11. Ang Hindi Pagsusumikap sa Aking Tungkulin ay Nakapinsala sa Akin

Ni Owen, Espanya

Noong 2018, nagtatrabaho ako sa iglesia bilang tagagawa ng video. Noong una, dahil hindi ako pamilyar sa mga teknikal na kasanayan at sa iba’t ibang mga prinsipyo, nag-aral akong mabuti at sinubukang kabisaduhin ang mga nauugnay na kasanayan. Pagkaraan ng ilang panahon, humusay ang aking teknikal na kakayahan at napili ako bilang lider ng pangkat. Tuwang-tuwa ako at naging mas handang magtrabaho nang husto para tuparin ang aking tungkulin. Kalaunan, nagkaroon ng problema sa isang kumplikadong proyekto ng video, at ipinadala ako ng lider ko para subaybayan ito at lutasin ang isyu. Nahaharap sa isang kumplikadong proseso ng gawain at sa aking kakulangan sa mga teknikal na kasanayan, noong una ay nakipagtulungan ako sa mga kapatid para makaisip ng mga solusyon. Pero pagkatapos ng ilang panahon ng pagsusumikap, nang magsimulang umayos ang takbo ng mga bagay-bagay at humusay ang sarili kong mga teknikal na kasanayan, nagsimula akong magpakatamad. Naisip ko, “Maaaring hindi pa napakainam ng takbo ng proyektong ito, pero mas mabuti na ito kaysa dati. Kailangan ko lang panatilihing ganito ang takbo ng mga bagay-bagay. Hindi na ito kailangang madalas na subaybayan. Masyadong nakakapagod na kabahan sa lahat ng oras.” Pagkatapos niyon, bihira na akong maghanap ng mga bagong kasanayan at hindi na ako nag-abalang pag-aralan ang dagdag pang mga teknikal na kasanayan. Ilang beses na nagkaproblema sa mga video na ginawa ko at pinayuhan ako ng iba na pagbutihin ang mga kasanayan ko. Kahit na alam kong tama sila, naisip ko, “Sapat na ang gawaing mayroon ako. Kung maglalaan pa ako ng dagdag na oras para mag-aral—bukod pa sa kung gaano ito magiging nakakapagod—paano kung, pagkatapos gugulin ang dagdag na oras at lakas na ito, hindi masyadong bumuti ang mga resulta ko? Hindi ba’t mawawalan ng saysay ang lahat ng dagdag na trabahong iyon?” Kaya hindi ko pinansin ang payo ng iba. Pagkatapos niyon, napansin ng lider ko na mabagal ang pag-usad sa gawain namin at ipinatukoy sa akin kung ano ang problema. Paulit-ulit akong pinaalalahanan ng kapareha ko sa gawain na lutasin ang isyung ito. Noong panahong iyon, medyo tutol ako. Naisip ko, “Maaaring medyo mabagal ang pag-usad namin, pero nakakakuha kami ng mas magagandang resulta kaysa dati. Hindi namin ito dapat madaliin.” Pero sa loob-loob ko, alam ko na kung bubusisiin at paplanuhin ko nang mas maigi ang gawain, marami pa talagang puwedeng pagbutihin sa kahusayan sa gawain. Pero sa tuwing naiisip ko ang tensyon sa trabahong mayroon na ako at kung gaano magiging nakakapagod gumugol ng mas marami pang oras sa gawaing ito, palagi ko itong ipinagpapaliban. Kalaunan, dalawang beses pang binanggit sa akin ng lider ko ang problema at dahil sa pag-aalala sa reputasyon ko, saka ko lang atubiling iniraos ang pagsusuri sa sitwasyon. Pero sa huli, hindi pa rin ako nakahanap ng angkop na solusyon.

Pagkatapos, ayaw ko nang pag-isipang mabuti ang gawain ng pangkat o magbayad ng halaga para maging mas maayos. Kapag may bakante akong oras, gusto ko lang magpahinga at sumusobra pa nga ang tulog ko sa ilang pagkakataon nang sunod-sunod, inaantala ang aming gawain. Kapag lumalabas ako para may asikasuhin, kung minsan ay nagtatagal ako sa labas, iniiwasan ang tungkulin ko nang ilang oras. Sa mga oras ng pahinga sa aming gawain, hindi ko rin pinag-isipan kung paano pagbutihin ang mga kasanayan ko, sa halip ay nagpapahinga ako habang may pagkakataon. Nang ganoon-ganoon lang, unti-unti akong naging tamad, iniraraos lang ang gawain habang sinusubaybayan at itinatalaga ang gawain. Halos hindi ako tumutulong sa iba na ibuod ang mga paglihis sa kanilang gawain, at kapag nagkakaproblema, ayaw kong pag-isipang mabuti kung paano lutasin ang mga ito. Bilang resulta, humantong kami sa pagpapaliban ng mga video na malinaw na puwede namang matapos nang maaga kaysa sa iskedyul. Sa panahong iyon, patuloy na lumilitaw ang mga problema sa mga video na ginawa ko at wala ni isa sa mga kapatid sa pangkat ko ang humusay sa kanilang gawain. Kapag lumilitaw ang kahit pinakamaliit na paghihirap sa gawain, nagrereklamo ang lahat. Hindi lang ako nabigong lutasin ito sa pagbabahagi, bagkus ay nakisabay pa ako sa reklamong ito. Dahil nabigo akong gampanan ang tunay na gawain at hindi ako nagbago matapos makipagbahaginan sa akin nang ilang beses ang mga lider at manggagawa, hindi nagtagal ay tinanggal ako. Nabalisa ako, kaya nanalangin ako sa Diyos at pinagnilayan ang sarili ko.

Isang araw, sa mga debosyonal ko, nakita ko na sinabi ng mga salita ng Diyos: “May ilang taong ayaw talagang magdusa sa kanilang mga tungkulin, na laging nagrereklamo sa tuwing may nakakaharap silang problema at ayaw nilang magbayad ng halaga. Anong klaseng saloobin iyan? Iyan ay saloobing pabasta-basta. Kung gagampanan mo ang iyong tungkulin nang pabasta-basta, at haharapin ito nang may saloobing walang galang, ano ang magiging resulta? Hindi mo magagampanan nang mabuti ang iyong tungkulin, bagama’t may kakayahan kang gampanan ito nang maayos—ang iyong pagganap ay hindi aabot sa pamantayan, at ang Diyos ay lubos na hindi masisiyahan sa saloobin mo sa iyong tungkulin. Kung nanalangin ka sa Diyos, hinanap ang katotohanan, at isinapuso at isinaisip mo iyon, kung nakipagtulungan ka sa ganitong paraan, naihanda sana nang maaga ng Diyos ang lahat ng bagay para sa iyo, nang sa gayon ay kapag nag-aasikaso ka ng mga bagay-bagay, ang lahat ay magiging nasa ayos, at makakukuha ng magagandang resulta. Hindi mo kakailanganing gumugol ng napakaraming lakas; kapag ginagawa mo ang lahat ng makakaya mo upang makipagtulungan, inaayos na ng Diyos ang lahat para sa iyo. Kung ikaw ay madaya at tamad, kung hindi mo inaasikaso nang wasto ang iyong tungkulin, at palagi kang napupunta sa maling landas, hindi kikilos ang Diyos sa iyo; mawawala sa iyo ang pagkakataong ito, at sasabihin ng Diyos, ‘Wala kang silbi; hindi kita magagamit. Tumayo ka sa tabi. Gusto mo ang pagiging tuso at tamad, ano? Gusto mo ang pagiging tamad, at hindi nagpapakahirap, hindi ba? Kung gayon, huwag kang magpakahirap magpakailanman!’ Ibibigay ng Diyos ang biyaya at pagkakataon na ito sa ibang tao. Ano ang masasabi ninyo: Ito ba ay kawalan o natamo? (Isang kawalan.) Ito ay isang napakalaking kawalan!(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). Matapos basahin ang mga salita ng Diyos, nagbalik-tanaw ako sa panahon ko bilang lider ng pangkat. Nakita ko na katulad ako noon ng inilantad ng mga salita ng Diyos. Wala akong malasakit, iresponsable, pabasta-basta, at pabaya sa aking tungkulin. Noong una akong maglingkod bilang lider ng pangkat, naglaan ako ng oras at pagsisikap, pero nang humusay na ang mga kasanayan ko at nagtamo ako ng ilang resulta, naging kampante ako, kontento na sa aking mga tagumpay at palaging binibigyang-layaw ang laman. Inisip ko lang kung paano magpahinga at hindi mahirapan dito. Hindi ako handang maglaan ng anumang pagsisikap sa gawain para mas mapabuti ito. Kahit malinaw kong nakikita na may mga isyu, hindi ko agad nilutas ang mga ito, at nang tukuyin ito ng iba, hindi ko pinansin ang mga ito. Bilang lider ng pangkat, nang makita ko ang iba sa pangkat na nagrereklamo tungkol sa kanilang mga isyu, hindi lang ako nabigong ibahagi ang katotohanan para malutas ang kanilang mga isyu, nakisakay pa ako at sumang-ayon sa kanila. Para bang kahit gaano pa maantala ang paggawa ng video o gaano man karami ang problema ng mga kapatid, wala itong kinalaman sa akin. Gusto ko lang magtamasa ng mga pisikal na kasiyahan at iwasang pagurin ang sarili ko. Bilang resulta, patuloy na nagkakaroon ng mga isyu sa mga video na nagawa namin, na lubhang nakaantala sa pag-usad ng produksyon. Binabalewala ko ang isang napakahalagang tungkulin; alang-alang sa kaginhawahan at kaalwanan ng aking laman, alam na alam kong nangahas akong kumilos nang pabasta-basta, nilinlang ang Diyos at nilokoh ang ibang tao. Nasaan ang puso kong may-takot-sa-Diyos? Kinapopootan at kinamumuhian ng Diyos ang gayong mga saloobin sa tungkulin. Kung gugunitain ang lahat ng isyu sa gawain ko, kung naglaan lang ako ng oras at magbayad ng halaga, hindi sana naging ganoon kasama ang mga bagay-bagay. Pero tamad ako at ayaw kong magdusa o makaramdam ng pagod. Bilang resulta, napinsala ko ang paggawa ng video. Sobra akong makasarili, kasuklam-suklam at walang pagkatao! Naging napakababa at napakasahol ko at hindi ko man lang ito namalayan. Pinamatnugutan ng Diyos ang mga paalala sa akin at hindi pa rin ako nagnilay at nagsisi. Paanong naging masyado akong manhid at mapagmatigas? Nang mapagtanto ko ang lahat ng iyon, nakonsensiya at bumigat ang loob ko. Hindi talaga ako karapat-dapat maging lider dahil napakairesponsable ko at wala akong pagkatao. Kasalanan ko kung bakit ako natanggal.

Kalaunan, nakita ko ang isa pang sipi ng mga salita ng Diyos: “Hangga’t sinasabihan siya o inaatasan siya sa isang bagay—isang lider man, manggagawa, o ang Itaas ang nag-atas sa kanya, palaging iisipin ng mga taong may pagpapahalaga sa responsabilidad na, ‘Aba, dahil ganito kataas ang tingin nila sa akin, dapat kong asikasuhin nang mabuti ang usaping ito at hindi sila biguin.’ Hindi ba’t mapapanatag kang magkatiwala ng isang gampanin sa gayong mga tao na nagtataglay ng konsensiya at katwiran? Ang taong pwede mong pagkatiwalaan ng isang gampanin ay tiyak na iyong mga pinapaboran at pinagkakatiwalaan mo. Sa partikular, napangasiwaan nila ang ilang gampanin para sa iyo at naisakatuparan ang mga ito nang maingat, at ganap na natugunan ang iyong mga kinakailangan, iisipin mo na sila ay mapagkakatiwalaan. Sa puso mo, talagang hahangaan mo sila at tataas ang tingin mo sa kanila. Handang makisama ang mga tao sa ganitong uri ng tao, lalo naman ang Diyos. Palagay ba ninyo ay handang ipagkakatiwala ng Diyos ang gawain ng iglesia at ang tungkulin na obligadong gawin ng isang tao sa isang taong hindi mapagkakatiwalaan? (Hindi, hindi Niya gagawin iyon.) Kapag nagtalaga ang Diyos ng isang gawain ng iglesia sa isang tao, ano ang ekspektasyon ng Diyos sa taong ito? Unang-una, umaasa ang Diyos na masipag at responsable siya, na tatratuhin niya ang gawaing ito na parang isang malaking bagay at pangasiwaan ito nang naaayon, at gawin ito nang maayos. Pangalawa, umaasa ang Diyos na siya ay isang taong mapagkakatiwalaan, na kahit gaano pa katagal ang abutin niya, at kahit gaano pa katagal ang oras na lumipas, at paano man magbago ang kapaligiran, hindi magbabago ang pagpapahalaga niya sa responsabilidad, at masusubok na matibay ang kanyang integridad. Kung isa siyang mapagkakatiwalaang tao, mapapanatag ang Diyos, at hindi na Niya pangangasiwaan o kukumustahin ang bagay na ito. Ito ay dahil, sa puso Niya, may tiwala ang Diyos sa kanya, siguradong makukumpleto niya ang gampaning ibinigay sa kanya nang walang anumang mangyayaring problema(Ang Salita, Vol. V. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa 8). Sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos, natutunan ko na ang isang taong may tunay na pagkatao ay responsable sa kanyang tungkulin, kayang tanggapin ang pagsisiyasat ng Diyos, at nakakapanindigan sa kanyang tungkulin, natutupad ang kanyang responsabilidad at katapatan nang naaayon mismo sa mga prinsipyo, anuman ang sitwasyong kinasasangkutan nila. Ito ang saloobin na dapat nating taglayin sa ating mga tungkulin. Dahil inatasan ako ng iglesia na mangasiwa sa paggawa ng video, kahit papaano ay dapat ginawa ko sana ang lahat sa abot ng aking makakaya, at tinukoy at nilutas ang mga problema at paghihirap na lumilitaw sa gawain sa tamang oras para masiguro na magpapatuloy nang normal ang gawain namin. Noong tinanggap ko ang tungkuling ito, nangako akong agad kong gagawin pero kalaunan, sariling kaginhawahan at kaalwanan lang ang inintindi ko at hindi ako gumawa ng anumang tunay na gawain, kahit nang paulit-ulit akong hinimok at pinayuhan ng iba na gawin iyon. Hawak ko ang titulong “lider ng pangkat” pero wala akong anumang natapos, at nabigo akong tuparin kahit ang pinakamaliit sa mga responsabilidad na dapat kong gawin. Bilang resulta, naantala ko ang paggawa ng video ng iglesia. Talagang wala akong pagkatao at hindi mapagkakatiwalaan! Batay sa kung paano ako kumilos, dapat ay noon pa ako itiniwalag. Sa awa at pagpapaubaya lang ng Diyos kaya ako pinahintulutang magpatuloy na gampanan ang tungkulin sa pangkat na iyon. Noong panahong iyon, naisip ko, “Kailangan kong pahalagahan ang pagkakataong ito at gawin ang makakaya ko sa aking tungkulin.” Pagkatapos niyon, tumigil na ako sa pagiging kontento sa kasalukuyang sitwasyon sa aking tungkulin at bukod sa pagkumpleto sa gawain sa mga videong itinalaga sa akin araw-araw, patuloy akong naghanap ng mga paraan para mapaunlad ang aking kahusayan, tinukoy ang aming mga isyu at paglihis, at iniulat ang mga ito sa lider ng pangkat sa tamang oras. Tinalakay ko rin sa lahat ang mga paraan para malutas ang mga problema. Kahit na mas nakakapagod magtrabaho sa ganitong paraan, mas payapa at mas magaan ang pakiramdam ko, dahil alam kong natupad ko na ang ilang responsabilidad ko.

Hindi nagtagal, nakita ng lider ng iglesia na medyo nagbago ako at inatasan niya akong mangasiwa sa isang proyekto ng video. Pinahahalagahan ko ang pagkakataong magawa ang tungkuling ito at gusto kong gawin ang lahat ng aking makakaya. Araw-araw kong aktibong kinukumusta ang gawain at tinitipon ang lahat ng paglihis na nararanasan namin. Kapag may napapansin akong mga isyu, naghahanap ako kaagad ng paraan para malutas ang mga ito at kung hindi ko malutas ang mga ito, sinasangguni at tinatalakay ko ang mga ito sa lider ng pangkat. Pero makalipas ang ilang panahon, nang magkamit kami ng ilang resulta sa aming gawain at humusay ang mga kasanayan ko, bumalik na naman ang dati kong katamaran. Naisip ko, “Sa mga araw na ito, nasa iskedyul lahat ang takbo ng gawain at walang malalaking isyu. Dapat akong magpahinga nang kaunti. Kung ganito karami ang ginagawa ko araw-araw at marami akong dapat alalahanin, sa huli ay hindi ko na ito kakayanin.” Sa sandaling naisip ko ito, naging tamad ako, muli ko na namang ginagawa lang ang mga bagay ayon sa iskedyul sa aking gawain, hindi na nag-aalala tungkol sa pagpapabuti ng mga kasanayan ko o paglutas ng mga isyu at paglihis, at hindi man lang nag-aabala na kumustahin ang mga kapatid sa sitwasyon ng kanilang gawain. Sa tuwing may libre akong oras, gusto ko lang magpahinga at kung minsan, habang gumagawa o pinag-aaralan ang mga teknikal na kasanayan, nanonood ako ng mga nakakatuwang video o drama para magpalipas ng oras. Bilang resulta, naantala ang mga video na pwede naman sanang matapos nang maaga at nagsimulang bumagsak ang mga resulta ng aming gawain. Noong mga araw na iyon, tulalang-tulala ako at magulo ang isip ko. Hindi ako nagkamit ng anumang liwanag kapag nagbabasa ng mga salita ng Diyos at nararamdaman kong nilulukob ako ng lungkot. Isa pa, kapag nananalangin ako sa Diyos, hindi ko maramdaman ang presensiya Niya. Kahit alam kong delikadong magpatuloy nang ganoon, hindi ko pa rin mapigilan ang sarili ko at talagang nasasaktan at nahihirapan ako. Noong panahong iyon, nakita ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Kung kaswal lang at walang pagpipigil ang pananalita at pag-uugali ng mga mananampalataya na tulad ng mga walang pananampalataya, mas buktot pa sila kaysa mga walang pananampalataya; sila ay napakatipikal na mga demonyo(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Isang Babala sa mga Hindi Nagsasagawa ng Katotohanan). Nadama kong para bang direkta akong inilalantad ng mga salita ng Diyos. Matagal na akong nananampalataya sa Diyos, pero nabigo pa rin akong asikasuhin ang mga tungkulin ko at naghanap ako ng mapaglilibangan kung kailan dapat ay nagtatrabaho ako, na hindi man lang nagpapakita ng sinseridad. Sa sekular na mundo, kailangang sumunod ng isang tao sa mga tuntuning itinakda ng kanyang kompanya, at habang nasa trabaho, kailangang gawin ng isang tao ang kanyang trabaho nang masigasig at hindi magpakatamad. Pero habang ginagawa ko ang tungkulin ko sa iglesia, wala man lang akong pangunahing pagpapahalaga sa responsabilidad, at basta-basta kong isinasantabi ang tungkulin ko para lang tugunan ang aking laman. Dahil walang pagpipigil at walang limitasyon akong kumilos, sa anong paraan ako karapat-dapat na talagang tawaging Kristiyano? Hindi man lang ako magaling sa pagtatrabaho sa aking tungkulin, lalong hindi nagagawa ang aking tungkulin sa paraang umaabot sa pamantayan. Kinamuhian ko ang sarili ko dahil sa pagbibigay-layaw sa aking laman—bakit wala akong kahit katiting na determinasyong maghimagsik laban dito? Naisip ko ang mga kapatid ko sa mainland Tsina, na nagtiis sa panganib na maaresto at mapahirapan ng CCP sa halip na talikdan ang kanilang mga tungkulin, samantalang ginagawa ko ang tungkulin ko sa isang malaya at demokratikong bansa, nagawang makatakas mula sa Tsina, at ni ayaw ko man lang pag-isipan nang mas mabuti ang gawain ko o magbayad ng halaga. Umaakto ako na parang isang lubos na walang kuwentang tao—wala akong kahit katiting na dignidad o pagkatao. Habang mas iniisip ko ito, mas lalo akong nahihiya na harapin ang mga kapatid, lalo pa ang harapin ang Diyos. At nagsimula akong magnilay-nilay, “Minsan na akong nabigo noon dahil sa pagbibigay-layaw sa aking laman at pag-iwas sa aking mga tungkulin. Bakit hindi ako natuto sa mga dati kong pagkakamali? Bakit ba napaka-iresponsable ko at pabagu-bago ang isip sa gawain ko?” Paulit-ulit akong nanalangin sa Diyos hinihiling sa Kanya na bigyang-liwanag at tanglawan ako para mahanap ko ang ugat ng aking isyu.

Isang araw, nakita ko ang mga siping ito ng mga salita ng Diyos: “Bakit laging walang disiplina at tamad ang mga tao, na para bang mga buhay na bangkay sila? Tinutukoy nito ang isyu sa kanilang kalikasan. May isang uri ng katamaran sa kalikasan ng tao. Anuman ang gampaning ginagawa ng mga tao, lagi nilang kailangan ng ibang tao para pangasiwaan at udyukan sila. Minsan, nagmamalasakit ang mga tao sa laman, nasasabik sa pisikal na kaginhawahan, at lagi silang may itinatabi para sa kanilang sarili—ang mga taong ito ay puno ng mga maladiyablong layunin at mga tusong pakana; talagang wala silang kuwenta. Hindi nila ginagawa palagi ang makakaya nila, kahit na mahalagang tungkulin ang kanilang ginagawa. Ito ay pagiging iresponsable at taksil. Sinabi Ko ang mga bagay na ito ngayon upang ipaalala sa inyo na huwag maging pasibo sa inyong gawain. Dapat makasunod kayo sa anumang sinasabi Ko(Ang Salita, Vol. V. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa 26). “Ang mga huwad na lider ay hindi gumagawa ng tunay na gawain, ngunit alam nila kung paano kumilos gaya ng isang opisyal. Ano ang unang bagay na ginagawa nila kapag nagiging lider sila? Ito ay ang kunin ang pabor ng mga tao. Ginagamit nila ang pamamaraang ‘Ang mga bagong opisyal ay sabik magpasikat’: Una ay gumagawa sila ng ilang bagay para magpalakas sa mga tao at nangangasiwa sila ng ilang bagay na nagpapabuti sa pang-araw-araw na kapakanan ng mga tao. Sinisikap muna nilang mag-iwan ng magandang impresyon sa mga tao, na maipakita sa lahat na kaayon sila ng masa, para purihin sila ng lahat at sabihin na ‘Kumikilos na parang isang magulang namin ang lider na ito!’ Pagkatapos ay opisyal na silang mamumuno. Pakiramdam nila ay taglay na nila ang popular na suporta at sigurado na ang kanilang posisyon; pagkatapos, nagsisimula silang magtamasa ng mga pakinabang ng katayuan na para bang nararapat iyon sa kanila. Ang kanilang mga kasabihan ay, ‘Ang buhay ay tungkol lamang sa pagkain at pananamit,’ ‘Maigsi ang buhay, kaya magpakasaya habang kaya,’ at ‘Magpakasaya ka na ngayon, bukas ka na mag-alala.’ Nagpapakaligaya sila sa bawat araw pagdating nito, nagpapakasaya sila hangga’t kaya nila, at hindi nila iniisip ang hinaharap, lalong hindi nila iniisip kung anong mga responsabilidad ang dapat tuparin ng isang lider at kung anong mga tungkulin ang dapat nilang gawin. Nangangaral sila ng ilang salita at doktrina at ginagawa ang ilang gawain para magpakitang-tao tulad ng nakagawian—hindi sila gumagawa ng anumang totoong gawain. Hindi nila tinutuklas ang mga totoong problema sa iglesia at lubos na nilulutas ang mga iyon, kaya ano ang silbi ng paggawa nila ng gayong mga paimbabaw na gampanin? Hindi ba’t mapanlinlang ito? Maipagkakatiwala ba ang mahahalagang gampanin sa ganitong uri ng huwad na lider? Naaayon ba sila sa mga prinsipyo at kondisyon ng sambahayan ng Diyos sa pagpili ng mga lider at manggagawa? (Hindi.) Walang anumang konsiyensya o katwiran ang mga taong ito, wala silang anumang pagpapahalaga sa responsabilidad, subalit nais pa rin nilang magkaroon ng posisyon bilang opisyal, na maging isang lider, sa iglesia—bakit masyado silang walang kahihiyan? Para sa ilang taong may pagpapahalaga sa responsabilidad, kung mahina ang kanilang kakayahan, hindi sila maaaring maging lider—maliban pa riyan ang mga taong walang silbi na wala talagang pagpapahalaga sa responsabilidad; lalong hindi sila kalipikadong maging mga lider. Gaano ba katamad ang gayong mga matakaw at batugang huwad na lider? Kahit may natuklasan silang isyu, at alam nila na isyu ito, hindi nila ito sineseryoso at hindi pinapansin. Napaka-iresponsable nila! Bagamat magaling silang magsalita at tila may kaunting kakayahan, hindi nila kayang lumutas ng iba’t ibang problema sa gawain ng iglesia, na humahantong sa biglaang paghinto ng gawain; patuloy na nagkakapatong-patong ang mga problema, pero hindi inaabala ng mga lider ang kanilang sarili tungkol sa mga ito, at iginigiit nilang isagawa ang ilang mababaw na gampanin gaya ng nakagawian na. At ano ang resulta sa huli? Hindi ba’t ginugulo nila ang gawain ng iglesia, hindi ba’t sinisira nila iyon? Hindi ba’t nagsasanhi sila ng kaguluhan at kawalan ng pagkakaisa sa iglesia? Ito ang hindi-maiiwasang kalalabasan(Ang Salita, Vol. V. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa 8). Sa pagninilay-nilay sa mga salita ng Diyos, napagtanto ko na ang dahilan kung bakit ako naging kampante at walang pagkukusa sa aking tungkulin ay iyong likas akong tamad at naghahanap ng kasiyahan. Puno ang isipan ko ng mga satanikong pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo tulad ng “Ang buhay ay tungkol lamang sa pagkain at pananamit,” “Magpakasaya ka na ngayon, bukas ka na mag-alala,” at “Kumain, uminom at magsaya, sapagkat maikli ang buhay.” Namuhay ako ayon sa mga satanikong maling paniniwala na ito, iniisip na sa buhay na ito sa lupa, dapat kong pasayahin ang sarili ko. Hindi ko mabigyang-katwiran ang patuloy na pagdurusa at pagkapagod. Bilang resulta, hindi ko nagawang magtiyaga sa anumang ginawa ko. Itinuring ko ang pinakamaliit na resulta sa gawain ko bilang kapital at naging kampante at masahol ako. Katulad lang ito noong mga taong nag-aaral pa ako: Sa tuwing nakakakuha ako ng matataas na marka at pinupuri ng mga guro at kaklase ko, ayaw ko nang patuloy na pag-isipang mabuti at pagsikapan ang pag-aaral ko at gusto ko na lang magsaya. Hindi ko na iniintinding makinig sa klase o gumawa ng aking takdang-aralin. Pero kapag nagsisimula nang maapektuhan ang mga grado ko at nagiging mas mahigpit sa akin ang mga magulang at guro ko, pinag-iibayo ko ang aking pag-aaral at nagsisikap hanggang sa muling tumaas ang mga grado ko, at sa pagkakataong iyon ay nagpapahinga na naman ako at gustong bumalik sa pagsasaya. Sa mga taong iyon, patuloy akong kinokontrol ng mga masahol na ideyang ito at naging mas lalong tamad, mas nasiraan ng loob at walang pagkukusa. Iresponsable at pabagu-bago ang isip ko sa lahat ng ginagawa ko, hindi handang magdusa o magbayad ng halaga at paunti-unti na ayaw nang magsikap sa aking tungkulin. Kapwa sa dati kong tungkulin bilang lider ng pangkat at sa kasalukuyan kong papel bilang miyembro ng pangkat na sumusuri sa pag-usad ng gawain, pareho akong tamad at walang pagkukusa. Binabawasan ko ang pagsisikap ko sa sandaling nagkakaroon ako ng mga resulta, at gustong magpahinga sa halip na magtrabaho para hindi ako mawalan at mapagod. Kahit alam na alam kong may mga isyu sa gawain, hindi ko nilulutas ang mga ito, mas pinipiling sayangin ang oras ko sa hindi mahahalagang libangan kaysa isakripisyo pa nang kaunti ang sarili ko at magbayad nang kaunti pang halaga para sa aking tungkulin. Sapat lang ang ginagawa ko para magpakitang-tao at malinlang at maiwasan ang lider ko. Napagtanto ko na hindi lang ako tamad, tuso at mapanlinlang din ako, wala akong ibang ninanais kundi ang mamuhay nang maalwan at maginhawa. Natamasa ko nang husto ang pagdidilig at panustos ng mga salita ng Diyos pati na ang malasakit at proteksyon ng Diyos, pero nabigo pa rin akong gawin kahit ang pinakamaliliit sa mga responsabilidad. Hindi ba’t isa lang akong walang silbi, isang linta sa iglesia? Nasaan ang pagkatao at katwiran ko? Naalala ko ang isang linya mula sa Bibliya na nagsasabing: “At ang kasaganaan ng mga hangal ang wawasak sa kanila” (Kawikaan 1:32). Kung hindi ako magsisisi, kahit na hindi ako itiwalag ng iglesia sa ngayon, sinusuri ng Diyos ang lahat ng bagay, at titigil ang Banal na Espiritu sa paggawa sa loob-loob ko. Sa malaon at madali ay ititiwalag ako.

Pagkatapos niyon, sa pamamagitan ng pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos, sinimulan kong baguhin ang saloobin ko sa aking tungkulin. Sabi ng mga salita ng Diyos: “Lubhang mahalaga kung paano mo itinuturing ang mga atas ng Diyos, at isa itong napakaseryosong bagay. Kung hindi mo kayang tapusin ang ipinagkatiwala ng Diyos sa mga tao, hindi ka angkop na mamuhay sa Kanyang presensiya at dapat kang parusahan. Ito ay talagang natural at makatuwiran na dapat tapusin ng mga tao ang anumang atas na ipinagkakatiwala ng Diyos sa kanila. Ito ang pinakamataas na responsabilidad ng tao, at kasinghalaga nito ang kanila mismong mga buhay. Kung hindi mo sineseryoso ang mga atas ng Diyos, ipinagkakanulo mo Siya sa pinakamalalang paraan. Sa ganito, mas kahabag-habag ka pa kaysa kay Hudas, at dapat na sumpain. Dapat matamo ng mga tao ang lubos na pagkaunawa sa kung paano tatratuhin ang ipinagkakatiwala ng Diyos sa kanila at, kahit papaano, dapat maunawaan nilang ang mga tagubiling ipinagkakatiwala Niya sa sangkatauhan ay mga pagtataas at natatanging pabor mula sa Diyos, at na ang mga ito ay mga pinakamaluwalhating bagay. Ang iba pang mga bagay ay maaari nang abandonahin. Kahit na kailangang isakripisyo ng isang tao ang kanyang sariling buhay, dapat pa rin niyang tuparin ang tagubilin ng Diyos(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Paano Malalaman ang Kalikasan ng Tao). “Dapat hangarin ng tao na isabuhay ang isang makabuluhang buhay, at hindi dapat masiyahan na lamang sa kanyang kasalukuyang mga kalagayan. Upang maisabuhay ang imahe ni Pedro, dapat niyang taglayin ang kaalaman at mga karanasan ni Pedro. Dapat hangarin ng tao ang mga bagay na mas matatayog at mas malalalim. Dapat niyang hangarin ang isang mas malalim, mas dalisay na pagmamahal sa Diyos, at isang buhay na may kabuluhan at kahulugan. Ito lamang ang buhay; sa ganito lamang magiging katulad kay Pedro ang tao. Dapat kang tumuon sa maagap na pagpasok sa positibong panig, at huwag pasibong hayaan ang iyong sarili na mas lumalala para lang sa pagkakaroon ng pansamantalang ginhawa habang binabalewala ang mas malalim, mas detalyado, at mas praktikal na mga katotohanan. Dapat kang magtaglay ng praktikal na pagmamahal, at dapat kang humanap ng mga paraan upang mapalaya ang iyong sarili mula sa masama at walang-pakialam na pamumuhay na walang pinagkaiba sa paraan ng pamumuhay ng isang hayop. Dapat mong isabuhay ang isang buhay na may kahulugan, isang buhay na may kabuluhan, at hindi mo dapat linlangin ang iyong sarili o ituring ang iyong buhay na parang isang laruan na dapat paglaruan. Para sa bawat isa na naghahangad na ibigin ang Diyos, walang katotohanang hindi matatamo at walang katarungan na hindi nila mapaninindigan. Paano ka ba dapat mamuhay? Paano mo ba dapat ibigin ang Diyos, at gamitin ang pag-ibig na ito para tugunan ang Kanyang mga layunin? Wala nang mas mahalagang bagay sa iyong buhay. Higit sa lahat, ikaw ay dapat magkaroon ng ganitong mga adhikain at pagtitiyaga, at hindi dapat maging tulad ng mga hindi makapanindigan. Dapat mong matutunan kung paano maranasan ang isang makahulugang buhay, at maranasan ang makahulugang mga katotohanan, at hindi dapat ituring ang iyong sarili nang pabasta-basta sa ganitong paraan(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Karanasan ni Pedro: Ang Kanyang Kaalaman sa Pagkastigo at Paghatol). Sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos napagtanto ko na ang halaga at kahulugan ng buhay ay matatagpuan sa pagtupad ng tungkulin bilang isang nilikha. Kung palagi kang naghahanap ng kaginhawahan at kaalwanan, walang pagkukusa at pabaya sa iyong mga tungkulin, isa itong pagkakanulo sa Diyos, at isinusumpa at kinasusuklaman Niya ang gayong pag-uugali. Naisip ko kung paanong masigasig na hinangad ni Pedro na mahalin at palugurin ang Diyos sa buong buhay niya, palaging mahigpit na iniaayon ang sarili niya sa mga salita ng Diyos at sinusubukang magpabuti. Palagi niyang sinisikap na isagawa ang katotohanan at palugurin ang Diyos, sa huli ay ipinako siya nang patiwarik para sa Diyos at nagbigay ng isang matunog na patotoo. Tapos, nandiyan si Noe. Matapos tanggapin ang atas ng Diyos, nagtrabaho siya sa loob ng 120 taon para itayo ang arka, hindi tumitigil kahit na nahaharap sa hindi mabilang na paghihirap at matitinding pagdurusa, walang katapusang nagsusumikap hanggang sa matapos ang arka. Habang ikinukumpara ko ang sarili ko sa kung paano tinrato nina Noe at Pedro ang Diyos at ang kanilang tungkulin, nakaramdam ako ng sobrang hiya. Napagtanto ko na kapwa ako makasarili at tamad at walang kahit katiting na pagkatao. Wala akong ni kaunting pagpapahalaga sa responsabilidad sa aking tungkulin, pabaya ako, at nagpapaliban ng gawain. Sa sandaling dumarami ang ipinapagawa sa akin o nagiging abala ang gawain, nagsisimula akong magreklamo na napapagod ako at nagpapakatamad at nagpapalayaw ng aking laman kahit na hinihimok ako. Wala man lang akong may-takot-sa-Diyos na puso. Sa paraan ng paggawa ko sa mga bagay, sa huli ay ipapahamak ko lang ang sarili ko. Pero lagi kong iniisip na tama ako at nasisiyahan na sa pinakamaliit na pagsisikap. Napakamanhid ko, napakahangal at napakamangmang! Kahit na ginagawa ko ang tungkulin ko sa ganitong paraan, binigyan pa rin ako ng Diyos ng mga pagkakataong magsisi. Hindi ko puwedeng patuloy na saktan ang damdamin ng Diyos sa pamamagitan ng pagkamasahol. Kaya’t nanalangin ako sa Diyos, sinasabing, “Mahal na Diyos, nakikilala ko na ang kalikasan ko ay tamad at wala akong pagkatao. Ayaw kong patuloy na mamuhay nang ganito. Gusto kong taimtim na hangarin ang katotohanan at tuparin ang tungkulin ko. Suriin Mo sana ang puso ko.”

Mula noon, naglaan ako ng mas maraming oras at lakas sa tungkulin ko, at bagama’t puno ang iskedyul ko bawat araw, naglalaan pa rin ako ng kaunting oras para mag-aral at pagbutihin ang mga teknikal kong kasanayan. Regular din akong nagbubuod ng mga problema at paglihis sa gawain ko at walang tigil na nagsusumikap na pagbutihin ang mga kasanayan ko. Pagtagal-tagal, nagsimula akong makakuha ng mas magagandang resulta sa mga video na ginawa ko. Napansin ko na kapag ibinabahagi ko ang natutunan ko sa aking mga kapatid, tila nakakatulong din ito sa kanila. Talagang payapa at magaan ang pakiramdam ko. Medyo mas matrabaho na gawin ang tungkulin ko sa ganitong paraan, at mas kaunti ang oras para magpahinga, pero hindi ako nakaramdam ng pagod o na parang nagdurusa ako. Sa katunayan, pakiramdam ko ay mas malinaw ang isip ko—hindi katulad dati na dumadaan ang mga araw na magulo at lumilipad ang isip ko. Naging mas madali ring makita ang anumang problema sa gawain namin at sa pamamagitan ng pakikipagbahaginan sa aking mga kapatid at ng kaliwanagan at gabay ng Diyos, nalutas namin ang maraming isyu sa tamang oras. Pero dahil masyado akong nagawang tiwali ni Satanas, ang mga ideya ng katamaran nito ay nakakaapekto pa rin sa akin paminsan-minsan. Kapag nagsisimula akong makakuha ng magagandang resulta, medyo nagiging kampante na naman ako at gusto kong bigyang-layaw ang aking laman. Minsan, habang sinusuri ang isa sa mga video namin, napansin kong may lumabas na pelikulang aksyon sa feed ko. Naisip ko: “Sobrang nakaka-stress sa gawain kamakailan—hindi masama kung manonood ako nang kaunti at magpapahinga.” Habang nanonood ako, bigla kong napagtanto na bumalik na naman ako sa dati kong masasamang gawi. Nakita ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Gusto mong maging pabasta-basta kapag ginagampanan mo ang iyong tungkulin. Sinusubukan mong magpakatamad, at sinusubukang iwasan ang masusing pagsisiyasat ng Diyos. Sa gayong mga pagkakataon, magmadali kang lumapit sa Diyos para manalangin, at pagnilay-nilayan mo kung tama bang kumilos nang ganito. Tapos, pag-isipan mo ito: ‘Bakit ba ako nananampalataya sa Diyos? Maaaring makalusot sa mga tao ang gayong pagpapabasta-basta, pero makakalusot ba ito sa Diyos? Dagdag pa rito, nananampalataya ako sa Diyos hindi para magpakatamad—ito ay para maligtas. Ang pagkilos ko nang ganito ay hindi pagpapahayag ng normal na pagkatao, ni hindi ito kaibig-ibig sa Diyos. Hindi, maaaring magpakatamad ako at gawin ang gustuhin ko sa mundo sa labas, pero nasa sambahayan ng Diyos na ako ngayon, nasa ilalim na ako ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, at nasa ilalim ng masusing pagsisiyasat ng mga mata ng Diyos. Isa akong tao, dapat akong kumilos ayon sa aking konsensiya, hindi ko maaaring gawin kung ano lang ang maibigan ko. Dapat akong kumilos ayon sa mga salita ng Diyos, hindi ako dapat maging pabasta-basta, hindi ako maaaring magpakatamad. Kaya paano dapat ako kumilos para hindi maging tamad, para hindi maging pabasta-basta? Dapat magsikap ako. Ngayon-ngayon lang, pakiramdam ko ay napakamatrabaho nitong gawin nang ganito, gusto ko sanang umiwas sa paghihirap, pero ngayon nauunawaan ko na: Maaaring matrabaho itong gawin nang ganoon, pero epektibo ito, kaya naman ganoon ito dapat gawin.’ Kapag gumagawa ka at natatakot ka pa ring mahirapan, sa mga pagkakataong iyon, dapat manalangin ka sa Diyos: ‘O Diyos! Tamad at tuso akong tao, nagsusumamo ako sa Iyo na disiplinahin ako, na pagalitan ako, upang makaramdam ang konsensiya ko, at makaramdam ako ng kahihiyan. Ayaw kong maging pabasta-basta. Nagsusumamo ako sa Iyo na gabayan Mo ako at bigyan ako ng kaliwanagan, na ipakita sa akin ang aking paghihimagsik at kapangitan.’ Kapag nananalangin ka nang gayon, nagninilay-nilay at sinusubukang kilalanin ang iyong sarili, dahil dito ay uusbong ang pakiramdam ng pagsisisi, at magagawa mong kapootan ang iyong kapangitan, at ang maling kalagayan sa iyong puso ay magsisimulang magbago, at magagawa mong pagbulay-bulayan ito at sabihin sa iyong sarili, ‘Bakit ako pabasta-basta? Bakit lagi kong sinusubukang magpakatamad? Ang kumilos nang ganito ay walang anumang konsensiya o katwiran—isa pa rin ba akong taong nananampalataya sa Diyos? Bakit hindi ko sineseryoso ang mga bagay-bagay? Hindi ba’t kailangan ko lang maglaan nang kaunti pang panahon at pagsisikap? Hindi naman ito mabigat na pasanin. Ito ang nararapat kong gawin; kung hindi ko man lang ito magagawa, karapat-dapat ba akong tawaging isang tao?’ Bunga nito, magpapasya at mangangako ka: ‘O Diyos! Nabigo Kita, tunay ngang lubos akong nagawang tiwali, wala akong konsensiya o katwiran, wala akong pagkatao, gusto ko sanang magsisi. Nagsusumamo ako na patawarin Mo ako, talagang magbabago ako. Kung hindi ako magsisisi, parusahan Mo ako.’ Pagkatapos nito, magbabago ang iyong pag-iisip, at magsisimula kang magbago. Kikilos at gaganap ka ng iyong mga tungkulin nang may katapatan, nang hindi na masyadong pabasta-basta, at magagawa mo nang magdusa at magbayad ng halaga. Mararamdaman mong napakasarap gawin ang iyong tungkulin sa ganitong paraan, at ang iyong puso ay magkakaroon ng kapayapaan at kagalakan. Kapag kayang tanggapin ng mga tao ang pagsusuri ng Diyos, kapag kaya nilang manalangin sa Kanya at umasa sa Kanya, magbabago ang kanilang kalagayan sa madaling panahon(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Pagpapahalaga sa mga Salita ng Diyos ang Pundasyon ng Pananampalataya sa Diyos). Matapos pagnilayan ang mga salita ng Diyos, nakahanap ako ng landas ng pagsasagawa. Likas akong tamad, mas gusto ko ang kaginhawahan at paglilibang, at hindi ako handang magdusa. Hindi ko malulutas ang isyung ito nang sarili ko lang; kailangan kong manalangin at umasa sa Diyos at tanggapin ang Kanyang pagsisiyasat. Sa susunod na gusto kong bigyang-layaw ang aking laman at manlinlang o magpakatamad, dapat akong manalangin kaagad sa Diyos at hilingin sa Kanya na disiplinahin at ituwid ako. Saka lang ako makakapaghimagsik laban sa aking laman at magagawa nang maayos ang aking tungkulin. Kaya sinabi ko sa Diyos sa panalangin ang tungkol sa kalagayan ko at hiniling ko sa Kanya na disiplinahin ako. Pagkatapos kong magdasal, kumalma ako at nagpatuloy sa pagrerepaso sa video, maingat na isinasaalang-alang ang mga prinsipyo at naghahanap ng nauugnay na impormasyon. Habang pinag-iisipan ko ang gawain ko, nararamdaman ko ang patnubay ng Diyos at mabilis kong natukoy ang mga isyu sa video at nakaisip ako ng paraan para malutas ang mga ito.

Sa pamamagitan ng karanasang iyon, nagkaroon ako ng higit na pananalig sa pagharap sa aking katamaran. Nakita ko na kailangan ko lang talagang umasa sa Diyos at tanggapin ang Kanyang pagsisiyasat sa aking gawain. Kung magsisimula na naman akong bigyang-layaw ang aking laman, maaari akong manalangin at umasa sa Diyos para sadyang pigilan ang sarili ko. Sa ganoong paraan, magkakaroon ako ng lakas na mapagtagumpayan ang aking katamaran at mapayapang gawin ang aking tungkulin. Sa mga araw na ito, bagama’t madalas pa rin akong nagpapakita ng mga kaisipan at ideya para sa kaginhawahan at kaalwanan, alam ko na hangga’t sinusunod ko ang mga salita ng Diyos at walang tigil na isinasagawa at pumapasok sa mga ito, siguradong malilinis at mababago ang mga tiwaling disposisyong ito.

Sinundan:  10. Ipinahamak Ako ng Pagkukunwaring Nakakaintindi

Sumunod:  12. Ang Aking Mahirap na Landas Tungo sa Maayos na Pakikipagtulungan

Kaugnay na Nilalaman

69. Pagbabalik sa Tamang Daan

Ni Chen Guang, USASabi ng Makapangyarihang Diyos, “Ang paglilingkod sa Diyos ay hindi simpleng gawain. Ang mga hindi nagbabago ang tiwaling...

45. Pamumuhay sa Harap ng Diyos

Ni Yongsui, South KoreaSabi ng Makapangyarihang Diyos, “Upang makapasok sa realidad, kailangang ibaling ng isang tao ang lahat sa tunay na...

Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos Ukol sa Pagkakilala sa Diyos Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw Paglalantad sa mga Anticristo Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ang Paghatol ay Nagsisimula sa Tahanan ng Diyos Mahahalagang Salita Mula sa Makapangyarihang Diyos, ang Cristo ng mga Huling Araw Araw-araw na mga Salita ng Diyos Ang Mga Katotohanang Realidad na Dapat Pasukin ng mga Mananampalataya sa Diyos Sundan ang Kordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin Mga Gabay para sa Pagpapalaganap ng Ebanghelyo ng Kaharian Naririnig ng mga Tupa ng Diyos ang Tinig ng Diyos Makinig sa Tinig ng Diyos Masdan ang Pagpapakita ng Diyos Mahahalagang Tanong at Sagot tungkol sa Ebanghelyo ng Kaharian Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume I) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume II) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume III) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IV) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume V) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VI) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VIII) Paano Ako Bumalik sa Makapangyarihang Diyos

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito

Connect with us on Messenger