabi na ang siyensiya ay isa rin sa mga paraan na ginagawang tiwali ni Satanas ang mga tao.
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi V
Ginagawang tiwali at kinokontrol ni Satanas ang tao sa pamamagitan ng mga kalakaran sa lipunan. Ang mga kalakaran sa lipunan ay sumasaklaw sa maraming aspekto, kabilang na ang mga larangang tulad ng pagsamba sa mga tanyag at dakilang tao, gayundin sa mga idolo sa pelikula at musika, pagsamba sa artista, at mga online na laro. Ang lahat ng ito ay bahagi ng mga kalakaran sa lipunan, at hindi na kailangang idetalye pa iyon dito. Pag-uusapan lamang natin ang mga ideyang idinudulot ng mga kalakaran sa lipunan sa mga tao, kung paano idinudulot ng mga ito na makitungo ang mga tao sa mundo, at ang mga layon ng pananatiling buhay at pananaw sa buhay na idinudulot ng mga ito sa mga tao. Napakahalaga ng mga ito; kayang kontrolin at impluwensiyahan ng mga ito ang mga kaisipan at mga pananaw ng mga tao. Ang bawat isa sa mga kalakarang ito ay may dalang masamang impluwensiya. Ang masamang impluwensiyang ito ay patuloy na nagpapasama sa mga tao at nagiging sanhi upang patuloy silang mawalan ng konsensiya, pagkatao, at katwiran, patuloy na nagpapahina sa kanilang moralidad, at lalong nagpapababa sa kanilang integridad, hanggang sa puntong masasabi pa nga natin na ang karamihan sa mga tao ngayon ay walang integridad, walang pagkatao, at walang konsensiya, lalong walang anumang katwiran. Kaya ano ang mga kalakarang ito sa lipunan? Ang mga ito ay mga kalakaran na hindi mo makikita gamit ang karaniwang mata. Kapag dumating ang isang bagong kalakaran, marahil ay maliit na bilang lamang ng mga tao ang unang tumatanggap—nangunguna sila sa paggawa ng ganitong uri ng bagay, pagtanggap sa ganitong uri ng ideya, at pagtanggap sa ganitong uri ng pananaw. Ang karamihan sa mga tao, gayunman, ay patuloy na mahahawa, maaakit, at malalamon sa kalakarang ito nang hindi nila namamalayan, hanggang sa tanggapin nilang lahat ito nang hindi nila alam at hindi sinasadya at malubog sila rito at makontrol nito. Sunod-sunod, ang mga kalakarang iyon ay nagiging sanhi upang ang mga tao, na hindi malusog ang katawan at isipan, na hindi nakakaalam kung ano ang katotohanan, at na hindi nakakatukoy sa kaibahan kahit kaunti sa pagitan ng mga positibo at negatibong bagay, ay masayang tumanggap sa mga ito, pati na sa pananaw sa pag-iral at sa mga pagpapahalaga na nagmumula kay Satanas. Masaya nilang tinatanggap kung ano ang sabihin sa kanila ni Satanas tungkol sa kung paano harapin ang buhay, at ang paraan ng pamumuhay na “ipinagkakaloob” sa kanila ni Satanas. Wala silang lakas ni abilidad, lalo pa ng kamalayan, na lumaban. …
Sa pagtingin sa mga kalakarang panlipunan na ito, masasabi ba ninyo na mayroon silang malaking impluwensiya sa sangkatauhan? Lubha ba nilang pinipinsala ang tao? Napakalubha nga! Sa anong mga aspekto ng tao ginagawang tiwali ni Satanas ang tao gamit ang bawat isa sa mga kalakarang ito? Ginagawang tiwali ni Satanas higit sa lahat ang konsensiya ng tao, kanyang katwiran, pagkatao, moralidad, at mga pananaw sa pag-iral. At hindi ba’t unti-unting pinabababa at ginagawang lalong tiwali ng mga kalakarang panlipunang ito ang tao? Ginagamit ni Satanas ang mga kalakarang panlipunang ito upang hakbang-hakbang na akitin ang tao sa yungib ng mga diyablo, nang sa gayon ay hindi namamalayang pinagpipitagan ng tao ang salapi, mga materyal na pagnanais, kasamaan, at karahasan sa gitna ng mga kalakarang panlipunan. Sa sandaling pumasok sa puso ng tao ang mga bagay na ito, nagiging ano ang tao? Siya ay nagiging isang diyablo at isang Satanas! Ito ay dahil ang puso ng tao ay nagiging sakop ng kung ano ang kanyang pinagpipitagan; kapag pinagpipitagan ng tao ang mga negatibong bagay, nagsisimula siyang mahalin ang kasamaan at karahasan, at hindi niya gusto ang kagandahan at kabutihan, lalo na ang kapayapaan. Ayaw na niyang mamuhay nang simple sa normal na pagkatao, kundi sa halip ay nais niyang tamasahin ang mataas na katayuan at malaking kayamanan, magpakasaya sa laman, ginagawa ang lahat para bigyang-kasiyahan ang sarili niyang laman, nang walang mga paghihigpit o gapos—sa madaling salita, ginagawa ang anumang naisin niya. Kaya kapag nadala ka na sa ganitong uri ng mga kalakaran, matutulungan ka ba ng kaalamang natutuhan mo para palayain ang iyong sarili? Matutulungan ka ba ng mga aspekto ng tradisyonal na kultura at mga pamahiin na alam mo para makatakas mula sa kagipitang ito? Matutulungan ka ba ng mga tradisyonal na moralidad at etiketang alam mo para magpakita ng pagpipigil? Gawin nating halimbawa ang Analects at ang Tao Te Ching. Matutulungan ba ng mga ito ang tao na iahon ang kanyang mga paa mula sa putikan ng masasamang kalakarang ito? Talagang hindi. Samakatwid, ang tao ay nagiging mas lalong masama, mayabang, labis na mapagmataas, makasarili, at mapaminsala. Wala nang anumang pagkagiliw at katapatan sa pagitan ng mga tao, wala nang anumang pagmamahal sa pagitan ng mga miyembro ng pamilya, wala nang anumang pagkakaunawaan sa mga magkakamag-anak at magkakaibigan; ang mga ugnayan ng tao ay puno ng karahasan. Nais mamuhay ng bawat tao kasama ng iba gamit ang mararahas na pamamaraan, para makakuha ng kabuhayan para sa kanilang sarili gamit ang karahasan, makasunggab ng kanilang mga posisyon at makatamo ng kanilang mga pakinabang gamit ang karahasan, at gamitin ang mararahas at mga buktot na paraan para gawin ang anumang gusto nila. Hindi ba’t nakakatakot ang ganitong sangkatauhan? Totoo, lubhang nakakatakot: Hindi lamang nila ipinako ang Diyos sa krus, kundi lilipulin din nila ang lahat ng sumusunod sa Kanya—dahil napakasama ng sangkatauhang ito.
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi VI
Bumubuo si Satanas ng reputasyon sa pamamagitan ng panlilinlang sa mundo, at madalas na itinatatag ang sarili nito bilang isang tagapanguna at huwaran ng katarungan. Sa ilalim ng mga huwad na pagpapanggap ng pagtataguyod ng katarungan, pinipinsala nito ang mga tao at nilalamon ang kanilang mga kaluluwa, at gumagamit ito ng lahat ng uri ng pamamaraan upang gawing manhid, ilihis at sulsulan ang mga tao, na ang intensiyon ay idulot na sang-ayunan at sundin ng mga tao ang masama nitong gawa, at samahan ito sa paglaban sa awtoridad at kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Gayumpaman, kapag natalos ng isang tao ang mga pakana at lihim na balak nito at natalos ang kasuklam-suklam nitong mukha, at kapag ayaw na niyang patuloy na matapak-tapakan o maloko nito o patuloy na magpakaalipin para dito, o maparusahan at malipol kasama nito, binabago ni Satanas ang dati nitong mukha na parang banal, pinupunit ang huwad nitong maskara, at ibinubunyag ang mabangis na tunay na sarili nito, na buktot, malupit, at pangit. Wala na itong ibang mas nanaisin pa kundi ang puksain ang lahat ng tumatangging sumunod dito at lumalaban sa mga buktot nitong puwersa. Sa puntong ito, hindi na kaya ni Satanas na mag-anyong mapagkakatiwalaan at matuwid; ang pumapalit dito ay ang pangit na tunay na sarili nito—ang diyablo—na dati ay nakatago sa ilalim ng damit ng tupa. Sa sandaling mabunyag ang mga pakana ni Satanas at malantad ang tunay na sarili nito, sasabog ito sa galit at pakakawalan ang kabangisan nito, at titindi ang pagnanais nitong pinsalain at lamunin ang tao. Labis itong nagagalit sa pagkamulat ng tao sa katotohanan, at nagkakaroon ito ng matinding pagkamuhi at pagiging mapaghiganti sa tao dahil sa pag-aasam niya sa kalayaan at liwanag at sa adhikain niyang makawala mula sa bilangguan nito. Ang matinding galit nito ay naglalayong ipagtanggol ang kabuktutan nito, at isa rin itong tunay na pagbubunyag ng mabangis nitong kalikasan.
Sa lahat ng ginagawa ni Satanas, ibinubunyag nito ang buktot na kalikasan nito. Sa lahat ng masamang gawa na ginawa ni Satanas sa tao—mula sa naunang mga pagsisikap nito na ilihis ang tao upang sundin ito, hanggang sa pagsasamantala nito sa tao kung saan idinudulot nito na lumahok ang tao sa masasamang gawa nito, hanggang sa paghihiganti nito sa tao matapos malantad ang tunay nitong sarili at nakilatis at tinalikuran ito ng tao, at iba pa—wala kahit isa sa mga gawang ito ang nabigong ilantad ang buktot na diwa ni Satanas, ni patunayan ang katunayan na si Satanas ay walang kaugnayan sa mga positibong bagay at na si Satanas ang pinagmumulan ng lahat ng masasamang bagay. Ang lahat ng kilos nito ay nagsisilbi upang pangalagaan ang kasamaan nito, tiyakin ang pagpapatuloy ng masasamang gawa nito, salungatin ang mga makatarungan at positibong bagay, at sirain ang mga batas at tuntunin ng normal na pag-iral ng sangkatauhan. Ang lahat ng kilos na ito ay mapanlaban sa Diyos, at ang mga ito ay wawasakin ng poot ng Diyos.
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi II
Kaugnay na mga Himno
Ang mga Kahihinatnan ng Pagkawala ng Gabay ng Diyos sa Sangkatauhan
Kinokontrol ni Satanas ang Isipan ng mga Tao sa Pamamagitan ng Kasikatan at Pakinabang