Kabanata 50
Lahat ng iglesia at lahat ng banal ay dapat alalahanin ang nakalipas at gayundin ay tumingin sa hinaharap: Ilan sa inyong mga nakaraang pagkilos ang pasok sa pamantayan, at ilan sa mga iyon ang nagkaroon ng bahagi sa pagtatayo ng kaharian? Huwag kayong magmarunong! Dapat mong makita nang malinaw ang sarili mong mga pagkukulang at dapat mong maunawaan ang sarili mong kalagayan. Alam Ko na wala sa inyo ang handang mag-ukol ng anumang pagsisikap o gumugol ng anumang panahon para dito, kaya wala kayong nakakamit. Sinasayang ninyo ang lahat ng inyong panahon sa pagkain, pag-inom at pagliliwaliw. Kapag ang ilan sa inyo ay nagkasama-sama, kayo’y nagloloko, hindi nagbibigay ng pansin sa pagbabahaginan ng mga espirituwal na bagay sa buhay o sa pagtutustos ng buhay sa isa’t isa. Hindi Ko matiis na makita kayong nagtatawanan at nagbibiruan kapag kayo ay nagsasalita. Gayunman, lubha kayong baligho—maraming beses Ko nang sinabi, ngunit hindi talaga ninyo alam ang kahulugan ng Aking sinasabi—hindi ba’t halatang-halata ito? Nagsabi na Ako ng mga bagay na gaya nito noon, gayunman hindi pa rin kayo kumbinsido at hindi ninyo kinikilala ang Aking sinasabi, at iniisip na nagkakamali Ako ng pagkaunawa sa inyo, iniisip na hindi totoo ang sinasabi Ko. O maaari kayang hindi ganyan ang kaso?
Kung kikilos ka nang basta-basta sa Akin, ilalagay kita sa isang tabi. Subukan mo lang kumilos uli nang basta-basta! Subukan mo lang kumilos uli nang hindi nag-iisip at nang walang ingat! Ang Aking mga salita ay isang pang-ukit na kutsilyo; anumang hindi alinsunod sa Aking mga layunin ay puputulin gamit ang kutsilyong ito, at hindi mo na kailangang mag-ukol ng labis na pagsasaalang-alang para sa iyong dignidad. Inuukit kita upang ikaw ay magkaroon ng hubog at maging alinsunod sa Aking mga layunin. Huwag kang magkaroon ng maling pagkaunawa sa Aking puso; katanggap-tanggap lamang iyon kung mayroon kang pagsasaalang-alang sa Aking puso hangga’t maaari. Kung nagpapakita ka ng kahit napakaliit na pagsasaalang-alang, hindi kita hahamakin. Huwag mo itong laging basta ipagwalang-bahala; kailangang hayaan mo ang Aking kalooban na palagiang maisakatuparan sa iyo.
Ang maraming banal ay pawang nasa magkakaibang posisyon, kaya siyempre kayong lahat ay may iba’t ibang papel. Ngunit dapat ninyong gawin ang lahat ng kaya ninyong gawin upang sinserong igugol ang inyong sarili para sa Akin; ang inyong tungkulin ay ang gawin ang lahat ng inyong makakaya. Dapat kayong maging deboto rito, at maging masayang kusang-loob. Talagang hindi kayo dapat magdalawang-isip! Kung hindi, ang Aking paghatol ay laging sasainyo; hindi ito matatagalan ng inyong laman, mga espiritu at kaluluwa, at magkakaroon kayo ng pagtangis at pagngangalit ng mga ngipin.