Kabanata 49
Ang paglilingkod nang may pakikipagtulungan ay nangangailangan ng tumpak, masigla, at buhay na pakikipagtulungan, pati na rin ng sigla, lakas, at saganang pananalig, upang ang mga nakakakita ay matustusan at mabusog. Upang paglingkuran Ako, dapat mo itong gawin ayon sa Aking mga layunin, hindi lamang sa pagiging kaayon ng Aking puso, kundi ang mas mahalaga ay matugunan ang Aking mga layunin, upang Ako ay masiyahan sa lahat ng nilalayon Kong gawing perpekto sa iyo. Punuin mo ang iyong buhay ng Aking mga salita, punuin mo ang iyong pananalita ng Aking kapangyarihan—ito ang hinihingi Ko sa iyo. Kung kikilos ka ayon sa sarili mong mga pagnanais, makikita mo ba ang Aking wangis doon? Mabibigyang-kasiyahan ba niyon ang Aking puso? Ikaw ba ay isang taong sinserong nakaunawa sa Aking mga layunin? Ikaw ba ay isang taong tunay na sumubok na maarok ang Aking puso? Tunay mo bang inihandog at ginugol ang iyong sarili para sa Akin? Pinagbulayan mo ba ang mga bagay na Aking sinabi?
Ang isang tao ay dapat magtaglay ng karunungan sa lahat ng aspekto, at dapat siyang gumamit ng karunungan upang sumunod sa Aking perpektong daan. Ang mga kumikilos sa loob ng Aking mga salita ay ang pinakamarunong sa lahat, at ang mga kumikilos alinsunod sa Aking mga salita ay ang pinakamapagpasakop. Kung ano ang sabihin Ko ay siyang masusunod, at hindi mo kailangang subukang bigyang-katwiran ang anumang bagay sa Akin o subukang makipagtalo sa Akin. Ang lahat ng sinasabi Ko, sinasabi Ko nang isinasaalang-alang ka (mahigpit o malumanay man ang Aking mga salita). Ang kailangan mo lang gawin ay tumuon sa pagiging mapagpasakop—sapat na iyon. Ito lamang ang tunay na pagiging marunong (at pumipigil na sumapit sa iyo ang paghatol ng Diyos). Ngayon, sa Aking sambahayan, huwag maging magalang sa panlabas habang palihim na namumuna. Ang gusto Ko ay realidad, hindi mabulaklak na pananalita. Para sa mga naghahandog ng realidad, nariyan ang lahat. Para sa mga hindi nagtataglay ng realidad, walang-wala, at hahantong pa nga sila sa kawalan kasama ng kanilang laman, dahil bukod sa realidad, ang lahat ng iba pa ay pawang kahungkagan lamang; wala nang iba pang paliwanag.
Sa inyong pananalig sa Diyos, gusto Kong maging taimtim kayong lahat at huwag ninyong isipin kung ano ang maaari ninyong makamtan o maiwala, ni ang lahat ng nauugnay sa inyo; dapat hangarin lamang ninyong manindigan sa tunay na daan at huwag magpayanig kaninuman o magpalimita kaninuman. Sa ganitong paraan lamang kayo ituturing na mga haligi ng iglesia, mga mananagumpay ng kaharian; ang hindi paggawa nito ay nangangahulugang hindi kayo karapat-dapat na mabuhay sa Aking harapan.
Sa iba’t ibang sitwasyon, magkakaiba rin ang paraan para maging malapit sa Akin. Gustung-gusto ng ilang tao na magsabi ng matatamis na salita at kumilos nang deboto sa Aking harapan. Gayumpaman, kapag nakalikod Ako, ganap silang magulo at walang-wala sa kanila ang Aking mga salita. Nakakasuya sila at nakakainis; tiyak na hindi sila makapagpapatibay ng sinuman o makapagtutustos kaninuman. Hindi ninyo kayang isaalang-alang ang Aking puso dahil lamang hindi ninyo kayang mas maging malapit o makipagbahaginan sa Akin; lagi ninyo Akong pinag-aalala sa inyo at pinagtatrabaho para sa inyo.