Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan (7)
Noong huling pagtitipon, nagbahaginan tayo tungkol sa kung ano ang kakayahan, pati na kung paano sukatin ang kakayahan ng isang tao. Sa kabuuan, ilan ang nilista nating pamantayan para sa pagsukat ng kakayahan ng isang tao? (Labing-isa.) Muling ulitin ang labing-isang pamantayang ito. (Abilidad na matuto, ang abilidad na maunawaan ang mga bagay, abilidad na makaarok, ang abilidad na tanggapin ang mga bagay, abilidad na mag-isip, ang abilidad na gumawa ng mga paghusga, ang abilidad na tukuyin ang mga bagay, ang abilidad na tumugon sa mga bagay, abilidad na makagawa ng mga desisyon, ang abilidad na magsuri at magpahalaga ng mga bagay, at abilidad na maging inobatibo.) Ang bawat isa sa labing-isang abilidad na ito ay bahagi ng sukat ng komprehensibong kakayahan ng isang tao. Noong nakaraan, pinagbahaginan natin ang mga sampu sa mga ito, nagbahaginan tayo hanggang sa abilidad na magsuri at magpahalaga ng mga bagay. Para sa bawat abilidad, nagbahaginan tayo tungkol sa mga pagpapamalas ng mahusay na kakayahan, katamtamang kakayahan, mahinang kakayahan, at kawalan ng kakayahan. Ang mga taong walang kakayahan ay halos walang mga kalakasan, walang mga tunay na hilig o libangan. Kapag nahaharap sa anumang bagay, wala silang mga opinyon at walang abilidad na gumawa ng mga paghusga. Wala silang abilidad na tumukoy ng mga tao, pangyayari, at bagay; wala rin silang abilidad na tanggapin ang anumang bagay, at siyempre lalong wala silang abilidad na tumugon sa mga bagay o abilidad na makagawa ng mga desisyon. Dahil ang gayong mga tao ay walang mga kalakasan, lalong hindi sila konektado sa abilidad na magsuri at magpahalaga ng mga bagay.
Tungkol sa abilidad na magsuri at magpahalaga ng mga bagay, sa huling pagtitipon, nagbahaginan tayo tungkol sa bahagi ng nilalaman nito. Ano ang pangunahing tinutukoy ng abilidad na magsuri at magpahalaga ng mga bagay? Ang pagsusuri ay tumutukoy sa tinatawag ng mga tao na diskriminasyon, sa usapin ng abilidad na tukuyin ang mga kaisipan, pananaw, paninindigan, at ang mga itinataguyod na tema ng mga tao, pangyayari, at bagay. Ang abilidad na magsuri at magpahalaga ng mga bagay ay pangunahing kinasasangkutan ng mga kaisipan at pananaw ng isang tao tungkol sa mga partikular na isyu; ibig sabihin, mga bagay na nauugnay sa mundo ng kaisipan. Kung mayroon kang abilidad na tukuyin at pahalagahan ang mga bagay na ito, ikaw ay isang tao na may abilidad na magsuri at magpahalaga ng mga bagay. Kung hindi mo alam kung paano makita at pundamental na hindi mo madama ang mga isyung ito na nauugnay sa mga kaisipan at pananaw, hindi ka makokonsidera na mayroong abilidad na magsuri at magpahalaga ng mga bagay—ang abilidad na ito ay walang kinalaman sa iyo. Gayumpaman, kapag nakaharap ka ng isang bagay, kung kaya mong matukoy ang pinagmulan ng bagay na ito at ang pakay sa likod nito, at kung kaya mong matukoy kung ang mga kaisipan at pananaw na ipinararating at itinataguyod nito ay tama o hindi, at kaya mo ring matukoy kung ang mga kaisipan at pananaw na ito ay may batayan, kung ang mga ito ay mga positibo o negatibong bagay, at kung ang mga ito ay umaayon sa mga batas ng pag-unlad ng mga bagay o malapit sa penomenon sa loob ng mga batas na namamahala sa lahat ng bagay na nilikha ng Diyos—kung mayroon kang ganitong uri ng abilidad na magsuri at magpahalaga ng mga bagay, pinatutunayan nito na ang kakayahan mo ay napakahusay. Kung ang mga kaisipan at pananaw na itinataguyod ng bagay na ito, o ang direksiyon at mga layon na itinataguyod nito, ay naglalaman ng mga kamalian, pagkabaluktot, mga bagay na hindi naaayon sa pagkatao o sa lohika ng pag-iisip, o sa mga bagay na sa pundamental ay hindi naaayon sa obhetibong mga batas na namamahala sa lahat ng bagay na nilikha ng Diyos—kung kaya mong matukoy ang lahat ng ito, at kaya mong matukoy pareho kung ano ang tama at ano ang hindi tama, sapat na ito para patunayan na ikaw ay may abilidad na magsuri at magpahalaga ng mga bagay at na mataas ang iyong abilidad na magsuri at magpahalaga ng mga bagay; ang katunayan na mayroon ka ng abilidad na ito ay nangangahulugan na napakahusay ng kakayahan mo. Halimbawa, kapag nagbasa ka ng artikulo na isinulat ng isang kapatid sa iglesia, kaya mong matukoy kung ang kanyang pagkaunawa sa mga bagay, pagkaunawa sa kalikasang diwa ng mga tao, at pagkaunawa sa mga salita ng Diyos ay naaayon sa mga katotohanang prinsipyo, kung ang mga pananaw na ipinahayag sa artikulo ay baluktot, at kung ang perspektiba at paninindigan na mayroon ito ay tama o hindi tama—kaya mong matukoy ang lahat ng bagay na ito. Kung kaya mong sumang-ayon sa mga tamang kaisipan at pananaw sa loob ng artikulo; at kung kaya mo ring matukoy at itama ang mga nakalilinlang na kaisipan at pananaw sa loob ng artikulo, at alam mo kung bakit hindi tama ang gayong mga kaisipan at pananaw, at kung aling mga aspekto ng lohika ng pag-iisip o aling mga obhetibong batas ng mga positibong bagay ang nilalabag ng mga ito, at, sa mas malalim na antas, nakikita mo kung aling aspekto ng mga katotohanang prinsipyo ang nilalabag ng mga ito, na pinagsabihan na ng Diyos ang sangkatauhan tungkol doon—pinatutunayan nito na mahusay ang kakayahan mo. Sa isang banda, kung kaya mong makita kung anong mga positibong bagay ang mayroon sa artikulong ito na karapat-dapat na matutunan, at kaya mo ring masuri kung anong positibong direksiyon ang ibinibigay nito sa mga tao, pati na kung anong positibong pagtustos, pagtulong, at pagsuporta ang dinadala nito—at, higit pa rito, kung kaya mong malaman kung aling masasama, mga negatibo, at baluktot na bagay ang nilalaman ng artikulong ito; anong mga nakalilinlang na kaisipan at pananaw ang nilalaman nito na maaaring maggiya sa pag-iisip ng mga tao sa isang masamang direksiyon, at kung ano ang maaaring maging mga negatibong epekto ng mga ito sa mga tao; kung paano dapat itama ang mga nakalilinlang na bagay na ito; at kung paano dapat bawasan ang ilang partikular na kahinaan para magbigay ito ng higit na pakinabang sa mga tao—kung gayon, isa itong pagpapamalas ng pagkakaroon ng abilidad na magsuri at magpahalaga ng mga bagay. Halimbawa, sa pag-aaral ng sayaw, kapag inoobserbahan mo ang isang pagtatanghal ng sayaw, kaya mong matukoy kung aling mga galaw ang labis na malatao, ipinapahayag ang mga kaisipan at kahilingan sa loob ng pagkatao, at nagmumula sa perspektiba ng pagkatao, at nakabatay sa pagkatao, at labis na umaayon sa mga pangangailangan ng konsensiya at katwiran ng normal na pagkatao; at kaya mong matukoy kung aling mga galaw, mga ekspresyon ng mukha, at mga mapagpahayag na paraan ng galaw ng katawan, pati na ang mga kaisipan na itinataguyod sa loob ng mga ito, ang positibo at makapagpapayaman sa espiritwal na mundo ng isang tao—nagagawa mong makita ang lahat ng bagay na ito. Hindi mo lang nagagawang sumayaw o magtanghal ng ilang simpleng galaw—sa halip, kaya mong makita ang mga kaisipang itinataguyod sa isang pagtatanghal ng sayaw; kaya mong maunawaan ang kahulugan ng mga kaisipan sa loob nito, pati na ang mga anyo ng sayaw na ginamit sa ilalim ng paggabay ng mga kaisipang ito. Kung ang mga anyo ng sayaw at ang galaw ng katawan ay kapaki-pakinabang sa mga tao, at mga bagay na dapat mong matutunan, tanggapin, at kuhain—nagagawa mong makita at matutunan ang mga bagay na ito, at kaya mong tanggapin ang mga positibong elemento nito—kung gayon, isa itong pagpapamalas ng pagkakaroon ng abilidad na magsuri at magpahalaga ng mga bagay. Siyempre, kung ang sayaw ay nagpapakita ng ilang baluktot na kaisipan na hindi naaayon sa pagkatao, at kaya mo ring maramdaman ang mga ito, at kaya mong matukoy kung nasaan ang mga kamalian, at alam mo rin kung ano ang mali sa ganitong anyo ng presentasyon, at kung ano ang mga kaisipang gumagabay sa likod nito—kung kaya mong makita at matukoy ang lahat ng ito, rin itong pagpapamalas ng pagkakaroon ng abilidad na magsuri at magpahalaga ng mga bagay. Pagkatapos maibigay ang dalawang halimbawang ito, nauunawaan na ba ninyo ngayon kung ano ang abilidad na magsuri at magpahalaga ng mga bagay? Naitatag na ba ang pamantayang ito para sa pagsukat kung ang isang tao ay may mahusay na kakayahan at abilidad na magsuri at magpahalaga ng mga bagay? (Oo.)
Kung may makita kang isang bagay at alam mo ang mga kaisipan at pananaw na itinataguyod nito o ang perspektiba at paninindigan nito, pero hindi mo alam kung tama ba o hindi ang mga kaisipan at pananaw na ito, kung gayon ay wala kang masyadong abilidad na tumukoy ng mga bagay. Maaaring madama mo lang, “Napakaganda ng sayaw na ito; napakaganda ng artikulong ito; napakaganda ng pelikulang ito; may artistic value ito, at napakahusay ng mga teknik nito sa pagpapahayag,” inoobserbahan at inaaral lang ang tungkol sa bagay na ito mula sa perspektiba ng industriya o mula sa perspektiba ng kaalaman, pero hindi magawang matukoy kung ang mga kaisipan at pananaw na itinataguyod ng bagay na ito ay tama ba o hindi tama, wasto o mali, positibo o negatibo; at maaari kang magtanong mga katanungan tulad ng, “Ang mga kaisipan at pananaw bang ito ay naaayon sa katotohanan? Ang kilos ba na ito ay alinsunod sa pagkatao? Naaayon ba ito sa mga batas ng pag-unlad ng mga bagay? Umiiral ba ang gayong mga tao? Nangyari ba ang gayong mga kaganapan? Isa ba itong positibong bagay?” Kung ang bawat pangungusap na binibigkas mo ay nagtatapos sa isang tandang pananong, wala kang abilidad na tumukoy ng mga bagay. Kung alam mo lang ang teknikal, propesyonal, o batay-sa-kaalaman na mga aspekto na nasasangkot, pero pagdating sa mga bagay sa antas ng kaisipan, wala kang abilidad na husgahan kung ang mga ito ba ay tama o hindi, wasto o mali, ano ang sinasabi nito tungkol sa iyong kakayahan? Ipinapahiwatig nito na mayroon kang katamtamang kakayahan. Bagama’t mayroon kang kaunting abilidad na magsuri at magpahalaga ng mga bagay, ang abilidad mo ay limitado sa pagpapahalaga sa mga kaisipan ng may-akda sa isang teknikal at propesyonal na perspektiba. Kaya mo lang maintindihan o maunawaan kung bakit ginawa ng may-akda ang kanyang ginawa, pero hindi mo masuri kung ang mga kaisipan at pananaw na itinataguyod niya ay tama o hindi, at kung ang mga ito ay mga positibong bagay, o kung gaano kalaki ang epekto ng mga kaisipan at pananaw na ito sa mga tao sa sandaling maipresenta ang mga ito, o kung ito ba ay isang positibong epekto o negatibong epekto, o kung ano ang mga kahihinatnang idinudulot ng mga ito sa mga tao—hindi mo alam ang anuman sa mga ito. Batay sa antas na ito, ang kakayahan ng gayong mga tao ay katamtaman lang. Kaya lang nilang magpahalaga pero hindi nila kayang magsuri, at kaya, hindi nila kayang maabot ang kakayahan ng pagkakaroon ng abilidad na magsuri at magpahalaga ng mga bagay. Ang ilang tao, anumang tungkulin ang ginagawa nila, ay may napakahinang abilidad na tumukoy ng mga bagay. Iniisip nila na ang anumang paraan ng paggawa ng mga bagay ay katanggap-tanggap. Ang kanilang mga pananaw at saloobin ay napakalabo at ganap na hindi malinaw. Anuman ang sabihin ng sinuman, kaya nila itong tanggapin, walang mga tumpak na pananaw o prinsipyo ng pagsasagawa. Bilang resulta, wala silang maayos na nagagawang anumang tungkulin. Anumang gawain ang ginagawa nila, partikular silang malabo at hindi malinaw pagdating sa pagtukoy at pagtatalaga ng mga hangganan tungkol sa pagkapositibo o pagkanegatibo, at sa pagiging tama o pagiging mali, sa iba't ibang mga kaisipan at pananaw na lumilitaw sa proseso ng kanilang gawain. Kapag tinatanong sila ng mga tao, “Lumitaw ang ganitong uri ng kaisipan at pananaw—tama ba ito?” Sinasabi nila, “Malaya ang isip ng mga tao. Hindi dapat makulong ang mga ito. Dapat mayroong pagkakaiba-iba—ang anumang uri ng kaisipan ay dapat payagang maipresenta at maipahayag.” Ito ang kanilang pananaw tungkol sa pag-iral ng iba't-ibang kaisipan. Ibig sabihin, anumang mga kaisipan o pananaw ang lumitaw—ang mga ito man ay wasto o mali, tama o hindi tama—naniniwala sila na dapat tulutang umiral ang lahat ng ito, at na dapat na ipahayag nang malaya ang mga ito. Iniisip nila na, hangga't nag-iisip sa kung anong paraan ang isang tao, hangga't may kung anong pangangailangan ang isang tao, hangga't may tagapakinig sa kung anong kaisipan o may mga taong nagtataguyod nito, may halaga sa pag-iral nito. Napakalabo ng kaisipan at pananaw nilang ito. Sa mga salita ng mga walang pananampalataya, madalas itong umiiral sa isang “gray area” nang walang mga hangganan. Ang mga taong ito ay walang mahihigpit na pamantayan o sukatan para sa paghusga kung ang mga bagay ba ay tama o hindi tama. Masasabi rin na ang gayong mga tao ay walang paninindigan, walang tunay na mga kaisipan o pananaw. Siyempre, masasabi rin na ang mga taong ito ay walang positibong adbokasiya tungkol sa anumang bagay. Kung gayon, matatanggap ba ng gayong mga tao ang katotohanan? Mauunawaan ba nila ang katotohanan? Mahirap talagang sabihin. Isang problema ang pagkakaroon ng mahinang kakayahan. Kapag ang mga taong may mahinang kakayahan ay naharap sa pagpapakita ng dalawang kaisipan o pananaw nang sabay, wala silang sariling opinyon; hindi nila alam kung alin ang tama at alin ang hindi tama. Kung aling bahagi man ang mas may puwersa, sumusunod sila sa bahaging iyon. Ito ay tinatawag na kawalan ng paninindigan. Ang gayong mga tao ay mga indibidwal na magulo ang isip. Hindi natin tatalakayin kung kumusta ang paghahangad ng kanilang pagkatao o kung kumusta ang kanilang karakter—sa pagsasalita lang batay sa kanilang abilidad na magsuri at magpahalaga ng mga bagay, para sa ganitong mga tao, katamtaman lang ang kakayahan nila. Bakit Ko nasasabi ito? Dahil bagama’t binibigyang-kakayahan sila ng kanilang kakayahan na magpahalaga ng mga partikular na bagay sa antas ng kaisipan, wala silang abilidad na suriin ang pagiging awtentiko ng mga bagay at tukuyin kung ang mga bagay ba ay wasto o mali, tama o hindi tama. Samakatwid, ang kakayahan nila ay kinaklasipika bilang katamtaman. Dahil pagdating sa pagsusuri ng mga bagay, ang kanilang mga kaisipan, pananaw, at paninindigan ay napakalabo, at wala silang mga positibong bagay bilang batayan o sukatan, kaya nilang gumawa ng ilang mabuting bagay pero kaya rin nilang gumawa ng ilang masamang bagay. Kaya nilang gumawa ng ilang medyo tamang bagay na kapaki-pakinabang sa iba at nakakatulong sa sangkatauhan, pero kasabay niyon, kaya nilang gumawa ng mga bagay na nakakapinsala sa iba at may masamang impluwensiya sa mga ito. Samakatwid, katamtaman lang ang kakayahan ng gayong mga tao. Halimbawa, ipagpalagay nang mayroong isang pelikula kung saan ang mga kaisipang itinataguyod ng direktor ay medyo positibo at medyo makatao, at mga bagay na medyo naaayon sa mga pangangailangan ng pagkatao—mga bagay na napapangatwiranan sa lipunan ngayon, tulad ng demokrasya, kalayaan, mga karapatang pantao, at iba pang mga positibong bagay—at sa pamamagitan ng pelikula, inuungkat ng direktor ang mga bagay na ito mula sa kailaliman ng mga kaisipan ng tao para matulungan ang mga tao na malaman ang mga ito. Kung ang isang taong may katamtamang kakayahan ay pinanood ang pelikulang ito, kaya niyang matukoy na ang mga kaisipang iyon ay mabuti at tama. Kaya niyang makita na ang mga kaisipang iyon ay medyo sikat at iginagalang sa lipunan ngayon; kaya niyang madama ang pagiging tama ng mga kaisipang itinataguyod ng direktor. Pero, sa pelikulang ito, kung nagtataguyod din ang direktor ng ilang kaisipan na medyo kakaiba—mga bagay na hindi maiisip ng karamihan sa mga nasa hustong gulang at mga tao na may mga abilidad na makaarok, na labis na sukdulan, at masasabi pa nga, mga bagay na bihirang nakikita at halos imposibleng mangyari sa normal na mga batas na pag-unlad ng mga bagay—kung gayon, ang mga taong may katamtaman na abilidad na magsuri at magpahalaga ng mga bagay ay hindi makikilatis ang mga ito kapag pinapanood ang pelikula. Iisipin nila, “Ang mga partikular na kaisipang ito na itinaguyod ng direktor ay hindi mali. Kahit kung ang mga bagay na ito ay nagugustuhan at niyayakap ng maliit na bilang lang ng mga tao, dapat pa ring igalang ang mga kaisipang ito sa lipunan ngayon; dapat isapubliko ang mga ito para ang lahat ay malaman at matanggap ang mga ito.” Kita mo, ang mga bagay man na itinaguyod ng direktor sa parehong palikula ay positibo, o may negatibong impluwensiya sa mga tao, tatanggapin nila ang mga ito at partikular pa ngang pahahalagahan ang mga ito. Para sa kanila, walang malinaw o tiyak na pagkakaiba sa pagitan ng tama at hindi tama. Samakatwid, kaya nilang tanggapin ang mga positibong bagay sa pelikulang ito, at kaya rin nilang tanggapin ang mga negatibong bagay. Dahil kaya nilang tanggapin ang mga bagay na ito, ilalapat din nila ang mga ito. Isasama nila ang mga bagay na ito sa mga gawang nagpapahayag sa sarili nilang mga kaisipan at pananaw, o itatanim ang mga ito sa iba sa pang araw-araw na buhay, iniimpluwensiyahan ang iba. Siyempre, ang mga positibong bagay ay magkakaroon ng mabuting epekto sa mga tao, samantalang ang mga negatibong bagay ay tiyak na magkakaroon ng negatibong epekto sa mga tao. Samakatwid, ang gayong mga tao ay gagawa rin ng ilang masamang bagay habang gumagawa ng mabubuting bagay. Ibig sabihin, halimbawa, kapag nagugutom ka, bibigyan ka nila ng isang mangkok ng lugaw, pero hindi ito magiging malinis at mahahaluan ito ng kaunting buhangin, at ang pagkain nito sa loob ng mahabang panahon ay makakasama sa iyong kalusugan. O kaya ay bibigyan ka nila ng isang mangkok ng pagkain, pero may halo itong mga bagay tulad ng mga langaw at lamok. Maaaring masarapan ka rito, pero naglalaman ito ng ilang bacteria na nakasasama sa katawan. Bagama’t nalutas ng gayong mga tao ang iyong gutom at pinuno nila ang iyong tiyan, nagdala rin sila ng masasamang epekto sa iyong katawan. Sa gayunding paraan, kung wala kang pagkilatis, kapag nanonood ka ng isang gawa, malaki ang posibilidad na tumanggap ka ng ilang maling kaisipan at pananaw mula rito. Samakatwid, ang pagtataglay ng abilidad na matukoy ang mga bagay ay napakahalaga rin. Ang mga ito ang mga pagpapamalas ng mga taong may katamtamang kakayahan, sa usapin ng kanilang abilidad na magsuri at magpahalaga ng mga bagay.
Ang susunod na antas ay ang mga taong may mahinang kakayahan. Ang mga taong may mahinang kakayahan ay walang abilidad na magsuri at magpahalaga ng mga. Ibig sabihin, kapag may nakikita silang anumang bagay, hindi nila alam kung aling mga kaisipan at pananaw ang tamang taglayin, hindi rin nila alam kung anong anggulo o paninindigan ang tamang gamitin. Ni hindi nila alam kung anong mga uri ng mga maling kaisipan at pananaw ang pinanghahawakan ng mga tao sa usaping ito, o kung anong mga kaisipan ang nangingibabaw sa mga tao kapag nahaharap sa gayong mga usapin—kinasasangkutan ito ng lohika ng pag-iisip, at ang mga taong may mahinang kakayahan ay sadyang kulang na kulang rito, kaya tiyak na hindi nila nagagawang magpahalaga ng mga bagay. Pagkatapos magawa ng isang tao na magpahalaga ng mga bagay ay saka lang masasabi kung kumusta ang kanyang pagpapahalaga sa mga bagay o kung mayroon ba siyang abilidad na magsuri ng mga bagay. Kung ni hindi niya kayang magpahalaga ng mga bagay, wala na talagang katuturan na talakayin pa kung mayroon ba siyang abilidad na magsuri ng mga bagay. Halimbawa, pagkatapos magbasa ng isang artikulo, sinasabi ng ilang tao: “Ang artikulong ito ay gumagamit ng mabulaklak na wika, ipinapahayag nang napakahusay, at labis na nakakatawa. Kahanga-hanga ang pagkakasulat sa artikulo!” Nagtatanong ang isang tao: “Anong mga kaisipan at pananaw ang pakay ng may-akda na ipahayag sa artikulong ito? Ano ang kanyang saloobin sa ganitong uri ng mga tao, pangyayari, at bagay?” “Ay, may saloobin ba? Kinasasangkutan din ito ng mga kaisipan at pananaw? Hindi ko napansin iyon. Ano't anuman, tingin ko ay mahusay ang pagkakasulat ng kanyang artikulo, at nasiyahan ako sa pagbabasa nito.” Tinatanong ng kabilang partido: “Kung gayon, sa aling mga kaisipan at pananaw na ipinahayag niya ang natuwa ka? Alam mo ba kung aling talata o kuwento ang nagpapahayag ng kung anong uri ng mga kaisipan at pananaw ng may-akda, at kung ano ang sentrong ideya ng artikulo?” Sinasabi niya: “Hindi ko pa iyan natutuklasan.” Binasa niya ito ng dalawa o tatlong beses pa pero ang nararamdaman pa rin niya ay na mahusay at malinaw ang pagkakasulat sa artikulo. Tungkol sa kung anong mga kaisipan at pananaw ang ipinapahayag nito, hindi niya ito madama. Inilalantad nito kung kumusta ang kanyang kakayahan, hindi ba? Kung babasahin niya ang artikulong ito at hindi niya madama kung anong mga kaisipan at pananaw ang ipinaliliwanag ng artikulo, masasabi lang na wala siyang abilidad na magsuri at magpahalaga ng mga bagay at isa siyang taong may mahinang kakayahan. Kung ang artikulo ay naglalaman ng malinaw na wika na nagpapaliwanag na ng mga tamang kaisipan at pananaw at hindi pa rin niya ito madama, pinatutunayan nito na napakahina ng kanyang kakayahan. Magagawa lang niyang sabihin, “Mahusay ang pagkakasulat sa artikulo, madaling intindihin ang wika, at magaling ang estilo ng pagsusulat,” pero hindi niya alam o nauunawaan kung ang mga katunayan bang tinalakay sa artikulo ay obhetibo, kung ano ang ipinararamdam nito sa mga mambabasa, at kung ano ang maaaring matutunan at makuha rito ng mga mambabasa—kakailanganin pa rin niyang tanungin ang may-akda. Ganap nitong pinatutunayan na ang gayong mga tao ay may mahinang kakayahan. Paano naipapakita ang kanilang mahinang kakayahan? Naipapakita ang kanilang mahinang kakayahan sa hindi nila pagkaunawa sa kung ano ang mga kaisipan at pananaw, at hindi pagkaunawa sa kung paano magpahalaga sa mga bagay, at siyempre, lalong higit sa kanilang ganap na kawalan ng kakayahan na magsuri ng mga bagay. Sa kabuuan, ito ay tinatawag na kawalan ng abilidad na magsuri at magpahalaga ng mga bagay. Ang paraan kaya ang mga taong walang abilidad na magsuri at magpahalaga ng mga bagay ay mas masahol kaysa sa mga may katamtamang kakayahan ay dahil bukod sa wala silang abilidad na magsuri ng mga bagay ay wala pa silang abilidad na magpahalaga ng mga bagay. Samakatwid, pagdating sa mga bagay sa antas ng mga kaisipan at pananaw, lohika ng pag-iisip, o kung ang isang bagay ay naaayon sa pagkatao o sa mga obhetibong batas ng mga bagay, hindi nila makilatis ang mga ito at hindi nila alam kung paano pahalagahan ang mga ito. Ni hindi nila madama kung ipinapaliwanag ba ng artikulong ito ang anumang mga kaisipan o pananaw, lalong hindi nila matukoy kung tama ba o mali ang mga kaisipan at pananaw. Nakapag-aral lang sila sa eskuwelahan kaya nila nagagawang magbasa ng mga bagay na nauugnay sa mga salita, kaalaman, mga teknikal na kasanayan, at mga propesyon, pero nananatili sila sa antas ng nagagawa nilang magbasa, manood, at makinig ng mga bagay nang hindi nagagawang mapahalagahan ang mga ito. Ang gayong mga tao ay iyong mga may mahinang kakayahan. Ang mga taong may mahinang kakayahan ay kayang makipag-usap tungkol sa mga bagay na nauugnay sa antas ng mga teknikal na kasanayan at propesyon o kaalaman, tulad ng kung sinong sikat na tao ang may gawa ng isang bagay, kung kaninong sikat na tao sinipi ang isang sikat na kasabihan, kung aling estilo ng pagpapahayag ang tinukoy, o kung aling teknikal na kasanayan o propesyon ang ginamit para makamit ito—kaya nilang madama ang mga bagay na ito. Gayumpaman, hindi nila nauunawaan ang mga konsepto na itinataguyod at ipinapahayag sa batayan ng antas ng mga propesyon at teknikal na kasanayan o kaalamang ito, pati na kung ano ang mga konsepto, batayan, o pundamental sa likod ng disenyo at presentasyon ng mga bagay na ito. Ito ang ibig sabihin ng pagkakaroon ng mahinang kakayahan. Ang gayong mga tao ay may iisang katangian: hindi nila alam kung paano pagbulay-bulayan o pag-isipan ang mga isyu. Hindi nila alam kung paano tukuyin, husgahan, o alamin ang ugat na dahilan at diwa ng penomenong dulot ng isang bagay, o ang direksyon sa hinaharap ng pag-unlad ng mga penomenong ito at ang magiging epekto ng mga ito sa mga tao, pangyayari, at bagay. Ang gayong mga tao ay walang normal na pag-iisip. Ang mga bagay na nauunawaan nila at ang karanasan sa buhay na naaarok nila ay labis na limitado. Anumang mga komplikadong usapin ang nakakaharap nila, hindi nila maunawaan o makilatis ang mga ito. Ibig sabihin, kaya lang nilang pag-isipan ang mga salitang naririnig nila, at ang tekstong nakikita nila sa panlabas tungkol sa isang bagay, pati na ang mga panlabas na anyo at pamamaraang nasasangkot, naaabot lang ang antas na ito. Tungkol naman sa mas malalalim na aspekto, gaya ng mga ugnayan, lohika, at mga impluwensiya sa isa't isa sa pagitan ng iba't ibang bagay, hindi nila iniisip ang mga ito ni wala silang kakayahan na mag-isip tungkol sa mga ito. Ang ilang tao ay nag-iisip pa nga tungkol sa isang bagay hanggang sa puntong nawawalan na sila ng ganang kumain, hindi nakakatulog, o nalulugmok sa depresyon, at hindi pa rin nila ito makilatis. Ito ang ibig sabihin ng pagkakaroon ng mahinang kakayahan. Ang sukat kung ang isang tao ay may abilidad na magsuri at magpahalaga ng mga bagay ay nakasalalay sa, kapag nahaharap sa isang usapin, kung kaya niyang gumawa ng mga paghusga para makaisip ng ilang posibilidad tungkol sa mga komplikadong ugnayan, koneksiyon, o mga impluwensiya sa isa't isa ng iba't ibang bagay, pati na ang mga magiging epekto na maaaring makamit ng mga ito. Kung kaya lang sabihin ng isang tao kung ano ang sinabi o ginawa ng isang tao, inuulit lang kung ano ang kanyang narinig o nakita nang walang anumang pagkilatis at nang hindi nagagawang madama ang anumang mga isyu, ipinapahiwatig nito na wala siyang normal na pag-iisip. Ang mga taong walang abilidad na mag-isip ay walang abilidad na magpahalaga ng mga bagay, at siyempre, wala rin silang abilidad na magsuri at magpahalaga ng mga bagay, at hindi nila alam kung paano mag-isip. Kaya, bakit natin kailangang talakayin ang abilidad na ito? Kung ang mga tao ay wala ng iba't ibang abilidad para pahalagahan ang materyal na mundo, mahina ang kakayahan ng mga taong ito. Hindi nila alam kung paano mag-isip at ang pag-iisip nila ay walang lohika, kaya ang gayong mga tao ay walang abilidad na maarok ang katotohanan. Ito ay dahil ang katotohanan, sa isang aspekto, ay kinasasangkutan ng iba't ibang aspekto ng mga isyu sa tunay na buhay ng mga tao; kasabay nito, kinasasangkutan din ito ng iba't ibang prinsipyo na dapat isagawa ng mga tao para iwaksi ang kanilang mga tiwaling disposisyon. Siyempre, higit na kinasasangkutan ito ng iba't ibang uri ng mga payak o komplikado, masalimuot na mga problema na nakakaharap ng mga tao sa tunay na buhay at sa mga ugnayan sa pagitan nila. Ito man ay tungkol sa iisang katotohanan o sa maraming magkakaugnay na katotohanan, walang katotohanan ang isang regulasyon; sa halip, ang mga ito ay mga prinsipyo o sukatan para masukat ang isang kategorya ng mga bagay. Tungkol sa mga prinsipyo at sukatan, ang mga ito ay hindi mga regulasyon o pormula tulad ng kapag ang isa ay dinagdagan ng isa ay nagiging dalawa. Dahil ang mga ito ay hindi mga pormula, kapag nakakaharap ng mga usapin sa tunay na buhay, dapat magawa ng mga tao na magbulay-bulay at maghanap kung aling mga problema ng pagkatao ang nasasangkot, kung ang mga pagbubunyag ba ng pagkatao sa aspektong ito ay naglalaman ng mga elemento ng isang tiwaling disposisyon, at kung anong mga kalagayan at pagbubunyag ang umiiral para sa parehong uri ng tiwaling disposisyon, pati na kung aling mga aspekto ng katotohanan ang dapat na isagawa at sundin ng mga tao para baguhin ito—ang lahat ng ito ay dapat na maunawaan ng mga tao. Kung alam mo lang ang mga salita ng katotohanan pero hindi mo alam kung anong mga prinsipyo ang sinasabi sa aspektong ito ng katotohanan, hindi mo malalaman kung paano ito iuugnay sa mga bagay sa tunay na buhay, hindi mo rin malalaman kung paano isasagawa ang katotohanan. Kung wala kang abilidad na maarok ang katotohanan, hindi mo ito maiuugnay sa mga problema na umiiral sa iyong sarili o sa mga problemang nakakaharap mo sa tunay na buhay. Hindi mo malalaman kung ilang aspekto ng katotohanan ang nasasangkot, kung ano ang landas ng pagsasagawa at pagpasok, o kung anong mga problema ang dapat mong lutasin. Siyempre, tiyak nang magagawa mong tingnan ang mga tao at bagay o umasal at kumilos batay sa mga salita ng Diyos, o na magagawa mong sumunod sa mga katotohanang prinsipyo o magsagawa ayon sa mga katotohanang prinsipyo. Kung wala kang abilidad na magpahalaga ng mga partikular na tao, pangyayari at bagay na nauugnay sa buhay ng tao, kung wala kang mga kaisipan o pananaw tungkol sa mga ito, at sa pundamental ay hindi mo maarok ang mga bagay na nauugnay sa antas ng kaisipan, walang abilidad na mapahalagahan ang mga ito at lalong walang abilidad na masuri ang mga ito, masasabing wala kang abilidad na maarok ang katotohanan. Kung wala kang abilidad na maarok ang katotohanan at hindi mo maunawaan ang katotohanan, ano ang gagamitin mo para baguhin ang mga depekto sa iyong pagkatao at para iwaksi ang iyong mga tiwaling disposisyon? Kung wala kang abilidad na maarok ang katotohanan, hindi mo malalaman kung aling mga katotohanang prinsipyo ang nasasangkot sa usapin sa harapan mo. Siyempre, hindi mo rin malalaman kung anong mga katotohanang prinsipyo ang dapat mong sundin. Sa ganoong kaso, kikilos ka nang bulag—sumusunod sa mga regulasyon, o kumikilos batay sa mga kuru-kuro at imahinasyon, o kaya ay walang pakundangang gumagawa ng mga maling gawa. Ang hindi pagkaunawa sa katotohanan ay humahantong sa ganitong mga kahihinatnan, sa ganitong mga pagpapamals.
Pagdating sa paksa ng abilidad na maghusga at magpahalaga ng mga bagay, kahit na hindi ito kinakasangkutan ng isyu ng pagsisikap na matamo ang katotohanan para maiwaksi ang mga tiwaling disposisyon, sa usapin ng mismong buhay ng tao, kung hindi mo taglay ang abilidad na magpahalaga ng mga bagay, wala kang mga pananaw sa anumang nakikita mo, ni anumang mga opinyon sa antas ng kaisipan—tinitingnan ang lahat ng bagay na animo ay may sapin ng gasa na nakatakip sa iyong mga mata, hindi makita na mayroong problema roon—at alam mo lang ang proseso ng pag-usad ng buong kaganapan o ng mga tao, pangyayari, at bagay na nasasangkot, pero hindi mo alam kung ano ang diwa ng problema, o kung ano ang mga nauugnay na kaisipan at pananaw ng mga tao, kung gayon ay ipinapahiwatig nito na isa kang taong may mahinang kakayahan. Ito ay dahil wala kang anumang kaisipan tungkol sa lahat ng problema sa iyong buhay. Hindi mo alam kung paano isaalang-alang, pag-isipan, o tukuyin ang mga problema sa antas ng kaisipan. Hindi mo alam kung paano isaalang-alang, batay sa sarili mong edad, ang pagkahinog ng iyong pagkatao, o ang iyong mga dating karanasan, kung anong aktuwal na uri ng problema ang isang bagay, kung ano ang iyong dapat matutunan at makuha mula rito, kung ano ang epekto nito sa iyo, kung anong aral ang dinadala nito sa iyo, kung mula saang perspektiba mo dapat tingnan at pangasiwaan ang ganitong uri ng problema, o kung paano ka dapat kumilos at kung ano ang dapat mong iwasan kung muli mong makaharap ang ganitong uri ng usapin. Wala ka ng lahat ng pagninilay-nilay na ito. Anuman ang mangyari sa iyo, kasingsimple mo mag-isip ang isang hayop at wala kang mga pananaw. Umabot ka man ng anong edad o gaano man karami ang maranasan mo, hindi mo pa rin alam kung paano pag-isipan ang mga problema. Hindi mo alam kung paano gamitin ang sarili mong mga dating karanasan, ang iyong kaalaman, at kung ano ang iyong natutunan para pagnilay-nilayan ang mga problema sa iba't ibang aspekto. Ang ganitong mga tao ay iyong mga may mahinang kakayahan. Para sa mga taong may mahinang kakayahan, huwag nang isipin pa ang pagkakaroon ng pagpasok sa katotohanan—maging sa maliliit na usapin sa pang araw-araw na buhay, hindi nila maibuod ang anumang padron. Kahit umabot sila ng kuwarenta o singkwenta anyos, o sitenta o otsenta anyos, sila ay mga tao pa ring magulo ang isip na hindi kayang magbahagi ng anumang mga karanasan. Ang gayong mga indibidwal ay mga taong mabagal ang isipan, na walang mga kaisipan. Dahil mahina ang kakayahan nila at wala silang abilidad na maghusga at magpahalaga ng mga bagay, umabot man sila ng anong edad, hindi nila kailanman tinitingnan ang anumang bagay sa antas ng kaisipan. Hindi nila alam kung paano tingnan ang mga bagay at hindi nila makilatis ang anumang bagay. Samakatwid, kapag sinusuri ang kakayahan ng isang tao, partikular na kung mayroon siyang abilidad na magsuri at magpahalaga ng mga bagay, huwag tingnan ang kanyang edad o ang kanyang mga dating karanasan. Sa halip, ano ang iyong dapat tingnan? (Dapat nating tingnan kung mayroon ba siyang mga kaisipan.) Ibig sabihin, dapat mong tingnan, pagkatapos niyang maranasan ang iba't ibang tao, pangyayari, at bagay sa loob ng apatnapu o limampung taon, kung mayroon ba siyang anumang personal na pagkaunawa sa antas ng kaisipan, pati na kung ang mga dati niyang karanasan ay kinakasangkutan ng buhay ng tao, ng landas na tinatahak ng mga tao, o ng mga bagay na nauugnay sa kaibuturan ng kaisipan ng tao at sa kanyang espiritwal na mundo. Kung ang kanyang mga karanasan ay patungkol lang sa ilang usapin at hindi kinakasangkutan ng mga bagay sa antas ng kaisipan, hindi niya taglay ang abilidad na maghusga at magpahalaga ng mga bagay. Halimbawa, madalas sinasabi ng ilang tao, “Sa aming henerasyon, napakahirap ng naging buhay namin. Hindi madaling makakain ng masarap; nakakain lang kami ng karne sa tuwing bagong taon o sa ibang mga pista. Ang mga tao mula sa aming henerasyon ay napakasimple at napakatotoo, at napakapayak naming manamit.” Patuloy silang nagsasalita tungkol sa mga ganitong bagay. Tumutugon naman rito ang iba, “Bakit ba karapat-dapat na gunitain ang henerasyon ninyo? Mayroon bang mga bagay na maaari naming matutunan bilang mga kabataan at na maaari naming maiparating sa antas ng kaisipan?” Tumutugon sila, “Noong panahon namin, kapag pumupunta kami sa digmaan para makipaglaban, ilang araw kaming hindi natutulog dahil kailangan naming patuloy na magmartsa. Minsan ay hindi kami nakakakain buong araw. Pagdating namin sa kampo, agad na natutulog ang mga bagong rekluta, pero kaming mga beterano ay kakain muna at saka matutulog. Kung hindi ay kakailanganin na naman naming lumakad muli pagkatapos kumain, at magugutom kami habang nasa daan.” Sinasabi ng iba, “Isang insidente lang ito; hindi ito maituturing na isang bagay na nasa antas ng kaisipan. Magbahagi ka ng isang bagay na karapat-dapat naming matutunan bilang mga kabataan, o ng ilang aral na makatutulong sa aming makaiwas na lumihis, at makapipigil sa amin na makagawa ng mga pagkakamali o makagawa ng mabababang antas na kamalian dahil sa kahangalan.” Sinasabi nila, “Noong panahong iyon, hindi kami katulad ng mga kabataan ngayon na mga tamad, matatakaw, at mahilig sa ginhawa habang namumuhi sa gawain. Dati, gusto lang naming magtiis ng higit na hirap, gumawa ng mas maraming gawain, at gumampan nang maayos para makuha namin ang atensyon ng aming mga lider at maangat kami.” Mayroon bang anumang bagay sa antas ng kaisipan sa mga salitang ito? (Wala.) Pagkatapos itong marinig, pakiramdam mo ba ay mga salita ito ng isang espirituwal na guro, ang uri ng nakakapukaw na pananalita na sinasabi ng mga walang pananampalataya? Pinalalawak ba nito ang iyong kaisipan, itinataas ang antas ng iyong kaisipan, pinauunlad ang iyong abilidad na maging maalam sa mga bagay, o tinutulungan kang makatuklas ng ilang bagong bagay o mga tamang kaisipan at pananaw na hindi mo pa naisip noon? (Hindi.) Kung gayon, ang gayong mga tao ba ay may abilidad na magsuri at magpahalaga ng mga bagay? Paano mo man sila tanungin tungkol sa mga usaping kinakasangkutan ng antas ng kaisipan, wala kang mahihita sa kanila. Hindi naman talaga sa ayaw nilang magsalita; sadyang wala lang laman ang loob nila. Ito ang ibig sabihin ng pagkakaroon ng mahinang kakayahan. Kahit na umabot sila ng singkwenta o sisenta anyos, wala silang mga kaisipan o pananaw; inilaraos lang nila ang buhay nang ganito. Hindi nila alam na ang pamumuhay ay hindi lang tungkol sa paghahangad ng kinabukasan, ng isang magandang pamilya, ng isang magandang trabaho, o ng isang magandang buhay, kundi mayroon ding mga usapin sa antas ng kaisipan na nangangailangan ng pagninilay-nilay, pagbubulay-bulay, at palagiang pagbubuod sa loob ng kaibuturan ng puso. Hindi nila alam na sa landas ng buhay ng tao, mahaharap ang tao sa maraming hindi kilalang bagay, ni hindi nila alam kung paano nila dapat harapin ang mga ito. Kapag walang nangyayari sa kanila, hindi sila nag-iisip o nagbubulay-bulay nang maaga para maiwasang malihis o tumahak sa maling landas. Hindi rin nila alam kung bakit sila kumilos sa isang partikular na paraan sa ilang bagay na naranasan nila, kung ang pagkilos ba sa ganoong paraan ay tama o mali, o kung paano sila dapat lumakad sa landas sa harapan para mamuhay nang masaya, mamuhay nang may payapang isip, at mamuhay nang buhay na may halaga, hindi namumuhay nang walang saysay. Dahil ang gayong mga tao ay may mahinang kakayahan, hindi nila pinag-iisipan ang mga isyung ito. Kapag ang mga taong ito ay umabot ng sisenta anyos, nakaupo lang sila at ginugunita ang mga bagay, sinasabing, “Noong bata pa ako, maganda ako at may talento; napakaraming tao ang naghahabol sa akin! Hay, noong kabataan ko….” Inuungkat lang nila ang mga kuwento mula sa maluluwalhating araw nila, iyong mga bagay na hindi karapat-dapat banggitin. Ang mga taong may mahinang kakayahan, gaano man sila tumanda, ay hindi pinag-iisipan ang mga isyung nauugnay sa buhay ng tao, ang landas na tinatahak ng mga tao, o kung paano dapat mamuhay ang mga tao. Hindi nila pinag-iisipan kung anong uri ng mga pananaw ang dapat mayroon ang mga tao kapag humaharap sa iba't ibang usapin. Bilang resulta, paano man sila mamuhay, hindi uunlad ang antas ng kanilang kaisipan, mawawalan ng substansya ang kanilang mga kaisipan, mananatiling hirap ang kanilang espirituwal na mundo, at hindi sila magkakaroon ng tunay na karanasan sa buhay. Ito ang ibig sabihin ng pagkakaroon ng mahinang kakayahan. Kapag nakikisalamuha ka sa gayong mga tao, sa edad na bente anyos, labis silang isip-bata at simple, puno sila ng marubdob na damdamin at napakainit ng ulo nila. Kapag trenta anyos na sila, ganoon pa rin sila kabulok. Kapag singkwenta anyos na sila, nasa ganoong antas pa rin ang pagsasalita nila—alam lang nila kung paano magsalita ng ilang simpleng parirala. Ang kanilang mga mukha ay mas marami nang kulubot at tanda ng edad, at mas marami na ang kanilang puting buhok. Malinaw na may edad na sila, pero wala silang mga kaisipan o pananaw. Kapag nakikipag-usap sa iba, kailanman ay wala silang nasasabi. Nasayang ang lahat ng taon na ito ng buhay nila, at hindi sila umusad. Ang mga taong may mahinang kakayahan ay ganito sa buhay, at kung nananampalataya sila sa Diyos, pareho ang kanilang mga pagpapamalas mula sa umpisa hanggang sa huli. Noong una silang manampalataya sa Diyos sa edad na bente anyos, ganito na sila. Kapag trenta o singkwenta anyos na sila, ganito pa rin sila, walang natamong anumang pag-usad. Ang mga bagay na sinasabi nila ay katulad pa rin ng dati. Nakaranas lang sila ng ilang bagay habang nananampalataya sa Diyos, nakaunawa ng ilang salita at doktrina at nakakapagsalita ng espirituwal na termonolohiya nang mas kompleto. Gayumpaman, wala silang totoong pagkaunawang batay sa karanasan. Wala pa ring lalim ang kanilang mga kaisipan, hindi nagbago ang kanilang mga pananaw sa mga bagay, hindi nadagdagan ang kanilang kaalaman sa Diyos at sa katotohanan, at hindi lumago ang kaalaman nila sa kanilang sarili. Hindi sila sumailalim sa anumang pagbabago, tama ba? (Tama.) Ang pag-iipon ng ilang salita at doktrina o espirituwal na terminolohiya sa pamamagitan ng memorya o sa pagpapanday ng oras ay hindi pagbabago, hindi pag-usad, at tiyak na ito ay hindi pakinabang. Ito mismo ang pagpapamalas ng mga taong may mahinang kakayahan. Kahit gaano karaming malakihang tagumpay at pagkabigo ang pagdaanan nila, o gaano man karaming problema, kabiguan, o pagkadismaya ang maranasan nila, hindi sila natututo ng anumang mga aral o nagkakamit ng anumang karanasan, at hindi sila makapagtamo ng anumang bagay ma kapaki-pakinabang. Kapag natapos na ang isang bagay, sadyang tapos na ito para sa kanila—dumaraan lang sila sa proseso at sa huli ay walang nakakamit. Ang gayong mga tao ay maaaring ilarawan bilang labis na kaawa-awa. Sinasabi natin na ang gayong mga tao ay may napakahinang kakayahan dahil mismo wala silang abilidad na mag-suri at magpahalaga ng mga bagay. Lalong hindi masasabi na mayroon silang anumang abilidad na maarok ang katotohanan, hindi rin masasabing na mayroon silang anumang pagbabago.
Para sa mga taong may mahinang kakayahan, sa usapin ng abilidad na magsuri at magpahalaga ng mga bagay, hindi sila pasok sa pamantayan. Para naman sa mga walang anumang kakayahan, lalong wala silang abilidad na magsuri at magpahalaga ng mga bagay—hindi nila kayang pahalagahan ang mga bagay, at lalong hindi nila kayang suriin ang mga ito. Kapag ibinabahagi mo ang iyong mga kaisipan at pananaw tungkol sa isang bagay, ang mga taong may mahinang kakayahan ay matitigilan habang nakikinig sila, walang ipinapakitang reaksiyon. Sa puso nila, iniisip nila, “May mga kaisipan at pananaw rito? Paanong hindi ko nadama ito?” Kahit na kaya nilang maunawaan ang kaunti sa iyong sinasabi, kaya lang nilang pakinggan ito bilang mga salita at doktrina o isang pormula. Para naman sa mga taong walang kakayahan, kapag naririnig nila ang iba na nakikipagbahaginan tungkol sa mga kaisipan at pananaw sa loob ng isang bagay, o sa diwa ng problema at sa paninindigang dapat mayroon ang mga tao tungkol dito, hindi nila ito maunawaan. Nadarama lang nila na medyo malalim ito, pero hindi nila ito maarok. Habang mas nagbabahagi ka tungkol sa mga kaisipan at pagkaunawa, mas lalo silang nalilito. Nadarama nila, “Paanong naging komplikado ang ordinaryong usaping ito? Bakit wala akong maunawaan na anuman tungkol sa mga kaisipan, pananaw, o mga paninindigan? Anong paninindigan? Kailangan lang nating manampalataya nang maayos sa Diyos at gawin nang maayos ang ating mga tungkulin, at sasang-ayon ang Diyos. Bakit kapag mas matagal nang nananampalataya sa Diyos ang isang tao ay mas nagiging komplikado ang mga bagay? Sa pakikinig sa iyo, para bang wala nang makakapasok sa kaharian!” Kaya mo bang makipag-usap sa gayong mga tao? (Hindi.) Bukod sa hindi mo kayang makipag-usap sa kanila, kaya rin nilang magsabi ng ilang hindi makatwirang bagay: “Ang mga kaisipan at pananaw bang binanggit mo ay talagang napakabuti at napakatama? Tingin ko ay hindi! Hindi kailanman kakayanin ng mga tao kapag walang pera. Ang mga tao ay dapat na palaging kumain nang maayos at magtamasa ng magagandang bagay. Kung walang pera para gastusin o masarap na pagkain para kainin, paano magagawa ng sinuman ang kanilang tungkulin?” Anong klaseng lohika ito? Sinasabi nila, “Palagi mong tinatalakay ang tungkol sa buhay ng tao, ang tungkol sa mga pagpapahalaga, kaisipan, at pananaw ng mga tao, at ang landas na dapat tahakin ng mga tao. Bakit hindi mo talakayin ang tungkol sa pagkain at pananamit? Bakit hindi mo talakayin ang tungkol sa pag-aalaga ng katawan mo para magawa mo ng maayos ang iyong tungkulin?” Ang iniisip nila ay ang mga bagay na ito—kaya pa rin ba nilang maarok ang katotohanan? Sadyang hindi mo kayang makipag-usap sa gayong mga tao. Kapag sinubukan mong makipag-usap sa kanila, tinatalakay lang nila ang tungkol sa pagkita ng pera. Itinuturing nila ang pagkita ng pera, pamumuhay ng kanilang buhay, paghahangad sa mundo, at paggugol ng kanilang buhay sa pagkain, pag-inom, at pagsasaya bilang ang malalaking usapin ng buhay ng tao at ang landas na dapat tahakin ng mga tao sa buhay. Tungkol naman sa kung ano ang dapat hangarin o kamtin ng mga tao sa pamamagitan ng pananampalataya sa Diyos, ang mga bagay na ito ay hindi umiiral sa kanilang mga kaisipan o kamalayan. Naniniwala sila na ilang taon man nang nananampalataya ang mga tao sa Diyos, kailangan pa rin nilang kumain at mamuhay, at na para mamuhay nang maayos, hindi puwedeng wala kang pera—ang pagkakaroon ng pera ay nangangahulugan ng pagkakaroon ng magandang buhay, at kung walang pera, hindi puwedeng magpatuloy ang buhay. Ito ang kanilang lohika; ang gayong mga tao ay madaling maimpluwensiyahan ng mga pambabaluktot. Ang mga taong madaling maimpluwensiyahan ng mga pambabaluktot ay walang mga tamang kaisipan o pananaw; para silang mga tao na walang kaluluwa. Ano ang pagkakaiba sa pagitan ng buhay ng gayong mga tao at sa buhay ng mga baboy o aso? (Walang pagkakaiba.) Kung susubukan mong turuan ang isang aso o pusa para ito ay maging masunurin at kumilos tulad ng isang bata na may mabuting asal, makakaunawa ba ito? (Hindi.) Hanggang saan ang kayang maunawaan ng isang aso? Kung sasabihan mo itong “umupo” at pagkatapos ay bibigyan mo ito ng isang piraso ng karne, makakaalala ito. Pagkatapos niyon, sa sandaling sabihin mo ang “umupo,” kahit gaano pa ito kalayo, agad itong uupo at maghihintay na pakainin mo ito ng karne. Kayang maalala ng isang aso ang ganitong mekanikal na kilos; hangga't ipinapaalam mo rito na ang pag-upo ay humahantong sa isang gantimpala, susunod ito. Ganoon kasimple ang mga kaisipan nito. Kaya, gaano kalaki ang pagkakaiba sa pagitan ng mga kaisipan ng mga taong walang kakayahan at sa mga kaisipan ng mga hayop? (Walang malaking pagkakaiba.) Matapos kumain ng mga hayop kada araw, lumalabas ang mga ito para maglaro. Kapag oras na para muling kumain at tinatawag mo ang mga ito na bumalik na, agad na tatakbo ang mga ito papalapit. Kung itatali mo man ang mga ito o pauupuin, susunod ang mga ito. Bakit ganoon? Dahil may pagkain na makakain. Masayang-masaya sila na sumunod sa mga utos mo para sa kaunting pirasong pagkain na iyon. Ganito kasimple ang mga kaisipan ng mga hayop. Para sa kanila, sapat nang panghawakan ang isang regulasyon o pormula na kapaki-pakinabang sa kanila; wala na silang ibang masyadong iniisip pa. Dahil ang mga likas na gawi na ibinigay ng Diyos sa mga hayop ay limitado sa mga bagay na ito, na sapat na para manatili silang buhay, at hindi sila binigyan ng Diyos ng anumang atas, ang mga hayop ay hindi na kailangang isaalang-alang ang buhay, ang hinaharap, ang kanilang hantungan, o ang kanilang mga responsabilidad at obligasyon. Hindi rin nila kailangang isaalang-alang kung anong landas ang tatahakin o hangarin ang isang makabuluhang buhay, at iba pa. Pero iba ang mga tao. Pinagkalooban ng Diyos ang mga tao ng iba't ibang likas na gawi at pinagkalooban din ng katotohanan para maging buhay nila. Samakatwid, may hiningi ang Diyos na mga pamantayan para sa mga tao. Kaya, dapat isaalang-alang ng mga tao ang mga isyung ito; ang paggawa lang nito ang mainam para sa pagkakamit nila ng katotohanan para maging buhay nila. Ito ang responsabilidad at obligasyon na dapat mayroon ang mga tao, at siyempre, karapatan din nila ito. Pero kung hindi mo kayang gamitin ang karapatang ito o wala ka ng abilidad na ito na pag-isipan ang tungkol sa mga isyu, pinatutunayan nito na napakahina ng kakayahan mo. Sa gitna ng mga buhay na nilalang sa antas ng mga tao, nabibilang ka sa kategorya ng mga may mahinang kakayahan. Hindi mo kayang mag-isip para sa sarili mo, at kahit kapag ipinapaliwanag ng iba ang mga bagay sa iyo, hindi ka makaunawa. Sa mas malulubhang kaso, nilalabanan, kinukutya, nililibak, o pinupuna mo pa nga ang iba. Kung ganito kahina ang kakayahan mo, ibig sabihin ay wala ka talagang kakayahan. Halimbawa, binabasa ng isang taong walang kakayahan ang isang artikulo ng patotoong batay sa karanasan, at tinatanong mo siya, “Maganda ba ang artikulong ito?” Sinasabi niya, “Napakaganda nito. Ang bawat talata ay tumpak na nahahati, at halos tumpak ang mga pananda. Ang unang talata ay nagpapaliwanag sa oras at lugar, ang ikalawang talata ay nagpapaliwanag sa pinagmulan ng mga karakter, ang ikatlong talata ay nagsisimulang magsalaysay sa takbo ng kuwento, at pagkatapos ay humahantong ito sa rurok at kongklusyon.” Pagkatapos, kung tatanungin mo siya kung ano ang mga kaisipan at pananaw ng may-akda, sinasabi niya, “May mga kaisipan at pananaw? Ang bahagi ng mga salita ng Diyos na sinipi ng may-akda ang mga kaisipan at pananaw.” Itinatanong mo, “Nauugnay ba ang mga salita ng Diyos na sinipi niya? Tumpak ba ang mga kaisipan at pananaw na gusto niyang ipahayag?” Sinasabi niyang hindi niya alam. Pagkatapos ay itinatanong mo, “Tunay at praktikal ba ang pagkaunawang ibinahagi ng may-akda? Ang nauunawaan ba niya ay doktrina, o malapit ba ito sa realidad? Nakakapagpatibay ba ito sa iba o may halaga sa iba? Nagbibigay ba ito ng tulong o pakinabang sa mga mambabasa?” Hindi niya alam ang anuman sa mga ito at hindi niya ito madama. Ito ang ibig sabihin ng pagkakaroon ng napakahinang kakayahan. Kung makikipagbahaginan ka sa kanya tungkol sa mga kamalian sa mga kaisipan at pananaw ng artikulo, kung aling mga bahagi ang praktikal at kung aling mga bahagi ang hindi, hindi pa rin niya alam at hindi niya ito maiugnay sa artikulo. Nagpapakita ba ito ng kawalan ng kakayahan? (Oo.) Kahit kapag nakikipagbahaginan ang iba tungkol sa mga problemang umiiral, hindi pa rin niya alam. Hindi ba't nagpapakita ito ng kawalan ng kakayahan? Katulad ito ng ilang lider ng iglesia: Kapag lumilitaw sa iglesia ang masasamang tao o ang mga hindi mananampalataya, hindi nila alam kung paano pangasiwaan ang mga ito. Pagkatapos mong makipagbahaginan sa kanila tungkol sa mga katotohanang prinsipyo, hindi nila nauunawaan at hinihiling sa iyo na magbigay ng halimbawa. Pagkatapos mong magbigay ng halimbawa, hindi pa rin nila alam kung paano pangasiwaan ang mga ito. Sinasabi nila, “Pakiusap, turuan mo ako. Paano ko ba mismo dapat pangasiwaan ang taong iyon? Dapat ko ba siyang ilagay sa isang ordinaryong iglesia, ilagay siya sa isang grupong B, o paalisin siya? Paano ako dapat makipagbahaginan sa taong iyon? Pakiusap, ipaliwanag mo sa akin ang bawat salita. Ire-record ko ito at susundin ang bawat salita nito para pangasiwaan ang sitwasyon—sa ganong paraan, kaya ko itong gawin.” Kung ganito sila, ano ang punto ng pakikipagbahaginan ng mga prinsipyo sa kanila? Kahit kapag nagbibigay ka ng mga halimbawa, hindi sila nakakaunawa at hindi nila mapangasiwaan ang usapin. Ang gayong mga tao ay sadyang walang abilidad na makaarok. Sa huli, itinatanong pa rin nila, “Sabihin mo sa akin kung ano ang dapat kong gawin tungkol sa kasalukuyang isyung ito, at gagawin ko ito.” Sinasabi mo sa kanila kung saan pupunta para pangasiwaan ang usapin, kung ano ang sasabihin sa kung kanino para maisagawa ito, at kung hanggang sa anong antas dapat pangasiwaan ang usapin para makonsidera na lubusan nang nalutas. Pagkatapos mong magpaliwanag, tila nakakaunawa na sila, pero hindi pa rin nila ito mapangasiwaan, at kailangan mong maghanap ng isang tao na makikipagtulungan sa kanila para makompleto ito. Ang gayong mga tao ay labis na mabagal ang isip at walang kakayahan. Halimbawa, ipagpalagay nang sinabi mo sa mga taong nag-aaral ng sayaw na ang mga hakbang sa isang partikular na sayaw ay napakaganda at pinasunod mo sila sa isang video para matutunan nila ang mga ito. Makalipas ang ilang araw, nang itanong mo kung kumusta ang pag-usad nila, ang ilang taong mabagal ang isip ay sasabihing hindi nila matukoy kung aling mga hakbang ang maganda. Kahit na may mga materyales sila sa pagtuturo, hindi pa rin nila ito matutunan. Hindi nila alam kung aling mga galaw ang maganda o kung aling mga galaw ang kapaki-pakinabang, at hindi nila alam kung paano pipili. Ano ang ginagawa nila sa huli? Mayroon silang isang taktika; sinasabi nila, “Pumili ka na lang ng ilang hakbang ng sayaw na aaralin ko, at susundin ko ang mga iyon—tapos ang kuwento.” May ganito silang diskarte; habang hindi nila nauunawaan ng mga prinsipyo, mayroon silang kaunting katusuhan. Hindi ba't para lang silang mga robot? Maaaring mayroon silang kaalaman at edukasyon, pero wala silang abilidad na magsuri at magpahalaga ng mga bagay—ito ang ibig sabihin ng kawalan ng kakayahan. Hindi nila alam kung bakit nila dapat matutunan ang sinasabi mong aralin nila. Para sa mga bagay na sinasabi mo sa kanilang huwag aralin, hindi nila alam kung anong mali sa mga ito o kung bakit hindi nila dapat aralin ang mga ito. Kahit matapos pagsabihan, hindi pa rin nila ito makita. Sabihin mo sa Akin, may kakayahan ba ang gayong mga tao? (Wala.) Ang kawalan ng abilidad na malaman ang mga bagay sa sarili nila, at kawalan ng abilidad na matukoy at mahusgahan ang tama sa mali sa sarili nila—ito ang ibig sabihin ng kawalan ng kakayahan. Tulad ng mga baka o kabayo, palagi nilang kailangan na akayin sila ng isang tao—hindi ba't mga kasangkapan lang sila, kung gayon? Kung may kakayahan ka, kakailanganin mo pa rin ba na may mag-akay sa iyo? Para saan pa at may utak ka? Walang kuwenta ang utak mo. Sa tumpak na pananalita, wala kang kakayahan. Kailangan mong makinig sa iba at akayin nila—isa ka lang kasangkapan. Gaani man katagal aralin ng ganitong mga tao ang isang partikular na propesyon o ilang prinsipyo mang nauugnay rito ang marinig nila, hindi pa rin nila maunawaan o maarok ang mga ito. Sa huli, hindi nila alam kung paano ilapat o ipatupad ang mga prinsipyong ito. Ang mga ito ang uri ng mga tao na may napakahinang kakayahan—ang mga walang kakayahan. Sinasabi ng ilang tao, “Huwag mong isipin na dahil lang wala silang abilidad na magsuri at magpahalaga ng mga bagay at palaging sumusunod sa pangunguna mo sa paggawa ng kanilang tungkulin, nangangahulugan ito na may mahina silang kakayahan. Sa katunayan, wala lang silang kakayahan pagdating sa pag-arok sa katotohanan. Pagdating sa mga usaping kinakasangkutan ng sarili nilang mga interes, palagi silang nag-iisip ng lahat ng paraan para protektahan ang sarili nila mula sa pagdurusa ng anumang kawalan. Sa mga bagay na ito, matalas sila—tiyak na hindi sila mga taong mabagal mag-isip. Sa iglesia, tila mabagal sila mag-isip, pero kung babalik sila sa mundo, hindi hindi sila magiging mabagal mag-isip. Sa mga bagay na tinatamasa nila, mayroon silang mga kaisipan at mga nilikhang gawa; marahil ay maaari silang magkaroon ng ilang tagumpay.” Mayroon ding mga tao na gumagawa ng walang pakundangang mga maling gawa sa iglesia, at sinasabi ng lahat na mayroon silang mahinang kakayahan, pero sila mismo ay hindi kumbinsido: “Sinasabi mong mayroon akong mahinang kakayahan, pero kung ako ay nasa mundong walang pananampalataya, magagawa ko pa ring kumita ng pera at maghanapbuhay. Maaari pa rin akong umunlad—hindi tiyak na magiging mas masahol ako kaysa sa iba!” Sinusukat ba ng mundong walang pananampalataya ang lahat ng bagay nang ayon sa mga katotohanang prinsipyo? Umaasa ba ito sa mga salita ng Diyos bilang pundasyon? Kung hindi, kahit na maging matatag ang kanilang mga nilikhang gawa sa mundong walang pananampalataya, hindi nito pinatutunayan na mayroon silang kakayahan. Halimbawa, ang ilang tao ay nagpipinta, at sa unang sulyap, ang mga kulay, komposisyon, ilaw, mga proporsyon ng mga pigura, at ibang mga aspekto ng kanilang mga pinta ay tila napakaganda. Gayumpaman, kapag nagpipinta sila ng ilang sinaunang santo sa sambahayan ng Diyos, lumilitaw ang mga problema. Sinasabi Ko, “Ang mga gawa ng pintor na ito ay mabentang-mabenta sa mga walang pananampalataya dati, at pinahahalagahan ng mga tao ang mga ito. Pero bakit labis Akong naaasiwa sa depiksyon ng mga ito kay Abraham, Job, at Noe? Bakit nagmukhang magkakapamilya ang tatlong taong ito na nagmula sa magkakaibang kapanahunan? Ang mga iyon ay mga Israelita, at ang estruktura ng buto ng hitsura ng kanilang mukha ay dapat sumasalamin sa mga katangian ng lahing iyon. Kahit na hindi nila alam ang personalidad ng bawat pigura, kahit papaano, dapat nilang maunawaan kung ano ang estruktura ng buto at hitsura ng lahing iyon. Sa alin mang kapanahunan nabibilang ang taong iyon na ipinipinta nila, ang mga katangian ng lahi ng mga ito ay dapat na bigyang-diin at gawing halata sa pamamagitan ng buhok, hitsura ng mukha, kulay ng mata, at hugis ng mukha ng mga ito.” Pero paanong ang mga taong ito na ipininta nila mula sa magkakaibang kapanahunang ito, kahit na magkakaiba ang edad ng mga ito, ay pawang may estruktura ng buto na hindi kamukha ng kanilang lahi? Lahat sila ay may kwadradong mukha; ang mga mas bata ay mas kaunti lang ang kulubot sa mukha at mas maitim ang buhok, habang ang mas matatanda ay mas maraming kulubot sa mukha, mas maitim ang balat, at mas maraming puting buhok. Ang mga hitsura ng mga taong ito ay halos pare-pareho lahat: malapad, kwadradong mukha, matatangkad, at partikular na matitipuno. Sinasabi Ko, “Bakit magkakamukha ang lahat ng pigurang ito? Masyado silang magkakatulad at walang mga katangian na bukod-tangi.” Ang pintor mismo ay hindi napapansin ang problema. Marahil ay nakapagpinta na siya ng napakaraming ganitong uri ng gawa, naging masyado nang pulido ang kanyang teknik, at naging pirmido na ang kanyang estilo. Sa tuwing nagpipinta siya ng mga pigura, halos palaging pareho ang hugis ng mukha ng mga lalaki, at hindi niya makuha ang mga natatanging hitsura ng mukha ng iba't ibang karakter. Hindi ba't medyo mahina ang kanyang abilidad na maghusga at magpahalaga ng mga bagay? (Oo.) Kapag natapos na niya ang kanyang ipininta, hindi niya alam kung ang mga hitsura ng mukha na ipininta niya ay naaayon sa mga katangian ng buto ng lahing iyon; hindi siya sigurado tungkol sa mga katangiang iyon. Masasabi mo bang katamtaman o mahina ang kanyang kakayahan sa larangang ito? (Mahina.) Maitatama ba niya ito pagkatapos siyang bigyan ng mga mungkahi ng iba? Minsan, binigyan Ko siya ng mga mungkahi, pero nang makita Ko ang gawa niya kalaunan, ganoon pa rin ito. Sa puntong iyon, wala nang dapat pang sabihin—ang higit pang pagpapaliwanag ay hindi pa rin nila maaarok.
Pagdating sa mga isyung nauugnay sa abilidad ng mga tao na maghusga at magpahalaga ng mga bagay, ang mga ito ang mga pagpapamalas ng mga tao na may iba't ibang antas ng kakayahan. Ang mga taong may mahusay na kakayahan ay hindi lang kayang magpahalaga ng mga bagay kundi kaya rin nilang suriin ang mga ito. Ang mga may mas mahusay pang kakayahan, kapag nahaharap sa mga tamang kaisipan at pananaw, ay itataguyod ang mga ito at ibabahagi o itutustos ang mga ito sa iba, at kapag nahaharap sila sa mga maling kaisipan at pananaw, kaya nilang matukoy at maitama ang mga ito. Ang mga taong may katamtamang kakayahan ay may partikular na abilidad na magpahalaga ng mga bagay pero walang abilidad na magsuri ng mga bagay—hindi nila kayang tukuyin ang mga bagay sa antas ng kaisipan. Ang mga taong may mahinang kakayahan ay hindi kayang maunawaan ang mga bagay sa antas ng kaisipan, kaya hindi masasabi na mayroon silang anumang abilidad na tumukoy ng mga bagay. Ang mga taong walang kakayahan ay hindi maunawaan ang mga bagay na ito kahit kaunti. Kahit na may magpaliwanag sa kanila ng mga ito, hindi pa rin nila kayang maunawaan kung ano ba talaga ang mga kaisipan at pananaw na tinatalakay. Para sa kanila, katulad ito ng pakikinig sa isang kuwento tungkol sa ibang planeta—ganap nila itong hindi maarok. Ang mga ito ang iba't ibang katangian na ipinapakita ng mga tao na may iba't ibang kakayahan sa usapin ng abilidad na magsuri at magpahalaga ng mga bagay.
Ang labing-isang pamantayan para sa pagsukat ng kakayahan ng isang tao ay ang abilidad na maging inobatibo. Ang abilidad na maging inobatibo ay ang malikhaing abilidad na taglay mo batay sa pagkaunawang mayroon ka pagkatapos mong malaman ang mga pundamental, prinsipyo, at batas ng isang bagay. Ang malikhaing abilidan na ito ay tumutukoy sa pagpapabuti sa bagay na ito sa orihinal nitong pundasyon, pinauunlad ito, pinalalaki ang saklaw ng impluwensiya nito, o ginagawa itong isang bagong henerasyon ng isang partikular na bagay—ito ay tinatawag na abilidad na maging inobatibo. Sa partikular, nangangahulagan ito na batay sa tumpak na pag-arok sa mga obhetibong batas ng isang partikular na bagay, maaari mong ilapat ang mga ito sa tunay na buhay, palakihin at palawakin ang saklaw ng paglapat ng mga ito, at tulutan ang mga pundamental at prinsipyong ito na naaayon sa mga batas ng pag-unlad ng mga bagay na maglingkod sa mas maraming tao, para mas maraming tao ang tumanggap ng pakinabang at tulong mula rito. Sa isang banda, pinapanatili mo ang mga pundamental at prinsipyong ito, palagiang pinalalaki ang saklaw ng kanilang impluwensiya at ang mga tagapakinig ng mga ito. Dagdag pa rito, binabago mo ang mga ito mula sa isang literal na presentasyon patungo sa isang nahahawakang bagay na maaaring kuhaan ng mga tao ng tunay na pakinabang mula sa isang mas praktikal na paraan at sa pamamagitan ng higit na pagsisikap. Ito ang ibig sabihin ng pagkakaroon ng abilidad na maging inobatibo. Kung ang isang tao, sa pundasyon ng kapaligiran ng pamilya at konteksto ng paglago na mayroon siya, at sa kaalamang nakakamit niya, ay kayang maarok ang mga pundamental, prinsipyo, at batas ng pag-unlad ng isang bagay, alam kung paano ilapat ang mga pundamental at prinsipyong ito, at mula sa mga pundamental at prinsipyong ito mula sa teorya ay gawing mga nahahawakang bagay—hindi humihinto sa antas ng mga salita at doktrina, kundi inilalapat ang mga ito sa tunay na buhay, ginagawa ang mga ito na bahagi ng buhay ng mga tao at ginagawa ang mga ito na mga resulta na naglilingkod sa mga tao, tinutulutan ang mga tao na magkamit ng pakinabang at tulong mula sa mga ito, at ginagawa ang buhay ng mga tao na mas maayos at mas madali—kung kayang makamit ng isang tao ang antas na ito, isa siyang taong may abilidad na maging inobatibo at isang taong may mahusay na kakayahan. Ibig sabihin, kung kaya mo, sa batayan ng pagkaunawa sa mga pundamental ng mga batas ng pag-unlad ng mga bagay at ng mga katotohanang prinsipyo, na mapagtanto ang pag-aangat, pagpapanatili, pagpapalawak, o pagpapanibago ng isang bagay—kung mayroon kang ganitong abilidad o kaya mong maisakatuparan ang anuman sa isa sa mga ito, at kaya mong tulutan ang mga pundamental at mga batas na isang positibong bagay o ang mga prinsipyo ng katotohanan na maipatupad, magmateryalisa, at mapalawak sa gitna ng mga tao—pinatutunayan nito na mahusay ang kakayahan mo. Kahit na hindi mo ito madala sa isang mas malalim na antas, kahit papaano, kung kaya mo itong mapanatili, mapalawak, at mapamateryalisa, at kaya mong mapalawak ang positibo nitong impluwensiya, pinatutunayan nito na isa kang tao na may abilidad na maging inobatibo. Kung hindi mo taglay ang abilidad na ito, at mayroon ka lang abilidad na maarok ang mga batas ng mga positibong bagay, pero ang abilidad na makaarok na ito ay nananatili lang sa antas ng literal at teoretikal na pagkarok, at hindi mo kayang maipatupad o mapamateryalisa ang mga ito sa mga tao, hindi mo rin mapaglingkod ang mga ito sa mga tao at mapakinabangan nila, wala kang abilidad na maging inobatibo. Dapat magawa mong praktikal na kumilos at ilapat ang mga pundamental, prinsipyo, batas, at tuntunin—saka lang masasabi na mayroon kang abilidad na maging inobatibo. Tanging ang mga nagtataglay ng abilidad na ito ang mga taong may mahusay na kakayahan. Halimbawa, ang ilang lider at manggagawa o superbisor ay kayang ipatupad agad ang mga prinsipyo at pagtustos ng sambahayan ng Diyos pagkatapos nilang maunawaan ang mga ito. Ipinapatupad nila ang mga katotohanang prinsipyo ng bawat aytem ng gawain kasama ang hinirang na mga tao ng Diyos, tinutulungan ang mas maraming tao na maunawaan ang katotohanan at para ang gawain ng iglesia ay umusad sa isang maayos na paraan—ibig sabihin, para ito ay umikot nang positibo sa loob ng saklaw ng mga prinsipyo, patuloy na umuunlad at umaabante, nang walang paglihis. Anong resulta ang nakikita ng mga tao mula rito? Ginagawa ng lahat ang dapat nilang gawin sa loob ng saklaw ng kanilang gawain, ang lahat ay nakakaunawa sa mga prinsipyo at kumikilos ayon sa mga prinsipyo, hindi lumilihis ang gawain, at ang gawaing ito ay patuloy na nagluluwal ng mga bagong resulta o mga bagong aytem ng gawain. Kahit pa lumitaw ang mga espesyal na sitwasyon sa proseso nito, malalaman ng mga superbisor kung paano pangangasiwaan ang mga ito nang pleksible ayon sa mga pundamental, pagtustos, at prinsipyo ng gawain. Sa ilalim ng kanilang pamumuno, patuloy na umuusad ang gawaing ito sa isang maayos na paraan at halos hindi tumitigil. Ibig sabihin, anumang sitwasyon ang maaaring lumitaw, sino man ang maaaring dumating para manggulo o magpalaganap ng anumang mga panlilinlang, hindi nito maaapektuhan ang maayos na pag-usad ng gawain; ang gawain ay patuloy na sumusulong. Masasabi ba na ang mga pundamental ng gawaing ito at ang mga katotohanang prinsipyo sa aspektong ito ay patuloy na napapanatili? (Oo.) Sa pamamagitan ng pagpapatupad, pagpapanatili, at pagsulong ng mga pundamental at prinsipyo ng gawaing ito, hindi naaabala ang gawaing ito; patuloy itong naipapatupad at napapanatili sa isang maayos na paraan, at kasabay nito, lumilitaw ang mahuhusay na resulta ng gawain sa iba't ibang kapanahunan. Ang impluwensiya ng mga resulta ng gawaing ito ay patuloy na lumalawak, at parami nang parami ang mga taong nakikinabang mula sa mga ito. Ang mga nakikinabang, sa katunayan, ay nakikinabang mula sa iba't ibang prinsipyo, pundamental, at maging sa mahihigpit na pagtustos ng mga pagsasaayos ng gawain na kayang maarok at matanggap ng mga superbisor na ito. Ito ang ibig sabihin ng pagkakaroon ng abilidad na maging inobatibo. Ibig sabihin, ang isang taong may mahusay na kakayahan ay kayang patuloy na ipatupad ang mga prinsipyo ng gawain at ang mga katotohanang prinsipyo na naaarok at natatanggap nila sa gawain na pananagutan nila at ipatupad ang mga ito kasama ang lahat, binibigyang-kakayahan ang gawain na umusad sa isang maayos na paraan o sumulong. Kasabay nito, ang mga resulta ng gawain ay iluluwal nang pana-panahon o nang iregular; tinatawag ito ng mga walang pananampalataya na “pagluwal ng mga gawain”—ibig sabihin, patuloy na lilitaw ang mga resulta ng gawain, at ang pagpapakita ng mga resulta ng gawaing ito ay magdudulot ng mas malaking impluwensiya at makakaabot sa mas maraming tao. Ang mga taong nagtataglay ng abilidad na ito ay kayang patuloy na palakihin ang mga resulta ng gawain sa huli, para parami nang parami ang mga taong nakikinabang. Ang gayong mga tao ay ang mga may mahusay na kakayahan. Para sukatin ang kakayahan mo batay sa iyong abilidad na maging inobatibo, kinakailangan tingnan, pagkatapos maarok ang mga prinsipyo ng gawain, ang mga pagtustos ng gawain, at ang mga katotohanang prinsipyo, kung kumusta ang iyong abilidad na magpatupad, magsulong, at magpalawak ng mga ito; ibig sabihin, kung kumusta ang abilidad mong mapanatili ang gawaing ito. Ikalawa, kinakailangang tingnan kung ilang tao ang naaabot ng gawaing ginagawa mo, kung gaano kalaki ang saklaw ng mga naaabot, kung gaano katindi ang impluwensiya, at kung kumusta ang pagiging episyente at ang mga resulta ng iyong gawain. Kung mataas ang pagiging episyente ng iyong gawain, mahusay ang mga resulta ng iyong gawain, at patuloy na lumalaki ang saklaw ng mga naaabot, mahusay ang iyong kakayahan. Kung maliit ang bilang ng mga tao naaabot, mababa ang pagiging episyente ng gawain, hindi maganda ang mga resulta, at palaging mayroong mga pag-uulit ng gawain, paghinto, pagtatakip ng mga butas, katamtaman ang kakayahan mo. Kung mahusay at mabilis na naaarok ng isang tao ang mga prinsipyo ng gawain, mga pagsasaayos ng gawain, at iba pang mga aspekto, pero ang kanyang pag-usad sa pagpapatupad ay napakabagal at napakababa ng kanyang pagiging episyente—sa ilalim ng mga normal na sitwasyon, maaaring mailuwal ang mga resulta sa loob ng isang buwan, pero inaabot sila ng tatlong buwan o anim na buwan pa nga, at ang mga resultang nailuluwal ay labis na katamtaman pa rin, maliit ang bilang ng mga taong naaabot, at hindi malaki ang pakinabang sa mga tao—ang gayong tao ay may katamtamang kakayahan.
Ang ilang tao, pagkatapos makaunawa ng ilang prinsipyo o pundamental, ay naiintindihan lang ang literal na karahulugan noong oras na iyon at hindi ito maiugnay sa mga tao, pangyayari, o bagay sa kanilang gawain na kinakasangkutan ng anumang mga prinsipyo o pundamental na ito. Pinakikinggan lang nila ang mga prinsipyo at pundamental bilang mga regulasyon o doktrina, at pagkatapos marinig ang mga ito, hindi sila gumagawa ng mga plano sa puso nila at hindi nila alam kung paano ipatupad ang mga ito kung paano ilapat ang mga pagsasaayos ng gawain at ang mga pundamental o prinsipyong nauunawaan nila sa tunay na buhay. Sa pundamental ay hindi sila makabuo ng anumang koneksiyon sa pagitan ng tunay na buhay at sa mga pundamental o prinsipyong ito. Pagdating sa tunay na buhay o gawain, isinasantabi nila ang mga prinsipyo, pundamental, at ang mga batas ng pag-unlad ng mga bagay, hindi nila magawang ilapat ang mga ito, at ginagawa lang nila kung ano ang gusto nilang gawin. Huwag na muna nating pag-usapan ngayon kung mabuti ba o masama ang kanilang pagkatao, o kung kumusta ang kanilang karakter, o kung sadya ba nilang hindi ginagawa ang isang bagay, o kung ayaw ba nilang gawin ang isang bagay—sa usapin lang ng kakayahan, ang gayong mga tao ay may mahinang kakayahan. Saan man sila magpunta, kaya nilang magsalita ng maraming doktrina, magtalakay ng ilang pundamental, at makipagtalakayan sa iba tungkol sa ilang diumano'y mga batas ng pag-unlad ng mga bagay. Tila napakataas ng antas ng kaisipan nila at mayroon silang abilidad na makarok, at mukha silang may kaunting kakayahan. Gayumpaman, kapag itinalaga sa kanila ang isang aytem ng gawain, lumilipas ang isa o dalawang buwan nang walang mga resulta, at walang mga ulat na naririnig mula sa kanila. Noong oras ng pagpapahayag ng kanilang determinasyon, napakahusay nilang magsalita, pero pagdating sa aktuwal na paggawa nito, hindi nila alam kung ano ang gagawin. “Malinaw na ipinaliwanag ng ang Itaas ang mga prinsipyo, kaya ano ang dapat kong gawin ngayon? Sino ang dapat kong italaga bilang superbisor, bilang tagapangaral, at sino ang dapat mangasiwa sa mga panlabas na usapin? Hindi ko alam ang gagawin! Pero nagsabi ako ng mga mapangahas na pahayag at ipinahayag ko ang aking determinasyon, kaya kailangan ko itong gawin!” Labis silang balisa na nag-iinit ang katawan nila at nagkakasingaw sila sa bibig, hindi makakain o makatulog, at sa huli ay nagiging magulo ang hitsura at nalulunod sa emosyon, pero hindi pa rin nila alam kung ano ang gagawin. Ang mga ito ang mga pagpapamalas ng mga taong may mahinang kakayahan. Huwag nang intindihin kung paanong, kapag nagsasaayos ng gawain para sa kanila, taimtim silang nanunumpa at ipinapahayag ang kanilang determinasyon, nagsasabi ng mga mapangahas at enggrandeng salita nang may labis na kasiglahan—kailangan mong makita kung kaya ba nilang gawin ang gawain, kung mayroon ba silang mga hakbang at plano, at kung nauunawaan ba nila kung paano ipatupad ang mga pagsasaayos ng gawain at kumilos ayon sa mga prinsipyo. Kung hindi sila nakakaunawa o hindi nila ito kayang gawin, mayroon silang mahinang kakayahan. Kung nakakaunawa lang sila ng mga doktrina pero hindi nila mailapat ang mga prinsipyo, at kumikilos lang sila nang bulag at walang pakundangan, nagpapakita rin ito ng mahinang kakayahan. Hangga’t hindi mo kayang ipatupad ang mga prinsipyo, pundamental, o mga batas ng pag-unlad ng mga bagay nang epektibo at sa tunay na buhay, ikaw man ay balisa at nagugulumihanan o gumagawa ng mga walang pakundangan maling gawa, ang mga ito ay mga pagpapamalas ng mahinang kakayahan. Tumpak ba ang mga salitang ito? (Oo.) Ang ilang tao ay kumikilos nang bulag, samantalang ang iba ay hindi alam kung paano ito gawin o hindi nangangahas na gawin ito—ni hindi nila alam kung saan magsisimula. Ang mga partikular na pagpapamalas ng mga taong may mahinang kakayahan, sa usapin ng kanilang abilidad na maging inobatibo, ay na hindi nila alam kung paano ilapat ang mga pundamental at prinsipyo sa partikular at tunay na gawain; kaya lang nilang mag-ulit ng mga salita, matuto ng mga doktrina, at magkabisado ng mga regulasyon. Ang pagkakabisado lang ng mga doktrina at regulasyon ay walang silbi, at hindi indikasyon na mayroon kang abilidad na maging inobatibo. Kung mayroon ka mang abilidad na maging innobatibo o wala ay nakikita sa kung kaya mong ipatupad ang mga pundamental, prinsipyo, at tuntuning ito sa tunay na buhay, ginagawa nang maayos ang gawaing nauugnay sa mga pundamental at prinsipyong ito, para ang mga pundamental at prinsipyong ito ay hindi nananatiling mga salita at doktrina, regulasyon, at pormula, kundi naipapatupad sa buhay ng mga tao at nailalapat sa mga tao, tinutulutan ang mga tao na magamit ang mga ito at makakuha ng pakinabang at tulong mula sa mga ito, ginagawa ang mga ito na maging isang landas ng pagsasagawa sa buhay, o isang gabay, direksiyon, at layon para sa pamumuhay. Kung ang isang tao ay walang ganitong abilidad na maging inobatibo at alam lang kung paano maglitanya ng mga salita at doktrina at sumigaw ng mga islogan, at hindi magawang gamitin ang mga prinsipyo at pundamental na ito kapag oras na para gawin ang kanyang tungkulin, ang mga sumusunod sa gayong lider o superbisor ay hindi magkakamit ng mga prinsipyo ng pagsasagawa sa aspektong ito ng katotohanan. Ang gayong mga lider o superbisor ay mga taong may mahinang kakayahan, hindi kayang gawin ang gawain, at dapat na iulat at tanggalin kapag natukoy. Para suriin kung kayang pasanin ng isang tao ang isang aytem ng gawain, dapat mo munang makita, pagkatapos niyang mabasa ang mga pagsasaayos ng gawain at maunawaan ang mga katotohanang prinsipyo, kung kaya niyang isaayos at ipatupad ang mga ito at patakbuhin ang gawain. Gaano man karami ang mga tao sa isang iglesia, kung mapapatakbo nila ang lahat ng aytem ng gawain ng iglesia, at kahit gaano karaming gawain ng mga tao ang pananagutan nila—limampu man o isandaan—kaya nilang mapalago ang gawain, tinitiyak na ang lahat ay may sarili nilang lugar at kayang gumawa at gawin ang kanilang tungkulin nang ayon sa mga katotohanang prinsipyo, ang gayong tao ay maaaring makonsidera para sa halalan ng lider o superbisor. Siyempre, dapat mo ring makita kung kumusta ang kanyang karakter, kung siya ba ay isang tamang tao, at kung siya ba ay isang taong nagsisikap na matamo ang katotohanan—mahalaga na malaman ang mga bagay na ito! Ang isang lider o manggagawa, kahit papaano, ay dapat magtaglay ng kakayahan at tayog sa mga aspektong ito para akayin ang hinirang na mga tao ng Diyos papunta sa katotohanang realidad, at para ang lahat ay makagawa at makagampan ng kanilang tungkulinan nang ayon sa mga pagsasaayos ng gawain o sa mga katotohanang prinsipyo—sa ganitong paraan, maaaring makinabang ang hinirang na mga tao ng Diyos mula sa mga ito. Kung hindi siya nagtataglay ng ganitong abilidad, hindi siya maaaring mapili. Kung pipiliin mo ang gayong tao, bagama’t ang pagpapakatamad habang hindi gumagawa ng anumang gawain araw-araw habang sumusunod sa kanya ay maaaring magdala ng ginhawa sa iyong laman, madarama mo ba na kontento ka sa iyong espiritu? Kung gumugugol ka ng ilang oras araw-araw sa mga pagtitipon sa pakikinig sa kanya na mangaral ng mga doktrina pero hindi gumagawa ng aktuwal na gawain, ito ba ay paggawa ng iyong tungkulin? (Hindi.) Araw-araw siyang nangangaral sa iyo ng mga doktrina, at bagama’t maaaring napapayaman ang iyong mga tainga, hindi mo ginagawa ang tungkulin mo at sumusunod ka lamang sa kanya nang iniraraos lang ang mga bagay nang walang tunguhin. Sa ganoong kaso, ikaw ay nalihis at nahadlangan niya. Kung patuloy kang makikinig sa kanya na magsalita ng mga tuyong salita at doktrinang iyon, at sa huli ay hindi ka gumagawa ng iyong tungkulin o nagpapakita ng katapatan, at wala kang tunay na karanasan sa katotohanan, hindi nag-aalay ng katapatan sa kung ano ang ipinagkatiwala ng Diyos sa iyo, hindi pinapatakbo ang gawain o hindi nagkakamit ng anumang mga resulta—para kapag nagtanong ang Diyos sa mga tao tungkol sa mga resulta, wala kang maipresenta—hindi ba't nagdusa ka ng kawalan? Samakatwid, kung inakala mo dati na ang gayong mga tao ay mga kandidato para maging leader, agad na baguhin ngayon ang iyong pananaw at alisin ang mga taong iyon mula sa iyong listahan ng mga kandidato. Hindi sila dapat mapili bilang mga lider. Saan nagkukulang ang mga taong may mahinang kakayahan at walang abilidad na maging inobatibo? Nagkukulang sila dahil ang alam lang nila ay kung paano kumilos bilang magagaling sa pagpuna habang hindi kailanman nalalaman kung paano ilapat ang kanilang mga ideya sa gawain sa tunay na buhay, at dahil hindi nila kayang gumawa ng aktuwal na gawain. Ano ang mga kahihinatnan kung magiging lider ang gayong mga tao? Magiging sobrang palpak lang sila sa gawain. Kung magsisilbi sila bilang isang lider ng iglesia sa mainland China, igigiya lang nila ang buong iglesia patungo sa pagkasira. Hindi lang sila mismo mabibigo na makamit ang katotohanan, kundi ang buhay ng mga ginigiya nila ay magdurusa ng kawalan. Kung kaya mong agad na matukoy ang gayong mga tao at tanggalin sila, mapipigilan ang ilang sakuna, at hindi na kakailanganin ng gawain ng iglesia na magdusa ng mga kawalan. Pero kung mananatili kang isang tagasunod sa ilalim ng gayong mga tao at tatanggapin mo ang kanilang pamumuno, malamang na masira nila ang pag-asa mo na magtamo ng kaligtasan, at pagkatapos ay mawawala ang pagkakataon mong maligtas. Samakatwid, ang abilidad na maging inobatibo ay isang napakahalagang abilidad para sa isang lider o manggagawa o superisor. Kung wala ka nang batayang kakayahan at abilidad para gawin ang gawain, kailangan mo talagang maging maingat at huwag basta-bastang kumilos nang dahil sa kasigasigan, at hindi mo dapat palaging gustuhin na mamukod-tangi at palaging gustuhin na maging isang lider o superbisor. Ang paggawa niyon ay hindi lang nakakahadlang sa iyong sarili kundi nakakahadlang din na matamo ng iba ang kaligtasan. Kung hahadlangan mo lang ang iyong sarili, sariling kamatayan mo lang ang idinulot mo, pero kung hahadlangan mo ang mga kapatid, hindi ba’t pinipinsala mo ang maraming tao? Maaaring wala kang pakialam sa sarili mong buhay, pero ang iba ay may pakialam sa kanilang buhay. Higit pa rito, ang paghadlang sa sarili mong pang araw-araw na buhay at tagumpay sa pinansya ay hindi isang malaking usapin, pero ang paghadlang sa gawain ng iglesia ay hindi isang maliit na usapin. Kaya mo bang pasanin ang gayong responsabilidad? Kung tunay na ikaw ay isang taong may konsensiya at nadarama mo na ang usaping ito ay may bitbit na malaking responsabilidad, na ang paghadlang sa gawain ng iglesia ay hindi isang bagay na kaya mong panagutan, hinding-hindi ka dapat humantong sa paggamit ng anumang kinakailangang paraan para magpakitang-gilas at makipag-agawan sa pamumuno. Kung wala kang abilidad at tayog, huwag palaging sikapin na mamukad-tangi. Huwag hadlangan ang gawain ng iglesia o hadlangan ang mga hinirang na mga tao ng Diyos mula sa pagpasok sa katotohanan at pagkamit ng isang mabuting hantungan para lang matugunan ang pagnanasa mo para sa awtoridad—ito ay isang labis na hindi patas! Dapat ay mayroon kang kaunting kamalayan sa sarili. Gawin mo ang kaya mong gawin at huwag palaging asamin na maging isang lider. Bukod sa pagiging lider, maraming iba pang mga tungkulin na maaari mong gawin. Ang pagiging isang lider ay hindi ang iyong ekslusibong karapatan, ni hindi ito dapat ang maging paghahangad mo. Kung mayroon kang kakayahan at tayog na maging isang lider, at mayroon ka ring pagpapahalaga sa pasanin, mas mainam na hayaan ang iba na ihalal ka. Ang ganitong pagsasagawa ay kapakipakinabang sa gawain ng iglesia at sa lahat ng nasasangkot. Kung wala ka ng kakayahan na maging isang lider, dapat kang magpakita ng kaunting kabaitan at panagutan nang kaunti ang hinaharap ng iba. Huwag palaging makipag-agawan para maging isang lider at huwag hadlangan ang iba. Ang pagnanais na maging isang lider at mamahala sa gawain ng iglesia kahit na may mahinang kakayahan ay nagpapakita ng kawalan ng katwiran. Kung wala ka ng kakayahan at tayog, gawin mo na lang nang maayos ang sarili mong mga tungkulin. Ang tunay na pagtupad sa iyong mga tungkulin ay nagpapakita na mayroon kang kaunting katwiran. Gawin ang anumang gawaing kaya mo nang ayon sa iyong abilidad; huwag magkimkim ng mga ambisyon at pagnanais. Huwag lang hangarin na matugunan ang mga personal mong pagnanais habang pinapabayaan ang gawain ng iglesia—nakakapinsala ito kapwa sa iyong sarili at sa iglesia. Ito ang pagpapamalas ng mga taong may mahinang kakayahan sa usapin ng abilidad na maging inobatibo.
Ang lahat ng taong may mahinang kakayahan ay kulang sa abilidad na maging inobatibo—kung gayon, ang mga walang kakayahan ay lalong wala nito. Ang gayong mga tao ay hindi talaga maunawaan ang mga pundamental ng mga bagay, ang mga batas ng pag-unlad ng mga bagay, o ang mga katotohanang prinsipyo kapag naririnig nila ang mga ito. Kapag nagbabasa ng mga salita ng Diyos, kahit na nakikita nila na ang mga ito ang mga katotohanang prinsipyo, hindi nila maiugnay ang mga prinsipyo sa kanilang saklaw ng paglapat o sa mga tao at usapin na sinasangkot ng mga ito. Iniisip pa nga nila, “Masyadong detalyado ang pagbabahaginang ito sa katotohanan, at masyado itong marami. Pagkarinig sa mga salitang ito, kaya kong maunawaan na ang mga ito ay mga prinsipyo, pero hindi ko alam kung ano ang depinisyon ng mga prinsipyo o kung hanggang sa anong saklaw ang nililimitahan ng mga prinsipyo.” Kung ni hindi nila alam ang depinisyon ng mga prinsipyo, tiyak na hindi nila alam kung paano ipatupad o isagawa ang mga ito. Halimbawa, kapag may nangyayari na kailangang pang-asiwaan, sinasabi sa kanila ng iba: “Dapat kang magsagawa ayon sa mga prinsipyo.” Sinasabi nila: “Ni hindi ko alam kung paano magsagawa ayon sa mga prinsipyo. Hindi ko alam kung sa aling prinsipyo nauugnay ang usaping ito.” Kahit matapos ipaliwanag ng iba sa kanila ang prinsipyo na dapat nilang isagawa sa pangangasiwa ng usaping ito, hindi pa rin nila alam kung ano ang gagawin. Ang gayong mga tao ay may labis na mahinang kakayahan; ni hindi nila kayang maunawaan ang wika ng tao, at lalong hindi sila nababagay na gamitin. Hindi ba't ipinapakita nito na ang gayong mga tao ay labis na walang kakayahan na hindi na sila matutulungan? Ang mga taong wala nang magagawang walang kakayahan ay hindi nagtataglay ng pag-iisip at abilidad na makaunawa ng mga bagay ng normal ng pagkatao, lalong hindi sila nagtataglay ng lohika ng pag-iisip. Samakatwid, ang mga taong nakakaunawa sa mga katotohanang prinsipyo o sa iba't ibang mga pundamental at tuntunin ay walang paraan para makipag-usap sa mga walang kakayahan; hindi sila makabuo ng kasunduan, at siyempre, wala silang parehong wika. Bakit hindi sila makapag-usap? May isang esensyal na problema, iyon ay na ang mga abilidad ng dalawang uri ng mga taong ito na umalam, tumukoy, humusga, umunawa, at tumanggap ng iba't ibang bagay ay wala sa parehong antas o sa parehong landas—para silang dalawang linyang paralelo na hindi kailanman magsasalubong. Ito ay pagsasalita sa medyo mga abstraktong termino. Sa mas kongkretong pananalita, malayong-malayo ang kakayahan ng dalawang uri ng mga taong ito, at hindi magkapantay. Samakatwid, hindi sila kailanman magkakaroon ng parehong abilidad na gumawa ng mga paghusga, abilidad na tumukoy ng mga bagay, o abilidad na mag-isip tungkol sa parehong usapin. Ibig sabihin, ang kayang makilala ng mga taong may mahusay na kakayahan o katamtamang kakayahan, hindi talaga kayang makilala ng mga walang kakayahan ang mga ito—lalo silang nagkukulang dito, at magkukulang sila magpakailanman, na para bang wala silang ganoong kapabilidad. Halimbawa, kapag umedad na ang isang inahing manok, natural itong nangingitlog. Kahit na mababa ang produksyon nito, mangingitlog pa rin ito dahil mayroon itong ganoong kapabilidad. Gayumpaman, paano man pakainin nang husto ang isang tandang, hindi nito kayang mangitlog dahil wala itong ganoong kapabilidad. Sinasabi ng tandang: “Bagama’t wala ako ng kapabilidad na mangitlog, kaya kong tumilaok sa umaga!” Ilang beses ka mang tumilaok o gaano man kalakas ang boses mo, hindi ito nangangahulugan na kaya mong mangitlog Bagama’t ang inahing manok ay hindi kayang tumilaok, mayroon itong papel na mangitlog. Bakit ko ibinibigay ang halimbawang ito sa inyo? Dahil ang mga taong walang kakayahan ay magsasabi ng gayong baluktot, nakalilinlang, at ilohikal na pangangatwiran—ito ay tinatawag na kawalan ng kakayahan. Samakatwid, kapag ang mga taong may mahusay na kakayahan, tamang kakayahan, o mahinang kakayahan pa nga ay nakikipag-usap at nakikipagtalakayan ng mga usapin sa mga taong walang kakayahan, nakakaasiwa ito. Sa mga taong may mahinang kakayahan, maaari ka pa ring makipag-usap tungkol sa ilang usapin na simple at madaling maunawaan. Pero sa mga taong walang kakayahan, walang may kayang makipag-usap sa kanila, dahil wala silang abilidad na makaarok at walang mga kaisipan o pananaw tungkol sa anumang bagay. Ito ang paglalarawan o paliwanag sa mga taong walang kakayahan. Kapag may sinasabi ka sa kanila, kahit na ipaliwanag mo ito sa kanila nang lubusan at malinaw, at maaaring sabihin nilang nauunawaan nila, gayumpaman, kapag nangyari muli ang parehong bagay, hindi pa rin sila makakaunawa at muli silang magsasabi ng baluktot at nakalilinlang na pangangatwiran. Sabihin mo sa Akin, kaya bang maunawaan ng gayong mga tao ang katotohanan? (Hindi.) Wala silang abilidad na tukuyin o alamin ang mga bagay—paano nila mauunawaan ang katotohanan? Ang sabihing kaya nilang maunawaan ang katotohanan ay sadyang magiging walang katuturan. Ang mga taong walang kakayahan ay walang abilidad na maging inobatibo, kaya ang mga pagpapamalas nila sa aspektong ito ay ganito. Dahil hindi nila nauunawaan ang anumang mga pundamental o prinsipyo, wala silang mga pagpaplano sa anumang ginagawa nila. Ang mga isipan nila ay walang plano o mga hakbang, at lalong hindi nila kayang ipatupad ang anumang mga pundamental o prinsipyo. Palpak ang anumang ginagawa nila, ganap na malabo. Ang gayong mga tao ay kaya lang gumugol ng pisikal na pagsisikap at gumawa ng mga manwal na gampanin. Halos hindi nila kayang pamahalaan ang isang simple at iisang trabaho; kung tutuusin, mga ordinaryong tao sila, na kayang makibahagi sa iisang gampanin, pero kapag umangat ang sitwasyon sa antas ng pag-ako ng isang aytem ng gawain, hindi na nila ito kaya. Ang gayong mga tao ay hindi kayang gumawa ng anumang mahalaga o labis na teknikal na gawain. Kaya lang nilang gawin ang ilang maliit na trabaho gaya ng manwal na pagtatrabaho, gawaing bukid, o pag-aalaga ng mga hayop, at maging sa mga ganoon, kailangan nila ng isang superbisor sa paligid nila para subaybayan at suportahan sila. Minsan, kapag masama ang lagay ng loob nila, kailangang may magtuwid sa kanila; at kapag minsan ay nadadala sila sa mga pambabaluktot o nagiging negatibo sila, kailangan na may magpayo sa kanila sa kanilang mga paraan ng pag-iisip. Kahit sa maliliit na gampanin, kailangang may magsuri ng ginagawa nila; kung hindi, lilitaw ang mga problema at pagkakamali, at kakailanganing ulitin ang gawain. Kung hindi sila nag-aaksaya ng mga materyales, nag-aaksaya sila ng enerhiya, o ng tubig, kuryente, at gas. Sa mga kanluraning bansa, palagi silang inuulat ng iba at pinagmumulta ng pulis. Kung walang nagbabantay sa kanila, ni hindi nila kayang magawa nang maayos ang maliliit na trabaho—sadyang ganito sila kaproblemado at kakaawa-awa. Ang mga ito ang mga pagpapamalas ng mga taong walang kakayahan. Hindi ba't ang gayong mga tao ay sadyang walang silbi at mga hangal? Maaari pa rin ba silang magamit bilang mga tao? Sa katunayan, sa sambahayan ng Diyos, ang gayong mga tao ay kaya lang gumugol ng kaunting pisikal na pagsisikap. Pagdating sa gawain ng iglesia, hindi nila ito kayang gawin; hindi nila kayang gawin ang anumang bagay. Kahit sa mga trabahong nangangailangan ng pisikal na pagsisikap, hindi nila makompleto ang mga ito nang sila lang at kailangan pa rin nila ang iba para magturo, magsuperbisa, at magsuri sa kanilang ginagawa. Pero kapag gumagawa sila ng mga gampanin na nangangailangan ng pisikal na pagsisikap, pakiramdam pa rin nila ay mababa ito sa kanilang mga talento, na sila ay labis-labis na kalipikado, at nagiging tutol sila, nagrereklamo pa nga: “Tingnan mo ang mga taong iyon na gumagawa ng teknikal na gawain sa kompiyuter, nagsusulat ng mga artikulo, umaawit at sumasayaw, o umaarte—napakaglamoroso nila! Pero ang kaya ko lang pangasiwaan ay ang pagpapatuloy sa bahay at pagluluto, humaharap ako sa grasa at usok buong araw. Sa loob lang ng ilang taon, magmumukha na akong babaeng losyang. Tingnan mo kung gaano ako kakaawa-awa!” Palagi nilang nadarama na labis silang kaawa-awa sa paggawa ng gawaing ito, pero hindi sila kailanman humihinto para pag-isipan kung bakit ang ganitong uri lang ng gawain ang kaya nilang gawin. Hindi nila sinusukat kung tunay ba silang may kakayahan na mangasiwa ng ibang gawain. Mahina ang kakayahan nila kaya palaging sumasama ang loob nila kapag gumagawa ng ilang gampanin na nangangailangan ng pisikal na pagsisikap. Kung talagang mahusay ang kanilang kakayahan, hindi sasama ang loob nila. Napakahina ng kakayahan nila kaya ang nagagawa lang nila ay ang mga pisikal na gampanin, pero nadarama pa rin nila na mababa ito sa kanilang mga talento. Hindi ba't mga hangal sila? Tunay na hangal ang gayong mga tao. Ang ganitong uri ng mga tao ay ni hindi kayang gawin nang maayos ang mga gampanin na nangangailangan ng pisikal na pagsisikap. Kapag nagluluto, sobrang dami o sobrang kaunti ng iniluluto nila, at kahit gaano katagal sila magluto, hindi pa rin nila alam kung anong padron ang dapat nilang sundin sa paggawa niyon. Gayumpaman, nadarama pa rin nila na ang gayong mga gampanin ay mababa sa kanilang mga talento, na sila ay labis-labis na kalipikado, at iniisip nila na hindi sila dapat gumagawa ng mga gampanin na nangangailangan ng pisikal na pagsisikap. Naniniwala sila na dapat silang nagtatrabaho sa isang opisina bilang isang sekretarya, nagpapasan ng kung anong aytem ng gawain sa sambahayan ng Diyos, o kahit papaano ay naglilingkod bilang isang lider ng iglesia. Hindi ba't ito ay ganap na kawalan ng katwiran? Sabihin mo sa Akin, sa anong gawaing ka mahusay? Kung hindi ka mahusay sa anumang uri ng gawain, at binigyan ka ng mga gampanin na nangangailangan ng pisikal na pagsisikap habang tinutustusan ka pa rin ng sambahayan ng Diyos, hindi ba't ito ay pagtataas sa iyo? Pero nananatili kang hindi kontento. Hindi ba't napakahina ng iyong katwiran? (Oo.) May ugnayan ba sa pagitan ng katwiran at kakayahan? (Mayroon.) Ang hindi pagkakilala sa sarili ng isang tao, ang hindi pagkaalam kung ano ang antas ng kakayahan niya, palaging pag-iisip na mataas ang kanyang kakayahan—hindi ba't ang mga ito ay mga pagpapamalas ng mahinang kakayahan? (Oo.) Ang mga taong may mahusay na kakayahan ay malalaman kung paano susuriin ang kanilang sarili, at pagkatapos magsuri, malalaman nila ang antas ng kanilang kakayahan. Kapag natukoy na nila kung ano ang kanilang kakayahan, mahahanap na nila ang lugar nila sa iglesia. Mapapanatag sila anuman ang ginagawa nila, at magagawa nilang makatwirang harapin ang tungkuling ginagawa nila. Kahit na matalaga sila sa mga gampaning nangangailangan ng pisikal na pagsisikap, magiging payapa sila at mararamdaman nilang may pangangatwiran sa paggawa niyon; magpapasakop at sasang-ayon sila rito mula sa kaibuturan ng kanilang puso, tinatanggap ang trabahong ito at ang gampaning ito. Ito ay tinatawag na pagkakaroon ng pagkamakatwiran. Kung ang isang tao ay hindi kailanman panatag habang ginagawa ang kanyang tungkulin, palaging nararamdaman na naaagrabyado siya, at iniisip na anumang gampaning pinapagawa sa kanya ay mababa sa kanyang mga talento, hindi ba't wala siyang katwiran? (Oo.)
Natapos na natin ngayong talakayin ang huli sa labing-isang abilidad para sa pagsukat ng kakayahan ng isang tao, ang abilidad na maging inobatibo. Pagkatapos magbahaginan sa labing-isang abilidad na ito, medyo mas malinaw na ba sa inyo ang sarili ninyong kakayahan? (Oo.) Nagagawa na ba ninyong sukatin ito, kung gayon? Kaya ba ninyong tumpak na sukatin kung ano ang sarili ninyong tunay na kakayahan? May pamantayan ng pagsukat pagdating sa pagtukoy kung ang iyong sariling kakayahan ay mahusay, katamtaman, mahina, o hindi umiiral—hindi mo maaaring tingnan ang isang aspekto lamang; dapat itong masukat nang komprehensibo. Kung gayon, aling mga aspekto ang dapat tingnan para sukatin kung ano ang kakayahan ng isang tao? Batay sa mga pagpapamalas ng labing-isang abilidad na pinagbahaginan natin, para ang isang tao ay masukat na mayroong mahusay na kakayahan, kahit papaano, dapat siyang magtaglay ng ilang medyo mahalagang abilidad. Isaalang-alang ito sandali: Alin sa labing-isang abilidad ang mga pangunahin na kayang magpakita na ang isang tao ay may mahusay na kakayahan? Kaya mo ba itong sukatin? Ang pagkakasunod-sunod ay dapat mula sa huling abilidad hanggang sa unang abilidad: Ang isang taong may mahusay na kakayahan, kahit papaano, ay dapat magtaglay ng abilidad na maging inobatibo; susunod ay ang abilidad na magsuri at magpahalaga ng mga bagay, abilidad na gumawa ng mga desisyon, at ang abilidad na tumugon sa mga bagay; susunod ay ang abilidad na tumukoy ng mga bagay, ang abilidad na gumawa ng mga paghusga, at abilidad na mag-isip; sa huli, nariyan ang abilidad na tumanggap ng mga bagay, abilidad na makaarok, ang abilidad na makaunawa ng mga bagay, at abilidad na matuto. Ganito ang pagkakasunod-sunod. Bakit baliktad ang pagkakasunod-sunod? Ang pagkakasunod-sunod na una nating isinaayos ay mula sa mababa patungo sa mataas, pero para sukatin ang isang taong may mahusay na kakayahan, ito ay nakaayos mula sa mataas papunta sa mababa. Ang isang taong may mahusay na kakayahan, kahit papaano, ay dapat magtaglay ng abilidad na maging inobatibo. Naaabot ito sa pundasyon ng pagtataglay ng abilidad na gumawa ng mga desisyon, ng abilidad na magsuri at magpahalaga ng mga bagay, at ng abilidad na tumukoy ng mga bagay. Kung kaya mong alamin, tukuyin, at husgahan ang mga bagay, at taglay mo rin ang abilidad na maunawaan ang mga bagay, at pagkatapos ay kaya mong maging inobatibo, ginagawa ka niyon na isang taong may mahusay na kakayahan. Ang gayong mga tao ay ang mga may abilidad na mamuno, kayang pumasok sa antas ng paggawa ng desisyon; may talento sila sa pagiging lider, at kaya nilang mamuno sa isang partikular na larangan ng gawain. Ang mga ito ay mga taong may mahusay na kakayahan. Ang mga taong may katamtamang kakayahan ay ang mga may abilidad sa lahat ng aspekto, mula sa abilidad na maging inobatibo hanggang sa abilidad na matuto, na pawang katamtaman. Ang kanilang pagiging episyente at ang kanilang mga resulta sa paggawa ng mga bagay ay kapwa katamtaman. Ang mga ito ay mga taong may katamtamang kakayahan. Ano ang pangunahing pagpapamalas ng mga taong may katamtamang kakayahan. Ito ay na ang kanilang pagkaarok at pagkaunawa sa mga prinsipyo ay walang lalim at hindi masyadong tumpak. Kapag nagpapatupad at nagsasagawa, palaging may mga butas at paglihis. Palagi nilang nakakaligtaan ang mga bagay, nakakalimutan ang ganito at ganyan, at hindi nila komprehensibong ma-account ang lahat ng bagay. Halimbawa, napili sila na maging mga lider ng iglesia pero hindi nila magawang pamahalaan ang lahat ng aspekto ng gawain nang komprehensibo. Kapag responsable sila para sa gawain ng ebanghelyo, tumutuon lang sila sa gawain ng ebanghelyo at hindi maasikaso ang ibang gawain. Maaari nilang mapatakbo ang gawain ng ebanghelyo pero wala silang oras para magtanong tungkol sa gawaing nakabatay sa teksto o sa gawain ng paggawa ng pelikula. Bakit ganito? Dahil lubusang katamtaman ang kakayahan nila at kaya lang nilang pangasiwaan ang isang aspekto ng gawain; halos hindi nila kayang maging mahusay sa isang larangan ng gawain, pero kapag hiniling sa kanila na asikasuhin din ang ibang gawain, mapait silang nagrereklamo at nagugulumihanan sila, hindi magawa nang maayos ang anumang gawain. Sa kanilang gawain, dapat palaging may taong nagsusuperbisa, nagpapaalala, nagsisiyasat, at nagsusuri sa ginagawa nila. Palaging dapat may tao sa tabi nila para sumuporta sa kanila, para makipagbahagihan sa katotohanan, para paulit-ulit na bigyang-diin ang mga prinsipyo ng gawain at ang iba't ibang paglihis at butas na malamang na lumitaw. Palaging dapat mayroong taong nagpapaalala sa kanila. Bakit palagi nilang kailangan na may taong nagpapaalala at nagbibigay ng mga direksyon sa kanila? Hindi dahil sa hindi sapat ang kanilang karanasan sa gawain, kundi dahil katamtaman ang kanilang kakayahan. Hindi nila kayang maisip nang maaga ang mga sitwasyon at problema na malamang na lumitaw, at sobrang limitado ng kaya nilang maisip nang maaga. Samakatwid, kailangan na palaging may isang tao sa tabi nila para gabayan, suriin, at subaybayan sila, madalas na kailangang kumustahin sila. Kapag kinukumusta, lumalabas na hindi nila nagawa ang aytem na ito ng gawain o na nalimutan nila ang aytem na iyon ng gawain; kung hindi naman, napabayaan nila ang isang aspekto o hindi nila alam kung paano magpapatuloy, pero hindi pa rin nila alam kung sino ang tatanungin o kung paano maghahanap, at naghihintay pa rin sila. Sa madaling salita, labis na katamtaman ang kanilang abilidad na maging mahusay sa gawain. Ang “katamtamang” ito ay walang kinalaman sa kung gaano sila kadeterminado, sa kung gaano sila kalakas, sa kung gaano nila kagustong gumawa ng gawain, o sa kung gaano nila kayang magtiis ng paghihirap at magbayad ng halaga—wala itong kinalaman sa mga ito. Sa halip, tinutukoy lang nito ang kanilang kapabilidad sa gawain bilang katamtaman. Ang mga taong may mahusay na kakayahan, sa kabilang banda, ay halos hindi nakagagawa ng malalaking pagkakamali sa kanilang gawain. Ang mga prinsipyo, ang direksiyon, at ang pangkalahatang balangkas na sinusunod nila ay halos tumpak. Bagama't maaaring madalas nilang makaligtaan ang ilang maliit na detalye, ang mga detalyeng ito ay hindi nakakaapekto sa pagiging episyente at sa mga resulta ng pangkalahatang gawain. Ang mga ito ay mga taong may mahusay na kakayahan. Siyempre, walang taong perpekto. Maging ang mga taong may mahusay na kakayahan ay maaaring may ilang maliit na butas sa kanilang gawain, minsan ay panandaliang nakaliligtaan ang isang bagay, o medyo napapabayaan ang isang aytem ng gawain dahil naging abala sila sa ibang gawain kamakailan. Gayumpaman, kung sa usapin lang ng kanilang kakayahan, kaya nilang mabilis na ituwid ang sitwasyon at pamahalaan at kontrolin ito, tinitiyak na ang kabuuang gawain ay halos walang kamalian, at na ang kabuuang gawain ay naisasakatuparan sa pangkalahatan nang naaayon sa mga katotohanang prinsipyo, sa mga pagsasaayos ng gawain, o sa mga pagtutustos ng mga atas administratibo, umuusad sa isang maayos na paraan. Kahit kapag lumilitaw ang mga anticristo o masasamang tao para magdulot ng mga panggugulo sa loob ng saklaw ng kanilang gawain, dahil nagtataglay sila ng abilidad na tumugon sa mga bagay, mabilis nilang pangangasiwaan ang sitwasyon. Pangangasiwaan at lulutasin nila ang usapin sa unang pagkakataon, tinitiyak na ang gawain ng iglesia ay mabilis na makababalik sa tamang landas at na ang kapaligiran kung saan ginagawa ng mga kapatid ang kanilang tungkulin ay hindi naaapektuhan. Kahit kapag lumilitaw ang mga hindi inaasahang sitwasyon, alam ng mga taong may mahusay na kakayahan kung paano pangasiwaan ang mga ito. Kahit hindi pa nila napapangasiwaan ang gayong mga sitwasyon dati, malalaman nila kung paano hanapin ang mga prinsipyo. Dahil taglay nila ang abilidad na tukuyin, husgahan, at alamin ang mga bagay, mabilis nilang lulutasin ang mga problema nang ayon sa mga prinsipyo. Talagang mayroon silang abilidad na maglutas ng mga problema. Ang kanilang mga abilidad na tumukoy ng mga bagay, tumugon sa mga bagay, at gumawa ng mga paghusga ay binibigyang-kakayahan sila na mabilis na pahupain at pakalmahin ang mga hindi inaasahang sitwasyon, nakakamit ang pagprotekta sa normal at maayos na pag-usad ng gawain ng iglesia at ang pagprotekta sa mga interes ng sambahayan ng Diyos, tinitiyak na ang gayong mga sitwasyon ay hindi maulit o manatiling hindi kalmado sa loob ng mahabang panahon. Kasabay niyon, ang mga prinsipyong sinusunod nila para pangasiwaan ang mga bagay at ang mga pinal na resulta na nakakamit nila ay kapwang naglilingkod para protektahan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos. Ang pagiging labis na episyente at ang mabubuting resulta ang kayang makamit ng mga taong may mahusay na kakayahan sa kanilang gawain. Gayumpaman, kapag pinapangasiwaan ng mga taong may katamtamang kakayahan ang mga problemang lumilitaw sa gawain ng iglesia o sa pang araw-araw na buhay, medyo nagugulumihanan sila at medyo nahihirapan sila rito. Madalas na ang pangangasiwa nila sa mga problema ay hindi episyente at napakabagal. Para sa mga isyu na dapat malutas sa loob ng isa o dalawang araw, dahil hindi nila makilatis ang mga ito, maaaring kailangan nilang maghintay, at maaaring kailangan nilang magbulay-bulay sa loob ng tatlo o limang araw. Hindi nila kayang gumawa ng mahuhusay na desisyon para ituwid ang sitwasyon bagkus ay wala silang magawa, at kaya lang nilang hayaang patuloy na lumala ang sitwasyon. Kaya lang nilang pangasiwaan ang ilang simpleng gampanin, tulad ng pagbeberipika ng mga katunayan, pagtatanong sa mga nauugnay na tao tungkol sa sitwasyon, o pagtukoy sa mga problema at pag-uulat sa mga ito paitaas. Ang mga problemang kayang lutasin ng iba sa loob ng tatlong araw ay maaaring abutin sila ng kalahating buwan. Bagama’t nalulutas ang mga problema sa huli, ang matagal na pagkaantala ay nagdudulot ng ilang kawalan sa gawain ng iglesia. Sa panahong ito, ang ilang tao ay maaaring malihis ng mga anticristo, maaaring mawala ang mga handog, o maaaring magdusa ng kawalan ang ilang aytem ng gawain dahil hindi agad na nalutas ang mga problema. Bagama’t naibibigay ang mga kaukulang kompensasyon o kabayaran, at ang mga taong dapat pangasiwaan ay napapangasiwaan sa huli, labis na katamtaman ang mga resulta at ang pagiging episyente. Para itong pagpuksa ng apoy: ang mga taong may mahusay na kakayahan ay may diskarte sa pagpuksa ng mga apoy, nagkakamit ng magagandang resulta at nakapagpipigil ng mga pagkalugi sa pinansya. Gayumpaman, ang mga taong may katamtamang kakayahan, dahil sa mga hindi wastong pamamaraan, kawalan ng mga hakbang sa panahon ng kagipitan, pagkilos nang mabagal, at kawalan ng abilidad na gumawa ng mahuhusay na desisyon at maarok ang mahahalagang punto para lutasin ang problema, ay nauuwi sa pagdulot ng mas malalaking kawalan. Sinasabi ng ilang tao, “Handa akong magbigay ng kabayaran para sa mga kawalang naidulot ko.” Kung ito ay pang-ekonomikong kawalan lamang, maaaring malutas ng kabayaran ang problema. Pero kapag nahaharap sa mga pang-aaresto ng malaking pulang dragon at nabibigo kang pangasiwaan ito nang maayos, nagdudulot ng mga kawalan sa gawain ng iglesia, kaya mo bang mabayaran iyon? Kaya mo bang mabayaran ang halaga ng naantalang gawain at nawalang oras? Kapag nangyayari ang mga hindi inaasahang kaganapan, dahil ang mga abilidad na tumugon sa mga bagay, gumawa ng mga paghusga, tumukoy sa mga bagay, at maging ang abilidad na gumawa ng mga desisyon ng mga taong may katamtamang kakayahan ay pawang katamtaman, pinapangasiwaan nila ang mga problema nang napakabagal at nang may episyente na labis na mababa, at hindi epektibo ang kanilang mga hakbang sa panahon ng kagipitan, na sa huli ay nagreresulta sa mga hindi kasiya-siyang resulta ng gawain at sa ilang kawalan. Kahit na nalulutas ang mga problema sa huli, dahil nagaganap ang matatagal na pagkaantala at nababawasan ang pagiging episyente, katumbas ito ng isang kawalan. Samakatwid, ang mga taong ito ay inilalarawan bilang mayroong katamtamang kakayahan. Sinasabi ng ilang tao, “Hindi iyan patas. Nagsikap din sila, nagtrabaho nang husto, at nilutas ang mga problema. Paanong nasasabi Mo pa rin na katamtaman ang kanilang kakayahan?” Ang pagsusuri sa gayong mga usapin ay hindi puwedeng batay sa mga emosyon o sentimyento. Sa obhetibo at patas na pananalita, at sa usapin ng antas ng kayang makamit ng kakayahan ng taong iyon, katamtaman ang iyong kakayahan. Bakit ito katamtaman? Dahil may mga taong may mas mataas na kakayahan kaysa sa iyo; sa mga sitwasyon kung saan halos kaparehas ng sa iyo ang pagkatao nila, ang mga taong may mahusay na kakayahan ay pinapangasiwaan ang mga problema nang mas episyente at nang may mas mahuhusay na resulta kaysa sa iyo, at ang mga kawalan ay mas maliit kaysa sa mga kawalan mo. Samakatwid, maaari lamang maklasipika bilang katamtaman ang kakayahan mo. Nauunawaan mo ba? (Oo.) Ang dahilan kaya ang gayong mga tao ay inilalarawan bilang may katamtamang kakayahan ay dahil may mga taong may mahusay na kakayahan kaysa sa kanila na nakapagkakamit ng higit na pagiging episyente at mas maiinam na resulta sa kanilang mga kilos. Samakatwid, katamtaman ang kanilang kakayahan. Ang paliwanag na ito ay patas at makatwiran. Sinasabi ng ilang tao, “Mayroon silang sinseridad, at isinasapuso nila ang gampaning ito; nagtiis sila ng maraming paghihirap at hindi maliit na halaga ang ibinayad nila.” Ano ang silbi ng pagsasabi niyon? Ibig ba niyong sabihin na may mahusay silang kakayahan? Anuman ang kanilang pagkatao, mga emosyon, o mga kahilingan, sa usapin lang kanilang kakayahan, ang mga ito ay mga pagpapamalas ng pagkakaroon ng katamtamang kakayahan.
Ano ang mga pagpapamalas ng mga taong may mahinang kakayahan? Kung titingnan ito mula sa perspektiba ng iba't ibang abilidad, ang mga taong may mahinang kakayahan ay medyo nagtataglay ng kaunting abilidad na matuto at abilidad na makaunawa ng mga bagay. Kapag nag-aaral sila ng ilang kaalaman, mga teorya, mga propesyonal na kasanayan, o mga pang-akademikong paksa, kaya nilang maalala ang mga ito nang solido at tumpak, nagtatala ng mahahalagang punto sa kanilang kwaderno. Dahil nakatanggap sila ng edukasyon, hindi masyadong mahina ang kanilang abilidad na makaunawa ng mga bagay; maaari itong umabot sa isang katamtamang antas. Gayumpaman, hindi nila tinataglay ang mga abilidad na kasunod ng abilidad na makaarok, gaya ng abilidad na tumanggap ng mga bagay at ng abilidad na tumukoy ng mga bagay. Ibig sabihin, ang mga abilidad nila ay nananatiling limitado sa pagkatuto at pagkaunawa ng mga teorya, kaalaman, mga teknikal na kasanayan, o mga propesyon sa antas na pangteksto. Pagdating sa pagtingin sa mga tao, pangangasiwa sa mga usapin, paglutas sa mga problema, at pagpapatupad ng mga pagsasaayos ng gawain sa tunay na buhay, nagkukulang sila. Ang mga abilidad nila ay nananatiling limitado sa abilidad na matuto at sa abilidad na makaunawa ng mga bagay; kaya nilang magkamit ng abilidad na makarok, pero nagkukulang sila pagdating sa abilidad na tumanggap ng mga bagay. Ang mga taong nagtataglay ng abilidad na tumanggap ng mga bagay ay kayang malaman kung sa aling mga bagay sa tunay na buhay nauukol ang mga prinsipyo, teorya, at pundamental na ito, pati na kung alin ang praktikal at aplikable, kung alin ang hindi praktikal, at kung alin ang mga nababagay para sa kanilang sarili at alin ang hindi. Gayumpaman, ang mga taong may mahinang kakayahan ay hindi kayang makilatis ang mga bagay na ito. Halimbawa, may mga materyales sa iba't ibang kaalaman sa kalusugan at pagsasanay para sa pangangatawan na makikita sa internet. Ang mga taong may mahinang kakayahan ay kaya ring matutong mag-ehersisyo at alagaan ang kanilang sarili mula sa mga materyales na ito. Nagtataglay sila ng abilidad na matuto, ng abilidad na makaunawa ng mga bagay, at abilidad na makaarok, at alam din nila kung paano hanapin kung ano ang gusto nila. Gayumpaman, pagdating sa kung alin sa mga bagay na ito ang praktikal, epektibo, at tunay na kailangan ng mga tao, hindi ito kayang tukuyin ng mga taong may mahinang kakayahan. Nagkukulang sila pagdating sa abilidad na tumanggap ng mga bagay. Ngayong araw, sinasabi sa internet na ang nilagang spinach na may tokwa ay labis na masustansya, kaya kinakain nila ito araw-araw. Pero pagkatapos itong kainin sa loob ng ilang panahon, wala silang ideya kung kumusta ang mga epekto o kung ito ba ay may epekto na gaya ng sinasabi sa internet. Kalaunan, sinasabi sa internet na ang spinach at tokwa ay hindi magkatugma, at pagkarinig nila rito, hindi na sila muling gumagawa ng nilagang spinach na may tokwa. Tungkol sa kung ang spinach at tokwa ay tunay na labis na masustansya o hindi magkatugma, hindi nila alam at hindi sila magtatanong; ang alam lang nila ay ang bulag na sumunod. Ang impormasyon ay labis na maunlad sa panahon ngayon; ang iba't ibang balita ay labis na masalimuot. Hindi nila kayang matukoy kung ano ang wasto o hindi wasto o kung ano ang tama at mali. Binabasa at pinakikinggan nila ang lahat ng bagay, naniniwala na ang anumang bagay na hindi pa nila narinig dati, anumang bagay na bago o mukhang malalim, ay tiyak na tama. Halimbawa, sinasabi sa internet na ang pagkain ng tsokolate ay mabuti para sa puso, kaya araw-araw silang kumakain ng tsokolate. Bilang resulta, umiinit ang kanilang katawan, nagkakaroon ng mga singaw sa bibig, namumula ang mga mata, at nakakaranas ng tinnitus. Sa katunayan, ang sinabi ay na ang pagkain ng tsokolate nang paminsan-minsan ay mabuti para sa puso, pero hindi nila naalala ang mga salitang “paminsan-minsan.” Hindi nila kayang maarok ang susing punto at sa huli ay naipapahamak nila ang kanilang sarili. Pagkalipas ng ilang araw, sinasabi na ngayon sa internet: “Ang pagkain ng tsokolate ay masama para sa puso, at ang pagkain ng labis-labis ay maaari ding magdulot ng pagbigat ng timbang.” Ang mga taong kayang tumukoy ay malalaman na ang pagkain ng labis-labis ay masama para sa katawan, pero ang pagkain nang paminsan-minsan ay ayos lang. Gayumpaman, hindi nila ito kayang matukoy; pagkarinig dito, ganap na silang tumitigil sa pagkain ng tsokolate. Mula sa isang sukdulan ay lumilipat sila sa kabilang sukdulan, kumikiling nang masyadong pakaliwa o nang masyadong pakanan, pero iniisip nila na sila ay moderno: “Tingnan mo, kung anuman ang sinasabi ng internet na mabuti, kakainin ko iyon; kung anuman ang sinasabi nitong masama, hindi ko iyon kakainin. Ako ay isang taong sumasabay sa mga kalakaran ng panahon.” Sa aktuwal, sila ay mga taong walang abilidad na tumukoy ng mga bagay, mga taong magulo ang isip na bulag na sumusunod sa karamihan. Mayroong lahat ng uri ng impormasyon sa internet, at karamihan ng mga pahayag ay hindi tumpak. Siyempre, mayroon ding maliit na bilang ng impormasyon at pahayag na tama. Kailangang magawa mong matukoy ang mga ito. Tungkol naman sa kung anong impormasyon ang tatanggapin, dapat mo itong sukatin ayon sa iyong mga pangangailangan, kung ito ba ay kapaki-pakinabang sa iyo, at kung positibo ba ang impormasyon. Ang mga taong may mahinang kakayahan Ay walang abilidad na tukuyin ang gayong mga bagay. Kulang sila sa lahat ng abilidad mula sa abilidad na tumanggap ng mga bagay. Nananatili silang limitado sa pagkatuto at pagkaunawa ng mga bagay sa mga antas na pangtekstuwal, pangteoretikal, at pangkaalaman, nagtataglay ng kaunting abilidad na makaarok. Gayumpaman, tungkol naman sa higit na pagtukoy sa pagiging tama ng iba't ibang pahayag at kung ang mga ito ba ay mahalaga at makabuluhan, ang mga taong may mahinang kakayahan ay walang abilidad na husgahan at tukuyin ito. At nariyan ang abilidad na tumugon sa mga bagay, na hindi rin taglay ng mga taong may mahinang kakayahan. Pagdating sa iba't ibang problemang lumilitaw sa tunay na buhay o sa landas ng pananatiling buhay, hindi nila kayang pangasiwaan ang mga ito batay sa mga katotohanang prinsipyong nalalaman o naaarok nila. Gaano man karaming salita at doktrina ang kaya nilang sabihin, ang mga ito ay hungkag at hindi praktikal. Para sa mga problemang lumilitaw sa paligid nila o sa landas ng pananatiling buhay, umaasa sila sa sarili nilang maliliit na diskarte para harapin ang mga ito; sinusubukan lang nilang iwasan na magdusa ng mga kawalan, at iyon na iyon, habang nabibigong maabot ang antas ng pagdanas, pagkaunawa, o pagbeberipika sa mga prinsipyong naaarok nila. Higit pa rito, ang mga taong may mahinang kakayahan ay wala ring abilidad na mag-isip. Ibig sabihin, kapag lumilitaw ang anumang problema, hindi nila kayang magbuod ng mga bagay o makilala ang diwa ng mismong usapin, ang ugat na dahilan sa likod nito, o ang maaaring maging mga kahihinatnan nito sa hinaharap. Ang mga taong may mahinang kakayahan ay hindi talaga alam kung paano pag-isipan ang mga bagay na ito, lalong hindi nila alam kung paano ilapat ang katotohanan o ang mga prinsipyo at batas ng iba't ibang bagay na naaarok nila para harapin at pangasiwaan ang gayong mga problema. Dahil mahina ang kanilang kakayahan, ang kanilang pag-iisip ay simple at mababaw, at nalilihis ang kanilang perspektiba sa mga usapin. Dagdag pa rito, ang mas malaki pang problema ay na hindi nila alam kung mula sa anong perspektiba nila maaaring tingnan nang tama ang mga bagay. Kaya naman, hindi nila kayang makilatis ang diwa ng anumang bagay, ni hindi nila kayang husgahan ang pagiging tama o wasto at mali ng anumang bagay. Kung walang paghusga, hindi nila kayang tumukoy; kung gayon, siyempre, wala rin silang abilidad na tumugon sa mga bagay, lalong wala silang abilidad na gumawa ng mga desisyon. Sinasabi ng ilang tao, “Ang mga taong may mahinang kakayahan ay alam rin kung anong kakainin at susuotin araw-araw, at kayang pamahalaan ang kanilang pang-araw-araw na buhay.” Hindi iyon ang ibig sabihin ng pagkakaroon ng kakayahan. Ang pagkakaroon ng kakayahan ay tumutukoy sa kakayahan na pangasiwaan ang iba't ibang esensyal na problema na nakakaharap sa buhay at sa landas ng pananatiling buhay nang ayon sa mga katotohanang prinsipyong nauunawaan ng isang tao. Ang iba't ibang problemang nakakaharap sa buhay ay kinasasangkutan ng pagsusuri sa isang tao, pangangasiwa sa isang usapin, at iba pa. Ang mga problemang nakakaharap sa landas ng pananatiling buhay ay kinakasangkutan ng malalaking isyu ng tama at mali, ng mga kapaligirang isinaayos ng Diyos para sa iyo, ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, ng mga usaping kinakasangkutan ng kinabukasan at hantungan at kung paano pipiliin ang landas sa harapan, at iba pa—ang lahat ng ito ay nabibilang sa mga problemang nauugnay sa pananatiling buhay. Kung ang isang tao ay walang abilidad na pangasiwaan ang mga problemang lumilitaw sa buhay o sa landas ng pananatiling buhay, ibig sabihin nito na wala siyang abilidad na gumawa ng mga desisyon. Ang gayong mga tao ay blangko ang isipan, kaya ang pagtalakay tungkol sa abilidad na magsuri at magpahalaga ng mga bagay tungkol sa kanila ay medyo hindi kinakailangan. Siyempre, ang huling abilidad, ang abilidad na maging inobatibo, ay lalong malayo sa kakayahan ng mga taong may mahinang kakayahan. Katulad ito ng pagtatalakay kung ang leon ba o tigre ang hari ng mga hayop. Kahit papaano, ang mga ito ay parehong kalipikadong kandidato dahil ang mga leon at tigre ay nagtataglay ng tindig at mga abilidad ng isang namumuno sa mga hayop. May kanya-kanya silang kalakasan, at kapag pinagtapat sila, maaaring magkapantay sila, kaya sila kalipikado na magpaligsahan para sa titulo ng hari ng mga hayop. Kung ikukumpara mo ang mga wildebeest, elk, o yak sa mga leon at tigre para pagdesisyunan kung sino ang hari ng mga hayop, pagtatawanan ka ng mga tao. Bakit ka nila pagtatawanan? (Dahil ang mga hayop na ito ay hindi maikukumpara sa mga leon at tigre.) Ang mga ito ay wala sa ganoong antas, wala sa ganoong kategorya; hindi sila maikukumpara sa mga leon at tigre. Gayundin, ang mga taong may mahinang kakayahan ay walang anumang mga kaisipan, at wala silang abilidad na suriin at pahalagahan ang sinumang tao, pangyayari, o bagay sa antas ng kaisipan. Samakatwid, ni hindi karapat-dapang pang pag-usapan kung ang gayong mga tao ay nagtataglay ng abilidad na magsuri at magpahalaga ng mga bagay. Ang abilidad na magsuri at magpahalaga ng mga bagay ay medyo abante at aplikable sa mga taong may mahusay na kakayahan. Kung gayon, ang abilidad na maging inobatibo ay lalong aplikable sa mga taong may mahusay na kakayahan. Ang abilidad na maging inobatibo ay hinuhusgahan batay sa abilidad ng isang tao na praktikal na pangasiwaan ang anumang bagay sa tunay na buhay. Ang mga taong may mahinang kakayahan ay hindi lang walang mga kaisipan at hakbang sa anumang bagay na ginagawa nila, kundi wala rin silang anumang abilidad na tapusin ang mga bagay, kaya hindi masasabi na mayroon silang anumang abilidad na maging inobatibo. Kaya anong mga abilidad mayroon ang mga taong walang kakayahan? Ang karamihan ng taong walang kakayahan ay may parehong katangian: Wala silang mga kalakasan. Pagdating sa abilidad na magpahayag, wala sila nito; pagdating sa anumang mga teknikal o propesyonal na kalakasan, wala rin sila ng mga ito; kahit sa paggampan ng pinakasimpleng gampanin, tulad ng paglilinis, wala silang mabibilis at maiiksing solusyon, walang mga hakbang, at walang kaayusan. Mula sa paggampan ng isang simpleng trabaho, makikita mo na kung ano nga ba ang mga katangian ng mga taong walang kakayahan. Ang pinakahalatang katangian ng mga taong walang kakayahan ay na wala silang abilidad sa bawat aspekto. Sa madaling salita, ni hindi nila kayang pamahalaan ang sarili nilang buhay bilang tao o ang mga pinakapayak na pangangailangan—ang lahat ng ito ay ganap na gulo-gulo at walang anumang mga prinsipyo. Ang pinakatumpak na paglalarawan sa mga taong walang kakayahan ay na hindi nila kayang isakatuparan ang anumang bagay at namumuhay lang sila para tugunan ang kanilang mga batayang pang-araw-araw na pangangailangan—wala nang iba pa. Ang iba't ibang pagpapamalas ng mga taong may iba't ibang antas ng kakayahan, kasama na ang mga katangian ng kakayahan at mga abilidad na taglay nila, ay pawang naipaliwanag na nang malinaw. Kung nauunawaan ninyo, matututunan ninyo kung paano kilatisin at tratuhin ang mga tao na may iba't ibang kakayahan.
Pagkatapos magbahaginan tungkol sa kung ano ang kakayahan, pati na kung paano hatiin ang mga antas at uri ng kakayahan ng mga tao, pagkatapos ninyong makinig, nagkamit ba kayo ng anumang pakinabang? (Oo.) Tunay ba ninyong nalalaman na mahina ang kakayahan ninyo? (Oo.) Sinasabi ng ilang taong walang kakayahan: “Paanong wala akong kakayahan? Kahit na katamtaman o mahina ang kakayahan ko, ayos pa rin iyon.” Walang may gustong malagay sa antas ng kawalan ng kakayahan, pagiging tunggak, hangal, o walang silbing tao, pero sa kasamaang-palad, ang ilang tao, sa pagsukat ng kanilang sarili batay sa mga pangunahin nilang pagpapamalas at sa mga resulta ng paggawa ng kanilang tungkulin sa mga nakalipas na taon, ay tunay na nalalagay sa antas ng mga taong walang kakayahan. Dahil ba rito ay nagiging negatibo ang ilang tao? Kapag hindi naililinaw ang maraming bagay, hangal na iniisip ng mga tao, “Mayroon akong abilidad, mayroon akong kapabilidad, matalino ako, hindi mahina ang kakayahan ko, marangal ako, ako ay isang taong nasa kaharian ng Diyos, isa akong haligi, isang nananatili,” hangal na kumakapit sa kanilang mga pangangarap nang gising, napakaganda ng pakiramdam, labis ang kumpiyansang nararamdaman, iniisip na sila ay may potensyal at pag-asa; hindi sila negatibo, at namumuhay nang may layunin. Gayumpaman, kapag alam na nila ang mga totoong katunayan, nalulungkot sila, iniisip na, “Hindi ba’t ibig sabihin nito na wala akong pag-asang makatanggap ng kaligtasan?” At nasasadlak sa isang negatibong kalagayan. Kung hindi naililinaw ang mga bagay na ito, hangal na mapagmataas ang mga tao; kapag mas hangal ang isang tao, mas mayabang siya, at mas lalong walang hanggan ang kayabangan niya. Ang matatalino, pagkatapos tanggapin ang panustos ng katotohanan sa mga taon na ito, ay magninilay-nilay at magsusuri ng sarili, ikukumpara ang katotohanan sa kanilang sarili, at unti-unting mababawasan ang kanilang mga pagbubunyag ng mayabang na disposisyon. Kapag mas mahina ang kakayahan ng isang tao, mas lalo siyang hangal na mayabang. Hindi ba’t may kasabihan: “Wala silang silbi, pero hindi sila yumuyukod sa kanino man”? Bagay na bagay ang kasabihang ito; ang mga walang silbi ay hindi yumuyukod kanino man. Bakit? Dahil masyadong mahina ang kanilang kakayahan. Gaano kahina? Napakahina nito na wala silang katalinuhan, hindi alam kung hanggang saan ang kapabilidad nila, hindi alam kung ano ang sukat ng katalinuhan nila, hindi alam na palaging may mga taong mas magaling sa kanila, at hindi alam kung ano ang mahusay na kakayahan. At hanggang saan umaabot ang kayabangan nila? Hanggang sa antas na nasusuklam at nandidiri ang mga taong tingnan ito—ito ay hangal na kayabangan. Ang “wala silang silbi, pero hindi sila yumuyukod sa kanino man” ay nangangahulugan na wala silang kayang isakatuparan, ang sarili nilang mga usapin sa buhay ay labis na magulo, hindi nila makilatis ang anumang bagay, wala silang mga kaisipan o pananaw, at hindi nila matukoy kung ang mga pananaw ng iba ay tama o kung tumpak ba ang mga ito, at hangal lang silang nagpapatuloy sa kanilang kayabangan, iniisip na, “Mayroon akong abilidad, mayroon akong kapabilidad, matalino ako, mas magaling ako kaysa sa iba!” Sabihin mo sa Akin, mas mabuti bang hayaan na lang sila na maging mayayabang na tao na hindi yumuyukod sa kanino man, o na ipaalam sa kanila na mahina ang kakayahan nila, na wala silang silbi, mga hangal lang, mga taong walang silbi, at mga may pagkukulang sa pag-iisip, para maging negatibo sila? Alin ang pipiliin ninyo? (Hayaan silang maging negatibo, dahil kung sila ay hangal na mayabang, malamang na gumawa sila ng mga bagay na labag sa mga prinsipyo, at maaari nilang gambalain at guluhin ang gawain ng iglesia.) Kung magiging negatibo sila, maaari silang bumalik sa katwiran ng pagkatao at magkaroon ng mas mabuting asal, gumagawa ng mas kaunting bagay na nakakagambala at nakakagulo. Isa itong proteksyon para sa kanila. Bagama’t hindi marami ang nagawa nilang mga bagay na kapaki-pakinabang sa iba, ang paggawa ng mas kaunting bagay na nakakagambala at nakakagulo ay nangangahulugan na mas kaunting mga pagsalangsang at masasamang gawa ang gagawin nila, at mababawasan ang posibilidad na maparusahan sila sa hinaharap, tama ba? (Oo.) Nang hindi na tinatalakay kung magtatamo ba sila ng kaligtasan, dahil iyon ay medyo malayo, mababawasan ba ang posibilidad na labagin nila ang mga atas administratibo ng Diyos at salungatin ang disposisyon ng Diyos? At madaragdagan ba ang tsansa nila na manatiling buhay? (Oo.) Sa paghusga sa perspektiba ng mga pakinabang na ito, ang hayaan ang mga tao na makilala ang sarili nilang kakayahan at sa huli ay matanto na wala silang kakayahan at maging negatibo ay lumalabas sa aktuwal na isang mabuting bagay. Kung hindi, kapag sinasabi ng mga tao, “Wala kang silbi, pero hindi ka yumuyukod sa kanino man—ito ay hangal na kayabangan!” Sadyang hindi nila ito makilatis o makilala; nagiging tutol sila at iniisip pa rin nila, “Hindi mahina ang kakayahan ko! At sinasabi mo na ako ay hangal na mayabang. Higit na mas magaling ako kaysa sa isang hangal!” Higit nitong pinapatunayan na tunay silang hangal, masyadong mababa ang katalinuhan nila, at lalong kailangan nilang tanggapin ang katunayan na wala silang kakayahan. Ano ang mga pakinabang ng pagtanggap sa katunayang ito? Ito ay hindi para gawin kang negatibo, kundi para tulungan ka na tratuhin nang tama ang iyong sarili at umiwas na kumilos nang hangal. Ang mga tao ay mayabang dahil mayroon silang tiwaling disposisyon at wala silang anumang kaalaman sa sarili. Gayumpaman, ang kayabangan ng ilang tao ay normal na kayabangan. Halimbawa, ang ilang tao ay may kapital mula sa pagkakakulong at pagtitiis ng pagdurusa, nag-ambag sila sa iglesia sa ilang paraan, o may mga kaloob sila kaya mas magaling sila kaysa sa iba; dahil mayroon silang mayabang na disposisyon na sinamahan pa ng pagkakaroon ng kaunting kapital, maaari pa ring makonsidera na kauna-unawa na nagbubunyag sila ng kayabangan. Pero kung wala kang silbi, kung sa pundamental ay wala kang kayang maisakatuparan, walang naging mga ambag, at higit pa rito ay wala kang mga kalakasan, pero mayabang ka pa rin, walang katuturan ito—wala itong pagkamakatwiran. Ngayon ay inililinaw na sa iyo: Wala kang kakayahan, wala kang silbi, at ni wala kang anumang mga kalakasan. Hungkag ang isipan mo, at kumpara sa mga taong may kaisipan, walang nilalaman ang isipan mo. Bagama’t pare-pareho kayong tao, malayo ka sa kanila; sa paningin ng Diyos, hindi mo natutugunan ang pamantayan ng pagiging tao. Kaya, ano pa ang ipinagyayabang mo? Batay sa panukat ng mga salita ng Diyos, hindi mo natutugunan ang pamantayan ng pagiging tao. Sa mga mata ng Diyos, hindi ka dapat tratuhin bilang isang tao. Pero dahil malaki ang biyaya ng Diyos, itinaas ka ng Diyos, pinili ka Niya, at tintrato ka bilang isang tao, tinutulutan kang gumawa ng tungkulin sa sambahayan ng Diyos. Tinatrato ka ba ng Diyos bilang isang tao para makita kang tratuhin ang Diyos at ang katotohanang itinutustos Niya sa iyo sa gayon kahangal na mayabang na paraan? Para makita kang tratuhin ang tungkulin mo at ang buhay mo sa ganitong paraan? (Hindi.) Dahil tinatrato ka ng Diyos bilang isang tao at sinasabi sa iyo ang iba’t ibang katotohanan na dapat maunawaan ng mga tao, umaasa Siya na maaari kang maging isang tunay na tao, umaasa na kaya mong tanggapin ang mga kaisipan na dapat mayroon ang mga tao, at hindi ka magiging hangal na mayabang. Samakatwid, mali ang maging negatibo—hindi ka dapat maging negatibo. Dahil hindi ka tinrato ng Diyos o hindi ka Niya binalewala batay sa iyong kakayahan, kundi sa halip ay tinrato ka Niya bilang isang normal na tao at ginamit ka sa ganitong paraan, dapat kang mamuhay nang karapat-dapat sa biyayang ito na mula sa Diyos at huwag biguin ang Diyos. Anumang kakayahan ang mayroon ka at anumang gawain ang kaya mong gawin, gawin mo lang nang maayos ang gawaing iyon. Huwag subukang maglitanya ng mga ideyang matatayog pakinggan, huwag gawin ang hindi dapat gawin ng isang tao, at huwag magkaroon ng mga labis-labis na ideya o ambisyon na hindi dapat taglayin ng isang tao. Gawin kung ano ang dapat gawin ng isang tao at mamuhay nang karapat-dapat sa pagtataas ng Diyos. Hindi ba’t naaangkop ito? Hindi ba’t nilulutas nito ang problema ng pagiging negatibo? (Oo.)
Ang pagkilatis sa iba't ibang pagpapamalas ng mga taong may iba't ibang kakayahan at pagbibigay ng mga partikular na halimbawang ito ay naglalayong tulungan ka na iugnay ang iyong sarili sa mga ito. Ito ay para tumpak mong matukoy ang sarili mong posisyon, makatwirang harapin ang sarili mong kakayahan at iba't ibang kondisyon, at makatwirang harapin ang paglalantad, paghusga, at pagpupungos sa iyo ng Diyos, o ang gawaing isinaayos para sa iyo, at para magawa mong magpasakop at maging mapagpasalamat mula sa kaibuturan ng iyong puso, sa halip na magpakita ng paglaban at pagkasuklam. Kapag kaya ng mga tao na makatwirang harapin ang sarili nilang kakayahan at pagkatapos ay tumpak na tukuyin ang kanilang sariling posisyon, kumikilos bilang mga nilikha na gusto ng Diyos sa isang praktikal na paraan, ginagawa nang wasto ang dapat nilang gawin batay sa likas nilang kakayahan, at inilalaan ang kanilang katapatan at ang lahat ng kanilang pagsisikap, nakakamit nila ang kaluguran ng Diyos. Dahil ibinigay sa iyo ng Diyos ang kakayahang ito at ang mga kondisyong ito, hindi ka pipilitin ng Diyos na gumawa ng mga bagay na mahirap para sa iyo, hindi niya pipilitin ang isang isda na mamuhay sa lupa. Gaano man karami ang ibinigay sa iyo ng Diyos, iyon ang kanyang ipinapaalay sa iyo. Kung ano ang hindi ibinigay sa iyo ng Diyos, hindi niya labis-labis na hihingiin. Kung palagian kang nagtatakda ng labis na matataas na hinihingi sa sarili mo, sinusubukang maging isang malakas na tao, isang superhuman, isang taong higit sa ordinaryo, ipinapahiwatig nito na mayroon kang tiwaling disposisyon—ito ay ambisyon. Kung mahusay ang kakayahan mo, umaako ka ng mas maraming gawain; kung katamtaman ang kakayahan mo, maaari ka lang umako ng kaunting gawain. Anumang tungkulin ang kaya mong gawin, ibigay mo ang lahat-lahat mo, ibigay mo ang katapatan mo, at kumilos ka ayon sa mga prinsipyo—huwag subukang maglitanya ng mga ideyang matatayog na pakinggan. Ang palaging pagnanais na patunayan na hindi ka isang ordinaryong tao, palaging pagnanais na tingalain ka ng iba—mali ito. Nagpapakita ito ng malaking kawalan ng kamalayan sa sarili, hindi pagkaalam sa sarili mong sukat. Kung patuloy kang maghahangad ayon sa iyong ambisyon at mga pagnanais, hindi magiging maganda ang mga bagay para sa iyo. Samakatwid, ang mga taong may mahinang kakayahan ay hindi dapat palaging mag-asam na maging mga lider, mga ulo ng pangkat, o mga superbisor; hindi sila dapat mag-asam nang masyadong mataas. Kung mahina ang kakayahan mo, gawin mo na lang nang responsable ang mga bagay na kayang gawin ng mga taong may mahinang kakayahan. Kung wala kang mga kaisipan at hindi mo kayang pangasiwaan ang anumang gawain, huwag mo itong ipilit—dahil hindi ka binigyan ng Diyos ng ganoong kakayahan, hindi siya nagtakda ng masyadong matataas na hinihingi para sa iyo. Tungkol naman sa mga katotohanang prinsipyo, isagawa mo ang mga ito hanggang sa kaya mong maunawaan at tanggapin ang mga ito—ito ang pinakamahalaga. Ang nagagawa mong maunawaan ay ang ibinigay ng Diyos sa iyo. Nailapat mo ba ang mga bagay na ito sa iyong tungkulin o sa atas na ipinagkatiwala ng Diyos sa iyo? Kung nailapat mo ang mga ito, naibigay mo na ang lahat-lahat mo at naialay ang iyong katapatan. Malulugod ang Diyos, at ikaw ay magiging pasok sa pamantayan bilang isang nilikha. Kung mahina ang kakayahan mo, hinding-hindi hihingi ang Diyos sa iyo nang ayon sa pamantayan ng mga may mahusay na kakayahan. Hindi iyon gagawin ng Diyos. Ang mga walang kakayahan ay ang mga may pinakamababang antas ng kakayahan sa mga tao. Kung ang ilang mananampalataya sa Diyos ay walang kakayahan, paano sila dapat magsagawa? Gusto mo bang sumunod sa Diyos? Inaamin mo ba na ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay tungkol sa tao? Gusto mo bang magpasakop sa pamamatnugot at mga pagsasaayos ng Diyos para sa iyo? Kung handa kang tumanggap at magpasakop, patahimikin mo ang iyong puso at tanggapin ang lahat ng pagsasaayos ng Diyos para sa iyo. Ayon sa iyong kakayahan, kaya mo lang gumawa ng ilang trabahong nangangailangan ng pisikal na pagsisikap, mga trabaho na hindi nakikita, na minamaliit, at hindi naaalala ng mga tao—kung ito ang iyong sitwasyon, dapat mo itong tanggapin mula sa Diyos at huwag magkimkim ng mga reklamo, at higit pa rito, hindi mo dapat piliin ang mga tungkulin mo batay sa sarili mong mga kahilingan. Gawin mo ang anumang isinasaayos ng sambahayan ng Diyos para sa iyo, at hangga’t ito ay napapaloob sa kakayahan mo, dapat mo itong gawin nang maayos. Halimbawa, kapag itinalaga ka na mag-alaga ng mga baboy, dapat mong pakainin nang maayos ang mga ito para ang mga kapatid ay makakain ng magandang karneng baboy. Kung itinalaga ka para mag-alaga ng mga manok, dapat mong pakainin at pamahalaan nang maayos ang mga ito para ang mga ito ay mangitlog nang normal sa panahon ng pangingitlog, at dapat mo ring protektahan ang mga ito mula sa ibang mga hayop, para ang lahat ng makakakita sa mga manok na inalagaan mo ay sasabihin na maganda ang naging pag-aalaga sa mga ito. Pinatutunayan nito na pinahahalagahan mo ang lahat ng bagay na nilikha ng Diyos, at kaya mong pamahalaan nang maayos ang mga ito; pinatutunayan nito na anumang uri ng nilalang o hayop ito, kaya mo itong pahalagahan at pamahalaan nang maayos, tinuturing ito bilang iyong responsabilidad at tungkulin na dapat isagawa. Bagama't hindi mo kayang gumawa ng ibang gawain, bagama't hindi mo kayang gumampan ng susi o paladesisyong papel sa gawain ng iglesia, at wala kang malalaking ambag, kung kaya mong gumugol ng buong pagsisikap at katapatan sa kung anong hindi kapansin-pansing gawain at hangarin lamang na mapalugod ang Diyos, sapat na iyon. Hindi ito pagbigo sa pagtataas ng Diyos sa iyo. Huwag maging mapili tungkol sa mga gampanin batay sa kung ang mga ito ay marumi o nakakapagod, sa kung nakikita ka ba ng iba na ginagawa ang mga ito, kung pinupuri ka ba ng mga tao, o kung minamaliit ka ba nila dahil sa paggawa mo ng mga ito. Huwag isipin ang mga bagay na ito; hangarin lang na tanggapin ito mula sa Diyos, magpasakop, at tuparin ang mga tungkuling dapat mong tuparin. Kapag nakikipagbahaginan Ako tungkol sa mga pagpapamalas ng mga taong walang kakayahan, maaaring sabihin Ko na isa kang hangal, isang taong walang silbi, at may pagkukulang sa pag-iisip. Gayumpaman, kung kaya mong pasanin ang mga trabahong ipinagkakatiwala sa iyo, at sa huli ay hindi mo binibigo ang pagtataas ng Diyos sa iyo o ang hininga ng buhay na ipinagkaloob ng Diyos sa iyo, hindi ka namumuhay o kumakain nang walang saysay, hindi mo tinatamasa ang anumang mga materyal na bagay na itinutustos ng Diyos sa sangkatauhan nang walang saysay, at hindi ka nabibigong mamuhay nang karapat-dapat sa mga salita mula sa bibig ng Diyos, sapat na iyon. Bagama’t sa usapin ng kakayahan ay hindi ka pasok sa pamantayan ng pagiging isang kompletong tao, kung kaya mong gawin ang tungkulin mo at gawin ang gawain nang may ganitong katapatan at sinseridad, kahit papaano, sa puso ng Diyos, pasok ka sa pamantayan bilang isang nilikha. Ang gusto ng Diyos ay ang katapatan at sinseridad na ito; gusto Niya ng isang nilikha na pasok sa pamantayan. Anumang tungkulin ang isinasaayos ng sambahayan ng Diyos para sa iyo, tinatanggap mo ito mula sa Diyos, at kaya mong tumanggap at magpasakop. Ito ang pinakamahalagang bagay. Kung ginawa mo ang hinihingi ng Diyos sa iyo, at inialay mo ang lahat ng kaya mong ialay, hihingi pa ba ng mataas ang Diyos sa iyo? Kung ang iyong sinseridad at katapatan ay mahalaga sa mga mata ng Diyos, may halaga ang buhay mo. Mabuti ba ang pagkaarok na ito? (Oo.)
Sinasabi ng ilang tao: “Pakiramdam ko ay hindi ko pa rin ito nauunawaan. Bakit paunang itinatakda ng Diyos na ang mga tao ay magkaroon ng lahat ng uri ng kakayahan? Dahil gusto ng Diyos na ang mga tao ay magpatotoo sa kanya, magsagawa ng katotohanan, at magwaksi ng kanilang mga tiwaling disposisyon, bakit hindi Niya magawang bigyan ang mga tao ng mahusay na kakayahan? Napakahirap ba para sa Diyos na bigyan ang mga tao ng mahusay na kakayahan? Kung ginawa ng Diyos na ang mga tao ay may mga abilidad sa lahat ng larangan—abilidad sa pag-iisip, ang abilidad na gumawa ng mga paghusga, ang abilidad na tumukoy ng mga bagay, ang abilidad na tumugon sa mga bagay, ang abilidad na gumawa ng mga desisyon, abilidad na maging inobatibo, at higit lalo ay ang abilidad na maghusga at magpahalaga ng mga bagay—binibigyan ang mga tao ng mga abilidad sa lahat ng larangan, hindi ba't magiging mahusay ang kakayahan ng mga tao? Kahit na binigyan niya ang mga tao ng katamtamang kakayahan, hindi ba't magagawa nilang maarok ang katotohanan sa isang katamtamang antas? Kung kaya ng mga tao na maarok ang katotohanan, hindi ba't magagawa nilang isagawa ang katotohanan? At hindi ba't magagawa nilang iwaksi ang kanilang mga tiwaling disposisyon at magkamit ng kaligtasan?” Ano ang problema sa pagkakaroon ng mga tao ng ganitong mga kaisipan? Hindi nauunawaan ng mga tao kung bakit sila binibigyan ng Diyos ng lubos na katamtamang kakayahan. Mahirap makahanap ng mga lider na may mahusay na kakayahan, at napakahirap na gawin ang gawain ng iglesia nang maayos. Iniisip ng mga tao, “Kung binigyan ng Diyos ang mga tao ng mahusay na kakayahan, hindi ba't magiging mas madali na makahanap ng mga lider? Hindi ba't magiging mas madaling gawin ang gawain ng iglesia? Bakit hindi binibigyan ng Diyos ang mga tao ng mahusay na kakayahan?” Kung titingnan ito mula sa perspektiba ng kabuuang gawain ng sambahayan ng Diyos, siyempre, kung mayroong mas maraming tao na may mahusay na kakayahan, magiging mas madali nga ang gawain ng iglesia. Gayumpaman, may isang kondisyon: sa sambahayan ng Diyos, ginagawa ng Diyos ang sarili niyang gawain, at hindi gumagampan ang mga tao ng isang paladesisyong papel. Samakatwid, mahusay, katamtaman, o mahina man ang kakayahan ng mga tao ay hindi nagtatakda sa mga resulta ng gawain ng Diyos. Ang pinakahuling mga resulta na makakamit ay isinasakatuparan ng Diyos. Ang lahat ay pinapangunahan ng Diyos; ang lahat ay ang gawa ng Banal na Espiritu. Mula sa perspektiba ng gawain ng Diyos, ang usaping ito ay dapat na ipaliwanag sa ganitong paraan—ito ay isang dahilan. May isa pang dahilan: matapos magawang tiwali ni Satanas, tinataglay ng mga tao ang mga tiwaling disposisyon ni Satanas bilang diwa ng kanilang buhay; ibig sabihin, namumuhay silang lahat ayon sa kanilang mga tiwaling disposisyon, at ang kanilang buhay ay pinamumunuan ng mga tiwaling disposisyon nila. Kung, dagdag pa rito, ang isang tao ay nagtataglay ng mahusay o ektraordinaryong kakayahan, at ang kanyang mga abilidad sa lahat ng larangan ay kumpleto, perpekto, at walang kapintasan, gagawin nitong mas matindi ang kanilang mga tiwaling disposisyon. Hahantong ito sa matinding paglala ng mga tiwaling disposisyon nila, kaya hindi na sila makontrol, at ang taong iyon ay nagiging mas mayabang, mapagmatigas, mapanlinlang, at buktot. Mas lalo silang mahihirapang tanggapin ang katotohanan, at walang paraan para malutas ang kanilang mga tiwaling disposisyon. Ito ay isa pang dahilan. Dagdag pa rito, binibigyan ng Diyos ang mga tao ng gayong kakayahan dahil ang sangkatauhang gusto ng Diyos na iligtas ay isang sangkatauhan na likas na hindi kompleto, na may mga abilidad sa lahat ng aspekto na katamtaman at may mga depekto. Higit pa rito, ang pagkaalam sa mga salita ng Diyos at sa katotohanan ay hindi naisasakatuparan sa pamamagitan lang ng paggamit ng iba't ibang abilidad; nangangailangan ito ng isang proseso. Ano ang nasasangkot sa prosesong ito? Nasasangkot dito ang mga pagbabago sa kapaligiran, ang paglago ng edad ng isang tao, ang pagdami ng mga karanasan sa buhay at kaalaman, at ang karanasang nakakamit sa pamamagitan ng iba't ibang kapaligiran, na nagtutulot sa mga tao, sa pundasyon ng kanilang likas na kakayahan at mga likas na gawi, na unti-unting maunawaan at malaman kung ano mismo ang tinutukoy ng katotohanan sa mga salita ng Diyos; pagkatapos, tinatanggap at isinasagawa nila ang mga salita ng Diyos. Sa pamamagitan ng gayong proseso, ang katotohanan sa mga salita ng Diyos ay isinasagawa sa isang tao para maging buhay niya—ito ay hindi nagiging isang teorya ng pamumuhay o isang pilosopiya at paraan ng pamumuhay; sa halip, ang mga salita ng Diyos ang nagiging pundasyon ng kanilang pag-iral. Ang gayong tao ay isang bagong tao, isang bagong silang na buhay. Ito ay isang mahalagang proseso. Kahit na ang iyong kakayahan at mga abilidad sa lahat ng aspekto ay labis na mahusay at mataas, hindi puwedeng tanggalin ang mga prosesong ito. Bilang isang nilikha, sa pagkamit sa huli ng transpormasyon ng mga salita ng Diyos sa iyong buhay, walang puwedeng lumaktaw sa anumang hakbang ng buong proseso na dapat maranasan. Ibig sabihin, ang lahat ay magkakaroon ng mga kuru-kuro, imahinasyon, paglaban, pagsalungat, at paghihimagsik sa Diyos. Lahat sila ay daraan sa mga problema, pagkabigo, pagkadapa, pagkatanggal, pagkakapungos, paghusga, at pagkastigo, daranas ng iba't ibang kapaligiran, haharap sa iba't ibang uri ng mga tao, at iba pang gayong mga proseso. Gaano man kahusay o kataas ang iyong kakayahan, o gaano man kalakas ang mga abilidad mo sa lahat ng aspekto, walang puwedeng tanggalin sa mga proseso o hakbang na ito. Samakatwid, kahit na bigyan ka ng Diyos ng labis na mataas na kakayahan at mga abilidad, masasayang pa rin ito. Mas mabuti para sa iyo na maging isang ordinaryo at katamtamang tao. Bagama't maaaring mayroon kang ilang depekto sa iyong pagkatao, maaari mong danasin ang gawain ng Diyos, unawain ang mga salita ng Diyos pagkarinig sa mga ito, at kilalanin ang mga kahinaan at depekto mo. Sa ganitong paraan, sa isang banda, ang nakakamit mo ay mas praktikal, at mas marami kang natatanggap mula sa Diyos; sa kabilang banda, mas tumpak mong nalalaman ang mga natural mong abilidad, at mas nagiging makatwiran ka. Iyon ang dahilan kung bakit hindi nilalayon ng Diyos na bigyan ng mahusay na kakayahan ang lahat ng tao—binibigyan Niya ang mga tao ng katamtamang kakayahan.
Pagkatapos marinig ang mga partikular na pagpapamalas na ito ng iba't ibang abilidad na sumusukat sa kakayahan ng mga tao, sinusuri mo ang sarili mo at makikita mo na sa pinakamainam ay mayroon ka lang katamtaman na kakayahan, hindi umaabot sa antas ng pagkakaroon ng mahusay na kakayahan, kaya sino ang mga umaabot sa antas ng mahusay na kakayahan? Sila ang mga ginagamit ng Banal na Espiritu. Kung binibigyan ka ng Diyos ng mahusay na kakayahan, dapat kang umako ng gawain na tumutugma sa mahusay na kakayahan, kung hindi kailangan na umako ka ng gayong gawain, napakabuti nang binigyan ka ng Diyos ng katamtaman na kakayahan—ito ay biyaya ng Diyos. Kung binibigyan ka ng Diyos ng katamtaman na kakayahan, hindi ka puwedeng gumawa ng masyadong malakihang gawain, kaya hindi ka puwedeng maging mayabang. Isa itong proteksiyon para sa iyo. Sa katamtamang kakayahan na ibinigay sa iyo, wala kang kapital para magyabang, ni hindi ka makakapag-ambag nang kagila-gilalas. Palagi mong kailangang mag-isip, “Katamtaman ang kakayahan ko; hindi ako magaling sa larangang ito, ni sa larangang iyon. Dapat ako maging wais at hanapin ang mga katotohanang prinsipyo sa paggawa ng tungkulin ko.” Kapag nadarama mo na nagkukulang ka sa lahat ng aspekto, umaasal ka nang mas labis na maayos at mas lalo kang sumusunod sa mga tuntunin, mas lalo kang hindi nagiging kapansin-pansin. Halimbawa, anumang gawain ang ginagawa ninyo, kayo man ay isang superbisor o isang ordinaryong miyembro, kung sa loob ng ilang panahon ay medyo nagiging maayos ang takbo ng iyong gawain, nagbubunga ng ilang resulta, at ang mga nakakamit ay medyo katangi-tangi, at nakakatanggap ka ng pagsang-ayon mula sa ang Itaas, ano ang iyong magiging pag-iisip? (Magiging hambog kami, madarama namin na mahusay kami, at hindi na namin madaling hahanapin ang katotohanan.) Pagkatapos ay magiging mahirap para sa iyo na sumunod sa mga tuntunin at manatiling praktikal sa iyong pag-asal. Isa itong napakamapanganib na tukso para sa iyo; hindi ito isang magandang palatandaan. Gayumpaman, dahil may pagkukulang ka o may mga depekto sa iba't ibang abilidad, at kapag gumagawa ng gawain ay nabibigo kang ikonsidera ang isang aspekto o nabibigo kang maisip nang maaga o nakakaligtaan at nalilimutan mo ang isa pang aspekto, napupungusan tungkol sa isang aspekto o nahaharap sa mga problema at dagok sa isa pang aspekto, sa kaibuturan ng iyong puso, palagi mong binibigyang-babala ang sarili mo: “Hindi ko kaya. Mahina ang kakayahan ko, at hindi ko nauunawaan ang katotohanan. Hindi ko nauunawaan ang mga prinsipyo.” Sa ganitong paraan, nagiging labis kang maingat sa paggawa ng mga bagay, labis na takot na makagawa ng mga pagkakamali at mapungusan, labis na takot na makagambala at makagulo, at labis na takot na makalikha ng mga butas sa gawain na nagreresulta sa mga kawalan. Dahil ang iyong mga abilidad sa iba't ibang aspekto ay kulang o pawang labis na katamtaman, ang iyong kapabilidad na maging mahusay para sa gawain ay labis na katamtaman din, at ang gawaing ginagawa mo ay labis na katamtaman. Kaya nadarama mo na walang maipagyayabang—kahit na magawa mo man na magkamit ng ilang resulta na pinaghirapan, nakakamit mo lang ang mga ito pagkatapos magtiis ng maraming paghihirap at gumugol ng labis na pagsisikap nang walang nakakakita. Gusto mong magpanggap na mahusay ka at napakagaling sa harap ng iba, pero sa puso mo, wala kang kumpiyansa. Alam mo na anuman ang gawin mo, hindi mo ito kayang gawin ng maayos, at kailangan mo pa rin na suriin ito ng ang Itaas. Sa ilang bagay, tanging kapag nahaharap sa pagpupungos mo napagtatanto kung saan ka nagkamali, at nakikita kung gaano kahina ang iyong kakayahan. Sa ganitong paraan, hindi mo magagawang maging mayabang. Ibig sabihin, palaging may isang tao na may mahusay na kakayahan sa paligid mo na mahihigitan ka, at palaging nariyan ang katotohanan at ang mga hinihinging pamantayan ng Diyos na pumipigil sa iyo. Nadarama mo, “Ang kaunting gawain na kaya kong isakatuparan ay dahil lang sinuri at pinagdesisyunan ito ng ang Itaas; nakompleto lang ito dahil paulit-ulit itong siniyasat, sinuri, at itinama ng ang Itaas. Wala akong maipagyayabang.” Sa susunod na pagkakataong may ginawa ka, naiisip mo pa ring ipakitang-gilas ang iyong mga kasanayan, pero nabibigo ka pa ring gawin ito nang maayos at hindi mo kailanman magawang mamukod-tangi. Dahil mismo limitado ang kakayahan at mga abilidad mo, laging katamtaman ang mga epekto ng paggawa mo sa iyong mga tungkulin, lagi kang bigong maabot ang antas o pamantayang inaasam mo. Kaya, nang hindi mo namamalayan, patuloy mong napagtatanto na hindi ka angat sa iba, hindi ka nangingibabaw o ekstraordinaryong tao. Unti-unti, nauunawaan mo na ang kakayahan mo ay hindi kasinggaling na tulad ng iniisip mo, kundi lubos na pangkaraniwan lang. Sobrang makakatulong ang hakbang-hakbang na prosesong ito para makilala mo ang sarili mo—nakakaranas ka ng ilang kabiguan at hadlang sa praktikal na paraan, at pagkatapos magnilay-nilay, nagiging mas tumpak na ang pagtantiya mo sa iyong antas, mga abilidad, at kakayahan. Mas natatanggap mo nang hindi ka isang taong may mahusay na kakayahan, na bagaman may kaunti kang kalakasan at talento, kaunting abilidad na gumawa ng paghusga, o paminsan-minsan ay may ilang ideya o plano ka, malayo ka pa rin sa mga katotohanang prinsipyo, malayo sa mga hinihingi ng Diyos at sa mga pamantayan ng katotohanan, at mas malayo pa sa pamantayan ng pagtataglay ng katotohanang realidad—hindi mo namamalayan, may ganito kang mga paghusga at pagtatantiya sa sarili mo. Sa proseso ng paghusga at pagtantiya mo sa sarili mo, lalong magiging tumpak ang kaalaman mo sa sarili mo, at mababawasan nang mababawasan ang iyong mga tiwaling disposisyon, at mas napipigilan at kontrolado na ang mga ito. Siyempre, ang makontrol ang mga tiwaling disposisyon mo ay hindi ang layon. Ano ba ang layon? Ang layon ay na, habang nakokontrol ang mga tiwaling disposisyon mo, unti-unti mong natututuhan na hanapin ang katotohanan at umasal nang maayos, nang hindi palaging naglilitanya ng mga ideyang magandang pakinggan o nagpapakitang-gilas ng mga kasanayan mo, nang hindi laging nagkikipagkumpetensiya para maging ang pinakamagaling o pinakamalakas, at hindi laging sinusubukang patunayan ang sarili mo. Habang patuloy na nauukit ang kamalayang ito sa kaibuturan ng puso mo, pagninilay-nilayan mo na, “Kailangan kong hanapin kung ano ang mga katotohanang prinsipyo sa paggawa nito, at kung ano ang sinasabi ng Diyos tungkol dito.” Unti-unting matatatag ang kamalayang ito sa puso mo, at unti-unting titindi ang antas ng paghahanap, pagkilala, at pagtanggap mo sa salita ng Diyos at sa katotohanan, na para sa iyo ay nagpapahiwatig ng pag-asa na maligtas. Kapag mas kaya mong tanggapin ang katotohanan, mas hindi na mabubunyag ang mga tiwaling disposisyon mo; ang mas mainam na resulta ay magkakaroon ka ng mas maraming pagkakataong gamitin ang salita ng Diyos bilang pamantayan sa pagsasagawa. Hindi ba’t unti-unti na itong pagtahak sa landas ng kaligtasan? Hindi ba’t mabuting bagay ito? (Oo.) Kung mas mahusay at perpekto, at ekstraordinaryo ang lahat ng abilidad mo kaysa sa ibang tao, mahahanap mo pa rin ba ang katotohanan habang pinangangasiwaan mo ang mga usapin at ginagawa mo ang mga tungkulin mo? Hindi iyon tiyak. Napakahirap para sa isang taong may mga ekstraordinaryong abilidad sa lahat ng larangan na lumapit sa Diyos nang may payapang puso o mapagkumbabang saloobin upang kilalanin ang sarili niya, malaman ang kanyang mga depekto at mga tiwaling disposisyon, at makaabot sa punto ng paghahanap sa katotohanan, pagtanggap sa katotohanan, at pagkatapos ay pagsasagawa sa katotohanan. Medyo mahirap itong gawin, hindi ba? (Oo.)
Ang pagkakaroon ng mga tao ng katamtamang kakayahan ay naglalaman ng mabubuting layunin ng Diyos; ang pagkakaroon ng mga tao ng masyadong mahinang kakayahan ay naglalaman din ng mabubuting layunin ng Diyos. Ang Diyos, sa pagnanais na maligtas ka, ay hindi ka binibigyan ng labis-labis na mahusay na kakayahan. Bakit ganoon? Binibigyan ng Diyos ang mga tao ng iba't ibang likas na kondisyon, tulad ng kanilang pinagmulang pamilya, itsura, mga likas na gawi, personalidad, at iba't ibang abilidad sa buhay. Binibigyan pa nga ng Diyos ang mga tao ng ilang kalakasan, hilig, at libangan, at pinagkakalooban din ang ilang tao ng mga espesyal na kaloob. Sapat ito. Ang mga ito ay sapat para mapanatili ang iyong personal na pananatiling buhay. Sa pagkakaroon ng mga ito, tinataglay mo ang abilidad at mga kondisyon na mamuhay nang nagsasarili at, sa batayan ng isang partikular na antas ng kakayahan, kaya mong tanggapin ang mga salita ng Diyos, iwaksi ang iyong mga tiwaling disposisyon sa magkakaibang antas, at makamit ang kaligtasan. Ito ang dahilan kung bakit hindi binibigyan ng Diyos ang mga tao ng labis-labis na mataas na kakayahan. Hindi binibigyan ng Diyos ang mga tao ng labis-labis na mahusay na kakayahan. Sa isang banda, ito ay para magawa ng mga tao, nang may batayang kondisyong ito, na manatiling mapagkumbaba, at na sa batayan ng pakiramdam na sila ay mga ordinaryo, pangkaraniwang tao, mga taong may mga tiwaling disposisyon, matatanggap nila nang kusa ang gawain ng Diyos at ang kaligtasan ng Diyos. Sa ganitong paraan lang may batayang kondisyon ang mga tao na tanggapin ang mga salita ng Diyos. Sa kabilang banda, kung ang mga tao ay may napakahusay na kakayahan o natatanging mabilis na isipan, nang may napakalakas na kakayahan sa lahat ng aspekto, pawang napakagaling, maayos ang takbo ng lahat ng bagay sa mundo para sa kanila—kumikita ng maraming pera sa negosyo, may napakaayos na propesyon sa politika, napakadaling kumikilos sa lahat ng sitwasyon, pakiramdam niya ay isa siyang isda sa tubig—kung gayon, hindi madali para sa mga gayong tao na lumapit sa Diyos at tanggapin ang kaligtasan ng Diyos, tama ba? (Tama.) Karamihan sa mga inililigtas ng Diyos ay hindi humahawak ng matataas na posisyon sa mundo o sa gitna ng mga tao sa lipunan. Dahil pangkaraniwan o mahina ang kanilang kakayahan at mga abilidad, at nahihirapan silang maging tanyag o matagumpay sa mundo, palagi nilang nararamdaman na miserable at hindi patas ang buhay, nangangailangan sila ng pananalig, at sa huli, lumalapit sila sa Diyos at pumapasok sa sambahayan ng Diyos. Ito ang pangunahing kondisyong ibinibigay ng Diyos sa mga tao sa paghirang sa kanila. Kapag may ganito kang pangangailangan ay saka ka lang magkakaroon ng pagnanais na tanggapin ang pagliligtas ng Diyos. Kung napakabuti at angkop sa lahat ng aspekto ang mga kalagayan mo para sa pagsisikap sa mundo, at palagi mong gustong maging kilala sa mundo, hindi ka magkakaroon ng pagnanais na tanggapin ang pagliligtas ng Diyos, ni hindi ka rin magkakaroon ng pagkakataong tanggapin ang pagliligtas ng Diyos. Bagama’t maaaring mayroon kang pangkaraniwan o mahinang kakayahan, mas pinagpala ka pa rin nang labis kaysa sa mga walang pananampalataya sa pagkakaroon ng oportunidad na mailigtas ng Diyos. Kaya, hindi mo depekto ang pagkakaroon ng mahinang kakayahan, ni hindi rin ito hadlang para sa iyong pagwawaksi ng mga tiwaling disposisyon at pagkakamit ng kaligtasan. Sa huling pagsusuri, ang Diyos ang nagbigay sa iyo ng kakayahang ito. Kung gaano karami ang ibinigay ng Diyos, iyon ang mayroon ka. Kung binigyan ka ng Diyos ng mahusay na kakayahan, mayroon kang mahusay na kakayahan. Kung binigyan ka ng Diyos ng katamtamang kakayahan, katamtaman ang kakayahan mo. Kung binigyan ka ng Diyos ng mahinang kakayahan, mahina ang kakayahan mo. Kapag naunawaan mo ito, kailangan mo itong tanggapin mula sa Diyos at magpasakop ka sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos. Aling katotohanan ang bumubuo sa batayan para magpasakop? Ito ay na ang gayong mga pagsasaayos ng Diyos ay naglalaman ng mabubuting layunin ng Diyos; ang Diyos ay labis na maaalalahanin, at hindi dapat magreklamo o magkamali ng pag-unawa ang mga tao sa puso ng Diyos. Hindi ka titingalain ng Diyos dahil sa mahusay mong kakayahan, ni hindi ka Niya hahamakin o kamumuhian dahil sa mahinang kakayahan mo. Ano ang kinamumuhian ng Diyos? Ang kinamumuhian ng Diyos ay ang hindi pagmamahal at pagtanggap ng mga tao sa katotohanan, ang pagkaunawa ng mga tao sa katotohanan pero hindi pagsasagawa nito, ang hindi paggawa ng mga tao sa kaya nilang gawin, ang hindi magawa ng mga tao na ibigay ang lahat ng makakaya nila sa mga tungkulin nila pero palagi silang may mga labis-labis na pagnanais, palaging gusto ng katayuan, palaging nakikipag-agawan para sa posisyon, at palaging may mga hinihingi sa Kanya. Ito ang kinasusuklaman at kinamumuhian ng Diyos. Mahina ang kakayahan mo o wala ka talagang kakayahan, hindi mo kayang gumawa ng anumang gawain, pero palagi mong gustong maging isang lider; palagi kang nakikipag-agawan para sa posisyon at kapangyarihan, at palagi mong gusto na bigyan ka ng Diyos ng tiyak na kasagutan, sinasabi sa iyo na sa hinaharap ay maaari kang pumasok sa kaharian, tumanggap ng mga pagpapala, at magkaroon ng magandang hantungan. Ang pagpili ng Diyos sa iyo ay isa nang malaking pagtataas, pero gusto mo pa rin ng isang milya kapag binigyan ka ng isang pulgada. Ibinigay sa iyo ng Diyos kung ano ang dapat mong matanggap, at marami ka nang nakamit mula sa Diyos, pero may mga hinihingi ka pa rin na hindi makatwiran. Ito ang kinamumuhian ng Diyos. Napakahina ng kakayahan mo, o, hindi ka pa nga umaabot sa talino na pantao, pero hindi ka tinrato ng Diyos na parang isang hayop kundi tinatrato ka pa rin Niya bilang isang tao. Samakatwid, dapat mong gawin kung ano ang dapat gawin ng isang tao, sabihin kung ano ang dapat sabihin ng isang tao, at tanggapin ang lahat ng bagay na ibinigay sa iyo ng Diyos bilang nagmumula sa Kanya. Anumang tungkulin ang kaya mong gawin, gawin mo ito. Huwag mong biguin ang Diyos. Huwag mong hangarin ang isang milya kapag binigyan ka ng isang pulgada, dahil tinatrato ka ng Diyos bilang isang tao, sinasabing, “Dahil tinatrato ako ng Diyos bilang isang tao, dapat Niya akong bigyan ng mas mahusay na kakayahan, hayaan akong maging isang ulo ng pangkat, isang superbisor, o isang lider ng iglesia. Pinakamainam kung ginawa Niya ito para hindi ko na kailangang gumawa ng anumang nakakapagod na gawain, para tutustusan ako ng sambahayan ng Diyos nang libre, para hindi ko na kailangang magsikap o magdusa ng pagkahapo, pinapayagan akong gawin kung ano ang gusto ko.” Lahat ng hinihinging ito ay hindi makatwiran. Ang mga ito ay hindi ang mga pagpapamalas o mga kahilingan na dapat taglayin o ibulalas ng isang nilikha. Hindi ka tinrato ng Diyos ayon sa mahinang kakayahan mo, bagkus ay hinirang ka Niya at binigyan ka ng pagkakataong gawin ang tungkulin mo. Ito ay pagtataas ng Diyos. Hindi ka dapat maghangad ng isang milya kapag binigyan ka ng isang pulgada at humingi nang hindi makatwiran sa Diyos. Sa halip, dapat mong pasalamatan ang Diyos, tuparin ang tungkulin mo, at suklian ang pagmamahal ng Diyos. Ito ang hinihingi ng Diyos sa iyo. Mahina ang kakayahan mo, pero hindi humingi ang Diyos sa iyo nang ayon sa mga pamantayan para sa mga may mahusay na kakayahan. Wala kang kakayahan at katalinuhan, pero hindi hiningi ng Diyos na kamtin mo ang mga pamantayang kayang abutin ng mga taong may mahusay na kakayahan. Anuman ang kaya mong gawin, gawin mo lang iyon. Hindi pinipilit ng Diyos ang isang isda na mamuhay sa lupa. Sadya lang na ikaw mismo ay may mga labis-labis na pagnanais, at palaging hindi handang maging isang ordinaryong tao, isang pangkaraniwang tao na may mahinang kakayahan; ayaw mong gawin ang mga matrabahong gampaning ito na hindi naglalagay sa iyo sa sentro ng atensiyon, at sa paggawa ng tungkulin mo, palagi mong inaayawan ang paghihirap at umiiwas ka sa labis na pagpapagod, pinipili kung ano ang gagawin mo; palagi kang sutil at palagi kang may mga sarili mong plano at kagustuhan—hindi ito dahil inagrabyado ka ng Diyos. Kaya, paano dapat tamang harapin ng mga tao ang sarili nilang kakayahan? Sa isang banda, anumang kakayahan ang ibinibigay ng Diyos sa iyo, dapat mo itong tanggapin mula sa Diyos at magpasakop ka sa kataas-taasang kapangyarihan at pagsasaayos ng Diyos. Ito ang pinakabatayang kaisipan at pananaw na dapat taglayin ng mga tao. Tama ang pananaw na ito, at balido sa anumang sitwasyon. Ito ang katotohanang prinsipyong nananatiling hindi nagbabago paano man magbago ang mga bagay-bagay. Sa kabilang banda, ang iyong kakayahan man ay mahusay, katamtaman, mahina, o hindi umiiral, dapat mong gawin ang gawaing kayang makamit ng kakayahan mo. Hindi ka dapat magpigil ni hindi mo dapat hangarin na mamukod-tangi. Mahusay man o katamtaman ang kakayahan mo, kaya mo lang gawin ang mga bagay sa loob ng saklaw ng iyong kakayahan at abilidad; walang maipagyayabang—iyon ang ibinigay sa iyo ng Diyos; dapat mo itong ialay. Ang iyong buong pagkatao, ang iyong hininga, ang iyong mga likas na kondisyon, at ang iyong mga abilidad sa lahat ng aspekto ng iyong kakayahan ay ibinigay ng Diyos. Ang iba't ibang katotohanang prinsipyong nauunawaan mo ngayon ay ibinigay rin ng Diyos. Kung wala ang gawain ng Diyos at kung wala ang iba't ibang likas na kondisyon na ipinagkakaloob ng Diyos sa mga tao, ang mga tao ay walang iba kundi isang dakot ng alikabok. Samakatwid, walang maipagyayabang ang mga tao. Ito ang ikalawang aspekto. May isa pang aspekto: Ang iyong kakayahan man ay katamtaman, mahina, o hindi umiiral, dapat mo itong harapin nang tama. Una, kilalanin mo kung saang antas nabibilang ang kakayahan mo, at pagkatapos, batay sa iyong likas na kakayahan, gawin ang nararapat mong gawin. Huwag palaging subukan na higitan ang iyong mga abilidad at gumawa ng mga bagay na hindi mo kayang maisakatuparan, palaging sinusubukan na patunayan ang iyong sarili sa mga tao o sa Diyos. Wala kang kayang patunayan na anumang bagay. Kapag mas lalo mong sinusubukan na patunayan ang iyong sarili sa ganitong paraan, mas pinapatunayan nito na mahina ang iyong kakayahan, na hindi mo alam ang sarili mong sukat, at mas lalo nitong pinapatunayan na wala kang katwiran at mayroong labis na tiwaling disposisyon. Huwag na huwag mong susubukang baguhin ang kakayahan mo o paghusayin ang mga abilidad mo sa lahat ng aspekto, kundi tumpak mong kilalanin at wastong harapin ang likas mong kakayahan at mga abilidad. Kung matutuklasan mo kung saan ka nagkukulang, pag-aralan mo agad ang mga larangan kung saan ka maaaring humusay sa loob lang ng maikling panahon para mapunan mo ang mga larangang ito. Para sa mga larangang hindi mo kaya, huwag mo nang ipilit. Kumilos ka nang ayon sa iyong aktuwal na sitwasyon; gawin ang mga bagay ayon sa sarili mong kakayahan at mga abilidad. Ang pinakaprinsipyo ay ang gawin mo ang tungkulin mo ayon sa salita ng Diyos, sa mga hinihingi ng Diyos sa mga tao, at sa mga katotohanang prinsipyo. Ano man ang antas ng kakayahan mo, magkakamit ka ng iba’t ibang antas ng pagkilos at paggawa sa iyong mga tungkulin ayon sa mga katotohanang prinsipyo; matutugunan o magagawa mo na ang mga pamantayan ng Diyos. Tiyak na hindi walang kabuluhan na pagsasalita ang mga katotohanang prinsipyong ito; siguradong hindi ito lampas sa sangkatauhan. Ang lahat ng iyon ay landas ng pagsasagawa na dinisenyo para sa mga tiwaling disposisyon, likas na gawi, at iba’t ibang abilidad at kakayahan ng mga nilikhang tao. Kaya, ano man ang kakayahan mo, ano man ang pagkukulang o depekto ng mga abilidad mo, hindi ito problema; kung talagang nauunawaan mo ang katotohanan at handa kang isagawa ang katotohanan, magkakaroon ng landas pasulong. Ang mga depekto ng isang tao sa ilang aspekto ng kakayahan at mga abilidad ay hinding-hindi hahadlang sa pagsasagawa niya sa katotohanan. Kung may kulang sa abilidad mong gumawa ng mga paghusga o sa ilang kakayahan mo, pwede kang mas maghanap at mas makipagbahaginan pa—maghanap ng tagubilin at mga mungkahi mula sa mga nakakaunawa sa katotohanan. Kapag nauunawaan at naiintindihan mo ang mga prinsipyo at ang mga landas ng pagsasagawa, dapat buong pagsisikap mong isagawa ang mga iyon batay sa tayog mo. Ito ang dapat mong gawin—ang tumanggap at magsagawa. Ang pakikipagbahagihan Ko ba sa ganitong paraan ay nakakatulong sa iyo na makaunawa? (Medyo mas higit na kaming nakakaunawa.)
Bakit paunang itinatalaga ng Diyos na magkaroon ang mga tao ng lahat ng uri ng kakayahan? Bakit hindi binibigyan ng Diyos ang mga tao ng perpektong kakayahan? Ilang aspekto ang napagbahagi na natin tungkol sa mga layunin ng Diyos sa aspektong ito at kung paano ito dapat tratuhin nang tama ng mga tao. Ibuod natin ang mga ito. Ang unang aspekto ay ang tanggapin ito mula sa Diyos. Ito ang pinakabatayang kaisipan at pananaw na dapat taglayin ng mga tao. Ang pangalawang aspekto ay ang kilalanin at suriin kung ano ang iyong kakayahan, at kumilos at gawin ang iyong tungkulin batay sa iyong kakayahan at abilidad. Huwag subukang gumawa ng mga bagay na higit sa iyong kakayahan at abilidad. Kung ano ang kaya mong gawin, gawin ito nang masigasig at sa isang praktikal na paraan, at gawin ito nang maayos. Ang hindi mo kayang gawin, huwag mong pilitin ang iyong sarili. Ano ang ikatlong aspekto? (Hindi natin dapat palaging hilingin na baguhin ang ating kakayahan. Kahit na ang ating kakayahan ay katamtaman, mahina, o hindi umiiral, dapat natin itong harapin nang tama. Hindi natin dapat palaging hilingin na patunayan ang mga sarili natin sa Diyos na mahusay ang kakayahan natin. Hindi ito naaangkop.) Tama iyan. Harapin nang tama ang iyong kakayahan. Huwag magreklamo. Gaano man karami ang ibinigay ng Diyos sa iyo, iyon ang hihingin Niya sa iyo. Kung ano ang hindi ibinigay ng Diyos sa iyo, hindi hihingin ng Diyos sa iyo. Halimbawa, kung binigyan ka ng Diyos ng katamtamang kakayahan o mahinang kakayahan, hindi niya hinihingi sa iyo na maging isang lider, ulo ng pangkat, o superbisor. Gayumpaman, kung binigyan ka ng Diyos ng galing sa pagsasalita, ng abilidad na ipahayag ang iyong sarili, o ng isang partikular na kaloob, at hinihingi sa iyo na gumawa ng gawain na nauugnay sa kaloob na ito, dapat mo itong gawin nang maayos. Huwag mabigong mamuhay nang karapat-dapat sa mga kondisyong ibinigay ng Diyos sa iyo. Dapat kang mamuhay nang karapat-dapat sa pagkakaloob ng Diyos, ganap itong ginagamit at inilalapat ito nang maayos, inalalapat ito sa mga positibong bagay at nagluluwal ng mahahalagang resulta ng gawain na kapaki-pakinabang sa sangkatauhan. Magiging napakaganda niyon, hindi ba? (Oo.) Dagdag pa rito, dapat mong malaman na ang Diyos ay may mabubuting layunin sa pagbibigay sa mga tao ng iba't ibang kakayahan. Dahil mismo gusto kang iligtas ng Diyos, hindi ka Niya binigyan ng labis-labis na mahusay na kakayahan. Naglalaman ito ng masusing layunin ng Diyos. Ang pagbibigay sa iyo ng Diyos ng katamtaman o mahinang kakayahan ay isang proteksiyon para sa iyo. Kung ang mga tao ay may labis-labis na mahusay o ekstraordinaryong kakayahan, magiging madali para sa kanila na sumunod sa mundo at kay Satanas, at hindi sila madaling mananampalataya sa Diyos. Tingnan mo ang mga namumukod-tangi sa iba't ibang industriya at larangan sa mundo—anong uri sila ng mga tao? Lahat sila ay mga tusong tagapagpakana, mga diyablong nagkatawang-tao. Kung hihilingin mo sa kanila na manampalataya sa Diyos, iniisip nila, “Walang nararating ang pananampalataya sa Diyos—tanging ang mga taong walang kakayahan ang nananampalataya sa Diyos!” Ang mga taong may labis-labis na mahusay na kakayahan, magagaling na kapabilidad, at mga abanteng taktika ang nakukuha ni Satanas. Ganap silang namumuhay ayon sa kanilang mga tiwaling disposisyon at ganap na para sa mundo. Ang gayong mga tao ay pawang mga diablong nagkataon-tao. Sabihin ninyo sa akin, inililigtas ba ng Diyos ang gayong mga tao? (Hindi.) Kaya, handa ba kayong maging isang diyablong nagkatawang-tao, o handa ba kayong maging isang ordinaryong tao, isang taong may mahinang kakayahan pero kayang tanggapin ang pagliligtas ng Diyos? (Handa kaming maging mga ordinaryong tao.) Sa dalawang uri ng mga taong ito, sino ang pinagpapala? Ang mga nagiging masagana sa mundo, nagiging prominente, nagkakaroon ng kasikatan, nagiging matataas na opisyal o mayayamang tao, na nasa kanila na ang lahat ng gusto nila at walang hanggan ang perang magagastos nila—handa ba kayong maging gayong mga tao, o handa ba kayong lumapit sa harapan ng Diyos at maging payak at ordinaryong mga tao na may katamtamang kakayahan? Ano ang iyong pipiliin? Ang maging payak at ordinaryong mga tao. Kung pipiliin ninyong maging payak at ordinaryong tao na may katamtamang kakayahan, pinipili na huwag magtamasa ng isang magandang materyal na buhay sa buhay na ito, ayaw maging prominente, walang pagpapahalaga sa presensya sa mundong ito, at minamaliit ng lahat, pinipili na maging ganitong uri ng tao at pinapahalagahan o nakakamit ang pagkakataon para sa kaligtasan na ibinibigay ng Diyos sa mga tao—kung ito ang pinipili mo, kung pipiliin mong maligtas at pinipili mong hindi sumunod sa mundong ito, at sa puso mo ay ayaw mong mapabilang sa mundong ito kundi gusto mong mapabilang sa Diyos, hindi mo dapat hamakin ang kakayahang ibinibigay ng Diyos sa iyo. Kahit na napakahina ng iyong kakayahan o hindi ka binigyan ng Diyos ng anumang kakayahan, dapat masaya mo pa ring tanggapin ang katunayang ito, at nang may mga likas na kondisyon ng iba't ibang abilidad na ibinigay ng Diyos sa iyo, tuparin ang tungkulin ng isang nilikha. Ang isa pang aspekto ay na kahit na ang kakayahang ibinibigay ng Diyos sa mga tao ay hindi masyadong mahusay—ang kakayahan lang ng mga ordinaryong tao—at ang mga abilidad na ibinibigay niya sa kanila sa lahat ng aspekto ay katamtaman o mahina pa nga, ang mga pinakabatayang katotohanan na dapat isagawa ng mga tao na itinuturo ng Diyos sa mga tao ay maaari pa ring makamit at matamo kung handa silang isapuso ang pagsasagawa ng mga ito. Kahit na napakahina ng kakayahan mo, at ang iyong abilidad na makaarok, abilidad na tumanggap ng mga bagay, abilidad na gumawa ng mga paghusga, at abilidad na tumukoy ng mga bagay ay napakahina o hindi pa nga umiiral, hangga't nagtataglay ka ng pinakapayak na pagkatao at katwiran, ang mga gampanin at trabahong ipinagkakatiwala ng Diyos sa iyo ay maaaring makompleto at magawa nang maayos. Dagdag pa rito, ang pinakabatayang paraan ng pagkatakot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan, na hinihingi ng Diyos sa mga tao, ay isang bagay na kaya mong sundin; isa itong bagay na kaya mong matamo at makamit. Samakatwid, hindi kailanman nilayon ng Diyos na bigyan ka ng napakahusay na kakayahan. Kung binigyan ka ng Diyos ng mahusay na kakayahan at ng ilang espesyal na abilidad, binibigyang-kakayahan ka na maging isang diyablong nagkatawang-tao sa mundo, hindi ka ililigtas ng Diyos. Kaya na ba ninyong maunawaan ngayon ang puso ng Diyos tungkol sa usaping ito? (Oo.) Kung kaya ninyong maunawaan ang puso ng Diyos, mabuti iyon; mauunawaan ninyo ang katotohanang ito at mahaharap ninyo nang tama ang sarili ninyong kakayahan; wala nang magiging mga paghihirap sa aspektong ito. Mula rito, dapat gawin lang ng mga tao ang nararapat nilang gawin. Kahit na isang trabaho lang ito, isapuso at pagsikapan mo na gawin ito nang maayos at huwag mabigo na mamuhay nang karapat-dapat sa mga inaasahan ng Diyos sa iyo. Nauunawaan mo ba? (Oo.) Iyon na ang lahat para sa pagbabahaginan ngayong araw sa paksang ito. Paalam!
Nobyembre 11, 2023