Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan (12)
Anong paksa ang pinagbahaginan natin noong huli? Nagbahaginan tayo tungkol sa ilang partikular na pagpapamalas ng tatlong aspekto—mga likas na kondisyon, pagkatao, at mga tiwaling disposisyon. Tinalakay natin ang mga partikular na pagpapamalas na ito, at sa ganitong paraan ay kinilatis kung sa alin sa tatlong aspekto nabibilang ang mga iyon. Kung makikita ninyo ang mga pagpapamalas na ito na pinagbahaginan natin sa pang-araw-araw na buhay, sa pangkalahatan ay mailalarawan at maikakategorya ninyo ang mga ito—kung nabibilang ba ang mga ito sa mga likas na kondisyon, sa pagkatao, o sa mga tiwaling disposisyon. Para naman sa mga pagpapamalas na hindi napagbahaginan, alam na ba ninyo ngayon kung paano ikategorya ang mga ito ayon sa mga prinsipyong ito o ayon sa diwang ipinapamalas ng mga ito? (Pakiramdam namin ay medyo mas mahusay na kami rito kaysa dati—nagagawa naming magnilay-nilay sa ganitong paraan, pero hindi pa namin lubos na nararating ang punto na kaya nang kumilatis.) Sa pangkalahatan ay nakikilatis ninyo ang mga pagpapamalas na pinagbahaginan natin, pero para naman sa mga hindi napagbahaginan at walang anumang kaugnayan sa mga pagpapamalas na napagbahaginan na dati, hindi ninyo alam kung kaya ninyong kilatisin ang mga ito. (Tama.) Sa ilang nakaraang sermon, nagbahaginan tayo tungkol sa ilang pagpapamalas ng mga hilig, libangan, at mga kalakasan sa loob ng mga likas na kondisyon, pati na rin ang mga isyu tungkol sa mga aspektong ito na naipapamalas sa mga tao. Nagbahaginan din tayo tungkol sa saloobin at sa landas ng pagsasagawa na dapat taglayin ng mga tao tungkol sa mga isyung ito, pati na rin ang mga hinihingi ng Diyos para sa mga taong nagtataglay ng mga hilig, libangan, at kalakasan. Ang pagbabahaginan tungkol dito ay pangunahin para sabihin sa mga tao ang mga kaisipan at pananaw na dapat nilang taglayin—kasama ang landas ng pagsasagawa na dapat nilang maunawaan—tungkol sa mga hilig, libangan, at kalakasan pati na rin ang mga layunin at hinihingi ng Diyos na may kinalaman sa mga aspektong ito na dapat nilang maunawaan. Tungkol sa mga isyu ng mga hilig, libangan, at kalakasan, nagbahaginan lang tayo sa pangkalahatan at hindi tayo partikular na nagbahaginan tungkol sa kung anong mga maling kaisipan at pananaw ang mayroon ang mga tao sa mga bagay na ito, kung anong mga maling landas ng pagsasagawa ang maaari nilang tahakin, o kung anong mga maling pagkaunawa ang mayroon sila tungkol sa mga hinihingi ng Diyos sa bagay na ito. Kaya, pagbahaginan natin ngayon nang detalyado ang mga partikular na isyu na dapat maunawaan ng mga tao tungkol sa mga hilig, libangan, at kalakasan batay sa mga isyung ito na mayroon ang mga tao.
Napansin ba ninyo kung anong mga nakalilinlang na pagkaunawa o mga baluktot na pagkaunawa ang mayroon kayo tungkol sa mga hilig, libangan, at kalakasan? Para sa karamihan ng mga isyu, ang nangyayari ba ay na nauunawaan lang ninyo hanggang sa kung saan Ako nagbabahagi, at pagkatapos, hindi kayo nagbubulay-bulay ni nagkukumpara sa sinabi sa mga bagay sa buhay ninyo, pero pakiramdam ninyo ay nauunawaan ninyo ang lahat at itinuturing ninyong napakasimple ng mga isyu? Una, pag-isipan ninyo ang tanong na ito: May pagkakaiba ba sa pagitan ng mga hilig at libangan, at mga kalakasan? (Mayroon.) Ano ang pagkakaiba? Kung nakikita mo na may pagkakaiba, sa anong paraan magkaiba ang mga ito? (Ang pagkakaroon ng interes at hilig ay nangangahulugan lang na talagang gusto ng isang tao ang isang partikular na bagay, hindi ito agad na nangangahulugang nagtataglay siya ng kalakasam sa larangang iyon.) Sa pangkalahatan ay naipahayag na ang mga pangunahing punto ng pagkakaiba—halos ganoon na nga iyon. Mula sa perspektiba ng pagkatao, ang mga interes at hilig ay tumutukoy sa pagiging interesado ng isang tao sa isang partikular na uri ng espesyal na aktibidad o klase ng bagay, na handa siyang bigyang-pansin o gawin ang mga ito. Ibig sabihin, ang personal niyang kagustuhan ay medyo nakatuon sa mga bagay na interesado siya at maalab ang damdamin niya. Hindi lang siya may bahagyang pagkagusto sa mga propesyonal na kasanayan sa bagay na ito kundi lubha siyang interesado sa mga ito, na lumalampas sa antas ng pagkagusto o alab ng damdamin na maaaring mayroon siya sa mga ordinaryong bagay. Ito ang kahulugan ng mga hilig at libangan. Gayumpaman, tungkol sa uri ng espesyalisadong aktibidad o bagay na interesado siya at maalab ang damdamin niya, batay sa kanyang kakayahan, kung mahusay ba siya rito, kung magagawa ba niya ito nang maayos, at kung hanggang sa anong antas niya ito magagawa—walang alinman dito ang tiyak. Samakatwid, ang mga hilig at libangan ay tumutukoy sa mga bagay na interesado ang mga tao at gusto ng mga ito, mga bagay na handa silang madalas na gawin at handang paglaanan ng oras at lakas para bigyang-pansin at gawin sa pang-araw-araw na buhay. Para naman sa kung gaano nila ito kagaling na magagawa, nakadepende iyon sa kanilang kakayahan at kung mahusay ba sila sa mga ito. Ipagpalagay na ang bagay na ito ay isang bagay na partikular siyang interesado at maalab ang damdamin niya, at kasabay nito, mahusay din siya rito—ibig sabihin, bukod sa pagiging interesado sa bagay na ito at maalab ang damdamin dito, kaya rin niya itong gawin nang napakahusay, makamit ang mga makabuluhang resulta, at magtamo ng malalaking tagumpay. Sa madaling salita, ang kahusayan niya sa hilig at libangan na ito ay nakahihigit sa karaniwang tao, at ang kanyang pagkaunawa, bilis sa pagkatuto, at ang bilis ng kanyang pagkaarok sa mga prinsipyo sa larangang ito ay nakahihigit sa karaniwang tao. Kapag mayroong ganitong mga pagpapamalas, ito ay tinutukoy bilang pagkakaroon ng kalakasan. Maaaring kailanganin ng ibang tao na dumaan sa pormal at pangmatagalang propesyonal na pagsasanay, edukasyon, pagkuha ng kaalaman, at pagsasanay, at tumanggap ng gabay, pamumuno, pagsusuri, istandardisasyon, at payo mula sa mga kaugnay na propesyonal, at iba pang mga katulad na bagay, bago nila magawang mag-isa ang isang bagay nang maayos. Gayumpaman, ang mga taong may mga kalakasan ay karaniwang may isang partikular na antas ng kakayahang umarok sa mga propesyonal na kasanayan kung saan sila mahusay nang hindi dumadaan sa propesyonal na pagsasanay o sistematikong pag-aaral. Nagtataglay sila ng ilang praktikal na pagkaunawa, praktikal na karanasan, o personal na mga tagumpay sa larangang ito. At sa pamamagitan ng propesyonal na pagsasanay, ang kalakasan nila sa larangang ito ay maaaring umabot sa mas mataas pang antas. Sa madaling salita, ang pagkakaroon ng kalakasan ay nangangahulugan ng pagiging lubos na mahusay sa mga bagay na interesado ang isang tao at maalab ang damdamin niya, na nakahihigit sa karaniwang tao. Ano ang ibig sabihin ng pagiging “mahusay”? (Pagkakaroon ng kalakasan sa isang partikular na larangan, pagiging medyo maalam tungkol sa mga bagay na ito, at pangangasiwa sa mga ito nang may kahusayan na hindi pinaghihirapan.) Ang pagiging mahusay sa isang bagay ay hindi lang tungkol sa pagiging maalam dito; sa halip, nangangahulugan ito ng pagkakaroon ng isang pambihirang kakayahan at isang medyo malakas na likas na talento sa larangang ito. Kahit walang mga patnubay mula sa iba, naaarok nila ang mga bagay na hindi kayang arukin ng iba. At kapag sinamahan ng pormal na pagsasanay o pagtuturo mula sa isang kilalang guro, mas magiging mahusay pa sila sa larangang ito. Kapag pinag-uusapan ang pagkakaroon ng kalakasan, nangangahulugan ito na ang isang tao ay partikular na magaling sa isang partikular na hilig o libangan, nang may pambihirang kakayahan sa larangang ito. Ang kanyang abilidad na umarok, ang kanyang pagkaunawa, at ang kanyang abilidad na matuto sa larangang ito ay pawang napakalakas, at napakabilis niyang naaarok ito. Kapansin-pansin siyang mahusay sa larangang ito kumpara sa karaniwang tao. Ito ang ibig sabihin ng pagkakaroon ng kalakasan.
Ngayong nauunawaan na ninyo kung ano ang mga kalakasan, pag-usapan naman natin ang mga hilig at libangan. Ano ang pagkakaiba sa pagitan ng mga hilig at libangan, at ng mga kalakasan? Pareho ba ang mga hilig at libangan sa mga kalakasan? (Hindi magkapareho ang mga ito.) Bakit hindi pareho ang mga hilig at libangan sa mga kalakasan? (Dahil ang pagiging interesado sa isang bagay ay hindi agad na nangangahulugang magagawa ito nang maayos, ni nangangahulugang mahusay rito; bukod pa rito, hindi rin ito nangangahulugang mauunawaan ng isang tao ang bagay na iyon nang napakabilis.) Ang pagkakaroon ng mga hilig at libanganay nangangahulugang gusto mo ang isang partikular na kategorya ng mga bagay, pero kung ito ba ay ang kalakasan mo ay nakadepende sa iyong abilidad na umarok, sa iyong abilidad na matuto, at sa iyong kakayahang umarok sa larangang ito, pati na rin sa iyong likas na kakayahan sa larangang ito, at kung likas kang mahusay rito. Kung mahusay ka rito, kung gayon ay talento mo ito. Kung hindi ka mahusay rito at isa lang itong personal na kagustuhan—isang larangan na interesado ka—pero mahina ang iyong kakayahan, at kulang ang iyong likas na kakayahan, na nangangahulugang mababa ang iyong abilidad na umarok tungkol sa hilig at libangan mong ito, hindi ka talaga mahusay rito, ginagawa mo ito nang walang ingat, walang kahusayan at walang nakakamit na mga resulta sa larangang ito, kung gayon ang larangang ito ay hindi ang kalakasan mo—nananatili lang ito sa antas ng isang hilig at libangan para sa iyo. Bakit ito ay hilig at libangan mo lang at hindi ang talento mo? Dahil hindi ka mahusay rito. Halimbawa, sinasabi ng ilang tao, “Gustong-gusto ko talagang kumanta.” Gaano nila ito kagusto? Mula sa sandaling imulat nila ang kanilang mga mata sa umaga, nagpapatugtog sila ng mga sikat na kanta; nakikinig sila sa lahat ng uri ng kanta, kabilang ang mga kantang banyaga at mga opera mula sa Kanluran at Tsina—anumang maituturing na musika, gustong-gusto nilang pakinggan. Gusto rin nilang kumanta, pero may isang malaking problema—sila ay likas na sintunado o sadyang walang talento sa larangang ito. Mayroon ding mga tao na, kahit pagkatapos mag-aral kumanta sa loob ng ilang taon, ay hindi pa rin mahanap ang mga tamang pamamaraan. Hindi nila alam kung paano kumanta sa pinakakaaya-ayang paraan, kung paano gawing nakaaantig ang kanilang pagkanta, o kung paano makamit ang magagandang resulta sa pamamagitan ng kanilang pagkanta. Bagama’t gustong-gusto na nila ang pagkanta mula pagkabata, at isa ito sa kanilang mga hilig at libangan, dahil sa mga limitasyon ng kanilang mga likas na kondisyon, ang kanilang hilig at libangan ay maaari lang manatili sa antas ng isang hilig at libangan—hindi ito kalakasan. Halimbawa, kapag ang isang taong mahusay sa pagkanta ay nag-aaral ng isang himno, kaya niyang kantahin ang pangunahing himig pagkatapos lang itong kantahin nang mga tatlong beses. At pagkatapos ng apat o limang beses, halos kaya na niyang kantahin ang buong kanta. Gayumpaman, iyong mga nasisiyahang makinig sa mga kanta pero hindi mahusay sa pagkanta ay maaaring hindi pa rin matandaan ang pangkalahatang melodiya pagkatapos makinig nang tatlong beses. Kahit pagkatapos ng limang beses, maaaring hindi pa rin nila ito kayang kantahin at palaging kailangang tumingin sa mga liriko o sa sheet music. Pagdating sa aktuwal na pagkanta, hindi nila makuha ang damdamin ng kanta o mahanap ang tamang puwesto ng boses. Hindi rin nila matandaan ang mga liriko, at kung minsan, wala pa nga sila sa tono. Dagdag pa rito, kapag kumakanta ng mga medyo madamdaming kanta, hindi nila kailanman makontrol nang maayos ang pagpapahayag ng mga damdamin. Sinasabi ng iba na hindi kaaya-ayang pakinggan at hindi nakakasiya ang kanilang pagkanta, pero hindi sila nasisiraan ng loob o sumusuko—nagpupursigi pa rin sila sa pag-aaral at pagkanta. Siyempre, ang pagkanta ay isang personal na kalayaan at isang personal na karapatan; walang sinumang naghihigpit sa kanila. Gayumpaman, ang pinagbabahaginan natin ngayon ay ang pagkakaiba sa pagitan ng mga hilig at libangan, at ng mga kalakasan. Batay sa mga pagpapamalas na ito, ang kanilang hilig at libangan ay hindi isang bagay na mahusay sila. Kaya bakit kailangan nating pagbahaginan nang malinaw ang tungkol sa usaping ito? Para matulungan ang mga taong maunawaan na ang kanilang mga hilig at libangan ay hindi kapareho ng kanilang mga kalakasan. Kung, batay sa lahat ng aspekto ng iyong mga likas na kondisyon, hindi ka mahusay sa isang partikular na larangan, kung gayon kahit na ito ay hilig at libangan mo, itinatakda ng mga limitasyon ng iyong mga likas na kondisyon na ang hilig at libangan mo ay hindi ang kalakasan mo. Bagama’t gustong-gusto mo ito, hanggang sa punto na minamahal mo ito na parang sarili mo nang buhay, sa kasamaang-palad, hindi ka takaga mahusay sa bagay na ito. Halimbawa, gustong-gusto ng ilang tao ang pagsasayaw. Sa tuwing nakakarinig sila ng musika, nagsisimulang gumalaw ang kanilang mga katawan kasabay ng kumpas at melodiya, at labis silang nasisiyahan habang gumagalaw. Gayumpaman, hindi maganda ang kanilang likas na hitsura, hindi sila gaanong matangkad, hindi partikular na mahahaba ang kanilang mga braso at binti, at hindi partikular na elegante ang kanilang pangangatawan. Sa kabuuan, hindi gaanong kaaya-ayang tingnan ang kanilang pagsasayaw. Pero gustong-gusto lang talaga nila ang pagsasayaw, at kung minsan, sa mga pampublikong lugar o sa tabi ng daan, sumasayaw sila nang may ganap na pagpapalayaw sa sarili. Sa tingin ng mga dumaraan ay katawa-tawa ito, pero sumasayaw sila na para bang walang ibang tao sa paligid, walang anumang pakialam kung ano ang tingin sa kanila ng iba, na para bang wala silang anumang kamalayan. Nahuhumaling sila rito sa ganitong antas. Bagama’t pakiramdam nila ay napakahusay nilang sumayaw, sa aktuwal, hindi sila mahusay rito. Hindi nila kayang maarok ang diwa ng pagsasayaw, ni hindi nila alam kung aling mga galaw ang angkop, aling mga galaw ang kaaya-aya, at aling mga galaw ang mas kayang magpahayag ng iba’t ibang uri ng damdamin ng tao. Ibig sabihin, hindi talaga nila nauunawaan ang maraming aspektong may kaugnayan sa sayaw. Kahit na may gabay ng isang propesyonal na guro at pagsasanay mula sa isang propesyonal na paaralan, batay sa sarili nilang likas na kakayahan, hindi sila mahusay rito at hindi nila kayang maarok ang diwa nito. Samakatwid, kung isasaalang-alang ang lahat ng aspekto ng kanilang mga likas na kondisyon, ang pagsasayaw, na gusto nila, ay hindi isang bagay na mahusay sila. Kahit na gustong-gusto nila ito at labis silang nahuhumaling dito, madalas na hinahangaan ang sarili nilang galaw at dating kapag sumasayaw sa harap ng kamera o salamin, kung titingnan natin ang aktuwal na sitwasyon, hindi sila mahusay sa pagsasayaw. Sa madaling salita, ang pagsasayaw ay hilig at libangan lang nila, hindi nila kalakasan.
Talagang gustong-gusto ng ilang tao ang literatura. Gusto nilang sumulat ng mga artikulo at bumigkas at lumikha ng mga tula, gusto nila ang mga talakayan sa literatura, at gusto rin nilang magbasa ng mga nobela at iba’t ibang akdang pampanitikan, banyaga man o lokal, moderno at klasiko—gusto nila ang lahat ng akdang ito. Gusto nila ang iba’t ibang terminong bokabularyo at mga estilong lingguwistiko na ginagamit ng mga may-akda sa kanilang mga akdang pampanitikan, at gusto rin nila ang iba’t ibang ideya na ipinapahayag ng mga may-akda sa kanilang mga akda. Ito ba ang kanilang hilig at libangan? (Oo.) Napakalinaw na ito ang kanilang hilig at libangan. Kung ano ang gusto ng isang tao, kung ano ang interes ng kanyang puso at isipan, ay likas—hindi ito isang bagay na natututuhan nila kalaunan sa buhay, at lalong hindi ito isang bagay na nilinang ng kanilang mga magulang o pamilya. Ang ilang tao ay mahilig sa literatura at nakabasa na ng maraming akdang pampanitikan. Ang ilan ay sistematikong nag-aral ng literatura sa unibersidad. Ang ilan ay nagtrabaho pa nga bilang mga propesyonal na propesor sa literatura, o nakibahagi sa mga gawain at karerang may kaugnayan sa literatura, at matagal na panahon pa ngang ginawa ang mga karerang ito; ginugol nila ang kalakhan ng kanilang buhay sa pagharap sa mga bagay na may kaugnayan sa kanilang hilig at libangan; halos bawat araw ng kanilang buhay ay may kinalaman sa literatura, na interesado sila at maalab ang damdamin nila. Pero nangangahulugan ba ito na ang kanilang hilig at libangan ay tunay nilang kalakasan? Hindi naman—kailangan mong tingnan kung nagtataglay ba sila ng kaalaman o mga kaisipan at pananaw sa literatura na nakahihigit o naiiba sa mga karaniwang tao. Kung ang naarok at naunawaan nila sa literatura ay iyon lang natutuhan nila mula sa mga aklat o binubuo lang ng kumbensiyonal na karaniwang kaalaman na kayang matutuhan at maarok ng sinuman, kung gayon ay hindi ito maituturing na kalakasan. Halimbawa, kung hihilingin mo sa kanilang sumulat ng isang artikulo, walang mga pagkakamali sa gramatika, tama ang paggamit ng bantas, maayos ang estruktura ng mga talata, at maganda ang pangkalahatang estruktura ng artikulo. Mayroon pa ngang maraming mabulaklak na pananalita na ginamit sa buong artikulo. Gayumpaman, may isang isyu—pagdating sa pagpapahayag ng isang partikular na bagay, isang partikular na pananaw, o isang partikular na takbo ng kuwento, wala silang natatanging paraan ng pagpapahayag, ni wala silang partikular na mga masining o matatalinong pamamaraan ng pagpapahayag. Wala ang mga katangiang ito sa lahat ng kanilang mga akdang pampanitikan. Ibig sabihin, ang kanilang mga artikulo ay mukhang maayos ang estruktura at napakapropesyonal, na may maingat na piniling mga salita, ngunit kulang ang mga ito sa natatanging paraan ng pagpapahayag ng mga kaisipan at pananaw, mga penomenon, o mga takbo ng kuwento na dapat taglayin ng isang mahusay na manunulat. Karamihan sa kanilang mga artikulo ay pangkaraniwan lang. Ang kanilang estruktura at paraan ng pagpapahayag ng mga ideya ay partikular na matigas, di-nababago, at dogmatiko; hindi sila makabago ni natatangi, kulang sa karunungan at katalinuhan, at tiyak na hindi maituturing na elegante. Ano ang ipinapahiwatig ng penomenong ito? (Hindi sila mahusay sa pagsusulat at wala silang kakayahan para dito.) Hindi sila mahusay sa pagsusulat at hindi nila kayang buuin nang may pag-angkop ang mga kuwento batay sa pinangyarihan ng mga kaganapan o sa prototipo ng gayong mga kuwento. Sa huli, kapag binabasa ng mga tao ang kanilang mga artikulo at akdang pampanitikan, lahat ng ito ay nakakabagot at paulit-ulit, sumusunod sa iisang pormula. Bakit natin sinasabing nakakabagot at paulit-ulit ang mga ito? Sa kabuuan, ang kanilang mga artikulo ay mukhang maayos ang estruktura, nakaayon sa pamantayan, at propesyonal; pagdating sa mga teknikal na aspekto, kakaunti ang mapupuna ng karaniwang tao—maging ang estruktura, sa pangkalahatan, ay palaging pareho. Bagama’t kaya nilang matutuhan ang iba’t ibang anyo ng mga akdang pampanitikan, kabilang ang mga banyagang tula, sanaysay, at pasalaysay na pagsulat, hindi nila kailanman kayang iangkop o ilapat ang mga ito sa sarili nilang nilikhang literatura. Ito ay dahil ang antas ng kanilang kasanayan at kahusayan sa literatura ay palaging mananatili sa antas ng mga hilig at libangan, hindi kailanman aabot sa antas ng kalakasan. Posibleng mayroon silang malawak na kaalaman sa literatura, ngunit wala talaga silang anumang kahusayan sa literatura. Sa madaling salita, wala talaga silang anumang inobasyon sa literatura, imposibleng makagawa sila ng anumang mga akdang kumakatawan sa kanila, at kulang sila sa mga natatanging kaisipan at pananaw at sa natatanging paraan ng pagpapahayag. Pinatutunayan nito na ang literatura ay hindi nila kalakasan. Nagtataglay sila ng kaalaman at karaniwang kabatiran tungkol sa literatura dahil lang ang larangang ito ay kanilang hilig at libangan, ngunit wala silang kalakasan sa literatura. Nakikita mo, maraming tao ang nagbabasa ng mga aklat, kabilang ang iba’t ibang akdang pampanitikan; marami ang nagsasabing sila ay mahilig sa literatura o mga manlilikha ng panitikan, ngunit sa mga nakikibahagi sa paglikha ng panitikan, ilan ba ang tunay na may sariling mga akda? Ilan ba ang nakapagsulat ng mga akdang pampanitikan na kayang makatagal sa pagsubok ng panahon at maging mga klasiko? Napakakaunti, hindi ba? Karamihan sa mga taong ito ay may kaunting likas na interes at maalab na damdamin sa literatura, at kalaunan, natututo sila, nagsasanay, at nagsasagawa sa mga propesyonal na paaralan, at nagkakataong gumagawa ng gawaing may kaugnayan sa literatura. Bagama’t nakikibahagi sila sa gawaing may kaugnayan sa literatura, na maaaring tila nagpapahiwatig na ang hilig at libangang ito ay makakasama nila sa buong buhay nila, kung gaano karaming natapos na akda ang nagagawa nila, gaano karaming kontribusyon ang naiaambag nila, at gaano karaming orihinal na likha ang mayroon sila sa panahon ng kanilang pagtatrabaho sa larangang iyon ay nakadepende sa kung nagtataglay ba sila ng kalakasan sa literatura. Maraming tao ang nakikibahagi sa isang propesyon na gusto nila at maalab ang damdamin nila, at nakakakuha sila mula rito ng isang kabuhayan o ilang partikular na benepisyo, ngunit hindi sila nagkakamit ng magagandang resulta sa propesyong ito. Sapat na ito para patunayan na ang propesyon na gusto nila at maalab ang damdamin nila ay hindi nila kalakasan. Sa kabilang banda, ang ilang tao, sa kabila ng hindi pakikibahagi sa isang propesyon na may kaugnayan sa kanilang mga hilig at libangan, ay nakakagawa ng mga tunay na tagumpay dahil ito ang kanilang kalakasan. Halimbawa, mayroong mga imbentor, iyong mga nakagawa ng mga pambihirang kontribusyon sa iba’t ibang larangan, iyong mga nagpasimuno ng sarili nilang mga natatanging estilo sa iba’t ibang larangan, at mga nangungunang personalidad sa iba’t ibang larangan, at iba pa. Kaya, kung isasaalang-alang ang mga sitwasyong ito, ang pagkakaroon ng mga hilig at libangan ay hindi nangangahulugang pagkakaroon ng kalakasan sa mga larangang iyon. Gayumpaman, hindi kayang kilatisin ng ilang tao ang ugnayan sa pagitan ng mga hilig at libangan, at ng mga kalakasan. Iniisip nila na ang kanilang mga hilig st libangan ay ang kanilang mga kalakasan, ngunit pagkatapos makibahagi sa isang larangan na interesado sila at maalab ang damdamin nila sa loob ng maraming taon, wala talaga silang nakakamit na anumang resulta. Pagkatapos magkaroon ng kalinawan sa mga bagay na ito, paano dapat tratuhin ng mga tao ang kanilang mga hilig at libangan, at ang kanilang mga kalakasan? Napakasimple nito—dapat nilatratuhin nang tama ang mga ito. Kung kailangan ka ng sambahayan ng Diyos na gampanan ang isang tungkulin sa isang partikular na larangan na kinasasangkutan ng propesyonal na kaalaman, mga kasanayan, o mga talento na may kaugnayan sa iyong mga hilig at libangan, kung gayon dapat mo itong tratuhin ayon sa mga prinsipyo ng paggampan ng tungkulin—hindi ito tinatanggihan ni naglilitanya ng mga ideyang magaganda lang pakinggan o nagiging padalos-dalos. Kung ito ay isang bagay na hindi ka mahusay, isang bagay na higit sa iyong abilidad na hindi mo kayang gawin, kung gayon ay huwag maging negatibo o magreklamo tungkol sa Diyos; dapat mo itong tratuhin nang tama. Ano ang ibig sabihin ng tratuhin ito nang tama? Nangangahulugan ito na kung pakiramdam mo ay natatangi ang iyong mga hilig at libangan sa larangang ito, ngunit kapag isinasagawa ang gawaing may kaugnayan dito, hindi mo kailanman matugunan ang mga hinihingi ng sambahayan ng Diyos, ni hindi mo kailanman maaabot ang mga prinsipyong hinihingi ng sambahayan ng Diyos, kung gayon, dapat mong makamit ang anumang kaya mong makamit. Hindi kailanman pinipilit ng Diyos ang isda na mamuhay sa lupa o na ang mga baboy ay lumipad. Alam ng Diyos kung gaano karami ang kaya mong makamit at kung gaano kabigat ang kaya mong pasanin. Kapag mas marami na ang iyong karanasan, malalaman mo rin. Batay sa mga aktuwal na sitwasyon at sa iyong mga likas na kondisyon, kamtin mo ang lahat ng kaya mong makamit—huwag mong pahirapan ang iyong sarili. Kung kaya mo, huwag kang magpigil; kung hindi mo kaya, huwag maging negatibo o pilitin ang sarili mo nang higit sa iyong abilidad—tratuhin mo ito nang tama.
Nananampalataya na kayo sa Diyos sa loob ng napakaraming taon, at karamihan sa inyo ay gumagampan na ng inyong tungkulin nang mahigit sa tatlong taon—hindi lang isa o dalawang taon na gumagampan kayo ng isang partikular na tungkulin sa sambahayan ng Diyos. Kung gayon, patungkol sa tungkuling ginagampanan mo o sa partikular na propesyonal na gawaing isinasakatuparan mo, malinaw ba sa puso mo kung gaano kalaki ang kaya mong makamit at kung anong antas ang kaya mong maabot, at kung gaano kalaki ang kaya mong maipamalas at hanggang sa anong antas? (Oo.) Sa pangkalahatan, malinaw sa iyo ang lahat ng ito. Ang ilang tao ay hindi pa nagiging bihasa sa isang partikular na tungkulin dahil kakaunti pa lang ang kanilang pagsasanay. Gayumpaman, ang iba ay ginagawa na ang gawaing ito sa loob ng maraming taon at malaki na ang naisagawa nilang pagsasanay ngunit hindi pa rin nila makamit ang mga prinsipyong hinihingi ng sambahayan ng Diyos. Hindi sila masyadong mahusay sa larangang ito. Bagama’t gustong-gusto nila at maalab ang damdamin nila sa pagganap sa tungkuling ito at nakakaramdam sila ng karangalan at kaligayahan sa paggawa nito, sadyang hindi sila mahusay rito. Anuman ang mga hinihingi ng sambahayan ng Diyos, sadyang hindi nila kayang tugunan ang mga iyon. Hindi sa sila ay mapaghimagsik at masuwayin, ni hindi sa hindi nila ginagampanan ang kanilang bahagi; sa halip, hindi ito kayang makamit ng kanilang mga likas na kondisyon at may mga limitasyon ang mga ito. Kung gayon, ano ang dapat gawin? Hayaan na lang ang natural na takbo ng mga pangyayari—huwag maging negatibo, huwag manghina, at huwag magreklamo o makaramdam na hindi ito patas sa iyong puso. Sinasabi ng ilang tao, “Gusto kong sumayaw, pero ipinanganak akong hindi magaling sumayaw at hindi ako kaakit-akit. Gusto kong gampanan ang tungkulin ng pagsasayaw pero hindi ko ito magawa. Kung gayon, ano ang dapat kong gawin? Gustong-gusto ko talagang sumayaw.” Ang pagnanais mong sumayaw ay iyong personal na pagnanais at iyong kagustuhan, ngunit kailangan bang tugunan ng Diyos ang iyong mga kagustuhan? Hindi Niya kailangang gawin iyon. Ang sambahayan ng Diyos ay may mga prinsipyong hinihingi nito at may mga tuntunin ito. Ang pagpili kung sino ang gagawa ng aling gawain ay nakabatay sa mga prinsipyo. Hindi mo maaaring pilit na hilingin, batay sa iyong personal na pagnanais, personal na kagustuhan, o personal na lagay ng loob, na tugunan ka ng sambahayan ng Diyos—hindi ito angkop. Kung hindi ka angkop na gampanan ang tungkulin sa larangang ito, kung gayon, sa iyong puso, tahimik na maghangad ka ng mga pagpapala para sa mga kayang gampanan ang isang tungkulin sa larangang ito. Gawin mo lang ang anumang makakaya mo, o maaari kang maging isang hindi kilalang manggagawa sa likod ng entablado—tumutulong sa paggabay at pagsusuri, tumutulong sa mga ensayo o sa post-production na pag-eedit ng mga video ng sayaw, tumutulong sa paghahanap ng iba’t ibang materyales, o tumutulong sa paghahanap sa katotohanan. Maraming gawain na maaaring gawin sa iba’t ibang larangan, at malawak ang saklaw ng gawaing may kaugnayan sa iyong mga hilig at libangan. Hindi nangangahulugang kailangan na ikaw ang nasa harap ng kamera—maaari ka ring gumanap ng gawain sa likod ng entablado nang part-time. Paggampan din ito sa iyong tungkulin. Sa paraang ito, pareho mong natutugunan ang iyong mga personal na hangarin at natutugunan ang prinsipyo at pamantayan ng pagbibigay-kasiyahan sa Diyos sa pamamagitan ng pagganap sa tungkulin—napakaganda niyan! Hindi ba’t para kang nakapukol ng dalawang ibon gamit ang iisa g bato? (Oo.) Dahil hindi ka binigyan ng Diyos ng mga kalakasan sa larangang ito bilang bahagi ng iyong mga likas na kondisyon, kung gayon ay wala kang pagpipilian. Hindi ka maaaring magreklamo, magmaktol, o magkimkim ng sama ng loob dahil lang sa likas kang nagkukulang sa larangang ito at hindi mo matugunan ang pamantayan ng pagpili ng talento sa larangang ito ng sambahayan ng Diyos, at pagkatapos ay ayaw mo nang gampanan ang isang tungkulin sa larangang ito, tumatangging gawin ito kahit na hinihingi ito sa iyo ng sambahayan ng Diyos—hindi ito angkop. Hindi ito ang tamang saloobin sa pagganap ng tungkulin. Anuman ang kaya mong gawin, gawin mo lang ito. Hindi mo maaaring tanggihang gawin ito, tumatangging gawin ito kahit na hinihingi ito sa iyo ng sambahayan ng Diyos, dahil lang sa hindi ka angkop dito o hindi ka mahusay rito. Sa paggawa nito, hindi mo ginagampanan ang iyong tungkulin—tinutugunan mo ang mga personal na pagnanais at isinasakatuparan ang sarili mong usapin. Hindi mo ginagampanan ang tungkulin nang may saloobin ng pagpapasakop sa Diyos, ni nang may saloobin ng sinseridad at katapatan sa Diyos. Hindi ito angkop. Ito ay isang bagay na dapat maunawaan ng mga tao. Sa isang banda, unawain nang tama ang mga hilig, mga libangan, at mga kalakasan; bukod pa rito, tratuhin nang tama ang mga hilig, mga libangan, at mga kalakasan.
May ilang taong mahilig magsulat ng mga artikulo at makibahagi sa gawaing may kaugnayan sa panitikan. Palagi nilang gustong magrebisa at magwasto ng mga artikulo, na humarap sa mga artikulo araw-araw. Gayumpaman, sa iba’t ibang kadahilanan—kapwa subhetibo at obhetibo—hindi sila angkop para sa gawaing ito. Sa isang banda, kulang sila sa pundasyong kaalaman sa larangan ng panitikan; sa kabilang banda, medyo mahina ang kanilang kakayahan, at hindi sila nagtataglay ng abilidad na umarok. Samakatwid, kahit na maalab ang damdamin nila sa panitikan at nagsasanay sila sa loob ng ilang taon, hindi pa rin nila maabot ang pamantayan ng pagkakaroon ng kakayahang magsulat. Gayumpaman, hinihingi ng sambahayan ng Diyos na magtaglay ang mga tao ng kahit man lang isang pangunahing kakayahan para makibahagi sa gawaing nakabatay sa teksto. Kung hindi angkop ang kanilang kakayahan para sa paggawa ng gawaing nakabatay sa teksto, at kahit na ang kanilang pagrerebisa at pagwawasto ng mga artikulo ay hindi nakakatugon sa pamantayan, kung gayon ay maaari lang silang pumili ng ibang tungkulin. Maaaring halos angkop lang sila para sa paggawa ng ilang pangkalahatang gawain o pagkolekta ng ilang materyales. Sa madaling salita, ang gawaing nakabatay sa teksto na gusto nila sa kanilang puso ay isang bagay na hindi nila kayang gawin—kahit na hindi sila tinanggal sa paggawa ng gawaing nakabatay sa teksto, magiging pampainit lang sila ng upuan at walang makukuhang aktuwal na mga resulta. Paano dapat maarok ng mga tao ang gayong usapin sa dalisay na paraan? (Dapat silang matutong magpasakop sa mga pagsasaayos ng sambahayan ng Diyos at maging makatwiran.) Ito ang pangkalahatang direksyon—paano dapat magsagawa ang mga tao sa partikular na paraan? Kung ito ay isang taong may tendensiyang mambaluktot, sasabihin niya, “Sinasabi ng lahat na ang mga hilig at libangan ay ibinibigay ng Diyos, na ang mga ito ay mga likas na kondisyon. Dahil ibinigay sa akin ng Diyos ang hilig at libangan na ito, kung gayon ay tiyak na itinakda ako ng Diyos na makibahagi sa gawaing may kaugnayan dito. Dahil ito ay inorden ng Diyos, kung gayon sa sambahayan ng Diyos, ang gawaing may kaugnayan sa hilig at libangan na ito ay dapat ibigay sa akin—dapat akong magkaroon ng bahagi rito. Kung hindi ako inuutusang gawin ang gawaing ito, kung gayon ay problema ito sa mga tao—nangangahulugan itong minamaliit ako ng mga tao, nangangahulugan itong hindi marunong sumuri ng tao ang mga lider at manggagawa. Narito ako, isang taong may talento, ngunit walang nakakakilatis sa aking galing! Gustong-gusto ko ang panitikan, at talagang mahusay ako rito—napakadali lang para sa akin ang pagrerebisa ng mga artikulo. Ang ipadala ako para mangaral ng ebanghelyo o gumawa ng manwal na gawain—hindi ba’t paggamit iyon ng kanyon para pumatay ng langgam? Hindi ba’t pagsasayang iyon ng isang indibidwal na may talento? Hindi ba’t tulad iyon ng pagbabaon ng ginto sa lupa? Wala akong magagawa—kapag nasa ilalim ka ng mababang bubong, wala kang pagpipilian kundi ang yumuko! Ngunit mayroong kasabihan: Sa kalaunan, ang tunay na ginto ay nakatadhanang kuminang. Maghintay lang—marahil ito ay pagpipino sa akin ng Diyos, pagsubok sa akin. Isang araw, tiyak na makikibahagi ako sa gawaing inorden ng Diyos para sa akin, ang gawaing may kaugnayan sa aking interes. Ang mabubuting bagay ay sulit hintayin. Kapag natiwalag na kayong lahat, iyon na ang panahon ko para magniningning—iyon na ang pagkakataon kong magamit ang aking mga kasanayan! Gaya ng sinasabi sa mga kasabihan, ‘Hindi pa huli ang lahat para sa isang ginoo na maghiganti,’ at ‘Habang may buhay, may pag-asa.’” Ano ang tingin ninyo sa mga pananaw na ito? Mali ang mga ito, hindi ba? Ang gayong mga tao ay talagang nag-iilusyon at gumagawa pa nga ng mga pangmatagalang plano, ngunit kung mayroon ba talaga silang tunay na abilidad ay hindi alam. Nakakaramdam pa nga ng pagkaagrabyado ang ilang tao, sinasabing, “Ako ay isang manunulat na may likas na talento, ngunit ipinadala ako para gumawa ng manwal na trabaho, nababalot ng putik buong araw. At kanino ako maaaring umapela tungkol dito? Wala akong magagawa—ganito ito pinamatnugutan ng Diyos. Anong pagpipilian ang mayroon ako?” Sa katunayan, nasubukan na sila ng pangkat ng mga tagasuri ng teksto, at hindi sapat ang kanilang kakayahan sa pagsusulat. Wala silang pundasyon sa panitikan, ni hindi nga sila gumagamit ng tamang bantas. Saanman dapat putulin ang isang pangungusap o saanman dapat huminto, gumagamit sila ng kuwit. Gayumpaman, itinuturing pa rin nila ang kanilang sarili na isang henyo sa panitikan, naniniwalang ang paggawa ng pisikal na trabaho ay isang pagsasayang ng talento. Puno ng hinanakit ang kanilang puso: “Ipinanganak akong may pagmamahal sa panitikan. Noong bata pa ako, mahilig akong magbasa ng mga aklat-pambata. Habang lumalaki ako, nahilig akong magbasa ng mga akda ng mga sikat na tao. Nakabasa na ako ng maraming klasikong panitikan kapwa mula sa mga lokal at dayuhang may-akda; nakabasa na ako ng maraming akda mula sa lahat ng genre, kabilang ang mga dula, tuluyan, tula. Ang paggawa ng gawaing nakabatay sa teksto ay walang kahirap-hirap para sa akin; ang pagsulat ng isang artikulo ay maning-mani lang para sa akin. Pero tingnan mo ako ngayon—nauwi ako sa paggawa ng marumi at nakakapagod na gawain. Ang pagmamahal ko sa panitikan, na kasama ko na sa kalahati ng aking buhay, ay ipinagkait sa sambahayan ng Diyos. Ang lahat ng kaalamang naipon ko sa buong buhay ko ay hindi nagamit sa sambahayan ng Diyos—natapos na ang aking karera sa panitikan! Dati, iniisip ko na ang sambahayan ng Diyos ay isang lugar kung saan ang katotohanan ang may kapangyarihan, kung saan ang pagiging patas at matuwid ang may kapangyarihan. Ang isang tulad ko—isang dakilang talento, isang taong mahilig sa panitikan—ay binalewala at minaliit sa mundo, nang walang pagkakataong magamit ang aking mga kasanayan. Inakala ko na sa sambahayan ng Diyos, magagamit ko ang natitira kong lakas. Puno ng kasiglahan, nagpalista ako para sa pangkat ng mga tagasuri ng teksto, para lang malaman na hindi ako napili. Tingnan mo lang ako—nakatayo rito ngayon, sino ang makapagsasabi na ako ay mahilig sa panitikan, isang taong may talento sa panitikan? Ang lahat ng aking angking galing sa panitikan ay nawala na dahil sa marumi at nakakapagod na trabahong ito. Ngayon, ang tanging lumalabas sa aking bibig ay magagaspang at mga bargas na salita.” Lubos silang nakakaramdam ng pagkaagrabyado sa kanilang puso. Bagama’t sinasabi nila nang malakas na nagpapasakop sila sa pamamatnugot ng Diyos at gagawin ang anumang ipagawa sa kanila ng sambahayan ng Diyos, sa kanilang puso, mayroon silang maling pagtatasa sa sarili, napagkamalan nilang mga kalakasan ang kanilang mga hilig at libangan, bilang isang bagay na angkop para gamitin ng Diyos, hindi nila natagpuan ang kanilang lugar, hindi nila nakilala ang kanilang aktuwal na sitwasyon, hindi nila alam ang kanilang sariling sukat, at hindi nila alam kung ang kanilang mga hilig at libangan ba ay talagang kung saan sila mahusay—hindi malinaw sa kanila at ignorante sila tungkol sa lahat ng ito, ngunit sinasabi pa rin nila na isa silang taong may talento sa panitikan, kulang na lang na tawagin ang kanilang sarili na isang dalubhasa sa panitikan. Ano ang panghuling resulta nito? (Puno sila ng mga reklamo tungkol sa mga pagsasaayos ng iglesia, at sa kanilang puso, ayaw nilang magpasakop.) Patuloy silang nakakaramdam ng pagkaagrabyadosa kanilang puso. Bagama’t kapag ginagampanan ang kanilang tungkulin ay hindi sila nagpapabaya at kaya nilang magsikap nang husto—halos nagpapasakop lang—dahil sa kanilang maling pagtatasa sa sarili, nakakaramdam sila ng pagkaagrabyado. Isang kaisipan ang madalas na sumasagi sa kanilang isipan: “Maraming matutuling kabayo sa mundo, ngunit iilan lang ang mahusay kumilatis sa mga ito.” Anong matutuling kabayo? Anong mahuhusay na tagakilatis ng kabayo? Dahil mayroon silang kaunting interes at alab ng damdamin para sa isang partikular na larangan, at kalaunan ay sistematikong pinag-aaralan ito, iniisip nila na sila ay walang kapantay, iniisip ang kanilang sarili bilang “matutuling kabayo,” naniniwalang sila ay may talento. Hindi ba’t ito ay ganap na kawalan ng kamalayan sa sarili? Naniniwala lang sila na ang mga hilig at libangan ay ibinibigay ng Diyos, ngunit nabibigo silang kilalanin kung anong kakayahan ang ibinigay sa kanila ng Diyos. Hindi malinaw sa kanila kung sila ba ay talagang mahusay sa mga bagay na interesado sila at maalab ang damdamin nila, at kung kaya ba talaga nilang gawin nang maayos ang gawain at tungkuling may kaugnayan sa kanilang mga hilig at libangan, kung sila ba ay may kakayahan sa mga ito, at kung kaya ba nilang pasanin ang mga ito. Hindi malinaw sa kanila ang tungkol dito at hindi nila ito alam. Hindi ba’t napakaproblematiko nito? (Oo.) Dahil hindi nila makilala o mahanap ang kanilang lugar, nakakaramdam sila ng matinding pagkaagrabyado. Ano ang ipinapakita nila sa panlabas? Madalas silang bumubuntong-hininga nang malalim at madalas na ipinapahayag ang kanilang determinasyon sa harap ng Diyos, umaasang isang araw ay lilikha ang Diyos ng isang pagkakataon para sa kanila, bibigyang-lunas ang kanilang mga hinaing, itataguyod ang katarungan para sa kanila, at pahihintulutan silang tuparin ang kanilang nais na gampanan ang isang tungkuling may kaugnayan sa kanilang mga hilig at libangan. Tingnan ninyo ang kantang madalas nilang kantahin: “Hindi ko iniisip ang landas sa harapan.” Ano ang kasunod na linya? (“Ang tanging tungkulin na obligasyon ko ay sundin ang kalooban ng Diyos.”) Para sa mga tunay na may ganitong tayog, na tunay na may ganitong realidad, at tunay na kayang sundin ang kalooban ng Diyos, ang pagkanta sa kantang ito ay angkop na angkop—ito ay eksaktong nararapat. Ngunit kapag kinakanta ng ganitong uri ng tao ang kantang ito, ano ang kanilang kalagayang emosyonal? Sa anong sitwasyon nila ito kinakanta? (Kapag sila ay nagrereklamo at nakakaramdam ng pagkaagrabyado.) Kaya kapag kumakanta sila, hindi ba’t puno ng hinanakit ang kanilang kinakanta? (Oo.) Ang kinakanta nila ay puno ng mga reklamo, pagtutol, at kawalang-kasiyahan—ito ay walang iba kundi kalungkutan at hinanakit. Kapag naririnig mo silang kumakanta ng kantang ito, iyon ang panahon na sila ay pinakanalulumbay. Mayroong isang kasabihan sa Tsina—ano ba iyon? “Ipinapahayag ng mga lalaki ang kalungkutan sa pamamagitan ng pag-awit, ipinapahayag ng mga babae ang kalungkutan sa pamamagitan ng pag-iyak, at ipinapahayag ng matatandang lola ang kalungkutan sa pamamagitan ng paghihimutok.” Nakikita mo, ipinapahayag ng iba’t ibang uri ng tao ang kanilang kalungkutan sa iba’t ibang paraan. Ang ilang babae, kapag nahaharap sa ganitong uri ng sitwasyon, ay umiiyak na lang, palaging pinupunasan ang kanilang mga luha nang palihim. Hindi nila ito kayang bitiwan, at sa tuwing naiisip nila ito, namumula sa luha ang kanilang mga mata, at ang kanilang puso ay nakakaramdam ng sama ng loob at pagkaagrabyado. Sadyang hindi nila kayang tratuhin nang tama ang usaping ito. Sa katunayan, ito ay isang napakasimpleng usapin—ang mga hilig at libangan, at mga kalakasan, ay likas na dalawang magkahiwalay na bagay. Kung mayroon kang isang partikular na kalakasan, hindi alintana kung ito man ay iyong hilig at libangan, ikaw ay angkop na angkop para sa gawaing may kaugnayan sa kalakasang iyon—ibig sabihin, ang iyong likas na kakayahan, talento, o abilidad ay ginagawa kang mahusay sa paggawa ng partikular na bagay na iyon, at magagawa mo ito nang maayos—sa gayong kaso, kapag nakikibahagi ka sa gawaing iyon, makakamit mo ang ilang resulta, at medyo angkop para sa iyo na gawin ito. Gayumpaman, kung mayroon ka lang hilig at libangan sa larangang ito ngunit hindi ka nagtataglay ng isang kalakasan dito, kung gayon ay hindi mo ito tiyak na magagawa nang maayos. Ito ay isang napakasimpleng usapin. Dahil sa katigasan ng ulo at baluktot na pagkaarok ng mga tao, kasama pa ang kanilang kahangalan at kamangmangan, kapag hindi nila magawang makibahagi sa gawaing interesado sila, sila ay nasisiraan ng loob, nanlulumo, at nagiging negatibo, at nagrereklamo, nag-uumapaw sa lahat ng uri ng negatibong emosyon. Samakatwid, labis na kailangan para sa mga tao na maunawaan ang aktuwal na sitwasyon ng kanilang mga hilig, libangan, at kalakasan. Sa sandaling maunawaan nila, dapat nilang tratuhin nang tama ang mga ito—isa itong aspekto. Ang isa pang aspekto ay dapat silang magpasakop sa mga pagsasaayos ng sambahayan ng Diyos at tuparin ang kanilang tungkulin ayon sa mga prinsipyong hinihingi ng sambahayan ng Diyos. Kung hinihingi sa iyo ng sambahayan ng Diyos na gampanan ang iyong tungkulin sa isang partikular na larangan ngunit hindi ka mahusay sa larangang ito ng gawain, interesado ka lang dito at maalab ang damdamin mo rito, at gustong-gusto mong gawin ang gawaing ito, at gayumpaman, ayon sa pinakamababang pamantayang hinihingi ng sambahayan ng Diyos, halos kaya mo itong gampanan, kung gayon ay dapat kang magpasakop at magsumikap na gawin ang iyong bahagi—huwag maghanap ng lahat ng uri ng obhetibong palusot para tumanggi o umayaw. Siyempre, kung limitado ang iyong mga likas na kondisyon sa iba’t ibang larangan o mayroon kang ilang aktuwal na isyu, at hindi ka maaaring pahintulutan ng sambahayan ng Diyos na gampanan ang isang tungkulin sa larangang ito, kung gayon ay hindi ka dapat magkaroon ng mga reklamo, ni hindi ka dapat maging negatibo o manghina. Anuman ang kaya mong gawin, gawin mo lang. Para naman sa iyong mga hilig at mga libangan, panatalihin mo lang ang mga iyon para sa iyong sarili—hindi makikialam ang mga tao ng iglesia, ni hindi nila aalisin ang iyong karapatang maging interesado sa ilang bagay o maging maalab ang damdamin sa mga ito. Iyan ay iyong personal na usapin. Gayumpaman, pagdating sa pagganap ng tungkulin, dapat mong malinaw na kilatisin ang lahat ng iba’t ibang isyu tungkol sa mga hilig, libangan, at kalakasan, at dapat magawa mong tratuhin ang lahat ng ito nang tama—ito ang pinakamahalagang bagay. Nauunawaan mo ba? (Oo.)
Maraming tao ang may mga hilig at libangan sa isang partikular na larangan. Mayroon ding ilang tao na walang anumang hilig o libangan. Ibig sabihin, wala silang partikular na mga hilig o mga libangan pagdating sa anumang mga trabaho o uri ng mga espesyalisadong aktibidad, o sa iba’t ibang tao, pangyayari, at bagay na madalas makasalamuha ng mga tao sa mundo—sila ay mga ordinaryong tao lamang. Halimbawa, kung tatanungin sila ng isang tao kung maalab ba ang damdamin nila sa panitikan, kung karaniwan ba silang nagsusulat sa isang talaarawan o nagsusulat ng mga artikulo, sasabihin nila, “Hindi maalab ang damdamin ko riyan at hindi ako mahusay diyan. Sa sandaling magsimula akong magbasa o magsulat, sumasakit ang ulo ko.” Kung bibigyan sila ng ilang obra maestra sa panitikan para basahin, nakakalula ito para sa kanila, at ganap na ayaw nila sa kanilang puso. Sinasabi pa nga ng ilan, “Ang pagtitig sa teksto sa lahat ng oras ay nakakapagod sa aking mga mata at nagpapatanda sa akin, kaya hindi ko gusto ang panitikan.” Kung tatanungin mo sila kung gusto ba nila ang pagsayaw, sasabihin nila, “Ang pagsasayaw ay hindi isang wastong gawain, ito ay gawain lang ng mga taong walang magawa sa buhay. Hindi ko gusto ang pagsasayaw.” Nakikita mo, hindi nila ito gusto at naghahanap pa nga sila ng dahilan para dito, sinasabing hindi ito isang wastong gawain. Ang iba ay sumasayaw para purihin ang Diyos—napakapositibong bagay nito! Ang pag-awit, pagsasayaw, pagtugtog ng alpa at lira para purihin ang Diyos—ginagawa na ito mula pa noong sinaunang panahon; ito ay isang bagay na sinasang-ayunan ng Diyos, kaya paanong hindi ito magiging isang wastong gawain? Ngunit para sa kanila, minamaliit nila at sinasabi nila ang lahat ng hindi nila gusto bilang isang bagay na negatibo. Kapag tinanong, “Hindi mo gusto ang pagsasayaw—kung gayon, gusto mo ba ang pagkanta?” “Anong ‘pagkanta’? Sa sandaling magsimula akong kumanta, nawawala na ako sa tono. Maging ako ay hindi makatiis na marinig ito. Hindi ko gusto ang pagkanta. Ngayon lang bilang isang mananampalataya sa Diyos ako nagsimulang matuto ng ilang himno ng mga salita ng Diyos at mga himnong batay sa karanasan. Bago ako nanampalataya sa Diyos, hindi ako kailanman kumanta; kapag kumakanta ang iba, ni ayaw kong makinig.” “Kung gayon, paano mo ipinapahayag ang iyong sarili kapag masaya ka?” “Kapag masaya ako, natutulog lang ako.” “Kung gayon, ano ang ginagawa mo kapag nakakaranas ka ng masasakit na bagay at malungkot ka?” “Kung gayon, kumakain ako ng kaunting meryenda, o anatutulog lang.” “Hindi mo gusto ang pagkanta—kung gayon, mahilig ka bang makinig ng musika?” “Wala akong interes diyan, at hindi ko nauunawaan kung ano ang ipinapahayag sa musika. Sinasabi ninyong lahat na ipinapahayag ng musika ang iba’t ibang emosyon ng mga tao, na ipinapahayag nito ang mga iniisip at damdamin ng mga tao, ngunit hindi ko nauunawaan ang mga ito at hindi ako makaugnay sa mga ito. Ang musika ay mataas na sining—ang isang hamak na taong tulad ko ay hindi makakaugnay sa musika, at hindi ko ito gusto.” “Gusto mo ba ng masasarap na pagkain?” “Hindi ko rin gusto ang masasarap na pagkain. Kaya kong kumain ng kahit ano. Ipinanganak akong hindi maselan. Kaya kong kumain ng harina ng mais, kaya kong kumain ng keyk, kaya kong kumain ng pagkaing Tsino o Kanluranin—kahit ano. At kung gutom na gutom ako at walang makain, kaya ko pa ngang kumain ng pagkain ng aso.” Ang gayong mga tao ay sadyang ganito kagaspang. Tanungin mo ang ilang babae, “Mahilig ka ba sa mga pampaganda?” Sasabihin nila, “Wala akong interes diyan. Kung ano ang hitsura ko noong ipinanganak ako, ganoon na iyon—kung sino man ang gustong tumingin sa akin, tumingin sila, at kung sino man ang ayaw tumingin sa akin, huwag na lang nila akong tingnan!” Tanungin mo ang ilang lalaki, “Mahilig ka ba sa mga electronics o mga bagay na mekanikal tulad ng mga kotse?” Sasabihin nila, “Ano ang silbi ng pagkahilig sa mga bagay na iyon? Nakakapanghina ito ng isip at nakakapagod ng utak. Kung may oras ako, mas mabuti pang matulog o makipag-usap na lang!” Wala silang kahit anong gusto at wala silang anumang hilig o libangan. Biyolohikal man ito, teknolohikal, mamahalin, o mura, wala silang gusto sa anuman sa mga ito. Kapag tinanong, “Ang mga bagay na ito na may kinalaman sa pagkatao, maging ang mga ito ay pino o pangkaraniwan—wala kang gusto sa anuman sa mga ito. Kung gayon, gusto mo ba ng maliliit na hayop, tulad ng mga pusa, aso, at ibon?” “Mas lalong hindi ko gusto ang mga ito. Hindi nakikipag-usap sa mga tao ang mga hayop—ano ang silbi ng pagkagusto sa mga ito?” Ang ilang tao ay interesado sa mga aso. Madalas nilang kinakausap ang mga aso, at kaya pa ngang maunawaan ng mga aso ang salita ng tao. Ang ilang tao ay walang anumang libangan at hindi interesado sa kahit ano—maraming ganoong tao. Sinasabi ng ilang tao, “Ipinanganak tayong may ilang hilig at libangan—ibinigay ang mga ito ng Diyos. Lalo na ang mga kabilang sa atin na may kalakasan sa isang partikular na larangan, ang mga ipinanganak na may pambihira at natatanging talento sa larangang ito—lahat ng ito ay biyaya ng Diyos, pagtataas ng Diyos, pagtingin sa atin ng Diyos nang may pabor. Lalo na sa panahon ngayon, ang pagganap sa isang tungkuling may kaugnayan sa ating mga hilig, libangan, o kalakasan sa sambahayan ng Diyos ay lalo pang ginagawang walang kapantay sa karangalan at pambihira ang ating pagkakakilanlan at halaga. Iyong mga walang mga libangan o mga kalakasan ay maaari lamang gumawa ng ilang pangunahing trabaho at gawaing hindi nangangailangan ng teknikal na kasanayan, tulad ng pagpapatuloy, pagluluto, paglilinis, o pagtatanim ng mga gulay, pag-aalaga ng mga baboy, at pagpapakain ng mga manok. Kaya sa usapin ng mga hilig, libangan, at kalakasan ng mga tao, hindi ba’t napag-iiba ang mga tao sa pagitan ng mataas at mababa, marangal at mababang-uri? Hindi ba’t mayroong pagkakaiba sa antas sa pagitan nila?” Tama ba ang pananaw na ito? (Hindi.) Nakikita mo, binigyan ng Diyos ang ilang tao ng mga kalakasan, inorden Niya ang ilang tao na may ilang partikular na mga hilig at libangan, samantalang para sa ibang tao, walang anumang inorden ang Diyos—wala silang anumang kalakasan, hindi marunong kumanta o sumayaw, hindi nakakaunawa sa panitikan, at ganap na ignorante sa lahat ng uri ng mga propesyonal na kasanayan. Nagkataon lang, maaaring may isang pamilyang nagpapatuloy sa bahay na nag-aalaga ng dalawang aso, kaya ang pagpapakain sa mga aso ng gayong taong walang mga kalakasan ay dapat na angkop—ito ang pinakasimpleng gampanin. Ngunit bukod sa pagpapakain sa mga aso, hindi niya ipinapasyal ang mga ito, at hindi niya alam kung paano alagaan ang mga ito. Pagkatapos pakainin ang mga ito sa loob ng isa o dalawang taon, kahit ang mga aso ay hindi siya kinikilala bilang ang amo ng mga ito at hindi malapit sa kanya ang mga ito. Sabihin mo sa Akin, anong uri ng tao ito? Kung ikukumpara sa mga may hilig at libangan o mga kalakasan sa isang partikular na larangan, hindi ba’t may pagkakaiba? Malinaw, ito ay dalawang uri ng mga tao na may mga pagkakaiba sa kanilang mga likas na kondisyon: Ang isang uri ay namumuhay na may malakas na pakiramdam ng pagiging superyor, namumuhay nang masagana at makabuluhan, habang ang isa pang uri ay namumuhay nang hungkag, nang walang anumang pakiramdam ng pagiging superyor. Kaya kung ang mga tao ay napag-iiba-iba sa pamamagitan ng mga pagkakaiba sa katayuan at halaga batay sa prinsipyong ito, angkop ba iyon? (Hindi.) Kung gayon, ayon sa anong prinsipyo angkop na pag-ibahin sila? Sabihin mo sa Akin, mayroon bang mga pagkakaiba sa pagitan ng mga tao? (Mayroon.) Saan naroroon ang mga pagkakaiba? Paano dapat pag-ibahin ang mga tao? Sa pinakamababa, dapat tingnan ng isang tao kung minamahal ba nila ang katotohanan—kinikilala ang kanilang diwa, ang kanilang kataasan at kababaan, ang kanilang kadakilaan at kababaang-uri, at ang kanilang kategorya batay sa kanilang saloobin sa katotohanan. Sa teorya, hindi ba’t napakadaling mapag-iba-iba ang mga tao sa ganitong paraan? (Oo.) Mabuti ba ang ganitong paraan ng pag-iiba-iba sa mga tao? (Oo.) Pero masyado nang simple ang pag-iiba-iba sa kanila sa ganitong paraan? Ang ilang tao ay walang anumang likas na kalakasan, ni wala silang anumang mga hilig o libangan—sila ay mga taong labis na karaniwan lang, mga labis na simpleng tao. Gayumpaman, minamahal nila ang katotohanan, nauunawaan ang katotohanan, may karanasan at pagkaunawa sa katotohanan, at kapag nagbabahaginan sila tungkol sa katotohanan, maibabahagi nila ang kanilang pagkaunawa sa mga salita ng Diyos; sa buhay pagpasok, mas mahusay sila kaysa sa karaniwang tao. Matutulungan nila ang maraming tao. Kaya masasabi mo ba na ang gayong mga tao ay hamak at walang halaga? (Hindi.) Sa teorya, ang diwa ng mga tao, ang kanilang kataasan at kababaan, ang kanilang kadakilaan at kababaang-uri, at ang kanilang kategorya ay dapat pag-iba-ibahin batay sa kanilang saloobin sa katotohanan, ngunit paano ba talaga sila dapat pag-iba-ibahin? Iyan ang ating pagbabahaginan ngayon.
Kung ang isang tao ay likas na may anumang mga hilig, libangan, at kalakasan ay pauna nang inorden ng Diyos. Kung ibibigay Niya ang mga ito sa iyo, kung gayon ay mayroon ka ng mga ito; kung hindi Niya ibibigay sa iyo ang mga ito, kung gayon ay wala ka ng mga ito—hindi mo matututuhan ng mga ito, ni makukuha sa pamamagitan ng panggagaya. Gayumpaman, kung nagtataglay ka ng isang kalakasan sa isang partikular na larangan, at sinasabi mo, “Masyadong nakakapagod ang pagganap ng tungkuling may kaugnayan sa kalakasang ito; ayaw ko ng kalakasang ito,” kahit na ayaw mo nito, hindi mo ito maaalis, ni hindi ito maaagaw ng iba. Kung ano ang mayroon ka, hindi maaagaw ng iba; kung ano ang wala ka, hindi mo ito maaagaw o makukuha sa pamamagitan ng pakikipag-agawan para dito. Ang lahat ng ito ay may kaugnayan sa paunang pag-orden ng Diyos. Gayumpaman, sa kabila niyan, ang pagbibigay sa iyo ng Diyos ng isang partikular na hilig, libangan, o kalakasan ay hindi nangangahulugan na dapat kang pagampanin ng Diyos ng isang tungkulin o gawain na may kaugnayan sa iyong hilig, libangan o kalakasan. Sinasabi ng ilang tao, “Dahil hindi ako inuutusang gampanan ang isang tungkulin sa larangang ito o makibahagi sa gawaing may kaugnayan dito, kung gayon, bakit ako binigyan ng gayong hilig, libangan, o kalakasan?” Binigyan ng Diyos ang napakaraming tao ng ilang partikular na mga hilig at libangan batay sa iba’t ibang kondisyon ng bawat tao. Siyempre, maraming bagay ang isinasaalang-alang: Sa isang banda, ito ay para sa kabuhayan at pananatiling buháy ng mga tao; sa kabilang banda pa, ito ay para pagyamanin ang buhay ng mga tao. Minsan, nangangailangan ang buhay ng isang tao ng ilang partikular na hilig at libangan, para man sa kaaliwan at kasiyahan o para makagawa sila ng ilang wastong gampanin, at sa gayon ay ginagawang makabuluhan ang kanilang buhay bilang tao. Siyempre, saanmang anggulong tingnan, may dahilan sa likod ng pagbibigay ng Diyos, at mayroon ding mga dahilan at batayan ang Diyos sa hindi pagbibigay. Maaaring ang iyong buhay bilang tao o ang iyong kaligtasan ay hindi nangangailangan na bigyan ka ng Diyos ng mga interes, hilig, at kalakasan, at mapapanatili mo ang iyong kabuhayan o mapagyayaman ang iyong buhay bilang tao at gawin itong makabuluhan sa pamamagitan ng ibang paraan. Sa madaling salita, binigyan man ng Diyos ang mga tao ng mga hilig, libangan, at kalakasan o hindi, hindi ito problema sa mismong mga tao. Kahit na walang mga kalakasan ang isang tao, hindi ito isang depekto ng kanyang pagkatao. Dapat itong maunawaan nang tama ng mga tao at tratuhin nang tama. Kung nagtataglay ang isang tao ng ilang partikular na hilig, libangan, at kalakasan, dapat niya itong pahalagahan at gamitin nang tama; kung wala siya ng mga ito, hindi siya dapat magreklamo. Mula sa perspektiba ng mga hilig, libangan, at kalakasan, ito ang aktuwal na sitwasyon. Gayumpaman, kung mayroon man ang isang tao ng mga bagay na ito ay hindi sumasalamin sa halaga, katayuan, o pagkakakilanlan ng isang tao. Kaya ano ang sinasabi nito sa mga tao? Kahit na binigyan ka ng Diyos ng mga pinong hilig, libangan, at kalakasan—ang mga ito ay iyong mga pribadong pag-aari, ang mga ito ay iyong mga kalamangan—ang pagkakaroon mo ng mga ito ay hindi nangangahulugan na mas marangal ka kaysa sa kaninuman, na mas nakalalamang ka o may pribilehiyo kang gawin ang anumang bagay kaysa sa kaninuman. Ito ay dahil sa mga mata ng Diyos, anuman ang mga likas na kondisyon mayroon ang isang tao, siya ay isang miyembro ng tiwaling sangkatauhan. Bagama’t ang mga likas na kondisyon ay hindi naglalaman ng mga elemento ng katiwalian, lahat ng tao, na nagtataglay ng mga likas na kondisyon, ay ginawang tiwali ni Satanas at namumuhay ayon sa mga satanikong disposisyon. Ang kanilang buhay diwa ay ang kanilang satanikong tiwaling disposisyon. Samakatwid, anuman ang iyong mga likas na kondisyon at mayroon ka man o walang mga hilig, libangan, at kalakasan, sa mga mata ng Diyos, dahil pare-pareho ang buhay diwa ng lahat ng tao, ang iyong halaga ay kapantay ng sa iba. Dapat makita nang malinaw ng mga tao na kahit mayroon silang ilang kondisyong nagbibigay-kalamangan o ilang kalamangan, sa usapin ng pagkataong diwa at mga tiwaling disposisyon, ang diwa ng lahat ng tao ay pare-pareho at lahat ng tao ay pare-pareho. Dapat silang sumailalim sa pagkastigo at paghatol ng Diyos, at lahat sila ay mga nais iligtas ng Diyos. Sa usapin ng buhay diwa ng laman ng mga tao, ang mga tao ay pare-pareho. Gayumpaman, mula sa ibang perspektiba, mayroong ilang pagkakaiba sa pagitan ng mga tao, at kailangan nating magbahaginan nang detalyado tungkol sa mga pagkakaibang ito. Paano dapat matukoy ang mga pagkakaibang ito? Dapat suriin ang mga ito mula sa mga pinagmulan ng mga tao. Ano ang tinutukoy ng “mga pinagmulan”? Tumutukoy ito sa kung mula saan nagreengkarnasyon ang isang tao—ginagawa ang mga pagkakaiba batay sa kung paano sila umiral at kung saan sila nanggaling. Sa malawak na pananalita, ang sangkatauhang ito ay nahahati sa tatlong kategorya. Ang unang kategorya ay ang mga nagreengkarnasyon mula sa mga hayop, ang pangalawa ay ang mga nagreengkarnasyon mula sa iba’t ibang diyablo, at ang pangatlo ay ang mga nagreengkarnasyon mula sa mga tao. Pinag-iiba ng tatlong kategoryang ito ang mga tao sa pinaka-ugat. Ang dahilan kung bakit napag-iiba ng mga ito ang mga tao ay dahil hindi pare-pareho ang mga pinagmulan ng iba’t ibang kategorya ng mga tao. Kaya paano malalaman ng isang tao kung sino ang nagreengkarnasyon mula sa mga hayop, sino ang nagreengkarnasyon mula sa mga diyablo, at sino ang nagreengkarnasyon mula sa mga tao? Dapat itong matukoy batay sa kung ano ang kanilang isinasabuhay at sa mga katangiang ipinapakita nila. Narinig na ba ninyo ang gayong impormasyon dati, sa mga kuwentong-bayan man o sa pamamagitan ng ibang mga paraan? (Oo.) Kaya ang paksang ito ay hindi lubos na bago sa inyo, hindi ba? (Hindi.) Ang mga nagreengkarnasyon mula sa mga hayop, ang mga nagreengkarnasyon mula sa mga diyablo, ang mga nagreengkarnasyon mula sa mga tao—alin ang gusto ninyong unang marinig? (Ang unang kategorya.) Ang unang kategorya ay ang mga nagreengkarnasyon mula sa mga hayop. Kung tunay ninyong malalaman ang katotohanan tungkol sa usaping ito, magkakaroon ba ito ng epekto sa inyong buhay? Magdudulot ba ito ng gulo o mga hadlang? (Maaaring magsimula akong mag-isip kung mula saan ako nagreengkarnasyon.) Para sa ilang tao, sa sandaling tunay nilang malaman kung sa aling kategorya sila nabibilang at matugma ang kanilang sarili sa isang partikular na kategorya, kung sila nga ay nagreengkarnasyon mula sa mga tao, nararamdaman nilang sila ay mapalad at medyo maganda ang pakiramdam nila tungkol dito. Ngunit kung hindi sila nagreengkarnasyon mula sa mga tao, hindi ba’t ikababagabag nila iyon? (Oo.) Magdudulot ito ng kaunting paghihirap at pati na rin ng kaunting pagkabalisa, hindi ba? (Oo.) Dahil maaari itong magdulot ng pagkabalisa at kaunting paghihirap, mas mabuti ba para sa mga tao na makaalam o hindi makaalam? (Pakiramdam ko ay mas mabuting makaalam.) Sa anong paraan ito magiging mas mabuti? (Sa pamamagitan ng pagkaalam, mauunawaan ng isang tao ang katotohanan sa bagay na ito, at bukod pa rito, magagawa nilang makilatis ang ilan sa mga tao, pangyayari, at bagay sa kanilang paligid.) Kung gayon, magbahaginan tayo tungkol dito.
Una, pagbahaginan natin ang tungkol sa mga tao na nagreinkarnasyon mula sa mga hayop. Ang pagrereinkarnasyon mula sa mga hayop, gaya ng ipinahihiwatig ng pangalan, ay nangangahulugan na ang gayong tao ay nagreinkarnasyon mula sa isang hayop. Napakalawak ng saklaw ng mga hayop—tungkol naman sa kung gaano karaming uri ng mga hayop ang maaaring magreinkarnasyon bilang mga tao, hindi iyon saklaw ng pagbabahaginan natin. Sa madaling salita, mayroong isang kategorya ng mga tao na ang nakaraang pag-iral ay bilang isang hayop, na nangangahulugan na ang orihinal nilang pagkakakilanlan o nilikhang kategorya ay hindi kabilang sa nilikhang sangkatauhan. Ang una at orihinal nilang biyolohikal na kategorya ay sa isang hayop. Kaya sa paningin ng Diyos, ang pagkakakilanlan nila sa loob ng biyolohikal na mundo ay sa isang hayop. Sa reinkarnasyong ito, naging tao sila, na nangangahulugan na ang hayop na ito ay hindi na muling ipinanganak sa gitna ng mga hayop kundi sa halip ay nagreinkarnasyon bilang isang tao, ipinanganak sa isang partikular na panahon, sa isang partikular na pamilya, lahi, at bansa. Ang isang hayop na nagreinkarnasyon bilang isang tao ay nangangahulugang ipinanganak ito bilang isang tao, ngunit ang nakaraang pag-iral nila ay hindi bilang isang tao—ito ay bilang isang hayop. Noon, umiral ito sa loob ng mundo ng mga hayop, nagreinkarnasyon sa gitna ng mga hayop; ngayon, sa muling pagsilang na ito, wala na ito sa loob ng mundo ng mga hayop. Nagbago ang pagkakakilanlan nito, at naging miyembro na ito ng sangkatauhan. Ito ang tinatawag na pagrereinkarnasyon ng mga hayop bilang mga tao. Kapag ang isang hayop ay nagreinkarnasyon bilang isang tao, ang hitsura at mga likas na gawi nito, sa diwa, ay pareho sa mga hitsura at likas na gawi ng sinumang tao sa loob ng sangkatauhan. Ibig sabihin, ganap itong nagtataglay ng mga katangian ng isang tao—kaya nitong maglakad nang tuwid, mayroon itong mga katangian ng mukha at hitsura ng tao, at nagtataglay ito ng pag-iisip ng tao, mga likas na gawi ng tao, at normal na buhay ng tao, at mayroon din ito ng natatanging abilidad ng tao para sa wika. Ito ang kilala bilang isang hayop na nagreinkarnasyon bilang isang tao. Ibig sabihin, mula sa pisikal nitong anyo, panlabas na hitsura, at pisikal na mga katangian ng buhay, mga katangian lang ng tao ang makikita mo; walang mga katangian ng hayop ang nakikita. Kaya paano mo malalaman na nagreinkarnasyon ito mula sa isang hayop? Ito ang pinakapinagtutuunan ng pansin ng mga tao. Siyempre, posible na makita na nagreinkarnasyon ito mula sa isang hayop. Kung walang mga pagkakaiba sa pagitan ng mga nagreinkarnasyon mula sa mga hayop at ng mga nagreinkarnasyon mula sa mga tao, kung gayon, ang kategoryang ito ng mga tao ay walang magiging anumang mga kapansin-pansing katangian. Mismong dahil mayroong mga kapansin-pansing pagkakaiba sa pagitan ng mga nagreinkarnasyon mula sa mga hayop at sa mga nagreinkarnasyon mula sa mga tunay na tao, kung gayon, ang dalawang kategoryang ito ng mga tao ay madaling mapag-iba batay sa mga katangian nila. Kaya ano ang mga katangian ng mga tao na nagreinkarnasyon mula sa mga hayop? Ang unang katangian ay na mayroon silang baluktot na pag-arok. Ang ikalawang katangian ay na partikular silang manhid. Ang ikatlong katangian ay na partikular na magulo ang isip nila. Ang ikaapat na katangian ay na hangal sila. Ang apat na katangiang ito lang ay sapat na para maging hayag ang pagkakaiba sa pagitan ng isang tao na nagreinkarnasyon mula sa isang hayop at ng isang tunay na tao.
Ang unang katangian ng mga tao na nagreinkarnasyon mula sa mga hayop ay na mayroon silang baluktot na pag-arok. Una, ano ang kinasasangkutan ng pagkabaluktot? Kinasasangkutan ito ng mga problema sa kanilang mga kaisipan at pananaw; kinasasangkutan din nito ang kanilang mga abilidad na mag-isip na tingnan, arukin, at unawain ang mga bagay-bagay. Ang kategoryang ito ng mga tao ay hindi kayang arukin nang tama ang anumang bagay, ni hindi nila kayang tingnan nang tama ang anumang bagay. Ang paraan nila ng pagtingin sa mga tao at bagay-bagay, pati na rin ang kanilang sariling asal at mga kilos, ay labis na wala sa katwiran, matigas ang ulo, at katawa-tawa—ganap na hindi tugma sa pag-iisip ng normal na pagkatao, at sa mga kaisipan at pananaw ng normal na pagkatao tungkol sa mga bagay-bagay. Siyempre, ang mga tao na may baluktot na pag-arok ay malayo sa pag-unawa o pagkilala sa katotohanan. Ang katotohanan ay ganap na hindi nila naaabot, lalong hindi nila nauunawaan ang mga katotohanang prinsipyo. Ang mga pananaw nila ay ganap na baluktot pagdating sa kung paano nila tinatrato ang anumang bagay o indibidwal. Pagkatapos mong makipagbahaginan sa kanila, nauunawaan nila ito batay sa doktrina, ngunit ang kaalaman nila ay nananatiling gayon pa rin na baluktot pagkatapos. Kapag ipinaliwanag mo naman ang mga bagay-bagay nang mas malinaw at partikular, nagbibigay ng mga halimbawa, sa oras na iyon, maaaring maunawaan nila, ngunit kalaunan, kapag naharap sila sa parehong uri ng bagay, ang pananaw nila ay nananatiling gayon pa rin na baluktot, at paano man sila pagbahaginan, hindi nito naitatama ang pananaw nila. Higit pa rito, ang kalagayan nilang ito—ang paraan nila ng pag-arok sa mga bagay-bagay—ay walang-katiyakang magpapatuloy nang walang pagbabago. Walang pakikipagbahaginan ng katotohanan ng sinuman ang makakapagpabago sa kanila; kahit pa makipagbahaginan Ako at magbigay ng mga sermon, hindi pa rin nito mababago ang kanilang mga baluktot na kaisipan at pananaw at baluktot na paraan ng pag-arok sa mga bagay-bagay. Ang gayong mga tao ay masyadong mapanggulo. Halimbawa, kapag gumawa sila ng mali, at sinabi mo sa kanila, “Ang ginawa mo ay mali, hindi ito umaayon sa mga prinsipyo; may personal na karumihan dito,” sasabihin nila, “Hindi ko iyon sinasadya. Hindi ko nilayon na maging ganoon ang kalabasan. Dahil napakabuti ninyong lahat, mayroon kayo ng katotohanan, at alam ninyo kung paano gawin ang mga bagay-bagay, bakit hindi na lang ninyo mismo gawin iyon sa halip na ipagawa ninyo iyon sa akin? Sinasabi ninyong mali ang ginawa ko—hindi ba’t dahil lang iyon sa hindi ninyo ako gusto? Dahil mayroon kayong lahat ng pagkatao, at ako lang ang wala nito, pupunta na lang ako sa impiyerno at puwede na kayong lahat na pumunta sa langit!” Maaari pa nga nilang subukan na ipagtanggol at pangatwiranan ang kanilang sarili, at mag-isip ng mga palusot para umiwas sa responsabilidad. Tumatanggi silang aminin na nagkamali sila, wala sila ng tamang saloobin, at hindi sila nangangako na ituwid ang kanilang sarili sa hinaharap at sabihin na nauunawaan nila kung paano sila dapat kumilos sa susunod. Hindi sila kailanman makakaunawa sa ganitong paraan at hindi nila kailanman maaarok ang usapin mula sa perspektiba ng pagkatao sa isang dalisay na paraan. Mayroon pa ngang ilang tao na, kapag tinutukoy mo ang mga problema sa kanilang gawain at nakikipagbahaginan ka sa kanila ng katotohanan, nagsasabing, “Hindi ba’t minamaliit mo lang ako? Hindi ba’t dahil lang ito sa wala akong pinag-aralan at mula ako sa kanayunan? Hindi ba’t dahil lang ito sa mababa ang katayuan ko? Ni hindi nga ako hinahamak ng Diyos, kaya ano ang karapatan mo?” Hindi sila kailanman aamin na nagkamali sila at pagkatapos ay hahanapin ang katotohanan, pagninilayan ang kanilang sarili para makita kung saan sila nagkamali, at hahanapin ang tamang landas ng pagsasagawa para lutasin ito. Bakit hindi nila kailanman gagawin ito? Dahil hindi sila tao. Wala silang normal na pag-iisip ng tao, at hindi nila kayang harapin ang mga pagkakamaling lumilitaw sa paraan kung paano haharap ang isang normal na tao. Wala sila ng saloobin na dapat taglayin ng isang normal na tao tungkol sa mga pagkakamali. Nakatagpo na ba kayo ng gayong mga tao? Pinakamabuti rin na pagnilayan mo ang sarili mo, para makita kung normal ba ang katwiran mo o hindi. Halimbawa, pagkatapos maglampaso ng isang tao ng sahig, labis pa rin itong basa. May ibang tao naman, na walang malay rito, ang dumaan at nadulas. Tumayo ang taong iyon at sinabi sa isa pa, “Hindi mo pinatuyo nang maayos ang sahig pagkatapos mong maglampaso. Dapat naglagay ka ng karatula na may ilang salita para paalalahanan ang mga tao! Sa kabutihang-palad, bata pa ako—kung madulas ako, kaya kong tumayo ulit. Pero kung matanda iyon, hindi ba’t nabalian na sana siya ng buto? Hindi ka talaga naging sapat na mapagsaalang-alang!” Tama at normal ba ang mga salitang ito? (Oo, normal ang mga ito.) Ang taong naglampaso ay hindi naging sapat na mapagsaalang-alang habang ginagawa ang gampaning ito, kaya sa susunod ay dapat siyang maging mas mapagsaalang-alang. Dahil may nadulas dahil dito, malinaw na nagkamali siya sa bagay na ito. Isa itong pagkalingat, at walang sinumang kumokondena sa kanya—kailangan lang niya itong itama. Pero hindi niya kayang tama at makatwirang isaalang-alang o harapin ang usaping ito mula sa perspektiba ng isang tao o gamit ang pag-iisip ng isang tao. Sa halip, haharap siya at sasabihin, “Hindi mo ba nakita na basa ang sahig? Bulag ka ba? Nadulas ka at nahulog—nararapat lang iyan sa iyo! Hindi mo ginagamit ang sarili mong mga mata, at kasalanan ko pa iyon? Kapag tapos ka nang maglampaso ng sahig, siyempre mababasa iyon—bakit mo nilakaran? Hindi naman kita sinabihan na lumakad doon. Aminin mo na lang na malas ka dahil nadulas ka. Wala itong kinalaman sa akin!” Makatwiran ba ang mga salitang ito? (Hindi.) Hindi makatwiran ang mga ito—ano ang isang kolokyal na paraan ng pagsasabi nito? Hindi makatwiran ang mga ito. Naglampaso ka ng sahig pero hindi mo pinatuyo, na naging sanhi ng pagkadulas ng isang tao—habang hindi naman lubos na kinakailangan para sa iyo na magpahayag ng pagkakasala at humingi ng paumanhin, dapat ka man lang tumanggap kahit papaano ng mga paalala at payo ng iba tungkol sa pagkakamali mo. Dapat mong itanong, “Nasaktan ka ba? Kailangan mo bang pumunta sa ospital para sa check-up o pagpapagamot? Ako ang may ganap na pananagutan.” Ito ang tamang saloobin. Ganito dapat makatwirang tratuhin at pagnilayan ng isang tao ang isang bagay na nagawa niyang mali mula sa perspektiba ng pagkatao. Gayumpaman, ang mga tao na nagreinkarnasyon mula sa mga hayop ay walang pagkatao at may baluktot na pag-arok. Hindi sila kailanman magsasalita sa ganitong paraan, ni hindi nila kailanman isasaalang-alang ang anumang isyu sa ganitong paraan. Sa halip, sila ay magiging sutil na walang katwiran. Hindi nila pinatuyo ang sahig pagkatapos maglampaso, na naging sanhi ng pagkadulas ng isang tao; sa susunod, kailangan lang nila itong gawin nang naiiba, mas magbigay-pansin, at itama ang pagkakamali—iyon lang. Malulutas ang isyu. Isa itong napakasimpleng usapin: Walang sinumang nagsasabi ng anuman tungkol dito, at walang sinumang kumokondena sa kanila dahil dito. Hindi rin sila kinakailangang magpasan ng anumang legal na responsabilidad. Pero tumatanggi silang tanggapin ang mga katunayan at sa halip ay nagsasabi, “Ay, kaya pala kayong lahat ay mabubuting tao, kayo lang ang may pagkatao! Masamang tao siguro ako! Sinasadya kong saktan ang iba! May masasama akong intensyon! Pupunta kayong lahat sa langit, at pupunta ako sa impiyerno!” Sabihin ninyo sa Akin, makakabigkas ba ng gayong purong kalokohan ang isang normal na tao? (Hindi.) Tanging ang uri ng mga tao na nagreinkarnasyon mula sa mga hayop ang nakakaarok sa lahat ng bagay at tumitingin sa lahat ng bagay mula sa isang partikular na sukdulan, matigas ang ulo, at katawa-tawang perspektiba. Dahil sa pinakamaliit na bagay—isang bagay na ganap na lehitimo—kaya nilang maglitanya ng isang buong serye ng mga walang-katwiran at walang-katotohanan na argumento, na nag-iiwan sa iba na hindi malaman kung matatawa ba o maiiyak. Kung pinupungusan sila, paano sila umaasal? Nagsisikap sila nang husto para bigyang-katwiran at ipagtanggol ang kanilang sarili, ipinapaliwanag kung bakit sila kumilos sa paraang ginawa nila at kung gaano sila nagdusa para dito, nakikipagtalo nang may lahat ng uri ng dahilan. Kapag nakikipagbahaginan ka sa kanila tungkol sa kung bakit sila pinungusan, kung paanong, kapag nagkakamali sila, dapat nilang itama ang mga ito at kung paano nila dapat hanapin ang mga katotohanang prinsipyo, at kung ano ang mga prinsipyo para sa pangangasiwa sa bagay na ito, tumatanggi silang tanggapin ang kahit isang salita. Sa halip, kinikimkim nila ang kanilang galit at poot, nakakaramdam ng pagkaagrabyadoat kahihiyan. Kapag walang ibang nakakarinig, nagrereklamo pa nga sila sa iba, sinasabing, “Hmp! Hindi ko isinaalang-alang ang mga isyung iyon, at hindi ko sinadya na gawin iyon sa ganoong paraan. Gayumpaman ay kinokondena nila ako at sinasabing nanggagambala at nanggugulo ako—ganoon ba talaga ako kasama? Masamang tao ba ako?” Pagdating sa mga katotohanang prinsipyo, palagi silang magkukulang sa mga iyon at hindi nila kailanman mauunawaan ang mga iyon; ang pag-arok nila ay palaging partikular na baluktot at partikular na katawa-tawa. Anuman ang mga katotohanang prinsipyong pinagbabahaginan, kapag umaabot ito sa kanila, nagiging isang parirala ito, isang paraan ng pagkilos—nagiging isang pormalidad, isang ritwal, isang regulasyon. Hindi lang ito usapin ng pag-arok sa mga katotohanang prinsipyo sa isang panig na paraan; sa halip, ang pag-arok nila ay partikular na katawa-tawa at wala sa katwiran. Ang paraan ng pag-arok ng ganitong uri ng tao sa katotohanan ay mukhang partikular na walang-ingat at hangal. Gaano ito kahangal? Hanggang sa punto na hindi man lang sila kinakaawaan ng mga tao kundi sa halip ay labis silang kinasusuklaman, hindi malaman kung matatawa ba o maiiyak, at ganap na walang masabi. Naipaliwanag na nang ganoon kalawak ang mga bagay-bagay na ang pagsasabi ng anupaman ay kalabisan na—anumang karagdagang salita ay magiging kahangalan lang. Walang saysay ang patuloy na pakikipag-usap tungkol sa mga katotohanang prinsipyo sa mga taong ito. Anuman ang pangasiwaan nila, kahit ang pinakamaliit na bagay sa pang-araw-araw na buhay, ginagawa nila iyon sa isang di-normal, katawa-tawa, at baluktot na paraan. Wala silang kapabilidad na tingnan at pangasiwaan ang mga usapin sa loob ng mga hangganan ng katwiran ng tao. Ang perspektiba nila sa lahat ng bagay ay ganito katigas ang ulo at ganito kakatawa-tawa—ang mga pananaw na maipapahayag nila tungkol sa anumang bagay ay magdudulot sa iyo na makaramdam ng pagkasuklam habambuhay pagkatapos mong marinig ang mga iyon. Kung nagkataong kumakain ka habang nakikinig sa kanila, maaaring sumuka ka lang agad-agad. Sabihin ninyo sa Akin, gaano nga ba sila kabaluktot? Ito ang isa sa mga pangunahing katangian ng mga tao na nagreinkarnasyon mula sa mga hayop—sila ay matigas ang ulo at katawa-tawa. Mula sa perspektiba ng pagkatao, ang katigasan ng ulo at pagiging katawa-tawa na ito ay pangunahing kawalan ng normal na pag-iisip ng pagkatao. Wala silang abilidad na isaalang-alang ang anumang isyu ayon sa normal na pag-iisip ng pagkatao—sila ay sukdulan, madaling magkaroon ng mga pagkabaluktot, at matigas ang ulo. Paano ka man makipagbahaginan tungkol sa katotohanan, mga obhetibong katunayan, o mga partikular na sitwasyon, kumakapit sila nang mahigpit sa kanilang pangangatwiran at tumatangging bumitiw. Iniisiip nila, “Nasa panig ko ang katwiran, at wala akong ibinigay sa iyo na anumang magagamit mo laban sa akin. Kakapit lang ako sa pangangatwirang ito, at magiging ang katotohanan ito. Walang silbi ang anumang sasabihin mo!” Ito ang isa sa mga katangian ng mga tao na nagreinkarnasyon mula sa mga hayop—baluktot ang pag-arok nila.
Ang isa pang pagpapamalas ng mga taong nagreinkarnasyon mula sa mga hayop ay na partikular silang manhid sa harap ng maraming tao, pangyayari, at bagay. Bukod sa tinitingnan nila ang mga bagay-bagay sa isang matigas ang ulo at baluktot na paraan, hindi rin nila kayang matanto kahit kaunti kung ano ang kalikasan, diwa, o ugat na sanhi ng anumang bagay na lumilitaw, kung anong impluwensiya ang maaaring idulot nito, o kung anong mga kahihinatnan ang maaaring idulot nito. Hindi pa rin nila kayang matanto ang mga bagay na ito at nananatili silang walang alam tungkol sa mga ito, kahit na may ilang tao nang nagsabi o gumawa ng ilang bagay, o nagbunyag ng ilang palatandaan at indikasyon—para silang mga hangal. Sa oras na matanto na nila ang mga ito, tapos na ang usapin, at lumitaw na ang mga kahihinatnan. Kahit pagkatapos marinig ang napakaraming katotohanan, hindi nila alam at hindi nila madama kung anong uri ng mga tao ang nasa paligid nila, kung ano ang diwa ng mga ito, o kung ano ang kayang gawin ng mga ito. May ilang tao na nagsasabi ng mga bagay na malinaw na problematiko, gayumpaman ay hindi nila madama ito. Halimbawa, kapag ang ilang tao ay nagmamayabang, nagsasalita nang hambog, nagpapakitang-gilas, at nagpapangalandakan ng kanilang sarili, ito ay malinaw na pagbubunyag ng isang mapagmataas na disposisyon, gayumpaman ay hindi kayang matanto ng mga taong nagreinkarnasyon mula sa mga hayop ang problema. Sa halip, iniisip nila na ang mga taong ito ay may kakayahan, hinahangaan at tinitingala nila ang mga ito, at gusto pa ngang sundan ang gayong mga tao pagkatapos. Ipinapakita nito na manhid sila. Ang malimaw na masasamang tao at masasamang gawa, malinaw na pagbubunyag ng mga tiwaling disposisyon, ang direksyon kung saan malinaw na patungo ang mga bagay-bagay—hindi kayang matanto ng gayong mga tao ang anuman sa mga ito. Hindi nila alam kung ano ang diwa ng usapin, o kung ano ang ugat ng problema; hindi nila madama ito kahit kaunti, wala man lang silang kamalayan. Sila ang madalas nating tawaging mga bangkay na walang espiritu. Ang ganitong uri ng tao ay mas lalo pang nagkukulang pagdating sa mga usaping may kinalaman sa mga katotohanang prinsipyo. Sinasabi mo sa kanila kung batay sa aling prinsipyo sila dapat magsagawa, ngunit hindi nila nauunawaan; saulo lang nila ang mga regulasyon na dapat nilang sundin. Hindi nila nauunawaan ang mga prinsipyong ibinabahagi mo, hindi nila maabot ang mga iyon. Tinutukoy mo ang isang partikular na kalagayan sa kanila, na isang pagpapamalas ng kanilang pagbubunyag ng isang tiwaling disposisyon, ngunit iniisip nila na tungkol sa ibang tao ang sinasabi mo. Kahit pasalitang umamin sila na mayroon din silang ganitong uri ng tiwaling disposisyon, hindi nila kinikilala kung aling mga salita ang kanilang sinabi o aling mga kilos ang kanilang ginawa na tumutugma sa kalagayan o pagpapamalas na ito. Hindi nila nauunawaan at hindi nila alam kung ano ang sinasabi mo. Kapag nakikipagbahaginan tungkol sa katotohanan sa mga pagtitipon, habang ang iba ay lumipat na sa susunod na paksa, ibinabalik pa rin nila ang talakayan sa naunang paksa. Hindi ba’t ito ay pagiging mapurol at manhid? Kapag nagsasalita ang iba, hindi sila makasabay—hindi dahil sa hindi makasabay ang pag-iisip nila, kundi dahil hindi sapat at kulang ang kakayahan nila. Kapag sinusubukan ng ilang masamang tao na linlangin sila, paglaruan sila, o pahirapan sila, hindi nila madama ito, kundi sa halip ay itinuturing nila ang masasamang tao bilang mga kapatid at nakakasundo ang mga ito nang malapit, at pagkatapos lang mapinsala ng mga ito ay saka nila napagtatanto na naloko sila. Pagkatapos ay iniisip nila, “Napakatanga ko! Hindi ko alam kung paano husgahan ang mga tao, hindi ko alam kung paano kilatisin ang mga tao! Sa pagkakataong ito, natuto talaga ako ng aral—mula ngayon, hindi na ako magtitiwala sa sinuman, sarili ko lang ang pagtitiwalaan ko. Iyon ang pinakamataas na karunungan!” Pagkatapos malinlang nang isang beses, naniniwala silang nagkaroon sila ng kabatiran at iniisip pa ngang mas matalino na sila ngayon, lumilipat mula sa isang sukdulan patungo sa isa pa. Ang mga taong nagreinkarnasyon mula sa mga hayop ay manhid sa bawat usapin. Halimbawa, may isang taong namamahala sa pag-aalaga ng hayop at pagtatanim. Isang araw ay bumaba ang temperatura, at sinabi Ko sa kanya, “Ngayong gabi ay magiging minus five degrees. Hindi ba’t dapat asikasuhin ang mga halaman at hayop na hindi makatiis sa lamig?” Pagkarinig dito, tumugon siya, “Mayroon akong dyaket na may palaman, at natutulog ako sa gabi nang may makapal na kubrekama at kumot, kaya hindi ako lalamigin.” Nauunawaan ba niya ang ibig Kong sabihin? Batay sa tugon na ito, malinaw na hindi. Hindi ba’t ito ay pagiging manhid? (Oo.) Kung sinabi Ko sana, “Ngayong gabi ay magiging minus five degrees. Kung ang mga bulaklak ay nasa bakuran, mamamatay ang mga ito sa lamig. Ang mga hayop na sensitibo sa lamig at ang mahihina ay dapat panatilihin sa mga kamalig. Dapat kang maglagay ng dagdag na kurtina sa pinto at takpan ang anumang puwang na pinapasukan ng hangin sa mga kamalig.” Pagkarinig dito, nagbulay-bulay sana siya nang sandali at inisip, “Ay, tungkol pala sa mga hayop at halaman ang sinasabi Mo. Kung gayon, hindi ba’t ayos lang na ilipat ang mga bulaklak sa loob ng bahay? Napakaraming hayop, at hindi Mo sinabi kung alin ang sensitibo sa lamig at alin ang hindi, kung alin ang dapat dalhin sa loob at alin ang hindi.” Totoo nga, hindi Ko tinukoy—pero hindi mo ba kayang kumilos ayon sa mga prinsipyo? Hindi mo man lang napagtatanto na ang mga bulaklak na naiwan sa labas sa taglamig ay maaaring mamatay sa lamig, at kung hindi Ko iatas sa iyo na gawin ang mga bagay na ito, hindi mo gagawin ang mga ito—anong uri ng problema ito? Hindi ba’t ito ay pagiging manhid? (Oo.) Ipinapakita nito na manhid siya. Halimbawa, maaraw sa labas at nakasampay ang mga damit sa labas sa bakuran para matuyo, at may nagsasabing, “Mukhang uulan sa hapon. Mababasa ba ang mga damit na nakasampay sa labas?”—ang mga salitang ito ay nagpapahiwatig ng isang paalala. Ang isang taong may normal na pag-iisip ng tao ay maririnig ito at magbubulay-bulay, “Dapat akong magbigay-pansin—kapag nagiging maulap ang langit, agad kong ipapasok ang mga damit.” Pero ang mga hindi nagtataglay ng pag-iisip ng normal na pagkatao ay hindi ito mamamalayan. Kapag sinabi mong uulan sa hapon, maririnig nila ito at iisipin, “Ano ang saysay ng pagsasabi niyan? Wala itong kinalaman sa akin. Nasa loob ako, kaya hindi ako mababasa kung uulan. Bukod pa rito, ano ang magagawa ko sa pag-ulan? Walang silbi ang pagsasabi mo nito sa akin!” Sadyang hindi nila napagtatanto kung bakit sinasabi ito sa kanila o kung bakit binabanggit ang usaping ito. Kaya paano mo sila dapat kausapin para aktuwal nilang maunawaan? Kailangan mong sabihin sa kanila, “Uulan sa hapon sa ganito at ganoong oras. Bago umulan, kapag nakita mong nagiging maulap ang langit, agad na ipasok ang mga damit. Kung hindi mo gagawin iyon, mababasa ang mga ito at kailangang muling labhan. Dagdag pa rito, kapag kinukuha ang mga damit, tingnan mo kung mayroon pang ibang bagay sa bakuran na hindi dapat mabasa o malantad sa ulan, at isilong mo rin ang mga iyon.” Dapat mo silang tagubilinan nang ganito. Kung hindi mo sila tatagubilinan sa ganitong paraan, hindi nila mapagtatanto na kailangan nilang ipasok ang mga damit, ni hindi nila mapagtatanto na kailangan nilang isilong ang anumang iba pang bagay na hindi dapat maulanan. Hindi nila gagawin ang mga bagay na ito. Bakit? Dahil masyado silang manhid, hindi sila nagtataglay ng pag-iisip ng normal na pagkatao, at hindi nila natutugunan ang pamantayan ng normal na pagkatao. Ibig sabihin, ang katalinuhan at kakayahan nila ay hindi umaabot sa pamantayan ng normal na pagkatao. Ganito ang mga taong nagreinkarnasyon mula sa mga hayop. Kapag inuutusan ang gayong tao na gumawa ng isang bagay, kahit na tinagubilinan Ko na sila nang maraming beses, at nagawa na nila ito nang maraming beses noon, kailangan Ko pa rin silang tagubilinan muli. Kung hindi Ko sila tatagubilinan, hindi nila mapagtatanto kung ano ang kailangang gawin, ni hindi nila magagawa ito. Kaya sa bawat pagkakataong nakakaharap sila ng ganitong uri ng gampanin, kailangan mong sabihin sa kanila nang eksakto kung ano ang kailangang gawin at kung paano ito gagawin, tinatagubilinan sila sa bawat hakbang sa proseso. Kung kakalimutan mo ang kahit isang bagay, hindi nila gagawin ang bagay na iyon, o posibleng mapapalpak mo pa nga ang buong gawain. At kung tukuyin mo naman ang mga problema nila, tutugon sila nang may sandamakmak na mga baluktot na argumento at magsisimulang maging sutil na walang katwiran muli. Ito ay isang pagpapamalas ng pagiging manhid.
Ang katangiang ito ng mga taong nagreinkarnasyon mula sa mga hayop, ang kanilang pagiging manhid, ay napakalinaw. Halimbawa, mula sa pagbabahaginan tungkol sa katotohanan, nauunawaan nila sa usapin ng doktrina kung paano kilatisin kung gumagawa ba ng aktuwal na gawain ang isang lider ng iglesia, kung isa ba siyang lider na pasok sa pamantayan, o kung isa siyang huwad na lider o isang anticristo. Gayumpaman, pagdating sa pagkilatis kung sa aling kategorya nabibilang ang sarili nilang lider ng iglesia, kahit na nasasaksihan nila ang ilang partikular na pagpapamalas na ipinapakita ng lider ng iglesia, hindi nila alam kung paano kilatisin ang mga iyon. Kung tatanungin mo sila, “Gumagawa ba ng aktuwal na gawain ang lider ng iglesia ninyo?” sasabihin nila, “Nakikita ko silang abala araw-araw sa mga pagtitipon at nagkukumahog sa pag-oorganisa ng mga bagay-bagay, ipinamahagi nila ang mga aklat sa mga kapatid, at sinubaybayan nila ang gawain ng ebanghelyo.” Pagkatapos ay itatanong mo, “Kung gayon, gaano kahusay ang paggawa niya sa kanyang gawain? Isa ba siyang taong naghahangad sa katotohanan?” Sasagot sila, “Tinalikuran na niya ang kanyang karera at pamilya. Kahit noong dumalaw ang mga magulang niya, masyado siyang abala sa pagganap ng kanyang tungkulin para makipagkita sa kanila. Tiyak na isa siyang taong naghahangad sa katotohanan, hindi ba?” Tinitingnan lang nila ang mga panlabas na pagpapamalas na ito ng lider ng iglesia; pero gaano man karaming kasamaan ang lihim na ginagawa ng lider, kahit na nakikita nila ito, hindi nila ito natutukoy bilang isang problema, hindi nila alam na isa itong problema. Gaano man karami sa mga bagay na ito ang mangyari sa harap nila, para bang wala silang nakitang anuman kailanman, na para bang hindi sila namumuhay kasama ng mga tao kundi sa isang ganap na ibang mundo. Hindi ba’t sukdulang manhid ang gayong mga tao? (Oo.) Ito ay pagiging manhid. Kapag nakakaharap sila ng isang taong may gawain ng masasamang espiritu, na palaging nagbibigay-pansin sa mahihiwagang bagay at palaging nagsasalita tungkol sa mga bagay na nararamdaman niya, palaging nagsasabi ng mga bagay tulad ng, “May narinig akong isang tinig, binigyang-liwanag ako ng Diyos, tinanglawan ako ng Diyos, ginabayan ako ng Diyos, may inihayag na namang isang bagay sa akin ang Diyos sa loob ko,” iniisip ng mga taong manhid, “Tunay siyang nagmamahal sa Diyos. Nakatanggap siya ng mga paghahayag—bakit ako hindi?” Hindi lang talaga nila natatanto na ito ang gawain ng masasamang espiritu. Kapag isang araw ay biglang nabaliw ang taong iyon, gumawa ng malaking eksena sa harap ng lahat, nagpagulong-gulong sa lupa, at tumakbong hubad sa mga lansangan, saka lang nila nakikita na isa pala itong masamang espiritu. Sa katunayan, bago nabaliw ang taong iyon, marami nang mga pahiwatig, at sapat na sana ang mga pagpapamalas na ito para ilarawan siya bilang may gawain ng masasamang espiritu at para matugunan siya kaagad sa pamamagitan ng pagpapaalis sa kanya. Pero manhid sila, hindi matanto ang mga bagay na ito, at hindi natatanto kung anong mga kahihinatnan ang maaaring idulot ng pag-iiwan sa gayong tao sa iglesia—hindi ba’t malamang na magdulot ito ng mga sakuna? Umaabot pa nga sa punto na nananakit na ng mga tao ang ilang masamang espiritu at masamang demonyo, pero hindi pa rin sila matanto ng mga taong manhid kung ano talaga sila. Naniniwala pa nga sila na tunay na minamahal ng gayong mga indibidwal ang Diyos at na punong-puno ang mga ito ng sigasig, madalas na nagpupuyat sa gabi para magbasa ng mga salita ng Diyos at mag-aral ng mga himno, hindi kumakain o natutulog nang ilang araw pero hindi pa rin nakakaramdam ng pagod. Kahit na malinaw na hindi ito normal, sinasabi nilang pagmamahal ito sa Diyos. Hindi ba’t masyadong silang manhid? Ang mga taong manhid, sa isang banda, ay hindi nakakakilatis ng mga bagay-bagay; hindi nila kayang tumingin nang lampas sa panlabas na anyo para makita ang diwa ng mga isyu. Kaya naman, napakahirap para sa kanila na tumpak na ilarawan ang anumang isyu. Dagdag pa rito, ang mga taong manhid ay walang mga normal na paraan ng pag-iisip o ng kakayahang tumukoy ng mga bagay-bagay, kaya nananatili silang walang anumang kamalayan sa maraming bagay na nangyayari sa paligid nila. Ang mga taong tulad nito ay maaaring manirahan sa isang lugar sa loob ng ilang taon, pero kapag tinanong, “Kumusta ang klima roon? Ano ang katangian ng bawat panahon? Maginhawa bang manirahan doon?” ay hindi sila makasagot. Sinasabi nila, “Ano ang tungkol sa klima? Hindi ko alam. Basta, namumulaklak ang mga bulaklak sa Abril, naninilaw ang mga dahon at nagsisimulang malaglag bandang Setyembre o Oktubre, at kapag dumarating ang taglamig, panahon na para sa niyebe.” Kapag tinanong, “Kumusta ang mga lokal na kaugalian? Kumusta ang sistemang panlipunan? Mayroon bang diskriminasyon sa lahi? Paano ang mga patakaran ng pamahalaan? Paano nila tinatrato ang mga tao mula sa ibang lugar?” sila ay walang kaalam-alam, natutulala, at walang anumang masabi. Kahit na pagdating sa pinakamahalagang usapin—ang saloobin ng pamahalaan sa paniniwalang panrelihiyon—wala silang masabi, sumasagot lang ng, “Aba, naninirahan kami roon at hindi naman kami kailanman ginugulo ng pamahalaan.” Para silang mga manikang kahoy, walang anumang kamalayan sa anuman—ito ay sukdulang pagiging manhid. Mayroon ding ilang tao na nagsasabing masyado silang abala sa pagganap ng kanilang tungkulin at walang oras para ibuod ang mga bagay na ito—hindi ba’t isa lang itong palusot? (Oo.) Malinaw na isa itong dahilan. Nangangailangan ba ng sadyang atensyon at pagtatala ang gayon kasimpleng mga bagay? Hindi. Kung taglay mo ang pag-iisip ng normal na pagkatao, pagkatapos manirahan sa isang lugar nang mahigit sa tatlong taon, sa pangkalahatan ay dapat mayroon ka nang pagkaunawa sa lokal na klima, mga kaugalian, mga gawi sa pamumuhay, sitwasyon hinggil sa paniniwalang panrelihiyon, at mga polisiya ng pamahalaan at mga saloobin nito sa mga tao mula sa ibang mga lugar. Hindi mo na kakailanganing espesyal na alamin, tuklasin, o tipunin ang impormasyong ito—malalaman mo na lang ito. Sinumang may pag-iisip ng normal na pagkatao ay kayang maunawaan ang mga bagay na ito nang napakanatural. Kung ni hindi mo kayang maarok ang mga isyung kayang maunawaan at makita nang malinaw ng mga normal na tao, ano ang ipinapahiwatig nito? Ipinapahiwatig nito na hindi mo taglay ang pag-iisip o pagkamakatwiran ng normal na pagkatao at na hindi ka pasok sa pamantayan ng normal na pagkatao. Ang pangunahing dahilan kung bakit hindi pasok sa pamantayan ng normal na pagkatao ang ganitong uri ng tao ay dahil hindi sila nagreinkarnasyon mula sa mga tao kundi mula sa mga hayop. Nauunawaan mo ba? (Oo.) Kung napakalinaw ng katangian ng pagiging manhid ng isang tao, marami itong sinasabi tungkol sa problema.
Ano ang naunawaan ninyo mula sa ating pagbabahaginan ngayon lang tungkol sa mga katangian ng mga taong nagreinkarnasyon mula sa mga hayop? Napansin ba ninyo ang isang katunayan—na ang parehong pagkabaluktot ng pagkaarok at pagiging manhid, ang dalawang katangiang ito, ay napakalinaw sa kategoryang ito ng mga tao? (Oo.) Bakit mayroon ng dalawang pagpapamalas na ito ang mga taong ito? Ano ang kulang sa kanilang pagkatao? (Normal na pag-iisip.) Medyo angkop iyan—hindi sila nagtataglay ng talino ng tao. Sa panlabas, tila mahina ang kakayahan ng mga taong ito—gaano nga ba ito kahina? Sila ay parehong malamang na mabaluktot at manhid; pagdating sa ilang isyu na madalas kaharapin at kayang harapin at lutasin nang mag-isa ng mga taong may normal na pagkatao, nagkukulang sila at hindi nila kayang lutasin ang mga ito, nagmumukhang napaka-isip-bata, katawa-tawa, at wala sa hustong gulang. Ang mas malala, ang ilan sa mga taong ito ay walang kakayahang manatiling buháy nang mag-isa—hindi nila kayang suportahan ang kanilang sarili, at lumabas man sila para magtrabaho o pumasok sa anumang uri ng trabaho, wala silang kakayahan. Saan man sila magpunta, ayaw sa kanila o tinatanggal sila ng mga taga-empleyo. Dagdag pa rito, ang pangunahing bagay ay na kapag nahaharap sa iba’t ibang isyu sa saklaw ng sarili nilang buhay, tulad ng mga karaniwang isyu sa buhay at maging ng ilang maliit na bagay, hindi nila kayang harapin nang maayos ang mga ito. Kaya pa nga nilang guluhin ang isang napakasimpleng isyu; palagi lang silang pikit-matang naglalapat ng mga regulasyon. Ang mga pamamaraan at diskarte na ginagamit nila sa pagharap sa mga bagay-bagay ay sukdulang kahangalan at kawalang-ingat; hindi nila taglay ang mga metodo at paraan na gagamitin ng isang taong nasa hustong gulang para harapin ang mga bagay-bagay sa mundo. Dahil dito, napakalinaw na hindi sila nagtataglay ng talino ng tao. Halimbawa, ang isang ganoong tao ay nagkakasakit at palaging masama ang pakiramdam. Naghanap siya ng ilang impormasyon, at nabasa niya na maaaring isa itong malubhang karamdaman o malalang sakit; natakot siya nang husto, at nagmamadaling pumunta sa ospital para magpasuri. Sinasabi ng doktor, “Napakalubha ng sakit na ito. Napakataas ng bilang ng mga namamatay rito. Kung hindi magagamot, lalala ito at hahantong sa kamatayan. Ang operasyon ang tanging paraan para magamot ito. Kung hindi ka magpapaopera, tatlong buwan na lang ang itatagal ng buhay mo.” Nang marinig ito, natakot siya nang husto at hindi alam ang gagawin. Nang hindi sumasailalim sa mga karagdagang pagsusuri para kumpirmahin ang diyagnosis, nakinig na lang siya sa doktor at nagpasiyang magpaopera. Bago ang operasyon, ni hindi man lang siya nagtanong kung anong mga pag-iingat ang kailangang gawin, kung magkakaroon ba ng mga epekto pagkatapos ng operasyon—ni hindi man lang niya alam na itanong ang mga tanong na ito, at basta na lang natakot sa doktor kaya masunuring humiga sa operating table. Sa huli, pagkatapos ng operasyon, nakakaramdam siya ng hirap dito at hirap doon, at kahit ang pag-inom ng gamot ay hindi nakakatulong. Kalaunan, narinig nila mula sa iba na hindi naman kailangan ng operasyon para sa sakit na ito, na hindi naman talaga ito isang malubhang karamdaman, at na sa pamamagitan ng ehersisyo at pag-inom ng ilang karaniwang gamot, unti-unti itong bubuti at hindi lalala o lulubha. Ang mga doktor, para kumita ng pera, ay gumagawa minsan ng mga nakakaalarmang pahayag para takutin ang mga tao, at ang taong manhid ay walang sariling mga ideya at hindi kayang gumawa ng mga paghusga; nang marinig ang sinabi ng doktor, natakot siya nang husto, at kapag sinabi ng doktor na sumailalim siya sa operasyon, ginagawa niya ito. Kapag nangyayari sa kanya ang gayong mga bagay, kung mayroong isang tao sa paligid na may sariling mga ideya at matatag ang isipan, at may talino para tulungan siyang suriin ang mga bagay-bagay, maiiwasan niyang maligaw ng landas at medyo mababawasan ang kanyang pagdurusa. Pero kung hahayaan siyang harapin ang gayong mga bagay nang mag-isa, lalo na ang malalaking bagay, maaari siyang lumihis sa isang paraan o sa iba pa, maaari siyang maloko o mapahamak; palagi siyang gumagawa ng mga sukdulang hakbang. Sadyang hindi niya kayang sukatin nang komprehensibo ang mga bagay-bagay batay sa mga prinsipyo o sa mga karaniwang ginagamit na paraan at metodo sa pagharap sa gayong mga bagay at pagkatapos ay hanapin ang pinakamakatwiran at rasyonal na paraan para harapin ang mga ito. Kahit sino ay kayang siyang dayain, paglaruan, impluwensiyahan, at ilihis. Nagtatanong ang ilang tao, “Wala bang sariling mga kaisipan o opinyon ang mga taong ito?” Sa katunayan, hindi sa wala silang sariling mga kaisipan o opinyon—nakikita mo, kapag gumagawa sila ng masasamang gawa at naglilitanya ng mga nakalilinlang na argumento, tiyak na may sarili silang opinyon. Kahit sino pa ang magsabi ng mga tamang bagay, hindi sila nakikinig, at kahit na may magsabi ng mga bagay na tama, sila ay matigas ang ulo at nagpapatuloy lang sa kanilang mga nakalilinlang at baluktot na argumento. Ngunit pagdating sa aktuwal na pangangailangang gumamit ng normal na katwiran at normal na pag-iisip para harapin at tamang asikasuhin at pangasiwaan ang mga bagay na lumilitaw sa pang-araw-araw na buhay, hindi nila alam kung anong pamamaraan o proseso ang gagamitin para harapin ang mga ito, hindi alam kung paano aasikasuhin ang mga ito, walang mga paraan o metodo, at walang sariling mga kaisipan o opinyon. Sa huli, maaari lang silang manipulahin ng iba—ginagawa nila anuman ang sabihin ng iba na gawin nila. Ang kawalan ng talino ng normal na pagkatao ay isang katangian ng mga taong nagreinkarnasyon mula sa mga hayop. Kaya, bakit kaya nilang magpatuloy sa kanilang mga nakalilinlang at baluktot na argumento, at kaya pa nga nilang sabihin ang mga ito nang malakas at ikalat sa lahat ng dako? Pinapatunayan nito na sa usapin ng kanilang talino, wala silang kakayahang kilatisin kung ano ang katotohanan at kung ano ang nakalilinlang na pangangatwiran, kung ano ang umaayon sa normal na pagkamakatwiran at kung ano ang hindi—hindi nila kayang pag-ibahin ang mga bagay na ito; samakatwid, kapag nagbabahagi ka ng pangangatwiran na tama, hindi nila ito matanggap at hindi nila ito nauunawaan. Nagpapatuloy lang sila sa sarili nilang baluktot at pilipit na pangangatwiran, at naniniwalang tama ito. Anuman ang pamamaraang gamitin ng sinuman para kausapin sila, gaano man kaganda o kapuno ng karunungan ang paraan ng pagsasalita ng mga ito, hindi ito kayang tanggapin at hindi ito nauunawaan ng mga taong nagreinkarnasyon mula sa mga hayop—wala na silang pag-asa. Ipinapakita nito na wala silang talino ng normal na pagkatao. Kahit para sa pinakanormal na bagay sa pang-araw-araw na buhay, kapag nangangatwiran ka sa kanila, hindi ito tumatalab—nagpapatuloy pa rin sila sa kanilang pilipit na pangangatwiran. Kapag nakikita ito ng mga tao, iniisip nila, “Bakit labis na kakaiba ang taong ito? Bakit hindi siya tinatablan ng katwiran? Para siyang isang taong may sakit sa isip at isang taong wala pa sa hustong gulang—bakit palagi siyang nagsasalita na parang isang bata?” Pero hindi na siya bata—kapag singkuwenta o sisenta anyos na siya, ganito siya, at kapag umabot siya ng otsenta, ganito pa rin siya. Sa buong buhay niya, isa siyang taong may kakulangan sa talino; sa buong buhay niya, hindi siya nagtataglay ng normal na pag-iisip ng tao o ng normal na talino ng tao. Isa itong katangian ng mga taong nagreinkarnasyon mula sa mga hayop. Malinaw ba ang katangiang ito? (Oo.) Halimbawa, sabihin nating may isang hangal na babae na medyo may hitsura, at pagkatapos akitin ng isang buhong, nagsama na sila sa bahay. Ang buhong na iyon ay palaging nasa labas at nakikipaglandian, pero nang malaman niya, hindi siya nagalit—ano’t anuman, ayos lang sa kanya basta’t mabuti ang pakikitungo nito sa kanya. Kalaunan, ang buhong ay nakipagrelasyon sa iba, pero nang malaman niya, wala siyang pakialam at nanatili pa ring kasama ng buhong nang may di-natitinag na debosyon. Sinabi pa niya, “Basta’t hindi niya ako inaabandona, ayos lang ako.” Pinayuhan siya ng isang tao, sinasabi na, “Nagpakababa na siya nang husto—dapat ay hiwalayan mo na siya.” Sabi niya, “Hindi, hindi ko kayang mawala siya. Mahal niya ako at gusto ko siya!” Karapat-dapat lang sa gayong tao na manatili kasama ang buhong na ito at magdusa habambuhay—hindi lang talaga niya kayang kilatisin kung ano ang isang mabuting tao o kung ano ang isang disenteng tao. Nakipagrelasyon siya sa isang buhong at iniisip pa na tunay siyang minamahal nito. Sinasabihan siya ng buhong ng ilang matamis na salita at binibilhan siya ng masasarap na pagkain, at nang ganoon-ganoon lang, nakuha na siya nito sa matatamis na salita. Pinaglalaruan siya nito na parang naglalaro ng luwad. Kapag nambababae ito sa likuran niya at nalaman niya ito, sa ilang salita lang, naaayos nito ang mga bagay-bagay, nililinlang siya, at hindi lang talaga niya makilatis ito. Sa huli, kinamkam ng buhong ang lahat ng ari-arian at bahay niya at pagkatapos ay iniwan siya. Isinusumpa niya ito na walang konsensiya, pero hindi lang niya sinasabi na naloko siya dahil hindi siya makakilatis ng mga tao. Bakit hindi niloko ng buhong na iyon ang iba pero nagawa siyang lokohin? Hindi ba’t dahil hangal siya? Ang mga pangunahing katangian ng ganitong uri ng tao ay na sila ay matigas ang ulo at katawa-tawa sa kung paano nila naaarok at tinatrato ang lahat ng bagay, at na hindi sila nagtataglay ng katalinuhan ng normal na pagkatao. Kaya nga sinasabi nating sila ay nagreinkarnasyon mula sa mga hayop. Dahil mga hayop sila, hindi sila nagtataglay ng katalinuhan ng tao. Ang katunayang hindi sila nagtataglay ng katalinuhan ng tao ay sapat na para patunayan na ang diwa sa kalooban nila ay hindi diwa ng mga tao. Samakatwid, hindi nila kayang harapin ang mga usapin ng tao o harapin at lutasin ang mga isyu na dapat kayang harapin at lutasin ng mga normal na tao. Maging pagdating sa pagharap nila sa mga bagay-bagay sa sarili nilang pang-araw-araw na buhay—ang kanilang pang-araw-araw na pagkain, ang mga pangunahing pangangailangan, pati na rin ang mga ugnayan sa pagitan ng mga tao at ang nakapaligid na kapaligiran—napakamanhid din nila. Higit pa rito, kapag nakakaharap sila ng ilang partikular na usapin na kailangan nilang harapin at pangasiwaan, wala silang katalinuhan ng mga normal na tao, lalo na siyempre ng karunungan. Kapag nahaharap sila sa mga isyung ito, hinaharap nila ang mga ito nang may malaking paghihirap, matinding pagkapagod, at sukdulang kawalang ingat. Napakatanda na nila at napakatagal na nilang nabubuhay: Paano nila nagagawang harapin ang mga bagay-bagay sa ganitong paraan? Bakit ang mga bagay na sinasabi nila ay labis na kasuklam-suklam pakinggan at labis na nakakaasiwa? Bakit hindi sila nagsasalita tulad ng mga normal na tao? Nabuhay na sila sa loob ng napakaraming taon at napakarami nang naranasan, pero sa pagharap sa isang napakasimpleng usapin, paano sila nakakakilos nang ganito? Wala man lang sila ng mga pinakapangunahing hangganan ng pagkatao o ng mga pinakapundamental na prinsipyo na dapat taglayin ng mga tao.
Bukod sa dalawang katangian ng pagkakaroon ng baluktot na pag-arok at pagiging manhid, ang mga taong nagreinkarnasyon mula sa mga hayop ay may isa pang katangian, at ito ay na partikular na magulo ang kanilang isip. Noong nakaraan, kapag nagbabahaginan tayo tungkol sa katotohanan, ang pinag-uusapan lang natin ay ang malawak na balangkas at direksyon—medyo pangkalahatan ang pagbabahaginan. Para naman sa iba’t ibang detalye ng katotohanan, hindi natin pinagbahaginan ang mga ito nang partikular, kundi tinalakay lang natin ang ilang konseptuwal na pahayag at nilalaman. Sa paglipas ng mga taon ng pagbabahaginan, ang iba’t ibang aspekto ng katotohanan ay napagbahaganinan na nang partikular at detalyado. Gayumpaman, para sa mga taong nagreinkarnasyon mula sa mga hayop, kapag nakikinig sila sa mga salitang pinagbabahaginan ngayon, iniisip nila na halos pareho lang ang mga ito sa ibinahagi noon, at medyo nagbago lang ang mga paraan ng pagsasabi ng mga bagay, bahagyang naging mas masagana ang nilalaman, at lubos na nadagdagan ang dami ng pagbabahaginan kumpara sa dati. Kaya nagtataka sila kung bakit, sa mahabang panahong ito ng pakikinig, lalo lang silang nalilito. Napakaraming taon na nilang nakikinig sa mga sermon, pero wala silang anumang natamo mula rito. Pagdating sa kung paano umasal, kung paano tratuhin ang iba, kung paano kilalanin ang sarili, kung paano danasin ang gawain ng Diyos para magtamo ng kaalaman tungkol sa Diyos, at lalo na kung paano tratuhin ang Diyos at ang Kanyang mga salita, mula sa simula ay hindi na nila kayang maunawaan ang mga bagay na ito, at kahit ngayon, hindi pa rin nila kayang maunawaan ang mga ito. Hindi ito mababaw na antas ng pagiging magulo ng pag-iisip kundi isang malubhang antas ng pagiging magulo ng pag-iisip. Gaano man kapartikular na ipaliwanag ang iba’t ibang aspekto ng katotohanan, pinagsasama-sama nila ang lahat ng ito. Ang naaarok lang nila ay iilang islogan at doktrina, tulad ng, “Dapat nating gugulin ang sarili natin para sa Diyos, maging tapat sa Diyos, at gampanan nang maayos ang mga tungkulin natin!” Kumakapit sila sa iilang regulasyon, islogan, at teorya, at iniisip na isinasagawa nila ang katotohanan. Habang mas partikular kang nakikipagbahaginan, mas lalo silang nalilito, at mas lalo nilang nararamdaman na hindi nila ito kayang intindihin, na mas mabuti pa noong simple lang ang pagbabahaginan. Bukod pa rito, habang mas nagiging detalyado ang paliwanag, mas lalo silang nahihirapan: “Paano ko matatandaan ang isang bagay na ganito kadetalyado? Dati, napakasimple ng pagsasagawa. Bakit ngayon, habang mas marami tayong pinagbabahaginan, mas dumarami ang mga pahayag? Bakit habang mas marami ang sinasabi, mas hindi ko alam kung paano magsagawa? Dati, napakasimple ng paggawa ng tungkulin—ito ay pagtalikod lang, paggugol, pagpapakaabala, madalas na pangangaral ng ebanghelyo, at madalas na pagpapatotoo sa Diyos. Ngayon, detalyado nang naipaliwanag ang mga katotohanan tungkol sa paggawa ng tungkulin, pati na ang lahat ng iba pang aspekto ng katotohanan, pero habang mas ipinapaliwanag ang mga bagay na ito, mas hindi ko nauunawaan ang mga ito at mas lalo kong hindi maintindihan ang mga ito.” Habang mas detalyado ang paliwanag, mas lalo nilang hindi maintindihan ang mga katotohanang ito—hindi ba’t pagiging magulo ito ng pag-iisip? Malubha ang pagiging magulo ng kanilang pag-iisip, hindi ba? Bagama’t detalyado nang naipaliwanag ang iba’t ibang aspekto ng katotohanan, nalilito pa rin sila at palaging magulo ang pag-iisip nila tungkol sa ilang terminong konseptuwal at nagbibigay-kahulugan. Halimbawa, hindi nila alam at hindi nila makilatis ang masasamang tao o kung ano ang mga huwad na lider; hindi rin nila alam kung ano ang mabuting pagkatao at kung ano ang masamang pagkatao, ni hindi nila alam ang pagkakaiba sa pagitan ng pagsasagawa sa mga katotohanang prinsipyo at pagsunod sa mga regulasyon. Ang mga partikular na isyung ito ay pawang magulo para sa kanila. Hindi man lang nila nauunawaan ang mga konseptuwal na bagay na ito—gulo-gulo ang isipan nila. Higit pa rito, anuman ang gawin nila, hindi nila mahanap ang mga prinsipyo, wala silang mga hakbang na masusunod, walang mga kongkretong plano, at hindi nila alam kung anong mga pamamaraan ang dapat nilang gamitin o anong mga resulta ang dapat nilang makamit; hindi rin nila malinaw na makita kung anong mga kahihinatnan ang idudulot ng pagkilos sa isang partikular na paraan. Sa isipan nila, iniisip nila, “Bakit ko pa pag-aabalahang alalahanin ang mga bagay na ito? Kung hindi ko alam kung paano gawin ang isang bagay, gagawin ko na lang ito nang pikit-mata—ano’t anuman, hangga’t sinsero ang puso ko sa Diyos, sapat na iyon.” Nakikita mo, ang gayong mga tao ay lubhang magulo ang pag-iisip, hindi ba? Maraming taon na silang nananampalataya sa Diyos, pero hindi nila alam kung anong mga aspekto ng katotohanan ang naunawaan na nila, ni hindi nila alam kung naisagawa na ba nila ang katotohanan. Kapag tinanong kung mayroon ba silang buhay pagpasok, sinasabi nila, “Buweno, maraming taon na akong nananampalataya sa Diyos at tinalikuran ko ang pamilya ko.” Hindi malinaw sa kanila ang lahat ng bagay na ito—ito ay pagiging labis na magulo ng pag-iisip. Sa mga pagtitipon, kapag kumakanta at sumasayaw, puno sila ng sigla, pero pagdating ng oras para sa mga sermon at pagbabahaginan tungkol sa katotohanan, inaantok sila, bumibigat ang kanilang mga mata, at maaari pa nga silang makatulog. Pagdating sa paggawa ng gawain, handa silang magsumikap, at sinasabi nila, “Gampanan natin nang maayos ang mga tungkulin natin, at ialay ang katapatan natin sa Diyos!” Pero pagdating sa pakikipagbahaginan tungkol sa katotohanan, kung tatanungin sila, “Mayroon ka bang anumang natamo kamakailan? Nakilala mo na ba kung anong mga tiwaling disposisyon ang naibunyag mo? Pagkatapos mong makilala ang mga ito, nakahanap ka na ba ng landas para malutas ang mga ito?” tutugon sila, “Hindi ko alam. Medyo nakilala ko na ang mga ito, pero hindi ko alam kung tama ba o hindi ang nakilala ko. Ano’t anuman, nagpatuloy lang ako at nagsagawa nang ganoon, pero hindi ko alam kung tumpak ba ito o hindi.” Hindi nila makilatis ang anumang bagay, at magulo at hindi malinaw ang kanilang pag-iisip. Hindi nila alam kung saan sila mahusay, ni hindi nila alam kung ano ang mga kakulangan nila. Sa pagbabahaginan tungkol sa pagkilala sa mga tiwaling disposisyon, inaamin nilang mayroon silang mga tiwaling disposisyon, na nagsisinungaling din sila, at minsan ay kumikilos nang tuso at nagpapakatamad. Pero kapag nahaharap sa mga tunay na sitwasyon, kung tatanungin mo sila, “Bakit ka kumilos nang tuso at nagpakatamad? Bakit ka nanlansi?” sasabihin nila, “Hindi! Hindi ko iyon sinadya—inakala ko na ito ang angkop na paraan para gawin ito, kaya ganoon ang ginawa ko.” Ipagpalagay na may isang taong naglantad sa kanila, na nagsasabing, “Naisip mong angkop ang paggawa nito sa ganoong paraan, pero mayroon bang anumang mga personal na intensyon o pakana sa kalooban mo? Marunong ka bang magnilay-nilay sa sarili mo? Alam mo ba kung anong mga kahihinatnan ang idudulot ng paggawa nito sa ganoong paraan?” Tutugon sila, “Hangga’t wala akong masasamang intensyon, ayos lang.” “Ang kawalan ba ng masasamang intensyon ay katulad ng pagkilos nang naaayon sa mga katotohanang prinsipyo?” “Ewan ko.” Wala silang anumang alam. Napakarami na nilang napakinggang katotohanan at pagbabahaginan, at sa pang-araw-araw nilang buhay ay nakaharap na sila sa lahat ng uri ng isyung may kaugnayan sa katotohanan, pero malabo pa rin ang kanilang pagkaunawa sa bawat katotohanan. Hindi nila masabi kung aling mga bagay ang mga katotohanan at kung alin ang hindi, ni hindi nila alam kung paano isagawa ang katotohanan kapag nahaharap sa mga sitwasyon. Hindi malinaw sa kanila kung ang mga kilos at pag-uugali ba nila ay naaayon sa mga katotohanang prinsipyo, at ginagawa lang nila ang mga bagay-bagay sa anumang paraang sa tingin nila ay mabuti. Hindi ba’t ito ay pagiging magulo ng pag-iisip? (Oo.) Wala silang mga prinsipyo sa anumang ginagawa nila, ni wala silang mga prinsipyo sa kung paano nila tinatrato ang sinumang tao. Halimbawa, pagdating sa pagtrato sa masasamang tao, may ilang masamang tao na may partikular na mga kalakasan o propesyonal na kasanayan, at makakapagserbisyo pa rin sa ngayon—kung gayon, maaaring pahintulutan ang gayong mga tao na magserbisyo. Pero hindi sadyang hindi ito maintindihan ng ilang tao: “Hindi ba’t ayaw ng Diyos sa masasamang tao? Kaya bakit ginagamit pa rin sila?” Kapag nakikipagbahaginan ka sa kanila na ito ay karunungan at isa ring prinsipyo, pinag-bubulayan nila ito at iniisip, “Anong prinsipyo? Hindi ba’t panlilinlang lang ito sa mga tao? Hindi ba’t pagsasamantala ito sa mga tao?” Ganito nila ito nauunawaan. Sabihin ninyo sa Akin, mayroon ba silang pag-iisip ng normal na pagkatao? Hindi nila alam kung paano tukuyin ang mga prinsipyo para sa pagkilos ayon sa mga aktuwal na sitwasyon—kaya ba nilang maabot ang antas ng normal na talino ng tao? (Hindi.) Kayang maunawaan at maarok ng mga may pag-iisip ng normal na pagkatao at normal na talino ang bagay na ito, pero hindi man lang maarok ng mga taong nagreinkarnasyon mula sa mga hayop ang simpleng bagay na ito. Kung gayon, paano nila posibleng maunawaan ang katotohanan? Isang bagay na madalas nilang sabihin ay, “Noong nakaraan, iyan ang sinabi mo tungkol sa bagay na ito. Bakit iba na ang sinasabi mo ngayon? Hindi maaasahan ang mga salita mo—paanong nagagawa mong baguhin ang mga ito anumang oras?” Hindi nila alam na iba na ngayon ang kalagayan ng bagay na ito, kaya dapat ding magbago ang paraan ng pagharap dito. Gayumpaman, nananatiling pareho ang mga prinsipyo at layon. Nagbago lang ang paraan ng pagharap sa bagay na ito—inaayos ito ayon sa mga partikular na sitwasyon, umaakma at tumutugon sa tuwing kinakailangan batay sa kalagayan ng bagay na ito, para makamit ang mas magagandang resulta. Kapag nakakaharap ng mga taong nagreinkarnasyon mula sa mga hayop ang gayong mga bagay, hindi nila makilatis ang mga ito. Naniniwala sila na ang mga katotohanang prinsipyo ay mga regulasyon, at na dapat na sundin ang mga ito nang walang pagbabago sa lahat ng oras. Kaya kapag ikaw, batay sa mga katotohanang prinsipyo, ay nag-aayos ng paraan para sa paggawa ng isang bagay, hindi nila ito naiintindihan o nauunawaan, at hindi nila ito matanggap. Maaari ka pa ngang kondenahin ng ilan sa kanila at humanap ng panghahawakan laban sa iyo. Sa kalooban nila, hindi nila malinaw na makita ang diwa o kalikasan ng anumang bagay. Magulo ang kanilang mga pag-iisip. Kapag tinitingnan nila ang anumang bagay, naglalapat lang sila ng mga regulasyon dito; hindi nila kailanman alam kung paano ito susukatin batay sa mga katotohanang prinsipyo, ni hindi nila alam kung paano gumamit ng iba’t ibang pamamaraan para lutasin at tugunan ito batay sa batas ng pag-unlad nito. Sa mga taong nagreinkarnasyon mula sa mga hayop, napakalinaw ng katangiang ito ng pagiging magulo ng pag-iisip, hindi ba? (Oo.)
Hindi kayang kumilatis ng ibang tao ng mga taong nagreinkarnasyon mula sa mga hayop. Kapag nakakakita sila ng isang taong medyo matapat magsalita pero medyo lihis kumilos, hindi nila makilatis kung anong uri talaga ng tao ito, kung isa ba talaga itong taong naghahangad sa katototohanan. Kapag nahaharap sa mga komplikadong sitwasyon na nangangailangan ng diyalektikong pag-iisip, nalilito sila at hindi malaman kung paano ito susuriin, at hindi nila alam kung paano ito susukatin. Magulo ang kanilang pag-iisip; ang pag-iisip nila ay parang isang buhol-buhol na sinulid, at hindi nila kailanman maiayos ang sarili nilang mga kaisipan. Kahit ilang beses mo mang sabihin sa kanila ang mga prinsipyo, hindi nila alam kung paano ilalapat ang mga katotohanang prinsipyo para kilatisin ang iba’t ibang tao, pangyayari, at bagay. Halimbawa, pagdating sa pag-uulat ng mga problema, hindi nila maiulat nang tumpak ang mga bagay-bagay batay sa aktuwal na sitwasyon. May ilang lider na kayang gumawa ng ilang aktuwal na gawain, pero sa mga partikular na pagkakataon, maaaring may ilang paglihis sa pagganap nila sa kanilang gawain, at maaaring magpakita sila ng ilang pagbubunyag ng mga tiwaling disposisyon; gayumpaman, pagdating sa kanilang pagkatao at kapabilidad sa gawain, sa pangkalahatan ay pasok sila sa pamantayan. Pero hindi tinitingnan ng ilang taong magulo ang isip ang katunayan na kayang gumawa ng mga lider na ito ng aktuwal na gawain, ni hindi nila tinitingnan ang mga merito ng pagkatao ng mga ito—sa halip, ang tanging pinipili nilang iulat ay ang mga depekto, kapintasan ng mga ito, at ilang maliit at di-mahalagang isyu. Sa kabaligtaran, ang mga tunay na anticristo at masasamang tao, ang mga taong gumagawa ng malalaking kasamaan, ay walang kakayahang gumawa ng anumang aktuwal na gawain at nagsasalita lang ng mga salita at doktrina para ilihis ang iba, sa panlabas ay gumagawa sila ng mga bagay nang may labis na pagpaparangya pero sa realidad ay hindi pasok sa pamantayan ang kanilang pagkatao, mali ang landas na pinili nila, ang pagkatao nila ay sa masasamang tao at mga anticristo, at ang landas na tinatahak nila ay sa mga anticristo, landas ng hindi paghahangad sa katotohanan, pero hindi makilatis ng mga indibidwal na ito na magulo ang isip ang mga bagay na ito. Nakikita nila na malaki ang pagpaparangya ng mga taong ito kapag ginagawa ang kanilang gawain at ipinapalagay nilang may talento ang mga ito sa pamumuno at mga kasanayan sa pag-oorganisa, na kaya ng mga ito na gawin nang maayos ang gawain. Pagdating sa kung anong mga resulta ang aktuwal na ibinubunga ng gawain ng mga ito, kung nagsisi at nagbago na ba ang mga ito, o kung pasok ba sa pamantayan ang pagkatao ng mga ito, hindi nila alam alinman sa mga bagay na ito. Kahit pa mailihis at makontrol sila ng mga anticristo, wala silang magiging kamalayan dito; susunod at tatalima sila sa mga anticristo, pero naniniwala pa rin silang sumusunod sila sa Diyos, na nangangaral sila ng ebanghelyo at nagpapatotoo sa Diyos. Ang totoo, matagal na silang kontrolado ng mga anticristo; hindi sila nananampalataya sa Diyos kundi sumusunod sa mga tao, sumusunod sa mga diyablo at Satanas—pero hindi nila ito malalaman. Sa kalooban nila, matagal na silang napuno ng kadiliman, matagal nang nawala sa kanila ang presensya ng Diyos, at matagal nang nawala sa kanila ang gawain ng Banal na Espiritu. Dahil napakamanhid nila, dahil baluktot ang kanilang pag-arok, at dahil hindi nila nauunawaan ang anumang mga katotohanang prinsipyo, hindi nila makilatis ang mga bagay-bagay at hindi nila kayang kumilatis ng mga tao. Hindi lang sila hindi nag-uulat ng mga problema o nagpapatanggal ng mga anticristo, kundi ipinagtatanggol pa nila ang mga ito. Sa kabaligtaran, pagdating sa mga lider at manggagawa na tunay na kayang gumawa ng ilang aktuwal na gawain, kung makapansin sila ng maliliit na kapintasan o maliliit na isyu, ipinipilit nilang iulat ang mga ito at banggitin ang mga isyung ito, kahit na hindi mga usapin ng prinsipyo ang mga ito. Malubha ang pagiging magulo ng kanilang isip! Hindi nila makilatis ang anumang usapin ng prinsipyo—kahit pagdating sa kung kanino sila dapat makisalamuha sa pang-araw-araw na buhay, kung kanino sila makakatamo ng tulong at mga pakinabang, o kung kanino sila dapat lumayo, hindi nila makilatis o mawari ang mga bagay na ito. Ang ilan sa kanila ay labis na kasundo ang mga hindi mananampalataya at mga walang pananampalataya, iniisip na ang mga taong ito ay maalam, may kakayahan, at sa gayon ay makakatulong sa kanila, at na sulit na sulit pakisamahan ang mga ito. Madalas pa nga nilang purihin ang mga iniidolo nila, sinasabi kung gaano kahusay ang mga ito at kung gaano kalaki ang katanyagan ng mga ito. Sinasamba nila ang mga diyablo bilang mga idolo—hindi ba’t pagiging magulo ito ng pag-iisip? (Oo.)
Ano ba talaga ang partikular na tinutukoy ng pagiging magulo ang isip? (Pagkakaroon ng mahinang kakayahan.) Pangkalahatang termino iyan—sa partikular, ang pagiging magulo ang isip ay nangangahulugan na ang isang tao ay walang tumpak na mga kaisipan at pananaw para kumilatis ng anuman, at na sa pagtingin sa anumang bagay ay wala siyang mga prinsipyo o batayan, at magulo ang pananaw niya rito. Isa itong aspekto. Bukod pa rito, hindi kayang pag-ibahin ng ganitong uri ng mga tao ang tama sa mali at ang itim sa puti—madalas nilang napagkakamalan ang mga negatibong bagay bilang mga positibong bagay at tinatawag na negatibo ang mga positibong bagay. Hindi nila makilatis kung ano ang mga positibong bagay at kung ano ang mga negatibong bagay. Halimbawa, sinasabi ng ilang tao, “Ang Diyos na pinaniniwalaan ninyo ay isang tao lang.” Pinag-iisipan nila ito at sinasabing, “Hindi, hindi iyan tama. Ang pinaniniwalaan ko ay diyos. Kung isa lang siyang tao, paano niya maipapahayag ang katotohanan? Ang pinaniniwalaan ko ay diyos—tiyak ako tungkol dito.” Sa puntong ito, hindi magulo ang isip nila. Pero kapag may nagsabing, “Itinakbo ng diyos na pinaniniwalaan ninyo ang malaking pera, tumakas papuntang US para magpasarap sa buhay doon,” nalilito sila at naiihihis. Kung maririnig ng isang taong may talino ang mga salitang ito, makikilatis niyang isa itong inimbentong tsismis. Paano ito matatawag na “pagtakbo dala ang malaking pera”? Kapag dumadaan sa customs, sumasailalim ang lahat sa mahigpit na inspeksyon, at may regulasyon sa dami ng pera na maaaring dalhin ng bawat tao. Ang pagdadala ba ng ganoong kaliit na halaga ng pera ay maituturing na “pagtakbo dala ang malaking pera”? Bukod pa rito, kaninong pera iyon? Kung may isang taong naglustay o umagaw ng pera ng ibang tao, iyon ay “pagtakbo dala ang malaking pera”—pero kung sarili niyang pera iyon, matatawag ba iyong “pagtakbo dala ang malaking pera”? Hindi iyon “pagtakbo dala ang pera,” kundi normal na pagdadala ng pera. Isa itong aspekto. Higit pa rito, ano ang ibig sabihin ng “pagtakas”? Ang isang takas na tumatakbo pagkatapos gumawa ng krimen ay tinatawag na “pagtakas.” Gumawa ba ng krimen si Cristong nagkatawang-tao? Nagpahayag lang Siya ng maraming katotohanan at isinagawa ang Kanyang gawain ng paghatol sa mainland China, nagtamo ng isang grupo ng mga taong sumunod sa Kanya, at dahil dito ay dinanas Niya ang malupit na panunupil at tila-hibang na pag-aresto ng CCP. Sa huli, wala Siyang magawa kundi akayin ang ilang tao palabas ng bansa para ipagpatuloy ang gawain ng Diyos sa ibang bansa. Paano iyon matatawag na “pagtakbo dala ang malaking pera”? Isa iyong normal na paglalakbay, pagdaan sa customs at pagsakay sa eroplano papuntang Estados Unidos sa isang ganap na normal na paraan. Umalis Siya sa bansa dahil tinutugis Siya ng CCP, walang mapagpahingahan at walang lugar na matutuluyan. Sa ilalim ng diktadurang pamumuno ng CCP, hindi lang walang kalayaan sa relihiyon, kundi humahantong din sa pag-aresto at pag-uusig ang pananampalataya sa Diyos; para naman kay Cristo, na nagpapahayag ng katotohanan para iligtas ang sangkatauhan, kung mahuhuli Siya, haharap Siya sa parusang kamatayan at pagpapako sa krus. Dahil lang sa mga pangangailangan ng gawain kaya pinili ni Cristo na pumunta sa isang demokratiko at malayang bansa, at nakakuha Siya ng pasaporte at visa sa pamamagitan ng mga normal na paraan bago makarating sa Estados Unidos. Sa US, wala Siyang mga kaibigan o kamag-anak, hindi Siya pamilyar sa lugar, at namumuhay Siya ng isang ordinaryong buhay, kumakain ng mga simpleng lutong-bahay na pagkain—walang anumang “pagpapasarap sa buhay.” Hindi ba’t ang “pagpapasarap sa buhay” ay pananalita lang ng mga may masasamang motibo? Hindi ba’t isa itong kasinungalingan? Namumuhay si Cristo ng buhay ng isang ordinaryong tao sa US: kumakain ng mga pagkaing lutong-bahay, ni minsan ay hindi kumain sa isang mamahaling restawran para magtamasa ng isang marangyang pagkain, lalo nang hindi kailanman nanatili sa isang mamahaling hotel, at napakabihirang maglakbay—sapat na ang paglalakbay sa mga kalapit na lugar. Walang alinman sa mga bagay na ito ang may anumang espesyal na atraksiyon para sa Kanya. Mahilig kumain ang ilang tao at gustong subukan ang lahat ng hindi pa nila natitikman, umaabot pa sa puntong ipinapadala ang pagkain sa pamamagitan ng eroplano para lang matikman ito. Kahit kailan ba ay ginawa Ko iyon? Hindi kailanman. Gayumpaman, kahit ganoon, may ilang taong may masasamang motibo na ginagawan ito ng isyu! Ang mga taong ito ay mga diyablo. Ipinanganak silang mga kaaway ng Diyos, at ang pagkilos nila sa ganitong paraan ay ang kanilang likas na kalikasan; pangunahin silang umaasa sa pagsisinungaling para linlangin ang mga tao at siraan ang Diyos. Na sila ay mga diyablo ay hindi mapag-aalinlanganan. Kaya anong uri ng tao ang isang taong kayang maniwala sa mga kasinungalingan ng mga diyablong ito? Siyempre, dapat na mga diyablo rin sila—tanging mga diyablo ang naniniwala sa mga salita ng mga diyablo. Sinasabi ng ilang tao, “Itinakbo ng cristo na pinaniniwalaan ninyo ang malaking pera,” at agad nila itong pinaniniwalaan at ganap na tinatanggap. Sinasabi ng ilang tao, “Tumakas ang cristo na pinaniniwalaan ninyo papuntang US at nagpapasarap sa buhay doon, kumakain ng napakaraming masasarap na pagkain na nagsasawa na siya sa mga ito, nananatili sa mararangyang hotel, sumasakay sa mararangyang sasakyan, may personal na chef at mga katulong, at nagpupunta sa ibang bansa para libutin ang sikat na magagandang tanawin—ginugugol niya ang lahat ng oras niya sa pagpapasarap sa buhay.” Sa sandaling ma-brainwash ni Satanas, agad itong pinaniniwalaan ng mga taong ito na magulo ang isip. Sinasabi Ko na ang gayong mga tao ay dapat na ibigay kay Satanas—hindi sila karapat-dapat na manampalataya sa Diyos. Kahit gaano karaming sermon ang napakinggan na nila, hindi lang talaga nila nauunawaan, at kaya pa rin nilang maniwala sa mga tsismis na ito. Ang gayong mga tao ay hindi tao. Kung hindi sila tao, ano sila? Sila ay mga hayop. Bagama’t hindi sila masasamang tao, malubha ang pagiging magulo ng kanilang isip, hindi nila kayang pag-ibahin ang mabuti sa masama, ang positibo sa negatibo, ang tama sa mali, ang katotohanan sa kabuktutan at baluktot na pangangatwiran. Dapat paalisin ang gayong mga tao—kung hindi sila aalis nang kusa, dapat silang paalisin sa iglesia. Dapat silang palayasin kaagad, at malugod namin silang ihahatid. May sariling paraan ang CCP ng paglalarawan sa pagpapaalis ng mga tao ng iglesia, sinasabing ang pagpapaalis at pagpapatalsik sa mga tao ay isang pagpapakita ng lakas. Nakikita mo, nauunawaan ng mga diyablo at Satanas ang bawat usapin sa gayong katawa-tawang paraan. Inilalantad lang nito na marami sa mga pagkilos ng CCP ay ginagawa para magpakita ng lakas; kaya, binibigyang-kahulugan nito ang pag-aalis ng mga tao ng iglesia bilang isang pagpapakita ng lakas. Ipinagpapalagay nito na iniisip ng iba ang katulad ng iniisip nito. Hindi nito kailanman mauunawaan na ginagawa ito ng iglesia nang ganap na nakabatay sa katotohanan at sa mga salita ng Diyos—ang pag-aalis mula sa iglesia ay bahagi ng mga atas administratibo nito. Hindi ba’t buktot ang mga diyablo? (Oo.) Talagang buktot sila! At napakaraming taong magulo ang isip—gaano man kabuktot ang mga diyablo, hindi makita ng mga taong magulo ang isip na buktot sila. Kapag nag-iimbento ng mga tsismis ang mga diyablo tungkol sa Diyos, iniinsulto ang Diyos, at nilalapastangan ang Diyos, pinaniniwalaan nila ang bawat salita. Pero gaano man katotoo at kapositibo ang mga salita ng Diyos, hindi nila pinaniniwalaan ang mga ito. Gaano man karaming pakinabang ang idinudulot ng mga salita ng Diyos sa mga tao, hindi nila ito makita. Ngunit sa sandaling magsalita si Satanas ng isang salita, nalilihis sila at pinaniniwalaan ito nang walang pag-aalinlangan. Masasabing sila ay kauri ni Satanas, pero talagang ayaw sa kanila ni Satanas. Bakit? Dahil ang mga hangal na tulad nila, ang gayong mga ganap na mangmang, ay masyadong hangal kahit para kay Satanas. Wala kang kayang gawin, kaya ang ginagawa lang ni Satanas ay ilihis ka para hindi ka manampalataya sa Diyos at ipagkanulo mo ang Diyos—ayaw ni Satanas sa isang tulad mo. Ano ba ang posibleng magagawa mo? Mayroon ka bang mga kasanayan para magsagawa ng paniniktik? Ni wala ka ngang normal na pag-iisip ng tao. Ilalantad mo ang pagkakakilanlan mo bago mo pa matapos ang tatlong pangungusap. Kahit pa gustuhin mong maging espiya para sa CCP, hindi ka gugustuhin ng CCP. Dahil ikaw ay hangal, magulo ang isip, napakadaling linlangin, at hindi ka nagtataglay ng normal na pag-iisip ng isang tao, minamaliit ka pa nga ni Satanas at ayaw nito sa iyo. Kaya, kapag hinihiling sa iyo ng sambahayan ng Diyos na gampanan ang tungkulin mo, itinataas ka ng Diyos—huwag kang makaramdam na inaagrabyado ka. Pinaniniwalaan mo ang lahat ng sinasabi ni Satanas, pero gaano man karaming gawain ang nagawa na ng Diyos o gaano man karaming salita ang nasabi na ng Diyos, hindi ka naniniwala sa mga ito. Wala kang tunay na pananampalataya sa Diyos at nananatili kang puno ng pagdududa. Nagsasalita si Satanas ng isang salita, at nabibihag ka nito. Anong klaseng hamak na nilalang ka? Anong dignidad ang mayroon ka? Anong halaga ang mayroon ka? Isa ka lang taong magulo ang isip, pero iniisip mong napakagaling mo at naniniwala kang marangal ka. Hindi mo man lang makilatis ang gayong mga hayag na kasinungalingan ni Satanas, at hindi mo makilala ang layunin ni Satanas sa likod ng mga ito—hindi ba’t sukdulang pagiging magulo ito ng pag-iisip? Sinasabi ng CCP, “Itinakbo ng cristo na pinaniniwalaan ninyo ang malaking pera at nagpapasarap sa buhay sa US.” Kapag naririnig ito ng mga taong ito na magulo ang isip, kumakabog ang kanilang dibdib: “Ganoon ba? Paanong ko hindi nalaman ang tungkol dito? Itinakbo ba niya ang lahat ng perang inihandog ko? Hindi iyon ginamit para sa gawain ng iglesia, hindi ba? Ginastos iyon para sa personal niyang kasiyahan, hindi ba? Ginamit iyon para bumili ng masasarap na pagkain, magagandang damit, at mahahalagang alahas para sa sarili niya, hindi ba? Ni hindi ko man lang ito natamasa—inihandog ko ito sa kanya at ginamit niya ito para sa sarili niyang kasiyahan. Hinding-hindi ko ito matatanggap. Hindi na ako nananampalataya! Kailangan kong bawiin ang pera ko!” Kung pinagsisisihan mo ang paghahandog ng pera, maaaring isauli ito sa iyo ng sambahayan ng Diyos, pero mula sa sandaling iyon, ganap ka nang hiwalay mula sa sambahayan ng Diyos. Napakaraming taon mo nang nakikinig sa mga sermon—gaano karaming katotohanan ang natamo mo nang libre? Tinamasa mo ang biyaya, mga pagpapala, proteksyon, at pangangalaga ng Diyos sa loob ng napakaraming taon—gumastos ka ba ng kahit isang sentimo? Humingi ba sa iyo ng pera ang Diyos kahit kailan? Ang biyaya, mga pagpapala, pangangalaga, at proteksyon ng Diyos—kabilang na ang mismong buhay mo—ay pawang ipinagkaloob sa iyo ng Diyos. Mabibili mo ba sa pera ang ipinagkakaloob ng Diyos? Ano ang maipapalit mo rito? Maipagpapalit mo ba ang iilang maruming barya mo para dito? Ang mga bagay na ito ay mga kayamanang hindi matutumbasan ng halaga—wala kang anumang maipapalit sa mga ito; walang sinuman ang makakagawa nito! Ipinagkaloob ang mga ito sa iyo dahil handang gawin ito ng Diyos, dahil nagpapakita sa iyo ng biyaya ang Diyos at tinatrato ka ng Diyos bilang isang nilikha. Hindi ito mga bagay na binili mo sa pera, ni mga bagay na nakuha mo kapalit ng pagbabayad ng halaga. Hindi makilatis ng mga taong magulo ang isip ang mga bagay na ito. Sa kanilang puso, palagi silang nalilito; palagi nilang iniisip, “Mayroon bang anumang madilim na lihim ang Diyos? Bukod sa pagbibigay ng mga sermon, hindi ba’t marami pang ibang bagay na dapat linawin at ipaliwanag sa amin? Hindi ba’t dapat mayroong paliwanag, mayroong pag-uulat? Hindi ba’t dapat ibunyag sa lahat ang Kanyang pribadong buhay at ang Kanyang mga salita at kilos kapag walang ibang nasa paligid?” Maraming taong magulo ang isip ang may ganitong kaisipan—maaaring hindi nila sinasabi nang malakas ang gayong mga bagay, pero ito ang iniisip nila sa kanilang puso. Kailangan bang ibunyag ng Diyos sa tiwaling sangkatauhan ang lahat ng ginagawa Niya? Napakarami nang katotohanang ipinahayag ng Diyos, at iyon ang pinakadakilang uri ng pagbubunyag—ibinubunyag nito ang lahat ng tao. Kung hindi ka naniniwala na ang lahat ng ginagawa ng Diyos ay ang katotohanan, wala ka talagang anumang kaalaman tungkol sa Diyos. Kung gumagawa ka ng mga basta-bastang komento tungkol sa Diyos, inaatake at nilalabanan mo ang Diyos. Ginawa nang pampubliko ng Diyos ang lahat ng katotohanan para magamit ng mga tao ang katotohanan para tingnan ang mga bagay-bagay. Kung paano dapat tingnan ng isang tao ang mga tao, kung paano nila dapat tingnan ang mga bagay-bagay, at kung anong mga pananaw at prinsipyo ang dapat nilang taglayin sa pag-asal at pagkilos—lahat ng ito ay nasa mga salita ng Diyos. Kung hindi mo pa rin ito alam at hindi pa rin ito malinaw sa iyo, ito ay dahil magulo ang isip mo—isa kang indibidwal na magulo ang isip. Ang mga taong magulo ang isip ay hindi karapat-dapat na malaman ang tungkol sa mga gawain ng Diyos at ng sambahayan ng Diyos—lalo na ang mga diyablo—dahil ang mga taong magulo ang isip at ang mga diyablo ay walang anumang pagkaunawa sa katotohanan; may tendensiya silang basta-bastang maglapat ng mga regulasyon, gumawa ng mga bulag na paghusga, at basta-bastang kondenahin ang mga gawaing ito. Wala silang pagkilatis at walang mga prinsipyo. Maaaring sabihin nang may katiyakan: Ang mga taong magulo ang isip at ang mga diyablo ay hindi karapat-dapat na manatili sa sambahayan ng Diyos—dapat silang lumayas! Ang mga taong magulo ang isip at mga taong baligho ay hindi nagtataglay ng mga pangunahing kondisyon para maunawaan ang katotohanan, ni hindi sila nagtataglay ng mga pangunahing kondisyon para magtamo ng kaligtasan—maaari silang bihagin ni Satanas anumang oras at sa anumang lugar. Sabihin ninyo sa Akin, kailan ba nagbigay ng mga sermon o nagpaliwanag ng katotohanan ang Diyos sa mga hayop? Kaya, para makarinig ang mga tao ng napakaraming sermon, maunawaan man nila ang katotohanan o hindi, ito ay ganap na dahil sa biyaya ng Diyos at sa pagtataas ng Diyos. Kung palagi kang nagdududa sa Diyos, iniisip na, “Ang Siya bang pinaniniwalaan ko ay talagang ang tunay na Diyos? Talaga bang umiiral ang Diyos? Talaga bang ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay? Talaga bang mabuti ang Diyos sa mga tao, o nagkukunwari lang Siya? Talaga bang ang Diyos ang katotohanan, at kaya ba talaga Niyang iligtas ang mga tao?”—kung ganito ka mag-isip at tinatrato mo ang Diyos nang may gayong saloobin, karapat-dapat kang mamatay. Sa malao’t madali, maghahanda ang Diyos ng isang partikular na kapaligiran kung saan ibibigay ka Niya kay Satanas, at ang ugnayan mo sa Diyos ay ganap na mapuputol. Ang ugnayan sa pagitan mo at ng Diyos ay hindi na magiging sa pagitan ng isang nilikha at ng Lumikha, at mula sa sandaling iyon, wala ka nang magiging kinalaman sa Diyos.
Ang pinagbahaginan natin ngayon lang ay ang ikatlong pagpapamalas ng mga taong nagreinkarnasyon mula sa mga hayop—na magulo ang isip nila. May isa pang pagpapamalas, at iyon ay na hangal sila. Ang kahangalan ay may kaugnayan din sa talino—kaya gaano ba talaga kahangal ang mga taong ito? Anong mga pagpapamalas ang nagpapakita ng kahangalan? Ang ilang tao, kapag nangangaral ng ebanghelyo, ay nagsasabi, “Isaalang-alang ninyo ang mga layunin ng Diyos! Wala man lang mapagpahingahan ng Kanyang ulo ang Diyos. Masisidhi ang mga layunin ng Diyos! Hindi madali ang gawain ng Diyos—ito ay napakahirap!” Kapag naririnig ito ng mga walang pananampalataya, sinasabi nila, “Ano ba iyang pinagsasasabi mo na walang katuturan?” Hindi mauunawaan ng mga walang pananampalataya ang mga salitang ito. Hindi sila nananampalataya sa Diyos, kaya hindi nila alam kung ano ang tinutukoy ng mga salitang ito o kung ano ang pinagmulan ng mga ito. Kaya hindi ba’t kahangalan na sabihin mo ang mga bagay na ito? (Oo.) Sa anong paraan ito kahangalan? Mali ang kinakausap nila, hindi ba? (Oo.) Ang ilang taong magulo ang isip, pagkatapos maaresto, ay tinatanong ng buktot na mga pulis: “Naniniwala kayo sa diyos—ano ang ipinapagawa sa inyo ng diyos? Hindi mo ba alam na ilegal ang maniwala sa diyos? Nilabag ninyo ang batas. Hindi pinahihintulutan ng estado ang ganyang paniniwala!” Ang totoo, naghahanap lang ang buktot na mga pulis na ito ng dumi na magagamit nila para hatulan ang mga mananampalataya sa Diyos, pero hindi ito nakikilatis ng ganitong uri ng hangal na tao. Sinasabi nila, “Hindi ilegal ang pananampalataya namin sa Diyos. Sinasabi sa amin ng Diyos na maging matatapat na tao, na lumakad sa tamang landas, at maging mabubuting tao.” Kapag naririnig ito ng mga diyablo, sinasabi nila, “Dahil sinasabi sa inyo ng diyos na maging matatapat na tao, sabihin ninyo sa amin—sino ang mga lider ng inyong iglesia? Saan nakatago ang pera ng inyong iglesia? Magsalita ka nang tapat! Kung hindi ka magsasalita nang tapat, kokondenahin ka ng iyong diyos!” Pagkarinig nito, natitigilan ang ganitong uri ng hangal na tao. Hindi ba’t kahangalan ito? Paano makakapagsalita nang tapat ang isang tao sa mga diyablo? Paano masasabi ng isang tao ang katotohanan ng Diyos sa mga diyablo? Anuman ang mangyari, hinding-hindi ito dapat sabihin sa kanila. Mayroon ding mga hangal na taong nagtatanong sa mga pulis, “Bakit ninyo kami palaging inaaresto? Bakit ninyo palaging pinahihirapan kaming mga mananampalataya sa Diyos? Bakit palagi kayong nag-iimbento ng mga tsismis tungkol sa amin?” Hindi ba talaga nila alam kung bakit? Inaasahan ba nilang makakuha ng sagot mula sa mga ito? Makakakuha ba sila ng sagot? Ang tanungin sila kung bakit—hindi ba’t ito ay baligho, hindi ba’t ito ay kahangalan? Ngunit kayang-kaya ngang itanong ng mga hangal na taong ito ang gayong mga kahangalan. Sadyang hindi nila nauunawaan at patuloy silang nagtatanong, “Bakit palagi tayong inuusig ng CCP? Bakit palagi nilang inaaresto tayong mga mananampalataya sa Diyos at nag-iimbento pa nga ng mga tsismis tungkol sa atin? Malinaw na inuusig tayo at hindi makauwi, pero sinasabi nilang tinalikuran natin ang ating mga pamilya. Hindi ibinabatay ng mga diyablong ito ang kanilang mga salita sa mga katunayan! Hindi ba’t ito ay ganap na gawa-gawa lamang? Gumagawa lang naman tayo ng ilang masining na pagtatanghal na video para magpatotoo sa Diyos at ipalaganap ang mga salita ng Diyos—bakit labis itong kinamumuhian ng mga diyablo at mga Satanas? Palagi silang pumupunta sa bahay ko para pagbantaan at takutin ang aking pamilya at mga kamag-anak, nagkakabit pa nga ng mga surveillance camera—bakit?” Kailangan pa bang itanong ito? Hindi ba’t isang kahangalan na sabihin iyan? Kung nagsisimula ka pa lang manampalataya sa Diyos, normal lang na hindi mo nauunawaan kung ano ang nangyayari. Ngunit napakaraming taon mo nang nananampalataya sa Diyos—paanong hindi mo pa rin alam? At kung alam mo, bakit ka pa nagtatanong? Hindi pa rin ito maintindihan ng ilang tao: “Hindi naman natin kailanman kinalaban ang Partido o ang estado, hindi tayo kailanman nakibahagi sa mga gawaing pampolitika, hindi natin kailanman sinubukang pabagsakin ang gobyerno o ang pamumuno nito, hindi tayo kailanman nagdulot ng anumang banta sa pamumuno nito—kaya bakit palagi tayong inaaresto at inuusig ng CCP? Palagi tayong nagtatago, hindi makauwi o makatawag sa ating mga pamilya kahit gusto natin. Hindi ko talaga maintindihan—bakit palagi tayong pinahihirapan ng CCP?” Kung talagang hindi mo ito makilatis, kung gayon ay labis kang mangmang—tunay kang hangal. Halimbawa, may isang babaeng nag-asawa ng isang di-nananampalatayang lalaki. Noong magkasintahan pa sila, sinabi nito, “Sasampalataya rin akong kasama mo—sabay tayong papasok sa kaharian ng langit.” Napakaganda ng kanyang pagkakasabi, ngunit ang totoo, isa siyang hindi mananampalataya, isang diyablo—pinapaikot lang siya nito. Ngunit nang talikuran niya ang lahat para gugulin ang sarili para sa Diyos, sumiklab ito sa galit. Hindi siya nito pinahihintulutang dumalo sa mga pagtitipon, hindi siya nito pinahihintulutang gampanan ang kanyang tungkulin, at hindi siya nito pinahihintulutang basahin ang mga salita ng Diyos. Nagtataka pa rin ang hangal na babaeng ito, “Hindi naman siya ganito dati. Mahal na mahal niya ako, inaalagaan niya akong mabuti, nauunawaan niya akong lubos, at lubos niyang sinusuportahan ang pananampalataya ko sa Diyos. Bakit parang ibang-iba na siyang tao ngayon? Dati ay nananampalataya rin siya—bakit siya nagkaganito?” Sa loob ng ilang taon na malayo siya sa tahanan para gampanan ang kanyang tungkulin, palagi niyang pinagbubulayan ang bagay na ito: “Imposibleng maghanap ng ibang babae ang asawa ko. Ako ang pinakamamahal niya. Ako lang ang nag-iisa para sa kanya, ako ang una niyang pag-ibig. Hinding-hindi siya magmamahal ng ibang babae. Bukod pa rito, isang taong totoo ang asawa ko, at wala siyang anumang pambihirang mga abilidad o kasanayan—sino ang gugustuhing sumama sa kanya?” Ang totoo, kahit iniisip niya ito, hindi siya mapalagay sa kanyang puso. Umaasa siyang hinihintay pa rin siya ng kanyang asawa. Ngunit ang totoo, kahit noong nasa bahay pa siya, dahil abala siya sa pananampalataya sa Diyos at sa paggampan ng kanyang tungkulin araw-araw, nakahanap na ito ng ibang babae. Subalit iniisip niyang imposible iyon: “Ang ibang lalaki ay maaaring maghanap ng ibang babae, pero hindi siya. Hindi siya ganoong klase ng tao! Noong nasa bahay pa ako, sinabi pa nga niyang gusto niyang manampalataya sa Diyos!” Sabihin ninyo sa Akin, hindi ba’t sukdulan ang kanyang kahangalan? (Oo.) Sa lahat ng mga taon na ito na wala siya sa tahanan—hindi lang nakahanap ng iba ang kanyang asawa, kundi itinakwil na rin siya maging ng kanyang mga anak at mga magulang. Matagal na siyang hindi itinuturing na miyembro ng pamilyang iyon. Sino ang nakakaalam kung paano nila siya iniinsulto kapag nakatalikod siya o kung gaano kalalim ang pagkamuhi nila sa kanya. Subalit hindi niya ito makilatis—sabihin ninyo sa Akin, hindi ba’t kahangalan ito? (Oo.) Gaano kalala ang kanyang kahangalan? Hanggang sa puntong ganap na wala siyang talino ng normal na pagkatao; kaya, hindi niya magamit ang normal na pag-iisip ng tao para tingnan ang mga tao at mga bagay. Palagi niyang ginagamit ang kanyang isip-bata, baluktot, at hangal na mga kaisipan at pananaw para tingnan at sukatin ang mga bagay-bagay. Sa huli, madalas siyang naiipit sa mahihirap na sitwasyon, nagiging napakapasibo, at kumikilos sa paraang napakamangmang. Hindi ba’t kahangalan ito? (Oo.) May ilang hangal na taong tulad nito. Ang pagiging hangal ay nangangahulugang wala silang talino ng normal na pagkatao, kaya kapag tinitingnan ang mga tao at mga bagay o nangangasiwa ng mga usapin, wala silang mga pangunahing prinsipyo bilang suporta para magawa nilang makamit ang mabubuting resulta, tama ba? (Oo.)
Bilang buod, kung susukatin ang mga taong nagreinkarnasyon mula sa mga hayop gamit ang katotohanan bilang pamantayan, ang pangunahin nilang katangian ay na sa esensya ay kinakapos sila rito—isa itong mataas na pamantayan. Kung susukatin sila sa pamamagitan ng talino ng normal na pagkatao, ni hindi man lang nila kayang tingnan ang mga tao, pangyayari, bagay, o sitwasyong lumilitaw sa kanilang pang-araw-araw na buhay gamit ang pag-iisip ng normal na pagkatao. Sa mahigpit na pananalita, sa pang-araw-araw na buhay, ni hindi man lang kayang pangasiwaan nang mag-isa ng gayong mga tao ang sarili nilang pagkain, pananamit, tirahan, o transportasyon, ni hindi nila kayang tumugon at pangasiwaan nang mag-isa ang mga isyung ito. Kahit na halos makaligtas sila nang hindi namamatay sa gutom, mula sa kanilang mga pagpapamalas sa pangangasiwa ng iba’t ibang usapin, ang gayong mga tao ay mukhang napakahangal at labis na walang ingat, malayo sa pagtataglay ng tunay na normal na pagkatao. Halimbawa, ang ilang hayop—ni hindi nila alam sa sarili nila kung gaano karaming pagkain ang angkop kainin. Tanging kung papakainin sila ng mga tao sa takdang oras at nang may sukat ay saka lang sila makakakain sa malusog na paraan. Halimbawa, ang mga aso, kung hahayaang kumain nang malaya, nang walang paghihigpit sa kung gaano karami, kakain sila nang sobra-sobra. Patuloy silang kakain hanggang sa sila ay ganap na mabusog at pisikal na hindi na kayang kumain pa. Kaya, isang napakalinaw na katangian ng mga taong nagreinkarnasyon mula sa mga hayop ay na hindi nila kayang pangasiwaan nang mag-isa ang maraming aspekto ng sarili nilang buhay. Bakit hindi nila ito magawa nang mag-isa? Ito ay dahil hindi nila kailanman alam kung ano ang mga prinsipyo sa paggawa ng gayong mga bagay, kung ano ang mga pangunahing kondisyon, o kung anong mga hangganan ang hindi nila dapat lampasan. Katulad lang ito ng ilang hayop kapag kumakain ang mga ito—hindi nila alam kung gaano karaming pagkain ang angkop. Kung hindi sila pangangasiwaan ng mga tao, kakain sila hanggang sa mabusog sila nang sobra at mamatay. Kung mayroong isang taong nangangasiwa at nagpapakain sa kanila, mapapanatili nila ang magandang kalusugan. Ang katangiang ito ay medyo malinaw rin sa mga taong nagreinkarnasyon mula sa mga hayop. Tulad lang ng sinasabi ng ilang tao: “Kumakain sila nang hindi nalalaman kung sila ay gutom o busog, at natutulog nang hindi nalalaman kung umaga na ba o gabi.” Kaya, nagtataglay ba ng talino ng pagkatao ang gayong mga tao? Napakalinaw na hindi. Ang mga pagsasaalang-alang tulad ng kung paano sila dapat kumain para ayusin ang kanilang kalusugan sa buong apat na panahon ng taon habang nakakaranas ng iba’t ibang kondisyon ang kanilang katawan, kung aling mga pagkain ang masustansya at kung aling mga pagkain ang hindi masustansya sa aling panahon, kung aling mga paraan ng pamumuhay ang masustansya at hindi masustansya—ang isang normal na tao, sa edad na dalawampu, ay maaaring hindi alam ang mga bagay na ito, ngunit sa edad na tatlumpu, alam na niya ang ilan sa mga ito, at sa edad na apatnapu ay mas marami na siyang alam. Sa edad na limampu, batay sa sarili niyang aktuwal na pisikal na kondisyon, nakabuo na siya ng isang hanay ng mga panuntunan sa pamumuhay na angkop sa kanya, at ito, sa esensya, ay maitatatag at magiging matatag na, nang wala nang karagdagang malalaking pagbabago. Ngunit ang mga taong nagreinkarnasyon mula sa mga hayop, kahit na mabuhay sila hanggang sa edad na walumpu, ay hindi pa rin makapagbubuod ng isang hanay ng mga panuntunan sa pamumuhay. Sila ay kumakain nang sobra o kulang, kaya sila ay sinisikmura o hindi natutunawan. Wala silang ideya kung aling mga isyu sa kalusugan ang sanhi ng aling mga gawi sa pamumuhay o aling mga pagkain—kumakain lang sila nang walang pakundangan. Kung hihilingin mo sa kanila na magbuod ng isang plano sa pagkain o paraan ng pagkain na angkop sa kanila batay sa kung aling mga pagkain ang angkop o hindi angkop para sa kanilang pangangatawan, at sa iba’t ibang impormasyon, hindi nila ito magagawa. Halimbawa, may nagsabi online na mataas sa calcium ang mga balat ng itlog at na ang pagkain ng mga balat ng itlog ay makadaragdag sa kanilang calcium intake, kaya pinag-isipan nila ito: “Hindi ako masyadong matangkad dahil kulang ako sa calcium—kakain ako ng mga balat ng itlog para madagdagan ang calcium intake ko.” Ngunit sa huli, pagkatapos kumain nito sa loob ng ilang panahon, tila walang pagbuti sa antas ng kanilang calcium. Sabihin ninyo sa Akin, hindi ba’t baluktot ito? Kapag nakakita ka ng impormasyon online na nagsasabing mataas sa calcium ang mga balat ng itlog at maaaring gamitin bilang pandagdag sa calcium, paano mo ito dapat arukin? Napakalinaw na ang mga taong kumakain ng mga balat ng itlog ay may tendensiya sa pagkabaluktot. Mali ang kanilang pag-arok, kaya ang kanilang pagsasagawa ay baluktot, sukdulan, at hangal. Kung gayon, ano ang tamang paraan para arukin ito? Bagama’t maaaring mataas sa calcium ang mga balat ng itlog, hindi ito isang bagay na makakain natin. Kung mayroon ba talaga itong epekto bilang pandagdag sa calcium ay hindi pa rin alam, at kahit pa makadaragdag ito sa antas ng iyong calcium, kung kaya mo itong ma-absorb ay hindi rin tiyak. Dagdag pa rito, mayroon bang anumang ebidensya na ang mga balat ng itlog ay maaaring maging pandagdag sa calcium? Napatunayan na ba ang pahayag na ito? Ang totoo, maraming bagay ang makadaragdag sa calcium intake, at lahat ng ito ay napatunayan na sa medisina. Kung tatanggi kang tanggapin ang mga napatunayang paraang ito, isa kang taong baligho. Hindi ka ba puwedeng uminom na lang ng mga calcium tablet para madagdagan ang iyong calcium intake? Iyon ang pinakasimpleng paraan. Hindi ito nakakasama sa tiyan o nakakasira ng ngipin, masarap ito, at mararamdaman mo ang mga epekto. Hindi ba’t ito ang tamang pag-arok? (Oo.) Ngunit ang mga may baluktot na pag-arok ay hindi ito naaarok sa ganitong paraan—dinadala nila ang mga bagay-bagay sa sukdulan. Naniniwala sila, “Kung may nagsabing makadaragdag sa calcium intake mo ang mga balat ng itlog, kung gayon ay tiyak na ayos lang kumain ng mga balat ng itlog. Kung kailangan mong dagdagan ang iyong calcium intake, kailangan mong kainin ang mga ito.” Ni hindi man lang nila isinasaalang-alang kung kaya ba itong i-absorb ng katawan pagkatapos kainin. Sinasalamin nito ang baluktot na pag-arok, ito ay pagiging sukdulan. Kung may nagsabi, “Mataas sa bitamina ang balat ng saging, at ang pagkain nito ay makapagpapaganda sa iyo,” kakainin ba ninyo ito? (Hindi.) Bakit hindi? (Dahil ang ilang pagkaing nilikha ng Diyos ay dapat kainin pagkatapos balatan, ayon sa likas na kaayusan. Ang pagpipilit na kainin ang balat ay pagdadala ng mga bagay-bagay sa sukdulan. Kung nais ng isang tao na dagdagan ang kanyang vitamin intake para gumanda, dapat siyang kumain ng mga pagkaing kapwa normal na nakakain at may mga epektong pampaganda.) Ito ang tamang pag-arok. Ngunit tingnan ninyo ang sukdulang hangal na iyon—hindi niya ito inaarok sa ganitong paraan. Iginigiit niyang pilitin ang sarili na kainin ang balat at sinasabi pa, “Dapat akong maghimagsik laban sa aking laman. Dapat akong kumain ng balat ng saging para madagdagan ang antas ng isang partikular na sustansya sa akin.” Ngunit hindi niya iniisip, “Hindi masarap ang balat ng saging. Hindi ito pagkain. Hindi ko ito kakainin. Bakit hindi na lang ako kumain ng ibang bagay na naglalaman ng sustansyang ito?” Hindi ba’t ito ang tamang pag-arok? (Oo.) Kung kaya mong maging mapanuri sa ganitong paraan, kung kaya mong arukin ang mga bagay-bagay sa ganitong paraan, pinatutunayan nitong nagtataglay ka ng talino ng tao. Ngunit kung hindi ka marunong maging mapanuri sa ganitong paraan, at sa sandaling marinig mo na naglalaman ng isang partikular na sustansya ang balat ng saging, iginigiit mong kainin ito kahit na masama ang lasa nito—kung gayon ay isa kang hangal, isa kang taong nagreinkarnasyon mula sa isang hayop, at hindi mo taglay ang pag-iisip ng normal na pagkatao. Anumang maling pananampalataya o kaisipan ay maaaring makalihis sa gayong mga tao, at sadyang hindi nila kayang kilatisin ang pagiging tama o totoo ng iba’t ibang impormasyon—palagi silang naloloko. Ang lahat ng ito ay bumubuo sa isang pagpapamalas kung paano tinatrato ng mga taong nagreinkarnasyon mula sa mga hayop ang iba’t ibang partikular na usapin—sila ay sukdulang hangal, baluktot at baligho ang kanilang pag-arok, at dinadala nila ang lahat ng bagay sa sukdulan. Kapag sinasabi ng mga tao na iminumungkahi ng pananaliksik na ang isang bagay ay nakakain, hindi iyon nangangahulugang dapat mo itong kainin, ni nangangahulugang walang ibang makapapalit dito. Kung sasabihin mo na ang katotohanan ay hindi mapapalitan ng anumang teorya, iyon ay obhetibo at tumpak. Ngunit ang mga sustansyang ito ay mga materyal na bagay—imposibleng walang anumang kapalit. Lumikha ang Diyos ng saganang pagkakaiba-iba ng mga pagkain, at maraming pagkain na naglalaman ng iba’t ibang sustansya. Makakagawa ang mga tao ng mga tumpak na pagpili batay sa kanilang indibidwal na pangangatawan, pangkat ng edad, at kasalukuyang kalagayan ng kalusugan—hindi kailangang kumapit sa mga regulasyon. Pagkatapos makarinig ng isang impormasyon, ang mga taong sukdulan ay hindi ito kayang tratuhin nang tama, ni hindi nila ito kayang kilatisin. Palagi silang nalilihis ng mga bagay na ito, at sa huli, sinasabi nila, “Lahat ng nasa internet ay kasinungalingan—wala ni isang salita ang totoo!” Nakikita mo, pumupunta naman sila ngayon sa kabilang sukdulan. Maaari kang maghanap ng impormasyon online, ngunit dapat mong malaman kung paano gamitin ang talino ng tao at ang tamang paraan ng pag-iisip ng tao para kilatisin ito, para makagawa ng tamang pagpili kung ano ang gagamitin at ano ang isasantabi. Kung may isang bagay na kapaki-pakinabang sa iyo, maaari mo itong gamitin; kung hindi ito kapaki-pakinabang o hindi angkop para sa iyo, maaari mo itong ituring bilang isang sanggunian o bilang isang uri ng karaniwang kaalaman. Ang mga taong may pag-iisip ng tao ay nagsasagawa sa ganitong paraan. Ang mga hindi nagtataglay ng pag-iisip ng tao ay nagsasagawa sa paraang lumilihis papunta sa kaliwa o sa kanan—sila ay naloloko o ganap na hindi naniniwala sa lahat ng bagay. Wala silang kakayahang kilatisin ang gayong mga usapin. Ang gayong mga tao ay mukhang napakatigas ng ulo, katawa-tawa, magulo ang isip, at hangal sa kung paano nila tinatrato ang iba’t ibang uri ng impormasyon o pinangangasiwaan ang mga usapin sa tunay na buhay. Ang mga taong ganito kahangal, na hindi makakilatis ng tama sa mali o ng wasto sa di-wasto—paano nila naitatawid ang bawat araw ng kanilang buhay? Ang pagtingin pa lang sa kung paano sila kumilos ay nakapag-aalala na—makakaasa ka pa ba na magagawa nilang makapasok sa katotohanang realidad?
May isang babaeng nag-asawa ng isang bastos na tampalasan at iniisip, “Mahal na mahal ako ng asawa ko. Natagpuan ko na ang tunay na pag-ibig, umiibig na ako,” at pakiramdam niya ay lubos siyang maligaya. Ngunit tinitingnan ng iba ang kanyang asawa at nakikita nilang hindi man lang ito tao—isa itong diyablo—at nagtataka sila kung paanong nahuhumaling pa rin siya at labis na nagpapakasaya. Maging sila ay nababalisa at nag-aalala para sa kanya. Sa huli, pagkatapos magkaanak sa kanyang mister, ipinagtabuyan siya at wala siyang suporta—naging sukdulang mahirap ang kanyang buhay! Mula sa mga kahangalang ginawa ng mga taong nagreinkarnasyon mula sa mga hayop, malinaw na ang katunayang nagagawa nilang mamuhay at makaligtas ay higit na dahil sa biyaya ng Diyos. Binibigyan sila ng Diyos ng hininga para manatili silang buháy, at binibigyan sila ng pagkain para makaligtas sila. Ang mga ibon sa himpapawid, ang maliliit na hayop at maging ang mga langgam sa lupa ay pawang may makakain—gaano pa kaya ito katotoo para sa mga tao? Dahil ikaw ay nagreinkarnasyon bilang isang tao, binibigyan ka ng Diyos ng paraan para makaligtas. Maaaring may naglalaan para sa iyo, o mayroon kang isang partikular na kakayahan na nagpapahintulot sa iyong maipagpatuloy ang iyong kabuhayan. Ito ang biyaya ng Diyos. Hindi ka hinahayaan ng Diyos na mamatay sa gutom kundi binibigyan ka Niya ng paraan para manatiling buhay, kaya nagagawa mong mabuhay hanggang sa katandaan, na mabuhay hanggang sa wakas. Kung walang biyaya ng Diyos, kung gayon sa kakayahang taglay ng mga nagreinkarnasyon mula sa mga hayop mula sa pagsilang, ang kawalan nila ng normal na pag-iisip, at ang kawalan nila ng kahit katiting na abilidad na pangasiwaan ang mga problema, ni hindi man lang nila kayang kumita para sa kanilang ikabubuhay. Mula sa ibang perspektiba, ang mga taong nagreinkarnasyon mula sa mga hayop ay talagang labis na pinagpala. Kung isasaalang-alang ang kanilang mga abilidad sa lahat ng aspekto at ang kanilang talino, halos imposible para sa kanila na kumita ng kanilang ikabubuhay sa komplikado at masamang mundong ito. Ngunit dahil nagpapakita ng biyaya at may habag ang Diyos sa lahat ng nilikha, kung gayon, nagreinkarnasyon ka man mula sa isang hayop o isang tao, sa mga mata ng Diyos, kung isa kang nilikha at binigyan ka Niya ng hininga, kung gayon ay normal Niyang inilalaan kung ano ang kailangan mo para mabuhay at makaligtas, na nagpapahintulot na mapanatili ang iyong buhay at nagbibigay-kakayahan sa iyong magpatuloy na mabuhay. Kaya kung sasabihin mo, “Lumabas ako at nagsikap na kumita ng pera, tinustusan ko ang aking sarili para ako ay malusog at masigla—hindi ba’t maayos naman ang ginagawa ko? Hindi ba’t iniinsulto Mo ako sa pagtawag sa akin na hangal?” kung gayon ay mali ka. Ang katunayan na kaya mong kumita ng pera at tustusan ang iyong sarili ay hindi naman talaga dahil sa sarili mong abilidad—siyamnapu’t siyam na porsiyento nito ay biyaya ng Diyos. Binibigyan ka ng Diyos ng kaunting sigla, at sa gayon ay binibigyang-kakayahan kang magpakapagod para kumita ng pera para sa pagkain; binibigyan ka Niya ng partikular na kalakasan, kasama ng isang malusog na katawan, at sa gayon ay binibigyang-kakayahan kang gumawa ng isang trabaho, kumita ng pera, suportahan ang isang pamilya, at manatiling buhay. Ano ang batayan ng kakayahan mong gawin ang mga bagay na ito? Lahat ito ay nakabatay sa pagbibigay sa iyo ng Diyos ng pinakapangunahing likas na kondisyon na nagbibigay-kakayahan sa iyong makibahagi sa normal na pagtatrabaho ng tao, na sa huli ay nagpapahintulot sa iyong tustusan ang iyong sarili at panatilihin ang iyong kabuhayan. Sa madaling salita, anuman ang mangyari, hangal ka man o magulo ang isip, sa ngayon, bilang isang nilikha na may panlabas na anyo ng isang tao, dapat mong malaman ang iyong pagkakakilanlan at ang iyong halaga. Higit pa rito, dapat mong arukin nang tama kung ano ang ipinagkaloob sa iyo ng Diyos, kung ano ang inilaan sa iyo ng Diyos, at ang biyaya at habag ng Diyos. Kung tugma ka sa ilang katangian ng mga taong nagreinkarnasyon mula sa mga hayop at pakiramdam mo na tiyak na kabilang ka sa kategoryang ito ng mga tao, ano ang dapat mong gawin? Madali itong pangasiwaan: Anuman ang iyong pinagmulan, nagtataglay ka man o hindi ng talino ng tao at pag-iisip ng tao, ang katunayan ay mayroon ka na ngayong pagkakakilanlan ng isang tao. Dahil mayroon kang pagkakakilanlan ng isang tao, dapat mong tuparin ang tungkulin ng isang tao—gawin ang lahat ng iyong makakaya, sa abot ng iyong abilidad, at, sa sukdulang lawak na posible, isakatuparan at gawin nang maayos kung ano ang nararapat gawin ng isang tao. Sinasabi ng ilang tao, “Sinabi Mo na ang mga taong nagreinkarnasyon mula sa mga hayop ay kinakikitaan ng baluktot na pag-arok, pagiging manhid, pagiging magulo ang isip, at kahangalan—nangangahulugan iyan na wala silang talino ng tao. Ang napakalaking mayorya ng mga taong ito ay hindi talaga nauunawaan ang katotohanan—paano nila magagampanan nang maayos at angkop ang kanilang tungkulin?” Kung hindi ka sasailalim sa mahihigpit na pamantayan, makakamit mong gawin ito nang maayos at angkop, dahil tutal, mayroon ka ngayong pagkakakilanlan ng isang tao; hangga’t masunurin ka at hindi ka nagsasabi ng mga baluktot na argumento, magagawa mo ito. Kung hindi mo man lang magawa ang dalawang puntong ito, kung gayon ay sinasabi Ko na talagang nasa panganib ka, at kakailanganin kang alisin mula sa iglesia. Kung sasabihin mo, “Kaya kong gawin ang dalawang puntong ito. Hindi ako magsasabi ng mga baluktot na argumento, at tinatanggap ko ang mga tamang pahayag. Anuman ang ipagawa sa akin, gagawin ko; at kung paano man ito ipagawa sa akin, ganoon ko ito gagawin”—kung tunay kang makapagsasagawa sa ganitong paraan, magagawa mong gampanan nang maayos at angkop ang iyong tungkulin. Sinasabi ng ilang tao, “Nagampanan ko na nang maayos at angkop ang aking tungkulin, at gusto ko ring gawin ito ayon sa mga katotohanang prinsipyo.” Kung tunay kang may intensyong magsikap na maabot ang mga katotohanang prinsipyo batay sa pundasyon ng pagiging kayang gampanan nang maayos at angkop ang iyong tungkulin, kung gayon ay ayos lang kung anuman ang antas na maabot mo—walang mga hinihingi. Hangga’t hindi ka hangal na matigas ang ulo, hindi ka nagsasabi ng mga baluktot na argumento, hindi mo patuloy na binibigyang-diin ang sarili mong mga dahilan, hindi ka kumikilos sa paraang magulo ang isip, at hindi ka tumatangging umamin kapag may nagawa kang kahangalan, sapat na iyon. Tungkol naman sa pagkilos ayon sa mga katotohanang prinsipyo, maaari mong gawin kung ano ang kaya mo; anuman ang sa tingin mo ay kaya mong gawin, gawin mo lang iyon. Hindi mataas ang mga hinihingi sa ganitong uri ng tao dahil medyo mahirap para sa kanila na maabot ang mga katotohanang prinsipyo. Kaya, batay sa kanilang mga likas na kondisyon, hindi mahigpit na hinihingi sa kanila na kumilos ayon sa mga katotohanang prinsipyo. Bakit hindi ito hinihingi sa kanila? Dahil hindi nila ito kaya. Kung ipipilit mong kumilos sila ayon sa mga katotohanang prinsipyo, para mo na ring pinipilit ang isang isda na mamuhay sa lupa. Halimbawa, ang ilang hayop—kung hihingin mong kumain sila ng tamang dami sa bawat pagkain at hindi kumain nang sobra at huwag banatin ang kanilang tiyan, magagawa ba nila ito? Hindi. Kumakain sila hangga’t kaya nila sa isang upuan hanggang sa pisikal na hindi na sila makakain pa. Ganoon din ang mga taong nagreinkarnasyon mula sa mga hayop. Kung hihingin mo sa kanilang kumilos ayon sa mga katotohanang prinsipyo, hindi nila ito magagawa. Kaya nangangahulugan ba iyon na tinalikuran na ang gayong mga tao? Hindi, hindi sila tinalikuran. Ngunit ang hindi pagtalikod sa kanila ay hindi nangangahulugan ng paghingi sa kanila na unawain ang mga katotohanang prinsipyo o pumasok sa mga katotohanang prinsipyo. Nangangahulugan lang ito ng pagtrato sa kanila nang tama, hinahayaan silang gawin kung ano ang kaya nilang gawin. Hindi ito pagbawi sa kanilang mga kalipikasyon na gampanan ang kanilang tungkulin, ni pagbawi sa kanilang mga kalipikasyon na hangarin ang katotohanan, at lalong hindi ito pagbawi sa kanilang mga kalipikasyon na makamit ang kaligtasan. Nangangahulugan lang ito na hindi mahigpit na hinihingi sa kanila na magsagawa ayon sa mga katotohanang prinsipyo, ni mahigpit na hinihingi na maabot nila ang mga katotohanang prinsipyo sa lahat ng bagay. Ibig sabihin, dapat nilang gawin ang lahat ng kanilang makakaya. Hangga’t hindi nila sinasadyang subukang magdulot ng mga panggugulo, hindi nagsasabi ng mga baluktot na argumento o hindi gumagawa ng mga maling gawa nang walang pakundangan pagdating sa napakahahalagang usapin ng prinsipyo, sapat na iyon. Hindi mataas ang mga hinihingi sa gayong mga tao. Nauunawaan ba ninyo? (Oo.)
Tungkol sa mga taong nagreinkarnasyon mula sa mga hayop, napagbahaginan na natin ang ilan sa mga pagpapamalas ng kanilang diwa. Siyempre, may ilang pagpapamalas na hindi natin tinalakay nang detalyado. Kung magsasalita tayo nang mas partikular tungkol sa mga ito, baka hindi ito kayanin ng ilang tao, kaya mas pangkalahatan ang ating naging pagtalakay, at may ilang bagay na hindi na sinabi. Mula saan ka man nagreinkarnasyon, sa huli ay mayroon ka na ngayong pagkakakilanlan ng tao. Dahil mayroon kang pagkakakilanlan ng tao, pinapahalagahan mo ang iyong imahe at ang iyong dignidad, kaya ititira namin ang kaunting dignidad mo—hindi kami magsasalita nang masyadong detalyado tungkol sa aspektong ito. Ang mga napag-usapan na natin, sa pangkalahatan, ay ang kalagayan ng mga bagay—itugma mo ang sarili mo rito. Sabihin nating ang mga pagpapamalas mo ay tumutugma sa mga pagpapamalas ng mga taong nagreinkarnasyon mula sa mga hayop, at lubos kang nababagabag sa iyong puso—nararamdaman na dahil mayroon kang ganitong uri ng pagkakakilanlan, sa isang banda ay bumaba ang iyong halaga, at sa kabilang banda naman ay nainsulto ang iyong integridad at nahamon ang iyong dignidad. Hindi mo alam kung paano pangangasiwaan ang iyong ugnayan sa Diyos, at bigla mong naramdaman na bumagsak nang husto ang iyong katayuan, na mas mababa ka kaysa sa iba, hindi mo na nararamdaman na may anumang marangal sa iyong sarili, hindi mo na nararamdaman na marangal ang iyong karakter o na mayroon kang marangal na halaga, at bigla mong naramdaman sa iyong puso na wala kang anumang pag-asa o suporta, at na walang katiyakan ang iyong hantungan sa hinaharap. Magaganda bang pagpapamalas ang mga ito? (Hindi.) Kung gayon, hindi ba’t dapat mong ituwid ang sarili mo? (Oo.) Dahil hindi maganda ang mga pagpapamalas na ito at ang ganitong uri ng pag-arok, ano ang dapat gawin? Kailangan nating maghanap ng daan palabas para sa mga taong tulad nito, para gumaan nang kaunti ang pakiramdam nila. Hindi ito tungkol sa pagpapaamo sa kanila, ni sa panloloko sa kanila—ito ay tungkol sa pagbibigay-kakayahan sa kanila na tratuhin nang tama ang usaping ito at magsikap na magsagawa ayon sa mga katotohanang prinsipyo. Kaya ano ang dapat nilang gawin? Paano dapat arukin ng mga taong nagreinkarnasyon mula sa mga hayop ang usaping ito? Una sa lahat, mula sa perspektiba ng Diyos, mula saan man nagreinkarnasyon ang isang tao, inorden ito ng Diyos—walang magagawa ang mga tao tungkol dito. Sabihin nating isa ka sa mga taong ito. Kung papipiliin ka, pipiliin mo bang magreinkarnasyon bilang isang hayop, o bilang isang tao? (Magreinkarnasyon bilang isang tao.) Bakit iyon ang pipiliin mo? (Dahil kung magreinkarnasyon lang kami bilang tao kami magkakaroon ng pagkakataong marinig ang sinasabi ng Diyos at maunawaan ang Kanyang mga salita.) At kung nagreinkarnasyon ka bilang isang hayop? (Wala kaming pagkakataong marinig ang mga salita ng Diyos.) Nangangahulugan itong hindi ka kailanman magkakaroon ng pagkakataong marinig ang tinig ng Diyos. Kaya, dahil alam mo na, bilang isang hayop, ang magreinkarnasyon bilang isang tao ay isang mabuting bagay, dapat mong lalong pasalamatan ang Diyos—hindi ka dapat magreklamo tungkol sa Kanya. Dapat mong pasalamatan ang Diyos sa pagbibigay sa iyo ng pagkakataong maging isang tao—na, higit pa rito, ay isang pagkakataong minsan sa sanlibong taon lang dumarating. Tutal, ang Diyos ay nagkatawang-tao para iligtas ang mga tao, at bagama’t hindi natamo ng karamihan ng mga tao ang biyayang ito ng kaligtasan, natamo mo ito—nagkaroon ka ng magandang kapalaran na marinig ang tinig ng Diyos at marinig ang Diyos na ipahayag ang katotohanan. Ito ang iyong pagpapala. Ito ay isang bagay na, bilang isang nilikha, hindi mo makakamit kahit sa loob ng ilang buhay o maraming kapanahunan, kahit pa magmakaawa ka para dito. Tumpak kang pinili ng Diyos sa kapanahunang ito, pinahintulutan kang magreinkarnasyon bilang isang tao, upang manirahan sa sambahayan ng Diyos at, kasama ng sangkatauhan, gampanan ang tungkulin ng isang nilikha, na binabago ang iyong pagkakakilanlan mula sa pagiging isang hayop tungo sa pagiging isang miyembro ng sangkatauhan upang magampanan ang tungkulin ng isang tao. Napakalaking karangalan at pribilehiyo nito! Ito ay isang bagay na maaari lamang hilingin ng maraming nilikha ngunit hindi kailanman makakamit—ngunit natamo mo ito at tinatamasa mo ito ngayon. Ang pagkakataong ito ay labis na pambihira; para sa sinumang nilikha, isa itong pagkakataong minsan sa sanlibong taon lang dumarating. Kaya, hindi ka lang dapat masadlak sa pagkasira ng loob at magreklamo, at hindi dapat malungkot o isipin na mas mababa ang iyong katayuan kaysa sa iba, bagkus, sa kabaligtaran, dapat mo talagang maramdamang mapalad ka. Dapat kang magpasalamat sa Diyos—pasalamatan ang Diyos para sa pagkakataong ibinigay Niya sa iyo, pasalamatan Siya para sa Kanyang pagtataas sa iyo, dahil napakadakila ng Kanyang ginawa: Ang Kanyang ginawa ay tunay na biyaya at habag sa mga nilikha. Pagkatapos tanggapin ang biyayang ito mula sa Diyos, dapat kang magpasalamat na binago Niya ang iyong pagkakakilanlan at ang iyong uri. Ngunit hindi mo Siya puwedeng pasalamatan lang at tapos na iyon—bukod sa pagpapasalamat sa Kanya, kailangan mo ring isipin kung paano sasamantalahin ang pagkakataong ito. Anuman ang iyong orihinal na pagkakakilanlan, ngayong kaya mo nang gampanan ang iyong tungkulin bilang isang tao, isa itong magandang pagkakataon para baguhin ang iyong pagkakakilanlan at baguhin ang iyong uri bilang isang nilikha. Kaya paano mo magagawa ang pagbabagong ito? Ang unang mahalagang punto ay gampanan nang maayos ang iyong tungkulin. Kung, dahil sa iba’t ibang limitasyon ng iyong mga likas na kondisyon, kaya mo lang magpakapagod at gumawa ng pisikal na trabaho, ng marurumi at nakakapagod na gawain, at, batay sa iyong pagkakakilanlan at halaga, ang tungkuling ginagampanan mo ay maaari lamang manatili sa loob ng saklaw na ito, na walang posibilidad ng kaluwagan o pagbuti, kung gayon ay ano ang dapat mong gawin? Aling prinsipyo ang dapat mong sundin? Kung, anuman ang mga pagpapamalas na tinitingnan natin, maging ito man ay ang iyong talino, karakter, o mga likas na kondisyon, ang iyong halaga sa gitna ng mga tao ay palaging magiging ganito—palagi kang magiging isang walang-halaga, hangal, magulo ang isip, manhid, at mapurol ang isip na tao na may baluktot na pag-arok, at hindi kailanman tataas ang iyong halaga—kung gayon, paano mo dapat tratuhin ang iyong tungkulin? Napakahalaga nito. Ipagpalagay nating hindi kailanman tataas ang iyong halaga, at hindi ka kailanman magkakaroon ng anumang dignidad sa gitna ng mga tao. Sa mga mata ng Diyos, habambuhay ka nang nariyan—iyan ka lang talaga. Ang iyong uri ay maaaring may mga halatang katangian sa panlabas, at hindi ka kailanman magbabago mula sa isang hayop para maging isang tunay na tao. Wala kang pag-asang makamit ang kaligtasan, dahil hindi mo kayang maunawaan ang katotohanan, at wala ka man lang taglay na talino ng tao. Hindi mo nauunawaan ang mga katotohanan ng mga pangitain, at sa sambahayan ng Diyos, hindi ka marunong mangaral ng ebanghelyo, kinakapos ka at hindi ka umaabot sa pamantayan ng anumang uri ng tungkulin na kinasasangkutan ng mga propesyonal na kasanayan—palagi kang mananatili sa paggawa ng marurumi at mga nakakapagod na trabaho, at wala kang paraan para baguhin ang iyong sitwasyon. Ipagpalagay na ganoon ka, ano ang gagawin mo? Titigil ka ba sa pananampalataya sa Diyos? Susuko ka na ba sa iyong sarili? May ilang tao pa nga bang kikitil ng sarili nilang buhay? Sasabihin ba nila, “Ayaw ko nang mabuhay. Wala na rin naman akong malalabasan—ano pa ang saysay ng mabuhay nang ganito?” Kung gaano man karaming pagsisikap ang ibuhos mo, gaano ka man kasipag, gaano ka man magsumikap, o gaano man kalaking halaga ang ibayad mo, ay hindi kailanman magbabago ang iyong halaga, at sa sambahayan ng Diyos ay palagi ka lang magiging isang taong nagpapakapagod at nagpapawis, isang hamak na taong walang dignidad na minamaliit ng lahat, kung gayon, pagdating sa kung paano mo tratuhin ang iyong tungkulin, ang atas ng Diyos, at ang iba’t ibang hinihingi ng Lumikha, anong paraan ng pagsasagawa ang dapat mong piliin? Ito ang pinakamahalaga. Sa prinsipyo at sa teorya, nakatakda na ang iyong halaga at pagkakakilanlan, ngunit sa katunayan, sa ngayon, sa gitna ng mga tao at sa mga mata ng Diyos, ang tunay mong pagkakakilanlan ay sa isang tao. Bakit Ko sinasabing ito ay sa isang tao? Dahil ang tungkuling kaya mong gampanan, ang iyong mga pang-araw-araw na pagpapamalas, at ang iba’t ibang likas na abilidad ng iyong mga likas na kondisyon ay saklaw ng pangunahing sakop ng kung ano ang normal para sa isang tao—taglay mo ang mga pangunahing kondisyong ito ng pagiging isang tao. Batay lang sa puntong ito, paano mo dapat tratuhin ang iyong tungkulin? Hindi nauunawaan ng mga hayop ang mga katotohanang prinsipyo, hindi nila alam kung paano gampanan nang maayos ang kanilang tungkulin, kung paano paninindigan ang kanilang tungkulin, o kung paano gampanan ang kanilang tungkulin nang deboto at magpursigi sa paglilingkod hanggang sa wakas—hindi nauunawaan ng mga hayop ang mga bagay na ito. Ngunit ngayon, bilang isang tao, nauunawaan mo, alam mo, kaya dapat mong makamit ang mga bagay na ito. Dahil kaya mong makamit ang mga bagay na ito, gagawa ang Diyos ng mga hinihingi sa iyo batay sa prinsipyong ito. Gayumpaman, kung, dahil hindi ka nasisiyahan sa iyong pagkakakilanlan at pakiramdam mo ay hindi patas ang Diyos, nasisiraan ka ng loob, at nagrereklamo ka tungkol sa Kanya, nararamdaman mong kahiya-hiya at walang dignidad ang iyong buhay, at pagkatapos ay isinusuko mo na ang paggampan sa iyong tungkulin, tumatangging gawin kahit ang kaya mong gawin—kung gayon, ikaw ay lubos na mapaghimagsik. Sa mga mata ng Diyos, hindi ka pasok sa pamantayan bilang isang nilikha; isa kang kakaibang nilalang. Kaya ano ang dapat mong gawin? Marangal man o hamak ang iyong halaga, at anuman ang iyong pinagmulan o anuman ang mga problema sa iyong mga likas na kondisyon, sa madaling salita, anuman ang kaya mong gawin, gawin mo ang lahat ng iyong makakaya para gawin ito, at gawin mo ang lahat ng iyong makakaya para gawin ito nang maayos. Kung kahit pa nagawa mo na ang lahat ng iyong makakaya ay kinakapos ka pa rin sa mga katotohanang prinsipyo, mayroong pinakamababang pamantayan ang Diyos na hinihingi sa lahat ng uri ng tao: Hangga’t ibinibigay mo ang lahat-lahat mo, ipinapakita mo ang iyong sinseridad, at iniaalay mo ang iyong katapatan, magiging pasok ka sa pamantayan. Hindi hinihingi ng Diyos sa bawat tao na makamit ang isandaang porsiyento—sapat na ang animnapung porsiyento. Ano ang nais ng Diyos? Ang nais ng Diyos ay isang saloobin—kung ang iyong saloobin ay ang naisin na gampanan ang tungkulin ng isang nilikha, na gawin nang maayos ang mga bagay na dapat mong gawin at dapat makamit, nang walang mga pagsisisi, kung gayon ang saloobing ito ay tinatanggap ng Diyos. Sasang-ayunan ng Diyos ang saloobing ito, at poprotektahan ka nito upang marating mo ang dulo ng landas. Sinasabi ng ilang tao, “Ano ang mangyayari kapag narating ko na ang dulo ng landas?” Hindi Ko ito sasabihin sa iyo ngayon—sasabihin Ko ito sa iyo kalaunan. Kapag narating mo na ang dulo ng landas, malalaman mo. Sa madaling salita, ang pinakamahalaga sa ngayon ay kung paano mo tinatrato ang usaping ito, kung paano mo tinatrato ang tungkuling ibinigay sa iyo ng Diyos, at kung paano mo tinutupad ang tungkuling ibinigay sa iyo ng Diyos. Anuman ang tungkuling ito, hangga’t ito ay isang bagay na itinalaga sa iyo ng sambahayan ng Diyos, dapat mong ibigay ang lahat-lahat mo para gawin ito. Kapag nakikilala mo ang sarili mong mga problema, dapat mong gawin ang lahat ng iyong makakaya para huwag magsabi ng mga baluktot na argumento, huwag gumawa ng mga bagay na sumasalungat sa Diyos, at huwag magsalita ng mga bagay na sumasalungat sa Diyos; sa halip, dapat kang gumawa ng mga bagay na kapaki-pakinabang sa mga tao at sa sambahayan ng Diyos, at magsalita ng mga bagay na kapaki-pakinabang sa mga tao at sa sambahayan ng Diyos. Sinasabi ng ilan sa inyo, “Hindi ko pa rin ito kaya sa ngayon.” Kung gayon, huwag kang magmadali—huwag kang mainip. Kung hindi mo ito magawa ngayon, gawin mo ito bukas. Kung hindi mo ito magawa ngayong taon, subukan mong gawin ito sa susunod na taon. Huwag kang magmadali. Ngunit kung sa oras na maanunsyo na ang mga kalalabasan ng mga tao ay hindi mo pa rin ito nakakamit, kung gayon ay kakailanganin mo na lang pasanin ang mga kahihinatnan nang mag-isa. Walang sinumang mananagot para sa iyong mga pag-uugali. Nauunawaan mo ba? (Oo.) Ang usaping ito ay dapat na madaling lutasin—nakasalalay ang lahat sa pagkamakatwiran ng isang tao at kung kaya niyang maunawaan ang mga salitang ito. Kung kaya mong maunawaan ang mga ito, magiging medyo madaling lutasin ang mga bagay na ito. Kahit na sabihin ng iilang indibidwal na medyo mahirap ito, hangga’t nagsusumikap sila sa direksyong ito, sa huli ay magkakaroon sila ng ilang resulta. Kung hindi ka lalakad sa landas na ito, marahil ay mananatili ka pa ring buhay, ngunit para naman sa kung anong kalalabasan ang naghihintay sa iyo sa huli—mahirap sabihin iyan; walang sinumang makakagarantiya nito, at walang sinumang magbibigay sa iyo ng anumang katiyakan tungkol dito.
Ano ang nararamdaman ninyo pagkatapos marinig ang paksa ngayon? Marahil ay lubos kayong nababagabag, hindi ba? Isa ito sa mga paksang pinakaayaw harapin ng mga tao mula nang manampalataya sila sa Diyos, hindi ba? Hindi ba’t mas nakakabagabag at mas mahirap pa itong tanggapin kaysa sa paksa ng pagiging isang tagapagserbisyo? Mahirap ba itong tanggapin? Ang totoo ay kaya ninyong tanggapin, tama ba? (Oo.) Kung nakatitiyak ang mga tao tungkol sa pagkakakilanlan ng Diyos at natagpuan na nila ang sarili nilang lugar, kung gayon ang mga salitang ito at ang ganitong uri ng isyu ay hindi dapat maging masyadong mahirap para sa mga tao—iilang indibidwal lang ang maaaring medyo mahirapan sa mga ito. Ngunit karamihan sa mga tao, pagkatapos marinig ito, ay malamang na hindi na magpapatuloy sa pag-uusisa kung ano ba talaga ang kanilang halaga at pagkakakilanlan. Kahit na talagang tumutugma sila sa ilan sa mga pagpapamalas ng mga taong nagreinkarnasyon mula sa mga hayop, magagawa nilang tratuhin ito nang tama, at pagkaraan ng ilang sandali, magiging maayos na ang pakiramdam nila, tama ba? (Oo.) Kaya, hanggang dito na lang ang ating pagbabahaginan para sa araw na ito. Paalam!
Enero 20, 2024