Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan (1)

Matagal-tagal tayong nagbahaginan sa paksang ito ng kung paano sikaping matamo ang katotohanan, at lahat ng napagbahaginan natin ay kinabibilangan ng isang aspekto ng pagsasagawa tungkol sa kung paano sikaping matamo ang katotohanan: ang pagbitiw. Ibig sabihin, ang nilalaman ng pagbabahaginan natin ay pawang tungkol sa mga bagay na dapat bitiwan ng mga tao sa proseso ng pananampalataya sa Diyos at pagsisikap na matamo ang katotohanan, na siya ring mga bagay na dapat bitiwan ng mga tao sa buhay nila at sa landas ng buhay na tinatahak nila. Ang mga ito ang ilan mismo sa mga bagay na nakakaimpluwensiya sa pagsisikap ng mga tao na matamo ang katotohanan. Kaya ano ang unang aytem ng nilalaman natin tungkol sa pagbitiw? (Ang pagbitiw sa iba’t ibang negatibong emosyon ng mga tao.) At ano ang ikalawang aytem? (Ang pagbitiw sa mga paghahangad, pag-aasam, at pagnanais ng mga tao.) Ang unang aytem ng nilalaman natin sa pagbitiw ay ang pagbitiw sa iba’t ibang negatibong emosyon, at ang ikalawa ay ang pagbitiw sa mga paghahangad, pag-aasam, at pagnanais ng mga tao. Sumasaklaw ang bawat aytem sa mangilan-ngilang maliit na paksa at detalye, tama ba? (Oo.) Anuman ang pinagbabahaginan natin, o anumang mga kategorya at aytem ang nakapaloob sa nilalamang ito, at ilan mang halimbawa ang ibinigay, o ilan mang kalagayan o ilan mang diwa ng mga problema ang inilantad, sa madaling salita, ang lahat ng nilalamang pinagbahaginan natin ay tumatalakay sa iba’t ibang problemang dumarating sa mga tao sa proseso ng pananampalataya sa Diyos at ng pagsisikap na matamo ang katotohanan o sa tunay na buhay nila, pati na sa mga landas ng pagsasagawa na dapat piliin ng mga tao at sa mga katotohanang prinsipyong dapat nilang sundin sa tuwing nahaharap sila sa mga problemang ito. Ang iba’t ibang aspektong sangkot sa mga problemang ito ay hindi hungkag at hindi lang umiiral sa mga kaisipan ng tao o sa mga espirituwal na mundo. Sa halip, umiiral ang mga ito sa tunay na buhay ng mga tao. Kaya, kung handa kang magsikap para matamo ang katotohanan, anumang uri ng mga problema ang dumating sa iyo, umaasa Akong mahahanap mo ang katotohanan at mahahanap ang mga kaugnay na katotohanang prinsipyo para gawing batayan mo, matutuklas ang landas ng pagsasagawa, at nang sa gayon ay magkakaroon ka ng landas na susundan sa tuwing dumarating sa iyo ang mga problemang ito. Isa itong pangunahing pakay ng pagbabahaginan tungkol sa lahat nilalamang ito. Bagama’t tapos na tayong magbahaginan tungkol sa lahat ng katotohanang ito, hindi agad-agad makakapasok ang mga tao sa mga katotohanang realidad na ito. Dapat magsimula ang mga tao sa pagbabahaginan tungkol sa mga katotohanang ito, at dapat nilang gawing batayan nila ang iba’t ibang katotohanang prinsipyo, at baguhin ang mga pananaw nila sa lahat ng uri ng bagay, gayundin ang kanilang mga saloobin sa buhay at mga pamamaraan ng pag-iral. Sa ganoong paraan, sa proseso ng pananampalataya sa Diyos o sa proseso ng pamumuhay at pag-iral, sa pamamagitan ng pagtanggap sa mga katotohanang prinsipyong ito, ang mga tao, nang hindi ito namamalayan, ay magagawang baguhin ang iba’t iba nilang nakalilinlang na kaisipan, pananaw, o saloobin at pamamaraan sa pag-iral na dati nang umiiral, luma, at nagmula kay Satanas, at magagawa nilang iwaksi ang mga tiwaling disposisyon nila. Samakatwid, ang mga salitang ito na pinagbahaginan natin noon at ang mga salitang pagbabahaginan natin sa hinaharap ay hindi isang uri ng kaalaman, o isang uri ng iskolarsyip, at tiyak na hindi isang teorya ang mga ito. Sa halip, ginagamit ang mga ito para gabayan, patnubayan, at tulungan ang mga tao na lutasin ang iba’t ibang problema at paghihirap na nararanasan nila sa pang-araw-araw nilang buhay. Sa tuwing nakakaranas ka ng isang problema, o sa tuwing nahaharap ka sa isang sitwasyon, o sa isang tao, pangyayari, o bagay, maaari kang tumingin sa loob ng nilalaman ng pagbabahaginan natin para sa mga pamantayan ng katotohanan na dapat mong sundin at isagawa, para makakilos ka nang gamit ang katotohanan bilang batayan at pamantayan mo, sa halip na magsagawa ayon sa mga tiwaling disposisyon mo at sa mga luma at maling pananaw mo. Ang layunin ng pananampalataya ng mga tao sa Diyos ay ang sikapin na matamo ang katotohanan, pero ang layunin ng pagsisikap na matamo ang katotohanan ay hindi ang punan ang hungkag na buhay ng mga tao, o ang baguhin ang hungkag na buhay nila, o ang pagyamanin ang mga espirituwal na mundo nila. Ano ang layunin ng pagsisikap na matamo ang katotohanan? Para sa mga tao, ang layunin ay ang iwaksi ang mga tiwaling disposisyon nila para maligtas sila; siyempre, ang pagwawaksi sa mga tiwaling disposisyon ng isang tao ay para din makapagpasakop sa Diyos, at matakot sa Diyos at umiwas sa kasamaan. Pero para sa Diyos, ang layunin at kabuluhan ng pagsisikap ng mga tao na matamo ang katotohanan ay hindi labis na ordinaryo; hindi lang ito tungkol sa isang taong inililigtas. Sa halip, ito ay tungkol sa pagkamit ng Diyos ng isang taong hindi na naloloko ng mga tiwaling disposisyon ni Satanas, at siyempre, tungkol din ito sa pagkamit ng isang uri ng taong puwedeng maging kaayon ng Diyos; ang mas mahalaga, ito ay tungkol sa kakayahan ng Diyos na magkamit, mula sa nilikhang sangkatauhan, ng isang klase ng taong gusto Niya, isang taong kayang pamahalaan ang lahat ng bagay at umiral magpakailanman kasama ang lahat ng bagay. Ang kabuluhang ito ay hindi kasingsimple ng maligtas lang, gaya ng sa mga tao. Samakatwid, para man ito sa mga tao o sa Diyos, napakahalaga ng pagsisikap na matamo ang katotohanan. Dahil napakahalaga nito, ang nilalaman ng isang aspekto ng pagsasagawa tungkol sa pagsisikap na matamo ang katotohanan—ang “pagbitiw”—ay napakahalaga para sa lahat ng gustong hangarin ang pagkamit ng kaligtasan. Dahil napakahalaga ng pagsasagawa ng “pagbitiw,” ang iba’t ibang katotohanang prinsipyong nauugnay sa “pagbitiw,” gayundin ang iba’t ibang kalagayan, mga pagbubunyag ng mga tiwaling disposisyon, at mga tiwaling kaisipan at pananaw tungkol sa pagsasagawa ng “pagbitiw” na nalantad na, ay mga bagay na dapat lubusang maunawaan ng mga tao. Kapag sinuri at inunawa ng mga tao ang mga nakalilinlang na kaisipan at pananaw na madalas na nabubunyag sa pang-araw-araw na buhay, pati na rin ang kanilang mga tiwaling disposisyon at mga pagbubunyag ng katiwalian, at nang sa gayon ay makilala ang sarili nila, at maunawaan at matanggap ang isang aspekto ng katotohanan, at pagkatapos ay magsagawa nang ayon sa mga nauugnay na katotohanang prinsipyo, saka lang nila makakamit ang layunin ng paghahangad sa katotohanan. Halos tapos na natin ang pagbabahaginan natin mula sa panahong ito tungkol sa dalawang pangunahing aytem ng “pagbitiw” na nakapaloob sa kung paano sisikaping matamo ang katotohanan. Ano ang unang aytem? Ang pagbitiw sa iba’t ibang negatibong emosyon ng mga tao. Ano ang ikalawang aytem? Ang pagbitiw sa mga paghahangad, pag-aasam, at pagnanais ng mga tao. Bagama’t tinalakay natin ang maraming nilalaman sa pagbabahaginan natin tungkol sa dalawang aytem na ito, ang mas mahalaga ay kailangan mong maunawaan ang bawat isa sa mga partikular na katotohanang prinsipyong sangkot sa mga paksang ito. Kapag nauunawaan na ng mga tao ang mga katotohanang prinsipyo, saka lang sila makakaasal at makakakilos ayon sa mga katotohanang prinsipyong ito sa pang-araw-araw nilang buhay at sa landas nila sa buhay, unti-unting makakapasok sa katotohanang realidad, at sa proseso ng pagsisikap na matamo ang katotohanan, unti-unti nilang makakamit ang mga resulta ng pag-unawa at pagkamit sa katotohanan.

Ang dalawang aytem ng “pagbitiw” na nakapaloob sa kung paano sikaping matamo ang katotohanan na pinagbahaginan natin dati ay tumatalakay sa mga tiwaling disposisyon ng mga tao, sa iba’t iba nilang kaisipan at pananaw, at sa iba’t ibang problemang dumarating sa kanila sa pang-araw-araw nilang buhay. Pero may isa pang mas mahalaga, o masasabing mas malaking aytem na nakapaloob sa “pagbitiw” na talagang dapat nating pagbahaginan. Ano ang aytem na iyon? Kasama rito ang mga saloobin ng mga tao sa Diyos, ang mga kaisipan at pananaw nila tungkol sa Diyos, at ang mga prinsipyo ng pagsasagawa kung saan nakaayon ang pagtrato nila sa Diyos sa pang-araw-araw nilang buhay. Masasabing ang aytem na ito ay medyo mas mahalaga kaysa sa naunang dalawa. Dahil ang aytem na ito ay direktang nauugnay sa mga saloobin ng mga tao sa Diyos, sa mga kaisipan at pananaw nila sa Diyos, at sa ugnayan sa pagitan ng mga tao at ng Diyos, ito ang huling tatalakayin natin sa ilalim ng aytem na ito ng “pagbitiw,” at siyempre, ito rin ang pinakamahalaga. Ang ilang paksa na nakapaloob sa dalawang aytem na tinalakay natin dati ay nauugnay sa ilang saloobin at pananaw na kinikimkim ng mga tao tungkol sa Diyos, o sa ugnayan sa pagitan ng mga tao at ng Diyos, pero pagdating sa perspektiba na ginamit natin sa pagbabahaginan natin, sadyang hinimay natin ang iba’t ibang problema ng mga tao mula sa perspektibang pantao—hinimay natin ang iba’t ibang tiwaling disposisyon o mga nakalilinlang na kaisipan at pananaw ng mga tao nakapaloob sa konteksto ng iba’t ibang uri ng mga problema nila. Ang pagbabahaginan natin ngayon ay may kinalaman sa mga saloobin ng mga tao sa Diyos at sa mga kaisipan at pananaw nila tungkol sa Diyos. Ang mga ito ang pinakamahahalagang bagay na dapat bitiwan ng mga tao sa proseso ng pagsisikap na matamo ang katotohanan. Hindi rin masyadong simple ang aytem na ito, dahil sinuman sila, o anumang uri sila ng tao, walang tao ang may iisang uri lang ng saloobin sa Diyos o iisang uri ng kaisipan at pananaw tungkol sa Diyos, at siyempre, ang ugnayan sa pagitan ng mga tao at ng Diyos ay hindi lang iisang uri ng ugnayan, at hindi rin ito kinasasangkutan ng iisang uri ng kalagayang pantao. Dahil sa iba’t ibang saloobin ng mga tao sa Diyos, at dahil sa iba’t ibang kaisipan at pananaw na kinikimkim ng mga tao sa pagkakakilanlan, katayuan, at wangis ng Diyos, pati na sa ibang mga dahilan, umuusbong ang iba’t ibang uri ng ugnayan sa pagitan ng mga tao at ng Diyos. Kaya, pagbabahaginan natin ngayon ang aytem na ito at titingnan kung anong malulubhang problema at di-nalulutas na alitan ang umiiral pa rin sa pagitan ng mga tao at ng Diyos, at kung ano pa ba mismo ang kailangang bitiwan ng mga tao. Pagkatapos itong maunawaan, kung isa kang taong nagsisikap na matamo ang katotohanan, bubuti ang ugnayan mo sa Diyos, at unti-unting magiging tama, positibo, o naaayon sa katotohanan ang pananaw mo tungkol sa Diyos. Ang ikatlong aytem ng nilalaman ng pagbitiw ay dapat ang bitiwan ang mga hadlang sa pagitan ng sarili at ng Diyos, at ang pagkamapanlaban ng isang tao sa Diyos—ito ang ikatlong aytem ng mga bagay na dapat bitiwan ng mga tao. Bago tayo pormal na magbahaginan sa paksang ito, talakayin muna natin nang maiksi kung aling mga problema sa pang-araw-araw na buhay ang kinasasangkutan ng mga hadlang sa pagitan ng mga tao at ng Diyos, at ng pagkamapanlaban ng mga tao sa Diyos. Maliban sa mga personal na isyung may kinalaman sa mga tao mismo, hindi ba’t may kung ano-anong problema sa kung paano tinatrato ng mga tao ang Diyos sa proseso ng kanilang pananampalataya sa Diyos at pagsisikap na matamo ang katotohanan? Ang mga tao ay may kung ano-anong nakalilinlang na kaisipan at pananaw, at maling prinsipyo ng pagsasagawa sa kung paano nila tinatrato ang iba’t ibang pangyayari at bagay, at sa gayunding paraan, may kung ano-ano silang nakalilinlang na kaisipan at pananaw, at maling prinsipyo ng pagsasagawa sa kung paano nila tinatrato ang Diyos. Kung, para sa lahat ng uri ng mga tao, pangyayari, at bagay, nagagawa mong tratuhin ang mga ito at magsagawa batay sa mga katotohanang prinsipyo—ibig sabihin, kung nalalaman mo ang mga nakalilinlang na kaisipan at pananaw na kinikimkim mo tungkol sa lahat ng uri ng mga tao, pangyayari, at bagay, at kasabay nito ay itinutuwid at binibitiwan mo ang mga nakalilinlang na kaisipan at pananaw na ito, at pagkatapos ay hinaharap at nilulutas mo ang iba’t ibang problema ayon sa mga tamang kaisipan at pananaw na sinasabi ng Diyos sa mga tao—kung gayon, ang mga prinsipyo mo ng pagsasagawa sa kung paano mo tinatrato ang lahat ng uri ng tao, pangyayari, at bagay ay medyo maaayon sa mga katotohanang prinsipyo. Maituturing ba itong palatandaan na naligtas na ang isang tao. Kung titingnan ito ngayon, hindi. Kung hindi Ko binanggit ang nilalaman ng pagbabahaginan ngayon, maaaring inisip ng mga tao, “Pagdating sa lahat ng uri ng bagay, nagagawa kong tingnan ang mga ito at magsagawa ayon sa mga katotohanang prinsipyo sa mga salita ng Diyos, kaya tingin ko ay isa akong taong nagsisikap na matamo ang katotohanan, isang taong nagkamit ng mga resulta sa pagsisikap na matamo ang katotohanan, at isang taong naligtas.” Kung susuriin batay sa paksang tinalakay Ko ngayon—ang iba’t ibang saloobing kinikimkim ng mga tao sa Diyos—tumutugma ba sa mga katunayan ang ideya nilang ito? (Hindi, hindi ito tumutugma.) Malinaw na hindi ito tumutugma sa mga katunayan. Maaaring mayroon kang partikular na batayan at partikular na positibong saloobin sa kung paano mo tinatrato ang lahat ng uri ng tao, pangyayari, at bagay, pero mayroon pa ring iba’t ibang uri ng hadlang sa pagitan mo at ng Diyos, at mapanlaban pa rin ang saloobin mo sa Diyos pagdating sa iba’t ibang isyu. Malubha ang problemang ito, at ito ang pinakamalaki sa lahat ng problema. Sa panahong sinusundan mo ang Diyos at ginagawa ang tungkulin mo, ang paggampan mo sa lahat ng aspekto ay maaaring tila napakadisente para sa iba, at maaaring mukhang alinsunod sa katotohanan at sa mga katotohanang prinsipyo. Gayumpaman, maraming kuru-kuro tungkol sa Diyos at mga hadlang sa pagitan mo at ng Diyos sa puso mo, at nagkikimkim ka pa nga rin ng mapanlabang saloobin sa Diyos kapag nahaharap ka sa maraming problema. Napakalubha ng mga isyung ito. Kung umiiral nga ang mga isyung ito sa puso mo, hindi nito pinapatunayan na isa kang naligtas na tao. Dahil marami pa ring hadlang sa pagitan mo at ng Diyos, at nagkikimkim ka pa rin ng mapanlabang saloobin sa Diyos, pagdating sa mga pangunahin at mahalagang isyu, hindi ka lang isang hindi naligtas na tao, kundi nasa panganib ka rin. Kahit na naniniwala kang nagagawa mong kumilos ayon sa mga katotohanang prinsipyo kapag nakakaranas ka ng maraming isyu sa buhay, at medyo tugma sa katotohanan ang mga kilos mo, masasabi na ito ay panlabas na anyo lang at hindi nito mapapatunayan na naligtas ka na. Ito ay dahil hindi ka pa nagkamit ng pagiging magkaayon sa ugnayan mo sa Diyos, at hindi ka pa nagpapasakop sa Diyos o natatakot sa Kanya. Samakatwid, sa tuwing dumarating sa iyo ang iba’t ibang bagay, maaari lang magpakita ang panlabas mong pag-uugali o ang mga kaisipan at pananaw mo na sumunod ka sa mga doktrina, islogan, at regulasyong pinaniniwalaan mong tama sa mga usaping ito, sa halip na sumunod sa mga katotohanang prinsipyo. Maaaring ito ay isang di-hayagang ugnayan, at maaaring komplikado ito pakinggan, pero pagkatapos nating magbahaginan tungkol sa partikular na nilalaman ng pagbitiw sa mga hadlang sa pagitan ng sarili at ng Diyos, at sa pagkamapanlaban ng isang tao sa Diyos, at magsuri ng mga tao nang maingat, mauunawaan nila ang kahulugan ng mga salita Ko.

Bago pormal na magbahaginan tungkol sa paksa ng pagbitiw sa mga hadlang sa pagitan ng sarili at ng Diyos, at sa pagkamapanlaban ng isang tao sa Diyos, talakayin muna natin kung anong mga hadlang ang umiiral sa pagitan ng mga tao at ng Diyos. Anong mga hadlang sa pagitan ng mga tao at ng Diyos, at pagkamapanlaban sa Diyos ang nararamdaman at nababatid mo sa pang-araw-araw mong buhay, o ang nangyayari sa ibang mga tao? Tiyak na umiiral ang mga pagpapamalas na ito. Nangyayari ang mga ito sa paligid ng mga tao araw-araw, at nangyayari ang mga ito sa iyo araw-araw, kaya hindi mo kailangang gumugol ng napakaraming lakas sa pag-iisip—kapag binuka mo ang bibig mo, agad na lalabas ang sunod-sunod na mga problemang ito. Hindi ba’t ganito nga ang nangyayari? (Oo.) Anong mga uri ng mga hadlang ang umiiral sa pagitan ng mga tao at ng Diyos? Pag-usapan muna natin kung ano ang saklaw ng terminong “mga hadlang.” Kabilang dito ang alitan, pagtutol, mga kuru-kuro, mga maling pagkaunawa, at iba pang tulad niyon, hindi ba? Magdagdag ka pa. (Kapag ang isang tao ay nabubunyag o napupungusan habang ginagawa ang tungkulin niya, maaaring magkaroon siya ng ilang maling pagkaunawa tungkol sa Diyos at maging mapagbantay siya laban sa Kanya, iniisip na kapag mas mahalaga ang tungkuling ginagawa niya, mas mabilis siyang mabubunyag. Samakatwid, sa puso niya, magkakaroon ng ilang hadlang sa pagitan niya at ng Diyos, at hindi niya magagawang tanggapin ang ilang tungkulin at atas nang may dalisay at bukas na puso.) Ano ang hadlang dito? (Ang pagiging mapagbantay at mga maling pagkaunawa.) Ang pagiging mapagbantay at mga maling pagkaunawa. Isa itong uri ng hadlang. Sino ang makakapagdagdag doon? Wala bang mga hadlang sa pagitan ninyong lahat at ng Diyos? Malinis at ginawang banal ba ang puso ninyo? Kahit kailan ba ay hindi kayo nagkaroon ng mga hindi kanais-nais o negatibong kaisipan tungkol sa Diyos? (O Diyos, may maidadagdag ako. Sa tuwing napakaayos ng takbo ng mga bagay-bagay sa mga sitwasyong pinamamatnugutan ng Diyos para sa akin, tila medyo normal ang ugnayan sa pagitan ko at ng Diyos. Pero kung sakaling maharap ako sa paghihirap o sa isang bagay na hindi tugma sa mga kuru-kuro ko, nagsisimula akong bumuo ng espekulasyon kung ano ang gagawin ng Diyos, at kung ano ang susunod na darating sa akin, at kung ano ang magiging resulta. Isip ako nang isip, at nagrereklamo pa nga ako, at nanghuhusga at nagkakamali ako ng pag-unawa sa Diyos sa isipan ko, at sa gayon ay nagsasara ang puso ko. Gusto ko ring talakayin ang isang bagay na nakita ko. Kapag nakakaranas ang ilang tao ng mga hindi kanais-nais na sitwasyon, nakakaramdam sila ng paglaban sa puso nila at sinasabi nila, “Bakit pinaparanas sa akin ng Diyos ang mga sitwasyong ito? Bakit hindi dumating ang mga ito sa ibang mga tao?” Hindi nila magawang magpasakop sa mga sitwasyong isinasaayos ng Diyos para sa kanila, at umuusbong ang alitan sa pagitan nila at ng Diyos.) Ang isyu na una mong binanggit ay na may mga hadlang sa pagitan ng mga tao at ng Diyos, na bilang isang nakondisyong reaksyon sa ilang sitwasyon, nagkakaroon ang mga tao ng mga hadlang sa pagitan ng sarili nila at ng Diyos, ng pagiging mapagbantay sa Diyos, at ng mga maling pagkaunawa sa Diyos. Ang ikalawang isyung binanggit mo ay na nagiging mapanlaban ang mga tao sa Diyos dahil masuwayin ang kalooban nila. Sino ang may maidadagdag pang iba? (Sa tuwing pinupungusan ako ng Itaas at nabubunyag ang mahinang kakayahan ko, hinuhusgahan ko ang sarili ko at iniisip kong hindi ako maililigtas, at wala akong motibasyong magsikap na matamo ang katotohanan kahit gusto ko. Isa itong uri ng maling pagkaunawa tungkol sa Diyos. Dagdag pa rito, kapag nagkakasakit ang ilang kapatid at may posibilidad na mamatay sila, iniisip nila, “Hindi ba naaalala ng Diyos ang lahat ng pagpapakaabala at paggugol na ginawa ko para sa Kanya?” Sa puso nila, nakikipagtalo sila sa Diyos, nagpoprotesta laban sa Kanya, at lumalaban sa Kanya. Napakakaraniwan ng ganitong uri ng kalagayan.) Pagdating sa mga hadlang sa pagitan ng sarili at ng Diyos, at sa pagkamapanlaban sa Diyos, ang mga problemang ipinapamalas ng karamihan ng tao ay humigit-kumulang pagkamapagbantay at mga maling pagkaunawa, pati na pagtutol at kawalang-kasiyahan na ibinubunyag ng mga tao kapag nahaharap sila sa ilang bagay, na sa madaling salita, ay pagkamapanlaban sa Diyos. Talagang iyon na ang lahat. Ang totoo, ang iba’t ibang problema sa mga panloob na saloobin ng mga tao sa Diyos ay lampas sa saklaw ng mga isyung napagbahaginan ninyo. May ilang problemang hindi ninyo batid. Sa isang banda, ito ay dahil hindi sinusuri ng mga tao kung anong mga problema ang umiiral sa sarili nila sa tuwing nararanasan nila ang iba’t ibang sitwasyon. Sa kabilang banda, hindi kailanman maingat na isinaalang-alang ng mga tao kung kumusta ba mismo ang ugnayan nila sa Diyos, o kung ano ba ang mga tamang saloobin at pananaw na dapat mayroon ang mga tao sa Diyos. Kaya, batay sa iba’t ibang pagpapamalas ng mga tao at sa mga katayuang ito na kasalukuyang umiiral nga sa mga tao, partikular tayong magbabahaginan ngayon tungkol sa iba’t ibang pagpapamalas ng mga hadlang sa pagitan ng mga tao at ng Diyos, at sa pagkamapanlaban ng mga tao sa Diyos. Ang layon ng pagbabahaginan tungkol sa iba’t ibang pagpapamalas na ito ay ang bigyang-kakayahan ang mga tao na aktibong bitiwan ang mga hadlang sa pagitan ng sarili nila at ng Diyos, at ang pagkamapanlabang kinikimkim nila sa Diyos sa tuwing lumilitaw ang mga bagay na ito sa pang-araw-araw nilang buhay, na magkamit ng matiwasay na ugnayan sa Kanya, at sa huli ay na maging ganap na kaayon Niya. Sa ganitong paraan, ganap nilang maaalis ang mga hadlang sa pagitan ng sarili nila at ng Diyos, at ang pagkamapanlaban nila sa Diyos, at magkakaroon sila ng takot sa Diyos at tunay silang magpapasakop sa Kanya. Ito lang ang normal na ugnayan sa pagitan ng mga tao at ng Diyos, at tanging ang ganitong mga tao ang mga tunay na nilikha.

Pagdating sa pagbitiw sa mga hadlang sa pagitan ng sarili nila at ng Diyos, at sa pagkamapanlaban nila sa Diyos, ang unang dapat bitiwan ng mga tao ay ang mga kuru-kuro at imahinasyon nila. Isa itong napakahalagang piraso ng nilalaman, hindi ba? (Oo, napakahalaga nito.) Hindi ba’t umiiral sa bawat tao ang mga kuru-kuro at imahinasyon tungkol sa Diyos? (Oo, umiiral ang mga ito.) Walang taong namumuhay nang hiwalay sa lipunan, at walang taong robot. Ang bawat tao ay may malayang kalooban, at nagkikimkim ng iba’t ibang kaisipan at pananaw na nakuha nila mula sa mundo sa labas; siyempre, ang bawat tao ay mayroon ding iba’t ibang kuru-kuro at imahinasyon tungkol sa Diyos na nabuo sa loob ng personal nilang kalooban batay sa sarili nilang mga pangangailangan, kagustuhan, at pagnanais. Ang katunayan na tinatawag ang mga ito na “mga kuru-kuro” at “mga imahinasyon” ay nangangahulugan na tiyak na hindi alinsunod ang mga ito sa katotohanan o sa mga katunayan; kahit papaano man lang, hindi tugma ang mga ito sa mga layunin ng Diyos, sa pagkakakilanlan ng Diyos, at sa diwa ng Diyos. Samakatwid, ang mga kuru-kuro at imahinasyong ito ay ang unang malaking bagay na dapat bitiwan ng mga tao. Kaya, ano ang pangunahing kabilang sa nilalamang nauugnay sa mga kuru-kuro at imahinasyon tungkol sa Diyos? Sa isang banda, kabilang dito ang mga dati nang umiiral na mga kuru-kuro ng mga tao tungkol sa Diyos bago pa sila manampalataya sa Kanya. Sa kabilang banda, kabilang dito ang mga bagong kuru-kurong nabuo ng mga tao tungkol sa Diyos matapos nilang magsimulang manampalataya sa Kanya, at ang mga bagong kuru-kurong ito ay mas partikular at makatotohanang mga kuru-kuro at imahinasyon. Bago manampalataya ang mga tao sa Diyos, puno ang puso nila ng mga imahinasyon tungkol sa Diyos, at ang mga imahinasyong ito ay masasabi ring mga kuru-kurong karaniwan sa lahat ng tao. Katulad ito ng kung paanong tinatawag ng mga Intsik ang Diyos na “ang Matandang Lalaki sa Langit,” kahit hindi naman sila nananampalataya sa Kanya, at kung paanong ang mga taga-Kanluran—na ang nakararami ay talagang nananampalataya sa Diyos—ay tinatawag Siyang “ang Panginoon.” Bagama’t maraming tao ang hindi nananampalataya sa Diyos, naniniwala ang karamihan ng tao na mayroong Diyos at puno sila ng mga imahinasyon tungkol sa Kanya, iniisip na umiiral ang Diyos sa lahat ng bagay at mas mataas sa lahat ng bagay, at na Siya ay nasa lahat ng dako, may kapangyarihang walang hanggan, at nagtataglay ng mga dakila at kahanga-hangang kapangyarihan. Kaya, sino ba mismo ang Diyos na ito? Walang nakakaalam, pero sa ano’t anuman, alam nila na ang Diyos ang pinakadakila at na pinaghaharian Niya ang lahat ng bagay. Kung gayon, ano ang partikular na wangis ng Diyos? Ang bawat tao, sa isipan nila, ay nagkikimkim ng ideya sa anyo at wangis ng Diyos na naisip at napagpasyahan nila. Natalakay na natin dati ang mga pangkalahatang kuru-kuro at imahinasyong pantaong ito, at hindi ang mga ito ang pangunahing nilalaman ng pagbabahaginan ngayong araw. Ang pagbabahaginan natin ngayon ay ang iba’t ibang uri ng mga kuru-kuro at imahinasyong salungat sa Diyos at hindi alinsunod sa Kanyang diwa, na dapat bitiwan ng mga tao, na nakapaloob sa iba’t ibang uri ng mga kuru-kuro at imahinasyong nauugnay sa mga hadlang sa pagitan ng mga tao at ng Diyos at sa pagkamapanlaban nila sa Diyos. Hindi natin pag-uusapan ang tungkol sa mga hungkag, di-totoo, at di-maintindihang mga kuru-kuro at imahinasyon. Masasabi na, batay sa kasalukuyan ninyong tayog, halos hindi naman problema ang mga bagay na iyon at hindi makakaapekto sa pagsisikap ninyong matamo ang katotohanan, lalo na sa inyong pagsunod sa Diyos, at na kahit ang ilang indibidwal ay may ilan pa ring malapantasyang imahinasyon sa isipan nila, hindi makakaapekto ang mga ito sa pagsunod nila sa Diyos, at samakatwid ay hindi masyadong malaking problema ang mga iyon. Ang mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao na pagbabahaginan natin ay nauugnay sa mga saloobin ng mga tao sa Diyos at sa pang-araw-araw nilang buhay, pati na sa paggampan ng mga tao ng mga tungkulin, sa mga landas na tinatahak ng mga tao, at siyempre, lalong nauugnay ang mga ito sa mga paghahangad ng mga tao. Sa iba’t ibang kuru-kuro at imahinasyong mayroon ang mga tao tungkol sa Diyos, una sa lahat, may napakaraming kuru-kuro at imahinasyon ang mga tao tungkol sa Kanyang gawain, na mas labis na makatotohanan kaysa sa iba’t ibang imahinasyong mayroon ang mga walang pananampalataya tungkol sa Diyos, at ang mga ito ay hindi hungkag ni di-maintindihan. Ang mga ito ay mga bagay na umiiral sa isipan ng bawat tao habang sinusundan nila ang Diyos. Ibig sabihin, puno ang mga tao ng maraming malapantasya at di-makatotohanang kuru-kuro at imahinasyon tungkol sa gawain ng Diyos. Halimbawa, nasa imahinasyon ng mga tao na puno ng mga himala ang Kanyang gawain, at puno ng mga kamangha-manghang bagay na hindi kayang makita nang patiuna o makamit ng mga tao. Siyempre, ang mga pinakamalaking kuru-kuro at imahinasyon ng mga tao sa aspektong ito ay na ang gawain ng Diyos ay maaaring magawang ganap ang isang tao sa isang iglap lang, o na, sa pagsasabi lang ng ilang salita o paggawa ng isang himala o kamangha-manghang bagay, kayang baguhin ng Diyos ang isang tao sa isang iglap at gawin itong isang taong nakalaya na mula sa buhay ng laman at sa iba’t ibang praktikal na paghihirap ng laman. Sa imahinasyon nila, ang taong ito ay hindi kumakain ni umiinom, at walang mga pangangailangan ang katawan nito na gaya ng isang robot; higit pa rito, naniniwala sila na ang taong ito ay nag-iisip sa isang dalisay na paraan, nang walang mga makasariling pagsasaalang-alang, at na labis na ginawang banal ang kalooban nito. Iniisip nila na para makamit ito, hindi kinakailangang magsikap na matamo ang katotohanan, o na pagbahaginan ang katotohanan o tanggapin ang pagkakapungos sa loob ng ilang taon nang walang tigil; sa halip, kayang makamit ng Diyos ang lahat ng ito gamit lang ang ilang salita, dahil maisasakatuparan ang anumang sabihin ng Diyos at hindi magbabago ang anumang iutos Niya. Lalo na sa simula, kapag kakatanggap pa lang ng mga tao sa ikatlong yugto ng gawain ng Diyos, mas lalong puno sila ng lahat ng uri ng mga kuru-kuro at imahinasyon tungkol sa Kanyang gawain. Nang marinig ng ilang tao na “malapit nang matapos ang gawain ng Diyos,” hindi nila alam kung sa aling taon, buwan, o araw ito magtatapos, pero nabalisa sila at tinalikuran pa nga ang mga trabaho at pamilya nila. Tumigil ang ilang magsasaka sa pag-aalaga ng mga pananim, habang tumigil ang iba sa pag-aalaga ng mga baka at tupa. Ibinenta pa nga ng ilang tao ang mga ari-arian at sasakyan nila, kinuha nila ang lahat ng pera nila sa bangko, tinipon ang lahat ng ari-arian nila, at nagsimula silang bitbitin ang ginto, pilak, at mahahalagang kagamitan nila, handang sumunod sa Diyos. Ito ay dahil inakala ng mga tao na matatapos na ang gawain ng Diyos, at na hindi na nila kailangang ipamuhay ang buhay nila, at naniwala silang pinaghiwalay ng Diyos ang mga pamilya at mag-asawa, at na dapat nilang isuko ang mga pag-aasawa, trabaho, at kinabukasan nila, at talikuran ang lahat ng makamundong kasiyahan para sumunod sa Diyos. Kung may magtatanong sa kanila, “Saan ka pupunta dala iyang maleta at ang buong pamilya mo?” sasabihin nila, “Pupunta ako sa kaharian ng langit.” Kung tatanungin naman sila, “Nasaan ang kaharian ng langit?” sasagot sila, “Hindi ko pa alam, pupunta ako saanman ako dalhin ng Diyos.” Kumikilos man sila nang biglaan o nang napag-isipan ito, sa ano’t anuman, ibinubunyag ng mga pagpapamalas na ito ang isang katunayan, na ang mga tao ay may napakaraming imahinasyon tungkol sa gawain ng Diyos. Hindi nila alam kung paano gagawa ang Diyos para iligtas sila, o kung ano ang mararamdaman nila o kung anong uri ng kalagayan at kapaligiran ang papamuhayan nila pagkatapos silang iligtas ng Diyos. Pagdating naman sa kung ano ba mismo ang mga layunin ng Diyos, o kung anong resulta ang gustong makamit ng Diyos sa pamamagitan ng Kanyang gawain sa mga tao, hindi rin nila alam ang anuman sa mga ito. Kaya, ano ang alam nila? Isang pangungusap lang ang naaalala nila: Malapit na ang araw ng Diyos, bumaba na ang mga sakuna, malapit nang matapos ang gawain ng Diyos, at dapat na nating talikuran ang lahat ng bagay at sundan ang Diyos. Ito ang pinagmulan at batayan ng pagbubuo ng lahat ng kuru-kuro at imahinasyon nila, at sa pamamagitan ng mga kuru-kuro at imahinasyong ito, nakagawa sila ng kung ano-anong pasya at desisyon. Anong mgapasya at desisyon ang nagawa nila? Pinili nilang talikuran ang mundo, talikuran ang mga pag-aaral nila, talikuran ang mga propesyon nila, talikuran ang mga buhay may-asawa nila, talikuran ang mga pamilya nila, at talikuran pa nga ang pagmamahal sa laman at pamilya, at iba pa, at dahil nabitiwan na ang lahat ng bagay na ito, naghihintay sila na matapos na ang gawain ng Diyos. Ano ang pakay nila sa paghihintay na matapos na ang gawain ng Diyos? Ito ay ang makahabol at sumunod sa Diyos. Makahabol saan mismo? Iniisip nila na saanman sila makahabol, o kung sa anong araw man sila mismo makakahabol, sa ano’t anuman, hindi sila mapupunta sa impiyerno. Naniniwala sila na kahit hindi man sa langit, papunta sila sa isang mas mataas na lugar, at na kahit hindi man sa langit, o sa isang pisikal na kaharian, hindi sila magkakamali sa pagsunod sa Diyos, at na malamang na makakahabol sila kung nasaan man ang Diyos. Bagama’t ang mga kuru-kuro at imahinasyong ito ng mga tao ay ganap, maaari bang magkatotoo ang mga ito? Ang hinihintay ba nilang sandali—ang pagtatapos ng gawain ng Diyos—ay dumating na? (Hindi pa.) At dahil hindi pa nagtatapos ang gawain ng Diyos, nadidismaya o nababalisa ba ang mga tao? Nakakaramdam ba sila ng pagsisisi? Nadidismaya ang ilang tao, tama ba? Nagiging negatibo ang ilang tao kapag nakakaranas sila ng mga paghihirap habang ginagawa ang tungkulin nila, o nakakaramdam sila ng pagsisisi sila kapag nakakaranas sila ng paghihirap sa buhay nila sa kanilang tahanan o kapag nagdurusa sila sa pang-uusig at hindi sila makaalpas. Siyempre, hindi naging madali para sa ilang tao na makapagtiis hanggang sa kasalukuyang sandali, pero sa puso nila ay balisang-balisa nga sila. Ano ang ikinababalisa nila? Iniisip nila, “Bakit hindi pa nagtatapos ang gawain ng Diyos? Gaano pa ba katagal ang gawain ng Diyos? Dapat na ba akong umuwi at ituloy ang buhay ko? Dapat ba akong bumalik sa trabaho at maghanap ng kinabukasan para sa sarili ko sa mundo? Dapat ko bang bilhing muli ang bahay ko? Hindi tayo sinasagot ng Diyos o binibigyan ng malinaw na sagot tungkol dito! Hindi ba’t dapat sabihan tayo kung kailan ba magtatapos ang gawain ng Diyos, at kung ano pang ibang gawain ang gagawin Niya, para makapaghanda tayo? Hindi sinasabi sa atin ng Diyos ang mga bagay na ito, patuloy lang Siyang nagpapahayag ng mga katotohanan, nakikipagbahaginan ng mga katotohanan, at nagtatalakay tungkol sa kaligtasan. Hindi Niya kailanman tinatalakay kung ano ang mangyayari kalaunan, o ang tungkol sa hinaharap, o kung kailan papasok ang sangkatauhan sa isang magandang hantungan, o kung kailan magwawakas ang buhay ng laman; pinaghihintay lang Niya tayo nang walang katiyakan.” Walang kaalaman ang mga tao sa gawain ng Diyos. Sa mas partikular, hindi malinaw sa kanila kung paano inililigtas ng Diyos ang mga tao, kung anong mga pamamaraan ang ginagamit Niya para iligtas ang mga tao, kung anong partikular na gawain ang isinasakatuparan ng Diyos sa lahat ng gawain Niya para bigyang-kakayahan ang mga tao na maligtas, at iba pa. Sa halip, palagi silang namumuhay sa loob ng sarili nilang mga kuru-kuro at imahinasyon, at itinuturing ang gawain ng Diyos bilang isang pormalidad o bilang isang mahiwagang uri ng mahika. Para bang ang Kanyang gawain ay retorika lang at walang anumang partikular na nilalaman—kailangan lang magsabi ng Diyos ng ilang salita at maisasakatuparan na ang anumang sabihin Niya, at hindi magbabago ang anumang iutos Niya, at pagkatapos ay magbabago ang mga tao, at magiging katulad mismo ng itinakda sa Aklat ng Pahayag, nagiging mga banal at ginagawang banal. Anuman ang mga malapantasya at hungkag na ideyang mayroon ang mga tao tungkol sa gawain ng Diyos, partikular man ang mga ito o hindi, sa kabuuan, puno ang mga tao ng mga kuru-kuro at imahinasyon tungkol sa Kanyang gawain, at palagi silang namumuhay sa loob ng mga hungkag na kuru-kuro at imahinasyon sa kung paano nila hinaharap ang gawain ng Diyos, at sa kung paano nila hinaharap ang bawat partikular na piraso ng gawaing ginagawa ng Diyos at bawat partikular na bagay na sinasabi Niya para iligtas ang sangkatauhan. Siyempre, ang karamihan ng tao ay mayroon lang isang kuru-kuro at imahinasyon tungkol sa gawain ng Diyos, at iyon ay na sa sandaling matapos na ang gawain ng Diyos, makakaraos na sa wakas ang mga tao, at basta’t kaya nilang maghintay hanggang sa matapos na ang Kanyang gawain at mananatili silang buhay sa panahong iyon, mananalo na sila, at magiging sulit na ang lahat ng tinalikuran at inihandog nila, at ang mga paghihirap na pinagdusahan nila, at ang mga halagang ibinayad nila. Batay rito, sa isang banda, puno ng kung ano-anong imahinasyon ang mga tao tungkol sa gawain ng Diyos. Sa kabilang banda, hindi hinahangad ng mga tao ang katotohanan sa pananampalataya nila sa Diyos; sa halip, may katangian ng pagsusugal sa pananalig nila—isinusugal nila ang buhay nila at ang lahat ng pag-aari nila, ang kinabukasan nila, ang buhay may-asawa nila, at ang lahat ng mayroon sila, at iniisip nilang kailangan lang nilang magtiis hanggang sa matapos ang gawain ng Diyos, at na basta’t buhay pa rin sila kapag pinroklama na ng Diyos na tapos na ang Kanyang gawain, kung gayon ay makikinabang na sila, at mababawi na nila ang lahat ng ibinayad nila. Hindi ba’t ganoon mag-isip ang mga tao? (Oo.) Ngayong marami na tayong napag-usapan tungkol dito, ano ang mga pangunahing kuru-kuro at imahinasyon ng mga tao tungkol sa gawain ng Diyos? (Naniniwala ang mga tao na ang gawain ng Diyos ay puno ng mga himala, at na kayang linisin ng Diyos ang mga tao gamit lang ang ilang salita, at na makakapasok sila sa kaharian ng langit nang hindi na kailangan pang magbayad ng anumang halaga o magsikap na matamo ang katotohanan.) Ang mga ito ay mga kuru-kuro at imahinasyon ng mga tao tungkol sa gawain ng Diyos. Ano pa ang ibang mga kuru-kuro at imahinasyon ng mga tao? (Hindi alam ng mga tao kung anong resulta mismo ang gustong makamit ng Diyos sa pamamagitan ng Kanyang gawain sa mga tao, at iniisip nila na basta’t kaya nilang magtiis hanggang sa matapos na ang gawain ng Diyos, magkakaroon sila ng pag-asang makapasok sa kaharian ng langit.) Isa rin itong kuru-kuro at imahinasyon—iniisip ng mga tao na ang gawain ng Diyos ay isang pormalidad at kaparaanan lang. Ano pa ang mayroon? (Sa pananampalataya nila sa Diyos, hindi nagsisikap ang mga tao na matamo ang katotohanan; sa halip, may katangian ng pagsusugal sa pananalig nila.) Isa ba itong kuru-kuro at imahinasyon? Ito ang diwa ng pananampalataya ng mga tao sa Diyos at ang diwa ng paghahangad nila. Anong mga kuru-kuro at imahinasyon ang nakapaloob dito? Hindi ba’t ito ay na iniisip ng mga tao na basta’t tinatalikuran nila ang lahat ng bagay at ginagawa nila ang isang tungkulin habang sumusunod sa Diyos, mababago sila, na para bang dahil sa mahika? (Oo.) Ang mga kaisipan ng mga tao ay labis na hungkag, nag-aalala sa mga bagay na higit sa likas, at malapantasya. Iniisip ng mga tao na hindi nila kailangang tumanggap ng pagkastigo, paghatol, o pagpupungos, o ng pagtutustos ng mga salita ng Diyos, na kailangan lang nilang sumunod sa Diyos sa ganitong paraan, ginagawa ang anumang mga tungkuling pinapagawa sa kanila, at na hangga’t sumusunod sila hanggang sa huli, mababago sila, at sa huli ay makakapasok sila sa kaharian ng langit sa sandaling natapos na ang gawain ng Diyos. Hindi ba’t mga kuru-kuro at imahinasyon ng mga tao ang mga ito? (Oo.)

Ang mga tao ay puno ng lahat ng uri ng kuru-kuro at imahinasyon tungkol sa gawain ng Diyos. Ang pinagbahaginan natin ngayon lang ay tungkol sa mga kuru-kuro ng mga tao tungkol sa mga araw ng gawain ng Diyos. Dagdag pa sa mga kuru-kurong ito, may isa pang uri ng kuru-kuro at imahinasyon. Ito ay na sa tuwing nakakaranas ang mga tao ng ilang tunay na paghihirap, madalas silang umaasa sa personal nilang kalooban na makakakuha sila ng biglaang inspirasyon mula sa Diyos at pagkatapos ay gagana ang utak nila, nang hindi na nila kailangan pang kumain at uminom ng mga salita ng Diyos, sangkapan ang sarili nila ng katotohanan, o arukin ang mga katotohanang prinsipyo sa mga ordinaryong pagkakataon, at na matutulungan sila ng Diyos na lutasin ang anumang mga isyung kakaharapin nila sa pang-araw-araw na buhay nila, gaano man kalaki o kaliit ang mga ito. Ang pagkaarok at pagkaunawa ng mga tao sa gawain ng Diyos ay labis na malapantasya at hungkag, at puno rin ang mga tao ng mga kuru-kuro at imahinasyon tungkol sa mga pamamaraan ng Diyos ng pagligtas sa tao. Ayaw ng mga tao na maghanap ng iba’t ibang katotohanan sa gawain ng Diyos at harapin ang bawat usapin sa praktikal na paraan ayon sa mga katotohanang prinsipyo. Sa halip, umaasa sila na sa tuwing makakaranas sila ng anumang uri ng isyu, bibigyan sila ng Diyos ng liwanag at mga pagbubunyag, tulad ng kung paano Siya nagbigay ng mga pagbubunyag sa mga propeta, para anuman ang dumating sa kanila sa tunay nilang buhay, magkakaroon sila ng karunungan at kakayahan, at mga pamamaraan para harapin ang lahat ng uri ng mga isyu, nang hindi na nila kailangang magdasal sa Diyos at maghanap sa katotohanan, o kumain at uminom ng mga salita ng Diyos, na para bang namumuhay sila sa isang mundo ng mahika. Ayon sa mga imahinasyon ng mga tao, iniisip nila na sa sandaling magsimula silang manampalataya sa Diyos, magiging matalino at mautak sila. Iniisip pa nga ng ilan na sa sandaling magsimula silang manampalataya sa Diyos, magiging marikit sila, at hindi na sila magkakaroon ng anuman sa mga paghihirap at problema ng laman, o ng paghadlang ng mga tiwaling disposisyon, o ng anumang mga tunay na paghihirap sa pang-araw-araw na buhay nila. Naniniwala sila na basta’t mayroon sila ng kahandaan na mapalugod ang Diyos, bibigyan Niya sila ng lakas at lilikha Siya ng mabubuti at mga nakahihigit na sitwasyon para sa kanila, gagawin Niyang realidad ang lahat ng ito, at isasakatuparan Niya ang lahat ng inaasam at hinihiling nila, at na, lalo na kapag nahaharap sila sa mga bagay na lampas sa kayang makamit ng kanilang kakayahan at likas na gawi, mas lalong tutulong ang Diyos para matalino at madali nilang magagawa ang mga bagay na gusto nilang gawin. May ilang tao rin na may mahinang kakayahan at walang mga kasanayan sa bawat uri ng propesyon na iniisip na kailangan lang ng Diyos na gumawa ng isang himala o kamangha-manghang bagay at bigla na lang magiging mahusay ang kakayahan nila, at bigla silang magiging matalino. Naniniwala rin silang walang mahirap na makamit para sa Diyos, at na matutulungan sila ng Diyos na maisakatuparan ang mga bagay na hindi nila kayang maisakatuparan nang sila lang, at matutulungan silang lutasin ang mahihirap na problemang hindi nila kayang lampasan nang sila lang at na lampas sa mga kakayahan nila. Sa pagbubuod, sa gawain ng Diyos, maraming kuru-kuro at imahinasyon ang mga tao. Sa isang banda, puno sila ng iba’t ibang imahinasyon tungkol sa tagal ng gawain ng Diyos, at gumawa na rin sila ng iba’t ibang kilos at nagbayad ng iba’t ibang halaga sa aspektong ito. Kasabay nito, puno rin ang mga tao ng iba’t ibang uri ng kuru-kuro at imahinasyon tungkol sa iba’t ibang paghihirap at problemang nararanasan nila, at maging tungkol sa sarili nilang mga tiwaling disposisyon. Karamihan sa mga kuru-kuro at imahinasyong ito ay hungkag, malapantasya, at hindi makatotohanan, at higit pa rito, lampas ang mga ito sa kakayahan at isipan ng mga tao, at wala sa saklaw ng mga likas nilang gawi. Madalas umasa ang mga tao na hindi kikilos ang Diyos batay sa mga aktuwal na paghihirap nila, o batay sa kanilang kakayahan, isipan, at mga likas na gawi, at sa halip ay bibigyang-kakayahan Niya sila na lampasan ang lahat ng ito, at lampasan ang normal na pagkatao nila at ang kakayahan at mga likas na gawi nila na gawin ang ilang bagay. Puno ang mga tao ng mga kuru-kuro at imahinasyon tungkol sa gawain ng Diyos, at ang nilalaman ng mga imahinasyon nila ay higit sa likas. Ang mga kuru-kuro at imahinasyong ito ay ganap na kontra at mapanlaban sa mga katotohanang ipinapahayag ng Diyos. Hindi iniisip ng mga tao: Kung ginagawa ng Diyos ang mga higit sa likas na bagay na ito, bakit nagsasabi pa rin Siya ng napakaraming salita at nagtutustos ng napakaraming katotohanan sa mga tao? Hindi na Niya kakailanganing gawin iyon. Ang dahilan kung bakit napakapraktikal ng gawain ng Diyos ay dahil umaasa ang Diyos na maitustos Niya ang lahat ng Kanyang salita at katotohanan sa mga tao at na isagawa ang mga ito sa mga tao, para makapamuhay sila ayon sa mga salita at katotohanang ito. Ang Kanyang layunin ay hindi ang bigyang-kakayahan ang mga tao na lampasan ang normal na pagkatao o ang mga likas nilang gawi, kundi ang bigyang-kakayahan sila, batay sa normal na pagkatao, na panghawakan ang mga katotohanang prinsipyo, at panghawakan ang mga tungkulin at atas na ibinigay sa kanila ng Diyos. Gayumpaman, ang mga kuru-kuro at imahinasyon ng mga tao ay ang mismong kabaligtaran ng gawain ng Diyos, at hindi talaga naaayon ang mga ito sa paraan ng paggawa ng Diyos. Gusto ng Diyos na gumawa sa isang praktikal na paraan, samantalang ang mga imahinasyon ng mga tao tungkol sa gawain ng Diyos ay nauugnay sa mga bagay na higit sa likas, hungkag, at hindi makatotohanan. Siyempre, umaasa ang ilang tao na gagamit ang Diyos ng ilang mas lalong espesyal na pamamaraan para bigyan sila ng mga pagbubunyag, tustusan sila, suportahan at tulungan sila, at baguhin pa nga sila at bigyang-kakayahan sila na maligtas. Halimbawa, sa tuwing nakakaranas ang ilang tao ng isyu, madalas na hindi sila tumitingin sa loob ng mga salita ng Diyos para sa mga kasagutan o mga landas ng pagsasagawa, kundi sa halip ay lumuluhod, pumipikit, at nagdarasal sila. Hindi nila hinahanap ang katotohanan tungkol sa problema kapag nagdarasal sila, at pagkatapos ay hindi nila hinahanap ang mga nauugnay na salita ng Diyos para lutasin ito. Sa halip, umaasa sila na masasabi sa kanila ng Diyos sa puso nila kung ano ang dapat nilang gawin; o na mabibigyang-liwanag sila ng Diyos gamit ang isang pangungusap, isang ideya, o isang imahe; o na mabibigyang-kakayahan sila na magkamit ng kaunting liwanag at mabibigyan sila ng kaunting motibasyon—gusto nilang maunawaan ang katotohanan sa ganitong paraan. Siyempre, may ilang tao na mas sukdulan ang ginagamit na pamamaraan, at iyon ay na, sa tuwing nakakaranas sila ng isang problema, umaasa sila na mabubunyag sa kanila ng Diyos sa isang panaginip ang isang sipi ng Kanyang mga salita, sinasabi sa kanila kung dapat ba nilang gawin ang ganito’t ganoong bagay at kung paano nila ito gagawin, o kung dapat ba silang pumunta sa ganito’t ganoong lugar, o kung dapat ba nilang ipangaral ang ebanghelyo kay Ganito-at-ganyan. Ang ilang tao, kapag nahaharap sa malalaking paghihirap, ay umaasang makatanggap ng isang panaginip o makuha ang kasagutan sa isang panaginip, at umaasa pa nga silang masuri at mabigyang-interpretasyon ang panaginip nila kasama ang mga kapatid o ang mga lider ng iglesia, iniisip nila, “Ano ang kahulugan ng panaginip na ito na ibinigay sa akin ng Diyos? Ano ang gusto Niyang gawin ko? Sinasabihan ba Niya akong magpunta o hindi?” Naniniwala sila na ang gawain ng Diyos ay ang magbigay ng mga pagbubunyag sa mga tao, akayin ang mga tao, at tustusan ang mga tao gamit ang mga espesyal na pamamaraang ito, at sa gayon ay bigyan sila ng kakayahang maligtas. Hindi ba’t isa itong kuru-kuro at imahinasyon? (Oo.) Mayroong ibang mga tao na, kapag dumarating sa kanila ang isang problema at hindi nila alam kung ano ang gagawin at hindi sila nakakatanggap ng mga kasagutan mula sa Diyos kapag nagdarasal sila, nauuwi sa pagdedesisyon sa pamamagitan ng paghahagis ng isang barya. Halimbawa, pagdating sa pagpunta sa isang lugar para ipangaral ang ebanghelyo, kapag nagdarasal sila sa Diyos tungkol sa kung dapat ba silang magpunta o hindi at hindi sila nakakakuha ng kasagutan, ano ang ginagawa nila kung nagkagayon? Naghahagis lang sila ng isang barya para magdesisyon kung magpupunta ba sila o hindi. Iniisip nila na kung lalagapak ito nang ulo ang nasa ibabaw, patunay ito na gusto ng Diyos na magpunta sila, samantalang kung buntot ang nasa ibabaw, patunay ito na ayaw ng Diyos na magpunta sila. Hinahagis nila ang barya nang tatlong beses, at halimbawang isang beses na ulo ang pumaibabaw at dalawang beses na buntot ang pumaibabaw, magpapasya sila, “Dalawang beses umibabaw ang buntot, ibig sabihin, ayaw ng Diyos na magpunta ako,” at hindi sila na nagpupunta. Sobrang panatag pa nga sila sa hindi nila pagpunta, iniisip nila na kagustuhan ito ng Diyos, at sinasabi sa sarili nila, “Dapat kong sundin ang patnubay ng Diyos. Desisyon ito ng Diyos, hindi sa akin. Dapat akong magpasakop sa patnubay ng Diyos at hindi magpunta.” Kaya, dapat ba talaga silang magpunta o hindi? Makakakuha ba ng tumpak na kasagutan ang paghahanap sa mga layunin ng Diyos sa ganitong paraan? Tiyak na hindi magiging tumpak ang kasagutan. Kapag nahaharap sa gayong sitwasyon, dapat kang magdesisyon batay sa mga prinsipyo at kung tinutulutan ba ito ng mga sitwasyon—ito lang ang tamang pamamaraan. Ang pangangaral sa ebanghelyo ay tungkulin mo, gampanin mo, at ang gawaing dapat mong gawin ngayon, kaya dapat kang magpunta—tama lang na magpunta ka. Gayumpaman, madalas na hindi naaarok o napapangasiwaan ng mga tao ang gayong mga usapin batay sa mga realidad na ito. Sa halip, madalas nilang hinaharap ang mga ito batay sa ilang kuru-kuro at imahinasyon, at hinuhusgahan nila ang mga ito gamit ang ilang di-karaniwang diskarte at pamamaraan, at sa huli ay gumagawa sila ng mga kakatwa at baluktot na desisyon. Hindi ba’t dulot ito ng mga kuru-kuro at imahinasyon nila? (Oo.) Sa loob ng gawain ng Diyos, kapag hindi nagbibigay ang Diyos ng malilinaw na salita para sabihin sa mga tao kung paano dapat gawin ang bawat bagay o kung anong mga prinsipyo ang dapat sundin sa pagharap sa bawat uri ng isyu, kailangang sumunod ng mga tao sa direksyon ng Banal na Espiritu at sumunod sa patnubay na ibinibigay ng Diyos sa kanila sa loob ng mga tunay na sitwasyon. Siyempre, kailangan din nilang makipagtalakayan o magdasal at maghanap kasama ang mga kapatid nila, at sa huli ay pagdesisyunan kung paano haharapin ang kasalukuyang isyu batay sa aktuwal na sitwasyon. Gayumpaman, sa gawain ng Diyos, kapag may malilinaw na salita at tagubilin ang Diyos na sinasabi sa mga tao ang mga prinsipyo ng pagsasagawa para sa iba’t ibang usapin, ang mga dating ginagamit na pormalidad na ito ay maaari nang isagawa, at hindi na kailangang sundin ng mga tao ang mga ito. Kung patuloy man silang susunod sa mga ito, makakaantala lang ito sa mga bagay-bagay. Halimbawa, ipagpalagay na, sa tuwing may nangyayari at kinakailangang magpunta at kumilos, lumuluhod pa rin ang mga tao at nagdarasal, nagtatanong, “O Diyos, dapat ba akong magpunta o hindi? Kung ayaw Mong magpunta ako, lumikha Ka na lang ng isang sitwasyon para hadlangan ako, o kung gusto Mo akong magpunta, gawin mo na lang na maging maayos ang takbo ng lahat ng bagay para sa akin.” Ito ay mabusising pagsunod sa mga pormalidad at hindi ito ang hinihingi ng Diyos sa mga tao. Kapag may malilinaw na salita ang Diyos tungkol sa Kanyang mga hinihingi at pamantayan, hindi na kailangang dumaan ng mga tao sa anumang mga pormalidad ng paghahanap, pagdarasal, pagsisiyasat, at iba pa. Sa halip, sa isang banda, dapat silang kumilos ayon sa aktuwal na sitwasyon at mga tunay na sitwasyon, at sa kabilang banda, higit sa lahat, dapat silang kumilos ayon sa mga katotohanang prinsipyo—tama ito. Bawat araw, pangasiwaan ang mga bagay-bagay sa wastong kaayusan, gawin ang anumang dapat mong ginagawa, at huwag gawin ang mga bagay na hindi mo dapat ginagawa; harapin ang anumang apurahan at kailangang harapin, ipagpaliban ang anumang puwedeng isantabi muna, at asikasuhin muna ang mga apurahang usapin. Hindi ba’t mga prinsipyo ang mga ito? (Oo.) Mga prinsipyo nga ang mga ito. Dapat mo itong tandaan: Kapag nagdarasal ka sa Diyos at hinahangad mong arukin ang Kanyang mga layunin, dapat mo itong gawin batay sa Kanyang mga salita; sa mga espesyal na sitwasyon, tulad ng kapag walang malilinaw na salita mula sa Diyos na nagbibigay ng tagubilin, dapat mo pa ring malaman na mayroon Siyang malilinaw na salita at mga prinsipyo ng pagsasagawa para sa lahat ng uri ng usapin, at sa gayong mga kaso, dapat kang kumilos nang alinsunod sa iba’t ibang katotohanang prinsipyo na ginamit ng Diyos para bigyang-babala ang mga tao noon. Gayumpaman, sa isipan nila, nakabuo na ang mga tao ng maraming kuru-kuro at imahinasyon tungkol sa gawain ng Diyos na katawa-tawa, kakaiba, at may kaugnayan sa mga bagay na higit sa likas, na ginagawang mga dekorasyon at hungkag na doktrina ang mga salita ng Diyos at ang iba’t ibang katotohanang prinsipyo, at dahil dito, hindi maaaring maging mga pamantayan ng mga tao ang mga ito para sa pangangasiwa ng mga bagay-bagay o mga landas ng pagsasagawa kapag dumarating sa kanila ang mga problema. Kalunos-lunos ang bagay na ito, at ito ay ganap na dulot ng katunayang nakabuo ang mga tao ng napakaraming kuru-kuro at imahinasyon tungkol sa gawain ng Diyos.

May iba pang mga katawa-tawa, kakaiba, at di-karaniwang kuru-kuro at imahinasyon ang mga tao tungkol sa gawain ng Diyos na lumalaganap sa pang-araw-araw na buhay nila. Halimbawa, nang gagawin na ng isang tao ang isang gampaning dapat niyang ginagawa, may nangyari na sa tingin niya ay hindi dapat nangyari, tulad ng nanakaw ang telepeno niya habang papunta siya para gawin ang gampanin, o tumirik ang kotse niya o natumba siya habang papunta siya roon, o may iba pang naging problema. Ano ang ibig sabihin nito? Ibig bang sabihin nito ay hinahadlangan sila ng Diyos mula sa paggawa ng gampaning ito? Ibig bang sabihin ay hindi naaayon sa mga layunin ng Diyos ang paggawa sa gampaning ito? Ibig bang sabihin ay hindi dapat gawin ang gampaning ito? Dapat ba itong unawain at arukin sa ganitong paraan? (Hindi.) Kung ito ang pinakamahalagang bagay na dapat mong gawin sa ngayon sa paggampan ng tungkulin mo, at nagpunta ka at ginawa mo ito, kung gayon, kahit na makaranas ka ng ilang hadlang at paghihirap sa proseso, o maging ng mga bagay na iniisip ng mga tao na hindi dapat mangyari, hindi masasabi na ang tungkuling ito na ginagampanan mo at ang trabahong ito na ginagawa mo ay hindi nakakalugod sa Diyos, o na hinahadlangan ka ng Diyos mula sa paggawa ng mga bagay na ito—iyon ay isang kuru-kuro at imahinasyon ng tao. Kung gusto kang hadlangan ng Diyos, hindi Niya gagamitin ang mga pamamaraang iyon. Sa halip, direkta Siyang mamamatnugot ng isang sitwasyon para hindi mo na likas na kailangang magpunta at gawin ang gampaning iyon. Ibig sabihin, gagawing napakalinaw ng Diyos sa isipan mo na may mas mahalagang bagay na dapat mong gawin ngayon, at dahil dito, kailangan iusog sa ikalawa o ikatlong bilang sa listahan mo ang gampaning iyon, at saka na lang ito gawin. Paano ka man magkalkula, matatanto mo na imposibleng maisakatuparan ang gampaning iyon ngayon batay sa aktuwal na sitwasyon. Ito ay paghadlang sa iyo ng Diyos. Pero, anuman ang isipin mo, at anumang mga hadlang o paghihirap ang umusbong sa proseso ng pagsasakatuparan ng gampaning iyon, sa ano’t anuman, kung dapat na gawin ang gampaning iyon ngayon, dapat kang magpunta at gawin ito. Kung hahadlangan ka ng Diyos, gagamit Siya ng mga pinakaangkop at pinakanababagay na pamamaraan para likas mong sukuan ang gampaning iyon—ganito gumawa ang Diyos. Ang paraan ng paggawa ng Diyos ay ang hayaan ang mga tao na gawin ang dapat nilang gawin sa loob ng saklaw ng mga likas na gawi ng sangkatauhan. Sa isang banda, ito ang saloobing dapat mayroon ang mga tao. Sa kabilang banda, nariyan din ang salik ng mga obhetibong sitwasyon—kung tutulutan ng mga sitwasyon na magawa ang gampanin, dapat itong magawa; kung hindi ito tutulutan ng mga sitwasyon, dapat maghintay muna nang ilang saglit ang mga tao bago ito gawin. Ano ang layunin ng paghihintay? Ito ay ang maghintay para sa tamang oras at mga sitwasyong isinasaayos ng Diyos. Kung ang mga sitwasyon ay palaging hindi angkop at patuloy na nagkakaaberya ang mga bagay-bagay habang sinusubukan mong gampanan ang gampaning ito, hindi mo ito dapat gawin. Nauunawaan mo ba? (Oo.) Sa pang-araw-araw na buhay ng mga tao, hindi na nila kailangang subukang arukin kung ano ang nararamdaman nila sa espiritu nila kapag gumagampan sila ng mga gampanin, anumang uri ng mga gampanin ang mga ito, malaki o maliit man na mga usapin ang mga ito, o personal na ugnayan man ang mga ito o mga ugnayang pang-iglesia. Kung pinanghihinaan ka ng loob ngayon, at sa puso mo, ayaw mong gumawa ng isang gampanin, tanungin mo ang ibang mga kasama mong gagampan dito kung pinanghihinaan din ba sila ng loob. Kung hindi naman pinanghihinaan ng loob ang iba, at handa sila sa puso nila na gawin ang gampanin, pero pinagpapasyahan mong hindi ito dapat gawin batay sa sarili mong mga damdamin, hindi ba’t masyado kang nagiging personal tungkol dito? (Oo.) Samakatwid, sa tuwing ginagampanan ng mga tao ang isang gampanin, kahit papaano ay dapat nilang maunawaan na hindi nila dapat subukang arukin ang mga damdamin nila o kumilos batay sa mga damdamin nila. Halimbawa, sabihin nang kailangan mong gampanan ang isang gampanin, at medyo kinakabahan ka, kibot nang kibot ang mata mo, at umuugong ang mga tainga mo, at sasabihin mo, “Kumikibot ang talukap ng kanang mata ko, masamang pahiwatig ba iyon? Dapat ko bang gampanan ang gawaing ito?” Pagkatapos ay may magsasabi, “Ang pagkibot ng kaliwang mata ay nagbabadya ng magandang kapalaran, subalit ang pagkibot ng kanang mata ay nagbabadya ng sakuna,” at pagkatapos itong marinig, hindi ka nangangahas na magpunta at gawin ang gampanin. Aling mata mo man ang kumikibot, kung isa itong gampaning napagkasunduan na noon, at nakahanda na ang lahat ng salik na kailangan para gawin ang gampaning ito, at tama ang oras at lugar, dapat kang magpunta at gawin ito. Kung magpapasya kang huwag magpunta dahil lang sinabi ng isang tao na ang pagkibot ng kanang mata ay nagbabadya ng sakuna, angkop ba iyon? (Hindi.) Bakit hindi ito angkop? Kung responsabilidad at tungkulin mo ito, at ngayon ay tinutulutan ng mga obhetibong sitwasyon at ng lahat ng kondisyon na magawa ito, at higit pa rito, kailangang magawa nang apurahan ang gampanin, dapat kang magpunta at gawin ito. Ano naman kung kumikibot ang kanang talukap mo? Maaaring umusbong ang ilang maliit na isyu at hindi naging masyadong maayos ang takbo ng mga bagay-bagay, pero nagagawa pa rin ang gampanin sa kabila nito. Tanging kapag hinadlangan ito ng Diyos at hindi ito tinulutan ng mga sitwasyon, saka ka lang maaaring hindi magpunta at gawin ang gampanin. May nagsasabi, “Tiyak na may mali kung kumikibot ang kanang talukap mo,” pero may ibang nagsasabi, “Isa itong gampaning napagkasunduan na dati pa, kaya dapat tayong magpunta at gawin ito.” Sa huli, nagpupunta pa rin naman kayong lahat para gawin ito, pero hindi inaasahang tumirik ang sasakyan sa kalagitnaan ng biyahe. Sabihin ninyo sa Akin, kapag kumibot ang kanang mata ng isang tao habang papaalis na ang grupo, dapat ba silang magpunta pa rin? Gusto Kong makita kung talaga bang nauunawaan ninyo ang katotohanan o hindi. Ano sa tingin ninyo, tama ba na magpunta at gawin ang gampaning ito? (Oo, tama ito.) Sigurado iyan. Hindi kayo puwedeng humusga kung dapat ba kayong magpunta o hindi batay sa kung kumikibot ba ang kanan o kaliwang talukap ninyo. Una sa lahat, tama ang magpunta para gawin ang gampaning ito. Kung gayon, bakit tumirik ang kotse habang papunta sila roon? Tinulutan ba iyon ng Diyos? Mahirap itong ipaliwanag, hindi ba? (Ang pagtirik ng kotse habang papunta sila roon ay maaaring idinulot ng kapabayaan ng tao, tulad ng kung hindi nasuri ang kotse bago ang biyahe para matingnan kung may anumang mga problema ba rito.) Isang posibleng dahilan iyon. Kung isasantabi natin ang dahilang iyon, normal ba na tumirik ang isang kotse sa kalagitnaan ng byahe? (Oo.) Kung bumili ka ng segunda-manong kotse na mula sa Tsina na hindi naman masyadong maganda ang kalidad, at hindi mo naman ito pinapangalagaan o kinukumpini nang maayos at minamaneho mo lang ito nang minamaneho, titirik talaga ang kotse sa kalagitnaan ng byahe. Kung tumirik ang kotse sa kalagitnaan ng byahe, ang ibig bang sabihin niyon ay hindi talaga puwedeng maisakatuparan ang gampanin? (Hindi naman.) Tumirik ang kotse at inabot ng isa o dalawang oras para kumpunihin ito. Pagkarating mo sa destinasyon, sinabi ng mga kapatid doon, “Buti ngayon ka lang dumating. Kakaalis lang ng mga surveillance agent. Kung napaaga ka ng dalawang oras, tiyak na nahuli ka na ng malaking pulang dragon. Muntikan na iyon!” Kita mo, naging isang mabuting bagay ang isang masamang bagay. Tama ba na nagpunta ka at ginawa mo ang gampanin? (Oo.) Mayroon bang mabuting layunin ng Diyos sa pagtirik ng kotse? (Mayroon.) Kaya, senyales ba ng malas o ng suwerte ang pagkibot ng kanang talukap mo? (Hindi ito malas ni suwerte.) Walang nangyari dahil dito. Kung pinutol natin ang kuwento sa punto ng pagtirik ng kotse, kung gayon, ang pahayag na “ang pagkibot ng kanang mata ay nagbabadya ng sakuna” ay magiging tila napakatumpak. Ang pagtirik ng kotse ay isang kamalasan, hindi ba? Pero kung titingnan ang panghuling kinalabasan, lumabas na isang mabuting bagay ang pagtirik ng kotse. Kung hindi tumirik ang kotse, malalagay kayong lahat sa panganib sa sandaling marating ninyo ang destinasyon ninyo—hindi lang kayo mabibigong maisakatuparan ang gampanin, maaaresto rin sana kayo. Pero ang nangyari, tumirik ang sasakyan sa byahe at inabot ng dalawang oras ang pagkumpuni rito, kaya nang nakarating na kayo sa destinasyon, lumipas na ang panganib at nakaligtas kayo. Pagprotekta ito ng Diyos sa inyo! Pag-isipan ito, kung titingnan mula sa perspektiba ng pagtirik ng kotse, tila hinahadlangan ng Diyos ang pagpunta ninyo, pero ang totoo, nalaman lang ninyo kung ano ang nangyari matapos na makumpuni ang kotse at nakarating kayo sa destinasyon nang wala nang ibang aberya. Paano ninyo tinitingnan ang mga prinsipyo at pamamaraan ng mga pagkilos ng Diyos sa panahon ng buong prosesong ito? Anong uri ng pagkaunawa ang dapat mayroon ang mga tao sa gawain ng Diyos? Ibuod ninyo ito, may mga katotohanang mahahanap dito, at titingnan Ko kung magagawa ba ninyong hanapin ang mga ito o hindi. (O Diyos, ang pagkaunawa ko ay na mabubuti o masasamang bagay man ang dumarating sa mga tao, mayroong mabuting layunin ng Diyos dito.) Isang aspekto ito. (May isa pang aspekto, at iyon ay na ang gawain ng Diyos ay hindi higit sa likas o malapantasya, kundi napakapraktikal.) Oo, mabuting pagkaunawa iyan. Ang gawain ng Diyos ay praktikal, at hindi ito malapantasya o higit sa likas; ang sinumang may normal na pagkatao ay kaya itong maramdaman at kaya itong malaman sa pamamagitan ng karanasan, at isa rin itong bagay na kayang arukin ng mga tao. Hindi ba’t ito ang pagkaunawang dapat mayroon ang mga tao tungkol sa gawain ng Diyos? (Oo.) Dagdag pa sa pagkaunawang ito, ano pa ang dapat maunawaan ng mga tao? Dapat nilang maunawaan na ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay. Sa gawain ng Diyos, binibigyang-kakayahan ng bawat partikular na bagay na ginagawa Niya ang mga tao na makita na labis na praktikal ang Kanyang mga kilos. Sa simula, noong papaalis pa lang ang grupo ninyo, nag-usap-usap ang ilan sa inyo kung magpupunta ba kayo o hindi. Hindi kayo hinadlangan ng Diyos; hindi Niya idinulot na kayo ay mahilo, o magsuka, o magtae. Hindi Niya kayo hinadlangan, ni hinikayat na magpunta. Hindi ba’t napakapraktikal nito? Hinayaan Niya ang grupo na pag-usapan ito nang magkakasama. Sinabi ng ilang tao na kumikibot ang kanang talukap nila, samantalang sinabi naman ng iba na hindi komportable ang pakiramdam ng kalooban nila, pero umaasa ka man sa mga damdamin o sa lagay ng loob mo, o sa mga imahinasyon tungkol sa mga bagay na higit sa likas, sa huli ay dapat kang magpunta sa dapat mong puntahan, at hindi ka hinadlangan ng Diyos sa anumang paraan. Hindi ba’t napakapraktikal para sa Diyos na gumawa sa ganitong paraan? (Oo.) Ang mga kilos ng Diyos ay hinding-hindi hungkag; tinutulutan ang lahat ng uri ng pagpapamalas ng tao, na maaari pa ngang kabilangan ng pagkibot ng mga talukap ng ilang tao. Sabihin mo sa Akin, mapipigilan o makokontrol ba ng Diyos ang pagkibot ng mga talukap ng mga tao? Hindi ba’t magiging napakadali para sa Diyos na kontrolin ito? Pero ginawa ba Niya iyon? (Hindi.) Hindi iyon ginawa ng Diyos. Hindi Siya nakialam, binigyan ka Niya ng kalayaan. Kumibot nga ang talukap ng mata mo, pero sa huli, umalis pa rin ang grupo—napakapraktikal ng lahat ng ito. Pero may problema sa destinasyon, at hindi inalis ng Diyos ang panganib na ito dahil lang papunta kayo roon. Hindi iyon ginawa ng Diyos, at nangyari pa rin ang problema gaya ng nararapat. Pero may ginawang katalinuhan ang Diyos: pinatirik Niya ang kotse ninyo habang nasa kalagitnaan kayo ng biyahe, para kapag nakumpuni na ang kotse at nakarating na kayong lahat sa destinasyon, lumipas na ang panganib. Pagprotekta ito ng Diyos sa inyo. Kita mo, dahil sa oras ng pagkaantala na ito, matalino Niyang binigyan ka ng kakayahan na makaiwas sa panganib. Napakapraktikal ng lahat ng ginagawa ng Diyos, hindi ba? (Oo.) Kaya, ipinapakita nito sa iyo, sa isang napakapraktikal na paraan, na hindi talaga hungkag o higit sa likas ang ginagawa ng Diyos, at likas at hindi maiiwasan ang kaganapan ng bawat bagay, kundi sa halip ay naroroon ang pagkamakapangyarihan-sa-lahat ng Diyos. Sa buong panahon ng kaganapan, anuman ang mga imahinasyon ng mga tao, anuman ang mga paghihirap, kahinaan, at problema nila, tama man o mali ang mga pananaw na pinag-usapan nila nang magkakasama, wala sa mga ito ang nakaapekto sa kung ano ang nangyari sa huli, ni hindi rin ito nakaapekto sa di-maiiwasang kinalabasan ng pangyayari. Nangyari nga ang bawat bagay na dapat mangyari, naganap nga ang problemang dapat na maganap, tumirik nga ang kotse na dapat talagang tumirik, at nabunyag din ang mga pananaw ng mga tao, pero nangyari pa rin ang panghuling kinalabasan ng kaganapan ayon sa paraang isinaayos ng Diyos, at ayon sa paunang itinakda ng Diyos at sa kung paano pinagharian ng Diyos ang pangyayari. Ito ang pagkamakapangyarihan-sa lahat ng Diyos, hindi ba? (Oo.) Nangyari ang lahat ng ito nang napakapraktikal at napakanormal, tulad lang ng lahat ng bagay na nangyayari sa mga tao bawat araw sa pang-araw-araw na buhay nila; likas itong nangyariat hindi ito higit sa likas, malapantasya, o hungkag. Samakatwid, sa usaping ito, dapat maunawaan ng mga tao na ang gawain ng Diyos ay praktikal at na may kataas-taasang kapangyarihan Siya sa lahat ng bagay. Paano dapat magsagawa ang mga tao? Una sa lahat, dapat nilang maunawaan kung anong mga prinsipyo ang dapat nilang sundin anuman ang dumating sa kanila. Kung bumabatay lang sila sa mga damdamin ng tao, hindi iyon maaasahan. Hindi sila dapat bumatay sa mga higit sa likas na damdamin, o basta-bastang manghula batay sa mga hungkag na imahinasyon. Sa halip, dapat silang magpunta at gawin nila ang dapat nilang gawin batay sa mga aktuwal na sitwasyon at sa mga tungkuling dapat nilang gawin. Dagdag dito, ang mahalagang bagay ay na magpunta sila at gawin ang dapat nilang gawin batay sa mga katotohanang prinsipyo. Hindi ba’t mas lalong madali ito kung gayon? (Oo.) Samakatwid, anumang mga problema ang nararanasan mo, at anumang yugto ang naabot ng gawain ng Diyos, hindi mo kailangang bumatay sa mga damdamin mo, hindi mo kailangang tingnan kung ang isang petsa ay paborable ba o hindi, at siyempre, lalong hindi mo kailangang tumingin sa anumang astronomikal na penomeno o makinig sa anumang mga propesiya—gawin mo lang ang dapat mong gawin. Mahilig tumingin ang ilang tao sa mga astronomikal na penomeno o tingnan kung ang mga petsa ay paborable ba o hindi, sinasabi, “Hindi mainam ang petsa bukas, magkakaaberya ba ang lahat ng bagay kung lalabas ako? Mang-aaresto ba ang malaking pulang dragon? Bakit may umiiyak na uwak sa may pinto ko nang gumising ako nang maaga at lumabas kaninang umaga? Nabalitaan kong nakakita ng itim na pusa ang ilang tao nang lumabas sila kagabi. Masasamang pangitain ang lahat ng ito! Ano ang dapat kong gawin? May magaganap bang kung anong panganib?” Kung may normal kang pagkatao at normal na pag-iisip ng tao, dapat ay magawa mong husgahan kung anong mga uri ng sitwasyon ang mapanganib at kung anong mga uri ng mga sitwasyon ang medyo ligtas, at dapat mong malaman kung paano diskartihan at harapinang mga ito ayon sa aktuwal na sitwasyon—hindi mo kailangang tingnan ang ibang mga bagay na iyon. Tungkol naman sa kung ano ang dapat mong gawin at hindi dapat gawin araw-araw, sa isang banda, may malilinaw na salita ng Diyos na nagsisilbing mga katotohanang prinsipyo, at sa kabilang banda, may normal kang pagkatao, konsensiya at katwiran, at basta’t ginagawa mo ang dapat mong gawin araw-araw batay sa pagsasaayos ng mga aktuwal na sitwasyon at sa direksyong ibinibigay ng mga salita ng Diyos, at ayon sa mga aktuwal na pangangailangan ng normal na pagkatao at ng sarili mong mga responsabilidad at obligasyon, ayos lang iyon. Kung haharapin ng mga tao ang pang-araw-araw na buhay nila sa ganitong paraan, hindi ba’t magiging mas lalong simple ang mga bagay-bagay? (Oo.)

Bagama’t ang gawain ng Diyos ay makapangyarihan sa lahat at kamangha-mangha, at bagama’t ang mga salita ng Diyos ay ang katotohanan at buhay, hindi posibleng gawing ganap o baguhin ang mga tao sa loob ng magdamag. Ang ilang tao, batay sa mga kuru-kuro at imahinasyon nila, ay madalas na sinasabi, “Napakaraming taon ko nang nananampalataya sa Diyos, kaya bakit hindi pa rin ako nagbabago? Bakit hindi ko pa rin nakakamit ang pagkabanal? Bakit mahal ko pa rin ang mundo sa puso ko? Bakit napakapalalo ko pa rin? Bakit may buktot na pagnanasa pa rin ako? Mahilig akong manood dati ng ilang video o nakakalibang na palabas ng mundong walang pananampalataya. Bakit gusto ko pa ring panoorin ang mga ito paminsan-minsan, sa kabila ng katunayan na nananampalataya naman ako sa Diyos hanggang ngayon, kumakain at umiinom ng mga salita ng Diyos sa loob ng napakaraming taon, ginagawa ang tungkulin ko, tinatalikuran ang mga bagay-bagay, at ginugugol ang sarili ko sa loob ng maraming taon, at pakiramdam ko ay nabitiwan ko na ang mga bagay na ito sa puso ko?” Ang mga ito ay ilang kuru-kurong mayroon ang mga tao, hindi ba? Sa partikular, sa pananampalataya nila sa Diyos, palaging naghahangad ang ilang tao ng mga bagay tulad ng pagsupil sa katawan nila, hindi pag-iimbot sa mga kasiyahan ng laman, pagtitiis ng higit na pagdurusa at pagpapakapagod, at pagkakaroon ng kakayahang malampasan ang maraming paghihirap ng katawan. Pero sa kabila ng katunayan na patuloy silang naghahangad sa ganitong paraan, nararamdaman pa rin nila na madalas silang nakokontrol ng mga labis-labis na pagnanais, pananabik sa kaginhawahan, at katamaran ng laman, at kaya madalas silang negatibo at nawawalan ng pananalig sa Diyos, iniisip nila, “Umabot na sa puntong ito ang gawain ng Diyos, kaya bakit masyado akong nakakadismaya at madalas pa rin akong negatibo?” Minsan, kapag nakapagkamit na sila ng ilang resulta sa isang gampanin at nagkamit na ng pagsang-ayon ng lahat, napapanatag sila at iniisip nila, “May pag-asa pa akong maligtas. Nakapakabuti ng gawain ng Diyos at ng Kanyang mga salita. Talagang makakapagbago ng mga tao ang Kanyang gawain.” Pero pagkalipas ng ilang panahon, pakiramdam nila ay nangugulila pa rin sila sa mga mahal nila sa buhay. Sa partikular, minsan ay inaalala pa nga nila ang mga tao na minsan nilang hinangaan, at inaalala nila nang may sentimyento ang makamundong buhay na ipinamuhay nila noon, at talagang hinahanap-hanap nila ang maluluwalhating araw nila noong nasa mundo pa sila sa labas, kaya naman napapaisip sila, “Bakit hinahanap-hanap ko pa rin ang mga bagay na iyon? Bakit hindi ko pa binibitiwan ang mga kasiyahan ng laman at inihihiwalay ang sarili ko sa mundo bilang isang ginawang banal? Bakit hindi pa ako nagbabago?” At sumasama na naman ang loob nila. Madalas nilang pagmuni-munihan ang mga kaisipan at pananaw na ito. Ang kalagayan nila ay mabuti minsan at masama minsan, saglit silang mahina at saglit namang malakas, saglit silang negatibo at saglit silang positibo. Madalas nilang hinuhusgahan ang sarili nila batay sa mga pagpapamalas nila sa pang-araw-araw na buhay. Kung nasa mabuting kalagayan sila, iniisip nilang pakay sila ng pagliligtas; kung nasa masamang kalagayan sila, pakiramdam nila ay wala silang pag-asang maligtas at na hindi na sila matutubos. Sila ay nasa alinmang dulo ng kasukdulan. Kapag nasa mabuting kalagayan sila, pakiramdam nila ay isa silang banal at napakalapit nila sa Diyos, na walang anumang mga hadlang sa pagitan nila at ng Diyos, at nararamdaman nila na ang Diyos ay nasa tabi nila mismo. Kapag nasa masamang kalagayan sila, pakiramdam nila ay nalaglag sila sa ikalabing-walong palapag ng impiyerno at hindi nila makita o mahawakan ang Diyos, at pakiramdam nila ay napakalayo sa kanila ng Diyos. Bakit ganito? Bakit may mga ganito silang kalagayan? Normal ba o hindi normal ang ganitong mga kalagayan? (Hindi normal.) Kapag nasa mabuting kalagayan sila, ginagawa nila ang anumang isinasaayos ng iglesia na gawin nila, at kaya nilang lampasan ang anumang mga suliranin, tiisin ang anumang paghihirap, at bayaran ang anumang halaga. Pakiramdam nila ay sila ang pinakahigit na may kakayahang magpasakop sa Diyos, na sila ay isang tao sa sambahayan ng Diyos na naghahangad sa katotohanan, at na walang suliranin ang magpapabagsak sa kanila. Nagtatrabaho sila nang husto na gawin ang tungkulin nila at handa silang magsikap. Hindi sila nakakaramdam ng pagod, gaano man sila magsalita kapag nakikipagbahaginan sila sa iba, at ayos lang sa kanila na magpaliban ng pagkain, o kulangin ng dalawa o tatlong oras ang tulog nila. Handa silang gugulin ang sarili nila para sa Diyos at ialay ang buong buhay nila sa Diyos. Dahil dito, pakiramdam nila ay nagbago na sila. Hindi na nila iniisip ang pamilya nila, hindi na sila nangungulila sa mga taong minsan na nilang minahal, at hindi na nila inaalala nang may sentimyento ang kaluwalhatian at dangal na mayroon sila noon sa mundo. Iwinawaksi nila ang lahat ng iyon at buong pusong ginugugol ang sarili nila para sa Diyos, sumusunod sa mga prinsipyo, pinupungusan ang sinumang nagdudulot ng mga kaguluhan at pagkagambala, itinataguyod ang pagiging patas sa sambahayan ng Diyos, naninindigan sa panig ng katarungan, ipinagtatanggol ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, at itinatatag ang sarili nilang imahe bilang isang estrikto at walang-kinikilingang “hukom.” Mahusay silang gumagampan sa loob ng ilang panahon. Pero malamang na dumating ang panahon na magbubunyag sila ng mga tiwaling disposisyon nila o gagawa sila ng mali, at pagkatapos ay magiging negatibo at mahina sila, iniisip nila, “Ibinunyag ako ng Diyos, hindi na Niya ako mahal.” Mula noon, hindi na sila muling makakabangon. Pakiramdam nila ay wala silang silbi at na wala silang anumang kayang gawin, na may mga makasariling kaisipan at buktot na pagnanasa pa rin sila, na madalas silang nangugulila sa mga taong minsan na nilang minahal at nagustuhan, na madalas silang negatibo at mahina, na lumalaban pa rin sila sa Diyos, na hindi nila kayang isagawa ang katotohanan, na hindi pa rin sila nagbago kahit napakaraming taon na nilang nananampalataya sa Diyos, at iisipin nila, “Hindi ba’t ibig sabihin nito ay katapusan ko na?” Iisipin nila na wala silang pagkakataong maligtas, at na wala na talaga silang pag-asa o anupaman. Kapag masaya sila, sobrang nagagalak sila, at kapag nasasaktan sila, sobrang miserable naman nila. Palaging ang dalawang sukdulang damdaming ito ang nadarama nila, palipat-lipat sila sa dalawang ito. Bakit ganito? Ang mga kalagayan at pagpapamalas man na ito ay mga positibo o walang pag-asa, sa kabuuan, magkakapareho ang uri ng lahat ng problemang ito, tulad ng pagiging puno sa mga kuru-kuro at imahinasyon tungkol sa gawain ng Diyos, at palaging paghusga sa sarili at paglalarawaan sa sarili batay sa mga lagay ng loob ng isang tao, at batay sa mga pagbubunyag at pagpapamalas ng isang tao sa loob ng isang partikular na panahon, habang kasabay nito ang paghusga sa gawain ng Diyos, sa mga resultang nakakamit ng Kanyang gawain sa mga tao, at sa mithiin at layong nakakamit ng Kanyang gawain sa mga tao. Ito ba ang ugat ng problema? (Oo.) Kapag positibo ang mga tao, nagdarasal sila sa harap ng Diyos, ipinapahayag ang kapasyahan nila habang tumatangis, handang ialay ang buong buhay nila sa Diyos nang walang hinihinging anumang kalapit, handang sundan ang Diyos at gugulin ang sarili nila para sa Kanya. Kapag nagdarasal sila at gumagawa ng mga kapasyahan tulad nito, pakiramdam nila ay hindi na mga paghihirap ang lahat ng paghihirap. Napapaluha sila, at naniniwala pa nga silang ang Banal na Espiritu ang umantig sa kanila. Iniisip nila, “Inantig ako ng Banal na Espiritu. Tiyak na labis akong mahal ng Diyos! Hindi ako inabandona ng Diyos!” Nagdarasal sila habang lumuluha at sinasabi nilang inantig sila ng Banal na Espiritu—hindi ba’t isa itong kahibangan? (Oo.) Ang totoo, naantig ka sa ganda ng pakiramdam mo sa sarili mo; naantig ka sa sarili mong kapasyahan, mga pag-aasam, mga kahilingan, at sa sarili mong mga kilos, imbes na sa Banal na Espiritu. Bakit Ko sinasabing naantig ka sa sarili mo? Napakarami mong kuru-kuro at imahinasyon tungkol sa gawain ng Diyos, at napakabaluktot ng mga ito—tingin mo ba ay aantigin ka ng Diyos? Kung nasa ganitong sukdulang kalagayan ka, aantigin ka ba ng Diyos para lalo kang maging mas sukdulan? Kung aantigin ka ng Diyos, lalo ka lang magiging mas sukdulan, at mas lalo kang hahanga at maaantig sa sarili mo, at mas lalo mong gugustuhing gawin ang kapasyahang ito: “Babawasan ko ang pagtulog ko at magdurusa ako ng higit pang paghihirap, kakainin ko ang pagkain, masarap man ito o hindi, ayos lang na kumain ako ng kahit ano, at wala akong pakialam kung nakakabuti man ito sa katawan ko o hindi. Dapat kong malampasan ang mga kagustuhan ng dati kong laman, dapat kong partikular na gamutin ang mga kabiguan ng dati kong laman, at dapat kong mas pagdusahin ang laman ko at hindi ito hayaang maging komportable. Kung komportable ang pakiramdam nito, hindi ko mamahalin ang Diyos; kung komportable ang pakiramdam nito, magpapasasa ako sa mga kaginhawahan ng laman at hindi ako magsisikap na gawin ang tungkulin ko.” Kung ang Banal na Espiritu ang umaantig sa iyo, magpapatuloy ka lang sa ganitong kasukdulan, at lalong magiging mali ang paniniwala mo na napagtagumpayan mo ang laman at nagapi mo na si Satanas, at na naligtas ka na. Kaya sinasabi Ko na hindi ka inantig ng Banal na Espiritu, kundi ng sarili mo. Madalas ba kayong inaantig ng sarili ninyo? (Oo.) Inaantig kayo ng sarili ninyong kapasyahan na gugulin ang sarili ninyo at magdusa ng paghihirap para sa Diyos, at handang-handa kayo sa puso ninyo na magdusa ng paghihirap para sa Diyos, na magdusa ng gaano man karaming paghihirap, o mamatay pa nga, at pagkatapos ay tumutulo ang luha sa inyong mukha. Ang talagang totoo, hindi naaantig ang Diyos na naaantig ka, ni hindi Siya naaantig sa kapasyahan mo. Ang pagbubulalas mong ito ay isang panandaliang bugso ng damdamin lang, isang panandaliang pag-alab ng damdamin. Sa sitwasyong ito, maaari ka pa ngang magdasal sa Kanya at sabihin mo, “O Diyos, handa akong mamatay para sa Iyo! O Diyos, napakaabala ko sa paggawa ng tungkulin ko ngayong araw na nagpaliban ako ng pagkain. Kahit pa 10 pagkain ang ipagpaliban ko, handa akong gawin ito! Hindi nabubuhay ang mga tao sa tinapay lang, sa halip, nabubuhay sila sa mga salitang nagmumula sa bibig ng Diyos. O Diyos, handa akong mahalin Ka sa buong buhay ko, magpakailanman at walang katapusan, at hindi kailanman magbabago ang pagmamahal ko para sa Iyo!” Tumatangis dahil sa magagarang salita mong ito, pero hindi nagbabago ang saloobin ng Diyos sa iyo. Bakit? Ito ay dahil inantig ka ng panandaliang bugso ng damdamin, at ang mga luha mo ay hindi mga luha ng pagsisisi, mga luha ng pagkakautang, o mga luha dahil tunay mo nang nakilala ang sarili mo, at lalong hindi mga luha ng kalungkutan ang mga ito para sa kawalan mo ng kakayahang isagawa ang katotohanan at itaguyod ang mga katotohanang prinsiyo. Samakatwid, ikaw lang ang maaantig sa emosyon mong ito, at maaaring makaantig din sa mga nasa paligid mo, pero hindi naaantig ang Diyos dito. Samakatwid, hindi ang Banal na Espiritu ang umaantig sa iyo, bagkus, ikaw ang umaantig sa sarili mo. Tumutulo ang luha mo dahil naantig ka sa sarili mo. Ang mga luha, emosyonal na salita, at maalab na damdamin mo ay mababaw na penomeno lang, isang uri lang ng pag-uugali ang mga ito. Ang mga ito ay hindi isang pagbabago sa diwa at buhay mo, ni isang pagbubunyag ng katotohanan bilang buhay mo. Kapag mayroon kang maalab na damdamin at bugso ng damdamin na gugulin ang sarili mo at magdusa para sa Diyos at labis kang maagap, pakiramdam mo ay ang Banal na Espiritu ang umaantig sa iyo, na nagbago ka na, at na pakay ka ng pagliligtas—isa itong uri ng kuru-kuro at imahinasyong mayroon ka tungkol sa gawain ng Diyos. Kapag naging negatibo ka dahil sa isang pansamantalang pagkabigo at pagbagsak, o dahil nabunyag ang katiwalian at mga kakulangan mo, o dahil pinungusan at ibinunyag ka, nalulungkot at nasasaktan ka, at iniisip mong hindi ka nagbago at na wala kang pag-asang maligtas—isa pa itong uri ng kuru-kuro at imahinasyong mayroon ka tungkol sa gawain ng Diyos. Sa katunayan, anuman ang nakikita ng Diyos—nasa negatibo o positibong kalagayan ka man, o hanggang saan man nasira at bumagsak ang kalagayan mo—paano ka tinitingnan ng Diyos sa buong panahong ito? Iyon talaga ang tayog mo. Tutukuyin ng Diyos kung gaano ka na nagbago at kung gaano karaming katotohanang realidad ang napasok mo batay sa aktuwal na sitwasyon mo, mga aktuwal na pagpapamalas mo, at aktuwal na tayog mo. Ang kasalukuyan mong kawalan ng kakayahan na makabangong muli at ang kasalukuyan mong pagkalugmok sa ganap na kawalan ng pag-asa ay hindi ang pamantayan ng pagtingin ng Diyos sa iyo o pagtukoy sa aktuwal na tayog mo. Kaya, nasa positibo o negatibong kalagayan ka man, o puno ka man ng nag-aalab na damdamin o nakakaramdam ka man ng kawalan ng pag-asa, hindi ito makakaapekto sa pagsusuri at paglalarawan ng Diyos sa iyo. Ikaw lang ang nagkakamali sa paglalarawan sa sarili mo batay sa mga pansamantalang pagbubunyag at pagpapamalas mo—bilang isang taong katulad na ni Pedro, o bilang isang taong hindi na matutubos—dahil mayroon kang napakaraming kuru-kuro at imahinasyon tungkol sa gawain ng Diyos. Pero paano ka man nanghuhusga, anumang mabubuti o masasamang damdamin ang nararanasan mo, lahat ng ito ay idinulot ng mga kuru-kuro at imahinasyong nabuo mo tungkol sa gawain ng Diyos, at hindi tumutugma ang mga kuru-kuro at imahinasyong ito sa tumpak at praktikal na depinisyon ng isang tao at sa tumpak at praktikal na paghusga Niya sa rito. Hindi ba’t ganito ang nangyayari? (Oo.) Samakatwid, ito man ay ang sariling nilang mga pagpapamalas, ang sarili nilang diwa, o ang panghuling paglalarawan nila sa sarili nila, hindi mahuhusgahan ng mga tao ang mga bagay na ito batay sa sarili nilang mga kuru-kuro at imahinasyon. Sa halip, dapat nilang sukatin ang mga bagay na ito batay sa mga normal na kautusan ng gawain ng Diyos at sa mga aktuwal na resultang gustong makamit ng Diyos sa Kanyang gawain, o batay sa mga paraan ng paggawa ng Diyos at sa Kanyang mga tumpak na depinisyon ng mga tao. Ano ang mga pangunahing kuru-kuro at imahinasyon ng mga tao tungkol sa gawain ng Diyos dito? Naniniwala ang mga tao na ang aktuwal nilang tayog ay natutukoy batay sa mga pansamantala nilang pagpapamalas, o sa mga pagpapamalas nila sa isang partikular na panahon: Kung nasa mabuting kalagayan sila sa panahong ito, gagawa ang Banal na Espiritu sa kanila, at sila ay magbabago, magtataglay ng buhay, lalago sa tayog, at magagawa nilang magkamit ng kaligtasan; kung nasa masamang kalagayan sila at wala silang anumang tunay na pananalig sa Diyos sa panahong ito, nangangahulugan ito na wala silang anumang tayog. Hindi ba’t ang mga ito ang mga kuru-kuro at imahinasyon ng mga tao? (Oo.) Ang isang kuru-kuro at imahinasyong mayroon ang mga tao tungkol sa gawain ng Diyos ay na hindi ito ginagampanan sa mga tao nang matagalan at tuluy-tuloy, kundi sa halip, na panandalian sila nitong binibigyan ng kaunting kaliwanagan, na nagdudulot sa kanila na magpamalas ng bugso ng lakas at ng panandaliang bugso ng damdamin. Ang isa pang uri ay na naniniwala ang mga tao na higit sa likas ang gawain ng Diyos, na inaantig Niya ang mga tao na magkaroon ng positibong saloobin, at magkaroon ng kahandaang magdusa ng paghihirap at gugulin ang sarili nila para sa Kanya, at na nagkakamit sila ng tayog at nagiging mga taong may katotohanan ng Diyos bilang buhay nila. Naniniwala sila na kung manghihina sila dahil sa isang isyu, tutukuyin ng Diyos na nabigo at nabunyag na sila, at pagkatapos ay kokondenahin sila ng Diyos, at ititiwalag at aabandonahin Niya sila. Hindi ba’t mga kuru-kuro at imahinasyon ng mga tao ang mga ito? (Oo.)

Ano ang mga kuru-kuro at imahinasyon ng mga tao na kakatapos lang nating pagbahaginan? (May ilang kuru-kuro at imahinasyon ang mga tao tungkol sa gawain ng Diyos. Naniniwala sila na ang aktuwal na tayog ng isang tao ay napagpapasyahan ng mga pagpapamalas nito sa isang partikular na panahon o ng mga pansamantala nitong pagpapamalas, at iniisip nila na saglit lang na nagaganap ang gawain ng Diyos sa mga tao, sa halip na matagalan at tuluy-tuloy. Naniniwala rin ang mga tao na ang gawain ng Diyos ay napakahigit sa likas at na madalas na inaantig ng Diyos ang mga tao. Kapag ang mga tao ay panandaliang inaantig ng Banal na Espiritu, pakiramdam nila ay malapit na silang magawang perpekto o na mas malapit na nilang makamit ang pamantayan ni Pedro, at kapag nabibigo at nanghihina ang mga tao, natutukoy nila na naitiwalag na sila.) Ano ang mga kuru-kuro at imahinasyon ng mga tao tungkol sa gawain ng Diyos sa aspektong ito? Naniniwala ang mga tao na ang mga pansamantalang pagpapamalas nila ay kumakatawan sa aktuwal nilang tayog, at na hinahatulan ng Diyos ang mga tao batay sa mga pansamantalang pagpapamalas nila. Iniisip ng mga tao na gusto ng Diyos na makitang nagdurusa sa paghihirap at nagbabayad ng halaga ang mga tao, na gusto Niyang makita ang mga tao na madalas magdasal at gumawa ng mga kapasyahan at maantig hanggang sa puntong umiyak sila nang labis, at na gusto Niyang magawang talikuran ng mga tao ang mga bagay at gugulin ang sarili nila at gumawa nang masigasig, at na magawa nilang lampasan ang iba’t ibang suliranin ng laman. Iniisip nila na kumikilos man sila o hindi nang ayon sa mga prinsipyo o nang alinsunod sa katotohanan, basta’t nagagawa nilang madalas na magbayad ng halaga, at, sa paggampan ng tungkulin nila, madalas silang hindi nakakakain at nakakatulog, gumigising nang maaga at nagpupuyat sa gabi, at nagtatrabaho sa gabi at araw, magugustuhan ito ng Diyos. Ipinapahiwatig nito na anumang gawain ang ginagawa ng Diyos o ilang salita man ang sinasabi Niya, umaasa lang Siya na ang lahat ng tao ay magagawang magdusa ng paghihirap at magbayad ng halaga para sa Kanya, hindi kumain ng masasarap na pagkain o magsuot ng magagandang damit, at hindi magkaroon ng anumang bakanteng oras, at na dapat nilang gugulin ang bawat araw alinman sa paggawa ng mga tungkulin nila o sa pagdarasal, at madalas silang gumawa ng mga kapasyahan, ipahayag nila ang desisyon nila, ituon ang isipan nila, at manumpa. Iniisip ng ilang tao na gustong pigilan ng Diyos ang puso at mga kamay at paa ng mga tao, na hindi Niya binibigyan ang mga tao ng kalayaan at paglaya, at sa halip, na ipinaparamdam Niya sa kanila na napipigilan sila para hindi sila makalaya, at pinagkakaitan Niya sila ng kalayaan ng isang buhay ng normal na pagkatao. Iniisip ito ng mga tao, hindi ba? (Oo.) Ano pa ang ibang iniisip ng mga tao? Na hindi pinapayagan ng Diyos ang mga tao na mabigo, magbunyag ng kahinaan o katiwalian, o magpakita ng mga pagkukulang nila. Naniniwala rin ang mga tao na kung gusto nilang magkamit ng kaligtasan at magawang perpekto, kung gayon, sa proseso ng paggawa ng tungkulin nila ay hindi talaga sila puwedeng maging mahina, o magkaroon ng anumang mga pangangailangan, kakulangan, o kapintasan ng normal na pagkatao, at hindi dapat magbunyag ng anumang mga tiwaling disposisyon. Hindi ba’t mga kuru-kuro at imahinasyon ng mga tao ang mga ito? (Oo.) Sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng mga tao, iniisip nila na sa ilalim ng paggawa at paggabay ng Diyos, dapat silang manatiling bata sa puso nila, manatiling masigasig, at mapuno ng maalab na damdamin para sa gawain nila at magkaroon ng seryosong saloobin dito, gayundin na maging palaging masinsin at hindi kailanman napapanatag. Hindi ba’t ito ang iniisip ng mga tao? Ito ba ay isang kuru-kuro at imahinasyong mayroon ang mga tao, o ito ba ay tunay na hinihingi ng Diyos sa mga tao? (Ito ay isang kuru-kuro at imahinasyong mayroon ang mga tao.) Iniisip ng mga tao na kung sila ay medyo negatibo at mahina, o may kaunting paghihirap ng laman, o may ilang kakulangan o kapintasan sa pagkatao nila, o nagbubunyag ng mga tiwaling disposisyon, at paminsan-minsang nag-iimbot ng kaginhawahan ng laman, kung gayon, hindi sila gugustuhin ng Diyos, hindi Niya sila kakausapin o hindi Siya gagawa sa kanila, at sila ay ititiwalag at mawawalan ng pag-asang maligtas. Ganito nga ba ang nangyayari? (Hindi.) Hindi ba’t ang mga ito ay mga kuru-kuro at imahinasyong mayroon ang mga tao? (Oo.) Sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng mga tao, naniniwala sila, sa isang banda, na gusto ng Diyos ang mga taong palaging puno ng sigasig at nag-aalab na damdamin para sa gawain nila, at sa kabilang banda, na ayaw ng Diyos sa pagkanegatibo ng mga tao at hindi sila tinutulutang ipakita ang mga kahinaan nila. Sa madaling salita, iniisip ng mga tao na gusto ng Diyos ang mga asetiko, hindi ba? Iniisip nila na kailangang ipamuhay ang buong buhay nila sa karalitaan, na huwag talagang magbigay-pansin sa mga panlabas na usapin, at na basahin ang mga salita ng Diyos araw-araw sa ilalim ng malamlam na liwanag ng malamig na de-langis na lampara; naniniwala sila na parehong kinakailangan ang mga dasal sa umaga at gabi, na dapat nilang pasalamatan ang Diyos kada bago kumain, at na hindi sila puwedeng magkaroon ng anuman sa iba’t ibang pangangailangan ng normal na pagkatao. Naniniwala sila na saka lang sila maituturing na ganap na tapat sa Diyos at ganap na mapanalig sa gawain nila, at na tanging sa pagpapanatili ng ganitong uri ng sigasig sila magugustuhan ng Diyos at magiging isang taong gusto ng Diyos na iligtas at gawing perpekto. Dahil may ganitong mga kuru-kuro at imahinasyon ang mga tao, ang ilan ay labis na nakakaramdam ng pagsaway sa loob nila kapag paminsan-minsan silang nangungulila sa pamilya nila, at hindi rin sila mapalagay sa tuwing paminsan-minsan silang nakikipag-usap saglit, iniisip na sasawayin sila ng Diyos. Kapag ang ilang dalaga ay paminsan-minsang nagbibihis nang maganda at nagsusuot ng medyo makulay at medyo nauuso, naaasiwa sila nang husto, at iniisip nila, “Hindi kaya medyo hindi disente na magdamit ako nang ganito? Hindi kaya medyo imoral ito?” Sa katunayan, hindi naman sila nakasuot ng kakaiba o malaswang kasuotan, pero sadyang nakakaramdam sila ng pagkamalaswa at iniisip nila, “Sinasaway ako ng Diyos sa loob ko. Ayaw Niyang ginagawa ko ito.” Kung tingin mo ay ayaw ito ng Diyos, bakit hindi ka magsuot ng mga damit ng isang Budistang monghe o ng isang Taoista? Labis na “elegante” at “disente” iyon! Hindi iyon malaswa, hindi ba? Ang ilang tao ay paminsan-minsang nagpapasasa sa kaunting banidad at nagpapakitang-gilas, at pagkatapos ay pakiramdam nila ay sinasaway sila at hindi sila mapalagay sa loob nila at iniisip nila, “Hindi na ako gusto ng Diyos. Ayaw na Niya sa akin.” Nagtatakda pa nga ng mga panuntunan ang ilang tao na bawal silang magsuklay, maglagay ng kolorete, o manalamin, at na puwede lang silang maligo minsan sa isang buwan o minsan kada anim na buwan, at iniisip nila na kung maliligo sila nang mas madalas sa minsan sa isang buwan o kada anim na buwan, kapopootan ito ng Diyos at tiyak na hindi sila maliligtas. Nagtatakda sila ng panuntunan na dapat silang bumangon bago mag-alas singko ng umaga, at iniisip nila na kung mahuhuli nang kalahating oras ang pagbangon nila, nagpapasasa sila sa kaginhawahan, at hindi sila mga taong nagmamahal sa Diyos; nagtatakda sila ng panuntunan na dapat silang mahiga kapag pasado hatinggabi na, at iniisip nila na kung mahihiga sila bago maghatinggabi, hindi sila isang taong tapat na gumagawa sa tungkulin nila. Gumagawa ang mga taong ito ng maraming nakatakdang panuntunan para sa sarili nilang pag-uugali, pang-araw-araw na buhay, at mga pangangailangan sa buhay. Hindi nila hinahanap kung ano ang mga hinihingi ng Diyos, ni sinusubukang unawain kung ano ang mga pananaw at saloobin ng Diyos sa mga usaping ito. Sa halip, ganap na personal nilang pinaniniwalaan na sa gawain ng Diyos, hindi pinapayagan ng Diyos ang mga tao na magkaroon ng ganitong mga pagpapamalas, at na kung sakaling taglay nila ang ganitong mga pagpapamalas, ganap silang magiging mapanghimagsik, at kapopootan sila ng Diyos, kaya naman, hindi sila maliligtas. Madalas, dahil lang sa ilang maliit na usaping hindi na karapat-dapat pang banggitin, tulad ng pagsasabi ng maling bagay, paggamit ng maling salita, pagkain ng ilang karagdagang meryenda, o paminsan-minsang panonood ng ilang video na nakakalibang, iniisip ng mga tao, “Katapusan ko na! Ganap na mapanghimagsik ang ginagawa kong ito! Hindi ko alam na puwede akong magkaroon ng gayong mga pag-uugali at gayong mga gawi—hindi ko alam na may ganitong mga problema pa rin ako. Kahindik-hindik ito. Dapat kong pagnilayan nang malalim ang sarili ko, himayin ang sarili ko sa kaibuturan ng kaluluwa ko, at sumailalim ako sa isang rebolusyon. Hindi ko ito puwedeng bitiwan!” Labis na pinapahalagahan ng mga tao ang mga usaping ito na wala namang kaugnayan sa mga katotohanang prinsipyo. Lahat ng ito ay mga kuru-kuro at imahinasyon ng mga tao at kinapopootan ng Diyos ang mga ito. Ayaw ng Diyos na makita ang mga tao na magbunyag ng mga pagpapamalas na ito. Kaya, ano ang mga katotohanang dapat maunawaan ng mga tao sa aspektong ito? Ano ang mga prinsipyong dapat sundin? Dahil ang mga bagay na ito ay mga kuru-kuro at imahinasyon ng mga tao, tiyak na ang mga ito ay hindi ang mga prinsipyong hinihingi ng Diyos sa mga tao, at tiyak na walang kinalaman ang mga ito sa mga hinihingi ng Diyos sa mga tao. At dahil mga kuru-kuro at imahinasyon ang mga ito, ibig sabihin nito, nabuo at napag-ugnay-ugnay ang mga ito sa isipan ng tao—sa madaling salita, nagmumula ang mga ito sa isipan ng mga tao at walang anumang kinalaman sa mga katotohanang realidad na hinihingi ng Diyos na taglayin ng mga tao. Paano man sumusunod ang mga tao sa mga kuru-kuro at imahinasyong ito, hangga’t walang kinalaman ang mga ito sa katotohanan, walang silbi ang pagsunod ng mga tao sa mga ito. Kahit na sumunod ka nga sa mga ito, hindi ka pa rin sumusunod sa mga katotohanang prinsipyo, at hindi ito matatandaan ng Diyos. Sa partikular, labis na hindi mapalagay ang ilang tao at nararamdaman nilang mahigpit silang sinasaway sa loob nila kapag paminsan-minsan silang nagbubunyag ng sarili nilang mga kagustuhan at mga nakagawian ng laman. Paano nagaganap ang pagiging hindi mapalagay at pagsasaway sa sarili na ito? Resulta ba ito ng pag-antig sa kanila ng Banal na Espiritu? (Hindi, may mga kuru-kuro at imahinasyon ang mga tao tungkol sa Diyos, kaya hindi sila mapalagay.) Ang batayan ng mga damdaming ito ay ang mga kuru-kuro at imahinasyon ng mga tao, hindi ang katotohanan. Nakakaramdam agad ang ilang tao ng pagsaway at pagkabagabagsa loob nila, at nagmamadali silang magdasal at magkumpisal ng mga kasalanan nila, at nagmamadali silang magsisi. Ano ang kailangan mong pagsisihan? Ang mga bagay na ito na ginawa mo ay mga karaniwang pag-uugali sa pang-araw-araw na buhay. Hindi mga kasalanan ang mga ito, at tiyak na hindi malalaking pagsalangsang ang mga ito. Huwag kang masyadong mag-alala sa gayong mga bagay na hindi naman mahalaga! Kung sa tingin mo ay mali ang mga bagay na iyon, puwede mong piliing huwag gawin ang mga iyon. Pero ang hindi paggawa sa mga iyon ay hindi nangangahulugan ng sumusunod ka sa mga katotohanang prinsipyo, at ang pagiging hindi mapalagay ay hindi nangangahulugan na nilabag mo ang mga katotohanang prinsipyo. Bakit ka nagsisisi? Bakit mo itinutuwid ang sarili mo? Dahil ba idinudulot ng mga kuru-kuro at imahinasyon mo na mali mong paniwalaan na hindi mo dapat ginagawa ang ganoong mga asal, o dahil ba iniisip mo na ang mga asal mo ay salungat sa mga salita ng Diyos at sa mga katotohanang prinsipyo? Kung salungat ang mga ito sa mga katotohanang prinsipyo, at talagang hindi ka mapalagay, dapat kang magmadali na magbago ng landas at magsisi sa Diyos. Ang pagiging hindi mapalagay na ito, kahit papaano man lang, ay ang pang-uusig ng konsensiya ng pagkatao. Kung hindi ka mapalagay dahil lang sumalungat ka sa sarili mong mga kuru-kuro at imahinasyon, hindi ba’t nagpapasasa ka sa mga hindi kinakailangang damdamin? (Oo.) Ito ay ganap na pagpapasasa sa mga hindi kinakailangang damdamin at ito ay kalabisan. Bakit naman hindi ka hindi mapalagay kapag sumusunod ka sa mga anticristo? Bakit hindi mo nararamdaman na sinasaway ka dahil doon? Kapag nakikita mo ang masasamang tao na nanggagambala at nanggugulo sa gawain ng iglesia at pinipinsala ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, at hindi ka tumitindig para pigilan sila, hindi ka ba napapalagay? Kapag nagsasalita at kumikilos ka nang labag sa mga katotohanang prinsipyo at batay sa sarili mong kalooban, hindi ka ba napapalagay? Kung nilabag mo ang mga katotohanang prinsipyo sa mga usaping ito pero hindi ka kailanman hindi napapalagay tungkol dito, kung gayon, wala ka man lang pagkatao, ni wala kang konsensiya. At kung wala kang konsensiya, anong mga bagay ang magdudulot para hindi ka mapalagay? Ang pagiging hindi mapalagay mo ay ganap na pagpapasasa mo sa mga hindi kinakailangang damdamin. Ang sarili mong mga kuru-kuro at imahinasyon ang nagpapahirap sa iyo at nagdudulot sa iyo na hindi mapalagay—wala kang mapapala riyan. Ano ang magiging panghuling resulta ng pananampalataya mo sa Diyos sa loob ng sarili mong mga kuru-kuro at imahinasyon? Lalo ka lang magiging mas mapagpaimbabaw at lalo ka lang magiging mas katulad ng mga Pariseo. Mapapalayo ka lang nang mapapalayo sa mga salita ng Diyos at sa mga katotohanang prinsipyo, at magiging imposible para sa iyo na makapasok sa katotohanang realidad. Palaging mabuti ang pakiramdam mo tungkol sa sarili mo, pero ano ba mismo ang napakabuti sa iyo? Punong-puno ka ng mga kuru-kuro at imahinasyon, at ang lahat ng nadarama mo ay walang kinalaman sa katotohanan. Ang mga damdamin mo ng pagkaantig at pagkasaway, ang pagkakautang at pagsisising nadarama mo, ang pagsisising sa tingin mo ay dapat mayroon ka, at ang mga sumpa at kapasyahang ginagawa mo ay pawang nauugnay sa mga kuru-kuro at imahinasyon mo. Ang mga bagay na ito ay batay lang sa mga kuru-kuro at imahinasyon mo at walang kinalaman sa katotohanan. Samakatwid, anumang ginagawa mo—ito man ay pagdurusa ng paghihirap at pagbabayad ng halaga o paghahandog ng mga bagay at paggugol ng sarili mo, at anuman ang ginugugol mo—ay walang saysay kung wala naman itong kinalaman sa katotohanan. Naunawaan mo ba? (Oo.)

Ngayong napagbahaginan at nahimay na natin ang mga kuru-kuro at imahinasyong ito na mayroon ang mga tao tungkol sa gawain ng Diyos, medyo mas malinaw na ba sa inyo kung paano titingnan ang mga pag-uugali na tulad ng kung nagdurusa ba ang mga tao ng paghihirap o hindi, kung nagbabayad ba sila ng halaga, at nagpipigil ng sarili nila sa paggawa ng mga tungkulin nila, at kung mahilig ba sila o hindi na kumain ng masasarap na pagkain at magsuot nang maganda, at iba pa, pati na kung ano ang mga prinsipyong hinihingi ng Diyos sa mga tao, at kung ano mismo ang resultang gustong makamit ng Diyos sa mga tao sa Kanyang gawain? Ang resultang gustong makamit ng Diyos sa mga tao ay hindi ang makita ang maalab mong damdamin para sa gawain mo sa lahat ng oras. Ibig sabihin, ang gustong makita ng Diyos ay hindi ang kasigasigan at determinasyon mong magdusa ng paghihirap at magbayad ng halaga. Sa mga mata ng Diyos, kung hindi mo nauunawaan ang katotohanan, ang mga pagpapamalas na ito ay mga panandaliang bugso ng damdamin lamang. Sa madaling salita, sigasig mo lang ang mga ito. Ano ba, sa diwa, ang sigasig? Ito ay ang pagkamainitin mo ng ulo, o sa mas partikular, ito ay isang emosyonal na pagharap sa mga bagay-bagay. Ang gusto ng Diyos ay hindi ang sigasig ng mga tao, ang emosyonal na pagharap nila sa mga bagay-bagay, ang mga pansamantalang bugso ng damdamin nila, o ang ganitong uri ng maalab na kondisyon. Ano ang gusto ng Diyos? (Gusto Niyang maunawaan ng mga tao ang katotohanan.) Kahit papaano man lang, gusto Niyang magawa mong mahalin at maunawaan ang katotohanan, at, kapag nahaharap sa iba’t ibang usapin, huwag mong sundin ang isang regulasyon, isang pormalidad, o isang pag-uugali, bagkus ay sundin ang mga katotohanang prinsipyo; gusto Niya rin, sa tungkuling ginagawa mo at sa lahat ng bagay, na magawa mong hanapin ang mga katotohanang prinsipyo, at magsagawa ka ayon sa mga katotohanang prinsipyo, at na gawing realidad mo ang mga salita at ang katotohanan ng Diyos—ito ang resultang layong makamit ng gawain ng Diyos. Pagdating naman sa personal mong buhay, kung gusto mo mang matulog nang maaga o gumising nang maaga, o matulog nang dis-oras nang gabi o gumising nang tanghali na, o kung anumang uri ng mga kaloob ang mayroon ka o kung gaano ka kahusay magsalita, hindi mahalaga ang mga ito sa Diyos. May kapasyahan ka mang magdusa ng paghihirap o wala, o gaano man kalaking halaga ang ibayad mo, hindi pinapahalagahan ng Diyos ang mga bagay na ito. Sinasabi ng ilang tao, “Alang-alang sa pananampalataya ko sa Diyos, hindi ako bumili ng magagandang damit sa loob ng ilang taon, at hindi ako nagpa-parlor sa loob ng mahigit sampung taon.” Kahit na hindi ka kumakain ng masasarap na pagkain, hindi nagsusuot ng magagandang damit, at nagdurusa ka ng maraming matinding paghihirap sa buong buhay mo, ano naman? Iyon ba ang gusto ng Diyos? Ang pinakalayunin ba ng Diyos sa pangangaral at pakikipagbahaginan ay ang tustusan ang mga tao ng napakaraming katotohanan para lang maging asetiko ka? Ito ba ay para gawin ka lang na isang kaawa-awang sawimpalad, isang pulubi, o isang galit na kabataan? Hindi. Ang gustong gawain ng Diyos ay ang isagawa sa mga tao ang Kanyang mga salita at mga katotohanang prinsipyo. Samakatwid, kapag naniniwala ang marami na gustong makita ng Diyos ang mga tao na nagdurusa ng mas maraming paghihirap at nagbabayad ng mas malaking halaga, at na gusto Niya silang makita na namumuhay ng labis na matipid, mahirap, at simpleng buhay, na labis na nagtataglay ng determinasyon at mga inaasam, at labis na nag-aalab ang damdamin, o na labis na nagpipigil sa sarili, at na talagang marunong lumugar at umasal nang maayos, mga kuru-kuro at imahinasyon lang nila ang mga ito tungkol sa gawain ng Diyos. Ipagpalagay na, sa loob ng maraming taon ng buhay mo, isang beses ka lang kumakain sa isang araw at tatlong oras lang ang tulog mo sa gabi, at hindi ka nakakakain ng masasarap na pagkain o nakakapagsuot ng magagandang damit, at na ginagawa mo ang sa tingin mo ay dapat mong ginagawa sa loob ng maraming taon, at nagdusa ka na ng napakaraming paghihirap at gumawa ka na ng napakaraming kapasyahan. Sa sarili ninyong mga salita, “nananatili kayong tapat sa orihinal ninyong inaasam,” at nagdurusa kayo ng mga paghihirap at gumugugol para sa Diyos at inaalay ang buong buhay ninyo sa Diyos. Gayumpaman, sa kabila ng lahat ng ito, kung hindi mo kailanman pagsusumikapan ang mga salita ng Diyos o ang katotohanan, at hindi mo hahanapin ang mga katotohanang prinsipyo sa lahat ng ginagawa mo, tiyak na aabandonahin ka. Gusto mong magkamit ng kaligtasan sa pamamagitan ng pagdurusa ng paghihirap at pagbabayad ng halaga, at sa pamamagitan ng hindi kailanmang pagbabago sa orihinal mong inaasam, at ng paggugol sa sarili mo para sa Diyos sa buong buhay mo, at ng paghahandog sa Kanya ng lahat ng mayroon ka. Pangarap lang ito—ito ay mapangarapin na pag-iisip. Kahit na kumain ka ng giniling na mais at ng puto mais sa buong buhay mo at hindi ka kailanman kumain ng masasarap na pagkain o magtamasa ng magagandang bagay, mawawalan ito ng saysay. Hindi kailanman tumitingin ang Diyos sa pag-uugali ng isang tao, ni tumitingin sa kung anong mga panuntunan ang sinusunod ng isang tao sa panlabas, o kung sa panlabas ba ay namumuhay siya ng isang simple at payak na buhay. Ang gustong makita ng Diyos ay kung nasaang landas ka, kung anong mga prinsipyo ang sinusunod mo sa bawat usaping kinakaharap mo, at kung sumusunod ka ba sa mga katotohanang prinsipyo sa pagharap sa mga problema. Kung hindi mo susundin ang mga katotohanang prinsipyo, gaano mo man kahusay na sinusunod ang mga nakatakdang hinihingi at panuntunan, mawawalan ito ng saysay. Ipapahiwatig lang nito na isa kang taong namumuhay sa loob ng mga kuru-kuro at imahinasyon, isang taong namumuhay sa loob ng mga ganap na personal at magandang kahilingan, na walang anumang kaugnayan sa gawain ng Diyos, at walang kinalaman sa anuman sa mga paraan ng paggampan ng Diyos sa Kanyang pagliligtas sa mga tao—isang taong malayo sa gawain ng Diyos. Samakatwid, kung gusto mong may makamit mula sa gawain ng Diyos, kailangan mo munang pagsumikapan ang katotohanan; hindi mo dapat isagawa o pagsumikapan ang sarili mong mga kuru-kuro at imahinasyon—walang silbi ang paggawa niyon. Tinatanong Ako ng ilang tao: “Tingin Mo, mas mukha ba akong disente at wasto kung mahaba ang buhok ko? O kung maiksi ito?” Tumutugon naman Ako, “Gusto mo bang mahaba ang buhok mo o maiksi?” Sinasabi nila, “Gusto kong mahaba ang buhok ko. Pero tingin ko, hindi disente at wasto ang mahabang buhok, at hindi ito gusto ng Diyos.” At sumasagot Ako, “Kailan iyan sinabi ng Diyos? May anumang kinalaman ba ito sa katotohanan?” May ibang nagtatanong sa Akin: “Puwede ba akong magmeryenda?” At sumasagot Ako, “Ang pagmemeryenda ba ay pangangailangan ng normal na pagkatao? Isinaad ba ng Diyos na hindi puwedeng magmeryenda ang mga tao? Kinokondena ba ito ng Diyos?” At sinasabi nila, “Tingin ko, kinokondena ito ng Diyos, dahil ang pagmemeryenda ay imoral.” Ano ang ibig sabihin ng “imoral”? Kung sa tingin mo ay imoral ang pagmemeryenda, nangangahulugan ba ang hindi pagmemeryenda na hindi ka imoral? Nangangahulugan ba ang hindi pagmemeryenda na nauunawaan mo ang katotohanan at isinasagawa mo ang katotohanan? Kaya mo itong maunawaan kapag ipinapaliwanag Ko ito sa ganitong paraan, hindi ba? (Oo.) Ang mga kuru-kuro at imahinasyon ay hindi ang katotohanan at walang kinalaman sa katotohanan. Kung matalino ka, dapat kang magmadali na suriin kung anong mga kuru-kuro at imahinasyon ang mayroon ka pa rin, at kung anong mga pagsasagawa, kaisipan, at pananaw ng mga Pariseo ang mayroon ka pa rin, at bitiwan mo ang mga ito kaagad. Ang layunin ng pagbitiw sa mga bagay na ito ay hindi para gawin kang imoral o mapagpalayaw sa sarili, kundi para palapitin ka sa Diyos para hanapin ang mga katotohanang prinsipyo, at kamtin mo ang katotohanan bilang buhay mo. Ayaw ng Diyos na makitang naging pulubi ka at na ipinapamuhay mo ang buhay ng isang mapagkait sa sarili. Sinasabi ng ilang tao, “Ayaw ng Diyos na maging pulubi ang mga tao, kaya ibig bang sabihin niyon na gusto Niyang maging mayaman sila?” Ayaw ring makita ng Diyos na maging mayaman ang mga tao. Sinasabi ng ilang tao, “Isang kuru-kuro at imahinasyon ng tao na gusto ng Diyos na magdusa ng pisikal na paghihirap ang mga tao. Kaya, kung ayaw ng Diyos na magdusa ng paghihirap ang mga tao, ibig bang sabihin niyon na gusto Niya silang mamuhay nang komportable?” Mali, kuru-kuro at imahinasyon mo rin ito. Kung gayon, ano ang tamang paraan ng pagkilos? (Gusto ng Diyos na magawang lumapit ng mga tao sa Kanya at hanapin nila ang mga katotohanang prinsipyo, anuman ang dumating sa kanila.) Kahit kailan, hindi puwedeng kalimutan ang mga katotohanang prinsipyo. Sinasabi ng ilang tao, “Gusto ng Diyos na ang mga tao ay gumawa ng mga kapasyahan sa Kanyang harap at magtaglay ng determinasyong magdusa ng paghihirap.” Sinasabi ng iba, “Ayaw ng Diyos sa mga taong ayaw magdusa ng paghihirap.” Tama ba o mali na sabihin ang mga bagay na ito? Aling pahayag ang tama at alin ang mali? (Parehong mali ang mga ito.) Palaging nagdurusa ang ilang tao ng paghihirap alang-alang sa sarili nilang katayuan, kasikatan, at pakinabang—may matatag silang kapasyahan na magdusa ng paghihirap. Nakakalugod ba sa Diyos ang mga pagpapamalas na ito? (Hindi.) Hindi handang magdusa ang ilang tao ng paghihirap pagdating sa mga personal na usapin, pero handa silang magdusa ng paghihirap alang-alang sa paggawa ng tungkulin nila at para sa katotohanan, at handa silang magdusa ng kaunting paghihirap para kumilos ayon sa mga katotohanang prinsipyo. Alin sa mga pagpapamalas na ito ang mas mainam? (Ang pagdurusa ng paghihirap alang-alang sa mga katotohanang prinsipyo.) Ano ang makikita mula sa mga bagay na ito? Na tama ang kumilos nang ayon sa mga katotohanang prinsipyo at ang isagawa ang katotohanan. Ito man ay kaugnay sa mga usapin ng paggawa sa tungkulin ng isang tao, o sa mga usapin sa sariling personal na buhay ng isang tao, kung nagdurusa man ang isang tao ng paghihirap o hindi ay hindi isang pamantayan o prinsipyo. Ano ang mga prinsipyo? Ang mga prinsipyo ay ang mga hinihingi ng Diyos, ang mga salita ng Diyos, at ang katotohanan. Kung magsasagawa ka ayon sa mga katotohanang prinsipyo, kahit na hindi ka magdusa ng paghihirap sa paggawa niyon, tama ang ginagawa mo, at sinasang-ayunan ito ng Diyos; kung hindi ka kikilos ayon sa mga katotohanang prinsipyo, kahit na magdusa ka ng napakalaking paghihirap o makaranas ka ng matinding pamamahiya sa proseso, wala itong saysay, at hindi sinasang-ayunan ng Diyos ang mga kilos mo. Tulad lang ng kung paanong naririnig ng ilang tao ang isang kautusan mula sa isang anticristo at pagkatapos ay ginagawa ang sinabi sa kanila, ipinapatupad ang gawain ayon sa mga kagustuhan ng anticristo, nagsasalita nang nagsasalita at nagdurusa, at labis na nagpapakaabala, hanggang sa puntong makuba at malumpo na sila sa labis na kapaguran ng katawan. Sinasang-ayunan ba ito ng Diyos? Tatandaan ba ito ng Diyos? (Hindi Niya ito sinasang-ayunan, at hindi Niya ito tatandaan.) Kaya, ano ang saloobin ng Diyos? (Kinapopootan ng Diyos ang gayong mga tao.) Ano ang sinabi ng Diyos? “Magsilayo kayo sa Akin, kayong manggagawa ng katampalasanan.” Ito ang saloobin ng Diyos, hindi ba? (Oo.) Gaano man karaming paghihirap ang pinagdusahan mo o gaano man kalaking halaga ang ibinayad mo, bagama’t maaari mong gamitin ang mga ito para ipagyabang ang mga ambag mo, hindi tinitingnan ng Diyos ang mga bagay na ito. Tinitingnan lang ng Diyos kung ginawa mo ba ang mga bagay na ito ayon sa mga katotohanang prinsipyo at kung sinusunod mo ba ang mga salita ng Diyos—ginagamit Niya ang prinsipyong ito para sukatin ka. Kung hindi mo sinusunod ang mga salita ng Diyos, kundi sa halip ay kumikilos ka ayon sa sarili mong mga ideya, gaano man karaming paghihirap ang pagdusahan mo o gaano man kalaking halaga ang ibayad mo, mawawalan ng saysay ang lahat ng ito. Hindi lang sa hindi ito tatandaan ng Diyos, kundi kokondenahin din Niya ito. Iyon ay pagdulot sa sarili mong pagkawasak, hindi ba? (Oo.) Ititiwalag ang gayong mga tao sa huli—nararapat sa kanila ito, hindi ba? (Oo.) Libo-libong salita na ang sinabi ng Diyos at sinabi na Niya sa iyo ang mga katotohanang prinsipyo, pero sadyang hindi ka nakikinig. Palagi kang may sariling mga ideya, at mapagnasa mong inaasam na palitan ang katotohanan ng sarili mong mga kuru-kuro at imahinasyon, at sa gayon ay makamit ang pagsang-ayon ng Diyos, makapasok sa kaharian, at mapagpala at magantimpalaan. Hindi ba’t pag-aasam ito sa kamatayan? Hindi ba’t kauri ni Pablo ang gayong mga tao? (Oo.) Samakatwid, kung gustong bitiwan ng mga tao ang mga hadlang sa pagitan nila at ng Diyos at ang pagkamapanlaban nila sa Diyos, dapat silang magkaroon ng tumpak na pagkaunawa sa gawain ng Diyos. Hindi sila dapat bumuo ng espekulasyon tungkol sa Diyos, hindi nila dapat sukatin ang Kanyang gawain, o sukatin ang sarili nilang pag-uugali at mga pagsasagawa batay sa mga kuru-kuro at imahinasyon nila, at pagkatapos ay pangasiwaan ang lahat ng bagay batay sa mga kuru-kuro at imahinasyong ito. Ang magiging panghuling resulta ng pagharap na ito ay na mawawalan ito ng saysay, at sa malulubhang kaso, gagambalain at guguluhin nila ang gawain ng iglesia, sasalungatin ang disposisyon ng Diyos, at mapaparusahan sila. Samakatwid, sa pagharap sa gawain ng Diyos, dapat bitiwan ng mga tao ang iba’t iba nilang kuru-kuro at imahinasyon tungkol sa Diyos. Ibig sabihin, dapat nilang suriin at himayin ang sarili nilang mga kuru-kuro at imahinasyon at pagkatapos ay bitiwan ang mga ito, hanapin ang mga layunin ng Diyos at ang katotohanan, at gamitin ang mga katotohanang prinsipyo para palitan ang kanilang mga kuru-kuro, imahinasyon, maling prinsipyo, at pagsasagawa. Sa ganitong paraan ka lang makakatahak sa landas ng kaligtasan. Kung hindi, imposibleng maligtas ka, walang duda! Isang uri ito ng kuru-kuro at imahinasyong mayroon ang mga tao tungkol sa gawain ng Diyos. Tapusin na natin dito ang pagbabahaginan natin.

May isa pang uri ng kuru-kuro at imahinasyon ang mga tao tungkol sa gawain ng Diyos, at iyon ay na sa pang-araw-araw na buhay nila, kapag mahina sila, kapag umuusbong sa kanila ang iba’t ibang uri ng paghihimagsik sa Diyos, o kapag gumawa sila ng mga bagay na nanghihimagsik laban sa Diyos at sumasalungat sa Diyos, naniniwala sila sa mga kuru-kuro at imahinasyon nila na dapat silang disiplinahin, ituwid, o parusahan pa nga, sumpain, at iba pa. Halimbawa, minsan ay nasasabi ng mga tao ang maling bagay o nagbubunyag sila ng ilang kuru-kuro, o nagkikimkim sila ng ilang opinyon at kaunting pagtutol tungkol sa isang bagay, at pagkatapos ng ilang sandali, iniisip nila, “Nabunyag ko ang paghihimagsik at pagkakanulong ito, pero bakit hindi ako dinisiplina dahil dito? Walang mga singaw sa dila ko, hindi ako binabangungot sa gabi, at hindi nababagabag ang puso ko. Bakit ganoon? Bakit hindi ko nadarama ang paggawa ng Banal na Espiritu?” Sa mga kuru-kuro at imahinasyon nila, naniniwala sila na dahil pumarito ang Diyos para iligtas sila, at dahil tiyak na ang gawain ng Diyos ay hindi lang sila lulupigin, kundi babaguhin at dadalisayin din sila, at babaguhin ang iba’t ibang kaisipan at pananaw na kinikimkim nila na hindi alinsunod sa katotohanan, kung gayon, kung may ilang bagay sa isipan nila na hindi alinsunod sa katotohanan, o mga bagay na madungis, marumi, o buktot, dapat silang disiplinahin, sawayin, o parusahan pa nga dahil sa mga ito, at iniisip nila, “Paano magbabago ang mga tao at paano sila magagawang banal kung hindi sila madalas na dinidisiplina?” Ano ang mga kuru-kuro at imahinasyon ng mga tao rito? Ito ay na dapat silang madalas na disiplinahin, sawayin, ituwid, parusahan, at kastiguhin at husgahan pa nga at na saka lang sila magkakamit ng disposisyonal na pagbabago. Gayumpaman, sa pang-araw-araw na buhay, kapag nagbubunyag ang mga tao ng kadungisan, kabuktutan, at katiwalian, ginagawa nila ito nang napakanatural, nararamdaman nila ito, at payapa pa nga ang pakiramdam nila sa pamumuhay nang ganito at hindi nila nararamdaman na dinidisiplina o pinaparusahan sila, at tingin nila ay hindi normal ito. Iniisip ng mga tao na kung magbubunyag sila ng katiwalian, kahit papaano ay dapat maramdaman nilang sinasaway sila, o dapat silang magkasakit, o magkaroon ng mga singaw sa bibig nila, o mabulunan sila o makagat nila ang dila nila habang kumakain, at na dapat mamula at mamaga ang mata nila kung may pinanood sila na hindi nila dapat panoorin. Sabihin mo sa Akin, ginagawa ba ng Diyos ang mga bagay na ito? (Hindi.) Hinding-hindi ba Niya ginagawa ang mga ito? (Kapag hindi nauunawaan ng mga tao ang katotohanan, maaari silang disiplinahin at sawayin ng Diyos nang kaunti ayon sa tayog nila, para magawa nilang pagnilayan ang sarili nila at pasukin ang katotohanan. Gayumpaman, kapag nauunawaan ng mga tao ang katotohanan at malinaw sa puso nila na mali ang ginawa nila, tiyak na hindi sila didisiplinahin ng Diyos sa kasong iyon, dahil umaasa Siyang mahahanap nila ang katotohanan, at magagamit ang Kanyang mga salita at ang katotohanan para sukatin ang sarili nilang mga kilos at pag-uugali.) Mahusay na napagbahaginan iyan. Sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng mga tao, naniniwala sila na sa tuwing nagbubunyag sila ng katiwalian at paghihimagsik, dapat silang disiplinahin ng Diyos, at na sa partikular, kapag gumagawa ng kasamaan ang masasamang tao, dapat agad na dumating sa kanila ang kaparusahan ng Diyos, para tiyak na maparusahan ang masasamang tao. Pero sa tunay na buhay, madalang nilang nakikitang nangyayari ang mga kaparusahang ito. Sa isang banda, kapag nagbubunyag ang mga tao ng iba’t ibang uri ng katiwalian at paghihimagsik, hindi sila nadidisiplina o natutuwid, at sa kabilang banda naman, kapag gumagawa ng kasamaan ang masasamang tao, hindi sila napaparusahan. Dahil dito, umuusbong ang ilang kuru-kuro tungkol sa gawain ng Diyos sa kaibuturan ng puso ng mga tao, at nawawalan pa nga ng pananalig ang ilang tao, at sinusukat nila ang gawain ng Diyos batay sa mga panlabas na bagay na ito, at hinuhusgahan nila ang Kanyang gawain. Ang mga ito ang mga kuru-kuro at imahinasyon ng mga tao, hindi ba? Kapag nagbubunyag ang mga tao ng katiwalian at paghihimagsik, dapat ba silang disiplinahin ng Diyos, o kastiguhin at hatulan sila? (Hindi.) Sinasabi ng ilang tao, “Kapag inililigtas ng Diyos ang mga tao, dapat Niya silang iligtas nang lubusan. Ano ang layunin ng gawain ng Diyos? Hindi ba’t ito ay para dalisayin ang mga tao? Kaya, kapag nagbubunyag ang mga tao ng katiwalian at paghihimagsik, dapat silang disiplinahin at sawayin ng Diyos—ito ay pagiging responsable sa kanila. Kung hindi, wala Siyang pakialam sa mga tao at hindi Niya talaga sila minamahal o kinakaawaan.” Hindi ba’t ganito mag-isip ang mga tao? (Oo.) Ano ang mga katotohanang dapat maunawaan dito? Ang madisiplina, matuwid, at maparusahan ba ay mahahalagang proseso para maunawaan ng mga tao ang katotohanan at makapasok sila sa katotohanang realidad? Kinakailangan ba ang mga ito para iligtas ng Diyos ang mga tao at baguhin sila? Hindi ito maarok ng ilang tao at iniisip nila, “Kung talagang umiiral ang Diyos at ginagawa Niya ang Kanyang gawain para iligtas ang mga tao, bakit hindi Niya dinidisiplina ang mga tao kapag nagbubunyag sila ng katiwalian o naghihimagsik laban sa Kanya? Bakit hindi pinaparusahan ng Diyos ang masasamang tao dahil sa paggawa ng kasamaan?” Kapag hindi dinidisiplina ng Diyos ang mga tao, o kapag hindi pinaparusahan ang mga tao dahil sa paggawa nila ng kasamaan, hindi ba’t dahil dito ay kukuwestiyunin ng mga tao ang pag-iral ng Diyos at ang mga resulta ng Kanyang gawain? Kung ang madalas na pagdidisiplina at pagpaparusa ay makakapalit sa paghahanap ng mga tao sa katotohanan o makakapagbigay-kakayahan sa kanilang makapasok sa katotohanang realidad, kung gayon, ang pagdidisiplina at pagpaparusa ang magiging pangunahing paraan ng paggawa ng Diyos para iligtas ang mga tao, at isang kinakailangang pamamaraan ng paggawa niyon. Pero batay sa kasalukuyang antas ng katiwalian ng mga tao, maaari bang agad na mabago ang sataniko nilang kalikasan sa pamamagitan ng pagdidisiplina at pagpaparusa ng Diyos? Maaari bang agad na magkaroon ng tunay na pagsisisi ang mga tao? Maaari ba silang agad na makapasok sa katotohanang realidad? (Hindi, hindi maaari.) Hindi nila iyon makakaya. Samakatwid, sa yugtong ito ng gawain ng Diyos, kasabay ng pagpapahayag ng Diyos ng mga katotohanan para tustusan ang mga tao ng buhay, hindi Siya—maliban sa paggawa ng Banal na Espiritu ng pagbibigay-liwanag at paggabay sa mga tao—gumagawa ng anumang higit sa likas, at lalong madalang Niyang ginagawa ang mga bagay tulad ng pagtutuwid, pagdidisiplina, o pagpaparusa sa mga tao. Ang pagtutuwid, pagdidisiplina, at pagpaparusa sa mga tao ay hindi isang pangunahing bahagi ng gawain ng Diyos, pero ginagawa pa rin Niya ang mga bagay na ito. Ibig sabihin, sa kaso ng ilang espesyal na tao o espesyal na usapin, o sa ilang espesyal na kapaligiran, alang-alang sa pagkamit ng ilang espesyal na resulta o dahil sa ilang espesyal na dahilan, gagawin ng Diyos ang gawain ng pagdidisiplina, pagtutuwid, o pagpaparusa sa mga tao. Pero sa kabuuan, sa yugtong ito ng Kanyang gawain, ang pangunahing paraan ng Kanyang paggawa ay ang magsalita at magpahayag ng katotohanan para ibigay ang kinakailangan ng mga tao sa landas nila ng pagsisikap na matamo ang katotohanan, at ang layunin nito ay ang bigyang-kakayahan sila na maunawaan ang mga katotohanang prinsipyo at makapasok sa katotohanang realidad. Ngayong nagpahayag na ang Diyos ng napakaraming katotohanan, madalang na Niyang ginagawa ang gawaing ito ng pagdidisiplina, pagtutuwid, at maging ng pagpaparusa na ginawa Niya noon. Kaya, ang mas dapat pagtuunan ng mga tao ay ang iba’t ibang katotohanang prinsipyong dapat nilang isagawa kapag nahaharap sila sa mga usapin sa pang-araw-araw na buhay, sa halip na tumuon sa kung dinidisiplina o hinahadlangan ba sila ng Diyos, o kung idinudulot ba ng Diyos na maging maayos ang takbo ng mga bagay-bagay para sa kanila sa isang partikular na usapin, at iba pang gayong mga gawi at pagsasagawa. Dahil madalang gamitin ng Diyos ang mga pamamaraang tulad ng pagdidisiplina, pagtutuwid, at pagpaparusa, hindi ito nangangahulugan na hindi Niya kailanman ginagamit ang mga ito, madalang lang Niya talagang gamitin ang mga ito. Ano ang ibig Kong sabihin sa “madalang gamitin ang mga ito”? Paminsan-minsan, sa ilang espesyal na sitwasyon, gagamitin Niya ang mga pamamaraan ng pagdidisiplina, pagtutuwid, o pagpaparusa para—sa isang magaan o kumakatawan o sumisimbolong paraan—gumawa ng kaunting gawaing nakakatulong sa mga taong maunawaan ang katotohanan at magsagawa ayon sa mga katotohanang prinsipyo. Ibig sabihin, ginagamit Niya ang mga paraang ito para tulungan ang mga tao na makapasok sa mga katotohanang realidad, pero iyon lang iyon. Kung gayon, bakit hindi madalas na ginagamit ng Diyos ang mga paraang ito sa Kanyang gawain? Bakit hindi Siya pangunahing gumagawa sa ganitong mga paraan? Sa isang banda, ito ay dahil sa yugtong ito ng Kanyang gawain, sinabi at tinustos na Niya sa mga tao ang iba’t ibang katotohanang dapat nilang maunawaan, at narinig na nila ang mga katotohanang ito, at mayroon na silang pagkaarok at kaalaman sa mga ito sa saklaw ng pagkaarok nila. Isang dahilan ito. Ang isa pang dahilan ay nauugnay sa mga personal na salik ng mga tao. May konsensiya ng normal na pagkatao ang mga tao, at sa ilalim ng epekto ng konsensiyang ito, tatantiyahin nila kung positibo ba o negatibo ang mga tiwaling disposisyong ibinubunyag nila, o ang sarili nilang mga kilos, kaisipan, at pananaw. Sa loob ng mga tao, kahit papaano man lang, mayroon ng pamantayan ng konsensiya sa pagtantya sa lahat ng ito. Kung gagamitin mo ang konsensiya mo para tantiyahin ang isang partikular na bagay at matukoy mo na positibo ito, dapat kang humayo at gawin mo ito, at hindi mo kailangang sawayin ang sarili mo kung medyo mabagal o huli ka na sa paggawa nito. Kung gagamitin mo ang konsensiya mo para tantiyahin ang bagay na iyon at matukoy mo na negatibo ito at isa itong bagay na hindi dapat gawin, dapat mong pigilan ang sarili mo at huwag mo itong sabihin o gawin. Gayumpaman, kung wala kang mga damdaming inuudyok ng konsensiya at katwiran mo, hindi ka isang tao. Kung wala ka man lang konsensiya at katwiran, imposibleng matantiya mo kung ang isang bagay ay tama ba o mali, positibo ba o negatibo, kaya naman magiging walang kabuluhan para sa Diyos na disiplinahin at parusahan ka. Sa madaling salita, hindi gumagawa ang Diyos sa mga hindi nasasailalim sa mga epekto ng konsensiya, at hindi Niya inililigtas ang gayong mga tao. Ano ang nabibilang sa “hindi pagliligtas sa kanila”? Ni ayaw Niyang disiplinahin sila; hindi Niya sila dinidisiplina o itinutuwid. May ilang nagtatanong, “Kung gagawa ng kasamaan ang isang tao, paparusahan ba siya ng Diyos?” Hindi siya direktang paparusahan ng Diyos, dahil may mga atas administratibo ang iglesia. Kung isa siyang masamang taong nagdudulot ng kaguluhan o pagkagambala, ang magiging katapusan nito ay ang pagpapaalis o pagpapatalsik sa kanya. Kahit na hindi siya pasok sa mga kondisyon ng pagpapaalis o pagpapatalsik, ipapadala siya sa grupong B. Kung lulustayin ng isang tao ang mga handog para sa Diyos, mas malubha iyon, at dapat niyang ibalik ang anumang dapat niyang ibalik, at pagkatapos ay dapat siyang pangasiwaan nang naaangkop. Ito ang prinsipyo ng gawain ng Diyos at ang prinsipyo ng pagtrato Niya sa mga tao. Simple ito, hindi ba? (Oo, simple ito.) Iniisip mo ba na ang pagpili ng Diyos sa iyo ay nangangahulugan na dapat ka Niyang gawing ganap, at na hindi Siya titigil hangga’t hindi Niya nagagawa iyon? Iyon ang kaso para lang sa mga may konsensiya at katwiran, at sa mga nagsisikap na matamo ang katotohanan—ito ang kaso para lang sa mga puwedeng maligtas. Para naman sa mga wala man lang kamalayan ng konsensiya, kailangan lang silang tratuhin at pangasiwaan ayon sa mga atas administratibo ng iglesia—hindi sila didisplinahin ng Diyos. Ano pa ang saysay ng pagdidisiplina sa kanila? Ang pagdidisiplina sa mga taong walang normal na pagkatao at konsensiya ay katumbas ng pagpilit sa isang isda na mamuhay sa lupa, o sa isang baboy na lumipad, at ito ay pareho ng paghahagis ng mga perlas sa harap ng mga baboy at pagpapakain ng mga banal na bagay sa maruruming nilalang—tiyak na hindi ito ginagawa ng Diyos. Samakatwid, sa usaping ito, hindi dapat isipin ng mga tao, “Hinirang ako ng Diyos, isa ako sa mga tupa ng Diyos, at kahit na makagawa ako ng mga pagkakamali at makagawa ng kasamaan, hindi ako aabandonahin ng Diyos.” Walang batayan ang pahayag na ito—mahirap sabihin kung ikaw ba ay isang tupa o isang lobo. Paano mo tinatantiya kung isa ka sa mga tupa ng Diyos? Depende ito sa kung may kamalayan ka ba rito at kung nakadarama ba ang konsensiya mo ng pagsaway o pagbabawal kapag may ginawa kang isang bagay na salungat sa pagkatao at konsensiya. Kung nararamdaman nga nito na pinagbabawalan ito, itutuwid mo ang sarili mo, at kahit hindi mo nauunawaan ang katotohanan, magagawa mong kumilos ayon sa pamantayan ng konsensiya. Kahit papaano man lang, magagawa mong kumilos ayon sa normal na pagkatao. Kung may mga ganito kang pagpapamalas, isa ka sa mga tupa ng Diyos. Kung, kapag nahaharap ka sa isang bagay na salungat sa konsensiya ng normal na pagkatao at labag sa moral na katarungan, wala kang kahit katiting na pagpapahalaga sa katarungan, at wala kang nadaramang pagkapoot o pagkamuhi sa kasamaang ginawa mo, o sa kaguluhang dinulot ng masasamang tao, at hindi talaga nakakaramdam ng anumang pagbabawal ang konsensiya mo, kung gayon, hindi ka isa sa mga tupa ng Diyos, isa kang lobo, isa kang hayop, at isa kang diyablo. Ito ang pamantayan para tantiyahin kung isa ka sa mga tupa ng Diyos o kung isa kang lobo. Kung hindi ka isa sa mga tupa ng Diyos, pero palagi mo pa ring sinusukat ang gawain ng Diyos gamit ang mga ideya, kuru-kuro at imahinasyon tulad ng, “Nagbunyag ako ng katiwalian at paghihimagsik, pero hindi ako dinisiplina ng Diyos; dapat akong disiplinahin ng Diyos,” kung gayon, hangal ka. Hindi ka talaga isa sa mga tupa ng Diyos, at walang layunin ang Diyos na iligtas ka, kaya, kalipikado ka bang sukatin at husgahan ang gawain ng Diyos? Kung hindi ito kahangalan, ano ito? Kaya mong tantiyahin ang usaping ito, tama ba? (Kaya ko na ngayon.)

Ano ang pamantayan para sa pagkakaroon ng konsensiya? Paano mo tatantiyahin kung may konsensiya ba o wala ang isang tao? (Depende ito sa kung mayroon ba siyang pagpapahalaga sa katarungan sa puso niya kapag nakikita niya ang masasamang taong gumagawa ng kasamaan o kapag nakikita niya ang mga bagay na nakakapinsala sa mga interes ng sambahayan ng Diyos, at kung nagagawa ba niyang kamuhian ang mga bagay na ito. Kung wala talaga siyang kamalayan sa puso niya, wala siyang konsensiya. Dagdag pa, kung walang kamalayan ang isang tao sa puso niya tungkol sa kasamaang nagawa niya, o tungkol sa mga bagay na nagawa niya na malinaw na labag sa mga prinsipyo, wala ring konsensiya ang gayong mga tao.) Kung wala kang konsensiya, hindi ka tao. Sa ganoong kaso, ililigtas ka pa rin ba ng Diyos? Kung hindi ka ililigtas ng Diyos, didisiplinahin ka pa rin ba Niya? Ang pagdidisiplina at pagtutuwid ay maliit na bahagi ng gawain ng Diyos. Kapag sinabi Kong “maliit,” ang ibig Kong sabihin ay paminsan-minsan lang ginagamit ng Diyos ang mga pamamaraang ito, pero bahagi pa rin ang mga ito ng gawain ng Diyos. Kung wala ka man lang konsensiya o katwiran, may silbi pa ba ang pagdidisiplina ng Diyos sa iyo? Kung wala kang pagpapahalaga sa katarungan, at wala kang anumang nararamdaman sa lahat ng buktot, sa lahat ng salungat sa katotohanan, sa lahat ng salungat sa moral na katarungan, at maging sa salungat sa konsensiya mo, at hindi mo kinakamuhian ang gayong mga bagay, at kung hindi mo magawang pumanig sa Diyos para ipagtanggol ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, at hindi mo magawang tumindig at magsabi ng isang bagay para ipagtanggol ang gawain ng iglesia—maging ng isang patas na pahayag—hindi ka tao. Hindi ka tao, pero labis-labis ka pa ring umaasa na didisiplinahin ka ng Diyos. Talagang itinataas mo ang sarili mo at hindi mo itinuturing ang sarili mo bilang isang tagalabas! May ilang nagsasabi, “Kung ang isang tao ay hindi isa sa mga tupa ng Diyos kundi isang lobo, hindi siya didisiplinahin ng Diyos. Kaya, kung isa siya sa mga tupa ng Diyos, didisiplinahin ba siya ng Diyos?” Sa ilalim ng mga partikular na sitwasyon, paminsan-minsan kang didisiplinahin ng Diyos at pananagutan ka Niya. Kahit na manhid ka at wala kang kamalayan, hihimukin, didisiplinahin, at sasawayin ka ng Diyos. Ang gawain ng Diyos ay ginagawa sa angkop na antas at hanggang doon lang iyon. Bakit Siya gumagawa sa ganitong paraan? Dahil kung may konsensiya ka, kapag sinasaway ka ng Diyos sa ganitong paraan, mabilis na magkakaroon ng kamalayan ang konsensiya mo, at sisisihin mo ang sarili mo at makakaramdam ka ng pagkakautang sa Kanya; makakaramdam ka ng pagsisisi, kalungkutan, at dalamhati, at magagawa mong ituwid ang sarili mo at sa huli ay hahanapin mo ang mga katotohanang prinsipyo at magsasagawa ka ayon sa katotohanan—ito ang resultang gusto ng Diyos. Kung may sensitibo kang konsensiya at nauunawaan mo ang maraming katotohanan, at kahit na hindi ka dinidisiplina, itinutuwid, o hinihimok ng Diyos, nagagawa mo pa ring mapagtanto ang problema, at may kamalayan pa rin ang konsensiya mo, at nakadarama ito ng pagsaway at pagbabawal, kung gayon, mas mainam iyon, at hindi na kailangan ang pagdidisiplina ng Diyos. Kahit na hindi ka dinidisiplina ng Diyos, labis-labis na sensitibo ang konsensiya mo at nakadarama ito ng pagbabawal, at nakadarama ka ng pagsisisi, kalungkutan, at pagkakautang sa Diyos, at na naagrabyado mo Siya, binigo mo Siya, at iniwan mo Siyang hindi nasisiyahan, at nagagawa mong aktibong hanapin ang mga katotohanang prinsipyo at kumilos ayon sa Kanyang mga hinihingi. Ito ang epekto sa mga tao ng konsensiya ng normal na pagkatao, at ito rin ang dapat nitong epekto sa mga tao. Samakatwid, ang isang tao man ay isa sa mga tupa ng Diyos o hindi, at maaari man siyang maligtas o hindi, ay depende sa kung mayroon siyang normal na pagkatao at konsensiya. Ito ay napakahalaga at importante. Kung sasabihin mong nauunawaan mo ang maraming katotohanan, kapag ikaw mismo ay mapanghimagsik, o kapag nakakatagpo ka ng masasamang taong gumagawa ng kasamaan, umeepekto ba ang mga katotohanang nauunawaan mo? Nakakamit ba ng mga ito ang epekto ng pangangasiwa sa iyo, pagbibigay-liwanag sa iyo, at pagpaparamdam sa konsensiya mo na ito ay sinasaway at gumagana? Kung wala kang kamalayan sa konsensiya, wala kang konsensiya at normal na pagkatao, at ang nauunawaan mo ay doktrina sa halip na katotohanan. Kung doktrina lang ang nauunawaan mo, hindi mo maisasagawa ang katotohanan, at hindi ka isa sa mga taong maliligtas. Nauunawaan mo ito, tama ba? (Oo.) Samakatwid, sa gawain ng Diyos, pagdating sa ilang pinakapundamental na paraan ng paggawa ng Diyos, hindi dapat limitahan ng mga tao ang mga ito batay sa sarili nilang mga kuru-kuro at imahinasyon. Ikaw man ay nadisiplina, natuwid at naparusahan ng Diyos, o hindi pa kailanman nadisiplina, natuwid, o naparusahan, hindi nito ipinapahiwatig kung gaano karaming katotohanang prinsipyo ang nauunawaan mo, ni hindi nito ipinapahiwatig na isa kang taong hinirang ng Diyos. Maaaring maraming taon ka nang nananampalataya sa Diyos at nadisiplina at natuwid ka na nang napakaraming beses, pero hindi ka kailanman kumilos ayon sa mga katotohanang prinsipyo—kung ganoon, kapag hindi ka naligtas sa huli, ang lahat ng ito ay magiging kasalanan mo at ang mismong nararapat sa iyo. Maaari ding bihira kang nadisiplina at naparusahan sa pananampalataya mo sa Diyos, pero dahil sa konsensiya mo, madalas mong nadarama na pinagbabawalan at sinasaway ka, at kapag gumagawa ka ng mga pagsalangsang, nakakaramdam ka ng pagsisisi at itinutuwid mo ang sarili mo, at nagagawa mong hanapin ang mga katotohanang prinsipyo, isagawa ang katotohanan, at kumilos ayon sa mga katotohanang prinsipyo—sa kasong ito, isa ka sa mga taong maliligtas. Nauunawaan mo ba? (Oo.) Nagbanggit Ako ng dalawang sitwasyon. Ano ang mga ito sa partikular? (Ang isang sitwasyon ay kapag nadisiplina at naparusahan nang maraming beses ang mga tao, pero sa huli, hindi pa rin nila magawang kumilos ayon sa mga katotohanang prinsipyo at hindi pa rin nila nakamit ang katotohanan, kaya naman, hindi sila naliligtas, at kagagawan nila ang lahat ng ito. Ang isa pang sitwasyon ay kapag nagagawa ng ilang tao na gamitin ang konsensiya nila para pigilan ang sarili nila nang hindi na nila kailangang madisiplina o matuwid nang maraming beses ng Diyos, at sa tuwing nilalabag nila ang mga prinsipyo o nagbubunyag sila ng paghihimagsik ay nadarama nila na pinagbabawalan sila ng konsensiya nila, at kaya nilang aktibong hanapin ang katotohanan at kumilos ayon sa mga katotohanang prinsipyo, at, kahit papaano man lang, kaya nilang gumawa ng ilang positibong bagay, kaya naman, kasama sila sa mga maliligtas. Kakatalakay lang ng Diyos ang tungkol sa dalawang sitwasyong ito.) Kaya man nila o hindi na kumilos ayon sa mga katotohanang prinsipyo ay ang pamantayan para sa pagsusuri sa dalawang uri ng taong ito. Hindi kayang kumilos ng ilang tao ayon sa mga katotohanang prinsipyo, at gaano man karaming doktrina ang nauunawaan nila o gaano man sila dinidisiplina at pinaparusahan, hindi sila mga pakay ng pagliligtas. Samantala, ang ibang mga tao naman ay bihirang madisiplina at maparusahan ng Diyos o matuwid at masaway Niya, pero madalas nilang nagagawang pagnilayan ang sarili nila, at sa tuwing kumikilos sila nang labag sa mga prinsipyo o nagbubunyag sila ng paghihimagsik, nararamdaman nila ang pagbabawal at pagsaway sa konsensiya nila, at pagkatapos ay nakadarama sila ng pagsisisi at aktibo silang nagsasagawa ayon sa mga katotohanang prinsipyo. Bagama’t bihira silang madisiplina o matuwid ng Diyos, ang ganitong uri ng mga tao ay mga pakay pa rin ng pagliligtas. Ang pagdidisiplina at pagpaparusang tinutukoy Ko rito ay walang kinalaman sa paghatol at pagkastigo ng mga salita ng Diyos; ang mga ito ay ang simpleng itinuturing ng mga tao sa sarili nilang mga kuru-kuro at imahinasyon bilang pagdidisiplina at pagpaparusa. Sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng mga tao, naniniwala sila na kung madalas silang dinidisiplina at pinaparusahan, ibig sabihin nito ay na mayroon silang patotoong batay sa karanasan, at na mga espirituwal na tao sila. Madalas ding iniuugnay ng mga tao ang pagdidisiplina at pagpaparusa sa gawain ng Banal na Espiritu, at naniniwala silang nauugnay ang mga ito sa daloy ng Banal na Espiritu. May ilang taong madalas na nagsasabi, “Hindi ko ginawa nang maayos ang tungkulin ko, at pinungusan na naman ako. Ngayon ay may mga singaw ako sa bibig at nagkasakit ako—pagdidisiplina ito ng Diyos sa akin.” Maraming tao ang madalas na nagbabahaginan tungkol sa mga karanasang ito, pero dapat mong tingnan kung ano ang mga pagpapamalas nila sa tuwing may mga isyung dumarating sa kanila—tingnan mo kung nadarama nilang pinagbabawalan sila ng konsensiya nila tuwing may ginagawa silang mali, at kung nagagawa ba nilang tumindig at itaguyod ang mga katotohanang prinsipyo at ipagtanggol ang mga interes ng sambahayan ng Diyos kapag nakakatagpo sila ng masasamang taong gumagawa ng kasamaan o kapag nahaharap sila sa mga buktot na bagay. Kung hindi, walang konsensiya ang mga taong ito at hindi sila tao! Nagsasabi sila ng mga salitang magandang pakinggan, at tinatalakay nila nang napakahusay ang tungkol sa maraming patotoong batay sa karanasang tagalay nila—para bang pinakitaan sila ng Diyos ng labis na biyaya, at gumawa nang labis na gawain sa kanila ang Diyos at nagsabi ng napakaraming salita sa kanila, at tila ipinapahiwatig nito na nagkamit na sila ng kaligtasan. Gayumpaman, sa pang-araw-araw na buhay nila, sa tuwing nakakaranas sila ng mga problemang nauugnay sa mga prinsipyo, hindi nila kailanman itinataguyod ang mga katotohanang prinsipyo, at palagi silang umaatras tulad ng isang pagong na nagtatago sa talukab nito at umiiwas sa isyu. At sa tuwing hinihiling sa kanila na magsalita at magpahayag ng mga pananaw at ng opinyon nila, tumatanggi, nagmamaang-maangan, at nananahimik sila. Hindi talaga nila itinataguyod ang mga katotohanang prinsipyo, ni isinasagawa ang katotohanan. Anong mga tao ang mga ito? Mga mapagpaimbabaw sila. Kapag dinidiligan at tinutulungan nila ang iba, tinatalakay nila ang tungkol sa mga espirituwal na teorya sa isang napakasistematiko at lohikal na paraan, at inaabot sila ng ilang oras, napapaluha ang ilang tao, pero hindi nila kailanman isinasagawa ang katotohanan sa sarili nilang mga kilos—mga Pariseo ang mga ito. Gaano man karaming huwad na espirituwal na karanasan at huwad na espirituwal na doktrina ang tinatalakay nila, o gaano man karaming hungkag na salita at eksaheradong salita ang sinasabi nila, hindi sila sinasaway ng konsensiya nila; at pagdating naman sa anumang mga pangunahing isyu ng tama at mali o mga usapin ng prinsipyo, hindi sila pumapanig sa katotohanan o hindi nila itinataguyod ang mga katotohanang prinsipyo, at hindi talaga sila sinasaway ng konsensiya nila, pero pagkatapos, nagagawa pa rin nilang magmayabang nang walang kahihiyan tungkol sa kung paano nila ipinapagtanggol ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, at nagagawa pa rin nilang maglitanya ng maraming doktrinang magandang pakinggan—ito ay pagiging mapagpaimbabaw at kawalan ng kamalayan sa konsensiya. Napakaraming beses silang nabibigo na isagawa ang katotohanan, napakaraming beses nilang nilalabag ang katotohanan, napakaraming beses nilang nililinlang at nililihis ang mga tao, pero hindi talaga sila sinasaway ng konsensiya nila, at nagagawa pa rin nilang tahasang magpakitang-gilas—ito ay pagiging walang pagkatao! Kumikilos sila nang presko at nanlilinlang sila sa ganitong paraan kung saan-saan, at hindi man lang sila nahihiya; hindi nila isinasagawa ang katotohanan, pero ipinagmamayabang pa rin nila na mga espirituwal silang tao, na sila ay mga taong naligtas at ginawang perpekto ng Diyos, at na nagmamahal sa Diyos nang higit sa sinupaman—ito ay kawalan ng kamalayan sa konsensiya, at ang mga ito ay hindi mga taong naligtas. Maaari bang walang normal na pagkatao at kamalayan sa konsensiya iyong mga naligtas? Nadarama ng ilang tao na hindi nila masyadong gusto ang katotohanan, at sa tuwing nakakaranas sila ng mga problemang may kinalaman sa mga katotohanang prinsipyo, o ng mga pangunahing isyu ng tama at mali, nagiging mapagpalugod sila ng mga tao, sinusubukan nilang iraos lang ang mga bagay-bagay, at hindi nila kailanman nagagawang itaguyod ang mga katotohanang prinsipyo, kaya naman nadarama nilang sinasaway sila sa puso nila at madalas silang nagdarasal sa harap ng Diyos at nakakaramdam ng pagkakautang sa Kanya. Bagama’t madalas silang mahina at hindi nila magawang lampasan ang hadlang na ito, alam nila sa puso nila na hindi nila naitaguyod ang katotohanan o katarungan, at na hindi sila nanindigan sa patotoo nila sa Diyos, at na mga mapagpalugod lang sila ng mga tao, kaya masyado silang nahihiyang sabihin na mayroon silang anumang patotoo. Ito ay dahil hindi nila naitaguyod ang mga katotohanang prinsipyo at wala silang tunay na patotoong batay sa karanasan, at sila ay naghihirap at bulag at hindi nila natugunan ang mga hinihingi ng Diyos; alam nila ito sa puso nila, at madalas na nakadarama ng pagbabawal ang konsensiya nila dahil dito, at nadarama nilang may pagkakautang sila sa Diyos at nalulungkot sila. May pag-asa at paraan pa rin para magkamit ng kaligtasan ang mga taong ito. Sa kabaligtaran, may mga taong mukhang nakakaunawa nang husto sa katotohanan sa panlabas, at mukhang kaya nilang diligan, tustusan, at tulungan ang mga tao, pero kapag nakakaranas sila ng mga problemang may kaugnayan sa mga katotohanang prinsipyo, o ng mga pangunahing isyu ng tama at mali, hindi sila kailanman pumapanig sa Diyos at hindi nila kailanman itinataguyod ang mga katotohanang prinsipyo, pero nagmamayabang sila tungkol sa pagiging mga espirituwal na tao, mga taong nagmamahal sa Diyos, at mga taong tapat sa Diyos. Labis na nasa panganib ang ganitong mga tao. Hindi sila naglalakas-loob na harapin ang realidad, hindi sila naglalakas-loob na lutasin ang mga tunay na problema, hindi sila naglalakas-loob na ideklara ang posisyon nila sa malalaking isyu, at hindi sila naglalakas-loob na itaguyod ang mga katotohanang prinsipyo sa isang hayagan at tuwirang pamamaraan, pero sa kabila nito, walang kahihiyan pa rin nilang ipinagmamayabang na mga espirituwal silang tao, at sinasabi na sila ang pinakanagmamahal sa Diyos at pinakanakakaarok sa mga layunin ng Diyos. Wala talagang kamalayan sa konsensiya ang ganitong uri ng mga tao. Magagawa ba ng isang taong walang kamalayan sa konsensiya na itaguyod ang mga katotohanang prinsipyo? Naglalakas-loob ba siyang ideklara nang hayagan ang posisyon niya at pumanig sa Diyos para harapin ang masasamang tao? Imposible iyon; napakahirap para sa gayong mga tao na isagawa ang katotohanan.

Kung may konsensiya ng normal na pagkatao ang isang tao, aayusin niya ang mga kaisipan, salita, at gawa niya. Ano ang ibig sabihin ng “aayusin”? Ibig sabihin, kapag lumihis ang mga kaisipan at pag-uugali mo palabas sa pamantayan ng normal na pagkatao, huhusga ang konsensiya mo na mali na mag-isip nang ganoon at na hindi mabuting gawin ang bagay na iyon, kaya naman mamumula ka at makakaramdam ka ng pagkabagabag at pagsaway. Pagkatapos maramdaman ang mga ito, medyo mapipigilan ang mga kaisipan at pag-uugali mo, at ang ganitong antas ng pagpipigil ang mag-aayos sa pag-uugali mo at magbibigay sa iyo ng kakayahang iwasan ang paggawa ng mga bagay na malinaw na labag sa mga katotohanang prinsipyo, at ng mga bagay na salungat sa konsensiya mo at sa moral na katarungan. Pero kung wala ka ng pamantayan ng konsensiya, kapag gumawa ka ng mga bagay, mawawalan ka ng anumang pamantayan para ayusin at pigilan ang mga kaisipan at pag-uugali mo, kaya naman mawawalan ka ng limitasyon, gagawin mo anuman ang maisipan mo, anuman ang gusto mo, at anuman ang nakakatulong at kapaki-pakinabang sa iyo. Sa ilalim ng mga sitwasyong ito ng kawalan mo ng anumang mga pagpipigil, labis na lulubha ang mga kaisipan at pag-uugali mo. Ano ang ibig sabihin ng “labis na lulubha”? Mawawalan ng anumang regulasyon sa mga ito. Magiging katulad lang ito ng kapag dinadaya ng mga walang pananampalataya ang mga tao—wala sila ng kamalayan sa konsensiya, at kung maloloko ka nila kapalit ng isanlibong salapi, hindi sila makokonsensiya, at kung magagantso ka nila hanggang sa puntong masira ang pamilya mo, hindi rin sila makokonsensiya, at kahit na lumuhod ka at magmakaawa ka sa kanila, hindi ka nila papansinin. Tunay na lubha silang masasamang tao. Bakit nagagawa nilang gumawa ng gayong kasamaan? Ito ay dahil wala silang kamalayan sa konsensiya, o ng pagpipigil na ibinibigay ng isang konsensiya, kaya naman maaari silang maging napakasama at maging mga karumal-dumal na makasalanan. Samakatwid, mahalagang magkaroon ng konsensiya ng normal na pagkatao. Nagagawa ng mga tao na pangunahing itaguyod ang mga katotohanang prinsipyo sa ilalim ng kondisyon na mayroon silang kamalayan sa konsensiya. Ang pagkakaroon ng kamalayan sa konsensiya at ng pagpapahalaga sa kahihiyan ang siyang nagbibigay-kakayahan na maayos ang pag-uugali mo at ang nagbibigay sa iyo ng pagkakataong tumahak sa landas ng paghahanap at pagsasagawa sa katotohanan. Kung wala ka ng kamalayan sa konsensiya para ayusin ang sarili mo, hindi ka magkakaroon ng pagkakataong tumahak sa landas ng paghahangad sa katotohanan. Samakatwid, sa pundasyon lang ng pagkakaroon ng kamalayan sa konsensiya magkakaroon ang mga tao ng pagkakataong maakay sa landas ng pagsasagawa sa katotohanan at pagtataguyod sa mga katotohanang prinsipyo—pero gayumpaman, mayroon lang sila ng ganitong pagkakataon. Sinasabi Ko na mayroon lang sila ng ganitong pagkakataon, dahil kahit na naaayos ng kamalayan sa konsensiya ang mga kaisipan at pag-uugali ng isang tao, maaari pa rin niyang labagin ang mga katotohanang prinsipyo o hindi siya kumilos nang ayon sa mga ito, nagiging neutral, hindi itinataguyod ang mga katotohanang prinsipyo pero hindi rin nakikipagsabwatan sa masasamang tao. Ibig sabihin, sa ilalim ng epekto ng konsensiya, ang medyo mabubuting tao ay kayang isagawa ang katotohanan at itaguyod ang mga katotohanang prinsipyo, samantalang ang mga taong medyo may mas mahinang kakayahan, kahit papaano, ay kayang iwasan ang makontrol o mapuwersa ng masasamang tao, at iwasang sumunod sa mga ito sa paggawa ng kasamaan—pag-abot lang ito sa batayang nagmumula sa pamantayan ng konsensiya. Kahit hindi mo isinagawa ang katotohanan, hindi ka gumawa ng kasamaan. Kahit papaano, matatawag pa rin ang ganitong tao na isang taong may konsensiya, at bagama’t hindi pa siya nagsagawa sa katotohanan, tiyak na hindi siya gagawa ng kasamaan. Ito ang epekto ng konsensiya sa mga tao. Para sa mga nagmamahal sa katotohanan, ang isa sa mga pinakakapaki-pakinabang na epekto ng konsensiya ay na may pagkakataon itong ayusin ang mga salita at pag-uugali nila, at maaari silang akayin ng konsensiya sa landas ng pagsasagawa sa katotohanan at ng pagtataguyod sa mga katotohanang prinsipyo. Samakatwid, para sa mga tao, ang konsensiya ay isang napakahalagang bahagi ng pagkatao nila, at ito ay isang bagay na hindi puwedeng mawala sa kanila. Kaya, ano ang ibig sabihin ng “konsensiya”? Pag-uusapan natin iyan nang detalyado mamaya kapag may pagkakataon tayo, pero talakayin lang natin ito nang maiksi ngayon. Ang konsensiya ay tumutukoy sa pagkakaroon ng isang tao ng mabuting puso at pagpapahalaga sa katarungan, na siyang dalawang pinakabatayang katangian. Kung taglay mo ang dalawang katangiang ito, isa kang taong may konsensiya; kung hindi mo taglay ang alinman sa dalawang katangiang ito, wala kang konsensiya. Walang normal na pagkatao ang mga taong walang konsensiya, at ang kawalan ng normal na pagkatao ay nangangahulugang wala silang pagpapahalaga sa katarungan at hindi mabuti ang puso nila. Ano ang ibig sabihin ng “walang pagpapahalaga sa katarungan”? Ang ibig sabihin nito ay pagiging baliko at buktot. Ano ang ibig sabihin ng “hindi mabuti ang puso”? Ang ibig sabihin nito ay ang pagiging mapaminsala, malupit, at buktot. Ang mga taong nagtataglay ng mga disposisyong ito ay mga taong walang pagkatao, at dahil dito ay may kakayahan silang gumawa ng anumang uri ng masamang bagay, dahil wala sila ng konsensiya ng normal na pagkatao, ni wala rin sila ng dalawang diwa ng pagpapahalaga sa katarungan at ng pagiging mabuti ng puso na nakapaloob sa konsensiya ng normal na pagkatao. Wala silang kahihiyan, labis silang baliko, at lubha silang malupit at mapaminsala, kaya may kakayahan silang gumawa ng anumang uri ng masamang bagay. Ibig sabihin, gaano man kabuktot at kamapaminsala ang mga bagay na ginagawa nila, wala silang nararamdaman—hindi sila nakokonsensiya, at hindi nila nararamdamang sinasaway sila. Bakit may kakayahan silang gumawa ng anumang uri ng kasamaan? Ito ay dahil hindi mabuti ang puso nila at wala sila ng diwa ng pagkatao; anumang kasamaan ang gawin nila, tingin nila ay may katwiran ito at hindi nila nararamdamang masama ito. Halimbawa, kung isa kang taong may kamalayan sa konsensiya, kapag may sinabi kang sumusumpa o bumabatikos sa isa pang tao, hindi mo ito makakayanan. Iisipin mo, “Nakapagsabi ako ng ilang bagay para isumpa siya, at tama na iyon. Talagang sumasama ang loob ng mga tao kapag sinusumpa sila! Sasama rin ang loob ko kung may susumpa sa akin nang ganoon, kaya ngayong may ilang bagay na akong nasabi para isumpa siya upang maibsan ang pagkamuhi ko at makapaglabas ako ng sama ng loob, hanggang doon na lang iyon.” Kaya naman, titigil ka na. Pero hindi ganoon mag-isip ang masasamang tao. Iniisip nila, “Masyadong magaan ang pagsumpa sa iyo. Bubugbugin din kita, sisirain ko ang pamilya mo, at pagdudusahin ko ang mga inapo mo! May katwiran ang anumang mga masama o maling bagay na ginagawa ko sa iyo. Hangga’t natatanggap mo ang nararapat na parusa sa iyo at naiibsan ko ang pagkamuhi ko, handa akong gawin ang anuman!” Maaari ngang hindi ka nila isumpa, at diretsahang gawan ka na lang ng masasamang bagay at paghigantihan ka—ito ang pagiging masama. Ganito ang mga taong walang kamalayan sa konsensiya—may kakayahan silang gumawa ng lahat ng uri ng kasamaan.

Sa loob ng iba’t ibang kuru-kuro at imahinasyong mayroon ang mga tao tungkol sa gawain ng Diyos, ang mga alam ng mga tao ay pangunahing ang mga kuru-kurong madalas nilang tinatalakay na nauugnay sa pagdidisiplina, pagtutuwid, at pagpaparusa. Sa isang banda, nagbahaginan tayo tungkol sa mga kuru-kuro at imahinasyong umuusbong sa mga tao sa loob ng gawain ng Diyos; sa kabilang banda, dapat ding malaman ng mga tao na gumagawa ang Diyos sa mga tao sa marami at iba’t ibang paraan. Depende sa iba’t ibang kapanahunan ng Kanyang paggawa, at depende sa iba’t ibang pamantayang hinihingi Niya sa mga tao, at siyempre, depende sa iba’t ibang resultang gusto Niyang makamit sa mga tao sa pamamagitan ng Kanyang gawain, at depende rin sa iba’t ibang pakay ng Kanyang gawain at sa iba’t ibang kalikasang diwa ng mga tao, gumagamit ang Diyos ng iba’t ibang pamamaraan at gumagawa Siya sa mga tao sa marami at iba’t ibang paraan. Ang pagdidisiplina, pagtutuwid, at pagpaparusa ay isang maliit na bahagi lang ng Kanyang gawain, at hindi ang mga ito ang mga pangunahing pamamaraang ginagamit Niya sa Kanyang gawain. Dahil, sa ikatlong yugto ng Kanyang gawain, nagpahayag ang Diyos ng napakaraming katotohanan para tustusan ang mga tao at para makamit ang resulta ng pagliligtas sa kanila, napakaliit ng bilang ng gawain ng pagdidisiplina, pagtutuwid, at maging ng pagpaparusang ginagawa Niya sa mga tao. Higit pa rito, depende sa iba’t ibang pakay ng Kanyang gawain, ginagawa rin ng Diyos ang mga bagay na ito ayon sa mga nauugnay na prinsipyo, at nag-iiba-iba ang Kanyang mga kilos depende sa mga pakay at sa iba’t ibang sitwasyon. Dahil dito, kung tutuusin, bihira Niyang disiplinahin, ituwid, o parusahan ang mga tao. Samakatwid, dapat tigilan na ng mga tao ang pagkapit sa mga dati nilang kuru-kuro at imahinasyon tungkol sa gawain ng Diyos, at dahil napakarami nang ipinahayag ng Diyos na salita at katotohanan, hindi sila dapat patuloy na umasa sa pagdidisiplina, pagtutuwid, o pagpaparusa sa kanila ng Diyos, pasibong hinahayaan Siya na himukin silang isagawa ang katotohanan at pumasok sa katotohanang realidad—isa itong ideyang hindi dapat taglayin ng mga tao. Ang tamang ideyang dapat taglayin ng mga tao ay na hindi sila dapat pasibong umasa sa pagdidisiplina, pagtutuwid, o pagpaparusa ng Diyos para ipaunawa sa kanila ang Kanyang mga layunin o para palapitin sila sa Kanya, at sa halip ay dapat mas maging positibo at aktibo sila sa paglapit sa Diyos para hanapin ang Kanyang mga layunin at ang mga katotohanang prinsipyo. Kahit kailanman, ang mga salita ng Diyos at ang mga katotohanang prinsipyo ang direksyon ng pag-usad mo, at ang mga ito ang mga prinsipyo at landas na pinakadapat mong itaguyod at isagawa sa pang-araw-araw mong buhay o sa landas ng pag-iral mo, samantalang ang pagdidisiplina, pagtutuwid, o pagpaparusa ng Diyos ay mga paraan lang ng paggawa na ipinapakita Niya sa ilang partikular na sitwasyon at sa mga sitwasyong sa tingin Niya ay kinakailangan. Para sa mga tao, hindi sila dapat pasibong maghintay o pasibong humiling na mangyari ito, iniisip, “Dapat akong disiplinahin, ituwid, at parusahan ng Diyos para magawa kong mahalin ang katotohanan at makapasok ako sa mga katotohanang prinsipyo.” Isa itong nakalilinlang na ideya, at isa itong ideyang hindi dapat taglayin ng mga tao. Naririnig ng ilang tao na iyong mga walang konsensiya ay mga hayop at hindi maililigtas, kaya nababalisa sila at iniisip nila, “Kung hindi ako maililigtas, malaking problema iyon. Dahil wala ako ng kamalayan sa konsensiya ng normal na pagkatao, mas gugustuhin kong disiplinahin at parusahan ako ng Diyos bilang kapalit ng konsensiya ng normal na pagkatao.” Magandang ideya ba ito? Bilang isang nilikha, at bilang isang ordinaryong miyembro ng tiwaling sangkatauhan, kung talagang iniisip mo na wala kang normal na pagkatao at wala kang konsensiya ng normal na pagkatao, malalim mong nararamdaman ang pasakit nito, at umaasa kang hindi ka lilisanin ng pagdidisiplina, pagtutuwid at pagpaparusa ng Diyos, at na bibigyang-kakayahan ka ng mga ito na magbago at manatiling buhay sa huli—kung talagang may ganito kang determinasyon, kung gayon, maaaring mabuting bagay iyon, at may katiting na pag-asa na manatili kang buhay. Pero kung wala ka ng ganoong determinasyon, sinasabi Ko sa iyo: Nasa matinding panganib ka kung wala ka ng kamalayan sa konsensiya ng normal na pagkatao. Kahit na paminsan-minsan kang nakakatanggap ng pagdidisiplina, pagtutuwid, at pagpaparusa ng Diyos, isa iyong bagay na ipinagkaloob Niya sa iyo. Ginagawa ng Diyos ang mga bagay na ito at ginagamit ang mga pamamaraang ito para himukin ka at bigyan ka ng babala, para mas kakaunti ang gagawin mong kasamaan at ang tatanggapin mong pagpaparusa. Sapat na ang pagligtas ng Diyos sa pride mo; dapat kang magpasalamat sa Diyos na itinatangi ka Niya sa pamamagitan ng pagpapakita sa iyo ng biyayang ito, sa halip na hindi malaman kung ano ang nakakabuti sa iyo. Sa mga normal na sitwasyon, hindi gagawa ang Diyos ng anumang gawain o hindi gagamit ng anumang mga paraan ng paggawa sa isang taong walang konsensiya at katwiran ng pagkatao. Kung nakatanggap ka ng pagdidisiplina, pagtutuwid, o pagpaparusa mula sa Diyos, alinman ito, katamtaman man ito o medyo mas malubha, dapat kang magpasalamat sa Diyos para sa lahat ng ito. Sa kolokyal na pananalita ng tao, ito ay pagkakaroon ng Diyos ng kaunting batayang respeto para sa iyo at pagtataas Niya sa iyo. Hinding-hindi ka tinitingnan ng Diyos ng may pagkamapanlaban o hindi ka Niya kinokondena, kaya dapat mo itong tanggapin mula sa Diyos. Kung talagang may pagkakataon kang tanggapin ang pagdidisiplina, pagtutuwid, o pagpaparusa ng Diyos nang lampas sa pagtustos ng katotohanan, pinapatunayan nito na tinatrato ka pa rin ng Diyos bilang isang nilikha at isang miyembro ng tiwaling sangkatauhan. Dapat mong pasalamatan ang Diyos, unawain ito nang tama, at dapat kang magpasakop sa pagdidisiplina, pagtutuwid, o pagpaparusa ng Diyos. Hindi ka dapat magkimkim ng mapanlaban na saloobin sa Diyos dahil dito, ni dapat na mas maghimagsik laban sa Diyos dahil dito. Anumang uri ng disiplina ang natanggap mo, o gaano man kalubha ang parusang natanggap mo, dapat kang magpasakop sa Diyos at pasalamatan mo Siya kaagad, pasalamatan Siya para sa paghimok at pagbibigay-babala sa iyo, at para sa pagbibigay sa iyo ng pagkakataong ito, at para sa pagtutulot sa iyo na magkaroon ng pagkakataong tanggapin ang lahat ng ito mula sa Diyos. Pinapatunayan din nito na may ugnayan ka pa rin sa Diyos at na hindi pa ganap na naputol ang ugnayang ito. Sa gawain ng Diyos ng pamamahala sa sangkatauhan, at sa proseso ng Kanyang pagliligtas sa mga tao, nasa puso ka pa rin ng Diyos; kahit papaano man lang, nakikita ka pa rin ng Diyos—kapag nakikita Niya ang paghihimagsik at katiwalian mo, handa pa rin Siyang disiplinahin ka, ituwid ka, at parusahan ka. Pinapatunayan nito na hindi ka pa Niya ganap na sinukuan; para sa iyo, mapalad ito, at mabuting balita rin ito. Samakatwid, kahit na mapasailalim ka sa kaunting masakit na pagdidisiplina o pagtutuwid, dapat kang lumapit sa Diyos kaagad. Ang layunin ng paglapit sa Diyos ay hindi para yumuko ka sa harap Niya, ni para iparamdam sa iyo na nakakasindak o nakakatakot ang Diyos. Sa halip, dapat mong maunawaan kung ano ang dapat mong gawin para mapalugod ang Diyos, kung ano ang dapat mong gawin para hindi na magalit ang Diyos sa iyo, at kung ano ang dapat mong gawin para mawala ang Kanyang galit. Kahit papaano man lang, dapat mong gawin ang lahat ng makakaya mo, sa loob ng saklaw ng kung ano ang kayang makamit ng kakayahan mo, para maisagawa ang mga katotohanang prinsipyong sinabi ng Diyos sa iyo, at hindi mo dapat galiting muli ang Diyos. Kung paulit-ulit na nagagalit ang Diyos sa iyo, at patuloy kang nagiging labis na manhid, at nagmamatigas ka at matigas ang kalooban mong tinitingnan ang Diyos nang may pagkamapanlaban at lumalaban ka sa Kanya hanggang sa pinakadulo, sa huli, hindi maiiwasan na susukuan ka ng Diyos. Sa oras na hindi ka na dinidisiplina, itinutuwid, o pinaparusahan ng Diyos, ay ang oras na sinukuan ka na ng Diyos. At sa sandaling sinukuan ka na ng Diyos, titigil na Siya sa paghimok sa iyo, at aalisin ka Niya sa Kanyang paningin, ililipat ka sa isang lugar sa labas ng iglesia, sa isang lugar na malayo sa sentro ng Kanyang gawain; kahit papaano man lang, idudulot Niya na hindi ka Niya makita sa panahon ng Kanyang gawain—aayaw na ang Diyos na makita ka. Kung ganito na kalubha ang gagawin mong kasamaan at aabot ka na sa puntong ito, wala ka nang pag-asang maligtas. Nauunawaan mo ba? (Oo.)

Nauugnay ang pagbabahaginan ngayon sa paksa ng pagbitiw sa mga hadlang sa pagitan ng sarili at ng Diyos, at sa pagkamapanlaban ng isang tao sa Diyos. Ito man ay paglalantad sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng mga tao tungkol sa Diyos, o paglalantad sa mga saloobin nila sa Diyos, o pakikipagbahaginan tungkol sa kung paano mismo at sa anong mga paraan ginagampanan ng Diyos ang Kanyang gawain sa mga tao, sa ano’t anuman, ang sinasabi ng lahat ng ito sa mga tao sa huli ay na: Ang tamang pananaw na pinakadapat nilang panghawakan sa gawain ng Diyos ay ang tanggapin at magpasakop sa paghatol at pagkastigo ng Diyos, at ang tanggapin ang mga salita ng Diyos at ang bawat katotohanang prinsipyong itinutustos Niya sa kanila, sa halip na ang lumihis mula sa Diyos. Sa tuwing may ginagawa silang anuman, dapat nilang hanapin ang mga katotohanang prinsipyo at dapat silang magsagawa ayon sa mga ito, at maghangad ng pagpasok sa katotohanang realidad, sa halip na pagsumikapan ang panlabas nilang pag-uugali, o ang panlabas na pagdurusa ng paghihirap at pagbabayad ng halaga, at tiyak na sa halip na masilo sa mga kuru-kuro at imahinasyon nila at masyadong mag-alala sa mga ito. Pagkatapos ng lahat, anuman ang mga kuru-kuro at imahinasyon mo tungkol sa Diyos, ang resultang layong makamit ng gawain ng Diyos ay ang isagawa ang Kanyang mga salita at ang katotohanan sa mga tao, at ang bigyan sila ng kakayahan na magkaroon ng mga katotohanang prinsipyong susundin at na itaguyod nila ang mga katotohanang prinsipyong ito sa lahat ng nararanasan nila sa pang-araw-araw na buhay nila at sa landas ng pag-iral nila—ito ang nilalayong resulta ng gawain ng Diyos. Ang panghuling resultang nakakamit ng gawain ng Diyos ay na ang katotohanan ang nagiging realidad at buhay ng mga tao, sa halip na naisasakatuparan Niya ang lahat ng ito ayon sa mga kuru-kuro at imahinasyon nila. Nauunawaan mo ito, tama ba? Halos sapat na ang napagbahaginan natin tungkol sa mga paksang ito, hindi ba? (Oo.) Kung gayon, dito na nagtatapos ang pagbabahaginan natin ngayon. Paalam!

Hulyo 8, 2023

Sumunod:  Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan (2)

Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos Ukol sa Pagkakilala sa Diyos Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw Paglalantad sa mga Anticristo Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ang Paghatol ay Nagsisimula sa Tahanan ng Diyos Mahahalagang Salita Mula sa Makapangyarihang Diyos, ang Cristo ng mga Huling Araw Araw-araw na mga Salita ng Diyos Ang Mga Katotohanang Realidad na Dapat Pasukin ng mga Mananampalataya sa Diyos Sundan ang Kordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin Mga Gabay para sa Pagpapalaganap ng Ebanghelyo ng Kaharian Naririnig ng mga Tupa ng Diyos ang Tinig ng Diyos Makinig sa Tinig ng Diyos Masdan ang Pagpapakita ng Diyos Mahahalagang Tanong at Sagot tungkol sa Ebanghelyo ng Kaharian Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume I) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume II) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume III) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IV) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume V) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VI) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VIII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IX) Paano Ako Bumalik sa Makapangyarihang Diyos

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito

Connect with us on Messenger