100. Ang Nakamit Ko sa Pagsasalita Nang May Katapatan
Ilang panahon na ang nakalilipas, nabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos, na nagsasabing: “Paninipsip, pambobola, at mga salitang masarap pakinggan—sa panlabas, dapat malaman ng lahat kung ano ang ibig sabihin ng mga salitang ito, at ang mga indibidwal na nagpapakita ng mga ito ay pangkaraniwan. Ang paninipsip, pambobola, at pagsasabi ng mga salitang masarap pakinggan ay kadalasang mga paraan ng pagsasalitang ginagamit upang magkamit ng pabor, papuri, o isang uri ng pakinabang mula sa iba. Ito ang pinakakaraniwang paraan ng pagsasalita para sa mga taong nambobola at nambibilog ng ulo. Maaaring sabihin na lahat ng tiwaling tao, sa ilang antas, ay nagpapakita ng ganitong pagpapamalas, na isang paraan ng pagsasalita na kabilang sa satanikong pilosopiya” (Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasampung Aytem (Ikalawang Bahagi)). Noong panahong iyon, nang mabasa ko ang mga salita ng Diyos na naglalantad ng ganoong uri ng mga tao, hindi ko ginamit ang mga ito sa aking sarili. Kinaiinisan ko ang ganoong mga tao, at hindi ko sila gusto o nais na makasama, kaya naisip ko na mas magaling ako kaysa sa ganoong mga tao. Hindi inaasahan, nang maibunyag ako ng mga katunayan, nakita ko na para sa sarili kong mga interes ay gayon din ang gagawin ko, sinusubukan kong magpalugod ng mga tao, makatanggap ng pabor, at magsabi ng mga magagandang bagay, at kikilos din ako sa isang napakatuso at mapanlinlang na paraan.
Ilang araw na ang nakalilipas, dumalo ako sa isang pagtitipon ng grupo. Pagkatapos ng pagtitipon, nagpadala ng mensahe ang aking lider, tinatanong ako kung kumusta ang pagbabahagi ni Brother Caleb. Nang makita ko ang mensahe, bahagya akong kinabahan, “Bakit bigla na lamang akong tinatanong ng lider ng ganitong tanong? Paano ko ito dapat sagutin? Kung mali ang sagot ko, ano ang iisipin niya sa akin? Iisipin ba niya na hindi ko man lang matukoy kung gaano kahusay ang pagbabahagi ng ibang tao, na ako ay may mahinang kakayahan, at walang tunay na karanasan? Kung gayon, pagkakatiwalaan pa ba niya ako at gagamitin pa ba ako para sa mga mahahalagang tungkulin sa hinaharap? Baka hindi magtagal ay maalis pa sa akin ang posisyon ko bilang lider ng grupo.” Upang mapanatili ko ang aking imahe at katayuan sa isip ng lider at mapaisip siya na nakakakilatis ako ng mga bagay-bagay, nagsimula akong manghula kung ano ang ibig niyang sabihin. Dahil itinanong niya, maaaring naramdaman niyang may problema sa pagbabahagi ni Caleb, kaya ano ang puwede kong sabihin para makuha ang pagsang-ayon niya? Sa katunayan, nadama ko na bagama’t ang ilan sa ibinahagi ni Caleb ay mga salita at doktrina, sa ilang bahagi ay praktikal ito. Ngunit nag-alala ako na hindi ko nakita ang mga bagay-bagay nang tama, kung kaya’t hindi ko sinabi sa lider ang totoo kong naiisip. Sa halip, sinabi ko, “Maraming ibinahaging doktrina si Caleb.” Sumagot ang aking lider, “Marami sa sinabi niya ay talagang mga salita at doktrina. Tiyakin mo na mas paaalalahanan at mas tutulungan pa siya sa hinaharap.” Matapos basahin ang sagot ng lider, naisip ko, “Mabuti na lamang at hindi ko sinabi ang totoo kong iniisip. Hindi ba’t pagmumukhain kong masama ang sarili ko kung nagkataon? Kung gayon, mabubuking ako ng lider ko!”
Pagkatapos na pagkatapos nito, dumalo ako sa isa pang pagtitipon ng grupo. Pagkatapos ng pagtitipon, pinadalhan na naman ako ng lider ng mensahe na nagtatanong, “Ano ang palagay mo sa pagbabahagi ni Sister Jemma?” Nang nakita ko ang mensahe, bahagya akong natulala. Lumilipad ang isip ko sa pagtitipon, kung kaya’t hindi ko pa napakinggang mabuti ang pagbabahagi niya. Paano ako dapat sumagot? Kung ako ay magpapakatapat, ano ang iisipin ng lider sa akin? Naalala ko ang narinig kong sinabi dati ng lider na madalas magsalita si Jemma tungkol sa mga salita at doktrina, kaya ba hinihiling niya na kumpirmahin ko ang isyung ito? Noong nakaraan, tinanong niya ako dahil sa tingin niya ay nagsalita si Caleb ng maraming doktrina. Naisip ko na maaaring ito rin ang dahilan sa pagkakataong ito. Kaya, sumagot ako, “Mula sa pagbabahagi ni Jemma, hindi ko narinig kung ano ang kanyang kaalaman sa kanyang sarili, o kung alin sa kanyang mga pananaw ang nagbago.” Matapos basahin ang sagot ko, walang sinabi ang lider. Pagkatapos ay hindi ko mapakalma ang aking sarili, at nagsimula akong manghula, “Hindi ba nasiyahan ang lider sa sagot ko? Mali ba ang sagot ko? Kung mali nga, iisipin ba niya na mahina ang kakayahan ko?” Noong mga araw na iyon, paminsan-minsan nitong ginambala ang pag-iisip ko.
Makalipas ang ilang araw, habang nasa isang pagtitipon, nabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos na nagpadama sa akin na parang tinusok ang aking puso. Sabi ng mga salita ng Diyos: “Ang mga mapanlinlang na mga taong kumikilos sa isang paraan sa harap ng iba at sa ibang paraan sa likuran nila ay hindi handang magawang perpekto. Lahat sila ay mga anak ng perdisyon at pagkawasak; hindi sila nabibilang sa Diyos kundi kay Satanas. Hindi sila ang uri ng mga taong hinirang ng Diyos!” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Nagpapasakop sa Diyos Nang may Tapat na Puso ay Tiyak na Makakamit ng Diyos). Hindi ko maiwasang isipin ang nangyari noong isang araw. Nang tanungin ako ng lider kung ano ang tingin ko sa pagbabahagi ng mga kapatid, hindi ako naglakas-loob na ipahayag ang aking tunay na opinyon dahil nag-alala ako na ang isang maling sagot ay makakaapekto sa aking imahe at katayuan sa puso ng lider, kaya’t mapanlinlang ang naging sagot ko. Hinulaan ko kung ano ang iniisip ng aking lider, at sinubukang sumagot sa paraang tutugma sa kanyang iniisip. Akala ko ay hindi ako gaanong makagagawa ng mga pagkakamali kapag ginagawa ito, na hindi niya ako mabubuking, at ang aking posisyon ay magiging matatag. Inakala kong matalino ako sa pamamagitan ng panlilinlang sa aking lider at pagtatago ng aking mga naiisip, ngunit ang Diyos ay matuwid, at sinisiyasat ang lahat. Malinaw na nakita ng Diyos ang aking mga mapanlinlang na layunin at pandaraya, at kinondena ang mga ito ng Diyos. Nang mas pinagnilayan ko ang mga salita ng Diyos, mas lalo akong natakot. Naisip ko kung paano naging napakabuktot, kasuklam-suklam, at kahiya-hiya ang aking mga naiisip. Naalala ko rin kung paano inilantad ng Diyos ang mga pagpapamalas ng mga anticristo ng paninipsip, pambobola, at pagsasabi ng mga salitang masarap pakinggan, kaya hinanap ko ang ilan sa mga salita ng Diyos.
Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Ang mga anticristo ay bulag sa Diyos, wala Siyang puwang sa kanilang mga puso. Kapag nakakaharap nila si Cristo, itinuturing lang nila Siya bilang ordinaryong tao, palagi silang nakikiramdam sa Kanyang mga ekspresyon at tono, iniaangkop ang kanilang sarili batay sa hinihingi ng sitwasyon, hindi kailanman sinasabi kung ano talaga ang nangyayari, hindi kailanman nagsasalita ng anumang taos sa puso, nagsasalita lamang ng mga hungkag na salita at doktrina, at sinusubukang linlangin at lansihin ang praktikal na Diyos na nakatayo sa harapan ng kanilang mga mata. Wala talaga silang may-takot-sa-Diyos na puso. Ni hindi nila kayang magsalita sa Diyos nang mula sa puso, na magsabi ng anumang totoo. Nagsasalita sila na parang isang gumagapang na ahas, ang galaw ay paliku-liko at hindi tuwiran. Ang paraan at direksiyon ng mga salita nila ay tulad ng isang baging ng melon na umaakyat sa isang poste. Halimbawa, kapag sinasabi mong ang isang tao ay may mahusay na kakayahan at maaaring itaas ng ranggo, kaagad silang nagsasalita tungkol sa kung gaano kahusay ang taong ito, at kung ano ang naipapamalas at naibubunyag sa kanya; at kung sasabihin mong ang isang tao ay masama, mabilis sila sa pagsasalita kung gaano ito kasama at kamakasalanan, kung paano siya nagdudulot ng mga kaguluhan at pagkagambala sa iglesia. Kapag nagtatanong ka tungkol sa mga aktuwal na sitwasyon, wala silang masasabi; nagpapaliguy-ligoy sila, naghihintay na gumawa ka ng kongklusyon, nakikinig para sa kahulugan ng mga salita mo, upang maiayon nila ang kanilang mga salita sa iyong mga iniisip. Ang lahat ng sinasabi nila ay mga salitang masarap pakinggan, pambobola, at pagbibigay ng labis na papuri; walang sinserong salita ang lumalabas sa kanilang mga bibig” (Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasampung Aytem (Ikalawang Bahagi)).
“Gusto ng Diyos ang mga taong matapat, at nasusuklam Siya sa mga taong mapanlinlang at madaya. Kung isa kang tusong tao at kumikilos ka nang madaya, hindi ba’t mamumuhi ang Diyos sa iyo? Hahayaan ka lang ba ng sambahayan ng Diyos na makalusot? Sa malao’t madali, papapanagutin ka. Gusto ng Diyos ang mga taong matapat at ayaw naman Niya sa mga taong tuso. Dapat malinaw itong maunawaan ng lahat, at huwag nang maguluhan at gumawa ng mga kahangalan. Ang panandaliang kamangmangan ay maaaring pangatwiranan, pero kung talagang hindi tinatanggap ng isang tao ang katotohanan, masyadong matigas ang ulo niya. Marunong humawak ng responsabilidad ang mga taong matapat. Hindi nila isinasaalang-alang ang sarili nilang mga pakinabang at kawalan; iniingatan lamang nila ang gawain at mga interes ng sambahayan ng Diyos. Mayroon silang mababait at matatapat na puso na gaya ng mga mangkok ng malinaw na tubig kung saan makikita mo ang ilalim sa isang sulyap. Wala rin silang itinatago sa kanilang mga kilos. Ang isang taong mapanlinlang ay laging nandadaya, laging nagpapanggap, pinagtatakpan at ikinukubli ang mga bagay, at binabalot nang husto ang sarili nila. Walang makakilatis sa ganitong uri ng tao. Hindi makilatis ng mga tao ang kanilang mga saloobin, pero kaya ng Diyos na masiyasat ang mga bagay sa kaibuturan ng kanilang puso. Kapag nakikita ng Diyos na hindi sila matapat na tao, na tuso sila, na hindi nila kailanman tinatanggap ang katotohanan, palagi Siyang nililinlang, at hindi kailanman ibinibigay ang puso nila sa Kanya—ayaw ng Diyos sa kanila, at kinasusuklaman at tatalikuran sila ng Diyos. Anong klase ng mga tao ang umuunlad sa gitna ng mga walang pananampalataya, at iyong matatamis ang dila at mabilis mag-isip? Malinaw ba ito sa inyo? Ano ang diwa nila? Masasabi na lahat sila ay napakahirap na makilatis, sobrang mapanlinlang at tuso nilang lahat, sila ang tunay na mga diyablo at Satanas. Maaari bang iligtas ng Diyos ang mga ganitong tao? Wala nang higit pang kinasusuklaman ang Diyos kundi ang mga diyablo—mga taong mapanlinlang at tuso—at hinding-hindi ililigtas ng Diyos ang gayong mga tao. Hinding-hindi kayo dapat maging ganitong uri ng tao. Iyong mga palaging nagmamasid at alerto kapag nagsasalita sila, na may kumpiyansa at magaling at gumaganap ng isang karakter para bumagay sa sitwasyon kapag pinapangasiwaan nila ang mga usapin—sinasabi Ko sa iyo, pinakakinasusuklaman ng Diyos ang mga gayong tao, hindi na maililigtas pa ang mga taong gaya nito. Tungkol sa lahat ng nabibilang sa kategorya ng mga mapanlinlang at tusong tao, kahit gaano pa kagandang pakinggan ang mga salita nila, lahat ng ito ay mapanlinlang, maladiyablong salita. Kapag mas magandang pakinggan ang kanilang mga salita, mas lalong mga diyablo at Satanas ang mga taong ito. Sila mismo ang klase ng mga tao na pinakakinasusuklaman ng Diyos. Talagang ito ay tama. Ano ang masasabi ninyo: Matatanggap ba ng mga taong mapanlinlang, madalas magsinungaling, at mahusay mambola, ang gawain ng Banal na Espiritu? Kaya ba nilang makamit ang pagbibigay-liwanag at pagtanglaw ng Banal na Espiritu? Hinding-hindi. Ano ang saloobin ng Diyos ukol sa mga taong mapanlinlang at tuso? Itinataboy Niya ang mga ito, isinasantabi Niya ang mga ito at hindi pinapansin, itinuturing Niya sila bilang kauri ng mga hayop. Sa paningin ng Diyos, ang gayong mga tao ay nakabihis lamang ng anyong tao at sa diwa, sila ay mga diyablo at Satanas, sila ay mga naglalakad na bangkay, at hinding-hindi sila ililigtas ng Diyos” (Ang Salita, Vol. V. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa 8).
Mula sa mga salita ng Diyos, nakita ko na ang mga anticristo ay may partikular na masamang disposisyon. Upang makamit ang sarili nilang mga layon, binobola nila si Cristo at bumabatay lang sa opinyon ng iba, at naniniwala pa sila na hindi makikita ni Cristo ang kanilang mga pandaraya, na maaari nila Siyang malinlang. Samakatwid, nangahas silang hayagang linlangin ang Diyos at ituring ang Diyos na parang tao. Ang saloobing ito sa Diyos ay lubhang kasuklam-suklam at kamuhi-muhi sa Diyos. Bagama’t hindi ako tuwirang nakipag-ugnayan kay Cristo, ang disposisyong ibinunyag ko ay katulad ng sa anticristo. Tinanong ako ng aking lider kung ano ang naiisip ko tungkol sa pagbabahagi ng aking mga kapatid, na isang napakanormal na tanong, at maaari kong sabihin lamang kung ano ang talagang naiisip ko, ngunit may kumplikado akong kaisipan, at paliko-liko ang isip ko. Hinulaan ko pa nga kung sinusubukan ba ng lider ang kakayahan kong makakilatis, at natakot ako na kapag nagkamali ako, mamaliitin niya ako at hindi na niya ako pahahalagahan o lilinangin. Upang mapanatili ang aking imahe at posisyon sa kanyang puso, itinago ko ang aking tunay na naiisip at sinadya kong subukan na makatugma ang kanyang pakahulugan. Ang pag-uugali ko ay tulad ng inilalantad ng mga salita ng Diyos, tulad ng isang madulas na ahas at isang umaakyat na baging ng melon, pihit nang pihit at paikot-ikot. Sa pagtrato at pakikisama sa mga tao sa ganitong paraan, nililinlang at pinaglalaruan ko sila. Napakagulang at tuso ko. At nang sabihin ko ang mga salitang ito, hindi ito dahil sa hindi ko ito alam. Nagsalita ako pagkatapos kong mag-isip at magkalkula. Sinadya ko ito. Naisip ko pa nga na hindi alam ng Diyos ang tungkol sa aking mga pandaraya, kaya nangahas akong magsinungaling at manlinlang. Wala man lang akong may-takot-sa-Diyos na puso. Nangahas akong magsinungaling at manlinlang ng ibang tao kapag nakikipag-ugnayan sa kanila, kaya kung makakaugnayan ko man si Cristo, paniguradong lantaran kong lilinlangin ang Diyos, at lalabagin ang disposisyon ng Diyos. Lalo na noong nabasa ko ang mga salita ng Diyos: “Sa paningin ng Diyos, ang gayong mga tao ay nakabihis lamang ng anyong tao at sa diwa, sila ay mga diyablo at Satanas, sila ay mga naglalakad na bangkay, at hinding-hindi sila ililigtas ng Diyos,” bigla akong nakaramdam ng pagkaparalisa. Inilalantad ng Diyos ang aking kalikasan at inilalarawan ang aking mga kilos. Naalala ko na noong nakipag-ugnayan ako sa iba, karaniwan ay mayroon akong sariling mga motibo, at inoobserbahan ko ang kanilang mga salita at ekspresyon. Lalo na sa mga lider at manggagawa, sinubukan kong hulaan ang kanilang mga iniisip at mas makatugma ang kanilang pakahulugan, nagsasabi ng mga bagay na nakatutuwang pakinggan. Akala ko na ang pamumuhay nang ganito ay pagiging matalino, dahil walang nakakabuking sa akin. Ngunit nakita na ng Diyos ang totoong ako. Sa panahong ito, naintindihan ko na rin kung bakit sinasabi ng Diyos na gusto Niya ang mga taong matapat at napopoot sa mga taong mapanlinlang. Ito ay dahil sa ang puso ng mga tapat na tao ay simple tulad ng malinaw na tubig, tapat ang pagtrato nila sa mga tao at sa Diyos, at hindi nila kailanman sinasadyang itago ang kanilang mga pagkukulang o ikubli ang kanilang mga sarili. Ang ganitong mga tao ay hindi nabubuhay sa nakakapagod na paraan, nasisiyahan ang iba sa pakikitungo sa kanila, at gusto sila ng Diyos. Ngunit masalimuot ang isipan ng mga taong mapanlinlang, sila ay gumagawa ng mga plano at may mga sariling motibo para sa lahat ng bagay, at ang mga bagay at salita na napakasimple ay nagiging labis na masalimuot para sa kanila. Ang mga salita at kilos ng mga mapanlinlang na tao ay para lahat sa panlilihis at panlilinlang ng iba upang makamit ang kanilang sariling mga layon. Nagbubunyag sila ng malademonyong wangis, at hindi kailanman inililigtas ng Diyos ang ganoong mga tao. Habang naiisip ito, bahagya akong natakot. Nakita ko na ang sarili kong kalikasan ay mapanlinlang at masama gaya ng kay Satanas, at kung hindi pa rin ako magsisisi, ako ay ititiwalag at parurusahan ng Diyos. Ang Diyos ay banal at matuwid, at ang mga mabubuhay sa kaharian ng Diyos ay pawang mga taong tapat na handang magsagawa ng katotohanan. Ang isang mapanlinlang na tao ay hindi kailanman makakapasok sa kaharian ng Diyos. Habang iniisip ang mga bagay na ito, nakaramdam ako ng matinding pagsisisi, at hindi ko na nais pang mamuhay ayon sa aking mapanlinlang at masamang disposisyon. Nagdasal ako sa Diyos, na nagsasabing gusto kong isagawa ang pagiging matapat na tao sa pamamagitan ng paghahayag at pagsasalita nang tapat sa lahat, kahit sino pa sila. Pagkatapos noon, sa isang pagtitipon, nagbahagi ako tungkol sa aking mga kasuklam-suklam na layunin at sa katiwalian na ibinunyag ko sa dalawang bagay na ito. Pagkatapos ko itong gawin, mas gumaan at naging maginhawa ang aking pakiramdam.
Pagkatapos nito, napaisip rin ako kung bakit lagi kong pinahahalagahan ang inisip ng lider tungkol sa akin, at kung bakit kaya kong magsinungaling at maging mapanlinlang upang maging maganda ang opinyon niya tungkol sa akin. Isang araw, sa mga salita ng Diyos, nabasa ko: “Anuman ang antas ng isang lider o manggagawa, kung sinasamba ninyo siya dahil sa pagkaunawa sa katiting na katotohanan at sa pagkakaroon ng kaunting kaloob, at naniniwala kang taglay niya ang katotohanang realidad at matutulungan ka niya, at kung titingalain mo siya at umaasa sa kanya sa lahat ng bagay, at sa pamamagitan nito, sinusubukan mong matamo ang kaligtasan, kahangalan at kamangmangan ito. Sa huli, ang lahat ng ito ay mauuwi lang sa wala, dahil ang pinagsimulan mo ay likas na mali. Kahit gaano pa karaming katotohanan ang nauunawaan ng isang tao, hindi sila makahahalili kay Cristo, at kahit gaano pa kagaling ang isang tao, hindi ibig sabihin nito na taglay niya ang katotohanan—kaya ang sinumang sumasamba, tumitingala, at sumusunod sa ibang tao ay ititiwalag at kokondenahin lahat sa huli. Ang mga nananampalataya sa Diyos ay maaari lamang tingalain at sundan ang Diyos. Ang mga lider at manggagawa, anuman ang kanilang ranggo, ay mga karaniwang tao pa rin. Kung itinuturing mo sila bilang mga direktang nakatataas sa iyo, kung sa pakiramdam mo ay nakalalamang sila kaysa sa iyo, na mas magaling sila kaysa sa iyo, at na dapat ka nilang pamunuan, na lagi silang nakatataas sa lahat ng iba pa, mali ka—isa iyong kahibangan. … Kung nananampalataya ka sa Diyos at sinusundan mo ang Diyos, dapat kang makinig sa Kanyang salita, at kung may nagsasalita at gumagawa nang wasto, at umaayon ito sa mga katotohanang prinsipyo, magpasakop ka na lang sa katotohanan—hindi ba’t ganoon lang iyon kasimple? Bakit napakasama mo? Bakit ka nagpupumilit na humanap ng isang taong sinasamba mo para sundan? Bakit mo ba gustong maging alipin ni Satanas? Bakit hindi ka na lang maging isang lingkod ng katotohanan? Dito, nakikita kung may katwiran at dignidad ang isang tao. Dapat magsimula ka sa sarili mo: Sangkapan mo ang iyong sarili ng lahat ng uri ng katotohanan, magawa mong tukuyin ang sari-saring paraan kung paano naipapamalas ang iba’t ibang bagay at tao, alamin kung ano ang kalikasan ng iba’t ibang pag-uugali ng mga tao at kung anong disposisyon ang ipinapakita nila, matutuhang kilalanin ang pagkakaiba ng mga diwa ng iba’t ibang tao, maging malinaw tungkol sa kung anong uri ng mga tao ang nasa paligid mo, kung anong uri kang tao, at kung anong uri ng tao ang iyong lider. Sa sandaling makita mo ang lahat ng ito nang malinaw, magagawa mo nang pakitunguhan ang mga tao sa tamang paraan, ayon sa mga katotohanang prinsipyo: Kung mga kapatid sila, tatratuhin mo sila nang may pagmamahal; at kung hindi naman sila mga kapatid kundi masasamang tao, mga anticristo o mga hindi mananampalataya, didistansya ka at tatalikdan sila. At kung sila ay mga taong nagtataglay ng katotohanang realidad, bagama’t maaaring hinahangaan mo sila, hindi mo sila sasambahin. Walang sinumang makahahalili kay Cristo; si Cristo lamang ang praktikal na Diyos. Si Cristo lang ang makapagliligtas sa mga tao, at tanging sa pagsunod kay Cristo mo matatamo ang katotohanan at buhay. Kung malinaw mong nakikita ang mga bagay na ito, mayroon kang tayog at malamang ay hindi ka maililihis ng mga anticristo, ni kailangan mong matakot na mailihis ng mga anticristo” (Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikaanim na Aytem). Ang inilantad ng mga salita ng Diyos ay ang aking kalagayan. Bagama’t naniniwala ako sa Diyos sa loob ng maraming taon, walang lugar para sa Diyos sa aking puso. Ang pinagtuunan ko ng pansin ay ang kapangyarihan at katayuan ng mga tao, at ang pinanindigan ko ay ang pilosopiya ni Satanas na “Mas may kontrol ang mga lokal na opisyal kaysa sa mga opisyal ng estado.” At lagi kong nararamdaman na malayo sa akin ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos; sa mga paningin ko, ang lider ang siyang nagpapasya ng lahat para sa akin, at kung ako ba ay mapahahalagahan, malilinang, at kung magagawa ko ba ang tungkulin ko ay nakasalalay sa mga sasabihin ng lider. Hindi ba’t ito ang pananaw ng mga walang pananampalataya? Upang makuha ang pagpapahalaga ng kanilang mga lider at mapanatili ang kanilang mga posisyon at trabaho, pinalulugod ng mga walang pananampalataya ang kanilang mga lider sa lahat ng bagay at binobola sila saanman, tulad ng mga aso na walang karakter o dignidad. Ano ang ipinagkaiba nila sa akin? Upang makuha ang pagpapahalaga ng aking lider at mapanatili ang aking katayuan, lagi kong ninanais na mapalugod siya, at pinag-iisipan at ibinibigay ko ang kanyang mga kagustuhan. Talagang tuso ako at magaling umangkop sa pagbabago ng sitwasyon. Para sa aking mga sariling interes, ganap kong naiwala ang aking dignidad bilang tao at naiwala ang lahat ng wangis ng tao. Sa katunayan, ang sambahayan ng Diyos ay may mga prinsipyo sa pagpili at paglinang ng mga tao, hindi tulad sa mundo ng mga walang pananampalataya. Ang mga walang pananampalataya ay nagsasagawa ng “Walang natatapos ang isang tao nang walang pambobola.” Hangga’t kaya nilang sumipsip sa taong mas mataas sa kanila, kahit walang tunay na talento at kaalaman, kaya nilang magkamit ng pagsang-ayon at mapromote at maging mayaman. Ngunit ang katotohanan ang naghahari sa sambahayan ng Diyos. Ang mga tao ay pinipili at nililinang batay sa mga katotohanang prinsipyo. Kung mayroon tayong mabuting pagkatao, kayang tanggapin ang katotohanan, ang ating puso ay nakabaling sa sambahayan ng Diyos, at kaya nating protektahan ang gawain ng sambahayan ng Diyos, kung gayon, hindi mahalaga na bahagyang mahina ang ating kakayahan. Ang iglesia ay magsasaayos pa rin ng angkop na tungkulin para sa atin. Kung tayo ay may masamang pag-uugali, hindi naghahangad ng katotohanan, at gumagawa lamang ng mga pandaraya at pakana, kahit bolahin at sumipsip pa tayo sa lider, hindi tayo magkakaroon ng mahalagang tungkulin. Sa sandaling nakilatis at nakilala tayo nang husto ng ating mga kapatid, kamumuhian at itatakwil tayo. Kahit na ang ilang huwad na lider at anticristo ay sumasalungat sa mga prinsipyo at binibigyan ng mas mataas na posisyon ang mga nambobola at sumisipsip, hindi magtatagal, sila ay mabubunyag, kaya hindi sila kailanman makakapanatili sa sambahayan ng Diyos. Noong naintindihan ko ito, hindi na ako nag-alala kung paano ako tingnan ng lider. Hindi na mahalaga kung ano ang pananaw ng mga tao sa akin. Kung makakapagpatuloy ba ako sa aking tungkulin o hindi ay nakasalalay sa kung hahanapin ko ang katotohanan at gagawin ko nang maayos ang aking tungkulin. Ang dapat kong pagtuunan ng pansin ngayon ay ang paggawa ng aking tungkulin nang maayos at paghahanap ng katotohanan sa aking tungkulin upang lutasin ang aking mga problema at paghihirap. Ito ay ang aking pag-aasikaso sa aking wastong gawain.
Pagkatapos noon, naghanap ako ng landas ng pagsasagawa sa mga salita ng Diyos at natagpuan ko ang dalawang siping ito: “Ang pagiging matapat na tao ay hinihingi ng Diyos sa tao. Ito ay isang katotohanan na kailangang isagawa ng tao. Ano, kung gayon, ang mga prinsipyong dapat sundin ng tao sa mga pakikitungo nila sa Diyos? Maging sinsero: Ito ang prinsipyo na dapat sundin kapag nakikisalamuha sa Diyos. Huwag gayahin ang pagsasagawa ng mga walang pananampalataya na paninipsip o pambobola; hindi kailangan ng Diyos ang paninipsip at pambobola ng tao, sapat na ang maging sinsero. At ano ba ang ibig sabihin ng maging sinsero? Paano ba ito dapat isagawa? (Buksan lamang ang iyong puso sa Diyos, nang walang halong pagpapanggap o walang ikinukubling anuman o itinatagong anumang sikreto, makipag-ugnayan sa Diyos nang may matapat na puso, at magsalita nang diretsahan, nang walang anumang masamang layunin o panloloko.) Tama iyan. Upang maging sinsero, dapat mo munang isantabi ang iyong mga pansariling pagnanais. Sa halip na magtuon ng pansin sa kung paano ka itinuturing ng Diyos, dapat mong ipagtapat ang iyong sarili sa Diyos at sabihin ang anumang nasa puso mo. Huwag pagbulay-bulayan o isaalang-alang kung ano ang mga magiging kahihinatnan ng mga salita mo; sabihin kung anuman ang iniisip mo, isantabi ang mga motibasyon mo, at huwag magsalita ng mga bagay upang makamtan lamang ang ilang layunin. Mayroon kang masyadong maraming mga personal na layunin at adulterasyon; palagi kang nagtatantiya sa paraan ng iyong pagsasalita, isinasaalang-alang ang, ‘Dapat ko itong sabihin, at hindi iyon, dapat akong mag-ingat tungkol sa aking sasabihin. Gagawin ko ito sa paraang nakikinabang ako, at natatakpan ang aking mga pagkukulang, at mag-iiwan ng magandang impresyon sa diyos.’ Hindi ba’t ito ay pagkikimkim ng mga motibo? Bago mo ibuka ang iyong bibig, puno ang isip mo ng mga tusong kaisipan, makailang beses mong binabagu-bago ang gusto mong sabihin, nang sa gayon kapag lumabas na ang mga salita mula sa iyong bibig hindi na napakadalisay ng mga ito, at hindi na tunay kahit bahagya man lamang, at naglalaman na ng sarili mong mga motibo at mga pakana ni Satanas. Hindi ito ang pagiging sinsero; ito ay ang pagkakaroon ng masasamang motibo at layunin. Dagdag pa rito, kapag nagsasalita ka, lagi mong pinakikiramdaman ang mga ekspresyon ng mukha ng mga tao at ang tingin ng kanilang mga mata: Kung may positibo silang ekspresyon sa kanilang mukha, tuloy ka sa pagsasalita; kung wala naman, sinasarili mo ito at wala kang sinasabi; kung hindi maganda ang tingin ng mga mata nila, at tila hindi nila nagugustuhan ang kanilang naririnig, pinag-iisipan mo itong mabuti at sinasabi mo sa iyong sarili, ‘Sige, may sasabihin akong isang bagay na magiging interesado ka, na makapagpapasaya sa iyo, na magugustuhan mo, at kung saan kagigiliwan mo ako.’ Ganito ba ang pagiging sinsero? Hindi” (Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasampung Aytem (Ikalawang Bahagi)). “Ayaw ng Diyos sa mga taong sumisipsip, nambobola, o nagsasalita ng mga salitang masarap pakinggan. Kung gayon, anong uri ng tao ang gusto ng Diyos? Paano gusto ng Diyos na makipag-ugnayan at makipagbahaginan ang mga tao sa Kanya? Gusto ng Diyos ang mga matapat na tao, mga taong sinsero sa Kanya. Hindi mo kailangang isaalang-alang ang tono ng Kanyang boses at ekspresyon o magpakitang-gilas sa Kanya; kailangan mo lang maging sinsero, magkaroon ng sinserong puso, magkaroon ng pusong walang pagtatago, pagtatakip, o pagbabalatkayo, at hayaan mong magkatugma ang iyong panlabas na anyo sa iyong puso” (Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasampung Aytem (Ikalawang Bahagi)). Ginagawang malinaw ng mga salita ng Diyos ang landas ng pagsasagawa. Sa pakikipag-ugnayan mo sa Diyos at sa mga tao, dapat kang maging prangka at matapat, walang personal na mga motibo, at dapat mong tanggapin ang pagsisiyasat ng Diyos at maging isa kang matapat na tao. Ipinaalala sa akin ng mga salita ng Diyos ang tanong ng Panginoong Jesus kay Pedro, “Simon Bar-Jonas, minahal mo na ba Ako kahit minsan?” Matapat na sumagot si Pedro, “Panginoon! Minsa’y minahal ko ang Ama sa langit, ngunit inaamin ko hindi Kita minahal kailanman.” Si Pedro ay dalisay at matapat. Hindi niya inisip kung paano sumipsip sa Panginoong Jesus, sinabi lang niya kung ano ang naisip niya. Ang puso ni Pedro ay dalisay at walang itinatago, at kaya niyang maging matapat sa Panginoong Jesus, kung kaya’t natamo niya ang pagsang-ayon ng Diyos. Sa sandaling naunawaan ko ang mga bagay na ito, nakita ko ang landas ng pagsasagawa nang mas malinaw, at kusa kong sinimulan sa aking buhay ang pagsasanay na maging isang matapat na tao.
Isang araw, pagkatapos ng isang pagtitipon, nagtanong ang aking lider sa akin at sa dalawang lider ng grupo para timbangin ang isang kapatid. Medyo kinabahan ako nang marinig ko ito, at nagsimula ulit akong mag-isip-isip, “Nais ng lider ko ng isang ebalwasyon sa isang kapatid, dahil ba sa naniniwala siyang ang kapatid na ito ay may problema? Tinatanong ba niya kami dahil gusto niyang subukan ang aming abilidad na makakilatis? Sinabi ng lider noong huling beses na ang dalawang lider ng grupo ay may mahusay na kakayahan, at na nais niyang linangin sila, kaya kung hindi ko malinaw na nakikita ang mga tao at bagay-bagay tulad nila, pahahalagahan at lilinangin pa rin ba ako sa hinaharap?” Noon ko natanto na muntik na ulit akong gumawa ng panlilinlang at maghaka-haka tungkol sa mga kaisipan niya. Naisip ko ang mga salita ng Diyos: “Ayaw ng Diyos sa mga taong sumisipsip, nambobola, o nagsasalita ng mga salitang masarap pakinggan. Kung gayon, anong uri ng tao ang gusto ng Diyos? Paano gusto ng Diyos na makipag-ugnayan at makipagbahaginan ang mga tao sa Kanya? Gusto ng Diyos ang mga matapat na tao, mga taong sinsero sa Kanya. Hindi mo kailangang isaalang-alang ang tono ng Kanyang boses at ekspresyon o magpakitang-gilas sa Kanya; kailangan mo lang maging sinsero, magkaroon ng sinserong puso, magkaroon ng pusong walang pagtatago, pagtatakip, o pagbabalatkayo, at hayaan mong magkatugma ang iyong panlabas na anyo sa iyong puso” (Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasampung Aytem (Ikalawang Bahagi)). Pinapanood ng Diyos kung ano ang iniisip ko at kung ano ang pinaplano kong gawin. Umaasa ang Diyos na maging matapat ako at sabihin kung ano talaga ang naiisip ko nang walang anumang pagbabalatkayo, pagtatago, o pagpapabago-bago ng isip. Kailangan kong magsagawa ayon sa mga salita ng Diyos at maging matapat sa iba. Kaya, sinabi ko sa lider ang aking mga pananaw. Nang matapos ako, nakahinga ako ng maluwag, at naramdaman ko na ang pagiging isang matapat na tao ay nagpagaan ng aking pakiramdam, at nakaramdam din ako ng katahimikan at katiyakan. Ito ay isang bagay na hindi ko pa kailanman naranasan. Ganito dapat umasal ang mga tao. Salamat sa Diyos!