Kabanata 42
Dakila ang mga gawa ng Makapangyarihang Diyos! Kamangha-mangha! Kahanga-hanga! Tumunog ang pitong trumpeta, lumalabas ang pitong kulog, at ibinuhos ang pitong mangkok—ang mga ito’y agad na lantarang ipinapamalas, at hindi magkakaroon ng pagdududa. Araw-araw ay sumasapit sa atin ang pag-ibig ng Diyos. Tanging ang Makapangyarihang Diyos ang makapagliligtas sa atin; kung makatatagpo ba tayo ng kapahamakan o ng pagpapala ay lubusang nakasalalay sa Kanya, at tayong mga tao ay walang paraan upang pagpasyahan ito. Yaong mga buong-pusong nag-aalay ng kanilang mga sarili ay tiyak na tatanggap ng malalaking pagpapala, habang yaong mga naghahangad na pangalagaan ang kanilang buhay ay mawawalan lang ng kanilang buhay; ang lahat ng bagay at lahat ng pangyayari ay nasa mga kamay ng Makapangyarihang Diyos. Huwag na ninyong ihinto ang inyong mga hakbang. Dumarating ang malaking pagbabago sa langit at lupa, kung saan walang paraan ang tao para magtago. Wala siyang ibang pagpipilian kundi tumangis sa mapait na pasakit. Sumunod ka sa gawain na ginagawa ng Banal na Espiritu ngayon. Dapat maging malinaw sa loob mo ang tungkol sa hakbang kung saan umusad ang Kanyang gawain, nang hindi na kinakailangang paalalahanan ng iba. Bumalik ka ngayon sa presensiya ng Makapangyarihang Diyos nang madalas. Hingin mo sa Kanya ang lahat. Tiyak na bibigyan ka Niya ng mga paghahayag sa loob mo at, sa mahahalagang sandali, pangangalagaan ka Niya. Huwag kang matakot! Taglay na Niya ang iyong buong pagkatao. Sa Kanyang proteksyon at Kanyang pangangalaga, ano ang dapat mong katakutan? Malapit na ngayon ang katuparan ng kalooban ng Diyos, at sinumang matatakutin ay mawawalan lamang. Ang sinasabi Ko sa iyo ay ang katotohanan. Idilat mo ang espirituwal mong mga mata. Maaaring magbago ang langit sa isang iglap. Ano ang dapat mong ikatakot? Sa bahagyang kumpas lang ng Kanyang kamay, kaagad mawawasak ang langit at lupa. Kaya’t anong mapapala ng tao sa pag-aalala? Hindi ba’t nasa kamay ng Diyos ang lahat? Kapag inutusan Niya na magbago ang langit at lupa, magbabago ang mga ito. Kapag sinabi Niya na gagawin tayong ganap, magagawa tayong ganap. Hindi kailangang maging balisa ang tao, kundi dapat mahinahong magpatuloy. Gayumpaman, dapat mong mas pagtuunan ng pansin ang pagiging mapagbantay. Maaaring magbago ang langit sa isang iglap! Gaano man idilat ng tao ang mga mata niya, wala siyang gaanong makikita. Maging mapagbantay ka na ngayon. Naganap na ang kalooban ng Diyos, natapos na ang Kanyang proyekto, nagtagumpay na ang Kanyang plano, at nakarating na lahat ng Kanyang anak sa Kanyang trono. Magkakasama silang uupo sa paghatol sa di-mabilang na mga bayan at tao kasama ng Makapangyarihang Diyos. Yaong mga nang-uusig sa iglesia at namiminsala sa mga anak ng Diyos ay magdurusa ng matinding kaparusahan: Tiyak iyan! Yaong mga taos-pusong nagkakaloob ng kanilang mga sarili sa Diyos, na kumakapit sa lahat, tiyak na mamahalin silang lahat ng Diyos hanggang sa buong kawalang-hanggan, nang hindi kailanman nagbabago!