12. Ang Aking Mahirap na Landas Tungo sa Maayos na Pakikipagtulungan
Noong Hulyo ng 2020, nahalal ako bilang lider ng iglesia at inatasan na mangasiwa sa gawain ng iglesia kasama ni Sister Chen Shi. Noong magsimula ako sa tungkuling iyon, wala akong malinaw na pagkaunawa sa maraming prinsipyo at nakikipagtalakayan ako sa kanya sa tuwing may tanong ako. Maluwag sa loob kong tinatanggap ang anumang payong ibinibigay niya sa akin. Pagkaraan ng ilang panahon, nagsimula akong makakuha ng ilang resulta sa tungkulin ko; pakiramdam ko ay mahusay ako sa gawain ko at kaya kong kumilos nang mag-isa. Pagkatapos niyon, kapag nagtatalaga ng gawain, inaasikaso ko na lang itong mag-isa nang hindi tinatalakay kay Chen Shi. Kahit na sa ilang sitwasyon kung saan dapat magkasama kaming magdedesisyon, ako na mismo ang nagpapasya. Dahil nakikitang hindi ako kumikilos ayon sa prinsipyo, madalas akong paalalahanan ni Chen Shi na itigil ang basta-bastang pagdedesisyon. Minsan ay sinasabi pa niya ito sa harap ng mga diyakono. Pakiramdam ko ay pinag-iinitan niya ako—wala siyang pakialam sa dignidad ko at ipinahihiya niya ako. Kaya medyo lumaban ako sa kanya. Minsan kapag tinatalakay namin ang gawain, tinatanggihan niya ang mga ideya ko, at nagiging palaban ako, iniisip na: “Pareho tayong namamahala sa gawain ng iglesia, kaya bakit ang sinasabi mo ang tama, at ang sinasabi ko ang mali? Palagi mong tinatanggihan ang mga ideya ko—hindi ba’t pinalalabas nitong mas magaling ka sa akin? Hindi ba iisipin ng mga kapatid na hindi ako magaling na lider? Paano ko haharapin ang lahat kung ganoon?” Nagkaroon ako ng pagkiling laban sa kanya. Pagkatapos niyon, kapag tinatalakay namin ang gawain, sa sandaling tanggihan ang ideya ko, tumatahimik na lang ako. Kahit na minsan ay tingin kong tama siya, hindi ako komportableng isiping magpaubaya sa kanya. Sa paglipas ng panahon, tumindi lang ang pagkiling ko laban sa kanya. Ayoko siyang kausapin, lalong ayokong talakayin ang gawain sa kanya. Talagang napipigilan siya dahil sa akin, at ako rin ay nakaramdam na sobra akong napipigilan at nasusupil.
Noong Enero ng 2021, dahil sa mga problema sa kalusugan, sa matagal naming kawalan ng maayos na pakikipagtutulungan, at sa pakiramdam na napipigilan siya dahil sa akin, nadaig si Chen Shi ng pagiging negatibo kung saan hindi na siya nakabawi. Sa huli ay nagbitiw siya sa kanyang posisyon. Noong Oktubre, nagkaroon ng halalan sa iglesia upang punan ang bakanteng posisyon ng pamunuan. Binanggit ng isang nakatataas na lider si Chen Shi, nagtatanong tungkol sa kanyang sitwasyon. Sinabi ng isang katrabaho na si Sister Wang Zhixin na, “Malaki ang ibinuti ng kalagayan niya kamakailan at mas nagdadala na siya ng pasanin sa kanyang tungkulin.” Dahil dito, medyo nag-alala ako: “Mataas yata ang tingin niya kay Chen Shi. Pagkarinig niyan, tiyak na iisipin ng lider na angkop si Chen Shi para sa posisyon. Kung mahahalal talaga siya, hindi ba’t ibig sabihin niyon ay magiging magkatrabaho ulit kami?” Sa pagbabalik-tanaw sa panahong nagkasama kami, natakot ako: “Noon, kapag magkaiba ang opinyon namin sa kung paano magpapatuloy sa gawain, karamihan sa mga katrabaho namin ay kumakampi kay Chen Shi—walang nakikinig sa akin. Mayroon din siyang pagpapahalaga sa katarungan. Kapag napapansin niyang hindi ako kumikilos ayon sa prinsipyo, pupunahin niya iyon sa akin, at napapahiya ako dahil doon. Talagang miserable siyang makatrabaho. Kung kailangan ko na naman siyang makatrabaho, hindi ba’t magiging ganoon din iyon? Kung lagi niyang pupunahin ang mga problema ko, hindi ba’t masisira ang imaheng naitatag ko sa mga kapatid?” Nang mapagtanto ko ito, ayoko talagang makatrabaho si Chen Shi. Naisip ko, “Hindi ito maaari, kailangan kong sabihin sa lahat ang tungkol sa katiwaliang ibinunyag niya noon, kung hindi, talagang magiging problema kung mahahalal siya.” Kaya, mabilis kong inilarawan ang lahat ng kanyang hindi magandang pag-uugali, pati na kung paano siya nag-alala sa katayuan at hindi nagdala ng pasanin sa kanyang tungkulin, at marami pang iba. Sa pag-aalalang hindi ako gaanong naging detalyado, nagbanggit din ako ng ilang totoong halimbawa para patunayan ang aking punto. Napansin ng lider na hindi ko kayang itrato nang patas si Chen Shi, at nagbahagi siya sa akin tungkol sa prinsipyo ng pagtrato sa iba nang patas, pero hindi ko ito inunawa. Makalipas ang ilang araw, opisyal nang nagsimula ang halalan at tinanong ako ni Sister Li Ming tungkol sa sitwasyon ni Chen Shi. Naisip ko, “Hindi siya malapit kay Chen Shi at hindi niya ito lubos na kilala. Kailangan kong ipaalam sa kanya na hindi angkop si Chen Shi na maging lider. Sa ganoong paraan, hindi niya ito iboboto.” Kaya sinabi ko sa kanya ang lahat ng tungkol sa masamang pag-uugali ni Chen Shi noon kabilang na ang hindi pagdadala ng pasanin sa kanyang tungkulin. Pero sa sandaling iyon, sinabi ng isang sister sa malapit, “Hindi nagdala ng pasanin si Chen Shi noon dahil nasa masamang kalagayan siya. Kamakailan ay nabago na niya ang kanyang kalagayan at nagdadala na siya ng pasanin sa kanyang tungkulin. At saka, matiyaga siyang nagbabahagi at tumutulong sa amin kapag mayroon kaming hindi naiintindihan sa aming mga tungkulin.” Nang marinig ko ito, nabalisa ako: “Bakit ba pinupuri mo nang pinupuri si Chen Shi? Binoto mo na ba siya? Iboboto rin kaya siya ni Li Ming pagkatapos nitong marinig ang sinabi mo? Kung talagang mahahalal siya, magiging magkatrabaho ulit kami. Tapos, hindi ko lamang hindi maitatangi ang sarili ko, kundi itatama rin niya ako sa lahat ng oras. Mas makabubuti kung bagong kapareha ang mapipili. Sa ganoong paraan, dahil matagal-tagal na akong lider at mas maraming prinsipyo ang nauunawaan ko, madalas siyang sasang-ayon sa mga opinyon ko. Kahit pa magkamali ako, malamang na hindi niya iyon malinaw na makikita at hindi niya ako direktang pupunahin, kaya hindi makukuwestiyon ang katayuan ko.” Habang mas iniisip ko iyon, lalo kong nararamdaman na hindi ko puwedeng hayaang mahalal si Chen Shi. Kaya agad kong sinabi na walang gaanong karanasan sa buhay si Chen Shi at nagbabahagi lang siya ng mga salita at doktrina. Nang makita kong tumango si Li Ming, medyo gumaan ang pakiramdam ko, iniisip na ibig sabihin nito ay malamang na hindi niya iboboto si Chen Shi. Sa gulat ko, sa huli ay nagtabla si Chen Shi at ang isa pang sister sa pinakamaraming boto. Lalo pa akong nag-alala na mahahalal si Chen Shi at magsisimulang magtrabaho ulit kasama ko. Makalipas ang ilang sandali, tinanong ako ng lider, “Kung talagang mahahalal si Chen Shi, ano ang mararamdaman mo?” Dahil sa tanong na iyon ay nag-alala akong baka talagang ihahalal nila si Chen Shi, kaya dali-dali kong sinabi: “Walang gaanong karanasan sa buhay si Chen Shi at may malubha siyang tiwaling disposisyon….” Nahalata ng lider kung gaano ako katutol kay Chen Shi at muli akong inilantad, “Napapansin mo lang ang mga kahinaan ng mga tao at kailanman ay hindi mo napapansin ang mga kalakasan nila. Hindi ka makapagtatrabaho nang maayos kasama ang kahit sino kapag ganyan ka. Nagiging mapagmataas at palalo ka.” Tinamaan ako nang matindi nang marinig kong sabihin ng lider na hindi ko magagawang makipagtulungan nang maayos sa kahit kanino. Pakiramdam ko ay natuklasan ng lider ang mga layunin ko, at tiyak na hindi maganda ang iisipin niya sa akin. Ngayon, parehong nagustuhan ng mga kapatid at ng mga lider si Chen Shi, kaya paano ko ipagpapatuloy ang paggawa sa tungkulin ko? Sumama talaga ang loob ko at ni ayaw ko nang maging lider. Naisip ko, “Kung tingin ninyong lahat ay napakagaling niya, ihalal niyo na lang siya.” Kaya sinabi ko sa lider, “Wala akong mabuting pagkatao at hindi ko kayang makipagtulungan kaninuman. Hindi ko na kayang gawin ang tungkuling ito. Sa tingin ko ay dapat kang pumili ng ibang lider na papalit sa akin.” Nakipagbahaginan sa akin ang lider, sinasabing, “Hindi ko sinasabing mayabang at palalo ka para limitahan ka, kundi para pilitin kang hanapin ang katotohanan at lutasin ang tiwaling disposisyon mo….” Pagkarinig nito, napagtanto ko na ibinubunton ko ang galit ko sa aking tungkulin, at medyo nakonsensiya at nabalisa ako. Pero kapag naiisip kong makakatrabaho ko si Chen Shi, nababagabag ako. Ayokong harapin ang sitwasyong ito, kaya nagdahilan akong may iba akong gawain at umalis. Talagang nalungkot ang kalooban ko—napagtanto kong kumokontra ako sa Diyos at itinago na Niya ang Kanyang mukha sa akin. Iniiwasan ko rin ang sitwasyong isinaayos Niya para sa akin. Kung hindi ko babaguhin ang mga bagay-bagay, kasusuklaman ako ng Diyos at mawawala sa akin ang gawain ng Banal na Espiritu. Sa puntong ito, medyo natakot ako, kung kaya’t lumapit ako sa Diyos sa panalangin: “O Diyos, may aral na kailangan kong matutunan sa sitwasyong isinaayos Mo para sa akin ngayon. Mali na iwasan at labanan ko ito, pero hindi ako sigurado kung paano pagninilayan at uunawain ang aking sarili. Pakiusap, gabayan Mo ako na magpasakop sa Iyong mga pagsasaayos at matuto ng aral sa gitna nito.” Pagkatapos ng panalangin, medyo mas napayapa ako.
Kinabukasan ay inanunsiyo ang resulta ng halalan: Nahalal si Chen Shi bilang lider. Hindi ako gaanong naapektuhan sa balita. Nagsimula akong pagnilayan ang sarili ko: Lagi kong pinupuna ang katiwalian at mga kakulangan ni Chen Shi, pero hindi ko kailanman binanggit ang mga kalakasan at merito niya. Hindi ba’t ibinubukod ko siya? Kaya’t naghanap ako ng mga sipi ng mga salita ng Diyos tungkol sa kung paano ibinubukod ng mga anticristo ang mga sumasalungat sa kanila. Talagang tinamaan ako ng isang sipi ng mga salita ng Diyos. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Paano inihihiwalay at binabatikos ng mga anticristo ang mga naghahangad ng katotohanan? Madalas silang gumagamit ng mga pamamaraang nakikita ng iba bilang makatwiran at akma, gumagamit pa nga sila ng mga debate tungkol sa katotohanan para makakuha ng bentaha, para batikusin, kondenahin, at iligaw ang ibang tao. Halimbawa, iniisip ng isang anticristo na kapag ang kapareha niya ay mga taong naghahangad ng katotohanan, maaari itong maging banta sa kanyang katayuan, kaya magbibigay ang anticristo ng matatayog na sermon at magtatalakay ng mga espirituwal na teorya para iligaw ang mga tao at pataasin ang tingin ng mga ito sa kanya. Sa ganoong paraan, puwede niyang maliitin at supilin ang kanyang mga kapareha at katrabaho, at iparamdam sa mga tao na bagama’t ang mga kapareha ng kanilang lider ay mga taong naghahangad sa katotohanan, hindi sila kapantay ng kanilang lider pagdating sa kakayahan at abilidad. May mga tao pa ngang nagsasabing, ‘Matatayog ang mga sermon ng aming lider, at walang makakapantay roon.’ Para sa isang anticristo, sukdulang kasiya-siya na marinig ang ganoong komento. Iniisip niya, ‘Kapareha kita, wala ka bang ilang katotohanang realidad? Bakit hindi ka makapagsalita nang mahusay at may kataasan gaya ko? Lubos ka nang napahiya ngayon. Wala kang abilidad, pero naglalakas-loob kang makipagkompetensiya sa akin!’ Iyon ang iniisip ng anticristo. Ano ang layon ng anticristo? Sinusubukan niya ang lahat ng posibleng paraan para supilin, maliitin ang ibang tao, at para unahin ang kanyang sarili bago ang iba. Ganito tinatrato ng isang anticristo ang lahat ng taong naghahangad sa katotohanan o nagtatrabaho kasama niya. … Dagdag pa sa masasamang gawang ito, gumagawa ang mga anticristo ng isang bagay na mas kasuklam-suklam pa, iyon ay na lagi nilang sinisikap na malaman kung paano magkakaroon ng bentaha sa mga naghahangad ng katotohanan. Halimbawa, kung nakipagtalik ang ilang tao sa hindi nila asawa o nakagawa sila ng kung anong iba pang pagsalangsang, sinusunggaban ng mga anticristo ang mga ito bilang bentaha para mabatikos sila, humahanap ng mga pagkakataon para insultuhin, ilantad, at siraan sila, bansagan sila para pahinain ang kasigasigan nilang gampanan ang kanilang mga tungkulin upang maging negatibo ang pakiramdam nila. Isinasanhi rin ng mga anticristo na magkaroon ng diskriminasyon ang mga taong hinirang ng Diyos laban sa kanila, iwasan sila, at itakwil sila, nang sa gayon ay mahiwalay ang mga naghahangad ng katotohanan. Sa huli, kapag ang lahat ng naghahangad ng katotohanan ay naging negatibo at mahina na ang pakiramdam, hindi na aktibong ginagampanan ang kanilang mga tungkulin, at ayaw nang dumalo sa mga pagtitipon, natupad na ang layon ng mga anticristo. Dahil ang mga naghahangad sa katotohanan ay hindi na banta sa kanilang katayuan at kapangyarihan, at wala nang nangangahas na iulat o ilantad sila, maaari nang mapanatag ang mga anticristo. … Bilang pagbubuod, batay sa mga pagpapamalas na ito ng mga anticristo, maaari nating matukoy na hindi nila ginagampanan ang tungkulin ng pamumuno, dahil hindi nila inaakay ang mga tao para kumain at uminom ng mga salita ng Diyos o makipagbahaginan tungkol sa katotohanan, at hindi nila dinidiligan o tinutustusan ang mga tao, para hayaan silang makamit ang katotohanan. Sa halip, ginagambala at ginugulo nila ang buhay iglesia, nilalansag at winawasak ang gawain ng iglesia, at hinahadlangan ang mga tao sa landas ng paghahangad sa katotohanan at pagkakamit ng kaligtasan. Nais nilang iligaw ang mga taong hinirang ng Diyos at magdulot sa mga ito na mawalan ng pagkakataong mapagkalooban ng kaligtasan. Ito ang pangunahing layon na nais matupad ng mga anticristo sa paggambala at panggugulo sa gawain ng iglesia” (Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikatlong Aytem: Inihihiwalay at Binabatikos Nila ang mga Naghahangad sa Katotohanan). Talagang nasaktan ako nang matindi sa siping ito ng mga salita ng Diyos. Inilalantad ng Diyos kung paano pinipigilan at ibinubukod ng mga anticristo ang mga sumasalungat sa kanila, hinahanapan ng mali at hinahamak ang mga naghahangad sa katotohanan, upang patatagin ang kanilang sariling katayuan. Hindi ba’t ganoong-ganoon ang pagtrato ko kay Chen Shi? Noong panahon ng halalan, nang makita ko kung gaano kaganda ang tingin ng lahat sa kanya, naalala ko noong nagkatrabaho kami dati, kung paanong kadalasan ay tinatanggap ng lahat ang mga ideya niya at nakukuha niya ang lahat ng atensiyon sa halip na ako. Lagi rin niyang pinupuna ang mga pagkakamali ko, kaya napapahiya ako. Nag-alala ako na kung mahahalal siyang muli, magiging gaya ito ng dati—siya lang ang pakikinggan at hahangaan ng mga kapatid, at wala nang makikinig sa akin. Kaya, nang sabihin ng isang katrabaho na kaya ni Chen Shi na magdala ng pasanin, at nang isipin ng isa pang sister na iboto siya, pakiramdam ko ay may krisis at ginawa ko ang lahat para itanggi ang mga kalakasan niya, at pinalaki ko ang kanyang mga nakaraang pagpapakita ng katiwalian. Sinabi ko na wala siyang gaanong karanasan sa buhay at hindi niya hinahangad ang katotohanan, sinusubukang udyukan ang lahat na magkaroon ng pagkiling laban sa kanya para hindi nila siya iboto. Nang mapansin ng lider ang isyu ko at pinungusan niya ako sa hindi patas na pagtrato kay Chen Shi, nakita kong hindi ko nakuha ang gusto ko, at pagkatapos noon ay hindi ako naging makatwiran, gusto kong iwanan ang aking tungkulin. Ang lahat ng sinabi ko ay puno ng mga tuso at lihim na motibo. Ang lahat ng ito ay para protektahan ang pagpapahalaga ko sa sarili at ang katayuan ko. Anong ipinagkaiba niyon sa mga anticristo na umaatake sa mga naghahangad sa katotohanan upang patatagin ang katayuan nila? Ngayon, mayroong agarang pangangailangan na magtulungan ang mga tao sa gawain ng iglesia; kahit na nagpakita si Chen Shi ng mga tanda ng katiwalian at may mga pagkukulang siya, nagkaroon siya ng pagpapahalaga sa katarungan at nagdala ng pasanin sa kanyang tungkulin. Hinahanap niya ang katotohanan kapag nahaharap siya sa mga isyu at isa siyang taong naghahangad sa katotohanan, kaya naabot niya ang mga kalipikasyon ng isang lider. Pero nag-alala ako na magiging banta siya sa katayuan ko sa paningin ng iba, kaya ginawa ko ang lahat ng makakaya ko para hamakin at ibukod siya, nang wala ni kaunting pagsasaalang-alang sa gawain ng iglesia. Hindi ko talaga isinaalang-alang ang mga layunin ng Diyos—paano ito naging paggawa ng tungkulin ko? Ginugulo at ginagambala ko ang gawain ng iglesia; gumagawa ako ng masama! Nang mapagtanto ko ito, bigla kong naramdaman kung gaano talaga ako naging kakila-kilabot. Noon, lagi kong iniisip na ang pagbubukod at pagpaparusa sa mga tao ay mga kilos ng isang anticristo, pero ngayon ay napagtanto ko na ako rin ay may anticristong disposisyon at tinatahak ko ang landas ng isang anticristo. Kung hindi ako magsisisi, itataboy at ititiwalag ako ng Diyos. Nang mapagtanto ko ito, kinilabutan ako, pero naunawaan ko rin na ang pagpupungos at pagbubunyag sa akin ay pagkakataon ko para magnilay-nilay at magsisi. Kailangan kong hanapin ang katotohanan para malutas ang aking tiwaling disposisyon, at maayos na makipagtulungan kay Chen Shi para magawa nang maayos ang gawain ng iglesia at makabawi para sa mga nakaraan kong pagkukulang.
Pagkatapos niyon, nagtapat ako sa mga kapatid ko tungkol sa aking katiwalian para magkaroon sila ng pagkakilala sa mga nauna kong pahayag tungkol kay Chen Shi at para tratuhin nila siya nang maayos. Tumigil na ako sa pagbubukod at paglaban kay Chen Shi kapag nakikita ko siya, at aktibo akong nagtanong at nagmalasakit tungkol sa kalagayan niya, nagtalakay ng gawain at nakipagtulungan sa kanya. Unti-unti, naging mas maayos na ang pakikisama namin sa isa’t isa, at mas lumuwag ang pakiramdam ko. Partikular na sa mga pagtitipon, kapag napakapraktikal na nagsasalita si Chen Shi tungkol sa kanyang karanasan at pagkaunawa, lalo pa akong nahiya noon—dahil sa akin ay muntik nang mawalan ang sister ko ng pagkakataong ito na makapagsagawa bilang lider. Muntik na akong makagawa ng masama.
Kalaunan, nagpatuloy ako sa paghahanap sa katotohanan at pagninilay sa sarili ko. Nakita ko ang siping ito ng mga salita ng Diyos: “Kumpara sa mga normal na tao, mas matindi ang pagmamahal ng mga anticristo sa kanilang reputasyon at katayuan, at isa itong bagay na nasa loob ng kanilang disposisyong diwa; hindi ito isang pansamantalang interes, o lumilipas na epekto ng kanilang paligid—ito ay isang bagay na nasa kanilang buhay, nasa kanilang mga buto, kaya ito ay kanilang diwa. Masasabing sa lahat ng ginagawa ng mga anticristo, ang una nilang isinasaalang-alang ay ang kanilang sariling reputasyon at katayuan, wala nang iba pa. Para sa mga anticristo, ang reputasyon at katayuan ang kanilang buhay, at ang kanilang panghabambuhay na layon. Sa lahat ng kanilang ginagawa, ang una nilang isinasaalang-alang ay: ‘Ano ang mangyayari sa aking katayuan? At sa aking reputasyon? Ang paggawa ba nito ay magbibigay sa akin ng magandang reputasyon? Itataas ba nito ang aking katayuan sa isipan ng mga tao?’ Iyon ang unang bagay na kanilang iniisip, na sapat na patunay na mayroon silang disposisyon at diwa ng mga anticristo; iyon ang dahilan kaya isinasaalang-alang nila ang mga bagay sa ganitong paraan. … Kahit na naniniwala rin sa Diyos ang mga anticristo, itinuturing nila ang paghahangad sa reputasyon at katayuan bilang katumbas ng pananalig sa Diyos at binibigyan ang mga ito ng pantay na pagpapahalaga. Ibig sabihin, habang tinatahak nila ang landas ng pananalig sa Diyos, hinahangad din nila ang kanilang sariling reputasyon at katayuan. Masasabi na sa puso ng mga anticristo, naniniwala sila na ang paghahangad ng katotohanan sa kanilang pananalig sa Diyos ay ang paghahangad ng reputasyon at katayuan; ang paghahangad sa reputasyon at katayuan ay ang paghahangad din sa katotohanan, at ang magkamit ng reputasyon at katayuan ay ang magkamit ng katotohanan at buhay. Kung nararamdaman nila na wala silang reputasyon, pakinabang o katayuan, na walang humahanga sa kanila, o nagpapahalaga sa kanila, o sumusunod sa kanila, sobrang bigong-bigo sila, naniniwala silang wala nang saysay pang maniwala sa Diyos, wala na itong kabuluhan, at sinasabi nila sa kanilang sarili na, ‘Bigo ba ang gayong pananalig sa diyos? Wala na ba itong pag-asa?’ Madalas na tinitimbang nila ang gayong mga bagay sa kanilang puso, pinag-iisipan nila kung paano sila magkakapuwesto sa sambahayan ng Diyos, kung paano sila maaaring magkaroon ng matayog na reputasyon sa iglesia, nang sa gayon ay makinig ang mga tao kapag nagsasalita sila, at suportahan sila kapag kumikilos sila, at sumunod sa kanila saanman sila magpunta; nang sa gayon ay sila ang may huling salita sa iglesia, at ang may kasikatan, pakinabang, at katayuan—talagang pinagtutuunan nila ang gayong mga bagay sa puso nila. Ang mga ito ang hinahangad ng gayong mga tao” (Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasiyam na Aytem (Ikatlong Bahagi)). Inilalantad ng Diyos kung paano pinahahalagahan ng mga anticristo ang reputasyon at katayuan, at kung paanong ang lahat ng ginagawa nila ay tumutulong sa kanilang paghahangad sa kapangyarihan. Gusto nilang sundin sila ng lahat at magkaroon sila ng puwang sa puso ng mga ito. Sa diwa, ginagawa nila ang lahat ng ito para magtatag ng kanilang nagsasariling kaharian at makipagkompetensiya sa Diyos para sa mga tao—para mahikayat ang mga tao na sambahin sila. Nakita ko kung paanong ang mga ipinamalas ko ay katulad ng mga inilantad ng Diyos. Lagi akong nagsisikap na pangalagaan ang reputasyon ko sa mga mata ng iba, naghahangad ng katayuan at na magkaroon ng huling salita. Gusto kong maging sentro ng atensiyon ng lahat. Kapag may dumarating na mas may talento kaysa sa akin, itinuturing ko siyang banta sa katayuan ko, at binabatikos at ibinubukod ko siya. Ganoon ko mismo tinrato si Chen Shi. Sa pag-aalala na hindi ko maitatangi ang sarili ko kung siya ang mapipiling maging lider, pinalaki ko ang kanyang mga nakaraang katiwalian para ilihis ang iba na huwag siyang iboto. Umasa pa nga ako na bagong kapareha ang mahahalal. Sa ganoong paraan, dahil mas matagal na akong naging lider, anuman ang sabihin o gawin ko, kahit na hindi ito nakaayon sa prinsipyo, hindi ito malinaw na makikita ng bago kong kapareha at hindi niya ako ilalantad o pupunahin. Kapag nagkagayon, puwede akong mangibabaw sa iglesia, masusunod ang anumang sabihin ko, at magagawa ko ang anumang naisin ko. Talagang sumusobra na ang mga ambisyon at pagnanais ko—nasa matinding panganib ako! Para mapanatili ang kanilang awtokratikong pamumuno, pinapayagan lang ng CCP ang mga tao na sundin sila at magpasakop sa kanila. Ganap nilang pinagbabawalan ang mga tao na manampalataya at sumunod sa Diyos, at ang mga nananampalataya ay marahas na aarestuhin at uusigin. Ako rin, ay maaaring supilin at ibukod ang mga tao para pangalagaan ang sarili kong katayuan. Talagang hindi ako makapaniwala kung gaano ako naging masama alang-alang sa katayuan. Bilang isang lider ng iglesia, dapat akong makipagtulungan sa mga naghahangad sa katotohanan, nagkakaisa sa puso at isipan, para gawin nang maayos ang gawain ng iglesia, at madala ang mga kapatid sa harap ng Diyos. Pero ang iniisip ko lang ay reputasyon at katayuan—walang puwang sa puso ko para sa gawain ng iglesia o sa buhay pagpasok ng aking mga kapatid, at wala akong anumang may-takot-sa-Diyos na puso. Maraming taon na akong nananampalataya sa Diyos, pero pinigilan ko pa rin ang aking sister alang-alang sa aking katayuan. Tunay na kasuklam-suklam sa Diyos ang ginawa ko!
Napagtanto ko na may isa pang dahilan kung bakit ko pinigilan at ibinukod si Chen Shi: Paulit-ulit niya akong pinupuna, inilalantad, at ipinahihiya. Nakita ko ang sumusunod na sipi ng mga salita ng Diyos tungkol sa kalagayang ito: “Ano ang dapat mong gawin kung gusto mong iwasan ang landas ng isang anticristo? Dapat kang magkusang maging malapit sa mga taong nagmamahal sa katotohanan, mga taong matuwid, maging malapit sa mga taong kayang tukuyin ang iyong mga isyu, na kayang magsalita ng totoo at sawayin ka kapag natutuklasan nila ang iyong mga problema, at lalo na ang mga taong kaya kang pungusan kapag natutuklasan nila ang iyong mga problema—ito ang mga taong pinakakapaki-pakinabang sa iyo at dapat mo silang pahalagahan. Kung ibubukod at aalisin mo ang gayong mabubuting tao, mawawala sa iyo ang proteksiyon ng Diyos, at unti-unting darating sa iyo ang sakuna. Sa pagiging malapit sa mabubuting tao at mga taong nakauunawa sa katotohanan, magkakaroon ka ng kapayapaan at kagalakan, at maiiwasan mo ang sakuna; sa pagiging malapit mo sa mga taong ubod ng sama, mga walang hiyang tao, at mga taong nambobola sa iyo, manganganib ka. Hindi ka lang madaling malilinlang at maloloko, kundi maaari pang dumating sa iyo ang sakuna anumang oras. Dapat malaman mo kung anong uri ng tao ang pinakamagiging kapaki-pakinabang sa iyo—ang mga ito ay iyong makapagbababala sa iyo kapag may ginagawa kang mali, o kapag itinataas at pinatototohanan mo ang iyong sarili at nililigaw ang iba, na maaaring maging pinakakapaki-pakinabang sa iyo. Ang paglapit sa gayong mga tao ang tamang landas na dapat tahakin. Kaya ninyo ba ito? Kung may sinumang nagsasabi ng isang bagay na sumisira sa iyong reputasyon at ginugugol mo ang natitirang bahagi ng iyong buhay na nagdaramdam sa kanya, sinasabi na, ‘Bakit mo ako inilantad? Hindi kita kailanman minaltrato. Bakit palagi mong ginagawang mahirap ang mga bagay-bagay para sa akin?’ at nagtatanim ka ng sama ng loob sa iyong puso, nagbubukas ang isang lamat, at palagi mong iniisip na, ‘Ako ay isang lider, mayroon akong ganitong pagkakakilanlan at katayuan, at hindi kita pahihintulutang magsalita nang ganyan,’ anong uri ng pagpapamalas ito? Ito ay hindi pagtanggap sa katotohanan at pagsalungat sa iba; medyo bingi ito sa katwiran. Hindi ba’t ito ang kaisipan mo ng katayuan na nag-uudyok ng gulo? Ipinapakita nitong masyadong malala ang iyong mga tiwaling disposisyon. Ang mga palaging nagkikimkim ng mga kaisipan ng katayuan ay mga taong may malalang anticristong disposisyon. Kung gumagawa rin sila ng kasamaan, napakabilis nilang maibubunyag at maititiwalag. Napakamapanganib para sa mga tao na tanggihan at hindi tanggapin ang katotohanan! Ang palaging pagnanais na makipagtagisan para sa katayuan at pagnanais na maghangad ng mga benepisyo ng katayuan ay mga palatandaan ng panganib. Kapag palaging pinipigilan ng katayuan ang puso ng isang tao, makapagsasagawa pa rin ba siya ng katotohanan at mapapangasiwaan ang mga bagay-bagay alinsunod sa prinsipyo? Kung hindi kayang isagawa ng isang tao ang katotohanan at palaging kumikilos alang-alang sa katanyagan, kapakinabangan, at katayuan, at palaging ginagamit ang kanyang kapangyarihan sa paggawa ng mga bagay-bagay, hindi ba’t halata siyang anticristo na nagpapakita ng kanyang tunay na kulay?” (Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikaapat na Aytem: Itinataas at Pinatototohanan Nila ang Kanilang Sarili). Sa pagbabasa ng mga salita ng Diyos, napagtanto ko na hindi ako inilalantad at pinupuna ng mga kapatid para pagtawanan, hamakin o ipahiya, kundi para tulungan akong makilala ang sarili ko. Magiging kapaki-pakinabang ito sa buhay ko at sisiguruhin nitong hindi ako mapupunta sa maling landas. Nagbalik-tanaw ako noong nagtulungan kami ni Chen Shi, at direkta niya akong inilantad pagkatapos mapansin na ako ay nagiging mayabang, palalo at kumikilos nang pabasta-basta. Iyon ang mapagmahal na tulong na ibinigay niya sa akin. Ang pagkakaroon ng isang taong tulad niyon sa tabi ko para pangasiwaan ako ay kapaki-pakinabang sa aking paglago sa buhay. Pero, noong panahong iyon, hindi ko ito tinanggap mula sa Diyos at pakiramdam ko lagi ay ipinahihiya niya ako sa pagpupuna at paglalantad sa akin sa harap ng iba, kaya nagkaroon ako ng pagkiling laban sa kanya at ibinukod ko siya. Ang lahat ng ito ay mga pagpapamalas ng aking anticristong disposisyon. Binigyan ako ng mga salita ng Diyos ng isang landas ng pagsasagawa: Dapat akong gumugol ng mas maraming oras kasama ng mga taong matapat at prangka na naghahangad sa katotohanan, at kapag nakagawa ako ng mali at nakalabag sa prinsipyo, dapat kong talikuran ang katayuan at pagpapahalaga ko sa sarili at makinig sa kanilang mga iniisip. Sa ganitong paraan, maiiwasan kong makagawa ng masama. Naisip ko kung paanong, kahit na isa akong lider, wala pa rin akong kabatiran sa maraming isyu at kontrolado ako ng aking tiwaling disposisyon, kung kaya hindi ko maiwasang magdulot ng ilang paggambala at panggugulo sa aking tungkulin. Magagawa ko lang ang aking tungkulin at maisasakatuparan nang mabuti ang gawain ng iglesia sa pamamagitan ng maayos na pakikipagtulungan sa iba at pakikibahagi na tulungan at suportahan ang isa’t isa. Pagkatapos kong maunawaan ang layunin ng Diyos, nagtapat ako kay Chen Shi at humingi ng tawad sa kanya, sinasabi sa kanya ang buong kuwento kung paano ko siya inatake at pinigilan. Nang marinig iyon, nagbahagi siya tungkol sa sarili niyang karanasan para tulungan ako. Sa pamamagitan ng pagtatapat at pagbabahaginan ay naalis namin ang hadlang sa pagitan namin.
May panahong napabayaan ko ang pangkalahatang usapin dahil abala ako sa ibang gawain. Si Sister Yang Yanyi, na siyang namamahala sa gawaing iyon, ay diretsahan akong pinuna, “Dalawang buwan kang hindi nakipagtipon sa amin, hindi mo nalutas ang mga paghihirap namin sa aming mga tungkulin, at negatibong naapektuhan ang mga buhay namin. Sinasabi ng mga salita ng Diyos na ang mga huwad na lider at manggagawa ay nagtatalaga ng gawain at pagkatapos ay hindi ito sinusubaybayan, kung gayon, hindi ba’t isa kang huwad na lider?” Nang marinig kong sabihin ito ng sister, tumanggi akong tanggapin ito, at pinangatwiranan ko sa sarili ko ang mga bagay-bagay: “Nagtanong ako tungkol sa kalagayan mo nitong dalawang buwan, hindi nga lang madalas. At saka, naging abala kasi ako sa ibang gawain. Hindi mo ako puwedeng tawagin na huwad na lider dahil lang diyan. Kung ganito ka, paano ako maglalakas-loob na subaybayan ang gawain mo sa hinaharap? Kung mahuhuli mo akong gumagawa na naman ng mali, at pupunta ka sa mga nakatataas na lider para iulat at isumbong ako bilang isang huwad na lider, hindi ba’t mawawala ang katayuan ko? Hindi ito maaari, hindi kita mahahayaang mangasiwa ng gawain sa hinaharap.” Pero pagkatapos, naisip ko kung paano ko inatake at ibinukod si Chen Shi noon, at ngayon naman, ayaw kong hayaan si Yanyi na mangasiwa ng gawain pagkatapos niyang ipahayag ang kanyang opinyon tungkol sa akin. Hindi ba’t inaatake at ibinubukod ko pa rin ang mga may naiibang pananaw? Naalala ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Dapat kang maging malapit sa mga taong kayang makipag-usap nang totoo sa iyo; ang pagkakaroon ng mga taong tulad nito sa tabi mo ay lubos na malaking kapakinabangan sa iyo. Sa partikular, ang pagkakaroon ng gayong mabubuting tao sa paligid mo tulad ng mga iyon na, kapag natutuklasan nila ang isang problema sa iyo ay may lakas ng loob na sawayin ka at ilantad ka, mapipigilan kang maligaw ng landas. Wala silang pakialam kung ano ang iyong katayuan, at sa sandaling matuklasan nilang gumawa ka ng isang bagay na labag sa mga katotohanang prinsipyo, sasawayin at ilalantad ka nila kung kinakailangan. Ang gayong mga tao lang ang matutuwid na tao, mga taong may pagpapahalaga sa katarungan, at gaano ka man nila ilantad at sawayin, ang lahat ng ito ay tulong sa iyo, at ang lahat ng ito ay tungkol sa pangangasiwa sa iyo at pagtulak sa iyo pasulong. Dapat kang mapalapit sa gayong mga tao; ang pagkakaroon ng mga gayong tao sa tabi mo, tumutulong sa iyo, magiging mas ligtas ka—ganito ang pagkakaroon ng proteksiyon ng Diyos” (Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikaapat na Aytem: Itinataas at Pinatototohanan Nila ang Kanilang Sarili). Habang pinagbubulayan ang mga salita ng Diyos, unti-unti akong kumalma. Pinag-isipan kong mabuti na bagama’t malupit akong pinungusan ni Yanyi, totoo naman ang sinabi niya. Sa dalawang buwang iyon, hindi ko naunawaan o nalutas ang kalagayan niya at ang kanyang mga isyu. Talagang negatibong naapektuhan ang kanyang buhay pagpasok. Bilang isang lider ng iglesia, responsabilidad ko na manatiling nakasubaybay sa kalagayan ng mga kapatid at lutasin ang kanilang mga paghihirap sa buhay pagpasok—hindi ko puwedeng iwasan ang responsabilidad ko, gaano man ako kaabala. Pero hindi ako nagpakita ng anumang malasakit kay Yanyi. Nang bigyan niya ako ng ilang mungkahi, gusto ko siyang gantihan ng atake dahil inakala kong sinisira niya ang aking reputasyon at katayuan, at na mawawala ang katayuan ko kung isusumbong niya ako. Napakamapaminsala ko talaga! Nang pungusan ako ni Yanyi, pinangangasiwaan niya ang gawain ko at isinasagawa ang katotohanan. Kung aatakihin at gagantihan ko siya, lalabanan ko ang katotohanan at makagagawa ako ng masama. Nang mapagtanto ko ito, nagdasal ako sa Diyos, “Mahal na Diyos, napagtanto ko na may mapaminsala akong kalikasan. Para maingatan ang reputasyon ko, ginusto kong atakihin at gantihan si Yanyi. Ito ay pagpaparusa sa mga tao. O Diyos, ayoko nang kumilos ayon sa aking tiwaling disposisyon. Handa na akong isagawa ang katotohanan at tanggapin ang mga mungkahi ni Yanyi.” Pagkatapos magdasal, nakonsensiya ako nang husto at gusto kong humingi ng tawad, pero sa gulat ko, nauna siyang humingi ng tawad sa akin, sinasabing medyo nawala siya sa lugar at nagsalita nang may tiwaling disposisyon. Humingi rin ako ng tawad sa kanya: “Tama ka na pungusan ako. Talagang hindi ako nagsagawa ng tunay na gawain at dapat ko itong pagnilayan.” Pakiramdam ko, ang pagpupungos at pagtulong sa akin ng mga kapatid ay para mapagtanto ko na hindi ako nakagawa ng tunay na gawain. Ito ay nagmula sa Diyos at Kanyang proteksiyon para sa akin. Salamat sa Diyos!
Sa pamamagitan ng mga karanasang ito, napagtanto ko na labis akong ginawang tiwali ni Satanas at masyado akong naging sakim sa reputasyon at katayuan. Pagdating sa aking pagpapahalaga sa sarili at katayuan, kaya ko pa ngang pigilan at ibukod ang mga tao. Napagtanto ko rin na anuman ang sitwasyong kinahaharap natin, dapat nating pagtuunan ang pagninilay at pagkilala sa ating sarili, at ang paghahanap sa katotohanan para malutas ang ating mga tiwaling disposisyon. Saka lamang natin maiiwasan ang paggawa ng masama at paglaban sa Diyos. Salamat sa Diyos!