Napakahalagang Magtatag ng Isang Normal na Kaugnayan sa Diyos
Kapag sinasampalatayanan, minamahal, at pinalulugod ng mga tao ang Diyos, nakikipag-ugnayan sila sa Espiritu ng Diyos gamit ang kanilang mga puso at para makamit ang Kanyang kaluguran; nakikipag-ugnayan sila sa mga salita ng Diyos gamit ang kanilang puso, at sa gayon ay naaantig sila ng Kanyang Espiritu. Kung nais mong mamuhay ng isang normal na espirituwal na buhay at magtatag ng isang normal na kaugnayan sa Diyos, kailangan mo munang ibigay sa Kanya ang iyong puso. Pagkatapos mong mapatahimik ang iyong puso sa Kanyang harapan at humilig sa Kanya ang iyong buong puso, saka mo lamang magagawang unti-unting magkaroon ng isang normal na espirituwal na buhay. Kung sa pananampalataya ng mga tao sa Diyos ay hindi nila ibinibigay ang kanilang mga puso sa Kanya, kung ang kanilang mga puso ay wala sa Kanya, at hindi nila tinatrato ang Kanyang pasanin bilang sarili nilang pasanin, lahat ng kanilang ginagawa ay pandaraya sa Diyos, at ito ang ginagawa ng mga taong relihiyoso, at hindi nito matatanggap ang pagsang-ayon ng Diyos. Walang makakamit ang Diyos sa ganitong klaseng tao, maaari lamang silang magsilbing hambingan ng Kanyang gawain. Ang mga taong ito ay gaya ng mga palamuti sa sambahayan ng Diyos—sila ay pampuno lamang at sila ay basura, at hindi sila ginagamit ng Diyos. Hindi lamang walang pagkakataon na gumawa sa kanila ang Banal na Espiritu, wala ring halaga na gawin silang perpekto. Ang ganitong klaseng tao ay tunay na isang naglalakad na bangkay. Walang bahagi nila ang magagamit ng Banal na Espiritu—lubusan na silang sinakop at malalim na nagawang tiwali ni Satanas. Ititiwalag ng Diyos ang mga taong ito. Kapag gumagamit ng mga tao ang Banal na Espiritu sa kasalukuyan, hindi lamang Niya ginagamit ang mga kanais-nais nilang bahagi upang magawa ang mga bagay-bagay—pineperpekto at binabago rin Niya ang mga bahagi nilang hindi kanais-nais. Kung kaya mong ibuhos sa Diyos ang puso mo at mapatahimik ito sa Kanyang harapan, magkakaroon ka ng pagkakataon at mga kalipikasyon para magamit ng Banal na Espiritu, at matanggap ang Kanyang kaliwanagan at pagtanglaw. Bukod pa riyan, magkakaroon ka ng pagkakataon para mapunan ng Banal na Espiritu ang iyong mga pagkukulang. Kapag ibinigay mo sa Diyos ang puso mo, sa positibong panig, makapagtatamo ka ng mas malalim na pagpasok at makapagtatamo ka ng mas mataas na antas ng kabatiran. Sa negatibong panig, magkakaroon ka ng higit na pagkakilala sa iyong mga pagkukulang at kahinaan, at lalo kang mananabik at maghahangad na matugunan ang mga layunin ng Diyos. Higit pa roon, hindi ka magiging negatibo, magagawa mong aktibong pumasok. Ipinakikita nito na isa kang tamang tao. Sa ilalim ng kondisyon na tahimik ang puso mo sa harap ng Diyos, tumatanggap ka man o hindi ng pagsang-ayon mula sa Banal na Espiritu, at napapalugod mo man o hindi ang Diyos, ay ganap na nakasalalay sa kung aktibo kang makapapasok. Kapag binibigyang-liwanag ng Banal na Espiritu ang mga tao at ginagamit sila, hindi Niya sila kailanman ginagawang negatibo, palagi Niya silang ginagawang maagap at idinudulot na magsumikap sila na umunlad. At kapag ginagawa Niya ito, taglay pa rin ng mga tao ang kanilang mga kahinaan, pero hindi sila namumuhay batay sa mga ito. Hindi nila inaantala ang paglago ng kanilang buhay, at patuloy nilang hinahangad na matugunan ang mga layunin ng Diyos. Ito ay isang pamantayan. Kung matatamo mo ito, patunay ito na nakamit mo na ang presensiya ng Banal na Espiritu. Kung palaging negatibo ang isang tao, at kung kahit matapos niyang matanggap ang pagtanglaw at makilala ang kanyang sarili ay nananatili pa rin siyang negatibo at pasibo at hindi niya magawang tumayo at makipagtulungan sa Diyos, natanggap lamang niya ang biyaya ng Diyos, ngunit hindi natamo ang presensiya ng Banal na Espiritu. Ang kanyang pagkanegatibo ay nangangahulugang hindi nakabaling sa Diyos ang kanyang puso, at hindi pa naaantig ng Espiritu ng Diyos ang kanyang espiritu. Dapat itong maunawaan ng lahat.
Mula sa karanasan, makikita na napakahalaga na mapatahimik ng isang tao ang kanyang puso sa harap ng Diyos. May kinalaman ito sa mga usapin tungkol sa espirituwal na buhay at paglago sa buhay ng mga tao. Magbubunga lamang ang iyong paghahangad sa katotohanan at disposisyonal na pagbabago kung tahimik ang puso mo sa harap ng Diyos. Ito ay dahil humarap ka sa Kanya nang may pasanin, dahil palagi mong nadarama na labis kang nagkukulang, na maraming katotohanan ang kailangan mong malaman, na maraming realidad na kailangan mong maranasan, at na dapat kang magpakita ng pagsasaalang-alang sa mga layunin ng Diyos. Nasa isip mo palagi ang mga bagay na ito, para bang labis kang dinadaganan ng mga ito na hindi ka na makahinga, at sa gayon ay mabigat ang loob mo (bagama’t wala ka sa negatibong kalagayan). Ang ganitong tao lamang ang kalipikadong tumanggap ng kaliwanagan ng mga salita ng Diyos at maantig ng Espiritu ng Diyos. Ito ay dahil sa kanilang pasanin, dahil mabigat ang loob nila, at, masasabing, dahil sa halagang kanilang ibinayad at pagdurusa na kanilang tiniis sa harap ng Diyos, kung kaya’t natatanggap nila ang Kanyang kaliwanagan at pagtanglaw. Sapagkat hindi binibigyan ng Diyos ng espesyal na pagtrato ang sinuman. Lagi Siyang patas sa pagtrato Niya sa mga tao, ngunit hindi rin Siya nagbibigay sa mga tao nang basta-basta o walang kundisyon. Ito ay isang aspekto ng Kanyang matuwid na disposisyon. Sa totoong buhay, hindi pa naaabot ng karamihan sa mga tao ang antas na ito. Sa pinakamababa, hindi pa nakababaling nang husto sa Diyos ang kanilang puso, kaya wala pang gaanong pagbabago sa kanilang buhay disposisyon. Ito ay dahil sa namumuhay lamang sila sa biyaya ng Diyos at hindi pa nila natatamo ang gawain ng Banal na Espiritu. Ang mga pamantayang kailangang maabot ng mga tao para magamit ng Diyos ay ang mga sumusunod: Dapat ay nakabaling sa Diyos ang kanilang mga puso, dapat nilang dalhin ang pasanin ng Kanyang mga salita, dapat silang magkaroon ng mga pusong nananabik, at dapat silang magkaroon ng determinasyon na hanapin ang katotohanan. Ang ganitong mga tao lamang ang maaaring magtamo ng gawain ng Banal na Espiritu at madalas na magtamo ng Kanyang kaliwanagan at pagtanglaw. Sa panlabas, nagmumukhang walang katwiran at walang mga normal na ugnayan sa iba ang mga taong ginagamit ng Diyos, subalit nagsasalita sila nang maingat, nang angkop, at palagi nilang kayang panatilihing tahimik ang kanilang puso sa harap ng Diyos. Ito mismo ang klase ng tao na kayang gamitin ng Banal na Espiritu. Ang mga taong ito na “walang katwiran” na binabanggit ng Diyos ay tila walang normal na ugnayan sa iba, at hindi mahalaga sa kanila ang panlabas na pagmamahal o mga panlabas na pagsasagawa, ngunit kapag nagbabahagi sila tungkol sa mga espirituwal na bagay, nagagawa nilang buksan ang kanilang mga puso at bigyan ang iba ng pagtanglaw at kaliwanagang natamo nila mula sa kanilang aktuwal na mga karanasan sa harap ng Diyos, nang walang pagkamakasarili. Sa gayon, ipinahahayag nila ang kanilang pagmamahal sa Diyos at tinutugunan ang Kanyang mga layunin. Kapag sinisiraan at nililibak sila ng iba, kaya nilang manatiling hindi naaapektuhan ng mga panlabas na tao, pangyayari, o bagay, at kaya nilang manatiling tahimik sa harap ng Diyos. Tila ba may sarili silang kakaibang mga kabatiran. Anuman ang ginagawa ng iba, hindi kailanman iniiwan ng puso nila ang Diyos. Kapag nag-uusap at nagtatawanan ang iba, nananatili ang kanilang mga puso sa harap ng Diyos, binubulay-bulay nila ang Kanyang salita, o tahimik silang nananalangin sa Diyos sa mga puso nila, hinahanap ang Kanyang mga pagnanais. Hindi pinahahalagahan ng mga taong ito ang pagpapanatili ng mga normal na ugnayan ng mga tao sa isa’t isa, at tila ba wala silang pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo. Mukha silang masigla, kaibig-ibig, at inosente, ngunit nagtataglay rin sila ng kahinahunan. Ito ang wangis ng klase ng taong ginagamit ng Diyos. Ang mga bagay na gaya ng mga pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo o “normal na katwiran” ay sadyang hindi gumagana sa ganitong klaseng tao. Ibinuhos na nila ang kanilang buong puso sa salita ng Diyos, at tila ba ang Diyos lamang ang nasa kanilang mga puso. Ito ang klase ng “walang katwiran” na tao na tinutukoy ng Diyos, at ito mismo ang klase ng taong ginagamit ng Diyos. Ang tanda ng isang taong ginagamit ng Diyos ay: Kailan man o saan man, ang kanyang puso ay palaging nasa harap ng Diyos, at gaano man kamapagpalayaw ang iba, o gaano man magpasasa ang ibang tao sa mahahalay na pagnanasa at magpasasa sa laman, hindi kailanman iniiwan ng puso ng taong ito ang Diyos, at hindi siya sumusunod sa karamihan. Ang ganitong klaseng tao lamang ang angkop para sa paggamit ng Diyos, at ang ganitong klaseng tao lamang ang ginagawang perpekto ng Banal na Espiritu. Kung hindi mo ito kayang matamo, hindi ka kalipikadong makamit ng Diyos, o maperpekto ng Banal na Espiritu.
Kung nais mong magtatag ng normal na kaugnayan sa Diyos, kailangang nakabaling sa Kanya ang puso mo; sa pundasyong ito, magkakaroon ka na rin ng mga normal na kaugnayan sa ibang tao. Kung wala kang normal na kaugnayan sa Diyos, anuman ang gawin mo upang mapanatili ang iyong mga kaugnayan sa ibang tao, gaano ka man magpunyagi o gaano mang pagsisikap ang iyong ibuhos, ang lahat ng ito ay magiging isang pilosopiya ng tao para sa mga makamundong pakikitungo. Pananatilihin mo ang iyong katayuan sa gitna ng mga tao at makakamit ang kanilang papuri sa pamamagitan ng mga perspektiba ng tao at mga pilosopiya ng tao, sa halip na magtatag ng mga normal na ugnayan sa isa’t isa ayon sa salita ng Diyos. Kung hindi ka magtutuon ng pansin sa iyong mga kaugnayan sa ibang mga tao, kundi sa halip ay magpapanatili ng isang normal na kaugnayan sa Diyos, at handa kang ibigay sa Diyos ang puso mo at matutunang magpasakop sa Kanya, kung gayon ay natural na magiging normal din ang iyong mga kaugnayan sa lahat ng tao. Sa gayon, hindi itatatag sa laman ang mga kaugnayang ito, kundi sa pundasyon ng pagmamahal ng Diyos. Halos wala kang magiging pakikipag-ugnayan sa laman sa ibang mga tao, ngunit magkakaroon ng pagbabahaginan sa espirituwal na antas, gayundin ng pagmamahalan, pag-aalo, at pagtustos sa isa’t isa. Lahat ng ito ay ginagawa sa pundasyon ng pagnanais na mapalugod ang Diyos—ang mga kaugnayang ito ay hindi pinananatili sa pamamagitan ng mga pilosopiya ng tao para sa mga makamundong pakikitungo, kundi likas na nabubuo ang mga ito kapag may pagpapahalaga ka sa pasanin para sa Diyos. Hindi nangangailangan ang mga ito ng anumang pantaong pagsisikap mula sa iyo, at kailangan mo lamang magsagawa ayon sa mga prinsipyo ng mga salita ng Diyos. Handa ka bang isaalang-alang ang mga layunin ng Diyos? Handa ka bang maging isang taong “walang katwiran” sa harap ng Diyos? Handa ka bang ibigay nang lubusan sa Diyos ang puso mo at balewalain ang iyong katayuan sa gitna ng ibang mga tao? Sa lahat ng taong nakakasalamuha mo, kanino ka may pinakamagagandang kaugnayan? Kanino ka may pinakamasasamang kaugnayan? Normal ba ang mga kaugnayan mo sa mga tao? Tinatrato mo ba nang pantay-pantay ang lahat ng tao? Pinananatili mo ba ang iyong mga kaugnayan sa iba ayon sa iyong pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo, o nakatatag ba ang mga ito sa pundasyon ng pagmamahal ng Diyos? Kapag hindi ibinibigay ng mga tao sa Diyos ang kanilang puso, ang kanilang espiritu ay nagiging matamlay, manhid, at walang malay. Hindi kailanman mauunawaan ng ganitong mga tao ang mga salita ng Diyos, hindi sila kailanman magkakaroon ng normal na kaugnayan sa Diyos, at hindi sila kailanman magkakaroon ng pagbabago sa kanilang disposisyon. Ang pagbabago sa disposisyon ng isang tao ay ang proseso ng lubusang pagbibigay ng isang tao ng kanyang puso sa Diyos, at ng pagtanggap ng kaliwanagan at pagtanglaw mula sa mga salita ng Diyos. Tinutulutan ng gawain ng Diyos ang mga tao na aktibong makapasok, at binibigyang-daan sila nitong maiwaksi ang kanilang mga negatibong bahagi pagkatapos magkamit ng pagkakilala sa mga ito. Kapag naibigay mo na sa Diyos ang puso mo, magagawa mong madama ang bawat beses na medyo naaantig ang iyong espiritu, at kung pinagkakalooban ka ng Diyos ng kahit katiting na kaliwanagan at pagtanglaw, mamamalayan mo ito. Kung magpupursigi ka, unti-unti kang papasok sa landas ng pagpeperpekto ng Banal na Espiritu. Habang mas tahimik ang puso mo sa harap ng Diyos, mas magiging sensitibo at pino ang iyong espiritu, mas magagawa nitong madama kung paano ito inaantig ng Banal na Espiritu, at mas magiging normal ang iyong kaugnayan sa Diyos. Ang mga normal na ugnayan sa isa’t isa ay itinatatag sa pundasyon ng pagbaling ng isang tao ng kanyang puso sa Diyos, hindi sa pamamagitan ng pagsisikap ng tao. Kung wala ang Diyos sa puso ng isang tao, ang mga kaugnayan ng taong ito sa iba ay mga kaugnayan lamang ng laman. Hindi normal ang mga ito, mga mapagnasang pagpapalayaw ang mga ito, at kinamumuhian at kinasusuklaman ng Diyos ang mga ito. Kung sasabihin mo na ang iyong espiritu ay naantig, ngunit handa ka lamang na makipagbahaginan sa mga tao na gusto mo at na tinitingala mo, at may pagkiling ka laban sa mga tao na hindi mo gusto at tumatanggi kang kausapin sila kapag lumalapit sila sa iyo para kumonsulta, lalo na itong patunay na pinaghaharian ka ng mga damdamin at wala kang anumang normal na kaugnayan sa Diyos. Ipinakikita nito na tinatangka mong lokohin ang Diyos at ikubli ang sarili mong kapangitan. Maaaring nakapagbabahagi ka ng ilan mong kaalaman, ngunit kung mali ang iyong mga intensiyon, ang lahat ng ginagawa mo ay mabuti lamang ayon sa mga pamantayan ng tao, at hindi ka sinasang-ayunan ng Diyos. Ang iyong mga kilos ay itinutulak ng iyong laman, hindi ng pasanin ng Diyos. Angkop ka lamang gamitin ng Diyos kung kaya mong patahimikin ang puso mo sa Kanyang harapan at mayroon kang normal na mga pakikipag-ugnayan sa lahat ng nagmamahal sa Kanya. Kung kaya mong gawin iyon, paano ka man makisalamuha sa iba, hindi ka kikilos ayon sa isang pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo, isasaalang-alang mo ang pasanin ng Diyos at mamumuhay ka sa Kanyang harapan. Ilan ang mga taong kagaya nito sa inyo? Talaga bang normal ang mga kaugnayan mo sa iba? Sa anong pundasyon nakatatag ang mga ito? Ilang pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo ang nasa iyong kalooban? Naiwaksi mo na ba ang mga ito? Kung hindi lubos na makabaling sa Diyos ang puso mo, hindi ka hinirang ng Diyos—nagmula ka kay Satanas, sa huli ay babalik ka kay Satanas, at hindi ka karapat-dapat na maging isa sa mga tao ng Diyos. Kailangan mong maingat na suriin ang mga bagay na ito.