Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan (6)
Sa huling pagtitipon, nagbahaginan tayo tungkol sa isang pangunahing paksa tungkol sa pagsisikap na matamo ang katotohanan, “pagbitiw sa mga hadlang sa pagitan ng sarili at ng Diyos at sa pagkamapanlaban ng isang tao sa Diyos.” Sa loob ng pangunahing paksang ito, tinalakay natin ang tungkol sa pagbitiw sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao tungkol sa gawain ng Diyos, kabilang na ang mga paksa tungkol sa mga likas na kondisyon, pagkatao, at mga tiwaling disposisyon ng mga tao, at sa loob ng mga paksang ito, nabanggit ang mga isyung nauugnay sa kakayahan. Nagbahaginan tayo nang kaunti tungkol sa mga isyung nauugnay sa kakayahan noong nakaraan, nilulutas ang ilang kuru-kuro ng mga tao. Nang marinig ito, mayroon ba kayong tumpak na pakahulugan sa kung ano ang kakayahan? Ano ba mismo ang kakayahan? Paano dapat unawain ang kakayahan? Paano mahuhusgahan ng isang tao kung ang kakayahan ng isang tao ay mahusay, katamtaman, o mahina? Anong mga aspekto ang dapat pagbatayan sa paghusga rito? Naghanap at nagbulay-bulay na ba kayo tungkol sa mga katanungang ito? (Napagbulay-bulayan ko na ang mga ito nang kaunti. Noong huling pagtitipon, nakipagbahaginan ang Diyos na para masuri ang kakayahan ng isang tao, kailangan nating tingnan ang kanyang pagiging episyente at epektibo sa paggawa ng mga bagay-bagay. Dati, wala akong masyadong pagkaunawa sa aspektong ito at nalilito pa nga ako sa mga kalakasan at kakayahan. Halimbawa, kapag nakikita ko na ang isang tao ay nagkakamit ng partikular na mahuhusay na pang-akademikong resulta o nagiging mahusay sa maraming wika, iniisip ko na ipinapahiwatig nito na mayroon siyang mahusay na kakayahan. Sa pamamagitan ng pakikinig sa pakikipagbahaginan ng Diyos, saka lang ako nagkamit ng malinaw na paghusga kung ano ang tunay na mahusay na kakayahan at kung ano ang tumutukoy lang sa ilang kakayahan. Kung sa panlabas, ang isang tao ay tila napakatalas pero napakahina ng kahusayan niya sa paggawa ng tungkulin at palagi siyang hindi makaarok ng mga katotohanang prinsipyo, medyo mahina ang kakayahan niya.) Ang pagsusuri sa kakayahan ng isang tao batay sa pagiging episyente at epektibo nito sa paggawa ng mga bagay—isa itong pangkalahatang paraan ng paglalarawan dito. Bukod sa pagtingin sa pagiging episyente at epektibo niya sa paggawa ng mga bagay, may ilang partikular na pamantayan para sa pagsusuri sa kakayahan ng isang tao: Una, ang kanyang abilidad na matuto. Ikalawa, ang kanyang abilidad na makaunawa ng mga bagay. Ikatlo, ang kanyang abilidad na makaarok. Ikaapat, ang kanyang abilidad na tanggapin ang mga bagay. Ikalima, ang abilidad ng kanyang pag-iisip. Ikaanim, ang kanyang abilidad na gumawa ng mga paghusga. Ikapito, ang kanyang abilidad na tukuyin ang mga bagay. Ikawalo, ang kanyang abiliad na tumugon sa mga bagay. Ikasiyam, ang kanyang abilidad na makagawa ng mga desisyon, na maaari ding tawagin bilang ang kanyang abilidad na magpatupad. Ikasampu, ang kanyang abilidad na magsuri at magpahalaga ng mga bagay. Ikalabing-isa, ang kanyang abilidad na maging inobatibo. Isinaisip mo ba ang mga ito? (Oo.) Ilan ang mga ito sa kabuuan? (Labing-isa.) Basahin mo ang mga ito nang malakas. (Una, abilidad na matuto. Ikalawa, ang abilidad na makaunawa ng mga bagay. Ikatlo, abilidad na makaarok. Ikaapat, ang abilidad na tanggapin ang mga bagay. Ikalima, abilidad sa pag-iisip. Ikaanim, ang abilidad na gumawa ng mga paghusga. Ikapito, ang abilidad na tukuyin ang mga bagay. Ikawalo, ang abilidad na tumugon sa mga bagay. Ikasiyam, abilidad na gumawa ng mga desisyon. Ikasampu, abilidad na suriin at pahalagahan ang mga bagay. Ikalabing-isa, abilidad na maging inobatibo.) Para husgahan ang kakayahan ng isang tao, sa pangkalahatan, kailangan mong tingnan ang dalawang aspektong ito: ang pagiging episyente at epektibo niya sa paggawa ng mga bagay. Sa partikular, para suriin ang kanyang pagiging episyente at epektibo sa paggawa ng mga bagay, kailangan mong makagawa ng isang komprehensibong pagtutukoy batay sa labing-isang pamantayang ito. Sa ganitong paraan, magagawa mong tumpak na husgahan kung kumusta ba talaga ang kakayahan ng isang tao. Siyempre, para suriin ang kakayahan ng isang tao, ang unang hakbang ay ang tingnan ang kanyang mga pangkalahatang abilidad sa iba’t ibang aspekto, at pagkatapos ay sa kanyang pagiging episyente at epektibo sa paggawa ng mga bagay. Kung nagtataglay siya ng kakayahan at abilidad sa iba’t ibang aspekto, tiyak na gagawin niya ang mga bagay kapwa nang may pagiging episyente at epektibo. Kung ang pagiging episyente ng isang tao sa paggawa ng mga bagay ay mataas at ang pagiging epektibo niya ay mabuti, kapag sinuri mo ang mga abilidad niya sa bawat aspekto nang ayon sa labing-isang pamantayan, tiyak na magiging magaling din siya. Ang anuman sa labing isang abilidad na ito, kapag indibidwal na pinagbatayan, ay hindi ganap na makatutukoy kung mahusay ba o hindi ang kakayahan ng isang tao—dapat itong mahusgahan nang komprehensibo. Siyempre, sa labing-isang abilidad na ito, alin ang pinakamahahalaga? Ang pinakamahahalaga ay ang abilidad na makagawa ng mga paghusga, ang abilidad na tumukoy ng mga bagay, ang abilidad na tumugon sa mga bagay, at abilidad na gumawa ng mga desisyon—kinabibilangan ito ng abilidad ng isang tao na kumilos pagkatapos maunawaan ang isang partikular na teorya. Ang mga natitirang abilidad ay tungkol sa pagkaarok at pagkatuto, na kinabibilangan ng isip ng tao. Sa susunod, isa-isa nating pagbabahaginan ang labing-isang abilidad na ito.
Ang una ay ang abilidad na matuto. Ang abilidad na matuto ay hindi lang tumutukoy sa pagkatuto sa isang larangan ng kaalaman; kasama rin dito ang pagkatuto ng isang wika, ng isang partikular na teknikal na kasanayan, pagkatuto at pagtanggap ng isang bagay, at iba pa—lahat ng ito ay nasa saklaw ng abilidad na matuto. Halimbawa, kapag nag-aaral ng isang teknikal na kasanayan, sa ilalim ng mga normal na kalagayan, sa pangkalahatan ay kayang maging dalubhasa ng isang tao rito sa loob ng anim na buwan at pagkatapos ay gamitin ito nang nagsasarili. Kung kaya mo ring maging dalubhasa rito at gamitin ito nang nagsasarili pagkatapos ng anim na buwan ng pag-aaral, maituturing ito bilang pagkakaroon ng abilidad na matuto. Kung doble ng sa karaniwang tao ang haba ng panahong kinakailangan mo para matuto—kung pagkatapos ng anim na buwan ay hindi ka pa rin dalubhasa rito at kailangan mo pa ng dagdag na anim na buwan para matuto—ipinapahiwatig nito ang isang mahinang kakayahan. Ibig sabihin, tungkol sa abilidad na matuto, kung kaya mong maging dalubhasa sa teknikal na kasanayan o kaalaman sa loob ng normal na haba ng panahon, ibig sabihin nito ay katamtaman o higit sa katamtaman ang kakayahan mo. Gayumpaman, kung lumalagpas ka sa haba ng panahong ito at kailangan mo ng doble o tripleng haba ng panahon pa nga para matutunan ang teknikal na kasanayan o kaalaman kumpara sa iba, mahina ang kakayahan mo. Kung doble o triple ang haba ng panahon na ginugugol mo kumpara sa karaniwang tao at hindi mo pa rin ito matutunan, at wala kang abilidad na matuto, ano ang sinasabi nito tungkol sa kakayahan mo? Kung walang abilidad na matuto, hindi mo natutugunan kahit ang pangkalahatang pamantayan para sa pagkakaroon ng normal na kakayahan ng tao. Mas masahol ka pa kaysa sa pagkakaroon ng mahinang kakayahan—wala ka talagang kakayahan. Sa anong kategorya nabibilang ang hindi pagkakaroon ng kakayahan? Ang kawalan ng kakayahan ay nangangahulugan na ang isang tao ay nasa kategorya ng mga taong may pagkukulang sa pag-iisip o mga hangal, na walang anumang abilidad na matuto. Ito ang nasasangkot sa abilidad na matuto.
Ang ikalawa ay ang abilidad na makaunawa ng mga bagay. Ang abilidad na makaunawa ng mga bagay ay tumutukoy sa kapasidad ng isang tao na alamin ang mga prinsipyo at ang diskarte sa loob ng isang bagay na kanyang nakikita o madalas na nakakatagpo. Halimbawa, kapag nag-aaral ng isang propesyonal na kasanayan, kung makikinig ka sa teoretikal na instruksyon at oobserbahan mo ang mga praktikal na demonstrasyon, at sa loob ng normal na haba ng panahon ay kaya mong alamin ang diskarte at ang mga prinsipyong nasasangkot sa kasanayang ito, maituturing ito na pagkakaroon ng mahusay na kakayahan at ng partikular na abilidad na makaunawa ng mga bagay. Kung hindi mo ito kayang maunawaan kaagad, at kahit na may makipagbahaginan sayong muli, hindi ka pa rin makaunawa; at kahit na bigyan ka nila ng paulit-ulit na mga pahiwatig, hindi mo pa rin maunawaan kung ano ang diskarte sa paggawa ng bagay na ito at kung ano ang mga nasasangkot na prinsipyo—kung gayon, ang abilidad mong makaunawa ng mga bagay ay mahina. Marahil, pagkalipas ng ilang panahon, may kaunti kang matutunan sa pamamagitan ng pangangapa nang mabagal sa pamamagitan ng aktuwal na pagsasagawa, pero limitado ito roon. Kung, ilang oras man ang ginugugol mo—tatlong taon man o limang taon—ang nauunawaan mo ay nananatiling nakakulong sa limitadong saklaw at, kapag gumagawa ng mga bagay, sumusunod ka lang sa mga partikular na regulasyon at mga partikular na tuntunin, nang hindi nauunawaan ang mga pundamental na sangkot at ginagamit ang mga ito sa aktuwal na pagsasagawa, ibig sabihin nito na ang abilidad mong makaunawa ng mga bagay ay mahina; ang ganitong mga tao ay may mahinang kakayahan. Halimbawa, ang ilang tao ay gumagampan ng gawain ng iglesia at, pagkatapos mong makipagbahaginan sa kanila tungkol sa mga katotohanang prinsipyo, nadarama nila na ang lahat ng sinabi mo ay tama at wala silang pagdududa tungkol sa ibinahagi mo. Gayumpaman, sadyang hindi nila maunawaan kung bakit kailangang gawin ang mga bagay sa ganitong paraan at hindi nila maarok ang mga prinsipyong nasasangkot. Lalo na kapag nahaharap sa iba’t ibang problema o espesyal na sitwasyon sa tunay na buhay o habang ginagawa ang tungkulin nila, hindi nila alam kung paano ilapat ang mga prinsipyo o kung paano harapin at pangasiwaan ang mga problemang nakakaharap nila nang ayon sa mga prinsipyo. Nagpapahiwatig ito ng kawalan ng abilidad na makaunawa ng mga bagay. Ang mga taong walang abilidad na makaunawa ng mga bagay ay hindi nakakaunawa pagkatapos makarinig ng pagbabahaginan tungkol sa katotohanan at palagi silang may mga kahilingan tulad ng “Puwede ka bang magbigay ng isa pang halimbawa?” o “Puwede mo ba itong ipaliwanang nang mas detalyado?” Pagkatapos mong magbigay ng halimbawa at magpaliwanag nang detalyado ay saka lang sila nakakaunawa nang kaunti. Pero kung may ibabahagi ka na isang mas malalim na bagay, hindi na naman sila makakaunawa at hihilingin sa iyo na magbigay ng isa pang halimbawa. Bakit paulit-ulit nilang hinihiling sa iyo na magbigay ng mga halimbawa? Ito ay para magpaliwanag ka ng mga katulad na sitwasyon sa tunay na buhay sa pamamagitan ng mga halimbawa, para makaalala lang sila ng isang partikular na pamamaraan o regulasyon. Bakit nila ginagawa ito? Ito ay dahil napakahina ng abilidad nilang makaunawa ng mga bagay—maaaring sabihin mo rin na wala silang abilidad na makaunawa ng mga bagay; hindi nila alam kung paano ilapat ang mga prinsipyo sa tunay na buhay o habang ginagawa ang tungkulin nila. Paano ka man makipagbahaginan sa kanila, ilang partikular na halimbawa man ang ibigay mo o ilang prinsipyo man ang malinaw mong ipaliwanag, tinatalakay pa nga ang mga prinsipyo para sa pangangasiwa ng mga espesyal na sitwasyon, maaari silang makinig nang napakatagal at hindi pa rin ito maintindihan. Nadarama nila na ang sinasabi mo ay teorya lang at hindi pa rin nila alam kung paano pangasiwaan ang iba’t ibang problemang nakakaharap nila sa tunay na buhay. Nagpapahiwatig ito ng kawalan ng abilidad na makaunawa ng mga bagay. Paano man ipaliwanag ng iba ang mga bagay sa kanila, hindi ito maintindihan ng mga taong walang abilidad na makaunawa ng mga bagay—ito ay pagkakaroon ng mahinang kakayahan. Ang mga tao bang may mahinang kakayahan ay hindi rin episyente at epektibo sa paggawa ng mga bagay? (Oo.) Kung ang abilidad ng isang tao na makaunawa ng mga bagay ay mahina, tiyak na magiging mahina ang kanyang pagiging episyente at epektibo sa paggawa ng mga bagay; hindi niya malalaman kung anong mga prinsipyo ang nasasangkot kapag nahaharap siya sa isang bagay, at hindi niya malalaman kung paano ilalapat ang mga prinsipyo sa tunay na buhay. Nagpapahiwatig ito ng mahinang kakayahan. May isang uri pa ng tao na lalong naguguluhan kapag mas detalyo at partikular ang pakikipagbahaginan ng iba, hindi niya ito maunawaan. Halimbawa, kapag nakikipagbahaginan ang sambahayan ng Diyos tungkol sa pagkilatis sa mga lider at anticristo, pagkatapos makinig, sinasabi niya, “Bakit hindi ko ito naiintindihan? May mga pagbabahaginan sa mga prinsipyo, may mga ibinibigay na halimbawa, at may inililistang mga espesyal na sitwasyon, pero gulo-gulo ang lahat ng ito para sa akin. Ano ba mismo ang sinasabi rito? Anong uri ng mga tao ang dapat nating pinapangasiwaan? Dapat ba nating pangasiwaan ang mga huwad na lider, o mga anticristo? Isang anticristo ba ang lider ng iglesia natin? Ang taong iyon ay tila medyo masama—ang mga pagpapamalas ba niya ay dahil sa isang tiwaling disposisyon o sa isang masamang pagkatao? Hindi ko pa rin nauunawaan.” Ni hindi niya nauunawaan kung tungkol saan ang mga katotohanang prinispyong ibinabahagi mo; habang mas nakikinig siya, lalo siyang naguguluhan. Hindi lang siya nabibigong iugnay ang mga katotohanang prinsipyong ito sa mga aktuwal na sitwasyon, labis din siyang naguguluhan na hindi niya alam kung ano ang tema ng sinasabi mo. Hindi ba’t nagpapakita ito ng kawalan ng abilidad na makaunawa ng mga bagay? (Oo.) Halimbawa, isipin ang isang sitwasyon kung saan ang lahat ay nagtipon para pagbahaginan ang isang tema, kung saan ang bawat tao ay nag-aambag ng kanyang mga iniisip. Nakikipagbahaginan ka tungkol sa pagkaunawa mo, nagpapahayag Ako ng pagkaarok ko rito; nagtatanong ang isang tao, may iba namang tinatanong ang isa pang tao—pawang nakasentro sa temang ito. Iyong mga walang kakayahan ay nakikinig sa ganitong uri ng talakayan at hindi nila ito maintindihan. Sa puso nila, iniisip nila, “Ano ang sinasabi ninyo? Bakit hindi ko ito maunawaan?” Naguguluhan sila. Hindi nila makilatis ang lohika sa likod ng mga makatwirang katanungang itinatanong ng iba o kung bakit itinatanong ang mga tanong na iyon—hindi nila matuklasan ang mga dahilan sa likod nito; mas masahol pa sila sa isang miron. Iyong mga may kakayahan, kahit sa pamamagitan lang ng pagmamasid mula sa tabi, ay nalalaman kung sino ang tama at sino ang mali, ang dahilan kung bakit nagtatanong ang isang tao ng isang partikular na tanong, kung ang mga tanong ay malalim o mababaw, kung paano sinasagot ang mga tanong—pero iyong mga walang kakayahan ay hindi maunawaan ang anuman dito at hindi maunawaan ang natatagong lohika sa likod nito. Ipinapakita nito na wala silang abilidad na makaunawa ng mga bagay. Kapag nakikipagbahaginan ang iba tungkol sa isang bagay, hindi sila makakilatis pagkatapos na makinig. Hindi nila alam kung ang sinabi ay makatotohanan ba o obhetibo, ni hindi sila makakilatis sa pinagmulan at diwa ng usapin—lubos silang naguguluhan. Tungkol naman sa kung bakit tinatalakay ang temang ito, kung bakit kailangang paulit-ulit na bigyang-diin ang mga prinsipyong sangkot sa temang ito, at kung kaninong mga tanong ang tumutukoy sa mga prinsipyong ito at kung kanino ang hindi, hindi nila maunawaan o matanto ang anuman sa mga ito. Habang patuloy silang nakikinig, inaantok sila; sinisimulan nilang ituring ang kanilang sarili bilang mga miron lang sa pakikipagbahaginang ito, at nalilito ang puso nila. Sa ibang tao, kapag mas pinagbabahaginan ang mga katotohanang prinsipyo, mas lalong lumilinaw at lumiliwanag ang isipan nila. Pero para sa mga walang kakayahan, habang mas nakikinig sila, lalo silang naguguluhan, at lalong nalilito ang isipan nila. Nagpapahiwatig ito ng kawalan ng abilidad na makaunawa ng mga bagay. Hindi ba’t ipinapahiwatig nito ang napakahinang kakayahan? Ang gayong mga tao ay matatawag din na mga taong walang kakayahan. Anong klaseng mga tao ang mga walang kakayahan? (Mga taong may pagkukulang sa pag-iisip.) Ang mga taong may pagkukulang sa pag-iisip, mga mangmang, hangal—ito ang kategorya ng mga taong may napakahinang kakayahan. Ito ang ikalawang aspekto: ang abilidad na makaunawa ng mga bagay.
Ang ikatlong aspekto ay ang abilidad na makaarok. Ang abilidad na makaarok ay katulad ng abilidad na makaunawa ng mga bagay pero mas higit ito. Ano ang pinagkaiba ng mga ito? Ang abilidad na makaarok ay mas tumututok sa kung paano iayon ang mga prinsipyo ng katotohanan at mga landas ng pagsasagawa sa iba’t ibang isyu ng tunay na buhay at pagkatapos ay isakatuparan ang mga ito sa tunay na gawain, pagkatapos makaunawa at magpakadalubhasa ang isang tao sa mga prinsipyo at landas na ito. Naririto ang pagkakaiba. Ang mga taong may abilidad na makaarok, pagkatapos maunawaan ang mga pundamental at prinsipyo ng isang bagay, ay may landas ng pagsasagawa sa puso nila, at isang tumpak na saklaw, direksyon, at layon. Alam nila kung paano ilapat ang mga pundamental at prinsipyong ito at alam din nila ang mga prinsipyo ng pagsasagawa na sangkot sa ilang espesyal na sitwasyon. Ipagpalagay na, pagkarinig sa pagbabahaginan sa ilang katotohanang prinsipyo, nakikilala ng isang tao ang diwa ng ilang problema at pagkatapos ay nakakagamit ng katotohanan para lutasin ang ilang aktuwal na problema sa tunay na buhay. Ibig sabihin, pagkarinig nila sa mga prinsipyong ito, agad nilang nauunawaan kung paano sila dapat nagsagawa bilang tugon sa isang sitwasyon noon, at kapag muling lumitaw ang mga sitwasyon, alam din nila kung paano ilapat ang mga prinsipyo para harapin ang mga ito, at agad silang nagkakaroon ng landas ng pagsasagawa sa puso nila; ang kanilang pagkaarok sa mga prinsipyo at pundamental ay umaakto tulad ng isang gabay na liwanag, mabilis silang binibigyang-kakayahan na malaman kung paano pangasiwaan ang iba’t ibang isyu sa buhay o gawain, at binibigyang-kakayahan sila na magkaroon ng isang landas, direksyon, at mga prinsipyo ng pagsasagawa. Sa ganoong kaso, ang gayong tao ay may abilidad na makaarok, na siyempre, ay isang pagpapamalas ng mahusay na kakayahan. Sabihin nang ang isang tao, pagkarinig sa ilang pagbabahaginan sa mga katotohanang prinsipyo, ay alam kung paano siya dapat magsagawa at mangasiwa sa mga bagay na iyon mula sa aktuwal niyang buhay na pangkaraniwan at pangkalahatan o naranasan na niya. Gayumpaman, hindi niya alam kung paano ilapat ang mga katotohanang prinsipyong ito sa mga espesyal, komplikadong sitwasyon, mga di-inaasahang sitwasyon, o mga di-pangkaraniwang problema at penomenon na hindi pa niya nararanasan, at kailangan pa niyang maghanap at magtanong-tanong para makapagtamo ng isang tumpak na sagot o isang partikular na plano ng pagsasagawa bago malaman kung paano pangasiwaan o lutasin ang mga ito. Kung hindi, kahit pagkatapos marinig ang mga katotohanang prinsipyo, hindi pa rin niya alam kung paano pangangasiwaan ang gayong mga usapin o problema. Ipinapahiwatig nito na mayroon siyang katamtamang abilidad na makaarok; o, masasabi rin na ang gayong tao ay may katamtamang kakayahan. Ang ilang tao ay sampu o dalawampung taon nang gumagawa, at nang may kaunting karanasan sa gawain na sinamahan ng malinaw na pagbabahaginan ng mga katotohanang prinsipyo mula sa sambahayan ng Diyos, alam nila kung paano pangasiwaan ang mga pangkaraniwang sitwasyon, at nakatanggap sila ng kumpirmasyon na ang pangangasiwa sa mga ito sa ganitong paraan ay tama. Gayumpaman, kapag nahaharap sa ilang komplikado, espesyal, di-pangkaraniwang problema na naranasan nila sa gawain nila, hindi nila alam kung paano pangasiwaan ang mga ito at kailangan nilang magtamo ng malinaw na sagot sa pamamagitan ng pagtatanong-tanong bago sila makapagsimulang pangasiwaan ang mga ito. Kung nagbabago ang sitwasyon at lalong nagiging komplikado kaysa sa naisip nila o kaysa sa sitwasyong alam nila, nalilito sila, hindi nila alam kung paano ito dapat harapin, at lalong hindi nila alam kung paano dapat magsagawa at pangasiwaan ito sa isang paraang naaayon sa mga prinsipyo. Kapag hindi nila alam kung paaano magsagawa, kung kumikilos man sila batay sa mga imahinasyon nila, sa sarili nilang mga ambisyon at pagnanais, o simpleng isinasantabi at binabalewala ito—paano man sila kumikilos—ang katunayan na kapag nahaharap sa gayong sitwasyon ay nalilito sila at hindi nila alam kung paano ilapat ang mga prinsipyo para pangasiwaan ito ay nagpapatunay na lubhang katamtaman ang kakayahan nila. Kung kaya ng isang tao na pangasiwaan ang mga pangkalahatang sitwasyon pero hindi alam kung paano pangasiwaan ang mga espesyal na sitwasyon, nagpapahiwatig ito ng katamtamang kakayahan. Kung labis silang nalilito kapag nahaharap sa ilang espesyal na sitwasyon na ni hindi nila mapangasiwaan ang mga isyung karaniwan nilang kayang pangasiwaan, nagpapahiwatig ito ng mahinang kakayahan. Ang isang taong may mahinang kakayahan ay mayroon ding mahinang abilidad na makaarok. May pagkakaiba ba sa pagitan ng isang taong may mahinang kakayahan at sa isang taong may sapat na abilidad na makaarok? (Mayroon.)
Ang ilang tao, paano man makipagbahaginan ang iba, ay hindi maarok ang mga prinsipyo. Nakakaunawa lang sila ng mga doktrina at regulasyon, at nakasisigaw sila ng ilang islogan, pero hindi nila alam kung paano gumawa ng tunay na gumawin o lumutas ng mga problema. Kita mo, pagkatapos makinig sa pagbabahaginan, nagsasalita sila nang may labis na kalinawan at estruktura, na para bang tunay silang nakakaunawa. Pero sa aktuwal, hindi talaga nila naunawaan kung ano ang sinabi. Pagdating sa paggawa ng kongkretong gawain, nalilito sila, hindi alam kung saan magsisimula. Kapag nahaharap sa mga problema, hindi nila alam kung paano lutasin ang mga ito. Hindi pa rin sila makagawa ng kongkretong gawain. Sa pagtrato at pangangasiwa ng iba’t ibang tao at usapin, wala pa rin silang mga prinsipyo. Sa puso nila, iniisip nila, “Naunawaan ko ang mga katotohanang prinsipyo kapag nakikinig sa mga sermon—bakit hindi ko mailapat ang mga ito sa mga tunay-na-buhay na kapaligiran? Bakit hindi gumagana ang nauunawaan at madalas kong tinatalakay?” Nalilito silang muli. Ang alam lang ng mga taong may mahinang kakayahan ay ang talakayin ang mga doktrina at sumunod sa mga resulasyon, pero kapag nahaharap sa mga sitwasyon, hindi nila makita nang malinaw ang mga ito, ang mga doktrinang kaya nilang talakayin ay ganap na walang silbi, ni hindi nila kayang sumunod sa mga regulasyon, at hindi nila kayang lumutas ng anumang problema. Hindi nila alam kung paano magsagawa kapag lumilitaw ang mga paghihirap. Halimbawa, kapag may nanggagambala at nanggugulo sa gawain ng iglesia, nagsasabi ng ilang walang katuturang bagay, hindi nila makilatis kung ano ang kalikasan ng usaping ito. Hindi nila alam kung aling mga bagay ang maituturing na mga paggambala at panggugulo o kung ano ang kalikasan ng mga ito; kung gayon, lalong hindi nila alam kung paano lulutasin ang problema. May nagtatanong sa kanila, “Hindi mo ba alam kung paano kumilatis ng masasamang tao? Bakit wala kang mga prinsipyo pagdating sa pangangasiwa ng masasamang tao?” Sumasagot sila, “Nauunawaan ko ang mga doktrinang ito, pero hindi ko alam kung sa aling mga problema nababagay gamitin ang mga ito para sa paglutas o kung sa aling mga tao nababagay na ilapat ang mga ito.” Nagpapahiwatig ito ng kawalan ng abilidad na makaarok, hindi ba? (Oo.) Kita mo, pagkarinig sa mga prinsipyo, nagawa nilang ibuod ang mga ito sa kada punto nang napakahusay nang ayon sa literal na kahulugan ng mga ito, naaalala ang mga ito nang napakatumpak at binibigkas pa nga ang mga ito nang mahusay, walang nakakaligtaan na ni isang salita. Gayumpaman, sa kasamaang-palad, sa tunay na buhay, pagdating sa pagtingin sa mga tao at bagay at pag-asal at pagkilos, wala silang anumang landas ng pagsasagawa, ang alam lang nila ay sumigaw ng mga islogan, magsalita tungkol sa mga doktrina, at sumunod sa mga regulasyon. Sa tunay na buhay man o sa paggawa ng tungkulin nila, anuman ang nakakaharap nila, hindi nila alam kung paano hanapin ang katotohanan o magsagawa ayon sa mga prinsipyo. Nagpapahiwatig ito ng kawalan ng abilidad na makaarok. Ang mga taong may abilidad na makaarok ay maaaring madalas na magbasa ng mga salita ng Diyos, pero hindi nila maunawaan kung ano ang katotohanan sa mga salita ng Diyos o kung ano ang mga prinsipyo. Samakatwid, kapag may nangyayari, hindi nila mahanap ang mga nauunagnay na salita ng Diyos para kilatisin at lutasin ito at kailangan nila na iba ang maghanap ng mga nauugnay na salita ng Diyos para sa kanila. Ano ang lagi nilang pinagtutuunan kapag nagbabasa ng mga salita ng Diyos? Hinahanap nila kung mayroon bang mga partikular na halimbawa para ipaliwanag ang usapin. Kung walang mga halimbawa, hindi nila maunawaan ang kahulugan ng mga salita ng Diyos. Halimbawa, tungkol sa mga salita ng Diyos na naglalantad sa kalikasang diwa ng mga tao, kung walang mga halimbawang ibinibigay, hindi nila maunawaan ang mga ito. Hindi sila makapagsagawa ng pagkilatis sa pamamagitan ng pagkukumpara sa sarili nilang mga kalagayan sa mga salita ng Diyos. Kapag may isang taong nakikipagbahaginan sa katotohanan at kinikilatis at hinihimay sila nang ayon sa kanilang aktuwal na mga kalagayan, saka lang sila nakakaunawa. Kung walang gayong pakikipagbahaginan, hindi nila maunawaan ang mga salita ng Diyos. Ang gayong mga tao ay palaging nagrereklamo kapag nagbabasa ng mga salita ng Diyos, sinasabing, “Bakit walang mga partikular na halimbawa? Paano ko ito dapat iugnay sa sarili ko? Ang mga salitang ito ay masyadong mahirap maunawaan; paano ko man basahin ang mga ito, hindi ko maitugma ang mga ito sa sarili ko!” Ipinapakita nito na hindi nila kayang maunawaan ang mga salita ng Diyos, lalong hindi nila kayang maunawaan ang katotohanan o madala sa tunay na buhay ang mga salita ng Diyos. Ang nauunawaan nila ay simpleng mga doktrina at regulasyon lang, pero walang silbi sa tunay na buhay ang mga doktrina at regulasyong ito. Kapag nangyayari ang mga bagay, wala pa rin silang landas ng pagsasagawa. Ipinapahiwatig nito na wala silang abilidad na makaarok. Mahina ba ang kakayahan ng mga taong walang abilidad na makaarok? (Oo.) Ang mga taong may pinakamahinang kakayahan ay iyong mga wala talagang anumang kakayahan; hindi maunawaan ng gayong mga tao ang iba’t ibang prinsipyong naririnig nila; hindi nila alam kung bakit ibinibigay ang ganito-at-ganyang halimbawa, kung bakit sinasabi ang mga partikular na bagay, o kung bakit may mga partikular na pagpapamalas ang mga tao—hindi nila maunawaan ang gayong mga bagay, wala sa hinagap nila ang mga bagay na ito. Kahit na bigyan mo sila ng ilang halimbawa, pakiramdam nila ay nagkukuwento o nagbibiro ka lang, na para bang mga bata sila na nakikinig sa isang kuwento, interesante at nakakatuwa ito para sa kanila. Kung may magtatanong sa kanila kung nauunawaan ba nila ang narinig nila, sinasabi nilang nauunawaan nila, at kaya pa nga nilang gayahin ang patawa sa mga salita ng iba at gayahin kung paano pintasan ng mga ito ang mga tao. Kung tatanungin mo sila, “Alam mo ba ang mga nauugnay na prinsipyong dapat sundin ng mga tao?” sumasagot sila, “Ha? May mga prinsipyo? Hindi ko alam iyon.” May abilidad bang makaarok ang gayong mga tao? (Wala.) Wala silang abilidad na makaarok at hindi nila maunawaan ang mga salita ng Diyos. Ang mga taong walang abilidad na makaarok ay kumakain at umiinom ng kaunting sipi o kabanata ng mga salita ng Diyos araw-araw, sa paraang nakagawian na at batay sa iskedyul, at nag-aaral sila ng mga himno at dumadalo sa mga pagtitipon nang batay rin sa nakaiskedyul na oras. Pero sa sandaling isara nila ang mga aklat nila o itigil ang pagpapatugtog ng mga rekord ng himno, ang tanging naaalala nila mula sa kinain at ininom nila ay kaunting espirituwal na parirala at ilang patay na salita, tulad niyong mga pariralang madalas na sinasabi ng mga tao—“Ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay,” at “Magpasakop sa Diyos sa lahat ng bagay”; o, “Ang kapalaran ng tao ay inorden ng Diyos,” at “Isagawa mo lang ang pagmamahal sa Diyos.” Sa mga aktuwal na sitwasyon ng pagdurusa, nakapagbibigkas lang sila ng mga mala-espirituwal na parirala, tulad ng “Nagdurusa ako dahil sa mga damdamin” o “Nagdurusa ako dahil sa laman.” Tungkol naman sa anumang prinsipyong nauugnay sa pag-asal, pang-araw-araw na buhay, gawain, at iba’t ibang prinsipyo ng katotohanan, hindi nila alam o nauunawaan ang anuman sa mga ito. Ang mga bagay na ito ay wala sa puso nila at hindi nila matanggap. Bakit hindi nila matanggap ang mga ito? Dahil, sa usapin ng kanilang kakayahan, sadyang hindi maunawaan ng gayong mga tao ang mga katotohanang prinsipyong ito, at wala sa hinagap nila ang mga katotohanang prinsipyong ito; at kaya, ang mga bagay na ito ay hindi makapag-uugat sa puso nila. Ang panloob na tinataglay ng isang tao at ang nagagawa niyang tanggapin ay nagpapatunay sa kaya niyang maunawaan at ang hindi lampas sa hinagap niya. Kung ang isang tao ay wala talagang kakayahan, walang abilidad na makaarok, at hindi makaunawa sa tumpak na kahulugan ng mga salita ng Diyos, kahit na mailagay siya sa langit o sa ikatlong langit, mauunawaan ba niya ang mga salita ng Diyos? Maisasagawa ba niya ang katotohanan? Makapagpapasakop ba siya sa Diyos? (Hindi.) Mananatili siya na kung ano mismo siya. Ang kakayahan niya ay mananatiling ganoong pa rin tulad ng dati. Ang mga taong may mahinang kakayahan ay kaya lang maarok ang napakalimitadong saklaw ng mga bagay. Ang mga may mahusay na kakayahan ay kayang makaarok ng mas marami, nang may higit na lalim at sa mas mataas na antas. Ang mga taong may katamtamang kakayahan ay nakakaarok ng higit na mas kaunti kaysa sa mga may mahusay na kakayahan; ang kaya nilang maarok ay nakakulong sa isang katamtamang saklaw, at hindi ito puwedeng lumampas sa saklaw na ito dahil nalilimitahan sila ng kakayahan nila. Ang pinakamasahol ay ang mga wala talagnag kakayahan. Ang gayong mga tao, kung ang kakayahan lang nila ang pag-uusapan ay walang anumang abilidad na makaarok. Samakatwid, ang pagpapamalas nila sa tunay na buhay at sa paggawa ng tungkulin nila ay na wala silang nauunawaan; nananampalataya man sila sa Diyos nang sampung taon, dalawampung taon, o maging hanggang sa pagtanda, ang mga doktrina tungkol sa pananampalataya sa Diyos at ang mga espirituwal na parirala na tinatalakay nila ay katulad pa rin ng mga lumang bagay na naunawaan nila noong nagsimula silang manampalataya. Ilang taon man silang nananampalataya, hindi sila nagkakaroon ng anumang pag-usad. Bakit hindi sila umuusad? Dahil wala silang abilidad na makaarok, at kahit ilang taon na silang nananampalataya sa Diyos, ang mga bagay na kaya nilang maintindihan ay ang mga patay na salita lang. Kahit pagkatapos ng maraming taon ng pananampalataya, ang kanilang abilidad na matuto, abilidad na makaunawa ng mga bagay, at abilidad na makaarok, at iba pang abilidad ay hindi bumubuti. Anong uri sila ng tao? Sila ay mga tao na may labis na napakahinang kakayahan. Dahil mahina ang kakayahan nila at hindi bumubuti ang iba’t ibang abilidad nila, kahit na umabot sa kuwarenta, singkwenta, sisenta, o sitenta anyos ang gayong mga tao, ang abilidad nila na alagaan ang sarili nila ay mananatiling napakahina. Sa pamamagitan ng pag-oobserba sa abilidad nilang manatiling buhay at abilidad na alagaan ang sarili nila, malalaman mo kung kumusta ang kakayahan ng gayong mga tao. Ang ganitong tao ay may pagkukulang sa pag-iisip, mangmang, at hangal, at ang abilidad niyang alagaan ang sarili niya ay napakahina. Bakit Ko sinasabi na ang abilidad niyang alagaan ang sarili niya ay napakahina? Dahil ang kanyang abilidad na matuto, abilidad na makaunawa ng mga bagay, at abilidad na makaarok ay pawang mahina, sobrang limitado ang karanasan, sentido komun, mga pattern, at diskarte sa paggawa ng mga bagay na kanyang natututunan sa buhay. Kahit sisenta o sitenta anyos na siya, ganoon pa rin siya. Ang mga taong may mahusay na kakayahan, kapag nasa edad trenta na sila, ay nagkaroon na ng kaalaman sa iba’t ibang problemang nakakaharap nila sa buhay at sa landas ng kanilang buhay, nagkakamit na ng kaunting pagkaunawa, kabatiran, at karanasan sa mga bagay na ito. Sa pamamagitan ng karanasang ito, alam nila kung ano ang gagawin kapag nahaharap sa iba’t ibang problema para makapamuhay sila nang mas mainam at maprotektahan ang sarili nila nang mas epektibo. Gayumpaman, para sa mga taong may mahinang kakayahan, dahil ang mga abilidad nila sa lahat ng aspekto ay mahina, kahit ilang taon na sila, nananatiling napakahina ng kanilang abilidad na manatiling buhay. Gaano ito kahina? Napakahina nito na wala silang abilidad na mamuhay nang nagsasarili. Maaaring sabihin ng ilan, “Tingnan mo, magana silang kumakain, mahimbing na natutulog, at malusog ang pangangatawan nila—paano Mo nasasabing wala silang abilidad na mamuhay nang nagsasarili?” Ang abilidad na manatiling buhay na sinasabi natin ay hindi tumutukoy sa kung nakakakain o nakakatulog ang isang tao. Kung ni hindi alam ng isang tao na dapat nang kumain kapag oras na ng pagkain, hindi iyon isang normal na tao kundi isang taong may kapansanan sa pag-iisip—lalong hindi kailangang isaalang-alang ang kakayahan ng gayong mga tao. Ang saklaw ng pagsusuri natin sa kakayahan ng mga tao ay pangunahing kinapapalooban ng mga itinuturing na normal sa panlabas. Hindi kasama rito ang mga taong may kapansanan sa katawan, kapansanan sa isip, o sakit sa isip, o ang mga walang kakayahang alagaan ang sarili nila. Madalas nating makita ang ilang tao na ni hindi kayang makahanap ng anumang pattern, prinsipyo, o diskarte sa paggawa ng mga bagay sa pamamahala ng kanilang pagkain, pananamit, tirahan, at transportasyon. Kahit gaano na sila katanda, hindi nila alam kung paano pangasiwaan ang mga aspektong ito ng pamumuhay nang naayon sa mga prinsipyo at pagkatao. Halimbawa, hindi nila alam kung aling mga damit ang pinakanaaangkop sa kung anong season at ginagaya na lang nila ang ginagawa ng iba. Kapag malamig sa labas, nagdadamit sila nang nakapanipis at sinisipon sila, pero hindi nila nauunawaan kung bakit; o, nagkakasakit sila dahil sa pagkain ng maruming pagkain, pero hindi nila alam kung ano ang nagdulot nito. Hindi sila makabuo ng anumang kongklusyon mula sa mga karanasang ito. Hindi ba’t may pagkukulang sa pag-iisip nila? Hindi ba’t wala silang kakayahang mamuhay nang nagsasarili? (Oo.) Kahit gaano na sila katanda, hindi nila alam kung paano mamuhay at iniraraos lang nila ang buhay nang nalilito. Para sa isang normal na tao, kapag unang beses niyang magkaanak, maaaring wala siyang karanasan, pero sa oras na mag-anak na siya ng pangalawa, nakapagkamit na siya ng kaunting karanasan sa kung paano aalagaan at papakainin ang anak niya. Gayumpaman, ang ilang tao, kahit matapos magkaanak ng dalawa o tatlo, ay wala pa ring karanasan. Kapag tinatanong kung paano nila inaalagaan ang mga anak nila, sinasabi nila, “Hindi ko alam, iniraraos ko na lang. Ano’t anuman, kapag nagugutom ang mga bata, pinapakain ko sila, at kapag busog na sila, iyon na iyon.” Ang sinumang batang malalagay sa pangangalaga nila ay suwerte na kung mananatiling buhay. Sa kanilang antas ng abilidad na manatiling buhay, wala ni isang bata ang mananatiling buhay sa pangangalaga nila. Ang ilang tao ay hindi nauunawaan kung paano pangasiwaan ang iba’t ibang problemang lumilitaw sa buhay o sa pananatiling buhay. Ang gayong mga tao ay walang abilidad na manatiling buhay. Halimbawa, kapag lumitaw ang dalawang isyu nang magkasabay, nalilito sila at hindi nila alam kung ano ang gagawin o kung aling isyu ang unang papangasiwaan. Sila ay naaaligaga, ninenerbiyos, at natatakot, at nagrereklamo, sinasabing, “Bakit sabay na nangyari ang dalawang isyung ito? Ano na ang dapat kong gawin ngayon?” Labis silang nababalisa na hindi na sila makakain o makatulog. Ganito sila kapag trenta anyos sila, at maging kapag sisenta anyos na sila, ganito pa rin ang tayog nila. Kapag lumilitaw ang mga sitwasyon at hindi sila makahanap ng solusyon, nagsisimula silang umiyak. Sinasabi ng iba, “Bakit ka umiiyak? Hindi naman ito malaking usapin—ang mga ito ay ilan sa mga pinakakaraniwang isyu. Kailangan mo lang bigyang-priyoridad ang mga ito at pangasiwaan ang mga ito batay sa kahalagahan. Kung hindi kaya ng isang tao na pangasiwaan ang mga usaping ito, at hindi nakakakain o nakakatulog dahil sa mga ito, o kinokonsidera pa ngang magpakamatay, hindi ba’t labis siyang walang gulugod? Nagrereklamo pa nga siya, “Bakit hindi ito nangyari sa ibang tao? Bakit sa akin ito nangyari?” Nangyari ito sa iyo, kaya pangasiwaan mo ito. Kung hindi mo ito kayang pangasiwaan, magtanong ka sa isang tao sa paligid mo na nakakaunawa. Kapag nailinaw mo na ang isyu, hindi ba’t malalaman mo na kung paano ito pangasiwaan? Kapag walang nangyayari, ang gayong mga tao ay napakahusay sa pagsasalita, sunod-sunod na ipiniprisinta ang mga bungkos ng doktrina. Pero kapag may nangyayari, natataranta sila, nalilito, nagsisimulang umiyak, nabablangko ang isip nila, at nagkakagulo-gulo ang isipan nila—hindi nila alam kung ano ang gagawin. Kung ang isang tao ay bata pa, wala pang masyadong pinagdaanan sa buhay at walang karanasan, normal para sa kanya na nerbyosin at matakot kapag nangyayari ang mga bagay. Gayumpaman, kapag nasa edad trenta o kuwarenta na siya, pagkatapos pagdaanan ang maraming bagay sa mundo at magkamit ng karanasan, medyo nahihinog at napapanday na siya, pinapangasiwaan ang mga bagay nang may higit na katatagan at kumpiyansa. Kapag nakikita ito ng mga kabataan, napapahanga sila, at iniisip nilang maaasahan nila ang gayong mga tao. Kung ang isang tao ay walang kakayahan at abilidad na manatiling buhay, wala rin siyang abilidad na alagaan ang sarili niya. Kung walang mga taong nasa hustong gulang o mga taong may karanasan sa paligid para umalalay at pangasiwaan ang mga bagay para sa kanila, ang lahat ng pinapangasiwaan nila ay nagiging sobrang magulo. Ang gayong mga tao ay may labis na napakahinang kakayahan. Gaano kahina ang kakayahan ng gayong mga tao? Gamiting halimbawa ang ilang housewife, na hindi alam kung gaano karaming bigas o ulam ang kailangan para sa pagkain ng isang pamilya na may ilang tao—ang ilan ay dalwampu o tatlumpung taon nang nagluluto at hindi pa rin alam kung gaano karami ang ihahanda para sa bawat kainan o kung gaano dapat kaalat ang mga pagkain, at kung minsan ay hindi pa nga kayang tumpak na maarok kung tama ba ang pagkakaluto sa pagkain. Ganito kahina ang kakayahan nila. Hindi ba’t walang gumaganang utak ang gayong mga tao? Utak ng baboy ang mayroon sila! Ang gayong mga tao ay walang abilidad na mamuhay nang nagsasarili. Wala silang landas para sa paggawa ng anumang bagay at madali silang nakakagawa ng mga pagkakamali. Kapag may nangyayari, kung walang naroroon para pangasiwaan ang mga bagay para sa kanila, ang lahat ng ginagawa nila ay nagiging labis na magulo, sobrang nagugulo ang lahat ng bagay. Hangal sila at may pagkukulang sa pag-iisip. Para sa ganitong uri ng tao, na may pinakamasahol na abilidad na makaarok, kahit gaano karaming pagbabahaginan ang marinig niya tungkol sa mga katotohanang prinsipyo, mga doktrina lang ang nauunawaan niya. Sa tunay na buhay, hindi pa rin niya alam kung paano ilapat ang mga prinsipyong ito. Sa madaling salita, ang mga doktrinang nauunawaan niya ay hindi makapagbibigay sa kanya ng anumang layon, direkyon, o landas sa tunay na buhay. Ito ang mga taong may pinakamahinang abilidad na makaarok. Dito na nagtatapos ang pagbabahaginan natin sa abilidad na makaarok, ang ikatlong abilidad.
Ano ang ikaapat na abilidad? Ang abilidad na tanggapin ang mga bagay. Ang abilidad na tanggapin ang mga bagay ay may ilang pagkakaiba mula sa abilidad na makaunawa ng mga bagay at mula sa abilidad na makaarok. Ang abilidad na tanggapin ang mga bagay ay kinabibilangan ng, kapag lumilitaw ang mga bagay, kung kaya mong makilatis kung positibo o negatibo ang mga ito, at kung anong pakinabang o pinsala mayroon ang mga ito para sa iyong buhay, gawain, at pananatiling buhay, pati na kung paano mo tinitingnan ang mga ito, paano tinatrato ang mga ito, at paano mo inilalapat ang mga ito. Kung mahusay ang kakayahan mo, kapag lumilitaw ang mga bagong bagay, partikular kang magiging sensitibo at partikular na may persepsiyon. Matapos mabilis na makatanggap ng impormasyon tungkol sa isang bagong bagay, magagawa mong tukuyin kung anong pakinabang o pinsala mayroon ito para sa mga tao, o kung anong mga disbentaha mayroon ito. Kung kapaki-pakinabang ito sa isang partikular na isyu sa tunay mong buhay, agad mong malalapat ang mga kalakasan nito; kung mapaminsala ito, maaari mo ring iwasan ang pinsala o mga disbentaha nito para sa mga tao. Ibig sabihin, mayroon kang partikular na antas ng pagtanggap para sa mga bagong bagay, at mabilis mong makikilatis ang mga bagong bagay na negatibo, mapaminsala sa mga tao, at may mga disbentaha—ito ay pagkakaroon ng abilidad na tanggapin ang mga bagay. Ang pagkakaiba sa pagitan ng abilidad na tanggapin ang mga bagay, at ang abilidad na makaunawa ng mga bagay at ang abilidad na makaarok, ay naririto. Ang abilidad na tanggapin ang mga bagay ay pangunahing tumutukoy sa pagiging sensitibo ng isang tao sa mga bagong bagay at sa abilidad niyang makilatis ang mga ito. Kung mabilis mong makikilatis ang mga bagong bagay, mabilis na natatanggap ang mga kalakasan at pakinabang ng mga ito at mailalapat ang mga ito sa tunay na buhay para maglingkod sa iyong buhay o gawain, at pagkatapos ay bitiwan o iwaksi ang mga lumang bagay na pinalitan ng mga bagong bagay na ito, nangangahulugan ito na nagtataglay ka ng abilidad na tanggapin ang mga bagay at isa kang taong may mahusay na kakayahan. Pagkatapos nito ay ang mga taong may katamtamang kakayahan. Ang gayong mga tao ay partikular na mabagal sa pagtanggap ng ilang bagong bagay na pumalit na sa mga lumang bagay, pati na mga bagong opinyon at mga bagong teknolohiya. Ano ang tinutukoy ng “mabagal” na ito? Tumutukoy ito sa katunayan na kapag ang isang bagong bagay ay lumaganap na, nagamit nang malawakan, at naging napakakaraniwan na ang termino para dito, saka lang nila magagawang tanggapin ito. Wala silang persepsiyon sa mga bagong bagay at hindi nila makilatis kung ang mga ito ay mga positibong bagay o negatibong bagay. Kahit kapag lumitaw ang mga positibong bagong bagay, sila ay laban sa mga ito at hinahamak nila ang mga ito sa puso nila; palagi silang may sarili nilang mga kuru-kuro at sarili nilang mga saloobin, at palaging inaayon ang sarili nila sa mga makamundong kalakaran, at sarado sila at hindi tumatanggap sa mga bagong bagay, tinatanggihan ang mga ito. Kapag lumaganap na nang malawakan ang kung anong bagong bagay, at marami nang tao ang nakaranas at nakatanto sa mga bentaha nito, at nakinabang na ang mga tao mula rito, saka lang nila sinisimulang tanggapin at ilapat ito. Ito ay pagkakaroon ng katamtamang kakayahan. Ang pagtanggap ng gayong mga tao sa mga bagong bagay ay napakapasibo; hindi ito aktibong pagtanggap. Ito ay dahil, sa isang banda, hindi sila sensitibo sa mga bagong bagay; sila ay manhid, atrasado, at sarado. Sa kabilang banda, ito rin ay dahil mayroon silang mga partikular na kuru-kuro at opinyon tungkol sa mga bagong bagay, nagdadala ng saloobin ng pang-aalipusta at paghamak sa mga ito. Ang subhetibong dahilan para dito ay na katamtaman ang kakayahan nila, at katamtaman ang abilidad nilang tanggapin ang mga bagay, kaya sila ay nagiging sobrang manhid; kapag lumilitaw ang mga bagong bagay sa harap nila, wala silang kamalayan, walang damdamin, at walang saloobin ng aktibong pagtanggap sa mga ito. Dagdag pa rito, likas silang partikular na atrasado, at partikular na manhid at mapurol ang isip. Dahil sa dalawang dahilang ito ay mabagal silang tumanggap ng mga bagong bagay. Kapag maraming tao na ang gumagamit ng isang bagay, tinatalakay kung ano ang mga bentaha nito, kung ano ang kaginhawahan nito, kung ano ang epekto nito sa mga tao, at kung anong mga pakinabang ang tinutulutan nitong makamit ng mga tao, at nakita na nila ang lahat ng ito gamit ang kanilang sariling mga mata—at nakita rin ang mga tao sa paligid nila na personal itong maranasan sa ilang antas—saka lang nila dahan-dahang tinatanggap ito sa puso nila at sinisimulang gamitin ito. Anong uri ng kakayahan ang ipinapahiwatig nito? Ang abilidad ng mga tao na tanggapin ang mga bagay ay katamtaman. Ang pagtataglay ng katamtamang abilidad na tanggapin ang mga bagay ay nangangahulugan na ang kakayahan ng isang tao ay katamtaman. Halimbawa, sa pangangaral ng ebanghelyo o sa paggawa ng kaunting propesyonal na gawain, nangunguna ang ilang kapatid sa pagsubok at paglapat ng bagong pamamaraan o propesyonal na teknik. Mabilis nilang nadarama na napakabuti na gamitin ang propesyonal na teknik na ito, dahil gamit ang teknik na ito, ang pagiging epektibo nila sa paggawa ng tungkulin nila ay napakabuti at humuhusay rin ang pagiging episyente nila. Pagkatapos ay agad nilang itinataguyod ang bagong teknik o pamamaraang ito, hinihikayat ang ibang mga kapatid na matutunan ito o ilapat ito. Ang mga taong may mahusay na kakayahan ay mahusay sa paghahanap ng mga bagong teknik at pamamaraan sa paggawa ng tungkulin nila. Napakabilis nilang nagagawang damhin at tumpak na suriin ang isang bagong bagay, at sunggaban ang pagkakataong ito, at nagagawa nilang ganap na tanggapin ang isang bagong teknik o pamamaraan, at ilapat ito sa gawain sa tunay na buhay. Tungkol sa kung ano ang mga kalakasan at kahinaan ng bagong bagay na ito at kung ano ang mga resultang puwede nitong makamit, kaya nilang patuloy na gumawa ng mga kongklusyon at pagkatapos ay magsagawa ng mga pag-aayos. Sa pamamagitan ng isang yugto ng pagsisiyasat, unti-unti nilang naaarok kung aling mga aspekto ng teknikal na propesyong ito o impormasyong ito ang maaaring ilapat sa gawain ng iglesia at alin ang hindi. Pagkatapos, tuloy-tuloy nilang pinauunlad ang bagong bagay na ito sa kanilang gawain ayon sa mga prinsipyo at sa mga hinihingi ng sambahayan ng Diyos. Habang lalo nilang pinauunlad ang bagong bagay na ito, lalo itong bumubuti, sa huli ay nagbubunga. Ito ay isang pagpapamalas ng mahusay na kakayahan. Gayumpaman, may ilang tao, sa pangangaral ng ebanghelyo, ang mahigpit na kumakapit pa rin sa orihinal na pamamaraan, nangangaral sa isa-sa-isa o dalawa-sa-isa na pamamaraan, o umaasa lang sa dami ng bilang. Sila ay manhid at mapurol ang isip, at mabagal sa pagtanggap ng abanteng pamamaraan. Bagama’t sinasabi nilang magandang pakinggan at maaaring isagawa ang bagong pamamaraan, sa puso nila ay palagi silang may mga pag-aalinlangan. Nattakot sila na kung ilalapat nila ang pamamaraang ito, magbubunga ito ng hindi mabubuting resulta, kaya hindi sila nangangahas na sumubok. Hinihikayat sila ng iba, sinasabing, “Hindi mo na kailangang alalahanin pa ang lahat ng iyon. Nasubukan na namin iyon; labis na magaganda ang nagiging bunga ng pagsasagawa sa ganoong paraan.” Pero hindi pa rin sila nangangahas na sumubok, at patuloy na kumakapit sa orihinal na paraan. Kapag maraming tao na ang gumagamit ng bagong paraan sa pangangaral ng ebanghelyo, nakapagkakamit ng mas maraming tao kada buwan at tumataas ang pagiging episyente, saka pa lang sila atubiling nagdedesisyon na subukan ito, saka lang sila nag-aalangan na nagpapasyang subukan ito sila, pero paunti-unting hakbang lang ang ginagawa nila at hindi nangangahas na ganap na baguhin ang kanilang mga plano at estratehiya. Ito ay pagiging masyadong mabagal sa pagtanggap ng mga bagong bagay; ito ay pagiging katamtaman ang kakayahan. Ang mga taong may mahinang kakayahan ay may mas masahol pang abilidad na tanggapin ang mga bagay. Hindi nila malinaw na nakikilala ang isang bagong bagay, hindi nila ito mahusgahan, at hindi nila alam kung paano ito tratuhin. Sa puso nila, sila ay may paglaban, iniisip na ang mga taong nananampalataya sa Diyos ay hindi dapat tumanggap ng mga bagong bagay, at hindi dapat tumanggap ng bagong impormasyon at mga teknolohiya. Kita mo, sarado talaga ang kanilang isipan. May mga tao mula sa ilang denominasyon na hanggang ngayon ay hindi gumagamit ng kuryente, hindi nanonood ng telebisyon, at hindi gumagamit ng mga kompyuter o anumang produktong elektroniko. Kapag lumalabas sila, hindi sila gumagamit ng modernong transportasyon; ni hindi sila gumagamit ng bisikleta. Ano ang sinasakyan nila? Kariton na hila ng baka o kabayo, na nagbubulabog ng alikabok habang umaandar. Tinanong ng ilang tao, “Bakit hindi kayo sumasakay ng bisikleta o ng kotse?” Sinasabi nila, “Gawa ng tao ang mga bagay na iyon. Natatakot kami na hindi ito magugustuhan ng Diyos kung gagamitin namin ang mga iyon.” Ito ay pagkakaroon ng mahinang abilidad na tanggapin ang mga bagay. Ang mga taong may mahinang abilidad na tanggapin ang mga bagay ay tinitingnan ang maraming bagay sa maling paraan. Naiipit sila sa luma nilang mga gawi, kumakapit sa sarili nilang mga pananaw, nagiging laban sa lahat ng bagong bagay. Ang pagiging laban nila ay isang problema mismo sa kanilang pag-iisip at kaisipan. Ano ang ipinapahiwatig ng pagkakaroon ng gayong problema? Sa konserbatibong pananalita, ipinapakita nito na masyadong katamtaman ang kakayahan ng gayong mga tao. Kung patuloy silang hindi makatanggap ng mga bagong bagay, mahina ang kakayahan nila, at makitid ang isipan nila. Naniniwala silang ang gawain ng Diyos ay hindi nagbabago, at na anumang salita ang sinabi ng Diyos, ang parehong mga salita lang na iyon ang sasabihin ng Diyos magpakailanman, at na anumang gawain ang ginawa ng Diyos, ang parehong gawain lang din na iyon ang gagawain ng Diyos magpakailanman. Tungkol naman sa sangkatauhan at kapanahunang ito, naniniwala sila na kung ano ang una nilang nakita at naranasan ay mananatiling hindi nagbabago magpakailanman at palaging magiging ganoon. Halimbawa, 20 o 30 taon na ang nakalilipas, may partikular na kuru-kuro ang mga tao tungkol sa pagkaunawa nila sa kanilang pananamit. Naniniwala sila na ang mga materyales gawa sa bulak ay ganap na natural at na ang lahat ng uri ng telang gawa sa bulak ay maganda; maging ito man ay mga cotton-padded jacket, T-shirt, o panloob na damit, basta’t gawa ito sa bulak, mas maganda ito kaysa sa mga synthetic fiber. Pinanghahawakan talaga nila nang mahigpit ang paniniwalang ito. Gayumpaman, makalipas ang 20 o 30 taon, umunlad na ang industriya ng tela, at lumitaw na ang maraming telang katulad ng bulak, pati na ang iba’t ibang mga telang gawa sa synthetic fiber. Maraming telang mas maganda kaysa sa telang bulak; mas maginhawa sa katawan ang mga ito, mas mabilis magpalamig, mas madaling sumisipsip ng tubig, at hindi nasisira ang hugis, lumiliit, o kumukupas paano man labhan ang mga ito. Bukod pa rito, partikular na magaan at komportable na isuot ang mga ito, nang hindi nagdudulot ng anumang pinsala sa balat. Pero may ilang tao na hindi pa rin matanggap ang mga synthetic fiber. Naniniwala pa rin silang ang telang gawa sa bulak lang ang maganda dahil ang bulak ay itinatanim sa lupa, nilikha ng Diyos, at natural, samantalang ang mga synthetic fiber ay gawa ng tao. Nabibigo silang mapagtanto na bagama’t ang bulak ay inihanda ng Diyos at ang pinakamaganda, nalason na ang lupa, at lalong lumalakas sa kada henerasyon ang mga cotton bollworm na sumisira sa bulak. Hindi na malutas ng karaniwang pestisidyo ang problema. Sa huli, kailangang sumailalim ang bulak sa espesyal na pagdedes-impeksiyon para hindi magdulot ng pangangati ang pagsusuot dito. Kapag nades-impeksiyon nang maayos, nagiging mahal ang pananamit, kaya kailangan ding tumaas ang presyo sa pagbenta. Kapag hindi ito maayos na nades-impeksiyon, hindi ito kasingganda ng pagsusuot ng pananamit na gawa sa synthetic fiber. Kita mo, napakaganda na ngayon ng kalidad ng synthetic fiber na damit; maraming propesyonal na atleta ang nagsusuot nito, at napakapositibo ng lahat ng feedback. Pero ang ilang tao, pagkatapos itong marinig, ay hindi pa rin ito tinatanggap at nananatiling kumbinsido na mas maganda ang tela na gawa sa bulak. Hindi ba’t ang mga gayong tao ay mangmang at matigas ang ulo? (Oo.) Ang kamangmangan at katigasan ng ulo na ito ay problema sa kanilang pagkatao. Kung gayon, kumusta ang kakayahan nila? (Hindi mahusay ang kakayahan nila.) Kapag lumitaw ang isang bagong bagay sa harap ng isang tao, ang saloobin niya sa paghusga kung tama o mali ito—para pagdesisyunan kung tatanggapin o tatanggihan ito—ay nakabatay sa kakayahan niya. Kung iniisip ng karamihan ng tao na tama ang bagong bagay, at siya ay sumusunod sa karamihan at pasibo itong tinatanggap, sa pinakamainam, ang gayong tao ay may katamtamang kakayahan. Kung hindi niya makilatis kung tama o mali ang isang bagong bagay, kung ito ba ay kapaki-pakinabang sa mga tao, o kung ano ang mga kalakasan at disbentaha nito kumpara sa mga lumang bagay na mahigpit niyang pinaniwalaan noon, hindi makilatis o matukoy ang mga pagkakaiba sa pagitan ng mga bago at lumang bagay—kung hindi niya mahusgahan ang anuman sa mga ito, pinapatunayan nito na wala siyang abilidad na tanggapin ang mga bagong bagay; ibig sabihin, wala siyang abilidad na makaarok. Ang ganitong mga tao ay may mahinang kakayahan. Sa simula, kapag may lumilitaw na bagong bagay, wala silang partikular na antas ng persepsiyon. Kapag naririnig nila ang tungkol sa bagay na ito, wala rin silang anumang abilidad na tanggapin ito. Sa huli, kahit atubili nilang tanggapin ang bagong bagay, ito ay dahil lang sa tulong at panghihikayat ng iba, na kailangan pang ikumpara ang mga bentaha at kalakasan ng bagong bagay sa mga lumang bagay, tinutulutan ang mga taong ito na makita ng sarili nilang mga mata na may malilinaw na pagkakaiba sa pagitan ng bagong bagay at mga lumang bagay at na ang bagong bagay ay halatang nakakahigit sa mga lumang bagay bago nila magawang tanggapin ito. Gayumpaman, sa puso nila, hindi pa rin malinaw na makita ng mga taong ito kung ano ang maganda tungkol sa maraming ibang bagong bagay at nadarama pa rin nila na ang mga lumang bagay ay maganda at dapat na panghawakan. Tanging sa mga sitwasyong wala na silang mapagpipilian nila atubili at pasibong tinatanggap ang mga bagong bagay. Ang mga taong ito ay may mahinang kakayahan. Ang isang taong may katamtamang kakayahan ay isang tao na, kapag binigyan ng ilang paalala, agad na nakakaunawa, napagtatanto niyang tinitingnan niya ang mga bagay sa isang baluktot at laos na paraan. Ito ay pagkakaroon ng katamtamang kakayahan. Sa kabilang banda, ang taong may mahinang kakayahan ay nangangailangan ng paulit-ulit na mga paalala at pang-uudyok, at kolektibong panghihikayat mula sa lahat—kasama ang ilang katunayan at kongkretong halimbawa na nagpapakita kung paanong kapaki-kapakinabang ang bagong bagay na ito sa mga tao pagkatapos itong gamitin nang malawakan—bago niya ito atubiling tanggapin at gamitin. Gayumpaman, sa pribado, pinipili pa rin niya ang lumang bagay. Isa itong taong may napakahinang kakayahan. Ang pagkakaroon ng mahinang kakayahan ay nangangahulugang palagian siyang bigong kilalanin ang mga positibong epekto sa mga tao ng paglitaw ng mga bagong bagay, at hindi niya makita ang mga pagkakaiba sa pagitan ng mga bago at lumang bagay, at palagi siyang nabibigong matuklasan o malaman ang mga bentaha at pag-unlad ng mga bagong bagay at ang mga disbentaha at pagkaatrasado ng mga lumang bagay, at na palagi siyang kumakapit sa mga lumang kaisipan at pananaw niya; samakatwid, napakahina ng abilidad niyang tanggapin ang mga bagay. Ang mga taong may mahinang abilidad na tanggapin ang mga bagay ay may mahinang kakayahan. Ang mga taong may mahinang kakayahan ay hindi kayang makilatis ang diwa o ugat ng mga problema, paano mo man ipaliwanag sa kanila ang mga bagay. Ang mga taong iyon na may napakahinang kakayahan ay ni hindi masasabi na may anumang abilidad na tanggapin ang mga bagay—kapag nahaharap sa mga bagong bagay, hindi ito usapin ng kung subhetibo silang handang matutunan at tanggapin ang mga ito; sa halip, ang isyu ay na wala silang anumang persepsiyon sa mga ito. Sa totoong buhay man o sa paggawa ng tungkulin, ano mang mga bagong bagay ang lumitaw, anong mga bagay ang umusad, o anong mga bagay ang umuunlad, wala silang persepsiyon o kamalayan. Ang kamangmangan ba nila sa mga bagay na ito ay dahil sa hindi pagbabasa ng balita o ng diyaryo? Hindi, ito ay dahil ang kakayahan nila ay sadyang walang abilidad na tanggapin ang mga bagay. Para bang wala silang pakultad ng pagtanggap. Tungkol sa paglitaw ng kahit anong mga bagong bagay, sila ay manhid, mapurol ang isip, at walang persepsiyon. Kahit pa nakatira sila sa isang mataong lungsod, para bang nakatira sila sa isang baryo sa liblib na kabundukan. Ganap silang walang kamalayan sa anumang malalaki o maliliit na pangyayaring nagaganap sa buhay ng tao. Samakatwid, sa loob ng saklaw ng kanilang buhay, walang anumang mga bagong bagay ang makakaimpluwensiya sa kanilang pagkain, pananamit, tirahan, at transportasyon. Para lang silang mga hayop. Ang mga bagay na nasa isip nila ay limitado sa maliit na saklaw ng mga bagay sa loob ng buhay nila, sa mga bagay na alam nila mula sa edad na natututo silang tingnan ang iba’t ibang bagay sa mundo. Bukod doon, ang anumang bagay mula sa mundo sa labas ay walang anumang impluwensiya sa kanila, at wala silang interes dito. Anong klaseng mga tao ang mga ito? May pagkukulang ba sila sa isip? (Oo.) Siyempre, ang mga usaping tinatalakay natin dito ay mga napakaliit, di-mahalagang aspekto ng pang-araw-araw na buhay; hindi natin tinutukoy ang mga pambansang isyu o pangunahing pandaigdigang balita. Kahit ang paglitaw ng isang napakaliit na bagong bagay ay hindi nila namamalayan, wala silang ipinapakitang anumang antas ng pagtanggap. Ang “pagtanggap” na ito ay tumutukoy sa kung paano binabago ng bagong bagay ang kanilang mga kaisipan at pananaw, nagdadala ng kaunting pag-unlad sa kanilang buhay—kabilang na ang istilo ng pamumuhay, batayang kaalaman sa buhay, at iba pa—at humahantong sa kaunting pag-unlad at pag-usad sa abilidad nilang pangasiwaan ang mga bagay sa buhay. Ang mga taong walang abilidad na tanggapin ang mga bagay ay palaging pinapanatili ang kanilang nakagawian, orihinal na paraan ng pamumuhay. Halimbawa, dati ay madalas na sinasabi ng mga tao na mainam ang tokwa na nilagang may kasamang spinach, nagbibigay ng iron at calcium, at may isang taong lumaki sa pagkain nito sa ganoong paraan. Kalaunan, sinabi ng ilang tao na natuklasan ng mga food researcher na ang spinach ay may oxalic acid, at na ang pagkain nito nang may kasamang tokwa sa loob ng mahabang panahon ay maaaring madaling magdulot ng pagkakaroon ng mga bato sa loob ng katawan. Pagkarinig nito, iniisip ng taong ito, “Ano ang oxalic acid? May sinuman bang nakakita ng oxalid acid sa spinach? Napakaraming taon ko nang kinakain ito at wala namang nangyari. Patuloy ko itong kakainin!” Hindi nila ito tinatanggap. Ito ay isang taong wala talagang antas ng pagtanggap sa mga bagong bagay o sa mga bagong pananaw. Sa kabaligtaran, ang mga taong may abilidad na tanggapin ang mga bagay, kapag nakumpirma nilang may oxalic acid ang spinach, ay iisipin kung paano matatanggal ang oxalic acid, at sa pamamagitan ng pag-aalam ng higit pa tungkol dito, natutuklasan nila na ang pagbababad ng spinach sa kumukulong tubig ay nagtatanggal sa oxalic acid. Ang mga may abilidad na tanggapin ang mga bagay, kapag nakarinig ng bagong impormasyon, ay kikilatisin, sa pamamagitan ng pagtatanong-tanong, kung gaano katotoo ang impormasyon at kung kapaki-pakinabang ba ito sa mga tao, at saka sila nagpapasya kung tatanggapin o tatanggihan ito. Magtatanong sila, aalamin ang mga detalyeng nasasangkot, at pagkatapos ay ilalapat ang impormasyong ito sa tunay na buhay, iniiwasan ang mga disbentaha o pinsalang dulot ng naturang bagong bagay. Sa kabilang banda, ang mga taong magulo ang isip na ganap na walang abilidad na tanggapin ang mga bagay, kahit anong bagong impormasyon ang marinig nila, ay walang pakialam ni nagtatanong-tanong tungkol dito, sa halip ay direkta nila itong tinatanggihan, kumakapit sa mga luma, laos na bagay. Sa huli, ito ay dahil sa problema sa kanilang kakayahan. Pagdating sa mga bagong bagay, hindi nila alam kung paano haharapin ang mga ito o kung anong mga prinsipyo ang dapat nilang arukin, hindi rin nila isinasaalang-alang ang mga kahihinatnan sa kanilang buhay o gawain ng pagtanggi sa mga bagong bagay. Sa madaling salita, palagi silang nagkikimkim ng isang mapaghinalang saloobin sa mga bagong bagay at bagong impormasyon, hindi nangangahas na tanggapin ang mga ito. Ang gayong mga tao ay may mahinang kakayahan.
Ang mga taong may mahinang kakayahan ay hindi kayang lutasin nang mag-isa ang mga problemang kinakaharap nila sa buhay, gaano man karami ang lumitaw. Ang gayong mga indibidwal ay walang abilidad na mamuhay nang mag-isa. Anuman ang usapin, anumang paraan ng paggawa ng mga bagay ang minana nila sa kanilang mga ninuno noong panahong iyon ay ganoon nila ito patuloy na ginagawa; wala silang anumang binabago at mahigpit nilang sinusunod ito hanggang sa huli. Kung pupunahin mo sila, sinasabi na mali na gawin ang mga bagay nang ganoon, hindi sila makikinig at magiging sobrang matigas pa nga ang ulo, nakikipagtalo sa iyo: “Ganito namin ito minana mula sa ating mga ninuno. Ganito ito ginawa ng henerasyon ng lolo ko at ng mga magulang ko, at ganito ito ipinamana!” Ang mga bagay bang ipinamana ay tiyak na tama? Hindi nila isinasaalang-alang ang tanong na ito, na nagpapatunay ng mahinang kakayahan nila. Kung taglay nila ang kakayahan ng isang normal na tao, pag-iisipan nila ang tanong na ito. Kapag nakaririnig ng impormasyon tungkol sa mga bagong bagay, magpapakita sila ng partikular na antas ng pagtanggap. Kung hindi nila ipinapakita ang mga pagpapamalas na ito, ibig sabihin nito ay wala silang antas ng pagtanggap. Ang gayong mga tao ay walang abilidad na mamuhay nang nagsasarili. Gaano man sila tumanda, palagi nilang sinasabi, “Noong panahon ng tatay ko, ganito ito. Noong panahon ng lolo ko at ng lolo ko sa tuhod, ganito ito. Kaya, sa henerasyon ko, dapat ganito pa rin ito.” Ang mga taong ito ay malinaw na mga napag-iwanan ng panahon. Para silang mga bulok na troso—makitid ang pag-iisip! Wala silang abilidad na tanggapin ang anumang mga bagong bagay, na nagpapakita na napakahina ng kakayahan nila. Paano mo man ipaliwanag ang mga pag-unlad ng mga bagong bagay, hindi nila tatanggapin ang mga ito. Ang gayong mga tao ay walang kakayahang mamuhay nang mag-isa. Sa panlabas, maaaring mukhang kaya nilang asikasuhin ang sarili nilang pagkain, pananamit, tirahan, at transportasyon, pero ang mga gawi at pamamaraang ginagamit nila ay mababa ang kalidad. Hindi nila inaakma ang pamumuhay nila sa panahon o sa paglago ng iba’t ibang larangan ng sentido komun at kaalamang nakamit ng sangkatauhan. Ang gayong mga tao ay yaong may mahinang kakayahan. Bagama’t hindi sila nagugutom, giniginaw, o nagdurusa sa anumang malulubhang karamdaman, kung huhusgahan batay sa perspektiba nila sa pananatiling buhay at sa istilo ng kanilang pamumuhay, ang gayong mga tao ay namumuhay lang sa naguguluhang paraan, at maaari din silang iklasipika bilang mga may pagkukulang sa isip, mga mangmang, o mga hangal. Ang ilang tao ay hindi komportable kapag tinatawag silang may pagkukulang sa pag-iisip o mangmang, pero kahit hindi sila komportable, totoo ito. Talagang ganoon kahina ang kakayahan nila. Gusto Ko talagang magsabi ng isang bagay na magiging komportable ka, pero sadyang hindi mo taglay ang kakayahan para doon. Wala kang abilidad sa lahat ng aspekto at wala kang tama, tumpak na mga kaisipan o pananaw na naaayon sa normal na kaisipan ng sangkatauhan tungkol sa anumang usapin. Hindi ba’t kawalan ito ng kakayahan? Sapat nang mabuti na hindi ka tawaging walang silbing tao. Kaunti na lang, ang ganitong uri ng tao na walang kakayahan ay masasabi nang may kapansanan sa pag-iisip. Ang mga taong may kapansanan sa pag-iisip ay ni hindi kayang alagaan ang sarili nila—lubos silang umaasa sa tulong ng iba. Kapag oras ng pagkain, kailangang subuan pa sila ng kanilang mga magulang, at ni hindi nila mismo alam kung busog na ba sila o hindi. Ang mga taong may mahinang kakayahan ay may pagkukulang sa pag-iisip; sila ay mga mangmang, at kaunti na lang ay masasabi nang may kapansanan sila sa pag-iisip. Ganito kahina ang kakayahan nila. Sabihin mo sa Akin, hindi ba’t nakakaawa ang gayong mga tao? Hindi ba’t labis silang nakakainis? Ang mga taong may mahinang kakayahan ay walang abilidad na matuto, walang abilidad na maunawaan ang mga bagay, at walang abilidad na makaarok; lalong wala silang abilidad na tanggapin ang mga bagay—wala silang abilidad sa anumang aspekto. Gaano mo man sila paliwanagan o bigyan ng mga halimbawa, hindi pa rin nila kayang maintindihan o maunawaan ang sinasabi. Hindi ba’t ito ay pagkukulang sa pag-iisip? Kahit paano ka magpaliwanag, hindi sila makaunawa. Kahit magsalita ka nang napakalinaw at magpaliwanag nang lubusan, hindi pa rin nila ito maintindihan, at iniisip pa nga nilang labis na nakakaasiwa ang sinasabi mo. Wala silang kaisipan ng normal na sangkatauhan at nagsasabi pa nga sila ng mga panlilinlang para pabulaanan ka. Walang paraan para mangatwiran sa gayong mga tao; bigyan mo na lang sila ng tatlong salita, “Hindi ka mapangatwiranan!” Ganito kahina ang kakayahan nila. Hindi ba’t nakakabalisa at nakakainis sila? Kahit anong sabihin mo sa gayong mga tao, wala itong silbi. Gaano mo man subukan na bigyang-kaliwanagan sila, hindi sila nakakaunawa. Kahit sa isang maliit na usapin, inaabot ng isang buong araw para bigyang-kaliwanagan sila, at kung magsasalita ka nang medyo mas malalim, hindi nila mauunawaan; kailangan mong gumamit ng mga pinakamababaw na termino at magsabi nang marami bago sila makaunawa. Kahit pagkatapos nilang maunawaan ang isang usapin, kapag lumitaw ang isang katulad na isyu, hindi pa rin nila ito nauunawaan. Hindi ba’t ito ay pagkukulang sa pag-iisip? Gayumpaman, ang ganitong uri ng taong may pagkukulang sa pag-iisip ay hindi iniisip na sila ay hangal. Sinasabi nila, “Huwag mong isipin na ako ay hangal. Kung aalukin mo ako ng sampung yuan o sampung US dollars, tingnan mo kung ano ang pipiliin ko—tiyak ma pipiliin ko ang US dollars dahil alam kong mas mataas ang halaga niyon!” Sinasabi naman ng iba, “Hangal ka pa rin.” Bakit sinasabi ng iba na hangal ang gayong mga tao? Dahil ang isang normal na tao ay hindi gagamit ng ganitong halimbawa para patunayang hindi siya hangal, ni hindi siya gagamit ng gayon kababang paraan para ipakita ito. Dahil mismo ang gayong mga tao ay may napakahinang kakayahan, walang pamantayan sa paghusga sa sinumang mga tao, pangyayari, o bagay, at hindi alam kung paano suriin ang mga ito, hindi nila kailanman kinokonsidera ang sarili nila bilang hangal. Ang tunay na matatalinong tao, pagkatapos patuloy na magsikap at makibaka sa gitna ng isang grupo ng mga tao sa loob ng tatlo hanggang limang taon, ay mapagtatanto na sa anumang grupo, may mga mas magaling kaysa sa kanila, mga nakakahigit sa kanila. Palagi nilang nadarama na hindi sapat na mahusay ang kanilang sariling kakayahan, na hindi sapat na mahusay ang kanilang mga abilidad at talino. Palagi nilang nagagawang matuklasan ang sarili nilang mga kakulangan, nakikita kung saan sila kulang kumpara sa iba, at natutukoy ang kanilang sariling mga problema; palagi nilang nakikita ang mga kalakasan ng iba. Ang ganitong uri ng tao ay matalino at may kakayahan. Samantala, ang mga taong walang kakayahan, kapag namumuhay sa gitna ng isang grupo ng mga tao, ay palaging nadarama na ang iba ay mas mababa kaysa sa kanila. Nakikita nila na ang ilang tao ay hindi man lang marunong magbaybay ng ilang salita o hindi makapag-type, at minamaliit nila ang mga ito bilang may mahinang kakayahan. Ginagamit nila ang mga di-mahalaga, maliit na bagay na ito para ikumpirma na mahusay ang sarili nilang kakayahan. May mga tao rin, kapag nakikita na ang iba ay hindi partikular sa sariling kalinisan o hindi marunong magdamit nang maayos, ang nagsasabing mahina ang kakayahan ng mga ito. Sila mismo ay medyo mas malinis, marunong magkunwaring pino, o may kaunting kaalaman at kalakasan, kaya itinuturing nilang mahusay ang sarili nilang kakayahan. Ang gayong mga tao ba ay matalino o hangal? Sila ay hangal. Pansinin kung paano magsalita ang matatalinong tao: “Bakit pumalpak na naman ako? Napagtanto ko na hangal ako!” Ang mga madalas magsabi na sila ay hangal at na may mga pagkukulang sila ay tunay na matatalino. Ang mga hindi kailanman umaamin na sila ay hangal at palaging nagsasabing, “Sa tingin mo ba ay hangal ako? Subukan mong manghingi ng pera sa akin at tingnan mo kung bibigyan kita!” ay tunay na hangal. Ang kahangalan, sa karaniwang pananalita, ay tinatawag na “utak biya.” Na nakapagsasalita sila ng gayong mga kahangalan—hindi ba’t kahangalan iyon? Hindi ba’t iyon ay pagiging “utak biya”? (Oo.) Kapag may nakikita silang isang taong may kaunting kapintasan o kahinaan, o nag-iiwan ng mga butas sa ginagawa nito, pinagtatawanan nila ito kapag nakatalikod ito, sinasabing, “Paanong napakahangal niya?” Kapag may nakikita silang isang tao na puno ng mga kalkulasyon para sa pagsasamantala at mga tusong pakana, itinuturing nila itong matalino at may mahusay na kakayahan. Ang tunay na matatalinong tao ay sinusuri ang kalidad ng kakayahan ng isang tao at kung ito ba ay tunay na matalino o hangal batay sa iba’t ibang abilidad nito. Gayumpaman, ang mga hangal na tao ay tinitingnan lang kung sino ang mapagkalkula, kung sino ang nananamantala at palaging umiiwas sa mga kawalan, at sino ang sanay sa paglilingkod sa kanilang sarili sa pamamagitan ng panlalansi, naniniwala na ang lahat ng gayong tao ay matalino at may mahusay na kakayahan. Ang totoo, ang ganitong uri ng mga tao ay pawang hangal. Ang pagsusuri sa kalidad ng isang tao batay sa kung gaano ito mapagkalkula—ang gayong mga tao ay mga hangal mismo. Kanina lang, nabanggit natin ang isa sa mga pinakahangal na pagpapamalas: Sinasabi nila, “Kung aalukin mo ako ng sampung US dollars o sampung yuan, tingnan mo kung alin ang pipiliin ko. Siguradong hindi ko pipiliin ang yuan—huwag mong isipin na hindi ko alam na mas mataas ang halaga ng US dollars! Kung aalukin mo ako ng karne o tokwa, tingnan mo kung alin ang kakainin ko. Sa tingin mo ba ay hangal ako para kainin ang tokwa at hindi ang karne? Alam kong mas masarap ang karne!” Sa katunayan, ang gayong mga tao ay mga hangal. Kung talagang ayaw mong makita ng iba ang kahangalan mo, tiyak na hindi mo dapat gamitin ang gayong mga halimbawa. Nauunawaan mo ba? (Oo.) Ang mga hangal na tao ba ay madalas na nakakagawa ng ganitong pagkakamali? (Oo.) Iniisip pa nila, “Tingan mo kung gaano ako kagaling sa pagbibigay ng mga halimbawa! Kita mo kung gaano ako katalino? Sa tingin mo ba ay hangal ako? Ikaw ang hangal!” Ang pinakahangal na uri ng tao ay palaging nagpapakita ng kahangalan. Dito nagtatapos ang pagbabahaginan tungkol sa abilidad na ito: ang abilidad na tanggapin ang mga bagay.
Ang ikalimang abilidad ay ang abilidad ng pag-iisip. Ano ang tinutukoy ng abilidad ng pag-iisip? Ang pangunahing diin nito ay nasa antas ng pagkaunawa ng mismong tao sa mga bagay. Para masuri ang abilidad ng pag-iisip ng isang tao, kailangang tingnan ng isang tao ang antos ng pag-iisip niya sa isang bagay at kung gaano katagal bago niya maunawaan ang diwa ng isang bagay. Kung napakaikli ng panahon na kailangan niya at sapat na malalim ang antas ng pagkaunawa niya, umaabot sa antas ng pagkaunawa sa diwa ng bagay, nagtataglay siya ng abilidad ng pag-iisip. Kung ang panahon na kailangan ng isang tao para maunawaan ang isang bagay ay nasa loob ng normal na saklaw, at nauunawaan niya ang diwa ng bagay na ito mismo, malinaw na nakikita ang mga sanhi at bunga, at ang ugat at diwa ng mga problema sa loob nito, at pagkatapos ay nagkakaroon siya ng pagkaunawa tungkol sa bagay na ito sa puso niya—at higit pa roon, kung kaya niyang magbigay ng depinisyon at bumuo ng kongklusyon tungkol sa bagay na ito—ito ay tinatawag na pagkakaroon ng mahusay na kakayahan. Ibig sabihin, bilang isang normal na tao na nagtataglay ng kaisipan ng normal na sangkatauhan, lalaki ka man man o babae, kung kakaabot mo pa lang sa hustong gulang o nasa gitna o huling bahagi na ng buhay mo, kung ang pagkaunawa mo sa diwa ng mismong bagay ay nakakamit sa loob ng normal na haba ng panahon, ang kakayahan mo ay maituturing na mahusay. Kung ang panahon na kailangan mo para maunawaan ang bagay na ito ay higit nang tatlo o apat na ulit kaysa sa normal na tao—ibig sabihin, kung ang isang taong may mahusay na kakayahan ay nangangailangan ng tatlong araw, pero ikaw ay nangangailangan ng sampung araw o isang buwan pa nga—at kapag malinaw mo nang naunawaan ang buong pagkakasunod-sunod ng mga pangyayari ng usaping ito, at lumitaw na ang mga pinsala at negatibong kahihinatnan na idinulot ng usaping ito, saka mo lang napagtatanto ang kaseryosohan ng usaping ito at kung ano ang ugat at diwa nito, sa pinakamainam, ang kakayahan mo ay katamtaman. Sa madaling salita, kung hindi pa nagdulot ng mga seryosong kahihinatnan ang usaping ito pero nagsisimula nang patuloy na lumitaw ang ilang negatibong kahihinatnan, at sa gitna ng prosesong ito mo lang unti-unting napagtatanto ang ugat at diwa ng usaping ito, nakabubuo ng depinisyon at kongklusyon, kung gayon, ang kakayahan mo ay itinuturing na katamtaman. Pero kung matapos na humantong sa mga negatibo o seryosong kahihinatnan ang bagay na ito ay saka ka lang nagkaroon ng biglaang pagkakatanto at nakakaunawa sa kung ano ang kalikasan ng usaping ito, ang kakayahan mo ay napakahina. Kung nagdulot na ng mga negatibong kahihinatnan ang usaping ito at hindi mo pa rin alam kung ano ang problema sa usaping ito o kung ano ang ugat ng problema, at hindi ka pa rin makabuo ng kongklusyon tungkol dito, wala kang kakayahan. Ang abilidad ng pag-iisip ay nahahati sa apat na antas na ito. Una ay ang mga taong may mahusay na kakayahan. Ibig sabihin, kapag may isang bagay na kakalitaw pa lang at hinihinging makabuo ka agad ng kongklusyon sa loob ng ilang oras—at ito ay isang agarang sitwasyon kung saan, kung hindi ka makapagbibigay agad ng paghusga, makabubuo ng plano para pangasiwaan at lutasin ang usapin, o makabubuo ng plano para pigilan ang paglubha nito, magkakaroon ng mga negatibong kahihinatnan—kung, sa loob ng panahong ito, nagagawa mong mabatid ang ugat ng usaping ito, at kaya mong agad-agad at desididong gumawa ng tumpak na paghusga, tumpak na makapagdesisyon at makabuo ng kongklusyon, at pagkatapos ay makapagdisenyo ng makatwirang plano para sa pangangasiwa nito, ibig sabihin nito ay mayroon kang mahusay na kakayahan. Gayumpaman, ipagpalagay nang nararamdaman mo lang na may kaunting problema sa usaping ito, pero hindi mo alam kung nasaan ang problema o kung ano ang ugat nito, at sa loob ng normal na haba ng panahon para pangasiwaan ang usaping ito, wala kang mga kongklusyon, hatol, o plano para sa pangangasiwa nito. Sa halip, pasibo mo lang na hinihintay at inoobserbahan ang patuloy na pag-usad nito, at sa pamamagitan ng patuloy nitong pag-usad ay saka mo lang sinusubukang tukuyin kung ano talaga ang diwa nito at ginagawa ang isang paghatol na hindi masyadong tumpak, at pagkatapos ay patuloy kang naghihintay at nag-oobserba, at bago pa man tuluyang maganap ang usapin, maaaring halos magawa mo lang na makilatis ang diwa ng problema o halos makakaisip ka ng solusyon, pero hindi pa rin agaran ang pangangasiwa mo. Kung ganoon, ang kakayahan mo ay labis na katamtaman. Kung ang usaping ito ay tuluyan nang nangyari at lumitaw na ang mga kahihinatnan, at ganap nang lumitaw ang diwa ng problema, at saka mo lang napagtatanto na masama ang usaping ito, at nakikita kung ano ang pinakaugat nito—o marahil ay ni hindi mo talaga makita ang ugat kundi pasibo mo lang na tinitiis o hinaharap ang huling kahihinatnan ng usaping ito—ang ibig sabihin niyon ay mahina ang kakayahan mo. Ang isa pang pagpapamalas ng mga taong may mahinang kakayahan ay na kung mangyari muli ang gayong mga usapin, ganoon pa rin ang saloobin nila, ganoon pa rin ang paraan nila ng pangangasiwa rito, at ganoon pa rin kabagal ang pangangasiwa nila rito. Ibig sabihin, sa tuwing nangyayari ang gayong mga usapin, palagi nilang pinapangasiwaan ito sa parehong paraan, nang may ganitong parehong bilis at pagiging episyente. Gaano man karaming bagay ang maganap, hindi nila makilatis ang diwa ng mga ito, hindi rin nila binabago nang naaayon ang aliman sa mga opinyon o pananaw nila sa mga makamundong usapin. Ang mga ito ay mga taong may mahinang kakayahan. Dahil mismo sila ay mga taong may mahinang kakayahan, wala silang abilidad na mamuhay nang nagsasarili; ibig sabihin, wala silang pananaw sa pananatiling buhay o sa buhay. Ito ay isang indikasyon ng pagkakaroon ng mahinang kakayahan. Ang pagpapamalas ng mga taong walang kakayahan ay ito: Kapag naganap na ang isang usapin, at maaaring lumitaw na ang mga kahihinatnan, hindi pa rin nila alam kung ano ang nangyari, parang nananaginip sila. Ito ay kawalan ng kakayahan at kawalan ng abilidad ng pag-iisip. Nauunawaan mo ba? (Oo.) Ang abilidad ng pag-iisip ay pangunahing tumutukoy sa pagkaunawa sa mga diwa ng iba’t ibang tao at mga pangyayari at sa mga ugat ng mga problema ng mga ito; ito ang abilidad ng pag-iisip. Ibig sabihin nito na kapag nakita mo ang mga pagmamalas, pagbubunyag, at pagkatao ng isang uri ng mga tao, malalaman mo kung ang mga problemang kinakaharap nila, kung ano ang ugat ng mga problema sa kapaligirang pinamumuhayan nila, pati na kung ano ang diwa ng mga pangyayaring kasalukuyan mong inoobserbahan at kung nasaan ang ugat sa loob ng mga problema. Ang abilidad ng pag-iisip ay pangunahing tumutukoy sa dalawang aspekto: ang pagkilatis sa diwa ng mga tao, pangyayari, at bagay, at ang pagkilatis sa ugat ng mga problema ng mga ito. Ano pa ang nauunawaan ninyo tungkol sa abilidad ng pag-iisip? Mayroon bang sinumang nakakaunawa rito bilang ang abilidad na makaunawa at matuto ng kaalaman? (Wala.) Ang abilidad ng pag-iisip na tinatalakay natin dito ay pangunahing kinasasangkutan ng abilidad na tingnan ang mga tao at pangyayari. Kung napakababa ng pamantayan mo sa pagtingin sa mga tao at pangyayari, kung napakababaw ng pagkaunawa mo, o kung hindi mo kayang maunawaan ang diwa ng sinumang tao, anumang pangyayari, o bagay, ang abilidad ng pag-iisip mo ay napakahina, o maaaring hindi umiiral. Kung, kahit gaano karami ang mga di-tamang salita o maling pananaw ang ipinapahayag ng mga tao sa paligid mo, kahit gaano karaming maling kilos ang ginagawa nila, o gaano karaming malinaw na katiwalian man ang ibinubunyag nila, hindi mo matuklasan ang diwa ng problema, hindi mo alam kung anong uri ng mga tao sila, kung sila ba ay mga tamang tao, kung sila ba ay mga taong naghahangad sa katotohanan, kung kumusta ang karakter nila, o kung ano ang diwa ng gayong mga tao—kung hindi mo alam ang anuman sa mga bagay na ito—wala kang abilidad ng pag-iisip. Kapag naharap sa sinumang tao o anumang usapin, wala kang pamantayan para sa pagsusuri. Pagkatapos lumipas ng usapin, wala kang kongklusyon tungkol sa diwa ng gayong mga problema, at lalong wala kang anumang pagkaunawa rito; at siyempre, wala kang mga prinsipyo para sa pangangasiwa sa gayong mga usapin o mga landas ng pagsasagawa para sa mga ito—ito ang ibig sabihin ng kawalan ng abilidad ng pag-iisip. Ang abilidad ng pag-iisip ay pangunahing tumutukoy sa abilidad ng isang tao na maunawaan ang mga tao, pangyayari, at bagay. Dito nagtatapos ang pagbabahaginan natin tungkol sa abilidad na ito.
Ang ikaanim na abilidad ay ang abilidad na gumawa ng mga paghusga. Ang abilidad na gumawa ng mga paghusga ay kapag, sa tuwing nahaharap sa isang usapin, nagagawa mong husgahan kung ito ba ay tama o mali, wasto o hindi wasto, at positibo o negatibo, at pagkatapos ay ginagamit mo ang iyong paghusga para matukoy ang angkop na paraan para harapin at pangasiwaan ito. Kapag ang isang tao ay normal na nahaharap sa isang usapin, ito man ay isang bagay na nakita na niya noon o hindi pa, naranasan na niya noon o hindi pa, at ang usapin man ay medyo positibo o medyo negatibo, anong uri ng saloobin ang dapat niyang taglayin tungkol dito? Dapat ba niya itong tanggihan o yakapin at tanggapin ito? Kung, pagkatapos mo itong makita nang malinaw, mayroon kang sarili mong paninindigan at nagtataglay ka ng mga tumpak na pananaw na naaayon sa mga katotohanang prinsipyo, pinatutunayan nito na mayroon kang abilidad na gumawa ng mga paghusga. Halimbawa, kapag naririnig mo ang isang tao na magsabi ng isang bagay, matapos itong pag-isipan, kaya mong matukoy kung ano ang kahulugan nito, kung anong pakay ang nais makamit ng nagsalita, kung bakit niya sinasabi ang mga salitang ito, kung bakit ganoon ang ginagamit niyang pananalita at tono, at kung bakit mayroon siyang ganoong klaseng ekspresyon sa mga mata niya habang sinasabi ito. Makikita mo ang mga nasa natatagong intensyon, pakay, at motibo sa likod ng kanyang sinasabi. Paano mo man pangasiwaan ang mga natatagong intensyon at motibong ito pagkatapos, mapapansin mo ang ilan sa mga natatagong problemang nasa likod ng usapin na nangyayari sa mismong sandaling iyon. Alam mo kung ano ang nais niyang gawin, kung bakit nais niyang gawin ito sa ganitong paraan, ang pakay na nais niyang makamit, ang epekto na nais niyang idulot ng kanyang mga salita, at ang mga natatagong paraan, pakana, at planong nasasangkot. Makikita mo ang ilang indikasyon, nagkakaroon ka ng kamalayan na ang problema rito ay hindi isang ordinaryong problema, at maaaring magkaroon ka pa ng pakiramdam ng pagkaalerto sa puso mo. Pinatutunayan nito na mayroon kang abilidad na gumawa ng mga paghusga. Kung mayroon kang abilidad na gumawa ng mga paghusga, nangangahulugan ito na isa kang taong may mahusay na kakayahan. Gaano man kaganda pakinggan ang mga salita ng isang tao, gaano man naaayon sa katotohanan ang mga ito sa usapin ng doktrina, gaano man katuwid ang kanyang saloobin sa paningin ng iba, o gaano man katago ang kanyang pakay, magagawa mo pa ring husgahan ang problema sa pamamagitan ng kanyang panlabas na mga pagbubunyag, mga penomenon, o sa kanyang sinasabi—pinatutunayan nito na mayroon kang mahusay na kakayahan at abilidad na gumawa ng mga paghusga. Halimbawa, kapag nahaharap sa isang usapin, gaano man kalayo ang narating ng usaping ito, kaya mong makilatis ang diwa ng usaping ito at ang ugat ng problema sa pamamagitan ng pag-unawa sa proseso ng usaping ito. Ito ay pagkakaroon ng abilidad na gumawa ng mga paghusga. Halimbawa, sa iglesia, kapag may mga anticristo at masasamang tao na nanggagambala at nanggugulo, tungkol sa kung sino sa mga taong ito ang pinuno, sino ang mga tagasunod, sino ang gumaganap ng pangunahing papel sa usaping ito, at sino ang pasibo, gayundin kung anong uri ng impluwensiya ang idudulot ng usaping ito mismo sa mga tao, at kung anong masasamang kahihinatnan ang lilitaw kung magpapatuloy pa ang usaping ito, sa pamamagitan ng pagkaunawa sa mga batayang kalagayan ng usaping ito, kaya mong gumawa ng paghusga tungkol sa buong sitwasyon. Kahit na ang paghusga mo noong panahong iyon ay may kaunting pagkakaiba sa kung ano ang nangyari dito sa huli, kahit papaano, mayroon kang pananaw, saloobin, at mga tumpak na prinsipyo para sa pangangasiwa sa usaping ito. Sapat na ito para patunayan na mayroon kang abilidad na gumawa ng mga paghusga tungkol sa usaping ito. Ibig sabihin, kaya mong husgahan kung sino ang pinuno o pasimuno ng isang usapin, o hanggang saan maaaring umabot ang usaping ito sa hinaharap, at kung anong uri ng saloobin at mga prinsipyo ang dapat mong gamitin para harapin ito at pigilan itong magdulot ng masasamang kahihinatnan. Hangga’t mayroon kang abilidad na maghusga, tama ang lohika at paraan ng iyong paghusga, at ang batayan ng iyong paghusga ay, kahit papaano, naaayon sa pagkatao, o higit pa riyan, naaayon sa mga katotohanang prinsipyo, pinatutunayan nitong mayroon kang abilidad na gumawa ng mga paghusga. Kahit na ang paghusga mo ay may kaunting pagkakaiba sa mismong usapin, basta’t may batayan ang iyong paghusga, ang iyong paghusga ay naaayon sa takbo ng kung paano umuunlad ang mismong usapin, at naaayon sa ugat at diwa ng mga katulad o kahalintulad na problema—at higit pa riyan, naaayon sa mga katotohanang prinsipyo—maaari ding sabihing mayroon kang abilidad na gumawa ng mga paghusga. Ang pagkakaroon ng abilidad na gumawa ng mga paghusga ay nagpapatunay na kaya mong pag-isipan ang mga problema. Kung ang mga paghusga mo ay naaayon sa ugat, diwa, at lahat ng ibang aspekto ng mismong usapin, pinatutunayan nito na isa kang taong may mahusay na kakayahan.
Sinumang mga tao o anumang mga usapin ang kinakaharap ng isang tao, kapag mayroon siyang tamang kaisipan, at sa batayan ng paghusga kung tama o mali ang isang usapin, wasto o hindi wasto, o kung ito ay positibo o negatibo, saka lang siya maaaring magkaroon ng kasunod na plano para sa pangangasiwa at paglutas dito. Kung ang isang tao ay hindi marunong mag-isip tungkol sa mga problema—sa mas partikular, kung hindi niya kayang husgahan ang mga problema—kung gayon ay hindi rin niya kayang pangasiwaan ang mga problema, ibig sabihin, wala siyang abilidad na mangasiwa ng mga problema. Ang sinumang nangangasiwa ng mga problema ay ginagawa ito sa batayan ng paghusga kung tama o mali ang isang usapin; kung hindi, ang plano niya sa paglutas ng problema at ang kanyang landas ng pagsasagawa ay mawawalan ng batayan. Halimbawa, may nag-uulat sa iyo na sa isang partikular na iglesia, hindi maganda ang buhay iglesia; karamihan ng tao ay negatibo at walang pakialam, ayaw dumalo sa mga pagtitipon o gumawa ng kanilang tungkulin. Paano mo huhusgahan ang gayong penomenon? Isa ba itong problema sa tunay na buhay? (Oo.) Dahil ito ay isang problema sa tunay na buhay, kailangan mong makaisip ng isang partikular na plano ng pagsasagawa para pangasiwaan at lutasin ito. Bago lutasin ang problema, hindi ba’t kailangan mong husgahan kung ano ang ugat at diwa ng problemang ito, at kung sinu-sino ang mga taong nagdudulot nito? Hindi ba’t kailangan mong husgahan ang mga ito? (Oo.) Sa pamamagitan lang ng pag-iisip ka magkakaroon ng paghusga, at pagkatapos lang ng paghusga mo matutukoy ang ugat ng problema, at batay sa ugat at diwa ng problema, saka mo matutukoy ang angkop, nababagay na mga paraan para sa pangangasiwa at makakapagplano ka para sa paglutas ng problema. Kung nalaman mong hindi maganda ang buhay iglesia sa isang partikular na iglesia pero hindi mo alam kung bakit, paano mo huhusgahan kung nasaan ang ugat ng problema? (Una kong iisipin na ang problemang ito ay may direktang kinalaman sa lider ng iglesia. Kung ang lider ng iglesia ay walang espirituwal na pang-unawa, maraming taon nang nananampalataya sa Diyos pero hindi nauunawaan ang katotohanan, hindi kayang pangasiwaan ang anumang problemang nakakaharap niya, at hindi alam kung paano pangunahan ang hinirang na mga tao ng Diyos sa pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos o sa pakikipagbahaginan tungkol sa katotohanan, kung gayon, ang isang iglesia na may gayong huwad na lider ay tiyak na hindi magkakaroon ng magandang buhay iglesia.) Isang paghusga ito. Sa pangkalahatan, para sa mga simpleng problema, kung tumpak ang isang paghusga, maaaring tulutan ka nitong maarok ang ugat ng problema. Gayumpaman, ang ilang problema ay komplikado, at kung hindi kompleto ang impormasyong nauunawaan mo, posible na ang nag-iisa mong paghusga ay hindi ka tulutan na maarok ang ugat ng problema. Kaya, mayroon din bang ikalawa at ikatlong mga paghusga? (Mayroon.) Pagkatapos magkaroon ng tatlong paghusga, posible na ang isa sa mga ito ang pinakatumpak. Anong iba pang mga paghusga ang naiisip ninyo? (Ang naiisip ko ay na ang mga tao sa iglesiang ito, sa pangkalahatan, ay may mahinang kakayahan at mahinang abilidad na maarok ang katotohanan, at hindi sila nagmamahal sa katotohanan. Kaya hindi maganda ang mga resulta ng buhay iglesia roon.) Naaayon ba ito sa realidad ng sitwasyon? Ito ang ikalawang paghusga. Mayroon pa bang ibang mga paghusga? (Iisipin ko rin kung may masasamang tao bang nanggugulo sa iglesia.) Ito ang ikatlong paghusga. Alin sa tatlong paghusgang ito ang mas naaayon sa tunay na sitwasyon at ang mas makatotohanan, at alin ang hungkag? (Pakiramdam ko, medyo hungkag ang ikalawang paghusga. Sa katunayan, kung ang iglesia ay may angkop na tao bilang lider na responsable sa gawain, magiging maganda ang mga resulta ng buhay iglesia. Sa pamamagitan ng pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos at pag-unawa sa katotohanan, tiyak na magkakaroon ng sigasig na gumawa ng kanilang mga tungkulin ang mga kapatid. Pakiramdam ko, mas makatotohanan ang una at ikatlong mga paghusga.) Ang ikalawang paghusga ay hungkag na doktrina. Ang una at ikatlong mga paghusga ay naaayon sa tunay na sitwasyon at tumpak. Sa isang banda, ang dalawang paghusga na ito ay gumagamit ng lohikal na pag-iisip; sa kabilang banda, nakabatay ang mga ito sa ilang penomenong karaniwang nakikita sa tunay na buhay. Kung kaya mong maarok ang ilang pangkaraniwang penomenon, pinatutunayan nito na ang iyong pag-iisip ay tama at naaayon sa lohika. Kung hindi mo maarok ang tunay na sitwasyon, at ang iyong paghusga ay hiwalay sa tunay na buhay, pinatutunayan nitong ang iyong pag-iisip ay walang lohika at may mga problema, at na tinitingnan mo ang mga problema sa isang hindi makatotohanan, hindi obhetibong paraan. Ang una at ikatlong paghusga ay obhetibo. Ang isang sitwasyon ay na maaaring ang lider ng iglesia ay hindi alam kung paano gawin ang gawain. Siya mismo ay walang landas sa buhay pagpasok, kaya lalong wala siyang landas pagdating sa pangunguna sa iglesia at sa mga kapatid. Dahil dito, hindi umuunlad ang buhay iglesia roon. Sa katunayan, karamihan ng tao sa iglesia ay taos-pusong nananampalataya sa Diyos at may sigasig, pero hindi talaga nagbubunga ang buhay iglesia. Ang bawat pagtitipon ay sumusunod sa parehong nakagawian: pag-awit, pagdarasal, pagbabasa ng mga salita ng Diyos, at pagkatapos ay nagbabahagi ng ilang mababaw na pagkaunawa o doktrina ang lider o diyakono. Iilan lang ang mga tao roon na nakapagsasalita tungkol sa tunay na pagkaunawang batay sa karanasan. Bukod pa roon, ang lider ng iglesia ay may mahinang kakayahan at mababaw na karanasan, at hindi niya kayang makipagbahaginan tungkol sa katotohanan para lutasin ang mga problema. Kaya’t ang buhay iglesia ay tila nakakabagot at hindi kasiya-siya. Marami nang naging mga pagtitipon pero wala namang nakakamit ang mga tao mula sa mga ito, kaya pakiramdam ng karamihan ng tao na ang pagdalo sa gayong mga pagtitipon ay mas hindi kapaki-pakinabang kumpara sa pagbabasa ng mga salita ng Diyos sa bahay, at ayaw na nilang dumalo. Ang ilang tao, matapos manampalataya sa Diyos sa loob ng isa o dalawang taon at makaunawa ng kaunting katotohanan, ay nais nang gumawa ng mga tungkulin. Gayumpaman, ang ilang lider ng iglesia ay hindi alam kung aling mga tao ang nababagay sa aling tungkulin o sa kung anong uri sila ng gawain nababagay. Hindi nila kayang makatwirang isaayos ang mga tao o gamitin ang mga tao, ni hindi nila kayang gamitin ang sarili nilang mga karanasan para suportahan ang mga tao at tulungan ang mga ito na matupad ang mga tungkulin ng mga ito. Maaari itong humantong sa ilang tao na maging negatibo at umayaw na gumawa ng mga tungkulin nila. Sa katunayan, karamihan ng taong handang gumawa ng tungkulin nila ay kayang gawin ang tungkulin nila nang maayos; kulang lang sila sa suporta at tulong. Kung ang mga lider ng iglesia at mga diyakono ay kayang suportahan at tulungan ang mga tao ayon sa mga salita ng Diyos, darami ang bilang ng mga tao sa iglesia na handang gumawa ng tungkulin, at magagawa nila nang normal ang tungkulin nila. Dahil hindi marunong ang mga lider ng iglesia at mga diyakono na gumawa ng gawain kaya ang buhay iglesia ay nagbubunga ng hindi magagandang resulta at nananatiling hindi nalulutas ang ilang problema sa loob ng mahabang panahon, at pagkalipas ng ilang panahon, maraming tao ang nagiging negatibo at nawawalan ng anumang sigasig; naaapektuhan nito ang hinirang na mga tao ng Diyos sa pagawa nila ng tungkulin nila. Kung hindi maganda ang mga resulta ng buhay iglesia, ito ay pangunahing dahil ang mga lider at diyakono ng iglesia ay hindi marunong gumawa ng gawain ng iglesia. Ito ay isang sitwasyon. Ang isa pang sitwasyon ay kapag ang mga anticristo at masasamang tao ang may hawak ng kapangyarihan at nagdudulot ng mga paggambala sa iglesia, at ito ay nangyayari paminsan-minsan. Kapag ang mga lider ng iglesia ay hindi marunong gumawa ng gawain, at may mga anticristo at masasamang tao ring may hawak ng kapangyarihan, palaging bumubuo ng mga paksyon, nagtatatag ng mga nagsasariling kaharian, at pinahihirapan at sinusupil ang iba, dahil dito, may ilang kapatid na taos-pusong nananampalataya sa Diyos at handang gumawa ng tungkulin nila ang sinusupil, pinahihirapan, at ibinubukod. Nais nilang gumawa ng tungkulin nila pero wala silang pagkakataon, kaya sila ay nagiging negatibo at mahina. Ang mga taong ito na taos-pusong nananampalataya sa Diyos ay hindi nasisiyahan kapag nakikipagtipon sa mga anticristo at kasabwat ng mga ito. Palaging nais ng mga anticristo na humawak ng kapangyarihan at itatag ang kanilang sarili. Kapag dumadalo sa mga pagtitipon ang mga taos-pusong nananampalataya sa Diyos, nais nilang makaunawa ng mas maraming katotohanan at ibahagi ang kanilang mga karanasan, pero sinusupil sila ng mga anticristo at hindi sila binibigyan ng pagkakataon. Dahil dito, nagiging magulo ang buhay iglesia; nahahati-hati ang mga tao at hindi na masaya ang mga pagtitipon. Ang kaunting sigasig at pagmamahal na mayroon ang mga tao ay nawawala, at ayaw na nilang gawin ang kanilang tungkulin. Ang hindi magagandang resulta ng buhay iglesia ay maaaring dahil sa alinman sa mga kadahilanang ito. Ito ang maaari ninyong isipin at husgahan. Kung ang kongklusyong nabubuo mo sa pamamagitan ng paghusga ay may kaugnayan sa tunay na sitwasyon, kahit bahagya lang itong nauugnay o tumutukoy lang sa isang posibleng problema, ito ay pagpapamalas pa rin ng pagkakaroon ng abilidad na gumawa ng mga paghusga. Kahit papaano, ang kongklusyon at opinyong nabubuo mo sa pamamagitan ng paghusga ay may kaugnayan sa tunay na sitwasyon, at hindi doktrina, mababaw, o isang bagay na hindi umiiral kailanman. Pinatutunayan nito na mayroon kang abilidad na gumawa ng mga paghusga. Kung ang mga kongklusyong nabubuo mo tungkol sa bawat usapin ay hindi naaayon sa mga normal na takbo ng pag-unlad ng mga bagay o sa kung ano ang kinalalabasan ng anumang usapin sa tunay na buhay, at pawang imahinasyon lang, hungkag, hindi makatotohanan, at hindi totoo, at walang kaugnayan sa mga tunay na sitwasyon, nangangahulugan itong wala kang abilidad na gumawa ng mga paghusga o madalas kang nagkakamali sa paghusga. Kung gayon, paano naman ang ikalawang paghusga na nabanggit ninyo kanina, na ang hindi magagandang resulta ng buhay iglesia ay dahil sa mahinang kakayahan ng mga tao sa iglesiang ito at sa hindi nila pagmamahal sa katotohanan—anong uri ng paghusga ito? (Ito ay pagkakamali sa paghusga.) Ito ay tinatawag na pagkakamali sa paghusga. Kung hindi mo lubos na maarok ang mga sitwasyong madalas na nangyayari sa gayong mga usapin—ibig sabihin, ang ilang pinakaposibleng mangyari na sitwasyon—at isang sitwasyon lang ang iyong naiisip sa pamamagitan ng paghusga, o nakakaisip ka ng mga posibleng sitwasyon pero naiisip mo rin ang mga imposibleng sitwasyon, ano ang pinatutunayan nito? Pinatutunayan nito na ang iyong abilidad na gumawa ng mga paghusga ay katamtaman. Ang isang taong may katamtamang abilidad na gumawa ng mga paghusga ay may ilang kaisipan tungkol sa isang usapin pero hindi siya makatiyak. Sa gayong mga kaso, hindi tumpak ang paghusgang ginagawa niya. Kung ang mga paghusga ng isang tao ay minsang tama at minsang mali, at ang ilan ay naaayon sa tunay na sitwasyon samantalang ang iba ay hindi, pero ang mga hindi tumpak na paghusga ay medyo mas madalas, ipinapahiwatig nito na mahina ang kanyang abilidad na gumawa ng mga paghusga. Ipagpalagay nang ang mga kongklusyong nabubuo niya sa pamamagitan ng paghusga ay ganap na hungkag, hindi talaga naaayon sa mga takbo ng pag-unlad ng mga bagay, at lalong hindi naaayon sa mga karaniwan o madalas na nangyayaring penomenon, ganap na walang kaugnayan sa mga katunayan. Ang mga paghusga niya ay walang iba kundi mga pantasya, wala siyang anumang koneksiyon sa mga takbo ng pag-unlad ng mga bagay o sa pagkataong diwa mismo, at ganap siyang hindi tugma sa konteksto sa tunay na buhay at sa kapaligiran. Ibig sabihin, ipagpalagay nang ang mga paghusga niya ay hiwalay sa realidad—ang naiisip niya sa pamamagitan ng paghusga ay hindi maaaring mangyari kailanman sa tunay na buhay, at ang sinasabi niya ay hindi talaga ang diwa ng problema. Kung gayon, ang taong ito ay walang abilidad na gumawa ng mga paghusga.
Para masuri kung ang isang tao ay may abilidad na gumawa ng mga paghusga, ang pangunahing bagay ay ang tingnan kung tumpak ba ang mga paghusga niya sa iba’t ibang uri ng tao at sa iba’t ibang uri ng bagay. Halimbawa, sabihin natin na nakakita ka ng isang taong umiiyak at hindi mo alam kung bakit. Nakikita mong umiiyak siya nang napakapait at napakalungkot, at paminsan-minsan din siyang nananalangin at nagbabasa ng mga salita ng Diyos, at hindi siya tumutugon sa sinumang kumakausap sa kanya. Hiniling sa iyong husgahan kung ano ang nangyayari sa taong ito, at sinabi mong, “Maaaring nangungulila siya sa kanyang tahanan. Nagkasakit ang kanyang ina kamakailan, kaya gusto niyang umuwi.” Tumpak ba ang paghusgang ito? May ilang taong nagsasabi, “Maaaring siya ay nakakaramdam ng pagiging negatibo. Kadalasan, kapag umiiyak ang mga tao, ito ay dahil nasaktan ang mga damdamin nila. Halimbawa, umiiyak ang mga tao kapag inaapi o niloloko sila. Kapag humaharap siya sa ilang isyu at hindi trinato nang patas, palagi siyang umiiyak, at ayaw niyang makipag-usap o makihalubilo sa iba. Ito ay isang pagpapamalas ng pagiging negatibo.” May iba namang gumagawa ng ganitong paghusga: “Dati-rati, madalas siyang nangangaral ng ebanghelyo at gumagawa ng tungkulin niya sa labas, pero ngayon ay matagal na siyang gumagawa ng tungkulin niya sa loob, at maaaring hindi siya sanay sa ganito at pakiramdam niya ay nasasakal siya.” May iba pa bang posibilidad? Sinasabi ng ilang tao, “Baka hindi siya nakakain ng karne kahapon, kaya nalungkot siya at umiiyak.” Sinasabi ng iba, “Kahapon ay lumapit siya sa akin para kausapin ako. Akala ko ay dumaraan lang siya, kaya sinulyapan ko siya at hindi ko siya kinausap. Maaari kayang nagalit siya dahil doon? Umiiyak kaya siya dahil dito?” Paano dapat husgahan ang usaping ito sa paraang naaayon sa aktuwal na sitwasyon? Madali ba itong husgahan? (Maaari akong makagawa ng ilang paghusga. Ang ilang dahilang kakabanggit lang ngayon—pangungulila sa tahanan, nasaktang mga damdamin, o mabigat, nasasakal na lagay ng loob—ang lahat ng kalagayang ito ay posibleng magdulot sa isang tao na umiyak. Gayumpaman, ang maliliit na bagay tulad ng hindi nakakain ng karne o hindi pinansin kapag kinakausap ang isang tao ay hindi dapat sapat para mapaiyak ang isang tao.) Ano ang mga dahilan na maaaring makapagpaiyak nang husto sa isang tao? Mga hinaing, kalungkutan, pangungulila sa isang tao o bagay, o isang pakiramdam ng pagkakautang. Kaya, dapat mo siyang tanungin: “Bakit ka umiiyak? Umiiyak ka ba dahil hindi ka tinrato nang patas at nalulungkot ka, o dahil pinagninilayan mo ang sarili mo at pakiramdam mo ay napakalaki ng pagkakautang mo sa Diyos?” Sa pamamagitan ng ganitong taos-pusong pakikipag-usap sa kanya, malalaman mo kung bakit siya umiiyak. Sa madaling salita, hindi posible na umiiyak siya dahil hindi siya nakakain nang maayos o hindi siya nakakain ng karne, ni hindi posible na umiiyak siya dahil hindi siya pinansin ng ibang mga tao o dahil tiningnan siya nang masama. Siyempre, sa ilalim ng mga tipikal na sitwasyon, ang pagdurusa ng kaunting paghihirap ay hindi makapagpapaiyak sa isang tao, at ang paminsan-minsang pagiging hindi masyadong maganda ng lagay ng loob ay hindi rin makapagpapaiyak sa kanya. Ang mga bagay na maaaring makapagpaiyak sa isang tao ay karaniwang ang ilang nabanggit na sitwasyon kanina. Maaari mong husgahan ang dahilan kung bakit siya umiiyak batay sa mga karaniwang sitwasyong iyon, at pagkatapos ay makakagawa ng paghusga batay sa mga pangkaraniwan, tuloy-tuloy na pagpapamalas niya—tulad ng katunayan na sa pangkalahatan, hindi siya umiiyak maliban kung nahaharap siya sa isang malungkot na bagay o isang bagay na nakakasakit sa kanya, na hindi siya madaling maluha, at na umiiyak lang siya kapag nagsasalita tungkol sa mga partikular na nakalulungkot na usapin at bagay na partikular na umaantig sa kaluluwa niya, o kapag nakagawa siya ng mali o nakagawa ng malaking pagkakamali at pakiramdam niya ay may pagkakautang siya sa Diyos—sa pamamagitan ng paghusga batay sa kontekstong ito, sa humigit kumulang, malalaman mo kung bakit siya umiiyak. Ang isang sitwasyon ay iiyak siya kung may malubhang karamdaman o namatay ang isang kapamilya, ang isa pa ay kung siya mismo ay nagdusa sa isang malubhang karamdaman at labis na nagdurusa. O kaya naman, maaaring umiyak siya dahil may nagawa siyang mali at kaya nakagawa siya ng pagsalangsang, at pakiramdam niya ay may pagkakautang siya sa Diyos, nais niyang gawin ang pinakamakakaya niya para magbago pero mayroon pa rin siyang mga kahinaan at hindi niya mapagtagumpayan ang mga ito; kapag nagsama-sama ang masasalimuot na emosyong ito, hahantong ito sa pag-iyak niya. Ang mga paghusgang ito ay medyo naaayon sa aktuwal na sitwasyon. Sa pamamagitan ng paghusga batay sa mga tuloy-tuloy na pagpapamalas at mga katangian ng kanyang personalidad, malalaman mo ang ugat na dahilan kung bakit siya umiiyak ngayon. Sa ganitong paraan, magiging medyo mas tumpak ang paghusga. Sa isang banda, sa pamamagitan ng pag-unawa sa tayog ng gayong mga tao at sa ilan sa mga problemang kasalukuyan nilang nararanasan, at sa kabilang banda, sa mga depekto sa kanilang pagkatao mismo, gayundin sa ilan sa katiwalian at mga kahinaan na madalas nilang naibubunyag, sa pangkalahatan ay mapapaliit mo ang saklaw, at mahuhusgahan kung ano ang ugat na sanhi ng problema ng taong ito sa loob ng saklaw na ito. Ang paggawa ng paghusga sa ganitong paraan ay magiging medyo mas tumpak.
Tapos na tayong magbahaginan ngayon tungkol sa mga pagpapamalas ng mga taong may mahusay na kakayahan, katamtamang kakayahan, at mahinang kakayahan sa usapin ng kanilang abilidad na gumawa ng mga paghusga, hindi ba? (Oo.) Mayroon ding isang kategorya ng mga taong may pinakamahinang kakayahan. Anuman ang mangyari o anumang makita nilang gawin ng isang tao, hindi alam ng gayong mga tao kung paano gumawa ng paghusga. Bakit hindi? Dahil ang kanilang kakayahan ay napakahina, wala silang abilidad na gumawa ng mga paghusga, at hindi nila alam kung paano maghusga ng mga bagay. Halimbawa, ipagpalagay nang may narinig silang isang tao na nagsabi ng isang negatibong bagay. Pagdating sa kung ano ang diwa at kalikasan ng negatibong pahayag na ito, hindi nila alam kung saan ibabatay ang paghusga nila, wala silang ideya. Ito ay hindi pagkaalam kung paano pag-isipan ang tungkol sa mga problema at hindi pagkaalam kung paano husgahan ang mga bagay. Kapag nakikita nila ang isang taong gumagawa ng isang bagay, hindi nila mahusgahan kung ano ang kalikasan ng usaping ito, o kung kumusta ang karakter ng taong ito batay sa diwa ng usapin; hindi nila alam kung paano husgahan ang mga bagay na ito batay sa sarili nilang karanasan ng pag-asal, at lalong hindi batay sa mga salita ng Diyos. Samakatwid, wala silang abilidad na gumawa ng mga paghusga. Ano ang ugat na dahilan ng kawalan ng kakayahan na husgahan ang mga bagay? Ito ay na ang ganitong uri ng tao ay hindi alam kung paano pag-isipan ang tungkol sa mga problema, at pagdating sa pagtingin sa mga tao at bagay, hindi nila alam kung aling aspekto ang dapat tingnan, kung paano tingnan ang mga ito, o sa kung anong batayan titingnan ang mga ito. At, hindi nila alam kung anong mga kongklusyong ang bubuuin pagkatapos, kung paano bumuo ng mga kongklusyon, o kung paano harapin at pangasiwaan ang ganitong uri ng tao o usapin kapag nakabuo na sila ng kongklusyon. Ang kanilang isipan ay blangko o malabo. Ito ay kawalan ng abilidad na gumawa ng mga paghusga. Ang pangunahing problema ng mga taong walang abilidad na gumawa ng mga paghusga ay na hindi nila nauunawaan o naiintindihan ang anuman sa mga prinsipyo, at wala pa nga sila ng sariling karanasan sa pag-asal. Samakatwid, kapag nakikisalamuha sila sa iba’t ibang uri ng mga tao, hindi nila alam kung anong uri ng mga tao ang karapat-dapat na makasalamuha at kung anong mga uri ang hindi; hindi nila alam kung sinong mga tao ang mga medyo mabait at mayroon ding kaunting kalakasan na maaari nilang matutunan para mapunan ang kanilang mga kakulangan at makakatulong at magiging kapaki-pakinabang sa kanila; kung aling uri ng mga tao ang maaaring pagtiisan at makasundo nang labag sa loob; at kung aling uri ng mga tao ang may napakasamang pagkatao na ang pakikisalamuha sa kanila ay madaling magdulot ng gulo o mga alitan, at kaya dapat silang layuan—wala silang alam tungkol sa lahat ng ito. Sa madaling salita, ang mga taong ito na walang abilidad na gumawa ng mga paghusga ay walang alam at hindi kayang husgahan ang sinumang tao o usapin. Pero may sarili rin silang pamamaraan, isang nakatakdang patakaran na sinusunod nila. Sinasabi nila, “Kahit sino pa ang kasama kong mangasiwa ng mga bagay o kinakausap ko, binabalewala ko lang sila sa pamamagitan ng pakikipagbiruan. Wala akong sama ng loob sa kahit sino. Siya man ay isang mabuti o masamang tao, tunay man siyang nananampalataya sa Diyos o hindi nananampalataya, minamahal man niya ang katotohanan o tutol rito—nakakasundo ko siya, at wala akong napapasama ng loob. Kapag nakikita ko ang masasamang tao, iniiwasan ko sila; kapag nakikita ko ang maaamong tao, inaapi ko sila.” Ito mismo ang kanilang maladiyablong lohika. Hindi nila alam kung aling uri ng mga tao ang dapat nilang makasalamuha, kung aling uri ng mga tao ang dapat nilang layuan, at kung aling uri ng mga tao ang hindi nila kailanman dapat makasalamuha o pakitunguhan. Hindi nila inilalapat ang pinakakaunting pagkilatis at pare-pareho ang turing nila sa lahat ng tao, pare-pareho ang pagtrato nila sa lahat. Kahit sino pa ito, basta’t wala silang magandang opinyon sa taong iyon, itinuturing nila ang taong iyon bilang tagalabas o kaaway. Gaano man kabuti ang isang tao, basta’t wala silang napapakinabangan mula rito, tinatrato nila ang taong iyon nang may pagbabantay. Hindi nila binubuksan ang kanilang puso sa sinuman at mapagbantay ang pagharap nila sa lahat ng tao. Ang gayong mga tao ba ay may mahusay na kakayahan o mahinang kakayahan? (Mahinang kakayahan.) Dahil mahina ang kanilang kakayahan, paanong may ganoon pa rin silang mga kaisipan? Ang gayong mga tao ay sadyang makitid ang pag-iisip. Ano ang pagkakaiba ng mga taong walang kakayahan sa mga may kapansanan sa pag-iisip? Ang mga taong walang kakayahan ay may pagkukulang sa pag-iisip at mangmang. Bukod sa pagpapakain sa sarili at pagbibihis, pagpapanatili ng dangal, at pagkikimkim ng ilang kalkulasyon para makapanamantala at hindi magdusa ng anumang kawalan, wala silang anumang kakayahan. Sa kabilang banda, ang mga taong may kapansanan sa pag-iisip ay wala man lang anumang kalkulasyon para sa pagprotekta sa sarili nilang mga interes o pananamantala—sadyang wala talaga silang mga kaisipan. Ang mga taong may pagkukulang sa pag-iisip at mangmang, bukod sa pagkakaroon ng ilang kalkulasyon, ay ganap na walang abilidad na manatiling buhay, walang kakayahan, at walang abilidad na gumawa ng mga paghusga. Samakatwid, walang mga prinsipyo sa pagtrato nila sa sinumang tao; bumabatay lang sila kanilang mga damdamin. Basta’t nararamdaman nilang hindi ka mabuti sa kanila, iiwasan ka nila, makakaramdam ng paglaban sa iyo, at kamumuhian ka sa puso nila, at tatanggihan ka. Kahit gaano pa kabuti ang loob mo para sa kanila o paano mo man sila tinutulungan, basta’t hindi nila ito malinaw na napapansin, hindi nila mararamdamang palakaibigan ka sa kanila o na hindi ka talaga mapaminsala sa kanila. Hindi nila matukoy kung tama o mali, wasto o hindi wasto, positibo o negatibo ang mga tao, pangyayari, at bagay—hindi nila mahusgahan ang mga bagay na ito. Nagtataglay lang sila ng ilang kalkulasyon. Kapag nakapanamantala na sila, masaya sila; kapag hindi sila nakapanamantala, pakiramdam nila ay nagdusa sila ng kawalan, natrato nang hindi patas, at pinagtawanan ng iba, at nagpapasya sila na sa susunod ay hindi na nila hahayaan ang iba na makapanamantala, o hahayaan ang iba na makapagpasikat o mangibabaw sa harap nila—hindi nila bibigyan ng anumang mga pagkakataon ang iba. Sabihin mo sa Akin, ang pagkakaroon lang ba ng ganitong mga kalkulasyon sa isipan nila ay matatawag nang pagkakaroon ng kakayahan? Medyo mas mainam lang ito kaysa sa pagiging may kapansanan sa pag-iisip, pero pagdating sa mga abilidad, wala silang ganoon—wala sila ng anuman sa iba’t ibang abilidad para sa pangangasiwa ng iba’t ibang uri ng usapin. Sila ay sadyang mangmang at may pagkukulang sa pag-iisip. Ang gayong mga tao ay walang kakayahan. Nauunawaan mo ba? (Oo.) Ang mayroon lang ang mga taong iyon na wala ang mga may kapansanan sa pag-iisip ay ang mga kalkulasyong ito; ang mga may kapansanan sa pag-iisip ay ni wala man lang ng mga iyon. Kapag naririnig ito ng gayong mga tao, hindi sila kumbinsido; sinasabi nila, “Sinasabi mong wala akong abilidad na gumawa ng mga paghusga? Pagtabihin mo ang ilang US dollars at ginto, tingnan mo kung hindi ko matutukoy ang mga iyon. Kaya kong mapag-iba ang mga iyon! Dilaw ang ginto, at papel na pera ang US dollars! Pagtabihin mo ang platinum at pilak, at tingnan mo kung hindi ako makagawa ng paghusga! Magkaiba ang pagkaputi ng platinum at pilak—kaya kong matukoy iyon!” Hindi ba’t kahangalan ito? Malaking kahangalan ito. Kaya lang nilang mapag-iba ang mga bagay na ito, pero gusto na nilang magpasikat tungkol dito at patunayang hindi sila hangal. Napakarami na nilang ginawang kahangalan, napakaraming bagay na nagpapakita ng kawalan ng kakayahan—bakit hindi nila tinatalakay o sinusubukang maunawaan ang mga iyon? Dahil mismo wala silang kakayahan, dahil napakahina ng kanilang kakayahan, at hindi nila matukoy o mapag-iba ang mga bagay na ito, kaya nila binabanggit ang isa o dalawang bagay na hindi kayang gawin ng mga taong may kapansanan sa pag-iisip, para patunayang wala silang kapansanan sa pag-iisip, para patunayang may kaunti silang talino at kakayahan. Hindi ba’t kahangalan ito? Higit nitong pinatutunayan ang kanilang kahangalan. Kompleto na rin ngayon ang ating pagbahaginan tungkol sa mga pagpapamalas ng mga taong walang kakayahan. Ano ang pangunahing sukatan kung ang isang tao ay may abilidad na gumawa ng paghusga? Ito ay kung mayroon ba siyang pag-iisip ng normal na sangkatauhan. Kung wala kang pag-iisip ng normal na sangkatauhan, hindi mo magagawang husgahan ang anumang bagay. Kung may kaisipan ka ng normal na sangkatauhan, maaaring mali pa rin ang mga paghusga mo, pero kahit papaano, ipinapakita nito na mayroon kang abilidad na gumawa ng mga paghusga at taglay mo ang abilidad na mag-isip ng normal na sangkatauhan. Ang mga paghusgang ginagawa mo ay hindi haka-haka, hindi palagay, hindi gawa-gawa, ni hindi rin panghuhula. Sa halip, ang mga ito ang iba’t ibang kongklusyon at opinyon na nabubuo sa pamamagitan ng pagsasaalang-alang sa lahat ng aspekto ng isang usapin. Ito ang tinatawag na abilidad na gumawa ng mga paghusga.
Ngayong natapos na nating talakayin ang abilidad na gumawa ng mga paghusga, pag-usapan naman natin ang tungkol sa abilidad na tukuyin ang mga bagay. Ano ang tinutukoy ng abilidad na tukuyin ang mga bagay? Pangunahin itong tumutukoy sa pagtukoy kung ang mga tao, pangyayari, at bagay ay positibo o negatibo, tama o mali, at wasto o hindi wasto; ito ay tumutukoy sa paglalarawan o pagkaklasipika ng mga tao, pangyayari, at bagay—ikinakategorya ang mga tao, pangyayari, at bagay na kinakaharap mo sa iba’t ibang kategorya. Ang layunin at pakay ng pagtukoy ay para maibukod-bukod ang mga tao ayon sa kanilang uri, at ang mga positibo at negatibong bagay ayon sa kani-kanilang uri. Ang pagkaklasipika, siyempre, ay hindi nangangahulugan ng paggugrupo-grupo ng mga ibon sa kategoryang ibon, mga hayop sa kategoryang hayop, o mga halaman sa kategoryang halaman. Ang abilidad na tukuyin ang mga bagay ay hindi tumutukoy sa abilidad na matukoy ang mga ito kundi sa abilidad na matukoy ang mga katangian ng iba’t ibang tao, pangyayari, at bagay. Halimbawa, kaya mo bang ikategorya ang mga pagpapamalas, pagbubunyag, at diwa ng iba’t ibang tao? Kaya mo bang tukuyin ang mga katangian ng iba’t ibang tao, pangyayari, at bagay na kinakaharap mo? Halimbawa, sa pagtukoy sa mga hindi mananampalataya, kaya mo bang matukoy ang mga pagbubunyag ng mga hindi mananampalataya na nagtutulot sa iyo na malinaw na makilala na sila ay mga hindi mananampalataya? Kung alam mo kung anong mga katangian at ugali mayroon ang mga hindi mananampalataya, anong mga pagbubunyag ng pagkatao ang ipinakikita nila, anong mga salita ang sinasabi nila, anong mga kilos ang ginagawa nila, at anong mga kaisipan at pananaw ang taglay nila, dapat ay kaya mong matukoy ang mga hindi mananampalataya. Ang isang tao na may mahusay na kakayahan, kapag lumilitaw ang iba’t ibang tao, pangyayari, at bagay, ay kayang matukoy kung ang mga ito ba ay mga positibo o negatibong bagay, mga positibong tao o negatibong tao, kung makatarungan o masama ba ang mga ito, at kung tama o mali ba ang mga ito. Kaya nilang tukuyin ang mga katangian ng iba’t ibang tao, pangyayari, at bagay, at tukuyin kung naaayon ba ang mga ito sa pagkatao at sa katotohanan. Ito ay isang taong may mahusay na kakayahan. Paano naman ang mga taong may katamtamang kakayahan? Kaya nilang matukoy ang mga tao, pangyayari, at bagay na may mga halatang katangian. Halimbawa, may ilang taong nagsasabi, “Paanong mayroong diyos? Nasaan siya? Bakit hindi ko makumpirma na umiiral siya?” Para sa mga ganitong salita na malinaw na nagtatatwa sa Diyos, mayroon silang kaunting pagkilatis at kaya nilang matukoy na ang gayong mga tao ay mga hindi mananampalataya at negatibong karakter. Kaya nilang matukoy ang halatang kasamaan, at ang mga halatang negatibo, di-makatarungan, at buktot na bagay, pero para sa ilang bagay na mapanlinlang, at bihirang marinig ng sinuman at nasa gitna o nasa “gray area,” hindi nila mapag-iba ang mga ito, ni hindi nila matrato ang mga ito nang naiiba. Mayroon silang abilidad na matukoy ang masasamang taong lantarang gumagawa ng masasamang gawa. Alam nilang ang gayong tao ay masama, at na kung ang isang masamang tao gaya nito ay naging lider at nagkamit ng katayuan, siya ay magiging isang anticristo. Pero kung ang taong ito ay may masamang karakter pero wala pang nagawang masasamang gawa, hindi nila magagawang matukoy kung maaari ba itong ikategorya bilang isang masamang tao at kung anong masasamang gawa ang maaari niyang gawin, ni hindi rin nila matutukoy ang mga katangian ng taong ito. Ito ay pagkakaroon ng katamtamang kakayahan. Ang pag-uugali ng ilang tao ay halatang-halata, gaya ng pakikibahagi sa kahalayan, pagsamba sa mga idolo, pagsunod sa mga makamundong bagay, pagkahilig sa tsismis, madalas na panunupil at pang-aapi ng iba, o pagpatay at panununog, at sasabihin nila na ang mga taong ito ay hindi mabubuting tao at mga taong kinasusuklaman ng Diyos; kaya nilang magawa ang ganitong pag-iiba. Pero para sa sa ilang tao na tila napakabuti ng panlabas na pag-uugali—madalas na nagbibigay-limos at tumutulong sa iba, mapagpasensya sa mga tao, makatwirang nakakasundo nang maayos ng iba—na ang panlabas na pagkatao ay tila mabuti, subalit ang kanilang mga salita at kilos ay kadalasan na hindi naaayon sa katotohanan, at ang kanilang mga kilos ay madalas na lumalabag sa mga katotohanang prinsipyo, hindi nila magagawang makilatis kung ang gayong mga tao ay mga taong naghahangad sa katotohanan, o kung saang kategorya talaga nabibilang ang mga ito. Para sa mga tao, pangyayari, at bagay na halata at madaling ikategorya, kaya nilang makilatis kung ang mga ito ba ay tama o mali, wasto o hindi wasto, kung ang mga ito ba ay makatarungan o buktot, at kung ang mga ito ba ay mga positibo o negatibong bagay. Kaya nilang pag-ibahin ang gayong mga panlabas na usapin, pero hindi nila kayang pag-ibahin ang mga tao, pangyayari, at bagay na talagang kinasasangkutan ng mga prinsipyo at may kinalaman sa katotohanan. Hindi nila makilatis kung alin ang halatang naaayon sa katotohanan at alin ang lumalabag sa katotohanan. Ito ay pagkakaroon ng katamtamang kakayahan. Halimbawa, ang ilang tao ay nagsusuot ng damit na gawa sa medyo magandang tela, na mukhang elegante at dekalidad, na nagpapamukha sa kanilang katulad ng matataas na antas na personalidad o mga elitistang propesyonal sa mundo. Kapag nakikita ito, sinasabi ng mga taong may katamtamang kakayahan, sasabihin nila, “Ang mga damit na ito ang gusto ng mga walang pananampalataya. Bilang mga taong nananampalataya sa Diyos, hindi natin dapat magustuhan ang mga ito; ang mga ito ay hindi mga positibong bagay.” Mali ang sabihin ito. Ang mga damit na ito ay hindi mukhang mapang-akit o mapanghalina; sa halip, ang mga ito ay mukhang elegante, kagalang-galang, at disente, at nagmumukhang marangal ang nagsusuot. Pero itinuturing ng mga taong ito ang gayong mga kasuotan—na nagpapamukha sa nagsusuot na marangal at elegante at kasalukuyan ding nasa uso—bilang mga negatibong bagay at sinasabing buktot ang mga ito. Ito ay kawalan ng abilidad na tukuyin ang mga bagay na ito, hindi ba? (Oo.) Kaya, kumusta ang kakayahan ng gayong mga taong na tukuyin ang mga bagay? Sa pinakamainam, ito ay katamtaman. Ito ay pagkakaroon ng katamtamang kakayahan. Ni hindi nga kayang matukoy ng gayong mga tao ang ilang bagay na kaya pang matukoy ng mga walang pananampalataya—ang mga walang pananampalatayang may mahusay na kakayahan ay kayang kumilatis ng mabuti at masamang pagkatao, pero ang mga taong ito ay hindi. Kahit pa nakauunawa sila ng ilang doktrina matapos manampalataya sa Diyos, hindi kaya ng gayong mga tao na mapag-iba ang mga positibo at negatibong bagay. Kaya nilang makilatis ang mga bagay na halata, pero hindi nila kayang makilatis ang mga hindi halatang bagay. Kaya nilang makilatis ang halatang masasamang tao, ang mga halatang insidente ng panggagambala at panggugulo, at mga halatang insidente ng paglabag sa mga prinsipyo, pero pagdating sa ilang tao, pangyayari, at bagay na medyo espesyal, mapaminsala, at kakaiba, at natatago sa mga anino, hindi nila matukoy ang mga ito. Sa pamamagitan ng pakikipagbahaginan at pang-uudyok ng iba, o sa pamamagitan ng paggawa ng halatang bagay ng mismong mga tao, saka lang nila natutukoy ang mga ito. Kung hindi, hindi nila matutukoy ang mga ito. Ipinapahiwatig nito na ang kanilang abilidad na tukuyin ang mga bagay ay katamtaman. May ilang tao rin na, kahit ano pa ang sitwasyon, hindi kayang matukoy ang sinumang tao, anumang pangyayari, o bagay, ni matukoy ang mga katangian ng mga ito. Halimbawa, pagdating sa pagsusuri kung ano ba mismo ang mga katangian ng isang partikular na kategorya ng mga tao—kung sila ba ay mga tunay na mananampalataya o hindi mananampalataya, kung sila ba ay mga taong naghahangad sa katotohanan, o kung sila ba ay nababagay na linangin—hindi nila alam at hindi nila makita ang mga bagay na ito. Kahit pa ang gayong mga tao ay nagpapakita ng maraming pagpapamalas at maraming napakahalatang problema, hindi pa rin nila matukoy ang mga taong ito o matukoy ang katangian ng mga ito. Ito ay kawalan ng abilidad na tukuyin ang mga bagay. Kahit pa ang ilang pangkaraniwan at madaling makilatis na tao, pangyayari, at bagay ay lumitaw, hindi nila malinaw na masabi kung ang mga taong ito ba ay mabubuting tao o masasamang tao, o kung ang mga ito ba ay mga makatarungan o buktot na usapin. Hindi nila alam kung paano pag-ibahin o ikategorya ang mga ito, ni hindi nila alam kung paano iklasipika ang mga ito. Kahit matapos basahin ang mga salita ng Diyos at makipagbahaginan sa iba, hindi pa rin nila matukoy ang mga ito. Sa huli, hinahayaan nilang ang iba ang magpasya para sa kanila, sinasabing, “Paano mo man sila ilarawan, ganoon nga sila. Kung inilalarawan mo sila bilang makatarungan, makatarungan sila; kung inilalarawan mo sila bilang buktot, buktot sila.” Sa madaling salita, sila mismo ay hindi makapagtukoy o makabuo ng mga kongklusyon. Anuman ang sitwasyon, pagdating sa pagbuo ng kongklusyon, hindi nila alam ang gagawin at wala silang masabi. Hindi ba’t kawalan ito ng abilidad na tukuyin ang mga bagay? (Oo.) Kahit sa pinakasimpleng panlabas na penomeno, kung hihilingin mo sa kanilang tukuyin kung ano ang kalikasan at mga katangian nito, hindi nila alam. Pero may isa silang panlalansi: Kaya nilang maglitanya, ikinukuwento ang sinabi at ginawa ng isang tao. Pero kung tatanungin mo sila, “Ang taong ito ba ay tunay na mananampalataya o hindi? Isa ba siyang taong may matinding adhikain para sa Diyos?” sumasagot sila, “Mahigit sampung taon na siyang nananampalataya sa Diyos at tinalikuran niya ang kanyang pamilya at propesyon. Noong tatlo o apat na taong gulang ang anak niya, ipinagkatiwala niya ito sa mga kapatid at umalis siya ng bahay para gawin ang tungkulin niya.” Mayroon silang mga kalkulasyon nila; iniiwasan nilang sila mismo ang bumuo ng mga kongklusyon, sa halip ay hinahayaan nilang ikaw ang magdesisyon. Kung tatanungin mo sila, “Kung gayon, siya ba ay isang taong tumatanggap sa katotohanan?” sumasagot sila, “Simula nang maging lider siya ng iglesia, napakaaga na niyang gumigising at gabing-gabi na kung matulog. Tungkol naman sa kung tinatanggap ba niya ang katotohanan, noong minsang tinukoy ng mga kapatid ang ilang isyu niya, umiyak siya agad, sinasabing may pagkakautang siya sa Diyos at hindi siya gumawa nang maayos.” “At pagkatapos ba niyon ay nagsisi siya?” “Noong panahong iyon, maganda naman ang saloobin niya.” Mahilig silang magbigay ng maraming impormasyon sa iyo, ipinakikita sa iyo na may binatbat sila, na alam nila ang lahat ng bagay at marunong silang tumingin ng mga tao, at pinipigilan ka nilang maliitin mo sila. Sa aktuwal, hindi nila kayang kilatisin ang mga tao, ni bumuo ng mga kongklusyon. Sinasabi lang nila sa iyo ang kung ano-anong penomenon at impormasyon, at hinahayaan kang ikaw ang tumukoy kung anong uri ng tao ito, at ikaw ang bumuo ng mga kongklusyon tungkol sa taong ito at tukuyin ang mga katangian nito. Sinasabi mo, “Sa pangunahin, maaaring ituring ang taong ito bilang isang taong tumatanggap sa katotohanan. May sigasig siya sa pananampalataya niya sa Diyos at isa siyang tunay na mananampalataya. Kaya lang, dahil mahina ang kanyang kakayahan at wala siyang abilidad na makaarok, hindi niya kailanman mahanap ang mga prinsipyo ng pagsasagawa, at hindi niya maisagawa ang katotohanan, sa kabila ng katunayan na handa siyang tanggapin ang katotohanan.” Sumasagot sila, “Tingin ko, hindi siya isang taong may abilidad na makaarok. Tuwing tinatalakay niya ang tungkol sa isang bagay na hindi kaaya-ayang, umiiyak siya—palaging ganoon ang saloobin niya.” Kita mo? Sila mismo ay walang abilidad na tukuyin ang mga bagay, pero napakahusay nila sa pagsakay sa mga komento ng iba. Hindi ba’t problema iyon? Ang pinakakaraniwang pagpapamalas ng mga taong walang abilidad na tukuyin ang mga bagay ay na mahilig silang magsabi sa iyo ng kung ano-anong penomenon, impormasyon, mahihirap na problema, mga takbo ng mga pangyayari, o lahat ng naobserbahan nila tungkol sa isang sitwasyon, pagkatapos ay hihintayin nila na tukuyin mo ito, at pagkatapos mong tukuyin ito, iniisip nila na maganda ang pagtutukoy mo at kaya nilang tanggapin ito. Pagkatapos itong tanggapin, hindi pa rin nila alam kung bakit mo ito tinukoy sa ganitong paraan. Hindi nila alam ang batayan o mga prinsipyo sa likod ng iyong kongklusyon, ni kung paano tratuhin o pangasiwaan ang naturang uri ng tao. Wala silang alam tungkol sa anuman sa mga bagay na ito. Kahit pagkatapos ng pagbabahaginan at pag-aaral, hindi pa rin sila nakakaunawa. Ipinakikita nitong wala silang abilidad na tukuyin ang mga bagay; ito ay isang pagpapamalas ng kawalan ng kakayahan. Madalas din nilang magawa ang pagkakamali ng pagbabaluktot sa mga katunayan at pagkalito sa mga bagay. Sa anumang isyu sila nagkokomento, hindi nila naaarok ang ugat o diwa ng usapin at sa halip ay bumubuo sila ng mga kongklusyon batay lang sa mga panlabas na penomenon. Halimbawa, inilalarawan nila ang paggawa ng kasamaan ng isang anticristo bilang isang pagsalangsang, naniniwala na basta’t kinikilala ito ng anticristo ay maaari siyang magbago. Kung makakita sila ng isang matapat na taong nagsinungaling, inilalarawan nila ito bilang isang mapanlinlang na tao. Kung makakita sila ng isang taong mayabang at mapagmagaling, inilalarawan nila ito bilang isang masamang tao. Ang mga ito ang mga uri ng pagkakamaling karaniwang nagagawa ng mga taong walang abilidad na tukuyin ang mga bagay. Para sa bawat tao, ang abilidad na tukuyin ang mga bagay ay isang uri ng kakayahan na dapat nilang taglayin kapag nahaharap sa iba’t ibang tao, pangyayari, at bagay sa buhay. Ang abilidad na tukuyin ang mga bagay ay hindi lang kinakasangkutan ng pagtukoy sa diwa ng iba’t ibang tao, pangyayari, at bagay, kundi pati na rin ng pagtukoy sa kanilang mga katangian. Kung mas tumpak mong natutukoy ang mga katangiang ito, napapatunayan mong mas mataas ang iyong abilidad na tukuyin ang mga bagay. Kung hindi gaanong tumpak ang mga pagtukoy mo at may agwat sa pagitan ng iyong mga pagtukoy at sa diwa at ugat ng usapin, pinatutunayan nitong katamtaman ang iyong abilidad na tukuyin ang mga bagay. Kung hindi mo matukoy ang mga katangian ng mga tao, pangyayari, at bagay, ni makilatis ang mga katangiang ito, pinatutunayan nitong wala kang abilidad na tukuyin ang mga bagay. Halimbawa, sabihin natin na, pagdating sa isang tao, maaari mo lang ilarawan ang kanyang maraming pagpapamalas at pagbubunyag pero hindi mo makilatis ang kanyang diwa. Ibig sabihin, maaari mo lang sabihin kung paanong ang taong ito ay may tendensiya na maging negatibo o kung anong mga kalakasan ang mayroon siya; maaari mo lang sabihin ang tungkol sa maraming bagay na nangyari sa taong ito, pero hindi mo alam ang kanyang karakter, kakayahan, o saloobin sa katotohanan, hindi mo makilatis ang mahahalagang isyung ito, at wala kang pagtukoy para sa mga tao, pangyayari, at bagay na lumilitaw o nagaganap sa paligid niya. Ang gayong mga bagay man ay tama o mali, makatarungan o buktot, mga positibo o negatibo bagay, mga pagpapamalas ng mabuting pagkatao o masamang pagkatao, hindi mo malinaw na maunawaan o makilatis ang anuman sa mga bagay na ito. Kahit gaano karaming katotohanan ang narinig mo o gaano karaming patotoong batay sa karanasan ang napakinggan mo, hindi mo pa rin matukoy o mapag-iba ang iba’t ibang tao, pangyayari, at bagay; sa puso mo, wala kang depinisyon sa anumang kategorya ng mga tao, pangyayari, o bagay. Ito ay kawalan ng abilidad na tukuyin ang mga bagay, at isa rin itong pagpapamalas ng kawalan ng kakayahan.
Kung ang mga taong walang abilidad na tukuyin ang mga bagay ay walang kamalayan sa sarili at mayabang at mapagmatuwid din, anong pagkakamali ang pinakamalamang nilang magawa? Ito ay ang sunggaban ang ilang pagpapamalas na ipinapakita ng ibang tao at pagkatapos ay basta-bastang bansagan at tukuyin ang mga ito. Halimbawa, nakikita nila na ang ilang tao ay medyo sutil at pagkatapos ay sinasabi nilang katulad ng masasamang tao ang mga ito, na mga diyablo ang mga ito—hindi ba’t isa itong malaking pagkakamali? Ang mga taong iyon ay medyo sutil lang, at dahil sa mga kondisyon sa pamilya o sa kapaligirang kanilang kinalakhan, nakabuo sila ng ilang hindi magagandang gawi sa buhay o ng ilang masamang gawi at kapintasan. Sa kabuuan, hindi mabait ang karakter ng mga taong ito, pero hindi rin ito masama, kaya hindi sila matatawag na masasamang tao. Pero sinusunggaban ng mga taong walang abilidad na tukuyin ang mga bagay ang ilang bagay na sinasabi ng isa sa mga taong ito o ang isa o dalawang bagay na ginagawa ng mga ito, sinasabing, “Ang taong ito ay may kakaiba, hindi palakibo, at sutil na personalidad. Isa siyang masamang tao.” Mali ang pagtukoy na ito. Ang tunay na masasamang tao ay magsasabi ng mga kaaya-ayang salita at mambobola ng mga tao; may mga taktika sila, maglilihim sila at manlilinlang, at paglalaruan nila ang mga tao. Ang ilang masamang tao ay maaari pa ngang magbigay ng limos, tumulong sa iba, at magpakita ng pasensya. Ang mga walang abilidad na tukuyin ang mga bagay ay magsasalita tungkol sa ganitong uri ng tao, “Napakabuti ng taong ito, isa siyang tunay na mananampalataya,” pero sa realidad, ang taong iyon ay isang mapagpaimbabaw na Pariseo. Ang mga walang abilidad na tukuyin ang mga bagay ay hindi kayang kilatisin ang diwa ng mga tao—sa mga halalan, binoboto pa nga nila ang masasamang tao para maging lider. Ano ang katumbas nito? Katumbas ito ng pagtulong at pagsulsol sa kasamaan. Ang ilang masamang tao ay hindi ipinakikita ang kanilang kasamaan sa kanilang pag-uugali, at hindi nila ito ibinubunyag. Ang kanilang kasamaan ay nasa kanilang puso. Ang mga bagay na ginagawa nila ay pawang may pakay, at lahat ng kanilang intensyon ay may natatagong katangian. Ang mga bagay na nakikita mong ginagawa nila ay hindi tunay na sumasalamin sa mga tunay nilang intensyon. Ang kanilang mga tunay na intensyon, pakay, at kabuktutan ay pawang nakatago sa kanilang puso. Kung ang isang tao ay walang abilidad na tukuyin ang mga bagay at hindi kayang tukuyin ang gayong mga tao, malamang na ituring nila ang mga ito bilang mabubuting tao, bilang mga taong naghahangad sa katotohanan. Ang ilang tao ay may tuwirang personalidad at hindi gumagamit ng anumang taktika kapag nakikisalamuha sila sa iba. Nagsasalita sila sa diretsahang paraan, at medyo iritable ang personalidad at ugali nila. Sa katunayan, walang malalaking problema sa kanilang pagkatao, sadya lang na minsan ay matalim ang tono ng kanilang pananalita. Gayumpaman, ang ibinubunyag nila ay ang mismong iniisip nila sa loob nila—anuman ang iniisip nila sa loob nila ang siyang ibinubunyag nila sa panlabas. Madalas na iniisip ng iba na ang mga taong ito ay hindi marunong makisalamuha sa lahat o makitungo sa kapwa, at hindi sila sanay sa paraan ng pagsasalita na ginagamit ng mga taong ito. Ang gayong mga tao ay nagsasalita nang partikular na prangka at diretsahan, at palaging hindi sinasadyang nakakasakit sila ng iba. Sa paglipas ng panahon, nasasaktan nila ang lahat ng tao, at hindi natutuwa sa kanila ang mga tao. Ang ilang walang pagkilatis ay nagsasabing ang ganitong tao ay masama, pero sa katunayan, hindi sila masama. Sinasabi mong masama sila—kung gayon, ilabas mo ang mga katunayan ng kung paano nila pinahirapan ang iba: Sino ang kanilang pinahirapan o sinupil? Sino ang kanilang pininsala o nilinlang? Kung tunay na may totoong batayan na nagpapatunay na ang taong ito ay isang masamang tao—na hindi lang niya pinipinsala ang iba gamit ang kanyang mga salita, na mayroon ding kasamaan sa kaibuturan ng kanyang puso, at na tunay siyang mapaminsala sa iba—saka siya maaaring ilarawan bilang masamang tao. Kung wala siyang intensyong pinsalain ang iba, hindi siya masamang tao. Mayroon lang siyang tuwirang personalidad at prangka siyang magsalita—ito ay likas sa kanya. Ang prangkang pananalita ay, sa pinakamalala, isang kapintasan at kahinaan ng kanyang pagkatao. Hindi niya alam kung paano maging maingat sa pagsasalita at ipantay ang sarili niya sa iba kapag nagsasalita siya, hindi niya alam kung paano maging mapagparaya sa iba, maging bukas at mapagpigil, maging mapagsaalang-alang sa mga damdamin ng iba. Hindi niya alam ang anuman sa mga ito. May mga bagay na wala sa kanyang pagkatao. Gayumpaman, ang ilang taong walang pagkilatis ay tinuturing ang gayong mga indibidwal bilang masasamang tao. Sa katunayan, kapag ang mga indibidwal na ito ay gumagawa ng mga bagay, kadalasan ay pinangangalagaan nila ang mga interes ng sambahayan ng Diyos. Bagama’t medyo prangka ang tono nila kapag nakikipag-usap sa iba, wala silang pininsala, ni wala silang intensyon na maminsala ng mga tao. Sadyang hindi lang sila maingat sa pananalita nila at hindi nila isinasaalang-alang ang sitwasyon kapag nagsasalita. Dahil sa ilang kahinaan at kapintasan sa pagkatao ng gayong mga indibidwal, maraming ibang tao ang nagkakamali ng akala na sila ay masasamang tao, pero hindi makapagluwal ng anumang ebidensiya na sila ay gumawa ng kasamaan. Ito ay maling paghusga, maling paglalarawan sa gayong mga indibidwal. Ang tunay na masasamang indibidwal ay maaaring hindi pinipinsala ang iba sa panlabas, maaari silang magbigay-limos at tumulong sa iba, at ang kanilang pananalita ay maaaring magpakita ng pag-unawa, malasakit, pangangalaga, at pagtanggap, at ang mga indibidwal na ito ay maaari pa ngang magpagkita ng pagpaparaya at pagmamahal sa iba—maaaring mukhang napakabuti ng kanilang mga salita at kilos—pero sa ilang espesyal na sitwasyon o espesyal na usapin, at sa mga usaping kinakasangkutan ng sarili nilang mga interes, kaya nilang supilin, pinsalain, at palihim na magpakana laban sa iba, at hindi pa nga nila pangangalagaan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos kahit kaunti. Kahit kapag ang isang bagay ay hindi kinakasangkutan ng sarili nilang mga interes, kahit na napakadali lang ng gagawin nila, hindi pa rin nila pangangalagaan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos. Ang ipinapamuhay ng gayong mga indibidwal sa panlabas ay tila napakabuti, at sa panlabas, walang makikitang mga kapintasan o kahinaan sa pagkatao nila, pero tunay silang ganap na masasamang tao. Maraming tao ang nabibigong kilatisin ang gayong mga indibidwal at nabubulag sa mga taktika ng mga ito, sa mga pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo ng mga ito, at sa mga plano at pakana ng mga ito. Kung ang kalikasang diwa ng ganitong uri ng indibidwal at ang mga katunayan ng kanyang paggawa ng kasamaan ay malantad, bukod sa hindi ito tinatanggap ng mga taong ito, kinokonsidera din nila ang indibidwal na iyon na mabuti, na isang taong dapat linangin ng sambahayan ng Diyos at bigyan ng mahalagang papel. Wala silang pagkilatis sa gayong mga indibidwal. Huwag nating pag-usapan kung kayang suriin ng mga taong ito ang isang tao ayon sa salita ng Diyos o sa mga katotohanang prinsipyo, at tingnan na lang ang kakayahan nila—maging ang halatang masasamang indibidwal na ito ay itinuturing nila bilang mabubuting tao, at kahit kapag may mga katunayan ng paggawa ng kasamaan ng mga indibidwal na ito, itinuturing pa rin nila siya bilang mabuting tao—ibig sabihin nito ay labis nang magulo ang isip nila. Ang mga taong walang abilidad na tukuyin ang mga bagay ay hindi lang may pagkukulang sa pag-iisip at mangmang, magulo rin ang isip nila. Ang masasamang indibidwal na ito ay sinupil at pinahirapan ang iba, at gumamit ng iba’t ibang taktika para paglaruan ang mga tao, pero ang mga taong ito ay hindi ito itinuturing na masama at hindi nila makita na masama ito. Dagdag pa rito, may isang halatang pagpapamalas ng masasamang tao, iyon ay na hindi nila kailanman pinapangalagaan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos—kahit minsan. Kahit kapag kailangan lang nilang magsabi ng iisang salita o gumawa ng napakadaling bagay, hindi pa rin nila pangangalagaan ang mga ito, lalo na pagdating sa mga usapin na kinakasangkutan ng personal nilang seguridad, o ng katayuan at reputasyon nila—sa gayong mga kaso, lalong hindi nila pangangalagaan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos. Ang ilang tao ay hindi makilatis ang halatang masasamang indibidwal na ito. Sabihin mo sa Akin, may kakayahan ba ang gayong mga tao? Ang masasamang tao ay may masamang diwa; susupilin nila ang sinuman. Sino man ito, basta’t nakakaapekto ang isang tao sa kanilang katayuan o mga interes, ang taong iyon ang nagiging puntirya ng kanilang panunupil. Ang mga walang pagkilatis ay hindi malinaw na maunawaan ang mga usaping ito. Hindi ba’t magulo ang isip ng mga taong walang pagkilatis? (Oo.) Ni hindi nila alam kung susupilin ba sila ng masasamang tao—sabihin mo sa Akin, gaano kagulo ang isip ng gayong mga tao? Hindi ba’t labis na magulo ang isip nila? (Oo.) Pagkatapos matanggal ng ilang maasamang indibidwal, ang ilang tao na ganap na walang abilidad na tukuyin ang mga bagay ay kumikilos pa nga para magsalita para sa mga ito, para ipagtanggol ang mga ito at magsisigaw tungkol sa kawalan ng katarungan na pinagdusahan nila, dahil lang ang masasamang indibidwal na iyon ay maraming taon nang nananampalataya sa Diyos, nagtataglay ng kaunting kaloob, mahusay magsalita, may mga taktika, at sa panlabas ay tinatalikuran nito ang mga bagay, ginugugol ang sarili nito, at nagtitiis ng hirap. Hindi sinasabi ng mga taong ito kung gaano karaming kasamaan na ang ginawa ng masasamang indibidwal na ito. Sa halip, sinasabi nila, “Maraming taon na siyang nananampalataya sa Diyos, sumusunod sa Diyos nang may determinadong debosyon, at nagtitiis ng maraming hirap. Naaresto pa nga siya ng malaking pulang dragon at nagtiis ng pagpapahirap at nakulong siya nang ilang panahon, at tinulungan din niya si kapatid Ganito-at-ganyan.” Tinitingnan lang nila ang mga bagay na ito at binabalewala ang masasamang gawa ng mga indibidwal na iyon, hindi binabanggit kung gaano karaming kasamaan na ang nagawa ng mga ito. Hindi ba’t labis na magulo ang isip nila? (Oo.) Ang mga labis na magulo ang isip ay hindi na matutubos, hindi na sila magagamot. Ang mga taong hindi nagtataglay ng abilidad na tukuyin ang mga bagay ay mga taong walang kakayahan—wala silang anumang abilidad. Ang gayong mga tao ay hindi alam at hindi matukoy kung ang isang bagay ay tama ba o mali, o kung ang isang tao ay isang positibong personalidad o negatibong personalidad. Hindi nila makita nang malinaw ang diwa at kalikasan ng isang tao, o maibuod ang mga katangian ng taong iyon, sa pamamagitan ng pag-uugali, mga pagpapamalas, mga pagbubunyag ng katiwalian ng taong iyon, at ng maraming katunayan ng paggawa nito ng kasamaan. Hangga’t ang taong iyon ay nasa iglesia pa rin, tatrauhin siya ng mga taong ito bilang kapatid, at tatratuhin siya nang may pagmamahal na mula sa puso. Wala silang pagkilatis sa sinuman at hindi nila kayang tratuhin ang sinuman nang ayon sa mga prinsipyo. Ang gayong mga tao ay walang abilidad na tukuyin ang mga bagay. Hindi nila alam at hindi matukoy kung ang iba’t ibang usapin ay makatarungan ba o buktot, kung ang mga ito ba ay may positibo o negatibong epekto sa mga tao, at kung ang mga ito ba ay dapat tratuhin bilang tama at tinanggap, o tratuhin bilang mali at kinilatis, tinanggihan, at nilabanan. Kapag binigyan mo sila ng isang halimbawa para ipaliwanag ang isang usapin, alam nila na ang gayong mga usapin ay hindi mabuti, na ang mga ito ay hindi naaayon sa mga katotohanang prinsipyo, at na ang mga ito ay hindi aplikable sa sambahayan ng Diyos. Pero sa susunod na lumitaw ang katulad na usapin, hindi pa rin nila alam kung paano ito harapin o kung paano ilapat ang mga prinsipyo—nakakaunawa lang sila kapag binigyan mo sila ng isa pang halimbawa. Kailangan mong isa-isang ipaliwanag ang mga usapin sa kanila, gamit ang pamamaraan para maturuan ang isang bata na matuto, para makaunawa sila. Ito ay kawalan ng abilidad na tukuyin ang mga bagay. Ito man ay isang tao o bagay, hindi nila alam kung ito ba ay makatarungan o buktot, tama o mali, isang positibong bagay o isang negatibong bagay, kung ito ba ay naaayon sa katotohanan at sa mga pangangailangan ng sangkatauhan o hindi, ni kung paano ito dapat tingnan ng mga manananampalataya sa Diyos—hindi nila alam ang anuman sa mga ito. Ito ay kawalan ng abilidad na tukuyin ang mga bagay. Pagkatapos, ano ang batayan sa pagsusuri sa antas ng abilidad ng isang tao na tukuyin ang mga bagay? Nakabatay ito sa kung tumpak ang mga pagtukoy mo sa mga katangian ng iba’t ibang bagay. Kung tumpak ang mga pagtukoy mo, may abilidad kang tukuyin ang mga bagay. Kung ang katumpakan ng mga pagtukoy mo sa mga katangian ng iba’t ibang bagay ay higit singkuwenta porsiyento, ang iyong abilidad na tukuyin ang mga bagay ay katamtaman o higit sa katamtaman. Kung hindi ito umaabot sa singkuwenta porsiyento, mahina ang iyong abilidad na tukuyin ang mga bagay. Kung ang katumpakan ay hindi man lang isang porsiyento, wala kang abilidad na tukuyin ang mga bagay at isa kang taong walang kakayahan. Kung ang isang tao man ay abilidad na tukuyin ang mga bagay ay nakikilatis sa ganitong paraan. Hindi na Ako magbibigay ng mga dagdag na halimbawa tungkol sa abilidad na ito. Maaaring kayo-kayo na lang ang magbahaginan tungkol dito, ipapaubaya Ko na sa inyo ang paksang ito.
Susunod, tatalakayin natin ang ikawalong abilidad—ang abilidad na tumugon sa mga bagay. Ang abilidad na tumugon sa mga bagay ay kung paano tinutugunan ng isang tao ang isang usapin—ang usapin mang ito ay naganap na, o biglaan mang nangyari ang usaping ito, o nagbago ang iba’t ibang salik ng usaping ito, kung paano tinutugunan ng isang tao ang usaping ito ay ang kanyang abilidad na tumugon sa mga bagay. Kung gayon, ano ba ang pangunahing tinutukoy ng abilidad na tumugon sa mga bagay? Tumutukoy ito sa abilidad mong tukuyin, husgahan, harapin at pangasiwaan ang isang usapin. Kapag nakaharap ka ng isang tao, pangyayari, o bagay, ano ang kalikasan nito? Isa ba itong positibong bagay o negatibong bagay? Paano dapat harapin at pangasiwaan ang ganitong uri ng bagay? Kapag bigla itong nangyari, anong mga aral ang dapat matutunan? Ano ang mabubuting layunin ng Diyos? Kung ang ganitong bagay ay makapipinsala sa gawain ng iglesia, paano ito dapat pangasiwaan sa paraang naaayon sa mga prinsipyo, at umaayos sa mga kahihinatnang idinulot ng pinsala para hindi na ito magdulot ng pinsala sa gawain ng iglesia, at matigil na magpatuloy ang negatibong epekto? Kung, kapag nahaharap sa isang tao, pangyayari, o bagay ay kaya mong—batay sa mga prinsipyo ng pagkilatis na naarok mo at sa mga katotohanang prinsipyo na alam mo—tumpak na matukoy ang diwa at ugat ng mga gayong usapin, at ang mga prinsipyo at plano sa pangangasiwa ng mga ito, ikaw ay isang taong may abilidad na tumugon sa mga bagay, na nangangahulugan ring ikaw ay isang taong may mahusay na kakayahan. Halimbawa, kapag biglaang nangyari ang isang usapin sa harap mo, paano mo ito dapat harapin? Una, dapat malinaw mong makita kung saang direksyon ito maaaring humantong, kung anong mga kahihinatnan ang idudulot nito kung kung magpapatuloy ito, kung nasaan ang ugat na dahilan ng pangyayaring ito, kung ano ang diwa nito—dapat magawa mong makilatis at malinaw na makita ang lahat ng bagay na ito. Ilarawan ang usapin sa pamamagitan ng pagkilatis, at pagkatapos ay agad na maghanap ng plano para pangasiwaan ito. Kung paano dapat pangasiwaan ang usapin, sino ang pasimuno, sino ang mga tagasunod, sino ang partido na pangunahing responsable, sino ang dapat pangunahing managot, paano pangangasiwaan ang mga partidong responsable—dapat mong matukoy ang lahat ng isyung ito. Bukod dito, kapag nangangasiwa ng mga problema, dapat mong paliitin ang mga kawalan at muli ring isaayos at ayusin ang mga tauhan. Sa ganitong paraan lang maaaring maitama agad ang mga pagkakamali, lubusang malutas ang mga problema, at maibalik sa ayos ang sitwasyon, para ang mga bagay ay umunlad sa tama, kapaki-pakinabang na direksyon. Sa madaling salita, kung kaya mong isaalang-alang ang lahat ng iba’t ibang salik na sangkot sa usaping ito, at pagkatapos ay magkaroon ng tamang paraan para tugunan ito, nang may mga tama at tumpak na prinsipyo para sa pangangasiwa nito, ito ay tinatawag na pagkakaroon ng abilidad na tumugon sa mga bagay, at nangangahulugan iyon na ikaw ay isang taong may mahusay na kakayahan. Siyempre, ang pamamaraang ito para sa pagtugon sa usapin at ang mga prinsipyo para sa pangangasiwa nito ay maaaring mga kongklusyon at pagtukoy na nabuo mo sa pamamagitan ng pakikisalamuha at pakikipagbahaginan sa mga taong nakakaalam sa sitwasyon o sa pamamagitan ng pakikipagtulungan at pakikipagtalakayan sa lahat. Kung kaya mo, sa pamamagitan ng pagtingin sa takbo ng aktuwal na sitwasyon at pagkatapos ay paghingi ng mga suhestiyon ng mga kapatid na nakauunawa sa ganitong uri ng usapin, na sa wakas ay makabuo ng pagtukoy, makabuo ng kongklusyon, makatukoy ng solusyon, at maayos na pangasiwaan ang isyu, tinatapos ang mga pag-aayos ng mga tauhan, bumabawi sa mga kawalang idinulot ng usaping ito, at pagkatapos ay inaayos ang gawain ng iglesia para hindi na ito mapunta sa masamang direksyon, ito ay tinatawag na pagkakaroon ng abilidad na tumugon sa mga bagay. Kung kaya mong pangasiwaan ang mga usapin hanggang sa ganitong antas, maaari kang makonsidera na may mahusay na kakayahan. Siyempre, ang pagkakaroon ng mahusay na kakayahan ay hindi nangangahulugan na ang isang tao, kapag nahaharap sa isang usapin, ay agad-agad na nakikilatis ito, nakagagawa ng mabibilis na desisyon, at napangangasiwaan ito sa isang komprehensibo at angkop na paraan—hindi palaging ganito ang kaso. Kailangan ng isang proseso para mapangasiwaan ng mga tao ang mga problema; kailangang maunawaan nila ang iba’t ibang aspekto ng usapin para makilatis nila ang diwa ng mga bagay. Ang mga tao ay may laman at dugo, ginagawa nila ang mga bagay sa loob ng saklaw ng pagkatao, at kinakailangan ang isang proseso. Hindi ito katulad ng paggawa ng Espiritu ng Diyos—sinisiyasat ng Espiritu ng Diyos ang buong daigdig, nang lubos na masaklaw; palaging kayang makita ng Diyos ang diwa at ugat ng lahat ng bagay at ng lahat ng problema. Kapag hindi nakikilatis ng mga tao ang mga nakatagong bagay sa likod ng mga usapin, madali silang nalilinlang at nabubulag. Dahil mismo rito, kailangang tingnan nang mabuti ng mga tao ang tunay na kalagayan ng mga kaganapan sa likod ng mga usapin. Matapos maunawaan ang mga aktuwal na sitwasyong nakatago sa likod ng isang usapin, kung kaya mong agad na pangasiwaan ang mga problema, lutasin ang mga paglihis, ayusin nang angkop ang mga direktang namamahala at ang mga tauhan sa gawain, at magarantiya ang normal na operasyon ng gawain, pinatutunayan nito na ikaw ay may abilidad na tumugon sa mga bagay. Lalo na kapag nahaharap sa mga biglaang pangyayari, kung kaya mong pangasiwaan ang iba’t ibang tao, pangyayari, at bagay nang ayon sa mga prinsipyo, pinatutunayan nito na ikaw ay isang taong may mahusay na kakayahan. Ang mga taong may katamtamang abilidad na tumugon sa mga bagay, kapag nahaharap sila sa mga regular at karaniwang sitwasyon, ay kayang gumawa ng ilang bagay nang sumusunod sa mga proseso, at nang batay sa nakagawian, pero ang mga resultang natatamo nila ay katamtaman—wala silang naabot na anumang matinding pagsulong o nagagawang malaking pag-usad. Sa sandaling maharap sila sa mga espesyal na sitwasyon o mga biglaang insidente, hindi nila alam ang gagawin at hindi nila mapangasiwaan ang mga ito. Halimbawa, kapag ang ilang tao ay nangangaral ng ebanghelyo, sa mga normal na kalagayan ay kaya nilang magkamit ng ilang tao kada buwan. Ito ay sumasalamin sa isang katamtamang kakayahan, at ang mga resulta ng pangangaral nila ng ebanghelyo ay katamtaman din, hindi masyadong maganda. Kung ang isang insidente ng mga anticristo na nanlilihis ng mga tao ay biglang lumitaw sa iglesia, ang mga manggagawa ng ebanghelyo na ito ay nalilito at hindi alam ang gagawin. Humihinto ang gawain ng ebanghelyo, at hindi nila alam kung dapat ba silang magpatuloy na mangaral o maghintay sa mga pagsasaayos ng gawain. Hindi nila alam na dapat nilang hanapin ang mga prinsipyo ng gawain ng pangangaral ng ebanghelyo. Sa mga pagsasaayos ng gawain ng sambahayan ng Diyos, madalas na sinasabi, “Ang gawain ng ebanghelyo ay hindi dapat huminto anumang oras at sa ilalim ng anumang sitwasyon.” Pero, dahil lang naharap sa isang insidente ng panlilihis ng mga anticristo sa mga tao, inihinto na nila ang gawain ng ebanghelyo. Ginagawa ba nila ang tungkulin nila nang may katapatan? Hindi nila ito nagagawa. Nagpapasakop ba sila sa mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos? Hindi rin nila ito nagagawa. Kapag nakakaharap sila ng mga anticristo o huwad na lider na gumagawa ng masasamang gawa at nagdudulot ng mga paggambala at panggugulo, nalilito sila. Hindi nila alam na dapat tanungin ang mga nakauunawa sa katotohanan kung paano nila dapat pangasiwaan ang usaping ito na nakaharap nila, at lalong hindi nila alam na dapat silang tumingin sa mga salita ng Diyos para sa mga prinsipyo ng pagsasagawa at landas ng pagsasagawa. Wala sila ng ganitong abilidad na tumugon sa mga bagay. Ang ilang lider ng iglesia, kapag nakakakita sila ng isang anticristo na nagpapalaganap ng mga panlilinlang para ilihis ang mga tao, ay hindi alam kung paano makipagbahaginan sa katotohanan para pabulaanan ang mga panlilinlang. Hindi nila alam ang gagawin kundi ang patuloy na manalangin: “O Diyos, igapos Mo si Satanas, patahimikin Mo si Satanas, at pigilan Mo siyang magpalaganap ng mga panlilinlang para ilihis ang mga tao. Pakiusap, iligtas Mo ang mga mangmang at hangal na tao, at pigilan silang malihis ng anticristo. O Diyos, ibalik Mo sila!” Nagdarasal lang at hindi naghahanap sa katotohanan—malulutas ba nito ang problema? Kung hindi makikipagtulungan ang mga tao at hindi gagawin ang tungkulin nila, wala itong silbi. Maraming bagay ang dapat gawin ng mga tao. Una, dapat tingnan nila kung anong uri ang pinagmulan ng anticristong ito, kung anong mga katangian ang ipinapakita nito, at kung ano ang inaasahan nito para manlihis ng mga tao; dapat din nilang tingnan kung may sinumang mga taong may mahusay na kakayahan na kayang tanggapin ang katotohanan sa gitna mga taong nalihis na, at magmadaling bawiin ang mga ito. Ito ang gawain na dapat unahing gawin. Pero ang mga lider na ito ng iglesia ay hindi ito alam, at hindi alam na dapat silang gumawa sa ganitong paraan. Nalilito lang sila, nagdadabog ng mga paa nila sa pagkabalisa. Ang ilang walang silbing indibidwal ay umiiyak pa nga dahil sa pagkabalisa. Ano ang silbi ng pag-iyak? Mababawi ba ng pag-iyak ang mga nalihis na? Ang pag-iyak ay hindi paggawa, ni hindi nito kinakatawan na nagdadala ka ng pasanin. Isa itong pagpapamalas ng kawalan ng kakayahan. Ang mga taong may kakayahan, kapag nahaharap sa gayong mga usapin, ay kumakalma muna. Pagkatapos manalangin, maghanap, magsuri, at maghusga, at pagkatapos ay magbahaginan, sa wakas ay nagdedesisyon sila. Ang mga taong mahina ang kakayahan, kapag nahaharap sa mga usapin, ay hindi alam ang gagawin: Hindi nila alam na dapat manalangin at maghanap, ni hindi nila alam na dapat maghanap ng ilang taong nakauunawa sa katotohanan para makipagbahaginan sa mga ito; pasibo lang silang naghihintay. Ito ang pinakanakakaantala sa mga bagay. Wala kang solusyon, pero baka ang iba ay mayroon—bakit hindi ka maghanap ng iba na mahihingan ng tulong? Ang matatalinong tao, kahit habang naghihintay, ay hindi nakakalimutang tuparin ang sarili nilang tungkulin at responsabilidad. Ang pagtupad na ito sa tungkulin at responsabilidad ay aktibo, hindi pasibo. Hindi ito paghihintay sa Diyos na magbigay ng mga utos o na personal na kumilos ang Diyos para baguhin ang sitwasyon. Sa halip, ito ay puspusang pagsisikap para mabawi ang mga maaaring mabawi habang naghihintay. Tungkol naman sa mga hindi na maaaring mabawi—gaya ng mga hangal na magugulo ang isip, mga sinasaniban ng masasamang espiritu, at mga hindi mananampalataya na nananampalataya lang sa Diyos para makigaya at makalibre ng pagkain—hindi sila dapat pagkaabalahan. Para sa mga hindi nabulag, kailangang agad na maisagawa ang mga pagsasaayos para mabahaginan sila ng katotohanan at makausap tungkol sa pagkilatis sa anticristo. Hindi ba’t isa itong plano para sa pangangasiwa sa sitwasyon? Ito ay isang hakbang ng pagtugon. Ang mga taong mahina ang kakayahan ay walang gayong mga hakbang na pagtugon; ang alam lang nila ay ang umiyak at magreklamo. Ito ay kawalan ng abilidad na tumugon sa mga bagay. Kung, sa mga ordinaryong sitwasyon, nagagawa ng isang tao na gumawa ng gawain nang normal, pero sa sandaling maharap siya sa mga espesyal na sitwasyon, natitigilan siya at hindi alam ang gagawin, ang abilidad na tumugon sa mga bagay ng ganitong uri ng tao, sa pinakamainam, ay katamtaman Kung ang isang tao ay hindi man lang kayang pangasiwaan ang mga ordinaryong sitwasyon, ang ganitong uri ng tao ay walang abilidad na tumugon sa mga bagay. Halimbawa, kung ipadala siya sa isang iglesia para ayusin ang halalan ng lider ng iglesia, hindi niya alam kung anong klaseng tao ang dapat piliin, o paano titipunin ang mga tao at isasagawa ang halalan. Ni hindi niya alam ang mga pangunahing proseso para sa mga halalan. Dagdag pa rito, may ilang tao sa iglesia na may matitinding tiwaling disposisyon—ang mga nabibilang sa kategorya ng mga siga, maton, at salbahe—at sinasamantala ng mga taong ito ang pagkakataon para gambalain ang halalan. Sa ganitong uri ng sitwasyon, lalong hindi ito kayang pangasiwaan ng mga walang abilidad na tumugon sa mga bagay, sadyang nakukuha sila at sumusuko sila. Sa huli, nasasabi na lang nila sa mga kapatid, “Kayo na ang pumili. Sasang-ayon kami sa kung sino man ang piliin ninyo.” Anong klaseng mga nilalang sila? Hindi ba’t wala silang silbi? Ito ay kawalan ng abilidad na tumugon sa mga bagay. Ang mga taong walang abilidad na tumugon sa mga bagay ay wala ring kakayahan sa gawain. Sa mga normal o espesyal na sitwasyon man, kapag may nangyayari, nasisiraan sila ng loob at umaatras; kapag may nangyayari, hindi nila alam ang gagawin at umiiyak sila. Kapag walang nangyayari, kaya nilang magsalita ng ilang salita at doktrina, pero kapag may nangyayari at hinihiling sa kanilang pangasiwaan ang isang problema, hindi nila ito magawa. Halimbawa, kapag ang ilang indibidwal ay pabaya sa paggawa ng kanilang tungkulin, ang mga walang abilidad na tumugon sa mga bagay ay alam lang na makipagtalakayan sa kanila tungkol dito, sinasabing: “Pakiusap, huwag maging pabaya—gawin ninyo nang maayos ang inyong tungkulin!” Malulutas ba nito ang mga problema ng mga indibidwal na iyon? Dapat silang makipagbahaginan sa mga indibidwal na iyon tungkol sa problema ng pagiging pabaya. Kung hindi nauunawaan ng mga indibidwal na iyon ang katotohanan at hindi nila nakikita ang problema nila, dapat silang makipagbahaginan sa mga ito tungkol sa katotohanan. Kung ang mga indibidwal na iyon ay kumikilos sa ganitong paraan kahit alam nilang mali ito, dapat nilang himayin at pungusan ang mga ito. Kung ito ay dahil sa ibang isyu, dapat silang makipagbahaginan batay sa isyung iyon. Dapat silang tumukoy ng isang angkop na takbo ng pagkilos batay sa uri ng problemang lumitaw, at pagkatapos ay kumilos nang naaayon. Kung hindi mo ito kayang gawin, wala kang abilidad na tumugon sa mga bagay. Nauunawaan mo ba? (Oo.) Kung, kapag nahaharap ka sa anumang usapin, wala kang solusyon, walang paraan para tugunan ito, at walang mga prinsipyo para pangasiwaan ito, kung gayon, wala kang abilidad na tumugon sa mga bagay. Hindi ba’t ang gayong mga tao ang may pinakamahinang abilidad na tumugon sa mga bagay? (Oo.)
Ang mga may pinakamahusay na abilidad na tumugon sa mga bagay ay ang mga tao na, kapag nahaharap sila sa mga espesyal na usapin o biglaang mga sitwasyon, ay kayang agad na husgahan at tukuyin ang mga ito, at pagkatapos ay nakakagawa ng mga angkop na plano para mapangasiwaan ang mga ito. Ang mga may katamtamang abilidad na tumugon sa mga bagay ay kayang pangasiwaan ang mga ordinaryo, nakagawiang usapin kapag nakakaharap nila ang mga ito. Kaya nilang gumawa nang sumusunod sa mga proseso para mapanatili at mapamahalaan ang sitwasyon, o kaya ay mag-ayos at magpalit ng tauhan—ayos naman sila sa paggawa ng ganitong uri ng gawain. Subalit kapag nakaharap sila ng mga biglaang sitwasyon, hindi nila kayang pangasiwaan ang mga ito. Kahit sabihin sa kanila ang mga prinsipyo, hindi nila mailapat ang mga ito; kahit bigyan sila ng awtoridad at hingin sa kanila na pangasiwaan ang usapin, hindi pa rin nila ito magawa. Ito ay pagkakaroon ng katamtamang abilidad na tumugon sa mga bagay. Ang mga may mahinang kakayahan na tumugon sa mga bagay ay hindi maayos na pinapangasiwaan kahit ang mga nakagawiang usapin. Ang alam lang nila ay magsalita ng mga doktrina at mahigpit na sumunod sa mga regulasyon, at sa huli, hindi nalulutas ang ugat ng problema kahit kaunti. Sapat na ang isang anticristo na nagdudulot ng mga panggugulo at nanlilihis ng mga tao para sumuko sila sa pangangaral ng ebanghelyo; sapat na rin ang isang huwad na lider na nagsasalita ng walang katuturan para itigil nila ang gawain ng ebanghelyo. Ang mga ito ba ay mga taong sumusunod sa kalooban ng Diyos? Hindi. Napakahina ng abilidad ng gayong mga tao na tumugon sa mga bagay. Anumang sitwasyon ang lumitaw, ang mga taong may mahinang abilidad na tumugon sa mga bagay ay hindi ito kayang pangasiwaan. Halimbawa, kung may sunog na sumiklab sa isang silid, natataranta sila at agad na naghahanap ng fire extinguisher. Pagkatapos mahanap ang fire extinguisher, hindi nila alam kung paano ito gamitin at kailangan pa nilang hanapin ang mga instruksyon. Bilang resulta, lalong lumalaki ang apoy. Nangyayari ito dahil hindi nila alam kung paano gamitin ang fire extinguisher at kaya naaantala ang mga bagay, at ito rin ay dahil sa kawalan nila ng abilidad na tumugon sa mga bagay. Ni hindi nila kayang tugunan ang gayong agarang sitwasyon tulad ng sunog; ito ay kawalan ng abilidad na tumugon sa mga bagay. Para magbigay ng isa pang halimbawa, kung ang isang bata ay nabulunan habang kumakain, at hindi ito makahinga at nagpapasalikad na ng mata, natataranta ang mga taong ito. Hindi nila alam kung dapat ba nilang dalhin ang bata sa ospital, at hindi nila alam kung dapat ba nilang painumin ng tubig ang bata. Balisang-balisa sila na pinagpapawisan sila at namumula ang mukha, pero sadyang hindi nila alam kung ano ang dapat gawin. Makalipas ang ilang sandali, umubo ang bata nang ilang beses at muli nang nakahinga. Napakatagal nilang nataranta pero wala silang solusyon para lutasin ang problema. Mabuti na lang at masuwerte ang bata; kung hindi, baka namatay na ang bata sa ilalim ng kanilang pangangalaga. Ang mga taong mahina ang kakayahan ay wala talagang abilidad at walang magawa nang maayos. Ang kaunting doktrinang nauunawaan nila ay pawang mga regulasyon at islogan lang. Pagdating sa parehong mga tipikal at espesyal na sitwasyon, pare-pareho silang hindi kayang pangasiwaan o tugunan ang mga ito. Kaya naman, sa usapin ng kanilang abilidad na tumugon sa mga bagay, ang gayong mga tao ay lalong walang-wala nito—salat sila rito. Kahit anong sitwasyon ang kanilang nakakaharap, hindi nila ito matugunan o mapangasiwaan—hindi nila maunawaan ang mga usaping ito. Iniisip nilang sapat na ang makapagsalita ng ilang salita at doktrina at makasigaw ng ilang islogan, na nangangahulugan ito na mayroon silang kapital at kontento na sa buhay nila. Sa aktuwal, kapag may nangyayari, wala talagang silbi ang mga doktrinang alam nila. Gayumpaman, hindi pa rin nila napagtatanto na ito ay sumasalamin sa isang mahinang kakayahan—napakahina ng kanilang kakayahan, pero sila mismo ay hindi ito namamalayan. Hindi ba’t ito ay napakahinang kakayahan? (Oo.) Hindi ba’t ang gayong mga tao ay hangal? (Oo.) Ang mga hangal na tao ay utak biya. Ano ang tinutukoy ng “utak biya”? Ibig sabihin nito na ilang doktrina man ang alam nila o ilang regulasyon man ang nasusunod nila, kapag may nangyayari, wala sa mga regulasyon o doktrinang ito ang kayang makalutas sa aktuwal na problema. Pero hindi pa rin nila ito mabatid, at iniisip nila, “Bakit hindi epektibo ang mga doktrina at regulasyong ito?” Kahit pigain nila ang utak nila, wala itong silbi—paano man sila magbulay-bulay, hindi pa rin nila matukoy kung paano papangasiwaan o lulutasin ang problema. Ang ilang tao, kapag nangangasiwa ng mga anticristong insidente, ay hindi unang inililigtas ang mga nalihis ng mga anticristo, ni hindi nila sinusuportahan ang mga naging negatibo at ayaw nang dumalo sa pagtitipon dahil sa panlilihis ng mga anticristo. Ano ang una nilang ginagawa? Nagdaraos sila ng malalaking pagtitipon para talakayin kung ano ang mga pagpapamalas na mayroon ang mga anticristo, kung anong uri ng mga tao ang mga anticristo, ang mga pagkakaiba sa pagitan ng mga anticristo sa mga may disposisyong ng mga anticristo, kung paano mismo makikilatis ang mga anticristo, kung paano mismo makikilatis ang mga may disposisyon ng anticristo—pagkatapos nilang mapagbahaginan ang lahat ng ito, ang ilang taong nalihis ng mga anticristo ay matagal nang umalis sa iglesia, at ang ilang naging negatibo at mahina ay hindi na dumadalo sa mga pagtitipon. Napalampas nila ang pinakamainam na panahon na mailigtas ang mga taong iyon, tunay na nagdudulot sa mga ito ng labis na pinsala! Sa pagbubuod, ang mga may mahinang kakayahan ay may malaking kakulangan din pagdating sa abilidad nila na tumugon sa mga bagay—wala talaga sila nito. Huwag tingnan kung gaano kagaling magsalita ang isang tao o kung gaano siya kahusay sa pagsasabi ng mga salita at doktrina at pagtatalakay tungkol sa teolohiya sa mga pangkaraniwang sitwasyon—tingnan lang kung may abilidad siyang pangasiwaan ang mga problema kapag nahaharap sa mga aktuwal na sitwasyon; lalo na kapag lumilitaw ang mga biglaang insidente, tingnan kung mayroon siyang abilidad na gumawa ng mga paghusga at ng abilidad na tukuyin ang mga bagay, kung may mga plano siya para pangasiwaan at lutasin ang mga problema. Kung mayroon, pinatutunayan nito na isa siyang taong may mga sarili niyang opinyon at alam niya kung paano pag-isipan ang mga bagay. Pero kung wala siyang abilidad na tukuyin ang mga bagay at abilidad na gumawa ng mga paghusga, at kapag may nangyayari, natataranta at nababalisa siya, at nagagawa lang niyang magsalita ng mga enggrandeng doktrina at sumigaw ng mga islogan, ang taong ito ay hindi makalulutas ng mga problema at walang silbi. Kahit gaano pa karami ang mga paghihirap, problema, o kapintasan ng ibang tao, pareho lang ang ginagamit ng taong ito na mga teorya para ipaliwanag at tugunan ang mga ito, at patuloy na nakikipagbahaginan sa mga ito sa ganitong paraan, pero hindi kailanman nalulutas ang mga problema—ito ay ganap na kawalan ng abilidad na tumugon sa mga bagay. Ang kawalan ng abilidad na pangasiwaan ang mga problema ay siya mismong kawalan ng abilidad na tumugon sa mga bagay. Ang mga walang abilidad na tumugon sa mga bagay ay salat sa kakayahan. Sa pangkaraniwang pananalita, sila ay mga hangal, mangmang, at may pagkukulang sa pag-iisip. Kahit gaano pa karaming doktrina ang nasasabi nila, wala itong silbi—sadyang hindi magagamit ang mga ito. Dito nagtatapos ang ating pagbabahaginan tungkol sa ikawalong abilidad, ang abilidad na tumugon sa mga bagay.
Ngayon, talakayin natin ang ikasiyam na abilidad—ang abilidad na makagawa ng desisyon. Ang abilidad na makagawa ng desisyon ay labis na sinusubok ang kakayahan ng isang tao; hindi ito taglay ng katamtamang tao. Ang mga taong tunay na nagtataglay ng kakayahan at abilidad na makagawa ng desisyon ay ang mga nasa antas na makagawa ng desisyon. Kaya, ano ang pangunahing tinutukoy ng abilidad na makagawa ng desisyon? Tinutukoy nito kung paanong, kapag lumilitaw ang iba’t ibang tao, pangyayari, at bagay at hindi makilatis ng karamihan ng tao ang mga ito, ang ilang tao ay kayang kilatisin at pangasiwaan ang iba’t ibang uri ng problema at pangasiwaan ang iba’t ibang uri ng tao, batay sa mga salita ng Diyos at sa katotohanan. Ang abilidad na ito na pangasiwaan ang mga problema ay tinatawag na abilidad na makagawa ng desisyon. Ang mga may abilidad na ito na pangasiwaan ang mga bagay ay may abilidad na makagawa ng desisyon; ang mga wala ng abilidad na ito na pangasiwaan ang mga bagay ay walang abilidad na makagawa ng desisyon. Ano ang sangkot sa abilidad na makagawa ng desisyon? Sangkot dito ang abilidad ng mga tao na makaarok, abilidad na makagawa ng mga paghusga, abilidad na tukuyin ang mga bagay, at abilidad na tumugon sa mga bagay. Ang mga ito ay kolektibong tinatawag na abilidad na makagawa ng desisyon. Ang mga may abilidad na makagawa ng desisyon ay kayang husgahan ang diwa ng mga problema at tukuyin ang mga katangian ng mga problema. Siyempre, ang mas mahalaga, kaya nilang maarok ang mga prinsipyo at direksyon para sa pangangasiwa ng iba’t ibang problema. Tanging ang mga kayang gawin ang mga bagay na ito ang mga taong may abilidad na makagawa ng desisyon. Halimbawa, sabihin natin na ang lahat ng tao ay sunod-sunod na nagsasalita tungkol sa kung ano-anong penomenon, katunayan, pati na mga umiiral na salik, sitwasyon, kondisyon at iba pa. Batay sa nabanggit kanina na iba’t ibang salik at kondisyon, ang mga may abilidad na makagawa ng desisyon ay nagpapasya sa huli kung paano mismo kikilos, kung ano dapat ang mga paraan at direksyon ng pagkilos, kung ano ang pinakamainam na antas na maaaring maabot, at kung ano ang pinakamababang antas na katanggap-tanggap—may pamantayan sila. Pagkatapos, batay sa mga katotohanang prinsipyong nauunawaan nila, pinapangasiwaan nila ang mga problema. Ang mga may abilidad na ito ay ang mga taong may abilidad na makagawa ng desisyon, at ang gayong mga tao ang may pinakamahusay na kakayahan. Anumang uri ng propesyonal na kasanayan ang nakakaharap nila, o anong uri ng problema ang pinapangasiwaan nila, at kung ang problema mang natuklasan ay may iisang aspekto o maraming aspekto, simple o komplikado, maaari nilang gamitin ang iba’t ibang impormasyon na lumilitaw mula sa lahat ng aspekto para husgahan ang diwa ng problema, pagkatapos ay suriin ang ugat na dahilan ng problema, at sa wakas ay magpasya kung paano kikilos batay sa problema at sa mga umiiral na kondisyon. Ang desisyong ito ay pangunahing nagagawa batay sa kung ano ang maaaring makamit sa ilalim ng mga umiiral na kondisyon, at sa landas ng pagkilos na napagpasyahan nilang ang pinakamainam na solusyon. Ang mga kayang pangasiwaan ang mga problema sa ganitong paraan ay mga taong may abilidad na makagawa ng desisyon. Ang mga taong may ganitong uri ng abilidad na makagawa ng desisyon ay ang mga may napakahusay na kakayahan. Ang gayong mga tao lang ang nababagay na maging mga lider at nababagay na gumawa ng tungkulin sa isang grupo ng mga tagapagpasya. Ang mga taong may mahina o katamtamang kakayahan, kapag nahaharap sa anumang uri ng problema, ay kaya lang ikulong ang sarili nila sa mismong usapin at magsabi ng ilang mababaw na salita, at ganap na hindi nila kayang lutasin ang problema. Kahit na konsultahin nila ang iba at tingnan ang isyu, sa huli ay hindi pa rin sila makabuo ng pagtukoy at hindi nila alam kung paano kikilos. Ito ay kawalan ng abilidad na makagawa ng desisyon. Gaano man kakomplikado ang kasalukuyang sitwasyon o gaano man kahirap ang sitwasyon na kasalukuyan kailangang pangasiwaan at gaano man kalaki ag hadlang na maaaring makaharap sa paggawa nito, ang mga taong may abilidad na makagawa ng desisyon ay kaya itong pangasiwaan nang maayos nang naaayon sa mga prinsipyo, at ang pangangasiwa nila rito ay medyo naaangkop at maaasahan. Ang gayong mga tao ay ang mga may abilidad na makagawa ng desisyon. Kapag ang mga may katamtamang abilidad na makagawa ng desisyon ay nahaharap sa mga ordinaryong sitwasyon at ilang pangkaraniwang pangyayari sa iglesia, kaya nilang pangasiwaan ang mga ito. Pero kung makaharap nila ang ilang espesyal na tao, pangyayari, at bagay, nalilito sila, hindi alam kung paano harapin o pangasiwaan ang mga ito. Pagkatapos ng maraming pagsasaalang-alang, hindi pa rin sila makagawa ng malinaw na paghusga o makagawa ng desisyon. Ang mga taong may abilidad na makagawa ng desisyon ay alam na dapat hanapin ang mga katotohanang prinsipyo na pumupuntirya sa pinakabuod ng problema. Ang mga taong walang abilidad na makagawa ng desisyon ay hindi alam kung nasaan ang pinakabuod ng probblema, kung paano maghanap, o kung ano ang hahanapin. Ito ang pagkakaiba sa pagitan ng mga ito. Kung, sa pamamagitan ng paghahanap, nalalaman ng isang tao kung ano ang gagawin, ipinapahiwatig nito na mayroon siyang katamtamang kakayahan. Para sa mga taong may mahinang kakayahan, kahit na maunawaan nila ang ilang katotohanang prinsipyo sa pamamagitan ng paghahanap at maramdaman nila noong oras na iyon na alam nila kung paano pangasiwaan ang usapin, hindi pa rin nila ito magawa kapag oras na para pangasiwaan ito. Naguguluhan sila: “Bakit hindi ko mailapat ang mga katotohanang prinsipyo na kakaunawa ko lang? Ano ang wala sa akin?” Muli, nalilito sila, at sa huli, hindi pa rin nila malutas ang problema. Ito ay kawalan ng abilidad na makagawa ng desisyon; ito ay pagkakaroon ng mahinang kakayahan. Ang mga taong may pinakamahinang kakayahan ay ginagawa lang ang anumang sabihin mo sa kanila. Kung hindi mo sasabihin sa kanila kung ano ang gagawin, hindi nila alam kung paano kikilos. Kapag ang mga tao sa antas na gumagawa ng desisyon ay nagbibigay awtorisasyon at utos o tinatagubilinan silang isagawa ang isang gampanin, magagawa lang nila ito sa anumang paraang sinabihan silang gawin ito. Gayumpaman, kung bakit mismo dapat gawin ang gampanin sa ganoong paraan, kung anong mga resulta ang dapat makamit ng gampanin, o kung ano ang dapat gawin at paano ito dapat pangasiwaan kung lumitaw ang mga hindi inaasahang sitwasyon na naiiba sa orihinal na senaryo, hindi nila alam ang anuman sa mga bagay na ito, at kailangan nilang magtanong, at hintayin ang iba na tumulong na malutas ang isyu. Ito ay kawalan ng abilidad na makagawa ng desisyon. Ang gayong mga tao ay tulad ng mga robot—maaari lang silang manipulahin at kontrolin ng iba, at wala silang awtonomiya. Ang abilidad na makagawa ng desisyon ay ganap na imposible para sa ganitong uri ng tao na walang kakayahan—malayong-malayo sa kanya ang abilidad na makagawa ng desisyon, sadyang wala sila ng ganitong abilidad. Ang abilidad na makagawa ng desisyon ay kailangan lang hatiin sa tatlong antas: mataas, katamtaman, at mababa. Ang mataas, katamtaman, at mababa ay katumbas ng mahusay, katamtaman, at mahina. Ni hindi na nga nararapat na pag-usapan pa ang tungkol sa abilidad na makagawa ng desisyon pagdating sa mga taong walang kakayahan; anuman ang kanilang ginagawa, hindi sila makagawa ng mga desisyon. Halimbawa, hindi nila alam kung ano mismo ang naangkop na isuot pagdating ng taglagas at medyo lumamig na ang panahon, at kung ano ang naaangkop na isuot pagdating ng taglamig at naging sobrang malamig na ang panahon—ni hindi nila taglay maging ang pinakabatayang pangkaraniwang kaalaman na ito, kaya hindi ba’t magiging isang biro na hilingin sa kanila na gumawa ng mga desisyon sa mga pangunahing usaping nauugnay sa gawain ng iglesia? Ang abilidad na makagawa ng desisyon ay ganap na imposible para sa mga taong walang kakayahan. Ang abilidad na makagawa ng desisyon ay pangunahing tumutukoy sa mga nasa antas ng mga lider, manggagawa, at superbisor. Napakakaunti ng mga taong may mataas na abilidad na makagawa ng desisyon. Ano pa ang nasasangkot sa abilidad na makagawa ng desisyon? Sangkot dito ang mga kahihinatnan ng usapin na ginawan mo ng desisyon—kung ang mga kahihinatnan na iyon ay magiging kapaki-pakinabang sa mga tao o magkakaroon ng negatibong epekto, at kung ang mga ito ay magkakaroon ng mabuting epekto sa pag-unawa ng mga tao sa katotohanan o pagkilos nang ayon sa mga prinsipyo—dapat mo itong malaman. Hindi totoo na ang kakayahan lang na gumawa ng mga desisyon, pagiging desidido, at mabilis na makapagpasya ay katulad ng pagkakaroon ng abilidad na makagawa ng desisyon. Nakadepende rin ito sa kung tama ba ang solusyon at layon at direksyon na napagpasyahan mo. Kung ang mga resultang nakakamit ay positibo, tunay na mayroon kang abilidad na makagawa ng desisyon. Kung ang mga resultang nakakamit ay negatibo—nanlilihis sa mga tao, nagdudulot sa kanila ng malaking pinsala, o sumisira sa kanila—iyon ay hindi anumang uri ng abilidad na makagawa ng desisyon. At kaya, ang paniniwala ng mga tao na ang lahat ng nangungunang personalidad at malalaking personalidad ay may abilidad na makagawa ng desisyon, at na ang lahat ng nangungunang personalidad ay nagtataglay ng medyo mataas na kakayahan at medyo mataas na abilidad na makagawa ng desisyon, ay hindi isang tumpak na pananaw; ganap itong isang maling opinyon. Kung tama ang mga desisyong ginagawa mo ay nakadepende rin kung ang ano ang mga prinsipyo, layon, at direksyon sa likod ng mga ito. Kung ang mga layon at direksyon ay kapaki-pakinabang sa sangkatauhan, at kung positibong tumutulong at kapaki-pakinabang ang mga ito sa pag-asal ng mga tao, pagsasagawa sa katotohanan, pagtamo sa kaligtasan, pagbabago sa disposisyon, at pagkatakot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan, tunay na mataas ang abilidad mong makagawa ng desisyon. Pero kung gagawa ka ng mga bulag na desisyon na mauuwi sa malubhang pananakit ng mga tao, nagdudulot sa kanila ng malaking pinsala, inililihis sila, nagdudulot sa kanila na mapalayo sa Diyos at mawala ang direksyon nila, ito ay pamiminsala sa mga tao at hindi masasabi na ikaw ay may abilidad na makagawa ng desisyon. Dito nagtatapos ang talakayan natin sa abilidad na makagawa ng desisyon.
Ang susunod na abilidad ay ang abilidad na magsuri at magpahalaga ng mga bagay. Alam mo ba kung ano ang ibig sabihin nito? Isa itong hindi pangkaraniwang paksa. Ang abilidad na magsuri at magpahalaga ng mga bahay ay nangangahalagan na kung, kapag hinaharap ang isang tao, pangyayari, o bagay, kaya mong masuri at mapahalagahan ang mga kalakasan, merito, at mahahalagang aspekto nito mula sa impormasyong naoobserbahan at naaarok mo, at pagkatapos ay ilapat ang mga ito sa iyong sariling buhay at pag-asal at mga pagkilos. Kung hindi mo kayang suriin at pahalagahan ang isang bagay, hindi mo malalaman kung ano ang mga merito at kakulangan nito, hindi mo mauunawaan ang susi rito, at hindi ka magkakamit ng anumang pakinabang mula rito. Nangangahulugan ito na wala kang abilidad na magsuri at magpahalaga ng mga bagay. Gayumpaman, kung kaya mong magsuri at magpahalaga ng mga bagay, at matuto ng isang bagay na kapaki-pakinabang mula sa ilang usapin at ilapat ito sa iyong tunay na buhay, at kung ang natutunan mo ay kayang magbigay ng partikular na dami ng pagtulong sa iyong buhay bilang tao at sa iyong pagpili ng landas sa buhay, pinatutunayan nito na mayroon kang partikular na abilidad na magsuri at magpahalaga ng mga bagay. Kapag mas mataas ang abilidad mo sa aspektong ito, mas pinatutunayan nito na mayroon kang mahusay na kakayahan. Magbigay tayo ng isang simpleng halimbawa: ang pagtingin sa isang pinta. Kahit na hindi ka nag-aral ng sining, kung kaya mong maobserbahan ang komposisyon ng isang pinta at malaman ang kahulugang nilalaman nito mula sa perspektiba ng sangkatauhan—at ang perspektiba mo ay higit na napakatumpak at nauugnay sa pagiging tao—at kaya mong makita ang ilang kongkretong bagay na nauugnay sa pagiging tao sa loob nito at pagkatapos ay ilapat ang mga bagay na ito sa iyong sariling buhay o gawain, pinatutunayan ng pagpapamalas na ito na mayroon kang abilidad na magsuri at magpahalaga ng mga bagay. Ang saklaw ng abilidad na magsuri at magpahalaga ng mga bagay ay tumutukoy sa ilang medyo kongkretong bagay, hindi sa mga abstraktong bagay. Ang mga abstraktong bagay ay kinakasangkutan ng mga kulay, mga gawang sining, at iba pa. Dahil ang mga bagay na ito ay hindi nauugnay sa pagiging tao, hindi sapat na kongkreto, at malayong-malayo ang mga ito mula sa normal na pag-iisip ng tao at sa ilang bagay na nasa buhay ng tao, at hindi malapit na nauugnay sa buhay, hindi natin ikinakategorya ang mga ito sa loob ng saklaw ng abilidad na magsuri at magpahalaga ng mga bagay. Para sa ilang bagay na meydo malapit sa buhay, na naglalaman ng ilang natatagong kahulugan o nauugnay sa pagiging tao, kung nagagawa mong suriin, kilatis, at ilapat ang mga ito; kung nakikita mo ang mga merito gayundin ang mga disbentaha ng mga ito, at mayroon kang sarili mong mga kaisipan at pananaw sa mga ito, at kaya mong maunawaan ang mga aspektong kapaki-pakinabang sa pagkatao ng mga tao; at kung kaya mong kilatisin ang anumang baluktot at hindi pleksibleng mga elemento na labag sa katotohanan kapag naroroon ang mga ito; ito ay tinatawag na pagkakaroon ng abilidad na magsuri at magpahalaga ng mga bagay. Kung hindi mo masuri ang mga bagay na ito at, kapag tumitingin ka sa isang kongkretong bagay, kaya mo lang makilatis ang mga kalakasan at disbentaha nito sa usapin ng doktrina pero hindi mo makita mismo kung sa aling mga aspekto ng pagkatao ito nauugnay sa pang-araw-araw na buhay, ang iyong abilidad na magsuri at magpahalaga ng mga bagay ay katamtaman. Kung titingnan mo ang isang gawang sining at, pagkatapos itong paulit-ulit na suriin, hindi mo pa rin alam kung ano ang sinusubukan nitong ipahayag, o kung bakit ito ginawa ng lumikha nito sa ganitong paraan, at kung ang gawang sining ba ay nauugnay sa sangkatauhan o hindi, hindi mo makita kung ano ang esensyal na bagay na nilalaman nito, at hindi mo makita ang susi rito, nangangahulugan ito na wala kang abilidad na magsuri at magpahalaga ng mga bagay. Ang kawalan ng abilidad na magsuri at magpahalaga ng mga bagay ay nangangahulugan na wala kang mga pananaw sa anumang bagay at madali kang nalilihis ng mga kalakaran sa lipunan o mga partikular na negatibong bagay na itinataguyod ng mga tao—ibig sabihin, maaari mong ituring ang isang bagay na likas na negatibo na parang ito ay positibo at tanggapin ito. Ang kahihinatnan nito ay na malalason ka nito, at kung ang bagay na ito ay mananatili sa iyo sa loob ng mahabang panahon at magiging malalim na nakaugat sa iyo, makakahadlang at makakasagabal ito sa pagtanggap mo sa katotohanan. Magbigay tayo ng isa pang halimbawa tungkol sa abilidad na magsuri at magpahalaga ng mga bagay. Halimbawa, sabihin nang ang raw footage ng isang pelikula ay may haba na tatlong oras, at pagkatapos itong i-edit, ang haba ng pelikula ay naging dalawang oras at apatnapung minuto. Ito ba ang karaniwang haba ng isang pelikula? (Hindi.) Ano ang ipinapahiwatig nito? (Ipinapahiwatig nito na ang mga gumawa ng pelikula ay walang abilidad na magsuri at magpahalaga ng mga bagay.) Ano ang partikular na kahulagan ng kawalan ng abilidad na magsuri at magpahalaga ng mga bagay para sa isang pelikula? (Ibig sabihin nito na hindi sila makapili ng mas magandang footage, at hindi makagawa ng mga tumpak na paghusha tungkol sa kung aling footage ang dapat panatilihin at alin ang dapat alisin.) Hindi nila alam kung anong tema ang pakay ng pelikula na iparating o kung aling mga eksena ang malapit na nauugnay sa tema. Bilang resulta, hindi sila makapagdesisyon kung ano ang pananatilihin at ano ang aalisin. Ibig sabihin, hindi nila alam kung aling mga eksena at mga punto sa kuwento ang maaaring tanggalin, at bahagya lang na nauugnay sa tema at maaaring alisin, at kung aling mga eksena at punto sa kuwento ang pinakanauugnay sa tema at kailangang panatilihin. Dahil wala sila ng abilidad na magsuri at magpahalaga ng mga bagay, sa panahon ng pag-eedit ay “nagpapakita sila ng awa,” nadarama na ang ganito at ganyang eksena ay hindi maaaring tanggalin. Sa huli, matapos ang labis na pagsisikap, tinatanggal lang nila ang mga eksenang may mga halatang isyu o mga footage na hindi maganda ang pagkakakuha. Tungkol naman sa nilalaman na hindi malapit na nauugnay sa tema, hindi nila tinatanggal ang lahat ng iyon. Ito ay kawalan ng abilidad na magsuri at magpahalaga ng mga bagay. Hindi malinaw ang pagkaunawa nila sa depinisyon ng isang pelikula; tungkol naman sa mga partikular na anyo at mga teknik ng pagpapahayag ng pelikula at ang pagkakaugnay-ugnay sa pagitan ng bawat eksena, pati na kung aling mga eksena ang mga tunay na eksena ng pelikula, hindi nila nauunawaan ang alinman sa mga ito. Ito ay kawalan ng abilidad na magsuri at magpahalaga ng mga bagay. At kaya, sa panahon ng filming, puno sila ng kumpiyansa; sa panahon ng pag-eedit, puno ng pagkabagabag ang kanilang mukha; at pagdating sa pag-review, labis silang nag-aalala. Pagkatapos ng review, pakiramdam nila na siguradong-sigurado sila kung paano magpapatuloy dahil, sa pamamagitan ng paggabay ng Itaas, natutunan nila kung aling mga eksena ang dapat tanggalin, at malakas ang loob na tinatanggal ang mga ito. Gaano nila napaiksi ang pelikula sa huli? Napaiksi nila ito sa haba na isang oras at apatnapung minuto. Labis na sumasama ang loob ng mga cameraman: “Hindi ba’t pag-aaksaya ito sa mga bunga ng pagtatrabaho namin? Anim na buwan kaming nagpakapagod sa pagshu-shoot ng napakaraming footage, pero naging walang awa ka, pinatanggal mo ang ganito at ganyan—pelikula pa ba ito?” Ang tugon Ko ay na tama mismo ang pagbabawas nang napakarami—ganito dapat ang isang pelikula. Ang mayroon ka noon ay hindi isang pelikula; sa pinakamainam, isa itong drama sa telebisyon. Ang katotohanan ay wala sa hinagap ng mga taong may mahinang abilidad na magsuri at magpahalaga ng mga bagay—ang pakikipagbahaginan sa kanila sa katotohanan ay hindi magkakamit ng anumang resulta. Pagdating sa anumang bagay o ideya at pananaw, hindi nila masuri kung alin ang naaayon sa mga pangangailangan at pamantayan ng normal na pagkatao, alin ang labag sa normal na pagkatao, alin ang tama at praktikal, alin ang hungkag at imahinasyon lang, alin ang naaayon sa mga hinihingi ng Diyos, at alin ang labag sa mga layunin ng Diyos. Pagdating sa isang pelikula, kung aling mga eksena ang gumaganap ng sumusuportang papel sa tema, diretsahan sa punto at direktang nagpaparating ng tema, at esensyal sa pagpapahayag ng pinakabuod ng tema, at alin ang walang kaugnayan at hindi na kinakailangan—hindi nila maintindihan ang mga bagay na ito, at hindi nila maunawaan ang anuman sa mga ito. Pagdating sa pag-edit, palagi silang “nagpapakita ng awa” at atubili silang magtanggal ng footage. Ito ay kawalan ng abilidad na magsuri at magpahalaga ng mga bagay. Kung, pagkatapos ma-shoot ang materyal, sa pamamagitan ng pagsasaalang-alang sa mga ideya na layong iparating ng pelikula at ang direksyon na layon nitong masabi, alam mo kung aling mga eksena ang dapat maisama, aling mga eksena ang walang sapat na epekto, at aling mga eksena ang reserba lang na hindi kailanman nilalayong gamitin kundi inihanda lang bilang reserba kung sakaling lumitaw ang ilang espesyal na sitwasyon—kung sa puso mo ay naisaalang-alang mo ang mga usaping ito, at may mga plano ka para sa pangangasiwa ng mga ito at mga solusyon, tinatawag itong pagkakaroon ng abilidad na magsuri at magpahalaga ng mga bagay. Kung hindi mo magawa ang anuman sa mga bagay na ito, at ang mga perspektiba at paraang ginagamit mo para isaalang-alang at tingnan ang mga probleama ay walang batayan, at hindi ka makabuo ng tamang kongklusyon sa huli, nangangahulugan ito na walang kang abilidad na magsuri at magpahalaga ng mga bagay. Siyempre, karamihan ng tao sa iglesia ay walang abilidad na magsuri at magpahalaga ng mga bagay. Ang abilidad na magsuri at magpahalaga ng mga bagay ay hindi lang tungkol sa kung gaano mo nakikilatis ang isang piyesa ng gawang sining, ang isang nilikhang sining, o isang bagay na nagsisilbi bilang espirituwal na panustos o isang pilosopikal na teorya tungkol sa pagkatao ng mga tao—ang susi ay na dapat magkaroon ka rin ng tumpak na pananaw sa mga bagay na ito. Sa isang banda, ang pananaw mo ay dapat naaayon sa mga katunayan at pangangailangan ng sangkatauhan. Sa kabilang banda, ang nauunawaan at naaarok mo ay dapat naaayon sa mga positibong bagay at sa mga batas ng lahat ng bagay; hindi ito dapat maging hungkag at baluktot, at sa huli, ang mahalaga ay ang pag-ayon sa mga katotohanang prinsipyo. Kung bukod sa nakikita mo ang mga ideya at pananaw na ipinaparating, kung hindi ka lang naiipit sa antas na iyon, nakikita mo rin kung ang mga ideya at pananaw na ito ay aktuwal na tama, kung aktuwal na naaayon ang mga ito sa mga pangangailangan ng sangkatauhan, kung aktuwal na dalisay ang mga ito, at kung aktuwal na naaayon ang mga ito sa katotohanan—kung kaya mong gawin ang lahat ng bagay na ito—isa kang taong may mahusay na abilidad na magsuri at magpahalaga ng mga bagay. Ang mga taong may mahusay na abilidad na magsuri at magpahalaga ng mga bagay ay ang mga may mahusay na kakayahan. Kung hindi mo kayang makamit ang lahat ng bagay na ito o katamtaman mo lang na nakakamit ang mga ito, ang abilidad mo na magsuri at magpahalaga ng mga bagay ay katamtaman lang. Kung pundamental mong hindi maintindihan ang mga usaping ito—halimbawa, kung hindi mo maunawaan ang anumang mga gawang audio-visual, mga akdang pampanitikan at masining na akda, likhang-sining, at iba pa, kung abstrakto o kongkreto man ang mga ito, at nakikita mong ganap na hindi maarok ang mga ito, tulad ng isang banyagang wika, at wala kang kapasidad sa loob ng pagkatao mo na suriin at pahalagahan ang gayong mga bagay, wala kang abilidad na magsuri at magpahalaga ng mga bagay; ikaw ay isang taong walang kakayahan. Kung, sa pamamagitan ng pag-oobserba sa asal o sikolohikal na kalagayan at sa kabuuang ekspresyon ng kalagayan ng pag-iisip ng isang karakter sa loob ng isang eksena nang may mga partikular na kulay, partikular na ilaw, at isang partikular na kapaligiran, nalalaman mo ang magiging epekto ng eksenang ito sa isipan ng mga manonood, kung gayon ay nagtataglay ka ng abilidad na magsuri at magpahalaga ng mga bagay. Gayumpaman, ang mga taong walang abilidad na magsuri at magpahalaga ng mga bagay ay hindi ito makita. Sinasabi nila, “Ano naman kung ang ilaw ay malamlam o hindi, o kung ang mga kulay ay maganda o hindi? Hindi ba’t ganoon pa rin ang karakter? Paano mo nalalaman kung ano ang kalagayan ng isipan niya? Bakit hindi ko ito makita?” Ito ay kawalan ng abilidad na magsuri at magpahalaga ng mga bagay. Paano mo man ito ipaliwanag sa kanila, maaaring sabihin nilang nauunawaan nila, pero sa aktuwal, sa puso nila ay hindi pa rin nila ito naiintindihan. Ang larangang ito ay palaging mananatiling banyaga sa kanila. Ang mga taong walang abilidad na magsuri at magpahalaga ng mga bagay, anumang uri ng gawain ang ginagawa nila o anumang uri ng akdang pampanitikan o masining na gawa ang tinitingnan nila, ay hindi maipahayag ang sarili nilang mga kaisipan at pananaw. Lalo na para sa gawain o mga likha na nangangailangan ng pagpapahayag ng malalim na kahulugan, nagpapahayag ng tema, o nagbibigay ng espirituwal na paggabay, hindi nila ito magawa nang maayos at hindi nila kayang maging mahusay para sa gayong mga gampanin. Kung nagtataglay ka ng abilidad na magsuri at magpahalaga ng mga bagay at, dagdag pa roon, nauunawaan mo rin ang katotohanan, kung gayon, para sa gawain ng sambahayan ng Diyos na nauugnay sa pelikula, literatura, at sining, na kinasasangkutan ng abilidad na magsuri at magpahalaga ng mga bagay, kaya mong gawin ito nang maayos, maging mahusay rito, at tuparin ang ganitong uri ng tungkulin. Kung wala kang abilidad na magsuri at magpahalaga ng mga bagay, mayroon kang mahinang kakayahan at hindi mo kayang maging mahusay para sa ganitong uri ng gawain. Sinasabi ng ilang tao, “Napakaraming taon ko nang nakikinig sa katotohanan at nauunawaan ko ang mga katotohanang prinsipyo. Ibig sabihin ba niyon na kaya kong maging mahusay para sa ganitong uri ng gawain?” Hindi pa rin iyan sapat. Kahit na nakakaunawa ka ng ilang katotohanan, kung wala ang abilidad na magsuri at magpahalaga ng mga bagay bilang pampuno, makakagampan ka lang ng gawain tulad ng pangangaral ng ebanghelyo o pagdidilig sa iglesia. Gayumpaman, para sa gawaing kinasasangkutan ng abilidad na magsuri at magpahalaga ng mga bagay, hindi ka magiging mahusay rito. Samakatwid, kung ang ilang tao ay maling napili para sa ganitong uri ng gawain at ngayon ay napagtatanto nilang wala silang potensyal para sa larangang ito at likas na wala silang abilidad na magsuri at magpahalaga ng mga bagay, dapat agad silang magbitiw, sinasabing, “Hindi ko kayang gawin ang gawaing ito. Ang pagkatao ko ay hindi nagtataglay ng abilidad na magsuri at magpahalaga ng mga bagay.” Siyempre, nagtataglay ka man ng abilidad na magsuri at magpahalaga ng mga bagay o hindi, isa itong pamantayan para sa pagsusuri sa kakayahan ng isang tao. Bagama’t hindi ito pangunahing pamantayan, para sa ilang espesyal na gawain, ang abilidad na magsuri at magpahalaga ng mga bagay ay kinakailangan din. Dito nagtatapos ang pagbabahaginan natin sa abilidad na magsuri at magpahalaga ng mga bagay. May isa pang abilidad, ang abilidad na maging inobatibo, na pagbabahaginan natin sa susunod.
Ang pagbabahaginan ba nang ganito ay mas nagpapalinaw ng mga bagay para sa inyo? (Oo.) Kung nagsasalita lang Ako gamit ang mga pangkalahatang termino, sinasabing, “Ang kakayahan ng isang tao ay sinusuri batay sa kanyang pagiging episyente at epektibo sa paggawa ng mga bagay,” magagawa lang ninyo na bigkasin ang doktrinang ito, pero hindi pa rin magiging malinaw sa inyo kung anong mga partikular na aspekto ang tinutukoy ng kakayahan. Kalaunan, naisip Ko na mas mainam na magbahaginan nang mas partikular; kapag nagkamit kayo ng kalinawan sa paksang ito, magagawa ninyong tumpak na suriin at malinaw na maunawaan ang sarili ninyong kakayahan. Makakatulong ito sa inyo na malaman kung paano lulugar at hindi magkaroon ng labis na pagtingin sa inyong mga abilidad. Ang pagtingin nang malinaw at pagkaunawa sa sarili ninyong mga abilidad, pagtukoy sa kung mahusay, katamtaman, mahina, o hindi umiiral ang inyong kakayahan, at pagtukoy sa kung saang grupo kayo nabibilang—ang paghahanap sa inyong wastong lugar sa ganitong paraan, ay nagbibigay-kakayahan sa inyo na kumilos at umasal nang maayos. Sa isang banda, binibigyang-kakayahan kayo nito na magkaroon ng tumpak na pagkaunawa sa inyong sarili. Sa kabilang banda, sa usapin ng paglutas sa inyong mga tiwaling disposisyon, nagbibigay rin ito ng partikular na dami ng tulong para sa pagbabago sa inyong mayabang na disposisyon. Hindi ba’t tama iyon? (Oo.) Tapusin na natin dito ang pagbabahaginan ngayon. Paalam!
Nobyembre 4, 2023