Paanong Maaaring Tumanggap ng mga Paghahayag ng Diyos Iyong mga Naglimita sa Kanya sa Kanilang mga Kuru-kuro?

Palaging sumusulong ang gawain ng Diyos, at bagama’t hindi nagbabago ang layunin ng Kanyang gawain, palaging nagbabago ang pamamaraan ng Kanyang paggawa; kaya naman, yaong mga sumusunod sa Diyos ay palagi ring nagbabago. Kapag mas marami ang gawaing ginagawa ng Diyos, mas kompleto ang pagkakilala ng tao sa Diyos. Ang mga katumbas na pagbabago ay nagaganap din sa disposisyon ng tao kasunod ng gawain ng Diyos. Gayunman, ito ay dahil ang gawain ng Diyos ay palaging nagbabago kaya yaong mga hindi nakakaalam sa gawain ng Banal na Espiritu at yaong mga balighong taong hindi nakakaalam sa katotohanan ay nagiging mga taong lumalaban sa Diyos. Hindi kailanman umaayon ang gawain ng Diyos sa mga kuru-kuro ng tao, sapagkat ang Kanyang gawain ay laging bago at hindi kailanman luma, at hindi Niya inuulit kailanman ang lumang gawain, kundi sa halip ay gumagawa ng gawaing hindi pa Niya kailanman nagawa noon. Dahil hindi inuulit ng Diyos ang Kanyang gawain, at laging hinuhusgahan ng tao ang kasalukuyang gawain ng Diyos batay sa gawaing Kanyang ginawa noong araw, naging napakahirap na isakatuparan ng Diyos ang bawat yugto ng gawain ng bagong kapanahunan. Napakaraming problema ng tao! Masyado siyang makaluma sa kanyang pag-iisip! Walang sinumang nakakaalam sa gawain ng Diyos, subalit nililimitahan iyon ng lahat. Kapag nililisan ng tao ang Diyos, nawawalan siya ng buhay, katotohanan, at mga pagpapala ng Diyos, sa kabila niyon ay hindi siya tumatanggap ng buhay ni ng katotohanan, lalo na ng mas malalaking pagpapalang ipinagkakaloob ng Diyos sa sangkatauhan. Nais ng lahat ng tao na makamit ang Diyos, subalit hindi nila tinutulutan ang anumang mga pagbabago sa gawain ng Diyos. Yaong mga hindi tumatanggap sa bagong gawain ng Diyos ay naniniwala na ang gawain ng Diyos ay hindi nagbabago, na nananatili itong nakatigil magpakailanman. Sa kanilang pananampalataya, ang kailangan lamang para matamo ang walang-hanggang kaligtasan mula sa Diyos ay sundin ang kautusan, at basta’t pinagsisisihan at ikinukumpisal nila ang kanilang mga kasalanan, palaging matutugunan ang mga layunin ng Diyos. Naniniwala sila na ang Diyos ay maaari lamang maging Diyos sa ilalim ng kautusan at ang Diyos na ipinako sa krus para sa tao; akala rin nila, ang Diyos ay hindi dapat at hindi maaaring lumampas sa Bibliya. Ang mga pag-aakalang ito mismo ang gumapos sa kanila nang mahigpit sa mga lumang kautusan at nagpako sa kanila sa mga patay na regulasyon. Mas marami pa ngang naniniwala na anupaman ang bagong gawain ng Diyos, kailangan itong patunayan ng mga propesiya, at na sa bawat yugto ng gayong gawain, lahat ng sumusunod sa Kanya nang may “tunay” na puso ay kailangan ding pakitaan ng mga paghahayag; kung hindi, ang gawaing iyon ay hindi maaaring maging gawain ng Diyos. Hindi na madaling gawain para sa tao na makilala ang Diyos. Dagdag pa ang kakatwang puso ng tao at ang kanyang mapaghimagsik na kalikasan na labis na pagpapahalaga sa sarili at kapalaluan, lalong nagiging mas mahirap para sa kanya na tanggapin ang bagong gawain ng Diyos. Hindi sinisiyasat nang maingat ng tao ang bagong gawain ng Diyos, ni hindi niya ito tinatanggap nang mapagkumbaba; sa halip, nagtataglay siya ng saloobin ng paghamak dito at naghihintay ng mga paghahayag at paggabay ng Diyos. Hindi ba’t ang mga ito ang mga pagpapamalas ng paghihimagsik at paglaban ng tao sa Diyos? Paano makakamit ng gayong mga tao ang pagsang-ayon ng Diyos?

Sabi ni Jesus, ang gawain ni Jehova ay napag-iwanan sa Kapanahunan ng Biyaya, tulad ng sinasabi Ko ngayon, na ang gawain ni Jesus ay napag-iwanan din. Kung nagkaroon lamang ng Kapanahunan ng Kautusan at hindi ng Kapanahunan ng Biyaya, hindi sana napako sa krus si Jesus at hindi natubos ang buong sangkatauhan. Kung nagkaroon lamang ng Kapanahunan ng Kautusan, umunlad kaya ang sangkatauhan hanggang sa kasalukuyan? Sumusulong ang kasaysayan, at hindi ba’t ang kasaysayan ay isa sa mga normal na batas ng gawain ng Diyos? Hindi ba’t isa itong paglalarawan ng Kanyang pamamahala sa tao sa buong sansinukob? Sumusulong ang kasaysayan, pati na ang gawain ng Diyos. Ang mga layunin ng Diyos ay patuloy na nagbabago. Hindi Siya maaaring manatili sa iisang yugto ng gawain sa loob ng anim na libong taon, sapagkat tulad ng alam ng lahat, palaging bago ang Diyos at hindi kailanman luma, at hindi posibleng patuloy Niyang gawin ang gawaing tulad ng pagpapako sa krus, ang maipako sa krus nang isa, dalawa, tatlong beses…. Ganoon tinitingnan ng isang balighong tao ang mga bagay-bagay. Hindi patuloy na ginagawa ng Diyos ang iisang gawain; ang Kanyang gawain ay palaging nagbabago at palaging bago, gaya ng pagbigkas Ko ng mga bagong salita sa inyo at paggawa ng bagong gawain bawat araw. Ito ang gawaing Aking ginagawa, at ang mahalaga rito ay ang mga salitang “bago” at “kamangha-mangha.” “Ang Diyos ay hindi nagbabago, at ang Diyos ay palaging magiging Diyos”: Ang kasabihang ito ay talagang totoo; ang diwa ng Diyos ay hindi nagbabago, ang Diyos ay palaging Diyos, at hindi Siya magiging Satanas kailanman, ngunit hindi nito pinatutunayan na ang Kanyang gawain ay walang hanggang hindi nagbabago na tulad ng Kanyang diwa. Ipinapahayag mo na ang Diyos ay hindi nagbabago, ngunit paano mo maipaliliwanag, kung gayon, na ang Diyos ay palaging bago at hindi kailanman luma? Ang gawain ng Diyos ay patuloy na lumalaganap at palaging nagbabago, at ang Kanyang mga layunin ay patuloy na ibinubunyag at ipinaaalam sa tao. Habang nararanasan ng tao ang gawain ng Diyos, ang kanyang disposisyon ay patuloy na nagbabago, tulad ng kanyang kaalaman. Saan galing, kung gayon, ang pagbabagong ito? Hindi ba mula sa gawain ng Diyos na palaging nagbabago? Kung ang disposisyon ng tao ay maaaring magbago, bakit hindi matulutan ng tao na patuloy ring magbago ang Aking gawain at Aking mga salita? Kailangan ba Akong sumailalim sa mga paghihigpit ng tao? Dito, hindi ba’t gumagamit ka ng mga sapilitang argumento?

Kasunod ng Kanyang muling pagkabuhay, nagpakita si Jesus sa mga disipulo at nagsabi, “Ipadadala Ko sa inyo ang pangako ng Aking Ama: datapuwa’t magsipanatili kayo sa bayan ng Jerusalem, hanggang sa kayo’y masangkapan ng kapangyarihang galing sa itaas.” Alam mo ba kung paano maipaliliwanag ang mga salitang ito? Nasasangkapan ka na ba ngayon ng Kanyang kapangyarihan? Nauunawaan mo ba kung ano ang tinatawag na “kapangyarihan”? Sinabi ni Jesus na ang Espiritu ng katotohanan ay ipagkakaloob sa tao sa mga huling araw. Ito na ang mga huling araw; nauunawaan mo ba kung paano nagpapahayag ng mga salita ang Espiritu ng katotohanan? Saan nagpapakita at gumagawa ang Espiritu ng katotohanan? Sa aklat ng propesiya ng propetang si Isaias, hindi binanggit kailanman na isang batang nagngangalang Jesus ang isisilang sa kapanahunan ng Bagong Tipan; nakasulat lamang na may isang sanggol na lalaking nagngangalang Emmanuel ang isisilang. Bakit hindi binanggit ang pangalang “Jesus”? Hindi lumitaw ang pangalang ito kahit saan sa Lumang Tipan, kung gayon, bakit nananampalataya ka pa rin kay Jesus? Siguradong hindi ka nagsimulang manampalataya kay Jesus matapos mo Siyang makita sa sarili mong mga mata, hindi ba? O nagsimula ka bang manampalataya nang makatanggap ka ng isang paghahayag? Talaga bang pakikitaan ka ng Diyos ng gayong biyaya? Pagkakalooban ka ba Niya ng gayon kalalaking pagpapala? Ano ang batayan ng iyong pananampalataya kay Jesus? Bakit hindi ka naniniwala na naging tao na ang Diyos ngayon? Bakit mo sinasabi na ang kawalan ng isang paghahayag sa iyo mula sa Diyos ay nagpapatunay na hindi Siya nagkatawang-tao sa laman? Kailangan bang magbigay-alam ang Diyos sa mga tao bago Niya simulan ang Kanyang gawain? Kailangan ba muna Niyang matanggap ang kanilang pagsang-ayon? Sinabi lamang ni Isaias na isisilang ang isang lalaking sanggol sa isang sabsaban; hindi niya ipinropesiya kailanman na si Maria ang magluluwal kay Jesus. Saan mo ba talaga ibinabatay ang iyong pananampalataya kay Jesus na isinilang ni Maria? Siguradong hindi magulo ang iyong pananampalataya? Sabi ng ilan, ang pangalan ng Diyos ay hindi nagbabago. Kung gayon, bakit naging Jesus ang pangalan ni Jehova? Ipinropesiya na darating ang Mesiyas, kaya bakit dumating ang isang taong nagngangalang Jesus? Bakit nagbago ang pangalan ng Diyos? Hindi ba matagal nang isinagawa ang gawaing iyon? Hindi ba makakagawa ang Diyos ng mas bagong gawain ngayon? Ang gawain ng kahapon ay maaaring baguhin, at ang gawain ni Jesus ay maaaring sumunod mula roon sa gawain ni Jehova. Kung gayon, hindi ba maaaring sundan ng ibang gawain ang gawain ni Jesus? Kung ang pangalan ni Jehova ay maaaring palitan ng Jesus, hindi ba maaaring palitan din ang pangalan ni Jesus? Walang kakaiba rito; kaya lang, masyadong simple mag-isip ang mga tao. Ang Diyos ay palaging magiging Diyos. Paano man magbago ang Kanyang gawain, at paano man maaaring magbago ang Kanyang pangalan, hindi magbabago ang Kanyang disposisyon at karunungan kailanman. Kung naniniwala ka na ang Diyos ay maaari lamang tawagin sa pangalang Jesus, napakalimitado ng iyong kaalaman. Mangangahas ka bang igiit na Jesus ang magiging pangalan ng Diyos magpakailanman, na ang Diyos ay palaging tatawagin sa pangalang Jesus magpakailanman, at na hindi ito magbabago kailanman? Mangangahas ka bang matatag na paniwalaan na ang pangalan ni Jesus ang nagwakas ng Kapanahunan ng Kautusan at magwawakas din ng huling kapanahunan? Sino ang makapagsasabi na mawawakasan ng biyaya ni Jesus ang kapanahunan? Kung wala kang malinaw na pagkaunawa sa mga katotohanang ito, hindi ka lamang walang kakayahang gawin ang gawain ng pangangaral ng ebanghelyo, kundi hindi ka mismo makakapanindigan. Pagdating ng araw na nalulutas mo ang lahat ng hirap ng mga relihiyosong tao at napapabulaanan ang lahat ng maling kaisipan nila, iyon ang magiging patunay na lubos kang nakatitiyak sa yugtong ito ng gawain at wala ka ni katiting na pagdududa. Kung hindi mo mapabulaanan ang kanilang mga maling kaisipan, pararatangan ka nila at sisiraang-puri. Hindi ba nakakahiya iyon?

Nabasa ng lahat ng Hudyo ang Lumang Tipan at alam nila ang propesiya ni Isaias na may isang sanggol na lalaki na isisilang sa isang sabsaban. Kung gayon, bakit inusig pa rin nila si Jesus sa kabila ng lubos na pagkaalam sa propesiyang ito? Hindi ba dahil sa kanilang mapaghimagsik na kalikasan at kamangmangan tungkol sa gawain ng Banal na Espiritu? Sa panahong iyon, naniwala ang mga Pariseo na ang gawain ni Jesus ay naiiba sa alam nila tungkol sa ipinropesiyang sanggol na lalaki, at tinatanggihan ng mga tao ngayon ang Diyos dahil hindi sang-ayon sa Bibliya ang gawain ng Diyos na nagkatawang-tao. Hindi ba pareho ang diwa ng kanilang pagkamapaghimagsik sa Diyos? Matatanggap mo ba, nang walang eksepsiyon, ang buong gawain ng Banal na Espiritu? Kung ito ang gawain ng Banal na Espiritu, ito ang tamang daloy, at dapat mong tanggapin ito nang walang anumang mga pagdududa; hindi mo dapat piliin kung ano ang iyong tatanggapin. Kung susubukan mong gamitin ang mas maraming kabatiran mo sa Diyos at mas mag-ingat sa Kanya, hindi ba’t kalabisan ito? Ang dapat mong gawin ay hindi maghanap ng iba pang patunay mula sa Bibliya, kundi sa halip ay palaging tanggapin ang gawain ng Banal na Espiritu, sapagkat nananampalataya ka sa Diyos upang sundan ang Diyos, at hindi mo Siya dapat siyasatin. Hindi ka dapat maghanap ng iba pang katibayan tungkol sa Akin upang patunayan na Ako ang iyong Diyos, kundi dapat mong makilatis kung may pakinabang Ako sa iyo—ito ang pinakamahalaga. Kahit makakita ka ng karagdagang di-mapabulaanang patunay sa loob ng Bibliya, hindi ka nito lubos na maihaharap sa Akin. Namumuhay ka lamang sa loob ng sakop ng Bibliya, at hindi sa Aking harapan; hindi ka matutulungan ng Bibliya na makilala Ako, ni hindi nito mapapalalim ang pagmamahal mo sa Akin. Bagama’t ipinropesiya sa Bibliya na isisilang ang isang sanggol na lalaki, walang sinumang makaarok kung kanino matutupad ang propesiya, sapagkat hindi alam ng tao ang gawain ng Diyos, at ito ang dahilan kaya nilabanan ng mga Pariseo si Jesus. Alam ng ilan na ang Aking gawain ay para sa interes ng tao, subalit patuloy silang naniniwala na si Jesus at Ako ay dalawang ganap na magkahiwalay, at hindi magkatugma. Sa panahong iyon, nagbigay lamang si Jesus sa Kanyang mga disipulo ng isang serye ng mga sermon ng Kapanahunan ng Biyaya tungkol sa mga paksa kung paano magsagawa, paano magtipon-tipon, paano magsumamo sa panalangin, at paano tratuhin ang iba sa Kapanahunan ng Biyaya. Ang gawaing Kanyang isinagawa ay yaong sa Kapanahunan ng Biyaya, at nagsalita lamang Siya tungkol sa kung paano nararapat magsagawa ang mga disipulo at yaong mga sumunod sa Kanya noong panahong iyon. Noong panahong iyon, ginawa lamang Niya ang gawain ng Kapanahunan ng Biyaya, at wala Siyang ginawang gawain ng mga huling araw. Nang itakda ni Jehova ang kautusan ng Lumang Tipan sa Kapanahunan ng Kautusan, bakit hindi Niya ginawa noon ang gawain ng Kapanahunan ng Biyaya? Bakit hindi Niya maagang nilinaw ang gawain ng Kapanahunan ng Biyaya? Hindi ba’t makakatulong ito na tanggapin ito ng tao? Ipinropesiya lamang Niya na isisilang ang isang sanggol na lalaki at magiging makapangyarihan, ngunit hindi Niya isinagawa nang maaga ang gawain ng Kapanahunan ng Biyaya. Ang gawain ng Diyos sa bawat isang kapanahunan ay may malilinaw na hangganan; ginagawa lamang Niya ang gawain ng kasalukuyang kapanahunan, at hindi Niya isinasakatuparan nang maaga ang sumunod na yugto ng gawain kailanman. Sa ganitong paraan lamang mabibigyang-diin ang Kanyang gawaing kumakatawan sa bawat kapanahunan. Nagsalita lamang si Jesus tungkol sa mga tanda ng huling mga araw; sinabi lamang Niya kung paano dapat maging mapagpasensiya at paano dapat mailigtas ang mga tao sa panahong iyon, kung paano sila dapat magsisi at mangumpisal, at kung paano sila dapat magpasan ng krus at magtiis ng paghihirap. Hindi Niya kailanman sinabi kung paano dapat magkamit ng pagpasok ang tao sa mga huling araw, ni kung paano niya dapat hangaring tugunan ang mga layunin ng Diyos. Sa gayon, hindi ba’t wala sa katwiran na saliksikin ang Bibliya para sa gawain ng Diyos sa mga huling araw? Ano ang makikita mo sa paghawak lamang nang mahigpit sa Bibliya? Isa mang tagapaglahad ng Bibliya o isang mangangaral, sino ang malinaw na makakakita nang maaga sa gawain ngayon?

“Ang may pakinig, ay makinig sa sinasabi ng Espiritu sa mga iglesia.” Narinig na ba ninyo ngayon ang mga salita ng Banal na Espiritu? Ang mga salita ng Diyos ay dumating na sa inyo. Naririnig ba ninyo ang mga ito? Ginagawa ng Diyos ang gawain ng mga salita sa mga huling araw, at ang mga salitang ito ay yaong sa Banal na Espiritu, sapagkat ang Diyos ang Banal na Espiritu at maaari ding maging tao; samakatwid, ang mga salita ng Banal na Espiritu, na sinabi noon, ay ang mga salita ng Diyos na nagkatawang-tao ngayon. Maraming balighong tao ang naniniwala na dahil ang Banal na Espiritu ang nagsasalita, dapat manggaling ang Kanyang tinig sa kalangitan para marinig ng mga tao. Sinumang nag-iisip sa ganitong paraan ay hindi kilala ang gawain ng Diyos. Ang totoo, ang mga pagbigkas na sinambit ng Banal na Espiritu ay yaong mga sinambit ng Diyos na nagkatawang-tao. Hindi posible na magawa ng Banal na Espiritu na magsalita nang tuwiran sa tao; kahit sa Kapanahunan ng Kautusan, hindi nagsalita si Jehova nang tuwiran sa masa. Hindi ba mas malamang na hindi Niya gawin iyon sa kapanahunang ito ngayon? Upang maisagawa ng Diyos ang gawain gamit ang Kanyang pananalita at mga pagbigkas, kailangan Siyang maging tao; kung hindi, hindi maisasakatuparan ng Kanyang gawain ang mga layon nito. Yaong mga nagtatatwa sa Diyos na nagkatawang-tao ay yaong mga hindi nakakakilala sa Espiritu o sa mga prinsipyong sinusunod ng Diyos sa paggawa. Yaong mga naniniwala na ngayon ang kapanahunan ng Banal na Espiritu, subalit hindi natatanggap ang Kanyang bagong gawain, ay yaong mga namumuhay sa gitna ng malabo at abstraktong pananalig. Ang gayong mga tao ay hindi kailanman makakatanggap ng gawain ng Banal na Espiritu. Yaong mga humihiling lamang na ang Banal na Espiritu ay tuwirang magsalita at magsagawa ng Kanyang gawain, at hindi tumatanggap sa mga salita o gawain ng Diyos na nagkatawang-tao, ay hindi kailanman makakatapak sa bagong kapanahunan o lubos na maliligtas ng Diyos!

Sinundan:  Dapat Mong Isantabi ang mga Pagpapala ng Katayuan at Unawain ang Layunin ng Diyos na Maghatid ng Kaligtasan sa Tao

Sumunod:  Tanging ang mga Nakakikilala sa Diyos at Nakaaalam sa Kanyang Gawain ang Makapagbibigay-lugod sa Diyos

Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos Ukol sa Pagkakilala sa Diyos Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw Paglalantad sa mga Anticristo Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ang Paghatol ay Nagsisimula sa Tahanan ng Diyos Mahahalagang Salita Mula sa Makapangyarihang Diyos, ang Cristo ng mga Huling Araw Araw-araw na mga Salita ng Diyos Ang Mga Katotohanang Realidad na Dapat Pasukin ng mga Mananampalataya sa Diyos Sundan ang Kordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin Mga Gabay para sa Pagpapalaganap ng Ebanghelyo ng Kaharian Naririnig ng mga Tupa ng Diyos ang Tinig ng Diyos Makinig sa Tinig ng Diyos  Masdan ang Pagpapakita ng Diyos Mahahalagang Tanong at Sagot tungkol sa Ebanghelyo ng Kaharian Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume I) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume II) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume III) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IV) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume V) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VI) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VIII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IX) Paano Ako Bumalik sa Makapangyarihang Diyos

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito

Connect with us on Messenger