Dapat Mong Isantabi ang mga Pagpapala ng Katayuan at Unawain ang Layunin ng Diyos na Maghatid ng Kaligtasan sa Tao

Mula sa pananaw ng isang tao, hindi posible para sa mga inapo ni Moab na gawing ganap, ni hindi sila karapat-dapat na magawang gayon. Ang mga anak ni David, sa kabilang dako, ay tiyak na may pag-asa, at talagang maaaring gawing ganap. Kung ang isang tao ay inapo ni Moab, hindi sila maaaring gawing ganap. Kahit ngayon, hindi pa rin ninyo alam ang kahalagahan ng gawaing ginagawa sa gitna ninyo; kahit sa yugtong ito, nasa puso pa rin ninyo ang inyong kinabukasan, at ayaw ninyong talikuran ang mga ito. Walang pakialam ang sinuman kung bakit pinili ng Diyos na gumawa sa pinaka-hindi karapat-dapat na grupo ng mga tao na tulad ninyo. Nagkamali kaya Siya sa gawaing ito? Panandalian bang kapabayaan ang gawaing ito? Bakit bumaba ang Diyos, na alam noon pa man na kayo ay mga anak ni Moab, para gumawa mismo sa gitna ninyo? Hindi ba ninyo naiisip ito kailanman? Hindi ba ito isinasaalang-alang ng Diyos kailanman kapag ginagawa Niya ang Kanyang gawain? Kumikilos ba Siya sa padalos-dalos na paraan? Hindi ba Niya alam sa simula pa lamang na kayo ang mga inapo ni Moab? Hindi ba ninyo alam na dapat isaalang-alang ang mga bagay na ito? Saan na napunta ang inyong mga kuru-kuro? Hindi na ba balanse ang inyong malusog na pag-iisip? Saan na napunta ang inyong katalinuhan at karunungan? Napakalawak ba ng inyong isip kaya hindi ninyo pinapansin ang gayon kaliliit na mga bagay? Ang inyong mga isipan ay napakasensitibo sa mga bagay na kagaya ng inyong kinabukasan at inyong sariling kapalaran, ngunit pagdating sa anumang iba pang bagay, manhid, mabagal umunawa, at walang kaalam-alam ang mga ito. Ano ba talaga ang inyong pinaniniwalaan? Ang inyo bang kinabukasan? O ang Diyos? Hindi ba’t kung ano ang iyong pinaniniwalaan ay ang magandang hantungan mo? Hindi ba’t ito ang iyong kinabukasan? Gaano kalaki ang naunawaan mo tungkol sa daan ng buhay? Gaano na karami ang iyong natamo? Palagay mo ba ang gawaing ginagawa ngayon sa mga inapo ni Moab ay ginagawa para hiyain kayo? Sadya ba itong ginagawa para ilantad ang inyong kapangitan? Sadya ba itong ginagawa para tumanggap kayo ng pagkastigo, at pagkatapos ay upang ihagis kayo sa lawa ng apoy? Hindi Ko sinabi kailanman na wala kayong kinabukasan, lalong hindi na kailangan kayong wasakin o masadlak sa perdisyon. Hayagan Ko na bang naipahayag ang gayong mga bagay? Sabi mo wala kang pag-asa, ngunit hindi ba ito isang pagbibigay-hatol na ikaw mismo ang gumawa? Hindi ba ito ang epekto ng iyong sariling paraan ng pag-iisip? May halaga ba ang iyong sariling mga pagbibigay-hatol? Kung sasabihin Kong hindi ka pinagpala, siguradong ikaw ay pakay ng pagwawasak; at kung sasabihin Kong ikaw ay pinagpala, talagang hindi ka wawasakin. Sinasabi Ko lamang na ikaw ay inapo ni Moab; hindi Ko sinabi na ikaw ay wawasakin. Isinumpa lamang ang mga inapo ni Moab, at isang lahi ng mga tiwaling tao. Binanggit ang kasalanan noon; hindi ba makasalanan kayong lahat? Hindi ba ginawa nang tiwali ni Satanas ang lahat ng makasalanan? Hindi ba’t lumalaban at naghihimagsik laban sa Diyos ang lahat ng makasalanan? Hindi ba’t isusumpa ang mga lumalaban sa Diyos? Hindi ba kailangang wasakin ang lahat ng makasalanan? Kung gayon, sino ang maliligtas sa mga taong may laman at dugo? Nakaligtas kaya kayo hanggang sa araw na ito? Naging negatibo na kayo dahil kayo ay mga inapo ni Moab; hindi ba kabilang din kayo sa mga tao, na mga makasalanan? Paano kayo nakatagal hanggang sa araw na ito? Kapag binabanggit ang pagiging perpekto, nagiging masaya kayo, at kapag naririnig ninyo na mararanasan ninyo ang malaking kapighatian, pakiramdam ninyo mas pinagpala pa nga kayo. Iniisip ninyo na ang maging mga mananagumpay matapos umahon mula sa kapighatian ay higit pa ngang malaking pagpapala at pagtataas sa inyo ng Diyos. Kapag nababanggit si Moab, nagkakagulo kayo; parehong nadarama ng matatanda’t mga bata ang di-masabing kalungkutan at talagang walang kagalakan sa inyong mga puso, at nagsisisi kayo na ipinanganak kayo. Hindi ninyo nauunawaan ang kahalagahan ng yugtong ito ng gawain na ginagawa sa mga inapo ni Moab; ang tanging alam ninyo ay maghangad ng matataas na posisyon, at tuwing nararamdaman ninyo na wala kayong pag-asa, bumabalik kayo sa dati. Kapag binabanggit ang magawang perpekto at ang hantungan sa hinaharap, sumasaya kayo. Nananampalataya kayo sa Diyos upang magtamo ng mga pagpapala at para magkaroon kayo ng magandang hantungan. Nangangamba ang ilang tao ngayon dahil sa kanilang katayuan. Dahil mababa ang kanilang halaga at katayuan, hindi nila hinihiling na maghangad na magawang perpekto. Una, pinag-usapan ang pagiging perpekto, at pagkatapos ay binanggit ang mga inapo ni Moab, kaya itinanggi ng mga tao ang landas ng magawang perpekto na naunang binanggit. Ito ay dahil mula simula hanggang wakas, hindi ninyo nalaman kailanman ang kahalagahan ng gawaing ito, ni wala kayong pakialam sa kahalagahan nito. Napakaliit ng inyong tayog, at hindi ninyo kaya kahit ang pinakakaunting pagkagambala. Kapag nakikita ninyo na napakababa ng inyong pagkakakilanlan, nagiging negatibo kayo at nawawalan ng pananalig na patuloy na maghangad. Itinuturing lamang ng mga tao ang pagtatamo ng biyaya at pagtatamasa ng kapayapaan na mga sagisag ng pananalig, at itinuturing na pundasyon ng kanilang pananampalataya sa Diyos ang paghahangad ng mga pagpapala. Iilang tao lamang ang naghahangad na makilala ang Diyos o baguhin ang kanilang disposisyon. Sa kanilang pananalig, hinahangad ng mga tao na bigyan sila ng Diyos ng angkop na hantungan at ng lahat ng biyayang gusto nila, na gawing alipin nila ang Diyos, na gawin Siyang magpanatili ng isang mapayapa at palakaibigang relasyon sa kanila nang sa gayon, anumang oras, ay hindi magkaroon ng anumang sigalot sa pagitan nila. Ibig sabihin, sa kanilang pananampalataya sa Diyos, dapat talaga Siyang mangako na tugunan ang lahat ng kanilang kahilingan at ipagkaloob Niya sa kanila ang anumang hinihiling nila, tulad ng mga salitang nabasa nila sa Bibliya, “Pakikinggan Ko ang lahat ng inyong mga hinihiling.” Inaasahan nila na hindi hahatulan o pupungusan ng Diyos ang sinuman, sapagkat noon pa man ay Siya na ang maawaing Tagapagligtas na si Jesus na nagpapanatili ng mabuting kaugnayan sa mga tao sa lahat ng oras at sa lahat ng lugar. Ang paraan kung paano nananampalataya ang mga tao sa Diyos ay ang sumusunod: Walang-kahihiyan silang humihiling sa Diyos, naniniwala na mapanghimagsik man sila o masunurin, kailangan lang Niya na patuloy na ipagkaloob ang lahat ng bagay sa kanila. Patuloy lamang silang “naniningil ng mga utang” mula sa Diyos, naniniwala na kailangan Niya silang “bayaran” nang walang anumang pagtutol at, bukod pa riyan, magbayad nang doble. Iniisip nila, kung may nakuha man ang Diyos sa kanila o wala, maaari lamang nila Siyang manipulahin, at hindi Niya maaaring pamatnugutan ang mga tao gaya ng nais Niya, lalong hindi Niya maaaring ibunyag sa mga tao ang Kanyang karunungan at matuwid na disposisyon, na maraming taon nang nakatago, tuwing gusto Niya at nang walang pahintulot nila. Ikinukumpisal lamang nila sa Diyos ang kanilang mga kasalanan, naniniwala na kailangan lamang Niyang ipawalang-sala sila, nang hindi nakakaramdam ng anumang pagtutol dito, at na magpapatuloy ito magpakailanman. Inuutus-utusan lamang nila ang Diyos, naniniwala na kailangan lamang Niya na sumunod sa kanila, dahil nakatala sa Bibliya na hindi pumarito ang Diyos para paglingkuran ng mga tao, kundi para paglingkuran Niya sila, at na pumarito Siya upang maging lingkod nila. Kahit ngayon, hindi ba’t ganito pa rin ang paniniwala ninyo? Tuwing wala kayong nakakamit na anuman mula sa Diyos, gusto ninyong tumakbo; kapag may hindi kayo nauunawaan, masyado kayong naghihinanakit, at binabato pa ninyo Siya ng lahat ng klase ng pang-aabuso. Ayaw ninyo talagang tulutan ang Diyos Mismo na lubos na maipahayag ang Kanyang karunungan at hiwaga; sa halip, gusto lamang ninyong magpakasasa sa panandaliang kaalwanan at kaginhawahan. Hanggang ngayon, ang saloobin ninyo sa inyong pananampalataya sa Diyos ay binubuo lamang ng parehong dati pang mga pananaw. Kahit kakatiting lamang na pagiging maharlika ang ipakita sa inyo ng Diyos, hindi na kayo nagiging masaya. Nakikita na ba ninyo ngayon kung gaano talaga kataas ang inyong tayog? Huwag ninyong ipalagay na kayong lahat ay tapat sa Diyos samantalang ang totoo ay hindi pa nagbabago ang inyong mga dating pananaw. Kapag walang sumasapit sa iyo, naniniwala ka na maayos ang lahat, at nasa rurok ang pagmamahal mo sa Diyos. Kapag may nangyayari sa iyo na maliit na bagay, bumabagsak ka sa Hades. Ganito ba ang pagiging tapat sa Diyos?

Kung ang huling yugto ng gawain ng paglupig ay magsisimula sa Israel, ang gayong gawain ng paglupig ay mawawalan ng kahulugan. Ang gawain ay pinakamakabuluhan kapag ito ay ginagawa sa Tsina, at kapag ito ay isinasagawa sa inyo. Kayo ang pinakaabang mga tao, ang mga taong may pinakamababang katayuan; kayo ang siyang nasa pinakamababang antas ng lipunang ito, at kayo iyong pinaka-hindi kumilala sa Diyos sa simula. Kayo ang mga taong pinakanapalayo sa Diyos at pinakamatindi ang pinsala. Dahil ang yugtong ito ng gawain ay para lamang sa paglupig, hindi ba pinakaangkop na kayo ang piliing magpatotoo sa hinaharap? Kung ang unang hakbang ng gawain ng paglupig ay hindi nagawa sa inyo, magiging mahirap na isulong ang gawain ng paglupig na darating, sapagkat ang gawain ng paglupig na susunod ay magkakamit ng mga resulta batay sa katunayan ng gawaing ito na isinasagawa ngayon. Ang kasalukuyang gawain ng paglupig ay simula pa lamang ng kabuuang gawain ng paglupig. Kayo ang unang grupo na lulupigin; kayo ang mga kinatawan ng buong sangkatauhan na lulupigin. Ang mga taong tunay na may kaalaman ay makikita na lahat ng gawaing ginagawa ng Diyos ngayon ay dakila. Hindi lamang Niya tinutulutang malaman ng mga tao ang kanilang sariling paghihimagsik, kundi ibinubunyag din ang kanilang pagkakakilanlan. Ang layunin at kahulugan ng Kanyang mga salita ay hindi upang gawing negatibo ang mga tao, ni hindi para ibagsak sila. Ito ay para magkamit sila ng kaliwanagan at kaligtasan sa pamamagitan ng Kanyang mga salita; ito ay upang pukawin ang espiritu nila sa pamamagitan ng Kanyang mga salita. Mula nang likhain ang mundo, namuhay na ang tao sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas, na hindi nalalaman ni naniniwala na mayroong isang Diyos. Na natatanggap ng mga taong ito ang dakilang pagliligtas at dakilang pagtataas ng Diyos ay talagang nagpapakita ng pagmamahal ng Diyos; lahat ng tunay na may kaalaman ay ganito ang iisipin. Paano naman iyong mga walang gayong kaalaman? Sasabihin nila, “Ah, sinabi ng Diyos na tayo ang mga inapo ni Moab; sinabi Niya ito sa Kanyang sariling mga salita. Maaari pa rin ba tayong magtamo ng mabuting kalalabasan? Tayo ang mga inapo ni Moab at nilabanan natin Siya noong araw. Ang Diyos ay naparito upang kondenahin tayo; hindi mo ba nakikita kung paano Niya tayo palaging hinahatulan, sa simula pa lamang? Dahil nilabanan natin ang Diyos, dapat tayong kastiguhin sa ganitong paraan.” Tama ba ang mga salitang ito? Ngayon ay hinahatulan kayo ng Diyos, kinakastigo kayo, at kinokondena kayo, ngunit dapat mong malaman na ang punto ng pagkondena sa iyo ay upang makilala mo ang iyong sarili. Siya ay kumokondena, sumusumpa, humahatol, at kumakastigo para makilala mo ang iyong sarili, para magbago ang iyong disposisyon, at, higit pa rito, para malaman mo ang iyong halaga, at makita na lahat ng kilos ng Diyos ay matuwid at alinsunod sa Kanyang disposisyon at mga pangangailangan ng Kanyang gawain, na Siya ay gumagawa alinsunod sa Kanyang plano para sa kaligtasan ng tao, at na Siya ang matuwid na Diyos na nagmamahal at nagliligtas sa tao, at humahatol at kumakastigo rin sa tao. Kung alam mo lamang na mababa ang iyong katayuan, na ikaw ay tiwali at mapaghimagsik, ngunit hindi mo alam na nilalayon ng Diyos na ibunyag ang Kanyang pagliligtas sa pamamagitan ng paghatol at pagkastigo na Kanyang ginagawa sa iyo ngayon, wala kang paraan para makaranas ng mga bagay, lalong wala kang kakayahang patuloy na sumulong. Ang Diyos ay hindi naparito upang hampasin o lipulin ang mga tao, kundi upang hatulan, sumpain, kastiguhin, at iligtas sila. Hanggang sa matapos ang Kanyang 6,000 taong plano ng pamamahala—bago Niya ibunyag ang kalalabasan ng bawat kategorya ng tao—ang gawain ng Diyos sa lupa ay ganap na para sa pagliligtas; ang layon nito ay para lamang gawing lubusang ganap yaong mga nagmamahal sa Kanya at magpasailalim sila sa Kanyang kapamahalaan. Paano man inililigtas ng Diyos ang mga tao, ginagawang lahat iyon sa pamamagitan ng paghiwalay sa dati nilang satanikong kalikasan; ibig sabihin, inililigtas Niya sila sa pamamagitan ng pagdulot na maghangad sila ng buhay. Kung hindi nila gagawin iyon, walang paraan upang matanggap nila ang pagliligtas ng Diyos. Ang pagliligtas ay ang gawain ng Diyos Mismo, at ang paghahangad ng buhay ay isang bagay na kailangang taglay ng tao upang tumanggap ng kaligtasan. Sa mga mata ng tao, ang kaligtasan ay ang pag-ibig ng Diyos, at ang pag-ibig ng Diyos ay hindi maaaring maging pagkastigo, paghatol, at mga pagsumpa; ang pagliligtas ay kailangang naglalaman ng awa, mapagmahal na kabaitan, at, bukod pa rito, ng mga salita ng kaginhawahan, gayundin ng walang-hanggang mga pagpapalang ipinagkaloob ng Diyos. Naniniwala ang mga tao na kapag inililigtas ng Diyos ang tao, ginagawa Niya iyon sa pamamagitan ng pag-antig dito gamit ang Kanyang mga pagpapala at biyaya, para maibigay nito ang puso nito sa Diyos. Ibig sabihin, ang Kanyang pag-antig sa tao ay pagliligtas Niya dito. Ang ganitong uri ng pagliligtas ay transaksiyonal. Kapag pinagkalooban ito ng Diyos ng isandaang beses, saka pa lamang magpapasailalim ang tao sa pangalan ng Diyos, at sa gayon ay magparamdam ng karangalan sa Diyos at magbigay ng papuri sa Kanya. Hindi ito ang layunin ng Diyos para sa sangkatauhan. Ang Diyos ay naparito para gumawa sa lupa upang iligtas ang tiwaling sangkatauhan; walang kasinungalingan dito. Kung hindi ito ang kaso, tiyak na hindi sana Siya naparito upang gawin ang Kanyang gawain nang personal. Dati-rati, ang Kanyang paraan ng pagliligtas ay may kasamang pagpapakita ng sukdulang awa at mapagmahal na kabaitan, kaya ibinigay Niya ang lahat Niya kay Satanas kapalit ng buong sangkatauhan. Ang kasalukuyan ay hindi kagaya ng nakaraan: Ang pagliligtas sa inyo ngayon ay nangyayari sa panahon ng mga huling araw, kung kailan ibinubukod-bukod ang bawat isa ayon sa kanilang uri; ang paraan ng pagliligtas sa inyo ay hindi awa o mapagmahal na kabaitan, kundi pagkastigo at paghatol, upang ang tao ay kayang mas lubusang maligtas. Sa gayon, ang natatanggap lamang ninyo ay pagkastigo, paghatol, at walang awa na paghampas, ngunit dapat ninyong malaman ito: Sa walang awa na paghampas na ito, wala ni kakatiting na kaparusahan. Gaano man kabagsik ang Aking mga salita, ang sumasapit sa inyo ay iilang salita lamang na maaaring magmukhang lubos na walang puso sa inyo, at gaano man katindi ang Aking galit, ang sumasapit sa inyo ay mga salita pa rin ng pagsaway, at hindi Ko layon na saktan kayo o patayin kayo. Hindi ba totoo ang lahat ng ito? Dapat ninyong malaman na sa panahong ito, matuwid na paghatol man o walang awang pagpipino at pagkastigo, lahat ay para sa kapakanan ng kaligtasan. Ibubukod-bukod man ngayon ang bawat tao ayon sa kanilang uri o mabubunyag man ang lahat ng uri ng tao, ang layunin ng lahat ng salita at gawain ng Diyos ay upang iligtas iyong mga tunay na nagmamahal sa Diyos. Ang matuwid na paghatol ay pinasasapit upang dalisayin ang tao, at ang walang awa na pagpipino ay ginagawa upang linisin ito; ang masasakit na salita o pagtutuwid ay kapwa ginagawa upang magpadalisay at alang-alang sa kaligtasan. Sa gayon, ang pamamaraan ng pagliligtas ngayon ay hindi kagaya noong araw. Ngayon, ang matuwid na paghatol ay nagsisilbing kaligtasan ninyo, at bilang mabuting kasangkapan para maibukod-bukod ang bawat isa sa inyo ayon sa inyong uri, at ang walang awa na pagkastigo ay nagsisilbing inyong sukdulang kaligtasan. Ano ang masasabi ninyo sa harap ng gayong pagkastigo at paghatol? Hindi ba kayo palaging nagtamasa ng pagliligtas, mula simula hanggang wakas? Nakita na ninyo ang Diyos na nagkatawang-tao at napagtanto na ang Kanyang pagkamakapangyarihan-sa-lahat at karunungan; at saka, naranasan na ninyo ang paulit-ulit na paghampas at pagdisiplina. Gayunman, hindi ba nakatanggap din kayo ng pinakadakilang biyaya? Hindi ba mas malaki ang inyong mga pagpapala kaysa sa lahat? Ang inyong mga biyaya ay mas sagana pa nga kaysa sa kaluwalhatian at mga kayamanang tinamasa ni Solomon! Pag-isipan ninyo ito: Kung ang Aking layunin sa pagparito ay upang kondenahin at parusahan kayo sa halip na iligtas kayo, nagtagal kaya ang buhay ninyo? Buhay pa kaya hanggang ngayon kayong mga makasalanang nilalang na laman at dugo? Kung ang Aking layon ay para lamang parusahan kayo, bakit pa Ako nagkatawang-tao at nagsimula ng gayon kalaking proyekto? Hindi ba kayong mga walang halaga ay maaaring parusahan sa pagbigkas lamang ng iisang salita? Kakailanganin Ko pa ba kayong lipulin matapos Ko kayong sadyang kondenahin? Hindi pa rin ba kayo naniniwala sa mga salita Kong ito? Maaari Ko bang iligtas ang tao sa pamamagitan lamang ng awa at mapagmahal na kabaitan? O maaari Ko bang gamitin lamang ang pagkakapako sa krus upang iligtas ang tao? Hindi ba mas kapaki-pakinabang ang Aking matuwid na disposisyon para magawang lubos na mapagpasakop ang tao? Hindi ba mas may kakayahan ito na lubusang iligtas ang tao?

Bagama’t mabagsik ang Aking mga salita, ang lahat ng ito ay para sa pagliligtas sa tao, dahil nagpapahayag lamang Ako ng mga salita at hindi Ko pinarurusahan ang laman ng tao. Ang mga salitang ito ay nagiging dahilan upang mabuhay ang tao sa liwanag, upang malaman nila na mayroong liwanag, upang malaman nila na ang liwanag ay mahalaga, at, higit pa rito, upang malaman kung gaano kalaki ang pakinabang ng mga salitang ito sa tao, gayundin upang malaman na ang Diyos ay kaligtasan. Bagama’t nagpahayag na Ako ng maraming salita ng pagkastigo at paghatol, wala pang aktuwal na sumapit sa inyo. Naparito Ako mismo upang gawin ang Aking gawain at ipahayag ang Aking mga salita, at bagama’t mabagsik ang Aking mga salita, ipinapahayag ang mga ito sa paghatol sa inyong katiwalian at paghihimagsik. Ang layunin ng Aking paggawa nito ay nananatiling upang iligtas ang tao mula sa kapangyarihan ni Satanas. Ang layunin ay ang gamitin ang Aking mga salita upang iligtas ang tao; hindi upang pinsalain ang tao gamit ang Aking mga salita. Ang Aking mga salita ay mabagsik upang magkaroon ng mga resulta sa Aking gawain. Sa pamamagitan lamang ng gayong gawain makikilala ng tao ang sarili nito at makakawala sa mapaghimagsik nitong disposisyon. Ang pinakadakilang kabuluhan ng gawain ng mga salita ay na binibigyang-kakayahan nito ang mga tao na isagawa ang katotohanan kapag naunawaan nila ito, at sa gayon ay magkamit ng mga pagbabago sa kanilang disposisyon, at magkamit ng pagkakilala sa kanilang sarili at sa gawain ng Diyos. Ang paggawa lamang ng gawain sa pamamagitan ng pagpapahayag ng mga salita ang magiging tulay sa ugnayan sa pagitan ng Diyos at ng tao, at mga salita lamang ang maaaring magpaliwanag sa katotohanan. Ang paggawa sa ganitong paraan ang pinakamahusay na paraan ng paglupig sa tao; bukod sa pagbigkas ng mga salita, wala nang iba pang pamamaraan ang makakapagbigay-kakayahan sa mga tao na maunawaan ang katotohanan at ang gawain ng Diyos nang may higit na kalinawan. Sa gayon, sa huling yugto ng Kanyang gawain, ginagamit ng Diyos ang pamamaraan ng pakikipag-usap sa tao upang ibunyag dito ang lahat ng katotohanan at hiwaga na hindi nito nauunawaan, na nagtutulot na matamo nito mula sa Diyos ang tunay na daan at ang buhay, at sa gayon ay matugunan ang Kanyang mga layunin. Ang layon ng gawain ng Diyos sa tao ay upang bigyang-daan ito na matugunan ang mga layunin ng Diyos, at ginagawa ito para iligtas ang tao. Sa gayon, sa panahon ng Kanyang pagliligtas sa tao, hindi Niya ginagawa ang gawain ng pagpaparusa dito. Habang inililigtas ang tao, hindi pinarurusahan ng Diyos ang masama o ginagantimpalaan ang mabuti, ni hindi Niya ibinubunyag ang mga hantungan ng lahat ng uri ng mga tao. Sa halip, kapag kompleto na ang huling yugto ng Kanyang gawain, saka lamang Niya gagawin ang gawain ng pagpaparusa sa masama at paggantimpala sa mabuti, at saka pa lamang Niya ibubunyag ang mga kinalabasan ng lahat ng uri ng mga tao. Iyong mga pinarurusahan ay iyong hindi talaga nagagawang iligtas, samantalang iyong mga inililigtas ay iyong mga nagkamit ng pagliligtas ng Diyos sa panahon ng Kanyang pagliligtas sa tao. Habang ginagawa ang Kanyang gawain ng pagliligtas, inililigtas ng Diyos ang bawat isang tao na maaaring iligtas hangga’t posible, at hindi itinatapon ang sinuman sa kanila, dahil ang layon ng gawain ng Diyos ay iligtas ang tao. Lahat sila, sa panahon ng pagliligtas ng Diyos sa tao, na hindi nagagawang magkamit ng mga pagbabago sa kanilang disposisyon—pati na lahat ng hindi nagagawang lubos na magpasakop sa Diyos—ay magiging mga pakay ng kaparusahan. Ang yugtong ito ng gawain—ang gawain ng mga salita—ay maghahayag para sa mga tao ng lahat ng Salitang hindi nila nauunawaan, pati na ang mga misteryo na hindi nila nauunawaan. Nagbibigay-daan ito sa kanila na maunawaan ang mga layunin ng Diyos at mga hinihingi ng Diyos sa kanila, at na magkaroon ng mga paunang kinakailangan upang maisagawa ang mga salita ng Diyos at magkamit ng mga pagbabago sa kanilang disposisyon. Ang Diyos ay gumagamit lamang ng mga salita upang gawin ang Kanyang gawain at hindi pinarurusahan ang mga tao dahil sa pagiging medyo mapanghimagsik. Ito ay dahil ngayon na ang panahon ng gawain ng pagliligtas, at kung parurusahan ang mga tao sa tuwing mapaghimagsik sila, walang sinumang magkakaroon ng pagkakataon na maligtas, at ang lahat ay parurusahan at babagsak sa Hades. Ang layunin ng paggamit ng mga salita para hatulan ang tao ay upang tulutan ito na makilala ang sarili nito at magpasakop ito sa Diyos; hindi ito para parusahan ang tao sa gayong paghatol. Sa panahon ng gawain ng mga salita, ilalantad ng maraming tao ang kanilang paghihimagsik at paglaban, gayundin ang kanilang kawalan ng pagpapasakop sa Diyos na nagkatawang-tao. Gayumpaman, hindi Niya parurusahan ang lahat ng taong ito dahil dito, kundi sa halip ay itatakwil lamang iyong mga lubos na tiwali at hindi maaaring iligtas. Ibibigay Niya ang kanilang laman kay Satanas, at sa iilang sitwasyon, wawakasan ang kanilang laman. Iyong mga natira ay patuloy na susunod at mararanasang mapungusan. Kung, habang sumusunod, hindi pa rin kayang tanggapin ng mga taong ito na mapungusan, at lalong sumama nang sumama, mawawalan sila ng pagkakataong maligtas. Bawat taong tumanggap sa paglupig ng mga salita ng Diyos ay magkakaroon ng ilang pagkakataon para maligtas; sa pagliligtas ng Diyos sa bawat tao ay magiging magaan Siya sa kanila hangga’t maaari. Sa madaling salita, pakikitaan sila ng lubos na kaluwagan. Hangga’t tumatalikod ang mga tao mula sa maling landas, at hangga’t nakakapagsisi sila, bibigyan sila ng Diyos ng mga pagkakataong makamit ang Kanyang pagliligtas. Sa unang paghihimagsik ng mga tao laban sa Diyos, wala Siyang hangad na hampasin sila; sa halip, ginagawa Niya ang lahat upang iligtas sila. Kung wala talagang paraang mailigtas ang isang tao, aabandonahin siya ng Diyos. Kaya hindi madaling nagpaparusa ang Diyos sa isang tao ay dahil nais Niyang iligtas ang lahat ng maaaring iligtas. Gumagamit lang Siya ng mga salita para maghatol, magbigay-liwanag, at gumabay sa mga tao; hindi Siya gumagamit ng pamalo para hampasin sila. Ang paggamit ng mga salita upang iligtas ang mga tao ay ang layon at kabuluhan ng huling yugto ng gawain.

Sinundan:  Tungkol sa mga Katawagan at sa Pagkakakilanlan

Sumunod:  Paanong Maaaring Tumanggap ng mga Paghahayag ng Diyos Iyong mga Naglimita sa Kanya sa Kanilang mga Kuru-kuro?

Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos Ukol sa Pagkakilala sa Diyos Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw Paglalantad sa mga Anticristo Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ang Paghatol ay Nagsisimula sa Tahanan ng Diyos Mahahalagang Salita Mula sa Makapangyarihang Diyos, ang Cristo ng mga Huling Araw Araw-araw na mga Salita ng Diyos Ang Mga Katotohanang Realidad na Dapat Pasukin ng mga Mananampalataya sa Diyos Sundan ang Kordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin Mga Gabay para sa Pagpapalaganap ng Ebanghelyo ng Kaharian Naririnig ng mga Tupa ng Diyos ang Tinig ng Diyos Makinig sa Tinig ng Diyos  Masdan ang Pagpapakita ng Diyos Mahahalagang Tanong at Sagot tungkol sa Ebanghelyo ng Kaharian Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume I) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume II) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume III) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IV) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume V) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VI) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VIII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IX) Paano Ako Bumalik sa Makapangyarihang Diyos

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito

Connect with us on Messenger