99. Hinadlangan sa Aking Pananalig
Naging Katoliko ako noong 1988. Makalipas ang ilang taon, hinirang ako bilang diyakono. Gaano man ako kaabala, aktibo akong dumalo sa mga pagsamba, at nakiisa ako sa Araw ng Panginoon at iba pang mga banal na araw. Pero kalaunan, unti-unting pumanglaw ang simbahan. Lumamig ang pananalig ng mga mananampalataya at tumigil sila sa pagdiriwang ng Araw ng Panginoon. Naghihilik pa nga ang mga tao habang nagrorosaryo kami sa mga pagsamba, at maraming mananampalataya ang humayo para magtrabaho at kumita ng pera. Hindi ko rin maramdaman ang presensiya ng Banal na Espiritu, pero pinilit ko ang sarili ko na dumalo sa mga pagsamba.
Tapos, noong taglagas ng 2002, nagpatotoo sa akin ang isang kapitbahay tungkol sa gawain ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw. Sa pagkain at pag-inom ng mga salita ng Makapangyarihang Diyos, natutuhan ko ang tatlong yugto ng gawain ng Diyos, ang mga misteryo ng katotohanan sa Kanyang mga pagkakatawang-tao, at na pumanglaw ang simbahan dahil lumipat na ang gawain ng Banal na Espiritu at gumagawa ang Diyos ng bagong gawain. Kailangan nating makasabay sa mga yapak ng Diyos at tanggapin ang Kanyang gawain ng paghatol at pagkastigo sa mga huling araw para makalaya sa mga gapos ng kasalanan at magkaroon ng pagkakataong makapasok sa kaharian ng langit. Sa pagbabasa ng mga salita ng Makapangyarihang Diyos, nakatiyak kami ng asawa ko na Siya ang nagbalik na Panginoon at masayang tinanggap ang Kanyang gawain sa mga huling araw. Ang hindi ko inaasahan ay na pagkalipas ng isang buwan, nagsimula kaming guluhin at hadlangan ng mga diyakono at ng pari.
Isang araw, ilang diyakono ang pumunta sa bahay namin kasama ang tatay ko. Medyo kinabahan ako nang makita ang agresibong tindig nila. Sigurado akong alam nila na tinanggap ko ang bagong gawain ng Diyos at nagpunta sila para pigilan ako. Ilan sa kanila ay nag-aral sa divinity school, at ang ilan ay guro. Hindi ako kasingbihasa nila sa biblikal na kaalaman. Katatanggap ko lang sa gawain ng Diyos sa mga huling araw at wala pa akong masyadong nauunawaang katotohanan, kaya hindi ko alam kung paano iyon harapin kapag talagang ginipit nila ako. Tahimik akong nagdasal sa Diyos, “O Diyos, hindi ko alam kung paano ko sila haharapin. Gabayan Mo po ako, bigyan ako ng pananalig, at protektahan ako para manatili akong matatag.” Mas kumalma ako pagkatapos magdasal. Tapos, isang matandang diyakono ang nagsabi sa akin, “Mahigit sampung taon ka nang Katoliko at isa kang diyakono. Hindi ko akalain na tatanggapin mo ang Kidlat ng Silanganan. Nadismaya talaga ako! Sinasabi ng mga taga-Kidlat ng Silanganan na nagbalik na ang Panginoon—nakita mo ba Siya? Kung talagang nagbalik na Siya, paanong hindi malalaman ng mga pari? Alam na alam nila ang Bibliya—ginugol nila ang kanilang buong buhay sa pangangaral at paggawa para sa Panginoon at labis silang nagdusa. Kung nagbalik na ang Panginoon, tama lang na sa kanila Niya ito ihahayag!” Nang panahong iyon, naalala ko ang isang kapatid mula sa Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos na nagbahagi sa akin tungkol sa usaping ito. Sinabi niya, “Maraming tao ang nag-iisip na unang ihahayag ng Panginoong Jesus sa mga pari ang Kanyang pagbabalik, pero tama ba ang pananaw na ito? Mayroon ba iyong anumang batayan sa mga salita ng Diyos? Sinabi ba iyon ng Panginoong Jesus? Sa katunayan, hindi kailanman sinabi ng Panginoong Jesus na ihahayag muna Niya ito sa mga pari pagbalik Niya, o sinabi sa atin na maghintay para sa isang paghahayag. At sinabi Niya sa atin: ‘Dinirinig ng Aking mga tupa ang Aking tinig, at sila’y Aking nakikilala, at sila’y nagsisisunod sa Akin’ (Juan 10:27). ‘Narito Ako’y nakatayo sa pintuan at tumutuktok: kung ang sinuman ay duminig sa Aking tinig at magbukas ng pinto, Ako’y papasok sa kanya, at hahapong kasalo niya, at siya’y kasalo Ko’ (Pahayag 3:20). Napakalinaw ng mga salita ng Panginoon. Kung gusto nating salubungin ang Panginoon, ang mahalaga ay ang masusing makinig sa tinig ng Diyos at maghanap ng mga pagpapahayag ng katotohanan. Tulad ng sa Kapanahunan ng Biyaya, hindi sinundan ng mga disipulo ang Panginoong Jesus dahil nakatanggap sila ng paghahayag, kundi dahil narinig nila ang mga katotohanang ipinahayag ng Panginoong Jesus, at nakilala na Siya ang Mesiyas na darating, at nakamit nila ang pagliligtas ng Diyos. Pero tumanggi ang mga pinunong Hudyo na tanggapin ang mga katotohanang ipinahayag ng Panginoong Jesus. Kinondena, siniraan ng puri, at hinusgahan nila ang Kanyang gawain, at sa huli ay ipinako Siya sa krus. Nilabag nito ang disposisyon ng Diyos at isinumpa sila ng Panginoong Jesus. Ngayon ay nagbalik na ang Panginoong Jesus bilang Makapangyarihang Diyos, ang Cristo ng mga huling araw, nagpapahayag ng napakaraming katotohanan, na mga salita ng Banal na Espiritu. Tinutupad nito ang propesiya na ‘Ang may pakinig, ay makinig sa sinasabi ng Espiritu sa mga iglesia’ (Pahayag 3:6). Maraming kapatid na tunay na mananampalataya ang nakabasa ng mga salita ng Makapangyarihang Diyos at nakilala ang mga salitang ito bilang ang katotohanan, bilang tinig ng Diyos, at sinalubong ang Panginoon. Gayumpaman, ilang pari ba ang maagap na naghahanap para suriin ang gawain at mga salita ng Diyos? Hindi lang sila hindi naghanap at nagsiyasat, pero kinondena at hinusgahan rin nila ang gawain ng Diyos sa mga huling araw, at pinigilan ang mga mananampalataya na tanggapin ang tunay na daan. Wala silang pagnanais na hanapin ang katotohanan. Hindi sila nakinig sa tinig ng Diyos at hindi sinalubong ang Panginoon batay sa Kanyang mga salita, bagkus sinabing sa kanila unang ihahayag ng Diyos ang Kanyang pagbabalik. Paano kaya iyon?” Ibinahagi ko ang pagkaunawang ito sa mga diyakono, pero hindi pa man ako tapos magsalita nang biglang tumayo ang isa sa kanila, itinuro ako at sinabing, “Maaaring medyo may alam ka na ngayon! Pero huwag mong kalimutan ang sinasabi sa Ebanghelyo ni Mateo, kabanata 24, mga talata 23–24: ‘Kung magkagayon, kung may magsabi sa inyong sinumang tao, Narito ang Cristo, o, Nariyan; huwag ninyong paniwalaan. Sapagkat may magsisilitaw na mga huwad na cristo, at mga huwad na propeta, at mangagpapakita ng mga dakilang tanda at mga kababalaghan; ano pa’t ililigaw, kung maaari, pati na’ng mga hirang.’ Sinasabi ng mga pari na lahat ng pahayag na pumarito na ang Panginoon ay hindi totoo, at na ang lahat ng pahayag na Siya ay nagkatawang-tao ay hindi totoo. Nailihis ka na nang husto—mas mabuting magtapat ka at magsisi kaagad! Kung hindi ka magbabago, nanganganib kang matiwalag, at magiging huli na para magsisi!”
Nainis ako sa sinabi niya. Naisip ko, “Buong araw na binibigyang-pakahulugan ng mga diyakonong ito ang Kasulatan para sa iba, pero ayaw nilang hanapin o suriin ang isang bagay na kasinghalaga ng pagparito ng Panginoon, at pikit-mata pa nga akong kinokondena, hinuhusgahan, at pinipigilan sa pagsisiyasat sa tunay na daan. Hindi ba’t katulad lang ito ng mga Pariseo?” Kaya sinabi ko sa kanya, “Totoo na sinasabi ng Bibliya na lilitaw ang mga huwad na cristo sa mga huling araw, pero matagal nang ipinropesiya ng Panginoon na Siya ay tiyak na babalik—totoo ito. Ayon sa sinasabi mo, lahat ng balita tungkol sa pagparito ng Panginoon ay hindi totoo, kaya hindi ba’t malinaw na pagkondena iyan sa pagbabalik ng Panginoon? Kung gayon, paano natin Siya masasalubong? Sa katunayan, sinasabi sa atin ng Panginoong Jesus ang mga prinsipyo sa pagtukoy sa mga huwad na cristo. Ang mga huwad na cristo ay masasamang espiritu na nagbabalatkayo at hindi nila taglay ang diwa ng Diyos, kaya hindi nila maipapahayag ang katotohanan at hindi nila magagawa ang gawain ng pagliligtas sa sangkatauhan. Ang magagawa lang nila ay gayahin ang nakaraang gawain ng Panginoong Jesus, nagpapakita ng ilang palatandaan at kababalaghan para iligaw ang mga tao.” Naisip ko ang ilan sa mga salita ng Makapangyarihang Diyos na binasa sa akin noon ng mga kapatid: “Kung, sa panahon ngayon, may lumitaw na isang tao na kayang magpakita ng mga tanda at kababalaghan, magpalayas ng mga demonyo, magpagaling ng maysakit, at magsagawa ng maraming himala, at kung sinasabi ng taong ito na siya si Jesus na naparito, isang huwad ito na gawa ng masasamang espiritung gumagaya kay Jesus. Tandaan ito! Hindi inuulit ng Diyos ang parehong gawain. Nakompleto na ang yugto ng gawain ni Jesus, at hindi na muling isasagawa ng Diyos ang yugtong iyon ng gawain” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Pag-alam sa Gawain ng Diyos Ngayon). “Ang Diyos na nagkatawang-tao ay tinatawag na Cristo, at kaya ang Cristo na kayang magbigay ng katotohanan sa tao ay tinatawag na Diyos. Walang pagmamalabis dito, sapagkat taglay Niya ang diwa ng Diyos, at taglay Niya ang disposisyon ng Diyos, at ang karunungan ng Kanyang gawain, na hindi kayang abutin ng tao. Ang mga tumatawag sa sarili nila na cristo, subalit hindi naman kayang gawin ang gawain ng Diyos, ay mga manlilinlang. Hindi lamang pagpapakita ng Diyos sa lupa si Cristo, kundi partikular din na katawang-taong tinaglay ng Diyos habang ginagawa at tinatapos Niya ang Kanyang gawain sa gitna ng tao. Hindi maaaring palitan ang katawang-taong ito ng kahit na sinumang tao, kundi isang katawang-tao na kakayaning pasanin ang gawain ng Diyos sa lupa, at maipapahayag ang disposisyon ng Diyos, at kakatawan nang mahusay sa Diyos, at makapagbibigay ng buhay sa tao. Sa malao’t madali, babagsak lahat ng nagpapanggap na Cristo, sapagkat bagama’t inaangkin nilang sila si cristo, hindi nila taglay ang diwa ni Cristo. Kaya naman sinasabi Ko na hindi kayang tukuyin ng tao ang pagiging-tunay ni Cristo, kundi sinasagot at pinagpapasyahan ng Diyos Mismo” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tanging si Cristo ng mga Huling Araw ang Makapagbibigay sa Tao ng Daan ng Buhay na Walang Hanggan). Nililinaw ng mga salita ng Diyos kung paano makilala ang mga huwad na cristo sa tunay na Cristo. Kaya, sinabi ko sa kanila, “Si Cristo ay Espiritu ng Diyos na nakadamit sa katawang-tao. Sa panlabas, si Cristo ay mukhang ordinaryong tao, pero nananahan sa loob ang Espiritu ng Diyos—Siya ang pagsasakatawan ng Espiritu ng Diyos, kaya Siya ay may banal na diwa at naihahayag ang katotohanan kahit saan, anumang oras, na nagpapakita ng disposisyon ng Diyos, at kung ano ang mayroon at kung ano Siya. Kaya Niyang gawin ang gawain ng pagtubos at pagliligtas sa sangkatauhan. Maliban kay Cristo, wala nang makapagpapahayag ng katotohanan, lalo na ang iligtas ang sangkatauhan. Walang duda tungkol dito. Kaya ang susi para matukoy ang tunay na Cristo sa mga huwad ay ang tingnan kung kaya nilang ipahayag ang katotohanan, at kung kaya nilang gampanan ang gawain ng pagliligtas. Ito ang pinakamahalaga at pangunahing prinsipyo. Katulad na lang noong pumarito ang Panginoong Jesus para gumawa sa Kapanahunan ng Biyaya. Nagpahayag Siya ng mga katotohanan at ipinakita sa mga tao ang daan ng pagsisisi, gumawa ng maraming tanda at himala at ginawa ang gawain ng pagtubos sa buong sangkatauhan. Sa pagtanggap sa gawain ng Panginoong Jesus, at pagtatapat at pagsisisi sa Kanya, pinatawad ang ating mga kasalanan at nakaramdam tayo ng kapayapaan at kagalakan sa ating puso. Puno ng kapangyarihan at awtoridad ang gawain at mga salita ng Panginoong Jesus. Ibinunyag Niya ang disposisyon ng Diyos, at kung ano ang mayroon at kung ano Siya. Alam nating lahat mula sa ating puso na Siya si Cristo na nagkatawang-tao, na Siya ang pagpapakita ng Diyos. Ngayon ang Makapangyarihang Diyos, Cristo ng mga huling araw, ay pumarito, gumagawa ng gawain ng paghatol, nagpapahayag ng lahat ng katotohanan na naglilinis at nagliligtas sa sangkatauhan. Hindi lang Siya nagsiwalat ng napakaraming misteryo ng katotohanan, tulad ng tatlong yugto ng gawain ng Diyos at Kanyang mga pagkakatawang-tao, kundi inilantad din Niya ang ugat ng pagtitiwali ni Satanas sa sangkatauhan. Sa pamamagitan ng paghatol at paglalantad ng mga salita ng Makapangyarihang Diyos, mauunawaan natin ang ugat ng ating mga kasalanan at malinaw na makikita ang sarili nating satanikong kalikasan, taos-puso tayong mamumuhi sa ating sarili at magsisisi sa Diyos, tapos sa huli ay iwawaksi ang kasalanan, lubusang maliligtas, at makapapasok sa kaharian ng Diyos. Bukod sa Diyos Mismo, sino pa ang makakagawa ng gawain ng paghatol sa mga huling araw? Sino ang makapagpapahayag ng lahat ng katotohanan na naglilinis at nagliligtas sa sangkatauhan? Walang tao ang makakagawa noon. Pinapatunayan ng mga ito na ang Makapangyarihang Diyos ay ang nagbalik na Panginoong Jesus, ang pagpapakita ni Cristo ng mga huling araw. Akala ninyong lahat nailigaw ako, pero bakit hindi ninyo tingnan kung ang mga salita ng Makapangyarihang Diyos ay ang katotohanan? Bakit hindi ninyo suriin ang gawain ng Makapangyarihang Diyos na iligtas ang sangkatauhan?”
Sa puntong iyon, sinabi ng isa pang diyakono, “Paulit-ulit na binibigyang-diin ng pari na huwag basahin ang aklat ng Kidlat ng Silanganan dahil napakatayog ng mga itinuturo nito, at maraming mabubuting tupa, at nangungunang tupa mula sa lahat ng denominasyon ang lumipat sa Kidlat ng Silanganan pagkatapos basahin ang aklat na iyon. Kaya naman hindi natin puwedeng basahin ang aklat ng Kidlat ng Silanganan o pakinggan ang kanilang pangangaral. Iyon ay para hindi tayo maligaw.” Kaya ang sinabi ko sa kanila ay, “Ganyan din ako mag-isip noon. Sa takot na mailigaw, hindi ako nakikinig, nagbabasa, o nakikipag-ugnayan sa anumang tungkol sa pagparito ng Panginoon, pero may nagbahagi ng ebanghelyo sa akin. Nabasa ko ang mga salita ng Makapangyarihang Diyos at nakita ko na mali ang ginawa ko. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: ‘Ang pagbabalik ni Jesus ay isang dakilang kaligtasan para sa mga may kakayahang tanggapin ang katotohanan, ngunit para sa mga hindi nagagawang tanggapin ang katotohanan, ito ay isang tanda ng pagkondena. Dapat ninyong piliin ang sarili ninyong landas, at hindi ninyo dapat lapastanganin ang Banal na Espiritu at tanggihan ang katotohanan. Hindi kayo dapat maging mangmang at mapagmataas na tao, kundi isang nagpapasakop sa patnubay ng Banal na Espiritu at nananabik at naghahanap sa katotohanan; sa ganitong paraan lamang kayo makikinabang. Pinapayuhan Ko kayo na tahakin nang maingat ang landas ng pananampalataya sa Diyos. Huwag kayong magsalita nang patapos; bukod pa riyan, huwag kayong maging kaswal at walang-ingat sa inyong pananampalataya sa Diyos. Dapat ninyong malaman na, kahit paano, yaong mga naniniwala sa Diyos ay dapat magtaglay ng mapagpakumbaba at may-takot-sa-Diyos na puso. Yaong mga nakarinig sa katotohanan subalit minamaliit ito ay mga hangal at mangmang. Yaong mga nakarinig sa katotohanan subalit walang-ingat na nagsasalita nang patapos o kinokondena ito ay puno ng kayabangan. Walang sinumang naniniwala kay Jesus ang kalipikadong sumpain o kondenahin ang iba. Lahat kayo ay dapat maging makatwiran at maging mga taong tumatanggap sa katotohanan. … Marahil, dahil iilang pangungusap lamang ang nabasa, pikit-matang kokondenahin ng ilang tao ang mga salitang ito, na sinasabing, “Kaunting kaliwanagan lamang ito mula sa Banal na Espiritu,” o, “Huwad na cristo ito na naparito upang ilihis ang mga tao.” Yaong mga nagsasabi ng gayong mga bagay ay nabubulagan ng kamangmangan! Napakakaunti ng nauunawaan mo tungkol sa gawain at karunungan ng Diyos, at pinapayuhan kita na magsimulang muli sa wala! Huwag ninyong pikit-matang kondenahin ang mga salitang ipinahayag ng Diyos dahil sa paglitaw ng mga huwad na cristo sa mga huling araw, at huwag kayong maging isang taong lumalapastangan sa Banal na Espiritu dahil natatakot kayong malihis. Hindi ba iyon magiging lubhang kaawa-awa?’ (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Kapag Namasdan Mo Na ang Espirituwal na Katawan ni Jesus, Napanibago na ng Diyos ang Langit at Lupa). Natutuhan ko sa mga salita ng Diyos na hindi tayo puwedeng gumawa ng mga bulag na palagay tungkol sa isang bagay na kasinghalaga ng pagbabalik ng Panginoon. Noon, nang pumarito ang Panginoong Jesus para gumawa, nagpahayag Siya ng napakaraming katotohanan, at gumawa ng maraming tanda at kababalaghan, pero hindi ito hinanap o siniyasat ng mga Pariseo, o pinakinggan ang Kanyang mga turo. Matindi nila Siyang nilabanan at kinondena. Bilang resulta, nilabag nila ang disposisyon ng Diyos at isinumpa at pinarusahan sila ng Diyos sa huli. Sa mga huling araw, kung wala tayong pusong naghahanap patungo sa pagsalubong sa Panginoon, bagkus pikit-mata lang na nanghuhusga at kumokondena, malamang na mapupunta tayo sa landas ng mga Pariseo na laban sa Diyos. Sinasabi sa atin ng Diyos na maging makatwirang tao tayo na nananabik na hanapin ang katotohanan. Kung hindi tayo naghahanap, bagkus ay hindi nag-iisip na nakikinig sa mga pari, at hindi sinasalubong ang Panginoon batay sa Kanyang sariling mga salita, malamang na hahantong tayong lumalaban sa Diyos at mapaparusahan tayo.” Galit na sumagot ang isang diyakono, “Katolisismo ang tanging tunay na daan. Ang Bibliya lang ang kailangan natin para sa ating pananalig sa Panginoon!” Masama ang tingin na sumabad ang aking ama, “Nag-aalala ang lahat na nailigaw ka. Saka, Katolikong pamilya tayo sa loob ng maraming henerasyon. Paano ito mali? Bakit ba napakamasuwayin mo?” Sinabi ko sa kanya, “Walang masama sa pananampalataya sa Panginoon, pero gumagawa Siya ngayon ng bagong gawain. Maisasantabi tayo kung hindi natin ito sasabayan. Ang pagsabay sa bagong gawain ng Diyos ang tanging pagkakataon natin na makapasok sa kaharian ng langit.” Pero kahit ano pa ang sabihin ko, walang nakinig. Napagtanto ko na kahit na mayroon silang katayuan at kaalaman sa Bibliya, wala silang pagkaunawa sa tinig ng Diyos, at walang hangaring maghanap. Hindi na ako nagsalita pa. Nang makita kung gaano ako katatag sa pananalig ko sa Makapangyarihang Diyos, lumabas na lang sila ng bahay.
Akala ko ay tapos na silang guluhin ako, pero sa gulat ko, isang elder na diyakono ng aming nayon ang nangbuyo sa mga magulang ko, sinasabing nasa maling landas kami ng asawa ko, at sinabihan silang mag-isip ng paraan para maibalik kami. Nakinig ang nanay ko sa kanya, tapos ay pinayuhan ako, “Kayo lang ng asawa mo ang nananampalataya sa Makapangyarihang Diyos sa bayan na ito. Mas bihasa ang mga pari sa Bibliya kaysa sa inyong dalawa, kaya bakit hindi sila nakumbinsi? Isuko na ninyo ang pananalig na iyan!” Nagsalita siya nang nagsalita at pagkatapos ay nagsimulang umiyak. Kahit anong pagbabahagi ko, hindi nakinig ang nanay ko. Pagkatapos noon, paulit-ulit siyang pumupunta sa bahay namin na umiiyak. Isang beses bandang hatinggabi, nagising ako ng katok sa pinto. Pagbukas ko ng pinto, nakita ko ang nanay ko, umiiyak at sumisigaw, “Mula nang manampalataya kayo sa Makapangyarihang Diyos, hindi na ako makatulog. Pinalaki kita sa lahat ng taong iyon—bakit ayaw mong makinig sa akin? Makinig ka sa akin at bumalik ka sa pananalig sa Panginoon!” Sabi ko sa kanya, “Sa simbahang Katoliko, naniniwala tayo sa Panginoong Jesus, at ngayon ay naniniwala kami sa pagbabalik ng Panginoong Jesus. Iisang Diyos lang ito. Ang gawain ng pagtubos ng Panginoong Jesus ay para lang patawarin tayo sa ating mga kasalanan, hindi para alisin ang ating makasalanang kalikasan. Hindi tayo lubusang iniligtas ng gawain Niya mula sa ating kasalanan. Nagbalik ang Panginoong Jesus sa mga huling araw bilang Makapangyarihang Diyos. Nagpapahayag Siya ng mga katotohanan at ginagawa ang gawain ng paghatol sa pundasyon ng gawain ng pagtubos ng Panginoon para lubusang linisin at iligtas ang tao. Ang pagtanggap sa gawain ng Diyos sa mga huling araw ang tanging pagkakataon natin na madalisay, ganap na mailigtas, at makapasok sa kaharian ng langit. Nakasabay ako sa mga yapak ng Kordero at natagpuan ko ang landas patungo sa kaharian ng langit. Hindi na ako babalik sa simbahan.” Pero ayaw makinig ng nanay ko. Nang mapagtanto niya na anuman ang sabihin niya, matatag ako sa pananalig ko sa Makapangyarihang Diyos, nagsimula siyang humagulgol nang malakas. Nalulungkot ako na makita siyang labis na nasasaktan. Noon pa man ay malapit na ako sa mga magulang ko, pero ngayon ay hindi nila ako maintindihan, at inaapi at ginugulo ako ng mga diyakono. Bakit ganito kahirap ang landas na ito ng pananalig? Paano ko ito dapat tahakin? Naalala ko ang isang bagay na sinabi ng Makapangyarihang Diyos: “Huwag kang masiraan ng loob, huwag manghina, at gagawin Kong malinaw ang mga bagay-bagay para sa iyo. Ang daan tungo sa kaharian ay hindi masyadong patag; walang ganyan kasimple! Nais ninyo na madaling magkamit ng mga pagpapala, hindi ba? Ngayon, ang bawat tao ay magkakaroon ng mapapait na pagsubok na haharapin. Kung wala ang mga ganitong pagsubok, ang mapagmahal na pusong taglay ninyo para sa Akin ay hindi titibay at hindi kayo magkakaroon ng tunay na pag-ibig para sa Akin. Kahit na binubuo lamang ang mga pagsubok na ito ng maliliit na bagay, dapat dumaan ang lahat ng tao sa mga iyon; magkakaiba lamang ang antas ng kahirapan ng mga pagsubok sa bawat tao. … Ang mga nakikibahagi sa Aking kapaitan ay tiyak na makikibahagi sa Aking katamisan. Iyan ang Aking pangako at Aking pagpapala sa inyo” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 41). Napahiya ako dahil sa mga salita ng Diyos. Umasa ako na magiging madali ang pananampalataya sa Diyos, na maliligtas ako nang walang anumang pagdurusa, pero hindi iyon ang realidad. Ang landas patungo sa kaharian ng langit ay hindi madali, mararanasan natin ang lahat ng uri ng pang-aapi, pagsubok, paghihirap, at pagdurusa. Pero gagamitin ng Diyos ang mga mapanghamong sitwasyong ito para gawing perpekto ang ating pananalig at pagmamahal sa Diyos. Ito ang biyaya sa atin ng Diyos. Naisip ko ang mga disipulo na sumunod sa Panginoong Jesus noong unang panahon. Wala silang narinig na maraming katotohanan, pero nang maharap sila sa pang-aapi at paghihirap, napanatili nila ang kanilang pananalig sa Panginoon. Naging mapalad ako na masalubong ang nagbalik na Panginoon, na mabasa ang mga katotohanang ipinahayag ng Diyos sa mga huling araw, at mahanap ang landas tungo sa ganap na kaligtasan. Hindi ko puwedeng isuko ang tunay na daan dahil lang sa paghadlang ng nanay ko, at mawala ang pagkakataon kong makamit ang katotohanan at buhay.
Pagkatapos noon, patuloy ang palaging pag-iyak ng nanay ko sa harap ko, at sinabing itatakwil niya ako kung mananatili akong nananalig sa Makapangyarihang Diyos, at maghihiwalay kami ng landas. Napakasakit para sa akin na makita siyang ganito. Hindi naging madali para sa kanya ang pagpapalaki sa akin. Napakamapagmahal niya sa akin, palaging nagmamalasakit at nag-aalala sa akin. Animnapu’t anim na taong gulang na siya at hindi gaanong mabuti ang kalusugan. Bukod sa hindi ko siya iginalang, palagi rin akong nagdudulot ng labis na pagkabalisa sa kanya. Kung magkakasakit siya, hindi kakayanin ng konsensiya ko. Habang nag-iisip ako, medyo nanghina ako, at pakiramdam ko ay may utang ako sa kanya. Nagtapat ako sa mga kapatid tungkol sa kalagayan ko, at binasahan nila ako ng isang sipi ng mga salita ng Makapangyarihang Diyos: “Dapat kang magdusa ng paghihirap para sa katotohanan, dapat mong isakripisyo ang iyong sarili para sa katotohanan, dapat kang magtiis ng kahihiyan para sa katotohanan, at upang higit pang makamit ang katotohanan, dapat kang sumailalim sa higit pang pagdurusa. Ito ang dapat mong gawin. Hindi mo dapat itapon ang katotohanan alang-alang sa kasiyahan ng isang matiwasay na buhay-pamilya, at hindi mo dapat iwala ang dangal at integridad ng buong buhay mo alang-alang sa pansamantalang kasiyahan. Dapat mong hangarin ang lahat ng maganda at mabuti, at dapat mong hangarin ang isang landas sa buhay na higit na makabuluhan” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Karanasan ni Pedro: Ang Kanyang Kaalaman sa Pagkastigo at Paghatol). Tama iyon. Alam ko na ang mga salita ng Diyos ang katotohanan, at na dapat kong isuko ang lahat para sa aking hangarin, pero ang makita ang mga luha at kalungkutan ng nanay ko, napigilan ako. Naisip ko na bilang anak niya, ang hayaan siyang maging malungkot ay pagiging walang galang. Pero sa katunayan, kahit pinalaki ako ng nanay ko hanggang sa pagtanda, minahal at inalagaan ako, at dapat ko siyang igalang at alagaan sa aming pang-araw-araw na buhay, ang mismong buhay ko ay ibinigay sa akin ng Diyos, at ang Diyos lang ang makapagliligtas sa akin. Naging mapalad ako na marinig ang tinig ng Diyos ngayon, na mabiyayaan ng Diyos sa mga huling araw at magkaroon ng pagkakataong ito sa kaligtasan. Dapat akong sumunod sa Diyos at suklian ang pag-ibig Niya. Sinabi ng Panginoong Jesus: “Kung ang sinumang tao’y pumaparito sa Akin, at hindi napopoot sa kanyang sariling ama, at ina, at asawang babae, at mga anak, at mga kapatid na lalaki, at mga kapatid na babae, oo, at pati sa kanyang sariling buhay man, ay hindi siya maaaring maging disipulo Ko” (Lucas 14:26). Hindi ko maaaring isuko ang tunay na daan at ipagkanulo ang Diyos alang-alang sa sandaling pagtamasa ng isang mapayapang buhay-pamilya. Nang mapagtanto ko ito, hindi na ako gaanong nabahala pa.
Kalaunan, nabasa ko ang isa pang sipi ng mga salita ng Makapangyarihang Diyos: “Sa bawat hakbang ng gawaing ginagawa ng Diyos sa mga tao, sa panlabas ay mukha itong pag-uugnayan sa pagitan ng mga tao, na para bang mula sa pagsasaayos ng tao, o mula sa panggugulo ng tao. Ngunit sa likod ng mga eksena, ang bawat hakbang ng gawain, at lahat ng nangyayari, ay isang pustahan na ginawa ni Satanas sa harap ng Diyos, at hinihingi sa mga tao na manindigan sa kanilang patotoo sa Diyos. Gaya nang si Job ay sinubok, halimbawa: Sa likod ng mga eksena, nakikipagpustahan si Satanas sa Diyos, at ang nangyari kay Job ay mga gawa ng mga tao, at ang panggugulo ng mga tao. Sa likod ng bawat hakbang ng gawaing ginagawa ng Diyos sa inyo ay ang pakikipagpustahan ni Satanas sa Diyos—sa likod ng lahat ng ito ay isang labanan” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Pagmamahal Lamang sa Diyos ang Tunay na Pananampalataya sa Diyos). Matapos basahin ang siping ito, napagtanto ko na kung titingnan, mukha itong paghadlang ng nanay ko sa akin, pero sa likod nito ay ang mga paggambala at manipulasyon ni Satanas. Inaatake ako ni Satanas sa pamamagitan ng paggalang ko sa nanay ko, para ipagkanulo ko ang Diyos at mawala ang pagkakataon ko sa kaligtasan. Maraming beses akong nagbahagi sa kanya sa gawain ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw, pero hindi niya ito kailanman hinanap o siniyasat. Sinamba lang niya ang katayuan at kapangyarihan, at nakinig sa pari at mga diyakono. Napakamiserable niya ngayon dahil wala siyang pagkakilala, at pikit-matang naniniwala sa sinasabi ng iba. Hindi iyon dahil sa pananalig ko. Nakaramdam ako ng labis na paglaya sa napagtanto kong ito at malinaw kong nakita kung gaano kasama si Satanas. Ang gawain ng Diyos ay nagliligtas sa mga tao, pero ginagawa ni Satanas ang lahat para akitin ang mga tao na manatiling malayo sa Diyos, na ipagkanulo Siya. Hindi ako puwedeng mahulog sa mga panlilinlang nito, kailangan kong manindigan sa pagpapatotoo.
Kalaunan, pumunta ako sa bahay ng isang kaibigan para ibahagi ang ebanghelyo, pero hindi inaasahang naroon ang pari. Nang makita niya ako, hinawakan niya ang magkabilang braso ko at seryosong sinabi sa akin, “Nangangaral ka pa rin ng Kidlat ng Silanganan. Kung hindi ka magsisisi, dadalhin kita sa pulis.” Hindi pa rin ako bumigay. Tapos, nambobola niyang sinabi, “Pinaplano kong linangin ka para sa isang mahalagang posisyon. Gusto kong pamahalaan mo ang lahat ng simbahan sa hilagang rehiyon natin. Hindi ko akalain na pupunta ka sa Kidlat ng Silanganan. Nakakadismaya! Kung babalik ka ngayon, puwede pa rin kitang gawing pinunong diyakono. Kung hindi ka na matatauhan, patatalsikin na kita agad sa simbahan at sasabihin sa iba pang mga taga-parokya na putulin ang ugnayan sa iyo. Mauuwi sa wala ang lahat ng pagsisikap mo noon at lahat ng nagawa mo.” Nang sabihin niya iyon, naisip ko, hindi niya kailanman binanggit ang tungkol sa paglinang sa akin noon, kaya bakit niya gagawin iyon ngayong tinanggap ko na ang gawain ng Diyos sa mga huling araw? Gusto ng pari na suhulan ako ng katayuan para ipagkanulo ko ang Diyos. Panlilinlang iyon ni Satanas! Kung isusuko ko ang tunay na daan at ipagkakanulo ang Diyos para sa isang posisyon, mawawalan ako ng pagkakataong mailigtas at makapasok sa kaharian ng langit. Sa ganoon, kahit magkamit ako ng katayuan, ano ang kabuluhan ang makakamit niyon? Sa huli ay ititiwalag at parurusahan ako. Sinabi ko ang lahat ng iyon sa pari, na talagang ikinagalit niya. Nang hindi mapabulaanan ang sinabi ko, sinimulan niya akong ipagtabuyan, “Umalis ka na rito! Huwag ka nang mangaral dito, kung hindi, isusumbong kita sa pulis!” Tinutulak niya ako palabas habang nagsasalita. Habang pauwi, naisip ko: Bilang pari, ang hindi paghahanap o pagsuri sa isang bagay na kasinghalaga ng pagbabalik ng Panginoon, at pangunguna sa pagkondena, paglaban, at pagpigil sa mga mananampalataya na magsiyasat, pagbabanta pa na ipaaresto ako, hindi siya isang tunay na mananampalataya. Kalaunan, nang makita ng nanay ko kung gaano kami katatag sa aming pananalig, tumigil siya sa paghadlang sa amin, at sinabi sa amin na nagawa niya ang lahat ng iyon noon dahil inutusan siya ng isang elder na diyakono. Galit na galit ako. Naalala ko ang pagkondena ng Panginoon sa mga Pariseo: “Sa aba ninyo, mga eskriba at mga Pariseo, mga mapagpaimbabaw! Sapagkat sinasarhan ninyo ang kaharian ng langit laban sa mga tao: sapagkat kayo ay hindi na nagsisipasok, at ang nagsisipasok man ay ayaw ninyong bayaang mangakapasok. … Sa aba ninyo, mga eskriba at mga Pariseo, mga mapagpaimbabaw! Sapagkat inyong nililibot ang dagat at ang lupa sa paghanap ng isa ninyong mapagbabalik-loob; at kung siya ay magkagayon na, ay inyong ginagawa siyang makaibayo pang anak ng impiyerno kaysa sa inyong sarili” (Mateo 23:13, 15). Meron ding sipi ng mga salita ng Makapangyarihang Diyos na nagsasabing: “Mayroong mga nagbabasa ng Bibliya sa malalaking simbahan at nagsasalaysay nito nang buong araw, ngunit wala ni isa sa kanila ang nakauunawa sa layon ng gawain ng Diyos. Wala ni isa sa kanila ang nakakilala sa Diyos, lalong wala ni isa sa kanila ang nakaayon sa mga layunin ng Diyos. Lahat sila ay walang halaga, masasamang tao, bawat isa ay nagpapakataas upang pangaralan ang ‘Diyos.’ Sila ay mga taong nagdadala sa bandila ng Diyos pero sadyang kumokontra sa Diyos, na nagdadala ng bansag na nananampalataya sa Diyos habang kinakain ang laman at iniinom ang dugo ng tao. Sinasabi nilang sila ay nananalig sa Diyos, subalit kumakain pa rin sila ng laman at umiinom ng dugo ng tao. Ang lahat ng ganitong tao ay mga diyablong lumalamon sa kaluluwa ng tao, mga pinunong demonyo na sadyang gumugulo sa mga sumusubok na tumapak sa tamang landas, at mga balakid na nakasasagabal sa mga naghahanap sa Diyos. Sila ay tila may ‘maayos na pangangatawan,’ ngunit paano malalaman ng kanilang mga tagasunod na sila ay walang iba kundi mga anticristo na umaakay sa mga tao na manindigan laban sa Diyos? Paano malalaman ng kanilang mga tagasunod na sila ay mga nabubuhay na diyablo na nakatuon sa paglamon ng mga kaluluwa ng tao?” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Lahat ng Taong Hindi Nakakakilala sa Diyos ay mga Taong Sumasalungat sa Diyos). Nakita ko mula sa mga paglalantad ng mga salita ng Diyos na ang mga lider ngayon sa mundo ng relihiyon ay katulad ng mga Pariseo. Sa diwa, sila ay mga anticristo na napopoot sa katotohanan at ginagawang kaaway ang Diyos. Noon, nag-imbento ang mga Pariseo ng lahat ng uri ng tsismis, nilabanan at kinondena ang Panginoong Jesus, at iniligaw at pinigilan ang mga mananampalataya sa pagsunod sa Kanya. Iyon ay para mapanatili nila ang kanilang katayuan at pinagkakakitaan. Ngayon, nakikita ng mga pinuno sa mundo ng relihiyon na ang lahat ng ipinapahayag ng Makapangyarihang Diyos ay ang katotohanan, at sa sandaling nababasa ito ng mga tunay na mananampalataya, nakikilala ng mga ito ang tinig ng Diyos. Natatakot sila na susunod ang lahat sa Diyos at titigil sa pag-idolo at pagsuporta sa kanila. Kaya, hindi sila magdadalawang-isip na bigyan ng maling pakahulugan ang Kasulatan para lang protektahan ang kanilang katayuan at mga kabuhayan, at nagpapakalat sila ng mga maling paniniwala, sinasabing ang lahat ng pahayag ng pagparito ng Panginoon ay hindi totoo, na ang anumang pangangaral ng pagparito ng Diyos sa katawang-tao ay hindi totoo, para hindi makinig, maniwala, o makipag-ugnayan ang mga mananampalataya sa mga nangangaral ng pagparito ng Panginoon. Sa sandaling may tumanggap sa bagong gawain ng Diyos, ginagawa nila ang lahat ng kanilang makakaya para pigilan ang mga ito, isinusuplong pa nga ang mga nag-eebanghelyo sa satanikong rehimen. Bukod sa hindi nila mismo sinasalubong ang Panginoon, mahigpit din nilang kinokontrol ang mga mananampalataya kaya sumusunod ang lahat sa kanila sa paglaban sa Diyos, pagkakasadlak sa sakuna, at pagkakaparusa. Sobra silang masama at mapaminsala! Sila ang mga anticristo sa mga huling araw na ibinunyag ng Diyos, at nararapat sa kanila ang sumpa ng Diyos! Pagkatapos noon, gaano man nila ako guluhin o hadlangan, nanatili akong matatag sa aking pananalig at patuloy na nagbahagi ng ebanghelyo.
Sa buong panahon na hinahadlangan ang pananalig ko, naramdaman ko ang pagmamahal ng Diyos. Ginabayan ako ng mga salita ng Diyos, para madaig ang mga tukso at panggugulo ni Satanas. Malinaw ko ring nakita kung paanong ang mga pari at diyakono ay mga anticristo na laban sa Diyos, kung paanong sila ay mga balakid na pumipigil sa mga tao sa pagpasok sa kaharian ng langit. Taos-puso ko silang tinanggihan, at nanatiling matatag sa aking pananalig na sumunod sa Makapangyarihang Diyos.